7. Paano makilatis ang masamang kalikasan ng mga anticristo

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ano ang pangunahing pagpapamalas ng kabuktutan ng isang anticristo? Iyon ay iyong malinaw nilang alam kung ano ang tama at kung ano ang umaayon sa katotohanan, pero pagdating sa paggawa nila ng isang bagay, pipiliin lamang nila ang lumalabag sa mga prinsipyo at sumasalungat sa katotohanan, at ang tumutugon sa kanilang mga interes at posisyon—ito ang pangunahing pagpapamalas ng buktot na disposiyon ng isang anticristo. Gaano man karaming salita at doktrina ang nauunawaan nila, gaano man kagandang pakinggan ang lengguwaheng ginagamit nila sa mga sermon, o gaano man sila mukhang may espirituwal na pang-unawa sa tingin ng ibang tao, kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay, pinipili lamang nila ang isang prinsipyo at isang paraan, at iyon ay ang sumalungat sa katotohanan, ang protektahan ang kanilang mga interes, at ang labanan ang katotohanan hanggang sa huli, nang isandaang porsiyento—ito ang prinsipyo at pamamaraang pinipili nilang gawin. Bukod dito, ano mismo ang diyos at ang katotohanan na iniisip nila sa kanilang puso? Ang saloobin nila sa katotohanan ay iyong gusto lang nilang matalakay at maipangaral ito, at ayaw nilang isagawa ito. Nagsasalita lang sila tungkol dito, dahil gusto nilang hangaan sila ng mga hinirang na tao ng Diyos at pagkatapos ay magamit nila ito upang makuha ang posisyon ng lider ng iglesia at makamit ang kanilang layon na matamo ang pagiging panginoon ng mga hinirang ng Diyos. Ginagamit nila ang pangangaral ng doktrina para makamit ang kanilang mga layon—hindi ba’t pagpapakita nila ito ng paglapastangan sa katotohanan, paglalaro sa katotohanan, at pagyurak sa katotohanan? Hindi ba’t sinasalungat nila ang disposisyon ng Diyos sa pagtrato sa katotohanan sa ganitong paraan? Ginagamit lamang nila ang katotohanan. Sa puso nila, islogan ang katotohanan, ilang matataas na salita, matataas na salita na puwede nilang gamitin para iligaw ang mga tao at maakit ang mga ito, na makakapawi ng pagkauhaw ng mga tao sa mga kamangha-manghang bagay. Iniisip nila na walang sinuman sa mundong ito ang kayang makapagsagawa sa katotohanan o maisabuhay ang katotohanan, na hindi talaga ito uubra, na imposible ito, at na ang mga kinikilala ng lahat at ang gumagana lamang ang siyang katotohanan. Kahit na pinag-uusapan nila ang katotohanan, sa puso nila ay hindi nila kinikilala na ito ay ang katotohanan. Paano natin masusubok ang bagay na ito? (Hindi nila isinasagawa ang katotohanan.) Hindi nila kailanman isinasagawa ang katotohanan; ito ay isang aspekto. At ano ang isa pang importanteng aspekto? Kapag nahaharap sila sa mga bagay sa tunay na buhay, ang doktrinang nauunawaan nila ay hindi kailanman gumagana. Mukha silang may tunay na espirituwal na pang-unawa, ipinangangaral nila ang mga doktrina, pero kapag naharap sila sa mga isyu, baluktot ang mga pamamaraan nila. Kahit na hindi nila maisagawa ang katotohanan, ang ginagawa nila ay dapat umaayon man lang sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, umaayon sa mga pamantayan at kagustuhan ng mga tao, at pumapasa man lang dapat sa panuntunan ng iba. Sa ganitong paraan, mananatiling matibay ang posisyon nila. Gayumpaman, sa tunay na buhay, ang mga ginagawa nila ay labis na baluktot, at sapat na ang isang tingin para masabing hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Bakit hindi nila nauunawaan ang katotohanan? Sa puso nila, tutol sila sa katotohanan, hindi nila kinikilala ang katotohanan, nasisiyahan silang gawin ang mga bagay nang ayon sa mga satanikong pilosopiya, palagi nilang gustong pangasiwaan ang mga usapin gamit ang mga paraan ng tao, at kung kaya nilang makumbinsi ang iba at magkamit ng prestihiyo sa pamamagitan ng pangangasiwa nila sa mga bagay na ito, iyon ay sapat na sa kanila. Kapag naririnig ng anticristo ang isang tao na nangangaral ng hungkag na teorya kapag pumupunta sila sa isang lugar, masyado silang nasasabik, pero kapag may isang tao roon na nangangaral ng katotohanang realidad at nagdedetalye ng gaya ng iba’t ibang kalagayan ng mga tao, pakiramdam nila palagi ay pinupuna sila at pinatatamaan sila ng tagapagsalita, kaya nasusuklam sila at ayaw nilang makinig. Kapag hinilingan silang magbahagi tungkol sa kalagayan nila kamakailan, kung sumulong ba sila, at kung may nakaharap ba silang kahit anong paghihirap sa pagganap nila sa kanilang tungkulin, wala silang masabi. Kung magpapatuloy kang magbahagi sa aspektong ito ng katotohanan, nakakatulog sila; hindi sila nasisiyahang makinig dito. May ilan ding tao na lumalapit kapag nakikipagkwentuhan ka sa kanila, pero kapag narinig nila ang isang tao na nagbabahagi tungkol sa katotohanan, nagtatago sila sa sulok at natutulog—wala silang kahit anong pagmamahal sa katotohanan. Hanggang sa anong antas sila walang pagmamahal sa katotohanan? Sa di-gaanong seryosong banda, wala silang interes dito at sapat na sa kanila na maging mga trabahador; sa seryosong banda, tutol sila sa katotohanan, partikular silang nasusuklam sa katotohanan, at hindi nila ito matanggap. Kung ang ganitong uri ng tao ay isang lider, siya ay isang anticristo; kung siya naman ay isang ordinaryong tagasunod, tinatahak pa rin niya ang landas ng mga anticristo at siya ang papalit sa mga anticristo. Sa panlabas, mukha siyang matalino at may kaloob, na may magandang potensyal, pero ang kanyang kalikasang diwa ay sa isang anticristo—ganoon iyon.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Unang Bahagi)

Ano ang mga pangunahing katangian ng kabuktutan ng mga anticristo? Ang una ay iyong hindi nila kinikilala ang mga positibong bagay, hindi nila kinikilala na may bagay gaya ng katotohanan, at iniisip nila na katotohanan ang kanilang mga ereheng panlilinlang at ang kanilang mga buktot na negatibong bagay—ito ay isang pagpapamalas ng kabuktutan ng mga anticristo. Halimbawa, sinasabi ng ilang tao, “Ang kasiyahan ng isang tao ay nasa kanyang mga kamay” at “Kapag may kapangyarihan lamang na makakamit ng isang tao ang lahat ng bagay”—ito ang lohika ng mga anticristo. Naniniwala sila na kapag may kapangyarihan sila ay magkakaroon ng mga taong sisipsip at mambobola sa kanila, ng mga taong magreregalo at manunuyo sa kanila, pati na rin ng lahat ng klase ng pakinabang ng katayuan at lahat ng klase ng kasiyahan; naniniwala sila na hindi na sila kailangang utus-utusan ninuman o pamunuan ng kahit sino, at na puwede na nilang pamunuan ang iba—ito ang pinakaprayoridad nila. Ano ang tingin ninyo sa pagkakalkula nila nang ganito? Hindi ba’t buktot ito? (Oo.) Ginagamit ng mga anticristo ang satanikong lohika at mga ereheng panlilinlang nila sa halip na ang katotohanan—ito ay isang aspekto ng kanilang kabuktutan. Una sa lahat, hindi nila kinikilala ang katotohanan, hindi nila tinatanggap na may mga positibong bagay, at hindi nila kinikilala ang pagiging wasto ng mga positibong bagay. Bukod dito, kahit pa kinikilala ng ilang tao na may mga positibo at negatibong bagay sa mundong ito, paano nila tinitingnan ang mga positibong bagay at ang pag-iral ng katotohanan? Hindi pa rin nila ito minamahal, ang buhay na pinipili nila at ang landas na tinatahak nila sa kanilang pananampalataya sa Diyos ay nananatiling negatibo at taliwas sa katotohanan. Pinoprotektahan lamang nila ang mga sarili nilang interes. Positibo o negatibong bagay man ito, hangga’t mapoprotektahan nito ang mga sarili nilang interes, ayos lamang iyon, ito ang pinakamahalaga. Hindi ba’t buktot na disposisyon ito? May isa pang aspekto: Ang mga taong gaya nito na nagtataglay ng isang buktot na diwa ay likas na hinahamak ang pagpapakumbaba at pagiging tago ng Diyos, ang katapatan at kabutihan ng Diyos; likas silang mapanghamak sa mga positibong bagay na ito. Halimbawa, tingnan ninyo Ako: Hindi ba’t napakaordinaryo Ko? Ordinaryo Ako, bakit hindi kayo naglalakas-loob na sabihin ito? Kinikilala Ko mismo na ordinaryo Ako. Hindi Ko kailanman naisip mismo na ekstraordinaryo o dakila Ako. Isa lamang Akong ordinaryong tao; palagi Kong kinikilala ang katunayang ito at lakas-loob Kong hinaharap ang katunayang ito. Ayaw Kong maging isang pambihirang tao o maging isang dakilang tao—sobrang nakakapagod iyon! Hinahamak ng ilang tao ang ordinaryong taong ito na katulad Ko at palagi silang nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Akin. Kapag lumalapit sa Akin ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos, lumalapit pa rin sila nang may pagkamaka-diyos, anuman ang hitsura Ko sa panlabas. Pagkatapos ay may ilan din na, sa kabila ng napakagalang na pakikipag-usap sa Akin, ay nagkikimkim sa kanilang puso ng isang mapanghamak na saloobin sa Akin, at masasabi Ko ito mula sa tono nila at sa paraan ng paggalaw ng kanilang katawan. Bagama’t minsan ay mukhang napakagalang nila, anumang sabihin Ko sa kanila ay palagi silang sumasagot ng “Hindi,” palagi nilang kinokontra ang sinasabi Ko. Halimbawa, sinabi Kong napakainit ng panahon ngayong araw, at sasabihin nila, “Hindi, hindi naman. Kahapon ang talagang mainit.” Kinokontra nila ang sinasabi Ko, hindi ba? Anuman ang sabihin mo sa kanila, palagi nilang kinokontra ito. Hindi ba’t may mga ganitong tao sa paligid? (Mayroon.) Sinabi Ko, “Maalat ang pagkain ngayon. Napakarami bang asin nito o napakaraming toyo?” At sasabihin nila, “Hindi. Napakaraming asukal diyan.” Anuman ang sabihin Ko, kinokontra nila ito, kaya wala na Akong sinasabing iba pa, magkaiba kami ng pananaw, at magkaiba kami ng lengguwahe. Pagkatapos may ilan na, kapag narinig nila Akong nagsasalita tungkol sa pananampalataya sa Diyos, sinasabi nila, “Eksperto ka sa pagsasalita tungkol dito, kaya makikinig ako.” Kung magsasalita Ako nang kaunti tungkol sa anumang panlabas na bagay, ayaw na nilang makinig, na para bang wala Akong anumang alam sa mga panlabas na bagay. Ayos lang naman na hindi nila Ako pansinin, gusto Kong manahimik. Hindi Ko kailangang pansinin Ako ng iba, ginagawa Ko lang ang dapat Kong gawin. May mga responsabilidad Ako, at may sarili Akong paraan ng pamumuhay. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang ipinakita ng mga saloobing ito ng mga tao? Nakikita nilang hindi Ako mukhang isang dakila o may kakayahang tao, at na nagsasalita at kumikilos Ako gaya ng isang ordinaryong tao, kaya iniisip nila, “Paanong hindi ka mukhang diyos? Tingnan mo ako. Kung ako ang diyos, magiging talagang kamukha niya ako.” Hindi ito usapin ng pagiging katulad o hindi katulad ng Diyos. Ikaw ang humihingi na maging katulad Ako ng Diyos, hindi Ko kailanman sinabi na katulad Niya Ako, at hindi Ko kailanman ginustong maging katulad Niya; ginagawa Ko lang ang dapat Kong gawin. Kung pumunta Ako sa kung saan at hindi Ako nakikilala ng ilang tao, mabuti iyon, dahil ligtas Ako sa gulo. Ganito kasi iyon, napakaraming sinabi at ginawa ang Panginoong Jesus sa Judea noon, at anupaman ang mga tiwaling disposisyon ng mga disipulong sumunod sa Kanya, ang saloobin nila sa Kanya ay gaya ng saloobin ng tao sa Diyos—ang relasyon nila ay isang normal na relasyon. Pero may ilan na nagsabi tungkol sa Panginoong Jesus, “Hindi ba’t anak siya ng isang karpintero?” at maging ang ilang sumunod sa Kanya nang mahabang panahon ay patuloy na nagkimkim ng ganitong saloobin. Ito ay isang bagay na madalas na nakakaharap ng Diyos na nagkatawang-tao sa pagiging isang ordinaryo at normal na tao, at karaniwan itong nangyayari. Ang ilang tao ay masyadong masigasig kapag nakikita nila Ako sa unang pagkakataon, at pag-alis Ko ay dumadapa at tumatangis sila, pero hindi ito umuubra sa tunay na pakikipag-ugnayan, at kadalasan ay kailangan Ko itong tiisin. Bakit Ko ito kailangang tiisin? Dahil ang ilang tao ay hangal, ang ilan ay hindi maturuan, ang ilang tao ay kailangan bilang mga tagapagserbisyo, at ang ilan ay hindi nakikinig sa katwiran. Kaya kailangan Kong magtiis minsan, at minsan ay may ilang tao na hindi Ko puwedeng pahintulutang lumapit sa Akin; masyadong kasuklam-suklam ang mga taong ito at mayroon silang mapanlabang disposisyon. … Ang ilang taong ilang taon nang nananampalataya sa Diyos ay dapat magkaroon ng kaunting konsepto sa gawain ng Diyos, sa Diyos na nagkatawang-tao, at sa pagliligtas ng Diyos sa mga tao, pero wala man lang silang may-takot-sa-Diyos na puso. Katulad lang sila ng mga walang pananampalataya at hindi man lang nagbago. Sabihin ninyo sa Akin, ano ba ang mga taong ito? Sila ay mga likas na demonyo, mga kaaway ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Unang Bahagi)

Ayaw ng mga anticristo sa mga positibong bagay, na nagpapahiwatig na mapanlaban sila sa mga ito at gusto nila ang mga negatibong bagay. Ano ang ilang halimbawa ng mga negatibong bagay? Mga kasinungalingan at panlalansi—hindi ba’t negatibong bagay ang mga ito? Oo, mga negatibong bagay ang mga kasinungalingan at panlalansi. Kaya, ano ang positibong katapat ng mga kasinungalingan at panlalansi? (Katapatan.) Tama, ito ay katapatan. Gusto ba ni Satanas ng katapatan? (Hindi.) Gusto nito ng panlalansi. Ano ang unang hinihingi ng Diyos sa mga tao? Sinasabi ng Diyos, “Kung gusto mong manampalataya sa Akin at sumunod sa Akin, una sa lahat, dapat maging anong klaseng tao ka?” (Isang tapat na tao.) Kaya, ano ang unang bagay na tinuturo ni Satanas sa mga tao? Ang magsinungaling. Ano ang unang ebidensiya ng buktot na kalikasan ng mga anticristo? (Panlalansi.) Oo, gusto ng mga anticristo ang panlalansi, gusto nila ng mga kasinungalingan, at napopoot at namumuhi sila sa katapatan. Bagama’t positibong bagay ang katapatan, ayaw nila rito, sa halip ay nasusuklam at namumuhi sila rito. Sa kabaligtaran, gusto nila ang panlalansi at mga kasinungalingan. Kung palaging nagsasalita nang totoo ang isang tao sa harap ng mga anticristo, nagsasabi ng, “Gusto mong gumagawa mula sa isang posisyon ng katayuan, at tamad ka minsan,” ano ang nararamdaman ng mga anticristo tungkol dito? (Hindi nila ito tinatanggap.) Isa sa mga saloobing taglay nila ang hindi pagtanggap dito, pero iyon lang ba? Ano ang saloobin nila sa taong ito na nagsasalita nang totoo? Nasusuklam sila at ayaw nila sa kanya. Sinasabi ng ilang anticristo sa mga kapatid, “Matagal-tagal ko na rin kayong pinamumunuan. Sige na, sabihin ninyong lahat ang opinyon ninyo tungkol sa akin.” Iniisip ng lahat, “Dahil napakasinsero mo, sasabihin namin sa iyo ang ilang puna.” Sinasabi ng ilan, “Napakaseryoso at napakamasigasig mo sa lahat ng ginagawa mo, at nagdusa ka ng maraming paghihirap. Hindi namin halos makaya na makita kang gayon, at nababagabag kami para sa iyo. Kailangan ng sambahayan ng Diyos ang mas maraming lider na gaya mo! Kung kinakailangan naming sabihin ang isang pagkukulang mo, iyon ay na masyado kang seryoso at masigasig. Kapag masyado kang mapapagod at mahahapo, hindi ka na makakagawa pa, hindi ba’t magiging katapusan na namin kung gayon? Sino ang mamumuno sa amin?” Kapag naririnig ito ng mga anticristo, nalulugod sila. Alam nilang kasinungalingan ito, na nagpapalakas ang mga taong ito sa kanila, pero handa silang makinig sa mga ito. Sa katunayan, tinatrato ng mga taong ito ang mga anticristo na parang mga hangal, pero mas pipiliin ng mga anticristong ito na magpanggap na hangal kaysa ibunyag ang totoong kalikasan ng mga salitang ito. Gusto ng mga anticristo ang mga taong sumisipsip sa kanila nang ganito. Hindi sinasabi ng mga indibidwal na ito ang mga kamalian, tiwaling disposisyon, at pagkukulang ng mga anticristo. Sa halip, lihim nilang pinupuri at itinataas ang mga ito. Kahit na malinaw naman na mga kasinungalingan at pambobola ang mga salita ng mga taong ito, masayang tinatanggap ng mga anticristo ang mga salitang ito, nakakagaan ng loob at nakakalugod ang tingin nila sa mga ito. Para sa mga anticristo, mas masarap ang mga salitang ito kaysa sa pinakamasasarap na espesyal na pagkain. Matapos marinig ang mga salitang ito, nagiging mayabang sila. Ano ang inilalarawan nito? Ipinapakita nito na may isang partikular na disposisyon sa loob ng mga anticristo na gustong-gusto ang mga kasinungalingan. Ipagpalagay na may magsasabi sa kanila, “Masyado kang mayabang, at hindi patas ang trato mo sa mga tao. Mabuti ka sa mga sumusuporta sa iyo, pero kapag may isang taong lumalayo sa iyo o hindi ka binobola, minamaliit at binabalewala mo siya.” Hindi ba’t totoo ang mga salitang ito? (Oo.) Ano ang nararamdaman ng mga anticristo pagkarinig nila rito? Nalulungkot sila. Ayaw nila itong marinig, at hindi nila ito matanggap. Sinusubukan nilang humanap ng mga palusot at maidadahilan para ipaliwanag ang mga bagay at ayusin ang mga bagay. Pagdating naman sa mga palaging nambobola sa mga anticristo nang harapan, na palaging nagsasabi ng mga salitang masarap pakinggan para palihim silang purihin, at malinaw pa ngang nilalansi sila gamit ang mga salita, hindi kailanman iniimbestigahan ng mga anticristo ang mga taong ito. Sa halip, ginagamit pa nga ng mga anticristo ang mga ito bilang mahahalagang tao. Naglalagay pa nga sila ng mga taong napakasinungaling sa mahahalagang posisyon, itinatalaga ang mga ito na gumawa ng mahahalaga at mga respetadong tungkulin, samantalang isinasaayos nila na ang mga palaging nagsasalita nang tapat, at madalas na nag-uulat ng mga isyu, na gumawa ng mga tungkulin sa mga hindi masyadong napapansing posisyon, na humahadlang sa mga ito na magkaroon ng ugnayan sa nakatataas na pamunuan o maging kilala o malapit sa karamihan ng tao. Hindi mahalaga kung gaano kahusay ang talento ng mga taong ito o anong mga tungkulin ang kaya nilang gawin sa sambahayan ng Diyos—binabalewala ng mga anticristo ang lahat ng iyon. Iniisip lang nila kung sino ang kayang manlansi at sino ang kapaki-pakinabang sa kanila; ito ang mga indibidwal na inilalagay nila sa mahahalagang posisyon, nang hindi isinasaalang-alang kahit kaunti ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)

Mahilig ang mga anticristo sa mga kasinungalingan at panlalansi—ano pa ang hilig nila? Mahilig sila sa mga taktika, pakana, at balak. Kumikilos sila ayon sa pilosopiya ni Satanas, na hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan, ganap silang umaasa sa mga kasinungalingan at panlalansi at gumagamit ng mga pakana at masamang balak. Gaano ka man kalinaw na makipagbahaginan sa katotohanan, kahit na tumango-tango sila na kinikilala nila ito, hindi sila kikilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa halip, pipigain nila ang utak nila at kikilos sila gamit ang mga pakana at masamang balak. Hindi mahalaga kung gaano ka man kalinaw na makipagbahaginan sa katotohanan, parang hindi nila ito kayang maunawaan; basta lamang nilang ginagawa ang mga bagay sa paraang handa silang gawin ang mga iyon, sa paraang gusto nilang gawin ang mga iyon, at sa anumang paraan para sa sarili nilang interes. Mahusay silang nagsasalita, na itinatago ang kanilang tunay na mukha at kulay, niloloko at nilalansi ang mga tao, at kapag naloko nila ang iba, natutuwa sila, at natutupad ang mga ambisyon at pagnanais nila. Ito ang palagiang pamamaraan at pagharap ng mga anticristo. Tungkol sa matatapat na tao na diretsahan sa kanilang pananalita, na tapat na nagsasalita at hayagang nakikipagbahaginan tungkol sa sarili nilang pagkanegatibo, kahinaan, at mga mapanghimagsik na kalagayan, at na nagsasalita mula sa puso, sa loob-loob ng mga anticristo ay nasusuklam sila sa mga iyon at nagdidiskrimina sila laban sa mga iyon. Gusto nila ang mga tao na gaya nila ay nagsasalita sa isang baliko at mapanlinlang na paraan at hindi nagsasagawa ng katotohanan. Kapag nakakasalamuha nila ang gayong mga tao, sa puso nila ay natutuwa sila, na para bang nakahanap sila ng isang taong gaya nila. Hindi na sila nag-aalala na mas magaling ang iba kaysa sa kanila o may kakayahang kilatisin sila. Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng buktot na kalikasan ng mga anticristo? Hindi ba’t maipapakita nito na buktot sila? (Oo, maipapakita nito.) Bakit naipapakita ng mga usaping ito na buktot ang mga anticristo? Ang mga positibong bagay at ang katotohanan ang dapat mahalin ng sinumang makatwirang nilikha na may konsensiya. Gayumpaman, pagdating sa mga anticristo, itinuturing nila ang mga positibong bagay na ito bilang isang pahirap sa kanila at isang tinik sa kanilang lalamunan. Nagiging kaaway nila ang sinumang sumusunod o nagsasagawa sa mga ito, at tinitingnan nila ang mga gayong indibiduwal nang may pagkamapanlaban. Hindi ba’t kahawig ito ng kalikasan ng pagkamapanlaban ni Satanas kay Job? (Oo.) Ito ay katulad ng kalikasan, disposisyon, at diwa ni Satanas. Nagmumula kay Satanas ang kalikasan ng mga anticristo, at nabibilang sila sa kategorya na kapareho ng kay Satanas. Samakatwid, kakampi ni Satanas ang mga anticristo. Kalabisan ba ang pahayag na ito? Hindi naman; ganap na tama ito. Bakit? Dahil hindi mahal ng mga anticristo ang mga positibong bagay. Nasisiyahan silang makilahok sa panlalansi, gusto nila ang mga kasinungalingan, mapanlinlang na anyo, at pagpapanggap. Kung may isang tao na naglalantad ng tunay na mukha niya, kaya ba nilang magpasakop dito at tanggapin ito nang masaya? Hindi lang sa hindi nila ito kayang tanggapin, babatikusin pa nila ito nang sobra-sobra. Dahil sa mga taong nagsasabi ng katotohanan o naglalantad sa kanilang tunay na pagkatao, labis silang nagagalit at nagwawala sila. Halimbawa, maaaring may isang anticristo na napakabihasa sa pagkukunwari. Nakikita siya ng lahat bilang isang mabuting tao: mapagmahal, kayang makisimpatya sa mga tao, kayang maunawaan ang mga paghihirap ng iba, at madalas na sumusuporta at tumutulong sa mga mahina at negatibo. Tuwing may mga paghihirap ang ibang tao, nagagawa nilang magpakita ng pagsasaalang-alang at pagpaparaya. Sa puso ng mga tao, mas dakila ang anticristong ito kaysa sa Diyos. Tungkol sa taong ito na nagpopostura bilang isang mabuting tao, kung ilalantad mo ang kanyang pagkukunwari at pagpapanggap, kapag sinabi mo sa kanya ang katunayan, matatanggap ba niya ito? Hindi lang sa hindi niya ito tatanggapin, kundi paiigtingin pa niya ang kanyang pagkukunwari at pagpapanggap. … Bakit natin sinasabing buktot ang mga anticristo? Ang kabuktutan ng mga anticristo ay nasa katunayan na kapag may narinig silang tama, hindi lang sa hindi nila magawang tanggapin ito, sa kabaligtaran ay kinamumuhian nila ito. Dagdag pa rito, ginagamit nila ang sarili nilang mga pamamaraan, naghahanap sila ng mga dahilan, katwiran, at ng iba’t ibang obhetibong salik para ipagtanggol at ipaliwanag ang kanilang sarili. Anong layon ang pakay nilang makamit? Pakay nilang gawing mga positibong bagay ang mga negatibong bagay at gawing mga negatibong bagay ang mga positibong bagay—gusto nilang baligtarin ang sitwasyon. Hindi ba’t buktot ito? Iniisip nila, “Gaano ka man katama, o gaano man kanaaayon sa katotohanan ang mga salita mo, kaya mo bang labanan ang husay kong magsalita? Kahit na malinaw na huwad, madaya, at nanlilihis ang lahat ng sinasabi ko, ikakaila at kokondenahin ko pa rin ang sinasabi mo.” Hindi ba’t buktot ito? Buktot nga ito. Sa tingin mo ba, kapag nakikita ng mga anticristo ang mabubuting tao ay hindi nila itinuturing ang mga ito na tapat sa puso nila? Talagang itinuturing nila ang mga ito bilang matatapat na tao at mga naghahangad sa katotohanan, pero ano ang depinisyon nila ng katapatan at paghahangad sa katotohanan? Iniisip nila na hangal ang matatapat na tao. Nasusuklam, namumuhi, at mapanlaban sila sa paghahangad sa katotohanan. Naniniwala silang huwad ito, na walang sinuman ang puwedeng maging napakahangal para talikuran ang lahat ng bagay para sa paghahangad sa katotohanan, para magsabi ng kahit ano sa kaninuman, at ipagkatiwala ang lahat ng bagay sa Diyos. Walang ganoon kahangal. Sa tingin nila, huwad ang lahat ng kilos na ito, at hindi sila naniniwala sa kahit ano sa mga ito. Naniniwala ba ang mga anticristo na makapangyarihan sa lahat at matuwid ang Diyos? (Hindi.) Kaya, kinukwestyon nila ang lahat ng ito sa isipan nila. Ano ang ipinahihiwatig nito? Paano natin ipaliliwanag ang sangkaterbang katanungang ito? Hindi lang nila pinagdududahan o kinukwestyon ito; sa huli, kinakaila rin nila ito at nilalayon nilang baligtarin ang sitwasyon. Ano ang ibig Kong sabihin sa pagbabaligtad sa sitwasyon? Iniisip nila, “Ano bang silbi ng pagiging sobrang makatarungan? Kapag isanlibong beses inulit-ulit ang isang kasinungalingan, nagiging katotohanan ito. Kung walang nagsasabi ng katotohanan, ibig sabihin, hindi ito ang katotohanan at wala itong silbi—kasinungalingan lang ito!” Hindi ba’t pagbabaliktad ito sa tama at mali? Ito ang kabuktutan ni Satanas—binabaluktot ang mga katunayan at binabaligtad ang tama at mali—ito ang gusto nila. Magaling ang mga anticristo sa pagpapanggap at panlalansi. Siyempre, likas sa kaibuturan nila kung saan sila magaling, at kung ano ang likas sa kaibuturan nila ang mismong nasa kalikasang diwa nila. Lalo pa, ito ang kinasasabikan at minamahal nila, at ito rin ang panuntunan ng kung paano sila mabubuhay sa mundo. Naniniwala sila sa mga kasabihang gaya ng “Ang mabubuting tao ay namamatay nang maaga habang ang masasamang tao ay nabubuhay hanggang sa pagtanda,” “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Ang tadhana ninuman ay nasa kanyang sariling kamay,” “Mapagtatagumpayan ng tao ang kalikasan,” at iba pa. Umaayon ba ang alinman sa mga pahayag na ito sa pagkatao o sa mga likas na kautusan na kayang maarok ng mga normal na tao? Wala kahit isa. Kaya paanong napakahilig ng mga anticristo sa mga maladiyablong kasabihang ito ni Satanas at tinatrato pa ito bilang kanilang mga islogan? Masasabi lang na ito ay dahil napakabuktot ng kalikasan nila.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)

Dahil sa likas nilang buktot na disposisyon, hindi kailanman nagsasalita o kumikilos nang tuwiran ang mga anticristo. Hindi nila pinapangasiwaan ang mga bagay-bagay nang may tapat na saloobin at sinseridad, o hindi sila nagsasalita nang gamit ang mga tapat na salita at hindi sila kumikilos nang may saloobing taos-puso. Walang tuwiran sa sinasabi o ginagawa nila, sa halip, paligoy-ligoy at palihim ang mga ito, at hindi nila kailanman direktang ipinapahayag ang mga iniisip o motibasyon nila. Dahil naniniwala sila na kung ipapahayag nila ang mga ito, lubos silang mauunawaan at makikilatis, malalantad ang mga totoong ambisyon at pagnanais nila, at hindi sila ituturing ng ibang tao bilang mataas o marangal, o hindi sila titingalain at sasambahin ng iba; kaya, palagi nilang sinusubukan na ikubli at itago ang kanilang mga di-marangal na motibo at mga pagnanais. Kaya, paano sila nagsasalita at kumikilos? Gumagamit sila ng iba’t ibang paraan. Gaya ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “pag-aralan muna ang sitwasyon,” katulad niyon ang ginagamit na pamamaraan ng mga anticristo. Kapag may gusto silang gawin at may partikular silang pananaw o saloobin, hindi nila ito direktang ipinapahayag kailanman; sa halip, gumagamit sila ng mga partikular na pamamaraan tulad ng di-halata o patanong na pamamaraan o pag-uusisa sa mga tao para makalap ang impormasyong hinahanap nila. Dahil sa buktot nilang disposisyon, hindi kailanman hinahanap ng mga anticristo ang katotohanan, hindi rin nila nais na unawain ito. Ang tanging inaalala nila ay ang sarili nilang kasikatan, kapakinabangan, at katayuan. Gumagawa sila ng mga aktibidad na puwedeng magbigay sa kanila ng kasikatan, kapakinabangan, at katayuan, iniiwasan nila ang mga bagay na hindi magdudulot ng ganoong mga bagay. Masigasig silang umaako sa mga aktibidad na may kaugnayan sa reputasyon, katayuan, pamumukod-tangi, at kaluwalhatian, habang iniiwasan nila ang mga bagay na nagpoprotekta sa gawain ng iglesia o puwedeng makasalungat sa iba. Samakatwid, hindi hinaharap ng mga anticristo ang anumang bagay nang may saloobin ng paghahanap; sa halip, gumagamit sila ng pamamaraan ng pagsubok para pag-aralan ang mga bagay, at pagkatapos ay nagpapasya sila kung magpapatuloy ba sila—sadyang ganito katuso at kabuktot ang mga anticristo. Halimbawa, kapag gusto nilang malaman kung anong uri sila ng tao sa mata ng Diyos, hindi nila sinusuri ang sarili nila sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagkilala sa sarili nila. Sa halip, nagtatanung-tanong sila sa paligid at nakikinig sa mga pahayag na may pahiwatig, inoobserbahan ang tono at saloobin ng mga lider at ng Itaas, at naghahanap sa mga salita ng Diyos para makita kung paano tinutukoy ng Diyos ang mga kalalabasan ng mga taong tulad nila. Ginagamit nila ang mga landas at pamamaraang ito para makita kung saan sila nabibilang sa loob ng sambahayan ng Diyos at malaman kung ano ang kalalabasan nila sa hinaharap. Hindi ba’t may sangkot dito na kaunting kalikasan ng pagsubok? Halimbawa, pagkatapos mapungusan ang ilang tao, sa halip na suriin kung bakit sila napungusan, suriin ang mga tiwaling disposisyon at pagkakamaling ibinunyag nila sa mga kilos nila, at kung anong mga aspekto ng katotohanan ang dapat nilang hanapin para makilala ang sarili nila at maitama ang mga dati nilang pagkakamali, nagbibigay sila sa iba ng maling impresyon, gumagamit sila ng hindi direktang paraan para malaman ang tunay na saloobin ng Itaas patungkol sa kanila. Halimbawa, pagkatapos nilang mapungusan, mabilis silang nagbabanggit ng isang maliit na isyu na ikokonsulta nila sa Itaas, para malaman kung anong uri ng tono mayroon ang Itaas, kung pasensyoso ba ang Itaas, kung ang mga tanong ba na ikinokonsulta nila ay sasagutin nang seryoso, kung magiging malumanay ba ang saloobin ng Itaas sa kanila, kung pagkakatiwalaan ba sila ng Itaas ng mga gampanin, kung pahahalagahan pa rin ba sila ng Itaas, at kung ano ba talaga ang iniisip ng Itaas tungkol sa mga nagawa nilang pagkakamali dati. Ang lahat ng pamamaraang ito ay isang uri ng pagsubok. Sa madaling salita, kapag nahaharap sila sa mga gayong sitwasyon at nagpapakita ng mga pagpapamalas na ito, alam ba ng mga tao sa puso nila? (Oo, alam nila.) Kaya, kapag alam ninyo ito at gusto ninyong gawin ang mga bagay na ito, paano ninyo pinangangasiwaan ito? Una, sa pinakasimpleng antas, kaya mo bang maghimagsik laban sa sarili mo? Nahihirapan ang ilang tao na maghimagsik laban sa sarili nila kapag dumating na ang oras; pinag-iisipan nila ito, “Hindi bale na, ngayon ay may kinalaman ito sa mga pagpapala at kalalabasan ko. Hindi ko kayang maghimagsik laban sa sarili ko. Sa susunod na lang.” Kapag dumating ang susunod na pagkakataon, at muli silang nahaharap sa isang isyu na sangkot ang kanilang mga pagpapala at kalalabasan, natutuklasan nila na hindi pa rin nila kayang maghimagsik laban sa sarili nila. May konsensiya ang mga gayong indibidwal, at bagaman wala silang disposisyong diwa ng isang anticristo, medyo mahirap at mapanganib pa rin ito para sa kanila. Sa kabilang banda, madalas na iniisipng mga anticristo ang mga ganitong kaisipan at namumuhay sila sa gayong kalagayan, pero hindi sila kailanman naghihimagsik laban sa sarili nila, dahil wala silang konsensiya. Kahit na may isang taong naglalantad o nagpupungos sa kanila, na tumutukoy sa kalagayan nila, nagpapatuloy pa rin sila at talagang hindi sila naghihimagsik laban sa sarili nila, ni hindi nila kinamumuhian ang sarili nila dahil dito o hindi nila binibitiwan o nilulutas ang ganitong kalagayan. Pagkatapos matanggal ang ilang anticristo, iniisip nila, “Mukhang normal lang naman na matanggal, pero medyo nakakahiya ito. Bagaman hindi ito isang malaking usapin, may isang mahalagang bagay na hindi ko kayang bitiwan. Kung natanggal ako, ibig ba niyong sabihin na hindi na ako lilinangin ng sambahayan ng diyos? Kung gayon, magiging anong klaseng tao ako sa mata ng diyos? Magkakaroon pa ba ako ng pag-asa? Magkakaroon pa ba ako ng silbi sa sambahayan ng diyos?” Pinag-iisipan nila ito at nakakabuo sila ng plano, “Mayroon akong sampung libong yuan, at ngayon na ang oras para gamitin ito. Iaalay ko itong sampung libong yuan bilang handog, at titingnan ko kung makapagbabago nang kaunti ang saloobin ng itaas sa akin, at kung mapapaboran nila ako nang kaunti. Kung tatanggapin ng sambahayan ng diyos ang pera, ibig sabihin ay may pag-asa pa ako. Kung tatanggihan nito ang pera, pinatutunayan nito na wala na akong pag-asa, at bubuo ako ng ibang mga plano.” Anong uri ng pamamaraan ito? Pagsubok ito. Sa madaling salita, ang pagsubok ay isang medyo halatang pagpapamalas ng buktot na disposisyong diwa. Gumagamit ang mga tao ng iba’t ibang paraan para makuha ang impormasyong nais nila, magtamo sila ng katiyakan, at pagkatapos ay magkaroon ng payapang isipan. Mayroong iba’t ibang paraan ng pagsubok, tulad ng paggamit ng mga salita para mag-usisa ng impormasyon mula sa Diyos, paggamit ng mga bagay para subukin Siya, pag-iisip at pagmumuni-muni ng mga bagay-bagay sa isipan nila. Ano ang pinakakaraniwang paraan ng pagsubok ninyo sa Diyos? (Minsan, kapag nananalangin ako sa Diyos, sinusuri ko ang saloobin ng Diyos sa akin at tinitingnan ko kung mayroon akong kapayapaan sa puso ko. Ginagamit ko ang pamamaraang ito para subukin ang Diyos.) Karaniwang ginagamit ang pamamaraang ito. Ang isa pang paraan ay ang tingnan kung may anumang masasabi ang isang tao sa panahon ng pagbabahaginan sa pagtitipon, kung nagbibigay ang Diyos ng kaliwanagan o pagtanglaw, at ginagamit ito para subukin kung kasama pa ba nila ang Diyos, kung mahal pa rin ba sila ng Diyos. Gayundin, habang ginagawa ang tungkulin nila, tinitingnan nila kung binibigyan sila ng Diyos ng kaliwanagan o gabay, kung mayroon silang anumang espesyal na mga kaisipan, ideya, o kabatiran—ginagamit nila ang mga ito para subukin kung anong uri ng saloobin mayroon ang Diyos sa kanila. Ang lahat ng pamamaraang ito ay medyo karaniwan. Mayroon pa bang iba? (Kung gumawa ako ng panata sa Diyos sa panalangin pero hindi ko ito natupad, inoobserbahan ko kung tatratuhin ba ako ng Diyos batay sa panatang ginawa ko.) Isang uri din ito. Anuman ang pamamaraang ginagamit ng mga tao para tratuhin ang Diyos, kung nakokonsensiya sila tungkol dito, at pagkatapos ay magkakaroon sila ng kaalaman tungkol sa mga kilos at disposisyong ito at agad silang mababago, kung gayon, hindi ganoon kalaki ang problema—isa itong normal na tiwaling disposisyon. Gayumpaman, kung kaya ng isang tao na patuloy at matigas na gawin ito, kahit na alam nilang mali ito at kinasusuklaman ng Diyos, pero ipinagpapatuloy pa rin nila ito, hindi kailanman naghihimagsik laban dito o isinusuko ito, ito ang diwa ng isang anticristo. Ang disposisyong diwa ng isang anticristo ay naiiba sa mga ordinaryong tao, dahil hindi nila kailanman pinagninilayan ang sarili nila o hinahanap ang katotohanan, pero patuloy at matigas silang gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan para subukin ang Diyos, ang Kanyang saloobin sa mga tao, ang Kanyang kongklusyon tungkol sa isang indibidwal, at kung ano ang Kanyang mga iniisip at ideya tungkol sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ng isang tao. Hindi nila kailanman hinahanap ang mga layunin ng Diyos, ang katotohanan, at lalong hindi ang paano magpasakop sa katotohanan para magbago ang disposisyon nila. Ang layon sa likod ng lahat ng kilos nila ay ang alamin ang mga iniisip at ideya ng Diyos—isa itong anticristo. Malinaw na buktot ang disposisyon na ito ng mga anticristo. Kapag ginagawa nila ang mga kilos na ito at ipinapakita nila ang mga pagpapamalas na ito, walang bakas ng pagkakonsensiya o pagsisisi. Kahit na inuugnay nila ang sarili nila sa mga bagay na ito, hindi sila nagpapakita ng pagsisisi o ng layuning huminto, bagkus ay nagpapatuloy sila sa mga gawi nila. Sa kanilang pagtrato sa Diyos, sa kanilang saloobin, sa kanilang pamamaraan, maliwanag na itinuturing nila ang Diyos bilang kalaban nila. Sa mga iniisip at pananaw nila, walang ideya o saloobin ng pagkilala sa Diyos, pagmamahal sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, o pagkatakot sa Diyos; basta gusto lang nilang makuha ang impormasyong nais nila mula sa Diyos at gamitin ang sarili nilang mga pamamaraan at diskarte para matiyak ang tumpak na saloobin ng Diyos sa kanila at ang Kanyang depinisyon sa kanila. Ang mas malubha pa rito, kahit na inaayon nila ang sarili nilang mga pamamaraan sa mga salita ng Diyos ng pagbubunyag, kahit na mayroon silang pinakakatiting na kamalayan na kinasusuklaman ng Diyos ang pag-uugaling ito at hindi ito ang dapat gawin ng isang tao, hinding-hindi nila ito isusuko.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Ekskorsus

Ang pinakakaraniwang pagpapamalas ng buktot na diwa ng mga anticristo ay na talagang mahusay sila sa pagpapanggap at pagpapaimbabaw. Sa kabila ng napakalupit, mapanlinlang, walang awa, at mayabang na disposisyon nila, sa panlabas ay ipinipresenta nila ang kanilang sarili bilang sobrang mapagpakumbaba at mabait. Hindi ba’t pagpapanggap ito? Araw-araw na nagninilay-nilay sa puso nila ang mga taong ito, iniisip nila, “Anong klase ng damit ang dapat kong isuot para magmukha akong mas Kristiyano, mas matuwid, mas espirituwal, mas may malasakit, at mas tulad ng isang lider? Paano ako dapat kumain para iparamdam sa mga tao na pino, elegante, may dignidad, at marangal ako? Ano ang dapat maging estilo ng paglakad ko para magmukha akong lider at may karisma, para magmukha akong katangi-tanging tao at hindi karaniwan? Sa pakikipag-usap ko sa iba, anong tono, mga salita, hitsura, at mga ekspresyon ng mukha ang makakapagparamdam sa mga tao na mataas ang uri ko, tulad ng isang elitista o isang intelektwal na may mataas na ranggo? Ano ang dapat kong gawin sa pananamit, estilo, pananalita, at ugali ko para igalang ako ng mga tao, para makapag-iwan ako ng di-malilimutang impresyon sa kanila, at matiyak ko na mananatili ako sa puso nila magpakailanman? Ano ang dapat kong sabihin para makuha ang loob ng mga tao at mapasaya ang puso nila, at para makapag-iwan ako ng pangmatagalang impresyon? Kailangan kong gumawa ng higit pa para tumulong sa iba at magsalita ng maganda tungkol sa kanila, dapat madalas akong magsalita tungkol sa mga salita ng diyos at gumamit ng ilang espirituwal na terminolohiya sa harap ng mga tao, mas madalas magbasa ng mga salita ng diyos sa iba, manalangin nang mas madalas para sa kanila, magsalita nang mahina para makinig nang mas mabuti ang mga tao sa akin, at para iparamdam sa kanila na banayad, mapagmalasakit, mapagmahal, mapagbigay, at mapagpatawad ako.” Hindi ba’t pagpapanggap ito? Ito ang mga kaisipan na umookupa sa puso ng mga anticristo. Ang pumupuno sa mga isipan nila ay walang iba kundi ang mga kalakaran ng mga walang pananampalataya, na ganap na nagpapakita na nabibilang sa mundo at kay Satanas ang mga kaisipan at pananaw nila. Maaaring palihim na manamit ang ilang tao nang gaya ng isang babaeng mababa ang lipad o malandi; partikular na tumutugma ang pananamit nila sa masasamang kalakaran at lubha itong moderno. Gayumpaman, kapag pumupunta sila sa iglesia, ibang-iba ang pananamit at asal nila kapag kasama ang mga kapatid. Hindi ba’t lubha silang bihasa sa pagpapanggap? (Oo.) Ang iniisip ng mga anticristo sa puso nila, ang ginagawa nila, ang iba’t ibang pagpapamalas nila, at ang mga disposisyong ibinubunyag nila ay pawang nagpapakita na buktot ang disposisyong diwa nila. Hindi pinagninilay-nilayan ng mga anticristo ang katotohanan, ang mga positibong bagay, ang tamang landas, o ang mga hinihingi ng Diyos. Pawang buktot ang mga iniisip, at ang mga pamamaraan, diskarte, at layunin na pinipili nila—lumilihis silang lahat mula sa tamang landas at hindi sila kaayon ng katotohanan. Sumasalungat pa nga sila sa katotohanan, at sa pangkalahatan, maaari silang ibuod bilang masama; sadyang buktot ang kalikasan ng kasamaang ito—kaya’t kolektibo itong tinatawag na kabuktutan. Hindi nila pinag-iisipan na maging tapat na tao, maging dalisay at bukas, o maging taimtim at matapat; sa halip, pinag-iisipan nila ang mga buktot na pamamaraan. Halimbawa, ang isang tao na kayang magtapat tungkol sa kanyang sarili sa isang dalisay na paraan, isa itong positibong bagay at pagsasagawa ito sa katotohanan. Ginagawa ba ito ng mga anticristo? (Hindi.) Ano ang ginagawa nila? Palagi silang nagpapanggap, at kapag gumawa sila ng masama at nabibisto na sila, galit na galit nilang itinatago ito, pinapangatwiranan at ipinagtatanggol ang sarili, at ikinukubli ang mga katunayan—pagkatapos ay ibinibigay ang mga dahilan nila sa huli. Katumbas ba ng pagsasagawa sa katotohanan ang alinman sa mga pagsasagawang ito? (Hindi.) Naaayon ba sa mga katotohanang prinsipyo ang alinman sa mga ito? Mas lalong hindi.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalimang Ekskorsus

May isang halatang katangian ang kabuktutan ng mga anticristo, at ibabahagi Ko sa inyo ang sekreto sa pagkilatis dito: Ito ay na kapwa sa kanilang pananalita at sa kilos, hindi mo maarok ang kaibuturan nila o makilatis ang puso nila. Kapag kinakausap ka nila, umiikot ang mga mata nila, at hindi mo malaman kung anong klaseng pakana ang binabalak nila. Minsan, pinaparamdam nila sa iyo na tapat o talagang sinsero sila, pero hindi ito totoo—hindi mo sila kailanman makikilatis. May partikular kang nararamdaman sa puso mo, nararamdaman mo na may natatago silang intensiyon sa mga isipan nila, isang di-maarok na kalaliman, na sila ay mapanlinlang. Ito ang unang katangian ng kabuktutan ng mga anticristo, at ipinapahiwatig nito na nagtataglay ng katangian ng kabuktutan ang mga anticristo. Ano ang pangalawang katangian ng kabuktutan ng mga anticristo? Ito ay na lahat ng sinasabi at ginagawa nila ay napakamapanlihis. Saan ito naipapakita? Sa kanilang partikular na kahusayan sa pagsusuri ng mga sikolohiya ng mga tao, sa pagsasabi ng mga bagay na tugma sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao at na madaling tanggapin. Gayumpaman, may isang bagay na dapat mong makilatis: Hindi nila kailanman isinasabuhay ang magagandang bagay na sinasabi nila. Halimbawa, nagpapangaral sila ng doktrina sa iba, sinasabi sa kanila kung paano maging matatapat na tao, at kung paano magdasal at hayaan ang Diyos na maging panginoon nila kapag may nangyayari sa kanila, pero kapag may nangyayari sa mga anticristo mismo, hindi nila isinasagawa ang katotohanan. Ang pawang ginagawa nila ay kumilos ayon sa sarili nilang kalooban, at mag-isip ng napakaraming paraan para sila mismo ang makinabang, inuutusan nila ang iba na pagsilbihan sila at pangasiwaan ang kanilang mga usapin. Hindi sila kailanman nagdarasal sa Diyos o hinahayaan Siyang maging panginoon nila. Sinasabi nila ang mga bagay na magandang pakinggan, pero hindi naaayon ang mga kilos nila sa sinasabi nila. Ang una nilang isinasaalang-alang kapag kumikilos sila ay kung ano ang pakinabang nila rito; hindi nila tinatanggap ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Nakikita ng mga tao na hindi sila masunurin sa paggawa ng mga bagay, na palagi silang naghahanap ng paraan para makinabang at umusad. Ito ang mapanlinlang at buktot na bahagi ng mga anticristo na kayang makita ng mga tao. Kapag gumagawa ang mga anticristo, minsan, kaya nilang tiisin ang hirap at magbayad ng halaga, nagagawa pa nga nilang isakripisyo minsan ang pagtulog at ang pagkain, pero ginagawa lang nila ito para magkamit ng katayuan o maging kilala. Pinagdurusahan nila ang paghihirap alang-alang sa mga ambisyon at layon nila pero pabaya sila sa mahalagang gawaing isinasaayos ng sambahayan ng Diyos para sa kanila, na halos hindi nila isinasakatuparan. Kaya, mapagpasakop ba sila sa mga pagsasaayos ng Diyos sa lahat ng ginagawa nila? Ginagawa ba nila ang kanilang mga tungkulin? May problema rito. May isa pang klase ng pag-uugali, iyon ay na kapag nagbibigay ng iba’t ibang opinyon ang mga kapatid, tatanggihan ng mga anticristo ang mga ito sa isang paligoy-ligoy na paraan, nagpapaikot-ikot sila sa pagtatalakay, ipinapaisip nila sa mga tao na nakipagbahaginan at nakipagtalakayan ang mga anticristo sa kanila tungkol sa mga bagay-bagay—pero sa huli, dapat gawin ng lahat ang sinasabi ng mga anticristo. Palagi silang naghahanap ng paraan para supilin ang mga mungkahi ng ibang tao, para sundin ng mga tao ang mga ideya ng anticristo at gawin ang sinasabi nila. Paghahanap ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Siguradong hindi. Kung gayon, ano ang prinsipyo ng gawain nila? Ito ay na dapat makinig at sumunod sa kanila ang lahat, na walang sinumang mas dapat pakinggan kaysa sa kanila, at na pinakamagaling at pinakamataas ang mga ideya nila. Ipaparamdam ng mga anticristo sa lahat na tama ang sinasabi ng mga anticristo, na katotohanan ang mga ito. Hindi ba’t buktot ito? Ito ang ikalawang katangian ng kabuktutan ng mga anticristo. Ang pangatlong katangian ng kabuktutan ng mga anticristo ay na kapag nagpapatotoo sila sa sarili nila, madalas silang nagpapatotoo sa mga kontribusyon nila, sa mga paghihirap na pinagdusahan nila, at sa mga kapaki-pakinabang na bagay na nagawa nila para sa lahat, ibinabaon ito sa isipan ng mga tao, para maalala ng mga tao na nakikinabang sila sa liwanag ng mga anticristo. Kung pinupuri o pinasasalamatan ng isang tao ang isang anticristo, maaaring magsalita pa ito ng mga napakaespirituwal na salita, tulad ng, “Salamat sa diyos. Gawa itong lahat ng diyos. Ang biyaya ng diyos ay sapat para sa atin,” para makita ng lahat na talagang espirituwal siya, at na isa siyang mabuting lingkod ng Diyos. Sa realidad, itinataas at pinatototohanan niya ang sarili niya, at talagang walang lugar para sa Diyos sa puso niya. Sa isip ng ibang mga tao, ang katayuan ng anticristo ay nalampasan na nang husto ang katayuan ng Diyos. Hindi ba’t isa itong tunay na katibayan ng pagpapatotoo ng mga anticristo sa sarili nila? Sa mga iglesia kung saan isang anticristo ang may kapangyarihan at kontrol, siya ang may pinakamataas na katayuan sa puso ng mga tao. Pumapangalawa o pumapangatlo lang ang Diyos. Kung pupunta ang Diyos sa isang iglesia kung saan isang anticristo ang humahawak ng kapangyarihan at may sasabihin Siyang isang bagay, maaarok ba ng mga tao roon ang sasabihin ng Diyos? Taos-puso ba nilang tatanggapin ito? Hindi ito malinaw. Sapat na patunay ito kung gaano pinagsisikapan ng mga anticristo ang pagpapatotoo sa sarili nila. Hindi man lang sila nagpapatotoo sa Diyos, bagkus ay ginagamit nila ang lahat ng pagkakataon nilang magpatotoo sa Diyos para magpatotoo sa sarili nila. Hindi ba’t traydor ang taktikang ito na ginagamit ng mga anticristo? Hindi ba’t napakabuktot nito? Sa pamamagitan ng tatlong katangiang ito na pinagbahaginan dito, madali nang makilatis ang mga anticristo.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)

Ang mga anticristo ay naniniwala sa Diyos para lamang sa layon na makapagtamo ng pakinabang at mga pagpapala. Kahit na magtiis sila ng kaunting pagdurusa o magbayad ng kaunting halaga, ito ay pawang para makipagtawaran sa Diyos. Napakalaki ng kanilang layunin at pagnanais na magtamo ng mga pagpapala at gantimpala, at mahigpit nila itong pinanghahawakan. Wala silang tinatanggap na kahit ano sa maraming katotohanang ipinahayag ng Diyos, sa puso nila ay palagi nilang iniisip na ang pananalig sa Diyos ay pawang tungkol sa pagtatamo ng mga pagpapala at pagtitiyak ng isang magandang hantungan, na ito ang pinakamataas na prinsipyo, at na walang makakalampas dito. Iniisip nila na hindi dapat manalig ang mga tao sa Diyos maliban na lang para sa kapakanan ng pagkamit ng mga pagpapala, at na kung hindi dahil sa mga pagpapala, ang pananalig sa Diyos ay magiging walang kahulugan o halaga, na mawawalan ito ng kahulugan at halaga. Ikinintal ba ng ibang tao ang mga ideyang ito sa mga anticristo? Nagmumula ba ang mga ito sa edukasyon o impluwensiya ng iba? Hindi, itinatakda ang mga ito ng likas na kalikasang diwa ng mga anticristo, na isang bagay na walang sinuman ang makakabago. Sa kabila ng pagsasalita ngayon ng napakaraming salita ng Diyos na nagkatawang-tao, walang tinatanggap na kahit na ano sa mga ito ang mga anticristo, sa halip ay nilalaban at kinokondena nila ang mga ito. Hindi kailanman magbabago ang kalikasan nila na tutol sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan. Kung hindi sila makakapagbago, ano ang ipinahihiwatig nito? Ipinahihiwatig nito na buktot ang kanilang kalikasan. Hindi ito isyu ng paghahangad o hindi paghahangad sa katotohanan; isa itong buktot na disposisyon, walang pakundangan itong pagtutol sa Diyos at paglaban sa Diyos. Ito ang kalikasang diwa ng mga anticristo; ito ang totoong mukha nila. Dahil nagagawa ng mga anticristo na walang pakundangang magprotesta at sumalungat sa Diyos, ano ang disposisyon nila? Buktot ito. Bakit Ko sinasabing buktot ito? Nangangahas ang mga anticristo na lumaban sa Diyos at magprotesta laban sa Kanya alang-alang sa pagkamit ng mga pagpapala, at para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Bakit sila nangangahas na gawin ito? Sa kaibuturan ng puso nila ay may isang puwersa, isang buktot na disposisyong namamahala sa kanila, kaya nagagawa nilang kumilos nang walang konsensiya, makipagtalo sa Diyos, at magprotesta laban sa Kanya. Bago pa sabihin ng Diyos na hindi Niya sila bibigyan ng korona, bago alisin ng Diyos ang kanilang hantungan, lumalabas na ang buktot nilang disposisyon sa kanilang puso at sinasabi nila, “Kung hindi mo ako bibigyan ng korona at ng hantungan, aakyat ako sa ikatlong langit at makikipagtalo sa iyo!” Kung hindi dahil sa kanilang buktot na disposisyon, saan sila makakahanap ng gayong enerhiya? Kaya ba ng karamihan ng tao na makahugot ng gayong enerhiya? Bakit hindi naniniwala ang mga anticristo na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan? Bakit mahigpit silang kumakapit sa kanilang pagnanais para sa mga pagpapala? Hindi ba’t kabuktutan na naman nila ito? (Oo.) Naging ambisyon at pagnanais na ng mga anticristo ang mismong mga pagpapala na ipinapangako ng Diyos na ipagkakaloob sa mga tao. Determinado ang mga anticristong matamo ang mga iyon, pero ayaw nilang sundan ang daan ng Diyos, at hindi nila mahal ang katotohanan. Sa halip, hinahangad nila ang mga pagpapala, gantimpala, at korona. Bago pa man sabihin ng Diyos na hindi Niya ipagkakaloob ang mga ito sa kanila, gusto na nilang makipagtalo sa Diyos. Ano ang lohika nila? “Kung hindi ako magtatamo ng mga pagpapala at gantimpala, makikipagtalo ako sa iyo, sasalungatin kita, at sasabihin kong hindi ka diyos!” Hindi ba’t pinagbabantaan nila ang Diyos sa pagsasabi ng mga gayong bagay? Hindi ba’t sinusubukan nilang pabagsakin ang Diyos? Nangangahas pa nga silang itatwa ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Basta’t hindi umaayon sa kalooban nila ang mga kilos ng Diyos, nangangahas silang itatwa na ang Diyos ang Lumikha, ang nag-iisang totoong Diyos. Hindi ba’t disposisyon ito ni Satanas? Hindi ba’t kabuktutan ito ni Satanas? May pagkakaiba ba sa pagitan ng kung paano kumikilos ang mga anticristo at ng saloobin ni Satanas sa Diyos? Puwedeng ganap na ituring na magkapareho ang dalawang pamamaraang ito. Tumatanggi ang mga anticristo na kilalanin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, at gusto nilang agawin ang mga pagpapala, gantimpala, at korona sa mga kamay ng Diyos. Anong klaseng disposisyon ito? Sa anong batayan nila hinihiling na kumilos at agawin ang mga bagay na gaya nito? Paano sila nakakahugot ng gayong enerhiya? Ang kadahilanan para dito ay puwede nang ibuod nang ganito: Ito ang kabuktutan ng mga anticristo. Hindi minamahal ng mga anticristo ang katotohanan, pero gusto pa rin nilang magtamo ng mga pagpapala at korona, at agawin ang mga gantimpalang ito sa mga kamay ng Diyos. Hindi ba’t hinahangad nila ang kamatayan? Nababatid ba nilang hinahangad nila ang kamatayan? (Hindi nila ito nababatid.) Maaaring medyo nararamdaman din nila na imposible para sa kanila na magtamo ng mga gantimpala, kaya nagsasabi muna sila ng isang pahayag gaya ng, “Kung hindi ako magtatamo ng mga pagpapala, aakyat ako sa ikatlong langit at makikipagtalo sa diyos!” Nakikini-kinita na nilang magiging imposible para sa kanila na magtamo ng mga pagpapala. Kung tutuusin, maraming taon nang tumututol laban sa Diyos si Satanas sa himpapawid, at ano ang ibinigay ng Diyos dito? Ang tanging pahayag ng Diyos dito ay, “Kapag natapos na ang gawain, ihahagis kita sa walang hanggang hukay. Nababagay ka sa walang hanggang hukay!” Ito lamang ang “pangako” ng Diyos kay Satanas. Hindi ba’t baluktot na nagnanais pa rin ito ng mga gantimpala? Kabuktutan ito. Antagonistiko sa Diyos ang likas na diwa ng mga anticristo, at hindi nga rin alam ng mga anticristo mismo kung bakit ganito. Nakatuon lamang ang kanilang puso sa pagkakamit ng mga pagpapala at korona. Tuwing may kaugnayan ang anumang bagay sa katotohanan o sa Diyos, lumilitaw ang paglaban at galit sa loob nila. Kabuktutan ito. Maaaring hindi maunawaan ng mga normal na tao ang mga panloob na damdamin ng mga anticristo; napakahirap nito sa mga anticristo. Nagtataglay ng gayong napakalalaking ambisyon ang mga anticristo, nagkikimkim sila ng gayon kalaking buktot na enerhiya sa loob nila, at ng gayon kalaking pagnanais para sa mga pagpapala. Puwede silang mailarawan bilang nag-aalab sa pagnanais. Pero patuloy na nagbabahaginan ang sambahayan ng Diyos tungkol sa katotohanan—siguradong napakasakit at napakahirap para sa kanila na marinig ito. Inaagrabyado nila ang kanilang sarili at nagpapanggap sila nang husto para pagtiisan ito. Hindi ba’t isa itong uri ng buktot na enerhiya? Kung hindi minahal ng mga ordinaryong tao ang katotohanan, hindi magiging interesante sa kanila ang buhay iglesia at makakaramdam pa sila ng pagkasuklam dito. Mas magiging pagdurusa kaysa kasiyahan para sa kanila ang pagbabasa sa mga salita ng Diyos at pagbabahaginan sa katotohanan. Kung gayon, paano ito nagagawang tiisin ng mga anticristo? Dahil ito sa napakalaki ng pagnanais nila para sa mga pagpapala na napipilit sila nitong agrabyaduhin ang kanilang sarili at atubiling tiisin ito. Bukod pa rito, pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para umakto bilang mga kampon ni Satanas, at ilaan ang kanilang sarili para magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia. Naniniwala silang ito ang misyon nila, at hanggang hindi nila natatapos ang gampanin nila na labanan ang Diyos, hindi sila napapanatag at pakiramdam nila ay nabigo nila si Satanas. Tinutukoy ito ng kalikasan ng mga anticristo.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)

Sa mga huling araw, pumarito sa katawang-tao ang Diyos para gumawa, nagpapahayag ng maraming katotohanan, ibinubunyag sa sangkatauhan ang lahat ng misteryo ng plano ng pamamahala ng Diyos, at ibinibigay ang lahat ng katotohanang dapat maunawaan at pasukin ng mga tao para maligtas. Ang mga katotohanang ito at ang mga salitang ito ng Diyos ay mga kayamanan para sa lahat ng nagmamahal sa mga positibong bagay. Ang mga katotohanan ang mga kinakailangan ng tiwaling sangkatauhan, at mga walang-katumbas na yaman din ang mga ito para sa sangkatauhan. Ang bawat isa sa mga salita, hinihingi, at layunin ng Diyos ay mga bagay na dapat maunawaan at maintindihan ng mga tao, ang mga ito ay mga bagay na dapat sundin ng mga tao para magkamit ng kaligtasan, at ang mga ito ay mga katotohanang dapat matamo ng mga tao. Ngunit itinuturing ng mga anticristo ang mga salitang ito bilang mga teorya at salawikain, nagbibingi-bingihan pa nga sila sa mga ito, at ang mas malala, kinasusuklaman at itinatatwa nila ang mga ito. Itinuturing ng mga anticristo ang pinakamahahalagang bagay sa buong sangkatauhan na mga kasinungalingan ng mga nagmamarunong. Naniniwala ang mga anticristo sa puso nila na walang Tagapagligtas, lalo nang walang katotohanan o positibong mga bagay sa mundo. Iniisip nila na anumang maganda o pakinabang ay dapat mapasakamay ng mga tao at puwersahang makuha sa pamamagitan ng pakikibaka ng tao. Iniisip ng mga anticristo na ang mga taong walang mga ambisyon at pangarap ay hinding-hindi magtatagumpay, ngunit ang puso nila ay puno ng pagtutol at pagkamuhi sa katotohanang ipinahayag ng Diyos. Itinuturing nila ang mga katotohanang ipinahayag ng Diyos bilang mga teorya at salawikain, ngunit itinuturing nila ang kapangyarihan, mga interes, ambisyon, at pagnanais bilang mga makatarungang layunin na dapat pamahalaan at hangarin. Gumagamit din sila ng serbisyong ginawa gamit ang kanilang mga kaloob bilang isang paraan upang makipagtransaksiyon sa Diyos sa pagtatangkang makapasok sa kaharian ng langit, magtamo ng mga korona, at magtamasa ng mas malalaking pagpapala. Hindi ba’t buktot ito? Paano nila binibigyang-kahulugan ang mga layunin ng Diyos? Sinasabi nila, “Pinagpapasyahan ng diyos kung sino ang amo sa pagtingin kung sino ang pinakagumugugol at pinakanagdurusa para sa kanya at kung sino ang nagbabayad ng pinakamalaking halaga. Pinagpapasyahan niya kung sino ang makakapasok sa kaharian at kung sino ang tatanggap ng mga korona sa pagtingin kung sino ang nagagawang maglibot, magsalita nang mahusay, at kung sino ang may diwa ng isang bandido at kayang sumunggab ng mga bagay nang puwersahan. Sabi nga ni Pablo, ‘Nakipagbaka na ako ng mabuting pakikibaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran’ (2 Timoteo 4:7–8).” Sinusunod nila ang mga salitang ito ni Pablo at naniniwala sila na totoo ang mga salita niya, ngunit hindi nila pinapansin ang lahat ng hinihingi at pahayag ng Diyos para sa sangkatauhan, iniisip na, “Hindi mahalaga ang mga bagay na ito. Ang tanging mahalaga ay na minsan ay nakipagbaka ako ng aking pakikipagbaka at natapos ko ang aking takbo, makakatanggap ako ng isang korona sa huli. Totoo ito. Hindi ba’t iyon ang ibig sabihin ng diyos? Nagsalita na ang diyos ng libu-libong salita at nagbigay ng di-mabilang na mga sermon. Sa huli, ang ibig niyang sabihin sa mga tao ay na kung gusto ninyo ng mga korona at gantimpala, bahala kayong makipaglaban, magpakahirap, mang-agaw, at kunin ang mga iyon.” Hindi ba’t ito ang lohika ng mga anticristo? Sa kaibuturan ng kanilang puso, ganito palagi ang tingin ng mga anticristo sa gawain ng Diyos, at ganito nila binibigyang-kahulugan ang salita at plano ng pamamahala ng Diyos. Buktot ang kanilang disposisyon, hindi ba? Binabaluktot nila ang mga layunin ng Diyos, ang katotohanan, at lahat ng positibong bagay. Itinuturing nila ang plano ng pamamahala ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan bilang isang malinaw na transaksiyon, at itinuturing ang tungkuling hinihingi ng Lumikha na gampanan ng sangkatauhan bilang isang malinaw na pagkamkam, paglaban, panlilinlang, at transaksiyon. Hindi ba’t ito ang buktot na disposisyon ng mga anticristo? Naniniwala ang mga anticristo na para magtamo ng mga pagpapala at makapasok sa kaharian ng langit, dapat nilang matamo ito sa pamamagitan ng isang transaksiyon, at na ito ay patas, makatwiran, at napakalehitimo. Hindi ba’t isa itong buktot na lohika? Hindi ba ito satanikong lohika? Laging may ganitong mga pananaw at saloobin ang mga anticristo sa kaibuturan ng kanilang puso, na nagpapatunay na ang disposisyon ng mga anticristo ay masyadong buktot.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)

Ang disposisyon ng mga anticristo ay buktot; bukod sa hindi nila tinatanggap ang katotohanan, kaya rin nilang labanan ang Diyos, magtatag ng sarili nilang mga kaharian, at hindi matitinag ang pagsalungat nila sa Diyos—ito ay isang buktot na disposisyon. Mayroon ba kayong anumang pagkaunawa sa mga buktot na disposisyon? Marahil karamihan sa mga tao ay hindi alam kung paano kilatisin ang mga ito, kaya magbigay tayo ng halimbawa. Ang ilang tao ay kadalasang napakanormal na kumikilos sa mga tipikal na sitwasyon. Napakanormal silang nakikipag-usap sa iba at nakikipag-ugnayan sa iba, mukha silang mga normal na tao at wala silang ginagawang anumang masama. Gayumpaman, kapag dumadalo sila sa mga pagtitipon at nagbabasa ng mga salita ng Diyos at nakikipagbahaginan sa katotohanan, ang ilan sa kanila ay ayaw makinig, ang ilan ay inaantok, ang ilan ay tutol dito at hindi ito matiis, ayaw nilang marinig ito, at ang ilan ay hindi namamalayang nakakatulog sila at nagiging ganap na walang kamalayan—ano ang nangyayari dito? Bakit napakaraming naipapamalas na abnormal na pangyayari kapag may isang taong nagsisimulang magbahagi tungkol sa katotohanan? Ang ilan sa mga taong ito ay nasa isang abnormal na kalagayan, pero ang ilan ay buktot. Hindi maisasantabi ang posibilidad na sila ay sinapian ng masasamang espiritu, at minsan hindi ito ganap na maarok ng mga tao o malinaw na makilatis. May masasamang espiritu sa loob ng mga anticristo. Kung tatanungin mo sila kung bakit sila kumakalaban sa katotohanan, sasabihin nilang hindi sila kumakalaban sa katotohanan at matigas silang tatangging aminin ito, pero sa katunayan ay alam nila sa puso nila na hindi nila mahal ang katotohanan. Kapag walang nagbabasa ng mga salita ng Diyos, nakakasundo nila ang iba na para silang mga normal na tao at hindi mo alam kung ano ang nasa loob nila. Gayumpaman, kapag may nagbabasa ng mga salita ng Diyos, ayaw nilang makinig at lumilitaw ang pagkasuklam sa puso nila. Ito ay pagkalantad ng kalikasan nila—sila ay masasamang espiritu; sila ay ganitong uri. Inilantad ba ng mga salita ng Diyos ang diwa ng mga taong ito o natumbok ang maselang isyu? Hindi. Kapag dumadalo sila sa mga pagtitipon, ayaw nilang makinig sa sinumang nagbabasa ng mga salita ng Diyos—hindi ba’t ito ay pagiging buktot nila? Ano ang ibig sabihin ng “pagiging buktot”? Ang ibig sabihin nito ay pagkalaban sa katotohanan, sa mga positibong bagay, at sa mga positibong tao nang walang dahilan; kahit sila mismo ay hindi alam kung ano ang dahilan, kailangan lang nilang kumilos nang ganoon. Ito ang ibig sabihin ng pagiging buktot at, sa payak na pananalita, ito lang ay pagiging ubod ng sama. Sinasabi ng ilang anticristo, “Kailangan lamang simulan ng isang tao na basahin ang mga salita ng diyos at ayaw ko nang makinig. Kailangan ko lang marinig ang isang tao na nagpapatotoo sa diyos at nasusuklam na ako, at ni hindi ko nga alam kung bakit. Kapag nakikita ko ang isang tao na minamahal ang katotohanan at hinahangad ang katotohanan, hindi ko siya makasundo, gusto kong salungatin siya, gusto ko palaging sumpain siya, ang saktan siya nang patalikod at pahirapan siya hanggang mamatay.” Kahit sila ay hindi alam kung bakit ganito ang pakiramdam nila—ito ay pagiging buktot nila. Ano ang aktuwal na dahilan nito? Ang mga anticristo ay sadyang walang espiritu ng isang normal na tao sa loob nila, sadyang wala silang normal na pagkatao—ganito lang talaga ito sa huling pagsusuri. Kung napakalinaw at napakaliwanag na naririnig ng isang normal na tao ang pagsasalita ng Diyos tungkol sa iba’t ibang aspekto ng katotohanan, iniisip nito, “Sa ganitong buktot at walang delikadesang kapanahunan, kung saan hindi matukoy ang tama at mali at nalilito sa mabuti at masama, napakahalaga at bihira na makapakinig ng napakaraming katotohanan at gayon kahusay na mga salita!” Bakit ito mahalaga? Ginigising ng mga salita ng Diyos ang mga pagnanais at inspirasyon ng mga taong kapwa may puso at espiritu. Anong inspirasyon? Inaasam nila ang katarungan at mga positibong bagay, nananabik sila na mamuhay sa harap ng Diyos, na magkaroon ng pagkakapantay-pantay at pagiging matuwid sa mundo, at na pumarito ang Diyos at magkaroon ng kapangyarihan sa mundo—ito ang panawagan ng lahat ng nagmamahal sa katotohanan. Gayumpaman, inaasam ba ng mga anticristo ang mga ito? (Hindi.) Ano ang inaasam ng mga anticristo? “Kung ako ang nasa kapangyarihan, lilipulin ko ang lahat ng ayaw ko! Kapag may nagpapatotoo na si cristo ay diyos na nagpapakita at gumagawa, nagpapatotoo na ang diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa sangkatauhan, at nagpapatotoo na ang mga salita ng diyos ang katotohanan, ang pinakamataas na layunin ng buhay ng sangkatauhan, at ang pundasyon para manatiling buhay ang tao, nasusuklam at namumuhi ako, at ayaw ko itong marinig!” Ito ay isang bagay na nasa kaibuturan ng mga anticristo. Hindi ba’t may ganitong disposisyon ang mga anticristo? Basta’t ang isang tao ay sumasamba sa kanila, humahanga sa kanila, at sumusunod sa kanila, magkaibigan sila, magkakampi sila; kung ang isang tao ay palaging nagbabahagi tungkol sa katotohanan at nagpapatotoo tungkol sa Diyos, iniiwasan at kinasusuklaman ito ng mga anticristo, at inaatake, ibinubukod, at pinahihirapan pa nga ito—ito ay kabuktutan. Kapag pinag-uusapan natin ang kabuktutan, ito ay palaging tumutukoy sa mga tusong pakana ni Satanas; ang mga ginagawa ni Satanas ay buktot, ang mga ginagawa ng malaking pulang dragon ay buktot, ang mga ginagawa ng mga anticristo ay buktot, at kapag pinag-uusapan natin ang tungkol sa pagiging buktot nila, ito ay pangunahing tumutukoy sa pagkalaban nila sa lahat ng positibong bagay at lalung-lalo na sa pagsalungat nila sa katotohanan at sa Diyos—ito ay kabuktutan, at ito ang disposisyon ng mga anticristo.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Unang Bahagi)

Kapag nakikita ng isang anticristo ang ilang tao na minamahal at hinahangad ang katotohanan, naaasiwa ito. Saan nanggagaling ang pagkaasiwang ito? Nanggagaling ito sa kanyang buktot na disposisyon, ibig sabihin, sa loob ng kanyang kalikasan ay may buktot na disposisyon na namumuhi sa katarungan, namumuhi sa mga positibong bagay, namumuhi sa katotohanan, at sinasalungat ang Diyos. Kaya, kapag nakikita niya ang isang taong naghahangad ng katotohanan, sinasabi niya, “Hindi ka masyadong edukado at hindi ka kaaya-aya sa paningin, pero hinahangad mo pa rin talaga ang katotohanan.” Ano ang ipinapakita nitong saloobin? Ito ay paghamak. Halimbawa, ang ilang kapatid ay may kaloob o espesyal na kasanayan at gusto nilang gumanap ng isang tungkuling may kaugnayan dito. Sa katunayan, ito ay angkop pagdating sa iba’t iba nilang kondisyon, pero paano tinatrato ng mga anticristo ang gayong mga kapatid? Sa puso nila, iniisip nila, “Kung gusto mong gampanan ang tungkuling ito, kailangan mo munang magpalakas sa akin at maging bahagi ng grupo ko, at saka lamang kita papayagang gampanan ang tungkuling ito. Kung hindi, mangarap ka na lang!” Hindi ba’t ganito kumilos ang mga anticristo? Bakit masyadong nasusuklam ang mga anticristo sa mga sinserong nananampalataya sa Diyos, na may kaunting pagpapahalaga sa katarungan at may kaunting pagkatao, at na nagsisikap na hangarin ang katotohanan? Bakit palagi silang salungat sa gayong mga tao? Kapag nakakakita sila ng mga taong naghahangad sa katotohanan at kumikilos nang maayos, ng mga taong kailanman ay hindi negatibo at may mabubuting layunin, naaasiwa sila. Kapag nakakakita ang mga anticristo ng mga taong kumikilos nang walang pagkiling, ng mga taong kayang gampanan ang kanilang tungkulin nang ayon sa mga prinsipyo, na kayang isagawa ang katotohanan kapag naunawaan na nila ito, talagang nagagalit sila, pinipiga nila ang mga utak nila para makaisip ng paraan para pahirapan ang mga taong iyon, at sinusubukan nilang gawing mahirap ang mga bagay-bagay para sa mga ito. Kapag may nakakakilatis sa kalikasang diwa ng isang anticristo, nakakakilatis sa katrayduran at kabuktutan ng anticristo at nais na ilantad at iulat siya, ano ang gagawin ng anticristo? Mag-iisip ang anticristo ng lahat ng paraan na magagawa nito para alisin ang puwing na ito sa kanyang mata at ang tinik na ito sa kanyang tagiliran at susulsulan nito ang mga kapatid na tanggihan ang taong ito. Ang isang ordinaryong kapatid ay walang katanyagan at katayuan sa iglesia; may kaunti lamang siyang pagkakilatis sa anticristong ito at hindi naman siya banta sa anticristong ito. Kung gayon, bakit palaging ayaw sa kanya ng anticristo at tinatrato siya na para bang puwing siya sa mata nito at tinik sa tagiliran nito? Paano ba nakasasagabal ang taong ito sa daan ng anticristo? Bakit hindi matanggap ng anticristo ang gayong mga tao? Ito ay dahil sa loob ng anticristo ay may isang buktot na disposisyon. Hindi matanggap ng mga anticristo ang mga taong naghahangad sa katotohanan o sumusunod sa tamang landas. Sinasalungat nila ang sinumang gustong sumunod sa tamang landas at sinasadya nilang pahirapan ka, at pipigain nila ang kanilang utak sa pag-iisip ng paraan para tanggalin ka, o kung hindi naman ay susupilin ka nila para maging negatibo at mahina ka, o kaya ay hahanapan ka nila ng butas at ipagkakalat ito para tanggihan ka ng iba, at pagkatapos ay magiging masaya sila. Kung hindi ka makikinig sa kanila o susunod sa sinasabi nila, at ipagpapatuloy mo ang paghahangad sa katotohanan, pagsunod sa tamang landas, at pagiging isang mabuting tao, maliligalig sila sa puso nila, at madidismaya at maaasiwa silang makita kang ginagampanan mo ang tungkulin mo. Bakit ganito? Ginalit mo ba sila? Hindi, hindi mo sila ginalit. Bakit ka nila tinatrato nang ganoon kahit wala ka namang ginawang anuman sa kanila o na nakapinsala sa mga interes nila sa anumang paraan? Ipinapakita lamang nito na ang kalikasan ng ganitong klase ng bagay—ang mga anticristo—ay buktot, at na sila ay likas na salungat sa katarungan, mga positibong bagay, at katotohanan. Kung tatanungin mo sila kung ano mismo ang nangyayari, ni hindi nila alam; basta sadya ka lang nilang pinahihirapan. Kung sasabihin mong gawin ang mga bagay sa isang paraan, kailangan nila itong gawin sa ibang paraan; kung sasabihin mong si ganito at ganoon ay hindi mahusay, sasabihin nilang ang taong ito ay magaling; kung sasabihin mong ito ang pinakamagandang paraan para ipalaganap ang ebanghelyo, sasabihin nilang hindi ito maganda; kung sasabihin mong ang isang sister na isa o dalawang taon pa lang na nananampalataya sa Diyos ay naging negatibo at mahina at dapat na suportahan, sasabihin nilang, “Hindi na kailangan, mas malakas pa nga siya sa iyo.” Sa madaling salita, palagi silang salungat sa iyo at sinasadya nilang kumilos nang salungat sa iyo. Ano ang prinsipyo nila sa pagiging salungat sa iyo? Ito ay na ang anumang sasabihin mong tama, ay sasabihin nilang mali, at anumang sasabihin mong mali, sasabihin nilang tama. May anuman bang mga katotohanang prinsipyo sa mga kilos nila? Walang kahit na ano. Gusto ka lang nilang mapahiya, magmukhang masama, mapabagsak, at matalo para mawalan ka ng kumpiyansa, para hindi mo na hangarin pa ang katotohanan, para maging mahina ka, at huwag ka nang manampalataya, at kapag nagkagayon ay nakamit na nila ang mithiin nila, at magagalak sila sa puso nila. Ano ang nangyayari dito? Ito ang buktot na diwa ng klase ng mga tao na mga anticristo.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Unang Bahagi)

May isang bagay na hindi alam ng mga tao sa buktot na kalikasan ng mga anticristo: Kaya ng mga anticristo na gumamit ng iba’t ibang pamamaraan, pananalita, teknika, estratehiya, paraan, at panlilinlang para kumbinsihin kang makinig sa kanila, para paniwalain kang tama, wasto, at positibo sila, at kahit pa sila ay gumagawa ng kasamaan, lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, at nagpapakita ng mga tiwaling disposisyon, sa huli ay babaligtarin nila ang mga bagay-bagay at papaniwalain ang mga taong tama sila. May ganito silang abilidad. Ano itong abilidad na ito? Ito ay ang pagiging labis na mapanlihis. Ito ang kabuktutan nila, na masyado silang mapanlihis. Sa puso nila, ang mga bagay na gusto nila, ayaw nila, tinututulan nila, at pinapahalagahan at sinasamba nila ay nabubuo dahil sa ilang baluktot na pananaw. May mga teorya sa mga pananaw na ito, na lahat ay panlilinlang na tila ba makatwiran, na mahirap pabulaanan ng mga ordinaryong tao dahil hindi man lang nila tinatanggap ang katotohanan at kaya pa nga nilang maglahad ng mga komplikadong argumento para sa mga sarili nilang pagkakamali. Kung walang katotohanang realidad, hindi mo sila makukumbinsi sa pamamagitan ng pagbabahagi ng katotohanan sa kanila. Ang pinakaresulta nito ay gagamitin nila ang kanilang mga hungkag na teorya para pabulaanan ka, na wala kang maisagot, hanggang sa unti-unti kang susuko sa kanila. Ang kabuktutan ng gayong mga tao ay matatagpuan sa katunayang masyado silang mapanlihis. Malinaw na wala silang saysay at na ginugulo nila ang lahat ng tungkuling ginagawa nila; pero, sa huli, kaya pa rin nilang mailigaw ang ilang tao na sambahin sila, na “lumuhod” sa kanilang paanan, at pinasusunod nila ang mga tao sa kanila. Ang ganitong klaseng tao ay kayang gawing tama ang mali, na maging puti ang itim. Kaya nilang pagbaligtarin ang katotohanan at kasinungalingan, isisi sa iba ang mga pagkakamaling ginawa nila, at kunin ang papuri para sa mabubuting gawa ng iba na para bang sila ang gumawa ng mga iyon. Sa paglipas ng panahon, nalilito ka na, hindi mo alam kung sino ba talaga sila. Kung huhusgahan batay sa kanilang mga salita, kilos, at anyo, maaaring isipin mo, “Ekstraordinaryo ang taong ito; hindi natin siya mapapantayan!” Hindi ba’t ito ay pagkalihis? Ang araw na malilihis ka ay ang araw na manganganib ka. Hindi ba’t masyadong buktot ang ganitong klase ng tao na inililigaw ang iba? Sinumang nakikinig sa mga salita nila ay puwedeng iligaw at guluhin, at mahihirapang makabangon muli nang ilang panahon. Kaya ng ilang kapatid na kilatisin at makitang mga nangliligaw ang mga taong ito, kaya nilang ilantad at tanggihan ang mga ito, pero ang mga nailigaw na ay maaaring ipagtanggol pa nga ang mga ito, at sabihing, “Hindi, hindi patas ang sambahayan ng diyos sa kanya; dapat akong manindigan para sa taong ito.” Anong problema rito? Malinaw na nailigaw na sila, pero ipinagtatanggol at binibigyang-katwiran nila ang nagligaw sa kanila. Hindi ba’t ang mga taong ito ay nananampalataya sa Diyos pero sumusunod sa isang tao? Sinasabi nilang nananampalataya sila sa Diyos, pero bakit nila sinasamba nang ganoon ang taong ito at talagang ipinagtatanggol ito? Kung hindi nila matukoy ang gayong halatang bagay, hindi ba’t nailigaw na sila hanggang sa isang antas? Nailigaw na ng anticristo ang mga tao hanggang sa puntong hindi na sila mukhang tao o nagtataglay ng kaisipang sumusunod sa Diyos; sa halip, sumasamba at sumusunod sila sa anticristo. Hindi ba’t ipinagkakanulo ng mga taong ito ang Diyos? Kung nananampalataya ka sa Diyos, pero hindi ka pa Niya nakakamit, at nakamit na ng anticristo ang puso mo, at buong puso kang sumusunod dito, pinatutunayan nitong naagaw ka na nito mula sa sambahayan ng Diyos. Sa sandaling umalis ka sa pangangalaga at proteksyon ng Diyos, mula sa sambahayan ng Diyos, puwede kang manipulahin at paglaruan ng anticristo ayon sa gusto niya. Pagkatapos ka niyang paglaruan, ayaw na niya sa iyo, at ibang tao naman ang ililigaw niya. Kung patuloy kang makikinig sa mga salita niya at mapapakinabangan ka pa niya, maaaring hayaan ka niyang sumunod nang kaunti pa. Gayumpaman, kung wala na siyang nakikitang mapapakinabangan sa iyo, hindi ka na niya pahahalagahan, pagkatapos ay itatapon ka na niya. Makakabalik ka pa rin ba sa pananampalataya sa Diyos? (Hindi na.) Bakit hindi ka na puwedeng manampalataya pa? Dahil nawala na ang panimulang pananampalataya mo; naglaho na ito. Ganito inililigaw at pinipinsala ng mga anticristo ang mga tao. Ginagamit nila ang kaalaman at pagkatuto na sinasamba ng mga tao, kasama na ang kanilang mga kaloob, para iligaw at kontrolin ang mga tao, gaya ni Satanas na iniligaw sina Adan at Eba. Anuman ang kalikasang diwa ng mga anticristo, anuman ang gusto, kinamumuhian, at pinapahalagahan niya sa kanyang kalikasang diwa, iisa lang ang sigurado: Ang gusto niya at ang ginagamit niya para iligaw ang mga tao ay salungat sa katotohanan, walang kinalaman sa katotohanan, at kontra sa Diyos—ito ang sigurado. Tandaan ninyo ito: Hindi kailanman magiging kaayon ng Diyos ang mga anticristo.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi)

Sinundan: 6. Paano makilatis ang karakter ng mga anticristo

Sumunod: 8. Paano makilatis ang malupit na kalikasan ng mga anticristo

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito