2. Ang mga pastor at elder sa relihiyosong mundo ay mahuhusay lahat sa Biblia at madalas na nagpapaliwanag nito sa iba, habang hinihiling sa mga tao na sumunod sa Biblia. Sa paggawa nito, hindi ba sila nagtataas at nagpapatotoo sa Panginoon? Paano mo nasasabi na nanlilinlang sila ng mga tao, na sila ay mapagpaimbabaw na mga Fariseo?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Masdan mo ang mga lider ng bawat relihiyon at bawat denominasyon—lahat sila ay mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, at binibigyang-kahulugan nila ang Bibliya nang wala sa konteksto at ginagabayan ng kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon. Lahat sila ay umaasa sa mga kaloob at kaalaman sa paggawa ng kanilang gawain. Kung sila ay wala talagang kakayahang mangaral, susunod ba sa kanila ang mga tao? Sila, kunsabagay, ay nagtataglay ng kaunting kaalaman at makakapangaral ng ilang doktrina, o alam nila kung paano makaakit ng iba at kung paano gumamit ng ilang panlalansi. Ginagamit nila ang mga bagay na ito para linlangin ang mga tao, at para dalhin ang mga tao sa harapan nila. Sa pangalan, ang mga taong iyon ay naniniwala sa Diyos, ngunit sa realidad, sinusunod nila ang mga lider na ito. Kung nakakatagpo sila ng isang taong nangangaral ng tunay na daan, ang ilan sa kanila ay nagsasabing, “Kailangang konsultahin namin ang aming lider tungkol sa mga usapin ng pananalig.” Tingnan kung paanong kailangan ng mga tao ang pagpayag at pagsang-ayon ng iba pagdating sa pananalig sa Diyos at pagtanggap sa tunay na daan—hindi ba ito problema? Nagiging ano na kung gayon ang mga lider na iyon? Hindi ba sila nagiging mga Pariseo, huwad na mga pastol, mga anticristo, at mga katitisuran sa pagtanggap ng mga tao sa tunay na daan?
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ang sinumang hindi nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos ay lumalaban sa Kanya, at ang nakaunawa sa pakay ng gawain ng Diyos ngunit hindi pa rin nagsisikap na mabigyang-kasiyahan ang Diyos ay lalo pang itinuturing na lumalaban sa Diyos. Mayroong mga nagbabasa ng Bibliya sa malalaking simbahan at bumibigkas nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layon ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakakaayon sa mga layunin ng Diyos. Lahat sila ay mga taong walang halaga, ubod ng sama, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang “Diyos.” Sila ay mga taong nagdadala sa bandila ng Diyos ngunit sadyang lumalaban sa Diyos, na nagdadala ng bansag na nananampalataya sa Diyos habang kinakain ang laman at iniinom ang dugo ng tao. Ang lahat ng gayong tao ay masasamang diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang gumugulo sa pagtahak ng mga tao sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa paghahanap ng mga tao sa Diyos. Sila ay tila may “maayos na pangangatawan,” ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na lumaban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga nabubuhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao? Ang mga itinataas ang kanilang sarili sa harap ng Diyos ang pinakahamak sa mga tao, samantalang ang nag-iisip sa kanilang sarili na hamak ay ang pinakamarangal. At ang mga nag-aakala na alam nila ang gawain ng Diyos at higit pa rito, ay kayang magpahayag ng gawain ng Diyos sa iba nang may pagpapasikat habang sila ay direktang nakatingin sa Kanya—sila ang mga pinakamangmang sa mga tao. Ang ganitong mga tao ay pawang walang patotoo sa Diyos, lahat sila ay mapagmataas at palalo. Ang mga naniniwala na lubhang kakaunti ang kanilang pagkakilala sa Diyos, sa kabila ng kanilang praktikal na karanasan at praktikal na pagkakilala sa Kanya, ang mga pinakamamahal Niya. Tanging ang ganitong mga tao ang tunay na may patotoo at tunay na magagawang perpekto ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Lumalaban sa Diyos
Yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat kang manampalataya sa lahat ng mga salita ng Diyos at sa lahat ng gawain Niya. Ibig sabihin, yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat kang magpasakop sa Kanya. Kung hindi mo kayang gawin ito, kung gayon ay hindi mahalaga kung naniniwala ka sa Diyos o hindi. Kung naniniwala ka sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi ka kailanman nagpasakop sa Kanya, at hindi mo tinatanggap ang kabuuan ng mga salita Niya, at sa halip ay hinihingi mo sa Diyos na magpasakop Siya sa iyo at kumilos Siya ayon sa mga kuru-kuro mo, kung gayon ay ikaw ang pinakamapanghimagsik sa lahat, isa kang hindi mananampalataya. Paano makapagpapasakop ang ganitong mga tao sa gawain at mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao? Ang pinakamapaghimagsik sa lahat ay ang mga sadyang lumalabag at lumalaban sa Diyos. Sila ang mga kaaway ng Diyos, ang mga anticristo. Palaging may poot ang saloobin nila sa bagong gawain ng Diyos; hindi sila kailanman nagkaroon ng ni katiting na kagustuhang magpasakop, ni hindi sila kailanman nagalak na magpasakop o magpakumbaba ng sarili nila. Iniisip nilang sila ang pinakamataas sa iba at hindi kailanman nagpapasakop sa sinuman. Sa harap ng Diyos, itinuturing nila ang mga sarili nilang pinakamahusay sa pangangaral ng salita, at ang pinakabihasa sa paggawa sa iba. Hindi nila kailanman itinatapon ang mga “kayamanang” nasa pag-aari nila, kundi itinuturing ang mga ito bilang mga pamana ng pamilya para sambahin, para ipangaral sa iba ang tungkol dito, at ginagamit nila ang mga ito para magsermon sa mga hangal na umiidolo sa kanila. Tunay ngang may ilang taong tulad nito sa loob ng iglesia. Masasabing sila ay mga “hindi palulupig na mga bayani,” na bawat salinlahi ay pansamantalang nananahan sa tahanan ng Diyos. Ipinapalagay nila ang pangangaral ng salita (doktrina) bilang pinakamataas nilang tungkulin. Bawat taon, bawat salinlahi, masigasig nilang ipinatutupad ang “sagrado at hindi malalabag” na tungkulin nila. Walang nangangahas na salingin sila; wala kahit isang tao ang nangangahas na lantarang sawayin sila. Nagiging “mga hari” sila sa tahanan ng Diyos, nagwawala habang sinisiil nila ang iba sa bawat kapanahunan. Naghahangad ang pangkat ng masasamang demonyong ito na makipagsanib at gibain ang gawain Ko; paano Ko mapahihintulutang umiral ang mga buhay na diyablong ito sa harap ng mga mata Ko? Kahit ang mga kalahating mapagpasakop lamang ay hindi makapagpapatuloy hanggang sa katapusan, lalong hindi itong mga maniniil na wala ni katiting na pagpapasakop sa mga puso nila! Hindi madaling makakamit ng tao ang gawain ng Diyos. Kahit na ginagamit ang lahat ng lakas na mayroon sila, kaunting bahagi lamang nito ang makakamit ng mga tao, na sa huli ay magpapahintulot sa kanila na maperpekto. Ano, kung gayon, ang para sa mga anak ng arkanghel, na naghahangad na wasakin ang gawain ng Diyos? Wala ba silang mas maliit na pag-asang makamit ng Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagpapasakop sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos
Nagagawa mong magsabi ng kaalaman na kasingdami ng buhangin sa dalampasigan, subalit wala sa mga ito ang nagtataglay ng anumang tunay na landas. Hindi ka ba nagtatangkang linlangin ang mga tao sa pamamagitan ng paggawa nito? Hindi ka ba gumagawa ng isang walang kabuluhang palabas na walang anumang diwang sumusuporta rito? Ang lahat ng ganitong pag-uugali ay nakapipinsala sa mga tao! Kapag mas mataas ang teorya at mas walang katotohanan, mas walang kakayahan ito na dalhin ang mga tao sa realidad. Kapag mas mataas ang teorya, lalo ka nitong itutulak na maghimagsik laban at sumalungat sa Diyos. Huwag mong tangkilikin ang espirituwal na teorya—wala itong kabuluhan! Pinag-uusapan ng ilang tao ang tungkol sa espirituwal na teorya sa loob ng mga dekada, at sila’y naging mga malalaking espiritwal na personalidad, subalit sa huli, bigo pa rin silang makapasok sa katotohanang realidad. Dahil hindi nila isinagawa o naranasan ang mga salita ng Diyos, wala silang mga prinsipyo o landas sa pagsasagawa. Walang katotohanang realidad ang mga taong kagaya nito, kaya paano nila maaakay ang ibang tao sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos? Ang kaya lamang nila ay iligaw ang mga tao. Hindi ba ito pagpinsala sa iba at sa kanilang sarili? Kahit papaano man lang, dapat magawa mong lutasin ang mga totoong problema na nasa harapan mo mismo. Ibig sabihin, dapat magawa mong isagawa at maranasan ang mga salita ng Diyos, at maisagawa ang katotohanan. Ito lamang ang pagpapasakop sa Diyos. Magiging kwalipikado ka lamang magtrabaho para sa Diyos kapag mayroon ka nang buhay pagpasok, at sasang-ayunan ka lamang ng Diyos kapag taos-puso kang gumugol para sa Diyos. Huwag kang laging magbitiw ng matatayog na salita at magsalita ng mabulaklak na teorya; hindi ito totoo. Ang pagmamarunong sa espirituwal na teorya para hangaan ka ng mga tao ay hindi pagpapatotoo sa Diyos, kundi pagpapakitang-gilas. Hinding-hindi ito kapaki-pakinabang sa mga tao at hindi nakapagpapatibay sa kanila, at madali silang maibubuyo nito para sumamba sa espirituwal na teorya at hindi tumuon sa pagsasagawa ng katotohanan—at hindi ba ito pagliligaw sa mga tao? Kung magpapatuloy nang ganito, lilitaw ang napakaraming walang kabuluhang teorya at tuntunin na pipigil at sisilo sa mga tao; ito’y tunay na pasakit.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Magtuon ng Higit na Pansin sa Realidad
Ang dahilan kung bakit mapagpaimbabaw ang mga Pariseo, ang dahilan kung bakit sila buktot, ay dahil tutol sila sa katotohanan pero minamahal nila ang kaalaman, kaya pinag-aaralan lamang nila ang Kasulatan at hinahangad ang kaalaman sa kasulatan pero hindi kailanman tinatanggap ang katotohanan o ang mga salita ng Diyos. Hindi sila nananalangin sa Diyos kapag nagbabasa sila ng Kanyang mga salita, ni hinahanap o pinagbabahaginan nila ang katotohanan. Sa halip, pinag-aaralan nila ang mga salita ng Diyos, pinag-aaralan kung ano ang sinabi at ginawa ng Diyos, at sa gayon ay ginagawa nilang teorya ang mga salita ng Diyos, isang doktrinang ituturo sa iba, na tinatawag na akademikong pag-aaral. Bakit sila gumagawa ng akademikong pag-aaral? Ano ang pinag-aaralan nila? Sa mga mata nila, hindi ito mga salita ng Diyos o pagpapahayag ng Diyos, at lalong hindi ito ang katotohanan. Sa halip, isa itong klase ng pag-aaral, o maaari pa ngang sabihin na ito ay isang teolohikal na kaalaman. Sa pananaw nila, ang ipalaganap ang kaalamang ito, ang pag-aaral na ito, ay ang ipakalat ang daan ng Diyos, ang ipakalat ang ebanghelyo—ito ang tinatawag nilang pangangaral, pero ang ipinangangaral nila ay pawang teolohikal na kaalaman.
… Pinanghawakan ng mga Pariseo ang mga teolohikal na teorya na naarok nila bilang kaalaman at bilang kasangkapan para timbangin at kondenahin ang mga tao, ginamit pa nga nila ito sa Panginoong Jesus. Ganito kinondena ang Panginoong Jesus. Ang paraan ng pagtimbang o pagtrato nila sa isang tao ay hindi kailanman nakabatay sa diwa ng tao, ni sa kung ang ipinangaral ba ng isang tao ay ang katotohanan, at lalong hindi sa pinagmulan ng mga salitang sinabi ng taong iyon—ang paraan ng pagtimbang o pagkondena ng mga Pariseo sa isang tao ay nakabatay lamang sa mga regulasyon, salita, at doktrinang naarok nila sa Lumang Tipan ng Bibliya. Kahit alam ng mga Pariseo sa puso nila na ang sinabi at ginawa ng Panginoong Jesus ay hindi isang kasalanan o paglabag sa kautusan, kinondena pa rin nila ang Panginoong Jesus, dahil ang mga katotohanang ipinahayag Niya at ang mga tanda at kababalaghang ginawa Niya ay nag-udyok sa mga tao na sumunod sa Kanya at purihin Siya. Namuhi nang namuhi sa Kanya ang mga Pariseo, at gusto pa nga Siyang alisin sa eksena. Hindi nila kinilala na ang Panginoong Jesus ay ang Mesiyas na darating, ni kinilala nila na taglay ng mga salita Niya ang katotohanan, at lalo nilang hindi kinilala na alinsunod sa katotohanan ang gawain Niya. Hinusgahan nila ang Panginoong Jesus bilang nagsasalita ng mga mapangahas na salita at nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub, na prinsipe ng mga demonyo. Dahil isinisisi nila ang mga kasalanang ito sa Panginoong Jesus, ito ay nagpapakita kung gaano sila namumuhi sa Kanya. Kaya, masigasig silang gumawa para itatwa na isinugo ng Diyos ang Panginoong Jesus, at na Siya ang Anak ng Diyos, at na Siya ang Mesiyas. Ang ibig nilang sabihin ay, “Gagawin ba ng diyos ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan? Kung nagkatawang-tao ang diyos, ipinanganak sana siya sa isang pamilyang may makapangyarihang katayuan. At kakailanganin niyang tanggapin ang pagtuturo ng mga eskriba at Pariseo. Kailangan niyang sistematikong pag-aralan ang mga Kasulatan, magkaroon ng pagkaarok sa kaalaman sa kasulatan, at masangkapan ng lahat ng kaalaman sa Kasulatan bago niya makuha ang pangalang ‘nagkatawang-taong diyos.’” Pero hindi nasangkapan ang Panginoong Jesus ng ganitong kaalaman, kaya kinondena nila ang Panginoong Jesus, nagsasabing, “Unang-una, hindi ka kalipikado, kaya hindi puwedeng ikaw ang diyos; ikalawa, kung wala ka ng kaalamang ito sa kasulatan, hindi mo magagawa ang gawain ng diyos, lalo na ang maging diyos ka; ikatlo, hindi ka dapat gumawa sa labas ng templo—hindi ka ngayon gumagawa sa loob ng templo, kundi kasama mo palagi ang mga makasalanan, kaya ang gawaing ginagawa mo ay lagpas na sa saklaw ng Kasulatan, kaya lalong hindi posibleng ikaw ang diyos.” Saan galing ang batayan nila ng pagkondena? Mula sa Kasulatan, mula sa isip ng tao, at mula sa teolohikal na edukasyong natanggap nila. Dahil punong-puno ng mga kuru-kuro, imahinasyon, at kaalaman ang mga Pariseo, naniwala silang tama ang kaalamang ito, na ito ang katotohanan, na makatwiran itong batayan, at hindi kailanman masasalungat ng Diyos ang mga ito. Hinanap ba nila ang katotohanan? Hindi. Ano ang hinanap nila? Ang isang kahima-himalang diyos na nagpakita sa anyo ng isang espirituwal na katawan. Kaya, tinukoy nila ang mga hangganan ng gawain ng Diyos, itinatwa ang Kanyang gawain, at hinusgahan kung tama ba o mali ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro, imahinasyon, at kaalaman ng tao. At ano ang naging pangwakas na resulta nito? Hindi lamang nila kinondena ang gawain ng Diyos, ipinako pa nila sa krus ang nagkatawang-taong Diyos.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Lihim na Mapanira, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi)
Maraming tao ang sumusuporta sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos araw-araw, hanggang sa puntong maingat nilang isinasaulo ang lahat ng klasikong sipi roon bilang kanilang pinakaiingatang pag-aari, at bukod pa riyan ay ipinangangaral nila ang mga salita ng Diyos kahit saan, tinutustusan at tinutulungan ang iba sa mga salita ng Diyos. Iniisip nila na ang paggawa nito ay pagpapatotoo sa Diyos, pagpapatotoo sa Kanyang mga salita, na ang paggawa nito ay pagsunod sa daan ng Diyos; iniisip nila na ang paggawa nito ay pamumuhay ayon sa mga salita ng Diyos, na ang paggawa nito ay pagdadala ng Kanyang mga salita sa kanilang tunay na pamumuhay, na ang paggawa nito ay magbibigay-daan para purihin sila ng Diyos, at maligtas at magawang perpekto. Ngunit, kahit ipinangangaral nila ang mga salita ng Diyos, hindi nila kailanman sinusunod ang mga salita ng Diyos sa kanilang pagsasagawa, o sinusubukang ihambing ang kanilang sarili sa inihahayag sa mga salita ng Diyos. Sa halip, ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para matamo ang paghanga at tiwala ng iba sa pamamagitan ng pandaraya, para pasuking mag-isa ang pamamahala, at lustayin at nakawin ang kaluwalhatian ng Diyos. Umaasa sila, nang walang saysay, na samantalahin ang pagkakataong ibinibigay sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos para magantimpalaan ng paggawa ng Diyos at ng Kanyang papuri. Ilang taon na ang lumipas, ngunit hindi lamang walang kakayahang maani ng mga taong ito ang papuri ng Diyos sa proseso ng pangangaral ng mga salita ng Diyos, at hindi lamang sila walang kakayahang tuklasin ang daan na dapat nilang sundan sa proseso ng pagpapatotoo sa mga salita ng Diyos, at hindi lamang nila hindi tinulungan o tinustusan ang kanilang sarili sa proseso ng pagtulong at pagtustos sa iba sa mga salita ng Diyos, at hindi lamang sila walang kakayahang kilalanin ang Diyos, o pukawin ang kanilang sarili sa tunay na pagkatakot sa Diyos, sa proseso ng paggawa ng lahat ng bagay na ito; kundi, bagkus, lalong lumalalim ang kanilang mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, lalo pang lumalala ang kawalan nila ng tiwala sa Kanya, at lalong lumalabis ang kanilang mga imahinasyon tungkol sa Kanya. Dahil tinutustusan at ginagabayan ng kanilang mga teorya tungkol sa mga salita ng Diyos, mukha silang masiglang-masigla, na para bang ginagamit nila ang kanilang angking mga galing nang walang kahirap-hirap, na para bang natagpuan na nila ang kanilang layunin sa buhay, kanilang misyon, at para bang nagkaroon na sila ng bagong buhay at naligtas, na para bang, sa mga salita ng Diyos na malutong na binibigkas ng kanilang dila, natamo na nila ang katotohanan, naintindihan ang mga layon ng Diyos, at natuklasan ang landas tungo sa pagkilala sa Diyos, na para bang, sa proseso ng pangangaral ng mga salita ng Diyos, madalas nilang makaharap ang Diyos. Gayundin, madalas silang “nauudyukan” na manaka-nakang umiyak, at, madalas na inaakay ng “Diyos” sa mga salita ng Diyos, mukha silang walang-tigil sa pag-intindi sa Kanyang maalab na pagmamalasakit at mabuting layon, at kasabay noon ay naintindihan nila ang pagliligtas ng Diyos sa tao at ang Kanyang pamamahala, nalaman ang Kanyang diwa, at naunawaan ang Kanyang matuwid na disposisyon. Batay sa pundasyong ito, tila lalo pang tumibay ang kanilang paniniwala na mayroong Diyos, mas napapansin nila ang Kanyang dakilang kalagayan, at nadarama nang mas matindi ang Kanyang karingalan at kadakilaan. Babad sa mababaw na kaalaman tungkol sa mga salita ng Diyos, magmumukhang lumago na ang kanilang pananampalataya, lumakas ang determinasyon nilang magtiis ng pagdurusa, at lumalim ang kaalaman nila tungkol sa Diyos. Hindi nila alam na, hangga’t hindi nila nararanasan talaga ang mga salita ng Diyos, lahat ng kaalaman nila tungkol sa Diyos at ang kanilang mga ideya tungkol sa Kanya ay nanggagaling sa sarili nilang mga minimithing imahinasyon at haka-haka. Hindi tatagal ang kanilang pananampalataya sa ilalim ng anumang klaseng pagsubok ng Diyos, ang kanilang tinatawag na espirituwalidad at tayog ay hindi talaga tatagal sa ilalim ng pagsubok o pagsusuri ng Diyos, ang kanilang matibay na pasiya ay isang kastilyong buhangin lamang, at ang tinatawag nilang kaalaman tungkol sa Diyos ay kathang-isip lamang nila. Sa katunayan, ang mga taong ito na nagsisikap nang husto, kahit paano, sa mga salita ng Diyos, ay hindi pa natanto kailanman kung ano ang tunay na pananampalataya, ano ang tunay na pagpapasakop, ano ang tunay na pagmamalasakit, o ano ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Kinukuha nila ang teorya, imahinasyon, kaalaman, kaloob, tradisyon, pamahiin, at maging ang mga kagandahang-asal ng sangkatauhan, at ginagawang “puhunan” at “mga sandata” ang mga ito sa paniniwala sa Diyos at pagsunod sa Kanya, ginagawa pa ngang pundasyon ang mga ito ng kanilang paniniwala sa Diyos at pagsunod sa Kanya. Kasabay nito, kinukuha rin nila ang puhunan at mga sandatang ito at ginagawang mga anting-anting para kilalanin ang Diyos, harapin at pakitunguhan ang mga pagsusuri, pagsubok, pagkastigo, at paghatol ng Diyos. Sa huli, ang natamo pa rin nila ay walang iba kundi mga palagay tungkol sa Diyos na puno ng relihiyosong pakahulugan, makalumang pamahiin, at lahat ng romantiko, katawa-tawa, at misteryoso. Ang kanilang paraan ng pagkilala at paglalarawan sa Diyos ay katulad ng sa mga taong naniniwala lamang sa Langit sa Itaas o sa Matandang Tao sa Langit, samantalang ang pagiging praktikal ng Diyos, ang Kanyang diwa, Kanyang disposisyon, Kanyang mga pag-aari at katauhan, at iba pa—lahat ng may kaugnayan sa totoong Diyos Mismo—ay mga bagay na hindi naintindihan ng kanilang kaalaman, na lubhang hiwalay sa kanilang kaalaman, at magkasinglayo pa na tulad ng hilaga at timog. Sa ganitong paraan, bagama’t ang mga taong ito ay nasa ilalim ng panustos at pangangalaga ng mga salita ng Diyos, sila magkagayunman ay hindi tunay na nakatahak sa landas ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Ang totoong dahilan nito ay na hindi talaga nila nakilala ang Diyos kailanman, ni hindi sila nagkaroon ng tunay na pakikipag-ugnayan o pakikipagniig sa Kanya kailanman, kaya nga imposible silang magkaunawaan ng Diyos, o mapukaw sa kanila ang tunay na paniniwala, pagsunod, o pagsamba sa Diyos. Na dapat nilang isaalang-alang ang mga salita ng Diyos nang gayon, na dapat nilang isaalang-alang ang Diyos nang gayon—ang pananaw at saloobing ito ang naging dahilan kaya bumalik sila na walang napala sa kanilang mga pagsisikap, kaya hindi nila nagawa kailanman na tumahak sa landas ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan sa buong kawalang-hanggan. Ang layuning kanilang inaasam, at ang direksyong kanilang tinutungo, ay nagpapahiwatig na sila ay mga kaaway ng Diyos hanggang sa kawalang-hanggan, at na hindi sila kailanman tatanggap ng kaligtasan hanggang sa kawalang-hanggan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita