1. Nangako sa atin ang Panginoon, sinasabing, “Ako’y paroroon upang ipaghanda Ko kayo ng dakong kalalagyan. At kung Ako’y pumaroon at kayo’y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto Ako, at kayo’y tatanggapin Ko sa Aking sarili; upang kung saan Ako naroroon, kayo naman ay dumoon” (Juan 14:2–3). Muling nabuhay at umakyat sa langit ang Panginoong Jesus upang maghanda ng isang lugar para sa atin, at kaya ang lugar na ito ay dapat na nasa langit. Gayunpaman nagpapatotoo ka na ang Panginoong Jesus ay bumalik na at itinatag ang kaharian ng Diyos sa lupa. Hindi ko maintindihan: Ang kaharian ng langit ba ay nasa langit o nasa lupa?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Ama namin na nasa langit, sambahin nawa ang pangalan Mo. Dumating nawa ang kaharian Mo. Gawin nawa ang kalooban Mo, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa” (Mateo 6:9–10).
“At humihip ang ikapitong anghel; at nagkaroon ng malalakas na tinig sa langit, at nagsasabi, ‘Ang kaharian ng sanlibutan ay naging sa ating Panginoon, at sa Kanyang Cristo: at Siya’y maghahari magpakailan-kailanman’” (Pahayag 11:15).
“At ako si Juan, nakita ang bayang banal, ang bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Diyos, na nahahandang gaya ng isang babaeng ikakasal na nagagayakang talaga para sa kanyang asawa. At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa luklukan, na nagsasabi, ‘Narito, ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao, at Siya ay mananahan sa kanila, at sila ay magiging mga tao Niya, at ang Diyos Mismo ay sasakanila, at magiging Diyos nila. At papahirin Niya ang bawat luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng anupamang hirap: ang mga bagay noong una ay naparam na’” (Pahayag 21:2–4).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Nilikha ng Diyos ang mga tao, inilagay Niya sila sa lupa at inaakay sila magmula noon, kalaunan, iniligtas Niya sila at nagsilbi Siya bilang isang handog para sa kasalanan para sa sangkatauhan, at sa katapusan, dapat pa rin Niyang lupigin ang sangkatauhan, ganap na iligtas ang mga tao, at ibalik sila sa kanilang orihinal na wangis. Ito ang gawaing isinasagawa Niya mula sa simula hanggang sa wakas—ang pagpapanumbalik sa sangkatauhan sa orihinal nitong imahe at wangis. Itatatag ng Diyos ang kaharian Niya at ipapanumbalik ang orihinal na wangis ng mga tao, na nangangahulugang ipapanumbalik ng Diyos ang awtoridad Niya sa lupa at sa gitna ng lahat ng nilikha. Matapos gawing tiwali ni Satanas, nawala sa mga tao ang may-takot-sa-Diyos nilang puso gayundin ang papel na nararapat na mayroon ang mga nilikha. Lahat sila ay naging mga kaaway na mapaghimagsik laban sa Diyos, nabuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at napailalim sa pagmamanipula ni Satanas; sa gayon, walang paraan ang Diyos upang gumawa sa gitna ng mga nilikha Niya, at lalong hindi Niya makamit ang takot ng mga ito. Ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at dapat sumamba sa Diyos, ngunit ang totoo ay tinalikuran nila Siya at sa halip ay sumamba kay Satanas. Naging diyos-diyosan si Satanas sa kanilang mga puso. Sa gayon, nawalan ang Diyos ng lugar sa kanilang puso, na ang ibig sabihin ay nawala ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan. Samakatwid, upang mapanumbalik ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan, dapat Niyang maipanumbalik ang orihinal nilang wangis at tanggalin sa sangkatauhan ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Upang mabawi ang mga tao mula kay Satanas, dapat Niya silang iligtas mula sa kasalanan. Tanging sa ganitong paraan Niya unti-unting maipapanumbalik ang orihinal nilang wangis at papel, at sa wakas, ay mapapanumbalik ang kaharian Niya. Ang ganap na pagkalipol ng yaong mga anak ng paghihimagsik sa huli ay magiging para din sa kapakanan ng pagtutulot sa mga tao na sambahin nang mas mabuti ang Diyos at mabuhay sa lupa nang mas maayos. Yamang nilikha ng Diyos ang mga tao, idudulot Niya na sumamba sila sa Kanya; yamang ninanais Niyang mapanumbalik ang orihinal na papel ng sangkatauhan, ganap Niya itong panunumbalikin, at nang walang anumang halo. Ang pagpapanumbalik ng awtoridad Niya ay nangangahulugan ng pagdulot na sumamba at magpasakop ang mga tao sa Kanya; nangangahulugan ito na gagawin ng Diyos na mabuhay ang mga tao nang dahil sa Kanya at magdulot na masawi ang mga kaaway Niya bilang bunga ng Kanyang awtoridad. Nangangahulugan ito na idudulot ng Diyos na mamalagi sa gitna ng mga tao ang lahat ng tungkol sa Kanya nang walang paglaban mula kahit kanino. Ang kahariang ninanais itatag ng Diyos ay ang sarili Niyang kaharian. Ang sangkatauhang ninanais Niya ay yaong sumasamba sa Kanya, yaong ganap na nagpapasakop sa Kanya at nagtataglay ng kaluwalhatian Niya. Kung hindi ililigtas ng Diyos ang tiwaling sangkatauhan, mawawala ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan; mawawalan na Siya ng awtoridad sa mga tao, at hindi na magagawang umiral sa lupa ang kaharian Niya. Kung hindi lilipulin ng Diyos yaong mga kaaway na mapaghimagsik laban sa Kanya, hindi Niya magagawang makamit ang ganap Niyang kaluwalhatian, at hindi rin Niya magagawang itatag ang kaharian Niya sa lupa. Ang ganap na lipulin iyong mga kabilang sa sangkatauhan na mapaghimagsik laban sa Kanya, at dalhin sa pamamahinga yaong mga nagawa nang ganap—ang mga ito ang magiging mga tanda ng pagtatapos ng gawain Niya at ng dakilang tagumpay Niya. Kapag napanumbalik na ang mga tao sa orihinal nilang wangis, at kapag kaya na nilang tuparin ang kani-kanilang mga tungkulin, manatili sa sarili nilang mga wastong kinalalagyan, at magpasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos, nakamit na ng Diyos ang isang grupo ng mga tao sa lupa na sumasamba sa Kanya, at naitatag na rin Niya ang isang kaharian sa lupa na sumasamba sa Kanya. Magkakaroon Siya ng walang hanggang tagumpay sa lupa, at ang lahat ng sumasalungat sa Kanya ay masasawi magpasawalang hanggan. Panunumbalikin nito ang orihinal Niyang layunin sa paglikha sa sangkatauhan; panunumbalikin nito ang layunin Niya sa paglikha ng lahat ng bagay, at panunumbalikin din nito ang awtoridad Niya sa lupa, sa gitna ng lahat ng bagay, at sa gitna ng mga kaaway Niya. Ang mga ito ang magiging mga tanda ng ganap Niyang tagumpay. Magmula sa oras na iyon, papasok ang sangkatauhan sa pamamahinga at sisimulan ang buhay na nasa tamang landas. Papasok din sa walang hanggang pamamahinga ang Diyos kasama ang sangkatauhan, at magsisimula ng isang walang hanggang buhay na kapwa pagsasaluhan Niya at ng mga tao. Naglaho na ang dumi at paghihimagsik sa lupa, at humupa na ang lahat ng pagtangis, at tumigil na sa pag-iral ang lahat ng nasa daigdig na ito na sumasalungat sa Diyos. Tanging ang Diyos at yaong mga taong hinatiran Niya ng kaligtasan ang mananatili; tanging ang nilikha Niya ang mananatili.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga
Kapag magkasamang pumasok sa kapahingahan ang Diyos at ang sangkatauhan, nangangahulugan ito na nailigtas na ang sangkatauhan at nawasak na si Satanas, na ganap nang nakompleto ang gawain ng Diyos sa mga tao. Hindi na magpapatuloy ang Diyos na gumawa sa mga tao, at hindi na sila mamumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Dahil dito, hindi na magiging abala ang Diyos, at hindi na palaging aligaga ang mga tao; ang Diyos at ang sangkatauhan ay sabay na papasok sa kapahingahan. Babalik ang Diyos sa Kanyang orihinal na lugar, at babalik ang bawat tao sa kani-kanilang mga lugar. Ito ang magiging mga hantungan ng Diyos at ng mga tao sa sandaling matapos ang buong pamamahala ng Diyos. Ang Diyos ay may hantungang para sa Diyos, at ang mga tao ay may lugar na pupuntahan. Habang nagpapahinga, magpapatuloy ang Diyos sa pag-akay sa lahat ng tao na mamuhay sa lupa, at habang nasa Kanyang liwanag, sasambahin nila ang nag-iisang tunay na Diyos sa langit. Hindi mamumuhay ang Diyos kasama ng sangkatauhan, at hindi rin magagawang mamuhay ng mga tao kasama ng Diyos sa Kanyang hantungan. Hindi maaaring mamuhay sa loob ng parehong mundo ang Diyos at ang mga tao; sa halip, kapwa sila may kani-kanilang mga sariling paraan ng pamumuhay. Ang Diyos ang Siyang umaakay sa buong sangkatauhan, at ang buong sangkatauhan ay ang kristalisasyon ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Ang inaakay ay ang mga tao, at ang kanilang diwa ay hindi kapareho sa diwa ng Diyos. Ang “magpahinga” ay nangangahulugan ng pagbalik sa orihinal na lugar. Samakatwid, kapag pumasok sa pamamahinga ang Diyos, nangangahulugan itong bumalik na Siya sa Kanyang orihinal na lugar. Hindi na Siya mamumuhay sa lupa o makakasama ng sangkatauhan upang makibahagi sa kanilang kagalakan at pagdurusa. Kapag pumasok sa pamamahinga ang mga tao, nangangahulugan ito na sila ay naging mga tunay na nilikha; sasambahin nila ang Diyos mula sa lupa, at mamumuhay sila ng normal na buhay ng tao. Hindi na maghihimagsik ang mga tao sa Diyos o lalaban sa Kanya, at magbabalik sila sa orihinal na buhay nina Adan at Eba. Ang mga ito ang magiging kani-kanilang buhay at hantungan ng Diyos at ng mga tao pagkatapos nilang pumasok sa pamamahinga. Ang pagkatalo ni Satanas ay isang hindi maiiwasang kalakaran ng digmaan sa pagitan nito at ng Diyos. Dahil dito, ang pagpasok ng Diyos sa pamamahinga pagkaraan na matapos ang Kanyang gawain ng pamamahala at ang ganap na kaligtasan at pagpasok sa pamamahinga ng sangkatauhan ay naging mga hindi rin maiiwasang kalakaran. Nasa lupa ang pahingahan ng sangkatauhan, at nasa langit ang pahingahan ng Diyos. Sasambahin ng mga tao ang Diyos habang namamahinga sila, nang namumuhay sa lupa. Aakayin ng Diyos ang natitirang mga tao habang namamahinga Siya; aakayin Niya sila mula sa langit, hindi mula sa lupa.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga
Pagkatapos makompleto ang gawain ng paglupig, dadalhin ang tao sa isang magandang mundo. Siyempre, ang buhay na ito ay magiging nasa lupa pa rin, ngunit ito ay ganap na hindi magiging kagaya ng buhay ng tao sa ngayon. Ito ang buhay na tataglayin ng sangkatauhan matapos malupig ang buong sangkatauhan, magiging bagong simula ito para sa tao sa lupa. Ang pagkakaroon ng sangkatauhan ng gayong buhay ay magiging patunay na ang sangkatauhan ay nakapasok sa bago at magandang mundo; ito ang magiging simula ng buhay ng Diyos at tao sa lupa. Ang paunang kondisyon para sa gayong magandang buhay ay dapat na, matapos na ang tao ay madalisay at malupig, siya ay magpasakop sa harap ng Lumikha. At kaya, ang gawain ng paglupig ay ang huling yugto ng gawain ng Diyos bago pumasok ang sangkatauhan sa kamangha-manghang hantungan. Ang gayong buhay ay ang buhay ng tao sa lupa sa hinaharap, ito ang pinakamagandang buhay sa lupa, ang uri ng buhay na kinasasabikan ng tao, ang uri na hindi pa kailanman nakamtan ng tao sa kasaysayan ng mundo. Ito ang huling kinalabasan ng 6,000 taon ng gawain ng pamamahala; ito ang pinakakinasasabikan ng sangkatauhan, at ito rin ang pangako ng Diyos sa tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan
Habang nagiging kumpleto ang Aking mga salita, unti-unting nabubuo ang kaharian sa lupa at unti-unting bumabalik sa normalidad ang tao, at sa gayon ay naitatatag sa lupa ang kahariang nasa Aking puso. Sa kaharian, nababawi ng lahat ng tao ng Diyos ang buhay ng normal na tao. Wala na ang nagyeyelong taglamig, napalitan ng isang mundo ng mga lungsod ng tagsibol, kung saan tumatagal nang buong taon ang tagsibol. Hindi na nalalantad ang mga tao sa kapanglawan ng mundo ng tao, at hindi na nila tinitiis ang nakangangatog na lamig ng mundo ng tao. Hindi nag-aaway-away ang mga tao, hindi nagdidigmaan ang mga bansa, wala nang patayan at dugong dumadaloy mula sa patayan; lahat ng lupain ay puspos ng kagalakan, at lahat ng dako ay punung-puno ng pagkagiliw sa pagitan ng mga tao. Ako ay naglalakad sa buong mundo, nasisiyahan Ako mula sa kaitaasan ng Aking luklukan, at naninirahan Ako sa piling ng mga bituin. Inaalayan Ako ng mga anghel ng mga bagong awit at mga bagong sayaw. Wala nang luhang umaagos sa kanilang mukha nang dahil sa sarili nilang karupukan. Hindi Ko na naririnig, sa Aking harapan, ang tinig ng mga anghel na umiiyak, at hindi na rin nagbabahagi ng mga pighati ang sinuman sa Akin. Ngayon, lahat kayo ay namumuhay sa Aking harapan; bukas, iiral kayong lahat sa Aking kaharian. Hindi ba ito ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkakaloob Ko sa tao?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 20