Namatay sa krus ang Panginoong Jesus para sa atin. Tinubos niya tayo sa mga kasalanan at pinatawad ang ating mga sala, ginawa Niya ito para iligtas tayo at ipinagkaloob sa atin na makapasok sa kaharian ng langit. Kahit patuloy tayong nagkakasala at kailangan pa tayong linisin, pinatawad ng Panginoon ang lahat ng kasalanan natin at ginawa tayong karapat-dapat sa pamamagitan ng ating pananampalataya. Akala ko hangga’t isinasakripisyo natin ang lahat para makagawa para sa Panginoon, hangga’t payag tayong magtiis ng paghihirap at magbigay ng kabayaran, papayagan tayong makapasok sa kaharian ng langit. Akala ko ’yon ang pinangako sa atin ng Panginoon. Gano’n pa man, ilan sa mga kapatid natin ang kumukwestyon ngayon sa paniniwalang ’yon. Sabi nila kahit daw nagsikap tayo para sa Panginoon, madalas pa rin tayong magkasala at ikinukumpisal ang mga kasalanan natin, kaya hindi pa rin tayo nalilinis. Inihayag nila na banal ang Panginoon, kaya hindi Siya maaaring makita ng mga taong hindi banal. Ang tanong ko ay: Tayong mga isinakripisyo ang lahat para sa Panginoon, talaga bang madadala tayo sa kaharian ng langit? Talagang hindi pa natin alam ang sagot sa tanong na ’yon, kaya gusto naming kausapin niyo kami tungkol do’n.

Agosto 25, 2018

Sagot: Ang iniisip ng lahat ng mga sumasampalataya sa Panginoon: Tinubos tayo ng Panginoong Jesus nang mamatay Siya sa krus, kaya pinatawad na tayo sa lahat ng kasalanan. Hindi na tayo nakikita ng Panginoon bilang mga makasalanan. Naging matuwid na tayo sa pamamagitan ng ating pananalig. Basta magtitiis tayo hanggang sa huli, Pagbalik ng Panginoon, agad tayong dadalhin sa alapaap papunta sa kaharian ng langit. Bueno, ’yon ba ang katotohanan? Nagbigay ba ang Diyos ng ano ma’ng pruweba sa Kanyang mga salita para patunayan ang pahayag na ’yon? Kung hindi naaayon sa katotohanan ang pananaw na ito, ano ang magiging mga epekto? Dapat gamitin nating mga sumasampalataya sa Panginoon ang mga salita Niya bilang basehan para sa lahat ng bagay. Sadyang totoo ’yon pagdating sa tanong kung paano ilalarawan ang pagbabalik ng Panginoon. Kahit ano’ng mangyari, hindi natin dapat ilarawan ang Kanyang pagbabalik ayon sa mga pagkaintindi at imahinasyon ng tao. Napakaseryoso ng epekto ng gano’ng pag-uugali para pag-aralang mabuti. Katulad ’yon nang ipako sa krus ng mga Pariseyo ang Panginoong Jesus habang hinihintay nila ang pagdating ng Mesyas. Ano ang magiging kahihinatnan? Nakumpleto na ng Panginoong Jesus ang gawain na pagtubos sa sangkatauhan. Totoo ’yon, pero tapos na ba ang gawain ng pagliligtas ng Diyos para sa sangkatauhan? Ibig bang sabihin no’n lahat tayong mga nananampalataya sa Panginoong Jesus ay karapat-dapat na madala sa alapaap papunta sa kaharian ng langit? Walang nakakaalam ng sagot sa tanong na ito. Minsang sinabi ng Diyos: “Hindi ang bawa’t nagsasabi sa Akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit(Mateo 7:21). “Kayo nga’y magpakabanal, sapagka’t Ako’y banal(Levitico 11:45). Ayon sa mga salita ng Diyos, makakasiguro tayo na yung mga pumapasok sa kaharian ng langit ay napalaya na ang sarili sa kasalanan at nalinis na. Sila ang mga gumagawa sa nais ng Diyos, sumusunod sa Diyos, nagmamahal sa Diyos, at gumagalang sa Kanya. Dahil banal ang Diyos at ang mga pumapasok sa kaharian ng langit ay mamumuhay kasama Niya, kung hindi pa tayo nalilinis, pa’no tayo magiging karapat-dapat na pumasok sa kaharian ng langit?! Samakatuwid, ang paniniwala nating tayong mga sumasampalataya ay pinatawad na sa kasalanan at makakapasok tayo sa kaharian ng langit ay isang lubos na maling pagkakaintindi sa nais ng Diyos. Nagmula ’yon sa imahinasyon ng tao; pagkaintindi ’yon ng tao. Pinatawad tayo ng Panginoong Jesus sa kasalanan; hindi ’yon mali. Gano’n pa man, hindi sinabi ng Panginoong Jesus na lubos na tayong nalinis sa kapatawarang ’yon at ngayon ay karapat-dapat nang pumasok sa kaharian ng langit. Walang makakatanggi sa katotohanang ’yon. Kung gano’n, bakit iniisip ng lahat ng nananampalataya na ang mga pinatawad na ay makakapasok sa kaharian ng langit? Ano’ng ginagamit nila bilang pruweba? Paano nila pinatutunayan ang pahayag na ’yon? Maraming taong nagsasabing ibinabase nila ang paniniwalang ’yon sa mga salita ni Pablo at ibang mga apostol, gaya ng nasusulat sa Bibliya. Kung gano’n, tatanungin ko kayo, kinakatawan ba ng mga salita ni Pablo at ng ibang apostol ang mga salita ng Panginoong Jesus? Kinakatawan ba nila ang mga salita ng Banal na Espiritu? Maaaring nasa Bibliya ang mga salita ng tao, pero nangangahulugan ba ’yon na mga salita ’yon ng Diyos? May isang katotohanang malinaw nating makikita sa Bibliya: Ang mga taong pinuri ng Diyos ay kayang makinig sa Kanyang salita at sundin ang Kanyang gawa. Sila ang mga sumusunod sa Kanyang daan, ang mga karapat-dapat na magmana sa ipinangako ng Diyos. Isa itong katotohanang hindi maitatanggi nino man. Alam nating lahat na kahit pinatawad na ang mga kasalanan nating mga sumasampalataya, Hindi pa rin tayo nalilinis, nagkakasala pa rin tayo at lagi pa ring lumalaban sa Diyos. Malinaw na sinabi sa ’tin ng Diyos: “Kayo nga’y magpakabanal, sapagka’t Ako’y banal(Levitico 11:45). “Hindi ang bawa’t nagsasabi sa Akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit(Mateo 7:21). Mula sa mga salita ng Diyos, makakasiguro tayong hindi lahat na napatawad na ang mga kasalanan ay karapat-dapat na pumasok sa kaharian ng langit. Kailangang linisin ang mga tao; kailangang maging tagagawa sila ng nais ng Diyos bago sila makapasok sa kaharian ng langit. Isa ’yong katotohanang hindi mababaligtad. Makikitang hindi gano’n kasimple ang pag-unawa sa nais ng Diyos gaya ng akala natin. Hindi tayo malilinis dahil lang sa pinatawad na ang ating mga kasalanan. Kailangan muna nating makakuha ng ilang reyalidad ng katotohanan at makamit ang papuri ng Diyos. Saka tayo magiging marapat na pumasok sa kaharian ng langit. Kung hindi natin mahal ang katotohanan at sa halip ay sawa na tayo ro’n o inaayawan natin ’yon, kung mga gantimpala o korona lang ang habol natin, pero wala tayong pakialam sa nais ng Diyos, lalo na sa paggawa sa nais ng Diyos, hindi ba masama ang ginagawa natin? Pinupuri ba ng Panginoon ang ganitong uri ng tao? Kung gano’n, kagaya rin lang tayo nung mga hipokritong Pariseyo: Kahit pinatawad na tayo sa mga kasalanan, hindi pa rin tayo makakapasok sa kaharian ng langit. Hindi maitatatwa ang katotohanang ’yon.

Ipagpatuloy natin ang pagbabahagi. Pinatawad tayo ng Panginoong Jesus sa lahat ng mga kasalanan. Ano’ng mga “kasalanan” ang pinatawad Niya? Ano’ng klaseng mga kasalanan ang ikinukumpisal natin pagkatapos nating sumampalataya sa Panginoon? Ang tinutukoy na mga pangunahing kasalanan ay yung mga totoong kasalanan na nagkakanulo sa mga batas ng Diyos, mga utos, o mga salita. Ipinagkanulo nating mga tao ang mga batas at utos ng Diyos kaya hahatulan tayo at parurusahan ng Kanyang batas. Kaya dumating ang Panginoong Jesus para gawin ang Kanyang gawain ng pagtubos. Kung kaya, kailangan lang nating manalingin sa Panginoong Jesus at ikumpisal at pagsisihan ang ating mga kasalanan at patatawarin Niya tayo. Matapos ’yon, hindi na tayo mapapailalim sa paghatol at pagpaparusa ayon sa Kanyang batas. Hindi na tayo tatratuhin ng Diyos bilang mga makasalanan. Kaya makakapagdasal na tayo nang diretso sa Diyos, makakaiyak na tayo sa Diyos at makikibahagi sa masagana niyang biyaya at katotohanan. Ito ang tunay na kahulugan ng “kaligtasan” na madalas naming sinabi sa Kapanahunan ng Biyaya. Walang kinalaman ang “kaligtasang” ito sa pagiging malinis at pagpasok sa kaharian ng langit. Masasabing dalawang magkaibang bagay ’yon, dahil hindi sinabi ng Panginoong Jesus na lahat ng mga naligtas at pinatawad ay makakapasok sa kaharian ng langit. Basahin natin ang ilang mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Sa panahong iyon, ang gawain ni Jesus ay ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan. Ang mga kasalanan ng lahat ng naniwala sa Kanya ay pinatawad; hangga’t ikaw ay naniniwala sa Kanya, ikaw ay Kanyang tutubusin; kung ikaw ay naniniwala sa Kanya, wala ka na sa pagkakasala, ikaw ay pinawalang-sala na sa iyong mga kasalanan. Ito ang kahulugan ng pagiging naligtas, at mapawalang-sala ng pananampalataya. Ngunit sa mga naniwala, mayroon pa ring nanatiling mga mapanghimagsik at sumalungat sa Diyos, at kailangan pa ring dahan-dahang alisin. Ang kaligtasan ay hindi nangahulugan na ang tao ay lubusan nang nakamit ni Jesus, kundi na ang tao ay wala na sa kasalanan, na siya ay pinatawad na sa kanyang mga kasalanan: Basta’t ikaw ay naniniwala, hindi ka na kailanman nasa kasalanan pa(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 2). “Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libu-libong taon na paggawang tiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang matatag na kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, kapag natubos na ang tao, ito ay walang iba kundi isang kaso ng pagtubos kung saan ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang may lason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi pa naaalis. Ang tao na lubhang nadungisan ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging malinis. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng luklukan ng Diyos. … Kahit na ang tao ay maaaring natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaaring ituring lamang bilang hindi pagkaalala ng Diyos sa mga paglabag ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga paglabag ng tao. Subalit, kapag ang tao na namumuhay sa laman, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay maaaring magpatuloy lamang sa pagkakasala, na walang-katapusang inihahayag ang kanyang maka-satanas na disposisyon. Ito ang buhay ng tao, isang walang-katapusang pagpapaulit-ulit ng kasalanan at kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw upang magtapat ng kasalanan sa gabi. Dahil dito, kahit na ang handog para sa kasalanan ay magpakailanmang mabisa para sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakumpleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring tiwaling disposisyon(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4). Napakalinaw na nasagot ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang tanong na ’yon. Matapos namin ’yong marinig, naintindihan namin. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ginawa lang ng Panginoong Jesus ang kanyang gawain ng pagtubos para patawarin ang sangkatauhan sa kasalanan, na nagpatuwid sa kanila sa pamamagitan ng pananalig at nagligtas sa kanila sa pamamagitan ng pananalig. Gano’n pa man, hindi sinabi ng Panginoong Jesus na lahat ng pinatawad na sa kanyang mga kasalanan ay makakapasok sa kaharian ng langit. Dahil ’yon sa maaaring pinatawad na tayo ng Panginoong Jesus sa lahat ng kasalanan, pero hindi niya tayo pinatawad sa ating mga satanikong katangian. Ang panloob nating kayabangan, kaswapangan, panlilinlang, kasamaan, atbp., ang ating, masasamang pag-uugali, ay nananatili pa rin. Mas malalim sa kasalanan ang mga bagay na ito. Mas mahirap itong lutasin. Kung ang mga satanikong katangian at masasamang pag-uugali, na labis kung lumaban sa Diyos, ay hindi pa nalulutas, hindi natin maiiwasang gumawa ng maraming kasalanan. Maaari tayong makagawa ng mga kasalanang mas malala pa sa paglabag sa batas, at ’yon ang, mga napakasamang kasalanan. Bakit nagawa ng mga Pariseyo na tuligsain at labanan ang Panginoong Jesus? Pa’no nila Siya nagawang ipako sa krus? Pinatutunayan no’n na kapag ang satanikong katangian ng tao ay hindi pa nalulutas magkakasala pa rin ang tao, lalaban sa Diyos, at ipagkakanulo ang Diyos.

Sumampalataya tayo sa Panginoon sa loob ng ilang taon at naranasan natin sa sarili natin ang isang bagay, yon ay, kahit pinatawad na ang ating mga kasalanan, hindi pa rin natin natitiis ang palagiang pagkakasala. Nagsisinungaling pa rin tayo, nangdadaya, nangloloko at nakikipagtalo sa paghahangad ng magandang reputasyon at estado. Tumatakas pa nga tayo sa responsibilidad at nagbibigay ng problema sa iba para lang sa sarili natin. Kapag humaharap sa natural at gawa ng taong mga sakuna, o sa mga pagsubok at paghihirap, sinisisi at tinatraydor natin ang Diyos. Kung hindi naaayon sa sarili nating pagkaintindi ang gawain ng Diyos, itinatanggi, hinuhusgahan, at nilalabanan natin ang Diyos. Kahit sumasampalataya tayo sa pangalan ng Diyos, ginagalang at sinusunod pa rin natin ang ibang mga tao. Kung meron tayong mga posisyon, pinupuri at binibigyang patunay natin ang ating mga sarili, gaya ng mga punong ministro, eskriba, at mga Pariseyo. Umaarte tayong parang tayo ang Diyos para subukang kumbinsihin ang mga tao na igalang at hangaan tayo. Ninanakaw at kinukuha pa natin para sa aring mga sarili ang mga alay sa Diyos. Naiinggit tayo at sumusunod sa sarili nating kagustuhan at sa mga kapritso ng ating laman at damdamin. Tinatanim natin ang sarili nating mga watawat, bumubuo ng sarili nating mga grupo, at nagtatayo ng sarili nating mga kaharian. Malilinaw na katotohanan ang mga ito. Makikita nating kapag hindi pa nalulutas ang ating satanikong katangian at disposisyon, Hindi tayo magiging karapat-dapat na pumasok sa kaharian ng langit kahit pa ilang milyong beses na pinatawad ang ating mga kasalanan. Ang katotohanang nagkakasala pa rin tayo at lumalaban sa Diyos ay nagpapakitang kasapi pa rin tayo ni Satanas, mga kalaban ng Diyos, at tiyak na hahatulan at parurusahan Niya. Gaya rin ’yon ng nasasabi sa Bibliya: “Sapagka’t kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan, kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway(Mga Hebreo 10:26–27). Basahin pa natin ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Ang isang makasalanang tulad mo, na katutubos pa lang, at hindi pa nabago, o nagawang perpekto ng Diyos, makakaayon ka ba ng puso ng Diyos? Para sa iyo, na ang dating ikaw pa rin, totoo na ikaw ay iniligtas ni Jesus, at na ikaw ay hindi itinuturing na isang makasalanan dahil sa pagliligtas ng Diyos, ngunit hindi ito nagpapatunay na ikaw ay hindi makasalanan, at hindi marumi. Paano ka magiging banal kung hindi ka pa nababago? Sa iyong kalooban, puno ka ng karumihan, sakim ka at masama, ngunit ninanais mo pa ring bumaba na kasama ni Jesus—hindi ka ganoon kasuwerte! Nalaktawan mo ang isang hakbang sa iyong pananalig sa Diyos: Natubos ka pa lang, ngunit hindi pa nabago. Para maging kaayon ka ng puso ng Diyos, kailangang ang Diyos Mismo ang gumawa ng gawain ng pagbabago at paglilinis sa iyo; kung ikaw ay tinubos lamang, wala kang kakayahang magtamo ng kabanalan. Dahil dito hindi ka magiging karapat-dapat na makibahagi sa magagandang biyaya ng Diyos, dahil nalaktawan mo ang isang hakbang sa gawain ng Diyos na pamamahala sa tao, na isang mahalagang hakbang sa pagbabago at pagperpekto. Kaya ikaw, na isang makasalanang katutubos pa lang, ay walang kakayahang direktang manahin ang pamana ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Pangalan at sa Pagkakakilanlan). Gaya ng nakikita niyo, tinubos lang tayo ng Panginoong Jesus pero namumuhay pa rin sa ating satanikong disposisyon, palaging nagkakasala at lumalaban sa Diyos. Kailangang maranasan natin ang paghatol at paglilinis ng Diyos sa mga huling araw para makalaya sa kasalanan at makagaya sa puso ng Diyos. Saka tayo magiging karapatdapat pumasok sa langit. Sa totoo lang, minsang sinabi ng Panginoong Jesus: “Ako’y paroroon upang ipaghanda Ko kayo ng dakong kalalagyan. At kung Ako’y pumaroon at kayo’y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto Ako, at kayo’y tatanggapin Ko sa Aking sarili; upang kung saan Ako naroroon, kayo naman ay dumoon(Juan 14:2–3). Bumalik ang Panginoon para maghanda ng lugar para sa atin at pagkatapos Niyang maghanda, babalik Siya para tanggapin tayo. Sa totoo lang, ang “pagtanggap” na ito ay tumutukoy sa mga plano Niya na isilang tayong muli sa mga huling araw. Pagdating ng Panginoon para gawin ang Kanyang gawain, dadalhin niya tayo sa harap ng Kanyang luklukan para hatulan, linisin, at gawing perpekto ng mga salita ng Diyos. Gagawin Niya tayong mga mananagumpay bago dumating ang mga sakuna. Ang proseso ng Kanyang pagtanggap sa atin ay siya ring paraan kung pa’no niya tayo lilinisin at gagawing perpekto. Dumating ngayon ang Panginoon sa lupa para humatol sa mga huling araw. Na-rapture na tayo sa harap ng Kanyang luklukan para makapiling Siya. Hindi ba lubos nitong tinutupad ang propesiya ng pagdating ng Panginoon para tanggapin tayo? Sa pagtatapos ng malalaking sakuna, itatatag sa lupa ang kaharian ni Cristo. Lahat ng makakaligtas sa pagdalisay ng malalaking sakuna ay magkakaro’n ng lugar sa kaharian sa langit.

Sinasabi ng ilang tao, ang mga disipulong gaya ni Pablo, silang mga naghihirap at nagsasakripisyo para sa Panginoon, hindi ba karapat-dapat silang lahat na pumasok sa kaharian sa langit? Gaya rin ’yon ng minsang sinabi ni Pablo, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Iniisip ng maraming tao: Nagsikap si Pablo para sa Panginoon at nagmana ng putong ng katuwiran, kaya hangga’t nagsisikap tayo kagaya ni Pablo, mamanahin nating lahat ang putong ng katuwiran at makakapasok tayo sa kaharian ng langit, tama ba? Totoo ba ’yan? Ang mga sinabing ito ni Pablo, batay ba ’yon sa salita ng Diyos? Sinabi ba ng Panginoong Jesus na natanggap ni Pablo ang mga gantimpala at minana ang putong? Pinatunayan ba ng Banal na Espiritu na pumasok si Pablo sa kaharian sa langit? Hindi nasusulat sa Bibliya ang alin man sa mga ito. Gaya ng nakikita n’yo, walang ebidensya ang mga salita ni Pablo. Samakatuwid, hindi natin mapagbabatayan ang mga salita ni Pablo kung pa’no makapasok sa kaharian ng langit. Tungkol naman sa pagkakamit ng buhay na walang hanggan at pagpasok sa kaharian ng langit, malinaw na sinabi ng Panginoong Jesus minsan, “Hindi ang bawa’t nagsasabi sa Akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo’y nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha? At kung magkagayo’y ipahahayag Ko sa kanila, kailan ma’y hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan(Mateo 7:21–23). Napakalinaw ng mga salita ng Panginoong Jesus. Dapat iwan ng mga tao ang masasama nilang kasalanan, linisin at sundin ang nais ng Diyos para makapasok sa kaharian ng langit. Kung gumagawa at nagsasakripisyo sila sa pamamagitan lamang ng pagsisikap habang patuloy na nagkakasala at lumalaban sa Diyos, kung hindi nila kayang sundin ang daan ng Diyos, mga masasamang tao sila kung gano’n; tiyak na hindi sila papasok sa kaharian ng langit. Ang kaibahan naman kay Pablo, sinabi niyang ang makibaka ng mabuting pakikibaka, pagtapos sa kanyang pagtakbo, at pananatili sa pananampalataya ang magiging dahilan para magantimpalaan siya at makapasok sa kaharian ng langit. Hindi ba halatang salungat ito sa kung ano ang sinabi ng Panginoong Jesus? Ayon sa pananaw ni Pablo, hangga’t nagsisikap tayo para sa Panginoon, makakatanggap tayo ng mga gantimpala at makakapasok sa kaharian ng langit. Kung gano’n nga, yung mga Hudyong Pariseyo bang naglalakbay sa dagat at sa lupa para ikalat ang ebanghelyo habang tinutuligsa at kinakalaban ang Panginoong Jesus ay makakapasok sa kaharian ng langit? Yung mga nangangaral at nagpapalayas ng demonyo sa ngalan ng Panginoon ngunit hindi sumusunod sa daan ng Diyos, karapat-dapat din ba silang pumasok sa kaharian ng langit? Hindi ba’t katawa-tawa ang pananaw na ’yon? Bakit hindi nagawa ng mga Pariseyo na makamit ang paghanga ng Panginoong Jesus, kahit ano man ang gawin nila? Yon ay dahil ikinakalat lang nila ang ebanghelyo at nagtitiis ng paghihirap dahil sa paghahangad ng sarili nilang kapakinabangan at mga gantimpala. Matuwid ang Diyos. Nakikita ng Diyos ang mga isip at puso ng tao. Samakatuwid, nang gawin ng Panginoong Jesus ang Kanyang gawain, nailantad ’yon nang lubos. Mala-panatiko nilang tinuligsa at nilabanan ang Panginoong Jesus para protektahan ang kanilang mga posisyon at kabuhayan. Mga kaaway sila ng Panginoong Jesus; ipinapako nila Siya sa krus. Ang resulta sa huli ay sinumpa at pinarusahan sila ng Diyos. Isang kilala at karaniwang katotohanan ito.

Ano’ng mangyayari sa mga relihiyoso sa mga huling araw? Marami sa mga taong ’yon ang kagaya ng mga Hudyong Pariseyo. Kahit nagsikap sila para sa Panginoon, lahat ng ginawa nila ay dahil sa paghahangad ng mga biyaya at gantimpala; Sinusubukan nilang makamit ang korona at mga gantimpala; hindi nila isinasabuhay ang mga salita ng Panginoon o sumusunod sa Panginoon. Samakatuwid, kapag gumagawa sila at nagsasakripisyo, ginagawa nila ’yon ayon sa kanilang sariling mga hangarin at kapritso. Pinupuri at binibigyang patunay nila ang kanilang sarili sa paghahangad sa kanilang mga posisyon at reputasyon. Bumubuo sila ng mga paksyon, nagtatatag ng sariling mga kaharian. Kahit marami sa kanila ang nakagawa na ng ilang gawain at nagtiis ng ilang paghihirap, umaasa sila sa kataasan ng kanilang ranggo, buong pagmamalaking hinihingan ang Diyos ng lugar sa kaharian ng langit. Pa’nong ang mga taong ito, lalo na ang mga pastor at elder, ay magkakamit ng paghanga ng Diyos? Kapag naharap sa gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw, hindi lang nila ’yon hindi tinatanggap, mala-panatiko nilang nilalabanan at tinutuligsa ang Makapangyarihang Diyos para protektahan ang sarili nilang posisyon at kabuhayan. Ipinako uli nila sa krus ang Diyos. Hinamon nila ang disposisyon ng Diyos matagal na ang nakakaraan. Hindi ba ’yon isang katotohanan? Hindi pa rin ba natin nauunawaan? Sapat na ang mga katotohanang ito para patunayang tayong mga nagsasakripisyo at nagsisikap para sa Panginoon ay hindi nakakasigurong makakapasok sa kaharian ng langit. Tayong mga sumasampalataya sa Panginoon ngunit hindi nagsasabuhay sa Kanyang mga salita o sumusunod sa Kanyang mga utos ay hindi tinutulak ng ating pagmamahal sa Diyos o ng paghahangad na sumunod sa Kanya; naghahanap lang tayo ng mga biyaya at daan papasok sa langit. Dinadaya at ginagamit natin ang Diyos. Kahit gaano karaming gawain ang gawin natin, kahit gaano tayo maghirap, hindi natin makakamit ang papuri ng Diyos. Gaya rin ’yon ng sinabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa isang pahapyaw na sulyap, waring palaging abalang-abala ang mga tao habang ginugugol nila ang kanilang mga sarili at gumagawa para sa Diyos, habang sa katunayan ay tinatantiya nila, sa lihim na mga lugar ng kaibuturan ng kanilang mga puso, ang susunod na hakbang na dapat nilang gawin upang makamtan ang mga pagpapala o mamuno bilang mga hari. Maaaring sabihin na habang nagtatamasa ang puso ng tao sa Diyos, kasabay nitong kinakalkula ang Diyos. Ang sangkatauhang nasa ganitong kalagayan ay humaharap sa pinakamalalim na pagkasuklam at pagkamuhi ng Diyos; hindi kinukunsinti ng disposisyon ng Diyos ang sinumang tao na nanlilinlang o gumagamit sa Kanya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Panimula). “Sinasabi mo na ikaw ay laging nagdurusa habang sumusunod sa Diyos, na nakasunod ka sa Kanya sa anumang kalagayan, at naibahagi sa Kanya ang mga pagkakataong mabubuti at ang masasama, ngunit hindi mo naisabuhay ang mga salitang winika ng Diyos; ninanais mo lamang na magparoo’t parito para sa Diyos at gugulin ang sarili para sa Diyos bawat araw, at kailanman ay hindi naisip na isabuhay ang isang buhay na makabuluhan. Sinasabi mo rin, ‘Sa ano mang katayuan, naniniwala ako na ang Diyos ay matuwid: Nagdusa ako para sa Kanya, gumawa para sa Kanya, at inilaan ang aking sarili sa Kanya, at masigasig akong nakagawa kahit hindi tumatanggap ng anumang pagkilala; tiyak na aalalahanin Niya ako.’ Totoo na ang Diyos ay matuwid, gayunman ang katuwirang ito ay walang bahid ng anumang karumihan: Wala itong taglay na kalooban ng tao, at hindi nabahiran ng laman, o ng pantaong pag-uugnayan. Ang lahat ng mapanghimagsik at lumalaban, ang lahat ng hindi nakaayon sa Kanyang daan, ay parurusahan; walang pinatatawad, at walang ititira!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). “Kailangan mong malaman kung anong uri ng mga tao ang Aking nais; yaong mga hindi dalisay ay hindi pinapayagang makapasok sa kaharian, yaong mga hindi dalisay ay hindi pinahihintulutang dungisan ang banal na lupain. Bagama’t maaaring marami kang nagawang gawain, at gumawa ka sa loob ng maraming taon, sa huli kung kalunus-lunos pa rin ang iyong karumihan, hindi katanggap-tanggap sa batas ng Langit na nais mong pumasok sa Aking kaharian! Mula sa pundasyon ng mundo hanggang ngayon, hindi Ako kailanman nakapag-alok ng madaling daan patungo sa Aking kaharian para sa mga humihingi ng pabor sa Akin. Ito ay isang panuntunan sa langit, at walang sinumang makasusuway rito! … Kung umaasa ka lang sa mga gantimpala, at hindi mo hinahangad na baguhin ang iyong sariling disposisyon sa buhay, lahat ng iyong pagsisikap ay mawawalan ng saysay—at ito ay isang katotohanang hindi mababago!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, makikita nating banal Siya at matuwid. Tiyak na hindi papayagan ng Diyos ang marurumi, tiwaling tao na pumasok sa Kanyang kaharian. Ito ay pinagpasyahan ng tuwid na disposisyon ng Diyos! Samakatuwid, dapat maranasan natin ang paghatol at paglilinis ng Diyos sa mga huling araw para makamit ang katotohanan, mapalaya ang ating mga sarili mula sa ating maruming disposisyon at mapasakamay ng Diyos, mailigtas at makapasok sa kaharian ng langit. Isa ’tong hindi mapagdududahang katotohanan.

mula sa iskrip ng pelikulang Paggising mula sa Panaginip

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Inilantad: Ang Tunay na Kahulugan ng “Naganap Na” na Sinabi ng Panginoong Jesus sa Krus

Maraming mga kapatid ang naniniwala na ang ibig sabihin ni Jesus sa sinabi Niyang “Naganap na” noong nasa krus Siya ay nakumpleto na ang gawain ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Pero gano’n nga ba talaga ‘yon? Ano nga ba talaga ang ibig Niyang sabihin sa sinabi niyang “Naganap na”? Ang sumusunod na artikulo ang maglalantad ng tunay na kahulugan ng mga salitang “Naganap na” na sinabi ng Panginoong Jesus sa krus. Mangyaring basahin …