Nang malaman ng pastor at elder na tinanggap namin ang Makapangyarihang Diyos, walang-tigil ang panggugulo nila sa amin, walang-tigil ang paliwanag nila sa amin sa Biblia. Kahit pabulaanan namin sila, at tanggihan sila, ayaw nila kaming tantanan. Matinding panliligalig ’yan sa mga mamamayan. Noong araw, kapag nanghihina o negatibo kami, hindi sila ganito kasigasig. Pero ngayon, nang tanggapin na namin ang Makapangyarihang Diyos, galit na galit sila, sa pagbibigay ng pabuya at parusa, panay ang pang-iinis nila sa amin. Parang hindi sila titigil sa kasamaan nila hangga’t hindi nila kami naihuhulog sa impiyerno na kasama nila! Hindi ko lang maintindihan. Ang pastor at elder, bilang mga taong naglilingkod sa Panginoon, at madalas magsalita tungkol sa Biblia, dapat nilang makita na lahat ng salitang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ay katotohanan. Bakit hindi nila hanapin ang katotohanan? Bakit hindi nila siyasatin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, sa halip na mabangis na tuligsain, kalabanin, at lapastanganin ang Makapangyarihang Diyos? Ginagawa ng pastor at elder ang lahat para hadlangan ang pagtanggap namin sa Makapangyarihang Diyos. Nahihirapan kaming makita ang likas na katangian ng bagay na ito. Pakipaliwanag ito nang kaunti sa amin.
Sagot: Puwede bang hindi mag-alala ang pastor at elder sa pagtanggap n’yo sa Makapangyarihang Diyos? Sa mga mata ng pastor at elder, kayo ang kanilang mga tupa. Naakit kayo ng iba—masakit ito sa pastor at elder. Kung gayo’y kailangan nilang gawin ang lahat para makawala kayo, at pabalikin kayo. Gunitain ang mga pagkakataon na nagpakita at gumawa ang Panginoong Jesus. Ang mga punong saserdote, eskriba, at Fariseong Judio ay walang-pakundangang siniraan, tinuligsa, at nilapastangan ang Panginoong Jesus; ipinako pa nila ang Panginoong Jesus sa krus. Noong panahong iyon siguradong maraming Judiong gustong tumanggap sa Panginoong Jesus. Bakit hindi sila nangahas na tanggapin ang Panginoong Jesus? At hindi rin sila nangahas na sundin ang Panginoong Jesus? Palagay ko madalas na tinakot ang mga punong saserdote, eskriba, at Fariseong Judio ng nananalig na mga Judio, at gumamit pa ng iba’t ibang pamamaraan para hadlangan ang mga tao sa pagtanggap sa Panginoong Jesus. Noong panahong iyon may isang taong nagngangalang Nicodemo. Bakit gabi siya nakikipagkita sa Panginoong Jesus? Siguradong may kaugnayan ’yon sa sitwasyong ito. Malinaw na nakatala ang mga ito sa Biblia. Sa kasamaang-palad iilang tao lang sa iba’t ibang relihiyon ang nakaunawa sa dahilan ng pagkalaban ng mga Fariseo sa Panginoon. Wala ring nakaunawa sa mga pastor at elder ng iba’t ibang relihiyon batay sa mga sinabi ng Panginoong Jesus para hatulan, ilantad, at isumpa ang mga Fariseo. Hindi ba ganito nga ang sitwasyon? Dumating na ang Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw, at inilantad na ang dahilan at tunay na sitwasyon ng pagkalaban ng relihiyosong mga Fariseo, pastor, at elder sa Diyos. Basahin natin ang ilang sipi ng salita ng Makapangyarihang Diyos.
Sinsasabi ng Makapangyarihang Diyos: “Nais ba ninyong malaman ang pinag-ugatan ng pagkontra ng mga Fariseo kay Jesus? Nais ba ninyong malaman ang diwa ng mga Fariseo? Puno sila ng mga pantasya tungkol sa Mesiyas. Bukod pa riyan, naniwala lamang sila na darating ang Mesiyas, subalit hindi nila hinahangad ang katotohanan ng buhay. Kaya nga, kahit ngayon ay hinihintay pa rin nila ang Mesiyas, sapagkat wala silang kaalaman tungkol sa landas ng buhay, at hindi nila alam kung ano ang landas ng katotohanan. Paano ninyo nasasabi na matatamo ng gayon kahangal, katigas ang ulo at kamangmang na mga tao ang pagpapala ng Diyos? Paano nila mamamasdan ang Mesiyas? Kinalaban nila si Jesus dahil hindi nila alam ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, dahil hindi nila alam ang landas ng katotohanang binanggit ni Jesus, at, bukod pa riyan, dahil hindi nila naunawaan ang Mesiyas. At dahil hindi pa nila nakita ang Mesiyas kailanman at hindi pa nila nakasama ang Mesiyas kailanman, nagawa nila ang pagkakamali na kumapit lamang sa pangalan ng Mesiyas habang kinakalaban ang diwa ng Mesiyas sa lahat ng posibleng paraan. Ang diwa ng mga Fariseong ito ay mga sutil, mayabang, at hindi sumunod sa katotohanan. Ang prinsipyo ng kanilang paniniwala sa Diyos ay: Gaano man kalalim ang pangangaral Mo, gaano man kataas ang Iyong awtoridad, hindi Ikaw si Cristo maliban kung Ikaw ang tinatawag na Mesiyas. Hindi ba katawa-tawa at kakatwa ang paniniwalang ito? Tinatanong Ko pa kayo: Hindi ba napakadali para sa inyo ang gawin ang mga pagkakamali ng mga sinaunang Fariseo, yamang wala kayo ni katiting na pagkaunawa kay Jesus? Kaya mo bang mahiwatigan ang daan ng katotohanan? Talaga bang magagarantiyahan mo na hindi mo kinalaban si Cristo? Nagagawa mo bang sundan ang gawain ng Banal na Espiritu? Kung hindi mo alam kung kinalaban mo si Cristo, sinasabi Ko na nabubuhay ka na sa bingit ng kamatayan. Yaong mga hindi nakakilala sa Mesiyas ay may kakayahang lahat na kalabanin si Jesus, na tanggihan si Jesus, na siraan Siya. Lahat ng taong hindi nakakaunawa kay Jesus ay kaya Siyang itatwa at laitin. Bukod pa riyan, kaya nilang ituring na panlilinlang ni Satanas ang pagbalik ni Jesus, at mas maraming tao ang huhusga kay Jesus na nagbalik sa katawang-tao. Hindi ba kayo natatakot sa lahat ng ito? Ang kinakaharap ninyo ay magiging kalapastanganan sa Banal na Espiritu, pagwasak ng mga salita ng Banal na Espiritu sa mga iglesia, at pagtanggi sa lahat ng ipinapahayag ni Jesus. Ano ang mapapala ninyo kay Jesus kung litung-lito kayo? Paano ninyo mauunawaan ang gawain ni Jesus kapag bumalik Siya sa katawang-tao sakay ng puting ulap, kung nagmamatigas kayong huwag kilalanin ang inyong mga pagkakamali? Sinasabi Ko ito sa inyo: Ang mga taong hindi tumatanggap ng katotohanan, subalit pikit-matang naghihintay sa pagdating ni Jesus sakay ng puting mga ulap, ay tiyak na lalapastangan sa Banal na Espiritu, at sila ang kategoryang pupuksain” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa).
“Mayroong mga nagbabasa ng Biblia sa mga malalaking iglesia at nagsasalaysay nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakaayon sa kalooban ng Diyos. Lahat sila ay walang halaga, masasamang tao, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang Diyos. Sadya nilang sinasalungat ang Diyos kahit na dala-dala nila ang Kanyang bandila. Sinasabi nilang sila ay nananampalataya sa Diyos, subalit kumakain pa rin sila ng laman at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng ganitong tao ay mga diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang humahadlang sa mga sumusubok na tumapak sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa mga naghahanap sa Diyos. Sila ay tila may ‘mahuhusay na konstitusyon,’ ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na manindigan laban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga nabubuhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos).
“Araw-araw, naghahanap sila ng mga bakas Ko sa Biblia at nakahahanap nang walang pili ng ‘angkop’ na mga siping kanilang walang katapusang binabasa at binibigkas bilang mga banal na kasulatan. … Hindi sila nagbibigay ng pansin sa pag-iral o mga kilos Ko, ngunit sa halip ay nag-uukol ng sukdulan at espesyal na pansin sa bawat salita ng Banal na Kasulatan. Marami pa ang naniniwala na hindi Ko dapat gawin ang anumang bagay na nais Kong gawin maliban kung ito ay hinulaan ng Banal na Kasulatan. Nagbibigay sila ng sobrang pagpapahalaga sa Banal na Kasulatan. Masasabing nakikita nilang napakahalaga ang mga salita at mga pagpapahayag, hanggang sa ginagamit nila ang mga bersikulo mula sa Biblia upang sukatin ang bawat salitang sinasabi Ko at upang kondenahin Ako. Ang hinahangad nila ay hindi ang daan ng pagiging-magkaayon sa Akin o ang daan ng pagiging-magkaayon sa katotohanan, ngunit ang daan ng pagiging-magkaayon sa mga salita ng Biblia, at naniniwala silang anumang hindi umaayon sa Biblia ay, walang pagbubukod, hindi Ko gawain. Hindi ba ang ganitong mga tao ay ang masusunuring mga inapo ng mga Fariseo? Ginamit ng mga Fariseong Hudyo ang batas ni Moises upang parusahan si Jesus. Hindi nila hinangad ang pagiging-magkaayon sa Jesus ng panahong iyon, ngunit masusing sinunod ang eksaktong sinabi ng batas, hanggang—matapos Siyang kasuhan ng hindi pagsunod sa batas ng Lumang Tipan at pagiging hindi ang Mesiyas—sa huli ipinako nila sa krus ang walang-salang Jesus. Ano ang pinakadiwa nila? Hindi ba’t hindi nila hinangad ang daan sa pagiging-magkaayon sa katotohanan? Nahumaling sila sa bawat salita ng Banal na Kasulatan habang hindi nagbibigay pansin sa kalooban Ko o sa mga hakbang at mga kaparaanan ng gawain Ko. Hindi sila mga taong naghangad ng katotohanan, ngunit mga taong mahigpit na kumapit sa mga salita; hindi sila mga taong naniwala sa Diyos, ngunit mga taong naniwala sa Biblia. Sa pinakadiwa, mga tagapagbantay sila ng Biblia” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Hangarin ang Daan ng Pagiging Kaayon ni Cristo).
“Masdan mo ang mga pinuno ng bawat denominasyon—lahat sila’y mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, at binibigyang-kahulugan nila ang Biblia nang wala sa konteksto at ginagabayan ng kanilang sariling imahinasyon. Lahat sila’y umaasa sa mga kaloob at pag-aaral sa paggawa ng kanilang gawain. Kung sila’y wala talagang kakayahang mangaral, susunod ba sa kanila ang mga tao? Sila, kung sa bagay, ay nagtataglay ng kaunting kaalaman at makakapangaral ng ilang doktrina, o alam nila kung paano makaakit ng iba at kung paano gumamit ng ilang pakana. Ginagamit nila ang mga ito para dalhin ang mga tao sa harapan nila at linlangin sila. Sa pangalan, ang mga taong iyon ay naniniwala sa Diyos, ngunit sa realidad, sinusunod nila ang kanilang mga pinuno. Kung nakakatagpo sila ng isang taong nangangaral ng tunay na daan, ang ilan sa kanila’y nagsasabing, ‘Kailangang konsultahin namin ang aming lider tungkol sa aming pananampalataya.’ Isang tao ang daanan ng kanilang pananampalataya sa Diyos; hindi ba problema iyan? Nagiging ano na kung gayon ang mga lider na iyon? Hindi ba sila nagiging mga Fariseo, huwad na mga pastol, mga anticristo, at mga katitisuran sa pagtanggap ng mga tao sa tunay na daan?” (“Tanging ang Paghahabol sa Katotohanan ang Tunay na Paniniwala sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw).
Ngayong nabasa na natin ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, mas malinaw na ba sa lahat kung paano kinalaban at tinuligsa ng relihiyosong mga Fariseo ang Panginoong Jesus, kung paano kinalaban at tinuligsa ng mga pastor at elder ng iba’t ibang relihiyon ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, at ang mga totoong nangyari at dahilan ng pagkalaban nila sa Diyos? Sa Kapanahunan ng Biyaya, isinumpia ng Panginoong Jesus ang mga Fariseo, At inilantad ang tunay na pagkaipokrito ng mga Fariseo. Dumating na ang Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw, at ibinunyag na ang ugali, asal, at tunay na diwa ng mga pastor at elder ng iba’t ibang relihiyon na kalabanin ang Diyos. Sa dalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, bakit Niya ibinunyag ang tunay na diwa at katunayan ng pagpapaimbabaw at pagkalaban ng mga pinuno ng mga relihiyon sa Diyos sa dalawang pagkakataong iyon? Ang dahilan ay kahit lantaran silang naglilingkod sa Diyos, katunaya’y hindi sila tumutupad at nagkakaroon ng karanasan sa mga salita ng Diyos, at hindi sila sumusunod sa mga utos ng Diyos. Dahil dito wala silang realidad ng katotohanan, at ni hindi sila mga taong talagang nagpapailalim sa Diyos; sinusunod lang nila ang ilang doktrina, patakaran, at mga seremonya ng iglesia. Ginagamit nila ang sarili nilang kahusayan sa pagsasalita at mga kaloob, ipinaliliwanag nila ang kanilang kaalaman at teolohiya sa Biblia para lamang mapansin sila at makapagyabang, para igalang at sundin sila ng mga tao. Dahil dito ay sinusunod sila ng mga taong hinirang ng Diyos, at kinokonsulta sila sa bawat bagay, sinusunod sila sa lahat ng bagay. Kahit sa pagsisiyasat at paghahanap ng tunay na daan, kailangan pang humingi ng pahintulot sa pastor at elder ang mga taong hinirang ng Diyos. Anumang bagay ang makaharap nila, sa halip na magtuon sa pagdarasal sa Diyos o paghahanap ng katotohanan, umaasa at umaasam sila sa suporta ng pastor at elder. Ginagawa nila ang anumang ipagawa sa kanila ng pastor at elder. Wala silang kaalam-alam kailanman kung naaayon ang mga salita ng pastor at elder sa Biblia o sa katotohanan. Kahit nang magpakita ang Diyos na nagkatawang-tao para gumawa at ipahayag ang katotohanan, wala silang kapangyarihang gawin ang sarili nilang mga desisyon kung dapat nila itong siyasatin, kung dapat silang makinig sa tinig ng Diyos. Kailangan pang ang mga relihiyosong pastor at elder ang magdesisyon para sa kanila. Ibinibigay nila ang sarili nilang buhay at huling tirahan sa mga pastor at elder, at hinahayaan silang makialam dito. Ano ang problemang ito? Sa huli’y naniniwala ba sila sa mga pastor at elder, o sa Panginoong Jesus? Talagang pinag-iisip nito ang tao. Hindi talaga nadala ng relihiyosong mga Fariseo, pastor, at elder ang mga tao sa harapan ng Diyos, sa halip ay nakontrol nila ang mga ito sa sarili nilang kapangyarihan. Dahil walang kaalam-alam ang marami sa mga taong hinirang ng Diyos, nalinlang sila ng paimbabaw na pagkatao ng relihiyosong mga Fariseo, pastor, at elder. Kung hindi naparito ang Diyos para ipahayag ang katotohanan at ilantad ang tunay na diwa ng kanilang pagkamuhi sa katotohanan at pagkalaban sa Diyos, walang makakakita na sila ay mga anticristo na galit sa katotohanan at nakikipag-agawan sa Diyos para sa Kanyang mga taong hinirang! Sa ganitong paraan, walang paraan para maiwasan ng mga taong hinirang ng Diyos na malinlang at mabitag sila, walang paraan para matanggap nila ang gawain ng Diyos at makabaling sila sa Diyos para magkamit ng kaligtasan, at sa huli ay sinira ng masasamang lingkod at anticristong ito. Lubos na nailantad ng Makapangyarihang Diyos ang tunay na diwa at dahilan ng pagkalaban ng relihiyosong mga Fariseo, pastor, at elder sa Diyos, at sinira nila ang kanilang mga maskara at balatkayo bilang mga ipokrito, kaya nakita ng mga nananalig sa Diyos ang mga totoong pangyayari at katotohanan ng kanilang pagkalaban sa Diyos habang naglilingkod sa Kanya. Hindi ba ito pagliligtas ng Diyos sa atin mula sa pagpigil ng relihiyosong mga Fariseo, at mula sa impluwensya ni Satanas? Kung hindi gumawa nang ganito ang Diyos, kusa bang makakabalik sa presensya ng Diyos ang mga nananalig sa Kanya? Kung hindi nailantad ng Diyos ang katotohanan at mga totoong pangyayari sa pagkalaban ng mga Fariseo sa Diyos, makikilala kaya ng mga nananalig sa Diyos ang mga Fariseo? Kung hindi nailantad ng Diyos ang katotohanan at mga totoong pangyayari sa pagkalaban ng mga relihiyosong pastor at elder sa Diyos sa mga huling araw, maiiwasan kaya ng mga nananalig sa Diyos ang kanilang pagpigil at pagbitag? Siguradong hindi. Kaya sinasabi namin na ganito ang paraan ng paggawa ng Diyos dahil sa Kanyang habag sa atin, at sa Kanyang pagliligtas sa atin!
Sa mga bahay-sambahan, iginagalang ng halos lahat ng tao ang mga pastor at elder. Naniniwala sila na nauunawaan ng mga pastor at elder ang Biblia, at sila ay tapat. Mapagmahal din sila sa mga kapatid, at madalas nilang ipaliwanag ang Biblia nang walang-pagod sa mga tao. Paano sila naging mapagpaimbabaw na mga Fariseo, at anticristo? Katunayan, mga anticristo man o hindi ang mga pastor at elder ng relihiyon, hindi ’yon makikita sa paimbabaw na kabaitan nila sa iba, o kung gaano karami ang nagawa nila para sa Panginoon, o kung gaano ang pagdurusa nila. Ang pinakamahalaga ay makita kung paano nila tinatrato ang pagpapakita at gawain ng Diyos, at kung paano nila tinatrato si Cristo na nagkatawang-tao at ang katotohanang ipinapahayag ni Cristo. Sa ganitong paraan lamang malinaw na makikita ang tunay nilang pagkatao. May kaunting pagkakatulad ito sa mga punong saserdote, eskriba, at Fariseong Judio noong araw. Sanay silang lahat sa pagpapaliwanag sa mga kasulatan; nakaburda pa nga ang kasulatan sa mga palawit ng kanilang damit. Sa panlabas na anyo, mukhang napakatapat nila, pero nang magpakita at magsimulang gumawa ang Panginoong Jesus, paano nila tinrato ang Panginoong Jesus? Nang makita ng mga Fariseo pinagaling ng Panginoong Jesus ang maysakit at pinalayas ang mga demonyo, na nagpapakita ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos, talagang nilapastangan nila ang Panginoong Jesus sa paggamit sa hari ng mga demonyo para palayasin ang mga demonyo, at nagkasala sila sa paglapastangan sa Banal na Espiritu. Bukod diyan, sinubukan ng mataas na saserdote ang Panginoong Jesus, sa pagtatanong kung Siya ang Cristo. Nang sabihin ng Panginoong Jesus na, “Ako nga,” ginamit nila itong dahilan para paratangan ng kalapastanganan ang Panginoong Jesus. Ibinigay nila ang Panginoong Jesus sa gobyernong Romano. Mas gusto pa nilang palayain ang isang magnanakaw, maipako lang nila sa krus ang Panginoong Jesus. Alam ng lahat ng punong saserdote, eskriba, at Fariseong Judio na nagsalita ang Panginoong Jesus nang may awtoridad at kapangyarihan, pero hindi nila hinanap ang katotohanan kahit katiting, at hindi rin nila tinanggap ang katotohanan. Matigas ang ulo nilang kumapit sa mga batas at kautusan sa kasulatan, gamit ang liham ng mga kasulatan para tuligsain ang gawain ng Diyos. Hindi sila pinansin kung gaano karaming katotohanan ang ipinahayag ng Panginoong Jesus, o kung ilang himala at kababalaghan ang Kanyang isinagawa. Hangga’t hindi siya tinawag na Mesiyas, hibang nila Siyang tinuligsa at kinalaban, na determinadong ipako ang Panginoong Jesus sa krus. Sapat ang mga pangyayaring ito para patunayan na ang likas na pagkatao at diwa ng mga Fariseo ay mga diyablong anticristo na galit sa katotohanan at sa Diyos. Sa mga huling araw, nagbalik na ang Panginoong Jesus bilang Makapangyarihang Diyos, na ipinapahayag ang katotohanan, at ginagawa ang gawain ng paghatol at pagdadalisay sa mga tao. Ang mabuting tupa at punong tupa ng iba’t ibang denominasyon ay nakikinig sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos, at kinikilala itong tinig ng Diyos, at bumaling na sa Makapangyarihang Diyos. Malinaw na nalalaman ng mga pastor at elder ng iba’t ibang relihiyon na ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay pawang katotohanan, at may awtoridad at kapangyarihan, pero hindi man lang nila hinahanap ang katotohanan. Sa halip ay ginugulo nila ang Biblia at sumisipi mula rito nang wala sa konteksto, na sinasabi na ang paglayo sa nakasaad sa Biblia ay pag-erehe, at na sinumang Panginoong Jesus na hindi bumababa sa ulap ay huwad. Ipinahayag din nila na anumang mensahe ng pagdating ng Diyos na nagkatawang-tao ay erehe at maling doktrina. Hibang silang nagkakalat ng iba’t ibang tsismis at kamalian na tumutuligsa, naninira, umaatake, at lumalapastangan sa Makapangyarihang Diyos. Hinahadlangan nila ang mga tao sa anumang paraan sa paghanap at pagsisiyasat sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, kaya tumatalikod ang mga taong hinirang ng Diyos sa pagdating ng Diyos. Alam ng mga pastor at elder na sila ang mga tupa ng Diyos, pero hindi nila ibinabalik ang mga ito sa Diyos. Sa halip, inangkin nila ang mga tupa ng Diyos, at layon nilang kontrolin at dominahin ang mga taong hinirang ng Diyos magpakailanman. Hindi ba ganito ang asal ng mga anticristo? Hindi ba ganitong kumilos ang mga pastor at elder ng iba’t ibang relihiyon? Ang mas nakakagalit pa ay basta’t natuklasan nila na nagsisimba ang isang tao para ikalat ang balita at magpatotoo tungkol sa Makapangyarihang Diyos, binubugbog nila ito, inaabuso at hinahamak, at tumatawag pa sila ng pulis. Ipinapasa nila ang mga taong nagpapatotoo sa Makapangyarihang Diyos sa makademonyong rehimeng CCP, sa walang-saysay na pag-asang ipagbawal ang gawain ng Diyos sa mga huling araw sa tulong ng masamang kapangyarihan ng CCP, para matupad ang masamang balak nilang kontrolin ang relihiyon sa China magpakailanman. Lubos nitong ibinubunyag ang likas na makademonyo nilang galit sa katotohanan at sa Diyos.
mula sa iskrip ng pelikulang Huwag Kang Makialam
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.