94. Hindi Dapat Pigilan ng mga Lider ang mga Taong May Talento

Ni Cecilia, Espanya

Noong Agosto ng 2020, nahalal ako bilang lider at pinangangasiwaan ko ang gawain ng iglesia na may kinalaman sa paggawa ng video. Dahil bago ako sa trabaho, hindi ako pamilyar sa marami sa mga prinsipyo nito, at nagkaroon ako ng ilang suliranin habang nagtatrabaho. Kaya madalas kong lapitan ang lider ng grupo na si Sister Marsha para humingi ng payo at mungkahi. Alam na alam ni Marsha ang mga prinsipyo at gawain. Malaking tulong siya sa akin. Napansin ko na napakaingat niya, sineseryoso niya ang kanyang mga tungkulin, at nakakaramdam siya ng responsibilidad. Minsan, kapag masyado na akong abala, ipinapasa ko sa kanya ang ilan sa mga gawain ko. Magaling ang samahan namin bilang grupo.

Kalaunan, unti-unti kong nalaman na sa tuwing may mga problema ang mga kapatid, lahat sila’y hinahanap si Marsha at agad-agad pa ngang nagdedesisyon pagkatapos makipagkita sa kanya. Medyo hindi ako nasiyahan sa ganitong kalagayan. Naisip ko sa sarili ko: “Kung magpapatuloy ito, hindi ba mawawala ang posisyon ko bilang lider? Hindi ito maaari. Sa hinaharap, ako na mismo ang hahawak sa lahat ng gawaing itinalaga sa akin at hindi ako hihingi ng tulong kay Marsha. Dahil kung hindi, iisipin ng iba na magaling at mahusay siya na manggagawa.” Minsan, nalaman ni Marsha na mabagal ang pag-usad ng isa sa mga kapatid sa paggawa nito ng video. Nang siyasatin niya ito, natuklasan niyang hindi sapat ang kasanayan ng kapatid, at hindi nito hinanap ang mga prinsipyo sa tungkulin nito, kaya madalas na kailangang ayusin muli ang ginawa nito. Nagtalaga siya ng isa pang mas mahusay na kapatid para tulungan ito. Nalaman ko na lang ito pagkatapos. Tama ang ginawa ni Marsha, pero medyo hindi pa rin ako komportable sa nangyari. Pakiramdam ko ay parang kawalang-galang ang paggawa ng ganoon kalaking desisyon nang hindi ipinapaalam sa akin. Nagiging isang palamuting lider na lang ba ako? Kalaunan, tinanong ko siya kung bakit hindi niya ito ipinaalam sa akin. Hindi ko inaasahang sinabi niyang: “Naging abala ako at nakalimutan kong sabihin sa iyo.” Nang marinig ko iyon, nagalit na ako, at naisip ko sa sarili ko: “Palaki nang palaki ang awtoridad mo at gumagawa ka ng mga desisyon nang walang pag-apruba ko. Wala kang anumang respeto sa akin! Hindi ba’t dahil diyan ay parang hindi na ako kailangan ng iglesia? Kung magpapatuloy ito, ano ang iisipin ng mga kapatid sa akin? Syempre iisipin nilang wala akong silbi. Paano ako makapaglilingkod bilang lider kung ganoon?” Nang matanto ko ito, mas lalong tumindi ang pagkabalisa ko. Sa isa pang pagkakataon, sinabi sa akin ni Marsha na nangalap siya ng ilang materyales sa pag-aaral at nagpaplano siyang tipunin ang lahat para mag-aral ng ilang kasanayan. Hindi ako naging komportable nang marinig ko ito at naisip ko: “Minsan ako ang nagpapaalala sa iyo na gawin ang bagay na ito, pero pagkatapos nating mag-usap, ikaw lang ang nakakapagbahagi at nakakapaggabay sa iba. Walang nakakaalam sa gawaing naiambag ko sa likod ng mga ito, at siguradong iisipin ng iba na mas malaki ang pasanin mo kaysa sa’kin. Kung magpapatuloy ito, paano ko mapapanatili ang posisyon ko bilang lider?” Sa totoo lang, alam ko na responsibilidad ni Marsha na pamunuan ang mga kapatid sa pag-aaral at alam kong hindi pwedeng maantala ang gawaing ito, kaya hindi ako dapat magreklamo tungkol dito. Pero ayaw ko lang hayaan si Marsha na pangasiwaan ang gawaing ito. Naisip ko: “Parami nang parami ang mga proyektong sinasalihan ni Marsha, kabilang na ang ilan sa mga gawaing responsibilidad ko. Mas gusto ng iba na siya ang puntahan kapag may mga problema sila. Malapit na ba niya akong palitan?” Ang isipin lahat ng ito ay nagpasama ng loob ko. Kaya nagsimula akong hanapan siya ng kapintasan at mga isyu sa kanyang trabaho. Gusto kong ipakita sa iba na hindi siya gaanong bihasa sa kanyang trabaho at mas magaling pa rin ako.

Isang araw, sa isang talakayan namin ng isang nakatataas na lider tungkol sa trabaho namin, kaswal niyang binanggit na ang isa sa mga proyektong video ni Marsha ay mabagal ang pag-usad. Ito mismo ang gusto kong marinig at agad akong sumagot: “Oo. Tama. Maraming proyektong nakatalaga sa kanya, pero hindi niya kayang asikasuhin ang lahat ng iyon. Ang ilan sa kanyang mga proyekto ay hindi rin masyadong epektibo. Sa tingin ko, mas mabuting huwag siyang bigyan ng napakaraming gawain. Hindi siya dapat bigyan ng ganito kalaking awtoridad.” Nang sabihin ito, medyo nakonsensya ako: Paano ko nasabi ang isang bagay na gaya niyon? Ang mga tungkulin ay atas ng Diyos. Nagsasalita ako na para bang itinalaga ko sa kanya ang mga tungkuling ito, na para bang pinagkalooban ko siya ng awtoridad na gawin ang mga trabahong ito at ngayon ay inaalis ko na. Hindi ba ako nasa maling posisyon? Hindi ako makapaniwalang makapagsasabi ako ng ganoon at medyo natakot ako sa sarili ko. Isa pa, ang ilan sa gawaing iyon ay talagang bahagi ng mga tungkulin ni Marsha, pero sinubukan ko siyang pigilan sa paggawa nito at patuloy ko siyang hinahanapan ng mga kapintasan sa trabaho niya. Gusto kong makita ng lahat na hindi siya magaling na manggagawa at mas mababa siya kaysa sa akin. Paano ako naging lubos na kasuklam-suklam?

Pagkatapos niyon, nagsimula akong maghanap ng mga nauugnay na sipi ng mga salita ng Diyos para lutasin ang kalagayan ko. Nahanap ko ang isang sipi kung saan inilalantad ng Diyos ang mga anticristo, na sumasalamin sa kalagayan ko. Sabi ng Diyos: “Isa sa mga pinakahalatang katangian ng diwa ng isang anticristo ay para siyang malupit na pinunong nagpapatakbo ng sarili nitong diktadurya: Wala siyang pinakikinggan, mababa ang tingin niya sa lahat, at anuman ang mga kalakasan ng mga tao, o anumang tamang pananaw at matalinong opinyon ang ipinapahayag ng mga ito, o anuman ang mga naaangkop na pamamaraan ang inilalatag ng mga ito, hindi niya pinapansin ang mga iyon; para bang walang sinuman ang kuwalipikadong makatrabaho siya, o makibahagi sa anumang ginagawa niya. Ito ang uri ng disposisyong mayroon ang mga anticristo. Sinasabi ng ilan na mababang uri ito ng pagkatao—pero paanong ito ay pangkaraniwang mababang uri ng pagkatao lamang? Ito ay ganap na isang satanikong disposisyon; at ang gayong disposisyon ay lubhang mabalasik. Bakit Ko sinasabing ang kanilang disposisyon ay lubhang mabalasik? Kinakamkam ng mga anticristo ang lahat ng bagay mula sa sambahayan ng Diyos at ang pag-aari ng iglesia, at itinuturing ang mga ito bilang kanilang personal na pag-aari, na lahat ng ito ay sila dapat ang namamahala, nang walang ibang nakikialam. Ang mga iniisip lamang nila kapag ginagawa ang gawain ng iglesia ay ang kanilang sariling mga interes, kanilang sariling katayuan, at kanilang sariling pagpapahalaga sa sarili. Hindi nila tinutulutan ang sinuman na pinsalain ang kanilang mga interes, lalo nang hindi nila tinutulutan ang sinumang may kakayahan at nagagawang magsalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan na maging banta sa kanilang katayuan at katanyagan. … Kapag napapangibabaw ng isang tao ang kanyang sarili dahil sa isang maliit na gawain, o kapag nagagawa ng isang tao na magbigay ng tunay na patotoong batay sa karanasan upang makinabang, mapatibay, at masuportahan ang mga hinirang ng Diyos, at magkamit ng malaking papuri mula sa lahat, nabubuo ang inggit at poot sa puso ng mga anticristo, at sinusubukan nilang layuan at siraan ang taong ito. Anuman ang sitwasyon, hinding-hindi nila tinutulutan ang gayong mga tao na gumawa ng anumang gawain, upang hindi maging banta ang mga ito sa kanilang katayuan. … Iniisip ng mga anticristo, ‘Hindi ko talaga matitiis ang ganito. Nais mong magkaroon ng papel sa aking nasasakupan, upang makipagpaligsahan sa akin. Imposible iyon; huwag na huwag kang magtatangka. Mas edukado ka kaysa sa akin, mas matatas magsalita kaysa sa akin, mas sikat kaysa sa akin, at mas masikap mong hinahangad ang katotohanan kaysa sa akin. Kung magkasama tayong gagawa at inagaw mo ang atensyon mula sa akin, ano na lang ang gagawin ko?’ Isinasaalang-alang ba nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi. Ano ang iniisip nila? Iniisip lamang nila kung paano kakapit sa sarili nilang katayuan. Kahit alam ng mga anticristo na hindi nila kayang gumawa ng totoong gawain, hindi nila nililinang o itinataas ng ranggo ang mga taong mahusay ang kakayahan na naghahangad sa katotohanan; ang tanging itinataas nila ng ranggo ay ang mga taong nambobola sa kanila, mga mahilig sumamba sa iba, na sumasang-ayon at humahanga sa kanila sa puso ng mga ito, mga taong mahusay sa pakikipag-ugnayan, na walang pagkaunawa sa katotohanan at hindi kayang kumilatis(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Noon, palagi kong iniisip na ang siping ito ay naglalantad ng mga anticristo at walang kinalaman sa akin, pero kalaunan natanto ko na masyadong malubha ang anticristong disposisyon ko. Noong una, naisip ko kung gaano karesponsable at kasipag si Marsha, at masaya akong ibinibigay sa kanya ang ilan sa mga gawain ko, pero nang mapansin ko na humahanga ang iba sa kanya, pumupunta sa kanya nang may maraming katanungan, at inaasikaso niya ang ilang proyekto nang hindi dumadaan sa akin, nag-alala ako na inaagaw niya sa akin ang atensiyon at nadama kong isa siyang banta sa katayuan ko, kaya sinubukan ko siyang pigilang sumali sa mas maraming proyekto, kabilang na ang mga proyekto na talaga namang bahagi ng mga tungkulin niya. Nag-alala ako na kung mahusay siyang gumawa, lalo lang siyang hahangaan ng mga kapatid at magmumukha akong mas hindi magaling kung ikukumpara. Nilinlang ko pa nga ang nakatataas na lider para pigilan siya na bigyan ng mas marami pang trabaho si Marsha. Habang pinagninilayan ko ang mga asal na ito, nakita kong talagang wala akong pagkatao at malinaw na ibinubukod ko ang iba para mapanatili ang sarili kong katayuan. Pinahahalagahan ng mga anticristo ang awtoridad higit sa lahat at hindi nila kailanman isinasaalang-alang ang gawain o mga interes ng iglesia. Anuman ang gawain nila, sarili nilang katayuan lang ang iniisip nila at kapag may isang tao na mas magaling sa kanila at nagdudulot ng banta sa katayuan nila, ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para supilin at ibukod ito at pinipigilan nila ito na gumanap ng mahalagang papel sa anumang tungkuling responsibilidad nito. Naiiba ba ang inaasal ko sa isang anticristo? Kumikilos ako na para bang pribado kong pag-aari ang gawain ng iglesia. Kapag isinasaalang-alang kung kanino itatalaga ang aling mga tungkulin at kung gaano karaming trabaho ang ibibigay sa kanila, palagi akong nag-aalala kung nagdudulot ba sila ng banta sa aking katayuan at reputasyon. Hinding-hindi ko inisip kung paano ito makakaapekto sa gawain ng iglesia. Pinigilan at ibinukod ko pa nga ang mga tao para lang mapanatili ang sarili kong katayuan, inilalantad ang aking anticristong disposisyon. Talagang napakasama ko.

Nakita ko ang siping ito: “Anong uri ng disposisyon ito kapag may nakita ang isang tao na mas mahusay kaysa sa kanya at sinusubukan niya siyang pabagsakin, nagkakalat ng mga tsismis tungkol sa kanya, o gumagamit ng mga kasuklam-suklam na paraan para siraan siya at isabotahe ang kanyang reputasyon—inaapakan pa ang kanyang pagkatao—para maprotektahan ng taong ito ang sarili niyang puwang sa isip ng mga tao? Hindi lang ito kayabangan o pagiging palalo, ito ay disposisyon ni Satanas, ito ay isang malisyosong disposisyon. Mapaminsala at masama na nagagawa ng taong ito na batikusin at ihiwalay ang mga taong mas mahusay at mas malakas kaysa sa kanya. At ipinapakita ng hindi niya pagtigil hanggang sa mapabagsak ang mga tao kung gaano siya kademonyo! Dahil namumuhay siya ayon sa disposisyon ni Satanas, malamang na maliitin niya ang mga tao, subukang isangkalan sila, at pahirapan sila. Hindi ba ito paggawa ng masama? At habang namumuhay nang ganito, iniisip pa rin niyang maayos ang lagay niya, na mabuti siyang tao—subalit kapag may nakita siya na taong mas magaling kaysa sa kanya, malamang na pahirapan niya ito, na tapak-tapakan niya ito. Ano ang isyu rito? Hindi ba’t ang mga taong kayang gumawa ng ganoong masasamang gawa ay mga imoral at matitigas ang ulo? Ang mga gayong tao ay iniisip lamang ang sarili nilang mga interes, isinasaalang-alang lamang nila ang sarili nilang damdamin, at ang tanging nais nila ay matupad ang sarili nilang mga pagnanasa, ambisyon, at mithiin. Wala silang pakialam kung gaano kalaking pinsala ang idinudulot nila sa gawain ng iglesia, at mas gugustuhin nilang isakripisyo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos para maprotektahan ang kanilang katayuan sa isipan ng mga tao at ang sarili nilang reputasyon. Hindi ba’t ang mga taong gaya nito ay mayayabang at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, mga makasarili at ubod ng sama? Ang gayong mga tao ay hindi lamang mayayabang at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, labis din silang makasarili at ubod ng sama. Hinding-hindi nila iniintindi ang kalooban ng Diyos. May-takot-sa-Diyos na puso ba ang gayong mga tao? Wala man lang silang may-takot-sa-Diyos na puso. Ito ang dahilan kung bakit wala silang pakundangan kung kumilos at ginagawa nila ang anumang gusto nila, nang walang nadaramang anumang pagsisisi, walang anumang pangamba, walang anumang pagkabalisa o pag-aalala, at hindi iniisip ang mga ibubunga nito. Ito ang madalas nilang ginagawa, at kung paano sila palaging kumikilos. Ano ang kalikasan ng ganoong pag-uugali? Sa mas magaang na salita, ang mga gayong tao ay napakamainggitin at may napakalakas na paghahangad para sa pansariling kasikatan at katayuan; sila ay napakamapanlinlang at taksil. Sa mas masakit na pananalita, ang diwa ng problema ay ang gayong mga tao ay wala man lang may-takot-sa-Diyos na puso. Hindi sila takot sa Diyos, naniniwala sila na sila ang pinakamahalaga, at itinuturing nila na bawat aspeto ng kanilang sarili ay mas mataas kaysa sa Diyos at mas mataas kaysa sa katotohanan. Sa kanilang puso, ang Diyos ay hindi karapat-dapat banggitin at hindi mahalaga, at wala man lang anumang mataas na katayuan ang Diyos sa kanilang puso. Maisasagawa ba ang katotohanan ng mga walang puwang ang Diyos sa puso nila, at ng mga walang may-takot-sa-Diyos na puso? Hinding-hindi. Kaya, kapag karaniwan ay masaya silang kumikilos at pinananatiling abala ang kanilang sarili at gumugugol ng matinding lakas, ano ang ginagawa nila? Sinasabi pa ng mga taong ito na tinalikuran na nila ang lahat upang gumugol para sa Diyos at nagdusa na sila nang malaki, ngunit ang totoo, ang motibo, prinsipyo, at layon ng lahat ng kilos nila ay para sa sarili nilang katayuan at reputasyon, para maprotektahan ang lahat ng interes nila. Masasabi ba ninyo o hindi ninyo masasabing masama ang ganitong uri ng tao? Anong uri ng mga tao ang naniniwala sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit wala namang may-takot-sa-Diyos na puso? Hindi ba’t mapagmataas sila? Hindi ba’t si Satanas sila? At anong mga bagay ang pinakawalang-walang may-takot-sa-Diyos na puso? Bukod sa mga halimaw, ito ay ang masasama at ang mga anticristo, ang kauri ni Satanas at ng mga diyablo. Hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan; wala silang anumang may-takot-sa-Diyos na puso. Kaya nilang gumawa ng anumang kasamaan; sila ang mga kaaway ng Diyos, at ang mga kaaway ng Kanyang mga hinirang na tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos). Habang binabasa ang mga salita ng Diyos, naramdaman kong parang naroon lang Siya at hinahatulan ako. Malinaw na walang malalaking isyu sa gawaing pinangasiwaan ni Marsha, pero dahil isa siyang banta sa katayuan ko, nakahanap ako ng paraan para supilin siya, sinasamantala ang pagkakataon na hamakin siya sa harap ng nakatataas na lider, umaasa na maudyukan ko itong bawasan ang ibibigay na trabaho kay Marsha para hindi niya ako mapapalitan sa posisyon ko. Sinupil at pinarusahan ko ang iba para siguruhin ang sarili kong katayuan. Mayroon ba akong may-takot-sa-Diyos na puso? Namumuhay ako nang ayon sa mga satanikong lason gaya ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Isa lang ang lalaking maaaring manguna,” at “Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa.” Napakamakasarili ko at napakayabang. Naisip ko ang malupit at awtokratikong CCP, na sinusupil at ibinubukod ang sinumang banta sa posisyon nito. Hindi ba’t ganoon din ako? Sinusupil ko ang sinumang mga kapatid na may talento at epektibo sa kanilang trabaho. Sinikap kong itatag ang awtoridad ko sa iglesia at gawin ang mga kapatid na ako lang ang hangaan at ilagay ako sa puso nila. Tinatahak ko ang landas ng isang anticristo! Naisip ko ang mga anticristo na iyon na gumamit ng anumang paraan upang parusahan at abusuhin ang mga tao para mapanatili ang kanilang katayuan, tinatrato ang mga nagbabanta sa kanilang katayuan na parang mga tinik sa kanilang laman, maling inaakusahan ang mga ito, pinaparusahan, at hindi kailanman sumusuko hanggang sa mapatalsik ang mga ito. Pagkatapos gumawa ng lahat ng uri ng kasamaan, ang mga anticristo na iyon ay napatalsik sa sambahayan ng Diyos sa huli. Kung magpapatuloy ako nang ganoon at mabigong magsisi, hindi ba’t sa huli ay ganoon din ang magiging kapalaran ko? Nagbabahagi ang Diyos tungkol sa kung paano makikilala ang mga anticristo, at kung paano maiiwasang tahakin ang landas ng isang anticristo. Malinaw na nakapagbahagi ang Diyos sa aspetong ito ng katotohanan, para magkaroon tayo ng kakayahang makakilala ng mga anticristo, magnilay sa sarili nating mga pag-uugaling tulad ng sa anticristo, at mahanap ang katotohanan, magsisi at magbago. Pero hindi ako tumuon sa paglutas ng sarili kong anticristong disposisyon sa gawain ko, hindi ko pinagbulayan kung paano ko pinakamahusay na magagampanan ang mga tungkulin ko at mapoprotektahan ang gawain ng iglesia. Sa halip, nakipagpaligsahan ako para sa katayuan, tinrato ang tungkulin ko na para bang sarili kong negosyo, na parang isang paraan para masiguro ang katayuan at ang paghanga ng mga kapatid, at ginusto kong makuha ang lahat ng awtoridad sa tungkulin ko. Nadala ako ng mga pagnanais ko.

Isang beses sa mga debosyonal, nakita ko ang dalawang sipi ng salita ng Diyos na talagang kapaki-pakinabang. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Bilang isang lider o isang manggagawa, kung lagi mong iniisip na mataas ka kaysa sa iba, at nagpapakasaya sa iyong tungkulin tulad ng ilang opisyal ng gobyerno, laging nagpapakasasa sa mga pakinabang ng iyong posisyon, laging gumagawa ng sarili mong mga plano, laging iniisip at tinatamasa ang sarili mong katanyagan at katayuan, laging nagpapatakbo ng sarili mong operasyon, at laging naghahangad na magtamo ng mas mataas na katayuan, na mapamahalaan at makontrol ang mas maraming tao, at mapalawak ang saklaw ng iyong kapangyarihan, problema ito. Mapanganib na tratuhin ang isang mahalagang tungkulin bilang isang pagkakataong tamasahin ang iyong posisyon na para bang isa kang opisyal ng gobyerno. Kung lagi kang kikilos nang ganito, na ayaw mong makatrabaho ang iba, ayaw mong bawasan ang iyong kapangyarihan at ipamahagi iyon sa iba, ayaw mong magkaroon ng higit na kapangyarihan ang iba, na maagaw ang katanyagan, kung gusto mo lamang tamasahing mag-isa ang kapangyarihan, isa kang anticristo. Ngunit kung madalas mong hinahanap ang katotohanan, isinasantabi ang laman, tinatalikdan ang sarili mong mga motibasyon at plano, at nagagawa mong kusang makipagtulungan sa iba, buksan ang puso mo para sumangguni at maghanap sa iba, makinig nang mabuti sa mga ideya at mungkahi ng iba, at tumanggap ng payo na tama at naaayon sa katotohanan, kanino man iyon manggaling, nagsasagawa ka sa isang matalino at tamang paraan, at nagagawa mong iwasang tumahak sa maling landas, na proteksyon para sa iyo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). “Anuman ang gawin mo, mahalaga man ito o hindi, dapat ay palaging may isang taong tutulong sa iyo, upang bigyan ka ng mga paalala, payo, o upang gumawa ng mga bagay-bagay sa pakikipagtulungan sa iyo. Ito ang tanging paraan upang masiguro na magagawa mo ang mga bagay nang mas tama, mas magiging kaunti ang mga pagkakamali at mas malamang na hindi ka maliligaw—mabuting bagay ito. Ang paglilingkod sa Diyos, sa partikular, ay isang malaking bagay, at ang hindi paglutas sa iyong tiwaling disposisyon ay maaaring maglagay sa iyo sa panganib! Kapag ang mga tao ay may mga satanikong disposisyon, maaari silang magrebelde at lumaban sa Diyos anumang oras at saanmang lugar. Ang mga taong namumuhay ayon sa mga satanikong disposisyon ay maaaring tanggihan, labanan, at pagtaksilan ang Diyos anumang oras. Labis na hangal ang mga anticristo, hindi nila ito napagtatanto, sa palagay nila, ‘Ang dami ko nang problemang pinagdaanan para magkaroon ng kapangyarihan, bakit ko ito ibabahagi sa iba? Ang pagbibigay nito sa iba ay nangangahulugang wala nang matitira para sa sarili ko, hindi ba? Paano ko maipakikita ang aking mga talento at kakayahan nang walang kapangyarihan?’ Hindi nila alam na ang ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao ay hindi kapangyarihan o katayuan, kundi isang tungkulin. Tinatanggap lamang ng mga anticristo ang kapangyarihan at katayuan, isinasantabi nila ang kanilang mga tungkulin, at hindi sila gumagawa ng praktikal na gawain. Sa halip, naghahangad lamang sila ng katanyagan, pakinabang at katayuan, at nais lamang nilang mang-agaw ng kapangyarihan, kontrolin ang mga hinirang ng Diyos, at tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan. Ang paggawa ng mga bagay sa ganitong paraan ay lubhang mapanganib—ito ay paglaban sa Diyos! Sinumang naghahangad ng katanyagan, pakinabang at katayuan sa halip na maayos na gampanan ang kanilang tungkulin ay naglalaro ng apoy at inilalagay sa panganib ang kanilang buhay. Iyong mga naglalaro ng apoy at inilalagay sa panganib ang kanilang buhay ay maaaring ipahamak ang kanilang sarili anumang sandali. Ngayon, bilang isang lider o manggagawa, naglilingkod ka sa Diyos, na hindi isang ordinaryong bagay. Hindi ka gumagawa ng mga bagay para sa kung sinong tao, lalo nang hindi ka nagtatrabaho para mabayaran ang mga bayarin at matustusan ang mga pangangailangan mo; sa halip, ginagampanan mo ang iyong tungkulin sa iglesia. At ipagpalagay natin, lalo na, na ang tungkuling ito ay nagmula sa pagkakatiwala ng Diyos, ano ang ipinapahiwatig ng paggawa nito? Na ikaw ay may pananagutan sa Diyos sa iyong tungkulin, gawin mo man iyon nang maayos o hindi; sa huli, dapat magbigay ng ulat sa Diyos, dapat may kinalabasan. Ang natanggap mo ay atas ng Diyos, isang pinabanal na responsabilidad, kaya gaano man kalaki o kaliit ang kahalagahan ng responsabilidad na ito, seryosong usapan ito. Gaano kaseryoso ito? Sa maliit na antas, may kinalaman ito sa kung makakamit mo ang katotohanan sa buhay na ito at may kinalaman ito sa kung paano ka tinitingnan ng Diyos. Sa mas malaking antas, direkta itong nauugnay sa iyong kinabukasan at kapalaran, sa iyong magiging katapusan; kung gumagawa ka ng kasamaan at nilalabanan mo ang Diyos, kokondenahin ka at parurusahan. Lahat ng ginagawa mo kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin ay itinatala ng Diyos, at ang Diyos ay may sariling mga prinsipyo at pamantayan kung paano mamarkahan at susuriin ito; itinatakda ng Diyos ang iyong katapusan batay sa lahat ng ipinamamalas mo habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Noon, tinrato ko ang pagiging lider ko bilang isang simbolo ng katayuan. Pagkatapos ko basahin ang mga salita ng Diyos saka ko lang natanto na ang tungkulin ko ay isang atas na ipinagkaloob sa akin ng Diyos. Isa itong responsibilidad at walang kinalaman sa katayuan at awtoridad. Sa paggawa ng tungkulin ng isang tao sa iglesia, walang pagkakaiba sa mataas o mababang katayuan. Ginagampanan ng bawat isa ang kanilang mga responsibilidad sa kani-kanilang posisyon. Matapos maging isang lider, nagkamit ako ng maraming pagkakataon na makapagsagawa, at unti-unti kong natututunan kung paano kumilos ayon sa mga prinsipyo at nauunawaan ang ilang katotohanan. Itinalaga rin ng Diyos na makatrabaho ko ang mahuhusay na kapatid na nakauunawa sa mga prinsipyo para magampanan ko sa pinakamahusay na paraan ang mga tungkulin ko, at magawa nang maayos ang gawain sa iglesia. Ngunit hindi ko hinangad ang katotohanan o maayos na nakipagtulungan sa iba. Sa halip, pinahalagahan ko ang katayuan, at pinigilan at ibinukod ko pa nga ang iba para mapanatili ang katayuan ko, inaagawan ang aking mga kapatid ng pagkakataong makapagsagawa. Hindi ko lang napinsala ang mga kapatid, kundi naapektuhan din ang gawain ng iglesia. Dahil sa lahat ng inasal ko, talagang hindi ako karapat-dapat na maging lider. Ayaw kong magpatuloy sa maling landas na ito. Nais ko lamang na tapat at praktikal na isakatuparan ang mga responsibilidad ko, na gampanan ang mga tungkulin ko. Pagkatapos niyon, sinimulan kong mas magsikap sa pagganap ng tungkulin ko at kapag nakikita kong pumupunta kay Marsha ang iba para magtanong, hindi na gaanong sumasama ang loob ko, at tumigil na ako sa pag-aalala na siya ang titingalain nila sa halip na ako. Inisip ko lang kung paano pinakamainam na makipagtulungan kay Marsha para magampanan ang mga tungkulin namin. Kapag napapansin ko si Marsha na may mga problema sa kanyang trabaho, nakikipag-usap ako sa kanya at tinutulungan siyang makabawi. Kapag mabagal ang pag-usad ng ilang proyekto, tinatalakay ko sa kanya kung paano mas magiging epektibo. Kung wala akong kabatiran o hindi ko alam kung paano lulutasin ang isang partikular na isyu, hinahanap ko rin siya para sa pagbabahaginan. Sa paglipas ng panahon, nagsimulang bumuti nang bumuti ang pagtatrabaho namin nang magkasama at pakiramdam ko’y matatag ako at malaya.

Naisip ko rin ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Bilang isang lider ng iglesia, hindi mo lamang kailangang pag-aralan na gamitin ang katotohanan upang lumutas ng mga problema, kailangan mo ring matutunang tumuklas at luminang ng mga taong may talento, na talagang hindi ninyo dapat kainggitan o pigilan. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia. Kung makakapaglinang ka ng ilang naghahangad ng katotohanan upang makipagtulungan sa iyo at gawin nang maayos ang lahat ng gawain, at sa huli, lahat kayo ay may patotoong batay sa karanasan, kuwalipikado kang lider o manggagawa. Kung nagagawa mong asikasuhin ang lahat nang ayon sa mga prinsipyo, ginagawa mo ang iyong debosyon. Ang ilang tao ay palaging natatakot na ang iba ay mas mahusay o mas mataas kaysa sa kanila, na ang iba ay kikilalanin habang sila ay hindi napapansin, at dahil dito ay inaatake at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong may talento? Hindi ba ito makasarili at nakasusuklam? Anong klaseng disposisyon ito? Ito ay pagiging malisyoso! Iyong mga iniisip lamang ang sarili nilang mga interes, binibigyang-kasiyahan lamang ang sarili nilang mga hangarin, nang hindi iniisip ang iba o isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ay may masamang disposisyon, at walang pagmamahal ang Diyos sa kanila. Kung talagang kaya mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, magagawa mong tratuhin nang patas ang ibang mga tao. Kung nagrerekomenda ka ng isang mabuting tao at hinahayaan mo siyang sumailalim sa pagsasanay at tumupad ng tungkulin, at sa gayon ay nagdaragdag ka ng taong may talento sa sambahayan ng Diyos, hindi ba’t padadaliin noon ang iyong gawain? Kung gayon, hindi ba’t magpapakita ka ng debosyon sa iyong tungkulin? Isa iyong mabuting gawa sa harap ng Diyos; ito ang pinakamababang antas ng konsiyensiya at katinuan na dapat taglayin ng mga naglilingkod bilang lider(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Mula sa mga salita ng Diyos, nalaman ko na ang paglinang ng mga talento ay responsibilidad ng isang lider at ito ang kinakailangan ng gawain ng iglesia. Tinulungan ako ng karanasang ito na maunawaan kung gaano talaga kamakabuluhan ang gawaing ito. Sa isang banda, kapaki-pakinabang ito sa pangkalahatang gawain ng iglesia, binibigyang-kakayahan nito ang mga tao na gamitin ang kanilang mga talento sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin, at lalo pang isinusulong ang gawain ng iglesia. Sa isa pang banda, binibigyan din nito ang mga kapatid ng higit pang pagsasagawa, na nakakatulong sa kanilang pagpasok sa buhay. Ang lahat ng ito ay mabubuting gawa at gugunitain ng Diyos. Kung gugunitain, naging malaking tulong sa akin si Marsha. Tinulungan niya akong maunawaan ang ilang prinsipyo at makagawa ng kaunting pag-usad at mas naging maayos ang gawain namin. Nakita ko kung gaano kahalaga na sundin ang mga hinihingi ng Diyos at matutong makipagtulungan sa iba para tuparin ang mga tungkulin. Sa ganitong paraan lamang natin magagawa ang gawain ng iglesia at magagampanan nang mabuti ang mga tungkulin natin.

Sa pamamagitan ng karanasang ito, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa aking satanikong disposisyon at mga huwad na pananaw, at nagawa kong bitawan ang aking pagnanasa para sa karangalan at katayuan at tuparin ang tungkulin ko. Ito ang pagliligtas ng Diyos sa akin. Salamat sa Diyos!

Sinundan: 93. Ang Matiwasay na Pagtutulungan ay Susi sa Isang Tungkulin

Sumunod: 95. Paano Harapin ang Matabasan at Maiwasto

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito