Paano dapat isagawa ng isang tao ang mga salita ng Diyos upang makapasok sa katotohanang realidad

Enero 26, 2022

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Hindi lamang kakayahang magsalita tungkol sa realidad ang kinakailangan ng Diyos sa mga tao; napakadali sana niyan, hindi ba? Kung gayon, bakit binabanggit ng Diyos ang pagpasok sa buhay? Bakit Siya nagsasalita tungkol sa pagbabago? Kung ang kaya lamang ng mga tao ay hungkag na pananalita tungkol sa realidad, magkakamit ba sila ng pagbabago sa kanilang disposisyon? Ang mabubuting kawal ng kaharian ay hindi sinanay na maging isang grupo ng mga tao na kaya lamang magsalita tungkol sa realidad o magyabang; sa halip, sinanay silang isabuhay ang mga salita ng Diyos sa lahat ng oras, manatiling hindi sumusuko anumang mga dagok ang kinakaharap nila, at patuloy na mamuhay alinsunod sa mga salita ng Diyos at huwag bumalik sa mundo. Ito ang realidad na sinasabi ng Diyos; ito ang kinakailangan ng Diyos sa tao. Sa gayon, huwag isiping napakadali ng realidad na binabanggit ng Diyos. Ang kaliwanagan lamang mula sa Banal na Espiritu ay hindi kapantay ng pagtataglay ng realidad. Hindi gayon ang tayog ng tao—ito ang biyaya ng Diyos, kung saan walang iniaambag ang tao. Bawat tao ay kailangang tiisin ang mga pagdurusa ni Pedro, at, higit pa rito, taglayin ang kaluwalhatian ni Pedro, na kanilang isinasabuhay matapos nilang matamo ang gawain ng Diyos. Ito lamang ang matatawag na realidad. Huwag isipin na taglay mo ang realidad dahil lamang sa kaya mong magsalita tungkol dito; maling akala iyan. Ang gayong mga saloobin ay hindi naaayon sa kalooban ng Diyos at walang tunay na kabuluhan. Huwag mong sabihin ang gayong mga bagay sa hinaharap—pawiin ang gayong mga kasabihan! Lahat ng may maling pagkaunawa sa mga salita ng Diyos ay mga walang pananampalataya. Wala silang anumang tunay na kaalaman, lalo nang walang anumang totoong tayog; sila ay mga mangmang na walang realidad. Sa madaling salita, lahat ng nabubuhay sa labas ng diwa ng mga salita ng Diyos ay mga walang pananampalataya. Yaong mga itinuturing ng mga tao na walang pananampalataya ay mga hayop sa mga mata ng Diyos, at yaong mga itinuturing ng Diyos na mga walang pananampalataya ay mga taong walang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay. Kung gayon ay masasabi na yaong mga hindi nagtataglay ng realidad ng mga salita ng Diyos at bigong isabuhay ang Kanyang mga salita ay mga walang pananampalataya. Ang layunin ng Diyos ay ipasabuhay sa lahat ang realidad ng Kanyang mga salita—hindi lamang basta mapagsalita ang lahat tungkol sa realidad, kundi, higit pa riyan, bigyang kakayahan ang lahat na isabuhay ang realidad ng Kanyang mga salita.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan ang Pagtataglay ng Realidad

Ano ang pinakamahalagang bagay sa pagsasagawa ng katotohanan? Hindi ba dapat mo munang maunawaan ang mga prinsipyo? Ano ang mga prinsipyo? Ang mga prinsipyo ay ang praktikal na aspeto ng katotohanan. Kapag binabasa mo ang isang pangungusap ng mga salita ng Diyos, iniisip mong ito ang katotohanan, ngunit hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyo sa loob nito; pakiramdam mo’y tama ang pangungusap, ngunit hindi mo alam kung sa anong paraan ito praktikal, o kung anong kalagayan ang dapat nitong tugunan. Hindi mo maunawaan ang mga prinsipyo nito o ang landas ng pagsasagawa nito. Para sa iyo, ang katotohanang ito na iyong inuunawa ay doktrina lamang. Gayunpaman, sa sandaling maunawaan mo ang katotohanang realidad ng pangungusap na ito, pati na kung ano ang mga hinihiling ng Diyos—kung tunay mong nauunawaan ang mga bagay na ito, at nagagawang magpakasakit at isagawa ang mga ito—kung gayon ay makakamit mo ang katotohanang ito. Sa pagkamit mo sa katotohanang ito, unti-unti, ang tiwali mong disposisyon ay nalulutas, at ang katotohanang ito ay nasasangkap sa iyo. Kapag naisagawa mo ang realidad ng katotohanan, at kapag ang pagganap mo sa iyong tungkulin, sa iyong bawat kilos, at sa iyong asal bilang isang tao ay nakabatay sa mga prinsipyo ng pagsasagawa ng katotohanang ito, kung gayon ay hindi ba’t nabago ka? Higit sa lahat, ikaw ay naging isang taong nagtataglay ng katotohanang realidad. Hindi ba kapareho ng isang taong nagtataglay ng katotohanang realidad ang isang taong kumikilos nang may mga prinsipyo? At hindi ba kapareho ng taong kumikilos nang may mga prinsipyo ang taong nagtataglay ng katotohanan? Hindi rin ba nakasusunod sa kalooban ng Diyos ang taong nagtataglay ng katotohanan? Ganoon ang pagkakaugnay-ugnay ng mga bagay na ito.

Hinango mula sa Pagbabahagi ng Diyos

Alinmang aspeto ng katotohanang realidad ang narinig mo, kung pinanghahawakan mo ito, kung isinasagawa mo ang mga salitang ito sa iyong buhay, at ginagamit ang mga ito sa iyong pagsasagawa, tiyak na may pakinabang kang makukuha, at tiyak na magbabago ka. Kung isinisiksik mo lang ang mga salitang ito sa iyong tiyan, at kinakabisado ang mga ito sa iyong ulo, hindi ka kailanman magbabago. Habang nakikinig sa mga sermon, dapat mong pagnilayang mabuti: “Anong uri ng kalagayan ang tinutukoy ng mga salitang ito? Anong aspekto ng diwa ang tinutukoy nila? Sa anong mga bagay ko dapat gamitin ang aspektong ito ng katotohanan? Sa tuwing may gagawin ako na may kinalaman sa aspektong ito ng katotohanan, naisasagawa ko ba ito nang alinsunod dito? At kapag isinasagawa ko na ito, nakaayon ba ang aking kalagayan sa mga salitang ito? Kung hindi, dapat ba akong maghanap, makibahagi, o maghintay?” Nagsasagawa ka ba sa ganitong paraan sa inyong buhay? Kung hindi ganito, walang Diyos at walang katotohanan sa inyong buhay. Nabubuhay kayo batay sa mga titik at doktrina o batay sa inyong sariling mga interes, lakas ng loob, at kasiglahan. Ang mga hindi nagtataglay ng katotohanan bilang realidad ay ang mga walang realidad, at ang mga taong hindi nagtataglay ng mga salita ng Diyos bilang kanilang realidad ay mga taong hindi nakapasok sa Kanyang salita. Nauunawaan ba ninyo ang Aking sinasabi? Pinakamabuti kung nauunawaan ninyo, subalit kahit pa ano ang inyong pagkaunawa sa mga ito, at gaano man karami sa inyong narinig ang inyong naintindihan, ang napakahalagang bagay ay nagagawa mong ipakilala kung ano ang naunawaan mo sa iyong buhay at isinagawa ito. Doon mo lamang mapapalago ang iyong tayog, at tanging sa sandaling iyon lamang magaganap ang mga pagbabago sa iyong disposisyon.

Hinango mula sa “Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Hindi isang simpleng bagay ang pagpasok sa katotohanang realidad. Ang susi ay magtuon sa paghahangad sa katotohanan at pagsasagawa sa katotohanan. Kailangan mong panghawakan ang mga bagay na ito sa iyong puso araw-araw. Anuman ang mga suliraning kinakaharap mo, huwag mong laging protektahan ang pansarili mong interes; bagkus, matutong hanapin ang katotohanan at magnilay-nilay sa sarili. Anumang katiwalian mo ang mabunyag, hindi mo dapat pahintulutan na hindi ito maisaayos; pinakamabuti kung mapagnilay-nilayan mo at makilala ang iyong tiwaling diwa. Sa pang-araw-araw na mga sitwasyon, kung nakatuon ang iyong kaisipan kung paano lutasin ang iyong tiwaling disposisyon, kung paano isagawa ang katotohanan, at kung ano ang mga katotohanang prinsipyo, kung gayon ay may kakayahan kang matutuhan kung paano gamitin ang katotohanan upang malutas ang iyong mga suliranin nang naaayon sa mga salita ng Diyos. Sa paggawa mo nito, unti-unti kang makakapasok sa realidad. Kung ang isip mo ay puno ng mga ideya kung paano ka makakakuha ng mas mataas na posisyon, o kung ano ang gagawin sa harap ng iba para hangaan ka nila, mali ang landas na tinatahak mo. Nangangahulugan ito na ginagawa mo ang mga bagay para kay Satanas; ikaw ay nagsisilbi. Kung ang isip mo ay puno ng mga ideya kung paano magbago para mas lalo kang maging wangis ng tao, maging ayon sa mga layon ng Diyos, magawang magpasakop at magpitagan sa Kanya, at magpakita ng pagpipigil at tanggapin ang Kanyang pagsusuri sa lahat ng ginagawa mo, sa gayon, bubuti nang bubuti ang kalagayan mo. Ito ang kahulugan ng pagiging isang tao na namumuhay sa harap ng Diyos. Sa gayon, mayroong dalawang landas: Ang isa ay binibigyang-diin lamang ang pag-uugali, tinutupad ang sariling mga ambisyon, hangarin, layon, at plano ng isang tao; ito ay pamumuhay sa harap ni Satanas at pamumuhay sa ilalim ng kapangyarihan nito. Ang isa pang landas ay binibigyang-diin kung paano mapalugod ang kalooban ng Diyos, pumasok sa katotohanang realidad, magpasakop sa Diyos, at hindi magkaroon ng mga maling pagkaunawa o pagsuway sa Kanya, upang ang isang tao ay nagpipitagan sa Diyos at ginagampanang mabuti ang tungkulin ng isang tao. Ito ang ibig sabihin ng mamuhay sa harap ng Diyos.

Hinango mula sa “Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Maaaring Magtaglay ang Tao ng Normal na Pagkatao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Ang mga taong tunay na ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos ay inilalagak ang buo nilang pagkatao sa Kanyang harapan; tunay silang nagpapasakop sa lahat ng Kanyang mga pahayag, at naisasagawa nila ang Kanyang mga salita. Ginagawa nilang pundasyon ng kanilang pag-iral ang mga salita ng Diyos, at nagagawa nilang taimtim na saliksikin ang nilalaman ng mga salita ng Diyos upang alamin kung aling mga bahagi ang isasagawa. Sila yaong mga tao na tunay na namumuhay sa harap ng Diyos. Kung ang iyong ginagawa ay kapaki-pakinabang sa iyong buhay, at sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita ay matutugunan mo ang mga panloob na pangangailangan at kakulangan upang magbago ang iyong disposisyon sa buhay, mapapalugod nito ang kalooban ng Diyos. Kung kikilos ka alinsunod sa mga kinakailangan ng Diyos, at kung hindi mo binibigyan ng kasiyahan ang laman kundi sa halip ay pinalulugod mo ang Kanyang kalooban, dito ay nakapasok ka na sa realidad ng Kanyang mga salita. Kapag pinag-uusapan ang tungkol sa mas makatotohanang pagpasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, ibig sabihin nito ay kaya mong gampanan ang iyong tungkulin at tugunan ang mga kinakailangan ng Diyos. Ang ganitong mga uri lamang ng praktikal na mga kilos ang matatawag na pagpasok sa realidad ng Kanyang mga salita. Kung nagagawa mong pumasok sa realidad na ito, tataglayin mo ang katotohanan. Ito ang simula ng pagpasok sa realidad; kailangan mo munang magdaan sa pagsasanay na ito, at saka ka lamang makakapasok sa mas malalalim na realidad.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Tunay na Nagmamahal sa Diyos ay Yaong mga Talagang Nagpapasakop sa Kanyang Pagiging Praktikal

Magmula nang maniwala ang mga tao sa Diyos, nagkimkim na sila ng maraming maling intensyon. Kapag hindi mo isinasagawa ang katotohanan, nararamdaman mong lahat ng iyong layunin ay tama, ngunit kapag may nangyari sa iyo, makikita mong maraming maling intensyon sa kalooban mo. Kaya, kapag ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao, sinasanhi Niya na matanto nila na maraming kuru-kuro sa kanilang kalooban na humahadlang sa kanilang pagkakilala sa Diyos. Kapag natatanto mong mali ang iyong mga intensyon, kung nagagawa mong itigil ang pagsasagawa ayon sa iyong mga kuru-kuro at intensyon, at nagagawa mong magpatotoo sa Diyos at panindigan ang iyong posisyon sa lahat ng nangyayari sa iyo, nagpapatunay ito na nalabanan mo na ang laman. Kapag nilalabanan mo ang laman, tiyak na magkakaroon ng isang labanan sa iyong kalooban. Susubukang himukin ni Satanas ang mga tao na sundin ito, susubukan sila nitong utusan na sundin ang mga kuru-kuro ng laman at panindigan ang mga interes ng laman—ngunit liliwanagan at paliliwanagin ng mga salita ng Diyos ang kalooban ng mga tao, at sa oras na ito ay nasa iyo na kung susundin mo ang Diyos o susundin si Satanas. Pangunahing hinihingi ng Diyos sa mga tao na isagawa ang katotohanan upang pakitunguhan ang mga bagay na nasa kalooban nila, upang pakitunguhan ang kanilang mga kaisipan at mga kuru-kuro na hindi kaayon ng puso ng Diyos. Pinupukaw ng Banal na Espiritu ang mga tao sa kanilang puso, at nililiwanagan at pinaliliwanag sila. Kaya sa likod ng lahat ng bagay na nangyayari ay isang labanan: Tuwing isinasagawa ng mga tao ang katotohanan, o isinasagawa ang pag-ibig sa Diyos, mayroong isang malaking labanan, at bagama’t maaaring mukhang maayos ang lahat sa kanilang laman, sa kaibuturan ng kanilang mga puso, sa katunayan ay nagpapatuloy ang isang labanan sa pagitan ng buhay at kamatayan—at matapos lamang ng matinding labanang ito, matapos ang napakaraming pagmumuni-muni, saka mapagpapasyahan ang tagumpay o pagkatalo. Hindi alam ng isang tao kung tatawa o hihikbi. Dahil marami sa mga intensyon na nasa kalooban ng mga tao ang mali, o kaya’y dahil marami sa gawain ng Diyos ang taliwas sa kanilang mga kuru-kuro, kapag isinagawa ng mga tao ang katotohanan, isang malaking labanan ang nagaganap sa likod ng mga eksena. Matapos maisagawa ang katotohanang ito, sa likod ng mga eksena, hindi na mabilang ang mga patak ng luhang ibinuhos ng mga tao dahil sa kalungkutan bago nila tuluyang napagpasyahan na bigyang-kasiyahan ang Diyos. Dahil sa labanang ito kung kaya’t dumaranas ang mga tao ng paghihirap at pagdadalisay; ito ay totoong pagdurusa. Kapag nangyari sa iyo ang labanan, kung magagawa mong tunay na pumanig sa Diyos, magagawa mong bigyan ng kasiyahan ang Diyos. Habang isinasagawa ang katotohanan, tiyak na magdurusa ang kalooban ng isang tao; kung, kapag isinagawa nila ang katotohanan, ang lahat ng nasa kalooban ng mga tao ay tama, hindi na sila kailangan pang gawing perpekto ng Diyos, at hindi magkakaroon ng labanan, at hindi sila magdurusa. Dahil maraming bagay sa kalooban ng tao ang hindi akmang gamitin ng Diyos, at dahil maraming mapanghimagsik na disposisyon ng laman, kung kaya’t kailangang mas malalim na matutuhan ng tao ang aral ng paglaban sa laman. Ito ang tinatawag ng Diyos na paghihirap na Kanyang hiningi sa tao na pagdaanan kasama Niya. Kapag nakakaranas ka ng mga paghihirap, magmadali kang manalangin sa Diyos: “O Diyos! Nais kong magbigay-kasiyahan sa Iyo, nais kong tiisin ang sukdulang paghihirap upang makapagbigay-kasiyahan sa Iyong puso, at gaano man kalaki ang mga dagok na aking makatagpo, kailangan ko pa ring magbigay-kasiyahan sa Iyo. Kahit na kailanganin ko pang ibigay ang aking buong buhay, kailangan ko pa ring magbigay-kasiyahan sa Iyo!” Kapag may ganito kang kapasyahan, kapag nananalangin ka nang ganito, magagawa mong panindigan ang iyong patotoo. Tuwing isinasagawa nila ang katotohanan, tuwing sumasailalim sila sa pagpipino, tuwing sinusubok sila, at tuwing dumarating sa kanila ang gawain ng Diyos, kailangang magtiis ang mga tao ng matinding sakit. Ang lahat ng ito ay isang pagsubok para sa mga tao, at kaya sa loob nilang lahat ay may isang digmaan. Ito ang aktwal na halagang kanilang binabayaran. Ang higit pang pagbabasa ng mga salita ng Diyos at higit pang pag-aabala ay bahagi ng kabayarang iyon. Ito ang nararapat gawin ng mga tao, tungkulin nila ito, at ang pananagutan na dapat nilang tuparin, ngunit dapat na isantabi ng mga tao yaong nasa loob nila na kailangang maisantabi. Kung hindi, gaano man katindi ang iyong panlabas na pagdurusa, gaano ka man magpakaabala, ang lahat ay mawawalan ng kabuluhan! Na ang ibig sabihin, tanging ang mga pagbabago sa iyong kalooban ang makapagsasabi kung may halaga ang iyong panlabas na paghihirap. Kapag nagbago na ang iyong panloob na disposisyon at naisagawa mo na ang katotohanan, magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos ang lahat ng iyong panlabas na paghihirap; kung walang naging pagbabago sa iyong panloob na disposisyon, kahit gaano karaming paghihirap ang iyong tiisin o gaano ka man magpakaabala sa panlabas, walang magiging pagsang-ayon mula sa Diyos—at ang paghihirap na hindi pinagtibay ng Diyos ay walang kabuluhan. Kaya, kung sinasang-ayunan ng Diyos ang halaga na iyong ibinayad ay malalaman sa pamamagitan ng kung nagkaroon na ba ng pagbabago sa iyo o hindi, at kung isinasagawa mo ba ang katotohanan o hindi at kung lumalaban ka ba sa sarili mong mga intensyon at mga kuru-kuro upang makamit ang pagsasakatuparan kalooban ng Diyos, ang pagkakilala sa Diyos, at ang katapatan sa Diyos. Gaano man ang iyong pag-aabala, kung hindi mo pa kailanman nagawang labanan ang sarili mong mga intensyon, kundi naghahanap ka lamang ng panlabas na mga aksyon at sigasig, at hindi kailanman nagbibigay-pansin sa iyong buhay, ang iyong paghihirap ay walang kabuluhan. Kung, sa isang tiyak na kapaligiran, mayroon kang nais sabihin, ngunit sa iyong kalooban ay nararamdaman mong hindi tamang sabihin ito, na ang pagsasabi nito ay hindi makabubuti sa iyong mga kapatid, at maaaring makasakit sa kanila, hindi mo ito sasabihin, at pipiliin mong tahimik na masaktan ang kalooban mo, sapagka’t hindi matutugunan ng mga salitang ito ang kalooban ng Diyos. Sa oras na ito, magkakaroon ng paglalaban sa iyong kalooban, ngunit ikaw ay magiging handang magdusa ng sakit at isuko ang iyong iniibig. Magiging handa kang tiisin ang pagdurusang ito upang bigyang-kasiyahan ang Diyos, at bagama’t magdurusa ng sakit ang kalooban mo, hindi ka magpapadala sa laman, at ang puso ng Diyos ay masisiyahan, at kaya mapagiginhawa rin ang kalooban mo. Ito ang tunay na pagbabayad ng halaga, at ang halagang ninanais ng Diyos. Kung nagsasagawa ka sa ganitong paraan, siguradong pagpapalain ka ng Diyos; kung hindi mo makakamit ito, gaano karami man ang nauunawaan mo, o gaano ka man kahusay sa pananalita, itong lahat ay para sa wala! Kung, sa landas tungo sa pagmamahal sa Diyos, nagagawa mong tumayo sa panig ng Diyos kapag nakikipaglaban Siya kay Satanas, at hindi ka bumabalik kay Satanas, nakamit mo na ang pag-ibig sa Diyos, at nakapanindigan ka na sa iyong patotoo.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos

Bilang buod, ang pagtahak sa landas ni Pedro sa pananampalataya ng isang tao ay nangangahulugan ng paglakad sa landas ng paghahabol sa katotohanan, na siya ring landas para tunay niyang makilala ang kanyang sarili at mabago ang kanyang disposisyon. Sa pamamagitan lamang ng paglakad sa landas ni Pedro mapupunta ang isang tao sa landas ng pagiging ginawang perpekto ng Diyos. Dapat maging malinaw sa isang tao kung paano ba talaga lumakad sa landas ni Pedro, gayundin kung paano ito isagawa. Una, dapat munang isantabi ng isang tao ang kanyang mga sariling layunin, mga di-wastong paghahangad, at maging ang kanyang pamilya at lahat ng bagay na para sa kanyang sariling laman. Dapat buong-pusong mag-ukol ang isang tao, na ang ibig sabihin, kailangang ganap niyang ilaan ang kanyang sarili sa salita ng Diyos, magtuon sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, tumutok sa paghahanap sa katotohanan at sa paghahanap sa mga hangarin ng Diyos sa Kanyang mga salita, at subukang maunawaan ang kalooban ng Diyos sa lahat ng bagay. Ito ang pinakapangunahin at ang pinakamahalagang paraan ng pagsasagawa. Ito ang ginawa ni Pedro pagkatapos niyang makita si Jesus, at sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa sa ganitong paraan nakakamit ng isa ang pinakamahusay na mga resulta. Ang buong-pusong pagtatalaga sa mga salita ng Diyos ay pangunahing nangangahulugan ng paghahanap sa katotohanan, paghahanap sa hangarin ng Diyos sa loob ng Kanyang mga salita, pagtutuon ng pansin sa pag-unawa sa kalooban ng Diyos, at pag-unawa at pagkakamit ng mas maraming katotohanan mula sa mga salita ng Diyos. Kapag binabasa ang Kanyang mga salita, hindi nakatuon si Pedro sa pag-unawa sa mga doktrina at siya ay lalo pang hindi nakatuon sa pagkakamit ng kaalamang pangteolohiya; sa halip, siya ay nakatuon sa pag-unawa sa katotohanan at pag-unawa sa kalooban ng Diyos, at pagtatamo ng pagkaunawa ng Kanyang disposisyon at ng Kanyang pagiging kaibig-ibig. Sinubukan din niyang unawain ang iba’t ibang tiwaling mga kalagayan ng tao mula sa mga salita ng Diyos, at unawain ang tiwaling kalikasan ng tao at ang tunay na mga pagkukulang ng tao, tinatamo ang lahat ng aspeto ng mga hinihiling ng Diyos sa tao upang mapalugod Siya. Nagkaroon siya ng napakaraming wastong mga pagsasagawa sa loob ng mga salita ng Diyos; ito ay halos naaayon sa kalooban ng Diyos, at ito ang pinakamahusay na pakikipagtulungan ng tao sa kanyang karanasan sa gawain ng Diyos. Habang dumaranas ng daan-daang pagsubok ng Diyos, mahigpit niyang sinuri ang kanyang sarili ayon sa bawat salita ng paghatol ng Diyos sa tao, bawat salita ng paghahayag Niya sa tao, at bawat salita ng Kanyang mga kahilingan sa tao, at sinikap na unawain ang kahulugan ng mga pagbikas na iyon. Masigasig niyang pinagnilayan at isinaulo ang bawat salitang sinabi sa kanya ni Jesus, at napakaganda ng nakamtan niyang mga resulta. Sa ganitong paraan ng pagsasagawa, naunawaan niya ang kanyang sarili mula sa mga salita ng Diyos, at hindi lang ang iba’t ibang tiwaling kalagayan ng tao ang naunawaan niya, kundi pati na ang diwa, likas na pagkatao, at ang iba’t ibang pagkukulang ng tao. Ito ang kahulugan ng tunay na maunawaan ang sarili. Mula sa mga salita ng Diyos, hindi lamang niya natamo ang tunay na pagkaunawa ukol sa sarili niya, kundi mula sa mga bagay na ipinapahayag sa mga pagbigkas ng Diyos—ang matuwid na disposisyon ng Diyos, kung ano ang mayroon at kung ano Siya, ang kalooban ng Diyos para sa Kanyang gawain, ang Kanyang mga hinihingi sa sangkatauhan—mula sa mga salitang ito nakarating siya sa lubos na pagkakilala sa Diyos. Nakarating siya sa pagkakilala sa disposisyon ng Diyos, at sa Kanyang diwa; nakilala at naunawaan niya kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, sa pagiging kaibig-ibig ng Diyos at mga hinihingi ng Diyos para sa tao. Bagama’t ang Diyos ay hindi gaanong nagsalita noong panahong iyon kagaya ng Kanyang ginagawa sa kasalukuyan, nagkaroon ng bunga kay Pedro sa mga aspetong ito. Ito ay isang bihira at napakahalagang bagay. Dumaan si Pedro sa daan-daang pagsubok, subalit hindi nagdusa nang walang-saysay. Hindi lamang niya naunawaan ang kanyang sarili mula sa mga salita at sa gawa ng Diyos, kundi nakilala rin niya ang Diyos. Dagdag pa riyan, sa mga pagbigkas ng Diyos, nagtuon siya lalo na sa mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan sa loob ng Kanyang mga salita. Sa alinmang mga aspeto dapat bigyang-kasiyahan ng tao ang Diyos upang makaayon sa kalooban ng Diyos, nagawang magsikap nang husto ni Pedro sa mga aspetong ito at nakamtan ang buong kalinawan; lubhang kapaki-pakinabang patungkol sa sarili niyang pagpasok. Anuman ang pinatungkulan ng Diyos, basta’t ang mga salitang iyon ay maaaring maging buhay at ang katotohanan, nakaya ni Pedro na iukit ang mga ito sa kanyang puso upang madalas na pagbulayan at pahalagahan ang mga ito. Matapos mapakinggan ang mga salita ni Jesus nakaya niyang isapuso ang mga ito, na nagpapakita na siya ay espesyal na nakatuon sa mga salita ng Diyos, at tunay na nakamtan niya ang mga resulta sa huli. Ibig sabihin, nakaya niyang malayang isagawa ang mga salita ng Diyos, tumpak na isagawa ang katotohanan at mapahanay sa kalooban ng Diyos, kumilos nang lubusang naaayon sa intensiyon ng Diyos, at isuko ang kanyang sariling personal na mga opinyon at imahinasyon. Sa ganitong paraan, pumasok si Pedro sa realidad ng mga salita ng Diyos.

Hinango mula sa “Paano Lakaran Ang Landas ni Pedro” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.