30. Ang Matinding Pagpapahirap ng Bilangguan

Ni Li Xin, Tsina

Mula sa murang edad, palagi nang mahina ang pangangatawan ko at madali akong kapitan ng sakit. Mula pa noong unang naaalala ko, araw-araw na akong nagdurusa sa mga pananakit ng ulo at sa edad na labindalawa, nagkaroon ako ng sakit sa puso. Pagkatapos niyon, nagdusa rin ako sa gastrointestinal na sakit at sa bronchitis. Dahil pinahirapan ako ng maraming karamdaman, napakamiserable ng buhay para sa akin. Sa edad na 24, nagsimula akong manampalataya sa Panginoong Jesus at madalas akong nagbabasa ng Bibliya at nananalangin sa Panginoon. Nagsimula akong makadama ng kapayapaan at kagalakan mula sa aking pananalig, at sobrang bumuti ang kalusugan ko nang hindi ko man lang napapansin. Para suklian ang pagmamahal ng Panginoon, sinimulan kong ipalaganap ang ebanghelyo ng Panginoon at inasam ko ang araw na babalik ang Panginoon. Noong 1999, sa wakas ay narinig ko ang tinig ng Diyos at sinalubong ko ang pagbabalik ng Panginoong Jesus. Dahil nakita ko kung paanong nagpakita ang Makapangyarihang Diyos para gumawa ng gawain at ipahayag ang maraming katotohanan upang iligtas ang sangkatauhan mula sa mga gapos ng kasalanan, tinutulutan silang makaligtas sa mga sakuna at ginagabayan ang tao tungo sa kaharian ng Diyos, lubos akong nasabik at sumali ako sa mga hanay ng nagpapalaganap ng ebanghelyo, umaasang maipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian ng langit sa mas marami pang tao.

Isang araw noong Marso ng 2003, naaresto ako ng mga pulis habang nagpapalaganap ng ebanghelyo. Pagkatapos nila akong kapkapan at nakakita sila ng pager at notebook, tinanong ako ng isang pulis, “Saan galing ang pager na ito?” Nang sabihin ko sa kanya na personal ko itong pager, pumulot siya ng plastik na tubo at malupit akong pinaghahampas nito nang ilang beses bago ako damputin at isakay sa likuran ng isang kotse. Pagkatapos ay walang awang nagsalitan ang mga pulis sa pagsampal sa buong mukha ko habang sumisigaw, “Ito ang mapapala mo sa paglilibot para ipalaganap ang ebanghelyo! Nahuli ka na namin ngayon!” Takot na takot ako at nanalangin ako agad sa Diyos, hinihingi sa Kanyang protektahan ako at bigyan ako ng pananalig at lakas. Nang dumating kami sa kawanihan ng pampublikong seguridad ng probinsya, kinaladkad ako ng mga pulis papunta sa isang bakanteng silid at itinulak ako sa isang metal na tabla. Napakalamig pa rin sa hilagang-silangan ng Tsina kapag Marso at ginaw na ginaw ako na patuloy akong nanginginig. Sinabi ko sa mga pulis, “May sakit ako sa puso at iniineksiyunan ako at umiinom ako ng gamot para dito. At hindi ako puwedeng masalang sa lamig.” Binalewala lang ako ng mga pulis. Ang nagawa ko lang ay mamaluktot, nakahalukipkip nang mahigpit, pero hindi nagtagal pagkatapos niyon, gininaw ako nang husto na patuloy akong nanginig at patuloy na nangatog ang mga ngipin ko. Pagkatapos akong tusukin ng karayom ng mga pulis sa aking mga kamay at ilong ay saka lang ako nakabawi at tumigil sa panginginig. Kalaunan, dinala nila ako sa isa pang kwarto, itinulak nila ako sa isang upuan at lumabas sila para kumain. Medyo natakot ako at nag-alala kung paano ako pahihirapan ng mga pulis kapag bumalik na sila. Patuloy akong nanalangin sa Diyos, humihingi ng proteksiyon Niya. Sa gitna ng aking pananalangin, naalala ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Dapat kang magdusa ng paghihirap para sa katotohanan, dapat mong isakripisyo ang iyong sarili para sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Inisip ko, “Oo, dapat akong magdusa ng paghihirap at patotohanan ang Diyos sa harap ni Satanas, dahil sinasang-ayunan ito ng Diyos.” Naisip ko rin kung paanong tinukso ni Satanas si Job. Nang mawala kay Job ang lahat ng pagmamay-ari at mga anak niya sa loob ng isang gabi at nagkapigsa ang katawan niya, nagawa pa rin niyang purihin ang pangalan ng Diyos sa kabila ng gayong matinding pagdurusa, na sa huli ay humantong sa kahihiyan at kabiguan ni Satanas. Tinulutan ng Diyos na maharap ako sa kapaligirang ito upang subukin ako at gawing perpekto ang pananalig ko. Anuman ang gawin sa akin ng mga pulis, alam ko na kailangan kong manindigan sa aking patotoo sa Diyos.

Mabilis na bumalik ang mga pulis at nang walang sabi-sabi, nagsimula silang sampalin ako. Hindi sila nasiyahan sa pagsampal lang sa akin gamit ang mga kamay, pinulot din nila ang kanilang mga sapatos at nagsimulang paghahampasin ako sa mukha, ulo at katawan ng suwelas ng sapatos nila. Noong simula, napakasakit nito at sa puso ko ay nakadama ako ng pagkabalisa. Nagtiim-bagang ako at sinubukan kong tiisin ang mga sakit habang tumutulo ang mga luha sa aking mukha. Makalipas ang ilang oras, namanhid ang mukha ko dahil sa paulit-ulit na paghampas at hindi na ako nakadama ng sakit. Ang isa sa kanila ay kumuha ng isang plastik na tubo na mahigit isang metro ang haba at nagsimulang pagpapaluin ang katawan ko habang ginigisa ako ng mga tanong, “Ilan ang miyembro ng iglesia ninyo? Sino ang lider ninyo? Magsalita ka!” Wala akong sinabi at mas lalo siyang nagalit at sinuntok ako nang malakas sa ulo ko, kaya umugong kaagad ang mga tainga ko. Pagkatapos niyon, dinala nila ako sa isa pang kuwarto kung saan nakita ko ang dalawang sister mula sa pagtitipon ko na nakapamaluktot sa isang upuan sa sulok. Tinuro ng kapitan ng National Security Brigade ang dalawang sister at sinabi sa akin, “Kilala mo ba ang dalawang ito?” Sinabi ko, “Hindi.” Sobra siyang nagalit dahil dito kaya pumulot siya ng isang plastik na tubo at hinampas ako nito nang malakas sa ulo bago ako pinaulanan ng mga suntok at sipa, walang bahagi ng katawan ko ang walang tama. Nahilo ako at natuliro. Pagkatapos ay tinanong ako ng isa pang pulis, “Saan galing ang pager at notebook na ito? Para saan ang mga ito?” Habang sinasabi ito, pinulot niya ang plastik na tubo at naghandang hampasin na naman ako. Takot na takot ako na hindi ko kakayanin ang gayong pahirap at maipagkakanulo ko ang aking mga kapatid, kaya sa puso ko ay patuloy akong nanalangin sa Diyos. Naalala ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Dapat ninyong ibigay ang lahat ng mayroon kayo upang pangalagaan ang Aking patotoo. Ito ang magiging layon ng inyong mga pagkilos—huwag kalimutan ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 41). Kailangan kong isapalaran ang aking buhay para manindigan sa aking patotoo sa Diyos. Kahit anong kalupitan ang gawin sa akin ng mga pulis, hindi ko kayang ipagkanulo ang Diyos. Noong sandaling iyon, sinuntok ako ng pulis, kaya tumumba ako sa sahig bago ako hampasin ng plastik na tubo sa ulo, kaya umugong ang ulo ko. Pagkatapos ay walang awa niya akong pinagpapalo sa ulo at katawan, na nag-iwan ng bakas ng dugo sa buong katawan ko. Sobrang kumabog ang puso ko sa kumbulsyon at napakalakas ng kabog ng dibdib ko. Inakala kong mamamatay ako anumang oras. Medyo nanghina ako at inisip ko: Kung patuloy nila akong hahampasin nang ganito, talaga bang papatayin nila ako sa gulpi? Noong sandaling iyon, naalala ko na naman ang mga salita ng Diyos: “Ang pananampalataya ay parang isang trosong tulay: Yaong mga nakakapit nang mahigpit sa buhay ay mahihirapang tumawid dito, ngunit yaong mga handang ibigay ang buhay nila ay makakatawid, nang hindi nahuhulog at walang pangamba(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Nasa mga kamay ng Diyos ang buhay ko. Gaano man kabrutal ang mga pulis, wala silang magagawang kahit ano sa akin nang walang pahintulot ng Diyos. Kahit na patayin nila ako sa bugbog, hindi ko ipagkakanulo ang Diyos, maninindigan ako sa aking patotoo at hindi pa mamamatay ang kaluluwa ko. Kung ipagkakanulo ko gaya ni Hudas ang aking mga kapatid para lamang maiwasan ang pansamantalang pagdurusa ng aking laman at salungatin ang disposisyon ng Diyos, hindi lamang ako makokonsensiya kalaunan, mapupunta rin ako sa impiyerno pagkamatay ko at kokondenahin ang kaluluwa ko sa walang hanggang kaparusahan. Nang mapagtanto ko ang lahat ng ito, mas napayapa ako nang kaunti at hindi na ako masyadong takot. Noong sandaling iyon, tinapos ng mga pulis ang kanilang panggugulpi. Sinabi ko na kailangan kong magbanyo, pero tiningnan lang ako nang masama ng kapitan at sinabi, “Hindi ka puwedeng umalis!” bago ako tinadyakan sa puson. Napaihi ako dahil sa sipa at nabasa kaagad ng ihi ang salawal kong koton.

Noong araw ding iyon, ako at ang dalawa pang sister ay pinadala ng mga pulis sa isang detention center. Hindi ako makatayo nang tuwid at kinailangan kong lumakad nang paika-ika habang hawak ang aking tiyan. Isang guwardiya, na isang matandang lalaki, ang hindi na makatiis sa kanyang nakita at nagsabi, “Mga mananampalataya lang sila sa Diyos. Wala naman silang ginawang mali, kaya bakit sila binubugbog nang ganito?” Binigyan niya ang bawat isa sa amin ng manipis na kumot, at kinailangan naming matulog sa malamig na sahig. Hindi pa natutuyo ang salawal ko, napakalamig nito at namaluktot ako na parang sanggol. Kalaunan, dinalhan ako ng matandang lalaki ng kaunting gamot at ng isang tasa ng maligamgam na tubig. Alam ko na awa ito ng Diyos sa aking kahinaan at pagsasaayos Niya na tulungan kami ng lalaking ito. Sa puso ko ay nagpasalamat ako sa Diyos. Noong sumunod na araw, kinuha ng mga pulis ang isa sa mga sister para kwestiyunin. Sobra kaming nag-alala at patuloy na nanalangin para sa kanya. Palagi kaming balisa bawat araw. Pagkatapos ng tatlong araw at dalawang gabi, sa wakas ay ibinalik sa amin ang sister. Habang umiika-ika siya papunta sa kanyang kama nang nakakuba, nagmadali kaming lumapit sa kanya. Nakita ko na balot ng pasa ang buong katawan niya, at ang mga paa niya ay nangingitim at namamagang parang mga lobo. Sinabi ng sister na pagkatapos siyang kunin, binugbog siya nang binugbog ng mga pulis. Apat o limang pulis ang nagsalitan sa pagsuntok at pagsipa sa kanya at pinosas din ang mga kamay niya sa likod niya at marahas na hinatak pataas ang mga kamay niya, kaya sobra siyang nasaktan na ilang beses siyang hinimatay. Binuhusan siya ng mga pulis ng maruming tubig galing sa kusina para gisingin siya at patuloy siyang binugbog. Hindi nila siya binigyan ng pagkain o tubig sa loob ng tatlong araw at dalawang gabi. Talagang galit na galit ako: Sobrang hindi makatao ang pagtrato sa kanya ng pangkat na ito ng mga demonyo! Gayumpaman, sobrang takot na takot din ako. Hindi pa gumagaling ang mga naging sugat ko at hindi ko alam kung paano ako pahihirapan ng mga pulis sa susunod. Makakaya ko kaya iyon? Sa puso ko ay patuloy akong nanalangin sa Diyos at hiningi sa Kanyang bigyan ako ng lakas.

Noong alas-8 ng umaga ng ikatlong araw pagkatapos bumalik ng aking sister, dumating ang kapitan ng National Security Brigade para kuwestiyunin ako. Pinosasan ako ng isang pulis, hinawakan ako sa leeg para payukuin ako at tinulak ako. Isa pang pulis na nasa likod ko ang tumadyak sa akin nang napakalakas sa tagiliran na halos bumagsak ako. Tinulak nila ako papasok sa isang maliit na kuwarto na may lamang isang kama at pinosas nila ako sa barandilya sa ulunan ng higaan. Wala akong ideya kung anong pagpapahirap ang nakahanda para sa akin, at napakalakas ng kabog ng dibdib ko. Habang tumatawa nang nakakatakot, sinabi ng kapitan sa isa sa mga pulis, “Subuan ninyo siya ng mga gamot na kyushin heart tonic at ipalunok sa kanya ang mga iyon. Nang sa ganoon, hindi siya madaling mamamatay kapag binugbog natin siya. Kailangan nating makakuha ng sagot sa kanya ngayon.” Pagkatapos, sapilitan nilang sinubo sa bibig ko ang mga gamot at sinimulan akong paghahampasin ng plastik na tubo mula ulo hanggang paa, ni hindi man lang pinalampas sa pagpalo ang talampakan ko. Sa bawat hampas, nanginig ako sa sakit. Habang hinahampas nila ako, ginigisa nila ako nang husto tungkol sa iglesia. Nag-alala ako na hindi ko kakayanin ang pagpapahirap nila, kaya nanalangin ako kaagad na tulungan ako ng Diyos. Naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Yaong mga tinutukoy ng Diyos na mga ‘mananagumpay’ ay yaong mga nagagawa pang manindigan sa kanilang pagsaksi at mapanatili ang kanilang tiwala at katapatan sa Diyos kapag nasa ilalim sila ng impluwensya ni Satanas at nilulusob ni Satanas, ibig sabihin, kapag nasa gitna sila ng mga puwersa ng kadiliman. Kung nagagawa mo pa ring magpanatili ng isang dalisay na puso sa harap ng Diyos at ng tunay na pagmamahal para sa Diyos anuman ang mangyari, ikaw ay naninindigan sa iyong pagsaksi sa harap ng Diyos, at ito ang tinutukoy ng Diyos na pagiging isang ‘mananagumpay’(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos). Ipinatanto sa akin ng mga salita ng Diyos na ginagamit ng Diyos ang pang-aaresto, pang-uusig, at pagpapahirap ng malaking pulang dragon para maperpekto ang ating pananalig at buuin tayo sa isang grupo ng mga mananagumpay. Ang mahuli ng mga pulis at mapasailalim sa pagpapahirap ay ang paraan ng Diyos para subukin at suriin ako at isa itong pagkakataon para magpatotoo sa Diyos. Paano man ako pahirapan ng mga pulis, kahit na patayin pa nila ako sa bugbog, hindi ko kailanman ipagkakanulo ang Diyos o pagtataksilan ang aking mga kapatid. Patuloy akong tinanong ng mga pulis kung sino ang lider ng aming iglesia, at pagkatapos ay kinuha ang kanilang mga plastik na tubo at walang-awa na namang pinagpapalo ang buong katawan ko. Namaluktot ako, napatiim-bagang, at wala akong sinabing anuman. Pagkatapos akong kuwestiyunin nang buong umaga at makitang wala akong sasabihing kahit ano, sa sobrang pagkairita nila ay pinagbantaan nila ako, “Kung wala kang sasabihin sa amin, sesentensiyahan ka namin ng sampu o dalawampung taong pagkakabilanggo at hindi ka makakaalis!” Pagkatapos niyon, binalik nila ako sa selda kung saan nila kami ikinulong. Sa panahon ng interogasyon, binugbog nila ang buong katawan ko at nabalot ako ng mga pasa, pero sobra akong natuwa nang makita ko ang mga pulis na mukhang talunan at walang maipagmalaki sa kanilang sarili. Patuloy kong pinasalamatan ang Diyos para sa Kanyang proteksiyon, na nagtulot sa akin na makaligtas sa bingit ng kamatayang ito.

Sa ikalabinlimang araw namin sa detention center, dinala kaming tatlo ng mga pulis sa bakuran. Sinabi ng isa sa kanila, “Pakawalan ninyo ang mga aso!” Pagkatapos, dinagdag niya, nang may nakakatakot na boses, “Tingnan natin kung magsasalita na kayo ngayon!” Noong oras na iyon, dalawang asong pulis ang biglang sumulpot mula sa gilid ng bakuran nang nakalawit ang mga dila at nakataas ang mga ulo, na direktang sumusugod sa amin. Nang makarating na sila sa kinatatayuan naming tatlo, nagsimula silang tumakbo paikot sa amin. Takot na takot ako at inisip ko, “Kakagatin ba kami ng mga asong ito hanggang sa mamatay kami?” Nanalangin ako kaagad sa Diyos. Habang nananalangin, naalala ko ang istorya tungkol kay Daniel, na kahit ipinatapon sa yungib ng mga leon ay hindi namatay dahil kasama niya ang Diyos at itinikom ng Diyos ang bibig ng mga leon, na pumigil sa mga ito na sakmalin siya. Naalala ko rin ang mga salita ng Diyos, na nagsasabing: “Hindi ka dapat matakot sa ganito at ganyan; gaano man karaming hirap at panganib ang maaari mong harapin, kaya mong manatiling hindi natitinag sa Aking harapan, hindi nahahadlangan ng anumang balakid, upang ang Aking kalooban ay maisagawa nang walang sagabal. Ito ang iyong tungkulin…. Huwag matakot; sa suporta Ko, sino ang makakahadlang sa daang ito? Tandaan ito! Huwag kalimutan! Ang lahat ng nagaganap ay sa pamamagitan ng Aking kabutihang-loob, at ang lahat ay nasa ilalim ng Aking pagmamasid. Masusunod mo ba ang Aking salita sa lahat ng sinasabi at ginagawa mo? Kapag ang mga pagsubok ng apoy ay sumapit sa iyo, luluhod ka ba at tatawag? O yuyukod ka ba at hindi na kakayaning sumulong?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Nagbigay sa akin ng pananalig ang mga salita ng Diyos. Ang Diyos ay ang aking suporta, at kung wala ang Kanyang pahintulot, walang magagawang kahit na ano sa akin ang mga aso. Dahan-dahang naglaho ang pagkabalisa ko at nagkaroon ako ng pananalig na nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng bagay. Kamangha-mangha, inamoy lang kami ng mga aso, kumawag ang mga buntot ng mga ito at umalis. Nakahinga ako nang maluwag, sa puso ko ay patuloy akong nagpapasalamat sa Diyos, at lalo pang lumakas ang pananalig ko sa Kanya.

Pagkatapos niyon, dinala kami ng mga pulis sa isang kulungan. Nakakilala kami ng tatlo pang mga sister sa selda na malubha ring binugbog sa buong katawan nila. Makalipas ang dalawang araw, isa-isa kaming kwinestiyon nang salitan. Dinala nila ako sa isang maliit na kuwarto at ginisa nila ako tungkol sa iba’t ibang detalye ng iglesia. Noong ayaw kong magsabi sa kanila ng kahit ano, tinadyakan nila ako at pinaluhod sa sahig, bago tumayo sa mga binti ko at hinihila nang malakas ang buhok ko patalikod para sapilitan akong mapatingala. Pagkatapos niyon, sumampa ang isang pulis sa leeg ko, hinawakan ang buhok ko at hinila-hila ito nang mahigit sa sampung minuto. Nang bumaba na siya, sinimulan niyang hipuin ang mga maseselang bahagi niya at gumawa ng mahahalay na kilos habang nakatitig sa akin nang may malisyosong tingin. Umiwas ako ng tingin sa pagkasuklam at inisip ko, “Paano niya natatawag ang sarili niya na pulis? Isa siyang tampalasan, isang halimaw!” Pagkatapos niyon, tinuro niya ang mga gamot sa kabinet at nagsabing, “Mayroon kami rito ng lahat ng klase ng gamot na maiisip mo. Isang turok lang at kaya ka na naming gawing baliw o isang lantang gulay. Walang tatrato sa iyo gaya ng isang tao pagkatapos niyon.” Nagpatuloy siya, habang tumatawa nang nakakatakot, “Itinataguyod ng CCP ang isang ateista at materyalistang pilosopiya, kailangan naming tanggalin ang mga mananampalatayang gaya mo. Kung hindi ka magbibigay sa amin ng kaunting impormasyon, gagamitin namin sa iyo ang mga gamot na ito.” Habang nagsasalita siya, kumuha siya ng isang sigarilyo mula sa drawer, sinindihan ito at inilagay sa ilalim ng ilong ko kaya pumasok sa butas ng ilong ko ang usok na nagdulot sa akin na ubuhin at mahilo at maduwal. Pagkatapos ay sinabi niya, “Mayroong gamot sa sigarilyong ito na magdudulot sa iyong magsabi ng lahat ng alam mo nang hindi mo sinasadya.” Medyo natakot ako rito. Kung talagang madodroga ako at ipagkakanulo ko ang aking mga kapatid, hindi ba’t gagawin ako niyon na isang Hudas? At paano kung idulot ng mga ineksyon nila na mawala ako sa katinuan o maging lantang gulay ako? Paano na ko mamumuhay kapag nagkagayon? Patuloy akong nanalangin sa Diyos, “O Diyos. Ayaw kong maging isang Hudas. Kung ako lang, hindi ko kayang mapagtagumpayan ang pahirap ng mga pulis. Gabayan at protekhan Mo nawa ako.” Noong sandaling iyon, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Mayroon bang anumang wala sa Aking mga kamay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 1). Tunay nga, ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Nasa mga kamay Niya ang buhay ko at kung magkakaroon man ako ng problema sa pag-iisip o hindi o magiging lantang gulay man ako ay pawang nakasalalay sa Kanya. Kailangan kong magkaroon ng pananalig sa Diyos. Tutal, mukhang hindi naman ako naapektuhan talaga ng may drogang sigarilyo na pilit ipinalanghap sa akin ng pulis at gising na gising pa rin ako. Ipinakita nito sa akin na palagi kong kasama ang Diyos, pinoprotektahan at binabantayan Niya ako. Sa puso ko ay hindi ko maiwasang magpasalamat sa Diyos at hindi na ako gaanong natakot. Pagkatapos masunog ang halos dalawang-katlong bahagi ng sigarilyo, nakita ng pulis na mukhang gising na gising pa rin ako at alerto at pagalit niyang hinagis ang sigarilyo sa sahig at huminga nang malalim at sinabing, “Dalhin ang isang ito sa kulungan!” Noong umaga ng Mayo 13, sinabi sa akin ng isang pulis, “Nilalabag ng iyong pananampalataya sa Diyos ang mga batas ng CCP. Kinasuhan ka ng panggugulo sa pampublikong kaayusan at nahatulan ka ng dalawang taong reedukasyon sa pamamagitan ng pagtatrabaho.” Medyo sumama ang loob ko nang marinig kong sinabi niya iyon. Ang dalawang buwang pagkakakulong ay labis nang mahirap, at wala akong ideya kung paano ko malalampasan ang dalawang taong reedukasyon sa pamamagitan ng pagtatrabaho. Nagpatuloy ang pulis, sinabi niya, “Huwag ka nang mag-abalang umapela. Maraming maling sentensiya sa mundong ito at hindi ka nag-iisa. Kahit umapela ka pa, kailanman ay wala kang maipapanalong kaso laban sa CCP.” Nang marinig ko siyang maglitanya ng mga maladiyablong salita, mas naging malinaw sa akin ang masama, pangit na diwa ng CCP. Makalipas ang dalawang araw, pinadala ako sa isang labor camp.

Sa labor camp, ikinulong ako kasama ang siyam na iba pang sister. Tuwing umaga, kailangan naming gumising ng alas-5, at pagkatapos ng pang-umagang ehersisyo, pinagsisimula na kaming maghabi ng mga banig. Kung masyado kaming mabagal, sisigawan kami, at kung hindi namin matapos ang aming mga gampanin, parurusahan kami. Minsan, kailangan naming magtrabaho nang buong gabi at minsan, tatlong araw at tatlong gabi kaming walang tulog. Hindi ako kailanman nakakumpleto ng pagkain noong nasa labor camp ako, at palagi akong pagod na pagod, walang tulog at gutom. Madalas akong nakakatulog habang nakatayo. Madalas kaming pag-initan ng mga guwardiya dahil mga mananampalataya kami. Nagdusa ako sa pagkabalisawsaw at kapag sinasabi kong pupunta ako sa palikuran, ang dalawang pinuno ng mga bilanggo na sinulsulan ng guwardiya ay sadya akong tutuyain, sinasabi nila, “Hindi mo ito bahay, hindi puwedeng basta ka na lang aalis tuwing gusto mo! Pigilin mo iyan!” Pipigilin ko ito nang matagal na halos hindi na ako makalakad, dahil nag-aalala ako na kung kikilos ako nang masyadong mabilis, mawawalan ako ng kontrol at maaaksidente. Kaya humantong ako sa paisa-isang hakbang, dahan-dahang naglalakad papunta sa palikuran. Pero kapag nakarating na ako sa palikuran, hindi ako makaihi. Napakahirap ng pakiramdam ko. Isang araw, may isang animnapung taong gulang na sister ang inatake sa puso dahil sa sobrang pagtatrabaho at bumagsak siya sa sahig, bumubula ang bibig niya. Hindi lamang siya hindi tinulungan ng guwardiya, dalawang beses pa siyang sinipa nito. Nang magising siya, pinilit siya nitong tumuloy sa pagtatrabaho. May isa pang pagkakataon, sinabi ng isang pinuno ng mga bilanggo na ang trabaho ng isang sister ay hindi pasok sa pamantayan kahit malinaw naman na pasok ito sa pamantayan. Sinabi ng guwardiya na pasibo ang sister, nagpapakatamad at tumatangging magtrabaho at pinarusahan siya sa pamamagitan ng pagkulong sa kanya sa isang mas maliit na selda, binibitin at hinahampas siya sa loob ng dalawang araw. Pagkatapos niyon, dinala siya sa isang entablado sa kantina at pinilit na pulaan ang kanyang sarili sa harap ng lahat. Nang makita ko ang napakaitim na marka mula sa mga posas sa mga pulso ng sister, nagalit ako nang sobra. Dahil lamang sa aming pananalig, inaresto kami ng malaking pulang dragon, at binugbog kami hangga’t gusto nila, at pinadala kami para sa reedukasyon sa pamamagitan ng pagtatrabaho, walang-tigil kaming inaabuso. Tayong mga mananampalataya ay hindi nila binibigyan ng anumang pagkakataon na manatiling buhay! Noong sandaling iyon, naisip ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos na pinamagatang “Yaong mga Nasa Kadiliman ay Dapat Bumangon”:

1  Sa loob ng libo-libong taon, ito ang naging lupain ng karumihan. Hindi matitiis ang karumihan nito, napakalungkot dito, naglipana ang mga multo sa buong paligid, nanlalansi at nanlilinlang, nagpaparatang nang walang batayan, walang-awa at malupit, niyuyurakan ang bayang ito ng mga multo at iniiwan itong nagkalat ang mga patay na katawan; ang amoy ng pagkabulok ay bumabalot sa lupain at kumakalat sa hangin, at ito ay mahigpit na binabantayan. Sino ang makakakita sa mundo sa kabila ng himpapawid? Paano kaya nakita kailanman ng mga taong nakatira sa ganitong bayan ng mga multo ang Diyos? Natamasa na ba nila kahit kailan ang pagiging kagiliw-giliw at ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos? Paano nila nauunawaan ang mga usapin ng mundo ng tao? Sino sa kanila ang maaaring makaunawa sa sabik na mga layunin ng Diyos?

2  Bakit naglalagay ng isang di-mapapasok na balakid sa gawain ng Diyos? Bakit gumagamit ng iba’t ibang pandaraya upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Nasaan ang tunay na kalayaan at lehitimong mga karapatan at mga interes? Nasaan ang katarungan? Nasaan ang kaaliwan? Nasaan ang init? Bakit gumagamit ng madayang mga pakana upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Bakit gumagamit ng puwersa para pigilin ang pagdating ng Diyos? Bakit tinutugis ang Diyos hanggang wala na Siyang mapagpahingahan man lamang ng Kanyang ulo? Kitang-kita ng lahat, tinatanggihan ninyo ang pagdating ng Diyos, at tinatanggihan ang pakikipagkaibigan ng Diyos. Bakit napakawalang-katwiran ninyo? Nahahanda ba kayong magtiis ng kawalang-katarungan sa madilim na lipunang tulad nito?

Ngayon na ang oras: Matagal nang tinipon ng tao ang lahat ng kanyang lakas, nailaan na niya ang lahat ng kanyang pagsisikap at binayaran ang bawat halaga para dito, upang punitin ang kahindik-hindik na mukha ng diyablong ito at tulutan ang mga tao, na nabulag na, at nagtiis na ng bawat uri ng pagdurusa at paghihirap, na bumangon mula sa kanilang pasakit at maghimagsik laban sa masama at matandang diyablong ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8

Nakita ko nang may walang pag-aalinlangang katiyakan na isang demonyo ang CCP na kinamumuhian ang katotohanan at itinuturing ang Diyos bilang kaaway nito; nagpasya akong ganap na maghimagsik laban sa CCP, manindigan sa patotoo ko sa Diyos at ipahiya ang malaking pulang dragon.

Kalaunan, itinalaga kami sa paggawa ng mga pekeng pilik-mata at kinailangan naming mag-overtime gabi-gabi. Dahil sa mahabang oras ng pagtatrabaho, naging malabo ang paningin ko at nanginig ang mga kamay ko habang hawak ang mga forcep. Mahina na ang pangangatawan ko noon pa man at, dahil sa sobrang kapaguran, palala nang palala ang kondisyon ko kada araw. Madalas akong lagnatin, pero kailangan kong magpatuloy sa pagtatrabaho habang may sakit. At kahit ang pagpunta sa palikuran ay isang isyu—ang punong bilanggo ay sadya akong pag-iinitan at papayagan lang ako kapag nagsimula na akong umiyak dahil sa pagpipigil dito nang napakatagal. Malungkot na malungkot ako at miserable at hindi ko alam kung paano ko malalampasan ang dalawang taong iyon. Minsan, madarama kong sobrang nahahapis ako na gusto kong umiyak at minsan iniisip ko nang magpakamatay. Noong panahong iyon, madalas akong manalangin sa Diyos at naaalala ko ang siping ito ng Kanyang mga salita: “Kapag nagdurusa ka, kailangan mong magawang isantabi ang pag-aalala sa laman at huwag magreklamo laban sa Diyos. Kapag itinatago ng Diyos ang Kanyang Sarili mula sa iyo, kailangan mong magkaroon ng pananampalatayang sundan Siya, panatilihin mo ang iyong pagmamahal nang hindi hinahayaang manlamig o maglaho. Anuman ang gawin ng Diyos, kailangang hayaan mo Siyang mamatnugot ayon sa gusto Niya at maging handa kang sumpain ang iyong sariling laman sa halip na magreklamo laban sa Kanya. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, kailangan mong maging handang magtiis ng sakit ng pagsuko sa minamahal mo, at maging handang tumangis para palugurin ang Diyos. Ito lamang ang tunay na pagmamahal at pananampalataya. Anuman ang aktuwal mong tayog, kailangan mo munang magkaroon kapwa ng kahandaang dumanas ng paghihirap at ng tunay na pananampalataya, at kailangan ka ring magkaroon ng kahandaang maghimagsik laban sa laman. Dapat ay handa kang personal na magtiis ng mga paghihirap at na magdusa ng mga kawalan sa iyong mga personal na interes upang matugunan ang mga layunin ng Diyos. Dapat ay may kakayahan ka ring makaramdam ng pagsisi sa puso mo: Noong araw, hindi mo nagawang mapalugod ang Diyos, at ngayon, maaari kang magsisi sa iyong sarili. Hindi ka dapat magkulang sa anuman sa mga bagay na ito—sa pamamagitan ng mga bagay na ito, gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung hindi mo matutugunan ang mga kinakailangang ito, hindi ka magagawang perpekto(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Dati, madalas kong sabihin na handa akong tularan sina Job at Pedro, at maninindigan ako sa aking patotoo upang palugurin ang Diyos gaano man kahindik-hindik ang mga pagsubok na kakaharapin ko. Pero ngayong talagang naharap ako sa sitwasyong ito, napagtanto ko na nagbibigkas lang ako ng mga islogan at doktrina at wala akong tunay na pananalig at pagpapasakop sa Diyos. Pinahihirapan ni Satanas ang laman ko upang himukin akong lumayo at ipagkanulo ang Diyos, pero ginagamit ng Diyos ang mahirap na kapaligirang ito para ibunyag ang mga kakulangan ko at gawing perpekto ang pananalig at pagmamahal ko. Kinailangan kong magtiwala sa Diyos para danasin ang kapaligirang ito at gaano man ako nagdusa, kailangan kong palugurin ang Diyos. Noong nagpasakop na ako sa kapaligiran, hindi ko na inisip na masyadong mahirap ang pagdurusang ito. Kalaunan, sinuri ng doktor sa labor camp ang katawan ko at nakita niyang mayroon akong malalang tachycardia at malubhang sakit sa puso. Pagkatapos niyon, hindi na ako binigyan ng guwardiya ng dagdag na trabaho. Alam kong nagbubukas ng daan ang Diyos para sa akin at pinasalamatan ko Siya mula sa kaibuturan ng puso ko. Sa ilalim ng proteksiyon ng Diyos, nairaos ko ang isang taon at sampung buwan na pagkakakulong.

Sa pagbabalik-tanaw ko sa aking karanasan, tuwing naiisip ko na hindi ko kakayaning malampasan ang pananakit at pagpapahirap, nagbigay sa akin ng pananalig at lakas ang mga salita ng Diyos, ginagabayan ako ng mga ito sa bawat paghihirap. Dahil lamang sa proteksiyon at pagmamahal ng Diyos kaya nagawa kong manatiling buhay sa kabila ng pagpapahirap ng malaking pulang dragon at makalabas nang buhay sa maladiyablong bilangguang iyon sa kabila ng pagkakaroon ng mahinang pangangatawan at pagdurusa mula sa ilang karamdaman! Salamat sa Makapangyarihang Diyos!

Sinundan: 29. Maging ang Matatanda ay Dapat Magsumikap na Hangarin ang Katotohanan

Sumunod: 31. Maituturing Ko Na Nang Tama Ang Aking Kakayahan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito