Aling mga tao ang maaaring magkamit ng gawain ng Banal na Espiritu at alin ang hindi

Enero 26, 2022

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang gawain ng Banal na Espiritu ay laging sumusulong, at ang lahat ng nasa agos ng Banal na Espiritu ay nararapat ding sumusulong palalim at nagbabago baitang-baitang. Hindi sila dapat tumigil sa isang yugto. Ang mga hindi lamang nakakaalam sa gawain ng Banal na Espiritu ang mananatili sa kalagitnaan ng Kanyang orihinal na gawain, at hindi tatanggapin ang bagong gawain ng Banal na Espiritu. Tanging ang mga masuwayin ang hindi makakayanang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung ang pagsasagawa ng tao ay hindi sumasabay sa bagong gawain ng Banal na Espiritu, ang pagsasagawa ng tao ay tiyak na napuputol mula sa gawain ngayon at siguradong hindi kaayon ng gawain ngayon. Ang gayong mga taong lipas na sa panahon ay talagang walang kakayahang tuparin ang kalooban ng Diyos, at lalo nang hindi sila maaaring maging mga tao na tatayong patotoo sa Diyos sa huli. Ang buong gawaing pamamahala, higit pa rito, ay hindi matatapos sa kalagitnaan ng ganoong kalipunan ng mga tao. Sapagka’t yaong mga dating kumapit sa kautusan ni Jehova, at yaong mga minsang nagdusa dahil sa krus, kung hindi nila matatanggap ang yugto ng gawain ng mga huling araw, kung gayon ang lahat ng kanilang ginawa ay mawawalan ng saysay, at walang kabuluhan. Ang pinakamalinaw na pagpapahayag ng gawain ng Banal na Espiritu ay nasa pagyakap sa naririto ngayon, hindi pagkapit sa nakaraan. Yaong mga hindi na nakasabay sa gawain ng ngayon, at silang mga napahiwalay na mula sa pagsasagawa ng ngayon, ay yaong mga lumalaban at hindi tumatanggap sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong iyon ay lumalaban sa kasalukuyang gawain ng Diyos. Bagama’t kumakapit sila sa liwanag ng nakaraan, hindi maitatatwa na hindi nila alam ang gawain ng Banal na Espiritu. Bakit mayroong mga usapan tungkol sa mga pagbabago sa pagsasagawa ng tao, sa mga pagkakaiba sa pagsasagawa sa pagitan ng nakalipas at ngayon, kung paanong ang pagsasagawa ay isinakatuparan sa nakaraang kapanahunan, at kung paano ito isinasagawa ngayon? Ang ganoong paghahati-hati sa pagsasagawa ng tao ay laging sinasalita dahil ang gawain ng Banal na Espiritu ay patuloy na sumusulong, at sa gayon, ang pagsasagawa ng tao ay kailangan ding patuloy na magbago. Kung ang tao ay nananatiling nakakapit sa isang yugto, kung gayon ito ay nagpapatunay na wala siyang kakayahan sa pagsabay sa bagong gawain ng Diyos at bagong liwanag; hindi ito nagpapatunay na ang plano sa pamamahala ng Diyos ay hindi na nagbago. Yaong mga nasa labas ng agos ng Banal na Espiritu ay laging nag-iisip na sila ay tama, ngunit sa katunayan, ang gawain ng Diyos sa kanila ay matagal nang tumigil, at ang gawain ng Banal na Espiritu ay wala sa kanila. Ang gawain ng Diyos ay matagal nang inilipat sa isa pang kalipunan ng mga tao, isang kalipunan kung kanino Niya hinahangad na tapusin ang Kanyang bagong gawain. Dahil yaong mga nasa relihiyon ay walang kakayahang tanggapin ang bagong gawain ng Diyos, at kumakapit lamang sa lumang gawain ng nakaraan, kaya’t tinalikuran na Niya ang mga taong ito, at ginagawa ang Kanyang bagong gawain sa mga taong tumatanggap sa bagong gawaing ito. Ang mga ito ay mga tao na nakikipagtulungan sa bago Niyang gawain, at tanging sa paraang ito matutupad ang Kanyang pamamahala. Ang pamamahala ng Diyos ay palaging sumusulong, at ang pagsasagawa ng tao ay palaging umaakyat pataas. Gumagawa lagi ang Diyos, at laging nangangailangan ang tao, sa gayon kapwa nila nararating ang kanilang tugatog at ang Diyos at ang tao ay nakakamit ang ganap na pagsasanib. Ito ang pagpapahayag ng katuparan ng gawain ng Diyos, at ito ang pangwakas na kinalabasan ng buong pamamahala ng Diyos.

Sa bawat yugto ng gawain ng Diyos mayroon ding katumbas na mga kinakailangan sa tao. Lahat niyaong nasa loob ng agos ng Banal na Espiritu ay nagtataglay ng presensiya at disiplina ng Banal na Espiritu, at yaong mga wala sa loob ng agos ng Banal na Espiritu ay nasa ilalim ng pamumuno ni Satanas, at walang anumang gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga tao na nasa agos ng Banal na Espiritu ay yaong mga tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos, at nakikipagtulungan sa bagong gawain ng Diyos. Kung yaong mga nasa loob ng agos na ito ay walang kakayahang makipagtulungan, at walang kakayahang isagawa ang katotohanan na kinakailangan ng Diyos sa panahong ito, kung gayon sila ay didisiplinahin, at ang pinakamalala ay tatalikuran ng Banal na Espiritu. Yaong mga tumatanggap sa bagong gawain ng Banal na Espiritu, ay mamumuhay sa loob ng agos ng Banal na Espiritu, at tatanggapin nila ang pangangalaga at pag-iingat ng Banal na Espiritu. Yaong mga handang isagawa ang katotohanan ay nililiwanagan ng Banal na Espiritu, at yaong mga hindi handa na isagawa ang katotohanan ay dinidisiplina ng Banal na Espiritu, at maaari pang maparusahan. Hindi alintana kung anong uri ng tao sila, basta’t sila ay nasa loob ng agos ng Banal na Espiritu, pananagutan ng Diyos ang lahat ng tumatanggap sa bagong gawain Niya para sa kapakanan ng Kanyang pangalan. Ang mga lumuluwalhati sa Kanyang pangalan at handang isagawa ang mga salita Niya ay makakatanggap ng Kanyang mga pagpapala; ang mga hindi sumusunod sa Kanya at hindi nagsasagawa ng Kanyang mga salita ay makakatanggap ng Kanyang kaparusahan. Ang mga tao na nasa agos ng Banal na Espiritu ay ang mga tumatanggap sa bagong gawain, at yamang natanggap na nila ang bagong gawain, sila ay nararapat na angkop na makipagtulungan sa Diyos, at hindi dapat kumilos na parang mga suwail na hindi ginagampanan ang kanilang tungkulin. Ito ang tanging kinakailangan ng Diyos sa tao. Hindi ganoon para sa mga taong hindi tumatanggap sa bagong gawain: Sila ay nasa labas ng agos ng Banal na Espiritu, at ang disiplina at paninisi ng Banal na Espiritu ay hindi para sa kanila. Buong araw, ang mga taong ito ay namumuhay sa loob ng laman, sila ay namumuhay sa loob ng kanilang mga isipan, at ang lahat ng ginagawa nila ay ayon sa doktrinang bunga ng paghihimay at pananaliksik ng kanilang sariling mga utak. Hindi ito ang hinihingi ng bagong gawain ng Banal na Espiritu, at lalong hindi ito pakikipagtulungan sa Diyos. Yaong mga hindi tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos ay walang presensiya ng Diyos, at, higit sa lahat, salat sa mga pagpapala at pag-iingat ng Diyos. Ang karamihan sa kanilang mga salita at mga pagkilos ay nakaayon sa mga nakalipas na mga kinakailangan ng gawain ng Banal na Espiritu; ang mga ito ay doktrina, hindi katotohanan. Ang gayong doktrina at alituntunin ay sapat na upang patunayan na ang pagtitipon ng mga taong ito ay walang iba kundi relihiyon; hindi sila ang mga hinirang, o ang mga pinag-uukulan ng gawain ng Diyos. Ang pagtitipon nilang lahat na magkakasama ay matatawag lamang na maringal na kongreso ng relihiyon, at hindi matatawag na iglesia. Ito ay isang katunayan na hindi mababago. Wala sa kanila ang bagong gawain ng Banal na Espiritu; ang kanilang ginagawa ay tila samyo-ng-relihiyon, ang kanilang isinasabuhay ay tila sagana sa relihiyon; hindi sila nagtataglay ng presensiya at gawain ng Banal na Espiritu, lalo nang hindi sila karapat-dapat na tumanggap ng disiplina o kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Lahat ng taong ito ay mga walang-buhay na bangkay, at mga uod na walang pagka-espirituwal. Wala silang kaalaman sa pagka-mapanghimagsik at paglaban ng tao, walang kaalaman sa lahat ng masasamang gawa ng tao, lalong wala silang kaalaman sa lahat ng gawain ng Diyos at kasalukuyang kalooban ng Diyos. Lahat sila ay walang alam, mabababang tao, at sila ay mga hamak na hindi nararapat tawaging mananampalataya! Wala sa kanilang mga ginagawa ang may kinalaman sa pamamahala ng Diyos, lalong hindi nito masisira ang mga plano ng Diyos. Ang mga salita at pagkilos nila ay nakasusuklam, nakakaawa, at talagang hindi karapat-dapat banggitin. Wala sa anumang ginawa niyaong mga wala sa agos ng Banal na Espiritu ang may anumang kinalaman sa bagong gawain ng Banal na Espiritu. Dahil dito, kahit na ano ang kanilang gawin, sila ay walang disiplina ng Banal na Espiritu, at, higit sa lahat, walang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Dahil lahat sila ay mga taong walang pag-ibig para sa katotohanan, at sila ay kinamuhian at natanggihan na ng Banal na Espiritu.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Gumagawa ang Diyos sa yaong mga naghahangad at nagpapahalaga sa Kanyang mga salita. Kapag mas pinahahalagahan mo ang mga salita ng Diyos, mas gagawa sa iyo ang Kanyang Espiritu. Kapag mas pinahahalagahan ng isang tao ang mga salita ng Diyos, mas malaki ang pag-asa nilang maperpekto ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos yaong mga tunay na nagmamahal sa Kanya, at pineperpekto Niya yaong mga may puso na payapa sa Kanyang harapan. Ang pahalagahan ang lahat ng gawain ng Diyos, ang pahalagahan ang kaliwanagan ng Diyos, ang pahalagahan ang presensya ng Diyos, ang pahalagahan ang malasakit at pangangalaga ng Diyos, ang pahalagahan kung paano nagiging realidad mo ang mga salita ng Diyos at natutustusan ang iyong buhay—lahat ng ito ay pinakamainam na naaayon sa puso ng Diyos. Kung pinahahalagahan mo ang gawain ng Diyos, ibig sabihin, kung pinahahalagahan mo ang lahat ng gawaing nagawa ng Diyos sa iyo, pagpapalain ka Niya at pararamihin ang lahat ng sa iyo. Kung hindi mo pahahalagahan ang mga salita ng Diyos, hindi Siya gagawa sa iyo, kundi pagkakalooban ka lamang Niya ng katiting na biyaya para sa iyong pananampalataya, o pagpapalain ka ng kaunting kayamanan at ng kaunting kaligtasan ang iyong pamilya. Dapat mong sikaping gawing iyong realidad ang mga salita ng Diyos, at mabigyan Siya ng kasiyahan at maging kaayon ng Kanyang puso; hindi ka lamang dapat magsikap na tamasahin ang Kanyang biyaya. Wala nang iba pang mas mahalaga para sa mga mananampalataya kaysa matanggap ang gawain ng Diyos, maging perpekto, at maging mga taong sumusunod sa kalooban ng Diyos. Ito ang mithiing dapat mong hangarin.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos Yaong mga Kaayon ng Kanyang Puso

Dahil napakarami nang nasabi ng Diyos, dapat mong gawin ang lahat upang kainin at inumin ang Kanyang mga salita, at pagkatapos, hindi mo namamalayan, mauunawaan mo ang mga ito, at hindi mo namamalayan, liliwanagan ka ng Banal na Espiritu. Kapag nililiwanagan ng Banal na Espiritu ang tao, madalas ay lingid ito sa kaalaman ng tao. Nililiwanagan at ginagabayan ka Niya kapag ikaw ay nauuhaw at naghahanap. Ang prinsipyo kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu ay nakasentro sa mga salita ng Diyos na iyong kinakain at iniinom. Lahat ng hindi nagpapahalaga sa mga salita ng Diyos at palaging iba ang saloobin tungkol sa Kanyang mga salita—na naniniwala, sa kanilang magulong pag-iisip, na walang halaga kung binabasa nila ang Kanyang mga salita o hindi—ay yaong mga walang realidad. Hindi makikita ang gawain ng Banal na Espiritu ni ang kaliwanagang hatid Niya sa gayong tao. Ang mga taong katulad nito ay nagpapadala lamang sa agos, mga mapagpanggap na walang totoong mga kakayahan, tulad ni Mr. Nanguo sa talinghaga.[a]

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita

Anong uri ng tao ang nililiwanagan ng Banal na Espiritu? Yaong may mga matalas at listong pag-iisip. Kapag binibigyan sila ng isang pakiramdam o kaliwanagan, nararamdaman nila na gawain ito ng Banal na Espiritu, at ang Diyos ang gumagawa noon. Kung minsan, nalalaman nila agad na sinasaway sila ng Banal na Espiritu kung kaya’t pinipigilan na nila ang kanilang mga sarili. Ito ang mga taong nililiwanagan ng Banal na Espiritu. Kung pabaya ang isang tao at hindi nakauunawa ng mga espirituwal na bagay, hindi nila malalaman kapag binibigyan sila ng isang pakiramdam. Hindi nila pinapansin ang gawain ng Banal na Espiritu, kung kaya’t hindi na sila muling susubukang liwanagan ng Banal na Espiritu. Kapag patuloy silang hindi tumatanggap kahit pagkatapos ng tatlo o apat na pagtatangka, hindi na gagawa sa kanila ang Banal na Espiritu. Bakit ba madilim, malumbay, hungkag, walang kaliwanagan ng Banal na Espiritu ang pakiramdam ng ilang tao sa kanilang kalooban kapag lalo silang napapalayo? Walang anuman sa kanilang kalooban kundi mga bagay na walang buhay, mga doktrinang walang buhay, kaya paano sila posibleng makadarama ng sigla? Hindi gaanong nagtatagal ang mga tao sa pag-asa lamang sa kanilang kasigasigan. Kailangan mong maunawaan ang katotohanan upang magkaroon ng lakas. Samakatuwid, sa iyong pananampalataya sa Diyos, dapat na mayroon kang listong pag-iisip, dapat mong seryosohin ang mga salita ng Diyos, at tumutok sa pagkilala sa iyong sarili. Dapat mong maunawaan ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan, at sa pagkilala at pagdanas; doon mo lamang matatamo ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay lubhang praktikal. May ibang taong may kakayahang maunawaan ang katotohanan ngunit wala silang personal na karanasan sa gawain ng Banal na Espiritu. Sa pagpapatuloy, dapat kayong tumutok sa pinakabanayad na pakiramdam, at sa pinakabahagyang liwanag. Sa tuwing may mangyayari sa iyo, dapat mo iyong obserbahan at tingnan mula sa pananaw ng katotohanan, at sa paggawa nito, unti-unti kang makarating sa tamang landas.

Hinango mula sa “Tingnan ang Lahat ng Bagay sa Pamamagitan ng mga Mata ng Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Kung hindi ibinibigay ng mga tao ang kanilang puso sa Diyos sa kanilang pananalig sa Kanya, at kung ang kanilang puso ay wala sa Kanya at hindi nila tinatrato ang Kanyang pasanin bilang sarili nila, lahat ng kanilang ginagawa ay pandaraya sa Diyos, isang tipikal na kilos ng mga taong relihiyoso, at hindi makatatamo ng papuri ng Diyos. Walang mapapala ang Diyos sa ganitong klaseng tao; ang ganitong klaseng tao ay maaari lamang magsilbing hadlang sa gawain ng Diyos, kagaya ng isang palamuti sa tahanan ng Diyos, isang bagay na kalabisan at walang silbi. Hindi kinakasangkapan ng Diyos ang ganitong klaseng tao. Sa gayong tao, hindi lamang walang pagkakataon para sa gawain ng Banal na Espiritu, wala ring anumang halaga para gawin silang perpekto. Ang ganitong klaseng tao, sa totoo lang, ay isang naglalakad na bangkay. Walang taglay na anuman ang mga taong ganito para maging kasangkapan ng Banal na Espiritu, kundi taliwas dito, silang lahat ay naangkin na at malalim nang nagawang tiwali ni Satanas. Lilipulin ng Diyos ang mga taong ito. Sa kasalukuyan, sa pagkasangkapan sa mga tao, hindi lamang ginagamit ng Banal na Espiritu ang mga bahagi nilang iyon na kanais-nais upang magawa ang mga bagay-bagay, pineperpekto at binabago rin Niya ang mga bahagi nilang hindi kanais-nais. Kung maibubuhos ang puso mo sa Diyos at mananatiling tahimik sa Kanyang harapan, magkakaroon ka ng pagkakataon at mga kwalipikasyong maging kasangkapan ng Banal na Espiritu, upang matanggap ang kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu, at bukod pa riyan, magkakaroon ka ng pagkakataon para makabawi sa Banal na Espiritu sa iyong mga pagkukulang. Kapag ibinigay mo ang puso mo sa Diyos, ang maganda, makakatamo ka ng mas malalim na pagpasok at makakatamo ka ng mas mataas na kabatiran; ang hindi maganda, mas mauunawaan mo ang iyong sariling mga pagkakamali at pagkukulang, magiging mas masigasig kang hangarin na mapalugod ang kalooban ng Diyos, at hindi ka magiging balintiyak, kundi aktibo kang papasok. Sa gayon, magiging isa kang tamang tao. Ipagpalagay nang kaya ng puso mo na manatiling tahimik sa harap ng Diyos, ang susi kung tumatanggap ka ng papuri mula sa Banal na Espiritu o hindi, at kung napapalugod mo ang Diyos o hindi, ay kung aktibo kang makakapasok. Kapag nililiwanagan ng Banal na Espiritu ang isang tao at kinakasangkapan sila, hindi sila nito ginagawang negatibo kailanman kundi lagi silang aktibong pinasusulong. Bagama’t mayroong mga kahinaan ang taong ito, maiiwasan nilang ibatay ang paraan ng kanilang pamumuhay sa mga kahinaang iyon. Maiiwasan nilang maantala ang paglago ng kanilang buhay, at patuloy na hahangaring mapalugod ang kalooban ng Diyos. Ito ay isang pamantayan. Kung matatamo ninyo ito, sapat na patunay ito na nakamit mo na ang presensya ng Banal na Espiritu. Kung palaging negatibo ang isang tao, at kung, matapos man silang tumanggap ng kaliwanagan at makilala ang kanilang sarili, nananatili pa rin silang negatibo at balintiyak at hindi magawang tumayo at kumilos na kasabay ng Diyos, tinatanggap lamang ng ganitong klaseng tao ang biyaya ng Diyos, ngunit hindi sumasakanila ang Banal na Espiritu. Kapag negatibo ang isang tao, ibig sabihin ay hindi pa bumabaling ang kanilang puso sa Diyos at hindi pa naaantig ng Espiritu ng Diyos ang kanilang espiritu. Dapat itong maunawaan ng lahat.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Magtatag ng Isang Normal na Kaugnayan sa Diyos

Ang gawain ng Banal na Espiritu ay may mga prinsipyo, at ito ay may pasubali. Sa anong uri ng tao karaniwang gumagawa ang Banal na Espiritu? Ano ang dapat taglayin ng isang tao upang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu? Sa pananampalataya ng isang tao, dapat malinaw niyang maunawaan na upang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu, dapat siyang magkaroon ng budhi at isang pusong tapat, kahit papaano, at ang kanyang budhi ay dapat may mga sangkap ng katapatan. Sa minsan lamang na magkaroon ka ng pusong tapat—gayundin ng budhi at pangangatuwiran na dapat taglayin ng katauhan mo—ay saka pa lamang makakagawa ang Banal na Espiritu sa iyo. Laging sinasabi ng mga tao na ang Diyos ay tumitingin nang malalim sa puso ng isang tao at pinagmamasdan ang lahat. Gayunpaman, hindi kailanman alam ng mga tao kung bakit ang ilan ay hindi kailanman nakapagkakamit ng kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu, kung bakit hindi nila nakakamtan kailanman ang biyaya, kung bakit hindi sila kailanman nagkakaroon ng kagalakan, kung bakit lagi silang negatibo at nalulumbay, at kung bakit hindi nila kayang maging positibo. Tingnan ang kanilang mga kalagayan. Tiyak na walang isa sa mga taong ito ang may gumaganang budhi o isang pusong tapat. Yaong may kapayapaan at kagalakan, na laging aktibo at pinagbubuti ang pagganap sa kanilang mga tungkulin, na laging may nakakamit na anuman, na laging may pag-unawa, at laging may napapala mula sa kanilang mga pagsisikap pagkatapos ng ilang panahon—ang kanila bang natanggap ay nakamit nila dahil sa kanilang imahinasyon? Natutuhan ba ang mga bagay na iyon mula sa pag-aaral sa mga libro? Paano natatamo ang mga ito? Maaari bang maiwaksi ang gawain ng Banal na Espiritu? (Hindi.) Ang gawain ng Banal na Espiritu ang pangunahing bagay. Kapag nagtataglay ka ng isang pusong tapat, at ng budhi at katwiran na mga kinakailangan ng pagkatao mo, pagmamasdan ka ng Diyos. Naisip mo ba ang isang padron kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu? Ang Banal na Espiritu ay karaniwang kumikilos sa mga taong tapat ang puso, at Siya ay gumagawa kapag ang mga tao ay nahaharap sa mga gulo at hinahangad ang katotohanan. Hindi makikinig ang Diyos sa mga walang bahid ng pantaong katwiran o budhi. Kung napakatapat ng isang tao ngunit, sa loob ng ilang panahon, ang kanyang puso ay napalayo sa Diyos, wala siyang hangaring mapabuti, nahulog siya sa isang negatibong kalagayan at hindi lumabas dito, kapag hindi siya nagdarasal o naghahanap ng katotohanan upang malutas ang kanyang kalagayan, at hindi siya nakikipagtulungan, ang Banal na Espiritu ay hindi gagawa sa kanya sa panahong ito ng paminsan-minsang pagdidilim ng kanyang kalagayan o ng kanyang pansamantalang pagkabulok. Paano, kung gayon, gagawa ang Banal na Espiritu sa isang taong walang kamalayan ng sangkatauhan? Iyan ay mas imposible. Ano, kung gayon, ang dapat gawin ng gayong mga tao? May daan ba na kanilang masusundan? Dapat silang tunay na magsisi at maging tapat na mga tao. Paano ba maging isang tapat na tao? Una, ang iyong puso ay dapat magbukas sa Diyos, at dapat mong hanapin ang katotohanan mula sa Diyos; kapag naunawaan mo na ang katotohanan, dapat mo itong isagawa. Pagkaraan ay dapat kang magpasakop sa mga kaayusan ng Diyos at hayaan ang Diyos na pangasiwaan ka. Sa ganitong paraan ka lamang pupurihin ng Diyos. Kailangan mo munang isaisantabi ang iyong sariling katanyagan at kapalaluan, at talikuran ang iyong sariling mga interes. Una sa lahat, subukan mo silang isaisantabi, at kapag naisantabi mo na sila, ilagay mo ang iyong buong katawan at kaluluwa sa iyong tungkulin at sa gawain ng pagpapatotoo para sa Diyos, at pagkatapos ay tingnan mo kung paano ka gagabayan ng Diyos, tingnan mo kung ang kapayapaan at kagalakan ay lumitaw sa loob mo, kung mayroon kang kumpirmasyong ito. Dapat ka munang magsisi nang tunay, isuko ang iyong sarili, buksan ang iyong puso sa Diyos, at isaisantabi ang mga bagay na iyong pinahahalagahan. Kung patuloy kang kumakapit sa mga ito habang humihiling sa Diyos, makakamit mo ba ang gawain ng Banal na Espiritu? Ang gawain ng Banal na Espiritu ay may pasintabi, at ang Diyos ay isang Diyos na kinamumuhian ang kasamaan at Siya ay banal. Kung palaging kumakapit ang mga tao sa mga bagay na ito, patuloy na isinasara ang kanilang sarili sa Diyos at tinatanggihan ang gawain at patnubay ng Diyos, titigil ang Diyos sa paggawa sa kanila. Hindi dahil ang Diyos ay dapat gumawa sa kalooban ng bawat tao, o na pipilitin ka Niyang gawin ito o iyan. Hindi ka Niya pinipilit. Ang gawain ng masasamang espiritu ay pilitin ang mga tao na gawin ito o iyan, at pati na ang pag-angkin at pagkontrol sa mga tao. Ang Banal na Espiritu ay gumagawa nang lalong banayad; inaantig ka Niya, at hindi mo ito nararamdaman. Nararamdaman mo lamang na tila walang malay mong naunawaan o napagtanto ang isang bagay. Ganito kung paano antigin ng Banal na Espiritu ang mga tao, at kung magpapasakop sila, makikita nila ang kanilang sariling tunay na nagsisisi.

Hinango mula sa “Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Sa kaibuturan, ang mga tao ay nagkikimkim ng ilang masasamang kalagayan—pagkanegatibo, kahinaan, at lumbay o karupukan; o isang paulit-ulit na batayang layunin; o laging inaalipin ng pag-aalala tungkol sa katanyagan, ng mga makasariling pagnanasa, at ng mga pansariling kapakinabangan; o iniisip nila na sila ay may mahinang kakayahan at nagtataglay ng ilang negatibong kalagayan. Kung lagi kang nabubuhay sa ganitong mga kalagayan, napakahirap para sa iyong makamtan ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung nahihirapan kang makamtan ang gawain ng Banal na Espiritu, kakaunting positibong bagay ang tataglayin mo, at magiging mahirap para sa iyo na makamtan ang katotohanan. Ang mga tao ay laging umaasa sa kapangyarihan ng isip upang makapagpigil, nagpipigil sa ganito at ganoong paraan, ngunit hindi pa rin nila mapalaya ang mga sarili mula sa mga gayong negatibo o masasamang kalagayan. Bahagi nito ay dahil sa mga kadahilanang pantao; ang mga tao ay hindi makahanap ng isang landas ng pagsasagawa na nababagay sa kanila. Ang isa pang dahilan—at ito ay isa ring pangunahing dahilan—ay palaging nahuhulog ang mga tao sa mga negatibo, lumulubog, lumalalang kalagayang ito, at ang Banal na Espiritu ay hindi gumagawa. Bagama’t paminsan-minsan ay binibigyan Niya sila ng kaliwanagan, hindi Siya gumagawa ng malaking gawain sa kanila. Sa gayon, kinakailangan ng mga tao ng ibayong pagsisikap para kumilos, at mahirap para sa kanila na makita at maunawaan ang anuman. Mahirap para sa iyo na makamit ang kaliwanagan at pagbibigay-tanglaw, at napakahirap magkaroon ng liwanag, sapagkat napakaraming negatibo at masamang bagay ang sumakop sa lahat ng puwang sa loob mo. Kung ang isang tao ay hindi maliwanagan ng Banal na Espiritu, at hindi makamit ang gawain ng Banal na Espiritu, hindi niya maaaring lisanin ang mga kalagayang ito o baguhin ang mga negatibong kalagayang ito; ang Banal na Espiritu ay hindi gumagawa, at hindi ka makahahanap ng isang landas pasulong. Para sa dalawang kadahilanang ito, mahirap para sa iyo ang makamit ang isang positibo, normal na kalagayan. Bagama’t kaya ninyong magtiis nang lubos at magsumikap sa pagtupad ng inyong mga tungkulin, at kahit na gumugol kayo ng ibayong pagsisikap at nagawang talikuran ang inyong tahanan at hanapbuhay, at tuluyang bitawan ang lahat, ang inyong panloob na kalagayan ay hindi pa rin talaga nagbago. Napakaraming gusot ang bumibihag pa rin sa iyo para makapagsagawa ng katotohanan at makapasok sa katotohanang realidad. Iba’t ibang bagay ang pumupuno sa puwang sa loob mo: Mga personal na kuru-kuro, bungang-isip, kaalaman, at mga pilosopiya para sa pamumuhay, pati na rin mga negatibong bagay, mga makasariling pagnanasa at pansariling interes, mga pag-alagata ukol sa katanyagan, at mga pakikipag-alitan sa iba. Walang positibo sa kalooban ng mga tao. Ang kanilang mga ulo ay puno ng mga negatibo at masasamang kaisipan; ito ay isang katunayang hindi maitatanggi ng sinuman. Ang kanilang mga puso ay napuno at sinakop ng mga bagay na makasatanas. Kung hindi mo pupuksain ang mga bagay na ito, kung hindi mo kayang palayain ang iyong sarili mula sa mga kalagayang ito, kung hindi mo kayang magbago ayon sa tunay na pagkakahawig sa isang paslit—walang-malay, masigla, matapat, tunay, at dalisay—at pumunta sa harap ng Diyos, at kung hindi ka lalapit sa Kanya, magiging napakahirap para sa iyo na makamtan ang katotohanan.

Hinango mula sa “Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Talababa:

a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “sa talinghaga.”

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply