30. Matapos Gumuho ang mga Inaasahan Ko Para sa Aking Anak
Ipinanganak ako sa isang pamilya ng mga intelektuwal. Itinuro palagi sa akin ng mga magulang ko na “Maliliit ang ibang paghahangad, ang mga libro ang nakahihigit sa lahat ng ito,” “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” at “Mamukod-tangi at magbigay karangalan sa iyong mga ninuno.” Isinapuso ko ang mga kaisipan at ideyang ito, at palagi akong nagsikap na abutin ang mga iyon. Gusto kong baguhin ang aking tadhana sa pamamagitan ng pagkakamit ng kaalaman, at naniwala akong kung makakapasok ako sa kolehiyo, magkakaroon ako ng isang kagalang-galang na trabaho. Makakaupo ako sa opisina nang hindi gumagawa ng mabigat na pisikal na trabaho, at magiging mataas ang tingin sa akin ng mga tao. Pero, hindi nangyari ang mga bagay ayon sa gusto ko, at hindi ako nakapasok sa kolehiyo. Kalaunan, naging trabahador ako sa isang pabrika ng mga produktong semento. Pagkatapos kong mag-asawa, hinamak ako ng biyenan kong babae dahil isa akong ordinaryong trabahador, at madalas niyang pinahihirapan ang buhay ko. Sinasabi niyang isa lang akong walang kuwentang trabahador. Hindi ako nangangahas na sumagot kapag sinasabi ng biyenan ko ang mga mapanuya at mapanlait na bagay na ito, at labis akong nalulungkot. Nagpasya akong mag-aral ng mga akademikong asignatura habang nagpapalaki ng anak, para pagkatapos kong makapasok sa kolehiyo ay puwede akong maging opisyal at hindi na ako mamaliitin ng biyenan ko.
Noong 1986, sa wakas ay nag-exam ako para makapasok ng kolehiyo at nakakuha ako ng associate degree gaya ng inaasahan ko. Pagkatapos ng graduation, bumalik ako sa pabrika at inangat ako sa posisyon ng kadre doon. Kalaunan, na-promote ako bilang direktor ng feed sub-plant. Labis akong hinangaan ng mga kaklase at kasamahan ko sa trabaho, sinasabing isa akong ubod ng galing na babae, at pinuri ako ng lahat ng kamag-anak at kaibigan ko. Lahat ng nakakakilala sa akin ay malugod na bumabati sa akin kapag nakakasalubong nila ako. Nagbago rin ang saloobin ng biyenan ko, at palagi na siyang nakangiti kapag kinakausap ako. Ipinagyayabang pa niya sa mga kapitbahay ang mga abilidad ko. Sa wakas ay taas-noo na ako. Hindi ko maiwasang mapabuntong-hininga, “Napakalaki pala talaga ng pagkakaiba ng may katayuan at walang katayuan!” Habang nagpapakasasa ako sa papuri ng ibang tao, naisip kong mayroon pa rin akong isang responsabilidad: kailangan kong linangin nang maayos ang anak kong lalaki, para, tulad ko, magkamit siya ng mas maraming kaalaman at makapasok sa kolehiyo. Pagkatapos, sa hinaharap, hihigitan niya ako, magkakaroon siya ng propesyon sa pamahalaan, magkakamit siya ng kapangyarihan at katayuan, mamumukod-tangi siya sa karamihan, at magbibigay siya ng karangalan sa aming mga ninuno. Kapag nangyari iyon, bilang ina niya, makikibahagi rin ako sa kanyang karangalan. Kaya noong nasa middle school na ang anak ko, ginamit ko ang mga koneksyon ko para maipasok siya sa pinakamagandang lokal na eskuwelahan, madalas ko siyang sinasabihang mag-aral nang mabuti, at itinuro ko sa kanya na sa pagpasok lang sa kolehiyo siya makakakuha ng magandang trabaho at magkakaroon ng magandang kinabukasan. Hindi naman ako binigo ng anak ko, at ang kanyang performance sa pag-aaral ay laging kasama sa top six sa klase niya. Sinabi sa akin ng guro niya sa klase, “Kailangan ninyong linangin nang maayos ang anak ninyo. Napakatalino niya, at may potensyal siyang makapasok sa Tsinghua o Peking University.” Pagkarinig sa sinabi ng guro, tuwang-tuwa ako, at naisip ko, “Matalino ang anak ko, hindi magiging problema para sa kanya na makapasok sa isang nangungunang unibersidad. Magiging madali lang para sa kanya na makahanap ng magandang trabaho sa hinaharap.” Mayroon akong matagumpay na karera at napakahusay ng anak ko sa pag-aaral. Napuno ako nito ng pag-asa para sa kinabukasan. Pero, ang sumunod na nangyari ay talagang hindi ko inaasahan.
Mula noong ikalawang kalahati ng 1995, mula sa pagiging kumikita ay nagsimulang malugi ang feed sub-plant na kinontrata ko. Sobra akong nag-alala tungkol dito. Nagkaroon din ako ng malubhang tuberculosis, at sobrang hina ko kaya hindi na ako makapagtrabaho, kaya maaga kong tinapos ang kontrata, at hindi ako binayaran ng pabrika. Noong panahong iyon, maraming taon nang nawalan ng trabaho ang asawa ko at hindi siya kailanman nakahanap ng angkop na trabaho. Pagkatapos bumili ng apartment, halos maubos na ang natitira naming ipon. Malapit nang mag-high school ang anak ko, at malaki ang gastos doon. Kung walang pagkukunan ng kita, paano namin patuloy na susuportahan ang kanyang pag-aaral? Kalaunan, niyaya ako ng asawa ko na magtayo ng puwesto sa kalye kasama niya para magbenta ng mga gamit. Sobrang nasasaktan ako at naisip ko, “Ako, na isang respetadong direktor ng pabrika, ay bumagsak sa punto na kailangan kong magtinda sa kalye. Kung makikita ito ng mga kasamahan ko sa pabrika o ng mga taong nakakakilala sa akin, ganap akong mapapahiya!” Pero naisip ko rin: “Mapapahiya man ako ngayon, pero kapag nakapagtapos ng unibersidad ang anak ko at naging matagumpay, magbibigay siya ng katanyagan sa akin. Para makapag-ipon ng pera para sa pag-aaral niya sa unibersidad, sulit lang na mapahiya ako nang kaunti at magtiis ng kaunting pagdurusa.”
Noong Abril 1998, pinalad akong tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Naunawaan ko mula sa mga salita ng Diyos na ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ang Kanyang huling gawain upang iligtas ang sangkatauhan, at na kung hindi mananampalataya ang mga tao sa Diyos at hindi nila tatanggapin ang Kanyang pagliligtas, gaano man karaming kaalaman ang makamit nila o gaano man kataas ang kanilang degree o katayuan, sa huli ay mamamatay sila. Pero ang mga kaisipan at ideya na maghangad ng kaalaman para baguhin ang tadhana ay napakalalim na nakaugat sa akin, at umasa pa rin akong mamumukod-tangi ang anak ko sa karamihan at magbibigay ng karangalan sa aming mga ninuno. Sa hindi inaasahan, noong nasa unang taon siya ng high school, ayaw na niyang mag-aral at gusto na lang niyang sumali sa militar. Nagulat ako, at naisip ko, “Mahirap na trabaho ang pagiging sundalo. Anong potensyal para sa pag-unlad sa hinaharap ang mayroon doon? Sa pagpasok lang sa unibersidad at pagkakaroon ng mataas na degree ka makakahanap ng magandang trabaho. Saka ka lang magkakaroon ng pagkakataong magkaroon ng mataas na posisyon at malaking sweldo, at maging nakatataas sa karaniwang tao.” Talagang hindi ko hahayaang gawin ng anak ko ang gusto niya. Kaya, sinubukan ko siyang himukin nang malumanay sa pagsasabing, “Anak, napakatalino mo. Sinabi ng lahat ng guro na may potensyal kang makapasok sa Tsinghua o Peking University. Dalawang taon na lang bago ang university entrance exam. Kung hihinto ka sa pag-aaral at sasali sa militar ngayon, pagsisisihan mo ito habambuhay. Kapag dini-discharge ang mga sundalo mula sa militar, palagi silang kinaklasipika bilang manggagawa anumang trabaho ang italaga sa kanila, at walang kinabukasan para sa pag-unlad. Makakahanap ka lang ng magandang trabaho kung mayroon kang degree sa unibersidad. Sa pinakamababa, makakakuha ka ng trabaho sa opisina, isang opisyal na posisyon, isang matatag na posisyon. Kung magsisikap ka, magkakaroon ka ng maraming pagkakataon para ma-promote. Makakakuha ka lang ng matatag na posisyon sa lipunang ito kung mayroon kang matagumpay na karera at katayuan. Sa panahon ngayon, napakatindi ng kompetisyon sa lipunan, at kung walang kaalaman at degree, isa kang taong mababa ang uri. Sinasabi ko sa iyo ang lahat ng ito alang-alang sa iyong kinabukasan.” Matapos ang paulit-ulit na panghihimok, nagpatuloy siya sa pag-aaral, bagama’t atubili. Isang umaga, nakita ng asawa ko na nagpapabagal-bagal ang anak namin sa bahay, ayaw pumasok sa eskuwela, kaya pinalo niya ito. Agad na naglayas ang anak ko at gabing-gabi na namin siya nahanap. Alam kong ayaw mag-aral ng anak ko at gusto niyang sumali sa militar, pero hindi ko siya mapagbigyan. Ginawa ko ang lahat para mapakiusapan siya, at sa huli, kahit atubili, pumayag siyang pumasok sa eskuwela. Noong panahong iyon, araw-araw na nakasimangot ang anak ko at ayaw niya kaming kausapin, pero naisip ko, “Maunawaan mo man ito ngayon o hindi, kapag naging sikat at matagumpay ka na sa hinaharap, mauunawaan mo ang aming masidhing layunin.” Kalaunan, nakapasok nga siya sa unibersidad, at tuwang-tuwa ako. Ang mga taon ko ng pag-aasam ay nagbunga na sa wakas. Pero, kahit masaya ako, nag-aalala rin ako sa gastos para sa pagpapaaral sa kanya sa unibersidad. Wala kaming sobrang pera para pag-aralin siya sa unibersidad, kaya ipinagbili ko ang apartment na pinaghirapan kong bilhin sa kalahati ng buhay ko para ipambayad sa matrikula niya, at umupa kami ng apartment na walang anumang kagamitan. Noong malapit nang magtapos ang anak ko, nagbayad ako ng 10,000 yuan sa isang tao para maipasok siya ng trabaho sa bangko. Inihanda ko ang lahat para sa kinabukasan ng anak ko, at hinihintay ko na lang siyang makuha ang kanyang diploma at magsimulang magtrabaho sa bangko. Gayumpaman, may isa na namang hindi inaasahang nangyari.
Isang araw, sinabi sa akin ng anak ko na huminto siya sa pag-aaral sa huling taon niya sa unibersidad. Hindi niya binayaran ang matrikula niya, kaya hindi niya makukuha ang kanyang diploma. Nang marinig ko ang balitang ito, hindi ako makapaniwala. Mali ba ang pagkakarinig ko? Pero, nang makita ko ang kalmadong ekspresyon ng anak ko, alam kong totoo iyon, at hindi ko mapigilan ang pag-iyak. Umiiyak ako habang pinagrereklamuhan at pinagagalitan ko ang anak ko. Sa sobrang galit ko, nanghina ang buong katawan ko. Naisip ko, “Nagsumikap ako nang husto sa mga nakaraang taon para lang mabigyan siya ng pagkakataong makapag-aral sa unibersidad. Inasam ko lang naman na magiging matagumpay siya at magbibigay ng karangalan sa akin bilang ina niya. Hindi ako makapaniwalang ginawa niya ito. Ano na lang ang mukhang ihaharap ko sa mga tao ngayon?” Noong oras na iyon, gusto ko na talagang magpakuryente para matapos na ang lahat. Noong mga panahong iyon, hindi ako makakain, at hindi rin ako makatulog. Puno ang isip ko ng mga pag-aalala tungkol sa kinabukasan ng anak ko. “Ano na ang dapat kong gawin sa hinaharap?” Naisip ko. “Ipinagbili ko na ang apartment para suportahan ang pag-aaral niya, at wala man lang kaming matatag na tirahan ngayon. Nasira na ang lahat ng pinaghirapan ko sa kalahati ng buhay ko!” Noong nasa kasukdulan na ang sakit na nararamdaman ko, nagdasal ako sa Diyos na akayin Niya ako para makaalis sa aking pasakit.
Habang naghahanap, narinig ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos “Ang Kapalaran ng Tao ay Kontrolado ng mga Kamay ng Diyos”: “Ang kapalaran ng tao ay nasa kontrol ng mga kamay ng Diyos. Ikaw ay walang kakayahang kontrolin ang iyong sarili: Kahit na parating nagkukumahog at nagpapakaabala ang tao para sa kanyang sarili, nananatili siyang walang kakayahan na kontrolin ang kanyang sarili. Kung kaya mong malaman ang iyong sariling kinabukasan, kung makokontrol mo ang iyong sariling kapalaran, matatawag ka pa rin bang isang nilikha? Sa madaling sabi, paano man gumagawa ang Diyos, ang lahat ng Kanyang gawain ay alang-alang sa tao. Katulad lang ito ng kung paanong ang mga langit at lupa at ang lahat ng bagay ay nilikha ng Diyos para magserbisyo sa tao: Nilikha ng Diyos ang buwan, ang araw, at ang mga bituin para sa tao, nilikha Niya ang mga hayop at mga halaman para sa tao, nilikha Niya ang tagsibol, tag-araw, taglagas at taglamig para sa tao, at iba pa—ang lahat ng ito ay ginawa alang-alang sa pag-iral ng tao. At kaya, paano man kinakastigo at hinahatulan ng Diyos ang tao, ang lahat ng ito ay alang-alang sa kaligtasan ng tao. Kahit na tanggalin Niya sa tao ang makalamang mga inaasam nito, ito ay alang-alang pa rin sa pagdadalisay sa tao, at ang pagdadalisay sa tao ay ginagawa alang-alang sa pag-iral ng tao. Ang hantungan ng tao ay nasa mga kamay ng Lumikha, kaya paano makokontrol ng tao ang kanyang sarili?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan). Paulit-ulit kong pinakinggan ang himnong ito. Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at nag-orden sa kapalaran ng bawat tao. Gaano mo man subukan o gaano ka man magpumiglas, hindi mo mababago ang iyong kinabukasan o tadhana; lalong hindi mo mababago ang tadhana ng iba. Naisip ko ang unang kalahati ng buhay ko. Gusto kong baguhin ang aking tadhana sa pamamagitan ng pagkakamit ng mas maraming kaalaman, pero kalaunan, nalugi ang pabrika at nagkasakit ako. Wala akong pagpipilian kundi ang umalis sa trabaho. Lahat ng ito ay talagang hindi ko kontrolado. Tinuruan ko ang anak ko sa salita at gawa mula pa noong bata siya, umaasang papasok siya sa unibersidad at magiging opisyal tulad ng gusto ko. Nagsikap at nagsakripisyo ako ng dugo ng puso, pawis, at luha sa kalahati ng buhay ko para mangyari ito, pero hindi niya ginawa ang gusto ko, at sa huli ay hindi siya kailanman nakakuha ng degree sa unibersidad. Dahil sa mga katotohanang ito, napagtanto ko na kung magkakaroon ba o hindi ng magandang kinabukasan at tadhana ang anak ko ay wala sa aking kontrol. Gaano man ako magsumikap o magsakripisyo, lahat ay walang kabuluhan. Dahil isa lang akong maliit na nilikha, ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at ang nag-oorden sa aking kapalaran at sa kapalaran ng aking anak. Ni hindi ko nga makontrol ang sarili kong tadhana, pero gusto ko pang kontrolin ang kinabukasan at tadhana ng anak ko. Napakamangmang ko at napakayabang! Kaya pala ako labis na nasaktan ay dahil wala akong anumang pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at hindi ako makapagpasakop dito. Nang maunawaan ko ito, handa na akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos at tumigil na sa pagrereklamo tungkol sa anak ko. Kung mamumuhay siya ng ordinaryong buhay, iyon ay dahil sa kataas-taasang kapangyarihan at pag-oorden ng Diyos, at dapat ko siyang ipagkatiwala sa Diyos at dapat kong hayaan kung ano ang mangyayari.
Pagkatapos noon, palagi kong pinag-iisipan: Bakit ako sobrang nasaktan noong hindi nakuha ng anak ko ang kanyang diploma? Bakit napakalaki ng pagpapahalaga ko sa kaalaman at diploma? Ano ba talaga ang pinakaugat nito? Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Iniisip ng ilang tao na ang kaalaman ay isang mahalagang bagay sa mundong ito, at na kapag mas marami ang kaalaman nila, mas mataas ang kanilang katayuan at mas nakatataas sila sa lipunan, mas marangal at mas may pinag-aralan sila, kaya hindi nila kakayanin nang walang kaalaman. Iniisip ng ilang tao, ‘Kung gagalingan mo sa pag-aaral at magkakamit ka ng maraming kaalaman ay makukuha mo na ang lahat. Magkakaroon ka ng katayuan, pera, magandang trabaho at magandang kinabukasan; dapat ay mayroon kang kaalaman sa mundong ito. Kung wala kang kaalaman, mamaliitin ka ng lahat. Ikaw ay didiskriminahin, walang magnanais na makisama sa iyo; makakapamuhay lang ang mga taong walang kaalaman sa pinakalaylayan ng lipunan.’ At kaya, talagang sinasamba nila ang kaalaman, pinapahalagahan ito nang husto at itinuturing ito na napakahalaga—higit pang mahalaga kaysa sa katotohanan. … paano man nila ito tingnan, isa itong aspekto ng mga kaisipan at pananaw ng tao. May isang sinaunang kasabihan ang nagsasabing: ‘Magbasa ka ng sampung libong aklat, maglakbay ka ng sampung libong milya.’ Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na habang mas marami kang nababasa, mas magiging maalam at masagana ka, at nasaang grupo ka man, titingalain ka nang lubos, at magkakaroon ka ng katayuan. Kinikimkim ng lahat ang ganitong uri ng mga kaisipan at pananaw sa kanilang puso. Kung hindi makapasok sa kolehiyo ang isang tao at makakuha ng diploma dahil walang kakayahan ang kanyang pamilya, habambuhay niya itong pagsisisihan, kaya’t magiging determinado siyang tiyakin na ang kanyang mga inapo ay mag-aaral pa nang higit, papasok sa unibersidad at makakakuha ng matataas na degree, o mag-aaral pa nga sa ibang bansa. Ito ang iniisip at pananaw ng lahat tungkol sa kaalaman; inaasam ng lahat na magtamo ng kaalaman. Kaya naman, maraming magulang ang hindi nagtitipid sa pagsisikap o paggastos—umaabot pa nga sa puntong nababangkarote na ang pamilya—upang mapag-aral ang kanilang mga anak at mabayaran ang pag-aaral ng mga ito. At paano naman ang mga pagsisikap na ginagawa ng ilang magulang sa pagdidisiplina sa kanilang mga anak? Pinahihintulutan lamang ang mga ito ng tatlong oras ng tulog sa isang gabi, pinipilit ang mga ito na mag-aral nang tuloy-tuloy, o pinapatularan pa nga sa mga ito ang mga sinaunang tao at itinatali ang buhok ng mga ito sa kisame, ganap na pinagkakaitan ng tulog ang mga ito. Ang ganitong mga uri ng mga kuwento, ang mga trahedyang ito, ay nangyayari na noon pang sinaunang panahon magpasahanggang ngayon, at ang mga ito ang mga bunga ng pananabik at pagsamba ng sangkatauhan sa kaalaman” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Pagsasagawa Tungo sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao). Naantig ng mga salita ng Diyos ang puso ko. Naigapos ako ng mga satanikong kaisipan at ideya tulad ng “Maliliit ang ibang paghahangad, ang mga libro ang nakahihigit sa lahat ng ito,” “Magbasa ka ng sampung libong aklat, maglakbay ka ng sampung libong milya,” at “Kayang baguhin ng kaalaman ang iyong kapalaran,” at labis kong sinamba ang kaalaman. Naniwala akong magdadala ng magandang kinabukasan ang kaalaman, kung saan ikaw ay magiging nakatataas na tao at hahangaan ng iba; saka lang magkakaroon ng halaga ang buhay. Naniwala akong kung walang kaalaman o diploma, kailangan mong magpakapagod at mamuhay nang mababa ang uri, mamaliitin ka ng iba, at mananatili ka sa pinakailalim ng lipunan habambuhay, hindi kailanman makakaangat. Naniwala akong sa pamamagitan ng kaalaman, makukuha mo ang lahat, kaya hindi ako sumuko sa pagkuha ng kaalaman, kahit na may asawa’t anak na ako. Noong nakapagtapos ako sa kolehiyo at bumalik sa pabrika, agad akong naging opisyal, at pagkatapos ay sunud-sunod na na-promote at pinagkatiwalaan ng mahahalagang tungkulin. Hindi nagtagal, lumipat kaming tatlo sa isang malaking apartment, at lahat ng nakakakita sa akin ay tumitingin nang may inggit at kusang bumabati; lubos akong iginagalang ng lahat ng empleyado sa pabrika. Nakuha ko ang kasikatan at pakinabang na gusto ko, at naniwala akong lahat ng ito ay dala ng kaalamang natamo ko sa masikap na pag-aaral at ng diplomang nakuha ko. Kaya, lalo pa akong nakumbinsi na kayang baguhin ng kaalaman ang tadhana ng isang tao, at umasa akong makakakuha ng mataas na degree ang anak ko at magiging matagumpay at sikat sa hinaharap, para makibahagi ako sa karangalan niya. Nang sabihin sa akin ng anak ko na gusto niyang sumali sa militar, hindi ko tinanong kung ano talaga ang nasa isip niya. Sa halip, naniwala lang ako na walang mga kinabukasan sa hinaharap para sa kanya pagkatapos sumali sa militar, kaya pinilit ko siyang pumasok sa unibersidad. Para makapasok sa unibersidad ang anak ko, ipinagbili ko ang apartment na pinaghirapan kong bilhin sa kalahati ng buhay ko. Nang malaman kong hindi binayaran ng anak ko ang matrikula niya sa huling taon at hindi siya makakakuha ng diploma, ganap na gumuho ang mga inaasahan ko, at nasadlak ako sa ganap na kawalan ng pag-asa. Gusto ko na lang mamatay. Talagang nabulag ako ng kasikatan at pakinabang! Sa katunayan, ang tadhana ng lahat ay nasa mga kamay ng Diyos, at hindi ito mababago sa pamamagitan lang ng pagkakamit ng kaalaman. Naisip ko ang kapitbahay kong si Section Chief Wang, na hindi gaanong nakapag-aral pero ngayon ay section chief sa Personnel Bureau; sa kabilang banda, isang ka-eskuwela kong babae ang nakapasok sa Peking University pero maraming taon nang hindi makahanap ng angkop na trabaho pagkatapos ng graduation. Sa panahon ngayon, nagkalat ang mga nagsipagtapos sa unibersidad na walang trabaho, at kahit maraming may postgraduate degree ay hindi makahanap ng pormal na trabaho. Malinaw na mali ang ideyang “Kayang baguhin ng kaalaman ang iyong kapalaran,” at talagang wala itong basehan. Salungat ito sa katotohanan. Bagama’t nananampalataya ako sa Diyos, hindi ko naunawaan ang katotohanan at wala akong abilidad na kumilatis. Itinuring ko ang kaalaman, kasikatan at pakinabang bilang mas mahalaga kaysa sa anumang iba pang bagay, at wala akong ni katiting na ideya na ang mga ito ay mga paraan ni Satanas ng panunukso at paglamon sa mga tao. Dahil sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, sa wakas ay natauhan ako. Tahimik akong nagdasal sa Diyos sa puso ko, “O mahal na Diyos, salamat sa panustos at kaliwanagan ng Iyong mga salita, na nagbigay-kakayahan sa aking makilatis ang mga kaisipan at ideya ni Satanas. Ayaw ko nang maigapos ng mga kaisipan at ideyang ito. Nawa’y akayin Mo ako na matahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan.”
Kalaunan, nabasa ko ang ilan pang mga sipi ng mga salita ng Diyos at naunawaan na ang nasa likod ng paghahangad ng mga tao ng kasikatan at pakinabang ay ang mapanirang intensyon ni Satanas. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang ilang tao ay magsasabing ang pagkatuto ng kaalaman ay hanggang sa pagbabasa lamang ng mga aklat at pagkatuto ng ilang bagay na hindi mo pa alam upang hindi mahuli sa panahon o hindi mapag-iwanan ng mundo. Ang kaalaman ay pinag-aaralan lamang upang makapaglagay ng pagkain sa iyong hapag, para sa iyong sariling kinabukasan, o para matustusan ang pangunahing mga pangangailangan. Mayroon bang kahit sinong tao ang magtitiis ng isang dekada ng puspusang pag-aaral para lamang sa pangunahing mga pangangailangan, para lamang lutasin ang usapin ng pagkain? Wala, walang mga taong ganito. Kaya bakit nagtitiis sa mga paghihirap na ito ang isang tao sa lahat ng mga taon na ito? Ito ay para sa kasikatan at pakinabang. Ang kasikatan at pakinabang ay naghihintay para sa kanila sa di-kalayuan, tumatawag sa kanila, at naniniwala sila na sa pamamagitan ng kanilang sariling sipag, mga paghihirap at pagpupunyagi saka lamang sila makakatahak sa daan na magdadala sa kanila sa kasikatan at pakinabang, sa gayon ay magkakamit ng mga bagay na ito. Ang gayong tao ay dapat magdusa ng mga paghihirap na ito para sa kanilang sariling landas sa hinaharap, para sa kanilang pagtamasa sa hinaharap at upang magkamit ng mas magandang buhay” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). “Ano ang ginagamit ni Satanas upang mapanatili ang tao sa mahigpit nitong kontrol? (Kasikatan at pakinabang.) Ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang upang kontrolin ang mga kaisipan ng mga tao, wala nang ibang ipinapaisip sa kanila kundi ang dalawang bagay na ito, at idinudulot sa kanila na makibaka para sa kasikatan at pakinabang, magdusa ng mga paghihirap para sa kasikatan at pakinabang, magtiis ng kahihiyan at magbuhat ng mabibigat na pasanin para sa kasikatan at pakinabang, magsakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa kasikatan at pakinabang, at gumawa ng bawat paghuhusga o pagpapasya alang-alang sa kasikatan at pakinabang. Sa ganitong paraan, naglalagay si Satanas ng mga di-nakikitang kadena sa mga tao, at, sa mga kadenang ito, wala silang abilidad ni tapang na makaalpas. Nang di-namamalayan, dala-dala nila ang mga kadenang ito habang mabigat silang humahakbang nang paunti-unti, nang may labis na paghihirap. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito, lumilihis ang sangkatauhan mula sa Diyos at ipinagkakanulo Siya at lalo silang nagiging buktot. Sa ganitong paraan, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng kasikatan at pakinabang ni Satanas. Kung titingnan ngayon ang mga kilos ni Satanas, hindi ba’t lubos na kamuhi-muhi ang mga lihim na mapanirang motibo nito? Marahil ay hindi pa rin ninyo nakikilatis ngayon ang masasamang motibo ni Satanas dahil iniisip ninyo na kung walang kasikatan at pakinabang, mawawalan ng kabuluhan ang buhay, at hindi na makikita ng mga tao ang daan sa kanilang harapan, hindi na nila makikita ang kanilang mga layon, at magiging madilim, malabo at mapanglaw ang kanilang hinaharap. Ngunit, unti-unti, balang araw ay mauunawaan ninyong lahat na ang kasikatan at pakinabang ay malalaking kadenang inilalagay ni Satanas sa tao. Pagdating ng araw na iyon, lubusan mong lalabanan ang pagkontrol ni Satanas at ang mga kadenang dinadala sa iyo ni Satanas. Kapag ninais mong palayain ang sarili mo mula sa lahat ng bagay na ito na ikinintal sa iyo ni Satanas, ganap kang hihiwalay kay Satanas, at talagang kamumuhian mo ang lahat ng naidulot ni Satanas sa iyo. Saka ka lamang magkakaroon ng tunay na pagmamahal at pananabik sa Diyos” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Napakapraktikal ng mga salita ng Diyos. Ang dahilan sa likod ng paghahangad ng mga tao sa kaalaman ay para magkamit ng kasikatan at pakinabang. Upang magtamo ng kasikatan at pakinabang, nagpupunyagi at nagdurusa ng mga paghihirap ang mga tao at handa pa nga silang magbayad ng anumang halaga para dito. Ginagamit ni Satanas ang kaalaman para tuksuhin ang mga tao, at ginagamit ang kasikatan at pakinabang para kontrolin sila, para gawin silang tiwali nang hindi nila ito namamalayan. Ganitong-ganito ako. Tinuruan ako ng tatay ko mula pagkabata na ang pagkabisa ng mas maraming kaalaman ay gagawin akong nakatataas na tao; kung walang kaalaman, puwede lang akong maging isang taong mababa ang uri at gumawa ng mabigat na pisikal na trabaho. Tinuruan din kami ng mga guro na magkaroon ng matatayog na adhikain, at hangarin na mamukod-tangi sa karamihan at magbigay ng karangalan sa aming mga ninuno. Bago ko namalayan, tinanggap ko na ang mga kaisipan at ideyang ito. Para makakuha ng kasikatan, pakinabang at katayuan, handa akong magtiis ng anumang hirap at magbayad ng anumang halaga. Hindi ko lang hinangad mismo ang mga bagay na ito, pero pinilit ko rin ang anak ko na hangarin ang mga ito. Nang malaman ko na hindi makukuha ng anak ko ang kanyang diploma, biglang gumuho ang mga pangarap ko, at nakaramdam ako ng napakatinding sakit na gusto ko pa ngang takasan ito sa pamamagitan ng kamatayan. Kontrolado ako ng mga ideya ng paghahangad ng kasikatan at pakinabang na ikinintal sa akin ni Satanas. Hindi lang ito nagdulot ng matinding pasakit sa akin, napinsala rin nito ang isip at katawan ng aking anak. Isinuot sa akin ni Satanas ang mga di-nakikitang mga tanikala ng kasikatan at pakinabang, na naging dahilan para palagi akong lumaban at magpunyagi para sa kasikatan at pakinabang. Sa kabila ng pagkapagod ng katawan at isipan, wala akong abilidad na makawala rito. Dahil sa pagliligtas ng Diyos para sa akin, nagkamit ako ng kaunting pagkakilatis sa mga pamamaraan ni Satanas sa pamiminsala sa mga tao. Hindi na ako puwedeng maghangad pa ng kasikatan at pakinabang. Kailangan kong manatili nang wasto sa aking posisyon bilang isang nilikha at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos.
Kalaunan, sinabi ko sa isang sister ang tungkol sa kalagayan ko, at naghanap siya ng isang sipi ng mga salita ng Diyos para sa akin: “Una sa lahat, tingnan natin ang mga hinihingi at pamamaraang ito na mayroon ang mga magulang sa kanilang mga anak—tama ba o mali ang mga ito? (Mali ang mga ito.) Kaya, sa huli, ano ang pangunahing salarin pagdating sa mga pamamaraang ito na ginagamit ng mga magulang sa kanilang mga anak? Hindi ba’t ang mga ekspektasyon ng mga magulang para sa kanilang mga anak? (Oo.) Sa loob ng subhetibong kamalayan ng mga magulang, mayroon silang lahat ng uri ng mga pag-aakala, plano, at pagpapasya tungkol sa kinabukasan ng kanilang mga anak, at bilang resulta, nabubuo nila ang mga ekspektasyong ito. … Naglalagay ang mga magulang na ito ng mga ekspektasyon sa kanilang mga anak nang ganap na ayon sa sarili nilang mga kagustuhan at pagnanais. Hindi ba’t ito ay subhetibo? (Oo.) Sa magandang pananalita, ito ay subhetibo—ano ba talaga ito? Ano ang iba pang pakahulugan dito? Hindi ba’t ito ay pagiging makasarili? Hindi ba’t ito ay pamimilit? (Ganoon na nga.) Gusto mo ang isang partikular na propesyon, gusto mong maging isang opisyal, yumaman, maging tanyag at matagumpay sa lipunan, kaya pinahahangad mo rin sa mga anak mo na maging ganoong uri ng tao at pinapatahak mo sila sa ganoong landas. Ngunit mahirap sabihin kung magagawa ba nila ang trabahong iyon sa hinaharap, o kung talaga bang nababagay sa kanila ang trabahong iyon. At ano ba mismo ang kanilang tadhana, kung gayon? Paano sila paghaharian ng Diyos at gagawan ng mga pagsasaayos? Alam mo ba ang mga bagay na ito? Sinasabi ng ilang tao: ‘Wala akong pakialam sa mga bagay na iyon. Hangga’t ito ay isang bagay na gusto ko, bilang isang magulang, ayos lang ito. Dahil gusto ko ito, naglalagay ako ng ganitong uri ng mga ekspektasyon sa kanila.’ Hindi ba’t masyadong makasarili iyon? (Oo.) Sa magandang pananalita, ito ay napakasubhetibo, nakikinig lang ito sa sarili, ngunit ano ba ito, sa realidad? Ito ay sobrang makasarili! Hindi isinasaalang-alang ng mga magulang na ito ang kakayahan o mga talento ng kanilang mga anak, at wala silang pakialam sa mga pagsasaayos ng Diyos sa tadhana at buhay ng bawat tao. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga bagay na ito, ipinipilit lang nila sa kanilang mga anak ang sarili nilang mga kagustuhan at plano mula sa sarili nilang pangangarap nang gising” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (18)). Pagkabasa sa mga salita ng Diyos, bigla akong natauhan. Dati, inakala kong lahat ng ginawa ko ay para sa kapakanan ng kinabukasan at tadhana ng anak ko. Sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos, sa wakas ay naunawaan ko na ang intensyon sa likod ng aking mga kilos ay palaging upang bigyang-kasiyahan ang aking pagnanais ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Dahil gusto ko ang kapangyarihan at katayuan at gusto kong maging isang opisyal upang tingalain ako ng iba, ipinilit ko ang sarili kong mga kagustuhan at pagnanais sa aking anak. Umasa akong mag-aaral siyang mabuti at mamumukod-tangi sa hinaharap, makakakuha ng mataas na posisyon ng opisyal at magandang sahod upang makibahagi rin ako sa karangalan niya. Lahat ng ginawa ko ay para sa kapakanan ng sarili kong mga ambisyon at pagnanais, at hindi ko man lang isinaalang-alang ang mga kagustuhan at nais ng anak ko. Nang sabihin ng anak ko na ayaw niyang pumasok sa unibersidad at gusto niyang sumali sa militar, ginawa ko ang makakaya ko para makumbinsi siyang huwag gawin iyon, at pinilit ko siyang pumasok sa unibersidad nang labag sa kanyang kalooban. Ang layon ko rito ay para himukin siyang maghangad ng karera ng isang opisyal at magkamit ng kapangyarihan at katayuan para magkaroon din ako ng katanyagan. Sa panlabas, lahat ng ginawa ko ay para sa kapakanan ng kinabukasan at tadhana ng anak ko. Ibinigay ko ang lahat ng makakaya ko para linangin ang anak ko. Pero, sa diwa, lahat ng ito ay para bigyang-kasiyahan ang sarili kong pagnanais para sa katayuan, sa kagustuhan kong matamasa ang respeto at paghanga ng mas maraming tao sa pamamagitan ng anak ko, at matamasa ang mas magandang materyal na buhay. Sa wakas ay malinaw kong nakita na ang lahat ng ginawa ko ay hindi talaga para sa ikabubuti ng anak ko. Lahat ng iyon ay para bigyang-kasiyahan ang sarili kong mga ambisyon at pagnanais. Labis na makasarili, ubod ng sama, at pangit ang kalikasan ko! Ang totoo, ayaw ng anak ko na magkaroon ng karera sa gobyerno. Minsan niyang sinabi sa akin, “Ma, hindi talaga ako bagay na maging opisyal. Kung gusto mong magkaroon ng matatag na posisyon sa burukrasya sa lipunang ito, kailangan ay kaya mong magpainom ng alak, manlibre ng pagkain, mambola, at manlinlang. Kailangan mo rin ng tamang pamilyang pinagmulan at mga koneksyon, at kailangan mong maging malupit at masama. Wala ako ni isa sa mga iyan. Mabuti nang maging isang ordinaryong tao lang.” Sa pagbabalik-tanaw, napakatotoo ng sinabi ng anak ko. Naisip ko ang anak ng pinakamatanda kong ate, na deputy director sa Kawanihan ng Industriya at Kalakalan. Minsan niyang sinabi sa akin, “Sa sandaling pasukin mo ang burukrasya, hindi mo na kontrolado ang sarili mo. Nagpapakana at nagpaplano ang mga tao laban sa isa’t isa, at hindi mo puwedeng sabihin kaninuman kung ano ang iniisip mo at hindi ka puwedeng masyadong mapalapit sa kanila. Hindi mo alam kung ano ang masasabi mo na makasasama ng loob ng isang tao. Maaaring ayaw mong ipahamak ang iba, pero sasaksakin ka pa rin nila sa likod. Kailangan mong mamuhay na laging pinagmamasdan ang ekspresyon ng mga tao. Nakakapagod mabuhay bilang opisyal!” Ang pagiging opisyal ay hindi isang magandang bagay. Ang burukrasya ay parang isang malaking tangke ng pangkulay, at kung pumasok ang anak ko roon tulad ng gusto ko, pagkatapos ng isang dekada o higit pa, hindi niya mapipigilan na mamantsahan siya ng lahat ng uri ng masasamang gawi. Magiging tuso at mapanlinlang na sana siya, maghahangad ng kasikatan at pakinabang, makikipagkompetensiya sa iba, at baka makagawa pa nga ng masasamang bagay. Pagkatapos, hindi na siya makakapamuhay nang normal at payapa. Magdudulot iyon sa kanya ng malaking pinsala at walang katapusang pasakit sa katawan at isip. Ayaw ng anak kong maging opisyal, at gusto lang niyang maging isang ordinaryong tao. Hindi ba’t magandang bagay iyon? Ngayon, may pormal na siyang trabaho, at ang buwanan niyang sahod ay sapat na para sa pang-araw-araw na gastusin ng kanyang pamilya. Hindi niya tinututulan ang pananampalataya ko sa Diyos at handang-handa siyang tumulong kapag kailangan ng iglesia ang tulong niya sa mga bagay-bagay. Napakaganda na niyon.
Pagkatapos ng karanasang ito, lalo kong napagtatanto na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at nag-oorden kung anong uri ng trabaho ang ginagawa ng bawat tao at kung ano ang ikinabubuhay nito. Gaya ng sinasabi ng Diyos: “Paunang inorden ng Diyos na maging isang ordinaryong manggagawa ang isang tao, at sa buhay na ito, magagawa lamang niyang kumita ng kaunting sahod para pakainin at bihisan ang kanyang sarili, ngunit iginigiit ng kanyang mga magulang na siya ay maging tanyag, mayaman, mataas na ranggong opisyal, pinaplano at isinasaayos ang mga bagay-bagay para sa kanyang kinabukasan bago pa siya umabot sa hustong gulang, binabayaran ang iba’t ibang uri ng tinatawag na halaga, sinusubukang kontrolin ang kanyang buhay at kinabukasan. Hindi ba’t kahangalan iyon? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (18)). Ipinatanto sa akin ng siping ito ng mga salita ng Diyos na hindi lang ako hangal: Ganap at sukdulan ang katangahan ko! Lahat ng pagdurusa na tiniis ko ay bunga ng sarili kong mga gawa. Nang bitiwan ko ang mga inaasahan ko para sa aking anak, tinigilan ang pakikipaglaban sa tadhana, tinigilan ang pagtahak sa landas ng paghahangad ng kasikatan at pakinabang, at nagawa kong tumayo sa posisyon ng isang nilikha at tanggapin, harapin, at danasin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos nang may positibo at mapagpasakop na saloobin, nakita ko na napakaganda ng mga pagsasaayos ng Diyos. Salamat sa Diyos!