63. Sino’ng May Sabing Hindi Mababago ang Isang Mapagmataas na Disposisyon?

Ni Zhao Fan, Tsina

Sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Hindi mababago ng mga tao ang sarili nilang disposisyon; kailangan silang dumaan sa paghatol at pagkastigo, at sa pagdurusa at pagpipino, ng mga salita ng Diyos, o sa pakikitungo, pagdidisiplina, at pagtatabas ng Kanyang mga salita. Pagkatapos noon, saka lamang sila magiging masunurin at matapat sa Diyos, at hindi na magpapadalus-dalos sa pakikitungo sa Kanya. Sa ilalim ng pagpipino ng mga salita ng Diyos nagbabago ang disposisyon ng mga tao. Sa pamamagitan lamang ng paglalantad, paghatol, pagdidisiplina, at pakikitungo ng Kanyang mga salita sila hindi na mangangahas na kumilos nang walang pakundangan kundi sa halip ay magiging matatag at mahinahon sila. Ang pinakamahalagang punto ay na nagagawa nilang magpasakop sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at sa Kanyang gawain, kahit hindi ito nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, nagagawa nilang isantabi ang mga kuru-kurong ito at maluwag sa loob na magpasakop(“Ang mga Taong Nagbago na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Napakapraktikal ng mga salita ng Diyos. Kung wala ang paghatol at pagkastigo ng mga ito, at pagtatabas at pakikitungo ng mga ito sa atin, hindi natin mababago ang ating mga makademonyong disposisyon o maisasakabuhayan ang normal na pagkatao. Talagang mapagmataas ako dati. Sa gawain, parating ramdam kong mas may kakayahan at mas mahusay ako kaysa sa iba, kaya inisip kong dapat makinig silang lahat sa akin. Pagkatapos kong magkaroon ng pananampalataya, madalas ko pa ring ibinubunyag ang isang mapagmataas na disposisyon. Gusto ko parating nasa akin ang huling salita sa lahat ng bagay, at nagmamalaking pinapangaralan at hinihigpitan ko ang iba. Nakapipigil at nakasisira ito sa mga kapatid ko. Tanging sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo at pagtatabas at pakikitungo ng Diyos sa akin ako nagkamit ng kaunting pag-unawa sa aking mapagmataas na likas at nagawa kong magsisi at kamuhian ang sarili ko. Hindi nagtagal, nagsimula akong magpakababa sa aking mga pakikisalamuha at kapag nakikipagtulungan sa iba para tuparin ang aming mga tungkulin. Natutuhan kong sadyaing hanapin ang katotohanan at tanggapin ang mga mungkahi ng mga tao. Noon ko lang naisakabuhayan nang bahagya ang kawangis ng tao.

Noong 2015, napili akong maglingkod bilang pinuno ng iglesia. Sa panahong iyon, talagang masaya ako. Naisip ko sa sarili ko, “Napakaraming tao sa iglesia ang bumoto para sa akin, ipinakikita noon na ako ang pinakamahusay rito. Kailangan kong magsikap nang mabuti para matupad ang tungkuling ito, nang sa gayon ay makita ng mga kapatid na hindi maling tao ang pinipili nila.” Pagkatapos niyon, nagpakaabala ako araw-araw; kapag nakikita kong parang may problema ang isang kapatid, humahanap agad ako ng ilang nauugnay na sipi mula sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay magbabahagi ako sa kanila para lutasin ang isyu. Dumaan ang ilang panahon, at talagang bumuti ang aming buhay sa iglesia. Maraming gawain sa iglesia ang dapat matapos, pero nagawa kong pamahalaan ang bawat bahagi nito nang malinis at maayos. Noong nakita ko na medyo mas mabuti ang buhay sa aming iglesia kaysa sa ibang simbahan, lalo akong nasiyahan. Hindi nagtagal ay nakita ng mga pinuno na talagang maayos ang gawain ng aming iglesia, kaya sinabi pa nila sa ibang iglesia na gayahin ang ginagawa namin. Bukod pa rito, may ilang mahalagang gawain ang iglesia na gusto nilang maging bahagi ako. Naisip ko, “Pati mga pinuno, mataas ang tingin sa akin at pinupuri ang kakayahan ko; mukhang hindi talaga ganoon kasama ang kakayahan ko—at talagang mas mahusay pa kaysa sa karamihan!” Bago ko pa mapagtanto, masyado na akong bilib sa sarili ko. Pakiramdam ko’y kaya kong gawin lahat at nauunawaan ko ang lahat ng bagay. Isa pa, kung may anumang iminungkahi ang mga kasamahan ko sa gawain, halos hindi ko sila pinapansin; parati kong nararamdamang mas nakatataas ako sa kanila, at inuutus-utusan ko sila. Kapag hindi nila ginagawa kung ano’ng gusto ko, hindi ko napipigilang mamuna at mangaral sa kanila. Minsan, may sasaguting tanong ang isang kapatid na kasama ko sa gawain. Nang medyo nahirapan, gusto niya itong talakayin sa akin. Naisip ko sa sarili ko, “Ano ba’ng mayroon para pag-usapan? Hindi ito mahirap na tanong; kaya naman hinayaan kitang magsanay na sumagot. Kung hindi mo nga malutas ang ganoon kaliit na isyu, hindi ka puwede sa trabaho. Kung ako iyon, nalutas ko na iyon nang ganoon lang.” At kaya sinabi ko sa mapagmataas na tono, “Huwag mo nang abalahin ang sarili mo; ako na ang sasagot.” Bilang resulta, naramdaman ng kapatid na ito na pinigilan ko siya, at kapag nagkakaroon siya ng iba pang problema, hindi na niya sinusubukang pumunta sa akin para humingi ng tulong. May isa pang pagkakataon noong inirekomenda ko si Sister Wang para sa isang partikular na tungkulin. Ang mungkahi ni Sister Chen, “Napakahalaga ng tungkuling ito; kailangan natin ng malinaw na ideya kung paano karaniwang kumikilos si Sister Wang bago tayo makasiguro.” Medyo nasaktan ang loob ko rito. Naisip ko, “Maraming beses ko nang nagawa ang ganitong gawain, pero sa tingin mo, hindi ko ito naiintindihan? Tsaka, lagi ko siyang nakakasalamuha, kaya paano mo nasasabing hindi ko siya nauunawaan? Gusto mong tanungin ko ang bawat isa tungkol sa kanya, pero hindi ba’t maaantala lang noon ang mga bagay?” Mahigpit na mahigpit kong sinabi sa kanya, “Huwag na tayong mag-aksaya ng oras. Umusad na lang tayo.” Tumahimik na lang si Sister Chen noong makitang mapilit ako. Nakita kong medyo napigilan siya noong oras na iyon, pero wala lang talaga akong pakialam. Mula noon, kapag may kapatid na nagbibigay ng mungkahi, parati kong nararamdamang hindi sila ganoon kahusay o kahinog, kaya ginagamit ko ang lahat ng puwedeng katwiran para tanggihan ang mga pananaw nila, at pagkatapos ay ipinapahayag ko kung ano ang itinuturing kong ilang magagandang ideya, at sinusubukan kong maipagawa sa lahat kung ano ang sinabi ko. Sa pagtagal ng panahon, lahat sila ay hinigpitan ko, at habang tinatalakay ang gawain, naging ugali nilang manahimik. Kinalaunan, halos hindi ko na lang tinatalakay ang mga bagay sa kanila, dahil ramdam kong pormalidad at aksaya sa oras lang iyon. At kaya, ginawa ko ang aking tungkulin nang may mapagmataas na disposisyon, at naging lalong padalus-dalos at di-makatwiran.

Minsan, nang makakita ako ng isang pinuno ng pangkat na hindi naging matagumpay sa kanyang tungkulin, inisip kong wala siyang kakayahang gumawa ng totoong trabaho at kailangan siyang palitan. Makatwiran lang na talakayin ko ito kasama ng mga kasamahan ko sa gawain, pero nagdalawang-isip ako: “Sa totoo lang, huwag na lang. Kahit naman pag-usapan namin ito, sasang-ayon lang din naman sila sa akin.” At kaya naman, direkta ko na lang pinalitan ang pinuno ng pangkat na iyon. Pagkabalik, sinabi ko sa aking mga kasamahan sa gawain kung paano ko pinangasiwaan ang mga bagay. Gulat na sinabi ni Sister Chen, “May naging ilang problema sa gawain ng pinuno ng pangkat na iyon, pero isa siyang taong hinahangad ang katotohanan; hindi pa lang siya nagtatagal sa pananampalataya, kaya medyo mababaw ang pag-unawa niya sa katotohanan, at mayroong kaunting pagkukulang at nakaligtaan sa kanyang mga tungkulin, pero normal ito. Dapat natin siyang tulungan sa pamamagitan ng pagbabahagi pa sa katotohanan. Ang pagpapalit sa kanya ngayon nang ganoon lang ay hindi magiging alinsunod sa mga prinsipyo.” Dahil hindi talaga kumbinsido, tumugon ako ng, “Pinalitan ko lang siya dahil nakita kong hindi niya kayang gumawa ng kahit anong praktikal na gawain. Napakitunguhan ko na ang ganitong klaseng bagay dati. Sinasabi mo bang hindi matalas ang aking pang-unawa?” Nang makitang hindi ako patitinag, hindi na nagsalita pa si Sister Chen. Kinalaunan, sinuri at inunawa ng mga kasamahan ko sa gawain ang usapin. Napagpasiyahan nilang hindi ko ito pinakitunguhan ayon sa prinsipyo, at ibinalik ang mga tungkulin ng pinuno ng pangkat na iyon. Nagulo ang gawain ng pangkat dahil sa pagpapalipat-lipat ng mga tungkulin, at medyo nangimi ako sa puntong iyon. Nakikita kong naging mapagmataas ako at hindi kumilos ayon sa prinsipyo, pero hindi ko pa rin hinanap ang katotohanan o pinagnilayan ang sarili.

Makalipas ang isang buwan, nagkaroon ng mahalagang trabaho ang iglesia, at pipiliin ang naaangkop na tao mula sa aming grupo ng mga kamanggagawa. Sa panahong iyon, masayang-masaya ako; ramdam na kung titingnan ang kakayahan at karanasan sa trabaho, mas mahusay ako kaysa sa iba, ipinagpalagay kong iboboto nila ako. Gayunman, ang ikinagulat ko, nang inanunsyo ang mga resulta, hindi ako nakasama sa pinili. Hindi nga ako nakakuha kahit isang boto. “Kumalabog” ang puso ko at bigla kong naramdamang bumaligtad ang aking mundo. Paano ito nangyari? Bakit wala ni kahit sinong bumoto para sa akin? Nagkulang kaya sila sa mabuting pagpapasya? Sa loob-loob ko, gusto ko talagang malaman kung bakit, kaya hiningi kong sabihin nila kung ano ang mga naging pagkukulang ko. Nang makita kong may gustong sabihin si Sister Zhou pero nag-alangan siya, sinabi ko sa kanila, “Kung nakita ninyong nagkulang ako sa kahit saanman, sabihin niyo; prangkahan na lang tayong mag-usap.” Noon lang din siya nagkaroon ng lakas ng loob na sabihin, “Ramdam kong talagang mapagmataas at mapagmagaling ka, at hindi ka tumatanggap ng mga mungkahi ng ibang tao. Isa pa, lagi kang naghahari-harian sa amin, at kapag kasama kita, medyo natatakot ako at ramdam kong pinipigilan mo ako.” Iniyuko ng isa pang kapatid ang kanyang ulo at sinabi, “Napipigilan mo rin ako. Ramdam kong talagang mapagmataas ka, na tila mababa ang tingin mo sa lahat. Para bang ikaw lang ang kayang makagawa ng gawain ng iglesia, na parang kaya mong gawin kahit ano, at sa tingin mo, wala talagang ibang may kaya nito….” Dagdag pa ni Sister Chen, “Ramdam ko’y talagang palalo ka, at hindi mo hinahanap ang katotohanan o mga prinsipyo sa iyong gawain. Hindi ka rin tumatanggap ng mga opinyon ng iba pa, at sa tingin mo, ikaw dapat ang may huling salita sa lahat. Ugali mong magpasya ng mga bagay nang di-makatwiran, nang ikaw lang mag-isa….” Isa-isang sinabi ng lahat ng mga kapatid na nakatrabaho ko na mapagmataas ako at napaghigpitan ko sila. Dahil hindi ko gustong tanggapin ito, naisip ko, “Sinasabi niyong lahat na mapagmataas ako at na hinihigpitan ko kayo; kung gayon, bakit hindi niyo amining hindi kayo umaako ng responsibilidad para sa inyong tungkulin? Sige kung ganoon. Mula ngayon, kahit ano’ng mangyari, hindi na ako magsasalita. Gawin niyo na lang lahat kung ano’ng gusto niyong gawin.” Noong gabing iyon, hindi ako makapirmi sa kama at hindi ako makatulog. Parati kong ipinagpapalagay ang sarili ko noon na mahusay ang kakayahan at magaling na manggagawa, kaya karaniwan lang na maging medyo mapagmataas. Dapat maisip ng mga kapatid ko na hindi ako masama. Hindi ko inakalang ganoon pala ang iniisip nila sa akin—mapagmataas at talagang nagkukulang sa katinuan. Hindi ko inaakala na mararamdaman nilang sobra silang pinigilan at sinugatan? Habang lalo kong iniisip ito, lalo akong nababalisa. Labis ang disgusto at pagkamuhi ng mga kapatid ko sa akin, parang peste ang pakiramdam ko, kinamumuhian at pinagtatabuyan ng iba. Hindi posibleng iligtas ng Diyos ang taong katulad ko. Naging napakanegatibo ko. Sa aking paghihirap, nanalangin ako sa Diyos nang walang tigil. Ang sabi ko, “Diyos ko, labis ang sakit na nararamdaman ko, at hindi ko alam kung paano danasin ito. Kung maaari’y liwanagan Mo ako upang maunawaan ko ang Iyong kalooban….”

Sa sumunod na umaga, binuksan ko ang computer ko at nakinig sa isang pagbasa ng mga salita ng Diyos: “Hindi masamang mabigo at madapa nang maraming beses; gayundin ang malantad. Napangaralan ka man, tinabas, o nalantad, kailangan mong tandaan ito sa lahat ng oras: Hindi komo inilalantad ka ay isinusumpa ka na. Mabuting bagay ang malantad; ito ang pinakamagandang pagkakataon para makilala mo ang iyong sarili. Maaari nitong baguhin ang karanasan mo sa buhay. Kung wala ito, hindi ka magkakaroon ng pagkakataon, ng kundisyon, ni ng konteksto para maunawaan mo ang katotohanan ng iyong katiwalian. Kung malalaman mo ang nasa iyong kalooban, lahat ng aspetong iyon na nakatago sa iyong kaibuturan na mahirap mapansin at matuklasan, mabuti iyan. Ang tunay na makilala ang iyong sarili ang pinakamagandang pagkakataon para mabago mo ang iyong mga pag-uugali at maging isa kang bagong tao; ito ang pinakamagandang oportunidad para magkaroon ka ng bagong buhay. Kapag tunay mong nakilala ang iyong sarili, makikita mo na kapag ang katotohanan ay naging buhay ng isang tao, mahalagang bagay iyon talaga, at mauuhaw ka sa katotohanan at papasok sa realidad. Napakagandang bagay niyan! Kung maaari mong samantalahin ang pagkakataong iyan at taimtim kang magninilay-nilay sa iyong sarili at magtatamo ng tunay na kaalaman tungkol sa iyong sarili tuwing ikaw ay mabibigo o madadapa, sa kabila ng pagiging negatibo at kahinaan, magagawa mong tumayong muli. Kapag nakaraan ka na sa pintuang ito, makakaya mo nang gumawa ng malaking hakbang at pumasok sa katotohanang realidad(“Para Tamuhin ang Katotohanan, Dapat Matuto Ka Mula sa Mga Tao, Mga Pangyayari, at Mga Bagay sa Paligid Mo” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Lubos akong napukaw habang pinag-iisipan kong mabuti ang mga salita ng Diyos, at tuluy-tuloy lang ang pagbuhos ng mga luha ko. Naramdaman kong sa pamamagitan ng pagsasaayos ng ganitong klase ng kapaligiran, kung saan malupit na tinabas at pinakitunguhan ako ng aking mga kapatid, hindi ako inaalis ng Diyos o sadyang pinapahiya. Sa halip, dahil talagang labis akong mapagmataas at matigas ang ulo, gusto ng Diyos na gamitin ito bilang isang klase ng pagkastigo para gisingin ako at pilitin akong pagnilayan ang sarili ko bago maging huli ang lahat, upang magawang magsisi at magbago. Ito ang pagliligtas ng Diyos sa akin. Pagkatanto ko nito, ramdam kong talagang nakalaya ako, at hindi na mali ang pagkakaunawa ko sa Diyos. Nanalangin ako sa Kanya, handang gamitin ang oportunidad na ito para pagnilayan ang sarili at makilala ang sarili ko.

Pagkatapos ay naghanap ako ng ilang pagbigkas ng Diyos kung saan nagsasalita Siya tungkol sa mapagmataas na disposisyon ng tao. Sabi ng Diyos, “Kung talagang nasasaloob mo ang katotohanan, natural na magiging tama ang landas na iyong tinatahak. Kung wala ang katotohanan, madaling gumawa ng masama, at gagawin mo iyon kahit ayaw mo. Halimbawa, kung mayroon kang kayabangan at kahambugan, makikita mo na imposibleng hindi sumuway sa Diyos; mapipilitan kang sumuway sa Kanya. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong likas na kayabangan at kahambugan. Dahil sa iyong kayabangan at kahambugan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para dakilain mo ang iyong sarili, lagi kang magpasikat, at, sa huli, papalit ka sa lugar ng Diyos at magpapatotoo para sa iyong sarili. Sa huli, gagawin mong mga katotohanan ang iyong sariling mga ideya, ang iyong sariling pag-iisip, at ang iyong sariling mga kuru-kuro para sambahin ka. Tingnan mo kung gaano kalaking kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang likas na kayabangan at kahambugan!(“Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahabol sa Katotohanan Nakakamit ng Isang Tao ang Pagbabago sa Disposisyon” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Pagmamataas ang ugat ng tiwaling disposisyon ng tao. Kapag mas mayabang ang mga tao, mas malamang na lumaban sila sa Diyos. Gaano kaseryoso ang problemang ito? Hindi lang isinasaalang-alang ng mga taong mayabang ang mga disposisyon ang lahat ng iba pa na mas mababa kaysa kanila, kundi, ang pinakamasama, hinahamak pa nila ang Diyos. Bagama’t, sa tingin, maaaring mukhang naniniwala sa Diyos ang ilang tao at sinusunod Siya, ni hindi nila Siya itinuturing na Diyos. Pakiramdam nila palagi ay taglay nila ang katotohanan at napakataas ng tingin nila sa kanilang sarili. Ito ang diwa at ugat ng mayabang na disposisyon, at nagmumula ito kay Satanas. Kaya, kailangang malutas ang problema ng kayabangan. Ang pakiramdam na mas magaling ka kaysa iba—walang kuwenta iyan. Ang kritikal na isyu ay na nakakapigil sa isang tao ang kanyang mayabang na disposisyon na magpasakop sa Diyos, sa Kanyang kapamahalaan, at sa Kanyang mga pagsasaayos; laging nadarama ng ganitong tao na makipagpaligsahan sa Diyos na magkaroon ng kapangyarihan sa iba. Ang ganitong klaseng tao ay walang pagpipitagan sa Diyos ni katiting, ni hindi niya mahal ang Diyos o nagpapasakop sa Kanya(Pagbabahagi ng Diyos). Habang binabasa ang mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng labis na lungkot at pagkabalisa, at bahagyang pagkatakot. Nakita ko kung paano ako namuhay ayon sa mapagmataas na disposisyon ko, hindi lang hinihigpitan at sinasaktan ang mga tao, at hindi nagagawang makipag-ugnayan sa kanila nang wasto, kundi unang-una, nawalan na ng lugar sa puso ko para sa Diyos, at hindi ko Siya ginalang. Madali akong natuksong gumawa ng masama at labanan Siya anumang sandali. Naisip ko, dahil ginagawa ko ang tungkulin ko bilang isang pinuno, ipinagpalagay ko na mayroon akong ilang kakayahan, na kaya kong matapos ang ilang gawain, at kaya mataas ang tingin ko sa sarili ko. Kapag nagtatrabaho kasama ang iba, parati kong iniisip na nakatataas ako sa kanila, inuutus-utusan ko sila at hinihigpitan sila. Kapag may ibang mungkahi ang mga kasamahan ko sa gawain, hindi ko hinahanap ang mga prinsipyo ng katotohanan. Iniisip ko lang na dahil may karanasan ako at magaling humusga ng mga bagay, kaya kong madaliin ang mga tao na gawin kung ano ang sinabi ko. Para bang nakita ko ang pananaw ko bilang katotohanan, bilang pamantayan, kaya dapat lang akong sundin ng iba. Mas nakakatakot pa ay kung paano ko hinigpitan ang iba hanggang sa puntong hindi na nila sinubukang ipahayag ang kanilang sariling pananaw. Pero talagang wala akong malay, at iniisip ko pang sumasang-ayon ang iba sa akin. Ang mataas na opinyon ko sa sarili ko at mga kakayahan ko ang nagdulot sa aking unahin ang sarili ko kaysa sa aking mga kapatid nang hindi ko namamalayan, hanggang sa puntong pinalitan ko ang isang pinuno ng pangkat nang hindi muna tinatalakay ito sa mga kasamahan sa gawain. Nang banggitin ito ng aking kapatid, pinabulaanan ko ito at nakipagtalo ako. Nakita kong talagang naging labis akong mapagmataas. Wala ako ni katiting na paggalang o pagpapasakop sa Diyos, at hindi ko rin isinaalang-alang kung nakatulong ba ito sa gawain ng bahay ng Diyos. Kumilos lang ako nang mag-isa at nang basta-basta ayon sa mapagmataas na disposisyon ko, na gumambala sa gawain ng bahay ng Diyos at nagdulot ng labis na pinsala sa aking mga kapatid. Paano naging pagtupad ng tungkulin iyon? Inakala kong inako ko ang responsibilidad sa aking trabaho, pero sa totoo’y isa lang akong mapagmataas na diktador na sinusubukang punan ang kasakiman sa kapangyarihan. Gumagawa ako ng masama at nilalabanan ko ang Diyos! Hindi nagtagal, tinanong ko nang paulit-ulit ang sarili ko: Paano ko nakayang gawin ang ganoong di-mapigil na pagmamataas, na napunta ako sa isang landas ng paggawa ng masama at paglaban sa Diyos? Noon lang nang pagnilayan ko ang aking sarili na napagtanto kong napagharian ako ng mga makademonyong lason, tulad ng “Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa” at “Mamukod-tangi at magdala ng parangal sa kanyang mga ninuno,” hanggang sa puntong simula noong bata pa ako, parati ko nang gustong maghari-harian sa iba, at sa lahat ng nagawa ko, sinubukan kong pilitin ang iba na makinig sa akin at umikot ang mundo sa akin, at nakatuon lang sa akin. Para bang iyon lang ang tanging paraan para ipakitang may kakayahan ako, at iyon lang ang mahalaga at makahulugang paraan para mamuhay. Ngayo’y natuklasan ko na sa wakas na dahil parati akong namumuhay ayon sa mga makademonyong lason na ito kung kaya’t hindi na makontrol ang mapagmataas kong likas, at namumuhay ako nang wala ni katiting na pagkatao. Hindi ko lang labis na hinigpitan at sinaktan ang mga tao, kundi ginulo ko rin ang gawain ng iglesia. Noon ko lang nabatid talaga na ang “Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa” at “Mamukod-tangi at magdala ng parangal sa kanyang mga ninuno,” ang mga lasong iyon ni Satanas, ay mga kamalian. Wala sa katwiran at masama ang mga iyon, at kaya lang gawing tiwali at saktan ang mga tao. Dati’y iniisip ko na ang pagiging nakatataas at ang pagpapaikot ng mga tao sa paligid ko ay isang bagay na dapat katuwaan. Hindi nagtagal ay nakita ko nang malinaw sa wakas na ang pamumuhay ayon sa mga makademonyong lason na ito ay parang pamumuhay bilang isang multo. Walang gustong lumapit sa akin. Nainis ang ibang tao sa akin at kinasuklaman ako lalo ng Diyos. Ang mga ito ang mapapait na bunga ng pamumuhay ayon sa mga lason ni Satanas! Naisip ko kung paano naging labis na mapagmataas ang arkanghel noong una, at sa pagtatangkang maging kapantay ng Diyos, sinubukan nitong sunggaban ang kontrol sa lahat ng bagay. Sa huli, ito ay nagkasala sa disposisyon ng Diyos, sinumpa Niya, at itinapon sa ere. Kaya ang mapagmataas na paghihigpit sa mga kapatid ko, ang parating pag-iisip na dapat makinig sa akin ang iba, hindi ba’t ang disposisyon kong ito ay parehong-pareho ng sa arkanghel? Sa pag-iisip na iyon ko napagtanto sa wakas kung gaano nakakatakot ang mamuhay nang may mapagmataas na disposisyon. Kung hindi isinaayos ng Diyos ang ganitong klaseng kapaligiran para sa akin, tiyak na tinutupad ko pa rin ang aking tungkulin batay sa pagmamataas ko, at walang makapagsasabi kung gaano kalaking kasamaan ang nagawa ko sana, at sa dakong huli ay magkakasala ako sa disposisyon ng Diyos at parurusahan. Pagkatapos kong mapagtanto ito, nanalangin ako sa Diyos: “Diyos ko, ayoko nang mamuhay ayon sa isang mapagmataas na disposisyon na laban sa Iyo. Gusto kong hanapin ang katotohanan para malutas ang pagmamataas ko, at tunay na magsisi sa Iyo.”

Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsasabi, “Ang likas na kayabangan ay ginagawa kang sutil. Kapag mayroong ganitong sutil n disposisyon ang mga tao, hindi ba madali silang maging di-makatwiran at basta-basta? Kung gayon, paano mo lulutasin ang iyong pagiging di-makatwiran at pabasta-basta? Kapag mayroon kang ideya, sabihin ito sa iba at sabihin mo ang nasa isip mo at naniniwala ka sa bagay na ito, at pagkatapos, sinasabi mo ito sa lahat ng tao. Una, maaari mong ipaliwanag ang pananaw mo at hanapin ang katotohanan; ito ang unang hakbang na dapat mong isagawa para madaig ang disposisyong pagiging di-makatwiran at pabasta-basta. Nangyayari ang ikalawang hakbang kapag nagpapahayag ang ibang mga tao ng salungat na mga opinyon—ano ang maisasagawa mo para maiwasang maging di-makatwiran at pabasta-basta? Dapat ka munang magkaroon ng saloobing mapagpakumbaba, isantabi ang pinaniniwalaan mong tama, at hayaang magbahagi ang lahat. Kahit naniniwala ka na tama ang iyong paraan, hindi mo ito dapat ipagpilitan. Iyan, una sa lahat, ay isang uri ng pagsulong; ipinapakita nito na hinahanap mo ang katotohanan, ng pagtanggi sa iyong sarili, at ng pagbibigay-kasiyahan sa kalooban ng Diyos. Kapag nagkaroon ka na ng ganitong saloobin, kasabay ng hindi mo pagkapit sa sarili mong opinyon, nagdarasal ka. Dahil hindi mo alam ang kaibhan ng tama at mali, hinahayaan mong ihayag at sabihin sa iyo ng Diyos kung ano ang pinakamainam at pinakaangkop na gawin. Habang sumasali ang lahat sa pagbabahagi, naghahatid ng kaliwanagan ang Banal na Espiritu sa inyong lahat(Pagbabahagi ng Diyos). Sa mga salita ng Diyos ay nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa: Anuman ang sitwasyong kinakaharap ko, kailangan kong magpanatili ng paggalang at pagpapasakop sa harap ng Diyos. Una, kailangan kong manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan, at ilatag ang aking mga ideya sa harap ng mga kapatid ko upang lahat kami ay makapaghanap at magbahagi nang sama-sama. Kahit na iniisip kong tama ako, kailangan kong sadyaing tanggihan at talikdan ang sarili ko, makinig pa sa mga opinyon ng aking mga kapatid, at tingnan kung ano ang pinakaayon sa katotohanan at makatutulong sa gawain ng iglesia. Sa isang pagtitipon pagkatapos niyon, nagtapat ako ng sarili ko sa aking mga kapatid, ibinunyag ko ang aking katiwalian, at humingi ng paumanhin para sa ginawa kong pinsala at paghihigpit sa kanila. Hindi na nila ito inalala. Nagtapat silang lahat at nagbahagi kasama ko, at ramdam kong gumaan ang loob ko. Sa mga pagtatalakay ng gawain pagkatapos niyon, aktibo kong hinihingi sa iba na ipahayag ang kanilang mga pananaw; at kapag nagkakaroon ng magkakaibang mungkahi, maghahanap at magbabahagi kami nang sama-sama hanggang sa magkasundo kami. Unti-unti, hindi na naramdaman ng mga kapatid ko na hinihigpitan ko sila, at naging talagang mas payapa na ang pakiramdam sa aming pagtutulungan.

Isang araw, tinatalakay ko ang gawain kasama ang kapatid na itinambal sa akin. Sinabi niyang sinulatan niya ang mga pinuno ng liham tungkol sa ilang problema sa loob ng iglesia, at sinabi sa kanila ang tungkol sa mga hinarap naming suliranin sa aming mga tungkulin, at kung paano namin dinanas ang mga ito. Dahil dito, lumitaw na naman ang mapagmataas na disposisyon ko. Naisip ko, “Sapat nang pinag-usapan natin ang tungkol dito sa nakaraan nating mga pagtitipon. Hindi na kailangan pang magsulat ng liham.” Noong malapit ko na siyang patamaan, naalala ko kung gaano ako naging mapagmataas dati. Parating gusto kong makinig ang iba sa akin sa lahat ng bagay, kaya naramdaman lahat ng mga kapatid ko na hinihigpitan ko sila, at hindi ko talaga isinasakabuhayan ang kawangis ng tao. Kaya tahimik akong nanalangin sa Diyos, tinalikuran ang sarili ko, at hindi na gustong mamuhay pa ayon sa mapagmataas na disposisyon ko. Kailangan kong isagawa ang katotohanan. Pagkatapos niyon, napagtanto ko kung gaano kahusay na inako ng kapatid na ito ang responsibilidad ng pakikipag-usap tungkol sa gawain sa aming mga pinuno, kaya hindi ko siya dapat rendahan. Dapat ko siyang tulungang isulat ang liham na iyon nang mabuti. Sa oras na mapagtanto ko ito, humina ang tono ko, at nagawa kong matiyagang makipag-usap sa kanya tungkol sa mga isyu sa aming gawain at makinig pa sa kanyang mga pananaw. Sa ilang bahagi’y palagay ko’y medyo mali siya, pero iniwasan kong humusga nang walang-taros. Naisip kong kailangan kong maghanap muna bago magsalita. Noon ko natuklasang ang ilan sa mga sinabi niya ay mga bagay na hindi ko naisip dati. Nakaramdam ako ng bahagyang pagkahiya. Nakita ko kung gaano ako naging mapagmataas, at parating pinipigilan ang mga kapatid para hindi nila magampanan ang kanilang mga bahagi sa mga tungkulin nila. Sa katunayan, lahat sila ay may mga kalakasan. Kung hindi ko sila kasamang gumagawa, hindi ko matutupad ang mga tungkulin ko nang sarili ko lang. Pagkatapos niyon, sama-sama kaming sumulat ng buod ng mga isyu, at pagkatapos gawing pulido ang liham, ipinadala namin ito. Sa pagganap ng aming mga tungkulin pagkatapos niyon, kapag lumalabas na naman ang aking mapagmataas na likas, sadya akong nananalangin sa Diyos at tinatalikdan ang sarili ko, at nagtatalakay at nagbabahagi pa lalo sa iba. Naging mas mabuti ang aming pagtutulungan, at lalo akong nakaramdam ng gaan ng loob at kapanatagan. Ramdam kong talagang maganda ang paggawa sa tungkulin ko sa ganoong paraan. Ang pagbabago nang bahagya ng ganitong mapagmataas na tao tulad ng sarili ko ay talagang bunga ng pagdanas sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos.

Sinundan: 62. Pagbangon sa Harap ng Kabiguan

Sumunod: 64. Nauuna ang Kayabangan Bago ang Pagbagsak

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

70. Hindi Na Isang Pasikat

Ni Mo Wen, SpainNaalala ko noong taong 2018, nasa tungkuling ebanghelyo ako sa iglesia, at pagkatapos ay ginawang tagapamahala ng gawaing...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito