Gawain at Pagpasok 3
Malaki ang ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao at nagsalita na rin Siya tungkol sa kanilang pagpasok sa di-mabilang na mga paraan. Ngunit dahil ang kakayahan ng mga tao ay lubhang mahina, marami sa mga salita ng Diyos ang nabigong mag-ugat. Iba-iba ang dahilan ng mahinang kakayahang ito, tulad ng katiwalian sa kaisipan ng tao at moralidad, at kakulangan ng tamang pagpapalaki; pyudal na mga pamahiin na lubhang nakahawak sa puso ng tao; ubod ng sama at bulok na mga paraan ng pamumuhay na nagbunga ng maraming kasamaan sa pinakamalalim na mga sulok ng puso ng tao; mababaw na kaalaman sa kultura, kung saan halos siyamnapu’t walong porsiyento ng mga tao ang kulang sa kaalaman sa kultura at, higit pa rito, iilan lamang ang nakatatanggap ng mas mataas na antas ng edukasyong pangkultura. Kaya nga walang ideya ang mga tao kung ano ang kahulugan ng Diyos o ng Espiritu, at sa halip ay mayroon lamang isang malabo at hindi maliwanag na larawan ng Diyos na nakuha mula sa pyudal na mga pamahiin. Ang mga mapanirang impluwensya ng libu-libong taon na “matayog na diwa ng pagiging makabayan” ay malalim na tumimo sa puso ng tao, at pati na rin ang pyudal na pag-iisip kung saan ang mga tao ay nakatali at nakakadena, wala ni gatuldok na kalayaan, walang kagustuhang maghangad o magtiyaga, walang pagnanais na umunlad, at sa halip ay nananatiling walang-pagkilos at paurong, nakabaon sa kaisipan ng isang alipin, at iba pa—ang obhetibong mga salik na ito ay nag-iwan ng di-mabuburang bakas ng karumihan at kapangitan sa ideolohikal na pananaw, mga huwaran, moralidad, at disposisyon ng sangkatauhan. Tila nakatira ang mga tao sa isang madilim na mundo ng terorismo, na hindi hinahangad na malampasan ng sinuman sa kanila, at hindi iniisip na iwan ng sinuman sa kanila para sa isang huwarang mundo; sa halip, kuntento na sila sa kanilang kalagayan sa buhay, sa paggugol ng kanilang mga araw sa panganganak at pagpapalaki ng mga anak, pagsusumikap, pagpapapawis, sa pagtapos ng mga gawain, pangangarap ng isang maginhawa at masayang pamilya, ng pagmamahal ng asawa, ng paggalang ng mga anak sa kanilang mga magulang, ng kagalakan sa kanilang katandaan habang matiwasay na namumuhay…. Sa loob ng mga dekada, ng libu-libo, sampu-sampung libong taon hanggang sa ngayon, inaaksaya na ng mga tao ang kanilang oras sa ganitong paraan, na walang sinuman ang lumilikha ng isang perpektong buhay, lahat ay naghahangad lamang na makipagpatayan sa madilim na mundong ito, nakikipagkarera para sa katanyagan at kapalaran, at nang-iintriga laban sa isa’t isa. Sino ang naghanap na sa kalooban ng Diyos? Mayroon na bang nagbigay-pansin sa gawain ng Diyos? Ang lahat ng bahagi ng sangkatauhan na sinakop ng impluwensiya ng kadiliman ay matagal nang naging kalikasan ng tao, kaya napakahirap na isakatuparan ang gawain ng Diyos, at lalo pang walang pagnanais ang mga tao na bigyang-pansin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa kanila ngayon. Kung anuman, sa tingin Ko ay ayos lamang sa mga tao ang pagbigkas Ko ng mga salitang ito dahil ang sinasabi Ko ay tungkol sa kasaysayan ng libu-libong taon. Ang pagsasalita tungkol sa kasaysayan ay pagsasalita tungkol sa mga bagay na napatunayan at, higit pa rito, mga iskandalo na alam na alam na ng lahat, kaya ano ang punto sa pagsasalita ng salungat sa katunayan? Pero naniniwala rin Ako na kapag nakita ang mga salitang ito ng mga taong may matinong pag-iisip ay magigising at magsisikap sila para umunlad. Umaasa ang Diyos na ang mga tao ay makakapamuhay at makagagawa sa kapayapaan at kasiyahan habang kasabay na minamahal ang Diyos. Kalooban ng Diyos na ang buong sangkatauhan ay maaaring makapasok sa kapahingahan; higit pa rito, dakilang hangarin ng Diyos na mapuspos ng kaluwalhatian ng Diyos ang buong lupain. Nakakalungkot lamang na ang mga tao ay nananatiling nakalubog sa pagkalimot at di-napupukaw, labis na nagawang tiwali ni Satanas na ngayon ay wala na silang wangis ng mga tao. Kaya ang kaisipan, moralidad at edukasyon ng tao ay bumubuo ng isang mahalagang ugnayan, kasama ng pagsasanay sa kamulatan sa kultura na bumubuo ng ikalawang ugnayan, para mas mahusay na maitaas ang kakayahan sa kultura ng mga tao at mabago ang kanilang espirituwal na pananaw.
Ang totoo, hindi naman ganoon kataas ang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, pero dahil sa napakalaki ng agwat sa pagitan ng kakayahan ng mga tao at ng pamantayang itinakda ng Diyos, karamihan sa mga tao ay tumitingin lamang sa direksiyon ng mga hinihingi ng Diyos pero walang kakayahang tuparin ang mga iyon. Ang mga likas na kaloob ng mga tao, kasama ng mga ibinigay sa kanila matapos silang ipanganak, ay napakalayong maging sapat para matugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Pero ang kilalanin lamang ang puntong ito ay hindi isang siguradong solusyon. Ang malayong tubig ay hindi makakapawi ng agarang uhaw. Kahit na alam ng mga tao na sila ay mababa sa alabok, kung wala silang kapasyahan na bigyang-kasiyahan ang puso ng Diyos, lalo na ang tahakin ang mas mahusay na daan para matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, ano ang halaga ng gayong uri ng kaalaman? Hindi ba tulad iyan ng pagsalok ng tubig gamit ang isang salaan—isang ganap na walang-saysay na pagsisikap? Ang pinakabuod ng Aking sinasabi ay may kinalaman sa pagpasok; iyan ang pangunahing paksa.
Sa panahon ng pagpasok ng tao, ang buhay ay palaging nakakabagot, puno ng mga walang-pagbabagong elemento ng espirituwal na buhay, katulad ng pananalangin, pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, o pagbuo ng mga pagtitipon, kaya’t palaging nadarama ng mga tao na ang paniniwala sa Diyos ay hindi nagdudulot ng malaking kasiyahan. Ang gayong mga espirituwal na gawain ay laging isinasagawa batay sa orihinal na disposisyon ng sangkatauhan, na ginawa nang tiwali ni Satanas. Bagaman paminsan-minsan ay nakakatanggap ang mga tao ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, ang kanilang orihinal na pag-iisip, disposisyon, paraan ng pamumuhay at mga kaugalian ay nag-uugat pa rin sa kaloob-looban, kaya’t ang kanilang kalikasan ay nananatiling di-nagbabago. Ang kinasusuklaman ng Diyos nang higit sa lahat ay ang mga mapamahiing gawain ng mga tao, ngunit marami pa ring mga tao ang hindi kayang bumitiw sa mga iyon, iniisip na ang mga mapamahiing gawaing ito ay iniatas ng Diyos, at kahit ngayon ay hindi pa lubusang nabibitawan ang mga iyon. Ang mga bagay na kagaya ng isinasaayos ng mga kabataan para sa mga handaan sa kasal at panggayak sa mga babaeng ikakasal; mga regalong pera, mga salu-salo, at katulad na mga pamamaraan ng pagdiriwang ng masasayang okasyon; mga sinaunang pormula na ipinamana; ang lahat ng walang-kabuluhang mapamahiing gawain na isinasagawa para sa mga patay at seremonya ng paglilibing sa kanila: higit pang kinamumuhian ng Diyos ang lahat ng ito. Kahit ang araw ng pagsamba (pati na ang Sabbath, na ipinapangilin ng mundo ng relihiyon) ay kinamumuhian Niya; at lalo pang higit na kinamumuhian at tinatanggihan ng Diyos ang kaugnayang panlipunan at makamundong pag-uugnayan ng lalaki sa lalaki. Hindi iniatas ng Diyos kahit na ang Pista ng Tagsibol at Araw ng Pasko na alam ng lahat ng tao, lalo na ang mga laruan at dekorasyon para sa magarbong mga kapistahang ito tulad ng mga pulang pabiting may tula, mga paputok, mga parol, Banal na Komunyon, mga regalo sa Pasko, at mga pagdiriwang sa Pasko—hindi ba mga idolo sa isipan ng mga tao ang mga ito? Ang pagpipira-piraso ng tinapay sa araw ng Sabbath, alak, at pinong lino ay mas mariin na mga idolo. Ang lahat ng iba’t ibang tradisyonal na araw ng kapistahan na kilala sa China, tulad ng Araw ng Pagtataas ng mga Ulo ng Dragon, Pista ng mga Bangkang Dragon, Pista sa Kalagitnaan ng Taglagas, Pista ng Laba, at Araw ng Bagong Taon, at ang mga pista sa mundo ng relihiyon tulad ng Pasko ng Pagkabuhay, Araw ng Pagbibinyag, at Araw ng Pasko, ang lahat ng di-makatwirang pistang ito ay isinaayos at ipinamana mula noong unang panahon hanggang sa kasalukuyan ng maraming tao. Ang mayamang imahinasyon at malikhaing ideya ng sangkatauhan ang nagtulot na maipasa ang mga ito hanggang sa ngayon. Ang mga iyon ay tila walang kapintasan, ngunit sa katunayan ay mga panlilinlang ni Satanas sa sangkatauhan. Kapag mas higit na pinagtitipunan ng mga Satanas ang isang lokasyon, at kapag mas lipas at paurong ang lugar na iyon, mas isinasagawa ang mga pyudal na kaugalian nito. Ang mga bagay na ito ay nagbibigkis sa mga tao nang mahigpit, na hindi na sila makakilos. Tila nagpapakita ng lubhang pagiging orihinal ang marami sa mga pista sa mundo ng relihiyon at tila lumilikha ng isang tulay sa gawain ng Diyos, ngunit ang mga iyon sa katunayan ay hindi-nakikitang mga tali ni Satanas na gumagapos sa mga tao upang hindi makilala ang Diyos—ang lahat ng mga ito ay tusong panlalansi ni Satanas. Sa katunayan, kapag ang isang yugto ng gawain ng Diyos ay tapos na, nawasak na Niya ang mga kasangkapan at estilo ng panahong iyon na walang iniiwang anumang bakas. Gayunman, ang “matatapat na mananampalataya” ay patuloy na sinasamba ang mga nahihipong materyal na mga bagay na iyon; samantala, isinasantabi nila sa kanilang mga isipan ang kung anong mayroon ang Diyos, hindi na ito pinag-aaralan pa, tila ba puno ng pag-ibig sa Diyos ngunit ang totoo ay matagal na nila Siyang itinulak palabas ng bahay at inilagay si Satanas sa hapag upang sambahin. Ang mga larawan ni Jesus, ang Krus, si Maria, ang Bautismo ni Jesus at ang Huling Hapunan—ang lahat ng ito ay sinasamba ng mga tao bilang Panginoon ng Langit, habang paulit-ulit na sumisigaw ng “Panginoon, Ama sa langit.” Hindi ba biro ang lahat ng ito? Hanggang ngayon, kinapopootan ng Diyos ang maraming katulad na mga pananalita at pagsasagawa na ipinamamana ng sangkatauhan, seryosong hinahadlangan ng mga iyon ang daan tungo sa Diyos at, higit pa rito ay nagiging malalaking sagabal sa pagpasok ng sangkatauhan. Bukod pa sa lawak ng ginawang pagkatiwali ni Satanas sa sangkatauhan, ang mga kalooban ng mga tao ay lubusang napuno ng mga bagay na gaya ng batas ni Witness Lee, ng mga karanasan ni Lawrence, ng mga sarbey ni Watchman Nee, at ng gawain ni Pablo. Wala talagang paraan upang gumawa ang Diyos sa mga tao dahil sa kalooban nila ay may sobrang pagkamakasarili, mga batas, mga patakaran, mga alituntunin, mga sistema, at mga tulad nito; ang mga bagay na ito, bukod pa sa hilig ng mga tao sa pyudal na mga pamahiin, ay bumihag at lumamon na sa sangkatauhan. Ang iniisip ng mga tao ay mistulang isang kapana-panabik na pelikula na nagsasalaysay ng isang makulay na “fairy tale,” na may pambihirang mga nilalang na nakasakay sa mga ulap, napakamalikhain kaya namamangha ang mga tao, iniiwan silang tulala at hindi makapagsalita. Sa totoo lang, ang pangunahing gawain na ginagawa ng Diyos ngayon ay upang harapin at iwaksi ang mga mapamahiing katangian ng mga tao at ganap na baguhin ang kanilang pananaw sa kaisipan. Ang gawain ng Diyos ay hindi nagtagal hanggang sa ngayon dahil sa pamanang ipinasa ng sangkatauhan sa mga henerasyon; ito’y gawain na personal Niyang pinasisimulan at kinukumpleto nang hindi kinakailangan na may humalili para sa pamana ng isang partikular na dakilang espirituwal na tao, o manahin ang anumang gawain ng isang kumakatawang kalikasang ginawa ng Diyos sa ibang kapanahunan. Hindi kailangang pagkaabalahan ng mga tao ang alinman sa mga bagay na ito. Ang Diyos ngayon ay may ibang istilo ng pananalita at ng paggawa, kaya bakit ginugulo ng mga tao ang kanilang mga sarili? Kung lalakad ang mga tao sa landas ngayon na nakapaloob sa kasalukuyang agos habang ipinagpapatuloy ang pamana ng kanilang “mga ninuno,” hindi sila makakarating sa kanilang hantungan. Nakakaramdam ang Diyos ng matinding pagkasuklam para sa partikular na klase ng pag-uugali ng taong tulad nito, gaya ng pagkapoot Niya sa mga taon, mga buwan at mga araw ng mundo ng tao.
Ang pinakamahusay na paraan upang baguhin ang disposisyon ng tao ay ang pagalingin ang mga bahagi sa kaibuturan ng mga puso ng mga tao na pinakamatinding nalason, na nagpapahintulot sa mga tao na magsimulang baguhin ang kanilang pag-iisip at moralidad. Una sa lahat, kailangang malinaw na makita ng mga tao na ang lahat ng seremonyang ito ng relihiyon, mga relihiyosong gawain, mga taon at mga buwan, at mga pista ay kinasusuklaman ng Diyos. Dapat silang lumaya mula sa mga gapos na ito ng pyudal na pag-iisip at wasakin ang bawat bakas ng kanilang malalim na pagkahilig sa pamahiin. Ang lahat ng ito ay kasama sa pagpasok ng sangkatauhan. Dapat ninyong maunawaan kung bakit pinangungunahan ng Diyos ang sangkatauhan palabas sa sekular na mundo, at muli kung bakit Niya inaakay ang sangkatauhan palayo sa mga patakaran at mga alituntunin. Ito ang pintuan kung saan kayo papasok, at kahit walang kinalaman ang mga bagay na ito sa inyong espirituwal na karanasan, ang mga ito ang pinakamatinding mga bagay na humaharang sa inyong pagpasok, at humahadlang sa inyong pagkilala sa Diyos. Bumubuo ang mga iyon ng isang lambat na humuhuli sa mga tao. Maraming tao ang sobrang magbasa ng Bibliya at kaya pang bigkasin ang maraming sipi sa Bibliya mula sa memorya. Sa kanilang pagpasok ngayon, walang malay ang mga tao na ginagamit nila ang Bibliya upang sukatin ang gawain ng Diyos na parang ang batayan ng yugtong ito sa gawain ng Diyos ay ang Bibliya at ang pinagmulan nito ay ang Bibliya. Kapag ang gawain ng Diyos ay alinsunod sa Bibliya, matinding sinusuportahan ng tao ang gawain ng Diyos at tumitingin sa Kanya na may panibagong paggalang; kapag ang gawain ng Diyos ay hindi tumutugma sa Bibliya, masyadong nababahala ang mga tao na sila ay pinagpapawisan, naghahanap dito ng batayan ng gawain ng Diyos; kung ang gawain ng Diyos ay hindi nabanggit sa Bibliya, hindi papansinin ng mga tao ang Diyos. Maaaring masabi na, kaugnay sa gawain ng Diyos sa ngayon, ang karamihan sa mga tao ay maingat na maingat na tumatanggap dito, namimili lamang ng sinusunod, at hindi interesado na malaman ito; at para sa mga bagay ng nakaraan, pinanghahawakan nila ang kalahati at tinatalikdan ang kalahati. Maaari ba itong matawag na pagpasok? Hinahawakan ang mga libro ng iba bilang mga kayamanan, at itinuturing ang mga iyon na ginintuang susi sa pasukan ng kaharian, ipinakikita lamang ng mga tao na wala silang interes sa kung ano ang hinihingi ng Diyos ngayon sa kanila. Higit pa rito, maraming “matatalinong eksperto” ang humahawak sa mga salita ng Diyos sa kanilang kaliwang kamay at sa kanang kamay ay hawak nila ang “mga obra maestra” ng iba, na parang nais nilang mahanap ang batayan ng mga salita ng Diyos ngayon sa mga obra maestrang ito upang lubos na patunayan na ang mga salita ng Diyos ay tama, at ipinaliliwanag pa nila sa iba ang mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagsasama ng mga iyon sa mga obra maestra, na para bang sila ay nagtatrabaho. Sa katotohanan, maraming “siyentipikong mananaliksik” sa sangkatauhan ang hindi kailanman tinitingnan nang mataas ang mga pinakabagong siyentipikong tagumpay sa kasalukuyan, mga siyentipikong tagumpay na hindi pa nagawa noon (hal. ang gawain ng Diyos, ang mga salita ng Diyos at ang landas sa pagpasok sa buhay), kaya ang lahat ng tao ay “umaasa sa sarili,” “nangangaral” sa maraming lugar na umaasa sa kanilang galing sa pagsasalita, at ipinaparada “ang magandang pangalan ng Diyos.” Samantala, nasa panganib ang kanilang sariling pagpasok at ang distansya nila mula sa mga hinihingi ng Diyos ay tila kasinglayo ng paglikha mula sa sandaling ito. Gaano kadaling gawin ang gawain ng Diyos? Tila nakapagpasya na ang mga tao na iwanan ang kalahati ng kanilang mga sarili sa kahapon at dalhin ang kalahati sa kasalukuyan, ihatid ang kalahati kay Satanas at ihandog ang kalahati sa Diyos, na para bang ito ang paraan upang linisin ang kanilang budhi at makaramdam ng kaginhawahan. Lihim na mapanira ang panloob na mundo ng mga tao, takot silang mawala hindi lamang ang bukas kundi pati na rin ang kahapon, takot na takot na parehong masaktan si Satanas at ang Diyos ng ngayon, na tila Siya at datapwa’t hindi rin Siya. Dahil nabigo ang mga tao na linangin nang wasto ang kanilang pag-iisip at moralidad, sila ay kulang na kulang sa pagtalos, at hindi nila basta-basta masasabi kung ang gawain ng kasalukuyan ay sa Diyos ba o hindi. Ito marahil ay dahil ang pyudal at mapamahiing pag-iisip ng mga tao ay masyadong malalim kaya matagal na nilang inilagay ang pamahiin at katotohanan, at ang Diyos at mga diyos-diyosan, sa parehong kategorya; wala silang malasakit na alamin ang pagkakaiba sa pagitan ng mga bagay na ito, at tila hindi pa rin nila malaman nang malinaw ang pagkakaiba kahit na pagkatapos nilang halukayin ang kanilang mga utak. Ito ang dahilan kaya napatigil na ang mga tao sa kanilang mga landas at hindi na sumusulong. Ang lahat ng problemang ito ay galing sa kakulangan ng mga tao sa tamang uri ng ideolohikal na edukasyon, na nagdudulot ng matitinding paghihirap sa kanilang pagpasok. Bilang resulta, hindi kailanman nakadarama ng anumang interes ang mga tao sa gawain ng tunay na Diyos, ngunit patuloy na kumakapit sa[1] gawain ng tao (tulad ng sa pananaw nila ay mga dakilang tao) na parang sila ay natatakan na nito. Hindi ba ang mga ito ang pinakabagong mga paksa na dapat pasukin ng sangkatauhan?
Talababa:
1. Ang “patuloy na kumakapit sa” ay ginagamit nang may panunuya. Ang pariralang ito ay nagpapahiwatig na suwail at matitigas ang ulo ng mga tao, pinanghahawakan ang mga makalumang bagay at hindi nahahandang bitawan ang mga ito.