29. Kung Paano Ako Nakaalis sa Mental Hospital
Noong huling kalahating taon ng 2006, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pagtitipon at pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na nilikha ng Diyos ang mga tao, at na ang hininga ng ating buhay ay galing sa Kanya. Kalaunan, sinimulan kong gawin ang mga tungkulin ko sa loob ng iglesia sa abot ng aking makakaya, at naging mas makabuluhan ang buhay ko. Noong una, alam ng asawa ko na nananampalataya ako sa Diyos, pero hindi niya ako inusig at sinabi pang may kanya-kanyang paniniwala ang bawat isa. Kalaunan, nakita niya sa internet ang paninirang-puri at pag-aakusa ng CCP sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at nagsimula na siyang hadlangan ako sa pananalig ko.
Noong huling kalahating taon ng 2009, pagkauwi ko mula sa isang pagtitipon, nadatnan ko sa aking bahay ang lolo ko, ang tiyuhin ko, at ang tiyahin ko. Sa kanilang ekspresyon, alam ko nang dahil sa pananampalataya ko sa Diyos kaya nandoon sila. Inakusahan ako ng panganay kong tiyo, “Hindi mo ba alam na ipinagbabawal ng gobyerno ang manampalataya sa Diyos at puwede kang maaresto? Kung maaaresto ka, masesentensiyahang makulong, at mapapahirapan, katapusan mo na!” Sumabad din ang iba pang mga kamag-anak, sumasang-ayon sa kanya. Pagkatapos ay pinagbantaan ako ng tiyo ko, “Ayaw mo talagang makinig sa amin, ano? Sige! Kung hindi ka namin mapipigilan, bahala na sa iyo ang batas! Ipadadala ka namin sa istasyon ng pulis!” Nang marinig kong dadalhin nila ako sa istasyon ng pulis, nag-alala talaga ako. Naisip ko, “Paano kung talagang ipakulong nila ako? Ang bata-bata pa ng anak ko—sino ang mag-aalaga sa kanya? Kapag dumating ang mga pulis at nakita ito ng mga kapitbahay, ano ang iisipin nila tungkol sa akin? Siguro dapat sabihin ko na lang sa mga kamag-anak ko na hindi na ako mananampalataya para lang mapaalis na sila agad.” Kaya, sinabi kong hindi na ako mananampalataya. Pagkasabi ko niyon, hindi na nila ako pinilit pa. Noong sandaling iyon, nagsisi akong sinabi ko iyon. Pero nang maisip ko kung gaano kahirap ang landas ng pananalig, at ang pag-uusig at mga insultong hinaharap ko mula sa pamilya ko, nanghina ang loob ko. Kaya nagdasal ako sa Diyos, hinihiling na bigyan Niya ako ng lakas at pananalig para makapagpatuloy. Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na labis na umantig sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Wala ni isa mang tao sa inyo ang protektado ng batas—sa halip, kayo ay pinaparusahan ng batas. Ang mas malaking suliranin pa ay hindi kayo nauunawaan ng mga tao: Mga kamag-anak man ninyo, mga magulang, mga kaibigan, o mga kasamahan, walang isa man sa kanila ang nakauunawa sa inyo. Kapag kayo ay ‘inabandona’ ng Diyos, imposibleng patuloy kayong mamuhay sa mundong ito, ngunit magkagayon man, hindi pa rin kaya ng mga tao na mapalayo sa Diyos. Ito ang kabuluhan ng paglupig ng Diyos sa mga tao, at siyang kaluwalhatian ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Matapos mabasa ang mga salita ng Diyos, dumaloy ang mga luha ko. Pakiramdam ko, nasa tabi ko lang ang Diyos, inaalo ako. Hindi tiningnan ng Diyos ang kahinaan at kahangalan ko, at alam Niyang parurusahan tayo ng batas at magkakamali ng pagkaunawa ang mga pamilya natin sa atin dahil sa ating pananampalataya sa Kanya, at na pagdurusahan natin ang mga bagay na ito. Talagang nauunawaan tayo ng Diyos. Pagkabasa ko sa mga salita ng Diyos, nanumbalik ang pananalig ko, at nagpasya akong anuman ang mangyari, hinding-hindi ko na itatatwa o ipagkakanulo ang Diyos, at buong-puso akong susunod sa Diyos at gagawin ang aking tungkulin. Pero inuusig pa rin ako ng aking asawa.
Noong Marso 2013, isang gabi, bandang alas-nuwebe, umuwi ako pagkatapos mangaral ng ebanghelyo. Nang makita ako ng asawa ko, nagsabi siyang lalabas para bumili ng sigarilyo. Hindi inaasahan, nagsama siya ng apat na pulis pagbalik. Inusisa ako ng namumunong pulis kung saan ako nagpupunta nitong mga nakaraang araw, pero hindi ako sumagot. Inakusahan nila ako ng “pakikilahok sa isang kultong organisasyon at paggambala sa pagpapatupad ng batas,” at pinosasan ako. Pagkatapos ay dinala nila ako sa istasyon ng pulis. Sa interrogation room, sinimulan nila akong interogahin tungkol sa pananampalataya ko sa Diyos. Nang hindi nila makuha ang impormasyong gusto nilang makuha sa akin, sinubukan nilang bolahin ako, “Saan nag-aaral ang anak mo? Kumusta ang mga grado niya? Tutol ang gobyerno sa pananalig mo, kaya kung magpapatuloy ka sa pananalig mo na iyan, sisirain mo ang kinabukasan ng anak mo!” Nang marinig ko ang sinabi ng mga pulis, naisip ko, “Alam ni Satanas na ang anak ko ang pinakamalaki kong alalahanin, kaya ginagamit nito ang kinabukasan ng anak ko para pagbantaan ako. Gusto nitong itatwa at ipagkanulo ko ang Diyos. Hindi ako puwedeng mahulog sa patibong ni Satanas!” Sa loob ko ay binalaan ko ang sarili ko, “Hinding-hindi ako dapat mahulog sa patibong nila.” Nang makita ng mga pulis na hindi ako natitinag, dinala nila ang pinakamalapit kong tiyahin para subukang kumbinsihin ako. Nang makita kong kumakampi sa mga pulis ang tiyahin ko, napuno ako ng galit. Naisip ko, “Hindi ba’t magkasama na tayong nagbasa ng mga salita ng Diyos noon? Alam mo namang hindi tulad ng sinasabi ng mga pulis ang mga mananampalataya. Ngayong naaresto na ako, hindi ka na nga nagsasalita para sa tama, kumakampi ka pa sa kanila!” Galit ko siyang itinaboy bago pa siya matapos magsalita. Paglaon, ilang minuto na kinausap ng mga pulis sa labas ang asawa ko, at saka nila ako sapilitang isinakay sa kotse ng mga pulis.
Bandang alas-diyes ng gabi, dinala ako ng mga pulis sa isang mental hospital. Pagkababa ko pa lang ng kotse, hinawakan ako sa magkabilang braso ng dalawang pulis na nasa tatatlumpuin ang edad at pilit akong ipinasok sa opisina ng ospital, at ibinigay ako sa direktor. Wala silang anumang sinabi sa akin at hindi ako sinuri man lang, basta na lang nila tinalian ng lubid ang dalawang kamay ko at malakas akong itinulak papasok sa isang kuwartong may bakal na pintuan. Pakiramdam ko, ikinulong ako sa isang hawla, at nasa ilalim ako ng kapangyarihan nila. Hindi ko alam kung ano ang gagawin nila sa akin. Kinabahan ako at natakot, kaya tahimik akong nagdasal sa Diyos, hinihiling na gabayan Niya ako. Pagpasok ko pa lang sa kuwarto, sinalubong ako ng mabahong amoy, kaya naduduwal ako at nasusuka. Naisip ko, “Paano maninirahan ang sinuman sa ganitong lugar?” Dinala nila ako sa isang silid kung saan naroon ang mga babaeng pasyenteng may sakit sa pag-iisip, at pagkatapos ay dalawang tao ang marahas na nagtali sa akin sa kama, itinali ang pupulsuhan ko sa magkabilang bahagi ng uluhan ng kama, at ang mga paa ko ay magkasamang itinali sa kabilang dulo. Anim o pitong pasyente ang nakatayo sa paligid ng kama, nakatitig sa akin, ang ilan ay may magulong buhok at ang iba naman ay tulala. Naisip ko, “Hindi ba’t lugar ito para sa mga baliw? Ano ang gagawin ko rito?” Bago ako mas makapag-isip, dumampot ng isang heringgilya ang direktor at naghandang turukan ako. Nang makita ko ang pulang likido sa heringgilya, napuno ako ng takot, dahil wala akong ideya kung anong gamot ang ituturok nila sa akin. Mababaliw kaya ako kapag tinurukan ako? Sinabi ko, “Wala akong sakit; hindi ako baliw. Bakit ninyo ako iineksiyunan?” Sinubukan kong pumiglas, pero hindi ako makagalaw dahil nakatali ako. Sapilitan akong tinurukan ng direktor sa puwit at sumigaw, “Tumahimik ka! Kung hindi ka baliw, ano ka?” Naisip ko kung paanong ang isang pamamaraang ginagamit ng CCP para ipahamak ang hinirang na mga tao ng Diyos ay ang turukan sila ng gamot para magdulot ng mental breakdown upang hindi na sila makapanampalataya sa Diyos. Talagang kinabahan at natakot ako. Mababaliw kaya ako sa ineksyon na ito? Kung mababaliw ako, hindi na ako makakapanampalataya sa Diyos. Sa kawalan ko ng magawa, kusa na lang tumulo ang aking mga luha. Tahimik akong nagdasal sa Diyos sa puso ko, “O Diyos, hindi ko alam kung anong ineksyon ang ibinibigay nila sa akin, at takot akong mabaliw. Pakiusap, protektahan Mo ako.” Pagkatapos magdasal, napagtanto kong nasa mga kamay ng Diyos kung mababaliw man ako o hindi, at medyo kumalma ang puso ko. Bandang ala-una ng madaling-araw, saka lang kinalagan ng isang nars ang mga tali ko, at dahan-dahan akong nahulog sa mababaw na pagtulog.
Nagising ako bandang alas-singko ng umaga kinabukasan, at nakita ko ang ilang pasyente na nakapalibot sa kama ko. Isa sa kanila ang umabot sa akin, sinusubukang pisilin ang tainga ko. Napuno ako ng matinding takot sa nakita kong ito, kaya agad akong nagtalukbong ng kumot at namaluktot nang husto. Namanhid ang anit ko sa takot, at naisip ko, “Dati, iniiwasan ko sa daan ang mga tao na may sakit sa pag-iisip, pero ngayon nakatira ako rito kasama nila. Paano ko ito malalampasan? Hindi ko alam kung gaano ako katagal mananatili sa mala-impiyernong lugar na ito.” Kaya nagdasal ako sa Diyos. Naisip ko si Daniel, na inihagis sa yungib ng mga leon. Nagdasal siya sa Diyos, at sumakanya ang Diyos. Hindi nangahas ang mga leon na saktan siya. Sa huli, lumabas si Daniel mula sa yungib ng mga leon na walang anumang galos. Nagdasal siya sa Diyos at nakita niya ang mga gawa ng Diyos. Kinailangan ko ring magdasal at umasa sa Diyos para pagdaanan ang karanasang ito. Sa ganoong kaisipan, hindi na ako gaanong natakot. Pagkatapos mag-almusal, narinig kong tinawag kami ng lalaking nars para uminom ng gamot at nagsimula na namang bumilis ang tibok ng puso ko, “Wala naman akong sakit—mababaliw ba ako o hihina ang isip ko dahil sa gamot nila? Mauuwi ba ako sa lubusang pagpapahiya ng sarili ko na tulad ng mga baliw na iyon sa kalye?” Nakita ko silang sapilitang pinaiinom ng gamot ang isang batang babae na mga nasa labindalawa o labintatlong taong gulang, at takot na takot ako. Mabilis akong nagtago sa huling kuwarto, pero dumating pa rin ang lalaking nars at sinabihan akong uminom ng gamot. Marahas niyang sinabi sa akin, “Ngayong nandito ka na, itatrato kang pasyente, may sakit ka man o wala!” Tumanggi pa rin akong lumapit at uminom ng gamot. Maya-maya, may dumating na may dalang lubid, handang talian ako, at pinagbantaan ako, “Ano, hindi ka ba talaga iinom ng gamot? Kung hindi, itatali ka namin at sapilitan naming ipapainom sa iyo! Kaya ano? Kusa mo bang iinumin o hindi?” Walang magawa at walang kalaban-laban, nagdasal ako sa Diyos. Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Bumalik ka ngayon sa presensiya ng Makapangyarihang Diyos nang madalas. Hingin mo sa Kanya ang lahat. Tiyak na bibigyan ka Niya ng mga paghahayag sa loob mo at, sa mahahalagang sandali, pangangalagaan ka Niya. Huwag kang matakot! Pagmamay-ari na Niya ang iyong buong pagkatao. Sa Kanyang proteksyon at Kanyang pangangalaga, ano ang dapat mong katakutan? … Maaaring magbago ang langit sa isang iglap. Ano ang dapat mong ikatakot? Sa bahagyang kumpas lang ng Kanyang kamay, kaagad mawawasak ang langit at lupa. Kaya’t anong mapapala ng tao sa pag-aalala? Hindi ba’t nasa kamay ng Diyos ang lahat?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 42). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng pananalig at lakas. Hindi ba’t nasa mga kamay ng Diyos ang lahat? Ang buhay ko ay nasa mga kamay rin ng Diyos, at kung mababaliw man ako pagkatapos inumin ang gamot na ito ay nasa Diyos din, at kung walang pahintulot ng Diyos, hindi ako magkakasakit sa pag-iisip. Nang maisip ko ito, kumalma ang puso ko. Inabutan ako ng lalaking nars ng anim o pitong tableta, at atubili ko itong ininom. Nang maglaon, pinapila kami ng lalaking nars para uminom na naman ng gamot, at gusto kong itapon ang mga tableta noong hindi sila nakatingin. Gayumpaman, napakahigpit ng pagbabantay nila. May isang nag-aabot ng gamot, at may isa pang nagbabantay sa pag-inom namin. May isang pasyente na hindi uminom ng gamot ayon sa utos nila, at pinaghahampas nila ito sa ulo gamit ang isang malaking bungkos ng mga susi, saka nila ito marahas na sinuntok at sinipa. Alam kong kung hindi ako susunod sa sinabi nila, sapilitan akong paiinumin o kaya ay bubugbugin. Wala akong magawa, at wala akong ibang pagpipilian kundi inumin ang gamot. Naisip ko kung paanong nananampalataya at sumusunod lang naman ako sa Diyos, pero puwersahang ipinadala ako ng mga pulis sa isang mental hospital, kung saan, kahit hindi ako baliw, tinrato nila akong parang baliw, pinahihirapan ako sa mga ineksiyon at gamot. Talagang napakalupit ng mga taong ito! Doon ay kinailangan kong uminom ng gamot dalawang beses sa isang araw. Napakasama ng pakiramdam ko, at wala akong ideya kung ano ang mangyayari sa akin pagkatapos uminom ng napakaraming gamot. Kapag nararamdaman ko ang lungkot at kawalan ng magawa, naaalala ko ang ilang himno na natutunan ko noon at hindi ko namamalayang hinihimig ko na pala ang mga ito: “Bagama’t ang landas ng pagmamahal sa Diyos ay puno ng mga balakid, magkakamit ako ng pananalig sa pamamagitan ng pagkilos batay sa Kanyang mga salita. Gaano man katindi ang mga kapighatian, magiging tapat ako hanggang kamatayan, at mamahalin ko ang Diyos at papatotohanan ko Siya magpakailanman!” (Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin, Kasama Natin ang Diyos Hanggang sa Araw na Ito). “May dakilang awtoridad ang mga salita ng Diyos, inaakay tayo sa pagdaig sa kapighatian. Ginagabayan at pinoprotektahan tayo ng mga ito sa bawat sandali, lalong ipinararamdam sa atin ang pagiging natatangi at kaibig-ibig ng Diyos. Nagagawang perpekto ang ating pananalig sa kapighatian; nakikita natin ang karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Anuman ang mga pagsubok na sumapit sa atin, hindi kailanman magbabago ang ating mapagmahal-sa Diyos na puso” (Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin, Nalupig ng mga Salita ng Diyos ang Ating Puso). Habang lalo akong kumakanta, lalong lumalakas ang loob ko, at lumalakas ang aking pananalig. Bagama’t nasa mental hospital ako, sa ilalim ng kanilang kontrol, at walang kalayaan, at pinipilit nila akong uminom ng gamot araw-araw at pinahihirapan ako sa mga gamot, ramdam ko pa ring hindi ako inaabandona ng Diyos. Anuman ang susunod na mangyari, aasa ako sa Diyos para danasin ito, at hinding-hindi ko iiwan o ipagkakanulo ang Diyos.
Makalipas ang isang buwan, nagsimula akong magdusa sa matinding insomnia. Hindi ako makatulog araw man o gabi, iritable ako at hindi mapakali, at parang lalabas ang puso ko mula sa dibdib ko. Sa araw, uupo ako nang ilang minuto at pagkatapos ay mararamdaman ko ang kagustuhang tumayo at maglakad, pero pagkatapos maglakad-lakad nang ilang minuto, gusto ko na namang umupo. Ganoon din sa gabi; pagkatapos ng ilang minutong pagtulog, gusto ko na namang bumangon, at habang tulog ang lahat, mag-isa akong naglalakad-lakad sa pasilyo. Halos hindi ako makahinga, malabo ang isipan ko, at pakiramdam ko ay malapit na akong masiraan ng bait. Nang makita ko ang mga baliw na pasyente na hindi natutulog sa araw o gabi at palaging sumisigaw kapag sinusumpong sila, naisip ko, “Hindi kaya hindi ako makatulog dahil nababaliw na ako? Kung nababaliw na nga ako, hindi na ako makakapanampalataya pa sa Diyos, at kung ganoon, ano pa ang silbi ng mabuhay? Siguro dapat ay mamatay na lang ako; kung patay na ako, hindi ko na kailangang danasin ang pagpapahirap na ito.” Sa pasakit, lumapit ako sa Diyos at ibinuhos ko ang puso ko sa Kanya, “O Diyos, pakiramdam ko ay masisiraan na ako ng bait, at sobrang sakit ng puso ko. Pakiusap, protektahan Mo ang puso ko, dahil hindi ko kayang iwan Ka.” Pagkatapos kong magdasal, naalala ko ang ilang salita ng Diyos: “Kung hindi mo kayang magpatotoo sa harap ni Satanas, tatawanan ka ni Satanas, ituturing ka nito bilang isang katatawanan, bilang isang laruan, at madalas ka nitong gagawing hangal at guguluhin ang isip mo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananalig sa Diyos). Kung mawawalan ako ng pananalig sa Diyos at pipiliin kong mamatay dahil hindi ko na makayanan ang ganitong pagpapahirap sa isip, magtatagumpay ang pakana ni Satanas. Gustong-gusto ni Satanas na maging negatibo ako, manghina, at lumayo sa Diyos. Sadyang hindi ako puwedeng mahulog sa mga panlilinlang o pagpapakana ni Satanas. Mabaliw man ako o hindi, hindi ako puwedeng magpakamatay. Kailangan kong mabuhay nang maayos at maniwala na nasa mga kamay ng Diyos ang lahat. Unti-unti, nakatutulog na ako at hindi na gaanong balisa.
Sa paglipas ng mga araw, walang nagsabi sa akin kung gaano ako katagal mananatili rito. Araw-araw akong namumuhay kasama ng mga baliw na ito, at pakiramdam ko ay usad-kuhol ang takbo ng bawat araw. Pagsikat ng araw, gusto ko nang dumating ang gabi, at pagdating ng gabi, gusto ko nang mag-umaga. Sa kalaliman ng gabi, naiisip ko ang mga panahon na nakikipagtipon ako at ginagawa ang mga tungkulin ko kasama ng mga kapatid. Minsan, napapanaginipan ko pa na kasama ko ang mga kapatid, pero paggising ko, makikita kong nakakulong pa rin ako sa mental hospital, at nanaisin kong sana ay hindi na lang ako nagising mula sa mga panaginip na iyon. Isang araw, naglalakad sa bakuran ang direktor, at tinanong ko siya, “Kailan ako makakaalis?” Pabalang na sumagot ang direktor, “Sino ba ang nagsabi sa iyong manampalataya sa Diyos! Nananampalataya ka sa Diyos, at tutol diyan ang gobyerno. Baliw ka na!” Hindi ko siya direktang sinagot. Gusto ko lang malaman kung gaano ako katagal ikukulong, kaya nagtanong uli ako. Nagpupuyos sa galit na dinuro ako ng direktor at pinagbantaan, “Kapag itinanong mo uli iyan, ikukulong kita ng dalawang taon!” Nang marinig kong sinabi niyang nabaliw na ako at ikukulong niya ako ng dalawang taon, lalong sumama ang loob ko. Ayoko nang manatili roon kahit isang araw pa, paano ko pa matitiis ang dalawang taon? Kung magpapatuloy ang ganito, kahit hindi ako mabaliw, pahihirapan nila ako hanggang masira ang ulo ko, at hindi na ako makakapanampalataya sa Diyos. Hindi ba’t katapusan ko na iyon? Nawalan ako ng pag-asa, kaya sa puso ko, tumawag ako sa Diyos, sinasabi sa Kanya ang aking kalagayan at mga paghihirap. Kalaunan, naisip ko si propeta Jeremias na naghahatid ng kalooban ng Diyos. Hindi ba’t sinabi rin ng hari na nabaliw siya? Hindi ba’t sinabi rin ng mga tao na nabaliw si Noe noong ginawa niya ang arka? At sa marami pang ibang tapat na mananampalataya at sumasamba sa Diyos, hindi ba’t sinabi ng mga diyablo na nabaliw ang mga ito sa pananampalataya sa Diyos? Tanging mga diyablo lang ang magbibitiw ng ganyang maladiyablong mga salita! Naisip ko rin si Noe, na matapos marinig ang salita ng Diyos ay gumugol ng mahigit 100 taon sa paggawa ng arka, tiniis ang paninira at pangungutya ng mundo. Pero hindi kailanman nagreklamo si Noe, ni hindi siya naimpluwensiyahan ng mga tao sa mundo, at tinapos niya ang paggawa ng arka ayon sa utos ng Diyos at ginanap ang atas ng Diyos. Pero nang marinig kong sinabi ng direktor na nabaliw ako at ikukulong niya ako ng dalawang taon, naging negatibo at nabalisa ako. Hindi ba’t sobrang hina ko at nahulog ako sa patibong ni Satanas? Nang maisip ko ang mga bagay na ito, hindi na gaanong sumama ang loob ko. Gaano man nila ako katagal ikulong o anuman ang mangyari sa akin, magpapasakop ako nang hindi nagrereklamo.
Makalipas ang tatlong buwan, nagpunta ang asawa ko sa akin at sinabing, “Sabi ng mga pulis, basta pumirma ka ng isang kasulatan na nagsasabing hindi ka na mananampalataya sa Diyos, puwede ka nang umalis anumang oras.” Gusto ko talagang lisanin ang mala-impiyernong lugar na ito, pero natakot akong pupuwersahin nila akong pumirma sa isang kasulatan ng pagtalikod sa Diyos. Kung pipirma ako at ipagkakanulo ko ang Diyos, magkakaroon ako ng permanenteng mantsa at itataboy ako ng Diyos. Anuman ang mangyari, hindi ko puwedeng pirmahan ang kasulatan na ito, kaya nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, ayaw kong ipagkanulo Ka. Pero mahina ako at walang kalaban-laban, at nag-aalala talaga ako na patuloy nila akong ikukulong dito. O Diyos, nananampalataya akong nasa mga kamay Mo ang lahat ng bagay, at kung makalalabas man ako o hindi ay nasa mga kamay Mo rin. Handa akong bumaling at umasa sa Iyo, at dalangin kong akayin Mo ako at buksan ang isang daan palabas para sa akin.” Noong panahong iyon, araw-araw ko itong ipinagdarasal. Makalipas ang ilang araw, habang kumakain ako, biglang sinabi sa akin ng direktor, “Iligpit mo na ang mga gamit mo at umuwi ka na.” Hindi niya ako hiningan ng pirma sa kasulatan. Napakasaya ko, dahil alam kong dininig ng Diyos ang panalangin ko. Alam ng Diyos na napakababa ng tayog ko at naawa Siya sa akin, at nagbukas Siya ng daan palabas para sa akin. Walang humpay akong nagpasalamat sa Diyos sa puso ko!
Pagkalabas ko sa mental hospital, dahil takot ang asawa ko na manampalataya uli ako sa Diyos, ipinadala niya ako sa bahay ng mga magulang ko, at pinabantayan niya ako sa nanay at kapatid kong lalaki. Nang makita niyang hindi nila ako mapigilan, pinilit ako ng asawa kong sumama sa kanya para magtrabaho sa ibang bayan, at dahil tumanggi akong sumama, nagalit siya, at sinabing, “Ayaw mong sumama sa akin dahil gusto mong hanapin ang ibang mga mananampalataya, tama ba? Isa sa mga araw na ito ay ibabalik kita sa mental hospital at gagawin kitang isang tunay na baliw!” Nang marinig ko ang sinabing ito ng asawa ko, lubos akong nawalan ng pag-asa at naging miserable. Hindi ko inaasahan na ganoon siya kawalang-puso para sabihin ang ganoong mga bagay. Hindi ko maiwasang isipin ang mga salita ng Diyos: “Sa panahong ito, iyong mga naghahangad at iyong mga hindi naghahangad ay dalawang uri ng mga tao, na may magkakaibang hantungan. Iyong mga naghahangad ng pag-alam sa katotohanan at pagsasagawa ng katotohanan ang mga ililigtas ng Diyos. Iyong mga hindi nababatid ang tunay na daan ay mga demonyo at kaaway; mga inapo sila ng arkanghel at magiging mga pakay ng pagwasak. Kahit iyong mga maka-Diyos na mananampalataya ng isang malabong Diyos—hindi ba’t mga demonyo rin sila? Ang mga taong nagtataglay ng mabubuting konsensiya ngunit hindi tinatanggap ang tunay na daan ay mga demonyo; paglaban sa Diyos ang kanilang diwa. Iyong mga hindi tinatanggap ang tunay na daan ay iyong mga lumalaban sa Diyos, at kahit nagtitiis ng labis na pagdurusa ang gayong mga tao, lilipulin pa rin sila. Iyong lahat ng atubiling tumalikod sa mundo, na hindi matiis na mawalay sa kanilang mga magulang, at hindi makatiis na alisin sa kanilang mga sarili ang mga pagtatamasa sa laman ay mapaghimagsik sa Diyos, at magiging mga pakay ng pagkawasak. Sinumang hindi nananampalataya sa Diyos na nagkatawang-tao ay isang demonyo at, higit pa rito, sila ay wawasakin” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Naniwala ang asawa ko sa mga walang batayang tsismis ng CCP at inudyukan ang mga kamag-anak na pagtulungan akong atakihin at usigin. Nakipagsabwatan pa siya sa mga pulis para ipadala ako sa mental hospital, tinatrato akong parang baliw. Wala siyang pakialam kung mabuhay man ako o mamatay. Ngayon pinipilit niya akong sumama sa kanya para magtrabaho, sinusubukang ilayo ako sa Diyos at ipagkanulo Siya, kung hindi, ibabalik niya ako sa mental hospital at gagawin akong isang tunay na baliw. Walang pakialam ang asawa ko sa lahat ng taon ng aming pagsasama bilang mag-asawa at nag-isip siya ng kahit anong paraan para pigilan ako sa pananampalataya sa Diyos. Ang diwa niya ay pagkamuhi sa Diyos. Isa siyang diyablo at kaaway ng Diyos. Labing-apat na taon na kaming kasal ng asawa ko, at bago ko natagpuan ang Diyos, halos magkandakuba ako sa pagtatrabaho para sa pamilya, hindi lang inaalagaan ang mga anak kundi kumikita rin ng pera para suportahan ang pamilya. Nakita ng asawa ko na may silbi ako sa kanya, kaya inalagaan niya ako nang mabuti, pero ngayon na natagpuan ko na ang Diyos, natakot siyang maaresto ako at hindi na magawang kumita ng pera at masuportahan ang pamilya, na kinasasangkutan ng kanyang mga interes. Kaya paulit-ulit siyang gumamit ng mga mapaminsalang pamamaraan para subukang usigin ako, na nagdulot ng malaking pinsala sa aking katawan at isipan. Naging malinaw sa akin na hindi niya ako tunay na minahal, at ginagamit niya lang ako. Naniwala ang asawa ko sa maladiyablong mga salita ng CCP at sumusunod sa CCP, samantalang nananampalataya ako sa Diyos at gustong hangarin ang katotohanan at gawin ang tungkulin ko. Magkaibang-magkaiba ang aming mga landas. Magkaibang-magkaiba kaming tao, at kahit magkasama kami sa bahay, hindi kami magkaintindihan. Gusto ko siyang hiwalayan, pero naisip ko rin, “Ang bata-bata pa ng anak ko—ano ang mangyayari sa kanya kung maghihiwalay kami at aalis ako? Hindi ibibigay sa akin ng asawa ko ang bahay, kaya paano na lang ako mabubuhay sa hinaharap? Kung hindi kami maghihiwalay, pipigilan niya lang akong manampalataya sa Diyos, kaya dapat bang sumama na lang ako sa kanya para magtrabaho?” Noong panahong iyon, ipinagdarasal ko sa Diyos ang paghihirap na ito, “O Diyos, sa harap ng pang-uusig ng aking asawa, hindi ko alam kung anong landas ang tatahakin ko. Pakiusap, gabayan Mo ako at bigyan ng determinasyon na magtiis ng pagdurusa.”
Isang araw, narinig ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos:
Ialay ang Buong Pagkatao Mo sa Gawain ng Diyos
1 Ngayon na ang panahon kung kailan ang Aking Espiritu ay gumagawa ng dakilang gawain, at ang panahon kung kailan sinisimulan Ko ang Aking gawain sa mga bayan ng Hentil. Higit pa riyan, ito ang panahon kung kailan ikinaklasipika Ko ang lahat ng nilikha, inilalagay ang bawat isa sa kanya-kanyang kaukulang kategorya, upang ang Aking gawain ay maaaring magpatuloy nang mas mabilis at mas madaling makamit ang mga resulta. Kung kaya, ang Aking hinihingi pa rin sa iyo ay ang ialay mo ang iyong buong pagkatao sa lahat ng Aking gawain, at, higit pa rito, ang malinaw mong makilatis at makita nang may katumpakan ang lahat ng gawaing Aking ginagawa sa iyo, at gugulin ang lahat ng iyong lakas upang ang Aking gawain ay makapagkamit ng mas magagandang resulta. Ito ang dapat mong maunawaan.
2 Tigilan ang pakikipagkompetensiya sa isa’t isa, ang paghahanap ng alternatibong plano, o ang paghahanap ng kaginhawahan para sa iyong laman, para maiwasan na maantala ang Aking gawain at na mahadlangan ang iyong magandang kinabukasan. Ang paggawa ng gayon, sa halip na protektahan ka, ay maaari lamang magdulot sa iyo ng pagkawasak. Hindi ba’t kahangalan ito para sa iyo? Iyang pinagpapakasasahan mo ngayon ay ang mismong bagay na sumisira sa iyong kinabukasan, samantalang ang pasakit na iyong tinitiis ngayon ay ang mismong bagay na nagpoprotekta sa iyo. Dapat mong malinaw na malaman ang mga bagay na ito, upang maiwasang mabitag sa mga tukso kung saan mahihirapan kang makawala, at upang maiwasang mapunta sa makapal na hamog at hindi na muling makita ang araw kailanman. Kapag nahawi ang makapal na hamog, masusumpungan mo ang iyong sarili sa kalagitnaan ng paghatol ng dakilang araw.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao
Nagbigay-inspirasyon sa akin ang mga salita ng Diyos at binigyan ako ng lakas ng loob at landas ng pagsasagawa. Hindi ako puwedeng sumama sa asawa ko para magtrabaho sa ibang lugar dahil lang nag-aalala ako sa anak ko at nababahala tungkol sa aking laman, dahil kung gagawin ko iyon, hindi ako makakadalo sa mga pagtitipon o makakagawa ng aking tungkulin, at mapapalayo ako sa Diyos at mawawala ang pagkakataong maligtas. Kapag ginawa ko iyon, magsisisi ako kalaunan. Ang kapalaran ng lahat ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, gayundin ang kapalaran ng anak ko. Ang buhay na kanyang tatahakin at ang pagdurusang kanyang haharapin ay pauna nang inorden ng Diyos, at hindi na kailangan ang mga pag-aalala at pangangamba ko. Kahit nasa tabi niya ako, hindi ko siya matutulungan kapag nagdurusa siya. Naisip ko rin kung paanong ang aking buhay sa hinaharap ay nasa mga kamay ng Diyos; kinailangan kong sumandig sa Diyos upang maranasan ito at magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos.
Pagsapit ng Pebrero 2014, nagsimula akong muling gumawa ng aking tungkulin sa iglesia. Isang araw, niyaya ako ng asawa kong maglakbay kasama niya, pero tumanggi ako, at sinabi niya, “Kung hindi ka sasama, hindi na ito ang magiging tahanan mo, at hindi na rin ikaw ang babae sa kotse.” Ang ibig niyang sabihin ay gusto niya akong hiwalayan. Nasaktan ang puso ko at galit na galit ako, at alam kong oras na para pumili ako. Pero kapag naiisip kong ibibigay ko na lang sa kanya ang lahat sa bahay namin, medyo nag-atubili ako, kaya nagdasal ako sa Diyos, hinihiling na gabayan Niya ako. Sakto namang inilabas ang pinakabagong mga salita ng Diyos. Nabasa ko ang mga salitang iyon ng Diyos at nagkamit ako ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung gusto mong manampalataya sa Diyos, at gusto mong makamit ang Diyos at makamit ang Kanyang kasiyahan, kung gayon ay dapat kang magtiis ng kaunting paghihirap at magsikap nang kaunti, kung hindi ay hindi mo makakamit ang mga bagay na ito. Bagama’t nakinig na kayo sa maraming sermon, ang pakikinig lamang ay hindi nangangahulugang ang mga iyon ay sa iyo na; dapat mong namnamin ang mga iyon at gawing isang bagay na pag-aari mo. Dapat mong iangkop ang mga iyon sa iyong buhay at dalhin ang mga ito sa iyong pag-iral, hinahayaang gabayan ng mga salita at sermong ito ang direksiyon ng iyong pamumuhay, upang punuin ang iyong buhay ng halaga ng pag-iral at ng kabuluhan ng pagiging buhay. Sa ganitong paraan, magiging sulit para sa iyo na makinig sa mga salitang ito. Kung ang mga salitang Aking sinasabi ay hindi nagdudulot ng kritikal na punto ng pagbabago sa iyong pang-araw-araw na buhay o hindi nagdaragdag ng halaga ng pag-iral sa iyong buhay, kung gayon ay walang saysay ang pakikinig mo sa mga iyon. Nauunawaan ninyo ito, hindi ba? Ngayong naunawaan na ito, ang natitira ay nakasalalay na sa inyo. Kailangan ninyong magsikap! Kailangan ninyong seryosohin ang lahat ng bagay! Huwag kayong maging magulo ang isip; tumatakbo ang oras! Karamihan sa inyo ay nananampalataya na sa Diyos nang mahigit isang dekada. Magbalik-tanaw kayo sa panahong ito: Gaano karami na ang natamo ninyo? Ilang dekada pa ang natitira para sa inyo sa buhay na ito? Wala na kayong masyadong oras. Huwag na nating banggitin kung naghihintay ba sa iyo ang gawain ng Diyos, kung nag-iwan ba Siya sa iyo ng tsansa, o kung gagawin ba Niyang muli ang parehong gawain—isantabi muna natin ang mga bagay na ito. Maibabalik mo ba ang nakalipas na sampung taon ng buhay mo? Sa bawat araw na lumilipas, at sa bawat hakbang na ginagawa mo, nababawasan ka ng isang araw. Hindi naghihintay ang panahon sa sinuman! Dapat mong ituring ang pananampalataya sa Diyos bilang isang pangunahing usapin sa iyong buhay, mas mahalaga kaysa sa pagkain, pananamit, o anupaman—sa ganitong paraan, aani ka ng mga resulta. Kung nananampalataya ka lamang sa iyong libreng oras, at hindi mo inilalaan ang iyong sarili sa pananampalataya, at palaging magulo ang isip mo, kung gayon ay wala kang matatamo” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi X). Mula sa mga salita ng Diyos, naramdaman ko ang Kanyang apurahang layunin. Umaasa ang Diyos na kaya nating bitiwan ang mga kasiyahan ng laman, ibigay ang ating mga puso sa Kanya, at tuparin ang ating mga tungkulin bilang mga nilikha. Doon lang magkakaroon ng kabuluhan ang buhay. Sa pagbabalik-tanaw, bagama’t maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos, hindi ako nakadadalo sa mga pagtitipon o nakagagawa ng mga tungkulin nang normal dahil sa pag-uusig ng asawa ko, at kahit kumakain at umiinom ako ng mga salita ng Diyos, iniraraos ko lang ang gawain ko, at hindi ako masigasig sa aking pananalig. Hindi ko kailanman itinuring ang pananampalataya sa Diyos bilang ang pinakamahalagang bagay sa buhay, at pinalampas ko ang maraming pagkakataon na magkamit ng katotohanan. Ngayong bata pa ako, kailangan kong pahalagahan ang napakahalagang oras na ito para hangarin at kamtin ang katotohanan. Kung patuloy kong hahangarin na bigyang-kasiyahan ang laman at mananampalataya sa Diyos sa paraang naguguluhan gaya ng dati, sa huli ay wala akong mapapala. Hindi na ako puwedeng magpatuloy na namamangka sa dalawang ilog, na sinusubukang panatilihin ang pamilya at ang laman habang gusto ring magkamit ng katotohanan at kaligtasan. Kailangan kong ituring ang pananampalataya sa Diyos bilang pinakamahalagang bagay na hahangarin, dahil tanging sa pagkakamit ng katotohanan nagkakaroon ng kabuluhan ang buhay. Isang araw, pag-uwi ko galing sa pagtitipon, tinanong ako ng asawa ko, “Magpapatuloy ka pa ba sa pananampalataya sa Diyos? Kung ganoon, lumayas ka sa bahay na ito at huwag ka nang babalik kailanman! At huwag mo nang isipin na makukuha mo ang anak natin o ang bahay!” Nang marinig kong sinabi ng asawa ko na hindi niya ibibigay sa akin ang anak ko o ang bahay namin, para bang pinuputol ang laman ko; masyado itong masakit. Tahimik akong nagdasal sa Diyos, hinihiling na gabayan Niya ako para hindi ako mahulog sa mga panlilinlang ni Satanas. Matapos magdasal, unti-unting kumalma ang puso ko, at mahinahon kong sinabi sa asawa ko, “Kung ganyan ang nararamdaman mo, dapat tayong maghiwalay at magkanya-kanya na ng landas.” Kinabukasan, pumunta kami sa civil affairs bureau para ayusin ang mga papeles ng diborsyo, at paglabas ko ng pinto ng civil affairs bureau, talagang nakaramdam ako ng paglaya. Sa wakas, malaya na akong manampalataya sa Diyos at gawin ang mga tungkulin ko.
Sa pagbabalik-tanaw sa karanasang ito noong ako ay nasa pasakit at kahinaan, ang Diyos ang nagbigay sa akin ng pananalig at ang Kanyang mga salita ang gumabay sa akin sa mga araw na iyon ng matinding paghihirap. Naramdaman kong palaging nasa tabi ko ang Diyos at hindi Niya ako iniwan kailanman, at nadagdagan din ang aking pananalig sa Diyos. Bagama’t nagdulot sa akin ng matinding pagdurusa ang pang-uusig mula sa aking asawa at ang pagpapahirap mula sa masasamang diyablo ng CCP, matapos itong danasin, malinaw kong nakita ang malademonyong diwa ng aking asawa at ng CCP. Hindi na ako tulad ng dati na lito, mahina, at hindi mapag-iba ang tama sa mali; lalong naging mas matibay ang aking determinasyon na sumunod sa Diyos, at naramdaman kong makabuluhan ang pagtitiis ng gayong pagdurusa. Ang mga ito ay mga bagay na hindi ko makukuha sa isang komportableng kapaligiran. Salamat sa Diyos!