4. Kung hindi tayo maniniwala sa Diyos, at may kagandahang-asal lamang, gumagawa ng mabuti at hindi gumagawa ng kasamaan, maliligtas ba tayo ng Diyos?

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Nakabatay sa kanilang pag-uugali ang pamantayang ginagamit ng mga tao upang hatulan ang ibang mga tao; matuwid yaong ang asal ay mabuti, habang buktot yaong ang asal ay karumal-dumal. Ang pamantayan ng Diyos sa paghatol sa mga tao ay batay sa kung nagpapasakop ba o hindi sa Kanya ang kanilang diwa; matuwid na tao ang nagpapasakop sa Diyos, samantalang ang hindi nagpapasakop ay kaaway at isang buktot na tao, mabuti man o masama ang pag-uugali ng taong ito at kung tama man o mali ang kanyang pananalita. Nais ng ilang tao na gumamit ng mabubuting gawa upang magtamo ng magandang hantungan sa hinaharap, at nais ng ilang mga tao na gumamit ng maiinam na salita upang magkamit ng mabuting hantungan. Maling naniniwala ang lahat na natutukoy ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao pagkaraang mamasdan ang kanilang pag-uugali o pagkaraang makinig sa kanilang pananalita; kaya maraming tao ang nagnanais samantalahin ito upang linlangin ang Diyos na gawaran sila ng isang panandaliang pagtatangi. Sa hinaharap, ang mga taong makaliligtas sa isang kalagayan ng pamamahinga ay napagtiisan na ang lahat ng araw ng pagdurusa at nakapagpatotoo na rin para sa Diyos; lahat sila ay magiging mga tao na tinupad na ang kanilang mga tungkulin at kusa nang nagpasakop sa Diyos. Yaong mga nais lamang gamitin ang pagkakataon na gawin ang paglilingkod na kasama ang balak na iwasan ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi pahihintulutang manatili. May mga naaangkop na pamantayan ang Diyos para sa pag-aayos ng mga kalalabasan ng bawat tao; hindi Siya basta gumagawa ng mga kapasiyahang ito ayon sa mga salita at asal ng isang tao, o gumagawa Siya ng mga ito batay sa kung paano kumikilos ang isang tao sa isang tagal ng panahon. Lubos na hindi siya magiging maluwag hinggil sa buktot na asal ng isang tao dahil sa nakaraang paglilingkod nito sa Kanya, o hindi rin Niya ililigtas ang isang tao mula sa kamatayan dahil sa minsanang gugulin para sa Diyos. Walang sinuman ang makaiiwas sa paghihiganti para sa kanilang kabuktutan, at walang sinuman ang mapagtatakpan ang kanilang masamang pag-uugali at sa gayon ay makaiiwas sa mga paghihirap ng pagkawasak. Kung totoong matutupad ng mga tao ang sarili nilang tungkulin, nangangahulugan ito na walang hanggang matapat sila sa Diyos at hindi hinahangad ang mga pabuya, tumatanggap man sila ng mga biyaya o nagdurusa sa kasawian. Kung matapat sa Diyos ang mga tao kapag nakikita nila ang mga biyaya, ngunit nawawala ang kanilang katapatan kapag hindi nila nakikita ang anumang mga biyaya, at kung, sa huli, ay hindi pa rin nila nagagawang magpatotoo para sa Diyos o tuparin ang mga tungkuling kasalukuyang hawak nila, magiging mga pakay pa rin sila ng pagkawasak kahit pa dati na silang nakapagbigay ng matapat na paglilingkod sa Diyos. Sa madaling salita, hindi maaaring makaligtas hanggang sa kawalang-hanggan ang mga taong buktot, o makapapasok sa pamamahinga; tanging ang mga matuwid ang mga panginoon ng pamamahinga.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Pinagpapasyahan Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, katandaan, tindi ng pagdurusa, at lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito. Dapat ninyong matanto na parurusahan din ang lahat ng hindi sumusunod sa kalooban ng Diyos. Ito ay isang di-nababagong katotohanan. Samakatuwid, lahat ng pinarurusahan ay pinarurusahan nang gayon para sa katuwiran ng Diyos at bilang ganti sa kanilang maraming masasamang gawa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan

Ang mga pagbabago lang sa ugali ay hindi napapanatili; kung walang pagbabago sa mga disposisyon sa buhay ng mga tao, sa malaon at madali ay magpapakita ang kanilang mapanirang bahagi. Sapagkat sigasig ang pinagmumulan ng mga pagbabago sa kanilang gawi, kakambal ng ilang gawain ng Banal na Espiritu sa panahong iyon, napakadali para sa kanila na maging maalab o magpakita ng pansamantalang kabaitan. Katulad ng sinasabi ng mga hindi naniniwala, “Madali ang paggawa ng isang mabuting gawa, ang mahirap ay ang habambuhay na paggawa ng mabubuting gawa.” Walang kakayahan ang mga tao na gumawa ng mabubuting gawa nang buong buhay nila. Ang pag-uugali ng isang tao ay pinangangasiwaan ng buhay; anuman ang kanyang buhay, gayundin ang kanyang ugali, at yaon lamang likas na naihahayag ang kumakatawan sa buhay, gayundin sa kalikasan ng isang tao. Hindi magtatagal ang mga bagay na huwad. Kapag gumagawa ang Diyos upang iligtas ang tao, hindi ito upang palamutian ang tao ng mabuting gawi—ang layunin ng gawain ng Diyos ay ang baguhin ang anyo ng mga disposisyon ng mga tao, upang sila ay muling isilang na bagong mga tao. Kaya naman, ang paghatol ng Diyos, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng tao ay pawang nagsisilbi upang baguhin ang kanyang disposisyon, upang matamo niya ang ganap na pagpapasakop at debosyon sa Diyos, at magawang normal na sambahin Siya. Ito ang layunin ng gawain ng Diyos. Ang pagpapakabait ay hindi katulad ng pagpapasakop sa Diyos, lalong hindi ito katumbas ng pagiging kaayon kay Cristo. Ang mga pagbabago sa ugali ay batay sa doktrina at bunga ng sigasig; hindi batay ang mga ito sa tunay na kaalaman sa Diyos o sa katotohanan, lalong hindi batay sa paggabay ng Banal na Espiritu. Bagama’t may mga pagkakataon na ang ilan sa ginagawa ng mga tao ay pinapatnubayan ng Banal na Espiritu, hindi ito isang pagpapahayag ng buhay, lalong hindi ito katulad ng pagkakilala sa Diyos; gaano man kabuti ang ugali ng isang tao, hindi nito pinatutunayan na nagpasakop na siya sa Diyos o na isinasagawa niya ang katotohanan. Ang mga pagbabago sa pag-uugali ay panandaliang ilusyon lamang, pagpapakita lamang ang mga ito ng sigasig. Hindi maibibilang na pagpapahayag ng buhay ang mga ito.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Ano ang kabuluhan ng iyong mabubuting gawa? Mapapalitan ba ng mga ito ang isang pusong sumasamba sa Diyos? Hindi ka makakatanggap ng mga pagpapala ng Diyos sa pamamagitan lamang ng paggawa ng ilang mabubuting gawa, at hindi maghihiganti ang Diyos para sa mga kamaliang laban sa iyo dahil lamang sa ikaw ay nabiktima o naapi. Sila na mga naniniwala sa Diyos gayunman ay hindi kilala ang Diyos, ngunit gumagawa ng mabubuting gawa—hindi ba’t kinastigo rin silang lahat? Naniniwala ka lamang sa Diyos, gusto mo lamang na itama at ipaghiganti ng Diyos ang mga kamalian laban sa iyo, at nais mo na ipagkaloob ng Diyos sa iyo ang araw mo, ang araw kung kailan ay maitataas mo na sa wakas ang iyong noo. Ngunit tumatanggi kang pag-ukulan ng pansin ang katotohanan at ni hindi ka nauuhaw na isabuhay ang katotohanan. Lalong hindi mo kayang takasan ang mahirap at hungkag na buhay na ito. Sa halip, habang ipinamumuhay ang iyong buhay sa laman at ang iyong buhay ng kasalanan, umaasa ka sa Diyos na itama ang iyong mga hinaing at alisin ang kalabuan sa iyong buhay. Ngunit posible ba ito? Kung taglay mo ang katotohanan, makakasunod ka sa Diyos. Kung mayroon kang pagsasabuhay, maaari kang maging isang pagpapamalas ng salita ng Diyos. Kung mayroon kang buhay, maaari kang magtamasa ng pagpapala ng Diyos. Sila na nagtataglay ng katotohanan ay maaaring magtamasa ng pagpapala ng Diyos. Tinitiyak ng Diyos ang pagtutuwid para sa kanila na nagmamahal sa Kanya nang taos-puso at nagtitiis ng mga kahirapan at mga pagdurusa, ngunit hindi para doon sa mga nagmamahal lamang sa kanilang mga sarili at nabihag sa mga panlilinlang ni Satanas. Paano magkakaroon ng kabutihan sa kanila na hindi umiibig sa katotohanan? Paano magkakaroon ng katuwiran sa kanila na umiibig lamang sa laman? Hindi ba’t ang katuwiran at kabutihan ay parehong binabanggit lamang kaugnay ng katotohanan? Hindi ba’t nakalaan ang mga iyon para sa kanila na buong-pusong nagmamahal sa Diyos? Sila na hindi umiibig sa katotohanan at mga nabubulok na bangkay lamang—hindi ba ang lahat ng taong ito ay nagkakandili ng kasamaan? Sila na walang kakayahang ipamuhay ang katotohanan—hindi ba’t lahat sila ay kaaway ng katotohanan?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay

Ganoon ba kadaling magawang perpekto sa harap ng Diyos gaya ng isang banal o isang taong matuwid? Isang katotohanan na “walang matuwid sa ibabaw nitong lupa, ang mga matuwid ay wala rito sa mundo.” Kapag haharap kayo sa Diyos, isaalang-alang ninyo ang inyong kasuotan, ang inyong bawa’t salita at pagkilos, ang lahat ng inyong mga iniisip at mga ideya, maging ang mga pangarap na pinapangarap ninyo araw-araw—lahat ng mga iyon ay para sa inyong sariling kapakanan. Hindi ba ito ang totoong kalagayan ng mga bagay-bagay? Ang “pagkamatuwid” ay hindi nangangahulugang pagbibigay ng limos sa iba, ito ay hindi nangangahulugan ng pag-ibig mo sa iyong kapwa gaya ng sa iyong sarili, at hindi ito nangangahulugan ng pag-iwas sa pag-aaway at pagtatalo o pagnanakaw at pag-uumit. Ang pagkamatuwid ay nangangahulugan na tinatanggap mo ang atas ng Diyos bilang iyong tungkulin at sinusunod ang mga pagsasaayos ng Diyos bilang isang tungkulin mula sa langit, kailan man o saan man, tulad lamang ng lahat ng ginawa ng Panginoong Jesus. Ito ang pagkamatuwid na sinabi ng Diyos. Maaaring tawaging matuwid si Lot dahil iniligtas niya ang dalawang anghel na isinugo ng Diyos nang hindi alintana kung ano ang natamo niya o nawala sa kanya; masasabi lamang na ang ginawa niya sa panahong iyon ay matatawag na matuwid, ngunit hindi siya matatawag na taong matuwid. Dahil lamang nakita ni Lot ang Diyos kung kaya ibinigay niya ang kanyang dalawang anak na babae kapalit ng mga anghel, ngunit hindi lahat ng kanyang pag-uugali noong nakaraan ay kumatawan sa pagkamatuwid. Kaya sinasabi Ko na “walang matuwid sa ibabaw nitong lupa.” Kahit sa kalagitnaan ng mga nasa daloy ng pagbuti, walang sinuman ang matatawag na matuwid. Gaano man kahusay ang iyong mga pagkilos, kahit gaano mo ipinakikitang niluluwalhati mo ang pangalan ng Diyos, hindi sinasaktan ni sinusumpa ang iba, o nagnanakaw o nang-uumit sa iba, hindi ka pa rin matatawag na matuwid, dahil ang gayong mga bagay ay maaangkin ng sinumang normal na tao. Ngayon, ang mahalaga ay hindi mo kilala ang Diyos. Masasabi lamang na sa ngayon ay mayroon kang maliit na normal na pagkatao, subali’t ikaw ay salat sa pagkamatuwid na sinalita ng Diyos, kung kaya wala sa mga ginagawa mo ang makapagpapatunay na kilala mo ang Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Masama ay Tiyak na Parurusahan

Maaaring napakabait mo at tapat ka sa iyong mga kamag-anak, kaibigan, asawa, anak, at magulang, at hindi ka nagsasamantala sa iba kailanman, ngunit kung hindi mo kayang umayon kay Cristo, kung hindi mo magawang makihalubilo sa Kanya nang maayos, kahit gugulin mo pa ang iyong lahat-lahat sa pagtulong sa iyong mga kapitbahay o sa masusing pag-aalaga sa iyong ama, ina, at mga miyembro ng inyong sambahayan, sasabihin Ko na masama ka pa rin, at bukod dito ay puno ka ng mga tusong panlilinlang. Huwag mong isiping nakaayon ka kay Cristo dahil lamang sa kasundo mo ang iba at gumagawa ka ng ilang mabubuting gawa. Akala mo ba makukuha mo nang may pandaraya ang pagpapala ng Langit dahil sa iyong mapagkawanggawang hangarin? Akala mo ba ang paggawa ng ilang mabubuting gawa ay kapalit ng iyong pagsunod? Walang isa man sa inyo ang nagagawang tumanggap ng pagkikitungo at pagtatabas, at nahihirapan kayong lahat na tanggapin ang normal na pagkatao ni Cristo, sa kabila ng patuloy ninyong pagbabanda ng inyong pagsunod sa Diyos. Ang pananampalatayang tulad ng sa inyo ay magbababa ng isang angkop na ganti.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Hindi Kaayon ni Cristo ay Tiyak na mga Kalaban ng Diyos

Sa panahong ito, yaong mga naghahangad at yaong mga hindi naghahangad ay dalawang ganap na magkaibang uri ng mga tao, na may labis na magkaiba ring mga hantungan. Yaong mga nagtataguyod sa kaalaman ng katotohanan at nagsasagawa ng katotohanan ang mga siyang pagdadalhan ng Diyos ng kaligtasan. Yaong mga hindi nababatid ang tunay na daan ay mga demonyo at kaaway; mga inapo sila ng arkanghel at magiging mga pakay ng pagwasak. Kahit yaong mga maka-Diyos na tagapaniwala ng isang malabong Diyos—hindi ba’t mga demonyo rin sila? Ang mga taong nagtataglay ng mabubuting budhi ngunit hindi tinatanggap ang tunay na daan ay mga demonyo; paglaban sa Diyos ang kanilang diwa. Yaong mga hindi tinatanggap ang tunay na daan ay yaong mga lumalaban sa Diyos, at kahit nagtitiis ng maraming hirap ang gayong mga tao, wawasakin pa rin sila. Yaong mga mabigat sa kalooban na talikdan ang mundo, na hindi matiis na mawalay sa kanilang mga magulang, at hindi makatiis na alisin sa kanilang mga sarili ang mga pagtatamasa sa laman ay masuwayin sa Diyos, at magiging mga pakay ng pagkawasak. Sinumang hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao ay malademonyo at, higit pa rito, wawasakin sila.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Sinundan: 3. Ang buhay ng mga tao ay matatapos sa isang iglap, sa loob ng ilang dosenang taon. Sa pagbabalik tanaw, inaalala nila ang kanilang buhay: pagpasok sa paaralan, pagtatrabaho, pag-aasawa, pagkakaroon ng mga anak, paghihintay sa kamatayan, ang kanilang buong buhay ay abalang ginugol sa pagsisikap para sa kapakanan ng pamilya, pera, katayuan, suwerte at kasikatan, lubos na walang tunay na direksyon at mga layunin ng pag-iral ng tao, at hindi makahanap ng anumang halaga o kahulugan sa buhay. Kaya’t ang mga tao ay nabubuhay nang sunod-sunod na henerasyon sa pasakit at hungkag na pamamaraang ito. Bakit ang buhay ng mga tao ay napakasaklap at hungkag? At paano malulutas ang kirot at kahungkagan ng pag-iral ng tao?

Sumunod: 5. Mabuting maniwala sa Diyos, ngunit sa palagay ko ang lahat ng relihiyon ay nagtuturo sa mga tao na maging mabubuting tao. Kaya’t anuman ang relihiyon na pinaniniwalaan ng mga tao, hangga’t sila ay taos-puso at hindi gumagawa ng kasamaan, sila ba’y tiyak na maliligtas ng Diyos?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito