12. Paano ba magagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin nang pasok sa pamantayan

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Kaugnay ng sapat na pagtupad ng tungkulin, ang diin ay nasa salitang “sapat.” Kaya, paano dapat bigyang-kahulugan ang “sapat”? Dito, gayundin, ay may mga katotohanang dapat hanapin. Sapat na ba ang makagawa lang ng kapasa-pasang trabaho? Para sa partikular na mga detalye kung paano unawain at ituring ang salitang “sapat,” dapat mong maunawaan ang maraming katotohanan at higit pang magbahagi sa katotohanan. Sa pagtupad ng iyong tungkulin, dapat mong maunawaan ang katotohanan at ang mga prinsipyo nito; saka mo lang mararating ang sapat na pagtupad ng tungkulin. Bakit dapat tuparin ng mga tao ang kanilang mga tungkulin? Sa sandaling nanampalataya sila sa Diyos at tinanggap na ang Kanyang tagubilin, ang mga tao ay may kani-kanilang responsabilidad at obligasyon sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa lugar ng gawain ng Diyos, at, kaya naman, dahil sa pananagutan at obligasyong ito, naging bahagi na sila sa gawain ng Diyos, isa sa mga tatanggap ng gawain ng Diyos, at isa sa mga tatanggap ng Kanyang pagliligtas. Mayroon talagang malaking ugnayan sa pagitan ng pagliligtas sa mga tao at kung paano nila ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, kung mahusay ba nilang nagagawa ang mga ito, at kung nagagawa ba nila nang sapat ang mga ito. Yamang naging bahagi ka na ng sambahayan ng Diyos at tinanggap ang Kanyang tagubilin, mayroon ka na ngayong tungkulin. Hindi para sa iyo ang sabihin kung paano dapat gampanan ang tungkuling ito; nasa Diyos ito para sabihin; nasa katotohanan ito para sabihin; at idinidikta ito ng mga pamantayan ng katotohanan. Samakatuwid, dapat malaman, maunawaan, at malinawan ang mga tao kung paano sinusukat ng Diyos ang mga tungkulin ng mga tao, batay saan Niya sinusukat ang mga ito—ito ay isang kapaki-pakinabang na bagay na hanapin. Sa gawain ng Diyos, nakatatanggap ang iba’t ibang tao ng iba’t ibang tungkulin. Ibig sabihin, ang mga tao na may iba’t ibang kaloob, kakayahan, edad, at kondisyon ay nakatatanggap ng iba’t ibang tungkulin sa iba’t ibang panahon. Ano pa mang tungkulin ang iyong natanggap, at ano pa mang oras o kalagayan mo ito natanggap, ang iyong tungkulin ay isa lamang responsabilidad at obligasyon na dapat mong gampanan, hindi mo ito sariling proyekto, lalong hindi mo rin ito negosyo. Ang pamantayang hinihingi ng Diyos para sa pagtupad mo ng iyong tungkulin ay na ito ay “sapat.” Ano ang ibig sabihin ng “sapat”? Ibig sabihin ay matugunan ang mga hinihingi ng Diyos at mapalugod Siya. Dapat sabihin ng Diyos na ito ay sapat at dapat matanggap nito ang Kanyang pagsang-ayon. Saka pa lang na ang pagtupad mo ng iyong tungkulin ay magiging sapat. Kung sasabihin ng Diyos na hindi ito sapat, gaano mo man katagal nang isinasakatuparan ang iyong tungkulin, o gaano mang halaga ang binayaran mo, hindi ito sapat. Ano ang magiging resulta? Uuriin itong lahat bilang pagtatrabaho. Iilang trabahador lang na may tapat na puso ang maililigtas. Kung hindi sila tapat sa kanilang pagtatrabaho, wala silang pag-asang maililigtas. Sa madaling salita, mawawasak sila sa isang sakuna. Kung hindi kailanman natutugunan ng isang tao ang pamantayan kapag gumaganap ng kanyang tungkulin, kukunin ang kanyang karapatang gumanap ng tungkulin. Pagkatapos kunin ang karapatang ito, ang ilang tao ay isasantabi. Pagkatapos isantabi, aasikasuhin sila sa ibang paraan. Ang ibig sabihin ba ng “aasikasuhin sa ibang paraan” ay ititiwalag? Hindi naman ganoon. Ang pangunahing tinitingnan ng Diyos ay kung nagsisi ang isang tao. Samakatuwid, kung paano mo ginagampanan ang tungkulin mo ay mahalaga, at dapat tratuhin ito ng mga tao nang seryoso at tapat. Dahil ang pagganap sa iyong tungkulin ay direktang nauugnay sa iyong buhay pagpasok at pagpasok sa mga katotohanang realidad, gayundin sa malalaking isyu tulad ng iyong kaligtasan at pagpeperpekto, dapat mong tratuhin ang pagganap ng iyong tungkulin bilang una at pinakamahalagang gawain habang nananalig sa Diyos. Hindi maaaring naguguluhan ka tungkol dito.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?

Dapat maunawaan ng lahat ng nananalig sa Diyos ang mga layunin Niya. Tanging ang mga gumaganap nang maayos sa mga tungkulin nila ang makakapagpalugod sa Diyos, at sa pamamagitan lang ng pagtupad sa atas ng Diyos magiging kasiya-siya ang pagganap ng isang tao sa kanyang tungkulin. May isang pamantayan para sa pagsasakatuparan ng atas ng Diyos. Sinabi ng Panginoong Jesus: “Iibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo.” Ang “pag-ibig sa Diyos” ay isang aspekto ng hinihingi ng Diyos sa mga tao. Saan dapat ipamalas ang hinihinging ito? Na dapat mong tapusin ang atas ng Diyos. Sa praktikal na pananalita, ito ay pagtupad ng iyong tungkulin nang maayos bilang isang tao. Kaya ano ang pamantayan para sa pagtupad nang maayos sa iyong tungkulin? Hinihingi ng Diyos na gampanan mo ang iyong tungkulin bilang isang nilikha nang buong puso, kaluluwa, isipan, at lakas mo. Dapat madali lang itong maunawaan. Para maabot ang hinihingi ng Diyos, pangunahin mong kailangang ilagay ang puso mo sa iyong tungkulin. Kung kaya mong ilagay ang puso mo rito, magiging madali para sa iyong kumilos nang buong kaluluwa mo, nang buong isipan mo, at nang buong lakas mo. Kung gagampanan mo ang iyong tungkulin sa pamamagitan lang ng pagsandig sa mga imahinasyon ng iyong isipan, at sa pagsandig sa iyong mga kaloob, maaabot mo ba ang mga hinihingi ng Diyos? Tiyak na hindi. Kaya, ano ang pamantayan na dapat maabot para matupad ang atas ng Diyos, at para magampanan ang iyong tungkulin nang tapat at maayos? Ito ay ang gampanan mo ang iyong tungkulin nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong isipan mo, at nang buong lakas mo. Kung susubukan mong gampanan nang maayos ang iyong tungkulin nang walang mapagmahal-sa-Diyos na puso, hindi ito uubra. Kung ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso ay lumagong lalo pang mas malakas at mas totoo, likas mong magagawang gampanan ang iyong tungkulin nang maayos, nang buong kaluluwa mo, nang buong isipan mo, at nang buong lakas mo. Buong puso mo, buong kaluluwa mo, buong isipan mo, buong lakas mo—ang “buong lakas mo” ang huli; ang “buong puso mo” ang una. Kung hindi mo ginagawa ang iyong tungkulin nang buong puso mo, paano mo ito gagawin nang buong lakas mo? Kaya ang simpleng pagsubok na gawin ang iyong tungkulin nang buong lakas mo ay hindi magkakamit ng anumang resulta—o kahit makakaabot man sa mga prinsipyo. Ano ang pinakamahalagang bagay na hinihingi ng Diyos? (Nang buong puso ng isang tao.) Anuman ang tungkulin o bagay na ipinagkakatiwala ng Diyos sa iyo, kung ikaw ay nagpapakapagod lang, nagiging abala, at nagsisikap, maaari ka bang umayon sa mga katotohanang prinsipyo? Maaari ka bang kumilos nang naaayon sa mga layunin ng Diyos? (Hindi.) Paano ka makakaayon sa mga layunin ng Diyos? (Nang buong puso namin.) Madaling sabihin ang mga salitang “nang buong puso mo,” at madalas itong sinasabi ng mga tao, kaya paano mo ito gagawin nang buong puso mo? Sinasabi ng ilang tao, “Ito ay kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay nang may kaunti pang pagsisikap at sinseridad, mas mag-isip pa, huwag hayaan ang anumang bagay na punuin ang isipan mo, at ituon lang ang pansin sa kung paano gagawin ang atas na gawain, hindi ba?” Ganyan ba iyan kasimple? (Hindi.) Kaya pag-usapan natin ang ilang pangunahing prinsipyo ng pagsasagawa. Ayon sa mga prinsipyong karaniwan ninyong isinasagawa o naoobserbahan, ano dapat ang una ninyong gagawin para magawa ang mga bagay-bagay nang buong puso ninyo? Dapat gamitin ninyo ang buong isipan ninyo, gamitin ang inyong lakas, at ilagay ang inyong puso sa paggawa ng mga bagay-bagay, at huwag maging pabasta-basta. Kung hindi kaya ng isang taong gawin ang mga bagay-bagay nang buong puso niya, nawala na ang puso niya, na tulad ng pagkawala ng kaluluwa ng isang tao. Ang kaisipan niya ay maliligaw habang nagsasalita siya, hindi niya kailanman ilalagay ang puso niya sa paggawa ng mga bagay-bagay, at magiging wala siyang ingat anuman ang ginagawa niya. Dahil dito, hindi niya magagawang pangasiwaan ang mga bagay-bagay nang maayos. Kung hindi mo ginagampanan ang tungkulin mo nang buong puso mo at hindi mo inilalagay ang buong puso mo rito, gagampanan mo nang hindi maayos ang tungkulin mo. Kahit ilang taon mong gampanan ang tungkulin mo, hindi mo ito magagawa nang sapat. Wala kang magagawang anumang bagay nang maayos kung hindi mo ilalagay rito ang puso mo. Ang ilang tao ay mga hindi masigasig na manggagawa, palagi silang pabago-bago at kapritsoso, masyadong mataas ang mithiin nila, at hindi nila alam kung saan nila iniwan ang puso nila. May puso ba ang gayong mga tao? Paano ninyo masasabi kung may puso ang isang tao o wala? Kung madalang magbasa ng mga salita ng Diyos ang isang taong nananalig sa Diyos, may puso ba siya? Kung hindi sila kailanman nananalangin sa Diyos anuman ang nangyayari, may puso ba siya? Kung hindi niya kailanman hinahanap ang katotohanan anuman ang mga paghihirap na hinaharap niya, may puso ba siya? Ang ilang tao ay gumaganap sa mga tungkulin nila nang maraming taon nang walang nakukuhang anumang malinaw na resulta, may puso ba sila? (Wala.) Maayos bang magagampanan ng mga taong walang puso ang kanilang mga tungkulin? Paano magagampanan ng mga tao ang mga tungkulin nila nang buong puso nila? Una sa lahat, dapat ninyong isipin ang responsabilidad. “Ito ang aking responsabilidad, kailangan ko itong pasanin. Hindi ako pwedeng tumakas ngayon kung kailan ako pinakakailangan. Dapat kong gawin nang maayos ang tungkulin ko at magbibigay ako ng ulat sa Diyos tungkol dito.” Ibig sabihin nito ay mayroon kang teoretikal na batayan. Pero ang simpleng pagkakaroon ba ng teoretikal na batayan ay nangangahulugang ginagawa ninyo ang tungkulin ninyo nang buong puso ninyo? (Hindi.) Malayo pa rin kayo sa pagtupad sa mga hinihingi ng Diyos sa pagpasok sa katotohanang realidad at sa paggawa ng inyong tungkulin nang buong puso ninyo. Kaya, ano ang ibig sabihin ng gawin ang inyong tungkulin nang buong puso ninyo? Paano magagawa ng mga tao ang kanilang mga tungkulin nang buong puso nila? Una sa lahat, kailangan ninyong isipin, “Para kanino ko ba ginagawa ang tungkuling ito? Ginagawa ko ba ito para sa Diyos, o sa iglesia, o sa ilang tao?” Dapat maging malinaw ito. Gayundin: “Sino ang nag-atas ng tungkuling ito sa akin? Ang Diyos ba, o isang lider o ang iglesia?” Kailangan din itong maging malinaw. Maaaring tila isang maliit na bagay lang ito, ngunit gayunman, kailangang hanapin ang katotohanan para lutasin ito. Sabihin ninyo sa Akin, isang lider o manggagawa ba, o isang iglesia, ang nag-atas sa inyo ng tungkulin ninyo? (Hindi.) Mabuti iyan, basta’t sigurado ka sa puso mo tungkol dito. Dapat mong pagtibayin na ang Diyos ang nag-atas sa iyo ng tungkulin mo. Maaaring tila ito ay ibinigay sa iyo ng isang lider ng iglesia, pero sa katunayan, ang lahat ng ito ay galing sa pagsasaayos ng Diyos. Maaaring may mga panahon kung kailan malinaw na galing ito sa kalooban ng tao, pero kahit noon pa man, dapat mo muna itong tanggapin sa Diyos. Iyan ang tamang paraan para maranasan ito. Kung tatanggapin mo ito sa Diyos, at kusa kang magpapasakop sa pagsasaayos Niya, at lalapit ka para tanggapin ang atas Niya—kung dadanasin mo ito gaya niyan, sasaiyo ang gabay at gawain ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ba Talaga ang Inaasahan ng mga Tao Para Mabuhay?

Magkapareho ang mga prinsipyong kailangan mong maunawaan at ang mga katotohanang kailangan mong isagawa anuman ang tungkuling iyong ginagampanan. Hinilingan ka mang maging isang lider o manggagawa, o nagluluto ka man ng mga putahe bilang punong-abala, o kung hinilingan ka mang asikasuhin ang ilang panlabas na usapin o gumawa ng pisikal na gawain, ang mga katotohanang prinsipyo na dapat sundin sa pagganap ng iba’t ibang tungkuling ito ay magkakapareho, dahil kailangang nakabatay ang mga ito sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos. Ano kung gayon ang pinakamalaki at pangunahin sa mga prinsipyong ito? Ito ay ang ilaan ang puso, isipan, at pagsisikap ng isang tao sa pagganap ng kanyang tungkulin nang mabuti, at gampanan ito nang abot sa kinakailangang pamantayan. Upang magampanan mo nang mabuti ang iyong tungkulin at magampanan mo ito nang katanggap-tanggap, kailangan mong malaman kung ano ba ang tungkulin. Ano nga ba talaga ang tungkulin? Sarili mo bang karera ang tungkulin? (Hindi.) Kung tatratuhin mo ang tungkulin bilang sarili mong karera, magiging handang igugol ang lahat ng iyong pagsisikap upang magawa ito nang mabuti, upang makita ng iba kung gaano ka katagumpay at katanyag, sa pag-iisip na binibigyan nito ng kabuluhan ang iyong buhay, iyon ba ang tamang pananaw? (Hindi.) Saan nagkakamali ang pananaw na ito? Nagkakamali ito sa pagturing sa atas ng Diyos bilang sariling proyekto ng isang tao. Bagaman mukhang katanggap-tanggap ito para sa mga tao, para sa Diyos, ito ay pagtahak sa maling landas, paglabag sa mga katotohanang prinsipyo, at kinokondena Niya ito. Ang tungkulin ay kailangang magampanan alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo upang makaayon sa mga layunin ng Diyos. Ang pagsalungat sa mga katotohanang prinsipyo at sa halip ay pagkilos ayon sa mga kagustuhan ng tao ay makasalanan. Lumalaban ito sa Diyos at humihingi ng kaparusahan. Ito ang kapalaran ng mga hangal at walang-alam na taong hindi tumatanggap sa katotohanan. Dapat na maging malinaw sa mga taong sumasampalataya sa Diyos kung ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Kailangang maging malinaw ang pangitaing ito. Pag-usapan muna natin kung ano ang tungkulin. Hindi mo sariling operasyon, sariling karera, o sariling gawain ang isang tungkulin; gawain ito ng Diyos. Hinihingi ang iyong pakikipagtulungan sa gawain ng Diyos, na siyang humahantong sa iyong tungkulin. Ang bahagi ng gawain ng Diyos na dapat makipagtulungan ng tao ay ang kanyang tungkulin. Bahagi ng gawain ng Diyos ang tungkulin—hindi mo ito karera, hindi mo mga gawaing bahay at hindi mo rin pansariling alalahanin sa buhay. Ang iyong tungkulin ay paghawak man sa panlabas o panloob na gawain, kailanganin man itong pag-isipan o pagtrabahuhan, ito ang tungkuling nararapat mong gampanan, ito ang gawain ng iglesia, bumubuo ito sa isang bahagi ng plano ng pamamahala ng Diyos, at ito ay tagubiling ibinigay sa iyo ng Diyos. Hindi mo ito pansariling gawain. Kung gayon, paano mo dapat tratuhin ang iyong tungkulin? Kahit paano, hindi mo dapat gampanan ang iyong tungkulin ayon sa anumang paraang gusto mo, hindi ka dapat kumilos nang walang ingat. Halimbawa, kung ikaw ang nangangasiwa sa paghahanda ng pagkain para sa iyong mga kapatid, iyon ay ang tungkulin mo. Paano mo dapat tratuhin ang trabahong ito? (Dapat kong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo.) Paano mo hahanapin ang mga katotohanang prinsipyo? May kinalaman ito sa realidad at sa katotohanan. Kailangan mong pag-isipan kung paano isasagawa ang katotohanan, kung paano gagampanan nang mabuti ang tungkuling ito, at kung aling mga aspeto ng katotohanan ang nakapaloob sa tungkuling ito. Ang unang hakbang, una sa lahat, ay kailangan mong malaman na, “Hindi ako nagluluto para sa sarili ko. Tungkulin ko ang ginagawa kong ito.” Ang aspektong nakapaloob dito ay pangitain. Paano naman ang ikalawang hakbang? (Kailangan kong pag-isipan kung paano lulutuin nang maayos ang pagkain.) Ano ang pamantayan para sa pagluluto nang maayos? (Kailangan kong hanapin ang mga hinihingi ng Diyos.) Tama iyan. Tanging ang mga hinihingi ng Diyos ang katotohanan, ang pamantayan, at ang prinsipyo. Ang pagluluto alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos ay isang aspeto ng katotohanan. Una sa lahat ay kailangan mong isaalang-alang ang aspetong ito ng katotohanan, at pagkatapos ay pag-isipan na, “Ibinigay sa akin ng Diyos ang tungkuling ito upang gampanan ko. Ano ang pamantayang hinihingi ng Diyos?” Ang saligang ito ay kinakailangan. Kung gayon ay paano ka dapat magluto upang maabot mo ang pamantayan ng Diyos? Ang pagkaing lulutuin mo ay dapat na masustansya, masarap, malinis, at hindi nakasasama sa katawan—ang mga ito ang mga detalyeng nakapaloob. Basta’t magluluto ka alinsunod sa prinsipyong ito, ang pagkaing lulutuin mo ay maihahanda alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos. Bakit Ko ito sinasabi? Dahil hinanap mo ang mga prinsipyo ng tungkuling ito at hindi ka lumagpas sa saklaw na itinakda ng Diyos. Ito ang tamang paraan ng pagluluto. Nagawa mo na nang mabuti ang iyong tungkulin, at nagawa mo ito nang katanggap-tanggap.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang ng mga Katotohanang Prinsipyo Magagampanan Nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin

Anumang tungkulin ang iyong ginagampanan, kailangan mong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, unawain ang mga layunin ng Diyos, alamin kung ano ang Kanyang mga hinihingi sa tungkuling iyon at unawain kung ano ang dapat mong maisakatuparan sa pamamagitan ng tungkuling iyon. Sa paggawa lamang niyon mo maisasagawa ang iyong trabaho ayon sa prinsipyo. Sa pagganap sa iyong tungkulin, hindi ka talaga maaaring sumunod sa iyong personal na mga kagustuhan, ginagawa ang anumang gusto mong gawin, anuman na magiging masaya kang gawin, o anumang makakaganda sa iyo. Ito ay pagkilos alinsunod sa sariling kagustuhan ng isang tao. Kung umaasa ka sa sarili mong personal na mga kagustuhan sa pagganap sa iyong tungkulin, na iniisip na ito ang hinihingi ng Diyos, at na ito ang magpapasaya sa Diyos, at kung sapilitan mong iginigiit ang iyong personal na mga kagustuhan sa Diyos o isinasagawa ang mga iyon na para bang ang mga iyon ang katotohanan, na inoobserbahan ang mga ito na para bang ang mga ito ang mga katotohanang prinsipyo, hindi ba ito isang pagkakamali? Hindi ito paggampan sa iyong tungkulin, at ang pagganap sa iyong tungkulin sa ganitong paraan ay hindi maaalala ng Diyos. Hindi nauunawaan ng ibang tao ang katotohanan, at hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng tuparin nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Sa tingin nila, nagsikap na sila at ibinigay na nila rito ang kanilang puso, naghimagsik na sila laban sa kanilang laman at nagdusa na sila, kaya bakit kung gayon, hindi nila kailanman matupad nang katanggap-tanggap ang kanilang tungkulin? Bakit palaging hindi nasisiyahan ang Diyos? Saan nagkamali ang mga taong ito? Ang pagkakamali nila ay na hindi nila hinahanap ang mga hinihingi ng Diyos, at sa halip ay kumikilos sila ayon sa mga sarili nilang ideya—ito ang dahilan. Itinuring nilang katotohanan ang mga sarili nilang hangarin, kagustuhan, at mga makasariling motibo, at itinuring nila ang mga ito na para bang ang mga ito ang gustung-gusto ng Diyos, na para bang ang mga ito ang Kanyang mga pamantayan at hinihingi. Itinuring nilang katotohanan ang pinaniwalaan nilang tama, mabuti, at maganda; mali ito. Ang totoo, kahit maaaring iniisip minsan ng mga tao na tama ang isang bagay at na umaayon ito sa katotohanan, hindi ito agad nangangahulugan na umaayon ito sa mga layunin ng Diyos. Habang mas iniisip ng mga tao na tama ang isang bagay, lalo dapat silang maging maingat at lalo nilang dapat hanapin ang katotohanan upang makita kung natutugunan ng iniisip nila ang mga hinihingi ng Diyos. Kung sumasalungat ito mismo sa Kanyang mga hinihingi at sa Kanyang mga salita, hindi ito katanggap-tanggap, kahit pa iniisip mong tama ito, isa lamang itong kaisipan ng tao, at hindi ito aayon sa katotohanan gaano mo man naiisip na tama ito. Kung tama ba o mali ang isang bagay ay kailangang tukuyin batay sa mga salita ng Diyos. Gaano mo man naiisip na tama ang isang bagay, mali ito at kailangan mo itong iwaksi, maliban na lang kung may basehan ito sa mga salita ng Diyos. Katanggap-tanggap lamang ito kapag nakaayon ito sa katotohanan, at magiging katanggap-tanggap lamang ang pagganap mo sa iyong tungkulin kung itataguyod mo nang ganito ang mga katotohanang prinsipyo.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang ng mga Katotohanang Prinsipyo Magagampanan Nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin

Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, dapat mong suriin palagi ang iyong sarili upang makita kung ginagawa mo ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo, kung ang pagganap mo sa iyong tungkulin ay abot sa pamantayan, kung ginagawa mo lamang ang mga iyon nang paimbabaw o hindi, kung nasubukan mo nang iwasan ang iyong mga responsabilidad, at kung may anumang mga problema sa iyong pag-uugali at sa paraan ng iyong pag-iisip. Sa sandaling nakapagnilay-nilay ka na at naging malinaw sa iyo ang mga bagay na ito, magiging mas madali ang pagtupad mo sa iyong tungkulin. Anuman ang maranasan mo habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin—pagiging negatibo at mahina, o pagkakaroon ng masamang lagay ng loob matapos kang pungusan—dapat mo itong tratuhin nang maayos, at kailangan mo ring hanapin ang katotohanan at unawain ang mga layunin ng Diyos. Sa paggawa ng mga bagay na ito, magkakaroon ka ng isang landas sa pagsasagawa. Kung nais mong maging maganda ang iyong trabaho sa pagganap sa iyong tungkulin, kailangan ay huwag kang paapekto sa lagay ng loob mo. Gaano man ka-negatibo o kahina ang iyong nararamdaman, dapat mong isagawa ang katotohanan sa lahat ng iyong ginagawa, nang may ganap na kahigpitan, at pagsunod sa mga prinsipyo. Kung gagawin mo ito, hindi ka lamang sasang-ayunan ng ibang tao, kundi magugustuhan ka rin ng Diyos. Sa gayon, ikaw ay magiging isang taong responsable at bumabalikat ng pasanin; magiging isa kang tunay na mabuting tao na talagang gumagampan sa iyong mga tungkulin nang abot sa pamantayan at lubos na isinasabuhay ang wangis ng isang tunay na tao. Ang gayong mga tao ay pinadadalisay at nagkakamit ng tunay na pagbabago kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at masasabing matapat sa mga mata ng Diyos. Matatapat na tao lamang ang kayang magtiyaga sa pagsasagawa ng katotohanan at nagtatagumpay sa pagkilos nang may prinsipyo, at maaaring gampanan ang kanilang mga tungkulin na abot sa pamantayan. Ang mga taong kumikilos nang may prinsipyo ay ginagampanan nang maigi sa kanilang mga tungkulin kapag maganda ang lagay ng loob nila; hindi sila nagtatrabaho lamang nang pabasta-basta, hindi sila mayabang at hindi nagpapasikat para tumaas ang tingin sa kanila ng iba. Kapag masama ang lagay ng loob nila, nagagawa nilang tapusin ang kanilang pang-araw-araw na mga gawain nang gayon din kasigasig at karesponsable, at kahit nagdaranas sila ng isang bagay na nakakasama sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, o na medyo gumigipit sa kanila o gumugulo sa kanila habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, nagagawa pa rin nilang manahimik sa harap ng Diyos at manalangin, na sinasabing, “Gaano man kalaki ang problema ko—kahit bumagsak pa ang kalangitan—basta’t ako ay buhay, determinado akong gawin ang lahat para tuparin ko ang aking tungkulin. Bawat araw na nabubuhay ako ay isang araw na dapat kong gampanan nang maayos ang aking tungkulin, nang sa gayon ako ay karapat-dapat sa tungkuling ito na ipinagkaloob sa akin ng Diyos, gayundin sa hiningang ito na ipinasok Niya sa aking katawan. Gaano man ako nahihirapan, isasantabi ko ang lahat ng iyon, sapagkat ang pagtupad sa aking tungkulin ang pinakamahalaga!” Yaong mga hindi apektado ng sinumang tao, anumang kaganapan, bagay, o kapaligiran, na hindi napipigilan ng anumang pakiramdam o sitwasyon sa labas, at inuuna sa lahat ang kanilang mga tungkulin at atas na naipagkatiwala sa kanila ng Diyos—sila ang mga taong matapat sa Diyos at tunay na nagpapasakop sa Kanya. Ang ganitong mga tao ay nakamtan na ang pagpasok sa buhay at nakapasok na sa katotohanang realidad. Ito ay isa sa pinakatotoo at pinakapraktikal na mga pagpapahayag ng pagsasabuhay ng katotohanan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpasok sa Buhay ay Nagsisimula sa Pagganap ng Tungkulin

Mahigpit na ipinagbabawal ang basta lamang iraos ang mga bagay-bagay. Kung palagi mong iniraraos lang ang iyong tungkulin, hindi mo magagampanan ang tungkulin mo nang pasok sa pamantayan. Kung gusto mong gampanan ang tungkulin mo nang may katapatan, dapat mo munang ayusin ang problema mo na iniraraos lang ang tungkulin. Dapat kang gumawa ng mga hakbang para itama ang sitwasyon sa sandaling mapansin mo ito. Kung magulo ang isip mo, hindi kailanman nakakapansin sa mga problema, palaging iniraraos lang ang gawain, at pabasta-basta lang na ginagawa ang mga bagay-bagay, imposibleng magagawa mo nang maayos ang iyong tungkulin. Kaya, dapat palagi mong isapuso ang tungkulin mo. Napakahirap dumating ng pagkakataong ito sa mga tao! Kapag binibigyan sila ng Diyos ng pagkakataon, ngunit hindi nila ito sinusunggaban, nawawala ang pagkakataong iyon—at kahit na sa kalaunan, naisin nilang makahanap ng ganoong pagkakataon, maaring hindi na iyon muling dumating. Ang gawain ng Diyos ay hindi naghihintay sa sinuman, at hindi rin naghihintay sa sinuman ang mga pagkakataon para gawin ang tungkulin ng isang tao. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ko ginampanan nang maayos ang tungkulin ko dati, ngunit ngayon ay nais ko pa rin itong gampanan. Dapat subukan ko na lang muli.” Kahanga-hangang magkaroon ng ganitong kapasyahan, pero dapat maging malinaw sa iyo kung paano gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, at dapat kang magsikap tungo sa katotohanan. Tanging ang mga nakakaunawa sa katotohanan ang makagagampan nang maayos sa kanilang tungkulin. Ang mga hindi nakakaunawa sa katotohanan ay hindi kwalipikado kahit magtrabaho man lang. Kapag mas malinaw sa iyo ang katotohanan, mas nagiging epektibo ka sa iyong tungkulin. Kung nakikita mo ang totoong sitwasyon ng isang bagay, magsusumikap ka tungo sa katotohanan, at may pag-asang magampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin. Kakaunti ang mga oportunidad sa ngayon para gumanap sa isang tungkulin, kaya dapat mong sunggaban ang mga iyon kung kaya mo. Kapag naharap ka sa isang tungkulin, doon ka mismo dapat magsumikap; doon mo dapat ialay ang sarili mo, gugulin ang sarili mo para sa Diyos, at doon mo kinakailangang magbayad ng halaga. Huwag kang maglihim, magkimkim ng anumang mga pakana, maging maluwag, o magpalusot. Kung ikaw ay nagiging maluwag, tuso, o madaya at taksil, malamang na hindi maging maganda ang trabaho mo. Ipagpalagay na sabihin mong, “Walang nakakita na nandaya ako. Ang galing!” Anong klaseng pag-iisip ito? Akala mo ba nalinlang mo ang mga tao, at pati na ang Diyos? Ngunit sa totoo lang, alam ba ng Diyos kung ano ang nagawa mo o hindi? Alam Niya. Sa katunayan, malalaman ng sinumang nakikipag-ugnayan sa iyo sa maikling panahon ang iyong katiwalian at kasamaan, at bagama’t hindi nila iyon sasabihin nang tahasan, susuriin ka nila sa kanilang puso. Marami nang taong nabunyag at naitiwalag dahil napakaraming iba pa ang nakaunawa sa mga ito. Nang mahalata ng lahat ang diwa ng mga ito, inilantad nila ang tunay na pagkatao ng mga taong iyon at pinatalsik ang mga ito. Kaya, hinahangad man nila ang katotohanan o hindi, dapat gawin nang maayos ng mga tao ang kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya; dapat nilang gamitin ang kanilang konsiyensiya sa paggawa ng mga praktikal na bagay. Maaaring mayroon kang mga depekto, ngunit kung kaya mong maging epektibo sa pagganap sa iyong tungkulin, hindi ka ititiwalag. Kung lagi mong iniisip na ayos ka lang, na nakatitiyak kang hindi ka ititiwalag, kung hindi ka pa rin nagninilay o nagsisikap na kilalanin ang iyong sarili, at binabalewala mo ang iyong mga wastong gawain, kung palagi kang pabaya, kapag talagang nawalan na ng pasensya sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos, ilalantad nila ang iyong tunay na pagkatao, at malamang talaga na ititiwalag ka. Iyon ay dahil nahalata ka na ng lahat at nawalan ka na ng dangal at integridad. Kung walang nagtitiwala sa iyo, maaari ka bang pagtiwalaan ng Diyos? Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao: Talagang hindi Niya mapagkakatiwalaan ang gayong tao. Kung hindi mapagkakatiwalaan ang isang tao, kahit ano ang mangyari, huwag ipagkatiwala sa kanya ang isang gampanin. Kung hindi mo kilala ang isang tao, o narinig mo lang ang sabi ng ibang tao na magaling naman ang taong ito sa kanyang ginagawa, pero sa puso mo ay hindi ka isang daang porsyentong sigurado, ang magagawa mo lang ay bigyan muna siya ng maliit na gampanin—isang gampaning hindi mahalaga. Kung maayos siyang gumagawa sa ilang maliit na gampanin, maaari mo na siyang bigyan ng karaniwang gampanin. At kapag matagumpay siya sa gampaning iyon ay saka mo lang siya dapat bigyan ng isang mahalagang gampanin. Kung pumalpak siya sa karaniwang gampanin, hindi maaasahan ang taong ito. Malaki o maliit man ang isang gampanin, hindi ito maaaring ipagkatiwala sa kanya. Kapag may napansin kang isang taong mabait at responsable, hindi kailanman iniraos lang ang tungkulin, tinatrato niya ang mga gawaing ipinagkatiwala ng iba sa kanya bilang sarili niyang gawain, isinasaalang-alang ang bawat aspeto ng gampanin, iniisip ang mga pangangailangan mo, kinokonsidera ang bawat anggulo, mabusisi at pinangangasiwaan niya nang tama ang mga bagay-bagay, kaya lubos kang nasisiyahan sa kanyang gawain—ang ganitong uri ng tao ang mapagkakatiwalaan. Ang mga taong mapagkakatiwalaan ay mga taong may pagkatao, at ang mga taong may pagkatao ay nagtataglay ng konsiyensiya at katwiran, at tiyak na napakadali para sa kanila ang gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, dahil itinuturing nila ang kanilang tungkulin bilang kanilang obligasyon. Ang mga taong walang konsiyensiya o katwiran ay malamang na hindi gagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, at wala silang pagpapahalaga sa responsabilidad sa kanilang tungkulin kahit ano pa ito. Kailangan ay lagi silang inaalala ng iba, pinangangasiwaan sila, at kinukumusta ang kanilang pag-usad; kung hindi, maaaring magulo ang mga bagay-bagay habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, at maaaring may mangyaring mali habang ginagawa nila ang isang gampanin, na mas makagugulo kaysa makatutulong.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpasok sa Buhay ay Nagsisimula sa Pagganap ng Tungkulin

Upang magawa sa tamang pamantayan ang iyong tungkulin, kailangan mo munang magkaroon ng wastong mentalidad. Kapag nabubunyag ang iyong tiwaling disposisyon, kailangan mo ring ayusin ang sarili mong kalagayan. Kapag nagawa mong tratuhin nang tama ang iyong tungkulin, kapag naiwaksi mo na ang mga hadlang at impluwensiya ng lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, kapag lubusan ka nang nakakapagpasakop sa Diyos, kung gayon ay magagawa mo na nang maayos ang iyong tungkulin. Ang sikreto sa paggawa nito ay ang laging unahin ang iyong tungkulin at responsabilidad. Sa proseso ng paggawa ng iyong tungkulin, dapat palagi mong suriin ang iyong sarili: “Mayroon ba akong pabasta-bastang ugali sa paggawa ng tungkulin ko? Anong mga bagay ang gumugulo sa akin at nagiging dahilan para pabasta-basta kong gawin ng aking tungkulin? Ginagawa ko ba ang tungkulin ko nang may buong puso at lakas? Magtitiwala ba sa akin ang Diyos kung kikilos ako nang ganito? Ganap na bang mapagpasakop ang puso ko sa Diyos? Ang pagggawa ba ng tungkulin ko sa ganitong paraan ay naaayon sa mga prinsipyo? Magkakamit ba ng pinakamagagandang resulta ang paggawa ko ng tungkulin ko sa ganitong paraan?” Dapat madalas mong pagnilayan ang mga katanungang ito. Kapag nakatuklas ka ng mga problema, dapat aktibo mong hangarin ang katotohanan, at hanapin ang mga nauugnay na salita ng Diyos para malutas ang mga ito. Sa gayon, magagawa mo nang maayos ang tungkulin mo, at mapapayapa at magagalak ang puso mo. Kung madalas lumilitaw ang mga problema habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, kung saan karamihan sa mga ito ay nagmumula sa mga problema sa mga layunin mo—ang mga ito ay mga problema ng isang tiwaling disposisyon. Kapag nabubunyag ang tiwaling disposisyon ng isang tao, magkakaroon sila ng mga problema sa puso nila at hindi magiging normal ang kalagayan nila, na direktang makakaapekto sa kanilang abilidad na gawin ang kanilang tungkulin. Ang mga problemang nakakaapekto sa abilidad ng isang tao na gawin ang kanyang tungkulin ay malalaki at mabibigat na problema; direkta itong makakaapekto sa kanilang ugnayan sa Diyos. Halimbawa, ang ilang tao ay nagkakaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos kapag tinatamaan ng mga sakuna ang mga pamilya nila. Ang ilang tao ay nagiging negatibo kapag nagpapasan sila ng mga paghihirap sa kanilang mga tungkulin, walang nakakakita rito o pumupuri sa kanila. Ang ilang tao ay hindi ginagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, palaging pabasta-basta, at nagrereklamo sila laban sa Diyos kapag pinupungusan sila. Ang ilang tao ay hindi handang gawin ang kanilang tungkulin dahil palagi silang naghahanap ng daan na matatakasan. Direktang nakakaapekto ang lahat ng problemang ito sa isang normal na ugnayan sa Diyos. Ang lahat ng ito ay mga problema ng isang tiwaling disposisyon. Lahat ito ay nagmumula sa katunayang hindi kilala ng mga tao ang Diyos, na palagi silang nagpapakana at nagsasaalang-alang ng kanilang sarili, na pumipigil sa kanila na maging mapagsaalang-alang sa mga layunin Diyos o maging magpasakop sa mga plano ng Diyos. Nagbubunga ito ng lahat ng uri ng negatibong emosyon. Ganito talaga ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan. Kapag nangyayari sa kanila ang maliliit na problema, nagiging negatibo sila at mahina, naghihimutok sila sa kanilang pagkabigo sa kanilang tungkulin, naghihimagsik at lumalaban sila sa Diyos, at gusto nilang bitiwan ang kanilang mga responsabilidad at ipagkanulo ang Diyos. Ang lahat ng bagay na ito ay ang iba’t ibang kahihinatnan na dulot ng mga pagpigil ng isang tiwaling disposisyon. Ang taong nagmamahal sa katotohanan ay nagagawang isantabi ang kanyang sariling buhay, kinabukasan, at kapalaran, at nais lamang niyang hangarin at kamtin ang katotohanan. Iniisip niya na wala nang sapat na oras, natatakot siyang hindi niya magagawa nang maayos ang kanyang tungkulin, at na hindi siya magagawang perpekto, kaya’t nagagawa niyang isantabi ang lahat. Ang kanyang mentalidad ay ang bumaling lang at magpasakop sa Diyos. Hindi siya natatakot sa anumang paghihirap, at kung negatibo o mahina ang pakiramdam niya, likas niyang nilulutas ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng ilang sipi mula sa mga salita ng Diyos. Ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay mga naguguluhan, at paano ka man magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi nila nagagawang ganap na lutasin ang mga problema nila. Kahit na saglit silang natatauhan at nagagawa nilang tanggapin ang katotohanan, kalaunan ay bumabalik pa rin sila sa dati, kaya napakahirap pangasiwaan ang ganitong uri ng tao. Hindi sa hindi nila nauunawaan ang anumang bagay sa katotohanan, kundi dahil sa hindi nila pinahahalagahan o tinatanggap ang katotohanan sa puso nila. Sa huli, dahil dito ay hindi nila maisantabi ang sarili nilang kalooban, pagkamakasarili, kinabukasan, kapalaran, at hantungan, na palaging umuusbong para guluhin sila. Kung nagagawang tanggapin ng isang tao ang katotohanan, kung gayon ay habang nauunawaan niya ang katotohanan, ang lahat ng bagay na nabibilang sa isang tiwaling disposisyon ay likas na maglalaho, at magkakaroon siya ng pagpasok sa buhay at tayog; hindi na siya magiging isang mangmang na bata. Kapag may tayog ang isang tao, lalago nang lalago ang pagkaunawa niya sa mga bagay-bagay, mas lalo niyang makikilatis ang lahat ng uri ng tao, at hindi siya mapipigilan ng sinumang tao, pangyayari, o bagay. Hindi siya maiimpluwensiyahan ng anumang sasabihin o gagawin ng sinuman. Hindi siya sasailalim sa panghihimasok ng masasamang puwersa ni Satanas, o maililigaw o magugulo ng mga huwad na lider at anticristo. Kung mangyayari ito, hindi ba’t unti-unting lalago ang tayog ng isang tao? Kapag mas nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, mas mabilis na uusad ang buhay niya, at magiging madali para sa kanya na matagumpay na magawa ang kanyang tungkulin at makapasok sa katotohanang realidad. Kapag mayroon kang pagpasok sa buhay at unti-unting lumalago ang buhay mo, magiging mas normal ang kalagayan mo. Hindi ka na mamomroblema sa mga tao, pangyayari, at bagay na minsang nakagulo o nakapigil sa iyo. Hindi ka na mahihirapan sa paggawa ng iyong tungkulin, at magiging mas normal ang ugnayan mo sa Diyos. Kapag marunong kang umasa sa Diyos, kapag alam mo kung paano hangarin ang mga layunin ng Diyos, kapag alam mo kung saan ka nabibilang, kapag alam mo kung ano ang dapat at hindi mo dapat gawin, at kung sa aling mga bagay mo kinakailangang umako ng responsabilidad o hindi, hindi ba’t mas magiging normal ang kalagayan mo? Hindi ka papagurin ng pamumuhay nang ganito, hindi ba? Hindi ka lamang hindi mapapagod, makararamdam ka rin ng labis na kaalwanan at kaligayahan. Hindi ba’t mapupuno ng liwanag ang puso mo dahil dito? Magiging normal ang mentalidad mo, mababawasan ang mga pagpapakita ng iyong tiwaling disposisyon, at makapamumuhay ka sa presensiya ng Diyos, maisasabuhay mo ang normal na pagkatao. Kapag nakita ng mga tao ang mentalidad mo, iisipin nilang nagkaroon ng malaking pagbabago sa iyo. Magiging handa silang makipagbahaginan sa iyo, makararamdam ng kapayapaan at kagalakan sa puso nila, at makikinabang din sila. Habang lumalago ang tayog mo, magiging mas wasto at may prinsipyo ang pananalita at mga kilos mo. Kapag nakakita ka ng mga taong mahina at negatibo, mabibigyan mo sila ng malaking tulong—nang hindi sila pinipigilan o sinesermunan, bagkus ay ginagamit mo ang sarili mong mga tunay na karanasan para sila ay matulungan at makinabang. Sa ganitong paraan, hindi mo lang gugugulin ang sarili mo sa sambahayan ng Diyos, magiging kapaki-pakinabang ka ring tao, magagawa mong umako ng responsabilidad, at makagagawa ka ng mas makabuluhang mga bagay sa sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t ito ang uri ng tao na gusto ng Diyos? Kung isa kang taong gusto ng Diyos, hindi ba’t magugustuhan ka rin ng lahat? (Magugustuhan ka nila.) Bakit nasisiyahan ang Diyos sa ganitong tao? Dahil nakagagawa siya ng mga praktikal na bagay sa harapan ng Diyos, hindi siya madaling mabola, pinangangasiwaan niya ang mga praktikal na bagay, at nagagawa niyang tumulong at mamuno sa iba sa pamamagitan ng pagsasalita tungkol sa kanyang tunay na mga karanasan. Nagagawa niyang tulungan ang iba na malutas ang anumang problema, at kapag may mga suliranin sa gawain ng iglesia, nagagawa niyang pangunahan ang daan pasulong, nang aktibong nilulutas ang mga problema. Ito ang ibig sabihin ng tapat na paggawa sa kanilang tungkulin.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpasok sa Buhay ay Nagsisimula sa Pagganap ng Tungkulin

Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isaalang-alang ang mga interes ng tao, at huwag isipin ang iyong sariling pagpapahalaga sa sarili, reputasyon, at katayuan. Kailangan mo munang isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at magsimula sa pagkonsidera kung mayroon ba o walang karumihan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging tapat, kung natupad ang iyong mga pananagutan, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Kung madalas mong isipin ang mga ito at intindihin ang mga ito, magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kung mahina ang iyong kakayahan, kung mababaw ang iyong karanasan, o kung hindi ka bihasa sa iyong mga propesyunal na gawain, kung gayon ay maaaring may ilang pagkakamali o kakulangan sa iyong gawain, at maaaring hindi ka makakuha ng magagandang resulta—ngunit nagawa mo ang lahat ng iyong makakaya. Hindi mo binibigyang-kasiyahan ang iyong mga makasariling paghahangad o kagustuhan. Sa halip, binibigyan mo ng palagiang pagsasaalang-alang ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Bagama’t maaaring hindi ka makapagkamit ng magagandang resulta sa iyong tungkulin, naituwid naman ang puso mo; kung, dagdag pa rito, kaya mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problema sa iyong tungkulin, maaabot mo ang pamantayan sa pagganap mo sa iyong tungkulin, at, kasabay nito, magagawa mong pumasok sa katotohanang realidad. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng patotoo.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon

Sa pasimula, ang mga tao ay atubiling magsagawa ng katotohanan. Gawing halimbawa ang matapat na paggampan sa mga tungkulin: May kaunti kang pagkaunawa sa paggampan sa iyong mga tungkulin at pagiging matapat sa Diyos, at mayroon ka ring kaunting pagkaunawa sa katotohanan, subalit kailan mo magagawang maging ganap na matapat? Kailan mo magagawang gampanan ang iyong mga tungkulin sa ngalan at gawa? Mangangailangan ito ng proseso. Sa prosesong ito, maaaring dumanas ka ng maraming hirap. Maaaring pungusan ka ng ilang tao, maaaring punahin ka ng iba. Matutuon ang lahat ng mata sa iyo, susuriin ka ng mga ito, at doon mo lamang masisimulang matanto na ikaw ay nasa mali at na ikaw ang nakagawa nang hindi maayos, na hindi katanggap-tanggap ang kakulangan ng katapatan sa paggampan sa iyong tungkulin, at hindi ka dapat maging pabasta-basta! Liliwanagan ka ng Banal na Espiritu mula sa loob, at sasawayin ka kapag ikaw ay nagkamali. Sa prosesong ito, mauunawaan mo ang ilang mga bagay tungkol sa iyong sarili, at malalaman mo na masyado kang maraming karumihan, nagkikimkim ka ng napakaraming personal na motibo, at may napakaraming walang habas na pagnanais habang ginagampanan ang iyong mga tungkulin. Sa sandaling naunawaan mo na ang diwa ng mga bagay na ito, kung makakaya mo nang lumapit sa Diyos sa panalangin at magkaroon ng tunay na pagsisisi, malilinis sa iyo ang mga tiwaling bagay na iyon. Kung, sa ganitong paraan, madalas mong hinahanap ang katotohanan upang malutas ang iyong mga sariling praktikal na problema, unti-unting tatapak ka sa tamang landas ng pananampalataya; magsisimula kang magkaroon ng mga tunay na karanasan sa buhay, at magsisimulang unti-unting madalisay ang iyong tiwaling disposisyon. Kapag mas nadadalisay ang iyong tiwaling disposisyon, mas magbabago ang iyong buhay disposisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao

Kung gusto mong umabot ang pagganap ng iyong mga tungkulin sa pamantayan, dapat maisakatuparan mo muna ang maayos na pakikipagtulungan habang ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin. Sa kasalukuyan ay may ilang tao nang nagsasagawa ng maayos na pakikipagtulungan. Pagkatapos maunawaan ang katotohanan, kahit na hindi nila nagagawang ganap na isagawa ang katotohanan, at kahit na may mga kabiguan, kahinaan, at paglihis habang kinahaharap ito, nagsisikap pa rin sila tungo sa mga katotohanang prinsipyo. Kaya, may pag-asa silang maisasakatuparan ang maayos na pakikipagtulungan. Halimbawa, minsan maaaring iniisip mong tama ang iyong ginagawa, subalit may kakayahan kang hindi maging mapagmagaling. Maaari kang makipagtalakayan sa iba at makipagbahaginan tungkol sa mga katotohanang prinsipyo nang magkakasama hanggang maging malinaw at maliwanag ang mga ito, para nauunawaan ng lahat, at nagkakasundo na maisasakatuparan ng paggawa nito ang pinakamahusay na resulta. Gayundin, na hindi ito tataliwas sa mga prinsipyo, na isinasaalang-alang nito ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, pangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa pinakamataas na antas na posible. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Bagaman ang huling resulta ay hindi palaging tulad ng iyong inisip, ang landas, direksiyon, at layunin ng iyong pagsasagawa ay tama. Kaya paano ito nakikita ng Diyos? Paano tinutukoy ng Diyos ang bagay na ito? Sasabihin ng Diyos na ang pagtupad mo ng iyong tungkulin ay sapat.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?

Ano ang dapat gawin ng isang tao para magampanan niya nang mabuti ang kanyang tungkulin? Dapat niya itong magampanan nang buong puso at buong lakas. Ang ibig sabihin ng paggamit ng buong puso at buong lakas ng isang tao ay pagtuon ng buong isip niya sa pagganap sa kanyang tungkulin at hindi pagpapahintulot na maging abala siya sa ibang bagay, at pagkatapos ay paggamit sa lakas na taglay niya, paggugol sa buong lakas niya, at pagdadala ng kakayahan, mga kaloob, mga kalakasan niya, at ng mga bagay na kanyang naunawaan para gamitin sa gawain. Kung may abilidad kang umunawa at umintindi, at mayroon kang magandang ideya, dapat mong kausapin ang iba tungkol doon. Ito ang ibig sabihin ng maayos na pakikipagtulungan. Ganito mo magagampanan nang mabuti ang iyong tungkulin, ganito mo makakamit ang katanggap-tanggap na pagganap ng iyong tungkulin. Kung nais mo palaging akuin ang lahat ng bagay nang mag-isa, kung gusto mo palaging gumawa ng malalaking bagay nang mag-isa, kung gusto mo palaging nasa iyo ang atensyon at hindi sa iba, ginagampanan mo ba ang iyong tungkulin? Ang ginagawa mo ay tinatawag na paghahari-harian; pagpapakitang-gilas iyon. Satanikong pag-uugali iyon, hindi pagganap sa tungkulin. Walang sinuman, anuman ang kanyang mga kalakasan, mga kaloob, o espesyal na mga talento, ang kayang umako sa lahat ng gawain nang mag-isa; dapat siyang matutong makipagtulungan nang maayos kung nais niyang magawa nang mabuti ang gawain ng iglesia. Iyon ang dahilan kung bakit ang maayos na pakikipagtulungan ay isang prinsipyo ng pagsasagawa ng pagganap sa tungkulin ng isang tao. Basta’t ginagamit mo ang iyong buong puso at buong lakas at buong katapatan, at inaalay ang lahat ng kaya mong gawin, ginagampanan mo nang mabuti ang iyong tungkulin. Kung mayroon kang saloobin o ideya, sabihin mo ito sa iba; huwag mo itong pigilan o itago—kung mayroon kang mga mungkahi, ibigay mo ang mga ito; kung kaninong ideya ang alinsunod sa katotohanan ay dapat tanggapin at sundin. Gawin mo ito, at makakamit mo ang maayos na pakikipagtulungan. Ito ang ibig sabihin ng tapat na pagganap sa tungkulin ng isang tao. Sa pagganap sa iyong tungkulin, hindi hinihingi sa iyo na akuin ang lahat nang mag-isa, ni hindi hinihingi sa iyo na magpakamatay sa katatrabaho, o maging “ang tanging bulaklak na namumukadkad” o taong mapagsarili; bagkus, hinihingi sa iyong matutuhan kung paano makipagtulungan nang maayos sa iba, at gawin ang lahat ng makakaya mo, para tuparin ang mga responsabilidad mo, para ibuhos ang buong lakas mo. Iyon ang ibig sabihin ng pagganap sa iyong tungkulin. Ang pagganap sa iyong tungkulin ay paggamit sa lahat ng lakas at liwanag na taglay mo upang magkamit ng isang resulta. Sapat na iyon. Huwag mong palaging subukang magpasikat, palaging magsabi ng matatayog na bagay, at gawin ang mga bagay-bagay nang mag-isa. Dapat matutuhan mo kung paano makipagtulungan sa iba, at dapat mas tumuon ka sa pakikinig sa mga mungkahi ng iba at pagtuklas sa kanilang mga kalakasan. Sa ganitong paraan, magiging madali ang pakikipagtulungan nang maayos. Kung palagi mong sinusubukan na magpasikat at ikaw ang masunod, hindi ka nakikipagtulungan nang maayos. Ano ang ginagawa mo? Nagdudulot ka ng kaguluhan at nangmamaliit ng iba. Ang pagdudulot ng kaguluhan at pangmamaliit ng iba ay pagganap sa papel ni Satanas; hindi iyon pagganap ng tungkulin. Kung palagi kang gumagawa ng mga bagay na nagdudulot ng kaguluhan at nangmamaliit ka ng iba, gaano man katinding pagsisikap ang gugulin mo o pag-iingat ang gawin mo, hindi iyon maaalala ng Diyos. Maaaring hindi ka gaanong malakas, ngunit kung may kakayahan kang makipagtulungan sa iba, at nagagawa mong tumanggap ng angkop na mga mungkahi, at kung tama ang iyong mga motibasyon, at napoprotektahan mo ang gawain ng sambahayan ng Diyos, isa kang tamang tao. Kung minsan, sa iisang pangungusap, nalulutas mo ang isang problema at nakikinabang ang lahat; kung minsan, matapos kang magbahagi sa iisang pahayag ng katotohanan, lahat ay nagkakaroon ng isang landas ng pagsasagawa, at nagagawang sama-samang magtulungan nang maayos, at lahat ay nagpupunyagi sa iisang mithiin, at magkakapareho ng mga pananaw at opinyon, kaya partikular na epektibo ang gawain. Kahit marahil ay walang makaalala na ikaw ang gumanap sa papel na ito, at hindi mo marahil maramdaman na gumawa ka ng malaking pagsisikap, makikita ng Diyos na ikaw ay taong nagsasagawa ng katotohanan, isang taong kumikilos ayon sa mga prinsipyo. Aalalahanin ng Diyos ang paggawa mo nito. Tinatawag itong tapat na pagganap sa iyong tungkulin. Anuman ang mga paghihirap na mayroon ka sa pagganap sa iyong tungkulin, ang totoo ay lahat ng ito ay madaling malutas. Hangga’t ikaw ay isang taong matapat na may pusong nakasandig sa Diyos, at kaya mong hanapin ang katotohanan, walang problema na hindi kayang lutasin. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, dapat kang matutong sumunod. Kung may sinumang nakauunawa sa katotohanan o nagsasalita alinsunod sa katotohanan, dapat mong tanggapin ito at sundin. Sa anumang paraan ay hindi ka dapat gumawa ng mga bagay na nakagagambala o nakakapagpahina, at hindi ka dapat kumilos o magdesisyon nang mag-isa. Sa ganitong paraan, wala kang magagawang masama. Tandaan mo: Ang pagganap sa iyong tungkulin ay hindi pagsasagawa ng sarili mong mga negosyo o sarili mong pamamahala. Hindi mo ito personal na gawain, gawain ito ng iglesia, at nag-aambag ka lamang ng mga kalakasang taglay mo. Ang ginagawa mo sa gawain ng pamamahala ng Diyos ay maliit na bahagi lamang ng kooperasyon ng tao. Maliit na papel lamang ang ginagampanan mo sa isang sulok. Iyan ang responsabilidad na pinapasan mo. Sa puso mo, mayroon ka dapat nitong katwiran. Kaya nga, ilang tao man ang sama-samang gumagampan ng kanilang tungkulin, o anumang paghihirap ang kinakaharap nila, ang unang dapat gawin ng lahat ay manalangin sa Diyos at sama-samang magbahaginan, hanapin ang katotohanan, at pagkatapos ay tukuyin kung ano ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng isang landas ng pagsasagawa.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Maayos na Pagtutulungan

Sa sambahayan ng Diyos, kahit ano pa ang ginagawa mo, hindi mo inaasikaso ang sarili mong gampanin; ito ay ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ito ay ang gawain ng Diyos. Dapat palagi mong ilagay sa isipan ang kaalaman at kamalayang ito at sabihin, “Hindi ko ito personal na gawain; ginagawa ko ang tungkulin ko at tinutupad ang responsabilidad ko. Ginagawa ko ang gawain ng iglesia. Ito ay isang atas na ipinagkatiwala sa akin ng Diyos at ginagawa ko ito para sa Kanya. Tungkulin ko ito, hindi ko ito personal na pribadong gawain.” Ito ang unang bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Kung itinuturing mo ang isang tungkulin bilang sarili mong personal na gawain, at hindi mo hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo kapag kumikilos ka, at ginagawa mo ito alinsunod sa mga sarili mong motibo, pananaw, at plano, malamang na makagagawa ka ng mga pagkakamali. Kaya paano ka dapat kumilos kung nagagawa mong malinaw na makita ang pagkakaiba sa pagitan ng tungkulin mo at ng sarili mong personal na gawain, at alam mo na ito ay isang tungkulin? (Hanapin mo ang hinihingi ng Diyos, at hanapin ang mga prinsipyo.) Tama iyan. Kapag may nangyari sa iyo at hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at mayroon kang kaunting ideya ngunit hindi pa rin malinaw ang mga bagay-bagay sa iyo, dapat kang maghanap ng mga kapatid na nakauunawa sa katotohanan upang makipagbahaginan ka sa kanila; ito ang paghahanap sa katotohanan, at bago ang lahat, ito ang saloobin na dapat mong taglayin sa tungkulin mo. Hindi mo dapat pagpasyahan ang mga bagay-bagay batay sa kung ano ang sa palagay mo ay angkop, at pagkatapos ay gagawa ka na ng paghatol at sasabihin mong nalutas na ang usapin—madali itong hahantong sa mga problema. Ang tungkulin ay hindi mo sariling personal na usapin; malaki man o maliit, ang mga bagay-bagay sa sambahayan ng Diyos ay hindi personal na usapin ninuman. Hangga’t may kinalaman ito sa tungkulin, hindi mo ito pribadong usapin, hindi mo ito personal na usapin—may kinalaman ito sa katotohanan, at may kinalaman ito sa prinsipyo. Kaya ano ang unang bagay na dapat mong gawin? Dapat mong hanapin ang katotohanan, at hanapin ang mga prinsipyo. At kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, dapat mo munang hanapin ang mga prinsipyo; kung nauunawaan mo na ang katotohanan, magiging madali nang tukuyin ang mga prinsipyo. Ano ang dapat mong gawin kung hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyo? May isang paraan: Puwede kang makipagbahaginan sa mga nakakaunawa. Huwag mong palaging ipagpalagay na nauunawaan mo ang lahat at palagi kang tama; madaling paraan ito para magkamali. Anong uri ito ng disposisyon kapag gusto mong palaging nasa iyo ang huling salita? Ito ay pagmamataas at pagmamagaling, pagkilos ito nang padalos-dalos at nag-iisa. Iniisip ng ilang tao, “Nakapag-kolehiyo ako, mas may kalinangan ako kaysa sa inyo, mayroon akong kakayahang makaarok, lahat kayo ay may mababang tayog, at hindi nakakaunawa sa katotohanan, kaya dapat ninyong pakinggan ang anumang sinasabi ko. Ako lang mag-isa ang puwedeng gumawa ng mga desisyon!” Ano ang masasabi mo sa pananaw na ito? Kung may ganitong uri ka ng pananaw, magkakaproblema ka; hindi mo kailanman magagampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin. Paano mo magagampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin kung gusto mong palaging nasa iyo ang huling salita, nang walang maayos na pakikipagtulungan? Ang pagganap ng iyong mga tungkulin sa ganitong paraan ay tiyak na hindi makakatugon sa pamantayan. Bakit Ko sinasabi ito? Palagi mong gustong hadlangan ang iba at pilitin silang makinig sa iyo; hindi mo tinatanggap ang anumang sinasabi ng iba. Ito ay pagkakaroon ng pagkiling at pagiging matigas ng ulo, ito rin ay pagmamataas at pagmamagaling. Sa ganitong paraan, hindi ka lang mabibigong gampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin, mahahadlangan mo pa ang iba sa pagganap nang maayos ng kanilang mga tungkulin. Ito ang kahihinatnan ng isang mapagmataas na disposisyon. Bakit hinihingi ng Diyos ang maayos na pakikipagtulungan sa mga tao? Sa isang banda, kapaki-pakinabang ito sa pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao, na nagpapahintulot sa kanilang makilala ang kanilang sarili at iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon—makakatulong ito sa kanilang buhay pagpasok. Sa isa pang banda, ang maayos na pakikipagtulungan ay kapaki-pakinabang din para sa gawain ng iglesia. Dahil ang lahat ay walang pagkaunawa sa katotohanan at may mga tiwaling disposisyon, kung walang maayos na pakikipagtulungan, hindi nila makakayang gampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, na makakaapekto sa gawain ng iglesia. Malubha ang magiging kahihinatnan nito. Sa kabuuan, para maisakatuparan ang sapat na pagtupad ng tungkulin, dapat matutunan ng isang taong makipagtulungan nang maayos at, kapag nahaharap sa mga sitwasyon, ay makipagbahaginan ng katotohanan para mahanap ang mga solusyon. Mahalaga ito—makakatulong ito hindi lang sa gawain ng iglesia kundi maging sa buhay pagpasok ng mga hinirang na tao ng Diyos. … Upang matupad nang sapat ang iyong tungkulin, hindi mahalaga kung ilang taon ka nang naniniwala sa Diyos, kung gaano karaming tungkulin na ang nagampanan mo, o kung gaano man karaming ambag na ang naibigay mo sa sambahayan ng Diyos, lalo nang hindi mahalaga kung gaano na ang karanasan mo sa iyong tungkulin. Ang landas na tinatahak ng isang tao ang pangunahing bagay na tinitingnan ng Diyos. Sa madaling salita, tinitingnan Niya ang saloobin ng isang tao tungo sa katotohanan at sa mga prinsipyo, direksyon, pinagmulan at ang simula ng mga pagkilos ng isang tao. Nakatuon sa mga bagay na ito ang Diyos; ang mga ito ang tumutukoy sa landas na iyong tinatahak. Kung, sa proseso ng pagganap ng iyong tungkulin, hindi man lang makikita sa iyo ang mga positibong bagay na ito, at ang sarili mong mga kaisipan, mithiin, at pakana; ang mga prinsipyo, daan, at batayan ng iyong pagkilos, ang pinagsimulan mo ay ang pagprotekta sa sarili mong mga interes at pag-alaga sa iyong reputasyon at katayuan, ang iyong pamamaraan ng paggawa ay ang gumawa ng mga pagpapasya at kumilos nang mag-isa at ang gumawa ng pangwakas na desisyon, na hindi kailanman nakikipagtalakayan sa mga bagay-bagay kasama ng iba o nakikipagtulungan nang nagkakasundo, at hindi kailanman nakikinig sa payo kapag nagkakamali ka, lalo nang hindi naghahanap ng katotohanan, kung gayon ay paano ka makikita ng Diyos? Hindi ka pa umaabot sa pamantayan kung ganyan mo ginagawa ang iyong tungkulin, at hindi ka pa nakatapak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, dahil, habang ginagawa mo ang iyong gawain, hindi mo hinahanap ang katotohanang prinsipyo at palagi kang kumikilos kung paano mo gusto, ginagawa ang anumang nais mo. Ito ang dahilan kung bakit hindi ginagampanan nang sapat ng karamihan sa mga tao ang kanilang mga tungkulin. Kaya, paano dapat resolbahin ang problemang ito? Masasabi ba ninyo na mahirap tuparin nang sapat ang tungkulin ng isang tao? Sa totoo lang, hindi; kailangan lamang magawa ng mga tao na magpakumbaba, magtaglay ng kaunting katinuan, at tumanggap ng angkop na posisyon. Gaano ka man kaedukado, anumang mga gantimpala ang natamo mo, o anuman ang nakamtan mo, at gaano man kataas ang iyong katayuan at ranggo, dapat mong talikdan ang lahat ng bagay na ito, dapat kang bumaba sa mataas na kinalalagyan mo—lahat ng ito ay walang halaga. Sa sambahayan ng Diyos, gaano man kalaki ang mga karangalang ito, hindi maaaring maging mas mataas ang mga ito kaysa sa katotohanan, sapagkat ang mga paimbabaw na bagay na ito ay hindi ang katotohanan, at hindi makakapalit sa lugar nito. Dapat maging malinaw sa iyo ang isyung ito. Kung sinasabi mong, “Napakatalino ko, napakatalas ng isip ko, mabilis akong kumilos, mabilis akong matuto, at napakagaling ng memorya ko, kaya karapat-dapat akong gumawa ng huling desisyon,” kung palagi mong gagamiting kapital ang mga bagay na ito, at ituturing na mahalaga ang mga ito, at positibo, problema ito. Kung puno ng mga bagay na ito ang puso mo, kung nag-ugat na ang mga ito sa puso mo, mahihirapan kang tanggapin ang katotohanan—at nakakatakot isipin ang mga kahihinatnan niyan. Sa gayon, dapat mo munang iwanan at tanggihan ang mga bagay na iyon na minamahal mo, na tila maganda, na mahalaga sa iyo. Ang mga bagay na iyon ay hindi ang katotohanan; bagkus, maaaring makahadlang ang mga ito sa pagpasok mo sa katotohanan. Ang pinakamahalaga ngayon ay na kailangan mong hanapin ang katotohanan sa pagganap sa iyong tungkulin, at magsagawa ayon sa katotohanan, upang ang pagsasagawa mo ng iyong tungkulin ay maging katanggap-tanggap, sapagkat ang katanggap-tanggap na pagsasagawa ng tungkulin ay ang unang hakbang lamang patungo sa landas ng buhay pagpasok. Ano ang ibig sabihin dito ng “unang hakbang”? Ang ibig sabihin nito ay magsimula ng isang paglalakbay. Sa lahat ng bagay, may isang bagay na magagamit para masimulan ang paglalakbay, isang bagay na pinakapangunahin, pinakamahalaga, at ang pagkakamit ng katanggap-tanggap na pagsasagawa ng tungkulin ay isang landas ng buhay pagpasok. Kung ang iyong pagsasagawa ng tungkulin ay tila naaangkop lamang sa kung paano iyon ginagawa, ngunit hindi nakaayon sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon hindi mo maayos na ginagampanan ang iyong tungkulin. Kung gayon, paano ito dapat gawin ng isang tao? Kailangang sikaping matamo at hanapin ng isang tao ang mga katotohanang prinsipyo; ang masangkapan ng mga katotohanang prinsipyo ang mahalaga. Kung pagagandahin mo lamang ang iyong pag-uugali at pipigilan mo ang init ng iyong ulo, ngunit hindi ka nasasangkapan ng mga katotohanang prinsipyo, walang silbi iyan. Maaaring mayroon kang isang kaloob o espesyalidad. Magandang bagay iyan—ngunit magagamit mo lang ito nang wasto kung gagamitin mo ito sa pagsasagawa ng iyong tungkulin. Ang maayos na pagsasagawa ng iyong tungkulin ay hindi nangangailangan ng pagpapabuti ng iyong pagkatao o personalidad, ni nangangailangan na isantabi mo ang iyong kaloob o talento. Hindi iyan ang kailangan. Ang mahalaga ay na nauunawaan mo ang katotohanan at natututo kang magpasakop sa Diyos. Hindi maiiwasan na magbubunyag ka ng tiwaling disposisyon habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Ano ang dapat mong gawin sa gayong mga pagkakataon? Kailangan mong hanapin ang katotohanan para malutas ang problema at makakilos ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Gawin mo ito, at hindi magiging problema para sa iyo ang gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Saanmang mundo ang iyong kaloob o kadalubhasaan, o saan ka man puwedeng mayroong anumang bokasyonal na karunungan, ang paggamit sa mga bagay na ito sa pagganap ng iyong tungkulin ay ang pinakanararapat—ito ang tanging paraan para magampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin. Ang isang estratehiya ay umasa sa konsensiya at katwiran para gampanan ang iyong tungkulin, ang isa pa ay na dapat mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang iyong tiwaling disposisyon. Nagkakamit ang isang tao ng buhay pagpasok sa pamamagitan ng pagganap ng kanyang tungkulin sa ganitong paraan, at nakakaya niyang tuparin ang kanyang tungkulin nang sapat.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?

Sa proseso ng pagganap mo ng iyong mga tungkulin, sa positibong banda, kung kaya mong tratuhin ang iyong mga tungkulin nang tama, hindi kailanman tinatalikuran ang mga ito anumang pangyayari ang iyong hinaharap, at kahit pa nawalan ng pananalig ang iba at tumigil na gampanan ang kanilang mga tungkulin, patuloy mong pinaninindigan ang sa iyo at hindi kailanman tinatalikuran ang mga ito mula simula hanggang sa huli, nananatiling matatag at tapat sa iyong mga tungkulin hanggang sa huli, tunay mong tinatrato ang iyong mga tungkulin bilang mga tungkulin at nagpapakita ng kumpletong katapatan. Kung kaya mong tugunan ang pamantayang ito, talagang naabot mo na ang pamantayan sa sapat na pagganap ng iyong mga tungkulin; ito ay sa positibong banda. Gayunpaman, bago maabot ang pamantayang ito, sa negatibong banda, dapat ay magagawa ng isang taong labanan ang iba’t ibang tukso. Anong uri ito ng problema kapag hindi kaya ng isang taong labanan ang mga tukso sa proseso ng pagtupad ng kanyang tungkulin, kaya tinatalikuran niya ang kanyang tungkulin at tumatakas, ipinagkakanulo ang kanyang tungkulin? Katumbas iyon ng pagkakanulo sa Diyos. Ang pagkakanulo sa atas ng Diyos ay pagkakanulo sa Diyos. Maliligtas pa rin ba ang isang taong nagkakanulo sa Diyos? Tapos na ang taong ito; lahat ng pag-asa ay nawala na, at ang mga tungkuling dati niyang ginampanan ay pawang pagtatrabaho lamang, na nauwi sa wala dahil sa kanyang pagkakanulo. Kaya, mahalagang mahigpit na panghawakan ang tungkulin ng isang tao; sa paggawa nito, may pag-asa. Sa pamamagitan ng tapat na pagtupad ng tungkulin ng isang tao, puwede siyang maligtas at makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ano para sa lahat ang pinakamahirap na bahagi ng paninindigan sa kanilang tungkulin? Ito ay kung kaya nilang maging matatag kapag nahaharap sa mga tukso. Ano ang kabilang sa mga tuksong ito? Salapi, katayuan, mga matalik na relasyon, mga damdamin. Ano pa? Kung may dalang panganib ang ilang tungkulin, maging mga panganib sa buhay ng isang tao, at ang pagganap sa gayong mga tungkulin ay maaaring magresulta sa pagka-aresto at pagkakakulong o maging pag-uusig hanggang sa kamatayan, kaya mo pa rin bang gampanan ang iyong tungkulin? Kaya mo pa rin bang magtiyaga? Ang kadaliang mapagtagumpayan ang mga tuksong ito ay nakabatay sa kung naghahangad ang isang tao ng katotohanan. Batay ito sa kakayahan ng isang tao na unti-unting kilatisin at kilalanin ang mga tuksong ito habang hinahangad ang katotohanan, para makilala ang diwa ng mga ito at ang mga satanikong panlilinlang sa likod ng mga ito. Hinihingi din nitong kilalanin ang mga sariling tiwaling disposisyon, sariling kalikasang diwa, at sariling kahinaan ng isang tao. Dapat ay patuloy ding hinihingi ng tao sa Diyos na protektahan siya para mapaglabanan niya ang mga tuksong ito. Kung kaya ng isang tao na paglabanan ang mga ito, at manindigan sa kanyang tungkulin nang walang pagkakanulo o pagtakas sa anumang pangyayari, ang posibilidad na maligtas ay umaabot sa 50 porsyento. Madali bang makamit ang 50 porsyento na ito? Ang bawat hakbang ay isang hamon, na puno ng panganib; hindi ito madaling makamit! May mga tao bang sobrang nahihirapan sa paghahangad ng katotohanan na nararamdaman nilang masyado itong nakapapagod at mas gugustuhin pang mamatay? Anong uri ng mga tao ang nakakaramdam nang ganito? Ganito ang pakiramdam ng mga hindi mananampalataya. Para lang manatiling buhay, kaya ng mga taong mag-isip nang matindi, magtiis ng anumang paghihirap, at mahigpit pa ring kumapit sa buhay sa mga sakuna, hindi sumusuko hanggang sa kanilang huling hininga—kung nanalig sila sa Diyos at naghangad ng katotohanan nang may ganitong uri ng sigla, tiyak na makakamit nila ang mga resulta. Kung hindi minamahal ng mga tao ang katotohanan at hindi handang magsikap para rito, mga wala silang kwenta! Ang paghahangad sa katotohanan ay hindi isang bagay na kayang makamit sa pamamagitan lang ng pagsisikap ng tao; kinakailangan nito ang pagsisikap ng tao kasama ng gawain ng Banal na Espiritu. Nangangailangan ito ng pamamatnugot ng Diyos ng iba’t ibang kapaligiran upang subukin at pinuhin ang mga tao, at ng Banal na Espiritu na kumikilos para bigyang-liwanag, tanglawan, at gabayan sila. Ang paghihirap na dinaranas ng isang tao para makamit ang katotohanan ay ganap na kinakailangan. Katulad ito ng mga umaakyat ng bundok na isinusugal ang kanilang buhay para maabot ang tuktok, hindi sila natatakot maghirap sa kanilang layuning hamunin ang kanilang mga limitasyon, maging sa punto ng pagsusugal sa kanilang buhay. Mas mahirap ba ang pananalig sa Diyos at pagkamit ng katotohanan kaysa sa pag-akyat sa isang bundok? Anong uri ng mga tao ang nagnanasa ng mga pagpapala pero hindi handang maghirap? Mga wala silang kwenta. Hindi mo puwedeng hangarin at kamtin ang katotohanan nang walang lakas ng loob; hindi mo ito magagawa nang walang kakayahang magdusa. Kailangan mong magbayad ng halaga para makamit ito.

Nauunawaan na ng mga tao ang depinisyon ng kasapatan, ang pamantayan para sa kasapatan, ang dahilan kung bakit itinakda ng Diyos ang pamantayang ito para sa kasapatan, ang relasyon sa pagitan ng pagganap ng isang tao sa tungkulin nang sapat at ang buhay pagpasok, at ang iba pang gayong salik na kaugnay sa katotohanan ng sapat na pagganap ng tungkulin. Kung makararating sila sa kung saan kaya nilang panindigan ang kanilang tungkulin anumang oras o lugar, nang hindi ito sinusukuan, at kayang labanan ang lahat ng paraan ng tukso, at pagkatapos ay maarok at makamit ang karunungan at pagpasok sa iba’t ibang katotohanan na hinihingi ng Diyos sa iba’t ibang sitwasyong inilalatag Niya para sa kanila, sa paningin ng Diyos, nakamit na talaga nila ang pagiging sapat. May tatlong pundamental na sangkap sa pagkakamit ng kasapatan sa pagganap ng tungkulin ng isang tao: Una, ang pagkakaroon ng tamang saloobin sa kanilang tungkulin, at ang hindi pagtalikod sa kanilang tungkulin anumang oras; pangalawa, ang kakayahang labanan ang lahat ng uri ng tukso habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, at hindi nagkakamali; pangatlo, ang kakayahang maunawaan ang bawat aspekto ng katotohanan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, at pumapasok sa realidad. Kapag natupad ng mga tao ang tatlong bagay na ito at naabot ang pamantayan, ang unang paunang kondisyon para sa pagtanggap ng paghatol at pagkastigo at pagpeperpekto—ang pagganap ng isang tao ng tungkulin nang sapat—ay nakompleto.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?

Kaugnay na mga Himno

Tanging ang Matapat ang Pasok sa Pamantayan para Makagampan sa mga Tungkulin Niya

Tanging sa Pagkilos nang may mga Prinsipyo Magagawa ng Isang Tao nang Maayos ang Kanyang Tungkulin

Sinundan: 11. Bakit dapat gampanan nang maayos ng mga mananampalataya sa Diyos ang kanilang mga tungkulin

Sumunod: 13. Ang ugnayan sa pagitan ng paggampan ng tungkulin at buhay pagpasok

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito