2. Pinatototohanan mo na nagbalik na ang Panginoong Jesus, na Siya ang Makapangyarihang Diyos, at ipinapahayag Niya ang mga katotohanan upang gampanan ang gawain ng paghatol simula sa tahanan ng Diyos. Subalit sinasabi ng mga pastor at matatanda sa iglesia na ang mga salita at gawain ng Diyos ay nakatalang lahat sa Biblia, at ang mga katotohanan ng Biblia ay buo at kumpleto. Sinasabi nila na hindi maaaring magkaroon ang Diyos ng mga salita at gawain sa labas ng Biblia, at anumang nasa labas ng Biblia ay hidwang paniniwala. Paano namin dapat ituring ang isyung ito?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“At mayroon ding iba’t ibang bagay na ginawa si Jesus, na kung susulating isa-isa, ay sa palagay ko kahit sa sanlibutan ay hindi magkakasya ang mga aklat na susulatin” (Juan 21:25).
“Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo kakayanin. Gayon man ay kapag Siya, ang Espiritu ng katotohanan, ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan: sapagkat hindi Siya magsasalita ng mula sa Kanyang sarili; kundi ang anomang bagay na Kanyang marinig, ang mga ito ang Kanyang sasalitain: at Kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating” (Juan 16:12–13).
“Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia; Ang magtagumpay ay bibigyan Ko ng manang natatago, at siya’y bibigyan Ko ng isang batong puti, at sa bato ay may nakasulat na isang bagong pangalan, na walang nakakaalam kundi yaong tumatanggap” (Pahayag 2:17).
“At nakita ko sa kanang kamay Niyaong nakaupo sa luklukan ang isang aklat na may sulat sa loob at sa labas, na tinatakan ng pitong tatak. At nakakita ako ng isang malakas na anghel na nagtatanyag ng malakas na tinig, ‘Sinong karapatdapat magbukas ng aklat, at magtanggal ng mga tatak nito?’ At sinuman sa langit, o sa ibabaw ng lupa, o sa ilalim man ng lupa, ay hindi makapagbukas ng aklat, o makatingin man. At ako’y umiyak nang umiyak, sapagkat walang nahanap na sinumang marapat magbukas ng aklat, o makatingin man lang dito: At sinabi sa akin ng isa sa matatanda, Huwag kang umiyak; narito, ang Leon sa angkan ni Juda, ang Ugat ni David, ay nagtagumpay upang magbukas ng aklat at ng pitong tatak nito” (Pahayag 5:1–5).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang mga naitala sa Bibliya ay limitado; hindi kayang kumatawan ng mga ito sa kabuuan ng gawain ng Diyos. Ang Apat na Ebanghelyo sa kabuuan ay wala pang isang daang kabanata, kung saan nakasulat ang takdang bilang ng mga pangyayari, tulad ng pagsumpa ni Jesus sa puno ng igos, tatlong pagtatwa ni Pedro sa Panginoon, pagpapakita ni Jesus sa mga alagad kasunod ng Kanyang pagkapako sa krus at muling pagkabuhay, pagtuturo tungkol sa pag-aayuno, pagtuturo tungkol sa panalangin, pagtuturo tungkol sa diborsiyo, ang kapanganakan at talaangkanan ni Jesus, ang paghirang ni Jesus sa mga alagad, at iba pa. Subalit, pinahahalagahan ang mga ito ng tao bilang mga kayamanan, at ikinukumpara pa sa mga ito ang gawain sa ngayon. Naniniwala pa nga sila na gumawa lamang nang gayon karami si Jesus sa Kanyang buhay, na para bang gayon lamang karami ang kayang gawin ng Diyos at wala nang iba pa. Hindi ba’t baligho ito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (1)
Kung gusto mong makita ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, at makita kung paano sumunod ang mga Israelita sa Daan ni Jehova, dapat mong basahin ang Lumang Tipan; kung gusto mong maunawaan ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, dapat mong basahin ang Bagong Tipan. Ngunit paano mo makikita ang gawain sa mga huling araw? Kailangan mong tanggapin ang pamumuno ng Diyos ngayon, at pumasok sa gawain sa kasalukuyan, dahil ito ang bagong gawain, at wala pang nakapagtatala nito dati sa Bibliya. Ngayon, ang Diyos ay naging tao at pumili ng ibang hinirang na mga tao sa Tsina. Ang Diyos ay gumagawa sa mga taong ito, nagpapatuloy Siya mula sa Kanyang gawain sa daigdig, at nagpapatuloy mula sa gawain sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawain sa kasalukuyan ay isang daan na hindi pa kailanman nalakaran ng tao, at daan na wala pang sinuman ang nakakita. Ito ay gawain na hindi pa kailanman nagawa—ito ang pinakabagong gawain ng Diyos sa mundo. Kaya ang gawain na hindi pa nagawa noon ay hindi kasaysayan, dahil ang ngayon ay ngayon, at hindi pa nagiging nakaraan. Hindi alam ng mga tao na ang Diyos ay nakagawa ng mas nakahihigit at mas bagong gawain sa mundo, at sa labas ng Israel, na lumampas na ito sa saklaw ng Israel, at lampas sa mga propesiya na ibinigay ng mga propeta, na ito ay bago at kahanga-hangang gawain na hindi sakop ng mga propesiya, at mas bagong gawain na lampas sa Israel, at gawain na hindi maarok o kaya ay magawang akalain ng mga tao. Paanong ang Bibliya ay naglalaman ng malinaw na mga talaan ng nasabing gawain? Sino ang maaaring makapagtala ng bawat isang bahagi ng gawain ngayon bago ito maganap, nang walang makakaligtaan? Sino ang maaaring makapagtala nitong mas dakila at mas may karunungang gawain na sumasalungat sa kinaugalian sa librong iyon na sa sobrang kalumaan ay inaamag na? Ang kasalukuyang gawain ay hindi kasaysayan, at dahil dito, kung nais mong lumakad sa bagong landas ngayon, kailangan mong lisanin ang Bibliya, dapat mong lampasan ang mga aklat ng propesiya o kasaysayan na nasa Bibliya. Sa ganitong paraan ka lamang maaaring makalakad sa bagong landas nang maayos, at sa ganitong paraan ka lamang makakapasok sa bagong mundo at sa bagong gawain. Dapat mong maunawaan kung bakit hinihingi ngayon na huwag mong basahin ang Bibliya, kung bakit mayroong ibang gawain na hiwalay sa Bibliya, kung bakit ang Diyos ay hindi naghahanap ng mas bago at mas detalyadong pagsasagawa sa Bibliya, at kung bakit sa halip ay mayroong mas makapangyarihang gawain sa labas ng Bibliya. Ang lahat ng ito ang dapat ninyong maunawaan. Kailangan mong malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng luma at bagong gawain, at kahit na hindi mo binabasa ang Bibliya, dapat ay magawa mo itong himayin; kung hindi, sasambahin mo pa rin ang Bibliya, at magiging mahirap para sa iyo na makapasok sa bagong gawain at sumailalim sa mga bagong pagbabago. Yamang mayroong mas mataas na daan, bakit pag-aaralan pa rin ang mas mababa at makalumang daan? Yamang mayroong mga mas bagong pagbigkas, at mas bagong gawain, bakit ka mamumuhay batay sa lumang mga talaan ng kasaysayan? Ang mga bagong pagbigkas ay maaaring makapagtustos sa iyo, na nagpapatunay na ito ang bagong gawain; ang mga lumang talaan ay hindi ka mabibigyang-kasiyahan, o hindi makatutugon sa iyong mga kasalukuyang pangangailangan, na nagpapatunay na ang mga ito ay kasaysayan, at hindi ang kasalukuyang gawain. Ang pinakamataas na daan ay ang pinakabagong gawain, at sa bagong gawain, kahit gaano pa kataas ang daan ng nakaraan, ito ay kasaysayan lamang na ginugunita ng mga tao, at kahit ano pa ang halaga nito bilang sanggunian, ito ay lumang daan pa rin. Kahit na ito ay naitala sa “banal na aklat,” ang lumang daan ay kasaysayan; kahit na wala ni isang pahina na nagtatala nito sa “banal na aklat,” ang bagong daan ay pinakabago. Ang daan na ito ay maaari kang iligtas, at ang daan na ito ay maaari kang baguhin, dahil ito ang gawain ng Banal na Espiritu.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya (1)
Ang Bibliya ay isang aklat ng kasaysayan, at kung nakain at nainom mo na ang Lumang Tipan sa Kapanahunan ng Biyaya, at kung naisagawa mo kung ano ang kinailangan sa panahon ng Lumang Tipan noong Kapanahunan ng Biyaya, kung gayon ay tinanggihan at kinondena ka sana ni Jesus; kung ginamit mo ang Lumang Tipan sa gawain ni Jesus, naging Pariseo ka sana. Kung ngayon ay pinag-isa mo ang Luma at Bagong Tipan sa iyong pagkain at pag-inom, at pagsasagawa, kokondenahin ka ng Diyos ng ngayon; ikaw ay mapag-iiwanan ng gawain ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan! Kung kumakain at umiinom ka ng Lumang Tipan at ng Bagong Tipan, ikaw ay nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu! Noong panahon ni Jesus, pinamunuan Niya ang mga Hudyo at ang lahat ng sumunod sa Kanya ayon sa gawain ng Banal na Espiritu sa Kanya noong panahong iyon. Hindi Niya ginamit ang Bibliya bilang basehan ng Kanyang ginawa, kundi nagsalita Siya ayon sa Kanyang gawain; hindi Niya binigyang-pansin kung ano ang sinabi ng Bibliya, o kaya ay naghanap sa Bibliya ng landas upang pamunuan ang Kanyang mga tagasunod. Mula noong nagsimula Siyang gumawa, ipinangaral Niya ang daan ng pagsisisi—ni isang salita tungkol dito ay hinding-hindi nabanggit sa maraming propesiya sa Lumang Tipan. Hindi lamang Siya hindi kumilos ayon sa Bibliya, kundi Siya ay namuno rin sa isang mas bagong daan, at gumawa ng mas bagong gawain. Kahit kailanman ay hindi Siya sumangguni sa Bibliya kapag Siya ay nangangaral. Noong Kapanahunan ng Kautusan, walang sinuman ang nakagawa ng Kanyang mga himala ng pagpapagaling sa maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo. Gayundin, ang Kanyang gawain, ang Kanyang mga turo at ang awtoridad at kapangyarihan ng Kanyang pananalita ay lampas sa sinumang tao noong Kapanahunan ng Kautusan. Ginawa lamang ni Jesus ang Kanyang mas bagong gawain, at kahit na maraming tao ang kumondena sa Kanya gamit ang Bibliya—at ginamit pa nga ang Lumang Tipan upang ipapako Siya sa krus—nahigitan ng Kanyang gawain ang Lumang Tipan; kung hindi, bakit ipinako Siya ng mga tao sa krus? Hindi ba ito dahil sa walang binanggit ang Lumang Tipan sa Kanyang mga turo, at sa Kanyang kapangyarihan na magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo? Ang Kanyang gawain ay ginawa upang umakay sa mas bagong daan, hindi ito para sadyang maghamon ng away laban sa Bibliya, o kaya ay sadyang iwaksi ang Lumang Tipan. Pumarito lamang Siya upang gampanan ang Kanyang ministeryo, upang dalhin ang bagong gawain sa mga naghahangad at naghahanap sa Kanya. Hindi Siya dumating upang ipaliwanag ang Lumang Tipan o itaguyod ang gawain nito. Ang Kanyang gawain ay hindi para pahintulutan ang Kapanahunan ng Kautusan na magpatuloy sa pagyabong. Hindi Niya isinaalang-alang kung ang Kanyang gawain ay nakabatay sa Bibliya, kundi pumarito lamang Siya upang gawin ang gawain na dapat Niyang gawin, kaya hindi Siya nagpaliwanag ng mga propesiya ng Lumang Tipan, ni hindi Siya gumawa nang ayon sa mga salita ng Kapanahunan ng Kautusan ng Lumang Tipan. Hindi Niya pinansin ang sinabi ng Lumang Tipan, hindi mahalaga sa Kanya kung umaayon ito sa Kanyang gawain o hindi, at hindi mahalaga kung ano ang alam ng iba sa Kanyang gawain, o kung paano nila kinondena ito. Ipinagpatuloy lamang Niya ang gawain na dapat Niyang gawin, kahit na maraming tao ang gumamit ng mga propesiya ng mga propeta ng Lumang Tipan upang kondenahin Siya. Sa mga tao, lumitaw na parang ang Kanyang gawain ay walang batayan, at marami rito ang salungat sa mga talaan sa Lumang Tipan. Hindi ba’t ito ang pagiging walang-katotohanan ng tao? Kailangan bang ilapat ng Diyos ang mga regulasyon sa Kanyang gawain? At ang Diyos ba ay dapat na gumawa ayon sa mga propesiya ng mga propeta? Kung tutuusin, alin ang mas dakila: ang Diyos o ang Bibliya? Bakit kailangang gumawa ang Diyos nang naaayon sa Bibliya? Maaari kaya na walang karapatan ang Diyos na higitan ang Bibliya? Hindi ba maaaring humiwalay ang Diyos sa Bibliya at gumawa ng ibang gawain? Bakit hindi ipinangilin ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo ang araw ng Sabbath? Kung magsasagawa Siya ayon sa Sabbath at nang ayon sa mga utos ng Lumang Tipan, bakit hindi nangilin si Jesus sa Sabbath nang dumating Siya, at sa halip ay naghugas ng mga paa, nagtaklob ng ulo, naghati-hati ng tinapay, at uminom ng alak? Hindi ba wala itong lahat sa mga utos ng Lumang Tipan? Kung sinunod ni Jesus ang Lumang Tipan, bakit Niya nilabag ang mga regulasyong ito? Dapat mong malaman kung alin ang nauna, ang Diyos o ang Bibliya! Bilang Panginoon ng Sabbath, hindi ba Siya maaaring maging Panginoon din ng Bibliya?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya (1)
Sa panahong iyon, nagbigay lamang si Jesus sa Kanyang mga disipulo ng isang serye ng mga sermon ng Kapanahunan ng Biyaya tungkol sa mga paksa kung paano magsagawa, paano magtipon-tipon, paano magsumamo sa panalangin, at paano tratuhin ang iba sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawaing Kanyang isinagawa ay yaong sa Kapanahunan ng Biyaya, at nagsalita lamang Siya tungkol sa kung paano nararapat magsagawa ang mga disipulo at yaong mga sumunod sa Kanya noong panahong iyon. Noong panahong iyon, ginawa lamang Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, at wala Siyang ginawang gawain ng mga huling araw. Nang itakda ni Jehova ang kautusan ng Lumang Tipan sa Kapanahunan ng Kautusan, bakit hindi Niya ginawa noon ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya? Bakit hindi Niya maagang nilinaw ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya? Hindi ba’t makakatulong ito na tanggapin ito ng tao? Ipinropesiya lamang Niya na isisilang ang isang sanggol na lalaki at magiging makapangyarihan, ngunit hindi Niya isinagawa nang maaga ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawain ng Diyos sa bawat isang kapanahunan ay may malilinaw na hangganan; ginagawa lamang Niya ang gawain ng kasalukuyang kapanahunan, at hindi Niya isinasakatuparan nang maaga ang sumunod na yugto ng gawain kailanman. Sa ganitong paraan lamang mabibigyang-diin ang Kanyang gawaing kumakatawan sa bawat kapanahunan. Nagsalita lamang si Jesus tungkol sa mga tanda ng huling mga araw; sinabi lamang Niya kung paano dapat maging mapagpasensiya at paano dapat mailigtas ang mga tao sa panahong iyon, kung paano sila dapat magsisi at mangumpisal, at kung paano sila dapat magpasan ng krus at magtiis ng paghihirap. Hindi Niya kailanman sinabi kung paano dapat magkamit ng pagpasok ang tao sa mga huling araw, ni kung paano niya dapat hangaring tugunan ang mga layunin ng Diyos. Sa gayon, hindi ba’t wala sa katwiran na saliksikin ang Bibliya para sa gawain ng Diyos sa mga huling araw? Ano ang makikita mo sa paghawak lamang nang mahigpit sa Bibliya? Isa mang tagapaglahad ng Bibliya o isang mangangaral, sino ang malinaw na makakakita nang maaga sa gawain ngayon?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paanong Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos Iyong mga Naglimita sa Kanya sa Kanilang mga Kuru-kuro?
Walang sinumang nakakaalam sa realidad ng Bibliya: na ito’y wala nang iba kundi isang talaan ng kasaysayan ng gawain ng Diyos, at isang patotoo sa nakaraang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, at na hindi ito nagbibigay sa iyo ng pagkaunawa sa layunin ng gawain ng Diyos. Alam ng lahat na nakabasa na sa Bibliya na idinodokumento nito ang dalawang yugto ng gawain ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya. Isinasalaysay sa Lumang Tipan ang kasaysayan ng Israel at kung paano gumawa si Jehova mula sa panahon ng paglikha hanggang sa katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan. Nakatala sa Bagong Tipan ang gawain ni Jesus sa lupa, na nasa Apat na Ebanghelyo, pati na rin ang gawain ni Pablo—hindi ba mga talaan ng kasaysayan ang mga ito? Ang pagbanggit ngayon sa mga bagay na lumipas na ay ginagawang kasaysayan ang mga ito, at hindi mahalaga kung gaano katotoo o tunay ang mga ito, ang mga ito ay kasaysayan pa rin—at ang kasaysayan ay hindi makakatugon sa kasalukuyan, sapagkat ang Diyos ay hindi lumilingon sa kasaysayan! Kaya kung iyo lamang nauunawaan ang Bibliya, at walang nauunawaan sa gawain na nilalayong isakatuparan ngayon ng Diyos, at kung nananampalataya ka sa Diyos ngunit hindi mo hinahanap ang gawain ng Banal na Espiritu, kung gayon ay hindi mo nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng hanapin ang Diyos. Kung binabasa mo ang Bibliya upang pag-aralan ang kasaysayan ng Israel, upang saliksikin ang kasaysayan ng paglikha ng Diyos sa lahat ng langit at lupa, kung gayon ay hindi ka nananampalataya sa Diyos. Ngunit ngayon, dahil nananampalataya ka sa Diyos, at dahil hinahangad mo ang buhay, hinahangad ang pagkakilala sa Diyos, at hindi hinahangad ang mga walang-buhay na salita at doktrina o ang pagkaunawa ng kasaysayan, dapat mong hanapin ang mga kasalukuyang layunin ng Diyos, at dapat mong hanapin ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung ikaw ay isang arkeologo ay babasahin mo ang Bibliya—ngunit ikaw ay hindi, ikaw ay isa sa mga nananampalataya sa Diyos, at pinakamainam na hanapin mo ang mga kasalukuyang layunin ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya (4)
Ang katunayan na nais Kong ipaliwanag dito ay ito: Kung ano ang Diyos at kung ano ang mayroon Siya ay hindi nauubos magpakailanman at walang katapusan. Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay at ng lahat ng bagay; hindi Siya maaarok ng anumang nilikha. Panghuli, dapat Ko pa ring ipaalala sa lahat: Huwag na muling limitahan ang Diyos sa mga aklat, sa mga salita, o sa Kanyang nakaraang mga pagbigkas kahit kailan. Mayroon lamang iisang salita na naglalarawan sa tanging katangian ng gawain ng Diyos: bago. Ayaw Niyang tahakin ang lumang mga landas o ulitin ang Kanyang gawain; higit pa riyan, ayaw Niyang limitahan Siya ng mga tao sa loob ng isang partikular na saklaw sa kanilang pagsamba sa Kanya. Ito ang disposisyon ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pangwakas na Pananalita