8. Paano makilatis ang malupit na kalikasan ng mga anticristo

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang isa pang bahagi ng disposisyong diwa ng mga anticristo ay ang kalupitan. Maibubuod ang mga anticristo gamit ang isang parirala: Masasamang tao ang mga anticristo. Kapag may katayuan sila, malinaw na mga anticristo sila. Kapag wala silang katayuan, paano mo mahuhusgahan kung anticristo sila? Kailangan mong tingnan ang pagkatao nila. Kung ang pagkatao nila ay mapaminsala, mapanlinlang, at makamandag, sila ay isang daang porsyentong anticristo. … Ang kalupitan ng mga anticristo ay isang disposisyon, isang diwa—isa itong tunay na satanikong diwa. Hindi ito likas na gawi, o pangangailangan ng laman, kundi isang pagpapamalas at katangian ng disposisyon ng mga anticristo. Kaya, ano ang mga pagpapamalas, pagbubunyag, at pamamaraan ng malupit na disposisyon ng mga anticristo? Alin sa mga kilos nila ang kumakatawan na malupit ang disposisyon nila, na may diwa sila ng masasamang tao? Ibahagi ninyo ang mga iniisip ninyo. (Pinarurusahan nila ang iba.) (Sinusupil at ibinubukod nila ang mga naiiba sa kanila.) (Idinidiin nila ang iba at naglalagay sila ng mga patibong para sa mga ito.) (Kinokontrol at minamanipula nila ang mga tao.) (Bumubuo sila ng mga paksyon at naghahasik ng alitan.) Ang pagbuo ng mga paksyon at paghahasik ng alitan ay medyo mapanlinlang; ang mga ito ay mga pagpapamalas ng isang buktot na disposisyon, pero hindi pa ito kalupitan. Ang pagpapakalat ng mga kuru-kuro, pagtatatag ng mga nagsasariling kaharian—malupit ba ang mga ito? (Oo.) Ang pagkontra sa mga pagsasaayos ng gawain, panggugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos, pag-angkin sa mga handog para sa Diyos, at direktang pagkontra sa Diyos—malupit ba ang mga ito? (Oo.) Ang pag-angkin sa mga handog ay hindi lang sakim; isa rin itong pagpapamalas ng isang malupit na disposisyon. Ang kakayahan ng mga anticristo na angkinin ang mga handog ay nagpapahiwatig ng isang napakalupit na disposisyon, kapantay ng sa mga bandido. Ulitin ang mga bagay na kakabuod pa lang natin. (Pinarurusahan nila ang iba, sinusupil at ibinubukod ang mga naiiba sa kanila, idinidiin ang iba at naglalagay sila ng mga patibong para sa mga ito, kinokontrol at minamanipula ang mga tao, nagpapakalat ng mga kuru-kuro, nagtatatag ng mga nagsasariling kaharian, kumokontra sa mga pagsasaayos ng gawain, inaatake ang Diyos, at inaangkin ang mga handog.) Siyam na aytem sa kabuuan. Ang mga ito ang humigit-kumulang na pagpapamalas ng malupit na disposisyon ng mga anticristo. Sa katunayan, may ilan pang partikular na mga pagpapamalas, pero halos katulad na rin ng mga ito, kaya hindi ko na detalyadong ililista ang mga ito. Sa madaling salita, masasamang tao ang mga gumagamit ng mga pamamaraan at estratehiyang ito. Sa isang aspekto, mapanlinlang ang mga pamamaraan nila, halimbawa, ang pagdidiin, paglalagay ng mga patibong, at pagpapakalat ng mga kuru-kuro, ay pawang medyo mapanlinlang. Sa isa pang aspekto, labis na makamandag at mabagsik ang mga estratehiya nila, kaya kalipikado sila sa pagkakaroon ng malupit na disposisyon.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Ekskorsus

Ang isa sa mga pangunahing katangian ng likas na pagkatao ng mga anticristo ay ang kasamaan. Ano ang kahulugan ng “kasamaan”? Nangangahulugan ito na mayroon silang partikular na kasuklam-suklam na saloobin tungkol sa katotohanan—hindi lamang nabibigong magpasakop doon, at hindi lamang tumatangging tanggapin iyon, kundi kinokondena pa ang mga nagpupungos sa kanila. Iyon ang masamang disposisyon ng mga anticristo. Iniisip ng mga anticristo na sinumang tumatanggap sa ay madaling apihin, at na ang mga taong palaging pumupungos sa iba ay ang mga taong palaging nagnanais na manudyo at mang-api sa mga tao. Kaya, lalabanan ng isang anticristo ang sinumang pumupungos sa kanya, at pahihirapan niya ang taong iyon. At sinumang bumabanggit sa mga kakulangan o katiwalian ng isang anticristo, o nagbabahagi sa kanya tungkol sa katotohanan at mga layunin ng Diyos, o naghihikayat sa kanyang kilalanin ang kanyang sarili, iniisip niya na pinahihirapan siya ng taong iyon at nakayayamot ang tingin sa kanya. Kinamumuhian niya ang taong iyon sa kaibuturan ng kanyang puso, at paghihigantihan at pahihirapan niya ito. Isa pa itong pagpapamalas kung paano tinatrato ng mga anticristo ang pagpupungos na ating pagbabahaginan. Kinamumuhian nila ang sinumang nagpupungos at naglalantad sa kanila. Isa itong napakalinaw na pagpapamalas sa mga anticristo. Anong uri ng mga tao ang nagtataglay ng gayon kalupit na disposisyon? Masasamang tao. Sa katunayan, masasamang tao ang mga anticristo. Kaya, ang masasamang tao at mga anticristo lamang ang nagtataglay ng gayon kalupit na disposisyon. Kapag naharap ang isang malupit na tao sa anumang uri ng pagpapayo, akusasyon, turo, o tulong na may mabuting layunin, ang saloobin nila ay hindi ang magpasalamat o tanggapin ito nang mapagpakumbaba, kundi, ang magalit nang husto dahil sa kahihiyan, at makaramdam ng matinding pagkamapanlaban, pagkamuhi, at maghiganti pa nga. May ilan na nagpupungos at naglalantad sa isang anticristo sa pamamagitan ng pagsasabing, “Kamakailan lang ay wala kang pakundangan sa pagkilos mo, hindi ka kumilos ayon sa prinsipyo, at palagi mong ipinagmamalaki ang sarili mo habang ginagawa ang tungkulin mo. Gumagawa ka lang alang-alang sa katayuan at lubusan mong ginugulo ang iyong tungkulin. Ginagawa mo ba nang tama ang tungkulin mo sa Diyos? Bakit hindi mo hinanap ang katotohanan habang ginagawa ang tungkulin mo? Bakit hindi ka kumikilos ayon sa prinsipyo? Bakit hindi mo tinanggap nang makipagbahaginan sa iyo ang mga kapatid tungkol sa katotohanan? Bakit mo sila binalewala? Bakit mo ginawa ang anumang gusto mo?” Ang ilang katanungang ito “kung bakit,” ang mga salitang ito na naglalantad ng pagbubunyag nila ng katiwalian—naiirita sila sa mga ito: “Bakit? Walang ‘bakit’—gagawin ko ang anumang gusto ko! Ano ang karapatan mo para pungusan ako? Sino ka para gawin ito? Matigas ang ulo ko; ano ang magagawa mo roon? Ngayong umabot na ako sa edad na ito, walang naglalakas-loob na kausapin ako nang ganito. Ako lang ang pwedeng magsalita nang ganito sa iba; walang sinuman ang makakapagsalita sa akin nang ganito. Sino ang maglalakas-loob na pangaralan ako? Hindi pa ipinapanganak ang taong pwedeng mangaral sa akin! Sa tingin mo ba talaga ay pwede mo akong pangaralan?” Umuusbong ang pagkamuhi sa kaibuturan ng puso nila, at naghahanap sila ng pagkakataon para makapaghiganti. Sa isipan nila, nagkakalkula sila: “May kapangyarihan ba sa iglesia ang taong ito na nagpupungos sa akin? Kung gagantihan ko siya, may magsasalita ba para sa kanya? Kung pahihirapan ko siya, iwawasto ba ako ng iglesia? May solusyon ako. Hindi ko siya personal na gagantihan; lubos na palihim kong gagawin ang isang bagay. May gagawin ako sa pamilya niya na magpapahirap at magpapahiya sa kanya, nang sa gayon ay makalaya ako sa sama ng loob na ito. Kailangan kong makapaghiganti. Hindi ko ito pwedeng palampasin ngayon. Hindi ako nagsimulang manampalataya sa diyos para lang hamak-hamakin ako, at hindi ako pumarito para api-apihin ako ng iba ayon sa gusto nila; pumarito ako para magkamit ng mga pagpapala at pumasok sa kaharian ng langit! Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito. Dapat ay may lakas ang mga tao na ipaglaban ang kanilang dignidad. Ang lakas ng loob mong ilantad ako. Pang-aapi ito! Ngayong hindi mo ako itinuturing na mahalagang tao, dadalhin kita sa impiyerno, at ipapatikim ko sa iyo ang mga kahihinatnan. Magtuos tayo, tingnan natin kung sino ang mas mabangis!” Ang kaunting salita lang ng paglalantad ay lubha nang nagpapagalit sa mga anticristo at pumupukaw sa matindi nilang pagkamuhi, na nagtutulak sa kanila na gumawa ng mga labis-labis na bagay para sa paghihiganti. Lubusang nabubunyag ang malupit nilang disposisyon. Siyempre, kapag gumaganti sila sa iba dahil sa pagkamuhi, hindi ito dahil may pagkamuhi sila o dating sama ng loob sa taong iyon, kundi dahil inilantad ng taong iyon ang mga pagkakamali nila. Ipinapakita nito na ang simpleng paglalantad sa isang anticristo, kahit sino pa ang gumawa nito, at kahit ano pa ang ugnayan nila sa anticristo, ay pwedeng makapukaw sa pagkamuhi nila at mag-udyok ng paghihiganti nila. Kahit sino pa ito, nauunawaan man ng taong ito ang katotohanan, o isa man itong lider o manggagawa, o isang ordinaryong miyembro ng hinirang na mga tao ng Diyos, hangga’t may naglalantad at nagpupungos sa anticristo, ituturing nila ang taong iyon bilang kaaway. Hayagan pa ngang sasabihin ng mga anticristo na, “Pahihirapan ko ang sinumang magpupungos sa akin. Ang sinumang nagpupungos sa akin, naglalantad sa mga kahiya-hiyang sikreto ko, nagpapatalsik sa akin sa sambahayan ng diyos, o aagaw sa aking parte ng mga pagpapala, hinding-hindi ko siya tatantanan. Ganyan ako sa sekular na mundo: Walang nangangahas na bigyan ako ng problema. Hindi pa ipinapanganak ang taong mangangahas na abalahin ako!” Ito ang mga uri ng walang awang salita na ibinubulalas ng mga anticristo kapag nahaharap sila sa pagpupungos. Kapag ibinubulalas nila ang mga walang awang salitang ito, hindi ito para takutin ang iba, at hindi rin sila nagbubulalas para protektahan ang sarili nila. Tunay na may kakayahan silang gumawa ng kasamaan, at magpapakababa sila para makuha ang gusto nila. Ito ang malupit na disposisyon ng mga anticristo.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)

Kapag pinupungusan ang mga anticristo, ang saloobin nila ay hindi pagtanggap at pagsunod. Sa halip, laban at tutol sila rito, na nagbubunga ng pagkamuhi. Kinamumuhian nila sa kaibuturan ng puso nila ang bawat taong nagpupungos sa kanila, nagbubunyag ng mga kahiya-hiya nilang sikreto at naglalantad ng mga aktuwal nilang sitwasyon. Gaano katindi ang pagkamuhi nila sa iyo? Nagngangalit ang mga ngipin nila sa pagkamuhi, hiling nila na maglaho ka sa paningin nila, at nararamdaman nila na hindi kayo pwedeng umiral sa iisang mundo. Kung ganito ang pakikitungo ng mga anticristo sa mga tao, kaya ba nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos na naglalantad at kumokondena sa kanila? Hindi. Ang sinumang maglalantad sa kanila ay kamumuhian nila dahil sa paglalantad sa kanila at sa pagiging hindi pabor sa kanila, at gaganti sila. Nais nilang mawala sa paningin nila ang taong nagpungos sa kanila. Hindi nila matiis na makita ang taong ito na namumuhay nang maayos. Kung mamamatay o daranas ng sakuna ang taong ito, matutuwa sila; hangga’t nabubuhay ang taong ito at gumagawa pa rin ng tungkulin niya sa sambahayan ng Diyos, at nagpapatuloy ang mga bagay-bagay gaya ng dati, nakakaramdam sila ng pagdurusa, pagkabalisa, at pagkayamot sa puso nila. Kapag hindi sila makapaghiganti sa isang tao, palihim nila itong isinusumpa, o ipinagdarasal pa nga nila na parusahan at gantihan ng Diyos ang taong iyon, at na tugunan ng Diyos ang mga hinaing nila. Kapag naramdaman ng mga anticristo ang ganitong pagkamuhi, nagreresulta ito sa mga sunud-sunod na pagkilos. Kabilang sa mga pagkilos na ito ang paghigiganti at mga sumpa, at siyempre, may ilan ding pagkilos gaya ng pag-frame, paninira, at pagkondena sa iba, na nag-uugat sa pagkamuhi. Kapag may nagpupungos sa kanila, sisiraan nila ang taong iyon nang patalikod. Kapag sinabi ng taong iyon na tama ang isang bagay, sasabihin nilang mali ito. Babaluktutin nila ang lahat ng positibong bagay na ginagawa ng taong iyon at gagawin nila itong negatibo, nagpapakalat sila ng mga kasinungalingang ito at nagsasanhi ng kaguluhan habang nakatalikod ang mga ito. Uudyukan at aakitin nila ang iba na mangmang at hindi malinaw na nakakaunawa ng mga bagay-bagay o hindi nakakakilatis, para pumanig sa kanila ang mga taong ito at suportahan sila. Malinaw na walang anumang ginawang masama ang taong nagpupungos sa kanila, pero gusto pa rin nilang paratangan ng masasamang gawa ang taong ito, para maling paniwalaan ng lahat na ginagawa ng mga taong ito ang mga ganitong uri ng bagay, at magsama-sama ang lahat para itakwil ang taong ito. Ginugulo ng mga anticristo ang buhay-iglesia sa ganitong paraan at ginugulo ang mga tao sa paggampan ng tungkulin nila. Ano ang layon nila? Layon nilang pahirapan ang taong nagpupungos sa kanila at himukin ang lahat na abandonahin ang taong ito. May ilang anticristo rin na nagsasabi: “Pinungusan at pinahirapan mo ako, kaya hindi ko rin gagawing madali para sa iyo ang mga bagay-bagay. Ipapatikim ko sa iyo kung ano ang pakiramdam ng mapungusan at maabandona. Paano mo man ako tratuhin, ganoon din kita tatratuhin. Kung hindi mo gagawing madali para sa akin ang mga bagay-bagay, huwag kang umasa na magiging madali rin para sa iyo ang mga ito!” Kapag gumagawa ng kasamaan ang mga anticristo, ipinatatawag sila ng ilang lider at manggagawa para makausap, sinasabihan silang magsisi, at binabasahan sila ng mga salita ng Diyos para tulungan at suportahan sila. Bukod sa hindi nila ito tinatanggap, nagpapasimula rin sila ng mga tsismis na hindi gumagawa ng totoong gawain ang lider at hindi kailanman gumagamit ng salita ng Diyos para lutasin ang mga problema. Sa katunayan, nakagawa na ng gayong gawain ang lider, pero binabago at binabaliktad ng mga anticristo ang mga katunayan at sinisiraan ang taong tumutulong sa kanila. Hindi ba’t malupit ito? Nang nakadilat ang mga mata nila, ipinapahayag ng masasamang tao at mga anticristong ito na negatibo ang mga positibong bagay, at na ang kanilang mga maling gawain, pagkakamali, buktot na gawa, at mapaminsalang kilos ay mga positibong bagay na umaayon sa katotohanan. Gaano man kalaki ang maging pagkakamali nila habang ginagawa ang tungkulin nila, gaano man kalaking pinsala ang idinudulot nila sa gawain ng iglesia, hindi nila ito inaamin o sineseryoso man lang. Kapag tinatalakay nila ito, ginagawa lang nila itong maliit na bagay at binabalewala. Ang taong nagpupungos sa kanila dahil sa usaping ito ay nagiging makasalanan sa paningin nila at nagiging puntirya ng kritisismo nila. Hindi ba’t pagbabaliktad ito sa katunayan? May ilang anticristo pa nga na gumagawa ng mga maling kontra-akusasyon kapag pinupungusan sila ng isang lider o manggagawa, sinasabi nila: “Ang anumang pagkakamali naming mga kapatid ay sanhi ng kamangmangan at ng hindi maayos na paggawa ng mga lider at manggagawa sa trabaho nila. Kung marunong ang mga lider at manggagawa na gumampan sa gawain nila, kung binigyan nila kami ng mga maagap na paalala, at mahusay nilang pinamahalaan ang mga bagay-bagay, kung gayon, hindi ba’t mababawasan ang mga kawalan sa sambahayan ng diyos? Samakatuwid, anuman ang maging mga pagkakamali namin, ang mga lider at manggagawa ang ganap na dapat sisihin at ang dapat na umako ng pinakamalaking responsabilidad.” Hindi ba’t paggawa ito ng huwad na kontra-pahayag? Ang mga huwad na kontra-pahayag na ito ay pagbabaligtad sa katunayan at isang uri ng paghihiganti.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)

Sa sandaling mapalitan o matiwalag ang mga anticristo, hindi na sila nagtitimpi at malaya silang nagrereklamo, at nalalantad ang malademonyo nilang katangian. Anong malademonyong katangian ang nalalantad? Dati, talagang hindi nila ginampanan ang mga tungkulin nila para maghangad sa katotohanan at magkamit ng kaligtasan, kundi para magkamit ng mga pagpapala, at sinasabi nila ngayon ang katotohanan tungkol dito at ibinubunyag ang totoong sitwasyon. Sinasabi nila: “Kung hindi ako nagsisikap na makapasok sa kaharian ng langit o makakuha ng mga pagpapala at dakilang kaluwalhatian kalaunan, makikisalamuha ba ako sa mga taong tulad ninyo na mas mababa pa kaysa sa dumi? Karapat-dapat ba kayo sa presensiya ko? Hindi ninyo ako sinasanay o binibigyan ng mataas na ranggo, at gusto ninyo akong itiwalag. Balang araw, ipapakita ko sa iyo na may kabayaran ang pagtitiwalag mo sa akin, at ipapakita ko ang mga kahihinatnan na pagdurusahan mo dahil dito!” Ipinapakalat ng mga anticristo ang mga ideyang ito, at lumalabas mula sa kanila ang mga maladiyablong salitang ito. Kapag hindi na sila makapagtimpi, nalalantad ang mapaminsala nilang kalikasan at malupit na disposisyon, at nagsisimula silang magpakalat ng mga kuru-kuro. Nagsisimula rin silang hikayatin ang mga bagong mananampalataya, na may medyo mababang tayog at walang pagkilatis, na hindi naghahangad sa katotohanan, at madalas na negatibo at mahina, at hinihikayat din nila ang mga palaging pabasta-basta sa mga tungkulin nila at hindi tunay na nananampalataya sa Diyos. Gaya ng sinabi nila mismo, “Kung ititiwalag mo ako, isasama ko sa pagbagsak ko ang ibang tao!” Hindi ba’t nabubunyag ang sataniko nilang kalikasan? Gagawin ba ito ng mga normal na tao? Sa pangkalahatan, nalulungkot at nasasaktan lang ang mga taong may mga tiwaling disposisyon kapag tinatanggal sila, naniniwala na wala na silang pag-asa, pero dahil sa konsensiya nila ay naiisip nila: “Kasalanan namin ito, hindi namin natupad ang mga tungkulin namin. Sa hinaharap, magsusumikap akong maging mas mahusay, at ang Diyos na ang bahala kung paano Niya ako tatratuhin at kung ano ang mga pagpapasya Niya para sa akin. Walang karapatan ang mga tao na humingi ng anuman sa Diyos. Hindi ba’t nakabatay sa mga pagpapamalas ng mga tao ang mga kilos ng Diyos? Kung tumatahak ang isang tao sa maling landas, nararapat lamang siyang disiplinahin at ituwid, walang duda rito. Ngayon, ang nakakalungkot ay mahina ang kakayahan ko at hindi ko matugunan ang mga layunin ng Diyos, at hindi ko nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo at kumikilos ako nang arbitraryo at sutil batay sa mga tiwaling disposisyon ko. Nararapat lang na itiwalag ako, pero umaasa ako na magkakaroon ako ng pagkakataong makabawi sa hinaharap!” Ang mga taong may maliit na konsensiya ay tatahak sa isang landas gaya nito. Pinipili nilang ikonsidera ang isyu sa ganitong paraan, at sa huli, pinipili rin nilang lutasin ang isyu sa ganitong paraan. Siyempre, hindi marami ang mga elemento ng pagsasagawa sa katotohanan sa loob nito, pero dahil mayroong konsensiya ang mga taong ito, hindi sila aabot sa puntong lalabanan nila ang Diyos, lalapastanganin ang Diyos, o sasalungatin ang Diyos. Pero hindi ganoon ang mga anticristo. Dahil mayroon silang malupit na kalikasan, likas silang antagonistiko sa Diyos. Kapag may banta sa mga kinabukasan at kapalaran nila o kapag inalis ang mga ito, kapag wala silang makitang anumang pag-asa na mabuhay, pinipili nilang magpakalat ng mga kuru-kuro, husgahan ang gawain ng Diyos, at udyukan ang mga hindi mananampalatayang kakampi nila na guluhin ang gawain ng sambahayan ng Diyos kasama nila. Tumatanggi pa nga silang panagutan ang anumang dati nilang maling gawa at mga pagsalangsang, pati na ang anumang kawalang idinulot nila sa gawain o ari-arian ng sambahayan ng Diyos. Kapag pinangangasiwaan at itinitiwalag sila ng sambahayan ng Diyos, sinasabi nila ang isang pangungusap na pinakamadalas na sinasabi ng mga anticristo. Ano ito? (Kung hindi ako papanatilihin sa lugar na ito, may puwang para sa akin sa ibang lugar.) Hindi ba’t isa rin itong maladiyablong pangungusap? Isa itong bagay na hindi kayang sabihin ng isang taong may normal na pagkatao, may pakiramdam ng kahihiyan, at may konsensiya. Tinatawag natin ang mga ito na mga maladiyablong salita. Ang mga ito ay iba’t ibang pagpapamalas ng malulupit na disposisyon na ibinubunyag ng mga anticristo kapag pinupungusan sila, at nararamdaman nila na nanganganib ang katayuan at reputasyon nila, na may banta sa katayuan at katanyagan nila, at lalo na, malapit na silang pagkaitan ng mga kinabukasan at kapalaran nila; kasabay nito, nalalantad ang kanilang hindi mananampalatayang diwa.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)

Itinuturing ng mga anticristo na mas mahalaga ang sarili nilang katayuan at reputasyon kaysa sa anupamang bagay. Ang mga taong ito ay hindi lamang mapanlinlang, tuso, at buktot, kundi lubos ding malulupit. Ano ang ginagawa nila kapag napag-alaman nilang nasa panganib ang kanilang katayuan, o kapag nawawala ang puwang nila sa puso ng mga tao, kapag nawala ang pagtangkilik at pagmamahal ng mga taong ito, kapag hindi na sila iginagalang at hindi na mataas ang tingin sa kanila ng mga tao, at nahulog na sila sa kahiya-hiyang kalagayan? Bigla na lang silang nagbabago. Sa sandaling mawala sa kanila ang kanilang katayuan, ayaw na nilang gampanan ang anumang tungkulin, nagiging pabasta-basta na lang sila sa lahat ng kanilang ginagawa, at wala silang interes na gumawa ng kahit ano. Subalit hindi ito ang pinakamalalang pagpapamalas. Ano ang pinakamalalang pagpapamalas? Sa sandaling mawalan ng katayuan ang mga taong ito, at hindi na mataas ang tingin sa kanila ng sinuman, at wala na silang nalilihis, lumalabas ang poot, inggit, at paghihiganti. Bukod sa wala silang may-takot-sa-Diyos na puso, wala rin silang ni katiting na pagpapasakop. Bukod pa rito, sa kanilang mga puso, malamang na kapootan nila ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia, at ang mga lider at manggagawa; pinakaaasam-asam nilang magkaproblema at mahinto ang gawain ng iglesia; gusto nilang pagtawanan ang iglesia, at ang mga kapatid. Kinapopootan din nila ang sinumang naghahangad ng katotohanan at natatakot sa Diyos. Binabatikos at kinukutya nila ang sinumang tapat sa kanyang tungkulin at handang magsakripisyo. Ito ang disposisyon ng mga anticristo—at hindi ba’t malupit ito? Malinaw na masasamang tao sila; ang mga anticristo sa diwa nila ay masasamang tao. Kahit kapag ginaganap ang mga pagtitipon online, kung nakikita nila na maganda ang signal, tahimik silang napapamura at sinasabi sa kanilang sarili: “Sana humina ang signal! Sana humina ang signal! Mas maigi kung walang makarinig sa mga sermon!” Ano ang mga taong ito? (Mga diyablo.) Mga diyablo sila! Talagang hindi sila mga tao ng sambahayan ng Diyos. Ang mga ganitong uri ng diyablo at masasamang tao ay sadyang nagsasanhi ng gulo sa ganitong paraan, kahit saang iglesia man sila naroroon. Kahit inilalantad at nililimitahan sila ng mga taong marunong kumilatis, hindi sila magninilay-nilay sa kanilang sarili o aamin sa kanilang mga pagkakamali. Iisipin nila na ito ay pansamantalang pagkakamali lamang sa kanilang parte at na dapat silang matuto mula rito. Ang taong tulad nito, na talagang tumatangging magsisi, ay hindi magpapasakop kahit sino pa ang kumikilatis at naglalantad sa kanila. Hahanap sila ng paraan na makapaghiganti laban sa taong iyon. Kapag hindi maginhawa ang lagay nila, ayaw din nilang maging madali ang mga bagay-bagay para sa mga kapatid. Sa kanilang puso, lihim pa nga nilang isinusumpa ang mga kapatid, hinihiling nila na may masasamang bagay na mangyayari sa mga kapatid, at sinusumpa rin nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos, hinihiling na magkaroon dito ng gulo. Kapag nagkakaproblema ang sambahayan ng Diyos, lihim silang nagagalak at nagdiriwang, iniisip nila na, “Hmph! Sa wakas, nagkaproblema rin. Lahat ng ito ay nangyayari dahil pinalitan mo ako. Buti nga, nagkakagulo na ang lahat!” Natutuwa at nasisiyahan sila na makita ang iba na nanghihina at nagiging negatibo. Nagsasalita sila nang mapangutya at mapanghamak para siraan ang mga tao, at nagpapakalat pa nga sila ng mga salita ng pagkanegatibo at kamatayan, sinasabing, “Isinasakripisyo nating mga mananampalataya ang ating mga pamilya at propesyon para magawa ang ating mga tungkulin at magtiis ng paghihirap. Sa tingin mo ba ay kaya talagang akuin ng sambahayan ng diyos ang responsabilidad para sa ating kinabukasan? Naisip mo na ba iyon? Sulit ba ang halagang ibinabayad natin? Hindi maganda ang kalusugan ko ngayon, at kung mapagod ako nang husto, sino ang mag-aalaga sa akin sa aking pagtanda?” Nagsasabi sila ng mga ganitong bagay para makaramdam ng pagkanegatibo ang lahat—saka lamang sila magiging masaya. Hindi ba’t masama ang kanilang balak, hindi ba’t sila ay masama at mapaminsala? Hindi ba’t dapat silang tumanggap ng ganti? (Oo, dapat.) Sa tingin ba ninyo ay talagang may Diyos sa puso ang mga ganitong tao? Hindi sila mukhang mga tunay na mananampalataya sa Diyos, sa panimula ay hindi sila naniniwalang sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Hindi ba’t sila ay mga hindi mananampalataya? Kung tunay silang nananampalataya sa Diyos, paano nila nasasabi ang mga gayong bagay? Maaaring sinasabi ng ilan na ito ay dahil wala silang may-takot-sa-Diyos na puso—tama ba iyon? (Hindi, hindi ito tama.) Bakit hindi ito tama? (Sadyang walang Diyos sa puso nila; sila ay kumokontra sa Diyos.) Sa katunayan, may lakas ng loob silang sabihin ang mga bagay na iyon dahil hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos. Mas lalong hindi sila naniniwala na sinisiyasat ng Diyos ang lahat ng tao, at hindi sila naniniwalang inoobserbahan ng Diyos ang kanilang bawat salita at gawa, bawat kaisipan at ideya. Hindi sila naniniwala sa mga bagay na ito, kaya hindi sila natatakot at malaya at walang pag-aalinlangang nagsasalita sila ng gayong mga maladiyablong salita. Kahit ang mga walang pananampalataya ay madalas nagsasabing, “May mga mata ang Langit” at “Kapag kumikilos ang tao, nagmamasid ang Langit.” Kahit sinong may kaunting tunay na pananalig ay hindi basta-basta bibigkas ng ganitong mga maladiyablong salita ng mga hindi mananampalataya. Hindi ba’t magkakaroon ng matitinding kahihinatnan para sa mga mananampalataya na nag-iisip at nagsasalita nang ganito? Hindi ba’t malubha ang kalikasan nito? Napakalubha nito! Na nagagawa nilang itatwa ang Diyos sa ganitong paraan ay nangangahulugan na sila ay mga tunay na diyablo, at masasamang nilalang na nakalusot sa sambahayan ng Diyos. Tanging ang mga diyablo at anticristo ang nangangahas na tahasang tumutol laban sa Diyos. Ang mga interes ng sambahayan ng Diyos ay kumakatawan sa mga interes ng Diyos, at ang lahat ng ginagawa ng sambahayan ng Diyos ay nasa ilalim ng pamumuno, pahintulot, at patnubay ng Diyos; ito ay malapit na konektado sa gawain ng pamamahala ng Diyos at hindi maaaring mahiwalay rito. Ang mga taong hayagang sumusumpa sa gawain ng sambahayan ng Diyos sa ganitong paraan, na naninira dito sa kanilang puso, at nais na gawing katawa-tawa ang sambahayan ng Diyos, na nagnanais na makakitang naaresto lahat ang mga hinirang ng Diyos, na ganap na natigil ang gawain ng iglesia, at na tumatalikod sa kanilang pananalig ang mga mananampalataya, at na magiging masaya kapag nangyari ito—anong klaseng mga tao sila? (Mga diyablo.) Sila ay mga diyablo, sila ay masasamang demonyo na muling nagkatawang-tao! Ang mga ordinaryong tao ay may mga tiwaling disposisyon, sila ay paminsan-minsang naghihimagsik, at nag-iisip sila ng ilang maliliit na ideya kapag nagiging negatibo at mahina sila, iyon lang, pero hindi sila magiging ganoon kasama o magkakaroon ng gayong mga buktot at mapaminsalang kaisipan. Ang ganitong uri ng diwa ay makikita lang sa mga anticristo at diyablo. Kapag may ganitong mga ideya ang mga anticristo, naghihinala ba sila na baka nagkamali sila? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil itinuturing nila na katotohanan ang kanilang iniisip at sinasabi. Hindi sila nananampalataya sa Diyos, wala silang may-takot-sa-Diyos na puso, at kalikasan na nila ang labanan ang Diyos.) Mismo, iyon ang kalikasan nila. Kailan ba itinuring ni Satanas ang Diyos bilang Diyos? Kailan ba ito naniwala na ang Diyos ang katotohanan? Hindi kailanman, at hinding-hindi ito mangyayari. Ang mga anticristo, ang mga diyablong ito, ay ganoon din; hindi nila itinuturing ang Diyos bilang Diyos o pinaniniwalaan na Siya ang katotohanan. Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang Siyang lumikha at may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Kaya iniisip nila na tama ang anumang sinasabi nila. Nag-iisip at kumikilos sila nang walang moralidad sa ganitong paraan; ito ang kanilang kalikasan. Kapag ganito rin ang ginagawa ng mga tiwaling tao, nakakaranas sila pagtatalo sa kanilang kalooban. Mayroon silang konsensiya at kamalayang pantao. Ang kanilang konsensiya, kamalayan, at ang mga katotohanang nauunawaan nila ay may epekto sa kanilang kalooban, at nagdudulot ito ng pagtatalo. Kapag lumilitaw ang pagtatalong ito, nagaganap ang isang labanan sa pagitan ng tama at mali at katarungan at kabuktutan, at nagkakaroon ng kalalabasan: Ang mga naghahangad sa katotohanan ay pumapanig sa Diyos, samantalang ang mga hindi naghahangad sa katotohanan ay pumapanig sa buktot na puwersa ni Satanas. Lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay pakikipagtulungan kay Satanas. Nagpapakalat sila ng pagkanegatibo, mga tsismis, at ginagawa nilang katawa-tawa ang sambahayan ng Diyos. Isinusumpa at sinisiraan nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos at isinusumpa ang mga kapatid. Magaan pa nga sa kanilang pakiramdam na gawin ang lahat ng ito, nang walang anumang pag-usig mula sa kanilang konsensiya, nang walang kahit kaunting pagsisisi, at naniniwala silang tama lahat ang mga kilos nila. Ganap nitong ibinubunyag ang satanikong kalikasan ng mga anticristo, at ibinubunyag ang kanilang mga pangit na mukha na lumalaban sa Diyos. Kaya, hindi isang pagmamalabis na sabihing ang mga anticristo ay tunay na mga diyablo at mga Satanas. Ang mga anticristo ay likas na mga diyablo at tiyak na hindi sila tatanggap ng pagliligtas ng Diyos. Sila ay tiyak na hindi parte ng ordinaryong tiwaling sangkatauhan. Ang mga anticristo ay mga diyablong muling nagkatawang-tao, sila ay likas na masasamang demonyo. Ganoon iyon.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)

Isa sa mga pinakahalatang katangian ng diwa ng isang anticristo ay sinosolo niya ang kapangyarihan at pinapatakbo ang mga sarili niyang diktadurya: Hindi siya nakikinig sa sinuman, hindi niya iginagalang ang sinuman, at anuman ang mga kalakasan ng mga tao, o anumang tamang pananaw at matalinong opinyon ang ipinapahayag ng mga ito, o anuman ang mga naaangkop na pamamaraan ang inilalatag ng mga ito, hindi niya pinapansin ang mga iyon; ito ay para bang walang sinuman ang kuwalipikadong makipagtulungan sa kanya, o makibahagi sa anumang ginagawa niya. Ito ang uri ng disposisyong mayroon ang mga anticristo. Sinasabi ng ilan na ito ay pagiging masamang uri ng pagkatao—pero paanong ito ay pangkaraniwang masamang uri ng pagkatao? Ito ay ganap na isang satanikong disposisyon; at ang gayong disposisyon ay napakalupit. Bakit Ko sinasabing ang kanilang disposisyon ay napakalupit? Kinakamkam ng mga anticristo ang lahat ng bagay mula sa sambahayan ng Diyos at ang pag-aari ng iglesia, at itinuturing ang mga ito bilang kanilang personal na pag-aari, na lahat ng ito ay sila dapat ang namamahala, at hindi nila pinapayagan ang sinumang makialam dito. Ang mga iniisip lamang nila kapag ginagawa ang gawain ng iglesia ay ang kanilang sariling mga interes, kanilang sariling katayuan, at kanilang sariling pagpapahalaga sa sarili. Hindi nila tinutulutan ang sinuman na pinsalain ang kanilang mga interes, lalo nang hindi nila tinutulutan ang sinumang may kakayahan at nagagawang magsalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan na maging banta sa kanilang reputasyon at katayuan. Kaya naman, sinusubukan nilang supilin at ihiwalay bilang mga katunggali ang mga nagagawang magsalita ng patotoong batay sa karanasan, at kayang magbahagi tungkol sa katotohanan at magtustos para sa mga hinirang na mga tao ng Diyos, at desperado nilang tinatangkang ganap na ibukod ang mga taong iyon mula sa iba, na lubusang dungisan ang pangalan ng mga ito, at pabagsakin ang mga ito. Saka lamang mapapayapa ang mga anticristo. Kung hindi kailanman nagiging negatibo ang mga taong ito, at nagagawang patuloy na gawin ang kanilang tungkulin, nagsasalita ng kanilang patotoo, at sumusuporta sa iba, babaling ang mga anticristo sa huli nilang alas, ang hanapan ng kapintasan ang mga ito at kondenahin ang mga ito, o paratangan ang mga ito at umimbento ng mga dahilan para pahirapan at parusahan ang mga ito, hanggang sa mapaalis ang mga ito sa iglesia. Saka lamang ganap na makakahinga nang maluwag ang mga anticristo. Ito ang pinakamapaminsala at pinakamalisyoso tungkol sa mga anticristo. Ang pinakanagdudulot sa kanila ng takot at pagkabalisa ay ang mga taong naghahangad sa katotohanan at nagtataglay ng tunay na patotoong batay sa karanasan, dahil ang mga taong may gayong patotoo ay ang mga taong pinakasinasang-ayunan at sinusuportahan ng mga hinirang na mga tao ng Diyos, sa halip na ang mga daldal nang daldal nang walang kabuluhan tungkol sa mga salita at doktrina. Ang mga anticristo ay walang tunay na patotoong batay sa karanasan, ni wala silang kakayahang isagawa ang katotohanan; ang pinakakaya nila ay gawin ang ilang mabuting gawa para magpalakas sa mga tao. Ngunit gaano man karaming mabuting gawa ang ginagawa nila o gaano karaming magandang pakinggan na bagay ang sinasabi nila, hindi pa rin ito maikukumpara sa mga pakinabang at bentaheng maaaring idulot sa mga tao ng isang magandang patotoong batay sa karanasan. Walang makakapalit sa mga epekto ng pagtutustos at pagdidilig na naibibigay sa mga hinirang na mga tao ng Diyos ng mga taong nagagawang magsalita tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Kaya nga, kapag nakikita ng mga anticristo ang isang tao na nagsasalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan, nagiging matalim ang tingin nila. Nag-aapoy ang galit sa puso nila, umuusbong ang pagkamuhi, at hindi sila makapaghintay na patahimikin ang nagsasalita at pigilan siyang magsalita pa. Kung patuloy itong magsasalita, lubos na masisira ang reputasyon ng mga anticristo, lubos na malalantad sa lahat ang kanilang pangit na hitsura, kaya humahanap ng dahilan ang mga anticristo para guluhin ang taong nagsasabi ng patotoo, at supilin ito. Pinahihintulutan lamang ng mga anticristo ang kanilang sarili na ilihis ang mga tao gamit ang mga salita at doktrina; at hindi nila pinapayagan ang mga hinirang na mga tao ng Diyos na luwalhatiin ang Diyos sa pamamagitan ng pagsasalita ng kanilang patotoong batay sa karanasan, na nagpapahiwatig kung anong uri ng mga tao ang pinakakinamumuhian at kinatatakutan ng mga anticristo. Kapag napapangibabaw ng isang tao ang kanyang sarili dahil sa isang maliit na gawain, o kapag nagagawa ng isang taong magsalita ng tunay na patotoong batay sa karanasan, at nakakatanggap ng mga pakinabang, napapatibay, at nasusuportahan mula rito ang mga hinirang na mga tao ng Diyos, at nakatatanggap ito ng malaking papuri mula sa lahat, nabubuo ang inggit at poot sa puso ng mga anticristo, at sinusubukan nilang ihiwalay at supilin ang taong ito. Anuman ang sitwasyon, hinding-hindi nila tinutulutan ang gayong mga tao na gumawa ng anumang gawain, upang hindi maging banta ang mga ito sa kanilang katayuan. Napapalutang at nabibigyang-diin ng mga taong may katotohanang prinsipyo ang kahirapan, kasamaan, kapangitan, at kabuktutan ng mga anticristo kapag nasa presensya nila ang mga ito, kaya kapag pumipili ng katuwang o katrabaho ang mga anticristo, hindi ito kailanman pumipili ng isang taong may katotohanang realidad, hindi siya kailanman pumipili ng mga taong kayang magsalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan, at hindi ito kailanman pumipili ng mga taong matapat o mga taong nakapagsasagawa ng katotohanan. Ito ang mga taong pinakakinaiinggitan at kinapopootan ng mga anticristo, at sila ay tinik sa tagiliran ng mga anticristo. Gaano man karami ang ginagawa na mabuti o kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos ng mga taong ito na nagsasagawa sa katotohanan, magsisikap nang husto ang mga anticristo upang takpan ang mga gawa na ito. Babaluktutin pa nila ang mga katunayan upang angkinin ang papuri para sa magagandang bagay habang ipinapasa ang sisi para sa masasamang bagay sa iba, para maitaas nila ang kanilang sarili at maliitin ang iba. Malaki ang inggit at pagkamuhi ng mga anticristo sa mga naghahangad sa katotohanan at nagagawang magsalita tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Natatakot sila na magiging banta ang mga taong ito sa sarili nilang katayuan, kaya nga ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para atakihin at ibukod ang mga ito. Pinagbabawalan nila ang mga kapatid na makipag-ugnayan sa mga ito o lumapit sa mga ito, o suportahan o purihin ang mga taong ito na nagagawang magsalita tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Ito ang pinakanagbubunyag sa satanikong kalikasan ng mga anticristo, na tutol sa katotohanan at namumuhi sa Diyos. Kaya nga, pinatutunayan din nito na ang mga anticristo ay masasamang puwersa na salungat sa iglesia, na sila ang dapat sisihin sa panggugulo sa gawain ng iglesia at paghadlang sa kalooban ng Diyos. Higit pa rito, ang mga anticristo ay madalas na gumagawa ng mga kasinungalingan at binabaluktot ang mga katunayan sa mga kapatid, minamaliit at kinokondena ang mga tao na nakapagsasalita ng kanilang patotoong batay sa karanasan. Anuman ang gawain ng mga taong iyon, naghahanap ang mga anticristo ng mga dahilan para ihiwalay at sugpuin sila, at na mapanghusga sa kanila, sinasabing mayabang at mapagmagaling sila, na gusto nilang magpakitang-gilas, at na nagkikimkim sila ng mga ambisyon. Sa katunayan, ang mga taong ito ay may kaunting patotoong batay sa karanasan at nagtataglay ng kaunting katotohanang realidad. Medyo mabuti ang pagkatao nila, may konsensiya at katwiran, at kayang tumanggap ng katotohanan. At kahit na mayroon silang ilang pagkukulang, kahinaan, at paminsan-minsang pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon, kaya nilang magnilay sa kanilang sarili at magsisi. Ang mga taong ito ang mga ililigtas ng Diyos, at may pag-asa na magagawang perpekto ng Diyos. Sa kabuuan, ang mga taong ito ay angkop sa paggawa ng isang tungkulin. Natutugunan nila ang mga hinihingi at prinsipyo sa paggawa ng isang tungkulin. Ngunit iniisip ng mga anticristo, “Hindi ko talaga matitiis ang ganito. Nais mong magkaroon ng papel sa aking nasasakupan, upang makipagpaligsahan sa akin. Imposible iyon; huwag na huwag kang magtatangka. Mas edukado ka kaysa sa akin, mas matatas magsalita kaysa sa akin, mas sikat kaysa sa akin, at mas masikap mong hinahangad ang katotohanan kaysa sa akin. Kung makikipagtulungan ako sa iyo at inagaw mo ang atensyon mula sa akin, ano na lang ang gagawin ko?” Isinasaalang-alang ba nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi. Ano ang iniisip nila? Iniisip lamang nila kung paano kakapit sa sarili nilang katayuan. Kahit alam ng mga anticristo na hindi nila kayang gumawa ng totoong gawain, hindi nila nililinang o itinataas ng ranggo ang mga taong mahusay ang kakayahan na naghahangad sa katotohanan; ang tanging itinataas nila ng ranggo ay ang mga taong nambobola sa kanila, mga mahilig sumamba sa iba, na sumasang-ayon at humahanga sa kanila sa puso ng mga ito, mga taong mahusay sa pakikipag-ugnayan, na walang pagkaunawa sa katotohanan at hindi kayang kumilatis. Dinadala ng mga anticristo ang mga taong ito sa kanilang panig para paglingkuran sila, maging abala para sa kanila, at gumugol ng bawat araw sa pag-ikot sa kanila. Ito ang nagbibigay sa mga anticristo ng kapangyarihan sa iglesia, at nangangahulugan ito na maraming tao ang lumalapit sa kanila, at sumusunod sa kanila, at na walang sinuman ang nangangahas na salungatin sila. Ang lahat ng mga taong ito na nililinang ng mga anticristo ay mga taong hindi naghahangad ng katotohanan. Karamihan sa kanila ay walang espirituwal na pang-unawa at walang alam kundi ang pagsunod sa panuntunan. Gusto nilang sinusundan ang mga uso at ang mga may kapangyarihan. Sila ay ang uri na lumalakas ang loob kapag nagkakaroon ng isang makapangyarihang amo—isang grupo ng mga taong magulo ang isip. Ano nga ba ang kasabihang iyon ng mga walang pananampalataya? Mas mabuti pang maging isang eskudero sa isang mabuting tao kaysa maging sinasambang ninuno ng isang masamang tao. Ganap na kabaligtaran ang ginagawa ng mga anticristo—kumikilos sila bilang mga sinasambang ninuno ng gayong mga tao, at naghahanda para linangin ang mga ito bilang kanilang mga taga-wagayway ng watawat at tagapagpasaya. Sa tuwing may isang anticristo na nasa kapangyarihan sa isang iglesia, palagi silang mangangalap ng mga taong magulo ang isip at ang mga pikit-matang nagloloko bilang kanilang mga katulong, habang inihihiwalay at sinusugpo ang mga taong may kakayahan na nakauunawa at nagsasagawa ng katotohanan, na kayang gumawa ng trabaho—at lalo na ang mga lider at manggagawa na may kakayahan sa aktuwal na trabaho. Sa ganitong paraan, dalawang kampo ang nabubuo sa iglesia: Sa isang kampo ay ang mga medyo matapat ang pagkatao, na gumagawa ng kanilang tungkulin nang may katapatan, at mga taong naghahangad ng katotohanan. Ang kabilang kampo ay isang grupo ng mga taong magulo ang isip at pikit-matang nagloloko, na pinamumunuan ng mga anticristo. Ang dalawang kampong ito ay magpapatuloy sa pakikipaglaban sa isa’t isa hanggang sa ang mga anticristo ay mabunyag at maitiwalag. Ang mga anticristo ay palaging lumalaban at kumikilos laban sa mga taong gumagawa ng kanilang tungkulin nang may katapatan at naghahangad ng katotohanan. Hindi ba’t lubha nitong nagugulo ang gawain ng iglesia? Hindi ba’t ginagambala at ginugulo nito ang gawain ng Diyos? Ang puwersa bang ito ng mga anticristo ay hindi isang katitisuran at isang balakid na pumipigil sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos sa iglesia? Hindi ba’t ito ay isang buktot na puwersang sumasalungat sa Diyos?

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)

Batay sa pamamaraan ng pagkontrol nila sa puso ng mga tao, kamuhi-muhi at makasarili ang pagkatao ng mga anticristo, at tutol sa katotohanan, buktot, at malupit ang kanilang disposisyon. Gumagamit ang mga anticristo ng lahat ng uri ng kamuhi-muhi at patagong mga panlalansi para makamit ang kanilang mga pakay, nang walang anumang bahid ng kahihiyan—ito ang katangian ng kanilang buktot na kalikasan. Dagdag pa, nang hindi alintana kung handa ba ang mga tao o hindi, nang hindi ipinapaalam sa kanila o nang hindi hinihingi ang kanilang pahintulot, palagi nilang gustong kontrolin ang mga tao, manipulahin ang mga ito at mangibabaw sa mga ito. Gusto nilang mapasailalim sa kanilang manipulasyon ang lahat ng iniisip at pinapangarap ng mga tao sa kanilang puso, gusto nilang maglaan ang mga tao ng puwang para sa kanila sa puso ng mga ito, na sambahin sila ng mga ito, at tingalain sila sa lahat ng bagay. Gusto nilang higpitan at impluwensyahan ang mga tao gamit ang kanilang mga salita at pananaw, at manipulahin at kontrolin ang mga ito batay sa kanilang mga sariling pagnanais. Anong uri ng disposisyon ito? Hindi ba’t pagiging malupit ito? Para lang itong isang tigre na sakmal-sakmal ang iyong leeg sa bibig nito—subukan mo mang maghabol ng hininga at magpumiglas, hindi mo magawa ang gusto mo, sa halip, naiipit ka sa mahigpit, nakamamatay na sunggab ng mabangis nitong bibig. Subukan mo mang magpumiglas para makawala, hindi mo magagawa, at kahit makiusap ka pa sa tigre na luwagan ang pagkakasakmal nito, imposible iyon, wala nang magagawa pa. Ganoon na ganon ang disposisyon ng mga anticristo. Ipagpalagay nang nakipagtalakayan ka sa kanila, na sinabi mong, “Pwede bang tigilan mo na ang pag-iisip ng mga paraan para kontrolin ang mga tao? Hindi mo ba kayang magpakabait at maging isang tagasunod? Hindi mo ba kayang magpakabait at tuparin ang mga tungkulin mo at manatili sa iyong posisyon?” Magagawa ba nilang sumang-ayon dito? Mapipigilan mo kaya sila sa kanilang mga ginagawa, gamit ang iyong mabuting pag-uugali o kung ano ang nauunawaan mo sa katotohanan? May makapagpapabago ba sa kanilang pananaw? Kung titingnan ang malupit na disposisyon ng mga anticristo, walang makapagpapabago sa kanilang mga isipan at perspektiba, ni walang makapagpapabago sa kanilang hangaring kontrolin ang puso ng mga tao. Walang makapagpapabago sa kanila, at hindi na sila makikipagnegosasyon pa—tinatawag itong “kalupitan.”

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabintatlong Aytem

Ang likas na kalikasang diwa ng mga anticristo, ng mga diyablo at Satanas na ito, ay ang makipagtunggali sa Diyos sa lahat ng bagay. Sa loob ng iglesia, bukod sa nakikipag-agawan sila sa Diyos para sa mga hinirang Niyang tao, sinusubukan ding agawin ng mga anticristo ang mga handog na ibinigay ng mga tao sa Kanya. Sa panlabas, mukhang nagiging mapag-imbot ang mga anticristo, pero sa realidad, ito ay dahil may disposisyon at diwa sila ng mga anticristo. Ang naisin nilang makuha at makamkam ang mga pera at aytem na inihahandog ng mga tao sa Diyos—ito, sa diwa nito, ay kalupitan. Halimbawa, para lang itong bumili ka ng isang bagong padded jacket, na maganda ang estilo at de-kalidad ang pagkakagawa, at pagkatapos, may nakakita nito at sinabing, “Mas maganda ang padded jacket mong ito kaysa sa jacket ko. Ang sira-sirang ito na suot ko ay butas-butas na, at hindi na ito uso. Bakit ang ganda ng sa iyo?” at kapag tapos na siyang magsalita, sapilitan niyang aagawin ang padded jacket mo, at ibinibigay ang sira niyang jacket sa iyo. Hindi ka makakatanggi sa kanya—papagdusahin ka niya, pahihirapan ka niya, bubugbugin ka niya, at baka patayin ka pa nga niya. Mangangahas ka bang labanan siya? Hindi ka mangangahas na labanan siya, at kukuhain niya ang mga gamit mo nang labag sa iyong kalooban. Kaya, ano ang disposisyon ng taong ito? Isa itong malupit na disposisyon. May pagkakaiba ba sa pagitan nito at sa disposisyon ng mga anticristo sa pag-aangkin at paggamit sa pag-aari ng iglesia? (Wala.) Ayon sa perspektiba ng mga anticristo ukol sa pag-aari, sa sandaling maging mga lider at “mga opisyal” na sila, at hawak-hawak na nila ang pag-aari ng iglesia, pagmamay-ari na nila ang pag-aari ng iglesia. Kahit sino pa ang siyang naghandog, o kung ano ang ibinigay nila bilang handog, susunggaban ito ng mga anticristo. Ano ba ang ibig sabihin ng pagsunggab sa isang bagay? Ibig sabihin nito ay matapos mapasailalim sa kontrol ng mga anticristo ang pag-aari ng iglesia—na dapat sana ay maayos na magamit at mailaan nang alinsunod sa mga regulasyon ng iglesia, sila lang ang may eksklusibong kapangyarihan na gamitin ito. Kahit kapag kailangan ang pag-aari na ito para sa gawain ng iglesia o ng mga manggagawa sa iglesia, hindi pumapayag ang mga anticristo na ipagamit ito. Sila lang ang maaaring gumamit nito. Tungkol naman sa kung paano gamitin at ilaan ang pag-aari ng iglesia, ang mga anticristo ang may huling salita; kung nais nilang ipagamit ito sa iyo, maaari mo itong gamitin, at kung hindi, hindi mo ito maaaring gamitin. Kung hindi sagana ang mga pondong handog ng iglesia at nagamit ang lahat ng ito para sa personal na gastusin ng mga anticristo matapos nilang angkinin ang mga ito, wala silang pakialam na wala nang perang natira para sa gawain ng iglesia. Hindi nila isinasaalang-alang ang gawain ng iglesia ni ang normal na mga pinagkakagastusan ng iglesia. Ang gusto lang nila ay ang kunin ang mga pondong ito at sila mismo ang gumastos sa mga ito, itinuturing ang mga ito na parang sarili nilang kita. Hindi ba’t kahiya-hiya ang ganitong paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay? (Oo.) Sa ilang iglesia na matatagpuan sa medyo mauunlad na lugar, iniisip ng mga anticristo: “Ayos na ayos ang lugar na ito. Pagdating sa mga pagkakagastusan, maaari akong gumastos nang gumastos at gawin kung ano ang gusto ko, at hindi ko na kailangan pang sumunod sa mga regulasyon at prinsipyo ng iglesia. Maaari akong gumastos ng pera sa anumang paraan na gusto ko. Mula nang maging lider ako, sa wakas natamasa ko na rin ang buhay na gumastos ng pera nang hindi na kailangang magtuos. Ang kailangan ko lang gawin ay sabihin lang kung gusto kong gumastos sa isang bagay, hindi ko kailangang mag-alala tungkol dito, at lalong hindi ko kailangang ipagpaalam pa ito sa kaninuman.” Pagdating sa paggastos sa yaman ng iglesia, hawak ng mga anticristo ang lahat ng kapangyarihan, padalus-dalos silang kumilos, at wala silang patumanggang gumastos ng pera. Bukod pa sa wala silang ginagawang anumang gawain nang alinsunod sa mga prinsipyo ng iglesia o sa mga pagsasaayos ng gawain, ganoon din tinatrato ng mga anticristo ang pag-aari ng iglesia, nang walang anumang prinsipyo. Maaari nga kayang hindi nila nauunawaan ang mga prinsipyo? Hindi, alam na alam nila ang mga prinsipyo tungkol sa alokasyon at paggastos ng pag-aari ng iglesia, pero hindi nila makontrol ang sarili nilang kasakiman at mga pagnanasa. Kapag mga ordinaryong tao sila na walang anumang katayuan, mapagpakumbaba sila at namumuhay nang simpleng pang-araw-araw na buhay, pero sa sandaling maging lider na sila, iniisip nilang bigating-tao na sila. Nagiging partikular sila sa kung paano sila manamit at kumain—hindi na sila kumakain ng mga ordinaryong pagkain, at natututo na silang maghanap ng mga de-kalidad at sikat na tatak sa pagdadamit sa kanilang sarili. Kailangan de-kalibre ang lahat; saka lamang nila nararamdamang umaayon ito sa kanilang identidad at katayuan. Sa sandaling maging lider na ang mga anticristo, para bang may utang pa ang lahat ng kapatid sa kanila, at dapat maghandog ng mga regalo ang mga ito sa kanila. Kung may magandang bagay na nangyari, dapat unahin sila, at inaasahan nilang gagastusan sila ng mga kapatid. Naniniwala ang mga anticristo na ang pagiging lider ay nangangahulugang may kapangyarihan dapat sila na unahin ang kanilang pag-angkin at paggamit sa pag-aari ng iglesia. Bukod sa ganito sila mag-isip, ganito rin sila umasal. Bukod pa rito, sumusobra na sila, dahilan para kasuklaman sila ng ibang tao. Kung titingnan mula sa perspektibang ito, ano ang karakter ng mga anticristo? Matapos maging lider, nang walang ginagawang kahit kaunting gawain, gusto nilang angkinin ang mga handog at sila ang maunang gumamit sa mga ito. Anong uri ng tao ang may kakayahang gawin ang mga gayong bagay? Isang tulisan, isang tirano, o isang lokal na siga lamang ang gagawa ng mga ganitong bagay.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabintatlong Aytem

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Pagharap sa Panunupil ng isang Matapat na Ulat

Kaugnay na mga Himno

Sino ang Mapagsaalang-alang sa Puso ng Diyos?

Sinundan: 7. Paano makilatis ang masamang kalikasan ng mga anticristo

Sumunod: 9. Paano makilatis ang kalikasan ng mga anticristo na tutol sa katotohanan at napopoot sa katotohanan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito