2. Sinabi ng apostol na si Pablo, “Nakipagbaka na ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, napanatili ko ang pananalig: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Naniwala kami sa Panginoon sa loob ng maraming taon, at sa buong panahong ito, ginaya namin si Pablo sa pagtapos sa takbuhin at paggawa para sa Panginoon. Ipinalaganap namin ang ebanghelyo at nagtayo ng mga iglesia, at nananatili kami sa pangalan ng Panginoon at sa daan ng Panginoon. Walang pag-aalinlangan na ang korona ng katuwiran ay ilalagay sa atin. Hangga’t tayo ay masigasig sa ating pagsisikap para sa Panginoon at mapagbantay sa paghihintay sa pagbabalik ng Panginoon, tayo ay direktang madadala sa kaharian ng langit. Sinasabi mo bang may mali sa isinasagawa namin?

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“Hindi ang bawat nagsasabi sa Akin, ‘Panginoon, Panginoon’, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo ay nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo ay nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha?’ At kung magkagayon ay ipahahayag Ko sa kanila, ‘Kailanman ay hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan’” (Mateo 7:21–23).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Bagama’t ang isang tao ay maaaring nakapagsagawa ng maraming mabuting pag-uugali buhat nang magsimula siyang manampalataya sa Diyos, hindi pa rin niya makita nang malinaw ang maraming bagay, lalo na ang maunawaan ang katotohanan. Gayunman, dahil sa marami niyang mabuting pag-uugali, ang pakiramdam niya ay isinasagawa na niya ang katotohanan, na nagpasakop na siya sa Diyos, at na medyo natugunan na niya ang mga layunin ng Diyos. Kapag walang nangyayari sa iyo, nagagawa mo ang anumang sabihin sa iyo, wala kang anumang pag-aalinlangan tungkol sa paggampan sa anumang tungkulin, at hindi ka lumalaban. Kapag sinabihan ka na ipangaral ang ebanghelyo, hindi ka nagrereklamo at kaya mong tiisin ang paghihirap na ito, at kapag sinabihan kang magpakapagod at magtrabaho, o na gumawa ng isang gampanin, ginagawa mo ito. Dahil dito, pakiramdam mo ay isa kang taong nagpapasakop sa Diyos at tunay na naghahangad sa katotohanan. Ngunit kung ikaw ay seryosong tatanungin, “Ikaw ba ay isang matapat na tao? Ikaw ba ay isang taong tunay na nagpapasakop sa Diyos? Isang taong nagbago na ang disposisyon?”—kung ang bawat tao ay ikukumpara sa katotohanan ng mga salita ng Diyos—maaaring sabihin na walang sinuman ang pasok sa pamantayan, at na walang sinuman ang kayang kumilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kaya, ang buong tiwaling sangkatauhan ay dapat na pagnilayan ang kanilang sarili. Dapat nilang pagnilayan ang mga disposisyon na kanilang ipinamumuhay, at ang mga satanikong pilosopiya, lohika, mga maling pananampalataya at maling kaisipan na bumubuo ng batayan para sa lahat ng kanilang kilos at gawa. Dapat nilang pagnilayan ang ugat na dahilan kung bakit ibinubunyag nila ang kanilang tiwaling disposisyon, kung ano ang diwa ng kanilang pagkilos nang sutil, kung para saan at para kanino sila nabubuhay. Kung ito ay ihahambing sa katotohanan, ang lahat ng tao ay kokondenahin. Ano ang dahilan nito? Ito ay dahil labis nang ginawang tiwali ang tao. Hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at lahat sila ay namumuhay ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Wala sila ni katiting na pagkakilala sa sarili, palagi silang nananampalataya sa Diyos alinsunod sa kanilang mga sariling kuru-kuro at imahinasyon, palagi nilang ginagawa ang kanilang mga tungkulin batay sa sarili nilang mga kagustuhan at pamamaraan, at palagi nilang sinusunod ang mga relihiyosong teorya sa kung paano sila maglingkod sa Diyos. Higit pa riyan, iniisip pa rin nila na punong-puno sila ng pananalig, na ang kanilang mga kilos ay napakamakatwiran, at sa huli, pakiramdam nila ay marami na silang nakamit. Walang kamalayan nilang naiisip na sila ay kumikilos na nang naaayon sa mga layunin ng Diyos at na natugunan na nila ang mga ito nang lubos, at na naabot na nila ang mga hinihingi ng Diyos at sila ay sumusunod na sa kalooban Niya. Kung ganito ang nararamdaman mo, o kung iniisip mo na nakaani ka na ng ilang bunga sa ilang taon mo ng pananampalataya sa Diyos, lalo kang dapat manumbalik sa harapan ng Diyos upang suriing mabuti ang sarili mo. Dapat mong tingnan ang landas na nilakaran mo sa loob ng mga taon mo ng pananalig upang makita mo kung ang lahat ng kilos at gawa mo sa harap ng Diyos ay lubos bang naaayon sa Kanyang mga layunin. Suriin mo kung alin sa mga pag-uugali mo ang salungat sa Diyos, kung alin ang nakapagpasakop sa Kanya, kung ang mga kilos mo ba ay nakaabot at nakatupad sa mga hinihingi ng Diyos. Dapat mong linawin ang lahat ng ito, dahil saka ka pa lamang magkakaroon ng kamalayan sa sarili.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw Maaaring Tunay na Magbago ang Isang Tao

Ang inaalala lamang ng marami sa sumusunod sa Diyos ay kung paano magtamo ng mga pagpapala o umiwas sa sakuna. Sa sandaling mabanggit ang gawain at pamamahala ng Diyos, tumatahimik sila at nawawalan ng lahat ng interes. Iniisip nila na ang pag-unawa sa gayong nakababagot na isyu ay hindi makakatulong sa paglago ng kanilang buhay o makakapagbigay ng anumang pakinabang. Dahil dito, bagaman narinig nila ang impormasyon tungkol sa pamamahala ng Diyos, tinatrato nila ito nang pabasta-basta. Hindi nila ito nakikita bilang isang kayamanan na dapat tanggapin, lalong hindi nila ito naaarok sa pamamagitan ng pagturing dito bilang isang bahagi ng kanilang buhay. Ang pakay ng mga taong ito sa pagsunod sa Diyos ay napakasimple, at ito ay para sa iisang layon: ang mapagpala. Hindi man lang nag-aabala ang mga taong ito na bigyang-pansin ang iba pang bagay na walang kinalaman sa layong ito. Para sa kanila, walang layon na mas lehitimo kaysa maniwala sa Diyos upang makatanggap ng mga pagpapala—ito ang mismong halaga ng kanilang pananalig. Kung may isang bagay na hindi nakakatulong sa pakay na ito, nananatili silang ganap na hindi naaantig nito. Ganyan ang karamihan sa mga taong naniniwala sa Diyos ngayon. Ang kanilang pakay at intensyon ay mukhang lehitimo, dahil habang naniniwala sila sa Diyos, gumugugol din sila para sa Diyos, inaalay ang kanilang sarili sa Diyos, at ginagampanan ang kanilang tungkulin. Isinusuko nila ang kanilang kabataan, tinatalikuran ang pamilya at propesyon, at gumugugol pa nga ng maraming taon na malayo sa tahanan na abalang-abala. Para sa kapakanan ng kanilang pinakalayon, binabago nila ang kanilang sariling mga interes, ang kanilang pananaw sa buhay, at maging ang direksyong kanilang hinahangad; subalit hindi nila mabago ang pakay ng kanilang pananampalataya sa Diyos. Paroo’t parito sila para sa pamamahala ng sarili nilang mga adhikain; gaano man kalayo ang daan, at gaano man karami ang mga hirap at balakid sa daan, nananatili silang matiyaga at walang takot sa kamatayan. Anong kapangyarihan ang nagtutulak sa kanila na patuloy na ialay ang kanilang sarili sa ganitong paraan? Ang kanila bang konsensiya? Ang kanila bang dakila at marangal na integridad? Ang kanila bang determinasyong labanan ang mga puwersa ng kasamaan hanggang sa pinakahuli? Ang kanila bang pananalig na magpatotoo sa Diyos nang hindi naghahanap ng gantimpala? Ang kanila bang debosyon sa pagiging handang isuko ang lahat upang tuparin ang kalooban ng Diyos? O ang kanila bang dedikadong diwa ng palaging tinatalikuran ang personal na maluluhong kahilingan? Para sa isang tao na hindi kailanman naunawaan ang gawain ng pamamahala ng Diyos na gumugol pa rin ng labis na dugo ng puso, sa payak na pananalita, ay isang himala! Sa sandaling ito, huwag nating talakayin kung gaano kalaki ang naibigay ng mga taong ito. Ang kanilang pag-uugali, gayunman, ay lubos na karapat-dapat nating himayin. Bukod sa mga pakinabang na lubos na nauugnay sa kanila, maaari kayang may iba pang dahilan kaya ang mga taong hindi kailanman nauunawaan ang Diyos ay nagbibigay ng napakalaki sa Kanya? Dito, natutuklasan natin ang isang dating di-matukoy na problema: Ang ugnayan ng tao sa Diyos ay isa lamang hayagang pansariling interes. Isa itong ugnayan sa pagitan ng isang tumatanggap at isang nagbibigay ng mga pagpapala. Sa madaling salita, ito ang ugnayan sa pagitan ng empleyado at ng amo. Nagtatrabaho nang husto ang empleyado para lang makatanggap ng mga gantimpalang ipinagkakaloob ng amo. Walang pagmamahal na parang pamilya sa gayong relasyon na nakabatay lang sa interes, transaksiyon lamang. Walang nagmamahal o minamahal, kawanggawa at awa lamang. Walang pag-unawa, tanging walang magawang pinipigilang pagkagalit at panlilinlang. Walang pagiging matalik, isang pagitan lamang na hindi matatawid.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos

Nakabatay sa kanilang pag-uugali ang pamantayang ginagamit ng mga tao upang husgahan ang ibang mga tao; matuwid yaong ang pag-uugali ay mabuti, samantalang masama yaong ang pag-uugali ay karumal-dumal. Ang pamantayan ng Diyos sa paghatol sa mga tao ay batay sa kung nagpapasakop ba o hindi sa Kanya ang kanilang diwa; matuwid na tao ang nagpapasakop sa Diyos, samantalang ang hindi nagpapasakop ay kaaway at isang masamang tao, mabuti man o masama ang pag-uugali ng taong ito at kung tama man o mali ang kanyang pananalita. Nais ng ilang tao na gumamit ng mabubuting gawa upang magtamo ng magandang hantungan sa hinaharap, at nais ng ilang mga tao na gumamit ng maiinam na salita upang magkamit ng mabuting hantungan. Maling naniniwala ang lahat na natutukoy ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao pagkaraang mamasdan ang kanilang pag-uugali o pagkaraang makinig sa kanilang pananalita; kaya maraming tao ang nagnanais samantalahin ito upang linlangin ang Diyos na gawaran sila ng isang panandaliang biyaya. Sa hinaharap, ang lahat ng taong makaliligtas sa isang kalagayan ng pamamahinga ay napagtiisan na ang araw ng pagdurusa at nakapagpatotoo na rin sa Diyos; lahat sila ay magiging mga tao na tinupad na ang kanilang mga tungkulin at kusa nang nagpasakop sa Diyos. Yaong mga nais lamang gamitin ang pagkakataon na gawin ang paglilingkod na kasama ang balak na iwasan ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi pahihintulutang manatili. May mga naaangkop na pamantayan ang Diyos para sa pag-aayos ng mga kalalabasan ng bawat tao; hindi Siya basta gumagawa ng mga kapasiyahang ito ayon sa mga salita at asal ng isang tao, ni gumagawa Siya ng mga ito batay sa kung paano kumikilos ang isang tao sa isang tagal ng panahon. Tiyak na hindi Siya magiging maluwag hinggil sa masasamang gawa ng isang tao dahil sa nakaraang paglilingkod nito sa Kanya, o hindi rin Niya ililigtas ang isang tao mula sa kamatayan dahil sa ilang haba ng panahong ginamit na ginugugol para sa Kanya. Walang sinuman ang makaiiwas sa paghihiganti para sa kanilang kasamaan, at walang sinuman ang mapagtatakpan ang kanilang masamang pag-uugali at sa gayon ay makaiiwas sa mga paghihirap ng pagkawasak. Kung totoong matutupad ng mga tao ang sarili nilang tungkulin, nangangahulugan ito na walang hanggang tapat sila sa Diyos at hindi hinahangad ang mga pabuya, tumatanggap man sila ng mga biyaya o nagdurusa sa kasawian. Kung tapat sa Diyos ang mga tao kapag nakikita nila ang mga biyaya, ngunit nawawala ang kanilang katapatan kapag hindi nila nakikita ang anumang mga biyaya, at kung ang mga taong ito—na minsang nagtrabaho nang tapat—ay hindi pa rin magawang magpatotoo sa Diyos o tuparin ang mga tungkuling kailangan nila sa huli, magiging mga pakay pa rin ng pagkawasak ang gayong mga tao. Sa madaling salita, hindi maaaring makaligtas hanggang sa kawalang-hanggan ang masasamang tao, o makapapasok sa pamamahinga; tanging ang mga matuwid ang mga panginoon ng pamamahinga.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Ipagpalagay nang nakakagawa ka para sa Diyos, subalit hindi ka nagpapasakop sa Diyos, at hindi mo kayang tunay na mahalin ang Diyos. Sa ganitong paraan, hindi mo lamang hindi natupad ang tungkulin ng isang nilikha, kundi ikokondena ka rin ng Diyos, dahil ikaw ay isang taong hindi nagtataglay ng katotohanan, na walang kakayahang magpasakop sa Diyos, at naghihimagsik sa Diyos. Pinahahalagahan mo lamang ang tungkol sa paggawa para sa Diyos, at hindi ang pagsasagawa ng katotohanan o pagkilala sa iyong sarili; hindi mo nauunawaan o nakikilala ang Lumikha, hindi ka nagpapasakop o nagmamahal sa Lumikha, at ikaw ay isang taong likas na mapaghimagsik laban sa Diyos. Dahil sa mga dahilan na ito kaya ang gayong mga tao ay hindi nagugustuhan ng Lumikha.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao

Sinasabi ng mga tao na ang Diyos ay isang matuwid na Diyos, at hangga’t sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, tiyak na magiging patas Siya tungo sa tao, sapagkat Siya ang pinakamatuwid. Kung sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, kaya ba Niyang isantabi ang tao? Ako ay patas sa lahat ng tao, at hinahatulan ang lahat ng tao ayon sa Aking matuwid na disposisyon, gayunman mayroong akmang mga kondisyon sa mga hinihingi Ko sa tao, at iyong Aking hinihingi ay dapat na matupad ng lahat ng tao, maging sinuman sila. Wala Akong pakialam kung ano ang mga kalipikasyon mo, o kung gaano katagal mo nang taglay ang mga ito; ang pinahahalagahan Ko lamang ay kung sinusunod mo ang Aking daan, at kung umiibig ka at nauuhaw para sa katotohanan o hindi. Kung ikaw ay kulang sa katotohanan, at sa halip nagdadala ng kahihiyan sa Aking pangalan, at hindi kumikilos ayon sa Aking daan, sumusunod lamang nang walang pakialam o malasakit, kung gayon sa sandaling iyon ay hahampasin kita at parurusahan dahil sa iyong kasamaan, at ano nga ang masasabi mo sa panahong iyon? Masasabi mo bang ang Diyos ay hindi matuwid? Kung nakasunod ka sa mga salita na Aking sinabi ngayon, kung gayon ikaw ang uri ng taong Aking sinasang-ayunan. Sinasabi mo na ikaw ay laging nagdurusa habang sumusunod sa Diyos, na nakasunod ka sa Kanya sa kabila ng mga bagyo, at naibahagi sa Kanya ang mga pagkakataong mabubuti at ang masasama, ngunit hindi mo naisabuhay ang mga salitang winika ng Diyos; ninanais mo lamang na magparoo’t parito para sa Diyos at gugulin ang sarili para sa Diyos bawat araw, at kailanman ay hindi naisip na isabuhay ang isang buhay na makabuluhan. Sinasabi mo rin, “Ano’t anuman, naniniwala ako na ang Diyos ay matuwid. Nagdurusa ako para sa Kanya, nagparoo’t parito para sa Kanya, at inilalaan ko ang aking sarili sa Kanya, at kahit na wala akong anumang nakakamit, nagsusumikap ako; tiyak na tatandaan Niya ako.” Totoo na ang Diyos ay matuwid, gayunman ang pagiging matuwid na ito ay walang bahid ng anumang karumihan: Wala itong taglay na kalooban ng tao, at hindi nabahiran ng laman, o ng pantaong transaksyon. Ang lahat ng mapanghimagsik at lumalaban, ang lahat ng hindi nakaayon sa Kanyang daan, ay parurusahan; walang pinatatawad, at walang ititira! May ilang tao na nagsasabi, “Ngayon ay nagpaparoo’t parito ako para sa Iyo; kapag dumating ang katapusan, maaari Mo ba akong bigyan ng munting pagpapala?” Kaya tinatanong kita, “Nakatupad ka ba sa Aking mga salita?” Ang pagiging matuwid na iyong sinasalita ay nakasalig sa isang transaksyon. Iniisip mo lamang na Ako ay matuwid at patas sa lahat ng tao, at ang lahat ng sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay siguradong maliligtas at makakamtan ang Aking mga pagpapala. Mayroong panloob na kahulugan ang Aking mga salita na “lahat niyaong sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay tiyak na maliligtas”: Lahat niyaong sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay silang mga lubos Kong makakamtan, sila iyong, pagkatapos Kong malupig, ay hinahanap ang katotohanan at ginagawang perpekto. Anong mga kondisyon ang iyong natamo? Ang nakamit mo lamang ay pagsunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan, ngunit bukod doon ay ano pa? Ikaw ba ay nakasunod sa Aking mga salita? Natupad mo ang isa sa Aking limang hinihingi, gayunman ay wala kang intensyon na tuparin ang natitirang apat. Natagpuan mo ang pinakasimple, pinakamadaling landas, at hinangad ito nang may saloobin na umaasa lamang na maging mapalad. Sa gayong tao na katulad mo ang Aking matuwid na disposisyon ay isang disposisyon ng pagkastigo at paghatol, ito ay isa ng matuwid na pagganti, at ito ay ang matuwid na kaparusahan sa lahat ng taong gumagawa ng masama; ang lahat ng hindi sumusunod sa Aking daan ay tiyak na parurusahan, kahit na sila ay sumunod hanggang sa katapus-tapusan. Ito ang pagiging matuwid ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol

Tinutukoy Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, senyoridad, o dami ng pagdurusa, lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito. Dapat ninyong maunawaan na parurusahan ang lahat ng hindi sumusunod sa kalooban ng Diyos nang walang eksepsiyon. Isa itong bagay na hindi mababago ng sinumang tao. Samakatwid, lahat ng pinarurusahan ay pinarurusahan dahil sa katuwiran ng Diyos at bilang ganting-parusa sa kanilang maraming masasamang gawa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan

Dapat mong malaman kung anong uri ng mga tao ang Aking nais; iyong mga hindi dalisay ay hindi pinapayagang makapasok sa kaharian, iyong mga hindi dalisay ay hindi pinahihintulutang dungisan ang banal na lupain. Bagama’t maaaring marami kang nagawang gawain, at gumawa ka sa loob ng maraming taon, sa huli kung kalunos-lunos pa rin ang iyong karumihan, hindi katanggap-tanggap sa batas ng Langit na nais mong pumasok sa Aking kaharian! Mula sa pundasyon ng mundo hanggang ngayon, hindi Ako kailanman nakapag-alok ng madaling daan patungo sa Aking kaharian para sa mga sumisipsip sa Akin. Ito ay isang panuntunan sa langit, at walang sinumang makasusuway rito! Kailangan mong hangarin ang buhay. Ngayon, iyong mga gagawing perpekto ay kauri ni Pedro: Sila iyong mga naghahangad ng mga pagbabago sa kanilang sariling disposisyon, at handang magpatotoo sa Diyos at tuparin ang kanilang tungkulin bilang isang nilikha. Ang ganitong mga tao lamang ang gagawing perpekto. Kung umaasa ka lang sa mga gantimpala, at hindi ka naghahangad ng pagbabago sa iyong sariling buhay disposisyon, lahat ng iyong pagsisikap ay mawawalan ng saysay—at ito ay isang katotohanang hindi mababago!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao

Sinundan: 1. Sinasabi mo na dapat nating tanggapin ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw, dahil doon lamang malilinis at mababago ang ating mga tiwaling satanikong disposisyon, at saka lamang tayo makakapasok sa kaharian ng Diyos. Kaya, tulad ng hinihingi ng Panginoon, tayo ay nagpapakumbaba at nagpaparaya, minamahal natin ang ating mga kaaway, pinapasan natin ang ating krus, dinidisiplina natin ang ating katawan, tinatalikuran natin ang mga makamundong bagay, gumagawa tayo at nangangaral para sa Panginoon, at iba pa. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay mga pagbabagong naganap sa atin? Sinasabi mo bang hindi pa ito sapat upang makapasok tayo sa kaharian sa langit? Naniniwala ako na hangga’t nagpapatuloy tayo sa pagsusumikap sa ganitong paraan, tayo ay magiging banal at makakapasok sa makalangit na kaharian.

Sumunod: 3. Sinabi ng Panginoong Jesus, “Hindi ang bawat nagsasabi sa Akin, ‘Panginoon, Panginoon’, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo ay nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo ay nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha?’ At kung magkagayon ay ipahahayag Ko sa kanila, ‘Kailanman ay hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan’(Mateo 7:21–23). Ang mga nagsasabing “Panginoon, Panginoon” ay naniniwala lahat at naglilingkod sa Panginoon. Palagi silang nagsasakripisyo, ginugugol ang kanilang sarili, at nagsusumikap para sa Panginoon, at ipinalaganap nila ang ebanghelyo at nagtayo ng mga iglesia. Hindi ba nila sinunod ang kalooban ng Panginoon sa pamamagitan ng paggawa ng lahat ng ito? Sa pagbabalik ng Panginoong Jesus, bakit hindi sila pupurihin ng Panginoon, at sa halip ay hahatulan Niya bilang mga gumagawa ng kasamaan?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito