9. Paano makilatis ang kalikasan ng mga anticristo na tutol sa katotohanan at napopoot sa katotohanan

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang pangunahing disposisyonal na katangian ng kung paano hinaharap ng mga anticristo ang katotohanan ay ang pagiging tutol sa halip na simpleng pagiging hindi interesado lamang. Ang pagiging hindi interesado ay isang medyo banayad lang na saloobin sa katotohanan na hindi umabot sa antas ng pagiging mapanlaban, pagkondena, o pagkontra. Kawalan lang ito ng interes sa katotohanan, pag-ayaw na bigyan ito ng pansin, at pagsasabing, “Anong mga positibong bagay, anong katotohanan? Kahit na makamit ko ang mga bagay na ito, ano naman? Mapapabuti ba ng mga ito ang buhay ko o mapapalakas ang mga abilidad ko?” Hindi sila interesado sa mga bagay na ito, kaya hindi nila pinapansin ang mga ito, pero hindi pa ito pagiging tutol. Nagpapahiwatig ng isang partikular na saloobin ang pagiging tutol. Anong klase ng saloobin? Sa sandaling makarinig sila ng anumang positibong bagay at anumang bagay na nauugnay sa katotohanan, nakakaramdam sila ng pagkamuhi, pagkasuklam, paglaban, at pag-ayaw na makinig. Maaari pa nga silang maghanap ng ebidensya para kondenahin at siraan ang katotohanan. Ito ang disposisyong diwa nila ng pagiging tutol sa katotohanan.

Tulad lang ng ibang tao, ang mga anticristo ay kayang magbasa ng mga salita ng Diyos, marinig ang sinasabi ng Diyos, at maranasan ang gawain ng Diyos. Sa panlabas, tila kaya rin nilang maunawaan ang literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos, malaman ang sinabi ng Diyos, at malaman na ang mga salitang ito ay nagbibigay-daan sa mga tao na tahakin ang tamang landas at maging mabubuting tao. Gayumpaman, nananatilng teoretikal lang ang mga bagay na ito para sa kanila. Ano ang ibig sabihin ng “nananatiling teoretikal”? Katulad ito ng kung paanong maaaring pinaniniwalaan ng ilang tao na mabuti ang isang partikular na teorya sa isang libro, pero kapag ikinumpara nila ito sa totoong buhay, at inisip nila ang masasamang kalakaran, katiwalian ng tao, at ang iba’t ibang pangangailangan ng sangkatauhan, nakikita nila na ang teorya ay hindi praktikal at walang kaugnayan sa totoong buhay, at napagtatanto nila na hindi ito makakatulong sa mga tao na umangkop o sumunod sa masasamang kalakaran at sa masamang lipunang ito. Dahil dito, nararamdaman nila na mabuti ang teoryang ito, pero isa lamang itong bagay na maaaring pag-usapan, para matugunan ang mga kagustuhan at pantasya ng sangkatauhan para sa magagandang bagay. Halimbawa, kung may isang tao na gusto ng katayuan, at gusto niyang maging opisyal, at gusto niyang itaas at sambahin siya ng mga tao, kailangan niyang umasa sa mga hindi normal na pamamaraan tulad ng pagsisinungaling, pagpapakitang gilas, at pagtapak sa ibang tao, at iba pa, para makamit ang layong ito. Gayumpaman, ang mga bagay na ito ang mismong kinokondena ng katotohanan. Kinokondena at tinatanggihan nito ang mga pagnanais at ambisyon na ito ng mga tao. Sa tunay na buhay, iniisip ng mga tao na ang pamumukod-tangi ay isang lehitimong bagay na ginagawa, pero kinokondena ng Diyos at ng katotohanan ang mga gayong hinihingi. Samakatwid, hindi tinatanggap sa sambahayan ng Diyos ang mga hinihinging ito, walang lugar para maisakatuparan ang mga ito, at walang puwang para maisagawa ang mga ito. Pero isusuko ba ng mga anticristo ang mga ito? (Hindi nila isusuko ang mga ito.) Tama, hindi nila isusuko ang mga ito. Sa sandaling makita ito ng mga anticristo, iisipin nila, “Nauunawaan ko na ngayon. Kaya, hinihingi ng katotohanan na maging walang pag-iimbot ang mga tao, na isakripisyo ang kanilang sarili, na maging mapagparaya at mapagbigay, na kalimutan ang mga ego nila at mamuhay sila para sa iba. Ito ang katotohanan.” Kapag tinukoy nila ang katotohanan sa ganitong paraan, nagiging interesado ba sila sa katotohanan o nasusuklam dito? Nasusuklam sila rito, at nasusuklam sila sa Diyos, sinasabi nila, “Palaging nagsasabi ng katotohanan ang diyos, palagi niyang inilalantad ang mga hindi dalisay na bagay tulad ng mga pagnanais at ambisyon ng tao, at palagi niyang inilalantad ang nasa kaibuturan ng mga kaluluwa ng tao. Tila ang layunin ng diyos sa pakikipagbahaginan sa katotohanan ay ang ipagkait sa mga tao ang kanilang paghahangad sa katayuan, mga pagnanais, at mga ambisyon. Noong una, inakala ko na kayang tugunan ng diyos ang mga pagnanais ng tao, tuparin ang mga kahilingan at pangarap nila, at ibigay sa mga tao ang gusto nila. Hindi ko inaasahan na ang diyos ay ganitong klase ng diyos. Hindi naman siya mukhang masyadong dakila. Puno ako ng mga ambisyon at pagnanais: Magugustuhan ba ng diyos ang isang taong tulad ko? Batay sa palaging sinasabi ng diyos, at sa pag-intindi sa mga ipinapahiwatig ng mga salita niya, tila hindi gusto ng diyos ang mga taong tulad ko, at hindi rin niya makakasundo ang isang taong tulad ko. Mukhang hindi ko makakasundo ang ganitong uri ng praktikal na diyos. Ang mga salitang sinasabi niya, ang gawaing ginagawa niya, ang mga prinsipyo ng mga kilos niya, at ang disposisyon niya—bakit labis ang hindi ko pagsang-ayon sa mga iyon? Hinihiling ng diyos sa mga tao na maging matapat, na magkaroon ng konsensiya, na maghanap, sumunod, at magkaroon ng takot sa diyos kapag may nangyayari sa kanila, at bitiwan ang mga ambisyon at pagnanais nila—mga bagay ito na hindi ko kayang gawin! Ang hinihingi ng diyos ay hindi lang di-kaayon ng mga kuru-kuro ng tao, hindi rin ito sensitibo sa mga damdamin ng tao. Paano ko magagawang manampalataya sa kanya?” Matapos nilang pag-isipan nang ganito ang mga bagay-bagay, nagkakaroon ba sila ng mabuting damdamin patungkol sa Diyos o napapalayo ba sila sa Kanya? (Napapalayo sila.) Pagkaraan ng ilang panahon ng karanasan, lalong nararamdaman ng mga anticristo na ang mga taong tulad nila, na may mga ambisyon at pagnanais, at puno ng mga inaasam, ay hindi malugod na tatanggapin sa sambahayan ng Diyos, na walang lugar dito para magamit nila ang mga kasanayan nila, at hindi nila malayang maisasakatuparan ang mga inaasam nila rito. Iniisip nila, “Sa sambahayan ng diyos, hindi ko pwedeng ibunyag ang natatangi kong talento. Hindi ako kailanman magkakaroon ng pagkakataong maging mahusay. Sinasabi nila na wala akong espirituwal na pang-unawa, na hindi ko nauunawaan ang katotohanan, at na mayroon akong disposisyon ng isang anticristo. Bukod sa hindi naitaas ang ranggo ko o hindi ako inilagay sa mahalagang posisyon, kinondena pa ako. Ano ang mali sa pagtatatag ng nagsasarili kong kaharian? Ano ang mali na pagpaparusa ko sa iba? Dahil may kapangyarihan ako, dapat lang na kumilos ako nang ganito! Sino ang hindi kikilos nang ganito kung may kapangyarihan sila? Ano ang mali sa panlilinlang at pandaraya ko sa mga halalan? Hindi ba’t ganoon din ang ginagawa ng lahat ng walang pananampalataya? Bakit hindi ito pinapayagan sa sambahayan ng diyos? Sinasabi pa nila na wala itong kahihiyan. Paano ito maituturing na walang kahihiyan? Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa. Wasto ito! Hindi masaya sa sambahayan ng diyos. Pero napakalupit ng mga tao sa mundong ito, at hindi sila madaling pakisamahan. Kung ikukumpara, mas maayos nang kaunti ang asal ng mga tao sa sambahayan ng diyos. Kung walang diyos, magiging napakasaya ang tumambay rito; kung walang diyos at walang katotohanan na namamahala sa mga tao, ako ang magiging amo sa sambahayan ng diyos, ang panginoon, at ang hari.” Habang ginagawa nila ang mga tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos, palagi nilang nararanasan ang iba’t ibang bagay, patuloy silang pinupungusan, at papapalit-palit sila ng iba’t ibang tungkulin, at sa wakas ay napagtatanto nila ang isang bagay, sinasabi nila, “Sa sambahayan ng diyos, ang anumang nangyayari ay sinusukat at nilulutas gamit ang katotohanan. Palaging binibigyang diin ang katotohanan, at palaging nagsasalita ang diyos tungkol dito. Hindi ko maisasakatuparan nang malaya ang mga inaasam ko rito!” Sa pag-abot sa puntong ito sa mga karanasan nila, lalo silang nagiging tutol sa katotohanan, sa paghahari ng katotohanan, sa pagiging katotohanan ng lahat ng ginagawa ng Diyos, at sa paghahanap sa katotohanan. Gaano katindi ang nararamdaman nilang pagtutol sa mga bagay na ito? Ni ayaw nilang kilalanin o tanggapin ang mga doktrina ng mga katotohanang kinilala nila sa pinakasimula, at nakakaramdam sila ng matinding pagkasuklam sa puso nila. Samakatwid, sa sandaling oras na para sa isang pagtitipon, inaantok sila at nababalisa. Bakit sila nababalisa? Iniisip nila, “Tumatagal ng tatlo o apat na oras ang mga pagtitipong ito—kailan ba ito matatapos? Ayaw ko nang makinig!” May isang parirala na makapaglalarawan sa lagay ng kanilang loob, ito ay “nakaupo sa mga aspili at karayom.” Napagtatanto nila na hangga’t naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos, hindi sila kailanman magkakaroon ng pagkakataong maging mahusay, bagkus, palagi silang malilimitahan, makokondena, at matatanggihan ng lahat, at na gaano man sila kahusay, hindi sila mabibigyan ng mahahalagang papel. Dahil dito, tumitindi ang pagkapoot nila sa katotohanan at sa Diyos. Pwedeng may magtanong, “Bakit hindi sila nakaramdam ng pagkapoot mula pa sa simula?” Nakaramdam nga sila ng pagkapoot mula pa sa simula, pero noong panahong iyon, hindi pa sila pamilyar sa lahat ng bagay sa sambahayan ng Diyos. Wala pa silang konsepto nito, pero hindi ibig sabihin niyon na hindi sila nakaramdam ng pagkapoot o pagtutol. Sa realidad, nakaramdam sila ng pagtutol sa katotohanan sa kaibuturan ng kanilang kalikasang diwa, hindi lang nila ito napagtatanto pa. Walang duda na tutol sa katotohanan ang kalikasang diwa ng mga taong ito. Bakit Ko sinasabi ito? Likas nilang mahal ang kawalan ng katarungan, kabuktutan, kapangyarihan, masasamang kalakaran, pamumuno, pagkontrol sa mga tao, at lahat ng negatibong bagay na tulad nito. Batay sa mga bagay na ito na minamahal nila, walang duda na nakakaramdam ng pagtutol sa katotohanan ang mga anticristo. Bukod pa rito, pagdating sa mga pinagsusumikapan nila, nagsusumikap sila para sa katayuan, nagsusumikap sila para makilala, nagsusumikap silang magmukhang banal, nagsusumikap silang maging lider sa mga tao, para mangibabaw at maging makapangyarihan, para magkaroon ng katanyagan at lakas saan man sila nagsasalita o kumikilos, pati na ang abilidad na kontrolin ang mga tao—nagsusumikap sila para sa mga bagay na ito. Isa rin itong pagpapamalas ng pagiging tutol sa katotohanan.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Ekskorsus

Ang pangunahing pagpapamalas ng pagiging tutol ng mga anticristo sa katotohanan ay nakikita sa saloobin nila rito, at, siyempre, naipapamalas din ito sa karaniwan nilang pang-araw-araw na buhay at mga aktibidad, lalo na sa kung paano nila ginagawa ang mga tungkulin nila. Nagpapakita sila ng ilang pagpapamalas. Una, hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan, kahit na alam na alam nilang dapat nila itong gawin. Pangalawa, hindi nila kailanman isinasagawa ang katotohanan. Dahil hindi nila hinahanap ang katotohanan, paano nila ito maisasagawa? Sa pamamagitan lang ng paghahanap magkakaroon ng pag-unawa, at tanging ang pag-unawa ang magreresulta sa pagsasagawa; hindi sila naghahanap, at hinding-hindi rin nila isinasapuso ang mga katotohanang prinsipyo. Hinahamak pa nga nila ang mga ito, nakakaramdam sila ng pagtutol laban sa mga ito, at tinitingnan nila ang mga ito nang may pagkamapanlaban. Bilang resulta, ni hindi nila kailanman tinatalakay ang pagsasagawa sa katotohanan, at kahit nauunawaan nila minsan ang katotohanan, hindi nila ito isinasagawa. Halimbawa, kapag may nangyayari sa kanila, at nagmumungkahi ang iba ng magandang hakbang, pwedeng sumagot sila, “Ano namang maganda diyan? Kung gagawin ko iyan, hindi ba’t masasayang ang mga ideya ko?” Pwedeng sabihin ng ilan, “Magdurusa ng mga kawalan ang sambahayan ng Diyos kung gagawin natin ang mga bagay ayon sa paraan mo; dapat tayong kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo.” Sasagot sila, “Anong mga prinsipyo! Ang paraan ko ang prinsipyo; kung ano ang iniisip ko, iyon ang prinsipyo!” Hindi ba’t hindi ito pagsasagawa sa katotohanan? (Oo.) Ang isa pa sa mga pangunahing pagpapamalas nila ay hindi sila kailanman nagbabasa ng mga salita ng Diyos o nagsasagawa ng mga espirituwal na debosyon. Kapag abala ang ilang tao sa gawain at hindi makahanap ng oras para magbasa ng mga salita ng Diyos, tahimik silang nagmumuni-muni o kumakanta ng ilang himno, at kung maraming araw na hindi sila makapagbasa ng mga salita ng Diyos nang ilang araw, nakakaramdam sila ng kahungkagan. Sa gitna ng pagiging abala nila, naglalaan sila ng oras para magbasa ng isang sipi at matustusan ang kanilang sarili, nagmumuni-muni hanggang sa maramdaman nila ang presensiya ng Diyos, at maging panatag ang puso nila. Hindi malayo sa Diyos ang mga gayong tao. Sa kabilang banda, hindi nababagabag ang mga anticristo kahit hindi nila nababasa ang mga salita ng Diyos sa loob ng isang araw. Kahit na hindi sila makapagbasa ng mga salita ng Diyos sa loob ng 10 araw, wala silang nararamdaman. Nakakapamuhay pa rin sila nang napakaayos kahit isang taon na silang hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at kaya pa nga nilang magpatuloy nang tatlong taon nang hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at nang wala silang nararamdaman—hindi sila nakakaramdam ng takot o kahungkagan sa puso nila, at patuloy silang namumuhay nang komportable. Siguradong mayroon silang matinding pagtutol sa mga salita ng Diyos! Ang isang tao ay maaaring hindi makapagbasa ng mga salita ng Diyos sa loob ng isang araw dahil sa pagiging abala, o marahil ay sa loob ng 10 araw dahil sa parehong dahilan. Gayumpaman, kung kaya ng isang tao na umabot nang isang buong buwan nang hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos at wala pa rin siyang nararamdaman, may problema na. Kung lilipas ang isang taon nang hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos ang isang tao, hindi lang siya walang pananabik para sa mga salita ng Diyos—mayroon siyang pagtutol sa katotohanan.

Ang isa pang pagpapamalas ng pagtutol ng mga anticristo sa katotohanan ay ang paghamak nila kay Cristo. Napagbahaginan na natin noon ang tungkol sa paghamak nila kay Cristo. Kaya, ano ba ang ginawa ni Cristo sa kanila para hamakin nila si Cristo? Sinaktan o pininsala ba Niya sila, o may ginawa ba Siyang kontra sa mga kagustuhan nila? Pininsala ba Niya ang anumang interes nila? Hindi. Walang personal na sama ng loob si Cristo sa kanila, at hindi pa nga nila nakakatagpo si Cristo. Kung gayon, paano nila nagagawang hamakin Siya? Ang ugat na dahilan ay nasa diwa ng pagtutol ng mga anticristo sa katotohanan. Ang isa pang pagpapamalas ng pagtutol ng mga anticristo sa katotohanan ay ang paghamak nila sa realidad ng lahat ng positibong bagay. Sumasaklaw ang realidad ng lahat ng positibong bagay sa maraming bagay, tulad ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos at ang mga batas ng mga ito, iba’t ibang buhay na nilalang at ang mga batas na namamahala sa buhay ng mga ito, at sa pangunahin, ang iba’t ibang batas na namamahala sa buhay ng mga nilalang na ito na tinatawag na mga tao. Halimbawa, ang mga usapin ng kapanganakan, pagtanda, pagkakasakit, at kamatayan na pinakamalapit sa buhay ng tao—nanghihina ang mga binti ng mga normal na tao habang tumatanda sila, humihina ang kalusugan nila, lumalabo ang mata nila, humihina ang pandinig nila, umuuga ang mga ngipin nila, at iniisip nilang kailangan nilang tanggapin ang pagtanda. Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng ito, at walang sinuman ang makakakontra sa batas ng kalikasan na ito—kayang kilalanin at tanggapin ng mga normal na tao ang lahat ng bagay na ito. Gayumpaman, kahit gaano katagal mabuhay ang isang tao o anuman ang kalagayan ng kanyang pisikal na kalusugan, may partikular na mga bagay na hindi nagbabago, tulad ng kung paano nila dapat ginagawa ang tungkulin nila, ang posisyon na dapat nilang pinanghahawakan, at ang saloobin na dapat mayroon sila sa paggawa ng tungkulin nila. Sa kabilang banda, tumatangging sumuko ang mga anticristo. Sinasabi nila, “Sino ba ako? Hindi ako pwedeng tumanda. Dapat naiiba ako sa mga karaniwang tao sa lahat ng oras. Mukha ba akong matanda para sa iyo? May mga partikular na bagay na hindi ninyo kayang gawin sa edad na ito, pero kaya ko. Pwedeng nanghihina na ang mga binti ninyo kapag nasa singkwenta anyos na kayo, pero maliksi pa ang mga binti ko. Nagsasanay pa nga akong tumalon-talon sa mga bubong!” Palagi nilang gustong hamunin ang mga normal na batas na inorden ng Diyos, palagi nilang sinusubukang labagin ang mga ito at ipakita sa iba na sila ay naiiba, ekstraordinaryo, at nakahihigit sa mga ordinaryong tao. Bakit nila ginagawa ito? Gusto nilang hamunin ang mga salita ng Diyos at itanggi na ang Kanyang mga salita ang katotohanan. Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng diwa ng mga anticristo ng pagtutol sa katotohanan? (Oo.) May isa pang aspekto, iyon ay na iginagalang ng mga anticristo ang masasamang kalakaran at madidilim na impluwensiya; lalo nitong pinatutunayan na mga kaaway sila ng katotohanan. Labis na hinahangaan at iginagalang ng mga anticristo ang rehimen ni Satanas, at ang iba’t ibang abilidad, kasanayan, at gawa ng masasamang espiritu na nababanggit sa mga alamat, pati na rin ang masasamang kalakaran at madidilim na impluwensiya. Hindi matitinag ang paniniwala nila sa mga bagay na ito, at hindi nila kailanman pinagdududahan ang mga ito. Bukod sa walang pagtutol ang puso nila, puno pa ito ng pagrespeto, paggalang, at inggit para sa mga ito. Kahit sa kaibuturan ng puso nila, mahigpit nilang sinusundan ang mga bagay na ito. Ang mga anticristo ay may ganitong uri ng saloobin sa kaibuturan ng puso nila sa masasama at madidilim na bagay na ito—hindi ba’t nangangahulugan ito na tutol sila sa katotohanan? Tiyak iyon! Paano magmamahal sa katotohanan ang sinumang nagmamahal sa buktot at madidilim na bagay na ito? Ang mga taong ito ay nabibilang sa mga puwersa ng kasamaan at sa grupo ni Satanas. Siyempre, hindi natitinag ang paniniwala nila sa mga bagay na kay Satanas, habang ang puso nila ay puno ng pagkasuklam at paghamak sa katotohanan at sa mga positibong bagay.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Ekskorsus

Bakit sila tinawag na mga anticristo? Ano ang ibig sabihin ng “anti”? Ang ibig sabihin nito ay pagsalungat at pagkamuhi. Nangangahulugan itong paglaban kay Cristo, paglaban sa katotohanan, at paglaban sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “paglaban”? Nangangahulugan itong pagtindig sa kabilang panig, pagtrato sa iyo na parang kaaway, na para bang punong-puno ng napakalaki at malalim na pagkamuhi ang isang tao; nangangahulugan itong maging nasa lubos na pagsalungat sa iyo. Ganito ang mentalidad ng mga anticristo sa paglapit sa Diyos. Anong saloobin sa katotohanan ang mayroon ang ganitong mga tao na namumuhi sa Diyos? Nagagawa ba nilang mahalin ang katotohanan? Nagagawa ba nilang tanggapin ang katotohanan? Talagang hindi. Samakatwid, ang mga taong tumitindig bilang salungat sa Diyos ay mga taong namumuhi sa katotohanan. Ang numero unong bagay na makikita sa kanila ay pagtutol at pagkamuhi sa katotohanan. Sa sandaling marinig nila ang katotohanan o ang mga salita ng Diyos, may pagkamuhi sa puso nila, at kapag binabasa ng sinuman ang mga salita ng Diyos sa kanila, lilitaw sa mga mukha nila ang pagpapahayag ng galit at ngitngit, gaya ng kapag binabasa ang mga salita ng Diyos sa isang demonyo kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo ang mga tao. Sa puso nila, ang mga taong tutol sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan ang nakakaramdam ng pinakamatinding pagtutol sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, ang sa kanila ay saloobin ng paglaban, at umaabot pa nga sila hanggang sa kamuhian ang sinumang nagbabasa ng mga salita ng Diyos sa kanila o nagbabahagi ng katotohanan sa kanila, tinatrato pa nga nilang kaaway ang taong iyon. Nakakaramdam sila ng matinding pagtutol sa iba’t ibang katotohanan, at sa mga positibong bagay. Ang lahat ng katotohanan gaya ng pagpapasakop sa Diyos, tapat na paggawa ng mga tungkulin ng isang tao, pagiging matapat na tao, paghahanap sa katotohanan sa lahat ng bagay, at iba pa—may kaunti ba silang subhetibong paghahangad o pagmamahal? Wala, wala ni katiting. Samakatwid, dahil ganito ang kalikasang diwa nila, tumatayo na sila sa direktang pagsalungat sa Diyos at sa katotohanan. Walang duda, sa kaibuturan, hindi minamahal ng ganitong mga tao ang katotohanan o anumang positibong bagay; sa kaibuturan, nararamdaman pa nga nilang tutol sila sa katotohanan at namumuhi sila rito. Halimbawa, kailangang magawa ng mga taong nasa posisyon ng pamumuno na tanggapin ang magkakaibang opinyon ng mga kapatid nila, dapat nilang magawang buksan ang kanilang sarili at ihayag ang kanilang sarili sa mga kapatid, at magawang tanggapin ang paninisi ng mga ito, at hindi nila dapat igiit ang kanilang katayuan. Ano ang sasabihin ng isang anticristo sa lahat ng wastong paraang ito ng pagsasagawa? Sasabihin nila, “Kung nakinig ako sa opinyon ng mga kapatid, magiging lider pa rin ba ako? Magkakaroon pa rin ba ako ng katayuan at katanyagan? Kung wala akong katanyagan, anong gawain ang magagawa ko?” Ito mismo ang uri ng disposisyong tinataglay ng isang anticristo; hindi niya tinatanggap ang katotohanan kahit pa sa pinakamaliit na paraan, at kapag mas tama ang paraan ng pagsasagawa, lalo niya itong nilalabanan. Hindi niya tinatanggap na ang pagkilos ayon sa prinsipyo ay pagsasagawa ng katotohanan. Ano ba sa tingin niya ang pagsasagawa ng katotohanan? Sa palagay niya ay kailangan niyang gumamit ng pagbabalak, mga panlilinlang, at karahasan sa lahat, sa halip na sumandig sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, at sa pagmamahal. Ang bawat paraan at landas niya ay buktot. Ang lahat ng ito ay ganap na kumakatawan sa kalikasang diwa ng mga anticristo. Ang mga motibo, opinyon, pananaw, at layuning madalas nilang inilalantad ay mga disposisyon lahat ng pagtutol at pagkamuhi sa katotohanan, na siyang kalikasang diwa ng mga anticristo. Ano, kung gayon, ang ibig sabihin ng pagtindig bilang pagsalungat sa katotohanan at sa Diyos? Nangangahulugan itong pagkamuhi sa katotohanan at mga positibong bagay. Halimbawa, kapag may nagsabi, “Bilang isang nilikha, dapat tuparin ng isang tao ang tungkulin ng isang nilikha. Anuman ang maaaring sabihin ng Diyos, dapat magpasakop ang mga tao, dahil mga nilikha tayo,” paano mag-isip ang isang anticristo? “Magpasakop? Hindi walang katotohanan na isa akong nilikha, pero pagdating sa pagpapasakop, depende iyan sa sitwasyon. Una sa lahat, dapat may ilang benepisyo diyan para sa akin, hindi ako dapat malagay sa alanganin, at dapat mauna ang mga interes ko. Kung may mga gantimpala o malalaking biyaya na makakamit, kaya kong magpasakop, pero kung walang mga gantimpala at walang destinasyon, bakit dapat akong magpasakop? Hindi ko kayang magpasakop.” Isa itong saloobin ng hindi pagtanggap sa katotohanan. Ang pagpapasakop nila sa Diyos ay may kondisyon, at kung hindi matugunan ang mga kondisyon nila, hindi lang sa hindi sila magpapasakop, malamang din na tumutol at lumaban sila sa Diyos. Halimbawa, hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao, pero naniniwala ang mga anticristong ito na tanging mga hangal lang ang sumusubok na maging matapat, at na hindi sinusubukan ng matatalinong tao na maging matapat. Ano ang diwa ng ganoong saloobin? Pagkamuhi ito sa katotohanan. Ganoon ang diwa ng mga anticristo, at itinatakda ng diwa nila ang landas na lalakaran nila, at itinatakda ng landas na nilalakaran nila ang lahat ng ginagawa nila.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Aytem: Sinisikap Nilang Kunin ang Loob ng mga Tao

Mula sa perspektiba ng kalikasang diwa ng mga anticristo, mapanlaban sila sa katotohanan. Paano nabubunyag itong kalikasang diwa ng pagkamapanlaban sa katotohanan? Ito ay na kapag naririnig nila ang mga salita ng Diyos, nakakaramdam sila ng pagkasuklam, antok, at nagbubunyag sila ng iba’t ibang pagpapahayag ng panghahamak, pagkainip, at pag-ayaw na makinig. Nabubunyag ang kanilang malademonyong pag-uugali sa ganitong paraan. Sa panlabas, tila ginagawa nila ang kanilang tungkulin at kinikilala nila ang kanilang sarili bilang mga tagasunod ng Diyos. Kaya bakit sila nagiging magulo kapag ibinabahagi ang katotohanan, kapag ibinabahagi ang mga salita ng Diyos? Bakit hindi sila mapakali? Para bang may dalang espada ang mga salita ng Diyos. Tumagos ba sa kanila ang mga salita ng Diyos? Kinondena ba sila ng mga salita ng Diyos? Hindi. Para sa pagtustos ng mga tao ang karamihan sa mga salitang ito, at kapag naririnig nila ang mga ito, nagigising ang mga tao, nakakahanap ng paraan para mabuhay, at nagagawa nilang mabuhay muli nang may wangis ng tao. Kaya bakit may di-normal na reaksiyon ang ilang tao kapag naririnig nila ang mga salitang ito? Ito ang diyablong nagbubunyag ng tunay nitong pag-uugali. Hindi sila nakakaramdam ng pagkasuklam kapag nagsasalita ka tungkol sa teolohiya, mga maling pananampalataya, mga maling paniniwala, o sa Aklat ng Pahayag. Kahit na magsalita ka tungkol sa pagiging taos-puso, pagiging mapagpalugod ng mga tao, o magkuwento ka tungkol sa kabayanihan, hindi sila nakakaramdam ng pagkasuklam. Pero sa sandaling marinig nilang binabasa ang mga salita ng Diyos, nakakaramdam sila ng pagkasuklam, tumatayo sila, at gusto nang umalis. Kung hihimukin mo silang makinig nang maayos, magiging palaban sila at pandidilatan ka nila nang may galit. Bakit hindi kayang tanggapin ng gayong mga tao ang mga salita ng Diyos? Hindi sila mapakali kapag naririnig nila ang mga salita ng Diyos—bakit ganito? Pinapatunayan nito na hindi normal ang espiritu sa loob nila, isa itong espiritu na tutol sa katotohanan at salungat sa Diyos. Sa sandaling marinig nila ang mga salita ng Diyos, nagiging balisa sila sa loob, at kumikilos ang demonyo sa loob nila, na nagdudulot para hindi sila mapakali. Ito ang diwa ng isang anticristo. Kaya, mula sa labas, kinamumuhian ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro. Pero ano ba ang talagang tinutukoy nitong “hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro”? Malinaw nitong ipinapahiwatig na kinokondena nila ang mga salitang ito, hindi nila kinikilala na galing sa Diyos ang mga ito at hindi nila kinikilala na ang mga ito ang katotohanan o ang daan ng buhay na nagliligtas sa mga tao. Isang palusot lang ang hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro, isang mababaw-na-antas na kaganapan. Ano ang ibig sabihin ng hindi pag-ayon sa kanilang mga kuru-kuro? Wala bang mga kuru-kuro ang bawat tao tungkol sa lahat ng salitang ito na sinabi ng Diyos? Matatanggap ba ng lahat ng tao ang mga ito bilang mga salita ng Diyos, bilang ang katotohanan? Hindi—humigit-kumulang, sa ilang antas, may ilang kaisipan, kuru-kuro, o pananaw ang bawat tao na sumasalungat o kumokontra sa mga salita ng Diyos. Gayumpaman, may normal na pagkamakatwiran ang karamihan ng tao, at ang pagkamakatwiran na ito ay makakatulong sa kanila na malampasan ang saloobin na lumalabas kapag nahaharap sila sa mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro. Sinasabi sa kanila ng kanilang pagkamakatwiran, “Kahit na hindi ito umaayon sa aking mga kuru-kuro, mga salita pa rin ng Diyos ang mga ito; kahit na hindi ito umaayon sa aking mga kuru-kuro, kahit nag-aatubili akong makinig, kahit pakiramdam ko ay mali ito, at kahit pakiramdam ko ay salungat ito sa aking mga kaisipan, ang mga salitang ito pa rin ang katotohanan. Dahan-dahan kong tatanggapin ang mga ito, at balang araw kapag nakikilala ko na ang lahat ng ito, bibitawan ko na ang aking mga kuru-kuro.” Sinasabi sa kanila ng kanilang pagkamakatwiran na unang isantabi ang kanilang sariling mga kuru-kuro; ang kanilang mga kuru-kuro ay hindi ang katotohanan at hindi maaaring pumalit ang mga ito sa mga salita ng Diyos. Sinasabi sa kanila ng kanilang pagkamakatwiran na tanggapin ang mga salita ng Diyos nang may saloobin ng pagpapasakop at katapatan, sa halip na kontrahin ang mga salita ng Diyos gamit ang kanilang sariling mga kuru-kuro at pananaw. Kaya, kapag naririnig nila ang mga salita ng Diyos, nagagawa nilang tanggapin ang mga salita na umaayon sa kanilang mga kuru-kuro at tahimik silang umuupo para makinig. Para sa mga hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro, naghahanap din sila ng mga solusyon, nagsusumikap na isantabi ang kanilang sariling mga kuru-kuro at maging kaayon ng Diyos. Ito ang normal na pag-uugali ng karamihan ng makatwirang tao. Gayumpaman, hindi kapareho ng sa mga ordinaryong tao ang “hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro” na binanggit ng mga anticristo. Sa kaso ng mga anticristo, may mga malubhang isyu ito; isang bagay ito na ganap na taliwas sa mga kilos, salita, diwa, at disposisyon ng Diyos, isang bagay na nabibilang sa isang satanikong disposisyong diwa. Sa kanilang kaso, pagkondena, paglapastangan, at pangungutya ito sa mga salita ng Diyos. Naniniwala sila na ang pangkaraniwan at madaling maunawaang wikang ito ng tao na sinalita ng Diyos ay hindi ang katotohanan at hindi nito makakamit ang bunga ng pagliligtas sa mga tao. Ito ang eksaktong kahulugan ng sinasabi ng mga anticristo na “hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro.” Kaya ano ang diwa nito? Ang totoo, ito ang pagkondena, pagtanggi, at paglapastangan sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikalimang Bahagi)

Ang mga anticristo ay likas na tutol sa katotohanan, at ang lahat ng salitang ipinahayag ng Diyos ay ang katotohanan, na lubos nilang kinasusuklaman sa kanilang puso at ayaw nilang pakinggan o tanggapin. Ang mga salita ng Diyos na naglalantad at humahatol sa sangkatauhan ay mga pagkondena sa mga anticristo at masasamang taong ito, at para sa kanila, ang mga salitang ito ay mga pagkondena, panghuhusga, at sumpa, na nagpaparamdam sa kanila ng pagkaasiwa at pagkabalisa kapag naririnig nila ang mga ito. Ano ang iniisip nila sa kanilang puso? “Hinahatulan at kinokondena ako ng lahat ng salitang ito na sinasabi ng diyos. Mukhang hindi maliligtas ang isang tulad ko; ako ang uri ng tao na natitiwalag at tinatanggihan. Dahil wala akong pag-asang maligtas, ano pa ang silbi ng pananampalataya sa diyos? Pero ang totoo ay siya pa rin ang diyos, siya ang laman kung saan nagkatawang-tao ang diyos, na nagsalita ng napakaraming salita at may napakaraming tagasunod. Ano ang dapat kong gawin tungkol dito?” Nababalisa sila sa usaping ito; kung wala silang matatamo, ayaw rin nilang may matamo ang iba. Kung matatamo ito ng iba habang sila ay hindi, labis silang napopoot at nalulungkot. Umaasa sila na ang nagkatawang-taong Diyos ay hindi magiging Diyos at na ang gawain na Kanyang ginagawa ay magiging huwad at hindi gawa ng Diyos. Kung ganito nga ang kaso, magiging balanse ang pakiramdam nila sa loob nila, at malulutas ang ugat ng problema. Iniisip nila, “Kung ang taong ito ay hindi ang nagkatawang-taong diyos, kung gayon, hindi ba’t mangangahulugan na nalilinlang ang mga sumusunod sa kanya? Kung ganoon nga, magkakawatak-watak ang mga taong ito sa malao’t madali. Kung magkakawatak-watak sila at wala sa kanila ang magtatamo ng anuman, makakapahinga ako nang payapa at balanse ang pakiramdam ko na walang akong natamo, tama ba?” Ganito ang kanilang mentalidad; wala silang matamo, kaya ayaw nilang may matamo ang iba. Ang pinakamainam na paraan upang pigilan ang iba na may matamong kahit ano ay ang itatwa si Cristo, itatwa ang diwa ni Cristo, itatwa ang gawaing ginawa ni Cristo, at itatwa ang lahat ng salitang sinabi ni Cristo. Sa ganitong paraan, hindi sila makokondena, at matatanggap nila at payapa sila na wala silang natamong kahit ano, hindi na nila kailangang mag-alala tungkol sa bagay na ito. Ito ang kalikasang diwa ng mga taong tulad ng mga anticristo. Kaya, mayroon ba silang mga kuru-kuro tungkol kay Cristo? At kapag mayroon silang mga kuru-kuro, nilulutas ba nila ang mga ito? Kaya ba nilang bitiwan ang mga ito? Hindi nila kaya. Paano sila nagkakaroon ng mga kuru-kuro? Madali para sa kanila na magkaroon ng mga kuru-kuro: “Kapag nagsasalita ka, sinisiyasat kita, sinusubukan kong intindihin ang motibo sa likod ng iyong mga salita at kung saan nagmumula ang mga ito. Narinig o natutunan mo ba ang mga ito, o may nagturo ba sa iyo na sabihin ang mga ito? May nag-ulat ba o nagsampa ng reklamo laban sa iyo? Sino ang iyong inilalantad?” Ganito sila nagsisiyasat. Kaya ba nilang maunawaan ang katotohanan? Hindi nila kailanman mauunawaan ang katotohanan; nilalabanan nila ito sa kanilang puso. Tutol sila sa katotohanan, nilalabanan nila ito, at kinamumuhian ito, at nakikinig sila sa mga sermon nang may ganitong uri ng kalikasang diwa. Bukod sa mga teorya at doktrina, ang nauunawaan lang nila ay mga kuru-kuro. Anong klaseng mga kuru-kuro? “Nagsasalita si cristo sa ganitong paraan, minsan ay nagpapatawa pa siya; hindi iyon kagalang-galang! Gumagamit siya minsan ng mga matalinghagang kasabihan; hindi iyon seryoso! Hindi mahusay ang kanyang pananalita; hindi mataas ang kanyang pinag-aralan! Minsan, kailangan niyang pagmuni-munihan at pag-isipan ang gagamitin niyang mga salita; hindi siya nag-aral sa unibersidad, hindi ba? Minsan, ang kanyang pananalita ay may pinupuntiryang partikular na tao—sino? May nagsampa ba ng reklamo? Sino iyon? Bakit palagi akong pinupuna ni cristo kapag nagsasalita siya? Pinapanood at pinagmamasdan ba niya ako buong araw? Ginugugol ba niya ang buong araw sa pag-iisip tungkol sa mga tao? Ano ang iniisip ni cristo sa kanyang puso? Ang pananalita ng diyos na nagkatawang-tao ay hindi katunog ng kagimbal-gimbal na tinig ng diyos sa langit na may hindi makukuwestyong awtoridad—bakit sobrang malatao ang ipinapamalas niya? Tao lang siya, kahit paano ko pa siya tingnan. May kahit anong kahinaan ba ang diyos na nagkatawang-tao? Namumuhi ba siya sa mga tao sa puso niya? Mayroon ba siyang kahit anong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo sa kanyang mga pakikipag-ugnayan sa mga tao?” Hindi ba’t marami ang mga kuru-kurong ito? (Oo.) Ang mga iniisip ng mga anticristo ay puno ng mga bagay na walang kaugnayan sa katotohanan, pawang nagmumula sa pag-iisip at lohika ni Satanas, mula sa pilosopiya ni Satanas para sa mga makamundong pakikitungo. Sa kaibuturan, puno sila ng kabuktutan, puno ng kalagayan at disposisyon na tutol sa katotohanan. Dumarating sila hindi upang hanapin o matamo ang katotohanan, kundi upang siyasatin ang Diyos. Ang kanilang mga kuru-kuro ay maaaring lumitaw anumang oras, saanmang lugar, at nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro habang nagmamasid, habang nagsisiyasat. Nabubuo ang kanilang mga kuru-kuro habang sila ay humahatol at nagkokondena, at mahigpit nilang pinanghahawakan ang mga kuru-kurong ito sa kanilang puso. Kapag inoobserbahan nila ang panig ng pagiging tao ng Diyos na nagkatawang-tao, nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro. Kapag nakikita nila ang panig ng Kanyang pagka-diyos, nagiging mausisa sila at namamangha sila, na nagiging sanhi rin ng pagkakaroon ng mga kuru-kuro. Ang kanilang saloobin kay Cristo at sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos ay hindi saloobin ng pagpapasakop o ng tunay na pagtanggap mula sa kaibuturan ng kanilang puso. Sa halip, sila ay nakatayo sa tapat ni Cristo, pinagmamasdan at sinisiyasat ang Kanyang tingin, mga iniisip, at tindig, at pinagmamasdan at sinisiyasat pa nga ang bawat ekspresyon ni Cristo, pinakikinggan ang bawat klase ng tono, intonasyon ng pagsasalita, at mga salitang ginagamit, at kung ano ang tinutukoy sa pananalita ni Cristo at iba pa. Kapag pinagmamasdan at sinisiyasat ng mga anticristo si Cristo sa ganitong paraan, ang kanilang saloobin ay hindi upang hanapin ang katotohanan at maunawaan ito upang matanggap nila si Cristo bilang kanilang Diyos at matanggap si Cristo na maging kanilang katotohanan at maging kanilang buhay. Sa kabaligtaran, gusto nilang siyasatin ang taong ito, upang lubusang siyasatin at maarok Siya. Ano ang sinusubukan nilang maarok? Sinisiyasat nila kung paano nagiging kahawig ng Diyos ang taong ito, at kung tunay ngang kahawig Siya ng Diyos, tatanggapin nila Siya. Kung gaano man nila Siya siyasatin ay hindi Siya mukhang Diyos, tuluyan nilang binibitiwan ang ideya at patuloy na pinanghahawakan ang mga kuru-kuro tungkol sa nagkatawang-taong Diyos, o, sa paniniwalang walang pag-asang tumanggap ng mga pagpapala, naghahanap sila ng pagkakataong makaalis kaagad.

Normal lamang para sa mga anticristo na magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos. Dahil sa kanilang diwa bilang mga anticristo, sa kanilang diwa na tutol sa katotohanan, imposibleng mabitiwan nila ang kanilang mga kuru-kuro. Kapag walang nangyayari, binabasa nila ang aklat ng mga salita ng Diyos at nakikita nila ang mga salitang ito bilang Diyos, pero sa pakikipag-ugnayan sa nagkatawang-taong Diyos at pagkatuklas na hindi Siya kahawig ng Diyos, agad silang nagkakaroon ng mga kuru-kuro at nagbabago ang kanilang saloobin. Kapag hindi nakikipag-ugnayan sa nagkatawang-taong Diyos, hawak lamang nila ang aklat ng mga salita ng Diyos at itinuturing nila ang Kanyang mga salita bilang Diyos, at maaari pa rin silang magkimkim ng isang malabong pantasya at isang layunin ng pagtanggap ng mga pagpapala upang atubiling magsikap, gumawa ng ilang tungkulin, at gumampan ng isang papel sa sambahayan ng Diyos. Pero, sa sandaling makipag-ugnayan sila sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, napupuno ng mga kuru-kuro ang kanilang isipan. Kahit na hindi sila pinupungusan, maaaring mabawasan nang husto ang kanilang sigasig sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Ganito tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos at ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos. Madalas nilang inihihiwalay ang mga salita ng Diyos mula sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang Diyos at ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos bilang tao. Kapag ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos ay hindi umaayon o kaya ay lumalabag sa kanilang mga kuru-kuro, mabilis silang bumabaling sa mga salita ng Diyos at dinarasal-binabasa ang mga ito, pilit na sinusubukang supilin ang kanilang mga kuru-kuro at pigilan ang mga ito. Pagkatapos, sinasamba nila ang mga salita ng Diyos na para bang sinasamba nila ang Diyos mismo, at para bang nalutas na ang kanilang mga kuru-kuro. Gayumpaman, sa realidad, hindi talaga nalulutas ang kanilang panloob na pagsuway at pagkamuhi kay Cristo. Sa kanilang pagtrato kay Cristo, patuloy na nagkakaroon ng mga kuru-kuro ang mga anticristo at mahigpit nilang pinanghahawakan ang mga ito hanggang kamatayan. Kapag wala silang mga kuru-kuro, nagsisiyasat at nagsusuri sila; kapag mayroon silang mga kuru-kuro, hindi lamang sila nagsisiyasat at nagsusuri, kundi mahigpit din nilang pinanghahawakan ang mga ito. Hindi nila nilulutas ang kanilang mga kuru-kuro ni hinahanap ang katotohanan; sila ay kumbinsidong tama sila. Hindi ba’t nabibilang sila kay Satanas? (Oo.) Ito ang mga pagpapamalas ng mga anticristo kapag mayroon silang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikatlong Bahagi)

Marami nang sinabi at nagawa ang Diyos, pero gaano man kapraktikal ang Kanyang mga salita, gaano man nakakapagpatibay ang mga katotohanang Kanyang sinasabi sa mga tao, gaano man nila kailangan itong maintindihan agad, hindi interesado ang mga anticristo, at hindi nila isinasapuso ang mga ito. Sa katunayan, habang lalo pang nagsasalita ang Diyos, habang lalo pang nagiging partikular ang Kanyang ginagawang gawain, lalong nasusuklam, naiirita, at nakararamdam ng paglaban ang mga anticristo. Bukod dito, magkakaroon pa ng pagkondena at paglapastangan sa Diyos ang kalooban nila; tututol sila sa Kanya: “Ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat mo ba ay nasa mga salitang ito? Iyon lang ba ang ginagawa mo—ang magpahayag ng mga salita? Kung hindi ka magsasalita, hindi ka ba magiging makapangyarihan sa lahat? Kung ikaw ay makapangyarihan sa lahat, huwag kang magsalita. Huwag mong gamitin ang pagsasalita o pagbabahagi tungkol sa katotohanan at ang pagtutustos ng katotohanan sa tao para magkaroon kami ng buhay at magkamit ng pagbabago sa disposisyon. Kung lahat kami ay gagawin mong mga anghel pagkatapos lamang ng isang magdamag, gagawing iyong mga mensahero—iyon ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat!” Habang binibigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita at ginagawa ang Kanyang gawain, nabubunyag at nalalantad ang kalikasan ng mga anticristo, nang paunti-unti, nang walang naitatago, at ganap ding nalalantad ang kanilang diwang tutol at lumalaban sa katotohanan. Ang disposisyon at diwa ng mga anticristo na namumuhi sa pagkakakilanlan ng Diyos at sa Kanyang diwa ay nalalantad at nabubunyag din, nang paunti-unti, sa paglipas ng panahon at sa walang tigil na pagsulong ng gawain ng Diyos. Naghahangad ng malalabong bagay ang mga anticristo; hinahangad nila ang mga palatandaan at kababalaghan—at dahil pinamumunuan sila ng ambisyon at pagnanais na ito, na hindi umaayon sa realidad, nalalantad ang kanilang kalikasan na tutol sa katotohanan at namumuhi rito. Sa kabaligtaran, ang mga tunay na naghahangad sa realidad at sa katotohanan, na naniniwala at nagmamahal sa mga positibong bagay, ay nakikita ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos sa proseso ng Kanyang gawain at mga salita—at ang nakikita, nakakamit, at nalalaman ng mga taong ito ay ang mismong mga bagay na hindi kailanman magagawang malaman at makamit ng mga anticristo. Naniniwala ang mga anticristo na kung makakamit ng mga tao ang buhay mula sa Diyos, kailangang may mga palatandaan at kababalaghan; naniniwala sila na kung walang mga palatandaan at kababalaghan, ang pagkakamit ng buhay at ng katotohanan mula sa mga salita ng Diyos lamang, at pagkatapos ay pagkakamit ng pagbabago ng disposisyon at pagtatamo ng kaligtasan, ay imposible. Para sa isang anticristo, imposible magpakailanman iyon—hindi ito makatotohanan. Kaya, walang pagod silang naghihintay at nagdarasal, umaasa silang ipapakita ng Diyos sa kanila ang mga palatandaan at kababalaghan at na gagawa ang Diyos ng mga himala para sa kanila—at kung hindi, ibig sabihin ay hindi umiiral ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Ang implikasyon sa likod nito ay na kung hindi umiiral ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, siguradong hindi umiiral ang Diyos. Ito ang lohika ng mga anticristo. Kinokondena nila ang pagiging matuwid ng Diyos, at kinokondena nila ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Unang Bahagi)

Hindi kinikilala o pinaniniwalaan kahit kaunti ng mga anticristo ang katuwiran at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng disposisyong diwa ng Diyos, lalong wala silang kaalaman tungkol sa mga ito. Siyempre, mas mahirap pa para sa kanila na paniwalaan, kilalanin, at alamin ang kabanalan at pagiging natatangi ng Diyos. Kaya, kapag binabanggit ng Diyos na nais Niyang maging tapat ang mga tao, na nais Niyang maging praktikal na nilikha ang mga ito na kayang manatili sa kanilang kinalalagyan, may mga ideyang lumilitaw sa mga anticristo, at nagkakaroon sila ng isang saloobin at damdamin. Sinasabi nila: “Hindi ba’t dinakila ang diyos? Hindi ba’t siya ay kataas-taasan? Kung gayon, dapat enggrande at dakila ang mga hinihingi niya sa tao. Inakala kong napakahiwaga ng Diyos; hindi ko naisip na hihingi siya ng gayong maliliit na kahilingan sa tao. Puwede bang ituring ang mga ito bilang ang katotohanan? Napakasimple ng mga ito! Nararapat lang na mataas ang mga hinihingi ng Diyos: Dapat maging isang napakahusay na tao, isang dakilang tao, isang taong may kakayahan—iyon ang dapat hingin ng diyos na gawin ng tao. Nais niya na maging tapat ang isang tao—gawain ba talaga iyon ng diyos? Hindi ba peke iyon?” Sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi lang lumalaban ang mga anticristo sa katotohanan—habang ginagawa nila iyon, lumilitaw din sa kanila ang paglalapastangan. Hindi ba’t iyon ay paghamak nila sa katotohanan? Puno sila ng panghahamak at pang-aalipusta sa mga hinihingi ng Diyos; tinutukoy at tinatrato nila ang mga ito nang may saloobin ng pangungutya, pagwawalang-bahala, pang-uuyam, at panlilibak. Maliwanag na kasuklam-suklam ang mga anticristo sa kanilang disposisyong diwa; hindi nila magawang tanggapin ang mga bagay o salita na totoo, maganda, at praktikal. Totoo at praktikal ang diwa ng Diyos, at naaayon sa pangangailangan ng mga tao ang Kanyang mga hinihingi sa mga tao. “Mataas at dakila,” gaya ng sinasabi ng mga anticristo—ano iyon? Huwad, hungkag, at mababaw iyon; ginagawa nitong tiwali ang mga tao at inililihis sila; nagdudulot iyon ng kanilang pagbagsak, at naglalayo sa kanila sa Diyos. Sa kabilang banda, matapat, kaibig-ibig, at praktikal ang mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos at ang Kanyang buhay. Kapag naranasan at napagdaanan na ng isang tao ang mga salita ng Diyos nang ilang panahon, matutuklasan nila na ang buhay ng Diyos lamang ang pinakakaibig-ibig, na ang Kanyang mga salita lamang ang makapagpapabago sa mga tao at magiging kanilang buhay, at ang mga ito ang kailangan ng mga tao—samantalang ang mga mataas, dakilang opinyon at kasabihang inilalabas ni Satanas at ng mga anticristo ay ganap na salungat sa pagiging totoo at praktikal ng mga hinihingi ng Diyos sa tao. Samakatwid, batay sa ganitong uri ng diwa ng mga anticristo, lubos nilang hindi kayang tanggapin ang kabanalan at pagiging natatangi ng Diyos. Imposibleng kilalanin nila ang mga bagay na iyon. Pagdating naman sa iba’t ibang aspekto ng tiwaling disposisyon at tiwaling diwa ng mga tao na inilalantad ng Diyos—sa kanilang pagiging mapagmatigas at mapagmataas, sa kanilang mga disposisyon ng panlilinlang, kabuktutan, pagtutol sa katotohanan, at kalupitan—hinding-hindi tinatanggap ng mga anticristo ang mga ito. Pagdating naman sa paghatol ng Diyos sa mga tao at sa Kanyang mahigpit na pagsaway sa mga ito, hindi lang hindi kayang malaman ng mga anticristo ang kabanalan at pagiging kaibig-ibig ng Diyos sa mga iyon—sa kabaligtaran, sa puso nila ay tutol sila sa mga salitang sinasabi ng Diyos, at nilalabanan nila ang mga ito. Sa tuwing binabasa nila ang mga salita ng Diyos na nagkakastigo, humahatol, at naglalantad sa tiwaling disposisyon ng tao, kinamumuhian nila ang mga ito at gusto nilang magmura. Kung may magsabi na sila ay isang mapagmataas na tao, isang mapagmatigas na tao, isang buktot na tao na tutol sa katotohanan, makikipagtalo sila sa taong iyon at mumurahin ang mga ninuno nito; at kung may maglalantad ng kanilang tiwaling diwa at kokondenahin sila, para bang gusto silang patayin ng taong iyon—hinding-hindi nila ito matatanggap. Dahil may ganitong diwa at nagbubunyag ng mga ganitong bagay ang mga anticristo kaya sila natutukoy, nang hindi nila nalalaman, at hindi sinasadyang nabubukod at nabubunyag sila, sa sambahayan at sa iglesia ng Diyos. Madalas na hindi natutupad ang kanilang ambisyon at pagnanasa, at kaya tumitindi ang kanilang pagkamuhi sa mga salitang sinasabi ng Diyos, sa Kanyang pag-iral, at sa pariralang “naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos.” Kung sasabihin mo sa kanila ang pariralang iyon, gugustuhin nilang labanan ka hanggang sa kamatayan, na pahirapan at parusahan ka hanggang mamatay ka. Hindi ba’t nagpapakita ito na laban sa Diyos ang mga anticristo? Oo, ganoon nga!

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Unang Bahagi)

Ang karaniwang pag-uugali ng mga anticristo sa pagpupungos ay masidhing tanggihang tanggapin o aminin iyon. Gaano man karaming kasamaan ang ginagawa nila o gaano mang pinsala ang ginagawa nila sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, hindi sila nakakaramdam ni katiting na pagsisisi o na may pagkakautang silang ano man. Mula sa pananaw na ito, mayroon bang pagkatao ang mga anticristo? Talagang wala. Nagdudulot sila ng samu’t saring pinsala sa hinirang na mga tao ng Diyos at nagdadala ng pinsala sa gawain ng iglesia—kitang-kita itong maliwanag pa sa sikat ng araw ng hinirang na mga tao ng Diyos, at nakikita nila ang sunod-sunod na masasamang gawa ng mga anticristo. At gayumpaman hindi tinatanggap o kinikilala ng mga anticristo ang katunayang ito; nagmamatigas silang tumatangging aminin na mali sila o na sila ang may pananagutan. Hindi ba’t isa itong indikasyon na tutol sila sa katotohanan? Ganoon na lamang katindi ang pagtutol ng mga anticristo sa katotohanan. Gaano man karaming kasamaan ang gawin nila, matigas silang tumatangging aminin ito, at nananatili silang hindi nagpapasakop hanggang sa huli. Sapat nitong pinatutunayan na hindi kailanman sineseryoso ng mga anticristo ang gawain ng sambahayan ng Diyos o tinatanggap ang katotohanan. Hindi sila narito para maniwala sa Diyos; mga kampon sila ni Satanas, na naparito para gambalain at guluhin ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Reputasyon at katayuan lamang ang laman ng puso ng mga anticristo. Naniniwala sila na kung aaminin nila ang kanilang pagkakamali, kakailanganin nilang managot, at kung magkagayon, lubhang makokompromiso ang kanilang katayuan at reputasyon. Bilang resulta, lumalaban sila nang may saloobin ng “magkaila hanggang mamatay.” Paano man sila inilalantad o hinihimay-himay ng mga tao, ginagawa nila ang makakaya nila para itanggi ito. Kung sinasadya man o hindi ang kanilang pagtanggi, sa madaling salita, sa isang banda, inilalantad ng mga ugaling ito ang kalikasang diwa ng mga anticristo na tumututol at namumuhi sa katotohanan. Sa isa pang banda, ipinapakita nito kung gaano pinahahalagahan ng mga anticristo ang kanilang sariling katayuan, reputasyon, at mga interes. Samantala, ano ang kanilang saloobin ukol sa gawain at mga interes ng iglesia? Paghamak at pagiging iresponsable. Walang-wala silang konsensiya at katwiran. Ipinapakita ba ng pag-iwas ng mga anticristo sa responsabilidad ang mga problemang ito? Sa isang banda, ang pag-iwas sa responsabilidad ay nagpapatunay sa kanilang kalikasang diwa ng pagtutol at pagkamuhi sa katotohanan, habang sa isa pang banda, ipinapakita nito ang kawalan nila ng konsensiya, katwiran, at pagkatao. Gaano man napipinsala ng kanilang panggugulo at masasamang gawain ang buhay pagpasok ng mga kapatid, hindi sila nakadarama ng paninisi sa sarili at hindi kailanman nababahala tungkol dito. Anong uri ng nilikha ito? Kahit ang pag-amin sa bahagi ng kanilang pagkakamali ay maituturing bilang pagkakaroon nila ng kaunting konsensiya at katwiran ngunit wala ni katiting na ganoong pagkatao ang mga anticristo. Kaya ano sila sa palagay ninyo? Ang mga anticristo ay mga diyablo sa diwa. Gaano mang pinsala ang kanilang ginagawa sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi nila ito nakikita. Hindi nila ito ikinalulungkot ni bahagya sa kanilang mga puso, ni hindi nila sinisisi ang kanilang mga sarili, at lalong hindi nakakaramdam ng pagkakautang. Hinding-hindi ito ang dapat na makita sa mga normal na tao. Sila ay mga diyablo, at ang mga diyablo ay walang anumang konsensiya o katwiran. Kahit gaano karaming masamang bagay ang ginagawa nila, at kahit gaano kalaking mga kawalan ang idinudulot nila sa gawain ng iglesia, mariin nilang tinatangging aminin ito. Naniniwala sila na ang pag-amin dito ay nangangahulugang may nagawa silang mali. Iniisip nila, “Makakagawa ba ako ng mali? Hindi ako kailanman gagawa ng mali! Kung ipapaamin sa akin ang pagkakamali ko, hindi ba’t isang insulto iyon sa aking pagkatao? Bagamat sangkot ako sa insidenteng iyon, hindi ako ang nagpasimuno nito, at hindi ako ang pangunahing responsable rito. Hanapin mo ang sinumang gusto mo, pero hindi dapat ako ang hinahanap mo. Anumang mangyari, hindi ko pwedeng aminin ang pagkakamaling ito. Hindi ko pwedeng pasanin ang responsabilidad na ito!” Iniisip nila na sila ay kokondenahin, sesentensiyahan ng kamatayan, at ipapadala sa impiyerno at sa lawa ng apoy at asupre kung aaminin nila ang kanilang pagkakamali. Sabihin mo sa Akin, kaya bang tanggapin ng mga ganitong tao ang katotohanan? Makakaasa ba ang isang tao na tunay siyang magsisisi? Paano man magbahagi ang iba tungkol sa katotohanan, nilalabanan pa rin ito ng mga anticristo, ipinupuwesto nila ang kanilang sarili laban dito, at sinusuway ito sa kaibuturan ng kanilang puso. Kahit pagkatapos silang tanggalin, hindi pa rin nila inaamin ang kanilang mga pagkakamali, at wala silang ipinapakitang anumang pagpapamalas ng pagsisisi. Nang binanggit ang usapin pagkatapos ng 10 taon, hindi pa rin nila kilala ang kanilang sarili, at hindi pa rin nila inaamin na nagkamali sila. Nang binanggit ang usapin pagkatapos ng 20 taon, hindi pa rin nila kilala ang kanilang sarili, at sinusubukan pa rin nilang pangatwiranan at ipagtanggol ang kanilang sarili. At ang mas kasuklam-suklam pa, nang binanggit ang usapin pagkatapos ng 30 taon, hindi pa rin nila kilala ang kanilang sarili, at sinusubukan pa rin nilang makipagtalo at pangatwiranan ang kanilang sarili, sinasabing: “Hindi ako nagkamali, kaya hindi ko pwedeng aminin ito. Hindi ko ito responsabilidad; hindi ko dapat pasanin ito.” At sa gulat ng lahat, 30 taon pagkatapos silang tanggalin, nagkikimkim pa rin ang mga anticristong ito ng isang saloobin ng paglaban sa paraan ng pangangasiwa sa kanila ng iglesia. Kahit na pagkatapos ng 30 taon, hindi man lang sila nagbago. Kung gayon, paano nila ginugol ang 30 taon na iyon? Maaari kayang hindi nila binasa ang salita ng Diyos o pinagnilayan ang kanilang sarili? Maaari kayang hindi sila nanalangin o nagtapat ng saloobin sa Diyos? Maaari kayang hindi sila nakinig sa mga sermon at pagbabahaginan? Maaari kayang hindi sila nag-iisip, at hindi nagtataglay ng pag-iisip ng isang normal na pagkatao? Tunay na isang misteryo kung paano nila ginugol ang 30 taon na iyon. Tatlumpung taon pagkatapos mangyari ang insidente, puno pa rin sila ng sama ng loob, iniisip na inagrabyado sila ng kanilang mga kapatid, na hindi sila nauunawaan ng Diyos, na hindi sila trinato nang maayos ng sambahayan ng Diyos, naglikha ito ng mga problema para sa kanila, pinahirapan sila, at hindi makatarungang pinagbintangan sila. Sabihin ninyo sa Akin, kaya bang magbago ng mga ganitong tao? Tiyak na hindi nila kayang magbago. Ang puso nila ay puno ng pagkamapanlaban sa mga positibong bagay, at ng paglaban at pagsalungat. Naniniwala sila na, sa pamamagitan ng paglalantad sa kanilang masasamang gawa at pagpupungos sa kanila, sinisira ng ibang tao ang kanilang pagkatao, dinudungisan ang kanilang reputasyon, at dinudulutan ng napakalaking pinsala ang kanilang reputasyon at katayuan. Hindi sila kailanman lalapit sa Diyos para manalangin, maghanap, at kilalanin ang kanilang sariling mga pagkakamali sa usaping ito, at hindi sila kailanman magkakaroon ng saloobin ng pagsisisi o pag-amin sa kanilang mga pagkakamali. Lalong hindi nila tatanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos. Ngayon, nagkikimkim pa rin sila ng pagsuway, kawalan ng kasiyahan, at mga hinaing habang pinangangatwiranan ang kanilang sarili sa Diyos, at hinihiling sa Diyos na ituwid ang mga kamaliang ito, na ibunyag ang usaping ito, at hatulan kung sino talaga ang tama at sino ang mali, hanggang sa puntong pinagdududahan at itinatatwa pa nga nila ang pagiging matuwid ng Diyos dahil sa usaping ito, at pinagdududahan at itinatatwa ang katunayan na ang sambahayan ng Diyos ay pinamumunuan ng katotohanan at ng Diyos. Ito ang huling kalalabasan ng pagpungos sa mga anticristo—tinatanggap ba nila ang katotohanan? Hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti; determinado silang hindi tanggapin ito. Mula rito, makikita natin na ang kalikasang diwa ng isang anticristo ay tumututol at namumuhi sa katotohanan.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)

Ang mga anticristo ay tutol sa katotohanan at namumuhi rito. Posible ba para sa iyo na gawin ang isang taong tutol sa katotohanan na tanggapin ito at isagawa ito? (Hindi.) Ang paggawa niyon ay katumbas ng pagpapaakyat sa baka sa isang puno o ng pagpapakain ng dayami sa isang lobo—hindi ba’t paghingi iyon ng imposible sa kanya? Minsan ay makikita mo ang isang lobo na pumapasok sa isang kawan para makasama roon ang mga tupa. Gumagamit ito ng panlilinlang, naghihintay ng pagkakataon nitong kainin ang mga tupa. Hindi kailanman magbabago ang kalikasan nito. Gayundin, ang pagkakaroon ng isang anticristo na nagsasagawa ng katotohanan ay katumbas ng pagkakaroon ng isang lobo na kumakain ng dayami at inaabandona ang instinto nitong kumain ng tupa: Imposible ito. Karniboro ang mga lobo. Kumakain ang mga ito ng tupa—kumakain ang mga ito ng lahat ng uri ng hayop. Iyon ang kalikasan ng mga ito, at hindi ito mababago. Kung sinasabi ng isang tao na, “Hindi ko alam kung ako ay isang anticristo, subalit sa tuwing naririnig kong ibinabahagi ang katotohanan, nag-aalab sa galit ang aking puso, at namumuhi ako rito—at kung sinuman ang pupungos sa akin, mas lalo ko siyang kamumuhian,” anticristo ba ang taong iyon? (Oo.) Sinasabi ng isang tao na, “Kapag nangyayari sa iyo ang mga bagay-bagay, kailangan mong magpasakop at hanapin ang katotohanan,” at sinasabi ng unang taong iyon, “Magpasakop, mukha mo! Tumigil ka sa pagsasalita!” Anong uri ng bagay iyon? Pagiging mainitin ng ulo ba ito? (Hindi.) Anong disposisyon ito? (Pagkamuhi sa katotohanan.) Ni hindi niya matitiis ang usapan tungkol dito, at sa sandaling magbahagi ka ng katotohanan, sumasambulat ang kanyang kalikasan, at ipinakikita niya ang kanyang tunay na anyo. Ayaw niyang makarinig ng anumang pagbanggit tungkol sa paghahanap sa katotohanan o pagpapasakop sa Diyos. Gaano katindi ang pag-ayaw niya? Kapag narinig niya ang gayong usapan, nagagalit siya. Nawawala ang kanyang pagkamagalang; hindi siya natatakot na ipakita ang tunay niyang pagkatao. Ganoon kalayo ang naaabot ng kanyang pagkamuhi. Maisasagawa ba niya ang katotohanan, kung gayon? (Hindi.) Ang katotohanan ay hindi para sa kasamaan; ito ay para sa mga taong nagtataglay ng konsensiya at katwiran, sa mga nagmamahal sa katotohanan at mga positibong bagay. Hinihingi nito sa mga taong iyon na tanggapin nila ito at isagawa ito. At para sa masasamang taong iyon na may diwa ng isang anticristo, na labis na mapanlaban sa katotohanan at sa mga positibong bagay, hindi nila kailanman tatanggapin ang katotohanan. Gaano karaming taon man silang nananalig sa Diyos, gaano karaming sermon man ang kanilang naririnig, hindi nila tatanggapin o isasagawa ang katotohanan. Huwag ipagpalagay na hindi nila isinasagawa ang katotohanan dahil hindi nila ito nauunawaan, at na makauunawa sila kapag mas marami nito ang narinig nila. Imposible ito, dahil ang lahat ng tutol sa katotohanan at namumuhi rito ay mga kauri ni Satanas. Hindi sila kailanman magbabago, at walang ibang makakapagpabago sa kanila. Tulad lang ito ng arkanghel, pagkatapos ipagkanulo ang Diyos: Narinig ninyo na ba na sinabi ng Diyos na ililigtas Niya ang arkanghel? Hindi iyon kailanman sinabi ng Diyos. Kaya, ano ang ginawa ng Diyos kay Satanas? Ibinagsak Niya ito sa himpapawid at pinagserbisyo ito sa Kanya sa lupa, ginagawa ang dapat nitong gawin. At kapag natapos na ito sa pagseserbisyo, at nakompleto na ang plano ng pamamahala ng Diyos, wawasakin Niya ito, at iyon ang magiging iyon. May sinabi bang isang karagdagang bagay ang Diyos dito? (Wala.) Bakit wala? Dahil ito ay, sa madaling salita, walang silbi. Ang magsabi ng isang bagay rito ay kalabisan. Nakita na ito ng Diyos: Hindi kailanman mababago ang kalikasan ng isang anticristo. Ganyan na iyan.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Ikalawang Bahagi)

Sinundan: 8. Paano makilatis ang malupit na kalikasan ng mga anticristo

Sumunod: 10. Paano makilatis ang kalikasang diwa ni Pablo

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito