9. Ang bawat henerasyon ng mga Israelita ay nanampalataya kay Jehova, at ang mga taong naniniwala sa Panginoong Jesus ay matatagpuan sa buong mundo. Yamang si Jehova, ang Panginoong Jesus, at ang Makapangyarihang Diyos ay iisang Diyos, bakit mo nasabi na kahit na maniwala ang mga tao kay Jehova o Jesus, kung hindi nila tatanggapin ang gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, sila ay maaalis?

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Yamang nananampalataya ang tao sa Diyos, dapat niyang sundang mabuti ang bawat mga yapak ng Diyos; dapat siyang “sumunod sa Kordero saan man pumaroon ang Kordero.” Ang mga ito lamang ang mga taong totoong naghahanap ng tunay na daan, sila lamang yaong mga nakakaalam sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong matigas na sumusunod sa mga salita at mga doktrina ay yaong mga itiniwalag na ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa bawat panahon, ang Diyos ay magsisimula ng bagong gawain, at sa bawat panahon, magkakaroon ng bagong simula sa gitna ng tao. Kung ang tao ay sumusunod lamang sa mga katotohanan na “si Jehova ang Diyos” at “si Jesus ang Cristo,” na mga katotohanan na bawat isa ay aplikable lamang sa iisang kapanahunan, sa gayon ang tao ay hindi kailanman makakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu, at magpakailanmang walang kakayahang magkamit ng gawain ng Banal na Espiritu. Hindi alintana kung paano gumagawa ang Diyos, ang tao ay sumusunod nang wala ni katiting na pag-aalinlangan, at siya ay sumusunod nang mahigpit. Sa paraang ito, paano maititiwalag ng Banal na Espiritu ang tao? Hindi alintana kung ano ang ginagawa ng Diyos, hangga’t ang tao ay nakatitiyak na ito ay gawain ng Banal na Espiritu at nakikipagtulungan sa gawain ng Banal na Espiritu nang walang pag-aalinlangan, at sinusubukang tugunan ang mga hinihingi ng Diyos, kung gayon, paano siya maparurusahan? Hindi nahinto kailanman ang gawain ng Diyos, hindi kailanman natigil ang Kanyang mga yapak, at bago pa man matapos ang Kanyang gawain ng pamamahala, Siya ay palaging abala, at hindi kailanman tumitigil. Ngunit iba ang tao: Dahil nagkamit lamang ng maliit na gawain ng Banal na Espiritu, itinuturing niya ito na parang hindi kailanman magbabago; dahil nagkamit lamang ng maliit na kaalaman, hindi na siya nagpapatuloy sa pagsunod sa mga yapak ng mas bagong gawain ng Diyos; dahil nakakita lamang ng maliit na bahagi ng gawain ng Diyos, agad na niyang ikinaklasipika ang Diyos bilang isang partikular na kahoy na imahen, at naniniwala na palaging mananatili ang Diyos sa ganoong anyo na nakikita sa harap niya, na ganito rin sa nakalipas at laging magiging ganoon sa hinaharap; dahil nagkamit lamang ng mababaw na kaalaman, napakayabang ng tao kaya’t nakakalimutan niya ang kanyang sarili at nagsisimulang walang pakundangang ipahayag ang isang disposisyon at ang pagiging Diyos ng Diyos na hindi talaga umiiral; at kung natitiyak ang tungkol sa isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, kahit anong uri ng tao ang nagpapahayag ng bagong gawain ng Diyos, hindi ito tinatanggap ng tao. Ang mga ito ay mga taong hindi matatanggap ang bagong gawain ng Banal na Espiritu; masyado silang makaluma, at hindi kayang tumanggap ng mga bagong bagay. Ang gayong mga tao ay nananampalataya sa Diyos ngunit tinatanggihan din ang Diyos. Naniniwala ang tao na mali ang mga Israelita na “maniwala lamang kay Jehova at hindi kay Jesus,” ngunit karamihan ng mga tao ay gumaganap ng papel kung saan sila ay “naniniwala lamang kay Jehova at tinatanggihan si Jesus” at “nananabik para sa pagbabalik ng Mesiyas, ngunit tinututulan ang Mesiyas na tinatawag na Jesus.” Hindi na nakapagtataka, kung gayon, na ang mga tao ay nabubuhay pa rin sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas matapos tanggapin ang isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi pa rin tinatanggap ang mga pagpapala ng Diyos. Hindi ba’t ito ang bunga ng pagiging mapaghimagsik ng tao? Ang mga Kristiyano sa buong mundo na hindi nakakasabay sa bagong gawain ng ngayon ay nangungunyapit lahat sa pag-asa na magiging mapalad sila, ipagpapalagay na tutuparin ng Diyos ang bawat isa sa kanilang mga kahilingan. Subalit hindi nila masasabi nang tiyak kung bakit dadalhin sila paitaas ng Diyos sa ikatlong langit, o kung nakatitiyak ba sila kung paano sila tatanggapin ni Jesus na nakasakay sa puting ulap, lalong hindi nila masasabi nang may lubos na katiyakan kung si Jesus ay totoong darating sakay ng puting ulap sa araw na kanilang naguguni-guni. Lahat sila ay nababahala, at nalilito; hindi rin nila alam sa sarili nila mismo kung bawat isa sa kanila ay dadalhin paitaas ng Diyos, ang iba’t ibang maliliit na bilang ng tao mula sa iba’t ibang denominasyon. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ngayon, ang kasalukuyang kapanahunan, ang mga layunin ng Diyos—wala silang pagkaarok sa anuman sa mga bagay na ito, at wala silang magagawa kundi ang magbilang ng mga araw sa kanilang mga daliri. Tanging ang mga sumusunod lamang sa mga yapak ng Kordero hanggang sa pinakahuli ang magkakamit ng pangwakas na pagpapala, samantalang ang mga “tusong tao,” na hindi nakakasunod hanggang sa katapus-katapusan ngunit naniniwala na nakamtan na nila ang lahat, ay walang kakayahang masaksihan ang pagpapakita ng Diyos. Bawat isa sa kanila ay naniniwala na siya ang pinakamatalinong tao sa lupa, at pinuputol nila ang patuloy na pag-unlad ng gawain ng Diyos na wala naman talagang dahilan, at sila ay tila naniniwala nang may lubos na katiyakan na dadalhin sila paitaas ng Diyos sa langit, silang “mayroong lubos na katapatan sa Diyos, sumusunod sa Diyos, at tumatalima sa mga salita ng Diyos.” Kahit na sila ay mayroong “lubos na katapatan” sa mga salitang sinabi ng Diyos, ang kanilang mga salita at kilos ay nakasusuklam pa rin dahil kanilang nilalabanan ang gawain ng Banal na Espiritu, at gumagawa ng panlilinlang at kasamaan. Yaong mga hindi kayang sumunod hanggang sa pinakahuli, at hindi makasasabay sa gawain ng Banal na Espiritu at kumakapit lamang sa lumang gawain, ay hindi lamang nabigo sa pagkamit ng katapatan sa Diyos, ngunit sa kabaligtaran, naging yaong mga sumasalungat sa Diyos, naging yaong mga tinatanggihan ng bagong kapanahunan, at siyang mapaparusahan. Mayroon pa bang mas nakakaawa kaysa kanila? Marami pa nga ang naniniwala na ang lahat ng tumatanggi sa lumang kautusan at tumatanggap sa bagong gawain ay walang konsensiya. Ang mga taong ito, na ang pinagtutuunan lang ay “konsensiya,” at hindi alam ang gawain ng Banal na Espiritu, sa kahuli-hulihan ay maiwawala ang kanilang kinabukasan ng kanila mismong mga konsensiya. Ang gawain ng Diyos ay hindi sumusunod sa doktrina, at bagama’t maaaring ito ay Kanyang sariling gawain, hindi pa rin kumakapit ang Diyos dito. Yaong dapat tanggihan ay tinatanggihan, kung ano ang dapat itiwalag ay itinitiwalag. Ngunit inilalagay pa rin ng tao ang kanyang sarili bilang kaaway ng Diyos sa pamamagitan ng pagkapit sa maliit na bahagi ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Hindi ba’t katawa-tawa ang tao? Hindi ba’t ito ang kamangmangan ng tao? Mas mahina ang loobt at sobrang maingat ang mga tao dahil sila ay takot na hindi magkamit ng pagpapala, mas hindi sila nagkakamit ng mas maraming pagpapala, at hindi nila kayang tumanggap ng pangwakas na pagpapala. Yaong mga taong matigas na kumakapit sa kautusan ay pawang nagpapakita ng kanilang sukdulang katapatan sa kautusan, at kapag mas ipinakikita nila ang kanilang gayong katapatan sa kautusan, mas mapaghimagsik sila na lumalaban sa Diyos. Dahil ngayon ang Kapanahunan ng Kaharian at hindi ang Kapanahunan ng Kautusan, at ang gawain sa ngayon at ang gawain ng nakalipas ay hindi maipagkukumpara, ni maikukumpara ang gawain ng nakaraan sa gawain sa ngayon. Ang gawain ng Diyos ay nagbago na, at ang pagsasagawa ng tao ay nagbago na rin; ito ay hindi para kumapit sa kautusan o magpasan ng krus. Samakatwid, ang katapatan ng mga tao sa kautusan at sa krus ay hindi magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Pagkatapos ng gawain ni Jehova, naging tao si Jesus upang gawin ang Kanyang gawain sa gitna ng mga tao. Ang Kanyang gawain ay hindi isinagawa nang nakahiwalay, kundi nakabatay sa gawain ni Jehova. Iyon ay gawain para sa isang bagong kapanahunan na ginawa ng Diyos nang matapos Niya ang Kapanahunan ng Kautusan. Gayundin, nang matapos ang gawain ni Jesus, nagpatuloy ang Diyos sa Kanyang gawain para sa susunod na kapanahunan, dahil ang buong pamamahala ng Diyos ay palaging sumusulong. Kapag lumipas ang lumang kapanahunan, papalitan ito ng isang bagong kapanahunan, at kapag natapos na ang lumang gawain, magkakaroon ng bagong gawain para ipagpatuloy ang pamamahala ng Diyos. Ang pagkakatawang-taong ito ay ang ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, na sinusundan ang gawain ni Jesus. Siyempre pa, ang pagkakatawang-taong ito ay hindi nangyayaring mag-isa; ito ang pangatlong yugto ng gawain pagkatapos ng Kapanahunan ng Kautusan at ng Kapanahunan ng Biyaya. Tuwing nagpapasimula ang Diyos ng isang bagong yugto ng gawain, kailangan ay palaging may isang bagong simula at kailangang maghatid ito ng isang bagong kapanahunan. Mayroon ding mga kaukulang pagbabago sa disposisyon ng Diyos, sa paraan ng Kanyang paggawa, sa lokasyon ng Kanyang gawain, at sa Kanyang pangalan. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na mahirap para sa tao na tanggapin ang gawain ng Diyos sa bagong kapanahunan. Ngunit paano man Siya nilalabanan ng tao, laging ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, at laging inaakay ang buong sangkatauhan pasulong. Nang pumarito si Jesus sa mundo ng tao, pinasimulan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at winakasan ang Kapanahunan ng Kautusan. Sa mga huling araw, minsan pang naging tao ang Diyos, at sa pagkakatawang-taong ito ay winakasan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at pinasimulan ang Kapanahunan ng Kaharian. Lahat ng nagagawang tumanggap sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay aakayin tungo sa Kapanahunan ng Kaharian, at bukod pa riyan ay magagawang personal na tumanggap ng patnubay ng Diyos. Bagama’t dumating si Jesus sa gitna ng tao at gumawa ng maraming gawain, kinumpleto lamang Niya ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan at nagsilbi bilang handog para sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis sa tao ang lahat ng tiwaling disposisyon nito. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensiya ni Satanas ay hindi lamang nangailangan na si Jesus ay maging handog para sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas dakila pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang disposisyon na ginawang tiwali ni Satanas. Kaya, pagkatapos mapatawad ang tao sa mga kasalanan nito, nagbalik ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan Niya ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na antas. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at makakamit nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.

Kung mananatiling nakatali ang mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi nila maaalis kailanman ang kanilang tiwaling disposisyon, lalong hindi nila malalaman ang likas na disposisyon ng Diyos. Kung palaging mabubuhay ang mga tao sa gitna ng kasaganaan ng biyaya, ngunit hindi taglay ang daan ng buhay na magtutulot sa kanila na makilala ang Diyos o mapalugod Siya, hindi nila Siya tunay na makakamit kailanman sa kanilang pananampalataya sa Kanya. Kaawa-awa talaga ang ganitong uri ng pananampalataya. Kapag natapos mo nang basahin ang aklat na ito, kapag naranasan mo na ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa Kapanahunan ng Kaharian, madarama mo na ang mga pagnanais na taglay mo sa loob ng maraming taon ay natupad na rin sa wakas. Madarama mo na ngayon mo lamang tunay na nakita ang Diyos nang harapan; ngayon mo lamang natitigan ang Kanyang mukha, narinig ang Kanyang personal na mga pagbigkas, napahalagahan ang karunungan ng Kanyang gawain, at tunay na nadama kung gaano Siya kapraktikal at kamakapangyarihan-sa-lahat. Madarama mo na maraming bagay kang nakamtan na hindi pa nakita ni natamo ng mga tao noong nakalipas na mga panahon. Sa panahong ito, malinaw mong malalaman kung ano ang manampalataya sa Diyos, at kung ano ang umayon sa mga layunin ng Diyos. Siyempre pa, kung kakapit ka sa mga pananaw ng nakaraan, at aayawan o tatanggihan mo ang katunayan ng pangalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, mananatili kang walang napala, walang natamo, at sa huli ay ipapahayag kang nagkasala ng paglaban sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Sa kabuuan ng lahat ng gawain ng Diyos, kung ang tao ay laging sumunod sa kautusan ni Jehova, kung gayon ang gawain ng Diyos ay hindi makakasulong, lalong hindi magiging posible na dalhin ang buong kapanahunan sa katapusan. Kung ang tao ay palaging nakahawak lamang sa krus at nagsagawa ng pagtitiis at pagpapakumbaba, kung gayon magiging imposible para sa gawain ng Diyos na magpatuloy sa pagsulong. Ang anim na libong taon ng pamamahala ay hindi basta-basta matatapos sa gitna ng mga taong sumusunod lamang sa kautusan, o kumakapit lamang sa krus at nagsasagawa ng pagtitiis at pagpapakumbaba. Sa halip, ang buong gawain ng pamamahala ng Diyos ay natatapos sa gitna niyaong nasa mga huling araw, na nakakakilala sa Diyos, na nabawi na mula sa mga kamay ni Satanas at lubusang naalis na ang kanilang mga sarili mula sa impluwensya ni Satanas. Ito ang hindi maiiwasang patutunguhan ng gawain ng Diyos. Bakit sinasabi na lipas na sa panahon ang mga pagsasagawa ng mga nasa relihiyosong iglesia? Ito ay dahil ang kanilang isinasagawa ay hiwalay mula sa mga gawain ngayon. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang kanilang isinasagawa ay tama, ngunit habang lumilipas ang kapanahunan at nagbabago ang gawain ng Diyos, ang mga pagsasagawa nila ay unti-unti na ring nilipasan ng panahon. Ito ay naiwan na ng bagong gawain at ng bagong liwanag. Batay sa orihinal nitong saligan, ang gawain ng Banal na Espiritu ay nakasulong na ng maraming hakbang na palalim. Ngunit ang mga taong yaon ay nananatili pa ring nakadikit sa orihinal na yugto ng gawain ng Diyos, at kumakapit pa rin sa mga lumang pagsasagawa at sa lumang liwanag. Maaaring magbago nang malaki ang gawain ng Diyos sa paglipas ng tatlo o limang taon, kaya hindi ba’t mas malaki pang mga pagbabago ang mangyayari sa loob ng 2,000 taon? Kung ang tao ay walang bagong liwanag o pagsasagawa, ito ay nangangahulugang siya ay hindi na nakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu. Ito ang pagkabigo ng tao; ang pag-iral ng bagong gawain ng Diyos ay hindi maipagkakaila dahil, ngayon, ang mga dati nang nakaranas ng gawain ng Banal na Espiritu ay sumusunod pa rin sa mga lumang pagsasagawa. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay laging sumusulong, at ang lahat ng nasa daloy ng Banal na Espiritu ay nararapat ding sumusulong palalim at nagbabago baitang-baitang. Hindi sila dapat tumigil sa isang yugto. Tanging ang mga hindi nakakaalam sa gawain ng Banal na Espiritu ang mananatili sa loob ng Kanyang orihinal na gawain, at hindi tatanggapin ang bagong gawain ng Banal na Espiritu. Tanging ang mga mapaghimagsik ang hindi magagawang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung ang pagsasagawa ng tao ay hindi sumasabay sa bagong gawain ng Banal na Espiritu, ang pagsasagawa ng tao ay tiyak na napuputol mula sa gawain ngayon at tiyak na hindi kaayon ng gawain ngayon. Ang gayong mga taong lipas na sa panahon ay talagang walang kakayahang isakatuparan ang kalooban ng Diyos, at lalo nang hindi sila maaaring maging mga tao na maninindigan sa patotoo sa Diyos sa huli. Ang buong gawaing pamamahala, higit pa rito, ay hindi matatapos sa ganoong grupo ng mga tao. Sapagkat yaong mga dating kumapit sa kautusan ni Jehova, at yaong mga minsang nagdusa dahil sa krus, kung hindi nila matatanggap ang yugto ng gawain ng mga huling araw, kung gayon ang lahat ng kanilang ginawa ay mawawalan ng saysay, at walang kabuluhan. Ang pinakamalinaw na pagpapahayag ng gawain ng Banal na Espiritu ay nasa pagyakap sa naririto ngayon, hindi pagkapit sa nakaraan. Yaong mga hindi na nakasabay sa gawain ng ngayon, at silang mga napahiwalay na mula sa pagsasagawa ng ngayon, ay yaong mga lumalaban at hindi tumatanggap sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong iyon ay lumalaban sa kasalukuyang gawain ng Diyos. Bagama’t kumakapit sila sa liwanag ng nakaraan, hindi maitatanggi na hindi nila alam ang gawain ng Banal na Espiritu. Bakit mayroong mga usapan tungkol sa mga pagbabago sa pagsasagawa ng tao, sa mga pagkakaiba sa pagsasagawa sa pagitan ng nakalipas at ngayon, kung paanong ang pagsasagawa ay isinakatuparan sa nakaraang kapanahunan, at kung paano ito isinasagawa ngayon? Ang ganoong paghahati-hati sa pagsasagawa ng tao ay laging tinatalakay dahil ang gawain ng Banal na Espiritu ay patuloy na sumusulong, at sa gayon, ang pagsasagawa ng tao ay kailangan ding patuloy na magbago. Kung ang tao ay nananatiling nakakapit sa isang yugto, kung gayon ito ay nagpapatunay na wala siyang kakayahan sa pagsabay sa bagong gawain ng Diyos at bagong liwanag; hindi ito nagpapatunay na ang plano ng pamamahala ng Diyos ay hindi na nagbago. Yaong mga nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu ay laging nag-iisip na sila ay tama, ngunit sa katunayan, ang gawain ng Diyos sa kanila ay matagal nang tumigil, at ang gawain ng Banal na Espiritu ay wala sa kanila. Ang gawain ng Diyos ay matagal nang inilipat sa isa pang grupo ng mga tao, isang grupo kung kanino Niya hinahangad na kompletuhin ang Kanyang bagong gawain. Dahil yaong mga nasa relihiyon ay walang kakayahang tanggapin ang bagong gawain ng Diyos, at kumakapit lamang sa lumang gawain ng nakaraan, kaya’t tinalikuran na Niya ang mga taong ito, at ginagawa ang Kanyang bagong gawain sa mga taong tumatanggap sa bagong gawaing ito. Ang mga ito ay mga tao na nakikipagtulungan sa bago Niyang gawain, at tanging sa paraang ito matutupad ang Kanyang pamamahala. Ang pamamahala ng Diyos ay palaging sumusulong, at ang pagsasagawa ng tao ay palaging umaakyat pataas. Gumagawa lagi ang Diyos, at laging nangangailangan ang tao, sa gayon kapwa nila nararating ang kanilang tugatog at ang Diyos at ang tao ay nakakamit ang ganap na pagsasanib. Ito ang pagpapahayag ng katuparan ng gawain ng Diyos, at ito ang pangwakas na kinalabasan ng buong pamamahala ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Ang Cristo ng mga huling araw ay naghahatid ng buhay, at naghahatid ng pangmatagalan at walang katapusang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan nakakamit ng tao ang buhay, at ito ang tanging landas para makilala ng tao ang Diyos at masang-ayunan ng Diyos. Kung hindi mo hinahanap ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi ka magiging kalipikado na pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat pareho kang isang papet at bilanggo ng kasaysayan. Ang mga kinokontrol ng mga regulasyon, ng mga salita, at ng mga gapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakapagkamit ng buhay o ng walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay dahil ang tanging mayroon sila ay maruming tubig na kanilang kinapitan sa loob ng libo-libong taon sa halip na ang tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Ang mga hindi natutustusan ng tubig ng buhay ay mananatiling mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno magpakailanman. Kung gayon, paano nila masisilayan ang Diyos? Naghahangad ka lang na kumapit sa nakaraan, na manatili sa iyong kinalalagyan at panatilihin ang mga bagay-bagay, at hindi naghahangad na baguhin ang kasalukuyang kalagayan at iwaksi ang kasaysayan, kung gayon, hindi ba’t palagi kang magiging kaaway ng Diyos? Malawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit pasibo kang nakaupo na naghihintay ng pagkawasak, kumakapit sa iyong kahangalan at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Kordero? Paano mo mabibigyang-katwiran na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na palaging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka maaakay ng mga ito para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka madadala ng mga ito paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga salitang makapagbibigay lang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay sa iyo. Ang mga salita ng mga kasulatang binabasa mo ay pinagyayaman lamang ang dila mo at hindi mga salita ng pilosopiyang makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi ang mga landas na kayang maghatid sa iyo sa pagiging perpekto. Hindi ba’t nagdudulot sa iyo ng pagninilay-nilay ang pagkakaibang ito? Hindi ba’t naipapaunawa nito sa iyo ang mga hiwagang nakapaloob dito? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagtagpo sa Diyos nang ikaw lang? Kung wala ang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Iminumungkahi Ko, kung gayon, na ihinto mo ang pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan kung sino ang gumagawa ngayon ng gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi mo kailanman makakamit ang buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan

Ang mga nagnanais na makamit ang buhay nang hindi umaasa sa katotohanang sinambit ni Cristo ang pinakakatawa-tawang mga tao sa mundo, at ang mga hindi tumatanggap sa daan ng buhay na dinala ni Cristo ay namumuhay sa pantasya. Kaya naman sinasabi Ko na kamumuhian ng Diyos magpakailanman ang mga taong hindi tumatanggap kay Cristo ng mga huling araw. Si Cristo ang pasukan ng tao patungo sa kaharian sa mga huling araw, at walang sinuman ang makakalampas sa Kanya. Kung hindi sa pamamagitan ni Cristo, walang magagawang perpekto ng Diyos. Nananampalataya ka sa Diyos, kaya dapat mong tanggapin ang Kanyang mga salita at dapat kang magpasakop sa Kanyang Salita. Huwag kang mag-isip lang na magkamit ng mga pagpapala habang hindi mo magawang tanggapin ang katotohanan at ang pagtustos ng buhay. Dumarating si Cristo sa mga huling araw upang mabigyan Niya ng buhay ang lahat ng sinserong nananampalataya sa Kanya. Alang-alang sa pagtatapos ng lumang kapanahunan at pagpasok sa bago kaya umiiral ang gawaing ito, at ang gawaing ito ang landas na dapat tahakin ng lahat ng papasok sa bagong kapanahunan. Kung hindi mo kinikilala si Cristo, at higit pa rito, ay kinokondena, nilalapastangan, o inuusig mo Siya, kung gayon ay nakatadhana kang masunog nang walang-hanggan at hindi ka kailanman makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ito ay dahil ang Cristong ito ang Mismong pagpapahayag ng Banal na Espiritu, ang pagpapahayag ng Diyos, ang Siyang pinagkatiwalaan ng Diyos na gawin ang Kanyang gawain sa lupa at kaya naman sinasabi Ko na kung hindi mo magawang tanggapin ang lahat ng ginagawa ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay nilalapastangan mo ang Banal na Espiritu. Maliwanag sa lahat ang nararapat na ganting-parusa sa mga lumalapastangan sa Banal na Espiritu. Sinasabi Ko rin sa iyo ito: Kung nilalabanan mo si Cristo ng mga huling araw, kung tinatanggihan mo si Cristo ng mga huling araw, wala nang iba pa ang makapagpapasan sa mga kahihinatnan nito para sa iyo. Higit pa rito, mula sa puntong iyon ay hindi ka na magkakaroon ng isa pang pagkakataong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos; kahit na gusto mong makabawi, hindi mo mapagmamasdang muli ang mukha ng Diyos. Ito ay dahil hindi isang tao ang nilalabanan mo, hindi isang di-mahalagang tao ang tinatanggihan mo, kundi si Cristo. Alam mo ba kung ano ang mga kahihinatnan nito? Hindi isang maliit na pagkakamali ang ginagawa mo, kundi isang karumal-dumal na kasalanan. Kaya naman pinapayuhan Ko ang bawat tao na huwag niyang ilabas ang kanyang mga pangil at kuko o huwag siyang magsabi ng mga walang batayang pamumuna sa harap ng katotohanan, dahil ang katotohanan lamang ang makapagdadala sa iyo ng buhay, at wala nang iba pa kundi ang katotohanan ang magbibigay-kakayahan sa iyo na muli kang isilang at mapagmasdan mong muli ang mukha ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan

Nauunawaan mo na ba ngayon kung ano ang paghatol at ano ang katotohanan? Kung nauunawaan mo na, ipinapayo Ko na masunuring magpasakop sa paghatol, kung hindi ay hindi ka magkakaroon ng pagkakataon kailanman na sang-ayunan ng Diyos o madala Niya sa Kanyang kaharian. Iyong mga tumatanggap lamang ng paghatol ngunit hindi kailanman maaaring madalisay, ibig sabihin, iyong mga nagsisitakas sa gitna ng gawain ng paghatol, ay itataboy ng Diyos magpakailanman. Ang kanilang mga kasalanan ay mas malubha, at mas marami kaysa sa mga Pariseo, sapagkat ipinagkanulo nila ang Diyos at sila ay mga rebelde laban sa Diyos. Ang mga taong ito na ni hindi karapat-dapat na magtrabaho ay tatanggap ng mas mabigat na kaparusahan, lalo pa, ng isang kaparusahang pangwalang-hanggan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinumang taksil na minsan ay nagpakita ng katapatan sa mga salita subalit ipinagkanulo Siya pagkatapos. Ang mga gayong tao ay gagantihan sa pamamagitan ng kaparusahan ng espiritu, kaluluwa, at katawan. Hindi ba’t ito mismo ay isang pagbubunyag ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Hindi ba’t ito mismo ang layunin ng Diyos sa paghatol at pagbubunyag sa tao? Ipinapadala ng Diyos ang lahat ng gumagawa ng lahat ng uri ng masamang gawa sa panahon ng paghatol sa isang lugar na pinamumugaran ng masasamang espiritu, at hahayaan Niya ang masasamang espiritung iyon na wasakin ang kanilang katawan ayon sa gusto ng mga ito, at ang katawan ng mga taong ito ay mangangamoy bangkay. Iyon ang nararapat na ganti sa kanila. Isinusulat ng Diyos ang bawat isa sa mga kasalanan ng mga yaong hindi tapat na huwad na mananampalataya, huwad na apostol, at huwad na manggagawa sa kanilang talaan, at sa tamang panahon, itinatapon Niya sila sa gitna ng maruruming espiritu, at hinahayaan ang maruruming espiritung iyon na dungisan ang kanilang buong katawan ayon sa gusto ng mga ito, at idinudulot na hindi na sila makapagkatawang-taong muli kailanman at hindi na nila makitang muli ang liwanag kailanman. Ibinibilang ng Diyos sa masasama iyong mga mapagpaimbabaw na nagseserbisyo nang ilang panahon pero hindi nananatiling tapat hanggang sa huli, hinahayaan ang mga ito na malugmok kasama ang masasamang tao at bumuo ng barkadahan ng mga samu’t saring imoral, at sa huli, pupuksain sila ng Diyos. Isinasantabi at hindi pinapansin ng Diyos ang mga hindi kailanman naging tapat kay Cristo o hindi kailanman nag-ambag ng kanilang lakas, at pupuksain Niya silang lahat sa pagbabago ng kapanahunan. Hindi na sila iiral sa lupa, at lalong hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ibinibilang ng Diyos sa mga nagseserbisyo para sa mga tao Niya ang sinumang hindi kailanman naging sinsero sa Diyos, ngunit wala nang ibang mapagpipilian kundi ang humarap sa Kanya nang pabasta-basta. Iilan lamang sa mga taong iyon ang mananatiling buhay, samantalang ang karamihan ay wawasakin, kasama na iyong mga ang pagtatrabaho ay hindi man lang pasok sa pamantayan. Sa huli, dadalhin ng Diyos sa Kanyang kaharian ang lahat ng tao na kaisa ng puso at isip ng Diyos, ang mga tao at ang mga anak ng Diyos, at pati na iyong mga pauna nang itinakda ng Diyos na maging mga saserdote. Sila ang bunga ng gawain ng Diyos. Patungkol sa iyong mga hindi maaaring iklasipika sa anumang kategoryang itinakda ng Diyos, ibibilang sila sa hanay ng mga walang pananampalataya, at tiyak na maiisip ninyo kung ano ang kanilang kalalabasan. Nasabi Ko na sa inyo ang lahat ng dapat Kong sabihin; ang landas na inyong pipiliin ay inyong sariling desisyon lamang. Ang dapat ninyong maunawaan ay ito: Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman naghihintay sa sinumang taong hindi nakakasabay sa Kanya, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nagpapakita ng awa sa sinumang tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Sinundan: 8. Pinatototohanan mo na ang Makapangyarihang Diyos ay Cristo ng mga huling araw, ang pagpapakita ng Tagapagligtas, at na Siya ay nagpapahayag ng katotohanan at nagsasagawa ng gawain ng paghatol na nagsisimula mula sa sambahayan ng Diyos upang lubos na linisin at iligtas ang tao, at palayain ang tao mula sa madilim na impluwensya ni Satanas. Paano lubos na nililinis at inililigtas ng Makapangyarihang Diyos ang tao?

Sumunod: 1. Pinatototohanan mo na nagbalik na ang Panginoong Jesus sa mga huling araw at mayroon Siyang bagong pangalan, Makapangyarihang Diyos. Paano nangyari ito? Malinaw na nakasaad sa Biblia, “At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagkat walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao, na ating ikaliligtas” (Mga Gawa 4:12). “Si Jesucristo ay Siya ring kahapon at ngayon, at magpakailanman” (Mga Hebreo 13:8). Naniniwala kami na ang pangalan ng Panginoong Jesus ay hindi maaaring magbago, at hindi Siya maaaring tawagin sa ibang pangalan pagbalik Niya.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 1: Nananalig na tayo sa Panginoon sa loob ng napakaraming taon. Kahit maaari tayong mangaral at kumilos para sa Panginoon at magdusa nang husto, maaari pa rin tayong palaging magsinungaling, manloko at mandaya. Araw-araw, ipinagtatanggol natin ang ating sarili. Napakadalas, mayabang tayo, mapagmataas, pasikat, at mapanghamak sa iba. Namumuhay tayo sa sitwasyon ng pagkakasala at pagsisisi, at hindi tayo makaalpas sa pang-aalipin ng laman, at dumaranas at nagsasagawa ng salita ng Panginoon. Hindi pa natin nararanasan ang anumang realidad ng salita ng Panginoon. Sa kaso natin, madadala man lang ba tayo sa kaharian ng langit? Sabi ng ilang tao, gaano man tayo magkasala, gaano man tayo inaalipin ng laman, ang tingin sa atin ng Panginoon ay walang kasalanan. Sumusunod sila sa salita ni Pablo: “Sa isang sangdali, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng trumpeta: sapagka’t tutunog ang trumpeta, at ang mga patay ay mangabubuhay na maguli na walang kasiraan, at tayo’y babaguhin” (1 Corinto 15:52). At ipinapalagay nila na agad babaguhin ng Panginoon ang ating anyo pagdating Niya at dadalhin tayo sa kaharian ng langit. Naniniwala ng ilang tao na ang mga tumatanggap ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya pero patuloy pa ring nagkakasala ay hindi karapat-dapat na makapasok sa kaharian ng langit. Nakabatay ito unang-una na sa salita ng Panginoong Jesus: “Hindi ang bawa’t nagsasabi sa Akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit” (Mateo 7:21). “Kayo nga’y magpakabanal, sapagka’t Ako’y banal” (Levitico 11:45). Ito ay dalawang magkakumpitensyang pananaw na hindi malinaw na masasabi ng sinuman, Makipag-usap naman kayo para sa amin.

Sagot: Noong araw, dati-rati’y itinuturing nating salita ng Diyos ang mga salita ng mga apostol na kagaya ni Pablo at sumusunod tayo sa...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito