1. Sinasabi mo na ang mga tao ay malilinis lamang at ganap na maliligtas kung tatanggapin nila ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Hindi kami naniniwala. Sabi ng Biblia: “Sapagkat ang tao’y naniniwala sa katuwiran gamit ang puso; at gamit ang bibig sa pangungumpisal para sa ikaliligtas” (Roma 10:10). “Ngayon nga’y wala nang anomang hatol sa mga na kay Cristo Jesus” (Roma 8:1). Napatawad na tayo sa ating mga kasalanan at nabigyang-katwiran ng ating pananampalataya sa pamamagitan ng paniniwala sa Panginoong Jesus. Pinalaya tayo minsan at magpakailanman, at sa pagbabalik ng Panginoon, direkta tayong madadala sa langit. Kung gayon, bakit mo nasasabi na dapat nating tanggapin ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw upang ganap na maligtas?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Hindi ang bawat nagsasabi sa Akin, ‘Panginoon, Panginoon’, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit” (Mateo 7:21).
“Kayo nga’y magpakabanal, sapagkat Ako’y banal” (Levitico 11:45).
“Sapagkat kung sasadyain pa nating magpatuloy sa paggawa ng kasalanan pagkatapos nating malaman ang katotohanan, wala nang handog na maiaalay pa para mapatawad ang mga kasalanan natin, kundi isang kakila-kilabot na paghihintay sa paghuhukom at isang kabangisan ng apoy, na lalamon sa mga kaaway” (Mga Hebreo 10:26–27).
“Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Ang bawat nagkakasala ay alipin ng kasalanan. At ang alipin ay hindi nananahan sa bahay magpakailanman: ang anak ang nananahan magpakailanman” (Juan 8:34–35).
“Ay gayon din naman si Cristo; na inihandog na minsan upang dalhin ang mga kasalanan ng marami, sa ikalawa’y pakikita na hiwalay sa kasalanan, sa ikaliligtas ng mga nagsisipaghintay sa Kanya” (Mga Hebreo 9:28).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Sa panahong iyon, ang gawain ni Jesus ay ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan. Ang mga kasalanan ng lahat ng nanampalataya sa Kanya ay pinatawad; basta’t ikaw ay nananampalataya sa Kanya, ikaw ay Kanyang tutubusin; kung ikaw ay nananampalataya sa Kanya, wala ka na sa pagkakasala, inalis sa iyo ang iyong mga kasalanan. Ito ang kahulugan ng maligtas, at mapawalang-sala ng pananalig. Ngunit sa mga nanampalataya, mayroon pa ring nanatiling paghihimagsik at pagkontra sa Diyos, at kailangan pa ring dahan-dahang alisin. Ang kaligtasan ay hindi nangahulugan na ang tao ay lubusan nang nakamit ni Jesus, kundi na ang tao ay wala na sa kasalanan, na siya ay pinatawad na sa kanyang mga kasalanan. Basta’t ikaw ay nananampalataya, hindi ka na kailanman nasa kasalanan pa.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (2)
Ang isang makasalanang tulad ninyo, na katutubos pa lang, at hindi pa nabago, o nagawang perpekto ng Diyos—makakaayon ka ba sa mga layunin ng Diyos? Para sa iyo, na katulad pa rin ng dati, totoong ikaw ay iniligtas ni Jesus, at hindi ka nabibilang sa kasalanan dahil sa pagliligtas ng Diyos, ngunit hindi ito nagpapatunay na ikaw ay walang kasalanan o karumihan. Paano ka magiging banal kung hindi ka pa nababago? Sa iyong kalooban, puno ka ng karumihan, makasarili at hamak ka, ngunit ninanais mo pa ring bumaba na kasama ni Jesus—hindi ka ganoon kasuwerte! Nalaktawan mo ang isang hakbang sa iyong pananampalataya sa Diyos: Natubos ka pa lang, ngunit hindi pa nabago. Para makaayon ka sa mga layunin ng Diyos, kailangang ang Diyos Mismo ang gumawa ng gawain para baguhin at linisin ka; kung hindi, hindi ka maaaring maging banal dahil ikaw ay natubos lamang. Sa ganitong paraan, hindi ka magiging kalipikado na tamasahin ang magagandang pagpapala kasama ang Diyos, dahil nalaktawan mo ang isang hakbang sa gawain ng Diyos na pamamahala sa tao, na ang siyang mahalagang hakbang sa pagbabago at pagperpekto. Kaya ikaw, na isang makasalanang katutubos pa lang, ay walang kakayahang direktang manahin ang pamana ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Pangalan at sa Pagkakakilanlan
Bagama’t dumating si Jesus sa gitna ng tao at gumawa ng maraming gawain, kinumpleto lamang Niya ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan at nagsilbi bilang handog para sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis sa tao ang lahat ng tiwaling disposisyon nito. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensiya ni Satanas ay hindi lamang nangailangan na si Jesus ay maging handog para sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas dakila pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang disposisyon na ginawang tiwali ni Satanas. Kaya, pagkatapos mapatawad ang tao sa mga kasalanan nito, nagbalik ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan Niya ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na antas. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at makakamit nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libo-libong taon ng pagtiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatwid, kapag natubos na ang tao, ito ay walang iba kundi isang kaso ng pagtubos. Ibig sabihin, ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang nakalalason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi pa naaalis. Ang tao na lubhang marumi ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging dalisay. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng trono ng Diyos. Lahat ng gawaing ginagawa sa araw na ito ay para madalisay at mabago ang tao; sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, pati na rin ng pagpipino, makakaya ng tao na iwaksi ang kanyang katiwalian at madalisay. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay ang gawain din ng panlulupig, at ang pangalawang yugto rin ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, at sa pamamagitan ng pagpipino, paghatol, at paglalantad ng salita ganap na nabubunyag ang lahat ng karumihan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga personal na pag-asa sa kalooban ng puso ng tao. Bagama’t ang tao ay natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaari lamang na ituring na hindi pagtanda ng Diyos sa mga pagsalangsang ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga pagsalangsang nito. Subalit, kapag ang tao na namumuhay sa katawang tao, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay maaaring magpatuloy lamang sa pagkakasala, inihahayag nang walang katapusan ang kanyang tiwaling satanikong disposisyon. Ito ang buhay na ipinamumuhay ng tao, isang walang-katapusang siklo ng pagkakasala at kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw at nangungumpisal sa gabi. Sa ganitong paraan, kahit na ang handog para sa kasalanan ay walang hanggan ang bisa sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakompleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring tiwaling disposisyon. … Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan; wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim, at kailangan niyang umasa sa paghatol ng salita upang makamit ang ganitong resulta. Sa ganitong paraan lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)
Ang gawain sa mga huling araw ay ang bumigkas ng mga salita. May malalaking pagbabago na maibubunga sa tao sa pamamagitan ng mga salita. Ang mga pagbabagong nangyayari ngayon sa mga taong ito sa pagtanggap nila ng mga salitang ito ay higit kaysa roon sa mga tao noong sila ay tumanggap ng mga tanda at mga kababalaghan sa Kapanahunan ng Biyaya. Sapagkat, sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga demonyo ay pinalayas sa tao sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay at panalangin, ngunit ang mga tiwaling disposisyon sa kalooban ng tao ay nanatili pa rin. Ang tao ay pinagaling sa kanyang sakit at pinatawad sa kanyang mga kasalanan, ngunit tungkol sa kung paano maiwawaksi ng tao ang tiwaling satanikong disposisyon sa loob niya, ang gawaing ito ay hindi pa nagagawa sa kanya. Ang tao ay nailigtas lamang at napatawad sa kanyang mga kasalanan dahil sa kanyang pananalig, ngunit ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi lubusang naalis at nanatili pa rin sa kanyang kalooban. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, ngunit hindi ito nangangahulugan na ang tao ay wala nang kasalanan sa kalooban niya. Ang mga kasalanan ng tao ay maaaring mapatawad sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ngunit walang paraan ang tao para lutasin ang suliranin kung paano siya hindi na muling magkakasala, at kung paano ganap na maiwawaksi at mababago ang kanyang makasalanang kalikasan. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad dahil sa gawain ng pagpapapako sa krus ng Diyos, ngunit ang tao ay patuloy na namuhay sa dati niyang satanikong tiwaling disposisyon. Dahil dito, ang tao ay dapat na ganap na mailigtas mula sa kanyang satanikong tiwaling disposisyon upang ang makasalanang kalikasan ng tao ay maaaring ganap na maiwaksi at hindi na kailanman muling mabubuo, at sa gayon ay tinutulutang mabago ang disposisyon ng tao. Kakailanganin nito na maunawaan ng tao ang landas ng paglago sa buhay, na maunawaan ang daan ng buhay, at maunawaan ang daan upang baguhin ang kanyang disposisyon. Dagdag pa, kakailanganin din na ang tao ay magsagawa alinsunod sa landas na ito, nang sa gayon ang disposisyon niya ay unti-unting mababago at makakapamuhay siya sa ilalim ng sikat ng liwanag, upang ang lahat ng ginagawa niya ay maging kaayon sa mga layunin ng Diyos, upang maiwaksi niya ang kanyang satanikong tiwaling disposisyon, at upang makalaya siya mula sa impluwensiya ng kadiliman ni Satanas, at sa gayon ay ganap na makalaya mula sa kasalanan. Saka lamang matatanggap ng tao ang ganap na kaligtasan. Nang ginagawa ni Jesus ang Kanyang gawain, ang pagkakakilala ng tao sa Kanya ay malabo pa rin at hindi maliwanag. Ang tao ay laging naniwala na Siya ay anak ni David at ipinahayag na Siya ay isang dakilang propeta at ang mabuting Panginoon na tumubos sa mga kasalanan ng tao. Ang ilan, dahil sa lakas ng kanilang pananampalataya, ay gumaling sa pamamagitan lamang ng paghipo sa laylayan ng Kanyang damit; ang bulag ay nakakita at maging ang patay ay nabuhay muli. Gayunman, hindi nagawang matuklasan ng tao ang satanikong tiwaling disposisyon na malalim na nakatanim sa kalooban niya at hindi rin alam ng tao kung paano ito iwaksi. Ang tao ay nakatanggap ng labis na biyaya, tulad ng kapayapaan at kasiyahan ng laman, ang pagpapala ng buong pamilya dahil sa pananampalataya ng isa, at ang pagpapagaling ng mga sakit, at iba pa. Ang natitira ay ang mga mabuting gawa ng tao at ang kanyang maka-Diyos na itsura; kung ang isang tao ay kayang mabuhay batay sa mga ito, siya ay itinuturing na isang mananampalatayang pasok sa pamantayan. Ang mga mananampalatayang tulad lamang nito ang maaaring pumasok sa langit pagkamatay, na nangangahulugan na sila ay nailigtas. Ngunit, sa kanilang buong buhay, hindi nila naunawaan kahit kaunti ang daan ng buhay. Ang ginawa lamang nila ay gumawa ng mga kasalanan at pagkatapos ay ikumpisal ang kanilang mga kasalanan nang paulit-ulit nang walang anumang landas sa pagbabago ng kanilang disposisyon: Ganyan ang kalagayan ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang tao ba ay nakatanggap ng ganap na kaligtasan? Hindi! Samakatwid, matapos na makumpleto ang yugtong iyon ng gawain, naroon pa rin ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Ang yugtong ito ay para linisin ang tao sa pamamagitan ng salita at sa gayon ay bigyan siya ng isang landas na susundan. Ang yugtong ito ay hindi magiging mabunga o makahulugan kung nagpatuloy ito sa pagpapalayas ng mga demonyo, sapagkat ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi maiwawaksi at ang tao ay hihinto lamang sa pagpapatawad ng mga kasalanan. Sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ang tao ay napatawad sa kanyang mga kasalanan, sapagkat ang gawain ng pagpapapako sa krus ay dumating na sa katapusan at ang Diyos ay nanaig laban kay Satanas. Ngunit ang tiwaling disposisyon ng tao ay nananatili pa rin sa loob niya at ang tao ay maaari pa ring magkasala at labanan ang Diyos, at hindi pa nakamit ng Diyos ang sangkatauhan. Kung kaya sa yugtong ito ng gawain ay ginagamit ng Diyos ang salita upang isiwalat ang tiwaling disposisyon ng tao, na nagsasanhi sa kanyang magsagawa alinsunod sa wastong landas. Ang gawain ng yugtong ito ay mas makabuluhan kaysa sa nauna at mas mabunga rin, dahil sa ngayon ang salita ang direktang nagtutustos sa buhay ng tao at nagbibigay-daan upang ang disposisyon ng tao ay ganap na mapanibago; ito ay isang yugto ng gawain na mas masusi. Samakatwid, nakompleto ng pagkakatawang-tao sa mga huling araw ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos at ganap na tumapos sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)