2. Pinatototohanan mo na ang Panginoong Jesus ay bumalik, na Siya ay ang Makapangyarihang Diyos na nagkatawang-tao, na nagpapahayag ng lahat ng katotohanan na kayang linisin at iligtas ang sangkatauhan, at ginagawa Niya ang gawain ng paghatol na nagsisimula sa sambahayan ng Diyos. Kaya paano natin makikilala ang tinig ng Diyos, at paano natin masisiguro na ang Makapangyarihang Diyos ay ang pagbabalik ng Panginoong Jesus?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Sinabi sa kanya ni Jesus, Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay: sinuman ay ’di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan Ko” (Juan 14:6).
“Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo kakayanin. Gayon man ay kapag Siya, ang Espiritu ng katotohanan, ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan: sapagkat hindi Siya magsasalita ng mula sa Kanyang sarili; kundi ang anomang bagay na Kanyang marinig, ang mga ito ang Kanyang sasalitain: at Kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating” (Juan 16:12–13).
“Ang salita ng Dios ay buhay, at mabisa, at matalas kay sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso” (Mga Hebreo 4:12).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng pagpapahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, dadalhin Niya ang gawaing layon Niyang gawin, at dahil ang Diyos ay naging tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at magagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban ito ng buhay, at ituro ang daan para rito. Ang katawang-tao na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung layon ng tao na magsiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan niyang patunayan ito mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, para patunayan kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan makilala ang kaibhan batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang susi ay nasa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga pagbigkas, Kanyang disposisyon, at maraming iba pang aspekto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung ang sinusuri lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at dahil dito ay hindi pinapansin ang Kanyang diwa, ipinapakita nito na ang tao ay mangmang at ignorante.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
Ang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao ay nagbubukas ng isang bagong kapanahunan, ginagabayan ang buong sangkatauhan, nagbubunyag ng mga misteryo, at ipinapakita sa tao ang direksyong dapat niyang sundan sa bagong kapanahunan. Ang kaliwanagang natamo ng tao ay ilang simpleng pagsasagawa o kaalaman lamang. Hindi nito magagabayan ang buong sangkatauhan sa isang bagong kapanahunan o maibubunyag ang mga misteryo ng Diyos Mismo. Pagkatapos ng lahat, ang Diyos ay Diyos, at ang tao ay tao. Ang Diyos ay may diwa ng Diyos, at ang tao ay may diwa ng tao. Kung ituturing ng tao ang mga salitang sinambit ng Diyos bilang simpleng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at ituturing ang mga salita ng mga apostol at propeta bilang mga salitang personal na sinambit ng Diyos, pagkakamali iyan ng tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
Ang katotohanan ang pinakapraktikal na salawikain sa buhay, at ang pinakamataas na salawikain sa buhay para sa sangkatauhan. Sapagkat ito ang kinakailangan ng Diyos sa tao, at ang gawaing personal na ginagampanan ng Diyos, kaya’t tinatawag itong isang “salawikain sa buhay.” Hindi ito isang salawikaing ibinuod mula sa kung anong bagay, o hindi rin ito isang tanyag na panipi mula sa isang dakilang tao. Sa halip, ito ang pagbigkas sa sangkatauhan mula sa May Kataas-taasang Kapangyarihan ng kalangitan at ng lupa at ng lahat ng bagay; hindi ito ilang salita na nilagom ng tao, kundi ang likas na buhay ng Diyos. Kaya nga ito ay tinatawag na “ang pinakamataas na salawikain sa buhay.”
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang mga Nakakikilala sa Diyos at Nakaaalam sa Kanyang Gawain ang Makapagbibigay-lugod sa Diyos
Mababaw man o malalim ang mga salitang sinasambit ng Diyos sa panlabas, lahat ng iyon ay mga katotohanang kailangang-kailangan sa buhay pagpasok ng tao; ang mga iyon ang pinagmumulan ng mga buhay na tubig na nagbibigay sa tao ng kakayahang mabuhay kapwa sa espiritu at laman. Ibinibigay ng mga ito ang kailangan ng tao para manatiling buhay; ang mga prinsipyo at kredo para sa kanyang sariling asal sa kanyang pang-araw-araw na buhay; ang landas na kailangan niyang tahakin sa kaligtasan, pati na rin ang mga layon at direksyon para sa pagtatamo ng kaligtasan; bawat katotohanan na dapat niyang taglayin bilang isang nilikha sa harapan ng Diyos; at bawat katotohanan tungkol sa kung paanong ang tao ay nagpapasakop at sumasamba sa Diyos. Ang mga ito ang garantiya na tumitiyak ng pananatiling buhay ng tao, ang mga ito ang pang-araw-araw na tinapay ng tao, at ang mga iyon din ang matibay na suportang nagbibigay ng kakayahan sa tao na maging malakas at manindigan. Sagana ang mga iyon sa katotohanang realidad na ginagamit ng nilikhang sangkatauhan para isabuhay ang normal na pagkatao, sagana sa katotohanang nagpapalaya sa sangkatauhan mula sa katiwalian at sa mga patibong ni Satanas, sagana sa taimtim at mapagtimping pagtuturo, panghihikayat, pagpapalakas-loob, at pag-aliw na ibinibigay ng Lumikha sa nilikhang sangkatauhan. Ang mga iyon ang mga parolang gumagabay at nagbibigay ng liwanag sa mga tao para maunawaan ang lahat ng positibo, ang garantiya na tumitiyak na isasabuhay at tataglayin ng mga tao ang lahat ng makatarungan, maganda, at mabuti, ang mga iyon ang pamantayan kung saan lahat ng tao, pangyayari, at bagay ay sinusukat, at ang pananda rin sa nabigasyon na gumigiya sa mga tao tungo sa kaligtasan at sa landas ng liwanag.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita
Ang pagkilala sa Diyos ay dapat gawin sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at pagsasagawa at pagdanas ng mga salita ng Diyos, gayundin ng pagdanas ng maraming pagsubok, pagpipino, at pagpupungos; saka lamang posibleng magkaroon ng tunay na kaalaman tungkol sa gawain at disposisyon ng Diyos. Sinasabi ng ilan: “Hindi ko pa nakikita ang Diyos na nagkatawang-tao, kaya paano ko dapat makikilala ang Diyos?” Sa katunayan, ang mga salita ng Diyos ay isang pagpapahayag ng Kanyang disposisyon. Mula sa mga salita ng Diyos, makikita mo ang Kanyang pagmamahal at pagliligtas para sa mga tao, gayundin ang Kanyang pamamaraan ng pagliligtas sa kanila…. Ito ay dahil ang Kanyang mga salita ay ipinahayag ng Diyos Mismo, hindi isinulat ng mga tao. Personal na ipinahayag ng Diyos ang mga ito; ipinapahayag ng Diyos Mismo ang sarili Niyang mga salita at ang tinig ng Kanyang puso, na maaari ding tawaging mga salita mula sa Kanyang puso. Bakit tinatawag ang mga ito na mga salitang mula sa Kanyang puso? Dahil ang mga ito ay nagmumula sa kaibuturan, at nagpapahayag ng Kanyang disposisyon, Kanyang mga layunin, Kanyang mga ideya at iniisip, Kanyang pagmamahal sa sangkatauhan, Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan, at Kanyang mga inaasahan sa sangkatauhan…. Kasama sa mga pahayag ng Diyos ang masasakit na salita, at banayad at may konsiderasyong mga salita, gayundin ang ilang salitang nagbubunyag na hindi isinasaalang-alang ang mga nararamdaman ng mga tao. Kung tinitingnan mo lamang ang mga salitang nagbubunyag, maaari mong madama na medyo mabagsik ang Diyos. Kung tinitingnan mo lamang ang mga banayad na salita, maaari mong madama na hindi gaanong maawtoridad ang Diyos. Samakatuwid ay hindi mo dapat unawain ang mga ito nang wala sa konteksto; sa halip, tingnan mo ang mga ito mula sa bawat anggulo. Kung minsan ay nagsasalita ang Diyos mula sa isang mahabaging pananaw, at pagkatapos ay nakikita ng mga tao ang Kanyang pagmamahal para sa sangkatauhan; kung minsan ay nagsasalita Siya mula sa napaka-istriktong pananaw, at pagkatapos ay nakikita ng mga tao na ang Kanyang disposisyon ay hindi nalalabag, na ang tao ay nakalulungkot ang karumihan, at hindi karapat-dapat na tumingin sa mukha ng Diyos o lumapit sa Kanya, at na dahil lamang sa Kanyang biyaya kaya tinutulutan sila ngayon na lumapit sa Kanya. Makikita ang karunungan ng Diyos sa paraan ng Kanyang paggawa at sa kabuluhan ng Kanyang gawain. Nakikita pa rin ng mga tao ang mga bagay na ito sa mga salita ng Diyos, kahit walang anumang tuwirang pakikipag-ugnayan sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Sa pagkakataong ito, pumaparito ang Diyos upang gumawa ng gawain hindi sa espirituwal na katawan, kundi sa isang napaka-ordinaryong katawan. Bukod dito, ito ang katawan ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, at ito rin ang katawan kung saan bumabalik ang Diyos sa katawang-tao. Isa itong napaka-ordinaryong katawang-tao. Kung titingnan Siya, wala kang makikitang anumang nagpapabukod-tangi sa Kanya sa iba, ngunit maaari kang magkamit mula sa Kanya ng mga katotohanang hindi pa narinig dati. Itong hamak na katawang-taong ito lang ang pagsasakatawan ng lahat ng salita ng Diyos ng katotohanan, ang tagapagdala ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, at ang pagpapahayag kung saan nauunawaan ng tao ang buong disposisyon ng Diyos. Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na maunawaan ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang hantungan ng sangkatauhan? Sasabihin Niya sa iyo ang lahat ng lihim na ito—mga lihim na wala pang taong nakapagsabi sa iyo, at sasabihin din Niya sa iyo ang mga katotohanang hindi mo nauunawaan. Siya ang pasukan mo patungo sa kaharian, at ang gabay mo patungo sa bagong kapanahunan. Ang ordinaryong katawang-tao ito ay nagtataglay ng maraming hiwagang di-maarok ng tao. Hindi mo maarok ang Kanyang mga gawa, ngunit ang buong layon ng gawaing ginagawa Niya ay sapat upang bigyan ka ng kakayahan na makitang hindi Siya isang simpleng katawang-tao na gaya ng inaakala ng mga tao, sapagkat kinakatawan Niya ang mga layunin ng Diyos sa mga huling araw, at ang pagmamalasakit ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw. Bagama’t hindi mo naririnig ang Kanyang mga salitang tila yumayanig sa kalangitan at lupa, bagama’t hindi mo makita ang Kanyang mga matang tulad ng lumalagablab na apoy, at bagama’t hindi mo natatanggap ang pagdidisiplina ng Kanyang bakal na pamalo, gayumpaman, maririnig mo mula sa Kanyang mga salita na nagiging puno ng poot ang Diyos at mababatid na nagpapakita ang Diyos ng awa sa sangkatauhan, at makikita ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang karunungan Niya, at higit pa rito, mapapahalagahan ang malasakit ng Diyos sa buong sangkatauhan. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang pahintulutan ang tao na makita sa lupa ang Diyos na nasa langit na namumuhay kasama ng mga tao, at bigyang-kakayahan ang tao na kumilala, magpasakop, matakot, at magmahal sa Diyos. Ito ang dahilan kung bakit bumalik Siya sa katawang-tao sa pangalawang pagkakataon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alam Mo Ba? Gumawa ang Diyos ng Dakilang Bagay sa Gitna ng mga Tao
Kapag dumarating ang Diyos sa lupa para gawin ang Kanyang gawain, ang nakikita lamang ng tao ay mga pangyayaring di-pangkaraniwan. Ang namamasdan ng kanilang mga mata at naririnig ng kanilang mga tainga ay puro di-pangkaraniwan, dahil ang Kanyang gawain at Kanyang mga salita ay hindi nila kayang unawain at matamo. Kung may bagay sa langit na dinala sa lupa, paano ito magiging ano pa man kundi higit sa karaniwan? Kapag dinala sa lupa ang mga hiwaga ng kaharian ng langit, ang mga hiwagang hindi maunawaan at hindi maarok ng tao, na masyadong nakakamangha at matalino—hindi ba ang lahat ng ito ay higit sa karaniwan? … Isipin mo ang gawaing ginawa ng nagkatawang-taong Diyos sa kasalukuyang panahon: Anong aspeto nito ang hindi di-pangkaraniwan? Ang Kanyang mga salita ay hindi mo mauunawaan at hindi mo matatamo, at ang Kanyang gawain ay hindi makakayang gawin ng sinumang tao. Ang nauunawaan Niya ay hindi maaaring maunawaan ng tao, at hindi rin nalalaman ng tao kung saan nagmumula ang Kanyang kaalaman. Sinasabi ng ilan, “Normal din akong kagaya Mo, ngunit paanong hindi ko nalalaman ang nalalaman Mo? Ako ay mas matanda at mas mayaman sa karanasan, ngunit paanong nalalaman Mo yaong hindi ko nalalaman?” Ang lahat ng ito ay hindi magagawang matamo ng tao. Nandiyan pa yaong mga nagsasabi, “Walang sinuman ang nakaaalam sa gawain na ipinatupad sa Israel, at maging ang mga nagpapaliwanag ng Bibliya ay hindi makapagbigay ng paliwanag; paano Mo nalaman?” Hindi ba ang lahat ng ito ay mga bagay na di-pangkaraniwan? Wala Siyang karanasan sa mga kababalaghan, ngunit alam Niya ang lahat; nagsasalita at nagpapahayag Siya ng katotohanan nang napakadali. Hindi ba ito di-pangkaraniwan? Nilalampasan ng Kanyang gawain yaong maaaring matamo ng katawang-tao. Hindi ito maaaring makamit ng pag-iisip ng sinumang tao na may katawang gawa sa laman at ito ay lubos na di-maaarok ng isip at katwiran ng tao. Bagama’t hindi pa Niya kailanman binasa ang Bibliya, nauunawaan Niya ang gawain ng Diyos sa Israel. At bagama’t Siya ay nakatayo sa lupa habang Siya ay nagsasalita, nagsasalita Siya tungkol sa mga misteryo ng ikatlong langit. Kapag binabasa ng tao ang mga salitang ito, isang damdamin ang dumadaig sa kanya: “Hindi ba ito ang wika ng ikatlong langit?” Hindi ba ang lahat ng ito ay mga bagay na lumalampas sa kayang matamo ng isang normal na tao?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (1)
Napakaraming elemento ng karanasan ng tao sa kanyang gawain; kung ano ang ipinapahayag ng tao ay kung ano siya. Ang sariling gawain ng Diyos ay nagpapahayag din kung ano Siya, ngunit ang Kanyang katauhan ay naiiba sa tao. Ang katauhan ng tao ay kumakatawan sa karanasan at buhay ng tao (kung ano ang nararanasan o kinakaharap ng tao sa kanyang buhay, o ang kanyang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo), at ang mga taong namumuhay sa iba’t ibang sitwasyon ay nagpapahayag ng iba’t ibang pagkatao. May mga karanasan ka man sa lipunan at paano ka man tunay na namumuhay sa iyong pamilya at nakakaranas sa loob niyon ay makikita sa iyong ipinapahayag, samantalang hindi mo makikita sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao kung Siya ay may mga karanasan sa pakikisama. Alam na alam Niya ang pinakadiwa ng tao at mailalantad ang lahat ng klase ng mga pagsasagawa na may kinalaman sa lahat ng klase ng mga tao. Mas mahusay pa nga Siya sa paglalantad sa mga tiwaling disposisyon at masuwaying pag-uugali ng mga tao. Hindi Siya namumuhay sa piling ng mga taong makamundo, ngunit alam Niya ang likas na pagkatao ng mga mortal at lahat ng katiwalian ng mga taong makamundo. Ito ang Kanyang pagiging Diyos. Bagama’t hindi Siya nakikitungo sa mundo, alam Niya ang mga regulasyon ng pakikitungo sa mundo, dahil lubos Niyang nauunawaan ang likas na pagkatao ng tao. Alam Niya ang tungkol sa gawain ng Espiritu na hindi nakikita ng mga mata ng tao at hindi naririnig ng mga tainga ng tao, kapwa ngayon at noong araw. Kasama rito ang karunungan na hindi isang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo at mga himalang mahirap maarok ng mga tao. Ito ang Kanyang pagiging Diyos, bukas sa mga tao at tago rin sa mga tao. Ang Kanyang ipinapahayag ay hindi ang katauhan ng isang di-pangkaraniwang tao, kundi ang likas na mga katangian at pagkakakilanlan ng Espiritu. Hindi Siya naglalakbay sa mundo ngunit alam Niya ang lahat tungkol dito. Nakikipag-ugnayan Siya sa mga “taong-unggoy” na walang kaalaman o kabatiran, ngunit nagpapahayag Siya ng mga salitang mas mataas sa kaalaman at nakahihigit sa mga salita ng mga dakilang tao. Namumuhay Siya sa gitna ng isang grupo ng mga taong mabagal umunawa at manhid na hindi makatao at hindi nauunawaan ang mga kalakaran at buhay ng pagiging tao, ngunit maaari Niyang hingin sa sangkatauhan na isabuhay ang normal na pagkatao, habang inilalantad ang hamak at mababang pagkatao ng sangkatauhan. Lahat ng ito ay ang Kanyang pagiging Diyos, mas mataas kaysa katauhan ng kahit sinong tao na may laman at dugo. Para sa Kanya, hindi kailangang magdanas ng isang komplikado, masalimuot, at nakaririmarim na pakikisama sa lipunan upang gawin ang gawaing kailangan Niyang gawin at lubusang ilantad ang pinakadiwa ng tiwaling sangkatauhan. Ang nakaririmarim na pakikisama sa lipunan ay hindi nagpapatibay sa Kanyang katawang-tao. Ang Kanyang gawain at mga salita ay naglalantad lamang ng paghihimagsik ng tao at hindi nagkakaloob sa tao ng karanasan at mga aral sa pakikitungo sa mundo. Hindi Niya kailangang suriin ang lipunan o ang pamilya ng tao kapag tinutustusan Niya ng buhay ang tao. Ang paglalantad at paghatol sa tao ay hindi isang pagpapahayag ng mga karanasan ng Kanyang katawang-tao; ito ay Kanyang paglalantad ng pagiging hindi matuwid ng tao pagkatapos malaman ang paghihimagsik ng tao sa loob ng mahabang panahon at kamuhian ang katiwalian ng sangkatauhan. Ang gawaing Kanyang ginagawa ay lahat para sa paghahayag ng Kanyang disposisyon sa tao at para ipahayag ang Kanyang pagiging Diyos. Siya lamang ang makakagawa ng gawaing ito; hindi ito isang bagay na maaaring isagawa ng isang taong may laman at dugo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao
Minsan na Akong tinawag na Jehova, minsan din Akong nakilala ng mga tao bilang ang Mesiyas, at minsan na Akong tinawag ng mga tao na Jesus na Tagapagligtas nang may pagmamahal at paggalang. Ngayon ay hindi na Ako ang Jehova o Jesus na nakilala ng mga tao noong araw. Sa halip, Ako ang Diyos na nagbalik na sa mga huling araw, ang Diyos na magwawakas sa kapanahunan. Ako ang Diyos Mismo na bumabangon mula sa dulo ng daigdig, puspos ng Aking buong disposisyon, at puno ng awtoridad, karangalan, at kaluwalhatian. Hindi nakipag-ugnayan sa Akin ang mga tao kailanman, hindi nila Ako nakilala kailanman, at noon pa man ay palagi silang walang alam tungkol sa Aking disposisyon. Mula sa paglikha ng mundo hanggang ngayon, wala ni isa mang tao na nakakita sa Akin. Ito ang Diyos na nagpapakita sa mga tao sa mga huling araw ngunit nakatago sa gitna nila. Nananahan Siya sa piling ng mga tao, tunay at totoo, tulad ng nagliliyab na araw at naglalagablab na apoy, puno ng kapangyarihan at nag-uumapaw sa awtoridad. Wala ni isa mang tao o bagay na hindi hahatulan ng Aking mga salita, at wala ni isa mang tao o bagay na hindi gagawing dalisay sa pamamagitan ng pagsunog sa apoy. Sa huli, pagpapalain ang napakaraming bansa dahil sa Aking mga salita, at dudurugin din nang pira-piraso dahil sa Aking mga salita. Sa ganitong paraan, makikita ng lahat ng tao sa mga huling araw na Ako ang Tagapagligtas na nagbalik, at na Ako ang Makapangyarihang Diyos, na lumulupig sa buong sangkatauhan. At makikita ng lahat na Ako ay minsang naging handog para sa kasalanan ng tao, ngunit sa mga huling araw ay Ako ang naging mga apoy ng naglalagablab na araw na sumusunog sa lahat ng bagay, gayundin ang Araw ng katuwiran na nagbubunyag sa lahat ng bagay. Ito ang Aking gawain sa mga huling araw. Ginamit Ko ang pangalang ito at dala Ko ang disposisyong ito upang makita ng lahat ng tao na Ako ang matuwid na Diyos, ang nagliliyab na araw, ang naglalagablab na apoy, at upang lahat ay sambahin Ako, ang iisang tunay na Diyos, at upang makita nila ang Aking tunay na mukha: Ako ay hindi lamang ang Diyos ng mga Israelita, at hindi lamang Ako ang Manunubos, sa halip, Ako ang Diyos ng lahat ng nilalang sa buong kalangitan at sa lupa at sa karagatan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Nakabalik Na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”
Patuloy ang Diyos sa Kanyang mga pagbigkas, gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan at ng maraming perspektiba upang pagsabihan tayo kung ano ang dapat nating gawin, habang kasabay nito, ipinapahayag ang tinig ng nilalaman ng Kanyang puso. Ang Kanyang mga salita ay nagdadala ng kapangyarihan ng buhay, binibigyan tayo ng mga ito ng daang dapat nating tahakin, at nagbibigay-kakayahan sa atin na maarok kung ano ba mismo ang katotohanan. Nagsisimula tayong maakit sa Kanyang mga salita, nagsisimula tayong magbigay-pansin sa tono at paraan ng Kanyang pagsasalita, at hindi namamalayan, sinisimulan nating pansinin ang tinig ng puso ng hindi kapansin-pansing taong ito. Ibinubuhos Niya ang Kanyang puso at kaluluwa para sa atin, hindi makatulog at hindi makakain alang-alang sa atin, umiiyak para sa atin, bumubuntong hininga para sa atin, at dumaraing sa sakit para sa atin; nagtitiis Siya ng kahihiyan para sa kapakanan ng ating hantungan at kaligtasan; at lumuluha at nagdurugo ang Kanyang puso dahil sa ating pagkamanhid at paghihimagsik. Walang ordinaryong tao ang may pagiging ganito at mga ganitong pag-aari, at walang tiwaling tao ang maaaring magkaroon o magkamit ng mga ito. Siya ay may pagpaparaya at pagtitiis na hindi taglay ng ordinaryong tao, at ang Kanyang pagmamahal ay hindi isang bagay na mayroon ang sinumang nilikha. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakaalam sa lahat ng ating iniisip, o makakakilala nang lubos sa ating kalikasan at diwa, o makakahatol sa paghihimagsik at katiwalian ng sangkatauhan, o makakakausap sa atin at makakagawa sa atin nang gaya nito nang kumakatawan sa Diyos sa langit. Walang sinuman maliban sa Kanya ang nagtataglay ng awtoridad, karunungan, at dignidad ng Diyos; ang disposisyon ng Diyos at mga pag-aari ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos ay lumalabas nang buong-buo sa Kanya. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagpapakita sa atin ng daan at makapaghahatid sa atin ng liwanag. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagsisiwalat ng mga hiwagang hindi pa naipaalam ng Diyos mula noong paglikha hanggang ngayon. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagliligtas sa atin mula sa panggagapos ni Satanas at sa ating sariling mga tiwaling disposisyon. Kinakatawan Niya ang Diyos; Ipinapahayag Niya ang boses ng puso ng Diyos, ang mga panghihikayat ng Diyos, at ang mga salita ng paghatol ng Diyos sa buong sangkatauhan. Nagbukas na Siya ng isang bagong kapanahunan, ng isang bagong panahon, at nagpasimula ng isang bagong langit at lupa at bagong gawain, naghatid Siya sa atin ng pag-asa, at winakasan Niya ang ating pamumuhay sa isang malabong kalagayan, at binigyang-kakayahan Niya ang ating buong pagkatao na ganap na mamasdan ang landas tungo sa kaligtasan. Nalupig na Niya ang ating buong pagkatao at nakamit ang ating puso. Mula noong sandaling iyon, nagkamit ng kamalayan ang ating puso, at tila muling nabuhay ang ating espiritu: Ang ordinaryo at hindi kapansin-pansin na taong ito, ang taong ito na namumuhay kasama natin at tinatanggihan natin sa loob ng napakahabang panahon—hindi ba’t Siya ang Panginoong Jesus, na lagi nang nasa ating isipan, sa paggising man o sa panaginip, at ating inaasam-asam gabi’t araw? Siya nga! Siya talaga! Siya ang ating Diyos! Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 4: Mamasdan ang Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo