5. Mabuting maniwala sa Diyos, ngunit sa palagay ko ang lahat ng relihiyon ay nagtuturo sa mga tao na maging mabubuting tao. Kaya’t anuman ang relihiyon na pinaniniwalaan ng mga tao, hangga’t sila ay taos-puso at hindi gumagawa ng kasamaan, sila ba’y tiyak na maliligtas ng Diyos?

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ngayon, ano ang kaalaman at pagkaunawa ninyo sa konsepto ng pananalig sa Diyos? Paano naiiba ang mga ito sa pagkaunawa ng pananalig sa Diyos na mayroon kayo sa loob ng relihiyon? Sa ngayon, nauunawaan ba ninyo kung ano talaga ang paniniwala sa relihiyon at pananalig sa Diyos? May pagkakaiba ba ang paniniwala sa relihiyon at pananalig sa Diyos? Nasaan ang pagkakaiba? Nalaman na ba ninyo ang mga sagot sa mga tanong na ito? Anong klase ng tao ang karaniwang mga naniniwala sa relihiyon? Ano ang kanilang pokus? Paano dapat bigyang-kahulugan ang paniniwala sa relihiyon? Ang paniniwala sa relihiyon ay pagkilala na may Diyos, at gumagawa ng ilang partikular na pagbabago sa kanilang pag-uugali ang mga naniniwala sa relihiyon: Hindi sila nananakit o nangmumura ng mga tao, hindi sila gumagawa ng masasamang bagay na nakakapinsala ng mga tao, at hindi sila gumagawa ng iba’t ibang krimen o lumalabag sa batas. Tuwing Linggo, pumupunta sila sa simbahan. Ito ang mga naniniwala sa relihiyon. Nangangahulugan ito na ang mabuting asal at madalas na pagdalo sa pagtitipon ay patunay na ang isang tao ay naniniwala sa relihiyon. Kapag ang isang tao ay naniniwala sa relihiyon, kinikilala niya na may Diyos, at sa palagay niya, ang pananampalataya sa Diyos ay ang maging isang mabuting tao; basta’t hindi siya nagkakasala o gumagawa ng masasamang bagay, mapupunta siya sa langit pagkamatay niya at magkakaroon siya ng magandang kalalabasan. Binibigyan siya ng kanyang pananalig ng panustos sa espirituwal na antas. Sa gayon, ang paniniwala sa relihiyon ay mabibigyang-kahulugan din bilang ang sumusunod: Ang maniwala sa relihiyon ay ang kilalanin, sa puso ng isang tao, na may Diyos; ang maniwala na mapupunta siya sa langit pagkamatay niya; ang magkaroon sa kanyang puso ng espirituwal na haligi; ang baguhin nang kaunti ang kanyang asal; at ang maging isang mabuting tao. Iyon na lahat. Tungkol naman sa kung umiiral ba o hindi ang Diyos na kanyang pinaniniwalaan, kung nakapagpapahayag ba Siya ng katotohanan, kung ano ang hinihingi ng Diyos sa kanya—wala siyang ideya. Ipinagpapalagay at nakikita niya sa kanyang isipan ang lahat ng ito batay sa mga turo ng Bibliya. Ito ang paniniwala sa relihiyon. Ang paniniwala sa relihiyon ay pangunahing ang paghahangad ng mga pagbabago sa pag-uugali at espirituwal na panustos. Pero ang landas na tinatahak ng gayong mga tao—ang landas ng paghahangad ng mga pagpapala—ay hindi nagbago. Hindi nagbago ang kanilang mga maling pananaw, kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa pananalig sa Diyos. Ang saligan ng kanilang pag-iral, at ang mga mithiin at direksyon na kanilang hinahangad sa kanilang buhay, ay batay sa mga ideya at opinyon ng tradisyonal na kultura, at hindi talaga nagbago. Gayon ang kalagayan ng lahat ng tao na naniniwala sa relihiyon. Kung gayon, ano ang pananalig sa Diyos? Ano ang depinisyon ng Diyos sa pananalig sa Diyos? (Ang paniniwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos.) Ang pinakapundamental ay ang paniniwala sa pag-iral ng Diyos at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Ang manampalataya sa Diyos ay ang sumunod sa mga salita ng Diyos, umiral, mamuhay, gumampan ng tungkulin ng isang tao, at makibahagi sa lahat ng aktibidad ng normal na pagkatao tulad ng hinihingi ng mga salita ng Diyos. Ang implikasyon ay na ang manampalataya sa Diyos ay ang sumunod sa Diyos, gawin ang hinihingi ng Diyos, mamuhay tulad ng hinihingi Niya; ang manampalataya sa Diyos ay ang sumunod sa daan ng Diyos. Hindi ba lubos na naiiba ang mga mithiin at direksyon sa buhay ng mga taong nananampalataya sa Diyos mula sa mga taong iyon na naniniwala sa relihiyon? Ano ba ang kasama sa pananalig sa Diyos? Kasama rito kung kaya ba o hindi ng mga tao na makinig sa mga salita ng Diyos, matanggap ang katotohanan, maiwaksi ang mga tiwaling disposisyon, talikuran ang lahat upang sumunod sa Diyos, at maging deboto sa kanilang mga tungkulin. Ang mga bagay na ito ay may direktang kaugnayan sa kung maliligtas ba sila o hindi. Alam mo na ngayon ang kahulugan ng pananalig sa Diyos; kung gayon, paano dapat isagawa ang pananalig sa Diyos? Ano ang hinihingi ng Diyos sa mga nananampalataya sa Kanya? (Na sila ay maging mga tapat na tao, at na hangarin nila ang katotohanan, pagbabago ng disposisyon, at kaalaman sa Diyos.) Ano ang mga hinihingi ng Diyos sa panlabas na pag-uugali ng mga tao? (Hinihingi Niya na maging deboto ang mga tao, hindi talipandas, at na mamuhay sila ng normal na pagkatao.) Dapat magkaroon ang mga tao ng batayang kagandahang-asal ng isang banal at mamuhay ng normal na pagkatao. Kung gayon, ano ang dapat na taglayin ng isang tao upang magkaroon ng normal na pagkatao? Ito ay nauugnay sa maraming katotohanan na dapat isagawa ng isang tao bilang isang mananampalataya. Tanging sa pagkakaroon ng lahat ng mga katotohanang realidad nagkakaroon ng normal na pagkatao ang isang tao. Nananampalataya ba ang isang tao sa Diyos kung hindi niya isinasagawa ang katotohanan? Ano ang mga kahihinatnan ng hindi pagsasagawa sa katotohanan? Paano nga ba dapat manampalataya ang mga tao sa Diyos upang makamit ang kaligtasan, at magpasakop at sambahin ang Diyos? Ang lahat ng mga bagay na ito ay nauugnay sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos at pagsasagawa ng maraming katotohanan. Kung kaya, dapat sumampalataya ang isang tao sa Diyos alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa Kanyang mga hinihingi, at dapat siyang magsagawa alinsunod sa Kanyang mga hinihingi; ito lang ang tunay na pananalig sa Diyos. Tumutukoy ito sa ugat ng usapin. Ang pagsasagawa ng katotohanan, pagsunod sa mga salita ng Diyos, at pamumuhay alinsunod sa mga salita ng Diyos: Ito ang tamang paraan ng buhay ng tao; ang pananalig sa Diyos ay nauugnay sa landas ng buhay ng tao. Ang pananalig sa Diyos ay nauugnay sa napakaraming katotohanan, at dapat maunawaan ng mga tagasunod ng Diyos ang mga katotohanang ito. Paano sila makasusunod sa Diyos kung hindi nila nauunawaan at tinatanggap ang katotohanan? Kumikilala at nagtitiwala lamang ang mga taong naniniwala sa relihiyon na may Diyos—pero hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang ito, ni tinatanggap ang mga ito, kung kaya ang mga taong naniniwala sa relihiyon ay hindi mga tagasunod ng Diyos. Sa paniniwala sa relihiyon, ayos lang na kumilos nang maayos sa panlabas, magpigil at sumunod sa mga regulasyon, at magkaroon ng espirituwal na panustos. Kung maayos ang inaasal ng isang tao at may haligi at panustos para sa kanyang espiritu, nagbabago ba ang kanyang landas sa buhay? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao na ang paniniwala sa relihiyon at pananalig sa Diyos ay magkapareho. Kung gayon, sinusunod ba ng mga taong iyon ang Diyos? Nananampalataya ba sila sa Diyos ayon sa Kanyang mga hinihingi? Tinanggap na ba nila ang katotohanan? Kung hindi ginagawa ng isang tao ang mga bagay na ito, siya nga ay hindi nananampalataya sa Diyos o tagasunod Niya. Ang pinakamalinaw na pagpapamalas ng isang tao ng paniniwala sa relihiyon ay ang kawalan ng pagtanggap sa kasalukuyang gawain ng Diyos at sa katotohanan na Kanyang ipinahahayag. Makikilala ang mga naniniwala sa relihiyon sa katangiang ito; hinding-hindi sila tagasunod ng Diyos. Ang paniniwala sa relihiyon ay paghahangad lamang ng pagbabago ng ugali at espirituwal na panustos; wala itong kasamang anumang katotohanan. Kaya nga, hindi mababago ang disposisyon sa buhay ng mga naniniwala sa relihiyon, ni hindi nila isasagawa ang katotohanan o pakikinggan ang mga salita ng Diyos at magpapasakop sa Kanya. Dahil dito ay hindi rin sila magkakaroon ng totoong kaalaman sa Diyos. Kapag naniniwala ang isang tao sa relihiyon, gaano man kaganda ang kanyang ugali, gaano man katibay ang kanyang pagkilala sa Diyos, at gaano man kataas ang kanyang teorya ng pananalig sa Kanya, hindi siya tagasunod ng Diyos. Kanino siya sumusunod, kung gayon? Ang sinusundan niya ay si Satanas pa rin. Ano ang basehan sa kung ano ang isinabubuhay, hinahangad at pinananabikan, at isinasagawa niya? Saan nakabatay ang kanyang pag-iral? Siguradong hindi sa katotohanan sa mga salita ng Diyos. Patuloy siyang namumuhay sa tiwaling disposisyon ni Satanas, umaasal at nakikitungo sa mundo ayon sa lohika at pilosopiya ni Satanas. Lahat ng sinasabi niya ay kasinungalingan, nang wala ni katiting na katotohanan. Ang kanyang satanikong disposisyon ay hindi sumailalim sa anumang pagbabago, at kay Satanas pa rin siya sumusunod. Ang kanyang pananaw sa buhay, mga pagpapahalaga, paraan ng pakikitungo sa mundo, at mga prinsipyo ng pag-uugali ay pawang mga pagbubunyag ng kalikasan ni Satanas. Tanging ang panlabas niyang pag-uugali ang bahagyang nabago, ngunit ang landas ng kanyang buhay, paraan ng pag-iral, at pananaw sa mga bagay-bagay ay hindi man lang nagbago. Kung ang isang tao ay totoong mananampalataya sa Diyos, ano ang maaaring magbago sa kanya sa loob ng ilang taon? (Ang kanyang pananaw sa buhay at mga pagpapahalaga ay magbabago.) Ang pinakapundasyon ng pag-iral ng taong iyon ay magbabago. Kung magbabago ang pundasyon ng kanyang pag-iral, ano ang magiging basehan ng kanyang buhay? (Ang buhay niya ay magbabase sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan.) Kung gayon, ngayon ba ay namumuhay na kayo araw-araw ayon sa mga salita ng Diyos sa inyong pananalita at mga pagkilos? Halimbawa, hindi ka na nagsisinungaling: Bakit ganoon? Ano ang iyong basehan doon? (Ang hinihingi ng Diyos na maging tapat ang isang tao.) Kapag tumigil ka sa pagsisinungaling at sa panlilinlang, ito ay batay sa mga salita ng Diyos, sa hinihingi na maging tapat na tao, at sa katotohanan. At hindi ba’t ang landas na tinatahak mo sa buhay ay iba na?

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Hindi Maliligtas ang Isang Tao sa Pamamagitan ng Paniniwala sa Relihiyon o Pagsali sa Seremonyang Panrelihiyon

Bagama’t maraming tao ang nananampalataya sa Diyos, kakaunti ang nakakaunawa kung ano ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos, at kung paano sila mismo dapat kumilos upang maging naaayon sa mga layunin ng Diyos. Ito ay dahil, bagama’t alam ng mga tao ang salitang “Diyos” at mga pariralang tulad ng “ang gawain ng Diyos,” hindi nila kilala ang Diyos, at lalong hindi nila alam ang Kanyang gawain. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na lahat ng hindi nakakakilala sa Diyos ay naguguluhan sa kanilang pananampalataya sa Kanya. Hindi sineseryoso ng mga tao ang pananampalataya sa Diyos, at ito ay dahil lamang sa masyado silang hindi pamilyar sa paniniwala sa Diyos, masyado itong nakakapanibago para sa kanila. Sa ganitong paraan, nagkukulang sila sa mga hinihingi ng Diyos. Sa madaling salita, kung hindi kilala ng mga tao ang Diyos at hindi alam ang Kanyang gawain, hindi sila angkop na gamitin ng Diyos, at lalong hindi nila magagawang matugunan ang Kanyang mga layunin. Ang “pananampalataya sa Diyos” ay nangangahulugan ng paniniwala na mayroong Diyos; ito ang pinakasimpleng konsepto patungkol sa paniniwala sa Diyos. Higit pa rito, ang paniniwala na mayroong Diyos ay hindi kapareho ng tunay na pananampalataya sa Diyos; sa halip, ito ay isang uri ng simpleng pananalig na may matitinding kahulugang pangrelihiyon. Ang ibig sabihin ng tunay na pananampalataya sa Diyos ay ang mga sumusunod: Batay sa pananampalataya na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, dinaranas ng isang tao ang Kanyang mga salita at Kanyang gawain, at sa gayon ay iwinawaksi ang mga tiwaling disposisyon ng isang tao, tinutugunan ang mga layunin ng Diyos, at nakikilala ang Diyos. Ganitong uri lamang ng paglalakbay ang matatawag na “pananampalataya sa Diyos.” Subalit madalas ituring ng mga tao ang pananampalataya sa Diyos bilang isang labis na simple at walang-kabuluhang bagay. Kapag ang mga tao ay nananampalataya sa Diyos sa ganitong paraan, nawawalan ito ng kahulugan, at bagama’t maaari silang patuloy na maniwala hanggang sa kahuli-hulihan, hindi nila kailanman matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos, dahil tumatahak sila sa maling landas. Ang mga naniniwala sa Diyos hanggang ngayon nang ayon sa mga salita at sa hungkag na doktrina ay hindi pa rin alam na wala silang diwa ng pananampalataya sa Diyos, at na hindi nila matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Nagdarasal pa rin sila na pagpalain sila ng Diyos ng kapayapaan at sapat na biyaya. Patahimikin natin ang ating puso at mag-isip nang husto: Maaari kaya na ang pananampalataya sa Diyos ang pinakamadaling bagay sa lupa? Maaari kaya na ang paniniwala sa Diyos ay nangangahulugan lamang ng pagtanggap ng maraming biyaya mula sa Diyos? Talaga bang ang mga taong naniniwala sa Diyos nang hindi Siya nakikilala o naniniwala sa Diyos subalit kinakalaban Siya ay natutugunan ang mga layunin ng Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Napakasimple ng pagtingin ng ilang tao sa usapin ng pananampalataya sa Diyos. Iniisip nila, “Ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan ng pagdalo sa mga pagtitipon, pananalangin, pakikinig sa mga sermon, pakikipagbahaginan, pag-awit at pagpupuri sa Diyos, at paggampan sa ilang tungkulin. Hindi ba’t iyon ang kabuuan ng pananampalataya sa Diyos?” Ngayon, gaano man karaming taon na kayong nananampalataya sa Diyos, hindi pa rin ninyo lubusang nauunawaan ang kahalagahan ng pananalig sa Diyos. Sa katunayan, ang kahulugan ng pananalig sa Diyos ay napakalalim, kaya kung napakababaw ng mga karanasan ng isang tao, hindi nila ito maaarok. Kapag dumaranas sila hanggang sa pinakadulo, dapat ay malinis at mabago ang disposisyon ni Satanas at ang mga satanikong lason sa loob nila. Dapat sangkapan ng mga tao ang mga sarili nila ng maraming katotohanan, abutin ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa tao, at magawang tunay na magpasakop sa Diyos at sambahin Siya. Saka lang sila tunay na magkakamit ng kaligtasan. Kung ikaw ay gaya pa rin ng dati noong bahagi ka pa ng isang relihiyon, bumibigkas lang ng ilang salita at doktrina at nagsasabi ng ilang islogan, gumagampan ng kaunting mabuting gawi at kilos, at umiiwas sa partikular na makasalanang mga bagay—kahit yaong mga halata man lang—hindi nito ipinapakita na napasok mo na ang tamang landas sa iyong pananampalataya sa Diyos. Ang pagsunod ba sa mga regulasyon ay nangangahulugan na ikaw ay nasa tamang landas? Nangangahulugan ba ito na tama ang napili mo? Kung hindi nagbabago ang mga bagay sa loob ng iyong kalikasan, kung gayon ay malalabanan mo pa rin ang Diyos at sasalungat sa Kanya sa huli. Ito ang pinakamalaking problema. Kung hindi mo lulutasin ang problemang ito sa iyong pananampalataya sa Diyos, masasabi bang talagang nakamit mo na ang kaligtasan?

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpili ng Tamang Landas ang Pinakamahalagang Bahagi ng Pananampalataya sa Diyos

Ang mga pagbabago lang sa pag-uugali ay hindi napapanatili; kung walang pagbabago sa mga buhay disposisyon ng mga tao, sa malaon at madali ay ipapakita nila ang mga tunay nilang kulay. Ito ay dahil ang pinagmumulan ng mga pagbabago sa pag-uugali ay ang kasigasigan, at sinamahan ng ilang gawain ng Banal na Espiritu sa panahong iyon, nagiging napakadali para sa kanila na maging masigasig o magkaroon ng mabubuting intensyon sa loob ng maiksing panahon. Katulad ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Madali ang paggawa ng isang mabuting bagay; ang mahirap ay ang habambuhay na paggawa ng mabubuting bagay.” Bakit walang kakayahan ang mga tao na gumawa ng mabubuting bagay sa buong buhay nila? Dahil ang mga tao ay likas na buktot, makasarili, at tiwali. Ang pag-uugali ng isang tao ay dinidikta ng kanyang kalikasan; anuman ang kalikasan ng isang tao, gayundin ang pag-uugali na kanyang inihahayag, at iyon lamang likas na naihahayag ang kumakatawan sa kalikasan ng isang tao. Hindi magtatagal ang mga bagay na huwad. Kapag gumagawa ang Diyos upang iligtas ang tao, hindi ito upang palamutian ang tao ng mabuting pag-uugali—ang layunin ng gawain ng Diyos ay ang baguhin ang mga disposisyon ng mga tao, upang sila ay muling isilang na bagong mga tao. Ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos sa tao ay pawang nagsisilbi upang baguhin ang kanyang disposisyon, upang matamo niya ang ganap na pagpapasakop at katapatan sa Diyos, at magawang normal na sambahin Siya. Ito ang layunin ng gawain ng Diyos. Ang pagpapakabait ay hindi katulad ng pagpapasakop sa Diyos, lalong hindi ito katumbas ng pagiging kaayon kay Cristo. Ang mga pagbabago sa pag-uugali ay batay sa doktrina at bunga ng sigasig; hindi batay ang mga ito sa tunay na kaalaman sa Diyos o sa katotohanan, lalong hindi batay sa paggabay ng Banal na Espiritu. Bagama’t may mga pagkakataon na ang ilan sa ginagawa ng mga tao ay binibigyang-liwanag o pinapatnubayan ng Banal na Espiritu, hindi ito isang pagbubunyag ng buhay nila. Hindi pa sila nakapasok sa mga katotohanang realidad, at ang kanilang buhay disposisyon ay hindi talaga nagbago. Gaano man kabuti ang pag-uugali ng isang tao, hindi ito nagpapatunay na nagpapasakop siya sa Diyos o na isinasagawa niya ang katotohanan. Ang mga pagbabago sa pag-uugali ay hindi kumakatawan sa mga pagbabago sa buhay disposisyon at hindi maaaring ituring ang mga ito bilang mga pagbubunyag ng buhay.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

May ilang pangunahing relihiyon sa mundo, at bawat isa ay may sariling pinuno, o lider, at ang mga alagad ay nagkalat sa iba’t ibang bansa at rehiyon sa buong mundo; halos bawat bansa, malaki man o maliit, ay may iba’t ibang relihiyon sa loob nito. Gayunman, gaano man karami ang mga relihiyon sa buong mundo, lahat ng tao sa loob ng sansinukob ay umiiral sa huli sa ilalim ng patnubay ng isang Diyos, hindi sa ilalim ng patnubay ng mga pinuno o lider ng mga relihiyon. Ibig sabihin, ang sangkatauhan ay hindi ginagabayan ng isang partikular na pinuno o lider ng relihiyon; sa halip, ang buong sangkatauhan ay pinamumunuan ng Lumikha, na lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at lumikha rin sa sangkatauhan—at ito ay totoo. Bagama’t ang mundo ay may ilang pangunahing relihiyon, gaano man kalaki ang mga ito, lahat sila ay umiiral sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, at walang isa man sa kanila ang makalalampas sa saklaw ng kapamahalaang ito. Ang pag-unlad ng sangkatauhan, pagpapalit ng lipunan, pag-unlad ng mga sangay ng siyensya patungkol sa pisikal na mundo—bawat isa ay hindi maihihiwalay mula sa mga plano ng Lumikha, at ang gawaing ito ay hindi isang bagay na magagawa ng sinumang pinuno ng relihiyon. Ang isang pinuno ng relihiyon ay pinuno lamang ng isang partikular na relihiyon, at hindi maaaring kumatawan sa Diyos, ni hindi nila maaaring katawanin ang Isa na lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay. Ang isang pinuno ng relihiyon ay maaaring mamuno sa lahat ng nasa loob ng buong relihiyon, ngunit hindi nila mauutusan ang lahat ng nilikha sa silong ng kalangitan—tanggap ng buong sansinukob ang katunayang ito. Ang isang pinuno ng relihiyon ay isang lider lamang, at hindi maaaring maging kapantay ng Diyos (ang Lumikha). Lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Lumikha, at sa katapusan ay babalik silang lahat sa mga kamay ng Lumikha. Ang sangkatauhan ay ginawa ng Diyos, at anuman ang relihiyon, bawat tao ay babalik sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos—hindi ito maiiwasan. Diyos lamang ang Kataas-taasan sa lahat ng bagay, at ang pinakamataas na pinuno sa lahat ng nilikha ay kailangan ding bumalik sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan. Gaano man kataas ang katayuan ng isang tao, hindi niya madadala ang sangkatauhan sa isang angkop na hantungan, at walang sinumang nagagawang pagbukud-bukurin ang lahat ng bagay ayon sa uri. Si Jehova Mismo ang lumikha sa sangkatauhan at ibinukod-bukod Niya ang bawat isa ayon sa uri nila, at pagdating ng mga huling araw ay gagawin pa rin Niya Mismo ang Kanyang sariling gawain, ipinagbubukod-bukod ang lahat ng bagay ayon sa uri ng mga ito—ang gawaing ito ay hindi magagawa ng sinuman maliban sa Diyos. Ang tatlong yugto ng gawaing isinagawa sa simula pa lamang hanggang ngayon ay isinagawang lahat ng Diyos Mismo, at isinagawa ng isang Diyos. Ang katunayan ng tatlong yugto ng gawain ay ang katunayan ng pamumuno ng Diyos sa buong sangkatauhan, isang katunayang hindi maikakaila ng sinuman. Sa katapusan ng tatlong yugto ng gawain, lahat ng bagay ay ibubukod ayon sa uri at babalik sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, sapagkat sa lahat ng dako ng buong sansinukob ay nag-iisa lamang ang umiiral na Diyos na ito, at wala nang iba pang mga relihiyon. Siya na walang kakayahang lumikha ng mundo ay walang kakayahang wakasan ito, samantalang Siya na lumikha ng mundo ay siguradong kayang wakasan ito. Samakatuwid, kung ang isang tao ay walang kakayahang wakasan ang kapanahunan at nagagawa lang na tulungan ang tao na linangin ang sarili niya at pinuhin ang karakter niya, siguradong hindi siya ang Diyos, at siguradong hindi siya ang Panginoon ng sangkatauhan. Wala siyang kakayahang gawin ang gayon kadakilang gawain; isa lamang ang maaaring magsagawa ng gayong gawain, at lahat ng hindi makakagawa ng gawaing ito ay siguradong mga kaaway at hindi ang Diyos. Hangga’t isa itong masamang relihiyon, hindi ito kaayon ng Diyos, at ang hindi kaayon ng Diyos ay kaaway ng Diyos. Lahat ng gawain ay ginagawa ng isang tunay na Diyos na ito, at ang buong sansinukob ay inuutusan ng isang Diyos na ito. Gawain man Niya sa Israel o sa Tsina, sa Espiritu man o sa katawang-tao isinasagawa ang gawain, lahat ay ginagawa ng Diyos Mismo, at hindi magagawa ng sinupamang iba. Ito ay dahil mismo sa Siya ang Diyos ng buong sangkatauhan kaya malaya Siyang gumagawa, hindi pinipigilan ng anumang mga kundisyon. Ito ang pinakadakila sa lahat ng pangitain.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos

Sinundan: 4. Kung hindi tayo maniniwala sa Diyos, at may kagandahang-asal lamang, gumagawa ng mabuti at hindi gumagawa ng kasamaan, maliligtas ba tayo ng Diyos?

Sumunod: 6. Naniniwala akong mayroong Diyos, ngunit bata pa ako, kailangan kong magsikap para sa aking pamilya at aking karera, at marami pa akong nais gawin. Maliligtas pa rin ba ako kung maghihintay ako hanggang sa pagtanda ko na magkaroon ng oras na maniwala sa Diyos?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 15: Tinawag ng mga pambansang lider ang Kristiyanismo at Katolisismo bilang mga kulto, at ang Banal na Biblia ay tinawag nilang aklat ng kulto. Kinikilala ng lahat ang mga katotohanang ito. Kung bakit naman binansagan ng sentrong gobyerno ang mga Kristiyanong bahay-iglesia, at sa partikular Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos bilang mga kulto, sa pagkaintindi ko at ayon sa pagsisiyasat, ganito ang pakiwari ko dyan: Lahat ng magpatunay na ang Diyos ang lumikha sa lahat, ang magsabing ang Diyos ang Tagapaglikha, na Siya ang lumikha sa sangkatauhan, ang magpatotoong Siya ang naghahari sa lahat ng bagay, ang magsabing ang Diyos ang Panginoon ng sansinukob, at nagkokontrol sa sanlibutan, at sinumang magsasabi sa sangkatauhan na ang Diyos lamang ang tingalain, sa Diyos lamang magpailalim, at Diyos lamang ang sambahin, ang lahat ng ito ay mga kulto. Lahat ng nagpapatunay na ang Diyos ay makatwiran, banal at dakila, at sumasaksi sa pag-ibig at pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, kumukondena kay Satanas bilang demonyong nagpapasama sa mga tao, at bilang masamang pwersa na naghahari sa mundo, lalo na yung direktang umaatake at bumabatikos sa Partido Komunista, kulto ang lahat ng ito. Lahat ng nagsasabing nagbalik na ang Panginoong Jesus, at sumasaksi para kay Cristong nagkatawang-tao, at nagsasabi ng mga salita at gawain ng ordinaryong tao na parang yun ang pagpapakita at gawain ng Tagapagligtas, at nagpapakalat, at nagpapatunay na ang mga salitang inihayag ni Cristo ang katotohanan, yung tumatawag sa mga, tao para tanggapin ang Diyos, para lumapit sa Kanya, at magpaubaya, at yung hindi sumusunod sa Partido Komunista, kulto ang lahat ng ito. Lahat ng nagpapatunay na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at pinakamataas sa lahat, at nagsasabing, ang Banal na Bibilia, ang salita ng Diyos at Ang, Salita ay Nagpakita sa Katawang-tao ang katotohanan, at yung kumikilos para kalabanin ang Marxismo-Leninismo at ang ideyolohiya at teorya ng Partido Komunista, kulto ang lahat ng ito. Lahat ng nagtuturo at sumasaksi para kay Cristo ng mga huling araw, lahat ng nangangaral na nagbalik na ang Diyos, na dahilan para tanggapin ng tao ang pagliligtas ng Diyos, at yung tumatawag sa tao para iwan ang lahat at sumunod sa Kanya bilang tanging daan para makapasok sa kaharian ng langit, kulto ang lahat ng ito. Ito ang aking pagkaunawa sa pagbabansag ng sentrong gobyerno sa lahat ng Kristiyanong bahay-iglesia, partikular na Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, bilang mga kulto. Sa Tsina, ang Partido Komunista ang may kontrol. Ang Partido Komunista ay Marxista-Leninista, at ateistang partido politikal na sumasalungat sa lahat ng teismo. Dinedeklara ng Partido Komunista na mga kulto ang lahat ng relihiyosong grupo na naniniwala sa Diyos. Ipinakikita nito ang ganap na awtoridad ng Partido Komunista. Ang Partido Komunista lang ang dakila, kapuri-puri, at ang tama. Ang kahit na anong kumakalaban o sumasalungat sa Marxismo-Leninismo ay maituturing na mali; Yun ang isang bagay na gustong ipagbawal ng Partido Komunista. Sa bansang Tsina, dapat kilalanin ang Marxismo-Leninismo at ang Partido Komunista bilang dakila. Meron bang hindi tama sa sinasabi kong ito? Kayong mga taga-Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, ay lantarang nagkakalat na nagbalik na ang Diyos, ang Diyos ng mga huling araw, ang Makapangyarihang Diyos. Pinatutunayan n’yo rin na naghahayag ng katotohanan ang Makapangyarihang Diyos para dalisayin ang tao, para iligtas ang tao, na dumating na sa lupa ang kaharian ng langit. Nagresulta ito ng pagkakagulo at paghihiwalay ng mga relihiyosong grupo, at pinamumunuan ang maraming tao, para mapalapit sa Makapangyarihang Diyos. Nagdulot ito ng pambihirang sensasyon sa Tsina, at nagdala ng matinding kalituhan at pagkabalisa sa lipunan. Sa ginagawa n’yo, ginugulo n’yo ang publiko hindi ba? Kaya idineklara ng sentrong gobyerno, na may sala Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos sa pagiging isang kulto, at nagsasagawa ng pag-atake at panunupil. Naloko kayong lahat at naligaw ng landas. Umaasa ang gobyerno na wala kayong sasayanging oras, sa pagsisisi, sa paglayo sa Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at pagsali sa Iglesia ng Three-Self. Sa ganitong paraan, hindi na kayo ituturing na mga kriminal ng gobyerno.

Sagot: Malinaw n’yong naipaliwanag ang basehan ng Partido Komunista sa pagbabansag sa mga kulto. Pero nadarama ko na ang pagkalaban ng...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito