Ang mga pastor at elder sa relihiyosong mundo ay mahuhusay lahat sa Biblia at madalas na nagpapaliwanag nito sa iba, habang hinihiling sa mga tao na sumunod sa Biblia. Sa paggawa nito, hindi ba sila nagtataas at nagpapatotoo sa Panginoon? Paano mo nasasabi na nanlilinlang sila ng mga tao, na sila ay mapagpaimbabaw na mga Fariseo?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Masdan mo ang mga pinuno ng bawat denominasyon—lahat sila’y mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, at binibigyang-kahulugan nila ang Biblia nang wala sa konteksto at ginagabayan ng kanilang sariling imahinasyon. Lahat sila’y umaasa sa mga kaloob at pag-aaral sa paggawa ng kanilang gawain. Kung sila’y wala talagang kakayahang mangaral, susunod ba sa kanila ang mga tao? Sila, kung sa bagay, ay nagtataglay ng kaunting kaalaman at makakapangaral ng ilang doktrina, o alam nila kung paano makaakit ng iba at kung paano gumamit ng ilang pakana. Ginagamit nila ang mga ito para dalhin ang mga tao sa harapan nila at linlangin sila. Sa pangalan, ang mga taong iyon ay naniniwala sa Diyos, ngunit sa realidad, sinusunod nila ang kanilang mga pinuno. Kung nakakatagpo sila ng isang taong nangangaral ng tunay na daan, ang ilan sa kanila’y nagsasabing, “Kailangang konsultahin namin ang aming pinuno tungkol sa aming pananampalataya.” Isang tao ang daanan ng kanilang pananampalataya sa Diyos; hindi ba problema iyan? Nagiging ano na kung gayon ang mga pinunong iyan? Hindi ba sila nagiging mga Fariseo, huwad na mga pastol, mga anticristo, at mga katitisuran sa pagtanggap ng mga tao sa tunay na daan?
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ang sinumang hindi nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos ay sumasalungat sa Kanya, at ang nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos ngunit hindi pa rin naghahangad na mabigyang-kasiyahan ang Diyos ay lalo pang higit na ituturing na kalaban ng Diyos. Mayroong mga nagbabasa ng Biblia sa mga malalaking iglesya at nagsasalaysay nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakaayon sa kalooban ng Diyos. Lahat sila ay walang halaga, masasamang tao, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang Diyos. Sadya nilang sinasalungat ang Diyos kahit na dala-dala nila ang Kanyang bandila. Sinasabi nilang sila ay nananampalataya sa Diyos, subalit kumakain pa rin sila ng laman at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng ganitong tao ay mga diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang humahadlang sa mga sumusubok na tumapak sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa mga naghahanap sa Diyos. Sila ay tila may “mahuhusay na konstitusyon,” ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na manindigan laban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga nabubuhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao? Ang mga nagpaparangal sa kanilang sarili sa harap ng Diyos ang pinakahamak sa mga tao, samantalang ang mga nagpapakumbaba ang pinakamarangal. At ang mga nag-aakala na alam nila ang gawain ng Diyos at, higit pa rito, ay kayang magpahayag ng gawain ng Diyos sa iba nang may pagpapasikat kahit pa sila ay direktang nakatingin sa Kanya—sila ang mga pinakamangmang sa mga tao. Ang ganitong mga tao ay walang patotoo ng Diyos, mapagmataas at puno ng kayabangan. Ang mga naniniwala na lubhang kakaunti ang kanilang kaalaman sa Diyos, sa kabila ng kanilang aktuwal na karanasan at praktikal na kaalaman tungkol sa Kanya, ang mga pinakamamahal Niya. Tanging ang mga ganitong tao ang tunay na may patotoo at tunay na magagawang perpekto ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos
Yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat kang manampalataya sa lahat ng mga salita ng Diyos at sa lahat ng gawain Niya. Ibig sabihin, yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat kang sumunod sa Kanya. Kung hindi mo kayang gawin ito, kung gayon ay hindi mahalaga kung naniniwala ka sa Diyos o hindi. Kung naniniwala ka sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi mo Siya kailanman sinunod, at hindi mo tinatanggap ang kabuuan ng mga salita Niya, at sa halip ay hinihingi mo sa Diyos na magpasakop Siya sa iyo at kumilos Siya ayon sa mga kuru-kuro mo, kung gayon ay ikaw ang pinakamapanghimagsik sa lahat, isa kang hindi mananampalataya. Paano makasusunod ang ganitong mga tao sa gawain at mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao? Ang pinakamapanghimagsik sa lahat ay ang mga sadyang lumalabag at lumalaban sa Diyos. Sila ang mga kaaway ng Diyos, ang mga anticristo. Palaging may poot ang saloobin nila sa bagong gawain ng Diyos; hindi sila kailanman nagkaroon ng ni katiting na kagustuhang magpasakop, ni hindi sila kailanman nagalak na magpasakop o magpakumbaba ng sarili nila. Dinadakila nila ang mga sarili nila bago ang iba at hindi kailanman nagpapasakop sa sinuman. Sa harap ng Diyos, itinuturing nila ang mga sarili nilang pinakamahusay sa pangangaral ng salita, at ang pinakabihasa sa paggawa sa iba. Hindi nila kailanman itinatapon ang mga “kayamanang” nasa pag-aari nila, kundi itinuturing ang mga ito bilang mga pamana ng pamilya para sambahin, para ipangaral sa iba ang tungkol dito, at ginagamit nila ang mga ito para magsermon sa mga hangal na umiidolo sa kanila. Tunay ngang may ilang taong tulad nito sa loob ng iglesia. Masasabing sila ay mga “hindi palulupig na mga bayani,” na bawat salinlahi ay pansamantalang nananahan sa tahanan ng Diyos. Ipinapalagay nila ang pangangaral ng salita (doktrina) bilang pinakamataas nilang tungkulin. Bawat taon, bawat salinlahi, masigasig nilang ipinatutupad ang “sagrado at hindi malalabag” na tungkulin nila. Walang nangangahas na salingin sila; wala kahit isang tao ang nangangahas na lantarang sawayin sila. Nagiging “mga hari” sila sa tahanan ng Diyos, nagwawala habang sinisiil nila ang iba sa bawat kapanahunan. Naghahangad ang pangkat ng mga demonyong ito na makipagsanib at gibain ang gawain Ko; paano Ko mapahihintulutang umiral ang mga buhay na diyablong ito sa harap ng mga mata Ko? Kahit ang mga medyo masunurin lamang ay hindi makapagpapatuloy hanggang sa katapusan, lalong hindi itong mga maniniil na wala ni katiting na pagsunod sa mga puso nila! Hindi madaling makakamit ng tao ang gawain ng Diyos. Kahit na ginagamit ang lahat ng lakas na mayroon sila, kaunting bahagi lamang nito ang makakamit ng mga tao, na sa huli ay magpapahintulot sa kanila na maperpekto. Ano, kung gayon, ang para sa mga anak ng arkanghel, na naghahangad na wasakin ang gawain ng Diyos? Wala ba silang mas maliit na pag-asang makamit ng Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos
Nagagawa mong magsabi ng kaalaman na kasingdami ng buhangin sa dalampasigan, subalit wala sa mga ito ang nagtataglay ng anumang tunay na landas. Hindi ka ba nagtatangkang linlangin ang mga tao sa pamamagitan ng paggawa nito? Hindi ka ba gumagawa ng isang walang kabuluhang palabas na walang anumang diwang sumusuporta rito? Ang lahat ng ganitong pag-uugali ay nakapipinsala sa mga tao! Kapag mas mataas ang teorya at mas walang katotohanan, mas walang kakayahan ito na dalhin ang mga tao sa realidad; kapag mas mataas ang teorya, mas ginagawa ka nitong suwail at salungat sa Diyos. Huwag mong ituring ang pinakamatatayog na teorya bilang mahalagang kayamanan; sila ay mapaminsala at walang silbi! Marahil may ilang tao na kayang makapagsabi ng pinakamatatayog na mga teorya—ngunit ang mga ito ay hindi naglalaman ng realidad, sapagkat ang mga taong ito ay hindi personal na nakaranas sa mga ito, at dahil dito, wala silang landas para sa pagsasagawa. Ang mga ganitong tao ay walang kakayahang dalhin ang iba sa tamang daan at ililigaw lamang sila. Hindi ba ito nakapipinsala sa mga tao? Dapat na makaya mong gawin kahit man lamang ang paglutas sa kasalukuyang suliranin ng mga tao at ang pahintulutan silang makapasok; ito lamang ang maituturing na dedikasyon, at ito lamang ang paraan upang ikaw ay maging angkop na manilbihan sa Diyos. Huwag palaging mangusap ng mararangya at mabulaklak na mga salita, at huwag gumamit ng isang pangkat ng mga hindi angkop na kasanayan upang pilitin ang iba na sundin ka. Ang pagsasagawa nito ay walang epekto at makadaragdag lamang sa kanilang pagkalito. Ang pagpapatuloy nito ay bubuo lamang ng maraming doktrina na magiging sanhi upang kasuklaman ka ng mga tao. Ganito ang pagkukulang ng tao, at ito ay tunay na kahiya-hiya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Magtuon ng Higit na Pansin sa Realidad
Ano ang pangunahing pagpapakita ng pagpapaimbabaw ng mga Fariseo? Masusing binasa lamang nila ang Banal na Kasulatan at hindi hinanap ang katotohanan. Nang mabasa nila ang mga salita ng Diyos, hindi sila nagdasal o naghanap; sa halip, pinag-aralan nila ang mga salita ng Diyos, pinag-aralan nila ang mga sinabi at ginawa ng Diyos, kaya’t ginawa nilang isang uri ng teorya ang Kanyang mga salita, isang doktrina na itinuturo nila sa iba. Ganito ang masusing pagbasa sa mga salita ng Diyos. Kaya’t bakit nila ginawa iyan? Ano ang kanilang masusingbinasa? Sa tingin nila, hindi salita ng Diyos ang mga ito, hindi sila mga pagpapahayag ng Diyos, at lalong hindi katotohanan ang mga ito, bagkus ay isang anyo ng karunungan. Sa tingin nila, ang ganoong karunungan ay dapat maipasa, dapat maipalaganap, at ito lamang ang pagpapalaganap sa gawi ng Diyos at ng ebanghelyo. Ito ang tinatawag nilang “pangangaral,” at ang sermon na kanilang ipinangaral ay teolohiya.
… Itinuring ng mga Fariseo ang teolohiya at ang teoryang kanilang dinalubhasa bilang isang uri ng karunungan, bilang isang kasangkapan sa pagkondena sa mga tao at pagsukat kung sila ay tama o mali. Ginamit pa nga nila ito sa Panginoong Jesus—ganyan kung paano nakondena ang Panginoong Jesus. Ang kanilang pagtatasa sa mga tao, at ang kanilang paraan sa pagtrato sa mga ito, ay hindi nakabatay sa kanilang diwa, o kung ang kanilang sinabi ay tama o mali, lalong hindi sa pinagkunan o pinagmulan ng kanilang mga salita. Kinundina at sinukat lamang nila ang mga tao batay sa mga matitigas na salita at doktrinang kanilang nadalubhasa. Kaya’t bagama’t batid ng mga Fariseong ito na ang ginawa ng Panginoong Jesus ay hindi kasalanan, at hindi paglabag sa batas, Siya ay kanila pa ring kinundina, sapagkat ang sinabi ng Panginoong Jesus ay lumalabas na salungat sa kaalaman at karunungan na kanilang nadalubhasa at sa teorya ng teolohiya na kanilang naipaliwanag. At hindi basta niluluwagan ng mga Pariseo ang kanilang kapit sa mga salita at pariralang ito, nangunyapit sila sa karunungang ito at hindi ito pawawalan. Ano lamang ang tanging posibleng kalalabasan sa huli? Hindi nila kikilalanin na ang Panginoong Jesus ay ang Mesiyas na darating, o na may katotohanan sa sinabi ng Panginoong Jesus, lalo pang hindi na ang sinabi ng Panginoong Jesus ay pagsang-ayon sa katotohanan. Nakakita sila ng ilang di-mapatunayang paratang upang kondenahin ang Panginoong Jesus—ngunit ang totoo, sa kanilang mga kalooban, alam ba nila kung makatwiran ang mga tinukoy nilang kasalanan sa pagsumpa sa Kanya? Alam nila. Kung gayon, bakit pa rin nila Siya kinundina? (Ayaw nilang paniwalaan na ang mataas at makapangyarihang Diyos na nasa kanilang isipan ay maaaring ang Panginoong Jesus, ang imaheng ito ng isang pangkaraniwang Anak ng tao.) Ayaw nilang tanggapin ang katunayang ito. At ano ang katuturan ng kanilang pagtangging tanggapin ito? Hindi ba’t mayroon ditong pagsisikap na makapangatwiran sa Diyos? Ang ibig nilang sabihin ay “Magagawa ba iyan ng Diyos? Kung ang Diyos ay nagkatawang-tao, tiyak na Siya ay dapat sumilang mula sa marangal na lahi. Higit pa, dapat Niyang tanggapin ang pagtuturo ng mga eskriba at Fariseo, matutuhan ang karunungang ito, at magbasa nang magbasa ng Banal na Kasulatan. Pagkaraan maangkin Niya ang karunungang ito, saka lamang Niya makukuha ang titulo ng ‘pagkakatawang-tao’.” Naniwala sila na, una, Ikaw ay hindi kuwalipikado, kaya’t Ikaw ay hindi Diyos; pangalawa, kung wala ang karunungang ito, hindi Mo magagawa ang gawain ng Diyos, at lalong hindi Ka magiging Diyos; pangatlo, hindi Ka makagagawa sa labas ng templo—wala Ka sa templo ngayon, palagi Kang kasama ng mga makasalanan, kaya’t ang mga gawain Mo ay lampas sa saklaw ng gawain ng Diyos. Saan nagmula ang batayan ng kanilang sumpa? Mula sa Banal na Kasulatan, mula sa isip ng tao, at mula sa natanggap nilang edukasyon sa teolohiya. Sapagkat punung-puno sila sa mga kuru-kuro, guniguni, at karunungan, naniwala sila na tama ang karunungang ito, na ito ang katotohanan, na ito ang batayan, at hindi kailanman masasalungat ng Diyos ang mga bagay na ito. Hinanap ba nila ang katotohanan? Hindi. Ang kanilang hinanap ay ang kanilang mga palagay at haka, at ang kanilang mga sariling karanasan, at sinubok nilang gamitin ang mga ito upang bigyang katuturan ang Diyos at matukoy kung Siya ba ay tama o mali. Ano ang panghuling kinahantungan nito? Kinundina nila ang gawain ng Diyos at ipinako Siya sa krus.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Masasama, Traydor, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi)
Maraming tao ang sumusuporta sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos araw-araw, hanggang sa puntong maingat nilang isinasaulo ang lahat ng klasikong sipi roon bilang kanilang pinakaiingatang pag-aari, at bukod pa riyan ay ipinangangaral nila ang mga salita ng Diyos kahit saan, tinutustusan at tinutulungan ang iba sa mga salita ng Diyos. Iniisip nila na ang paggawa nito ay pagpapatotoo sa Diyos, pagpapatotoo sa Kanyang mga salita, na ang paggawa nito ay pagsunod sa daan ng Diyos; iniisip nila na ang paggawa nito ay pamumuhay ayon sa mga salita ng Diyos, na ang paggawa nito ay pagdadala ng Kanyang mga salita sa kanilang tunay na pamumuhay, na ang paggawa nito ay magbibigay-daan para purihin sila ng Diyos, at maligtas at magawang perpekto. Ngunit, kahit ipinangangaral nila ang mga salita ng Diyos, hindi nila kailanman sinusunod ang mga salita ng Diyos sa kanilang pagsasagawa, o sinusubukang ihambing ang kanilang sarili sa inihahayag sa mga salita ng Diyos. Sa halip, ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para matamo ang paghanga at tiwala ng iba sa pamamagitan ng pandaraya, para pasuking mag-isa ang pamamahala, at lustayin at nakawin ang kaluwalhatian ng Diyos. Umaasa sila, nang walang saysay, na samantalahin ang pagkakataong ibinibigay sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos para magantimpalaan ng paggawa ng Diyos at ng Kanyang papuri. Ilang taon na ang lumipas, ngunit hindi lamang walang kakayahang maani ng mga taong ito ang papuri ng Diyos sa proseso ng pangangaral ng mga salita ng Diyos, at hindi lamang sila walang kakayahang tuklasin ang daan na dapat nilang sundan sa proseso ng pagpapatotoo sa mga salita ng Diyos, at hindi lamang nila hindi tinulungan o tinustusan ang kanilang sarili sa proseso ng pagtulong at pagtustos sa iba sa mga salita ng Diyos, at hindi lamang sila walang kakayahang kilalanin ang Diyos, o pukawin ang kanilang sarili sa tunay na pagpipitagan sa Diyos, sa proseso ng paggawa ng lahat ng bagay na ito; kundi, bagkus, lalong lumalalim ang kanilang mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, lalo pang lumalala ang kawalan nila ng tiwala sa Kanya, at lalong lumalabis ang kanilang mga imahinasyon tungkol sa Kanya. Dahil tinutustusan at ginagabayan ng kanilang mga teorya tungkol sa mga salita ng Diyos, mukha silang masiglang-masigla, na para bang ginagamit nila ang kanilang angking mga galing nang walang kahirap-hirap, na para bang natagpuan na nila ang kanilang layunin sa buhay, kanilang misyon, at para bang nagkaroon na sila ng bagong buhay at naligtas, na para bang, sa mga salita ng Diyos na malutong na binibigkas ng kanilang dila, natamo na nila ang katotohanan, naintindihan ang mga layon ng Diyos, at natuklasan ang landas tungo sa pagkilala sa Diyos, na para bang, sa proseso ng pangangaral ng mga salita ng Diyos, madalas nilang makaharap ang Diyos. Gayundin, madalas silang “nauudyukan” na manaka-nakang umiyak, at, madalas na inaakay ng “Diyos” sa mga salita ng Diyos, mukha silang walang-tigil sa pag-intindi sa Kanyang maalab na pagmamalasakit at mabuting layon, at kasabay noon ay naintindihan nila ang pagliligtas ng Diyos sa tao at ang Kanyang pamamahala, nalaman ang Kanyang diwa, at naunawaan ang Kanyang matuwid na disposisyon. Batay sa pundasyong ito, tila lalo pang tumibay ang kanilang paniniwala na mayroong Diyos, mas napapansin nila ang Kanyang dakilang kalagayan, at nadarama nang mas matindi ang Kanyang karingalan at kadakilaan. Babad sa mababaw na kaalaman tungkol sa mga salita ng Diyos, magmumukhang lumago na ang kanilang pananampalataya, lumakas ang determinasyon nilang magtiis ng pagdurusa, at lumalim ang kaalaman nila tungkol sa Diyos. Hindi nila alam na, hangga’t hindi nila nararanasan talaga ang mga salita ng Diyos, lahat ng kaalaman nila tungkol sa Diyos at ang kanilang mga ideya tungkol sa Kanya ay nanggagaling sa sarili nilang mga minimithing imahinasyon at haka-haka. Hindi tatagal ang kanilang pananampalataya sa ilalim ng anumang klaseng pagsubok ng Diyos, ang kanilang tinatawag na espirituwalidad at tayog ay hindi talaga tatagal sa ilalim ng pagsubok o pagsusuri ng Diyos, ang kanilang matibay na pasiya ay isang kastilyong buhangin lamang, at ang tinatawag nilang kaalaman tungkol sa Diyos ay kathang-isip lamang nila. Sa katunayan, ang mga taong ito na nagsisikap nang husto, kahit paano, sa mga salita ng Diyos, ay hindi pa natanto kailanman kung ano ang tunay na pananampalataya, ano ang tunay na pagsunod, ano ang tunay na pagmamalasakit, o ano ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Kinukuha nila ang teorya, imahinasyon, kaalaman, kaloob, tradisyon, pamahiin, at maging ang mga kagandahang-asal ng sangkatauhan, at ginagawang “puhunan” at “mga sandata” ang mga ito sa paniniwala sa Diyos at pagsunod sa Kanya, ginagawa pa ngang pundasyon ang mga ito ng kanilang paniniwala sa Diyos at pagsunod sa Kanya. Kasabay nito, kinukuha rin nila ang puhunan at mga sandatang ito at ginagawang mga anting-anting para kilalanin ang Diyos, harapin at pakitunguhan ang mga pagsusuri, pagsubok, pagkastigo, at paghatol ng Diyos. Sa huli, ang natamo pa rin nila ay walang iba kundi mga palagay tungkol sa Diyos na puno ng relihiyosong pakahulugan, makalumang pamahiin, at lahat ng romantiko, katawa-tawa, at misteryoso. Ang kanilang paraan ng pagkilala at paglalarawan sa Diyos ay katulad ng sa mga taong naniniwala lamang sa Langit sa Itaas o sa Matandang Tao sa Langit, samantalang ang pagiging totoo ng Diyos, ang Kanyang diwa, Kanyang disposisyon, Kanyang mga pag-aari at katauhan, at iba pa—lahat ng may kaugnayan sa totoong Diyos Mismo—ay mga bagay na hindi naintindihan ng kanilang kaalaman, na lubhang hiwalay sa kanilang kaalaman, at magkasinglayo pa na tulad ng hilaga at timog. Sa ganitong paraan, bagama’t ang mga taong ito ay nasa ilalim ng panustos at pangangalaga ng mga salita ng Diyos, sila magkagayunman ay hindi tunay na nakatahak sa landas ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Ang totoong dahilan nito ay na hindi talaga nila nakilala ang Diyos kailanman, ni hindi sila nagkaroon ng tunay na pakikipag-ugnayan o pakikipagniig sa Kanya kailanman, kaya nga imposible silang magkaunawaan ng Diyos, o mapukaw sa kanila ang tunay na paniniwala, pagsunod, o pagsamba sa Diyos. Na dapat nilang isaalang-alang ang mga salita ng Diyos nang gayon, na dapat nilang isaalang-alang ang Diyos nang gayon—ang pananaw at saloobing ito ang naging dahilan kaya bumalik sila na walang napala sa kanilang mga pagsisikap, kaya hindi nila nagawa kailanman na tumahak sa landas ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan sa buong kawalang-hanggan. Ang layuning kanilang inaasam, at ang direksyong kanilang tinutungo, ay nagpapahiwatig na sila ay mga kaaway ng Diyos hanggang sa kawalang-hanggan, at na hindi sila kailanman tatanggap ng kaligtasan hanggang sa kawalang-hanggan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.