3. Kung tatanggapin natin ang gawain ng mga huling araw ng Makapangyarihang Diyos, ano ang dapat nating hangarin upang makamit ang daan ng buhay na walang hanggan?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ilantad ang diwa ng tao, at himayin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat magpasakop ang tao sa Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano ang tao ay isang pagsasakatawan ni Satanas, at isang puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang kalikasan ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad at pinupungusan Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling paghihimagsik. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magkamit ng malawak na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na maunawaan at makilala ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kanyang pangit na mukha. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananalig sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos. Kung hindi mo pinag-uukulan ang mga katotohanang ito ng pagpapahalaga, at palagi mong sinusubukang iwasan ang mga ito, o naghahanap ka sa labas ng mga ito ng isang bagong daan palabas, kung gayon sinasabi Kong lubha kang makasalanan. Kung mayroon kang pananalig sa Diyos, ngunit hindi mo hinahanap ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos, ni hindi iniibig ang daan na naglalapit sa iyo sa Diyos, kung gayon sinasabi Kong ikaw ay isa na sinusubukang iwasan ang paghatol, at na isa kang sunud-sunuran at taksil na tumatakas mula sa dakilang puting luklukan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinuman sa mga mapanghimagsik na tumatakas sa ilalim ng Kanyang mga mata. Ang gayong mga tao ay makatatanggap ng lalo pang mas mabigat na kaparusahan. Silang mga nagsilapit sa harap ng Diyos upang mahatulan, at higit pa ay nadalisay na, ay mananahan magpakailanman sa kaharian ng Diyos. Siyempre, ito ay bagay na nabibilang sa hinaharap.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Ang gawain ng paglupig ngayon ay upang mabawi ang lahat ng patotoo at lahat ng kaluwalhatian, at ang lahat ng tao ay pasambahin sa Diyos, upang mayroong patotoo sa gitna ng mga nilikha; ito ang gawaing gagawin sa yugtong ito. Paano ba talaga lulupigin ang sangkatauhan? Sa pamamagitan ng paggamit ng gawain ng mga salita ng yugtong ito upang lubos na makumbinsi ang tao; sa pamamagitan ng paggamit ng paglalantad, paghatol, pagkastigo, at walang-awang sumpa upang lubusan siyang mahimok; sa pamamagitan ng paglalantad sa paghihimagsik ng tao at paghahatol sa kanyang paglaban upang malaman niya ang di-pagkamatuwid at karumihan ng sangkatauhan, at sa gayon ay ginagamit ang mga bagay na ito bilang mapaghahambingan ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Pangunahing sa pamamagitan ng mga salitang ito na ang tao ay nalulupig at lubos na nahihikayat. Ang mga salita ang paraan tungo sa kahuli-hulihang panlulupig sa sangkatauhan, at silang lahat na tumatanggap sa paglupig ng Diyos ay dapat tumanggap sa hampas at paghatol ng mga salita. Ang proseso ng pagsasalita ngayon ay mismong ang proseso ng panlulupig. At paano ba dapat makipagtulungan ang mga tao? Sa pamamagitan ng pagkaalam kung paano kainin at inumin ang mga salitang ito, at pagkakamit ng pagkaunawa sa mga ito. Pagdating sa kung paano nilulupig ang mga tao, ito ay hindi isang bagay na magagawa nila nang mag-isa. Ang magagawa mo lamang ay, sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salitang ito, malaman ang iyong katiwalian at karumihan, ang iyong pagkasuwail at iyong pagiging di-matuwid, at magpatirapa sa harap ng Diyos. Kung, nakakapagsagawa ka pagkatapos mong maarok ang mga layunin ng Diyos, at kung mayroon kang mga pangitain at kaya mong lubos na magpasakop sa mga salitang ito, at hindi ka gumagawa ng anumang pagpili nang mag-isa, nalupig ka na—at ito ay siyang naging resulta ng mga salitang ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (1)
Mababaw man o malalim ang mga salitang sinasambit ng Diyos sa panlabas, lahat ng iyon ay mga katotohanang kailangang-kailangan sa buhay pagpasok ng tao; ang mga iyon ang pinagmumulan ng mga buhay na tubig na nagbibigay sa tao ng kakayahang mabuhay kapwa sa espiritu at laman. Ibinibigay ng mga ito ang kailangan ng tao para manatiling buhay; ang mga prinsipyo at kredo para sa kanyang sariling asal sa kanyang pang-araw-araw na buhay; ang landas na kailangan niyang tahakin sa kaligtasan, pati na rin ang mga layon at direksyon para sa pagtatamo ng kaligtasan; bawat katotohanan na dapat niyang taglayin bilang isang nilikha sa harapan ng Diyos; at bawat katotohanan tungkol sa kung paanong ang tao ay nagpapasakop at sumasamba sa Diyos. Ang mga ito ang garantiya na tumitiyak ng pananatiling buhay ng tao, ang mga ito ang pang-araw-araw na tinapay ng tao, at ang mga iyon din ang matibay na suportang nagbibigay ng kakayahan sa tao na maging malakas at manindigan. Sagana ang mga iyon sa katotohanang realidad na ginagamit ng nilikhang sangkatauhan para isabuhay ang normal na pagkatao, sagana sa katotohanang nagpapalaya sa sangkatauhan mula sa katiwalian at sa mga patibong ni Satanas, sagana sa taimtim at mapagtimping pagtuturo, panghihikayat, pagpapalakas-loob, at pag-aliw na ibinibigay ng Lumikha sa nilikhang sangkatauhan. Ang mga iyon ang mga parolang gumagabay at nagbibigay ng liwanag sa mga tao para maunawaan ang lahat ng positibo, ang garantiya na tumitiyak na isasabuhay at tataglayin ng mga tao ang lahat ng makatarungan, maganda, at mabuti, ang mga iyon ang pamantayan kung saan lahat ng tao, pangyayari, at bagay ay sinusukat, at ang pananda rin sa nabigasyon na gumigiya sa mga tao tungo sa kaligtasan at sa landas ng liwanag. Tanging sa pamamagitan ng praktikal na pagdanas ng mga salita ng Diyos, matutustusan ng katotohanan at buhay ang tao; dito lamang maaaring maunawaan ng tao kung ano ang normal na pagkatao, ano ang isang makabuluhang buhay, ano ang isang tunay na nilikha, ano ang tunay na pagpapasakop sa Diyos; dito lamang maaaring maunawaan ng tao kung paano niya dapat pagmalasakitan ang Diyos, paano tuparin ang tungkulin ng isang nilikha, at paano magtaglay ng wangis ng isang tunay na tao; dito lamang maaaring maunawaan ng tao kung ano ang ibig sabihin ng tunay na pananalig at tunay na pagsamba; dito lamang maaaring maunawaan ng tao kung sino ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa kalangitan at lupa at lahat ng bagay; dito lamang maaaring maunawaan ng tao ang kaparaanang gamit Niya na siyang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng nilikha sa paghahari, pamumuno, at paglalaan para sa mga nilikha; at dito lamang maaaring maunawaan at maarok ng tao ang kaparaanang gamit Niya na May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng nilikha sa pag-iral, pagpapakita, at paggawa. Hiwalay sa tunay na karanasan sa mga salita ng Diyos, walang tunay na kaalaman o kabatiran ang tao sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ang gayong tao ay talagang isang buhay na bangkay, isang kabibing walang laman, at lahat ng kaalamang may kaugnayan sa Lumikha ay walang anumang kinalaman sa kanya. Sa mga mata ng Diyos, ang gayong tao ay hindi naniwala sa Kanya kailanman, ni hindi sumunod sa Kanya kailanman, kaya nga hindi rin siya kinikilala ng Diyos bilang Kanyang mananampalataya o Kanyang tagasunod, lalong hindi bilang isang tunay na nilikha.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita
Sa paghahangad ng buhay, dapat mong bigyang pansin ang dalawang bagay: una, ang pag-unawa sa katotohanang napapaloob sa mga salita ng Diyos; pangalawa, ang pag-unawa sa sarili mo sa loob ng mga salita ng Diyos. Ito ang dalawang pinakapangunahing bagay. Walang buhay o katotohanan sa labas ng salita ng Diyos. Kung hindi mo hinahanap ang katotohanang napapaloob sa salita ng Diyos, saan mo ito puwedeng hanapin? Saan ba mayroong katotohanan sa daigdig? Iniuulat ba ng mga pahayagan at media sa mundo ang salita ng Diyos? Nagpapatotoo ba sa Diyos ang mga partidong pulitikal ng mundo? Posible bang gawin ang hayagang pagpapakalat ng salita ng Diyos sa alinmang bansa sa mundo? Hinding-hindi. Ito ang dahilan kung bakit walang katotohanan sa mundo, kung bakit si Satanas, ang diyablo, ay namumuno sa mundo, at kung bakit madilim at masama ang mundo. Saan ba mayroon kahit katiting na katotohanan? Ang mga pinakamahalagang bahagi ng pag-unawa sa katotohanang napapaloob sa mga salita ng Diyos ay: ang pag-unawa sa Diyos sa loob ng Kanyang mga salita, pag-unawa sa buhay ng tao na nakapaloob sa Kanyang mga salita, tunay na pag-unawa sa sarili at pagtuklas sa kabuluhan ng pag-iral ng tao sa loob ng Kanyang mga salita, at ang iba pang mga aspekto ng katotohanan. Ang lahat ng katotohanan ay nasa loob ng mga salita ng Diyos. Hindi ka makakapasok sa katotohanan maliban sa pamamagitan ng salita ng Diyos. Sa pamamagitan lamang ng pagdanas at pagsasagawa ng mga salita ng Diyos mo makakamit ang pagkaunawa sa katotohanan, at ang tunay na pagkaunawa sa katotohanan ay nangangahulugan ng pagkaunawa sa mga salita ng Diyos. Ito ang pinakapangunahing bagay.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahangad sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon
Sa loob ng mga salita ng Diyos ay ang mga katotohanang kailangang taglayin ng tao, mga bagay na lubhang kapaki-pakinabang at nakakatulong sa sangkatauhan, ito ang pampalakas at panustos na kailangan ng inyong katawan, mga bagay na tumutulong sa panunumbalik ng normal na pagkatao ng tao, at ang mga katotohanan na dapat taglayin ng tao. Habang lalo ninyong isinasagawa ang salita ng Diyos, lalong bumibilis ang pamumukadkad ng inyong buhay, at lalong lumilinaw ang katotohanan. Habang lumalago ang inyong tayog, makikita ninyo nang mas malinaw ang mga bagay ng espirituwal na mundo, at lalo kayong lalakas upang magtagumpay laban kay Satanas. Karamihan sa katotohanang hindi ninyo nauunawaan ay lilinaw kapag isinasagawa ninyo ang salita ng Diyos. Karamihan sa mga tao ay nasisiyahan na maunawaan lamang ang teksto ng salita ng Diyos at magtuon sa pagsasangkap sa kanilang sarili ng mga doktrina sa halip na palalimin ang kanilang karanasan sa pagsasagawa, ngunit hindi ba iyon ang paraan ng mga Pariseo? Kung ginagawa nila ito makakamit ba nila ang realidad ng pariralang “Ang salita ng Diyos ay buhay”? Hindi makalalago ang buhay ng isang tao sa pagbabasa lamang ng salita ng Diyos, kundi kapag isinasagawa lamang niya ang salita ng Diyos. Kung ang pananampalataya mo ay na ang pag-unawa lamang sa salita ng Diyos ang kailangan upang magkaroon ng buhay at tayog, may depekto ang pang-unawa mo. Nangyayari ang tunay na pagkaunawa sa salita ng Diyos kapag isinasagawa mo ang katotohanan, at kailangan mong maunawaan na “sa pagsasagawa lamang ng katotohanan ito maaaring maunawaan.” Sa araw na ito, matapos basahin ang salita ng Diyos, masasabi mo lamang na alam mo ang salita ng Diyos, ngunit hindi mo masasabi na nauunawaan mo ito. Sinasabi ng ilan na dapat munang maunawaan ng isang tao ang katotohanan bago niya ito maisagawa, ngunit medyo tama lamang ito, at walang dudang hindi ganap na tumpak. Bago ka magkaroon ng kaalaman tungkol sa isang katotohanan, hindi mo pa nararanasan ang katotohanang iyon. Ang pakiramdam na nauunawaan mo ang isang bagay na naririnig mo sa isang sermon ay hindi tunay na pagkaunawa—pagtataglay lamang ito ng literal na mga salita ng katotohanan, at hindi kagaya ng pagkaunawa sa tunay na kahulugan niyon. Hindi dahil mayroon kang paimbabaw na kaalaman tungkol sa katotohanan ay talagang nauunawaan mo na ito o may kaalaman ka na tungkol dito; ang tunay na kahulugan ng katotohanan ay nanggagaling mula sa pagdanas nito. Samakatwid, kapag naranasan mo na ang katotohanan, saka mo lamang ito mauunawaan, at saka mo lamang maaarok ang mga natatagong bahagi nito. Ang pagpapalalim ng iyong karanasan ang tanging paraan upang maarok ang mga konotasyon at ang diwa ng katotohanan. Samakatuwid, makakapunta ka kahit saan na dala ang katotohanan, ngunit kung wala ang katotohanan sa iyo, huwag mong isiping kumbinsihin kahit ang iyong mga kapamilya, lalo na ang mga relihiyosong tao. Kung wala sa iyo ang katotohanan, para kang lilipad-lipad na niyebe, ngunit kapag nasa iyo ang katotohanan maaari kang maging masaya at malaya, at walang maaaring umatake sa iyo. Gaano man katibay ang isang teorya, hindi nito madaraig ang katotohanan. Kung mayroong katotohanan, ang mundo mismo ay maaaring yanigin at ang mga bundok at dagat ay maaaring ilipat, samantalang kung walang katotohanan ay maaaring durugin ng mga uod ang matitibay na pader ng lungsod. Ito ay isang malinaw na katotohanan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Sandaling Maunawaan Ninyo ang Katotohanan, Dapat Ninyo Itong Isagawa
Para maging tumpak, ang pagtahak sa landas ni Pedro sa pananalig ng isang tao ay nangangahulugan ng pagtahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, na siya ring landas para tunay niyang makilala ang kanyang sarili at mabago ang kanyang disposisyon. Sa pamamagitan lamang ng pagtahak sa landas ni Pedro mapupunta ang isang tao sa landas ng pagpeperpekto ng Diyos. Dapat maging malinaw sa isang tao kung paano ba talaga tumahak sa landas ni Pedro, gayundin kung paano ito isagawa. Una, dapat munang isantabi ng isang tao ang kanyang mga sariling intensyon, mga di-wastong paghahangad, at maging ang kanyang pamilya at lahat ng bagay na para sa kanyang sariling laman. Dapat buong-pusong mag-ukol ang isang tao; na ang ibig sabihin, kailangang ganap niyang ilaan ang kanyang sarili sa salita ng Diyos, magtuon sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, tumutok sa paghahanap sa katotohanan at sa mga pagnanais ng Diyos sa Kanyang mga salita, at subukang maarok ang mga layunin ng Diyos sa lahat ng bagay. Ito ang pinakapangunahin at pinakamahalagang paraan ng pagsasagawa. Ito ang ginawa ni Pedro pagkatapos niyang makita si Jesus, at sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa sa ganitong paraan nakakamit ng isang tao ang pinakamahusay na mga resulta. Ang buong-pusong debosyon sa salita ng Diyos ay pangunahing kinapapalooban ng paghahanap sa katotohanan at sa mga pagnanais ng Diyos sa loob ng Kanyang mga salita, pagtutuon ng pansin sa pag-arok sa mga layunin ng Diyos, at pag-unawa at pagkakamit ng mas maraming katotohanan mula sa mga salita ng Diyos. Kapag binabasa ang mga salita ng Diyos, hindi nakatuon si Pedro sa pag-unawa sa mga doktrina at siya ay lalo pang hindi nakatuon sa pagkakamit ng kaalamang pangteolohiya. Sa halip, siya ay nakatuon sa pag-arok sa katotohanan at pag-arok sa mga layunin ng Diyos, gayundin sa pagtatamo ng pagkaunawa sa disposisyon at pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Sinubukan din ni Pedro na unawain ang iba’t ibang tiwaling kalagayan ng tao mula sa mga salita ng Diyos, gayundin ang kalikasang diwa, at aktuwal na mga pagkukulang ng tao, kaya madali niyang natutugunan ang mga hinihingi ng Diyos upang mapalugod ang Diyos. Nagkaroon si Pedro ng napakaraming wastong mga pagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Ito ang pinakanaaayon sa mga layunin ng Diyos, at ito ang pinakamahusay na paraan ng pakikipagtulungan ng tao habang nararanasan ang gawain ng Diyos. Noong dumaranas ng daan-daang pagsubok na ipinadala ng Diyos, mahigpit na ikinumpara ni Pedro ang kanyang sarili sa bawat salita ng paghatol at paglalantad ng Diyos sa tao—at sa bawat salita ng Kanyang mga hinihingi sa tao—sinuri ang kanyang sarili, at sinikap na tumpak na unawain ang kahulugan ng mga salita ng Diyos. Masigasig niyang pinagbulay-bulayan ang lahat ng sinabi sa kanya ni Jesus, mahigpit na isinasaisip ang bawat salita—nagbunga ng napakagagandang resulta ang pamamaraang ito. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, nagawa niyang makilala ang kanyang sarili sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, at hindi lang niya nagawang maunawaan ang iba’t ibang tiwaling kalagayan at kakulangan ng tao, kundi nalaman din niya ang diwa at kalikasan ng tao. Ipinapakita nito na tunay na kilala ni Pedro ang sarili niya. Mula sa mga salita ng Diyos, sa isang banda, nagkamit si Pedro ng tunay na kaalaman sa sarili niya, at sa kabilang banda, nakita niya ang matuwid na disposisyong ipinahayag ng Diyos, ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, ang mga layunin ng Diyos para sa Kanyang gawain, at ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Mula sa mga salitang ito ay tunay niyang nakilala ang Diyos. Nakarating siya sa pagkakilala sa disposisyon ng Diyos, at sa Kanyang diwa; nakilala at naunawaan niya ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, gayundin ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at mga hinihingi ng Diyos para sa tao. Bagama’t ang Diyos ay hindi gaanong nagsalita noong panahong iyon kagaya ng Kanyang ginagawa sa kasalukuyan, nagkaroon ng bunga kay Pedro sa mga aspektong ito. Ito ay isang bihira at napakahalagang bagay. Dumaan si Pedro sa daan-daang pagsubok; hindi siya nagdusa nang walang-saysay. Hindi lamang niya nakilala ang kanyang sarili mula sa mga salita at sa gawain ng Diyos, kundi nakilala rin niya ang Diyos. Dagdag pa riyan, sa loob ng mga salita ng Diyos ay partikular siyang nagbigay-pansin sa mga hinihingi ng Diyos sa tao at sa mga aspekto na kung saan dapat tugunan ng tao ang Diyos para maging naaayon sa mga layunin ng Diyos, at nagawa niyang pagsikapan nang husto ang mga bagay na ito, nagkakamit ng ganap na kalinawan. Lubhang kapaki-pakinabang ito pagdating sa kanyang buhay pagpasok. Alinmang aspekto ito ng mga salita ng Diyos, basta’t nagagawa ng mga salitang iyon na magsilbing buhay at katotohanan, inukit ni Pedro ang mga ito sa puso niya, kung saan niya madalas na pagbulayan at arukin ang mga ito. Nang marinig ang mga salita ni Jesus, nakaya niyang isapuso ang mga ito, na nagpapakita na siya ay espesyal na nakatuon sa mga salita ng Diyos, at tunay na nakamtan niya ang mga resulta sa huli. Ibig sabihin, nakaya niyang mahusay na isagawa ang mga salita ng Diyos, tumpak na isagawa ang katotohanan at kumilos ayon sa mga layunin ng Diyos, gawin ang mga bagay nang ganap na naaayon sa mga pagnanais ng Diyos, at isuko ang kanyang sariling personal na mga opinyon at imahinasyon. Sa ganitong paraan, pumasok si Pedro sa realidad ng mga salita ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro
Kung ang isang tao ay kayang bigyang-kasiyahan ang Diyos habang ginagawa ang kanyang tungkulin, may prinsipyo sa mga salita at kilos niya, at kaya niyang pumasok sa realidad ng lahat ng aspekto ng katotohanan, siya ay isang taong ginawang perpekto ng Diyos. Masasabi na ang gawain at mga salita ng Diyos ay lubos na nagkaroon ng epekto sa kanya, na ang mga salita ng Diyos ay naging buhay niya, na nakamit na niya ang katotohanan, at na nagagawa niyang mabuhay alinsunod sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos nito, ang kalikasan ng kanyang laman—iyon ay, ang pinakasaligan ng kanyang orihinal na pag-iral—ay mayayanig at mabubuwal. Pagkatapos taglayin ng mga tao ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay, saka lamang sila magiging mga bagong tao. Kung ang mga salita ng Diyos ay maging buhay ng mga tao, kung ang pangitain ng gawain ng Diyos, ang Kanyang mga paglalantad at hinihingi mula sa sangkatauhan, at ang mga pamantayan para sa buhay ng tao na hinihingi ng Diyos na matugunan ng mga tao ay maging buhay nila, kung nabubuhay ang mga tao alinsunod sa mga salita at katotohanang ito, sila ay pineperpekto sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Muling isinisilang ang gayong mga tao at naging mga bagong tao na sila sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Ito ang landas ng paghahangad ni Pedro sa katotohanan. Ito ang landas ng magawang perpekto. Ginawang perpekto si Pedro ng mga salita ng Diyos, at nagkamit siya ng buhay mula sa mga salita ng Diyos, ang katotohanan na ipinahayag ng Diyos ay naging kanyang buhay, at siya ay naging isang tao na nakamit ang katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro