2. Sa Paghahanap sa Tunay na Daan, Kailangan ay May Taglay Kang Katwiran

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang Diyos at ang tao ay hindi maaaring banggitin nang magkapantay. Ang Kanyang diwa at Kanyang gawain ay pinakamahirap na maaarok at maintindihan ng tao. Kung hindi personal na ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain at sinasambit ang Kanyang mga salita sa mundo ng tao, hindi mauunawaan ng tao ang kalooban ng Diyos kailanman. Kaya nga, kahit yaong mga naglaan na ng kanilang buong buhay sa Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang pagsang-ayon. Kung hindi sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain, gaano man kahusay gumawa ang tao, mababalewala iyon, dahil ang mga iniisip ng Diyos ay laging magiging mas mataas kaysa mga iniisip ng tao, at ang karunungan ng Diyos ay hindi kayang maintindihan ng tao. Kaya nga sinasabi Ko na yaong mga nagsasabing “lubos na nauunawaan” nila ang Diyos at ang Kanyang gawain ay walang kakayahan; lahat sila ay hambog at mangmang. Hindi dapat bigyang-kahulugan ng tao ang gawain ng Diyos; bukod pa riyan, hindi kayang ilarawan ng tao ang gawain ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, ang tao ay hamak na tulad ng isang langgam; kaya paano maaarok ng tao ang gawain ng Diyos? Yaong mga gustong magsabi na, “Ang Diyos ay hindi gumagawa sa ganito o ganoong paraan,” o “Ang Diyos ay ganito o ganoon”—hindi ba sila mayabang magsalita? Dapat nating kilalaning lahat na ang tao, na may laman, ay nagawang tiwali ni Satanas. Ang pinakalikas na pagkatao ng sangkatauhan ay laban sa Diyos. Hindi maaaring pumantay ang sangkatauhan sa Diyos, lalong hindi kaya ng sangkatauhan na umasang magpayo sa gawain ng Diyos. Patungkol sa kung paano ginagabayan ng Diyos ang tao, ito ang gawain ng Diyos Mismo. Akma na dapat magpasakop ang tao, nang hindi nagpapahayag ng ganito o ganoong pananaw, sapagkat ang tao ay alabok lamang. Yamang ang ating layunin ay hanapin ang Diyos, hindi natin dapat pangibabawin ang ating mga kuru-kuro sa gawain ng Diyos para isaalang-alang ng Diyos, lalong hindi natin dapat gamitin nang husto ang ating tiwaling disposisyon para sadyang labanan ang gawain ng Diyos. Hindi ba tayo gagawin niyan na mga anticristo? Paano nagagawa ng gayong mga tao na maniwala sa Diyos? Yamang naniniwala tayo na mayroong Diyos, at yamang nais nating palugurin Siya at makita Siya, dapat nating hanapin ang daan ng katotohanan, at dapat tayong humanap ng daan upang makaayon ng Diyos. Hindi tayo dapat makipagmatigasan sa paglaban sa Kanya. Anong kabutihan ang posibleng mangyari sa gayong mga pagkilos?

Ngayon, nakagawa na ang Diyos ng bagong gawain. Maaaring hindi mo magawang tanggapin ang mga salitang ito, at maaaring tila kakaiba ito sa iyo, ngunit ang ipapayo Ko sa iyo ay huwag ilantad ang iyong naturalesa, sapagkat yaon lamang mga tunay na nagugutom at nauuhaw sa katuwiran sa harap ng Diyos ang maaaring magtamo ng katotohanan, at yaon lamang mga tunay na matapat ang maliliwanagan at magagabayan Niya. Natatamo ang mga resulta sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan nang may mahinahong kapanatagan, hindi sa pakikipag-away at pakikipagtalo. Kapag sinabi kong “ngayon, nakagawa ang Diyos ng bagong gawain,” tinutukoy Ko ang pagbabalik ng Diyos sa katawang-tao. Marahil ay hindi nakakaligalig sa iyo ang mga salitang ito; marahil ay kinamumuhian mo ang mga ito; o marahil pa nga ay may malaking interes ka sa mga iyon. Anuman ang sitwasyon, sana ay kayang harapin ng lahat ng tunay na nasasabik na magpakita ang Diyos ang katunayang ito at mabigyan ito ng kanilang maingat na pagsusuri, sa halip na magsalita nang patapos tungkol dito; iyan ang dapat gawin ng isang matalinong tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan ito ay isang tanda ng pagsumpa. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mapagmataas, kundi isang taong sumusunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang. Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng paniniwala sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang patapos; bukod pa riyan, huwag kayong maging kaswal at walang-ingat sa inyong paniniwala sa Diyos. Dapat ninyong malaman na, kahit paano, yaong mga naniniwala sa Diyos ay dapat maging mapagpakumbaba at mapitagan. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit walang-ingat na nagsasalita nang patapos o hinuhusgahan ito ay puno ng kayabangan. Walang sinumang naniniwala kay Jesus ang may karapatang sumpain o husgahan ang iba. Lahat kayo ay dapat magkaroon ng katinuan at maging mga taong tumatanggap sa katotohanan. Marahil, matapos marinig ang daan ng katotohanan at marinig ang salita ng buhay, naniniwala ka na isa lamang sa 10,000 ng mga salitang ito ang naaayon sa iyong mga paniniwala at sa Biblia, at sa gayon ay dapat kang patuloy na maghanap sa ika-10,000 ng mga salitang ito. Pinapayuhan pa rin kita na maging mapagpakumbaba, huwag kang masyadong tiwala sa sarili, at huwag kang masyadong magmalaki. Sa kaunting pagpipitagang taglay mo sa puso mo para sa Diyos, magtatamo ka ng higit na liwanag. Kung sinusuri mong mabuti at paulit-ulit na pinagbubulayan ang mga salitang ito, mauunawaan mo kung katotohanan ang mga ito o hindi, at kung ang mga ito ay buhay o hindi. Marahil, dahil iilang pangungusap lamang ang nabasa, pikit-matang huhusgahan ng ilang tao ang mga salitang ito, na sinasabing, “Kaunting kaliwanagan lamang ito mula sa Banal na Espiritu,” o, “Huwad na Cristo ito na naparito upang linlangin ang mga tao.” Yaong mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay nabubulagan ng kamangmangan! Kakaunti ang nauunawaan mo tungkol sa gawain at karunungan ng Diyos, at pinapayuhan kita na magsimulang muli sa wala! Huwag ninyong pikit-matang husgahan ang mga salitang ipinahayag ng Diyos dahil sa paglitaw ng mga huwad na Cristo sa mga huling araw, at huwag kayong maging isang taong lumalapastangan sa Banal na Espiritu dahil natatakot kayong malinlang. Hindi ba kaawa-awa naman iyon? Kung, matapos ang maraming pagsusuri, naniniwala ka pa rin na ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanan, hindi ang daan, at hindi pagpapahayag ng Diyos, sa huli ay parurusahan ka, at mawawalan ka ng mga pagpapala. Kung hindi mo matatanggap ang katotohanang iyon na sinambit nang napakaliwanag at napakalinaw, hindi ba hindi ka akma sa pagliligtas ng Diyos? Hindi ba isa kang taong hindi sapat na pinagpalang makabalik sa harap ng luklukan ng Diyos? Pag-isipan mo ito! Huwag kang padalus-dalos at mapusok, at huwag mong ituring na laro ang paniniwala sa Diyos. Mag-isip ka alang-alang sa iyong patutunguhan, alang-alang sa iyong mga inaasam, alang-alang sa iyong buhay, at huwag kang maglaro sa sarili mo. Matatanggap mo ba ang mga salitang ito?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa

Yamang hinahanap natin ang mga yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang kalooban ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga pagpapahayag ng Diyos—sapagka’t kung saanman naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos, at kung saanman naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos. Kung saanman naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos, at kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap sa mga yapak ng Diyos, nabalewala na ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” At kaya, maraming tao, kahit pa tumatanggap sila ng katotohanan, ang hindi naniniwala na nakita na nila ang mga yapak ng Diyos, at lalo nang hindi nila kinikilala ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali! Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi maipagkakasundo sa mga kuru-kuro ng tao, at lalong hindi maaaring magpakita ang Diyos ayon sa utos ng tao. Ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang sariling mga pagpapasya at Kanyang sariling mga plano kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; bukod dito, Siya ay may sariling mga layunin, at sarili Niyang mga pamamaraan. Anupaman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang payo nito, lalo na ang ipaalam sa bawat tao ang tungkol sa Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos, na dapat, higit pa rito, kilalanin ng lahat. Kung nais ninyong masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga kuru-kuro. Hindi mo dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyan, lalong hindi mo Siya dapat ikulong sa sarili mong mga hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga kuru-kuro. Sa halip, dapat ay inoobliga ninyo sa inyong mga sarili kung paano ninyo dapat hanapin ang mga yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasailalim sa bagong gawain ng Diyos: Ito ang dapat na gawin ng tao. Dahil ang tao ay hindi ang katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanan, dapat siyang maghanap, tumanggap, at sumunod.

Ikaw man ay isang Amerikano, Ingles, o anumang iba pang lahi, dapat kang humakbang palabas ng mga hangganan ng iyong sariling lahi, nang hinihigitan ang iyong sarili, at tingnan ang gawain ng Diyos mula sa estado ng isang nilalang. Sa ganitong paraan, hindi ka maglalagay ng mga hangganan sa mga yapak ng Diyos. Ito ay dahil, ngayon, maraming tao ang nag-iisip na imposibleng magpapakita ang Diyos sa isang partikular na bansa o sa gitna ng partikular na mga tao. Napakalalim ng kabuluhan ng gawain ng Diyos, at napakahalaga ng pagpapakita ng Diyos! Paano masusukat ang mga ito ng mga kuru-kuro at pag-iisip ng tao? At kaya sinasabi Ko, dapat kang kumawala sa iyong mga kuru-kuro tungkol sa lahi o katutubong pinagmulan upang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa ganitong paraan ka lamang hindi masisikil ng sarili mong mga kuru-kuro; sa ganitong paraan ka lamang magiging karapat-dapat na salubungin ang pagpapakita ng Diyos. Kung hindi, mananatili ka sa walang-hanggang kadiliman, at hindi kailanman makakamtan ang pagsang-ayon ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan

Ang Diyos ay ang Diyos ng buong lahi ng tao. Hindi Niya itinuturing ang Sarili Niya bilang pribadong pag-aari ng anumang bansa o lahi, kundi ginagawa ang Kanyang gawain nang ayon sa Kanyang plano, nang hindi nalilimitahan ng anumang anyo, bansa, o lahi. Marahil hindi mo kailanman naisip ang anyong ito, o marahil pagtanggi ang iyong saloobin sa anyong ito, o marahil ang bansa kung saan inihahayag ng Diyos ang Kanyang Sarili at ang mga tao kung kanino Niya inihahayag ang Kanyang Sarili ay nagkataon lamang na hindi makatarungan kung itrato ng lahat at nagkataon lamang na ang pinakapaurong sa lupa. Nguni’t ang Diyos ay taglay ang Kanyang karunungan. Sa Kanyang dakilang kapangyarihan at sa pamamagitan ng Kanyang katotohanan at Kanyang disposisyon, tunay na nakamit na Niya ang isang grupo ng mga tao na kaisa Niya sa pag-iisip, at ang isang grupo ng mga tao na nais Niyang gawing ganap—isang grupong nalupig Niya, na, dahil natiis na ang lahat ng uri ng mga pagsubok at mga kapighatian at lahat ng uri ng pag-uusig, ay makakasunod sa Kanya hanggang sa katapus-tapusan. Ang layunin ng pagpapakita ng Diyos, na hindi limitado sa anumang anyo o bansa, ay ang matapos Niya ang Kanyang gawain alinsunod sa Kanyang plano. Gaya lamang ito nang ang Diyos ay nagkatawang-tao sa Judea: ang Kanyang pakay ay tapusin ang gawain ng pagpapapako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Nguni’t naniwala ang mga Judio na imposibleng magawa ito ng Diyos, at inisip nila na imposibleng magiging tao ang Diyos sa anyo ng Panginoong Jesus. Ang kanilang “imposible” ang naging batayan ng kanilang pagkondena at paglaban sa Diyos, at sa kahuli-hulihan ay humantong sa pagkawasak ng Israel. Ngayon, maraming tao ang nakagawa na ng parehong pagkakamali. Buong-kalakasan nilang ipinahahayag ang nalalapit na pagpapakita ng Diyos, nguni’t kasabay nito ay kinokondena nila ang Kanyang pagpapakita; ang kanilang “imposible” ang muling nagkukulong sa pagpapakita ng Diyos sa loob ng mga hangganan ng kanilang imahinasyon. At sa gayon nakita Ko na ang maraming tao na bumulalas sa pagtawa matapos matagpuan ang mga salita ng Diyos. Nguni’t hindi ba ang pagtawang ito ay walang ipinagkaiba sa pagkondena at paglapastangan ng mga Judio? Hindi kayo nagpipitagan sa presensya ng katotohanan, lalong hindi ninyo taglay ang saloobing naghahangad. Ang ginagawa lamang ninyo ay nagsusuri nang walang pakundangan at walang-pakialam na naghihintay lamang. Ano ang mapapala ninyo sa pagsusuri at paghihintay nang ganito? Inaakala ba ninyong tatanggap kayo ng personal na patnubay mula sa Diyos? Kung hindi mo mahiwatigan ang mga pagpapahayag ng Diyos, paano ka magiging karapat-dapat na saksihan ang pagpapakita ng Diyos? Kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon ipinapahayag ang katotohanan, at magiging naroon ang tinig ng Diyos. Tanging iyong mga makakatanggap sa katotohanan ang makaririnig sa tinig ng Diyos, at tanging ang mga ganitong tao ang karapat-dapat na makasaksi sa pagpapakita ng Diyos. Pakawalan mo ang iyong mga kuru-kuro! Tumahimik ka at basahing mabuti ang mga salitang ito. Kung naghahangad ka sa katotohanan, liliwanagan ka ng Diyos at mauunawaan mo ang Kanyang kalooban at Kanyang mga salita. Pakawalan ninyo ang inyong mga pananaw tungkol sa “imposible”! Habang lalong naniniwala ang mga tao na imposible ang isang bagay, mas lalong maaari itong mangyari, sapagka’t ang karunungan ng Diyos ay mas mataas pa sa mga kalangitan, ang mga iniisip ng Diyos ay higit pa sa mga iniisip ng tao, at ang gawain ng Diyos ay lampas sa mga hangganan ng pag-iisip at mga kuru-kuro ng tao. Habang mas imposible ang isang bagay, lalong higit na mayroon itong katotohanang mahahanap; habang mas lampas sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ang isang bagay, lalong higit na ito ay naglalaman ng kalooban ng Diyos. Ito ay dahil, kahit saan pa Niya ipinakikita ang Sarili Niya, ang Diyos ay nananatiling Diyos, at ang Kanyang diwa ay hindi kailanman magbabago dahil lamang sa lugar o paraan ng Kanyang pagpapakita. Ang disposisyon ng Diyos ay nananatiling pareho saanman naroon ang Kanyang mga yapak, at nasaan man ang mga yapak ng Diyos, Siya ay ang Diyos ng buong sangkatauhan, gaya ng ang Panginoong Jesus ay hindi lamang ang Diyos ng mga Israelita, kundi ang Diyos din ng lahat ng tao sa Asya, Europa, at Amerika, at higit pa rito ay ang nag-iisa at natatanging Diyos ng buong sansinukob. Kaya hanapin natin ang kalooban ng Diyos at tuklasin ang Kanyang pagpapakita mula sa Kanyang mga pagpapahayag, at sabayan ang Kanyang mga yapak! Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Ang Kanyang mga salita at ang Kanyang pagpapakita ay sabay na umiiral, at ang Kanyang disposisyon at mga yapak ay bukas sa sangkatauhan sa lahat ng sandali. Minamahal na mga kapatid, umaasa Akong makikita ninyo ang pagpapakita ng Diyos sa mga salitang ito, uumpisahan ninyong sundan ang Kanyang mga yapak sa paghakbang ninyo tungo sa isang bagong kapanahunan, at papasok kayo sa magandang bagong langit at lupa na naihanda na ng Diyos para sa mga naghihintay sa Kanyang pagpapakita!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan

Sinundan: 1. Pagkaalam sa Pinagmumulan ng Pagkontra ng mga Tao sa Bagong Gawain ng Diyos sa Kanilang Pananalig sa Diyos

Sumunod: 3. Sa Pananalig sa Diyos, Dapat Kang Magbuo ng Normal na Relasyon sa Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 7: Ang CCP ay isang rebolusyonaryong partido. Ang pinaniniwalaan nito ay kabastusan at karahasan, ibig sabihin, pag-agaw sa kapangyarihan nang may karahasan! Kung tatanggapin natin ang katwiran ng CCP, “Ang isang kasinungalingan ay nagiging katotohanan kung uulit-ulitin nang sampung libong beses.” Gaano man karaming tao ang nagdududa sa salita nito, tumatanggi at hindi naniniwala rito, walang pakialam ang CCP kahit bahagya, at patuloy pa rin itong nagsisinungaling at nanlilinlang. Basta’t makakamtan nito ang mga agarang epekto at minimithi nito, wala itong pakialam sa magiging kapalit! Kung magrebelde at magprotesta ang mga tao laban dito, gagamit ito ng mga tangke at machine gun para lutasin ang lahat. Kapag kailangan, gagamit ito ng mga bomba atomika at missile para labanan ang mga puwersa ng kalaban. Maaaring gawin ng CCP ang lahat para manatili ito sa paghahari. Nang ipahayag sa publiko ang kaso sa Zhaoyuan sa Shandong, ang CCP ay nagpasimula ng maramihang pagpapadala ng mga sandatahang pulis para supilin at arestuhin ang mga Kristiyano anuman ang mangyari. Sino ang makakapigil dito? Sino ang nangahas na lumaban? Kahit nang makita ng mga dayuhan ang panloloko ng CCP, ano ang magagawa nila? Maraming paraan ang CCP para labanan ang pagtuligsa ng mga demokratikong puwersa ng mga taga-Kanluran. Gumagamit ito ng pera para ayusin ang lahat. May kasabihan nga na, “Sinumang tumanggap ng regalo ay ibinebenta ang kanyang kalayaan.” Paunti nang paunti ang mga bansang tumutuligsa sa CCP ngayon. Takot ang puwersa ng mga kaaway ng CCP na iparinig ang kanilang opinyon. Paano man n’yo ito sabihin, naigigiit pa rin ng CCP ang paghahari nito. Hangga’t may kapangyarihan ang Communist Party, kayong mga nananalig sa Diyos ay hindi makakaasang maging malaya! Ang pagpapakita at gawain ng Diyos sa China ay talagang kamumuhian at ipagbabawal ng CCP. Makamtan man ng CCP ang mithiin nitong magbuo ng ateismo sa China o hindi, hindi ito titigil kailanman sa pag-aresto at pagsupil sa inyo! Matagal na itong malinaw sa akin. Kaya nga tinututulan kong mabuti ang pananalig n’yo sa Makapangyarihang Diyos. Para sa kapakanan n’yo ’yan, hindi n’yo ba nauunawaan?

Sagot: Napakasama ng CCP, pero umuunlad pa rin ito sa mundo at walang nangangahas na hadlangan ito. Ibig kayang sabihin n’yan ay permanente...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito