86. Sino ba Talaga ang Sumira sa Pamilya Ko?

Ni Fang Xia, Tsina

Isa akong guro at inhinyero naman ang asawa ko. Maganda ang naging pagsasama namin bilang mag-asawa, at matalino at mabait ang anak naming babae. Hinangaan kami ng lahat ng kaibigan at kasamahan namin. Pagkatapos, no’ng Disyembre 2006, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nalaman ko na nagpahayag ng maraming katotohanan ang ating Tagapagligtas, ang Makapangyarihang Diyos, para dalisayin at iligtas ang sangkatauhan. Ang pagkakaroon ng pananampalataya, pagbabasa ng mga salita ng Diyos, pagkakamit ng katotohanan, at pagwawaksi sa kasalanan at sa ating tiwaling disposisyon ay ang tanging paraan para maprotektahan ng Diyos sa gitna ng malalaking sakuna, at sa huli ay makapasok sa kaharian Niya. Natutunan ko rin na nagmula sa Diyos ang buhay natin, at ibinigay sa atin ng Diyos ang lahat ng pag-aari natin. Bilang mga nilikha, dapat nating gawin ang tungkulin natin. Kalaunan, sinimulan kong ibahagi ang ebanghelyo at diligan ang mga baguhan. Kasiya-siya ang bawat araw. Napansin ng asawa ko na mula nang maging mananampalataya ako, lagi akong nakangiti, at masaya niyang sinabi sa’kin, “Dati, lagi kang sobrang pagod pagkatapos ng trabaho at nag-aalala ako sa’yo. Bilang mananampalataya, ganoon ka rin kaabala araw-araw, pero pabuti nang pabuti ang lagay mo. Halatang napakaganda ng pagkakaroon ng pananampalataya!” Pero ang magagandang bagay ay hindi nagtatagal. ‘Di nagtagal, nagsimula siyang siilin ako at hadlangan ang pananampalataya ko.

Isang araw noong Marso 2007, umuwi siya mula sa trabaho at mahigpit niyang sinabi pagpasok niya, “Nagpatawag ang boss namin kanina ng pulong para sa mga kadre ng bawat departamento at sinabi na, nitong mga nagdaang taon, parami nang parami ang mga mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos, na nagpaalarma sa Partido. Inilista nila ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos bilang pangunahing pambansang target, at lahat ng mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos ay nasasailalim sa pag-aresto ng Partido Komunista. Mas masahol pa para sa mga pampublikong empleyado: Ang sinumang matuklasan na isang mananampalataya o may kapamilya sa Iglesia ay matatanggal sa trabaho, nang walang eksepsyon! Habang wala pa sa paaralan niyo ang nakakaalam sa pananampalataya mo, isuko mo na ‘to bago pa mahuli ang lahat. Maaaresto ka ‘pag nalaman ng boss mo!” Iniisip ko na ang pagkakaroon ng pananampalataya ay ang tamang landas at hindi ‘to lumalabag sa anumang batas, kaya bakit gugustuhin akong pigilan ng Partido? Kaya sinabi ko sa kanya, “Nang sumali ang China sa WTO, hindi ba’t ipinahayag nito na may kalayaan ng pananalig sa China? Bakit may panunupil ngayon? Ano’ng mali sa pananampalataya ko?” Nagalit talaga siya at sumagot, “Alam kong mabuti ang pagkakaroon ng pananampalataya, pero hindi ‘to pinapayagan ng Partido, kaya ano’ng magagawa natin? Hindi mo ito pwedeng labanan. Kung patuloy kang mananalig, maaari kang maaresto at makulong anumang oras. Kung maaaresto ka, hindi ba’t masisira ang pamilya natin? Kailangan mong bitiwan ang pananampalataya mo alang-alang sa pamilyang ‘to!” Nagalit ako nang husto sa sinabi niya. Hindi ko akalain na sa pagsisikap nilang pigilan ang mga tao na manalig sa Diyos, gagamitin ng Partido ang mga amo ng mga tao para gipitin sila, kaya nga nagbago ang isip ng asawa ko. Iniisip ko kung palalampasin ba ako ng Partido ‘pag natuklasan nila ang tungkol sa pananampalataya ko. Bakit napakahirap maging isang mananampalataya sa China? Pagkatapos, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na binasa sa akin ng isang sister minsan. “Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-aapi, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, dahil dito. Dahil ito ay sinimulan sa isang lupain na lumalaban sa Diyos, lahat ng gawain ng Diyos ay nahaharap sa malalaking balakid, at nangangailangan ng mahaba-habang panahon ang pagsasakatuparan sa marami sa Kanyang mga salita; sa gayon, ang mga tao ay pinipino dahil sa mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng paghihirap na ito ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang gawain, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Naalala ko na ibinahagi rin niya, “Isang ateista ang Partido Komunista. Napopoot at lumalaban ito sa Diyos. Bilang mga mananampalataya sa bansang pinamumunuan ng Partido Komunista, nakatalaga tayong siilin at ipahiya. Minsang sinabi ng Panginoong Jesus, ‘Mapapalad ang mga inuusig dahil sa pagsunod sa matuwid: sapagkat kabilang sila sa kaharian ng langit(Mateo 5:10). Ginagamit ng Diyos ang mga mapaniil na sitwasyong ito para gawing perpekto ang pananampalataya ng mga tao. Ang kakayahang manindigan sa gitna ng gayong mapaniil at mahirap na kapaligiran ang pinakasinasang-ayunan ng Diyos!” Binigyan ako nito ng pananalig. Alam kong hindi ako pwedeng sumuko dahil sa paniniil ng Partido. Gaano man ako hadlangan ng asawa ko, determinado akong manalig.

Sa maikling panahon, halos araw-araw silang nagpupulong sa trabaho niya, idinidiin na hindi pwedeng may sinumang mananampalataya sa mga empleyado o miyembro ng kanilang pamilya. Umuwi ang asawa ko at halos araw-araw akong sinesermunan ng ideolohiya. Isang gabi nang makauwi ako mula sa isang pagtitipon, mukha siyang seryoso at sinabing, “Pumunta ka sa isa na namang pagtitipon? Ilang beses ko nang sinabi sa’yo na hindi ka pwedeng pumunta sa mga pagtitipon—bakit ayaw mong makinig? Alam mo naman na ipinagbabawal ng Partido ang relihiyon. Paulit-ulit na sinabi sa amin ng boss namin na hindi pagbibigyan ng Partido ang sinumang mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos! Hindi ba’t paghahanap lang ng gulo ang patuloy na manalig sa ganitong kritikal na panahon?” Sabi ko, “Walang nilalabag na batas ang pananampalataya. Anong karapatan ng Partido na tutulan ‘yon?” Sumagot siya, “Walang pakialam ang Partido kung may nilalabag kang batas o wala. Itinuturing na mga pulitikal na kriminal ang mga mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos. Kung maaaresto ka ng Partido dahil sa pananalig mo, hindi lang nito masisira ang reputasyon mo, kundi manganganib din ang buhay mo, at madadamay ang pamilya mo.” Sinabi ko sa asawa ko, “Alam na alam mo na laban sa Diyos ang Partido, pero pumapanig ka sa kanila, hinahadlangan ako. Hindi ka ba natatakot sa parusa?” Nangungutya niyang sinabi, “Hindi mahalaga ang parusa—mahalagang maunawaan kung ano’ng sitwasyon ngayon. Nasa kapangyarihan ang Partido Komunista ngayon, kaya kung gusto mong mabuhay sa ilalim ng pamumuno nila, hindi ba’t kailangan mong gawin ang sinasabi nila? Nakakakuha ako ng pera mula sa Partido, kaya kailangan kong magsalita at kumilos sa ngalan nila. Nagtatrabaho at sumusweldo ka rin sa ilalim ng Partido, kaya bakit ka nila pagbibigyan kung susundin mo ang Diyos sa halip na ang Partido? Dapat alam mo kung ano ang nakataya! Susunod ka ba sa Partido, o sa Makapangyarihang Diyos? Kailangan mong pumili ngayon!” Nagtalo talaga ang kalooban ko. Kung patuloy akong mananalig, maaaring malaman ‘to ng amo ko anumang oras. Tapos mawawalan ako ng trabaho at malamang na maaaresto ng mga pulis. Mahigit isang dekada na ang trabaho ko. Nagsumikap ako mula noon at na-promote bilang isang gurong may mid-ranking. Natamo ko ang paghanga ng mga estudyante, ang paggalang ng kanilang mga magulang, ang inggit ng aking mga kasamahan, at ang pagkilala at pagsang-ayon ng amo ko. Kahit saan ako pumunta, maganda ang pakikitungo sa akin ng mga kamag-anak at kaibigan. Kung mawawalan ako ng trabaho, Haharapin ko ang pagtanggi ng pamilya ko, pangungutya ng iba, at panghahamak ng mga kasamahan ko. Natatakot akong masira ang reputasyon ko ‘pag nangyari ‘yon. Tapos naisip ko, “Ang gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw ay ang huling yugto ng Kanyang gawain para iligtas ang sangkatauhan. Ang tanging paraan para mapalaya sa katiwalian ay ang sumailalim sa paghatol at paglilinis ng Diyos, pagkatapos ay makakaligtas tayo sa mga sakuna sa ilalim ng proteksyon ng Diyos at madadala sa isang magandang hantungan. Magiging habambuhay na pagsisisi kung palalampasin ang pagkakataong ‘yon.” Naisip ko ang sinabi ng Diyos. “Kung ikaw ay may mataas na katayuan, may marangal na reputasyon, may saganang kaalaman, nagmamay-ari ng napakaraming ari-arian, at suportado ng maraming tao, subalit hindi ka napipigilan ng mga bagay na ito na lumapit sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang pagtawag at ang Kanyang atas, at gawin kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo, ang lahat ng iyong ginagawa ay magiging pinakamakabuluhan sa lupa at pinakamatuwid na gawain ng sangkatauhan. Kung tatanggihan mo ang tawag ng Diyos para sa kapakanan ng katayuan at sarili mong mga mithiin, lahat ng iyong gagawin ay susumpain at kamumuhian pa ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan). Sumigla ang puso ko sa pag-iisip sa mga salita ng Diyos. Ang pagkakaroon ng pananampalataya, paghahangad sa katotohanan, at paggawa ng tungkulin ng isang nilikha ay ang tanging bagay na may halaga at kabuluhan. Pero nang mamimili na sa pagitan ng pananampalataya at trabaho, napipigilan ako ng karangalan at katayuan, natatakot na aalisin ako sa trabaho ng Partido Komunista dahil sa pananalig ko, na makakasira sa reputasyon ko. Ang mahalaga pa rin sa akin ay ang propesyon at karangalan ko. Pero ano ba’ng magagawa ng mga bagay na ‘yon para sa’kin? Magdadala lang ang mga ito ng pansamantalang kasiyahan sa’king banidad; hinding-hindi ako matutulungan ng mga ito na makamit ang katotohanan o maalis ang tiwaling disposisyon ko. At ano ang kabuluhan ng paghanga ng iba? Isa pa, alam kong kaaway ng Diyos ang Partido Komunista. Ang kumapit sa trabaho ko at tamasahin ang magandang katayuan at reputasyon, kung isuko ko ang aking pananalig, mamuhay nang walang kabuluhan sa ilalim ng pamumuno ng Partido, hindi ba ‘yon pagtataksil sa Diyos? Hindi ako pwedeng maging ganoong klase ng tao. Kaya, napakamahinahon kong sinabi sa asawa ko, “Hinding-hindi ko isusuko ang pananalig ko.” Tinitigan niya ako at mahigpit na sinabi, “Kung patuloy kang mananalig, isusumbong kita sa pulis at ipapaaresto.” Nagsimula siyang tumawag habang sinasabi ‘yon. Natigilan ako no’ng oras na ‘yon. Alam niyang sinisiil ng Partido Komunista ang mga mananampalataya, pero ibibigay pa rin niya ako sa kanila. Hindi ba’t ipinapahamak niya lang ako? Para sa kanyang sariling kapakanan, binalewala niya ang pagmamahalan namin bilang mag-asawa, at ginusto akong isumbong sa mga pulis para isuko ko ang pananalig ko. Hindi ako pwedeng bumigay sa kanya. Tapos, paulit-ulit niya akong tinanong, “Nakapagdesisyon ka na?” Sinabi ko, “Kahit na maaresto ako at makulong, patuloy akong mananalig!” Namutla ang asawa ko at itinapon niya ang telepono sa sahig dahil sa galit.

Naaalala ko may isang gabi, agad na nagbago ang ekspresyon niya nang makita niyang nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos, at sinabi niya, “Ilang beses ko na bang sinabi sayo? Sa China, hindi ka pwedeng basta na lang tumahak sa landas ng pananampalataya! Mula sa pamahalaang sentral hanggang sa mga lokal na awtoridad, mula sa administrasyon hanggang sa mga indibidwal na empleyado, sinusubaybayan at ipinapatupad sa lahat ng antas. Huhulihin ka ng Partido kung patuloy kang mananalig sa Diyos!” Nakakatakot para sa’kin na parating marinig na sinasabi ng asawa ko ‘yon, at pati na ang maisip ang palagiang panganib ng pagkaaresto bilang mananalig sa bansa ng Partido. Iniisip ko kung kakayanin ko ba ang pagpapahirap kung aarestuhin ako balang araw. Paano kung bugbugin nila ako hanggang sa mamatay ako o maging baldado? Kung hindi ko makakayanan ang pagdurusa at magiging Hudas, ipagkakanulo ang Diyos, hindi ba’t iyon na ang katapusan ko? Alam kong wala ako sa mabuting kalagayan, kaya mabilis akong nagdasal sa Diyos, humihingi ng pananalig para hindi ako mawalan ng patotoo sa gitna ng paniniil at paghihirap na ‘yon. Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Kapag handang isakripisyo ng mga tao ang kanilang mga buhay, ang lahat ng bagay ay nagiging walang halaga, at walang makagagapi sa kanila. Ano ang maaaring maging higit na mahalaga kaysa buhay? Sa ganitong paraan nawawalan si Satanas ng kakayahang gumawa pa sa mga tao, walang anumang magagawa ito sa tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 36). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Kapag handa tayong itaya ang ating buhay at hindi napipigilan ng kamatayan, walang magagawa si Satanas. Ang pangunahing dahilan kaya ako takot mapatay sa bugbog ng mga pulis ay dahil wala akong pananalig. Masyado kong pinahahalagahan ang buhay ko. Ang lahat ay nasa ilalim ng pamamahala ng Diyos, pati buhay at kamatayan natin. Kailangan kong ibigay ang sarili ko sa Diyos at magpasakop sa Kanyang mga pangangasiwa at pagsasaayos. Kahit patayin ako sa bugbog, iyon ay pag-uusig para sa katuwiran, na may halaga. Sa kumpiyansa na nakuha ko sa mga salita ng Diyos, binasa ko ang ilan sa mga ito para sa asawa ko: “Nagtitiwala kami na walang bansa o kapangyarihan ang maaaring pumigil sa kung ano ang nais ng Diyos na makamit. Ang mga humahadlang sa gawain ng Diyos, lumalaban sa salita ng Diyos at nanggugulo at sumisira sa plano ng Diyos ay parurusahan ng Diyos sa huli. Siya na lumalabag sa gawain ng Diyos ay ipadadala sa impiyerno; anumang bayan na sumusuway sa gawain ng Diyos ay wawasakin; anumang bansa na tumututol sa gawain ng Diyos ay mabubura sa daigdig na ito, at titigil sa pag-iral(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan). Binigyan ko ang asawa ko ng patotoo sa matuwid na disposisyon ng Diyos na walang kinukunsinting pagkakasala. Ang pang-aaresto at pag-uusig ng Partido Komunista sa mga mananampalataya ay paggawa ng kasamaan at paglaban sa Diyos, at maparurusahan ng Diyos. Sa pagpanig sa Partido at pagpapalayo sa akin sa pananalig ko, gumagawa siya ng masama kasama nila. Matapos makinig, walang magawa niyang sinabi, “Sa tingin mo gusto ko ‘to? Ginagawa ito ng Partido Komunista. Kung hindi kita pipigilang manalig sa Diyos, mawawala rin ang kabuhayan ko. Bakit hindi mo ako maisip? Kung aarestuhin ka at ikukulong dahil sa pagiging mananampalataya, kung hindi ka nila papatayin, sasaktan ka nila kahit papa’no. Pa’nong panunuorin lang kitang magdusa? Ano’ng pwede kong gawin para isuko mo ang pananalig mo?” Sabi ko, “Ang Makapangyarihang Diyos ang nag-iisang tunay na Diyos, at hinding-hindi ko isusuko ang pananalig ko!” Ang nakakagulat, nang makita niyang hindi ako susuko, naging pisikal siya sa’kin. Sa galit, sinabi niya sa’kin, “Kung maaaresto ka dahil sa pananalig mo, katapusan na ‘yon. Pinipilit mo lang na magpahuli sa kanila. Pero sabihin mo sa’kin, para saan ka pa mananalig kung patay ka na?” Pagkatapos nun ay dinaganan niya ako sa kama na parang isang baliw, mahigpit na sinakal ang leeg ko at sinabing, “Sasakalin kita, at tingnan natin kung kaya mong manalig!” Sinasakal ako at hindi makahinga, at nagpupumiglas ako nang husto pero wala akong nagawa. Hinimatay ako. Habang unti-unti akong nagkakamalay, naisip ko kung paanong ang asawa ko, na hindi ako kailanman sinaktan sa maraming taon ng aming pagsasama, ay naging napakalupit sa akin para protektahan ang kanyang katayuan at trabaho, halos patayin ako sa sakal. Sobrang sama ng loob ko. Lalo ko ring kinamuhian ang Partido Komunista. Kung hindi nila pinagbantaan ang mga trabaho at kinabukasan ng mga kapamilya, hinding-hindi sana magiging napakawalang-awa ng asawa ko.

Sa tuwing mas ginigipit ang asawa ko ng trabaho niya, tumitindi rin ang pang-uusig niya sa’kin. Isang araw nang umuwi siya mula sa isang pulong, sinermunan niya ako uli ng ideolohiya, at sinabing sa ilalim ng pamamahala ng CCP sa China, magdurusa ang buong pamilya kung ang isang tao ay mananampalataya, kaya hindi ko pwedeng ipagpatuloy ang pananalig ko o kung hindi, pareho kaming mawawalan ng trabaho, at maaapektuhan ang pag-aaral at propesyon ng anak namin. Tinanong niya kung paano magkakaroon ng kumpiyansa ang anak namin kung makukulong ako dahil sa pananalig ko, at sinabing kahit hindi ko na isipin kaming dalawa, dapat kong isipin ang anak namin. Iniisip ko na kung tatanggalan ng trabaho ng Partido Komunista ang asawa ko at sisirain ang kinabukasan ng anak ko dahil sa pananalig ko, hindi ba’t habambuhay silang mamumuhi sa’kin? Nababalisa talaga ako no’n, kaya tahimik akong tumawag sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako. Naalala ko ito mula sa mga salita ng Diyos: “Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Mayroon bang anumang wala sa Aking mga kamay? Anumang Aking sinasabi ay nangyayari, at sino sa mga tao ang makapagpapabago sa Aking isipan? … Hindi ba’t Ako ang personal na gumawa ng mga pagsasaayos na ito?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 1). Lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. Mawalan man kami ng trabaho ng asawa ko, maapektuhan man ang pag-aaral ng anak ko, at makakuha man siya ng trabaho o hindi, ay lahat isinaayos ng Diyos. Ang Diyos lang ang makapagpapasya ng lahat ng bagay—hindi ang Partido Komunista. Sa isiping ito, sinabi ko sa asawa ko, “Nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ng tao, sa ilalim ng Kanyang pamumuno. Sa palagay mo, kung makikinig ka sa Partido Komunista ay garantisado ang trabaho mo? Hindi nga man lang hawak ng Partido ang sarili nitong kapalaran, kaya paano nito makokontrol ang kapalaran ng iba?” Tapos, galit siyang sumagot, “Kung determinado ka na sa pagiging mananampalataya, huhulihin ka ng Partido. Pinapatay nila ang mga mananampalatayang nahuhuli nila. Mas mabuting mamatay ka sa mga kamay ko.” Bago ako makasagot, tumakbo siya sa kusina na parang baliw, kumuha ng kutsilyo, at tumayo sa harap ko, tapos ay mahigpit na sinabi habang nakataas ang kutsilyo, “Magiging mananampalataya ka ba, o magkakaroon ng magandang buhay? Kung igigiit mong maging mananampalataya, lalaslasin ko ang lalamunan mo!” Galit at takot, agad akong tumawag sa Diyos sa puso ko. Nang sandaling ‘yon, biglang lumabas ng kuwarto niya ang anak namin, iniharang ang sarili niya sa’kin at sumigaw, “Tay! Kung papatayin mo si Nanay, kailangan mo muna akong patayin!” Nagulat ang asawa ko sa ginawa niya, at nanigas ang mukha nito habang nakatitig sa anak namin. Dahan-dahan nitong ibinaba ang kamay na may hawak ng kutsilyo. ‘Di maipaliwanag ang kawalan at sakit na nararamdaman ko habang umaagos ang luha ko sa dalamhati at galit. Hindi ko kailanman inakala na pagbabantaan ng asawa ko ang buhay ko dahil nananalig ako sa Diyos. Hindi ito ang lalaking pinakasalan ko. Malinaw na isa itong demonyo!

Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal isang araw. “Bakit minamahal ng isang lalaki ang kanyang asawa? Bakit minamahal ng isang babae ang kanyang asawa? Bakit masunurin ang mga anak sa kanilang mga magulang? Bakit mahal na mahal ng mga magulang ang kanilang mga anak? Anong uring mga layon ang tunay na kinikimkim ng mga tao? Ang layon ba nila ay hindi upang matugunan ang sarili nilang mga plano at mga makasariling pagnanasa? Tunay bang ibig nilang kumilos alang-alang sa plano ng pamamahala ng Diyos? Tunay nga bang kumikilos sila alang-alang sa gawain ng Diyos? Ang layon ba nila ay tuparin ang tungkulin ng isang nilikhang nilalang?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). “Sinumang hindi kumikilala sa Diyos ay isang kaaway; ibig sabihin, sinumang hindi kumikilala sa Diyos na nagkatawang-tao—nasa loob man sila o nasa labas ng daloy na ito—ay isang anticristo! Sino si Satanas, sino ang mga demonyo, at sino ang mga kaaway ng Diyos kundi ang mga mapanlaban na hindi naniniwala sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga taong masuwayin sa Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Naisip ko ang mga salita ng Diyos. Tumatakbo sa isip ko na parang pelikula ang bawat eksena ng paniniil sa’kin ng asawa ko. Bakit ang asawa ko, na hindi kailanman nanigaw o nanakit sa’kin, ay ginagawa ang lahat para usigin ako mula nang maging isa akong mananampalataya? Bakit ang lahat ng taong ‘yon ng pagsasama ay masisira na lang dahil sa personal na pakinabang? Walang tunay na pagmamahal sa pagitan ng mga tao—ginagamit lang ng lahat ang isa’t isa. Mabait sa akin ang asawa ko noon dahil kaya kong magtrabaho, kumita ng pera, at isilang ang mga anak niya. Sa paningin niya, kapaki-pakinabang ako. Pero ngayong pinili ko ang pananalig, na nakaapekto sa mga interes niya, wala na siyang pakialam sa damdamin namin para sa isa’t isa. Para pigilan akong manalig sa Diyos, gusto niyang isumbong ako sa mga pulis, sinakal niya ako hanggang sa mahimatay ako, at pinagbantaan pa nga ako gamit ang kutsilyo. Iginiit niya na ayaw niyang manalig ako dahil iniisip niya ako, at natatakot siyang maaresto ako, pero ang lahat ay para lang sa sarili niya. Inuuna niya ang kanyang propesyon at reputasyon kaysa sa lahat. Para protektahan ang sarili niyang kabuhayan, handa siyang maging alipores ng Partido Komunista, ang utusan nito, tinutulak ako sa isang landas na walang labasan. Gumamit pa siya ng lahat ng uri ng masasamang taktika para pigilan akong manalig sa Diyos. Sa diwa, isa siyang demonyo na napopoot at lumalaban sa Diyos. Pagkatapos ay nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos. “Bilang isang normal na tao, na naghahangad na mahalin ang Diyos, ang pagpasok sa kaharian upang maging isa sa mga tao ng Diyos ang inyong tunay na hinaharap, at isang buhay na siyang pinakamahalaga at pinakamakabuluhan; walang sinuman ang higit na pinagpala kaysa sa inyo. Bakit Ko sinasabi ito? Sapagkat yaong mga hindi naniniwala sa Diyos ay nabubuhay para sa laman, at sila ay nabubuhay para kay Satanas, ngunit sa kasalukuyan kayo ay nabubuhay para sa Diyos, at nabubuhay upang gawin ang kalooban ng Diyos. Kaya sinasabi Ko na ang inyong mga buhay ang pinakamakabuluhan. Ang grupo lamang ng mga taong ito, na pinili ng Diyos, ang magagawang isabuhay ang isang buhay na pinakamakabuluhan: Walang sino pa man sa lupa ang magagawang isabuhay ang isang buhay na may gayong halaga at kahulugan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak). Talagang nakakapukaw sa akin ang mga salita ng Diyos at tinulungan akong makita ang kabuluhan ng buhay. Ang pagkakaroon ng pananalig, paghahangad sa katotohanan, at paggawa ng tungkulin ng isang nilikha ay ang tanging daan para mamuhay ng isang buhay na may kabuluhan at halaga. Nagsumikap ako nang labis-labis sa mundo at medyo naging kilala ako, pero hungkag at miserable ang kalooban ko. Nagkasakit ako dahil sa sobrang pagod, at ang maayos kong boses ay sobrang napaos na halos ‘di na ’ko makapagsalita. Sa puntong ‘yon ay talagang naramdaman ko na gaano pa man karami ang sertipiko ko ng karangalan o gaano man ako hangaan, hinding-hindi nito malulutas ang aking sakit o espirituwal na kahungkagan. Ang reputasyon na hinahangad at mayro’n ako sa mga taong ‘yon ay hindi makakatulong sa akin na makamit ang katotohanan o makakaligtas sa akin mula sa katiwalian at kapahamakan ni Satanas. Bukod pa roon, sa mga taon ng pagtuturo ko ay ikinikintal ko sa isip ng mga estudyante ang lahat ng uri ng bagay na nagtatatwa sa Diyos. Palagi kong pinupuri ang Partido Komunista. Kung nagpatuloy ‘yon, imposibleng maganda ang kahihinatnan ko. Kailangan kong huminto sa paglilingkod sa Partido. Nanalangin ako sa Diyos sa puso ko, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng landas palabas. Kalaunan, nang magpa-check up ako, sinabi sa’kin ng doktor, “Masama ang kalagayan ng lalamunan mo. Nagbago ang kulay nito, at talagang napuno ng dugo. Namamaga at napakalaki nito na naaapektuhan ang vocal cords mo. Kung iisipin ang propesyon mo, kung hindi ka hihinto sa paggamit ng lalamunan mo, malamang na ‘di ka na makakapagsalita.” Pagkatapos ay nagmungkahi siya ng anim na buwang medical leave para sa ‘kin. Taos-puso akong nagpasalamat sa Diyos. Inakala ko na magkakaroon ako ng mas maraming oras para basahin ang mga salita ng Diyos at gawin ang tungkulin ko, pero gumamit ng mas masamang taktika ang asawa ko para hadlangan ako.

Isang araw noong Pebrero 2009, pinapunta niya ang dalawang kaklase ko at ang nakababatang kapatid ko. Pinilit nila akong sumakay sa isang sasakyan at dinala ako sa mental hospital. Pero wala namang mali sa akin, kaya hindi ako tinanggap ng ospital. Sabi ng asawa ko, “Alam mo na inaaresto ng Partido ang mga mananampalataya at isa itong hatol ng kamatayan, pero iginigiit mong maging isang mananampalataya. Tanging isang taong may problema sa pag-iisip ang hindi natatakot sa kamatayan. Limitado ang mga pagsusuri na kaya nilang gawin sa ospital na ‘to. Mas maayos ang mga pasilidad at mas mahusay ang mga doktor sa panlalawigang mental hospital. Dadalhin kita roon para masuri kung may sakit ka sa pag-iisip.” Galit akong sumagot, “Sa tingin ko, ikaw ang may problema sa pag-iisip. Hindi sa hindi ako takot mamatay. Pinipili kong manalig kahit na ang ibig sabihin nito ay kamatayan, dahil alam kong ang Makapangyarihang Diyos ang pagparito ng Tagapagligtas. Nagpahayag Siya ng napakaraming katotohanan at makapagliligtas sa tao mula sa kasalanan at mga sakuna. Ang mga hindi mananampalataya na hindi tumatanggap sa paghatol at pagdadalisay ng Diyos ay mamamatay lahat sa mga sakuna.” Pero ayaw niyang makinig. Kinaumagahan ay pinapunta niya ako sa panlalawigang mental hospital. Umakyat kami sa ikalawang palapag at nakita ko ang isang baliw na babaeng nakahiga sa sahig ng pasilyo at yakap ang mga tuhod nito, na nakagapos ng isang napakabigat na kadena. Nakahawak sa isang dulo ng kadena ang isang katamtamang gulang na lalaki, hinihila ito nang husto, kinakaladkad ang babae sa sahig. Nakaunat ang dalawa niyang braso sa takot, nakakapit sa kadena, buong lakas na nagpupumiglas at sumisigaw nang malakas. Kakila-kilabot na karanasan ang makita ang buhok niya na tulad ng dayami at ang nasisindak niyang hitsura, at ang marinig ang nakakadurog-puso niyang mga sigaw. Nang sandaling ‘yon ay napuno ako ng pakiramdam ng pasakit at pagkaagrabyado. Pakiramdam ko’y isa itong napakalaking insulto sa aking dignidad at gusto kong tumalikod kaagad, bumaba, at umalis sa kasumpa-sumpang lugar na ‘yon, pero ‘di ko magawa. Sinusundan ng asawa ko ang bawat hakbang ko. Pagkatapos ay may naalala ako mula sa mga salita ng Diyos. “Maraming gabi na walang tulog ang tiniis ng Diyos para sa kapakanan ng gawain ng sangkatauhan. Mula sa kaitaasan hanggang sa pinakamababang kalaliman, bumaba na Siya sa buhay na impiyerno kung saan ang tao ay nabubuhay upang gugulin ang Kanyang mga araw kasama ang tao, hindi Siya kailanman nagreklamo sa panlilimahid ng tao, at hindi Niya kailanman sinisi ang tao dahil sa kanyang pagsuway, kundi tinitiis ang pinakamatinding kahihiyan habang personal Niyang isinasakatuparan ang Kanyang gawain. Paano kayang ang Diyos ay mabibilang sa impiyerno? Paano Niya magugugol ang Kanyang buhay sa impiyerno? Nguni’t para sa kapakanan ng buong sangkatauhan, nang sa gayon ang buong sangkatauhan ay makasumpong ng kapahingahan sa mas lalong madaling panahon, tiniis Niya ang kahihiyan at nagdusa ng kawalang-katarungan upang makaparito sa lupa, at personal na pumasok sa ‘impiyerno’ at ‘Hades,’ sa yungib ng tigre, upang iligtas ang tao. Paanong kwalipikado ang tao na labanan ang Diyos? Anong dahilan ang mayroon siya upang magreklamo tungkol sa Diyos? Paano siya nagkakaroon ng lakas ng loob na tumingin sa Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 9). Para iligtas ang sangkatauhan, nagkatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw at pumarito sa China na pinamumunuan ng mga ateista, nagpapakita at gumagawa sa pinakamasama, pinakalaban-sa-Diyos na lugar, nagdurusa sa paniniil at pagkondena ng Partido Komunista at ng mundo ng relihiyon, at nagtitiis ng matinding kahihiyan, pero tinatanggap ng Diyos ang lahat ng ito nang walang reklamo. Siya ang Panginoon ng paglikha, napakadakila at marangal, pero pumarito Siya para mamuhay kasama ng mga tiwaling tao, nagtitiis ng matinding kahihiyan, nagpapahayag ng mga katotohanan sa mga tao at tahimik na ginagawa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Samantalang ako, isang tiwaling tao, nang makitang inihahambing ako sa isang may sakit sa pag-iisip, nasugatan ang dignidad ko at nakakahiya ito para sa akin. Ginusto kong tumakas. Wala akong ni katiting na determinasyon na magdusa alang-alang sa katotohanan. Napahiya ako sa isiping ‘yon at tahimik akong nagdasal sa Diyos, nanunumpa na anuman ang kailangan kong sunod na kaharapin, o anong uri man ng kahihiyan ang danasin ko, hinding-hindi ako susuko kay Satanas. Binigyan lang ako ng doktor ng ilang pakete ng gamot at pinauwi na ako. Nang makita ng asawa ko kalaunan na hindi niya talaga ako mailalayo sa pananalig ko, hindi na lang niya ako pinansin, at muli akong tumanggap ng tungkulin. Pagkatapos, noong Oktubre 2012, nang isuplong kami ng isang Hudas, natuklasan ng pulis na maaaring isa akong lider ng iglesia at pinasundan ako sa mga nakasibilyang pulis. Kinailangan kong umalis sa bahay at pumunta sa ibang rehiyon para gawin ang tungkulin ko upang hindi ako maaresto. Nalaman ko kalaunan na kinabukasan ng pagkaalis ko sa bahay, pinuntahan ako ng mga pulis para arestuhin ako. Inaresto rin nila ang tatlo pang kapatid para tanungin ang mga ito tungkol sa kinaroroonan ko, at nagsimulang tugisin ako gamit ang larawan ko. Pagkalipas ng dalawang buwan, hinalughog ng National Security Brigade ang bahay ko at kinumpiska ang ilang aklat ng mga salita ng Diyos, at sinabi sa asawa ko na mahuhuli nila ako kahit ano pa ang gawin ko. Halos araw-araw ding pumupunta sa bahay namin ang Bureau of Education, pinipilit ang asawa ko na hanapin ako. Malapit na ako noon sa tuktok ng listahan ng pinakapinaghahanap ng Partido Komunista.

Ginamit pa nila ang anak ko para pauwiin ako. Isang hapon noong huling bahagi ng Disyembre 2012, nakatanggap ako ng hindi inaasahang tawag mula sa anak ko: “Nay, natatakot akong tawagan ka. Hinahanap ka ng mga pulis kung saan-saan, at hinalughog nila ang bahay natin. Tinatawagan kita ngayon para sabihin sa’yo na hiniling ng mga pinuno mula sa Bureau of Education at sa paaralan mo na sabihin namin ni Tatay sa iyo na gusto nilang isuko mo ang pananalig mo at umuwi ka na, at nangangako silang hindi ka nila papanagutin. Sinabi rin nila na basta’t umuwi ka, kahit hindi ka pumasok sa trabaho, babayaran pa rin nila ang buong suweldo mo.” Galit na galit ako nang marinig ‘yon. Ginagamit ng Partido Komunista ang katayuan at pera para tuksuhin ako na talikuran ang aking pananalig. Napakakasuklam-suklam! Ang ikinalungkot ko talaga ay mukhang labis na nagtitiwala ang anak ko sa sinasabi ng mga pinuno ng gobyerno at paaralan. Dahil doon, malinaw kong nakita na kapwa nililinlang at ginagamit ng Partido Komunista ang asawa’t anak ko. Matatag kong sinabi sa anak ko, “Mahal ko, masyado kang walang muwang dito. Alam mo ba kung ano ang mangyayari kung uuwi ako? Para akong tupang itatapon sa mga lobo. Hindi ako pwedeng umuwi.” Nababahalang sumagot siya, “Sabi nila kapag hindi ka umuwi, babawiin nila ang lahat ng higit sa 20 taong pensiyon mo. Nay, bumalik ka na. Kung hindi, pipilitin nila si Tatay na idiborsiyo ka at pipilitin akong putulin ang ugnayan sa’yo. Kung hindi ka uuwi, hindi ka na magiging nanay ko.” Natigilan ako no’ng oras na ‘yon. Hindi lang kinukuha ng Partido Komunista ang kabuhayan ko, kundi pinipilit din nito ang asawa ko na idiborsiyo ako at ang anak ko na putulin ang ugnayan namin. Napakasama nito! Buong puso akong nasusuklam sa Partido. Naisip ko ang mga salita ng Diyos. “Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan! Sino ang nakayakap na sa gawain ng Diyos? Sino ang nagbuwis na ng kanilang buhay o nagpadanak na ng dugo para sa gawain ng Diyos? Sa sali’t salinlahi, mula sa mga magulang hanggang sa mga anak, basta na lamang inalipin ng inaliping tao ang Diyos—paano itong hindi magbubunsod ng matinding galit? Ang libu-libong taon ng poot ay naiipon sa puso, nakaukit sa puso ang libu-libong taon ng pagkamakasalanan—paanong hindi ito pupukaw ng pagkasuklam? Ipaghiganti ang Diyos, ganap na lipulin ang Kanyang kaaway, huwag nang hayaan pa itong patuloy na magwala, at huwag na itong hayaang mamuno bilang isang diktador! Ngayon na ang oras: Matagal nang tinipon ng tao ang lahat ng kanyang lakas, nailaan na niya ang lahat ng kanyang pagsisikap at binayaran ang bawat halaga para dito, upang punitin ang kahindik-hindik na mukha ng demonyong ito at tulutan ang mga tao, na nabulag na, at nagtiis na ng bawat uri ng pagdurusa at paghihirap, na bumangon mula sa kanilang pasakit at talikuran ang masama at matandang diyablong ito. Bakit naglalagay ng isang di-mapapasok na balakid sa gawain ng Diyos? Bakit gumagamit ng iba’t ibang pandaraya upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Nasaan ang tunay na kalayaan at lehitimong mga karapatan at mga interes? Nasaan ang katarungan? Nasaan ang kaaliwan? Nasaan ang init? Bakit gumagamit ng madayang mga pakana upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Bakit gumagamit ng puwersa para pigilin ang pagdating ng Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Ang Partido Komunista ay nagpapahayag ng kalayaan sa relihiyon, pero palihim na gumagamit ng lahat ng uri ng masasamang taktika para siilin ang mga mananampalataya. Malinaw na ipinapakita nito ang masamang kalikasan nito ng pagkapoot sa katotohanan at paglaban sa Diyos. Ginagamit nito pareho ang gantimpala at parusa para ilayo ako sa pananalig, una ay gumamit ng malaking suweldo bilang pain, sinusubukang gamitin ang pera para tuksuhin akong umuwi para maaresto nila ako. Nang hindi ako bumigay rito, kukunin nila ang trabaho at suweldo ko, puputulin ang lahat ng kita ko, at itataboy ako palayo ng bahay Malinaw nitong ipinakita sa akin na ang Partido ay mukhang may moral at sa panlabas lang, pero sa puso nito ay brutal at masama. Isa itong napakasamang grupo ng mga demonyo na lumalaban sa Diyos sa bawat pagkakataon. Kinamumuhian at tinatanggihan ko ito mula sa puso, at nanumpa ako na kakawala ako rito kahit na buhay ko ang kabayaran! Hindi ako umuwi. Napilitan ang asawa ko na hiwalayan ako at ang anak ko na putulin ang ugnayan namin.

Noong nagtatrabaho ako sa loob ng sistema ng Partido, hindi ko makita ang masamang diwa nito. Pinupuri ko ito palagi, at tapat na naglingkod sa Partido. Matapos maranasan ang pag-uusig nito, sa wakas ay nakita ko ang masamang diwa nito ng pagkapoot sa katotohanan at paggawa laban sa Diyos, at ganap ko itong kinamuhian at tinalikuran, nanunumpang hinding-hindi na susunod dito. Nakita ko rin ang pagmamahal ng Diyos. Ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng pananalig at lakas, nagpapahintulot sa akin na maging matatag sa gitna ng paulit-ulit na pag-uusig at paghihirap. Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos. Gaano man kahirap ang landas sa harap ko, susundan ko ang Makapangyarihang Diyos hanggang sa wakas, nang walang pag-aalinlangan!

Sinundan: 85. Ang Nakamit Ko sa Pagsusulat ng Aking Patotoo

Sumunod: 87. Ang Nakamit Ko Mula sa Pagkakawasto

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito