Ang relihiyosong mundo ay galit na galit na kinakalaban at kinokondena ang Makapangyarihang Diyos. Patuloy itong gumagawa ng masasamang gawain, habang nagiging isang matibay na balwarte ng mga anticristo. Ngunit ano ang kahihinatnan at kalalabasan ng relihiyosong mundo sa paniniwala sa Diyos ngunit kumakalaban sa gawain ng Diyos sa mga huling araw?

Abril 19, 2018

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“Ang bawat kasalanan at kapusungan ay ipatatawad sa mga tao; datapuwat ang kapusungang laban sa Banal na Espiritu ay hindi ipatatawad. At ang sinumang magsalita ng isang salitang laban sa Anak ng tao, ay ipatatawad sa kanya; datapuwat ang sinumang magsalita laban sa Banal na Espiritu, ay hindi ipatatawad sa kanya, kahit sa sanlibutang ito, o maging sa darating” (Mateo 12:31–32).

“At siya’y sumigaw ng malakas na tinig, na nagsasabi, ‘Naguho, naguho ang dakilang Babilonia, at naging tahanan ng mga demonyo, at kulungan ng bawa’t espiritung karumaldumal, at kulungan ng bawa’t karumaldumal at kasuklam-suklam na mga ibon.’ Sapagka’t dahil sa alak ng galit ng kaniyang pakikiapid ay nangaguho ang lahat ng mga bansa; at ang mga hari sa lupa ay nangakiapid sa kaniya, at ang mga mangangalakal sa lupa ay nagsiyaman dahil sa kapangyarihan ng kaniyang kalayawan” (Pahayag 18:2–3).

“Sa aba, sa aba ng dakilang bayang Babilonia, ng bayang matibay! Sapagka’t sa isang oras ay darating ang paghatol sa iyo” (Pahayag 18:10).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang mga nagnanais na makamit ang buhay nang hindi umaasa sa katotohanang sinambit ni Cristo ang pinakakatawa-tawang mga tao sa mundo, at ang mga hindi tumatanggap sa daan ng buhay na dinala ni Cristo ay namumuhay sa pantasya. Kaya naman sinasabi Ko na kamumuhian ng Diyos magpakailanman ang mga taong hindi tumatanggap kay Cristo ng mga huling araw. Si Cristo ang pasukan ng tao patungo sa kaharian sa mga huling araw, at walang sinuman ang makakalampas sa Kanya. Kung hindi sa pamamagitan ni Cristo, walang magagawang perpekto ng Diyos. Nananampalataya ka sa Diyos, kaya dapat mong tanggapin ang Kanyang mga salita at dapat kang magpasakop sa Kanyang Salita. Huwag kang mag-isip lang na magkamit ng mga pagpapala habang hindi mo magawang tanggapin ang katotohanan at ang pagtustos ng buhay. Dumarating si Cristo sa mga huling araw upang mabigyan Niya ng buhay ang lahat ng sinserong nananampalataya sa Kanya. Alang-alang sa pagtatapos ng lumang kapanahunan at pagpasok sa bago kaya umiiral ang gawaing ito, at ang gawaing ito ang landas na dapat tahakin ng lahat ng papasok sa bagong kapanahunan. Kung hindi mo kinikilala si Cristo, at higit pa rito, ay kinokondena, nilalapastangan, o inuusig mo Siya, kung gayon ay nakatadhana kang masunog nang walang-hanggan at hindi ka kailanman makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ito ay dahil ang Cristong ito ang Mismong pagpapahayag ng Banal na Espiritu, ang pagpapahayag ng Diyos, ang Siyang pinagkatiwalaan ng Diyos na gawin ang Kanyang gawain sa lupa at kaya naman sinasabi Ko na kung hindi mo magawang tanggapin ang lahat ng ginagawa ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay nilalapastangan mo ang Banal na Espiritu. Maliwanag sa lahat ang nararapat na ganting-parusa sa mga lumalapastangan sa Banal na Espiritu. Sinasabi Ko rin sa iyo ito: Kung nilalabanan mo si Cristo ng mga huling araw, kung tinatanggihan mo si Cristo ng mga huling araw, wala nang iba pa ang makapagpapasan sa mga kahihinatnan nito para sa iyo. Higit pa rito, mula sa puntong iyon ay hindi ka na magkakaroon ng isa pang pagkakataong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos; kahit na gusto mong makabawi, hindi mo mapagmamasdang muli ang mukha ng Diyos. Ito ay dahil hindi isang tao ang nilalabanan mo, hindi isang di-mahalagang tao ang tinatanggihan mo, kundi si Cristo. Alam mo ba kung ano ang mga kahihinatnan nito? Hindi isang maliit na pagkakamali ang ginagawa mo, kundi isang karumal-dumal na kasalanan. Kaya naman pinapayuhan Ko ang bawat tao na huwag niyang ilabas ang kanyang mga pangil at kuko o huwag siyang magsabi ng mga walang batayang pamumuna sa harap ng katotohanan, dahil ang katotohanan lamang ang makapagdadala sa iyo ng buhay, at wala nang iba pa kundi ang katotohanan ang magbibigay-kakayahan sa iyo na muli kang isilang at mapagmasdan mong muli ang mukha ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan

Sinumang hindi nananampalataya sa Diyos na nagkatawang-tao ay isang demonyo at, higit pa rito, sila ay wawasakin. Yaong mga may pananalig ngunit hindi isinasagawa ang katotohanan, yaong mga hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao, at yaong mga hinding-hindi naniniwala sa pag-iral ng Diyos ay magiging mga pakay din ng pagwasak. Lahat yaong mga pahihintulutang manatili ay mga taong nagdaan na sa pagdurusa ng pagpipino at matatag na nanindigan; mga tao itong tunay na tiniis ang mga pagsubok. Sinumang hindi kumikilala sa Diyos ay isang kaaway; ibig sabihin, sinumang hindi kumikilala sa Diyos na nagkatawang-tao—nasa loob man sila o nasa labas ng daloy na ito—ay isang anticristo! Sino si Satanas, sino ang mga demonyo, at sino ang mga kaaway ng Diyos kundi ang mga mapanlaban na hindi naniniwala sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga taong mapaghimagsik laban sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga umaangkin na may pananalig, subalit salat sa katotohanan? Hindi ba sila yaong mga naghahangad na matamo lamang ang mga pagpapala samantalang hindi magawang magpatotoo sa Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Gunitain kung ano ang kinalabasan ng mga Hudyo matapos nilang ipako si Jesus sa krus 2,000 taon na ang nakakaraan—sila ay pinatalsik mula sa Israel at tumakas papunta sa mga bansa sa buong mundo, marami ang pinatay, at ang buong nasyon ng Hudyo ay sumailalim sa wala pang katulad na pasakit ng pagkalipol ng kanilang bansa. Ipinako nila ang Diyos sa krus—gumawa ng isang karumal-dumal na kasalanan—at ginalit ang disposisyon ng Diyos. Sila ay pinagbayad sa kanilang ginawa, ipinatiis sa kanila ang lahat ng kinahinatnan ng kanilang mga pagkilos. Kinondena nila ang Diyos, itinakwil ang Diyos, at kaya naman iisa lamang ang kanilang naging kapalaran: ang maparusahan ng Diyos. Ito ang mapait na kinahinatnan at kapahamakan na dinulot ng kanilang mga pinuno sa kanilang bayan at bansa.

Ngayon, ang Diyos ay bumalik sa gitna ng mga tao upang gawin ang Kanyang gawain, at ang Kanyang unang hinintuan sa Kanyang gawain ay ang pinakatipikal na halimbawa ng mga diktadurya: ang Tsina, ang matatag na balwarte ng ateismo. Nagkamit ang Diyos ng isang grupo ng mga tao sa pamamagitan ng Kanyang karunungan at kapangyarihan. Sa panahong ito, tinutugis Siya ng namumunong partido ng Tsina gamit ang lahat ng paraan at sumailalim Siya sa lahat ng uri ng pagdurusa, nang walang lugar na mapagpahingahan ng Kanyang ulo, at nang walang masisilungan. Sa kabila nito, ipinagpapatuloy pa rin ng Diyos ang gawaing Kanyang nilalayon: Sinasabi at binibigkas Niya ang Kanyang mga salita at ipinapalaganap Niya ang ebanghelyo. Walang tao ang makakaarok sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Sa Tsina, isang bansang itinuturing ang Diyos bilang isang kaaway, ang Diyos ay hindi kailanman tumigil sa Kanyang gawain. Sa halip, mas maraming tao ang tumanggap ng Kanyang gawain at salita, dahil inililigtas ng Diyos ang bawat isang miyembro ng sangkatauhan hangga’t maaari. Naniniwala tayong lahat na walang bansa o puwersa ang makakahadlang sa nais ng Diyos na makamit, at na iyong mga sumusubok na humadlang sa gawain ng Diyos, na lumalaban sa salita ng Diyos, at na nanggugulo at sumusubok na sirain ang plano ng Diyos ay parurusahan ng Diyos sa huli. Ang sinumang taong lumalaban sa gawain ng Diyos ay ipapatapon ng Diyos sa impiyerno; anumang bansa na lumalaban sa gawain ng Diyos ay wawasakin ng Diyos; anumang nasyon na tumitindig upang tutulan ang gawain ng Diyos ay buburahin ng Diyos sa daigdig na ito at titigil sa pag-iral.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan

Bumabagsak ang sanlibutan! Paralisado ang Babilonia! Ah, ang relihiyosong mundo! Paanong hindi ito mawawasak ng Aking awtoridad sa lupa? Sino ang nangangahas pa ring maghimagsik at kumalaban sa Akin? Ang mga eskriba? Lahat ng opisyal ng mga relihiyon? Ang mga pinuno at awtoridad sa lupa? Ang mga anghel? Sino ang hindi nagdiriwang sa pagkaperpekto at kapuspusan ng Aking katawan? Sa gitna ng di-mabilang na hinirang na mga tao Ko, sino ang hindi umaawit ng mga papuri nang walang tigil, at sino ang walang maliw ang kaligayahan, nang dahil sa Akin? Naninirahan Ako sa lupain ng pugad ng malaking pulang dragon, subalit hindi ito nagiging sanhi na manginig Ako sa takot o tumakbo palayo, sapagkat lahat ng tao nito ay nagsimula nang mamuhi rito. Hindi kailanman nagampanan ng anuman ang “tungkulin” nito sa harap ng dragon para sa kapakanan ng dragon; sa halip, lahat ng bagay ay kumikilos ayon sa nakikita nilang angkop, at bawat isa ay gumagawa sa sarili nitong paraan. Paanong hindi malilipol ang mga bansa sa mundo? Paanong hindi babagsak ang mga bansa sa lupa? Paanong hindi magbubunyi ang Aking mga tao? Paanong hindi sila aawit nang may kagalakan?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 22

Habang umiiral ang lumang mundo, ipupukol Ko ang Aking poot sa bawat bansa at ipapahayag ang mga atas administratibo na naisapubliko sa buong sansinukob, at kakastiguhin ang sinumang lumalabag sa mga ito:

Kapag nagsasalita Ako sa buong sansinukob, naririnig ng lahat ng tao ang Aking tinig, ibig sabihin, nakikita ng lahat ng tao ang lahat ng gawa na isinakatuparan Ko sa buong sansinukob. Yaong mga sumasalungat sa Aking mga layunin, ibig sabihin, yaong mga kumokontra sa Akin sa mga gawa ng tao, ay babagsak sa gitna ng Aking pagkastigo. Gagawin Kong panibago ang napakaraming bituin sa kalangitan; at dahil sa Akin, ang araw at ang buwan ay mapapanibago, ang kalangitan ay hindi na gaya ng dati; at lahat ng bagay sa lupa ay mapapanibago—maisasakatuparan ang lahat ng ito dahil sa Aking mga salita. Ang lahat ng bansa sa loob ng sansinukob ay muling hahati-hatiin at mapapalitan ng Aking kaharian, upang ang mga bansa sa ibabaw ng lupa ay maglalaho magpakailanman, at ang matitira lang ay ang kaharian na sumasamba sa Akin; lahat ng bansa sa lupa ay mawawasak at titigil sa pag-iral. Sa mga tao sa loob ng sansinukob, ang lahat ng sa mga diyablo ay lilipulin. Ang lahat ng sumasamba kay Satanas ay babagsak sa gitna ng Aking naglalagablab na apoy—ibig sabihin, maliban doon sa mga sumusunod sa agos, lahat ay magiging abo. Kapag kinakastigo Ko ang bawat tao, ang relihiyosong komunidad, sa iba’t ibang antas, ay babalik sa Aking kaharian, at malulupig sa pamamagitan ng Aking mga gawa, dahil nakita na nila na dumating na “ang Banal na nakasakay sa isang puting ulap”. Lahat ng tao ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri, at tatanggap ng iba’t ibang pagkastigo na nararapat sa kanilang mga kilos; ang lahat ng lumaban sa Akin ay mamamatay, at, yaon namang mga hindi Ako kasali sa kanilang mga gawa sa lupa, dahil sa kanilang naging pag-uugali, sila ay patuloy na iiral sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Aking mga anak at Aking mga tao. Magpapakita Ako sa di-mabilang na mga bansa at tao, at ipapahayag Ko ang sarili Kong tinig sa lupa, ipinoproklama ang pagkumpleto ng Aking dakilang gawain, tinutulutan ang lahat ng tao na makita ito gamit ang sarili nilang mga mata.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 26

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman