2. Sinasabi mo na sa mga huling araw, ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol upang mapangkat ang bawat isa ayon sa kanyang uri, upang gantimpalaan ang mabubuti at parusahan ang masasama, upang wakasan ang lumang kapanahunan, at na, sa huli, ang kaharian ni Cristo ay maisasakatuparan sa lupa. Paano lilitaw ang kaharian ni Cristo sa lupa? At ano ang magiging hitsura ng kagandahan ng kaharian?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“At ako si Juan, nakita ang bayang banal, ang bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Diyos, na nahahandang gaya ng isang babaeng ikakasal na nagagayakang talaga para sa kanyang asawa. At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa luklukan, na nagsasabi, ‘Narito, ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao, at Siya ay mananahan sa kanila, at sila ay magiging mga tao Niya, at ang Diyos Mismo ay sasakanila, at magiging Diyos nila. At papahirin Niya ang bawat luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng anupamang hirap: ang mga bagay noong una ay naparam na’” (Pahayag 21:2–4).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Lumalawak ang kaharian sa gitna ng sangkatauhan, nabubuo ito sa gitna ng sangkatauhan, at nakatayo ito sa gitna ng sangkatauhan; walang puwersang maaaring magwasak sa Aking kaharian. Mga tao Ko, na nasa kaharian ng ngayon, sino sa inyo ang hindi kasapi sa lahi ng tao? Sino sa inyo ang namamalagi sa labas ng kalagayan ng tao? Kapag isinasapubliko ang Aking bagong panimula, ano ang magiging reaksiyon ng mga tao? Nakita na ng sarili ninyong mga mata ang kalagayan ng mundo ng tao; hindi pa ba ninyo naiwaksi ang mga kaisipan ng pamumuhay sa mundong ito magpakailanman? Naglalakad Ako ngayon sa gitna ng Aking mga tao at naninirahan Ako sa gitna nila. Ngayon, yaong may tunay na pagmamahal sa Akin—mapalad ang gayong mga tao. Mapalad ang mga nagpapasakop sa Akin, mananatili sila sa Aking kaharian. Mapalad ang mga nakakakilala sa Akin, gagamit sila ng kapangyarihan sa Aking kaharian. Mapalad ang mga naghahangad sa Akin, makakalaya sila mula sa mga gapos ni Satanas at magtatamasa ng Aking mga pagpapala. Mapalad ang mga nagagawang maghimagsik laban sa kanilang sarili, sila’y magiging Akin at magmamana sila ng kasaganaan ng Aking kaharian. Aalalahanin Ko ang mga nagsusumikap para sa Akin, tatanggapin Ko ang mga gumugugol ng kanilang sarili para sa Akin, at pagkakalooban ko ng mga bagay na tatamasahin nila yaong mga nag-aalay sa Akin. Pagpapalain Ko ang mga nagtatamasa sa Aking mga salita; magiging mga haligi sila na magtataas ng tukod sa Aking kaharian, magtatamasa sila ng walang-kapantay na kasaganaan sa Aking sambahayan, at walang maikukumpara sa kanila. Tinanggap na ba ninyo ang mga pagpapalang inihanda para sa inyo? Sinikap na ba ninyong kamtin ang mga pangakong binitiwan para sa inyo? Kayo ay, sa ilalim ng patnubay ng Aking liwanag, makakawala mula sa pagsakal ng mga puwersa ng kadiliman. Sa gitna ng kadiliman, hindi mawawala sa inyo ang paggabay ng liwanag. Kayo ang magiging mga panginoon ng lahat ng bagay. Kayo ay magiging mga mananagumpay sa harap ni Satanas. Sa pagbagsak ng bansa ng malaking pulang dragon, kayo ay tatayo sa gitna ng di-mabilang na tao bilang patunay ng Aking tagumpay. Kayo ay magiging matatag at di-natitinag sa lupain ng Sinim. Sa pamamagitan ng mga pagdurusang tinitiis ninyo, mamanahin ninyo ang Aking mga pagpapala, at itatanghal ninyo ang Aking liwanag ng kaluwalhatian sa buong sansinukob.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 19
Sa sandaling ang gawain ng panlulupig ay nakumpleto na, dadalhin ang tao sa isang magandang mundo. Siyempre, ang buhay na ito ay magiging nasa lupa pa rin, ngunit ito ay ganap na hindi magiging kagaya ng buhay ng tao sa ngayon. Ito ang buhay na tataglayin ng sangkatauhan matapos na ang buong sangkatauhan ay nalupig na, magiging bagong simula ito para sa tao sa lupa, at ang pagkakaroon ng sangkatauhan ng gayong buhay ay magiging patunay na ang sangkatauhan ay nakapasok sa bago at magandang mundo. Ito ang magiging simula ng buhay ng tao at Diyos sa lupa. Ang saligan ng gayong kagandang buhay ay dapat na, matapos na ang tao ay nadalisay at nalupig, siya ay nagpapasakop sa harap ng Lumikha. At kaya, ang gawain ng panlulupig ay ang huling yugto ng gawain ng Diyos bago pumasok ang sangkatauhan sa kamangha-manghang hantungan. Ang gayong buhay ay ang buhay ng tao sa lupa sa hinaharap, ito ang pinakamagandang buhay sa lupa, ang uri ng buhay na kinasasabikan ng tao, ang uri na hindi pa kailanman nakamtan ng tao sa kasaysayan ng mundo. Ito ang huling kalalabasan ng 6,000 taon ng gawain ng pamamahala; ito ang lubos na kinasasabikan ng sangkatauhan, at ito rin ang pangako ng Diyos sa tao. Ngunit ang pangakong ito ay hindi kaagad mangyayari: Papasok lamang ang tao sa hantungan sa hinaharap sa sandaling natapos na ang gawain sa mga huling araw at siya ay ganap nang nalupig, iyon ay, sa sandaling ganap nang natalo si Satanas. Matapos mapino ang tao, mawawalan na siya ng makasalanang kalikasan, dahil nagapi na ng Diyos si Satanas, na nangangahulugan na hindi na makapanghihimasok ang mga mapanlabang puwersa, at wala nang mga mapanlabang puwersa na makakasalakay sa laman ng tao. At kaya magiging malaya at pinabanal ang tao—siya ay makakapasok sa kawalang-hanggan. Kapag ang mga mapanlabang puwersa ng kadiliman ay naigapos na, saka pa lamang magiging malaya ang tao saan man siya magpunta, at wala na siyang magiging paghihimagsik o pagsalungat. Kailangan lamang maigapos si Satanas para maging maayos ang tao; ganito ang kasalukuyang sitwasyon dahil naghahasik pa rin si Satanas ng kaguluhan kahit saan sa lupa, at sapagkat hindi pa umaabot sa katapusan ang buong gawain ng pamamahala ng Diyos. Sa sandaling natalo na si Satanas, ang tao ay magiging lubos nang malaya; kapag natamo na ng tao ang Diyos at nakalabas na mula sa kapangyarihan ni Satanas, kanyang mapagmamasdan ang Araw ng katuwiran.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan
Kapag inilalabas ng Diyos ang Kanyang matinding poot, mararanasan ng buong mundo ang lahat ng uri ng sakuna dahil dito, tulad ng pagputok ng isang bulkan. Nakatayo sa itaas sa langit, makikita na sa lupa, lahat ng uri ng kalamidad ay dumarating sa buong sangkatauhan, papalapit bawat araw. Habang nakatingin sa ibaba mula sa itaas, nagpapakita ang daigdig ng sari-saring mga tagpo na gaya noong bago dumating ang isang lindol. Hindi mapigil ang pagkalat ng likidong apoy, dumadaloy nang malaya ang lava, gumagalaw ang mga bundok, at kumikislap ang malamig na liwanag sa lahat. Nasadlak na sa apoy ang buong mundo. Ito ang tagpo ng paglalabas ng Diyos ng Kanyang poot, at ito ang panahon ng Kanyang paghatol. Lahat ng mayroong laman at dugo ay hindi makakatakas. Sa gayon, ang mga digmaan sa pagitan ng mga bansa at mga alitan sa pagitan ng mga tao ay hindi kakailanganin para wasakin ang buong mundo; sa halip, ang mundo ay “namamalayang masisiyahan sa sarili nito” sa loob ng duyan ng pagkastigo ng Diyos. Walang makakatakas; bawat tao ay kailangang magdaan sa pagsubok na ito, nang isa-isa. Pagkatapos niyon, ang buong sansinukob ay muling kikislap sa banal na kaningningan at ang buong sangkatauhan ay muling magsisimula ng isang bagong buhay. At mamamahinga ang Diyos sa ibabaw ng sansinukob at pagpapalain ang buong sangkatauhan bawat araw.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob,” Kabanata 18
Habang nagiging kumpleto ang Aking mga salita, unti-unting nabubuo ang kaharian sa mundo at unti-unting bumabalik sa normalidad ang tao, at sa gayon ay naitatatag sa lupa ang kahariang nasa Aking puso. Sa kaharian, nababawi ng lahat ng tao ng Diyos ang buhay ng normal na tao. Wala na ang nagyeyelong taglamig, napalitan ng isang mundo ng mga lungsod ng tagsibol, kung saan tumatagal nang buong taon ang tagsibol. Hindi na nalalantad ang mga tao sa kapanglawan ng mundo ng tao, at hindi na nila tinitiis ang nakangangatog na lamig ng mundo ng tao. Hindi nag-aaway-away ang mga tao, hindi nagdidigmaan ang mga bansa, wala nang patayan at dugong dumadaloy mula sa patayan; lahat ng lupain ay puspos ng kagalakan, at lahat ng dako ay punung-puno ng pagmamalasakit ng mga tao sa isa’t isa. Ako ay gumagalaw sa buong mundo, nasisiyahan Ako mula sa kaitaasan ng Aking luklukan, at naninirahan Ako sa piling ng mga bituin. Inaalayan Ako ng mga anghel ng mga bagong awit at mga bagong sayaw. Wala nang luhang umaagos sa kanilang mukha nang dahil sa sarili nilang karupukan. Hindi Ko na naririnig, sa Aking harapan, ang tinig ng mga anghel na umiiyak, at hindi na rin nagbubukas ng paghihirap ang sinuman sa Akin. Ngayon, lahat kayo ay nabubuhay sa Aking harapan; bukas, iiral kayong lahat sa Aking kaharian. Hindi ba ito ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkakaloob Ko sa tao?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 20
Ang pamumuhay sa pahinga ay nangangahulugan ng isang buhay na walang digmaan, walang dumi, at nang walang namamalaging kawalan ng katuwiran. Ibig sabihin, isa itong buhay na walang mga panggugulo ni Satanas (ang salitang “Satanas” dito ay tumutukoy sa mga kaaway na puwersa) at katiwalian ni Satanas, at ni hindi rin ito nagugulo ng anumang puwersang sumasalungat sa Diyos; isa itong buhay kung saan ang lahat ay ibinukod-bukodayon sa uri nito at maaaring sumamba sa Lumikha, at kung saan ang langit at lupa ay ganap na payapa—ito ang ibig sabihin ng mga salitang “buhay na puno ng pahinga ng mga tao.” Kapag namahinga ang Diyos, hindi na magpapatuloy ang kawalan ng katuwiran sa mundo, ni hindi magkakaroon ng anumang karagdagang pagsalakay mula sa mga kaaway na puwersa, at papasok ang sangkatauhan sa isang bagong kinasasaklawan—hindi na isang sangkatauhang ginawang tiwali ni Satanas kundi isang sangkatauhang nailigtas matapos gawing tiwali ni Satanas. Ang araw ng pahinga ng sangkatauhan ay magiging araw din ng pahinga ng Diyos. Nawala ng Diyos ang Kanyang pahinga dahil sa kawalan ng kakayahan ng sangkatauhan na pumasok sa pahinga, hindi dahil sa hindi Niya nagawang magpahinga sa simula. Ang pagpasok sa pahinga ay hindi nangangahulugang ang lahat ay humihinto sa paggalaw o tumitigil sa pag-unlad, at hindi rin ito nangangahulugang humihinto sa paggawa ang Diyos o na humihintong mabuhay ang mga tao. Ang tanda ng pagpasok sa pahinga ay kapag nawasak na si Satanas, kapag naparusahan at napawi na ang masasamang taong nakiisa sa masasamang gawain nito, at kapag tumigil sa pag-iral ang lahat ng puwersang laban sa Diyos. Ang pagpasok ng Diyos sa pahinga ay nangangahulugang hindi na Niya isasakatuparan ang Kanyang ginagawang pagliligtas sa sangkatauhan. Ang pagpasok ng sangkatauhan sa pahinga ay nangangahulugan na ang buong sangkatauhan ay mabubuhay sa loob ng liwanag ng Diyos at sa ilalim ng Kanyang mga pagpapala, walang katiwalian ni Satanas, at walang magaganap na kawalan ng katuwiran. Sa ilalim ng pag-aaruga ng Diyos, mamumuhay nang normal ang sangkatauhan sa lupa. Kapag pumasok sa pahinga ang Diyos at ang sangkatauhan nang magkasama, nangangahulugan itong nailigtas na ang sangkatauhan at nawasak na si Satanas, at ganap nang natapos ang gawain ng Diyos sa tao. Hindi na magpapatuloy ang Diyos sa Kanyang gawain sa mga tao, at sila ay hindi na mamumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Samakatwid, hindi na magiging abala ang Diyos, at ang mga tao ay hindi na palaging aligaga. Ang Diyos at ang sangkatauhan ay magkasabay na papasok sa pahinga. Babalik ang Diyos sa Kanyang orihinal na lugar, at babalik ang bawat tao sa kani-kanilang mga lugar. Ito ang mga hantungan kung saan maninirahan ang Diyos at ang mga tao sa sandaling matapos ang buong pamamahala ng Diyos. Ang Diyos ay may hantungang para sa Diyos, at ang sangkatauhan ay may hantungang para sa sangkatauhan. Habang nagpapahinga, magpapatuloy ang Diyos sa paggabay sa lahat ng mga tao sa kanilang mga buhay sa lupa, at habang nasa Kanyang liwanag, sasambahin nila ang nag-iisang tunay na Diyos sa langit. Hindi na mamumuhay ang Diyos kasama ng sangkatauhan, at hindi rin magagawang mamuhay ng mga tao kasama ng Diyos sa Kanyang hantungan. Hindi maaaring mamuhay sa loob ng parehong lugar ang Diyos at ang mga tao. Sa halip, kapwa sila may kanya-kanyang mga paraan ng pamumuhay. Ang Diyos ang Siyang gumagabay sa lahat ng sangkatauhan, at ang lahat ng sangkatauhan ay ang kristalisasyon ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Ang inaakay ay ang mga tao, at ang kanilang diwa ay hindi natutulad sa diwa ng Diyos. Ang “magpahinga” ay nangangahulugan ng pagbalik sa orihinal na lugar. Samakatuwid, kapag pumasok sa pahinga ang Diyos, nangangahulugan itong bumalik na Siya sa Kanyang orihinal na lugar. Hindi na Siya mamumuhay sa mundo o makakasama ng sangkatauhan upang makibahagi sa kanilang kagalakan at pagdurusa. Kapag pumasok sa pahinga ang mga tao, nangangahulugan itong sila ay naging tunay na mga nilikha. Sasambahin nila ang Diyos mula sa lupa, at mamumuhay ng normal. Ang mga tao ay hindi na maghihimagsik laban sa Diyos o lalaban sa Kanya, at magbabalik sa orihinal na buhay nina Adan at Eba. Ito ang magiging kani-kanilang buhay at hantungan ng Diyos at ng mga tao pagkatapos nilang pumasok sa pahinga. Ang pagkatalo ni Satanas ay isang hindi maiiwasang kahihinatnan ng digmaan sa pagitan nito at ng Diyos. Tulad nito, ang pagpasok ng Diyos sa pahinga pagkatapos ng Kanyang gawaing pamamahala at ang ganap na kaligtasan at pagpasok sa pahinga ng sangkatauhan ay mga hindi na rin maiiwasang kahihinatnan. Nasa lupa ang lugar ng pahingahan ng sangkatauhan, at nasa langit ang pahingahan ng Diyos. Habang sinasamba ng mga tao ang Diyos sa pamamahinga, mamumuhay sila sa lupa, at habang inaakay ng Diyos ang natitirang sangkatauhang sa pamamahinga, pamumunuan Niya sila mula sa langit, hindi mula sa lupa. Ang Diyos ay mananatiling Espiritu, habang mananatiling laman ang mga tao. Namamahinga ang Diyos at ang mga tao sa magkaibang paraan. Habang nagpapahinga ang Diyos, darating Siya at magpapakita sa gitna ng mga tao. Habang nagpapahinga ang mga tao, aakayin sila ng Diyos upang dumalaw sa langit, pati na rin upang ikasiya ang buhay doon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama
Kapag nakakamit na ng tao ang tunay na buhay ng tao sa lupa at ang buong mga puwersa ni Satanas ay naigapos, ang tao ay mabubuhay nang walang hirap sa ibabaw ng lupa. Ang mga bagay-bagay ay hindi na magiging mahirap unawain gaya ng sa kasalukuyan: Mga pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao, mga ugnayang panlipunan, masalimuot na ugnayang pampamilya—nagdadala ang mga iyon ng napakaraming gulo, napakalubhang sakit! Sobrang nakakainis na mamuhay sa gitna ng lahat ng ito! Sa sandaling nalupig ang tao, ang kanyang puso at isipan ay magbabago: Magkakaroon siya ng may-takot-sa-Diyos na puso at mapagmahal-sa-Diyos na puso. Sa sandaling ang lahat niyaong nasa loob ng sansinukob na naghahanap na ibigin ang Diyos ay nalupig na, na ang ibig sabihin, sa sandaling natalo na si Satanas, at sa sandaling si Satanas—lahat ng puwersa ng kadiliman—ay naigapos na, kung gayon ang buhay ng tao sa lupa ay hindi magugulo, at makakapamuhay siya nang malaya sa ibabaw ng lupa. Kung ang buhay ng tao ay walang makalamang mga pakikipagrelasyon, at mga masalimuot na usapin ng laman, sa gayon ito ay magiging lalong napakadali. Ang mga kaugnayan ng laman ng tao ay masyadong magulo, at para sa tao ang magkaroon ng mga ganitong bagay ay patunay na hindi pa niya napapalaya ang kanyang sarili sa impluwensiya ni Satanas. Kung ikaw ay nagkaroon ng kaparehong relasyon sa bawat isa sa iyong mga kapatid na lalaki at babae, kung ikaw ay nagkaroon ng kaparehong relasyon sa bawat miyembro ng iyong pamilya, kung gayon ay wala nang manggugulo sa iyo, at hindi mo na kailangan pang mag-alala tungkol sa kaninuman. Wala nang magiging mas mabuti pa, at sa ganitong paraan gagaan nang kalahati ang pagdurusa ng tao. Namumuhay ng isang normal na buhay ng tao sa lupa, ang tao ay magiging katulad ng mga anghel; bagaman nasa laman pa rin, siya ay magiging tulad na tulad ng isang anghel. Ito ang panghuling pangako, ang huling pangakong ipinagkakaloob sa tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan
Kapag pumasok na ang tao sa walang-hanggang hantungan, sasambahin ng tao ang Lumikha, at sapagkat natamo na ng tao ang kaligtasan at nakapasok na sa kawalang-hanggan, ang tao ay hindi na maghahangad ng anumang mga layunin, ni, higit pa rito, kailangan niyang mag-alala na siya ay lulusubin ni Satanas. Sa panahong ito, mananatili ang bawat tao sa kanyang lugar, at gagampanan ang kanyang tungkulin, at kahit na hindi sila kinakastigo o hinahatulan, gagampanan ng bawat tao ang kanilang tungkulin. Sa panahong iyon, ang tao ay magiging isang nilikha kapwa sa pagkakakilanlan at sa katayuan. Wala nang magiging pagkakaiba ng mataas at mababa; ang bawat tao ay gaganap na lamang ng iba-ibang tungkulin. Ngunit ang tao ay mamumuhay pa rin sa isang maayos at angkop na hantungan ng sangkatauhan; gagampanan ng tao ang kanyang tungkulin para sa kapakanan ng pagsamba sa Lumikha, at ang sangkatauhang ito ang magiging sangkatauhan ng kawalang-hanggan. Sa panahong iyon, magtatamo na ang tao ng isang buhay na nililiwanagan ng Diyos, isang buhay na nasa pangangalaga at proteksyon ng Diyos, isang buhay na kasama ang Diyos. Magkakaroon ang sangkatauhan ng isang normal na buhay sa lupa, at ang lahat ng tao ay papasok sa tamang landas. Lubos nang nagapi ng 6,000-taong plano ng pamamahala si Satanas, ibig sabihin nito’y nabawi na ng Diyos ang orihinal na larawan ng tao matapos siyang likhain sa lupa, at sa gayon, ang orihinal na mga layunin ng Diyos ay natugunan na.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan
Kapag naipanumbalik na ang mga tao sa una nilang wangis, at kapag natutupad na nila ang kani-kanilang mga tungkulin, nananatili sa sarili nilang wastong kinalalagyan at nagpapasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos, nakamit na ng Diyos ang isang grupo ng mga tao na nasa lupa na sumasamba sa Kanya, at naitatag na rin Niya ang isang kaharian sa lupa na sumasamba sa Kanya. Magkakaroon Siya ng walang-hanggang tagumpay sa lupa, at ang lahat ng yaong mga sumasalungat sa Kanya ay mapapahamak sa lahat ng kawalang-hanggan. Ipanunumbalik nito ang una Niyang layunin sa paglikha sa sangkatauhan; ipanunumbalik nito ang layunin Niya sa paglikha ng lahat ng mga bagay, at ipanunumbalik din nito ang awtoridad Niya sa lupa, sa gitna ng lahat ng mga bagay, at sa gitna ng mga kaaway Niya. Ang mga ito ang magiging mga sagisag ng ganap Niyang tagumpay. Mula roon, papasok ang sangkatauhan sa pamamahinga at sisimulan ang buhay na nasa tamang landas. Papasok din sa walang-hanggang pamamahinga ang Diyos kasama ang sangkatauhan, at magsisimula ng isang walang-hanggang buhay na kapwa pagsasaluhan Niya at ng mga tao. Naglaho na ang dungis at paghihimagsik sa lupa, at humupa na ang lahat ng pagtangis, at tumigil na sa pag-iral ang lahat-lahat ng nasa daigdig na sumasalungat sa Diyos. Tanging ang Diyos at yaong mga taong dinalhan Niya ng kaligtasan ang mananatili; tanging ang nilikha Niya ang mananatili.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama
Ang buong lupain ay napuno ng tawanan, saanmang dako sa mundo ay puno ng papuri, at walang lugar na wala ang Aking kaluwalhatian. Ang Aking karunungan ay nasa lahat ng dako sa mundo, at sa buong sansinukob. Sa lahat ng bagay ay naroon ang mga bunga ng Aking karunungan, lahat ng tao ay sagana sa mga obra maestra ng Aking karunungan; lahat ng bagay ay katulad ng lahat ng bagay sa Aking kaharian, at lahat ng tao ay namamahinga sa ilalim ng Aking kalangitan na tulad ng mga tupa sa Aking mga pastulan. Gumagalaw Ako sa ibabaw ng di-mabilang na mga tao at nagmamasid Ako sa lahat ng dako. Walang anumang mukhang luma kailanman, at walang taong katulad ng dati. Namamahinga Ako sa trono, nakasandig Ako sa ibabaw ng buong sansinukob, at lubos Akong nasisiyahan, sapagkat nabawi na ng lahat ng bagay ang kanilang kabanalan, at muli Akong maninirahan nang payapa sa loob ng Sion, at ang mga tao sa lupa ay maaaring mamuhay nang mapayapa at kuntento sa ilalim ng Aking patnubay. Lahat ng tao ay pinangangasiwaan ang lahat ng bagay sa Aking kamay, lahat ng tao ay nabawi na ang dati nilang katalinuhan at orihinal na anyo; hindi na sila nababalutan ng alabok, kundi, sa Aking kaharian, sila ay banal na tulad ng jade, bawat isa ay may mukhang gaya ng sa banal na nasa puso ng tao, sapagkat ang Aking kaharian ay naitatag na sa mga tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 16
“Gumagalaw Ako sa ibabaw ng di-mabilang na mga tao at nagmamasid Ako sa lahat ng dako. Walang anumang mukhang luma kailanman, at walang taong katulad ng dati. Namamahinga Ako sa trono, nakahilig Ako sa ibabaw ng buong sansinukob….” Ito ang kinalabasan ng kasalukuyang gawain ng Diyos. Lahat ng taong hinirang ng Diyos ay bumabalik sa kanilang orihinal na anyo, na siyang dahilan kung bakit ang mga anghel, na nagdusa nang napakaraming taon, ay pinalaya, tulad lang ng sinasabi ng Diyos na “may mukhang gaya ng sa banal na nasa puso ng tao.” Dahil gumagawa ang mga anghel sa lupa at naglilingkod sa Diyos sa lupa, at dahil lumalaganap ang kaluwalhatian ng Diyos sa buong mundo, dinadala ang langit sa lupa, at itinataas ang lupa sa langit. Samakatwid, ang tao ang kawing na nag-uugnay sa langit at lupa; ang langit at lupa ay hindi na magkabukod, hindi na magkahiwalay, kundi magkaugnay bilang iisa. Sa buong mundo, ang Diyos at ang tao lamang ang umiiral. Walang alikabok o dumi, at lahat ng bagay ay napanibago, gaya ng isang batang korderong nakahiga sa isang luntiang damuhan sa silong ng langit, nagtatamasa ng lahat ng biyaya ng Diyos. At dahil sa pagdating ng kaluntiang ito kaya sumisikat ang hininga ng buhay, sapagkat dumarating ang Diyos sa mundo upang mamuhay sa tabi ng tao sa buong kawalang-hanggan, tulad lamang ng sinabi mula sa bibig ng Diyos na “muli Akong maninirahan nang payapa sa loob ng Sion.” Ito ang simbolo ng pagkatalo ni Satanas, ito ang araw ng kapahingahan ng Diyos, at ang araw na ito ay pupurihin at ipoproklama ng di-mabilang na mga tao, at tatandaan nila. Kapag nagpapahinga ang Diyos sa trono, iyon din ang panahon na tinatapos ng Diyos ang Kanyang gawain sa lupa, at iyon ang mismong sandali na lahat ng hiwaga ng Diyos ay ibinubunyag sa tao; ang Diyos at ang tao ay magkakasundo magpakailanman, hindi kailanman magkakahiwalay—gayon ang magagandang mga tagpo sa kaharian!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob,” Kabanata 16
Sa gitna ng pagkidlat, nabubunyag ang tunay na mga anyo ng lahat ng uri ng hayop. Gayundin, natatanglawan ng Aking liwanag, nabawi na ng tao ang kabanalang minsan niyang tinaglay. Ah, tiwaling mundo noong araw! Sa wakas, nabuwal na ito tungo sa maruming tubig at, habang lumulubog pailalim, natunaw at naging putik! Ah, buong sangkatauhan, na sarili Kong likha! Sa wakas ay muli silang nabuhay sa liwanag, natamo nila ang pundasyon para sa pag-iral, at tumigil sa pakikibaka sa putikan! Ah, ang di-mabilang na mga bagay na hawak Ko sa Aking mga kamay! Paanong hindi sila mapaninibago sa pamamagitan ng Aking mga salita? Paanong hindi nila magagampanan, sa liwanag, ang kanilang mga papel? Hindi na nakakabingi ang katahimikan at walang ingay ang mundo, hindi na mapanglaw at malungkot ang langit. Ang langit at lupa, na wala nang puwang sa pagitan, ay nagkaisa na, at hindi na kailanman muling paghihiwalayin pa. Sa masayang okasyong ito, sa sandaling ito ng malaking kagalakan, ang Aking pagkamatuwid at ang Aking kabanalan ay umabot na sa ibabaw ng sansinukob at sa buong sansinukob, at walang humpay na ipinagbubunyi sa gitna ng lahat ng tao. Nagtatawanan sa galak ang mga lungsod ng langit, at nagsasayawan sa galak ang mga kaharian ng lupa. Sa pagkakataong ito, sino ang hindi nagagalak, at sino ang hindi naluluha? Ang mundo sa una nitong kalagayan ay pag-aari ng langit, at ang langit ay kaugnay ng lupa. Ang tao ang tali na nag-uugnay sa langit at lupa, at dahil sa kabanalan ng tao, dahil sa pagpapanibago ng tao, hindi na nakatago ang langit mula sa lupa, at hindi na tahimik ang lupa ukol sa langit. Ang mga mukha ng lahat ng tao ay puno ng mga ngiti ng kasiyahan, at may nakatago sa lahat ng puso nila na isang tamis na walang hangganan. Hindi nakikipag-away ang tao sa tao, ni hindi pisikal na inaaway ng mga tao ang isa’t isa. Mayroon bang sinuman, sa Aking liwanag, na hindi namumuhay nang matiwasay sa piling ng iba? Mayroon bang sinuman, sa Aking panahon, na sinisiraang-puri ang Aking pangalan? Ang lahat ng tao ay nakatitig sa Akin nang may takot, at sa puso nila, lihim silang nananawagan sa Akin. Nasiyasat Ko na ang bawat kilos nila: Sa mga taong nalinis na, walang mapaghimagsik laban sa Akin, walang humuhusga sa Akin. Ang Aking disposisyon ay tumatagos sa lahat ng tao. Lahat ng tao ay nakikilala na Ako, mas lumalapit sa Akin at hinahangaan Ako. Naninindigan Ako sa espiritu ng tao, dinadakila Ako sa pinakamataas na tugatog sa mga mata ng tao, at dumadaloy sa dugo sa mga ugat ng tao. Ang kagalakan sa puso ng tao ay pinupuno ang bawat lugar sa ibabaw ng lupa, malinis at sariwa ang hangin, hindi na tinatakluban ng makakapal na hamog ang lupa, at maningning ang sikat ng araw.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 18
Sa Aking liwanag, muling nakikita ng mga tao ang liwanag. Sa Aking salita, natatagpuan ng mga tao ang mga bagay na tinatamasa nila. Nagmula Ako sa Silangan, nanggaling sa Silangan. Kapag nagliliwanag ang Aking kaluwalhatian, lahat ng bansa ay naliliwanagan, lahat ay nadadala sa liwanag, wala ni isa mang bagay ang nananatili sa kadiliman. Sa kaharian, ang buhay na ipinamumuhay ng mga tao ng Diyos sa Kanyang piling ay walang kapantay ang saya. Sumasayaw sa tuwa ang mga tubig sa pinagpalang buhay ng mga tao, nagagalak ang mga kabundukan sa Aking kasaganaan kasama ng mga tao. Lahat ng tao ay nagpupunyagi, nagtatrabaho nang husto, nagpapakita ng kanilang katapatan sa Aking kaharian. Sa kaharian, wala nang pagiging suwail, wala nang paglaban; umaasa ang kalangitan at ang lupa sa isa’t isa, nagkakalapit Ako at ang sangkatauhan na may malalim na damdamin, sa pamamagitan ng matatamis na kagalakan ng buhay, na nakasandig sa isa’t isa…. Sa panahong ito, pormal Kong sinisimulan ang Aking buhay sa langit. Wala na ang panggugulo ni Satanas, at nagsisimula nang magpahinga ang mga tao. Sa buong sansinukob, ang Aking hinirang na mga tao ay nabubuhay sa loob ng Aking kaluwalhatian, pinagpapala nang walang katulad, hindi bilang mga taong nabubuhay sa piling ng mga tao, kundi bilang mga taong nabubuhay sa piling ng Diyos. Napagdaanan na ng buong sangkatauhan ang katiwalian ni Satanas, at natikman na ang pait at tamis ng buhay hanggang sa latak. Ngayon, habang nabubuhay sa Aking liwanag, paanong hindi magagalak ang isang tao? Paanong basta na lamang babalewalain ng isang tao ang magandang sandaling ito at palalagpasin ito? Kayong mga Tao! Kantahin ang awit sa inyong puso at sumayaw nang buong kagalakan para sa Akin! Itaas ang inyong pusong tapat at ialay ang mga ito sa Akin! Paluin ang inyong mga tambol at masayang tumugtog para sa Akin! Namamahagi Ako ng Aking kasiyahan sa buong sansinukob! Inihahayag Ko sa mga tao ang Aking maluwalhating mukha! Mananawagan Ako sa malakas na tinig! Lalagpasan Ko ang sansinukob! Naghahari na Ako sa gitna ng mga tao! Dinadakila Ako ng mga tao! Nagpapatangay Ako sa bughaw na kalangitan sa itaas at lumalakad ang mga tao na kasama Ko. Naglalakad Ako sa gitna ng mga tao at nakapaligid sa Akin ang Aking mga tao! Masayang-masaya ang puso ng mga tao, niyayanig ng kanilang mga awit ang sansinukob, at binabasag ang kaitaasan! Hindi na nasusukluban ng ulap ang sansinukob; wala nang naiipong putik at dumi sa imburnal. Mga banal na tao ng sansinukob! Sa ilalim ng Aking pagsusuri ipinapakita ninyo ang inyong tunay na mukha. Hindi kayo mga taong natatakpan ng dumi, kundi mga santo na kasing-puro ng jade, kayong lahat ay Aking pinakamamahal, kayong lahat ay Aking kasiyahan! Lahat ng bagay ay muling nabubuhay! Lahat ng santo ay bumalik upang paglingkuran Ako sa langit, tumatanggap sa Aking mainit na yakap, hindi na luhaan, hindi na balisa, inaalay ang kanilang sarili sa Akin, bumabalik sa Aking tahanan, at sa kanilang bayang-tinubuan mamahalin nila Ako nang walang humpay! Hindi nagbabago sa buong kawalang-hanggan! Nasaan ang kalungkutan! Nasaan ang mga luha! Nasaan ang laman! Lumilipas ang mundo, ngunit ang mga kalangitan ay magpakailanman. Nagpapakita Ako sa lahat ng tao, at lahat ng tao ay pinupuri Ako. Ang buhay na ito, ang kagandahang ito, noon pa mang unang panahon hanggang sa katapusan ng panahon ay hindi magbabago. Ito ang buhay ng kaharian.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Magalak Kayong Lahat na mga Tao!