10. Paano makilatis ang kalikasang diwa ni Pablo
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Sa pagbanggit kay Pablo, iisipin ninyo ang kanyang kasaysayan, at ang ilan sa mga kuwento tungkol sa kanya na hindi tumpak at hindi umaayon sa realidad. Tinuruan siya ng kanyang mga magulang mula sa murang edad, at natanggap ang Aking buhay, at bilang resulta ng Aking paunang pagtatalaga ay nagtaglay siya ng kakayahang Aking kinakailangan. Sa edad na 19, binasa niya ang iba’t ibang libro tungkol sa buhay; kaya hindi Ko na kailangang idetalye kung paano, dahil sa kanyang kakayahan, at dahil sa Aking kaliwanagan at pagpapalinaw, hindi lamang siya nakapagsalita ng ilang kabatiran tungkol sa espirituwal na mga bagay, kundi nagawa niya ring tarukin ang Aking mga intensyon. Siyempre, hindi nito isinasantabi ang kombinasyon ng mga panloob at panlabas na kadahilanan. Gayon pa man, ang kanyang isang kapintasan ay, dahil sa kanyang mga talento, madalas siyang matamis magsalita at mayabang. Bilang resulta, dahil sa kanyang paghihimagsik, na bahagyang direktang kumatawan sa arkanghel, nang Ako ay nagkatawang-tao sa unang pagkakataon, ginawa niya ang lahat ng makakaya niya upang lumaban sa Akin. Isa siya sa mga hindi nakakaalam sa Aking mga salita, at naglaho na ang Aking lugar sa kanyang puso. Direktang tumututol ang nasabing mga tao sa Aking pagka-Diyos, at sila ay Aking pinababagsak, at yumuyuko lamang at nagkukumpisal ng kanilang mga kasalanan sa katapus-katapusan. Kaya, pagkatapos Kong magamit ang kanyang mga kalakasan—na ang ibig sabihin, matapos siyang makapaglingkod sa Akin nang kaunting panahon—bumalik siyang muli sa kanyang mga lumang gawi, at kahit na hindi siya direktang naghimagsik laban sa Aking mga salita, naghimagsik siya laban sa Aking panloob na gabay at kaliwanagan, at sa gayon ang lahat ng kanyang nagawa nang nakaraan ay walang-saysay; sa madaling salita, ang korona ng kaluwalhatian na sinabi niya ay naging hungkag na mga salita, isang produkto ng kanyang sariling imahinasyon, dahil kahit sa ngayon ay sumasailalim pa rin siya sa Aking paghatol sa loob ng pagkakabihag ng Aking mga gapos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 4
Sa mga naghahangad ng buhay, si Pablo ay isang taong hindi alam ang sarili niyang diwa. Hindi siya mapagpakumbaba o mapagpasakop, sa anumang paraan, ni hindi niya alam ang kanyang kakanyahan, na salungat sa Diyos. Kaya nga, siya ay isang taong hindi pa sumailalim sa mga detalyadong karanasan, at isang taong hindi nagsagawa ng katotohanan. … Hindi alam ni Pablo ang sarili niyang kakanyahan o katiwalian, lalong hindi niya alam ang sarili niyang paghihimagsik. Hindi niya binanggit kailanman ang kanyang kasuklam-suklam na paglaban kay Cristo, ni hindi siya masyadong nagsisi. Nag-alok lamang siya ng maikling paliwanag at, sa kaibuturan ng kanyang puso, hindi siya lubusang sumuko sa Diyos. Bagama’t nahulog siya sa daan patungong Damasco, hindi siya tumingin sa kanyang sariling kaibuturan. Kuntento na siyang patuloy lamang na gumawa, at hindi niya itinuring na pinakamahalaga sa mga problema ang kilalanin ang kanyang sarili at baguhin ang kanyang dating disposisyon. Masaya na siya sa pagsasalita lamang ng katotohanan, sa pagtustos sa iba bilang pampalubag sa sarili niyang konsensiya, at sa pagtigil sa pag-usig sa mga disipulo ni Jesus upang aliwin ang kanyang sarili at patawarin ang kanyang sarili para sa kanyang nakaraang mga kasalanan. Ang layong kanyang pinagsikapang matamo ay walang iba kundi isang korona sa hinaharap at panandaliang gawain, ang layong kanyang pinagsikapang matamo ay saganang biyaya. Hindi siya naghangad ng sapat na katotohanan, ni hindi siya naghangad na maunawaan nang mas malalim ang katotohanang hindi niya naunawaan noon. Samakatwid ay masasabi na ang kanyang kaalaman tungkol sa kanyang sarili ay mali, at hindi siya tumanggap ng pagkastigo o paghatol. Hindi komo nakaya niyang gumawa ay mayroon siyang kaalaman tungkol sa kanyang sariling likas na pagkatao o kakanyahan; ang kanyang tuon ay nasa panlabas na mga pagsasagawa lamang. Ang kanyang pinagsumikapan, bukod pa riyan, ay hindi pagbabago, kundi kaalaman. Ang kanyang gawain ay ang lubos na resulta ng pagpapakita ni Jesus sa daan patungong Damasco. Hindi iyon isang bagay na orihinal niyang naipasiyang gawin, ni hindi ito gawaing naganap matapos niyang matanggap ang pagtatabas ng kanyang dating disposisyon. Paano man siya gumawa, hindi nagbago ang kanyang dating disposisyon, kaya nga ang kanyang gawain ay hindi naging bayad para sa dati niyang mga kasalanan kundi gumanap lamang ng isang papel sa mga iglesia noong panahong iyon. Para sa isang taong tulad nito, na ang dating disposisyon ay hindi nagbago—ibig sabihin, hindi nagkamit ng kaligtasan, at lalo pang walang taglay na katotohanan—talagang wala siyang kakayahang maging isa sa mga tinanggap ng Panginoong Jesus. Hindi siya isang taong puno ng pagmamahal at takot kay Jesucristo, ni hindi siya isang taong bihasa sa paghahanap sa katotohanan, lalong hindi siya isang taong naghanap sa hiwaga ng pagkakatawang-tao. Isa lamang siyang taong sanay sa panlilinlang, at hindi susuko sa sinumang nakatataas sa kanya o taglay ang katotohanan. Kinainggitan niya ang mga tao o ang mga katotohanang taliwas sa kanya, o laban sa kanya, na mas gusto yaong mga taong may talento na nagpakita ng magandang imahe at nagtataglay ng malalim na kaalaman. Ayaw niyang makihalubilo sa mga taong maralita na naghanap sa tunay na daan at walang ibang pinahalagahan kundi ang katotohanan, at sa halip ay pinagkaabalahan lamang niya ang nakatatandang mga tao mula sa mga relihiyosong organisasyon na nagsalita lamang tungkol sa mga doktrina, at may saganang kaalaman. Wala siyang pagmamahal sa bagong gawain ng Banal na Espiritu at hindi niya pinahalagahan ang paggalaw ng bagong gawain ng Banal na Espiritu. Sa halip, pinaburan niya yaong mga panuntunan at doktrina na mas nakatataas kaysa mga pangkalahatang katotohanan. Sa kanyang likas na diwa at sa kabuuan ng kanyang hinangad, hindi siya karapat-dapat na matawag na isang Kristiyano na naghanap sa katotohanan, lalong hindi siya isang tapat na lingkod sa bahay ng Diyos, sapagkat masyado siyang mapagpaimbabaw, at napakatindi ng kanyang paghihimagsik. Bagama’t kilala siya bilang isang lingkod ng Panginoong Jesus, hindi man lamang siya akmang pumasok sa tarangkahan ng kaharian ng langit, sapagkat ang kanyang mga kilos mula simula hanggang katapusan ay hindi matatawag na matuwid. Maaari lamang siyang ituring na mapagpaimbabaw, at gumawa ng kasamaan, subalit gumawa rin para kay Cristo. Bagama’t hindi siya matatawag na masama, maaari siyang angkop na tawagin na isang taong gumawa ng kasamaan. Marami siyang ginawang gawain, subalit hindi siya kailangang hatulan batay sa dami ng gawaing kanyang ginawa, kundi sa kalidad at kakanyahan lamang nito. Sa paraang ito lamang posibleng malaman ang pinag-ugatan ng bagay na ito. Naniwala siya noon pa man: “Kaya kong gumawa, mas mahusay ako kaysa sa karamihan ng mga tao; isinasaalang-alang ko ang pasanin ng Panginoon nang higit kaninuman, at walang sinumang nagsisisi nang lubos na katulad ko, sapagkat ang nasinagan ako ng dakilang liwanag, at nakita ko na ang dakilang liwanag, kaya nga mas malalim ang aking pagsisisi kaysa kaninuman.” Sa panahong iyon, ito ang nasasaloob ng kanyang puso. Sa katapusan ng kanyang gawain, sinabi ni Pablo: “Pinagbuti ko ang paglaban, natapos ko na ang aking lakbayin, at may nakalaan sa akin na isang korona ng katuwiran.” Ang kanyang laban, gawain, at lakbayin ay lubos na para sa kapakanan ng korona ng katuwiran, at hindi siya aktibong sumulong. Bagama’t hindi siya pabigla-bigla sa kanyang gawain, masasabi na ang kanyang gawain ay ginawa para lamang punan ang kanyang mga pagkakamali, punan ang mga panunumbat ng kanyang konsiyensya. Inasam lamang niyang kumpletuhin ang kanyang gawain, tapusin ang kanyang lakbayin, at pagbutihin ang kanyang paglaban sa lalong madaling panahon, upang matamo niya ang kanyang inaasam na korona ng katuwiran nang mas maaga. Ang kanyang inasam ay hindi upang makilala ang Panginoong Jesus sa kanyang mga karanasan at tunay na kaalaman, kundi upang tapusin ang kanyang gawain sa lalong madaling panahon, upang matanggap niya ang mga gantimpalang nakamit ng kanyang gawain para sa kanya nang makilala niya ang Panginoong Jesus. Ginamit niya ang kanyang gawain upang aliwin ang kanyang sarili, at makipagkasunduan kapalit ng isang korona sa hinaharap. Ang kanyang hinanap ay hindi ang katotohanan o ang Diyos, kundi ang korona lamang. Paano makakaabot sa pamantayan ang gayon pagsisikap? Ang kanyang pangganyak, kanyang gawain, ang halagang kanyang ibinayad, at lahat ng kanyang pagsisikap—lumaganap sa lahat ng iyon ang kanyang kamangha-manghang mga pantasya, at gumawa siya ayon lamang sa kanyang sariling mga hangarin. Sa kabuuan ng kanyang gawain, wala ni katiting na pagkukusa sa halagang kanyang ibinayad; pumasok lamang siya sa isang kasunduan. Ang kanyang mga pagsisikap ay hindi kusang ginawa upang gampanan ang kanyang tungkulin, kundi kusang ginawa upang makamit ang layunin ng kasunduan. May anumang halaga ba ang gayong mga pagsisikap? Sino ang pupuri sa kanyang maruruming pagsisikap? Sino ang may interes sa gayong mga pagsisikap? Ang kanyang gawain ay puno ng mga pangarap para sa hinaharap, puno ng kamangha-manghang mga plano, at walang anumang landas para mabago ang disposisyon ng tao. Napakalaking bahagi ng kanyang kabutihan ay pagkukunwari; ang kanyang gawain ay hindi tumustos ng buhay, kundi isang paimbabaw na kabutihan; pakikipagkasunduan iyon. Paano maaakay ng gawaing gaya nito ang tao tungo sa landas ng pagbawi sa kanyang orihinal na tungkulin?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao
Kapag tiningnan ninyo ang iba’t ibang paraan kung paano iprinesenta ni Pablo ang kanyang sarili, dapat ay makita ninyo ang kanyang kalikasang diwa, at ganap na makapaghinuha na mali ang direksiyon, mga layon, ang pinagmulan, at motibasyon ng kanyang mga paghahangad, at na ang mga bagay na ito ay naghihimagsik at lumalaban sa Diyos, hindi nakalulugod sa Kanya, at kinamumuhian ng Diyos. Ano ang unang pangunahing paraan ng pagpresenta ni Pablo sa kanyang sarili? (Nagpakapagod at nagtrabaho siya kapalit ng isang korona.) Saan ninyo siya nakitang nagpresenta ng kanyang sarili sa ganitong paraan, o nakita na nasa ganito siyang kalagayan? (Sa kanyang mga salita.) Sa pamamagitan ng kanyang mga sikat na kasabihan. Kadalasan, ang mga sikat na kasabihan ay positibo, at nakakatulong at kapaki-pakinabang sa mga may determinasyon, pag-asa, at adhikain; kaya ng mga ito na palakasin ang loob ng gayong mga tao at bigyan sila ng motibasyon, pero ano ang naging silbi ng mga sikat na kasabihan ni Pablo? Marami siya nito. Maaari ba ninyong ibigkas ang isa sa mga mas sikat niyang kasabihan? (“Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8).) Anong aspekto ng kanyang kalikasang diwa ang inirerepresenta ng mga salitang ito? Paano natin ito dapat bigyan ng depinisyon ayon sa katotohanan? (Mapagmataas, inaakalang mas matuwid kaysa sa iba, at nakikipagtawaran sa Diyos.) Ang mapagmataas niyang kalikasan ang siyang nagtulak sa kanya na sabihin ang mga salitang ito—hindi siya tatakbo sa takbuhin, hindi siya magtatrabaho, o mananampalataya pa nga sa Diyos kung walang korona sa huli. Pagkatapos makinig sa napakaraming sermon, dapat magawa na ng mga tao ngayon na kilalanin ang pagpapamalas na ito at ang kalagayang ito na ipinakita ni Pablo, pero kaya ba ninyo itong bigyan ng depinisyon? Kapag sinabi natin na “ibuod,” layon nating bigyan ng depinisyon ang isang bagay; ang mga salitang ginagamit mo para bigyan ng depinisyon ang isang bagay ay tunay na pagkaunawa. Kapag tumpak mong nabibigyan ng depinisyon ang isang bagay, pinatutunayan nito na malinaw mong nakikita ang naturang bagay; kapag hindi mo kayang bigyan ng depinisyon ang isang bagay at kinokopya mo lang ang mga depinisyon ng ibang tao, pinatutunayan nito na hindi mo ito tunay na nauunawaan. Anong uri ng pag-iisip o kalagayan ang nagtulak kay Pablo na sabihin ang mga salitang iyon sa pagkakataong iyon? Anong intensyon ang nagtulak sa kanya para gawin ito? Ano ang diwa ng kanyang mga paghahangad na ipinapakita sa iyo ng mga salitang ito? (Para magkamit ng mga pagpapala.) Nagsikap siya nang husto, ginugol ang kanyang sarili at ibinuhos ang kanyang sarili dahil ang intensiyon niya ay ang magkamit ng mga pagpapala. Iyon ang kalikasang diwa niya, at iyon ang nanahan sa kaibuturan ng kanyang puso. … Itinuring ni Pablo ang pakikipaglaban ng mabuting laban, pagtakbo sa takbuhin, pagtatrabaho, paggugol ng sarili, at maging ang pagdidilig sa iglesia, bilang mga alas na magagamit niya kapalit ng korona ng katuwiran, at bilang mga landas patungo rito. Kaya, kahit pa nagdusa siya, gumugol ng kanyang sarili, o tumakbo sa karera, gaano man siya nagdusa, ang tanging layon sa kanyang isip ay ang makuha ang korona ng katuwiran. Itinuring niyang isang angkop na layon sa pananampalataya sa Diyos ang paghahangad sa korona ng katuwiran at ang paghahangad ng mga pagpapala, at ang pagdurusa, paggugol ng kanyang sarili, pagtatrabaho, at pagtakbo sa dapat takbuhin bilang mga landas patungo rito. Ang lahat ng mabuting pag-uugali na ipinapakita niya sa panlabas ay pakitang-tao lamang; ginawa niya ito kapalit ng pagkuha ng mga pagpapala sa pinakahuli. Ito ang una sa malalaking kasalanan ni Pablo.
Ang lahat ng sinabi at ginawa ni Pablo, ang mga ipinakita niya, ang intensiyon at layon ng kanyang gawain at ang takbuhing tinakbo niya, pati na ang saloobin niya sa mga ito—may kahit ano ba tungkol sa mga bagay na ito ang ayon sa katotohanan? (Wala.) Walang anumang bagay sa kanya ang umaayon sa katotohanan, at wala siyang ginawang anumang bagay na nakaayon sa kung ano ang itinagubilin ng Panginoong Jesus na gawin ng mga tao, pero pinagnilayan ba niya ito? (Hindi, hindi niya ito pinagnilayan.) Ni hindi niya ito kailanman pinagnilayan, ni hindi siya naghanap, kaya ano ang batayan niya para ipagpalagay na tama ang iniisip niya? (Ang kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon.) May isyu sa bagay na ito; paano niya gagawing layon na itataguyod niya sa kanyang buong buhay ang isang bagay na naisip niya? Pinag-isipan ba niya ito nang mabuti o tinanong ang kanyang sarili na, “Tama ba ang iniisip ko? Hindi ganito mag-isip ang ibang tao, ako lang. Problema ba ito?” Bukod sa wala siyang ganitong mga pagdududa, isinulat niya ang kanyang mga kaisipan sa mga liham at ipinadala ang mga ito sa lahat ng iglesia, para mabasa ng lahat ang mga ito. Ano ang kalikasan ng pag-uugaling ito? May problema sa bagay na ito; bakit hindi niya kailanman kinuwestiyon kung nakaayon ba sa katotohanan ang mga iniisip niya, bakit hindi niya hinanap ang katotohanan, o ikinumpara ito sa kung ano ang sinabi ng Panginoong Jesus? Sa halip, itinuring niya bilang mga layon na dapat niyang hangarin ang mga naisip niya, at ang mga bagay na inakala niyang tama sa kanyang mga kuru-kuro. Ano ang problema rito? Itinuring niya bilang katotohanan at layong dapat niyang hangarin ang mga naisip niya at ang mga bagay na inakala niyang tama. Hindi ba’t ito ay labis na kayabangan at pag-aakalang mas matuwid siya sa iba? May puwang pa ba ang Diyos sa puso niya? Nagawa pa ba niyang ituring bilang katotohanan ang mga salita ng Diyos? Kung hindi niya nagawang ituring bilang katotohanan ang mga salita ng Diyos, ano kung gayon ang magiging saloobin niya sa Diyos? Ginusto rin ba niyang maging diyos? Kung hindi, hindi niya ituturing bilang mga layong dapat niyang hangarin ang mga bagay na naisip niya sa sarili niyang mga kaisipan at kuru-kuro, ni hindi niya ituturing na para bang katotohanan ang kanyang mga kuru-kuro o kung ano ang kanyang naisip. Naniwala siya na kung ano ang naisip niya, iyon ang katotohanan, at na ito ay nakaayon sa katotohanan at sa mga layunin ng Diyos. Ibinahagi rin niya sa mga kapatid na nasa mga iglesia ang mga bagay na inakala niyang tama, at ikinintal ito sa kanila, dahilan para mapasunod niya ang lahat sa mga katawa-tawang bagay na sinabi niya; ipinalit niya ang kanyang mga salita sa mga salita ng Panginoong Jesus, at ginamit ang mga katawa-tawang salita niyang ito para magpatotoo na para sa kanya, ang mabuhay ay si cristo. Hindi ba’t ito ang pangalawang malaking kasalanan na nagawa ni Pablo? Lubhang malala ang problemang ito!
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Matukoy ang Kalikasang Diwa ni Pablo
May isa pang malubhang kasalanan si Pablo, at iyon ay na ginawa niya ang kanyang gawain nang ganap na nakabatay sa kakayahan ng kanyang pag-iisip, sa akademikong kaalaman, teolohikal na kaalaman at teorya. Isa itong bagay na tumutukoy sa kanyang kalikasang diwa. Dapat ninyong ibuod ito, at pagkatapos ay suriin kung ano ang kanyang saloobin tungkol sa mga bagay na ito. Isa itong napakahalaga at importanteng kasalanan, at bagay na dapat maunawaan ng mga tao. … Ano ang taglay-taglay ni Pablo mula pagkasilang? (Ang kanyang likas na mga abilidad.) Si Pablo ay likas na matalino, mahusay magsalita, mahusay magpahayag ng kanyang sarili, at hindi siya takot tumayo sa harapan ng maraming tao. Pagtuunan natin ngayon ang pag-uusap tungkol sa mga likas na abilidad, kaloob, katalinuhan, kakayahan, pati na sa kaalamang natutunan niya sa buong buhay niya. Ano ang ibig sabihin ng katunayang mahusay siyang magsalita? Sa anong paraan niya ipinakita at iprinesenta ang kanyang sarili? Mahilig siyang magpaligoy-ligoy tungkol sa matatayog na teorya; palagi siyang nagsasalita tungkol sa malalim na espirituwal na doktrina, sa mga teorya at kaalaman, at tungkol sa mga sikat niyang teksto at kasabihan na madalas banggitin ng mga tao. Paano mo ilalarawan sa isang salita ang mga salita ni Pablo? (Hungkag.) Makabubuti ba para sa mga tao ang mga hungkag na salita? Kapag naririnig nila ang mga salitang iyon, lumalakas ang loob nila, pero pagtagal-tagal ay napapawi ang kanilang sigla. Ang mga bagay na sinabi ni Pablo ay malabo at hindi tunay, mga bagay na hindi mo talaga mailalahad sa mga kongkretong salita. Sa mga teoryang sinabi niya, wala kang mahahanap na anumang landas sa pagsasagawa, o direksiyon ng pagsasagawa; wala kang mahahanap na anumang bagay na tumpak mong magagamit sa totoong buhay—mga teorya man ito o mga pundasyon, walang magagamit sa totoong buhay. Iyon ang dahilan kung bakit sinasabi Kong mga hungkag at impraktikal na salita ang mga sinasabi niyang mga teoryang panrelihiyon at espirituwal na doktrina. Ano ba ang layon ni Pablo sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na ito? Sinasabi ng ilang tao na, “Palagi niyang pinag-uusapan ang mga bagay na ito dahil gusto niyang makahikayat pa ng maraming tao, at para igalang at tingalain siya ng mga ito. Ginusto niyang palitan ang Panginoong Jesus at makuha ang loob ng mas maraming tao, para pagpalain siya.” Ito ba ang paksang gusto nating pag-usapan ngayon? (Hindi, hindi ito.) Lubhang normal lang para sa isang taong hindi napungusan, hindi nahatulan o nakastigo, hindi dumaan sa mga pagsubok o pagpipino, may mga kaloob na katulad ng sa kanya, at may kalikasang diwa ng isang anticristo na magpakitang-gilas kagaya nito at umasal gaya ng ginawa niya, kaya hindi na natin susuriing mabuti ang tungkol sa bagay na ito. Ano ang susuriin natin nang mabuti? Ang diwa ng problema niyang ito, ang ugat na dahilan at motibo sa likod ng paggawa niya ng mga bagay na ito, at kung ano ang nag-udyok sa kanya na kumilos nang ganito. Ituring man ng mga tao ngayon ang lahat ng bagay na sinabi niya bilang doktrina, mga teorya, teolohikal na kaalaman, mga likas na kaloob, o sarili niyang interpretasyon ng mga bagay-bagay, sa pangkalahatan, ang pinakamalaking problema ni Pablo ay na itinuring niyang katotohanan ang mga bagay-bagay na nagmula sa kalooban ng tao. Iyon ang dahilan kung bakit malakas ang loob niyang gamitin ang mga teolohikal na teoryang ito nang disidido, may buong tapang, at hayagan para makahikayat ng mga tao at maturuan sila. Ito ang diwa ng problema. Seryosong problema ba ito? (Oo.) Anong mga bagay ang itinuring niyang katotohanan? Ang mga kaloob niya mula pa nang siya ay ipanganak, pati na ang kaalaman at mga teolohikal na teoryang natutunan niya sa buong buhay niya. Natutunan niya ang mga teolohikal niyang teorya mula sa mga guro, mula sa pagbabasa ng mga kasulatan, at nabuo rin sa kung ano ang kanyang naunawaan at naisip. Itinuring niyang katotohanan ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng kanyang pagkaunawa bilang tao, pero hindi ito ang pinakamalubhang problema, may mas malala pa. Itinuring niya ang mga bagay na iyon bilang katotohanan, pero inisip ba niya noong pagkakataong iyon na katotohanan ang mga bagay na iyon? Nagkaroon ba siya ng konsepto sa kung ano ang katotohanan? (Wala, wala siyang konsepto.) Kung ganoon, paano niya tinrato ang mga bagay na iyon? (Itinuring niya bilang buhay.) Itinuring niyang buhay ang lahat ng bagay na iyon. Inisip niya na kapag mas marami ang mga sermon na kaya niyang ipangaral, o kapag mas matatayog, mas magiging dakila ang kanyang buhay. Itinuring niyang buhay ang mga bagay na iyon. Seryosong bagay ba ito? (Oo, seryoso ito.) Ano ang naging epekto nito? (Nagkaroon ito ng epekto sa landas na sinunod niya.) Ito ay isang aspekto nito. Ano pa? (Inakala niya na ang pagtatamo ng mga bagay na ito ay makapaghahatid sa kanya ng kaligtasan at makapagpapasok sa kanya sa kaharian ng langit.) May kinalaman pa rin ito sa pagtatamo ng mga pagpapala; inakala niya na kapag mas dakila ang buhay niya, mas malaki ang tsansa niyang makapasok sa kaharian ng langit at makaakyat sa langit. Ano pa ang ibang paraan ng pagkakasabi sa “pag-akyat sa langit”? (Ang maghari at humawak ng kapangyarihan kasama ang Diyos.) Ang layunin niya sa pagpasok sa kaharian ng langit ay para maghari at humawak ng kapangyarihan kasama ang Diyos, pero hindi pa ito ang pinakalayon niya, may isa pa. Sinabi niya ang tungkol dito. Paano niya ito sinabi? (“Sapagkat sa akin ang mabuhay ay si cristo, at ang mamatay ay pakinabang” (Filipos 1:21).) Sinabi niya na para sa kanya ang mabuhay ay si cristo, at ang mamatay ay pakinabang. Ano ba ang ibig sabihin nito? Na magiging diyos siya pagkamatay niya? Walang hangganan ang kanyang ambisyon! Napakalala na ng kanyang problema! Kaya, mali bang suriin natin ang kaso ni Pablo? Hindi. Hindi niya dapat itinuring ang kanyang mga kaloob at ang kaalamang natutunan niya bilang buhay. Ito ang kanyang pangatlong malaking kasalanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Matukoy ang Kalikasang Diwa ni Pablo
“Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng diyos.” Madalas gamitin ni Pablo ang pariralang ito, at punung-puno ito ng impormasyon. Una, alam natin na si Pablo ay isang apostol ng Panginoong Jesucristo. Kaya, mula sa perspektiba ni Pablo, sino ang Panginoong Jesucristo? Siya ang Anak ng tao, at pumapangalawa sa Diyos na nasa langit. Tinawag man niyang Tagapamahala ang Panginoong Jesucristo o tinawag niya Siyang Panginoon, mula sa perspektiba ni Pablo, hindi Diyos ang Cristo na nasa lupa, kundi isang tao lamang na makapagtuturo sa mga tao at makapagpapasunod sa mga ito sa Kanya. Ano ang naging gampanin ni Pablo bilang apostol ng isang taong kagaya nito? Ang ibahagi ang ebanghelyo, bisitahin ang mga iglesia, mangaral ng mga sermon, at sumulat ng mga liham. Naniwala siya na ginagawa niya ang mga bagay na ito sa ngalan ng Panginoong Jesucristo. Sa puso niya, inisip niya na, “Tutulungan kita sa pamamagitan ng pagpunta sa kung saan hindi ka makakapunta, at titingnan ko para sa iyo ang mga lugar na ayaw mong puntahan.” Ito ang konsepto ni Pablo ng isang apostol. Ang pagkakaranggo, sa isipan niya, ay na pareho lang silang karaniwang tao ng Panginoong Jesus. Itinuring niya ang kanyang sarili at ang Panginoong Jesucristo bilang magkapantay, at bilang mga tao. Sa isip niya, wala naman talagang pagkakaiba sa pagitan ng kanilang mga posisyon, ni pagkakaiba sa kanilang mga pagkakakilanlan, lalo na sa kanilang mga ministeryo. Tanging ang mga pangalan, edad, mga sitwasyon ng pamilya at mga pinagmulan nila ang magkakaiba, at nagkaroon sila ng magkakaibang panlabas na mga kaloob at kaalaman. Sa isip ni Pablo, magkapareho lang sila ng Panginoong Jesucristo sa maraming bagay, at maaari din siyang tawaging Anak ng tao. Ang tanging dahilan kung bakit pumangalawa lang siya sa Panginoong Jesucristo ay dahil siya ang apostol ng Panginoong Jesus; ginamit niya ang kapangyarihan ng Panginoong Jesucristo, at isinugo siya ng Panginoong Jesucristo para bisitahin ang mga iglesia at gawin ang gawain ng iglesia sa ngalan ng Panginoong Jesucristo. Naniwala si Pablo na ito ang kanyang posisyon at pagkakakilanlan bilang apostol—ganito ang kanyang interpretasyon. Dagdag pa rito, ang pangalawang salita sa simula ng parirala na, “Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo” ay “tinawag.” Mula sa salitang ito, makikita natin ang pag-iisip ni Pablo. Bakit nito ginamit ang pitong salitang “tinawag … sa pamamagitan ng kalooban ng diyos”? Hindi nito inisip na tinawag ito ng Panginoong Jesucristo para maging apostol Niya; inisip nito na “Walang kapangyarihan ang panginoong Jesucristo para utusan akong gumawa ng anumang bagay. Hindi ko gagawin ang iuutos niya; wala akong gagawing kahit ano para sa kanya. Sa halip, gagawin ko ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng kalooban ng diyos sa langit. Pareho lang kami ng panginoong Jesucristo.” May isang bagay pa itong ipinapahiwatig—inisip ni Pablo na isa siyang Anak ng tao, katulad ng Panginoong Jesucristo. Inihahayag ng pitong salita na “tinawag … sa pamamagitan ng kalooban ng diyos” kung paano itinatwa at pinagdudahan ni Pablo ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesucristo sa kaibuturan ng kanyang puso. Sinabi ni Pablo na isa siyang apostol ng Panginoong Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, na inutusan siya ng Diyos, inorden at itinatag siya ng Diyos, at na naging apostol siya ng Panginoong Jesucristo dahil tinawag siya at itinakda ito ng Diyos. Sa isip ni Pablo, iyon ang ugnayan sa pagitan niya at ng Panginoong Jesucristo. Gayunpaman, hindi pa nga ito ang pinakamasamang parte nito. Ano ang pinakamasamang parte? Na inisip ni Pablo na siya ang apostol ng Panginoong Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, hindi ng Panginoong Jesucristo, na hindi ang Panginoong Jesus ang tumawag sa kanya, kundi ang Diyos sa langit ang siyang nag-utos sa kanya na gawin ito. Inisip niya na walang sinuman ang may kapangyarihan o mga kwalipikasyon para gawin siyang apostol ng Panginoong Jesucristo, na tanging ang Diyos sa langit ang may ganoong kapangyarihan, at na siya ay direktang ginagabayan ng Diyos sa langit. Kaya, ano ang ipinapahiwatig nito? Ipinapahiwatig nito na sa kaibuturan ng puso ni Pablo, naniwala siya na ang Diyos sa langit ang numero uno, at siya mismo ang pangalawa. Kung gayon, saang posisyon niya inilagay ang Panginoong Jesus? (Sa parehong posisyon niya.) Ito ang problema. Sa kanyang mga labi, ipinahayag niya na ang Panginoong Jesus ang siyang Cristo, pero hindi niya kinilala na ang diwa ni Cristo ay sa Diyos; hindi niya naunawaan ang ugnayan sa pagitan ng Cristo at ng Diyos. Ang walang pagkaunawang ito ang nagdulot ng ganoon kalubhang problema. Sa anong paraan ito naging malubha? (Hindi niya inamin na ang Panginoong Jesus ang Diyos na nagkatawang-tao. Itinatwa niya ang Panginoong Jesus.) Oo, malubha nga iyon. Itinatwa niya na ang Panginoong Jesucristo ay ang Diyos na naging tao, na ang Panginoong Jesus ang laman ng Diyos nang bumaba Siya mula sa langit patungo sa lupa, at na ang Panginoong Jesus ang Diyos na nagkatawang-tao. Hindi ba’t ipinapahiwatig nito na itinatwa ni Pablo ang pag-iral ng Diyos sa lupa? (Oo, ganoon nga.) Kung itinatwa niya ang pag-iral ng Diyos sa lupa, magagawa ba niyang kilalanin ang mga salita ng Panginoong Jesus? (Hindi, hindi niya magagawa.) Kung hindi niya kinilala ang mga salita ng Panginoong Jesus, kaya ba niya itong tanggapin? (Hindi, hindi niya kaya.) Hindi niya tinanggap ang mga salita, pagtuturo, o ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesucristo, kaya, magagawa ba niyang tanggapin ang gawain ng Panginoong Jesucristo? (Hindi, hindi niya magagawa.) Hindi niya tinanggap ang gawaing ginawa ng Panginoong Jesucristo, o ang katunayan na ang Panginoong Jesucristo ay Diyos, pero hindi pa ito ang pinakamasamang parte. Ano ang pinakamasamang parte? Dalawang libong taon na ang nakararaan, pumarito ang Panginoong Jesus sa lupa para gawin ang pinakamalaking gawain sa lahat—ang gawain ng pagtubos sa Kapanahunan ng Biyaya, kung saan nagkatawang-tao Siya at naging wangis ng makasalanang laman, at ipinako Siya sa krus bilang handog para sa kasalanan para sa buong sangkatauhan. Malaking gawain ba ito? (Oo.) Gawain ito ng pagtubos sa buong sangkatauhan, at ang Diyos Mismo ang may gawa nito, pero mariing itinatwa ito ni Pablo. Itinanggi niya na ang Diyos Mismo ang may gawa ng gawain ng pagtubos na ginawa ng Panginoong Jesus, itinatanggi nito ang katunayan na naisakatuparan na ng Diyos ang gawain ng pagtubos. Malubhang problema ba ito? Napakalubha nito! Bukod sa hindi hinangad ni Pablo na maunawaan ang katunayan ng pagkakapako sa krus ng Panginoong Jesucristo, hindi rin niya inamin ito, at ang hindi pag-amin dito ay katumbas ng pagtatatwa rito. Hindi niya inamin na ang Diyos ang siyang napako sa krus at tumubos sa buong sangkatauhan, hindi rin niya inamin na nagsilbi bilang handog para sa kasalanan ang Diyos para sa buong sangkatauhan. Ipinapahiwatig nito na hindi niya inamin na natubos ang buong sangkatauhan pagkatapos gawin ng Diyos ang Kanyang gawain, o na napawalang-sala ang kanilang kasalanan. Gayundin, inisip niyang hindi napawalang-sala ang kanyang mga kasalanan. Hindi niya inamin ang katunayan na tinubos ng Panginoong Jesus ang sangkatauhan. Sa kanyang pananaw, nabura na ang lahat ng iyon. Ito ang pinakamalubhang isyu. Ngayon lang, nabanggit Ko na si Pablo ang pinakamatinding anticristo sa nakalipas na dalawang libong taon; naihayag na ang katunayang ito. Kung hindi naitala ang mga katunayang ito sa Bibliya, at sinabi ng Diyos na sinuway ni Pablo ang Diyos at isa itong anticristo, paniniwalaan ba ito ng mga tao? Talagang hindi nila ito paniniwalaan. Buti na lang at nakatala sa Bibliya ang mga sulat ni Pablo, at mayroon ditong matibay na patunay sa mga sulat na iyon; dahil kung hindi, walang magpapatunay sa mga sinasabi Ko, at maaaring hindi ninyo ito tanggapin. Ngayon, kapag pinag-uusapan at binabasa natin ang mga salita ni Pablo, paano tiningnan ni Pablo ang lahat ng bagay na sinabi ng Panginoong Jesus? Inisip niya na hindi kapantay ang mga bagay na sinabi ng Panginoong Jesus sa kahit isa sa mga sariling doktrinang panrelihiyon ni Pablo. Kaya, matapos lisanin ng Panginoong Jesus ang mundong ito, bagamat ipinalaganap ni Pablo ang ebanghelyo, gumawa, nangaral, at nagpastol ng mga iglesia, hindi niya kailanman ipinangaral ang mga salita ng Panginoong Jesus, lalo namang hindi niya isinagawa o naranasan ang mga ito. Sa halip, ipinangaral niya ang sarili niyang pagkaunawa tungkol sa Lumang Tipan, na hindi na napapanahon at mga hungkag na salita. Sa nakalipas na dalawang libong taon, iyong mga nananampalataya sa Panginoon ay nananampalataya alinsunod sa Bibliya, at ang lahat ng tinatanggap nila ay mga hungkag na teorya ni Pablo. Bilang resulta, namalaging walang kaalam-alam ang mga tao sa loob ng dalawang libong taon. Kung sasabihin mo sa isang grupo ng mga relihiyosong tao ngayon na mali si Pablo, magpoprotesta sila at hindi nila ito tatanggapin, dahil tinitingala nilang lahat si Pablo. Si Pablo ang kanilang idolo at amang nagtatag, at sila naman ang mga mabuting anak at inapo ni Pablo. Gaano kalubha silang nalihis? Nasa parehong panig na sila ni Pablo sa pagkontra sa Diyos; pareho ng kay Pablo ang kanilang mga pananaw, magkapareho ang kalikasang diwa, at magkapareho ang pamamaraan ng paghahangad. Tuluyan na silang nahalintulad kay Pablo. Ito ang ikaapat na malaking kasalanan ni Pablo. Itinatwa niya ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesucristo, at itinatwa niya ang gawaing ginawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya pagkatapos ng Kapanahunan ng Kautusan. Ito ang pinakamalubhang bagay. Ang isa pang malubhang bagay ay na itinuring niyang kapantay ang kanyang sarili sa Panginoong Jesucristo. Sa panahong nabuhay si Pablo, nakilala niya ang Panginoong Jesucristo pero hindi niya itinuring na Diyos ang Panginoong Jesucristo; sa halip, itinuring niya ang Panginoong Jesucristo bilang isang karaniwang tao, na para bang isa lang miyembro ng sangkatauhan; isang tao na may parehong kalikasang diwa ng mga tiwaling tao. Hindi kailanman tinrato ni Pablo ang Panginoong Jesus bilang Cristo, lalo na bilang Diyos. Napakalubhang bagay nito. Kaya, bakit ginawa ito ni Pablo? (Hindi niya nakilala na taglay ng Diyos na nagkatawang-tao ang diwa ng Diyos, kaya hindi niya itinuring ang Panginoong Jesucristo bilang Diyos.) (Hindi niya itinuring bilang katotohanan ang mga salita ng Panginoong Jesus, ni itinuring na ang Panginoong Jesus ang pagsasakatawan ng katotohanan.) (Sa panlabas, ipinahayag ni Pablo na nananampalataya siya sa Panginoong Jesus, pero ang malabong diyos sa langit ang talagang sinasampalatayanan niya.) (Hindi niya hinanap ang katotohanan, kaya naman hindi niya napagtanto na si Cristo nga ang katotohanan at ang buhay.) Magpatuloy. (Sinabi ni Pablo na para sa kanya ang mabuhay ay si cristo. Ginusto niyang maging diyos at palitan ang Panginoong Jesus.) Ang lahat ng sinabi mo ay umaayon sa mga tunay na nangyari. Ang bawat isa sa mga paraan ng pagpapamalas ni Pablo sa kanyang sarili, at ang bawat isa sa mga kasalanan niya, ay mas malala pa kaysa sa nauna.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Matukoy ang Kalikasang Diwa ni Pablo
Suriin natin ang pariralang ito na sinabi ni Pablo: “Natataan sa akin ang putong ng katuwiran.” Kahanga-hanga ang mga salitang ito. Tingnan ninyo ang mga salitang ginamit niya: “ang putong ng katuwiran.” Kadalasan, medyo mapangahas na gamitin ang salitang “putong” mismo, pero sino ba ang mangangahas na gamitin ang salitang “katuwiran” bilang isang ekspresyong tumutukoy sa isang putong? Tanging si Pablo ang mangangahas na gumamit ng salitang ito. Bakit niya ito ginamit? May pinagmulan ang salitang ito, at maingat itong pinili; may malalalim na pahiwatig ang mga salita niyang ito! Ano ang mga pahiwatig nito? (Sinusubukan niyang diktahan ang Diyos sa pamamagitan ng salitang ito.) Ang kagustuhang diktahan ang Diyos ay isang aspekto nito. Siguradong ang intensiyon niya ay ang makipagtransaksiyon, at may elemento rin dito ng pagtatangkang magtakda ng mga kondisyon sa Diyos. Bukod dito, may layon ba sa likod ng kung bakit palagi niyang ipinangaral ang tungkol sa putong na ito ng katuwiran? (Gusto niyang iligaw ang mga tao, at para isipin nila na kung hindi siya nakakuha ng putong, hindi matuwid ang Diyos.) May elemento ng pang-uudyok at panlilinlang sa pangangaral niya tungkol dito, at may kaugnayan ito sa mga pagnanais at ambisyon ni Pablo. Para mangyari at matupad sa wakas ang kanyang pagnanais na magtamo ng putong ng katuwiran, ginamit niya ang taktika ng pangangaral tungkol dito sa lahat ng dako. Sa isang parte, ang layon niya sa pangangaral ng mga salitang ito ay para udyukan at ilihis ang mga tao; ito ay para ikintal ang isang partikular na kaisipan sa mga nakikinig, gaya ng, “Ang isang taong katulad ko na gumugugol nang husto ng kanyang sarili, palaging naglalakbay, at naghahangad tulad ng ginagawa ko ay makakatanggap ng putong ng katuwiran.” Pagkatapos makinig dito, natural na naramdaman ng mga tao na matuwid lamang ang Diyos kung nakatanggap ng putong ang isang taong kagaya ni Pablo. Pakiramdam nila ay dapat silang maghanap, maglakbay, at gumugol ng kanilang sarili gaya ng ginawa ni Pablo, na hindi sila dapat makinig sa Panginoong Jesus, at na si Pablo ang pamantayang dapat tularan, na siya ang panginoon, at siya ang direksiyon at ang patutunguhan na dapat tahakin ng mga tao. Inakala rin nila na kung gagawin ng mga tao ang mga bagay-bagay gaya ng paraan ng paggawa ni Pablo, matatamo nila ang ganoon ding putong, kalalabasan, at hantungan gaya ni Pablo. Sa isang banda, inuudyukan at nililihis ni Pablo ang mga tao. Sa kabilang banda naman, mayroon siyang napakasamang layon. Sa kaibuturan ng kanyang puso, inisip niya na, “Kung dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay hindi ako nakakuha ng putong, kung saan sariling imahinasyon at ilusyon ko lang pala ito, mangangahulugan ito na ang lahat ng nananampalataya kay cristo, kasama na ako, ay naligaw sa kanilang pananalig. Mangangahulugan ito na walang diyos sa lupa, at itatatwa ko rin ang pag-iral mo sa langit, diyos ko, at wala kang magagawa tungkol dito!” Ang nais niyang ipahiwatig ay: “Kung hindi ko makukuha ang putong na ito, hindi ka lamang itatatwa ng mga kapatid, kundi pipigilan kita sa pagkamit sa mga taong naudyukan ko at nakakaalam ng mga salitang ito. Pipigilan ko rin silang makamit ka, at kasabay nito, itatatwa ko ang iyong pag-iral bilang diyos sa langit. Hindi ka matuwid. Kung ako, si Pablo ay hindi makakakuha ng putong, walang ibang dapat na makakakuha nito!” Ito ang napakasamang bahagi ng pagkatao ni Pablo. Hindi ba’t ito ang ugali ng isang anticristo? Ito ang ugali ng isang anticristong demonyo: inuudyukan, nililigaw, at inaakit ang mga tao, at hayagang lumilikha ng pag-aalsa laban sa Diyos at kinokontra Siya. Sa kaibuturan ng kanyang puso, inisip ni Pablo na, “Kung hindi ako makakakuha ng putong, hindi matuwid ang diyos. Kung makakakuha ako ng putong, saka lamang ito magiging isang putong ng katuwiran, at saka lamang tunay na magiging matuwid ang pagiging matuwid ng diyos.” Ito ang pinagmulan ng kanyang “putong ng katuwiran.” Ano ang ginagawa niya sa pamamagitan nito? Hayagan niyang inuudyukan at nililigaw ang mga taong sumusunod sa Diyos. Kasabay nito, ginagamit niya ang mga pamamaraang ito para hayagang mag-alsa at kumontra sa Diyos. Sa madaling salita, may pag-aalsa sa kanyang pag-uugali. Ano ang kalikasan nito? Sa panlabas, tila magalang at wasto naman ang mga salitang ginamit ni Pablo, at tila wala namang mali sa mga ito—sino ba ang hindi mananampalataya sa Diyos para makakuha ng putong ng katuwiran at pagpalain? Kahit ang mga taong walang kakayahan ay nananampalataya sa Diyos kahit papaano para makapasok sa langit. Magiging masaya na sila kahit pagwalisin pa sila ng mga kalsada o pagbantayin ng pintuan doon. Ang pagkakaroon ng ganitong intensiyon at layunin sa pananampalataya ng isang tao sa Diyos ay maituturing na wasto at kauna-unawa. Subalit hindi lang iyon ang layunin ni Pablo. Nagsikap siya nang husto, gumugol ng maraming lakas, at lumikha ng maraming usap-usapan pagdating sa pangangaral niya tungkol sa kanyang putong ng katuwiran. Inilantad ng mga bagay na sinabi ni Pablo ang kanyang mapaminsalang kalikasan, pati na ang mga nakatago, at masasamang bagay na nasa loob niya. Noong panahong iyon, naging sikat na sikat si Pablo, at maraming tao ang umidolo sa kanya. Nagpunta siya kung saan-saan na ipinapangaral ang mga teorya at ang tila mga importanteng ideyang ito, ang kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon, pati na ang mga bagay na kanyang natutunan sa kanyang mga pag-aaral, at ang mga bagay na kanyang nahinuha gamit ang kanyang isipan. Nang ipangaral ni Pablo ang mga bagay na ito sa iba’t ibang dako, gaano kalaki ang naging epekto nito sa mga tao noon, at gaano katindi ang naging pinsala at lason nito sa kaibuturan ng kanilang puso? Gaano rin kalaki ang naging epekto nito sa mga susunod na henerasyon ng mga taong natuto ng mga bagay na ito mula sa kanyang mga sulat? Hindi na maaalis ng mga taong nakabasa ng kanyang mga salita ang mga bagay na ito kahit gaano pa katagal nilang subukan—masyado nang malalim ang pagkakalason sa kanila! Gaano kalalim? Isang penomena ang lumitaw, na tinatawag na “Epektong Pablo.” Ano ba ang Epektong Pablo? May isang penomena sa relihiyon kung saan ang mga tao ay naiimpluwensiyahan ng mga kaisipan, pananaw, argumento ni Pablo, at ng mga tiwaling disposisyong ibinunyag niya. Partikular na naaapektuhan nito ang mga tao na may mga pamilyang nanampalataya sa Diyos sa loob ng ilang henerasyon—mga pamilyang sumunod kay Cristo sa loob ng maraming dekada. Sinasabi nila, “Nananampalataya ang aming pamilya sa panginoon sa loob ng maraming henerasyon, at hindi kami sumusunod sa mga makamundong kalakaran. Idinistansiya namin ang aming sarili mula sa sekular na mundo, at isinuko namin ang aming mga pamilya at trabaho para gugulin ang aming sarili para sa diyos. Ang lahat ng ginagawa namin ay katulad ng ginawa ni Pablo. Kung hindi kami makakatanggap ng mga putong o makakapasok sa langit, may dapat kaming pag-uusapan ng diyos pagdating niya.” Hindi ba’t may ganitong argumento ang mga tao? (Oo.) At medyo makabuluhan ang kalakarang ito. Saan galing ang kalakarang ito? (Nanggaling ito sa mga ipinangaral ni Pablo.) Ito ang nakamamatay na epekto ng tumor na itinanim ni Pablo. Kung hindi hinimok ni Pablo nang ganito ang mga tao, at kung hindi niya palaging sinabi na, “Natataan sa akin ang putong ng katuwiran” at “Sa akin ang mabuhay ay si cristo,” at kung wala ang konteksto ng panahong iyon sa kasaysayan, hindi magkakaroon ng anumang kaalaman tungkol sa mga bagay na iyon ang mga tao ngayon. Kahit may ganoon silang pag-iisip, wala sana silang lakas ng loob na katulad ng kay Pablo. Ang lahat ng ito ay dahil sa pambubuyo at pang-uudyok ni Pablo. Kung darating ang isang araw na hindi sila pagpalain, magiging malakas ang loob ng mga taong ito na hayagang hamunin ang Panginoong Jesus, at gugustuhin pa nga nilang magmartsa patungo sa ikatlong langit at makipagtalo sa Panginoon tungkol sa bagay na ito. Hindi ba’t ito ang pag-aalsa ng mundo ng relihiyon laban sa Panginoong Jesus? Malinaw na labis na naapektuhan ni Pablo ang mundo ng relihiyon! Ngayong nagsalita na Ako hanggang sa puntong ito, may palagay na kayo kung ano ang ikalimang kasalanan ni Pablo, hindi ba? Pagdating sa pagbubuod tungkol sa pinagmulan ng “putong ng katuwiran” na sinalita ni Pablo, ang binibigyang-pansin rito ay ang salitang “katuwiran.” Bakit niya binanggit ang “katuwiran”? Sa lupa, ito ay dahil gusto niyang udyukan at ilihis ang mga hinirang ng Diyos, para mag-isip sila sa paraang katulad niya. Sa langit, gusto sana niyang diktahan ang Diyos gamit ng salitang ito, at mag-alsa laban sa Kanya. Ito ang layon ni Pablo. Bagamat hindi niya ito kailanman sinabi, ganap nang ipinagkanulo ng salitang “katuwiran” ang kanyang layon at kagustuhang mag-alsa laban sa Diyos. Hayag na hayag na ito; mga katunayan ang lahat ng ito. Batay sa mga katunayang ito, masasabi ba na mapagmataas, matuwid ang tingin sa sarili, mapanlinlang, at hindi nagmamahal sa katotohanan ang kalikasang diwa ni Pablo? (Hindi.) Hindi ito maipapaliwanag ng mga terminong ito. Sa pagtatalakay Ko sa mga katunayang ito at sa paghihimay-himay, pagsusuri, at pagtukoy sa mga ito, dapat makita ninyo nang mas malinaw at lubusan ang kalikasang diwa ni Pablo. Ito ang epektong nakakamit ng pagsusuri sa isang diwa batay sa mga katunayan. Nang mag-alsa si Pablo laban sa Diyos, hindi siya naging medyo emosyonal nang mga sandaling iyon, wala siyang kaunting mapaghimagsik na disposisyon, o ng kawalan ng kakayahang magpasakop, nang pribado. Hindi ito isang pangkaraniwang problema ng pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon; bagkus, lumala pa ito hanggang sa punto ng hayagan na paggamit ng iba’t ibang pamamaraan para udyukan at ilihis ang mga tao sa pamamagitan ng mga sulat at sa mga pampublikong lugar, nang sa gayon sama-samang magalit ang mga tao para kumontra at mag-alsa laban sa Diyos. Hindi lamang nag-alsa si Pablo laban sa Diyos, inudyukan din niya ang lahat na mag-alsa laban sa Diyos—hindi lang siya mayabang, isa rin siyang diyablo!
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Matukoy ang Kalikasang Diwa ni Pablo
May isa pang sikat na parirala si Pablo—ano ito? (“Sapagkat sa akin ang mabuhay ay si cristo, at ang mamatay ay pakinabang” (Filipos 1:21).) Hindi niya kinilala ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesucristo, na ang Panginoong Jesucristo ang nagkatawang-taong Diyos na namumuhay sa lupa, o ang katunayan na ang Panginoong Jesucristo ang pagsasakatawan ng Diyos. Sa kabaligtaran, itinuring ni Pablo ang kanyang sarili bilang cristo. Hindi ba paghihimagsik iyon? (Oo.) Paghihimagsik iyon, at napakalubha ng diwa ng problemang ito. Sa isip ni Pablo, sino nga ba mismo si Cristo? Ano ang pagkakakilanlan ni Cristo? Bakit masyadong nahuhumaling si Pablo sa pagiging cristo? Kung, sa isip ni Pablo, karaniwang tao lang si Cristo na may mga tiwaling disposisyon, o isang walang kabuluhang tao na walang espesyal na papel na ginampanan, walang kapangyarihan, walang marangal na pagkakakilanlan, at walang mga abilidad o kasanayan na higit pa sa mga ordinaryong tao, gugustuhin pa rin ba ni Pablo na maging cristo? (Hindi, hindi niya gugustuhin.) Tiyak na hindi niya gugustuhin. Ang tingin niya sa kanyang sarili ay may-pinag-aralan siya, at hindi niya gustong maging isang ordinaryong tao, gusto niyang maging isang superman, dakilang tao, at higitan ang iba—paanong nanaisin niyang maging Cristo na itinuring ng iba na hamak at walang-kabuluhan? Dahil dito, anong katayuan at papel ang mayroon si Cristo sa puso ni Pablo? Anong pagkakakilanlan at katayuan ang dapat mayroon ang isang tao, at anong awtoridad, kapangyarihan, at tindig ang dapat niyang ipakita upang maging si cristo? Inilalantad nito kung ano ang inakala ni Pablo patungkol kay Cristo, at kung ano ang alam niya tungkol kay Cristo, sa madaling salita, kung paano niya tinukoy si Cristo. Ito ang dahilan kung bakit may ambisyon at pagnanais si Pablo na maging cristo. May partikular na dahilan kung bakit ginusto ni Pablo na maging cristo, at bahagya itong nakabunyag sa kanyang mga sulat. Suriin natin ang ilang bagay. Noong ginagampanan ng Panginoong Jesus ang gawain, may mga ginawa Siya na ikinatawan ang Kanyang pagkakakilanlan bilang Cristo. Mga simbolo at konsepto ang mga bagay na ito na nakita ni Pablo na taglay-taglay ng pagkakakilanlan ni Cristo. Anong mga bagay ito? (Ang paggawa ng mga tanda at kababalaghan.) Tumpak. Ang mga bagay na iyon ay ang pagpapagaling ni Cristo sa mga karamdaman ng mga tao, pagpapalayas ng mga demonyo, at paggawa ng mga tanda, kababalaghan, at himala. Bagamat inamin ni Pablo na ang Panginoong Jesus ay Cristo, dahil lamang ito sa mga tanda at kababalaghang ginawa ng Panginoong Jesus. Kaya, nang ipinalaganap ni Pablo ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus, hindi niya kailanman pinag-usapan ang tungkol sa mga salitang sinabi ng Panginoong Jesus, o ang mga ipinangaral ng Panginoong Jesus. Sa mga mata ni Pablo, na isang hindi mananampalataya, ang katunayang nakapagsasalita si Cristo ng napakaraming bagay, nakapangangaral nang husto, nakagagawa ng napakaraming gawain, at na napapasunod ni Cristo ang maraming tao sa Kanya, ay nakapagbigay ng karangalan sa pagkakakilanlan at katayuan ng Panginoong Jesus; mayroon Siyang walang-hanggang kaluwalhatian at karangyaan, dahilan para maging sadyang dakila at katangi-tangi ang katayuan ng Panginoong Jesus sa mga tao. Ito ang nakita ni Pablo. Mula sa ipinamalas at ibinunyag ng Panginoong Jesucristo habang gumagampan ng gawain, pati na sa Kanyang pagkakakilanlan at diwa, ang nakita ni Pablo ay hindi ang diwa ng Diyos, katotohanan, daan, o buhay, hindi rin ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ng Diyos. Ano ang nakita ni Pablo? Kung gagamit tayo ng modernong parirala, ang nakita niya ay ang kaningningan ng kasikatan, at ginusto niyang maging isang tagahanga ng Panginoong Jesus. Nang magsalita o gumawa ang Panginoong Jesus, napakaraming tao ang nakinig—tiyak na napakamaluwalhati niyon! Isa itong bagay na pinakahihintay-hintay ni Pablo, inasam-asam niya ang pagdating ng sandaling ito. Kinasabikan niya ang araw kung kailan makapangangaral siya nang walang katapusan kagaya ng Panginoong Jesus, na may napakaraming tao, nakatingin sa Kanya nang may pagkamangha, may paghanga at pananabik sa kanilang mga mata, gustong sumunod sa Kanya. Namangha si Pablo sa kahanga-hangang tindig ng Panginoong Jesus. Ang totoo, hindi siya talagang napahanga nito; bagkus, kinaiinggitan niya ang pagkakaroon ng pagkakakilanlan at tindig na tinitingala ng mga tao, pinag-uukulan ng pansin, iniidolo at pinahahalagahan. Ito ang kinaiinggitan niya. Kung gayon, paano niya ito makakamit? Hindi siya naniwala na nakamit ng Panginoong Jesucristo ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng diwa at pagkakakilanlan ng Panginoong Jesucristo, kundi naniwala siya na dahil ito sa titulo ng Panginoong Jesucristo. Samakatuwid, inasam ni Pablo na maging isang mahalagang tao, at magkaroon ng papel, kung saan maaari niyang dalhin ang pangalan ni Cristo. Nagsikap nang husto si Pablo na makakuha ng ganoong papel, hindi ba? (Oo.) Anong mga pagsisikap ang ginawa niya? Nangaral siya sa iba’t ibang dako, at gumawa pa nga ng mga himala. Sa bandang huli, gumamit siya ng isang parirala para tukuyin ang kanyang sarili, na tumugon sa kanyang mga nakapaloob na pagnanais at ambisyon. Anong parirala ang ginamit niya para tukuyin ang kanyang sarili? (“Sapagkat sa akin ang mabuhay ay si cristo, at ang mamatay ay pakinabang.”) Ang mabuhay ay si cristo. Ito ang pangunahing bagay na gusto niyang isakatuparan; ang kanyang pangunahing pagnanais ay ang maging cristo. Ano ang koneksiyon ng pagnanais na ito sa kanyang mga personal na paghahangad at sa landas na kanyang tinahak? (Iginalang niya ang kapangyarihan, at hinangad niyang tingalain siya ng mga tao.) Isa itong teorya; dapat kayong magsalita ng mga katunayan. Ipinamalas ni Pablo ang kanyang pagnanais na maging cristo sa mga praktikal na paraan; ang depinisyon Ko sa kanya ay hindi lamang nakabatay sa iisang pariralang sinabi niya. Batay sa estilo, mga pamamaraan, at prinsipyo ng kanyang mga kilos, makikita natin na ang lahat ng ginawa niya ay umiikot sa kanyang layon na maging cristo. Ito ang ugat at diwa ng kung bakit nagsalita at gumawa si Pablo ng napakaraming bagay. Ginusto ni Pablo na maging cristo, at naimpluwensiyahan nito ang kanyang mga paghahangad, ang kanyang landas sa buhay, at ang kanyang pananampalataya. Sa anong mga paraan naipamalas ang impluwensiyang ito? (Nagpakitang-gilas si Pablo at nagpatotoo sa kanyang sarili sa lahat ng kanyang gawain at pangangaral.) Isang paraan ito; nagpakitang-gilas si Pablo sa lahat ng pagkakataon. Nilinaw niya sa mga tao kung paano siya nagdusa, kung paano niya ginawa ang mga bagay-bagay, at kung ano ang kanyang mga layunin, nang sa gayon ay kapag narinig ito ng mga tao, aakalain nila na kahalintulad na kahalintulad siya ni cristo, at tunay na gusto niyang tawagin siyang cristo. Iyon ang layon niya. Kung tunay ngang tinawag siyang cristo ng mga tao, ikakaila kaya niya ito? Tatanggihan kaya niya ito? (Hindi, hindi niya ito tatanggihan.) Tiyak na hindi niya ito tatanggihan—siguradong matutuwa pa nga siya. Isang paraan ito kung paanong naipamalas ang impluwensiya nito sa kanyang mga hinahangad. Ano pa ang mga ibang paraan na naroon? (Nagsulat siya ng mga liham.) Oo, nagsulat siya ng ilang liham nang sa gayon ay maipasa ang mga ito sa pagdaan ng maraming panahon. Sa mga sulat niya, gawain, at sa buong proseso ng kanyang pagpapastol sa mga iglesia, ni minsan ay hindi niya binanggit ang pangalan ng Panginoong Jesucristo, o hindi siya gumawa ng mga bagay sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, o dinakila ang pangalan ng Panginoong Jesucristo. Anong negatibong epekto mayroon ang palagi niyang paggawa at pagsasalita sa ganitong paraan? Paano ito nakaimpluwensiya sa mga sumunod sa Panginoong Jesus? Dahil dito, itinatwa ng mga tao ang Panginoong Jesucristo, at si Pablo ang pumalit sa puwesto ng Panginoong Jesucristo. Inasam niyang itanong ng mga tao, “Sino ba ang panginoong Jesucristo? Hindi ko pa narinig ang tungkol sa kanya. Naniniwala kami kay Pablo na cristo.” Magagalak siya kapag ganoon. Ito ang layon niya, at isa sa mga bagay na hinangad niya. Isang paraan kung paano naipamalas ang impluwensiyang iyon ay ang paraan ng paggawa niya; daldal siya nang daldal tungkol sa mga hungkag na ideya, at walang tigil na nagsalita tungkol sa mga hungkag na teorya para makita ng mga tao kung gaano siya kahusay at kapani-paniwala sa kanyang gawain, kung gaano niya tinulungan ang mga tao, at na may partikular na tindig, na para bang muling nagpakita ang Panginoong Jesucristo. Ang isa pang paraan kung paano naipamalas ang impluwensiyang iyon ay na hindi niya kailanman dinakila ang Panginoong Jesucristo, at lalong hindi niya dinakila ang Kanyang pangalan, hindi rin siya nagpatotoo tungkol sa mga salita at sa gawain ng Panginoong Jesucristo, o kung paano nakinabang ang mga tao sa mga ito. Nangaral ba si Pablo ng mga sermon tungkol sa kung paano dapat magsisi ang mga tao? Siguradong hindi niya ginawa iyon. Hindi kailanman nangaral si Pablo tungkol sa gawaing ginawa, mga salitang sinabi, o sa lahat ng katotohanang itinuro ng Panginoong Jesucristo sa mga tao—itinatwa ni Pablo ang mga bagay na ito sa kanyang puso. Bukod sa itinatwa ni Pablo ang mga salitang sinabi ng Panginoong Jesucristo at ang mga katotohanang itinuro ng Panginoong Jesucristo sa mga tao, itinuring din ni Pablo bilang katotohanan ang sarili niyang mga salita, gawain, at mga turo. Ginamit ni Pablo ang mga bagay na ito para palitan ang mga salita ng Panginoong Jesus, at inutos niya sa mga tao na isagawa at sundin ang kanyang mga salita na para bang katotohanan ang mga ito. Ano ang nag-udyok ng mga pagpapamalas at pagbubunyag na ito? (Ang kahilingan niya na maging cristo.) Naudyukan ang mga ito ng kanyang layunin, pagnanais, at ambisyon na maging cristo. Konektadong-konektado ito sa kanyang pagsasagawa at mga paghahangad. Ito ang ika-anim na kasalanan ni Pablo. Malubhang bagay ba ito? (Oo, malubha ito.) Ang totoo, lahat ng kasalanan niya ay malubha. Ang lahat ng ito ay humahantong sa kamatayan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Matukoy ang Kalikasang Diwa ni Pablo
Mula nang siya ay nalugmok, naniwala na si Pablo na umiiral ang Panginoong Jesucristo, at na ang Panginoong Jesucristo ay ang Diyos. Ang Diyos na sinampalatayanan niya ay bigla-biglang nagbago mula sa Diyos sa langit tungo sa Panginoong Jesucristo—naging Diyos sa lupa ito. Mula sa sandaling iyon, hindi na niya matanggihan ang atas ng Panginoong Jesus, at nagsimula na siyang magtrabaho nang hindi sumusuko para sa Diyos na nagkatawang-tao—ang Panginoong Jesus. Siyempre, ang layon ng kanyang pagpapagal ay para mapatawad siya sa kanyang mga kasalanan, at gayundin para matugunan ang kanyang pagnanais na siya ay pagpalain, at matamo ang hantungang gusto niya. Nang sabihin ni Pablo na “sa pamamagitan ng kalooban ng diyos,” tumutukoy ba ang salitang “diyos” kay Jehova o kay Jesus? Medyo naguluhan siya, at naisip na, “Sumasampalataya naman ako kay Jehova, kaya bakit ako inilugmok ni Jesus? Bakit hindi pinigilan ni Jehova si Jesus nang inilugmok niya ako? Sino nga ba talaga sa kanila ang diyos?” Hindi niya malaman kung sino. Alinman dito, hindi niya kailanman maituturing ang Panginoong Jesus bilang kanyang diyos. Kahit pa kilalanin niya ang Panginoong Jesus sa salita, mayroon pa ring pagdududa sa kanyang puso. Sa paglipas ng panahon, unti-unti siyang bumalik sa paniniwala na “tanging si Jehova ang diyos,” kaya, sa lahat ng sulat ni Pablo pagkatapos niyon, nang isulat niya ang “sa pamamagitan ng kalooban ng diyos,” malamang na ang “diyos” na pangunahing tinutukoy rito ay ang Diyos na si Jehova. Dahil hindi kailanman malinaw na isinaad ni Pablo na ang Panginoong Jesus ay si Jehova, palagi niyang itinuring ang Panginoong Jesus bilang Anak ng Diyos, tinawag Siya bilang Anak, at wala siyang sinabi kailanman na “ang Anak at ang Ama ay iisa,” pinatutunayan nito na hindi kailanman nakilala ni Pablo ang Panginoong Jesus bilang kaisa-isang tunay na Diyos; nag-aalinlangan siya at hindi niya ito sinampalatayanan nang buo. Kung titingnan natin ang pananaw niyang ito patungkol sa Diyos, at ang pamamaraan niya ng paghahangad, si Pablo ay hindi isang taong naghahangad sa katotohanan. Hindi niya kailanman naunawaan ang misteryo ng pagkakatawang-tao, at hindi niya kailanman kinilala ang Panginoong Jesus bilang kaisa-isang tunay na Diyos. Mula rito, hindi mahirap malaman na si Pablo ay isang taong sumasamba sa kapangyarihan, madaya at tuso. Ano ang ipinapakita sa atin ng katunayang sinasamba ni Pablo ang kabuktutan, kapangyarihan, at katayuan patungkol sa kung ano ang kanyang pananampalataya? May tunay ba siyang pananampalataya? (Wala.) Wala siyang tunay na pananampalataya, kaya umiiral ba talaga ang Diyos na tinutukoy niya sa puso niya? (Hindi.) Kung gayon, bakit naglibot-libot pa rin siya, gumugol ng kanyang sarili, at gumawa para sa Panginoong Jesucristo? (Nakontrol siya ng intensiyon niyang pagpalain.) (Natakot siyang maparusahan.) Bumalik na naman tayo sa puntong ito. Dahil natakot siyang maparusahan, at dahil mayroon siyang tinik sa kanyang laman na hindi niya maalis, kaya kinailangan niyang maglibot-libot at gumawa, upang hindi mas lalong sumakit ang tinik sa kanyang laman kaysa sa kanyang makakaya. Mula sa mga pagpapamalas niyang ito, mula sa kanyang mga salita, sa reaksiyon niya sa mga nangyari sa daan patungong Damasco, at ang epekto sa kanya ng pagkakalugmok sa daan patungong Damasco pagkatapos ng nangyari, makikita natin na wala siyang pananampalataya sa kanyang puso; halos matitiyak ng isang tao na si Pablo ay isang hindi mananampalataya at isang ateista. Ang perspektiba niya ay, “Kung sino man ang may kapangyarihan, sa kanya ako mananampalataya. Kung sino man ang may kapangyarihan at kayang magpasuko sa akin, para sa kanya, gagawin ko ang mga utos at ang lahat ng aking makakaya. Kung sino man ang makapagbibigay sa akin ng hantungan, ng putong, at makatutugon sa aking pagnanais na pagpalain, siya ang susundin ko. Susunod ako sa kanya hanggang sa wakas.” Sino ang diyos sa puso niya? Kahit sino ay maaaring maging diyos niya, hangga’t mas makapangyarihan ito sa kanya at kaya siyang mapasuko nito. Hindi ba’t ito ang kalikasang diwa ni Pablo? (Oo.) Kung gayon, sino ba ang entidad na sinampalatayanan niya kalaunan na may kakayahang ilugmok siya sa daan patungong Damasco? (Ang Panginoong Jesucristo.) “Ang Panginoong Jesucristo” ang pangalang ginamit niya, pero ang entidad na talagang sinampalatayanan niya ay ang diyos sa puso niya. Nasaan ang diyos niya? Kung tatanungin mo siya, “Nasaan ang Diyos mo? Nasa kalangitan ba Siya? Kasa-kasama ba Siya ng lahat ng nilikha? Siya ba ang may kataas-taasang kapangyarihan sa buong sangkatauhan?” Sasabihin ni Pablo, “Hindi, ang diyos ko ay nasa daan patungong Damasco.” Iyon talaga ang diyos niya. Ang dahilan ba kung bakit nagawa ni Pablo na magbago mula sa pang-uusig niya sa Panginoong Jesucristo tungo sa paggawa, paggugol ng kanyang sarili, at pagsasakripisyo pa nga ng kanyang buhay para sa Panginoong Jesucristo—ang dahilan kung bakit nagkaroon siya ng malaking pagbabago—ay dahil may pagbabago sa kanyang pananampalataya? Ito ba ay dahil nagising ang kanyang konsensiya? (Hindi.) Kung gayon, ano ang nagsanhi nito? Ano ang nagbago? Nagbago ang kanyang sikolohikal na tungkod. Dati, ang kanyang sikolohikal na tungkod ay nasa mga kalangitan; isa itong hungkag, at malabong bagay. Kung ipapalit mo rito si Jesucristo, iisipin ni Pablo na masyadong hamak si Jesucristo—isang karaniwang tao lamang si Jesus, at hindi Siya maaaring maging isang sikolohikal na tungkod—at lalo namang mababa ang tingin ni Pablo sa mga tanyag na relihiyosong tao. Gusto lang ni Pablo na makahanap ng isang taong masasandalan, na may kakayahang mapasuko siya at pagpalain siya. Inisip niya na ang entidad na nakaharap niya sa daan patungong Damasco ay ang pinakamalakas, at na iyon ang dapat niyang sampalatayanan. Nagbago rin ang kanyang sikolohikal na tungkod nang magbago ang kanyang pananampalataya. Batay rito, tunay nga bang sumampalataya si Pablo sa Diyos o hindi? (Hindi.) Ibuod natin ngayon sa isang pangungusap kung ano ang nakaimpluwensiya sa mga paghahangad ni Pablo at sa daang tinatahak niya. (Ang kanyang sikolohikal na tungkod.) Kung gayon, paano natin dapat tukuyin ang ikapitong kasalanan ni Pablo? Sa lahat ng aspekto, ang pananampalataya ni Pablo ay isang sikolohikal na tungkod; hungkag at malabo ito. Isa talaga siyang hindi mananampalataya at isang ateista. Bakit hindi iniwan ng isang ateista at ng isang hindi mananampalatayang kagaya niya ang mundo ng relihiyon? Sa isang banda, sa kanyang malabong imahinasyon, naroon ang isyu tungkol sa hantungan. At sa isa pang banda, naroon ang isyu tungkol sa pagkakaroon niya ng pagkakakitaan. Kasikatan, pakinabang, katayuan, at pagkakakitaan ang mga bagay na hinahangad niya sa buhay na ito, at ang ideya ng pagkakaroon ng hantungan sa paparating na mundo ay isang kaginhawahan para sa kanya. Ang mga bagay na ito ang bumubuo sa bawat ugat at tungkod sa likod ng mga hinahangad at ipinapakita ng mga taong kagaya nito, at sa kung anong landas ang tinatahak nila. Mula sa perspektibang ito, ano si Pablo? (Isang hindi mananampalataya. Sumampalataya lang siya sa malabong diyos.) (Isang ateista.) Tumpak na sabihing isa siyang ateista, at na isa siyang hindi mananampalataya at na isa siyang oportunistang nagtatago sa Kristiyanismo. Kung tatawagin mo lang siyang isang Pariseo, hindi ba’t isang pagmamaliit iyon? Kung titingnan mo ang mga sulat na ginawa ni Pablo, at makikita mo sa panlabas na sinasabi ng mga ito na “sa pamamagitan ng kalooban ng diyos,” baka ipagpalagay mo na itinuturing ni Pablo ang Diyos sa langit bilang ang pinakamataas, at na dahil lamang ito sa mga kuru-kuro ng mga tao, o dahil sila ay mangmang at hindi nila nauunawaan ang Diyos, at na hinati nila ang Diyos sa tatlong antas: ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu, at na kahangalan lang iyon ng tao, at hindi ito isang napakaseryosong problema, dahil ganoon din mag-isip ang buong mundo ng relihiyon. Pero ngayon, matapos suriin ito, ganito nga ba ang kaso? (Hindi, hindi ganito.) Ni hindi kinilala ni Pablo ang pag-iral ng Diyos. Isa siyang ateista at hindi mananampalataya, at dapat siyang ibilang sa mga ateista at walang pananampalataya.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Matukoy ang Kalikasang Diwa ni Pablo
Ano ang kalikasang diwa ni Pablo? Sa pinakamababa ay may kaunting kabuktutan. May pagkahumaling siyang naghangad ng kaalaman at katayuan, hinangad niya ang mga gantimpala at isang korona, at nagpakaabala, gumawa, at nagbayad siya ng halaga para sa koronang iyon, nang hindi man lamang hinahangad ang katotohanan. Higit pa rito, sa kanyang paggawa, hindi siya kailanman nagpatotoo tungkol sa mga salita ng Panginoong Jesus, ni nagpatotoo na ang Panginoong Jesus ay ang Cristo, ang Diyos, o ang nagkatawang-taong Diyos, na kinakatawan ng Panginoong Jesus ang Diyos, at na ang lahat ng salitang sinasabi Niya ay mga salitang sinabi ng Diyos. Hindi maunawaan ni Pablo ang mga ito. Kaya, ano ang landas na tinahak ni Pablo? May pagkasutil niyang hinangad ang kaalaman at teolohiya, sinuway ang katotohanan, tinanggihang tanggapin ang katotohanan, at ginamit ang kanyang mga kaloob at kanyang kaalaman na gawin ang gawain para pamahalaan, panatilihin, at patatagin ang katayuan niya. Ano ang huling kinalabasan niya? Siguro ay hindi mo makita mula sa labas kung anong kaparusahan ang tinanggap niya bago siya mamatay, o kung mayroon ba siyang abnormal na pagpapamalas, pero ang huling kinalabasan niya ay naiiba kay Pedro. Saan nakadepende ang “pagkakaibang” ito? Ang isa ay sa kalikasang diwa ng isang tao, at ang isa pa ay sa landas na tinatahak niya. Pagdating sa saloobin ni Pablo at pananaw sa Panginoong Jesus, paano naiiba ang paglaban niya sa paglaban ng mga normal na tao? Gayundin, ano ang pagkakaiba sa pagitan ng pagtatwa at pagtanggi ni Pablo sa Panginoon, at pagtatwa nang tatlong beses ni Pedro sa pangalan ng Diyos at pagkabigo nitong kilalanin ang Panginoon dahil sa kahinaan at takot? Ginamit ni Pablo ang kaalaman, pagkatuto, at ang mga kaloob niya para gawin ang kanyang gawain. Hindi niya man lang isinagawa ang katotohanan, ni sinundan ang daan ng Diyos. Samakatuwid, makikita mo ba ang kahinaan niya sa panahong iginugol niya sa pagpapakaabala at paggawa, o sa mga sulat niya? Hindi mo makikita, hindi ba? Paulit-ulit niyang tinuruan ang mga tao kung ano ang gagawin at hinikayat ang mga tao na hangarin na magkamit ng mga gantimpala, korona, at magandang destinasyon. Wala siyang karanasan, pagkaunawa, o pagpapahalaga sa pagsasagawa sa katotohanan. Sa kabaligtaran, hindi magarbo ang mga kilos ni Pedro. Wala siyang malalalim na teorya o mga sulat na masyadong sikat. Mayroon siyang kaunting tunay na pagkaunawa at pagsasagawa sa katotohanan. Bagama’t nakaranas siya ng kahinaan at katiwalian sa buhay niya, pagkatapos ng maraming pagsubok, ang relasyong nabuo niya sa Diyos ay relasyon sa pagitan ng tao at Diyos, na ibang-iba kay Pablo. Bagama’t gumawa si Pablo, walang kahit ano sa ginawa niya ang may kinalaman sa Diyos. Hindi siya nagpatotoo tungkol sa mga salita ng Diyos, sa Kanyang gawain, sa Kanyang pagmamahal, o Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan, at lalong hindi tungkol sa mga layunin ng Diyos sa mga tao o sa mga hinihingi Niya. Sinabi pa nga ni Pablo sa mga tao na ang Panginoong Jesus ang Anak ng Diyos, na sa huli ay nagdulot sa tao na tingnan ang Diyos bilang isang Trinidad. Ang salitang “Trinidad” ay galing kay Pablo. Kung walang bagay gaya ng “Ama at Anak,” magkakaroon ba ng “Trinidad”? Hindi. Masyado lang “malawak” ang mga imahinasyon ng tao. Kung hindi mo maunawaan ang pagkakatawang-tao ng Diyos, huwag kang basta humusga o gumawa ng mga basta-bastang paghusga. Makinig ka lang sa mga salita ng Panginoong Jesus at tratuhin mo Siya bilang Diyos, bilang Diyos na nagpapakita sa katawang-tao at nagiging isang tao. Mas obhetibo na tratuhin ito nang ganito.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi)
Matapos niyang maranasan ang gawain ng Banal na Espiritu sa loob ng maraming taon, halos walang ipinagbago si Pablo. Nanatili pa rin siya halos sa kalagayan ng kanyang likas na pagkatao, at siya pa rin ang dating Pablo. Kaya lamang, matapos magtiis ng paghihirap sa maraming taon ng paggawa, natuto siyang “gumawa,” at natutong magtiis, ngunit ang kanyang dating likas na pagkatao—ang likas niyang hilig na makipagpaligsahan at pumatay—ay nanatili pa rin. Matapos gumawa sa loob ng napakaraming taon, hindi niya alam ang kanyang tiwaling disposisyon, ni hindi niya naalis sa kanyang sarili ang kanyang dating disposisyon, at malinaw pa rin iyong nakita sa kanyang gawain. Mas marami lamang siyang karanasan sa paggawa, ngunit hindi siya kayang baguhin ng gayon katiting na karanasan at hindi kanyang baguhin ang kanyang mga pananaw tungkol sa pag-iral o sa kabuluhan ng kanyang pinagsisikapang matamo. Bagama’t gumawa siya sa loob ng maraming taon para kay Cristo, at hindi na muling inusig ang Panginoong Jesus kailanman, sa kanyang puso ay walang pagbabago sa kanyang kaalaman tungkol sa Diyos. Nangangahulugan ito na hindi siya gumawa upang ilaan ang kanyang sarili sa Diyos, kundi sa halip ay napilitan siyang gumawa para sa kapakanan ng kanyang hantungan sa hinaharap. Sapagkat, sa simula, inusig niya si Cristo, at hindi siya nagpasakop kay Cristo; siya ay likas na isang rebelde na sadyang kumontra kay Cristo, at isang taong walang alam tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu. Nang halos patapos na ang kanyang gawain, hindi pa rin niya alam ang gawain ng Banal na Espiritu, at kumilos lamang sa sarili niyang kusa batay sa kanyang sariling pagkatao, nang hindi nagbibigay ni kaunting pansin sa mga layunin ng Banal na Espiritu. Kaya nga ang kanyang likas na pagkatao ay napopoot kay Cristo at hindi nagpapasakop sa katotohanan. Ang isang taong kagaya nito, na tinalikdan na ng gawain ng Banal na Espiritu, na hindi alam ang gawain ng Banal na Espiritu, at kumontra din kay Cristo—paano kaya maililigtas ang gayong tao? Maaari mang mailigtas ang tao o hindi ay hindi nakasalalay sa kung gaano karaming gawain ang kanyang ginagawa, o kung gaano siya nakalaan, kundi sa halip ay natutukoy sa kung alam niya o hindi ang gawain ng Banal na Espiritu, kung kaya niya o hindi na isagawa ang katotohanan, at kung nakaayon o hindi ang kanyang mga pananaw sa pagsisikap na matamo ang katotohanan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao
Kaugnay na mga Extract ng Pelikula
Talaga bang Nauunawaan Mo si Pablo?