Gawain at Pagpasok 4
Kung tunay na ang tao ay maaaring makapasok alinsunod sa gawain ng Banal na Espiritu, ang kanyang buhay ay mabilis na uusbong tulad ng isang labong pagkatapos ng isang ulan sa tagsibol. Kung titingnan mula sa kasalukuyang mga tayog ng karamihan sa mga tao, walang sinuman ang nagbibigay ng anumang kahalagahan sa buhay, at sa halip ang pinahahalagahan ng mga tao ay ang ilang bagay na tila ba walang kahihinatnan. O nagmamadali sila parito at paroon at nagtatrabaho nang walang layon at nakikipagsapalaran na walang pagtutuon ng pansin, hindi alam kung saang direksyon tutungo at lalong hindi nalalaman kung para kanino. Sila lamang ay “mapagkumbabang nagtatago ng kanilang mga sarili.” Ang katotohanan ay iilan lamang sa inyo ang nakaaalam ng mga intensyon ng Diyos para sa huling mga araw. Bihira lamang sa inyo ang nakaaalam ng yapak ng Diyos, ngunit ang mas malala pa, walang nakaaalam kung ano ang magiging pinakahuling pagsasakatuparan ng Diyos. Ngunit sa pamamagitan lamang ng katatagan at pagtitiis, ang lahat ay sumasailalim sa disiplina at pakikitungo ng iba, na parang pinalalaki ang kanilang mga kalamnan at naghahanda para sa isang labanan[1] sa pag-asam sa oras ng kanilang tagumpay. Hindi Ako magkokomento ng anuman sa mga “kababalaghang” ito sa gitna ng mga tao, ngunit may isang punto na dapat maunawaan ninyong lahat. Karamihan sa mga tao sa sandaling ito ay pasulong na tumutungo sa abnormalidad,[2] at ang kanilang mga hakbang sa pagpasok ay patungo sa isang dulong walang labasan.[3] Maraming tao siguro na nag-iisip na ito ang paraiso sa labas ng mundo ng tao na pinananabikan ng tao, na naniniwalang ito ang lugar ng kalayaan ngunit hindi ito totoo. O maaaring may magsabi na ang mga tao ay naligaw na ng landas. Subalit anuman ang ginagawa ng mga tao, nais Ko pa ring pag-usapan kung ano ang dapat pasukin ng tao. Hindi ang mga katangian at mga pagkukulang ng karamihan ang pangunahing paksa ng pagtalakay na ito. Umaasa Ako na ang lahat ng kapatid ay makakatanggap ng Aking mga salita sa tamang paraan at hindi magkakamali sa pag-unawa sa Aking hangarin.
Nagkatawang-tao ang Diyos sa kalakhang-lupain ng China, na ang tawag ng mga kababayan sa Hong Kong at Taiwan ay “panloob-na-lupain.” Nang dumating ang Diyos mula sa itaas tungo sa lupa, walang sinuman sa langit at lupa ang nakaalam tungkol dito, sapagkat ito ang tunay na kahulugan ng pagbabalik ng Diyos nang patago. Mahabang panahon na Siyang gumagawa at namumuhay sa katawang-tao, datapwat walang sinuman ang nakaaalam nito. Hanggang sa araw na ito, walang sinuman ang nakakakilala rito. Marahil ito ay mananatiling isang walang-hanggang palaisipan. Ang pagdating ng Diyos sa katawang-tao sa panahong ito ay isang bagay na hindi posibleng mabatid ng kahit sino. Gaano man kalaki at kamakapangyarihan ang gawain ng Espiritu, nananatiling palaging kalmado ang Diyos at hindi kailanman nagbibigay ng kahit ano. Maaaring may magsabi na ang yugtong ito ng Kanyang gawain ay parang nagaganap sa langit. Kahit na ito ay ganap na halata sa lahat na may mga matang nakakakita, walang sinuman ang nakakakilala rito. Kapag tinapos ng Diyos ang yugtong ito ng Kanyang gawain, aalisin ng buong sangkatauhan ang kanilang karaniwang saloobin,[4] at magigising mula sa kanilang mahabang panaginip. Natatandaan Ko nang minsang sabihin ng Diyos na, “Ang pagparito na nasa katawang-tao sa panahong ito ay parang tulad ng pagbagsak sa lungga ng isang tigre.” Ang ibig sabihin nito ay, dahil sa ikot na ito ng gawain ng Diyos ay dumarating ang Diyos sa katawang-tao at bukod pa riyan ay isinisilang sa tirahan ng malaking pulang dragon, higit kaysa rati, nahaharap Siya sa matinding panganib sa pagparito sa lupa sa panahong ito. Ang kinakaharap Niya ay mga kutsilyo at mga baril at mga garote at mga panghampas; ang kinakaharap Niya ay tukso; ang kinakaharap Niya ay ang maraming tao na may mga mukhang naglalayong pumatay. Nakalantad Siya sa panganib na mapatay anumang sandali. Dumating ang Diyos na may poot. Gayunpaman, dumating Siya upang isakatuparan ang gawain ng pagperpekto, na nangangahulugan na dumating dito upang isagawa ang ikalawang bahagi ng Kanyang gawain na nagpapatuloy ng gawain ng pagtubos. Para sa kapakanan ng yugtong ito ng Kanyang gawain, inilaan ng Diyos ang sukdulang pagpapahalaga at pag-iingat at gumagamit ng bawat maiisip na mga paraan upang maiwasan ang mga pag-atake ng tukso, mapagkumbabang itinatago ang Kanyang sarili at hindi kailanman ipinagyayabang ang Kanyang pagkakakilanlan. Sa pagsagip sa tao mula sa krus, kinumpleto lamang ni Jesus ang gawain ng pagtubos; hindi Siya gumagawa ng gawaing pagperpekto. Kaya kalahati lamang ng gawain ng Diyos ang naisakatuparan, at ang pagtatapos ng gawain ng pagtubos ay kalahati lamang ng Kanyang buong plano. Sa pag-uumpisa ng bagong kapanahunan at pagtatapos ng luma, ang Diyos Ama ay nagsimulang pag-isipan ang ikalawang bahagi ng Kanyang gawain at paghandaan ito. Hindi malinaw na iprinopesiya noong unang panahon ang pagkakatawang-taong ito sa mga huling araw, kaya naglatag ito ng isang pundasyon para higit pang mailihim ang pagdating ngayon ng Diyos sa katawang-tao. Sa pagsapit ng bukang-liwayway, lingid sa napakaraming tao, naparito ang Diyos sa lupa at sinimulan ang Kanyang buhay sa katawang-tao. Hindi alam ng mga tao ang pagdating ng sandaling ito. Siguro lahat sila ay mahimbing na natutulog, marahil maraming nagbabantay ang naghihintay nang gising, at marahil marami ang nagdarasal nang tahimik sa Diyos sa langit. Gayunman sa gitna ng lahat ng maraming taong ito, wala ni isang nakaalam na ang Diyos ay dumating na sa lupa. Gumawa ang Diyos ng tulad nito nang sa gayon ay mas maayos na maisakatuparan ang Kanyang gawain at makamit ang mas mahusay na mga resulta, at upang maiwasan din ang maraming tukso. Sa pagkagising ng tao sa mahimbing na pagkakatulog, ang gawain ng Diyos ay matagal nang natapos at Siya’y aalis na, wawakasan ang Kanyang buhay na binubuo ng paglilibot at pansamantalang pagtigil sa lupa. Dahil ang gawain ng Diyos ay nangangailangan na ang Diyos ay kumilos at magsalita nang personal, at dahil walang paraan ang tao upang makialam, tiniis ng Diyos ang matinding sakit upang pumarito sa lupa at gawin Niya Mismo ang gawain. Hindi kayang humalili ng tao sa gawain ng Diyos. Ito ang dahilan kaya hinarap ng Diyos ang mga panganib nang ilang libong beses na mas matindi kaysa roon sa Kapanahunan ng Biyaya upang bumaba sa kung saan ang malaking pulang dragon ay nananahan upang gawin ang Kanyang sariling gawain, upang ibuhos ang lahat ng Kanyang pag-iisip at pangangalaga sa pagtubos sa grupong ito ng naghihirap na mga tao, sa grupong ito ng mga taong nasadlak sa tambak ng basura. Kahit na walang nakakaalam sa pag-iral ng Diyos, hindi nababalisa ang Diyos dahil ito ay malaking kapakinabangan sa gawain ng Diyos. Dahil ang lahat ay karumal-dumal at masama, paano kaya nila matitiis ang pag-iral ng Diyos? Iyon ang dahilan kung bakit, pagparito sa lupa, pinananatili ng Diyos ang Kanyang katahimikan. Kahit gaano kalabis ang kalupitan ng tao, hindi dinidibdib ng Diyos ang alinman dito, ngunit patuloy lamang Siya sa paggawa ng kailangang gawain upang matupad ang mas dakilang tagubilin na ibinigay sa Kanya ng Ama sa langit. Sino sa inyo ang nakakakilala ng pagiging kaibig-ibig ng Diyos? Sino ang nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa pasanin ng Diyos Ama na higit kaysa sa ginagawa ng Kanyang Anak? Sino ang may kakayahang maunawaan ang kalooban ng Diyos Ama? Madalas na nababalisa ang Espiritu ng Diyos Ama sa langit, at ang Kanyang Anak sa lupa ay madalas na nananalangin para sa kalooban ng Diyos Ama at lubhang nababahala ang Kanyang puso. Mayroon bang kahit sino na nakakaalam ng pag-ibig ng Diyos Ama para sa Kanyang Anak? Mayroon bang kahit sino na nakakaalam kung paano nangungulila ang sinisintang Anak sa Diyos Ama? Nagdadalawang-isip sa pagitan ng langit at lupa, ang dalawa ay patuloy na tinititigan ang isa’t isa mula sa malayo at magkaagapay sa Espiritu. O sangkatauhan! Kailan ninyo isasaalang-alang ang puso ng Diyos? Kailan ninyo mauunawaan ang intensyon ng Diyos? Palaging umaasa ang Ama at Anak sa isa’t isa. Kung gayon, bakit Sila dapat maghiwalay, ang isa ay nasa langit sa itaas at ang isa naman ay nasa lupa sa ibaba? Minamahal ng Ama ang Kanyang Anak gaya ng pagmamahal ng Anak sa Kanyang Ama. Kung gayon, bakit dapat maghintay ang Ama nang may gayong pag-asam at manabik nang may gayong pagkabalisa para sa Anak? Kahit hindi Sila nagkahiwalay nang matagal, mayroon bang kahit sino na nakakaalam kung gaano karaming araw at gabi na masakit na nangungulila ang Ama, at kung gaano katagal na Siyang nananabik sa mabilis na pagbalik ng Kanyang minamahal na Anak? Nagmamasid Siya, tahimik Siyang nakaupo, at naghihintay Siya; wala Siyang ibang ginagawa kundi ang pabilisin ang pagbalik ng Kanyang minamahal na Anak. Kailan kaya Niya muling makakasama ang Anak na naglilibot hanggang sa mga sulok ng lupa? Kahit na sa muling pagkikita ay magsasama Sila sa walang hanggan, paano Niya matitiis ang libu-libong araw at gabi ng paghihiwalay, ang isa ay nasa langit sa itaas at ang isa ay nasa lupa sa ibaba? Ang sampu-sampung taon sa lupa ay parang libu-libong taon sa langit. Paanong hindi mag-aalala ang Diyos Ama? Kapag pumaparito ang Diyos sa lupa, nararanasan Niya ang maraming pagbabago sa mundo ng mga tao kagaya ng nararanasan ng tao. Ang Diyos ay walang sala, kaya bakit Siya kailangang magdusa ng parehong pasakit gaya ng tao? Hindi nakapagtataka na minamadali ng Diyos Ama ang pagbalik ng Kanyang Anak; sino ang maaaring makaunawa sa puso ng Diyos? Binibigyan ng Diyos ang tao nang sobra; paano magagawa ng tao na bayaran nang sapat ang puso ng Diyos? Gayunman ang ibinibigay ng tao sa Diyos ay masyadong maliit, dahil doon, paanong hindi mag-aalala ang Diyos?
Bihira sa mga tao ang nakakaunawa sa pagmamadali na nasa kalagayan ng isip ng Diyos, dahil masyadong mahina ang kakayahan ng mga tao at ang kanilang espiritu ay talagang matamlay, kaya wala sa kanila ang nakakapansin o nakakaintindi sa ginagawa ng Diyos. Kaya patuloy na nag-aalala ang Diyos sa tao, na parang ang malupit na kalikasan ng tao ay maaaring kumawala anumang sandali. Ito ay higit pang nagpapakita na ang pagdating ng Diyos sa lupa ay may kasamang malalaking tukso. Ngunit para sa kapakanan ng pagkumpleto sa isang grupo ng mga tao, ang Diyos na puno ng kaluwalhatian ay nagsabi sa tao ng bawat layunin Niya at walang itinatago na kahit ano. Matatag Siyang nagpasya na kumpletuhin ang grupong ito ng mga tao kaya dumating man ang paghihirap o tukso, tumitingin Siya nang palayo at hindi pinapansin ang lahat ng ito. Tahimik lamang Niyang ginagawa ang Kanyang sariling gawain, matatag na naniniwala na isang araw kapag nakamit na ng Diyos ang Kanyang kaluwalhatian, makikilala Siya ng tao, at naniniwalang kapag nakumpleto na ng Diyos ang tao, lubos niyang mauunawaan ang puso ng Diyos. Sa ngayon maaaring may mga tao na tinutukso ang Diyos o hindi nauunawaan ang Diyos o sinisisi ang Diyos; hindi dinidibdib ng Diyos ang anuman sa mga ito. Kapag bumaba ang Diyos sa kaluwalhatian, mauunawaan ng lahat ng tao na ang lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos ay para sa kaligayahan ng sangkatauhan, at mauunawaan ng lahat ng tao na ang lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos ay upang maging mas mahusay na makapagpatuloy sa pamumuhay ang sangkatauhan. Ang pagdating ng Diyos ay may kasamang mga tukso, at dumarating din ang Diyos na may karingalan at poot. Sa panahong iniiwan na ng Diyos ang tao ay matagal na Niyang nakamit ang Kanyang kaluwalhatian, at aalis Siya na punung-puno ng kaluwalhatian at may kagalakan ng pagbabalik. Ang Diyos na gumagawa sa lupa ay hindi dinidibdib kahit paano man ang pagtanggi sa Kanya ng mga tao. Patuloy lamang Niyang isinasakatuparan ang Kanyang gawain. Ang paglikha ng Diyos sa mundo ay libu-libong taon na ang nakararaan. Naparito Siya sa lupa upang isagawa ang di-masukat na laki ng gawain, at ganap Niyang naranasan ang pagtanggi at paninirang-puri ng mundo ng tao. Walang sinuman ang sumasalubong sa pagdating ng Diyos; malamig ang pagbati sa Kanya. Sa paglipas ng ilang libong taon ng paghihirap, matagal na panahon nang sinusugatan ng pag-uugali ng tao ang puso ng Diyos. Hindi na Niya pinapansin ang paghihimagsik ng mga tao, at sa halip ay gumawa na ng isa pang plano upang baguhin at dalisayin ang tao. Ang pang-uuyam, paninirang-puri, pag-uusig, kapighatian, ang pagdurusa ng pagpapapako sa krus, ang pagtatakwil ng tao, at iba pa na naranasan ng Diyos sa katawang-tao: sapat na ang mga natikman ng Diyos na tulad nito, at kung mga paghihirap sa mundo ng mga tao ang pag-uusapan, ang Diyos na nagkatawang-tao ay lubusang nagdusa ng lahat ng ito. Matagal na panahon na ang nakalipas na ang gayong tanawin ay hindi matiis ng Espiritu ng Diyos Ama at hinihintay Niya ang pagbabalik ng Kanyang minamahal na Anak na may ulong nakatingala at nakapikit na mga mata. Ang tanging ninanais Niya ay makinig at sumunod ang sangkatauhan, at hindi maghimagsik laban sa Kanya matapos makaramdam ng sukdulang kahihiyan sa harap ng Kanyang katawang-tao. Ang tanging ninanais Niya ay na ang mga tao ay maniwala na mayroong Diyos. Matagal na Siyang tumigil sa paghingi ng mas malaki sa tao sapagkat masyadong mataas na halaga na ang naibayad ng Diyos, gayunman ang tao ay maginhawang nagpapahinga,[5] at hindi man lamang isinasapuso ang gawain ng Diyos.
Bagama’t ang Aking tinatalakay ngayon tungkol sa gawain ng Diyos ay puno ng maraming “kakatwang mga bagay na walang batayan,”[6] gayunman ay may malaking kaugnayan ito sa pagpasok ng tao. Nagsasalita lamang Ako ng ilan tungkol sa gawain at pagkatapos ay nagsasalita ng ilan tungkol sa pagpasok, ngunit alinmang aspeto ay hindi maaaring mawala, at kapag pinagsama ay nagiging higit pang kapaki-pakinabang sa buhay ng tao. Ang dalawang aspetong ito ay kinukumpleto ang isa’t isa[7] at sobrang kapaki-pakinabang, tinutulutan ang mga tao na mas maunawaan ang kalooban ng Diyos at makipag-ugnayan sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagtalakay ngayon sa gawain, mas napapaunlad ang kaugnayan ng mga tao sa Diyos, napapalalim ang pagkakaunawaan sa isa’t isa, at nagagawang magbigay ng tao ng higit na pagsasaalang-alang at pagmamalakasit sa pasanin ng Diyos; naipadarama sa tao kung ano ang nadarama ng Diyos, na magkaroon ng higit na tiwala na mababago siya ng Diyos, at maghintay sa muling pagpapakita ng Diyos. Ito ang kaisa-isang hinihingi ng Diyos sa tao ngayon—ang isabuhay ang larawan ng isang nagmamahal sa Diyos, upang ang liwanag ng pagkakabuo ng karunungan ng Diyos ay sisinag sa kapanahunan ng kadiliman at nang ang pamumuhay ng tao ay maaaring mag-iwan ng maningning na pahina sa gawain ng Diyos, na nagliliwanag magpakailanman sa Silangan ng daigdig, nakukuha ang pansin ng mundo at ang paghanga ng lahat. Ito ang pinakatiyak na mas mainam na pagpasok para sa mga nagmamahal sa Diyos ngayon.
Mga Talababa:
1. Ang “pinalalaki ang kanilang mga kalamnan at naghahanda para sa isang labanan” ay ginagamit nang may panunuya.
2. Ang “abnormalidad” ay nagpapahiwatig na lihis ang pagpasok ng mga tao at may-kinikilingan ang kanilang mga karanasan.
3. Ang “isang dulong walang labasan” ay nagpapahiwatig na lumalakad ang mga tao sa isang daan na pasalungat sa kalooban ng Diyos.
4. Ang “alisin ang kanilang karaniwang saloobin” ay tumutukoy sa kung paano nagbabago ang mga kuru-kuro at mga pananaw ng mga tao tungkol sa Diyos sa sandaling nakilala nila ang Diyos.
5. Ang “maginhawang nagpapahinga” ay nagpapahiwatig na ang mga tao ay walang malasakit tungkol sa gawain ng Diyos at hindi ito tinitingnan bilang mahalaga.
6. Ang “salitang walang batayan” ay nagpapahiwatig na ang mga tao ay talagang walang kakayahang mapanghawakan ang pinagmulan ng mga salitang binibigkas. Hindi nila alam kung ano ang sinasabi. Ang pariralang ito ay ginagamit nang patumbalik.
7. Ang “kinukumpleto ang isa’t isa” ay nagpapahiwatig na kung pinagsama sa pagbabahagi ang “gawain” at “pagpasok,” higit na kapaki-pakinabang ito sa ating pagkakilala sa Diyos.