Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 5

Ano ang pinagbahaginan natin sa huli nating pagtitipon? (Nagbahagi muna ang Diyos tungkol sa mga kuwento nina Xiaoxiao at Xiaoji. Pagkatapos niyon, nagbahagi Ka tungkol sa kung ano ang kinakatawan ng mga pag-uugaling itinuturing ng tao na mabuti, tinalakay Mo rin ang ilan sa mga hinihingi ng Diyos sa tao, at may partikular na pagbibigay-diin sa mga katotohanang prinsipyo na dapat nating maunawaan hinggil sa paggalang sa magulang.) Noong huli, nagbahaginan tayo tungkol sa isang paksang nauugnay sa paghahangad ng katotohanan na pinakaakma sa mga haka-haka ng tao. Negatibong paksa rin ito, tulad ng mga pag-uugaling itinuturing na tama at mabuti ayon sa mga haka-haka ng tao. Nagbigay tayo ng ilang halimbawa na tumukoy sa paksang ito, at pagkatapos ay nagbigay tayo ng ilan pang halimbawa ng mga hinihingi ng Diyos para ayusin ang pag-uugali ng tao. Higit-kumulang, ito ang mga partikular na bagay na pinagbahaginan natin. Walang gaanong malalaking bahagi sa pagbabahaginang ito, ngunit tinalakay natin ang maraming detalye hinggil sa kaalaman, pagsasagawa, at pag-unawa ng mga tao sa katotohanan. Ngayon, babalikan natin sandali ang mga bagay na ito. Sa pangkalahatan, ano ang itinuturing ng tao na magagandang pag-uugali? Hindi ba tayo dapat magkaroon ng konklusyon o malawak na pakahulugan tungkol dito? May naisip na ba kayong konklusyon? Nagbahaginan na ba kayo tungkol sa mga bagay na ito sa mga pagtitipon? (Oo. Pagkatapos magbahagi ng Diyos sa amin nang ilang beses, nakita na namin na ang magagandang pag-uugaling iniisip ng tao na tama ay isang uri lamang ng pag-uugali. Hindi kinakatawan ng mga ito ang katotohanan, mga paraan lamang ang mga iyon para makapagbalatkayo ang mga tao.) Batay sa ilan sa mga pahayag na naibuod ng sangkatauhan hinggil sa mga pag-uugali—ano ba talaga ang diwa ng mga pag-uugaling ito? May relasyon ba ang diwa ng tao sa panlabas na mabubuting pag-uugali ng sangkatauhan? Ang mga panlabas na mabubuting pag-uugaling ito ay pinagmumukhang napakadisente at marangal ang mga tao; ang mga nagtataglay ng mga ito ay iginagalang at pinupuri ng iba, mataas ang tingin sa kanila at maganda ang impresyon ng mga tao sa kanila. Naaayon ba ang magandang impresyong ito sa diwa ng tiwaling disposisyon ng tao? (Hindi.) Kung gayon, mula sa pananaw na ito, ano ang likas na katangian ng mabubuting pag-uugali ng tao? Hindi ba’t pakitang-tao at pagpapasikat lamang ang mga ito? (Oo.) Ang mga pakitang-tao at pagpapasikat na ito ba ang mga wastong pagpapamalas ng normal na pagkatao? (Hindi.) Kaya nga ang mga pag-uugaling itinuturing ng mga tao na tama at mabuti sa kanilang mga haka-haka ay talagang pakitang-tao at pagpapasikat lamang ng sangkatauhan. Ito ang likas na katangian ng mga pag-uugaling iyon. Ang mga ito ay hindi bumubuo sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao, ni hindi pagpapakita ang mga ito ng normal na pagkatao; mga panlabas na pamamaraan lamang ang mga ito. Ang mga pamamaraang ito ay pinagtatakpan ang mga tiwaling disposisyon ng tao, pinagtatakpan ng mga ito ang satanikong kalikasang diwa ng tao, at nililinlang ng mga ito ang mga mata ng ibang tao. Isinasagawa ng mga tao ang mabubuting pag-uugaling ito upang matamo ang pabor, mataas na pagtingin, at paggalang ng iba—ang gayong mga pag-uugali ay hindi makatutulong sa mga tao na tratuhin ang isa’t isa nang may katapatan, o makipag-ugnayan sa isa’t isa nang may katapatan, lalo nang hindi isinasabuhay ng mga ito ang wangis ng tao. Ang mabubuting pag-uugaling ito ay hindi mga pamamaraan na nagmumula sa taos-pusong katapatan, ni hindi likas na mga pagpapakita ang mga ito ng normal na pagkatao. Hindi kinakatawan ng mga ito, sa anumang paraan, ang diwa ng tao; puro pagkukunwari at pakitang-tao ang mga ito na ipinapakita ng tao—ang mga ito ay mga palamuti ng tiwaling sangkatauhan. Pinagtatakpan ng mga ito ang masamang diwa ng sangkatauhan. Iyan ang diwa ng mabubuting pag-uugali ng tao, iyan ang katotohanan sa likod ng mga ito. Kaya, ano ang diwa ng mga pag-uugaling hinihingi ng Diyos sa tao? Sa huling dalawang beses na nagbahaginan tayo, binanggit natin ang ilan sa mga pamamaraan na hinihingi ng Diyos hinggil sa pag-uugali ng mga tao, at kung ano ang hinihingi Niyang isabuhay ng mga tao, hinggil sa kanilang pag-uugali. Ano ang kasama sa mga iyon? (Ang mga tao ay hindi dapat manigarilyo, o uminom ng alak, at hindi sila dapat manakit o berbal na mang-abuso ng iba. Dapat nilang igalang ang kanilang mga magulang, at magkaroon ng banal na kawastuhan ng asal. Hindi sila dapat sumamba sa mga idolo, makiapid, magnakaw, maglustay ng mga pag-aari ng iba, o magbigay ng huwad na patotoo, at iba pa.) Ano ang diwa ng mga kahingiang ito? Sa madaling salita, ano ang pinagbabatayan ng Diyos sa paggawa ng mga kahingiang ito? Anong pangunahing kondisyon ang pinagbatayan ng mga ito? Hindi ba’t ipinanukala ang mga kahingiang ito sa konteksto at batayan na ang sangkatauhan ay nagawang tiwali ni Satanas at na ang tao ay likas na makasalanan? At ang mga kahingian bang ito ay hindi sakop ng normal na pagkatao? Hindi ba mga bagay ang mga ito na maaaring makamtan ng normal na pagkatao? (Maaari ngang makamtan ang mga ito.) Ang mga kahingiang ito ay ipinanukala nang ganap na batay sa pangunahing kondisyon na maaaring makamtan ng isang taong may normal na pagkatao ang mga ito. Hinggil dito, kung gayon, ano ang diwa ng mga pag-uugaling hinihingi ng Diyos sa tao? Masasabi ba natin na ito ang tunay na wangis na isinabuhay ng normal na pagkatao, pati na ang pinakabatayang dapat taglayin ng normal na pagkatao? Ang mga halimbawang naibigay natin: na ang mga tao ay dapat magkaroon ng banal na kawastuhan ng asal, at pigilan ang kanilang sarili, at hindi maging masama ang pamumuhay, na hindi sila dapat manakit o berbal na mang-abuso ng iba, o manigarilyo, uminom ng alak, makiapid, magnakaw, o sumamba sa mga idolo, at na dapat nilang igalang ang kanilang mga magulang, at sa Kapanahunan ng Biyaya, sinabihan din ang mga tao na maging mapagpasensiya, mapagparaya, at iba pa—limitado lamang ba ang mga kahingiang ito na naipanukala ng Diyos sa isang uri ng pamamaraan? Hindi, naglatag na ang Diyos ng mga pamantayan kung paano dapat isabuhay ng mga tao ang normal na pagkatao. Ano ang ibig Kong sabihin sa “mga pamantayan”? Ang ibig Kong sabihin ay ang mga pamantayan ng mga kahingian ng Diyos. Bilang isang tao, ano ang kailangan mong isabuhay upang magtaglay ng normal na pagkatao? Kailangan mong tuparin ang mga kahingiang ipinanukala ng Diyos. Isang bahagi lamang ng mga kahingian ng Diyos sa tao ang inilista natin. Ang mga kahingiang tulad ng huwag manakit o berbal na mang-abuso ng iba, huwag manigarilyo, uminom ng alak, makiapid, o magnakaw, at iba pa, ay mga bagay na maaaring makamtan ng mga taong may normal na pagkatao. Bagama’t ang mga bagay na ito ay mas mababa sa katotohanan at hindi umabot sa katotohanan, ang mga ito ang ilang pangunahing pamantayan sa pagsusuri kung ang isang tao ba ay may pagkatao o wala.

Ano ang diwa ng mga pag-uugaling hinihingi ng Diyos sa tao na katatapos lamang nating ibuod? Pagsasabuhay ng normal na pagkatao. Kung ang isang tao ay naisasabuhay o umaasal sa mga paraang hinihingi ng Diyos, ang taong ito ay nagtataglay ng normal na pagkatao sa paningin ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng magtaglay ng normal na pagkatao? Ang ibig sabihin nito ay nagtataglay na ang isang tao ng pag-uugaling naaayon sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos, at tumutugon sa pamantayan ng normal na pagkatao, pagdating sa kanilang pag-uugali, mga pamamaraan, at kung ano ang isinasabuhay nila, dahil nagpapamalas sila at nagsasabuhay ng normal na pagkatao sa paraang hinihingi ng Diyos. Masasabi bang ganoon ito? (Oo.) Naniniwala man sa Diyos ang isang tao o hindi, mayroon man siyang tunay na pananampalataya o wala, kung ninanakawan, niloloko, o sinasamantala niya ang ibang tao; o kung madalas siyang gumamit ng bastos na salita; o kung sinusuntok at sinasaktan niya ang ibang tao kapag nakataya ang sarili niyang reputasyon, katayuan, imahe, o iba pang mga interes, nang walang anumang pag-aalinlangan; o kung gumagawa pa siya ng kasalanan ng pakikiapid—kung mayroon pa rin siya ng mga problemang ito sa paraan ng pagsasabuhay niya ng pagkatao, lalo na pagkatapos niyang magsimulang maniwala sa Diyos, normal ba ang kanyang pagkatao? (Hindi.) Sinusuri mo man ang mga walang pananampalataya o ang mga mananampalataya, ang mga pamantayang ito ng pag-uugali na nailatag ng Diyos ay pinakamababa at pinakabatayang mga pamantayan lamang sa pagsusuri ng pagkatao ng isang tao. May ilang taong matapos maging mga mananampalataya ang tumalikod sa mga ito at ginugol nang kaunti ang kanilang sarili, at nagawang magbayad ng kaunting halaga, ngunit hindi kailanman naabot ang mga pamantayan ng pag-uugali na nailatag ng Diyos. Malinaw na ang ganitong uri ng mga tao ay hindi nagsasabuhay ng normal na pagkatao—ni hindi nila isinasabuhay ang pinakabatayang wangis ng tao. Ano ang ibig sabihin kapag hindi nagsasabuhay ang isang tao ng normal na pagkatao? Ang ibig sabihin nito ay hindi siya nagtataglay ng normal na pagkatao. Dahil ni hindi niya maabot ang mga pamantayan ng mga kahilingan ng Diyos sa pag-uugali ng sangkatauhan pagdating sa pagsasabuhay ng pagkatao, napakababa ng kanyang pagkatao, at mabibigyan lamang siya ng mababang ebalwasyon. Ang pinakabatayang pamantayan ng pagsusuri sa pagkatao ng isang tao ay ang tingnan kung ang kanyang pag-uugali ay pumapasa sa mga pamantayan ng mga kahingiang itinakda ng Diyos sa pag-uugali ng sangkatauhan. Tingnan kung, matapos maniwala sa Diyos, pinipigilan niya ang kanyang sarili; kung mayroon ba siyang banal na kadisentehan sa kanyang sinasabi at ginagawa; kung sinasamantala ba niya ang iba kapag nakikipag-ugnayan sa kanila; kung tinatrato ba niya ang kanyang mga kapamilya at mga kapatid sa iglesia nang may pagmamahal, pagpaparaya, at pagpapasensiya; kung tinutupad ba niya ang kanyang mga responsabilidad sa kanyang mga magulang sa abot ng kanyang makakaya; kung sumasamba pa rin ba siya sa mga idolo kapag walang nakatingin, at iba pa. Magagamit natin ang mga bagay na ito para suriin ang pagkatao ng isang tao. Isantabi kung mahal ba at hangad ng tao ang katotohanan, suriin muna kung mayroon ba siyang normal na pagkatao—kung ang kanya bang mga salita at pag-uugali ay pumapasa sa mga pamantayan sa pag-uugali na naitakda ng Diyos. Kung hindi pumapasa ang mga iyon sa mga pamantayan sa pag-uugali, maaari mong suriin ang kanyang pagkatao ayon sa antas ng kanyang isinasabuhay, kung ito ba ay: karaniwan, mababa, napakababa, o kahindik-hindik, sa gayong pagkakasunud-sunod—ito ang tumpak. Kung nang-uumit sa tindahan at nandurukot ang isang mananampalataya kapag nagpupunta siya sa mga supermarket o sa mga pampublikong lugar, kung mahilig siyang magnakaw, anong klase ang kanyang pagkatao? (Masamang pagkatao.) May ilang taong naninigaw ng mapang-abusong mga salita at nananakit pa ng iba kapag may ikinagagalit sila. Ang kanilang mga insulto ay hindi makatarungang pagtatasa sa diwa ng ibang tao, sa halip, padalus-dalos na akusasyon ang mga iyon at puno ng bastos na pananalita. Walang habas na sinasabi ng gayong mga tao ang anumang nagtutulot sa kanila na mailabas ang kanilang galit. May partikular na ilang taong nagsasabi ng mga bagay-bagay sa kanilang mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak na walang pananampalataya, at maging sa kanilang mga kaibigan na walang pananampalataya, na hindi mo gugustuhing marinig, kung hindi ay marurumihan nito ang iyong mga tainga. Anong klase ang pagkatao ng ganitong uri ng tao? (Masamang pagkatao.) Maaari mo ring sabihin na wala silang pagkatao. Pagkatapos ay may iba pa na laging nakatuon sa pera. Kapag nakakita ang mga taong ito ng isang taong mapera, kumakain nang maayos at nagsusuot ng magagarang damit, at nabubuhay nang maalwan, lagi nilang gustong pagsamantalahan ang mga taong ito. Lagi silang paliguy-ligoy na nanghihingi sa mga ito, o kinakain ang pagkain ng mga ito at ginagamit ang mga gamit ng mga ito, o hinihiram ang mga gamit ng mga ito at hindi na isinasauli ang mga iyon. Bagama’t hindi pa nila sinasamantala ang iba sa malaking paraan, at ang kanilang mga kilos ay hindi umaabot sa paglustay o panunuhol, ang pag-uugali nilang mahilig magnakaw ay tunay na kaaba-aba at kasuklam-suklam, at dahil sa mga ito ay himahamak sila ng iba. Ang mas malubha pa, mayroong mga masyadong nahuhumaling sa ganda ng hindi nila kabaro. Madalas silang tumitig sa hindi nila kabaro, at nakikiapid pa nga, gumagawa ng kasalanan sa pagitan ng mga kasarian. Ang ilan sa mga taong ito ay walang asawa, samantalang ang iba naman ay pamilyado—mayroon pang ilan na nakikiapid pa sa kabila ng labis na katandaan. Ang mas malala pa, sinusubukan ng ilang tao na akitin ang mga kabaro nila, at magkaroon ng pisikal na relasyon sa kanila. Nakasusuka talaga ito. Ang mas hindi pa kapani-paniwala, may mga taong maraming taon nang naniniwala sa Diyos, ngunit hindi naniniwala na ang katotohanan ang pinakanakatataas sa lahat o na ang mga salita ng Diyos ang nagsasakatuparan ng lahat. Ang mga taong ito ay madalas bumisita nang lihim sa mga manghuhula para pahulaan ang kanilang kapalaran, nagsisindi sila ng insenso para sambahin si Buddha o iba pang idolo, at gumagamit pa ng mga manyika ng mangkukulam ang ilan para kulamin ang ibang tao, o nananawagan pa sa kaluluwa ng mga patay (seance), at iba pang katulad niyon. Ang pagsasagawa ng ganitong mga uri ng masamang mahika ay mas malala pang isyu; ang ganitong mga tao ay mga hindi mananampalataya, at walang pinagkaiba sa mga walang pananampalataya. Matindi man o hindi ang sitwasyon, kapag nagpapamalas ng ganito ang isang tao, masasabi natin na siya ay nagsasabuhay ng pagkatao sa abnormal at maruming paraan, at na ang ilan sa kanyang mga pag-uugali ay mali o kakatwa—na tunay na makasalanan ang kanyang mga pag-uugali. Matapos maniwala sa Diyos, nagdadamit ang ilang tao nang masyadong nakatutukso, tulad ng mga walang pananampalataya ay pinahahalagahan nila ang pagmumukhang seksi, at sumusunod sila sa mga makamundong uso. Hindi sila talaga kamukha ng mga banal. Ang ilang tao ay nagdadamit nang mas disente kapag nagpupunta sa mga pagtitipon, ngunit nagpapalit ng mas usong mga damit ng mga walang pananampalataya kapag nakauwi na sila. Batay sa kanilang isinusuot, hindi sila mukhang mga mananampalataya; wala silang ipinagkaiba sa mga walang pananampalataya. Naghahagikgikan sila at nagbibiruan tungkol sa mga bagay-bagay; masyado silang maluho sa sarili at walang pagpipigil. Nagsasabuhay ba ng normal na pagkatao ang ganitong mga tao? (Hindi.) Naghahangad sila ng mga makamundong uso, at gusto nilang maging seksi, at maakit ang iba, at lingunin sila ng mga tao. Ginugugol nila ang buong araw sa pagdadamit nang maganda, at paglalagay ng makapal na makeup, sa pagsisikap na akitin ang hindi nila kabaro. Kaaba-aba ang isinasabuhay ng mga taong ito. Ni hindi nila mapigilan ang kanilang sarili pagdating sa kanilang pananamit, pananalita, at pag-uugali, at wala silang banal na kadisentehan, kaya kapag sinuri natin sila ayon sa mga pamantayan sa pag-uugali na hinihingi ng Diyos, malinaw na ang pagkataong isinasabuhay nila ay napakaaba. Mula sa kongkretong halimbawang ito, makikita natin na ang mga hinihingi ng Diyos hinggil sa pag-uugali ng mga tao at sa kanilang isinasabuhay ay lubos na naaayon sa mga hinihingi ng normal na pagkatao—kaya, natural, ang mga may normal na pagkatao ay may kakayahang makamtan ang mga iyon. Ano ang ibig sabihin ng pahayag na ito? Ang ibig sabihin nito ay na taglay mo lamang ang wangis ng tao, mukha kang normal na tao, at may pinakabatayang antas ng normal na pagkatao kung ito ang iyong isinasabuhay. Sa pagtingin sa partikular na mga detalye ng mga hinihingi ng Diyos, makikita natin na ang pagsasabuhay ng pagkatao sa ganitong paraan ay hindi huwad, o pakitang-tao, ni hindi ito panloloko sa iba. Sa halip, ito ang paraan na dapat maipamalas ng normal na pagiging tao, at ang realidad na dapat nitong taglayin. Ang mga nagsasabuhay lamang ng mga pagpapakitang ito ng normal na pagkatao ang nagtataglay ng wangis ng tao, na wala ni katiting na panloloko. Matatamo lamang ng mga tao ang paggalang ng iba, at mamumuhay nang may dignidad sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng normal na pagkatao sa ganitong paraan. At sa pagsasabuhay lamang ng normal na pagkatao sa ganitong paraan at pagtataglay ng banal na kadisentehan, naghahatid ng kaluwalhatian sa Diyos ang normal na mga pagpapakita ng mga tao. Dahil kung magkagayon, lahat ng isinasabuhay mo ay magiging positibo, at ang realidad ng mga positibong bagay, at hindi ito magiging pakitang-tao. Magsasabuhay ka ng wangis ng tao alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos.

Ang diwa ng mabuting pag-uugali ng tao at ang diwa ng pag-uugaling hinihingi ng Diyos ay kapwa naipaliwanag nang malinaw at nang naiintindihan. Samakatwid, dapat ding maging malinaw kung paano dapat magsagawa ang mga tao, at paano sila dapat magsabuhay ng normal na pagkatao, hindi ba? Hindi lalabis o tututulan ng mga tao ang mga tanong tungkol sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao. Nauugnay ba ang pagsasabuhay ng normal ng pagkatao sa mga walang kuwentang bagay sa buhay ng mga tao na walang kinalaman sa pagkatao? May ilang taong katawa-tawa na hindi makita nang malinaw ang bagay na ito. Sinasabi nila, “Yamang napakadetalyado ng pagbabahagi ng Diyos, kailangan din tayong maging metikuloso pagdating sa bawat maliit na aspekto ng ating buhay. Halimbawa, mas maganda ba sa kalusugan ang kamote kapag pinasingawan o kapag inihaw?” May kaugnayan ba ito sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao? Wala talaga. Ang dapat kainin ng mga tao at paano sila dapat kumain ay ginagamitan ng sentido komun na taglay ngayon ng lahat ng tao. Basta’t walang problema sa pagkain ng ganoon, maaari mong kainin iyon kahit paano mo gusto. Kung may nag-iisip na kailangan niyang hanapin ang katotohanan sa gayon kasimpleng mga bagay na ginagamitan ng sentido komun, at na kailangan niyang isagawa ang gayong mga bagay na para bang katotohanan ang mga iyon, hindi ba’t katawa-tawa at kakatwa ang taong iyon? May ilang tao ngayon na napaka-metikuloso sa mga bagay na katulad nito, na walang kinalaman sa katotohanan. Iniisip ng mga taong ito na hinahangad nilang matamo ang katotohanan, at sinisiyasat at sinusuri ang maliliit na bagay na para bang ang mga iyon ang katotohanan. Namumula pa ang mukha ng ilan sa pakikipagtalo tungkol sa mga bagay na ito. Anong klaseng problema ito? Hindi ba ito isang kaso ng matinding kawalan ng espirituwal na pag-unawa? Ang katunayan na nagtatanong ang mga tao tungkol sa pagkain ng kamote, na para bang iyon ang katotohanan, ay talagang katawa-tawa at nakakainis. Ang ganitong mga tao ay walang pag-asa, dahil hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos, at hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng paghahangad sa katotohanan. Hindi nila maintindihan ang mga pinakasimpleng bagay sa buhay na ginagamitan ng sentido komun, at hindi nila malutas ang mga isyung ito—kaya ano ang silbi ng pamumuhay nila nang ilang taon? Paano naaatim ng mga taong ito na banggitin ang mga walang-kabuluhang bagay sa mga pagtitipon at magtalakay at magbahagi tungkol sa mga iyon na para bang mga paksa ang mga iyon kung saan mahahanap ng tao ang katotohanan? Ang pangunahing dahilan ay baluktot ang pang-unawa at walang espirituwal na pang-unawa ang mga taong ito. Sa anong konteksto sila nagiging metikuloso? Bakit sila nagkaroon ng ganitong mga kaisipan at ideya? Paano nila naaatim na talakayin at ibahagi kung paano kumain ng kamote sa mga pagtitipon? Dahil ba sa masyadong kongkreto ang mga isyung ibinabahagi Ko, at humantong na ito sa ilang maling pag-aakala ng mga tao na mahilig makipag-argumento at makipagtalo? Kapag nangyayari ang mga problema at sitwasyong ito, pakiramdam Ko, ang pakikipag-usap sa mga taong ito ay parang pagturing sa mga unggoy na parang mga tao. Ang mga unggoy ay mga nilalang na naninirahan sa mga kabundukan at kagubatan. Bagama’t may pagkakamukha sila sa mga tao, at marami sa kanilang mga pag-uugali at gawi ay katulad ng sa mga tao, at bagama’t may panahon na itinuring ng mga tao ang mga unggoy bilang kanilang mga ninuno, ano’t anuman, ang mga unggoy ay mga unggoy pa rin. Dapat silang manirahan sa mga kagubatan at kabundukan. Hindi ba pagkakamaling ilagay sila sa isang bahay para manirahan sa piling ng mga tao? Dapat ba nating ituring ang mga unggoy na parang mga tao? (Hindi dapat.) Kaya, mga unggoy ba kayo, o mga tao? Kung mga tao kayo, gaano man Ako magsalita o gaano man Ako magsumikap, angkop at mahalaga na sabihin Ko ang mga bagay na ito sa inyo. Kung kayo ay mga unggoy, angkop ba na ituring Ko kayong mga tao, at sayangin ang oras Ko sa pagtalakay sa katotohanan at mga layunin ng Diyos sa inyo? Mahalaga ba ito? (Hindi.) Kung gayon ay mga tao ba kayo, o mga unggoy? (Tao kami.) Sana nga. Ano ang tingin ninyo sa pagbabahaginan tungkol sa pagkain ng kamote sa mga pagtitipon? Magiging metikuloso rin ba kayo sa mga bagay na katulad nito? Halimbawa, nagtatanong ang ilang tao: “Dapat ba akong magsuot ng damit na asul o puti? Kung magsusuot ako ng puting damit, anong klaseng puti? Anong klaseng puti ang kumakatawan sa kabanalan, at bagay sa isang banal? Kung angkop ang asul sa akin, anong klaseng asul? Aling asul ang bagay sa mga hinihingi at pamantayan ng Diyos sa tao, at makapaghahatid ng pinakamalaking kaluwalhatian sa Diyos?” Naging metikuloso na ba kayo sa mga bagay na ito? Naisip na ba ng sinuman kung aling estilo ng buhok, o aling paraan ng pananalita at tono ng boses ang bagay sa isang banal? Naging metikuloso na ba kayo tungkol sa mga bagay na ito? Naging metikuloso at masikap na ang ilang tao sa mga bagay na ito. May ilang tao na mahilig dating kulayan ng blonde ang kanilang buhok, o kulayan ito ng pula o iba pang kakaibang mga kulay, ngunit matapos silang maniwala sa Diyos, nakita nila na hindi nagkukulay ng buhok ang iba pang mga kapatid sa iglesia, kaya tumigil sila. Pagkaraan lamang ng ilang taon nila lubos na naunawaan na anuman ang kulay o estilo ng buhok ng isang tao ay hindi mahalaga. Ang mahalaga ay kung nagsasabuhay ba ng normal na pagkatao ang isang tao, at kung mahal ba niya ang katotohanan. Ang mga taong naging metikuloso sa gayong mga bagay na walang kinalaman sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao ay unti-unting naunawaan na walang silbing pagsikapan ang mga bagay na ito, dahil ang mga bagay na ito ay wala talagang kaugnayan sa katotohanan. Ilang isyu lamang ang mga ito sa loob ng saklaw ng normal na pagkatao, at wala sa mga ito ang katotohanan. Kung ang pagkataong isinasabuhay mo ay nakapapasa sa mga hinihingi at pamantayan ng Diyos, sapat na iyan. Hindi ba kayo medyo naguluhan sa mga isyung ito noong araw, at nalito sa mga ito? (Oo.) Kahit hindi ito kasintindi ng pakikipagtalo sa mga pagtitipon tungkol sa kung paano kumain ng kamote, naguluhan na rin kayo sa ilang maliliit at walang-kabuluhang bagay sa buhay. Totoo ang mga ito. Kaya, hindi ba dapat magkaroon ng tiyak na konklusyon tungkol sa mga bagay na ito? Malinaw ba sa inyo kung aling mga prinsipyo ang dapat sundin ng mga tao kapag nagsasabuhay ng normal na pagkatao ayon sa mga hinihingi at pamantayan ng Diyos? Alam ba ninyo kung paano hanapin ang katotohanan kapag nakaranas kayo ulit ng ilang partikular na sitwasyon? Sabi ng ilang tao, “Bagama’t hindi ako nagiging mapagmalabis, tulad ng pagtatanong kung paano kumain ng kamote, kung magkaroon ng ilang isyu sa buhay ko sa araw-araw, malilito pa rin ako sandali.” Kaya, bigyan ninyo Ako ng isang halimbawa—anong isyu ang nagpapalito sa inyo sandali? Masasabi ba ninyo na maling mag-make up ang mga babae? Naaayon ba ito sa mga hinihingi ng Diyos sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao? (Hindi ito mali.) Ano ang tinutukoy rito ng “hindi ito mali”? (Basta’t bagay sa isang banal ang makeup ng isang tao, at hindi masyadong makapal, ayos lang ito.) Basta’t hindi makapal ang makeup, angkop ito. May ilang nagtatanong, “Kung angkop na mag-makeup nang hindi masyadong makapal, ibig bang sabihin ay gusto Mo kaming mag-makeup?” Sinabi Ko ba iyan? (Hindi.) Hindi problema ang pagme-makeup, naaayon ito sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao. Ang mapagpasyang prinsipyo para dito ay na basta’t hindi masyadong makapal ang makeup, ayos lang ito. Iyan ang pamantayan. Kaya, sa anong saklaw kailangang panatilihin ng mga babae ang kanilang makeup para makasunod sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao? Nasaan ang hangganan? Ano ang ibig sabihin ng “makapal na makeup”? Anong klaseng makeup ang itinuturing na makapal? Kung malinaw ang hangganan, malalaman ng mga tao kung ano ang gagawin. Hindi ba ito isang detalye? Bigyan ninyo Ako ng halimbawa na nagpapaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng makapal na makeup. (Ito ay kapag puting-puti ang mukha ng isang tao, pulang-pula ang mga labi nila, at itim na itim ang kanilang mga mata, kaya masyado itong hindi natural at hindi magandang tingnan.) Nagugulat ang mga tao kapag nakikita nila ito, parang multo, at hindi makita ng iba ang natural na anyo o mukha ng tao. Ang mga tao sa ilang bansa at lahi, gayon din sa ilang propesyon, ay partikular na makapal mag-makeup. Halimbawa, hindi ba kumakatawan ito sa makeup ng mga tao sa mga bar at nightclub? Lahat ng taong ito ay makapal ang makeup, at hindi nagpapakita ng magandang halimbawa—ang silbi ng kanilang makeup ay para akitin ang iba. Ang ganitong klaseng makeup ay makapal na makeup. Kung gayon, anong uri ng makeup ang naaayon sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao? Ang manipis na makeup, tulad ng sa mga babaeng nag-oopisina, na mukhang napakarangal at elegante. Basta’t hindi lumalagpas sa hangganang ito ang inyong makeup, ayos lang ito. Sa Tsina, hindi uso sa mas nakatatandang mga henerasyon ang mag-makeup. Kung palaging maganda ang damit at naka-makeup kapag umaalis ng bahay ang isang karaniwang nakatatandang tao na walang anumang partikular na katayuan o posisyon sa lipunan, sasabihin ng mga tao na hindi bagay ang kanilang kilos para sa edad nila. Gayunman, iba naman sa mga taga-Kanluran. Kung makikipagkita ka sa isang tao o papasok ka sa trabaho at hindi ka naglagay ng kaunting makeup at nag-ayos nang kaunti, sasabihin ng mga tao na hindi mo iginagalang ang trabaho mo, na hindi ka propesyonal, at na hindi mo iginagalang ang ibang tao. Ito ay isang klase ng kultura. Natural, sa ganitong uri ng sitwasyon, ang pagme-makeup ay dapat ilimita sa lebel kung saan magmumukha kang marangal at matwid, at mukhang kagalang-galang sa ibang tao. Upang buurin sa isang pangungusap: Kung magme-makeup ka, dapat kang magmukhang kagalang-galang na tao, at hindi pumukaw ng pagnanasa sa puso ng mga tao—angkop ang ganitong klaseng makeup. Iyan ang prinsipyo, at ganyan lamang ito kasimple. Itinatanong ng ilang tao, “Ayos lang bang hindi ako nagme-makeup kapag umaalis ako ng bahay? Hindi kasi ako sanay mag-makeup.” Dapat kang maghanap ng sagot sa loob ng mga salita ng Diyos. Sinabi ba ng Diyos na maling hindi mag-makeup? Hindi ito sinabi ng Diyos. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi kailanman hiningi sa mga tao na mag-makeup. Kung gusto mong mag-makeup, naibigay Ko na sa iyo ang pamantayan at limitasyong ito, at sinabi Ko na sa iyo ang dapat mong gawin upang maging angkop ang makeup mo. Kung ayaw mong mag-makeup, hindi ito hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Gayunman, kailangan mong tandaan ang isang bagay: Bagama’t hindi mo kailangang mag-makeup, hindi ka maaaring umalis ng bahay na mukhang marumi at gusgusin, na parang pulubi. Halimbawa, kapag lumabas ka para ibahagi ang ebanghelyo, kung hindi mo gagawing presentable ang sarili mo o hindi ka maghihilamos ng mukha bago umalis ng bahay, at nanggigitata ang damit mo, at sinasabi mong, “Ayos lang ito. Basta’t nauunawaan natin ang katotohanan, hindi mahalaga kung paano tayo manamit!” nakatutulong ba iyan? Bilang isang taong naniniwala sa Diyos, dapat ka ring magkaroon ng mga prinsipyo para sa iyong pananamit at hitsura. Ang pinakabatayang pamantayan ng prinsipyong ito ay na kailangan mong magsabuhay ng normal na pagkatao, at huwag kang gumawa ng anumang makapagpapahiya sa Diyos, o makapagpapahiya sa sarili mong karakter at dignidad. Kahit paano, dapat mong sikaping igalang ka ng iba. Kahit hindi ka gaanong banal, dapat mong mapigilan man lang ang iyong sarili, at maging marangal ka at matwid, at magkaroon ng banal na kadisentehan. Kung mabibigyan mo ng ganitong impresyon ang mga tao, sapat na iyan. Ito ang pinakapangunahing kinakailangan sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao.

Para sa mga naniniwala sa Diyos, ang mga tanong na ito tungkol sa panlabas na mga pag-uugali ng mga tao at pagsasabuhay ng normal na pagkatao ay hindi dapat maging mga pasanin o paghihirap, dahil ang mga ito ang pinakapangunahing bagay na dapat taglayin, kahit paano, ng isang normal na tao. Dapat ay madaling maunawaan ang mga isyung ito; hindi mahirap unawain ang mga ito. Samakatwid, ang mga tanong na ito tungkol sa panlabas na mga pag-uugali ng mga tao at pagsasabuhay ng normal na pagkatao ay hindi dapat maging mahahalagang isyu na madalas talakayin sa buhay-iglesia. Ayos lang na pag-usapan ang mga iyon paminsan-minsan, ngunit kung tatratuthin mong mga paksa ang mga ito na paghahanapan ng katotohanan, at babanggitin nang madalas ang mga ito, tatalakayin nang taimtim at seryoso ang mga ito, medyo napababayaan mo na ang iyong nararapat na mga tungkulin. Sinong mga tao ang kadalasang nagpapabaya sa kanilang nararapat na mga tungkulin? Ang pagtatanong na tulad ng paano kumain ng kamote, at pagtrato sa mga tanong na ito na parang mga paksang paghahanapan ng katotohanan, nagsisiyasat at nagbabahaginan tungkol sa mga ito sa mga pagtitipon, kung minsan sa maraming pagtitipon, habang walang ginagawa ang mga lider ng iglesia para pigilan ito—hindi ba’t mga pagpapamalas ang mga ito ng mga taong madaling maniwala sa mga kabaluktutan at sa mga walang espirituwal na pang-unawa? (Oo.) Anong mga tanong ang dapat talakayin nang husto sa mga pagtitipon? Iyong mga nauukol sa katotohanan at mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Ang katotohanan at mga salita ng Diyos ang di-nagbabagong mga paksa ng buhay-iglesia; ang mga bagay na nauukol sa pinakapangunahin at ordinaryong paksa ng panlabas na mga pag-uugali ng normal na pagkatao ay hindi dapat maging pangunahing paksa ng pagbabahaginan sa buhay-iglesia at sa mga pagtitipon. Kung papayuhan, paaalalahanan, at babahaginan ng mga kapatid ang isa’t isa tungkol sa mga bagay na ito sa labas ng mga pagtitipon, sapat na iyan para lutasin ang mga problemang ito. Hindi na kailangan pang gumugol ng malalaking panahon sa pagbabahaginan at pagtatalakay tungkol sa mga ito. Makakaapekto iyan sa normal na pagtitipon ng mga tao at sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at magkakaroon ito ng epekto sa kanilang pagpasok sa buhay. Ang buhay-iglesia ay isang buhay ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Ang dapat nitong binibigyang-diin ay ang pagbabahaginan tungkol sa katotohanan at paglutas sa mga praktikal na problema, sa gayong paraan, hindi maaantala ang pagsulong ng tao sa buhay. Kung may taglay kang diwa ng normal na pagkatao, dapat maging malinaw sa iyo kung paano isagawa ang mga bagay na ito alinsunod sa mga prinsipyo. Kung lagi kang naghahanap ng mali tungkol sa mga bagay na walang-kuwenta at mga bagay na walang kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, kung lagi kang nakikipagtalo tungkol sa maliliit na usapin, subalit pakiramdam mo ay maalam ka at edukado, hindi ba’t dapat na suriin ang isyung ito? Halimbawa, masyadong binibigyang-diin ng ilang tao ang paraan ng kanilang pananamit, at laging itinatanong kung maaaring magsuot ng di-karaniwang mga damit ang mga mananampalataya; laging nagtatanong ang ilang taong bago lang na nananalig sa Diyos kung dapat bang uminom ng alak ang mga mananampalataya; natutuwa ang ilang tao sa pagnenegosyo, at laging nagtatanong kung dapat bang kumita ng maraming pera ang mga mananampalataya; at laging nagtatanong ang ilang tao kung kailan darating ang araw ng Diyos. Ang mga taong ito ay hindi handang hanapin ang katotohanan sa mga bagay na ito para mahanap ang mga tamang sagot. Bagama’t walang tumpak na mga salita tungkol sa mga paksang ito, ipinaliwanag na ng Diyos ang mga prinsipyo sa pag-unawa sa mga isyung ito nang napakalinaw. Kung hindi nagsisikap ang isang tao sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, hindi niya matatagpuan ang mga sagot. Sa katunayan, alam ng lahat ang layunin ng paniniwala sa Diyos, at kung ano ang matatamo mula rito. Kaya lamang ay may ilang taong hindi nagmamahal sa katotohanan, ngunit nais pa ring magtamo ng mga pagpapala. Doon nagmumula ang kanilang paghihirap. Samakatwid, ang pinakamahalagang bagay ay kung matatanggap ba ng isang tao ang katotohanan. May ilang tao na hindi napahalagahan kailanman ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos o ang pagbabahaginan tungkol sa katotohanan. Masyado lamang silang interesado sa mga tanong na walang halaga, at lagi nilang gustong magbahaginan tungkol sa mga tanong na ito sa mga pagtitipon at makakuha ng tiyak na mga sagot sa mga ito, at hindi sila mapigilan ng mga lider at manggagawa. Anong uri ng problema ito? Hindi ba’t pinapabayaan ng mga taong ito ang kanilang nararapat na mga tungkulin? Kung hindi mo isasagawa ang katotohanan at lagi mong gustong tumahak sa maling landas, bakit hindi mo pagnilayan, kilalanin, at himayin ang sarili mo? Lagi kang mapagpalugod sa mga tao, hindi ka responsable sa iyong tungkulin, matigas ang ulo mo, may sarili kang batas, padalus-dalos, at walang ingat. Paano mo naaatim na hindi maging maingat sa bagay na ito? Paano mo naaatim na hindi siyasatin at suriin ito para malaman kung ano ba talaga ang nangyayari? Bakit mo sinisisi at hindi inuunawa nang tama ang Diyos tuwing may nangyayari sa iyo? Bakit ka laging nagpapasya sa sarili mo, at nagrereklamo na hindi matwid ang Diyos at na hindi patas ang iglesia? Hindi ba’t problema ang mga ito? Hindi ba’t dapat mong ibahagi at suriin ang mga isyung ito sa buhay-iglesia? Kapag hinahati ng sambahayan ng Diyos ang iglesia at inaalis ang mga tao, hindi ka kailanman nagpapasakop at hindi ka kailanman nasisiyahan, lagi kang may mga haka-haka at nagpapakalat ka ng pagkanegatibo. Hindi ba’t problema ito? Hindi ba’t dapat mong siyasatin at suriin ang isyung ito? Lagi kang naghahangad ng katayuan, at namumulitika, at nag-aasikaso sa iyong katayuan. Hindi ba’t problema ito? Hindi mo ba dapat ibahagi at suriin ang mga isyung ito? Ang iglesia ay kasalukuyang nagsasagawa ng gawain ng paglilinis, at sinasabi ng ilan, “Basta’t medyo epektibo ang mga tao sa kanilang mga tungkulin, hindi sila tatanggalin, kaya kung patuloy lamang akong magiging medyo epektibo sa aking tungkulin at hindi ako matatanggal, sapat na iyon.” Ano ang problema rito? Hindi ba’t pasibong pagsalungat ang ginagawa ng mga taong ito? Kung nagpapakita ang isang tao ng ganitong klase ng mapanlinlang na disposisyon, hindi ba’t kailangan itong lutasin? Hindi ba’t mas malubha ang mga problema na may kinalaman sa mga tiwaling disposisyon at sa kalikasang diwa ng tao kaysa sa kung paano kumain ng mga kamote? Hindi ba’t nararapat na pag-usapan ang mga ito, pagbahaginan, at suriin sa mga pagtitipon at sa buhay-iglesia, upang magtamo ng pagkaunawa ang mga taong hinirang ng Diyos? Hindi ba maganda at tipikal na mga halimbawa ng mga negatibong pag-uugali ang mga ito? Ang mga problema tungkol sa mga tiwaling disposisyon ay direktang may kaugnayan sa pagbabago ng disposisyon ng tao, at kasama rito ang kaligtasan ng tao. Hindi maliliit na bagay ang mga ito, kaya bakit hindi kayo nagbabahaginan at nagsusuri tungkol sa mga isyung ito sa mga pagtitipon? Kung hindi kayo kailanman naghahanap ng katotohanan para lutasin ang mahahalagang bagay na tulad nito sa mga pagtitipon, at sa halip, nagbabahaginan kayo nang walang katapusan tungkol sa mga bagay na walang-kuwenta at nakababagot, ginugugol ang buong pagtitipon sa pagbabahaginan tungkol sa isang maliit na isyu, hindi malutas ang anumang mahahalagang problema, nagsasayang din ng oras—hindi ba ninyo napapabayaan ang inyong nararapat na mga tungkulin? Kung magpapatuloy kayo sa ganitong gawi, lahat kayo ay magiging walang-silbing mga tao na mahina ang kakayahan, na magulo ang isipan, at hindi isinasagawa nang maayos ang kanilang mga tungkulin, at nagkukulang sa katotohanan. Hindi kayo nagbabahaginan tungkol sa mga bagay na dapat ninyong pagbahaginan sa mga pagtitipon, at walang katapusan ang pagbabahaginan ninyo tungkol sa mga bagay na hindi ninyo dapat pagbahaginan sa mga pagtitipon. Lagi kayong nagbabahaginan sa mga pagtitipon tungkol sa mga bagay na walang kinalaman sa katotohanan, na nabibilang sa inyong sariling baluktot na mga pang-unawa at walang-kuwentang mga personal na isyu, dahil sa inyo ay sinisiyasat ng lahat ang mga iyon, na walang-kabuluhang nagsasayang ng oras. Bukod sa nakakaapekto ito sa pagpasok sa buhay ng mga taong hinirang ng Diyos, nakakaantala rin ito sa normal na pag-usad ng gawain ng iglesia. Hindi ba’t nakagugulo at nakagagambala ito sa gawain ng iglesia? Ang ganitong pag-uugali ay dapat tawaging panggugulo. Ito ay sadyang panggugulo, at ang mga taong kumikilos nang ganito ay dapat higpitan. Sa hinaharap, ang mga pagtitipon ay dapat ilimita sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos lamang, pagbabahaginan sa katotohanan, paglutas sa mga isyu na may kinalaman sa mga tiwaling disposisyon, at paglutas sa mga paghihirap at problema sa tungkulin ng mga tao. Anumang walang-kuwenta at walang-kabuluhang mga bagay o mga pang-araw-araw na isyu na pwede namang gamitan ng sentido-kumon ay hindi dapat pagbahaginan sa mga pagtitipon. Malulutas na ng mga kapatid ang mga isyung ito sa pagbabahaginan nang sila-sila lang; hindi na kailangang pagbahaginan pa ang mga ito sa mga pagtitipon.

Palaging may mga tao sa iglesia na baluktot ang mga pang-unawa tungkol sa mga salita ng Diyos na makikipagtalo tungkol sa maliliit na usapin. Kapag nagbabahagi Ako tungkol sa magagandang pag-uugali ng tao, talagang nagsisikap ang mga taong ito sa kanilang pag-uugali. Hindi nila alam kung bakit kailangan nating magbahaginan tungkol sa mga bagay na ito. Sabihin ninyo sa Akin, bakit natin kailangang magbahaginan tungkol sa isyung ito? Ano ang gusto nating makamit sa pagbabahaginan tungkol sa isyung ito? Pag-usapan muna natin kung bakit kailangan nating magbahaginan tungkol sa isyung ito. Sa anong konteksto nabanggit ang magagandang pag-uugali ng tao at mga pamantayan para sa mga pag-uugali na hinihingi ng Diyos? Nabanggit ito habang nagbabahaginan tayo sa paksang “Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan.” Ang isyung ito ay tuwirang nauugnay sa kung paano dapat hangarin ng tao ang katotohanan. Ang magagandang pag-uugaling ipinapakita ng mga tao bilang resulta ng pagsasagawa ng katotohanan ay tungkol sa katotohanan at nauugnay sa katotohanan. Gaano man kaganda sa tingin ng tao ang isang pag-uugali, kung hindi kasama rito ang pagsasagawa ng katotohanan, wala itong kaugnayan sa katotohanan. Sasabihin ng ilang tao, “Mali iyan! Hindi ba’t sinabi Mo na hindi kapantay ng magagandang pag-uugali ang katotohanan? Hindi ko maunawaan.” Maaari ba ninyong ipaliwanag ang isyung ito? Sa konteksto ng pagbabahaginan tungkol sa “Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan,” sinuri Ko ang mga pag-uugaling pinaniniwalaan ng mga tao na maganda ayon sa kanilang mga haka-haka, at pinuna at kinondena Ko ang mga ito. Kasabay nito, ipinaalam Ko sa mga tao kung ano ang mga pamantayan ng Diyos sa pag-uugali ng tao, at ibinigay Ko sa kanila ang tamang landas ng pagsasabuhay ng normal na pagkatao, sa gayon ay magkakaroon sila ng kakayahang taglayin ang mga pamantayang ginagamit para suriin ang pagsasabuhay ng normal na pagkatao. Sa pundasyong ito, ang epektong nakamtan Ko sa huli ay ang maipaalam sa mga tao na ang mga pag-uugaling inaakala nilang maganda ayon sa kanilang mga haka-haka ay hindi ang mga pamantayan ng katotohanan, ni hindi kasama roon ang katotohanan, ni hindi nauugnay ang mga iyon sa katotohanan, sa gayon ay napipigilan ang mga tao sa maling paniniwala na ang pagsunod sa magagandang pag-uugaling ito ay ang paghahangad sa katotohanan. Kasabay nito, ipinaalam Ko sa mga tao na natupad lamang nila ang mga pamantayan para sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao kapag natugunan na nila ang mga pamantayan para sa pag-uugaling hinihingi ng Diyos. Dahil nasabi Ko na sa mga tao na lahat ng magagandang pag-uugaling itinataguyod ng tao ay mga pagbabalatkayo at huwad, na lahat ng iyon ay pag-arte lamang at pakitang-tao, at na mali ang lahat ng iyon, na nahaluan ang lahat ng iyon ng mga pakana ni Satanas, ngayong nawala na ang mga bagay na ito at naipagkait na sa mga tao, hindi pa rin nila alam kung paano magsagawa. Iniisip nila, “Kung gayon ay ano ang dapat kong isabuhay? Ano ang aktuwal na mga pamantayan ng pag-uugali na hinihingi ng Diyos?” Ang mga hinihingi, mga pamantayan, at malilinaw na pahayag ng Diyos tungkol sa pag-uugali ng tao—gayon lamang ito kasimple. Basta’t isinasabuhay ng mga tao ang mga realidad na hinihingi ng Diyos, natugunan na nila ang mga pamantayan para sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao. Hindi sila makikipagtalo sa maliliit na usapin, o maguguluhan, o malilito tungkol sa bagay na ito. Kapag natutugunan ng isang tao ang mga pamantayang dapat isabuhay ng normal na pagkatao, hindi ba’t nalutas na niya ang isang praktikal na problema habang naghahangad sa katotohanan? Hindi ba’t naalis na nila ang isang balakid, at nalutas ang isang sagabal sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao? Kahit paano, sa ngayon, ang mga panlabas na pamamaraang pinupuri ng sangkatauhan, tulad ng pagiging may pinag-aralan at matino, magiliw, at madaling lapitan, ay hindi na ang mga mithiin ng paghahangad ng tao. O sa madaling salita, hindi na ito isang mithiing pinagsisikapan ng mga taong naghahangad sa katotohanan na ipakitang isinasabuhay nila, ni hindi ito isang pamantayang kailangang isabuhay ng normal na pagkatao. Napalitan na ito ng pangangailangang mahigpitan, magtaglay ng banal na kadisentehan, at iba pa. Ang mga hinihinging ito ng Diyos ang mga pamantayan para sa tao upang magsabuhay ng normal na pagkatao; ang mga ito ang katulad ng dapat na isabuhay ng normal na pagkatao. Sa ganitong paraan, hindi ba’t nakumpirma na ang pinakapangunahing kundisyon, mithiin, at direksyon sa paghahangad sa katotohanan? Ang pinakapundamental, pinakapangunahing bagay ay nakumpirma na, na ang mithiin ng pagsasabuhay ng normal na pagkatao ay hindi para ang mga tao ay maging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, magiliw, magalang, ipagpitagan ang matatanda at alagaan ang mga bata, at iba pa. Sa halip, ito ay para isabuhay nila ang normal na pagkatao tulad ng hinihingi ng Diyos. Walang mga pagbabalatkayo at wala ang mga pakana ni Satanas dito; sa halip, ito ang aktuwal na pagsasabuhay, pagpapakita, at pag-uugali ng normal na pagkatao. Hindi ba’t ganito nga? (Oo.) Mula sa pananaw na ito, kapag nagbabahaginan tayo tungkol sa magagandang pag-uugali ng tao na kasama sa paksa ng mga bagay na pinaniniwalaan ng tao sa kanyang mga kuru-kuro na tama at mabuti, gayundin kapag nagbabahaginan tayo tungkol sa mga pamantayan para sa pag-uugaling hinihingi ng Diyos—nauugnay ba ang mga bagay na ito sa paghahangad sa katotohanan? (Oo.) Oo, nauugnay ang mga ito. Sa isang antas, kinukumpirma nito ang pangunahing direksyon at mithiin para sa paghahangad ng tao sa katotohanan. Nangangahulugan ito na, kahit paano, ang iyong mithiin sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao ay magiging tama bago mo simulang hangarin ang katotohanan. Ang mithiing ito ay hindi pamamaraang gawang-tao, hindi ito pagkukunwari, o pagbabalatkayo. Sa halip, ito ang normal na pagsasabuhay ng pagkatao na hinihingi ng Diyos. Bagama’t ang paksang ito ay medyo malayo pa rin sa tunay na paghahangad sa katotohanan, mahalaga ito sa masaklaw na direksyon ng paghahangad sa katotohanan. Ito ang pinakasimple at pinakapangunahing pamantayan para sa pag-uugali na dapat maunawaan ng tao. Gaano man kalayo ang paksang ito ng pagbabahaginan sa paghahangad sa katotohanan, at gaano man ito kalayo sa mga pamantayan ng katotohanan, dahil nauukol ito sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga pamantayan ng pag-uugali na ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan, natural, patungkol din ito sa mga pamantayan ng katotohanan, kahit paano. Samakatwid, dapat maunawaan ng mga tao ang mga isyung ito. Ang mga hinihinging ito ng Diyos para sa pag-uugali ng tao ay mga pamantayang dapat sundin ng mga tao, at hindi dapat balewalain ang mga ito. Matapos maunawaan ang mga isyung ito, kahit paano, hahangarin ng mga tao na maging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, magalang, madaling lapitan, o magiliw na klase ng tao sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao, at sa kanilang panlabas na mga pamamaraan—tulad ng kung paano partikular na inaasahan ng mga taong Kanluranin na maging maginoo ang mga lalaki, pagbuksan ng pinto ang mga babae, hilahin ang silya para makaupo ang babae, at bigyan ng prayoridad ang mga babae sa mga pampublikong lugar—kapag nagtamo ng pagkaunawa ang mga tao sa magagandang pag-uugaling ito, kahit paano, hindi nila ituturing ang mga ito bilang kanilang mga pamantayan kapag nagsisikap silang magsabuhay ng normal na pagkatao, o kapag hinahangad nila ang mga pag-uugali ng normal na pagkatao. Sa halip, tatalikuran nila ang mga bagay na ito sa kanilang puso at isipan; hindi na sila maiimpluwensyahan at magagapos ng mga ito. Ito ay isang bagay na kailangan ninyong gawin. Kung mayroon pa ring nagsasabing, “Aba, wala masyadong pinag-aralan at hindi gaanong matino ang taong iyan,” ano ang magiging reaksyon mo? Titignan mo siya, at sasabihin sa kanya, “Mali ang sinabi mo. Sambahayan ito ng Diyos. Ano ang ibig mong sabihin na, ‘may pinag-aralan at matino’? Hindi iyan ang katotohanan, at hindi iyan ang wangis ng tao na dapat nating isabuhay.” Sabi ng ilang tao, “Hindi iginagalang ng ating lider ang matatanda at inaalagaan ang mga bata. May edad na ako, subalit hindi niya ako tinatawag na Tita, tinatawag lamang niya ako sa pangalan ko. Hindi niya dapat gawin iyon. Mas matanda pa nga sa kanya ang mga apo ko! Hindi ba niya ako minamata sa ginagawa niya? Hindi rin siya palakaibigan o mabuti sa mga tao. Sa pag-uugali niyang iyan, tila hindi siya akmang maging lider.” Ano ang palagay mo sa pananaw na ito? Ang paggalang sa matatanda at pag-aalaga sa mga bata ay hindi ang katotohanan. Hindi mo dapat suriin ang mga tao batay sa kanilang panlabas na mga pag-uugali at pagpapamalas, kundi ayon sa mga salita ng Diyos, gamit ang katotohanan bilang iyong pamantayan. Ang mga ito lamang ang mga prinsipyo sa pagsusuri sa mga tao. Kung gayon, paano natin dapat suriin ang mga lider at manggagawa? Dapat mong tingnan kung gumagawa ba sila ng praktikal na gawain, kung kaya ba nilang akayin ang mga taong hinirang ng Diyos na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at maunawaan ang katotohanan, kung kaya ba nilang gamitin ang katotohanan para lutasin ang mga problema sa iglesia at kumpletuhin ang ilang mahalagang trabaho. Halimbawa, kumusta na ang gawain ng ebanghelyo? Kumusta na ang buhay-iglesia? Ginagampanan ba nang maayos ng mga taong hinirang ng Diyos ang kanilang mga tungkulin? Kumusta naman ang pag-usad ng lahat ng iba’t ibang espesyalistang trabaho? Napaalis na ba ang mga hindi mananampalataya, masasamang tao, at mga anticristo? Ito ang mahahalagang trabaho ng iglesia. Ang pagsusuri sa mga lider at manggagawa ay pangunahing ginagawa sa pamamagitan ng pagtingin kung gaano kahusay nilang isinasagawa ang mga trabahong ito. Kung epektibo sila sa lahat ng aspektong ito, mahusay silang lider. Kahit medyo may kakulangan sa kanilang pag-uugali, hindi ito malaking isyu. Ang pagtingin lamang sa mga panlabas na pag-uugali ay hindi ang pamantayan para sa pagsusuri kung angkop ba ang isang lider o manggagawa. Kung tiningnan ito ng isang tao ayon sa pananaw ng tao, magmumukhang bastos ang lider dahil hindi niya tinawag kailanman na Tita o Lola ang isang mas matandang babae. Ngunit kung ginamit niya ang mga salita ng Diyos para suriin siya, mahusay ang lider na ito, at hinalal ng mga taong hinirang ng Diyos ang tamang tao dahil kaya nitong pasanin ang bawat aspekto ng gawain ng iglesia, nakatutulong at kapaki-pakinabang siya sa pagpasok sa buhay ng bawat isa sa mga taong hinirang ng Diyos, at ginagawa niya nang maayos ang gawain ng ebanghelyo. Dapat tanggapin ng lahat ang kanyang pamumuno at makipagtulungan sa kanyang gawain. Kung hindi makikipagtulungan ang isang tao sa gawain ng lider na ito, o pahihirapin niya ang mga bagay-bagay para sa lider na ito, o kung mananamantala siya para mapintasan ito dahil lamang sa hindi maganda ang panlabas na mga pag-uugali ng lider na ito tulad ng paggalang sa matatanda at pag-aalaga sa mga bata, hindi ito kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia. Ito ay pagkilos nang walang prinsipyo sa isang lider at manggagawa, at pagpapamalas ng paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia. Ang ganitong mga tao ay wala sa tama; masama ang ginagawa nila. Kung makakakita ka ng isang lider o manggagawa na hindi gumagalang sa nakatatanda sa kanila, at dahil dito, iniisip mo na hindi sila gayon kabuting tao, at hindi mo tinatanggap ang kanilang pamumuno, at kinokondena mo pa sila, anong pagkakamali ang ginagawa mo? Ito ang masamang resulta ng pagsusuri sa mga tao gamit ang mga pamantayan ng tao, ayon sa mga pananaw ng tradisyonal na kultura. Kung masusuri ng lahat ang mga tao at mahahalal ang mga lider at manggagawa alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, magiging tumpak ito at naaayon sa mga layunin ng Diyos. Magagawa ng mga tao na tratuhin ang iba nang patas, at mapanatili ang normal na pag-usad ng gawain ng iglesia. Masisiyahan ang Diyos, at masisiyahan ang tao. Hindi ba’t ganito nga ang mangyayari?

Yamang sinuri Ko ang tinatawag na “magagandang pag-uugali” ng tao, at nakapagbahagi Ako tungkol sa mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos sa pag-uugali ng tao, ang pananaw ng mga tao sa isang tao, at ang mga pamantayang ginagamit nila para suriin ang isang tao ay nagbago na; yamang iba ang pagtingin ng mga tao sa iba, iba rin ang mga resulta ng mga pagsusuri ng mga tao. Kung ginagamit ng mga tao ang mga salita ng Diyos bilang batayan ng kanilang mga pagsusuri, ang resulta ay talagang magiging tama, makatarungan, obhektibo, at naaayon sa interes ng lahat. Kung ang pananaw, pamamaraan, at batayan ng mga pagsusuri ng mga tao ay ang mga bagay na ipinapalagay ng tao na tama at mabuti, ano ang magiging resulta? Maaaring maparatangan o makondena ng isang tao ang mabubuting tao, o maaaring mailigaw siya ng mga mapagpaimbabaw, at hindi niya masuri at matrato nang makatarungan ang isang tao. Dahil mali ang batayan ng tao, ang pinal na resulta ay tiyak na magiging mali, hindi makatarungan, at hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos. Kaya, kailangan bang magsuri at magbahaginan sa diwa ng mga haka-haka ng mga tao tungkol sa magandang pag-uugali? May anumang kaugnayan ba ito sa paghahangad sa katotohanan? Malapit na malapit na magkaugnay ang mga ito! Bagama’t ang paksang ito ay tungkol lamang sa pagsasabuhay ng mga tao ng normal na pagkatao, at sa panlabas na mga pag-unawa at ipinapakita ng tao, kapag ang mga tao ay may tamang pamantayan na hinihingi ng Diyos para sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao, magkakaroon sila ng tama at iisang batayan at pamantayan sa pagsusuri sa iba, sa pagtingin sa mga tao at bagay, at sa asal at kilos nila. Kaya, sa usaping ito, hindi ba’t magiging mas tumpak ang direksyon, landas, at mithiin ng paghahangad nila sa katotohanan? (Oo.) Magiging mas tumpak ito, at higit na magiging iisa. Bagama’t medyo simple ang mga paksang ito, nauugnay ang mga ito sa pagtingin ng tao sa mga tao at bagay, at sa asal at mga kilos ng tao sa pinakapraktikal, totoo, at pinakamalapit na paraan—hindi talaga hungkag ang mga ito.

Marami na Akong nasabi tungkol sa paksa ng kung ano ang pinaniniwalaan ng mga tao sa kanyang mga kuru-kuro na tama at mabuti—nagpaulit-ulit na Ako upang ipaunawa sa inyo na bagama’t ang mga paksang ito, kahit paano, ay malayo sa katotohanan, at hindi umaabot na kasintaas ng katotohanan, nauugnay ang mga ito sa pagtingin ng tao sa mga tao at bagay, at sa asal at mga kilos ng tao. Samakatwid, huwag ninyong ituring na walang katotohanan ang mga paksang ito, o isang uri ng kaalaman o teorya. Hindi hungkag ang mga ito. Ang mga bagay na itinuturing na tama at mabuti ng mga tao sa kanilang mga haka-haka ay palaging nasa kaibuturan ng kanilang puso, kumokontrol sa kanilang isipan, kumokontrol sa kanilang pagtingin at paninindigan sa mga tao at bagay, at sa kung paano sila umaasal at kumikilos. Samakatwid, ang mga bagay na ito ay kailangang ipaliwanag nang malinaw, upang maunawaan at magkaroon ng pagkilatis ang mga tao sa mga ito, at sa gayon ay matalikuran ang mga haka-haka ng tao tungkol sa mabuting pag-uugali at ganitong uri ng mga bagay, at hindi na muling tratuhing positibo ang mga bagay na ito, o bilang mga pamantayan ng pag-uugali para sa kanilang pagtingin sa mga tao at bagay, at para sa kanilang pag-asal at mga pagkilos. Ang mga bagay na iyon ay hindi talaga mga salita ng Diyos, lalo nang hindi ang katotohanan. Ang kailangan ninyong gawin ay palaging itama ang pagtingin at paninindigan ninyo sa mga tao at bagay, at ang inyong pag-asal at pagkilos, habang palaging sinusuri kung ang bawat haka-haka at pananaw bang lumilitaw sa inyong isipan ay naaayon sa katotohanan. Kailangan ninyong baligtarin kaagad ang inyong mga huwad na haka-haka at pananaw, at pagkatapos ay panghawakan ang tamang paninindigan, at tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos kayo ayon sa mga salita ng Diyos, gamit ang mga pamantayan sa pag-uugali na hinihingi ng Diyos. Ito ang pinakapangunahing pagsasagawa ng paghahangad sa katotohanan. Isang uri din ito ng direksiyon at mithiin ng paghahangad na dapat ninyong taglayin kapag nagsisikap kayong magtamo ng kaligtasan at magsabuhay ng normal na pagkatao. Dahil katatapos lamang ninyong makinig sa mga salitang ito, ang inyong pagkaunawa sa mga ito ay maaaring hindi pa gayon kalalim o kakongkreto, ngunit huwag kayong mag-alala. Matapos patuloy na lumalim ang inyong karanasan sa mga salita ng Diyos, at matapos ninyong patuloy na siyasatin at intindihin ang mga bagay na pinaniniwalaang tama sa loob ng mga haka-haka ng tradisyonal na kultura, sa huli ay magagawa ninyong talikuran ang iba’t ibang pahayag ng tradisyonal na kultura. Hindi na ninyo muling susuriin ang pag-uugali ng mga tao ayon sa tradisyonal na kultura; sa halip, susuriin ninyo ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Sa ganitong paraan, ganap ninyong maiwawaksi at matatalikuran ang mga haka-haka ng tradisyonal na kultura. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at nauunawaan mo lang ang mga simpleng doktrina, at alam mong ang mga pag-uugaling hinihingi ng tradisyonal na kultura ay hindi tama, maaaring maisip mo, “Moderno akong tao, naiiba sa makamundong masa. Hindi ako gaanong tradisyonal at talagang tutol ako sa tradisyonal na kultura, hindi ako mahilig sumunod sa nakakapagod na mga kaugalian at ritwal.” Ngunit kapag tinitingnan mo ang mga tao at bagay, natural na natural na gagamitin mo pa rin ang dati mong mga haka-haka para tingnan at suriin ang mga ito. Sa pagkakataong iyon, matatanto mo na lahat ng ipinapahayag mo tungkol sa pagiging isang modernong tao, na hindi makaluma o masyadong tradisyonal, at nakatatanggap sa katotohanan, ay talagang huwad at mali, at na nalansi ka ng sarili mong mga damdamin. Saka mo lamang matatanto na ang mga lumang ideya, pananaw, at haka-haka ay matagal nang umugat nang malalim sa puso mo, at na hindi agad nawawala ang mga ito kapag binabago mo ang iyong mga haka-haka o tinatalikuran ang ilang partikular na ideya. Ang pagsasabi na isa kang tao sa bagong kapanahunan, isang modernong tao, ay isang paimbabaw na katawagan lamang; ito ay dahil lamang sa isinilang ka sa ibang henerasyon at kapanahunan, ngunit lahat ng bagay na iyon na makaluma at antagonistiko sa Diyos, na karaniwan sa buong sangkatauhan ay taglay mo rin, nang walang eksepsiyon. Basta’t ikaw ay tao, sasaiyo ang mga bagay na ito. Kung hindi ka naniniwala rito, magkamit ka pa ng mas maraming karanasan. Darating ang araw na tutugon ka ng “Amen” sa mga salita Kong ito. Iniisip ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa, at iyong mayayabang at hambog na, “Mayroon akong master’s at doctorate degree. Maraming taon na akong namumuhay sa lipunang ito, at nalantad na ako sa kultura at edukasyon ng bagong kapanahunan, lalo na sa Kanluraning edukasyon. Paano ko pa makikimkim ang mga makalumang bagay na iyon? Pinakamalala para sa akin ang mga tradisyon. Pinakakinasusuklaman ko ang mga walang katuturang panuntunang iyon. Kapag nagsasama-sama ang aking pamilya at nag-uusap-usap tungkol sa mga tradisyonal na bagay at panuntunan, ayaw ko talagang makinig.” Huwag kang magmadaling itanggi ito. Darating ang araw kalaunan na tatalikuran mo ang mga ideya mong ito. Aaminin mo na wala nang iba pang mas ordinaryong miyembro ng lahi ng tao na nagawang tiwali ni Satanas kaysa sa iyo. Bagama’t hindi mo kusang tinanggap o ipinakita ang makalumang mga haka-haka na nasa iyong kalooban, matagal ka nang hinawahan at kinondisyon ng tradisyonal na kultura at ng mga ninuno ng lahi ng tao. Umiiral ang mga bagay na ito, nang walang eksepsiyon, sa iyong kalooban, at sa iyong mga iniisip at haka-haka. Bakit ganito? Dahil ang mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura ay hindi mga simpleng pahayag, ni hindi mga simpleng kasabihan o pamamaraan ang mga ito. Sa halip, ang mga ito ay isang uri ng pag-iisip at teorya. May epekto ang mga itong nagliligaw at nagtitiwali sa tao. Ang mga kasabihan at pamamaraang ito ay hindi nagmumula sa tiwaling sangkatauhan, nagmumula ang mga ito kay Satanas. Hangga’t nabubuhay ka sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, hindi mo maiiwasang makondisyon, mailigaw, at matiwali ng mga bagay na ito. Ngayong narinig mo na ang Aking mga salita, madarama mo na totoo at katotohanan ang lahat ng ito. Kapag naranasan mo na ang mga salita Kong ito, matutuklasan mong bagama’t ayaw mo ng tradisyonal na kultura, o ng nakakapagod na mga kaugalian at ritwal, o ng walang-katuturang mga panuntunan, ang mga batayan ng iyong pagtingin sa mga tao at bagay, at sa iyong asal at kilos ay hindi maiiwasang nagmumula sa tao. Kabilang ang mga ito sa ubod ng tradisyonal na kultura, mga bagay ito na nakapaloob sa tradisyonal na kultura. Ang iyong pagtingin sa mga tao at bagay, at ang iyong asal at kilos ay hindi ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Sa oras na iyon, malalaman mo, malinaw mong makikita na bago natamo ng mga tao ang katotohanan, kung hindi nila hinahangad o nauunawaan ang katotohanan, dala nila ang lason ni Satanas, ang piraso ni Satanas, at ang mga pakana ni Satanas habang isinasabuhay nila ang pinakapangunahing normal na pagkatao. Lahat ng isinasabuhay nila ay negatibo, at itinataboy ng Diyos. Makamundo ang lahat ng ito, at walang kinalaman sa mga positibong bagay na inilalatag at gusto ng Diyos, at umaayon sa mga layunin Niya. Wala talagang pagkakasalubong, wala ni anumang pagkakatulad ang mga ito. Napakahalagang makita nang malinaw ang mga problemang ito, kung hindi, hindi malalaman ng mga tao kung ano ang kahulugan ng isagawa ang katotohanan. Kakapit sila magpakailanman sa mabubuting pag-uugaling pinaniniwalaan ng tao na mga positibong bagay, kaya ang kanilang pag-uugali at pagpapamalas ay hindi tutugon kailanman sa pagsang-ayon ng Diyos. Kung mahal ng isang tao ang katotohanan, magagawa niyang tanggapin at hangarin ito. Titingnan nila ang mga tao at bagay, at aasal at kikilos sila, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang kanilang pamantayan ay ang katotohanan. Sa ganitong paraan, magagawa nilang magsimula sa landas ng buhay na inilahad ng Diyos sa tao. Ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan—ang katotohanang prinsipyong ito ay lubhang mahalaga at kinakailangang sundin ng tao. Ito ay isang katotohanang prinsipyo na kailangang taglayin ng isang tao kapag naghahangad ng kaligtasan at nagsisikap na magsabuhay ng isang makabuluhang buhay. Kailangan mong tanggapin ito. Walang puwang sa pagpili sa bagay na ito, at walang mga eksepsiyon para sa sinuman. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, at hindi mo tinatanggap ang katotohanang prinsipyong ito, matanda ka man o bata, maalam o hindi, may pananampalataya ka man o maliit man ang iyong pananampalataya, at anumang uri sa lipunan ang kinabibilangan mo, o anuman ang iyong lahi, walang eksepsiyon, wala kang kinalaman sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos. Ang dapat mong gawin ay ang magsumikap na tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Ito ang kaisa-isang landas na dapat mong tahakin. Hindi ka dapat pumili at magpasya, na sasabihin mong, “Tatanggapin ko ang isang bagay bilang katotohanan kung angkop ito sa aking mga haka-haka, ngunit kung hindi ito angkop, hindi ko ito tatanggapin. Gagawin ko ang mga bagay-bagay sa sarili kong paraan, hindi ko na kailangang hangarin ang katotohanan. Hindi ko kailangang tingnan ang mga tao, usapin, at bagay-bagay mula sa pananaw ng mga salita ng Diyos; may sarili akong mga opinyon, at ang mga iyon ay marangal, walang kinikilingan, at positibo. Hindi masyadong naiiba ang mga iyon sa mga salita ng Diyos, kaya, siyempre, maaaring palitan ng mga iyon ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan. Hindi ko kailangang isagawa ang mga salita ng Diyos patungkol dito, o kumilos ayon sa mga ito.” Ang ganitong uri ng opinyon at pamamaraan ng paghahangad ay mali. Gaano man kabuti o katama ang mga opinyon ng tao, mali pa rin ang mga iyon. Hindi mapapalitan ng mga iyon ang katotohanan sa anumang paraan. Kung hindi mo matanggap ang katotohanan, anumang hahangarin mo ay mali. Kaya nga sinasabi Ko na wala kang mapagpipilian sa usapin ng “tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan.” Ang tanging magagawa mo ay masunuring kumilos ayon sa kasabihang ito, at isagawa at personal na danasin ito, unti-unting magtamo ng kaalaman tungkol dito, kilalanin ang sarili mong tiwaling disposisyon, at pumasok sa realidad ng pariralang ito. Saka mo lamang makakamtan sa huli ang mithiing dapat makamtan ng isang tao sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. Kung hindi, ang iyong pagsusumikap, lahat ng tinalikuran mo na, at lahat ng pinaghirapan mo ay maglalaho, lahat ng iyon ay mawawalan ng saysay. Nauunawaan mo ba?

Ano ang ibig sabihin ng hangarin ang katotohanan? (Ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan.) Tama iyan. Isagawa ang mga salitang ito nang tapat, ganap, at lubusan. Ang kasabihang ito ang gawin mong mithiin ng iyong hangarin, at ang realidad ng iyong buhay, sa gayon ay magiging isang tao ka na naghahangad sa katotohanan. Huwag kang pahawa sa anumang paraan, huwag kang pahawa sa anumang kagustuhan ng tao, at huwag panghawakan ang anumang mentalidad ng suwerte. Iyan ang tamang paraan ng pagkilos, at pagkatapos ay magkakaroon ka ng pag-asang matamo ang katotohanan. Kaya, kailangan bang magbahaginan at suriin ang mga haka-haka ng tao tungkol sa mabuting pag-uugali? (Oo.) Anong positibong patnubay at tulong ang maibibigay nito sa inyo? Maaari bang maging batayan at pamantayan ang mga salitang ito para sa pagtingin ninyo sa mga tao at bagay, at sa asal at kilos ninyo? (Oo, maaari.) Kung maaari, basahin ninyo ang dalawang pagbabahaginang ito bilang panalangin sa inyong mga pagtitipon at debosyonal. Kapag lubusan mo nang naunawaan ang mga salitang ito, magagawa mo nang tumpak na tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos ayon sa mga salita ng Diyos. Sa gayong paraan, magkakaroon ka ng batayan at pamantayan para sa iyong sinasabi at ginagawa. Makikita mo nang tumpak ang mga tao, at ang pananaw at paninindigan mo sa mga bagay-bagay ay magiging tama rin. Hindi mo na titingnan ang mga tao at bagay batay sa iyong mga emosyon o damdamin, ni hindi batay sa tradisyonal na kultura o mga satanikong pilosopiya. Kapag mayroon kang tamang batayan, ang mga resulta ng iyong mga pagtingin sa mga tao at bagay ay medyo magiging tumpak. Hindi ba ganito iyon? (Oo.) Samakatwid, hindi ninyo maaaring basta tanggapin o talikuran ang mga salitang ito. Hindi Ako nakikipagtipon sa inyo at nakikipagbahaginan tungkol sa mga paksang ito para lamang palipasin ang oras o libangin ang sarili Ko dahil naiinip Ako. Ginagawa Ko ito dahil ang mga problemang ito ay karaniwan sa lahat ng tao, at mga problema ito na kailangang maunawaan ng mga tao sa kanilang landas ng paghahangad sa katotohanan at pagkakamit ng kaligtasan. Subalit, hindi pa rin malinaw sa mga tao ang mga isyung ito. Madalas silang magapos at matali sa mga isyung ito. Ang mga problemang ito ay nakakahadlang at nakakaabala sa kanila. Siyempre pa, hindi rin nauunawaan ng mga tao ang landas tungo sa pagkakamit ng kaligtasan. Mula man ito sa isang pasibo o aktibong pananaw, o mula sa isang positibo o negatibong pananaw, dapat tiyakin ng mga tao na malinaw at nauunawaan nila ang mga problemang ito. Sa ganitong paraan, kapag naharap ka sa mga problemang katulad nito sa tunay na buhay at naharap ka sa isang pagpapasya, magagawa mong hanapin ang katotohanan; ang pananaw at paninindigan mo sa problema ay magiging tama, at magagawa mong sumunod sa mga prinsipyo. Sa gayong paraan, magkakaroon ng batayan ang iyong mga desisyon at pagpapasya, at aayon sa mga salita ng Diyos. Hindi ka na muling maililigaw ng mga satanikong pilosopiya at kamalian; hindi ka na muling gagambalain ng mga lason at kakatwang mga pahayag ni Satanas. Sa gayon, pagdating sa pagtingin sa mga tao at bagay-bagay, na siyang pinakapangunahin sa mga antas, magagawa mong maging obhetibo at makatarungan sa kung paano mo tinitingnan ang isang bagay o tao; hindi ka maiimpluwensiyahan o makokontrol ng iyong damdamin o ng mga satanikong pilosopiya. Samakatwid, bagama’t ang pagkilala at pag-intindi sa mga pag-uugaling pinaniniwalaan ng mga tao na mabuti ayon sa kanilang mga haka-haka ay hindi isang malaking bagay sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, mahigpit itong nakaugnay sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao. Sa madaling salita, madalas maranasan ng mga tao ang mga bagay na ito sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Halimbawa, kunwari ay may nangyari, at gusto mong kumilos sa isang paraan, ngunit iba ang inilahad na pananaw ng isa pang tao, at hindi ka komportable sa karaniwang asal ng taong iyon—paano mo dapat tratuhin ang kanyang opinyon? Paano mo dapat harapin ang bagay na ito? Magiging mali kung basta mo na lang babalewalain ang mga iyon. Dahil nagkikimkim ka ng isang partikular na opinyon o pagtatasa tungkol sa mga iyon, o ng isang kongklusyon na nabuo mo tungkol sa mga iyon, maiimpluwensiyahan ng mga bagay na ito ang iyong pag-iisip at pagpapasya, at malamang na maimpluwensiyahan ng mga iyon ang iyong pasiya tungkol sa bagay na ito. Kaya nga kailangan mong harapin ang magkakaibang opinyon nila nang mahinahon, kilatisin at tingnan ito nang malinaw ayon sa katotohanan. Kung ang sinabi nila ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, dapat mong tanggapin ito. Kung hindi mo makita nang malinaw ang usapin, kapag naharap kang muli sa isang sitwasyon o isang taong katulad nito, lagi kang malilito, hindi magiging handa, balisa, at naguguluhan. Maaari pa ngang gumamit ng sukdulang mga hakbangin ang ilang tao para harapin at ayusin ang sitwasyon, tiyak na hindi magugustuhang makita ng sinuman ang huling resulta nito. Kung gagamitin mo ang mga pamantayan ng pagsukat na hinihiling ng Diyos para tingnan ang isang tao, ang huling resulta ay malamang na maging mabuti at positibo—hindi magkakaroon ng alitan sa pagitan ninyong dalawa, at magkakasundo kayo. Gayunman, kung gagamitin mo ang lohika ni Satanas at ang mga pamantayan ng mga haka-haka ng tao tungkol sa mabuting pag-uugali para tingnan ang tao, malamang na mauwi kayong dalawa sa pag-aaway at pagtatalo. Ang resulta ay hindi ninyo magagawang magkasundo, at maraming bagay na susunod doon: Maaaring siraan ninyo ang isa’t isa, hamakin ang isa’t isa, at husgahan ang isa’t isa, sa mga seryosong sitwasyon ay maaari ka pa ngang masubo sa pisikal na away, at sa huli, masasaktan at matatalo ang magkabilang panig. Walang gustong makita iyan. Samakatwid, ang mga bagay na ikinikintal ni Satanas sa mga tao ay hinding-hindi sila matutulungang tingnan ang isang tao o bagay nang walang kinikilingan, makatarungan, o makatwiran. Samantala, kapag tinitingnan at sinusuri ng mga tao ang isang bagay o tao ayon sa mga pamantayan sa pag-uugali na hinihingi ng Diyos at naipaalam na sa tao, at ayon sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, ang huling resulta ay tiyak na walang kinikilingan, dahil wala itong halong kapusukan, o mga emosyon at damdamin ng tao. Magagandang bagay lamang ang maaaring magmula rito. Dahil dito, ano ang kailangang tanggapin ng mga tao: ang mga haka-haka ng tao tungkol sa mabubuting bagay, o ang mga pamantayan sa pag-uugali na hinihingi ng Diyos? (Ang mga pamantayan sa pag-uugali na hinihingi ng Diyos.) Alam ninyong lahat ang sagot sa tanong na iyan, at masasagot ito nang tama. Sige, tatapusin natin dito ang ating pagbabahaginan tungkol sa paksang ito. Ang kailangan ninyong gawin sa susunod ay patuloy na pagnilayan at pagbahaginan ang mga bagay na ito, isaayos ang mga isyung ito sa sistematikong paraan, bumuo ng ilang prinsipyo ng pagsasagawa at mga landas ng pagsasagawa, at pagkatapos ay patuloy na sumailalim at danasin ang mga ito sa inyong pang-araw-araw na buhay, at pumasok sa realidad ng mga salitang ito. Natural, ang pagpasok sa realidad ng mga salitang ito ay ang unang katotohanang realidad na hinahangad at pinapasok ng mga tao. Sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng karanasan, unti-unting magkakaroon ng iba’t ibang antas ng pag-unawa at kaalaman ang mga tao sa bawat aspekto ng nilalaman ng pagbabahaginang ito, at unti-unti silang makikinabang mula sa iba’t ibang pananaw. Habang lalo kang nakikinabang, lalong lalalim ang iyong kaalaman batay sa karanasan at pagpasok sa mga salitang ito. Kapag mas malalim ang pagpasok at pagdanas mo sa mga ito, mas malalim ang pagpasok at kaalaman mo batay sa karanasan tungkol sa iyong mga pagtingin sa mga tao at bagay, at mas malalim ang iyong asal at mga kilos. Sa kabaligtaran, kung hindi ka talaga papasok sa mga salitang ito, at titingnan at uunawain mo lamang ang literal na kahulugan ng mga salitang ito, at titigil ka na roon, mamumuhay nang tulad ng dati, hindi naghahanap sa katotohanan kapag nagkakaroon ng mga problema, at hindi ikinukumpara ang mga problemang ito sa mga salita ng Diyos, o nilulutas ang mga ito ayon sa mga salita ng Diyos, hindi ka kailanman makapapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng hindi ka kailanman makapapasok sa katotohanang realidad? Ang ibig sabihin nito ay na hindi ka isang taong nagmamahal sa katotohanan, at hindi mo kailanman isasagawa ang katotohanan, dahil hindi mo kailanman titingnan ang mga tao at bagay, o hindi mo kailanman aayusin ang asal at kilos mo ayon sa mga salita ng Diyos, gamit ang katotohanan bilang iyong pamantayan. Sabi mo, “Nabubuhay pa rin ako nang maayos kahit hindi ko ginagawang batayan ang mga salita ng Diyos, o ang katotohanan bilang pamantayan ko.” Ano ang ibig mong sabihing “nabubuhay nang maayos”? Maayos ba ang mga bagay-bagay basta’t hindi ka pa patay? Ang mithiin ng iyong hangarin ay hindi para magkamit ng kaligtasan, at hindi mo tinatanggap o nauunawaan ang katotohanan, subalit sinasabi mo na nabubuhay ka nang maayos. Kung ganyan ang sitwasyon, napakababa ng kalidad ng iyong buhay, at ang kalidad ng pagkataong iyong isinasabuhay ay napakababa. Kung hihiramin natin ang kolokyal na kasabihan, mas mukha kang halimaw kaysa tao, dahil hindi ka kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos at hindi mo nauunawaan ang katotohanan, nabubuhay ka pa rin ayon sa satanikong disposisyon at mga satanikong pilosopiya—hindi ka tao na nadadamitan lamang ng balat ng tao. Ano ang kalidad o halaga ng buhay ng isang taong ganyan? Wala itong pakinabang sa iyo o sa iba. Ang kalidad ng ganitong uri ng buhay ay napakaaba—wala itong halaga.

Alam ba ninyo kung bakit Ko ibinabahagi at sinusuri itong mga tradisyonal na haka-haka at tradisyonal na kultura ngayon? Dahil lamang ba sa ayaw Ko ang mga iyon? (Hindi, hindi iyan ang dahilan.) Kung gayon ay ano ang kabuluhan ng pagbabahagi tungkol sa mga paksang ito? Ano ang mithiin nito sa huli? (Tinutulungan kami nitong suriin kung aling mga pag-uugali at pagpapamalas ang kinikimkim pa rin namin na idinidikta ng tradisyonal na kultura, at ipinamumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya. Pagkatapos naming maunawaan ang katotohanan at matamo ang pagkilatis, magagawa naming isabuhay ang normal na pagkatao ayon sa mga hinihingi at pamantayang naibigay sa amin ng Diyos, at tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan.) Tama ito, ngunit medyo maligoy. Ano ang pinakasimple at pinakaderetsahang sagot? Iisa lamang ang mithiin sa huli ng mga paksang ito, at iyon ay ang ipaunawa sa mga tao kung ano ang katotohanan, at kung ano ang pagsasagawa ng katotohanan. Kapag malinaw na sa mga tao ang dalawang bagay na ito, magkakaroon na sila ng pagkakilala sa mabubuting pag-uugaling itinataguyod ng tradisyonal na kultura. Hindi na nila ituturing ang mabubuting pag-uugaling iyon bilang mga pamantayan para sa pagsasagawa ng katotohanan o pagsasabuhay ng wangis ng tao. Sa pag-unawa lamang sa katotohanan maaaring iwaksi ng mga tao ang mga gapos ng tradisyonal na kultura, at iwaksi ang kanilang mga maling pagkaunawa at opinyon tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan at sa mabubuting pag-uugaling dapat taglayin ng mga tao. Sa ganitong paraan lamang maaaring isagawa at hangarin ng mga tao ang katotohanan nang tama. Kung hindi alam ng mga tao ang katotohanan at itinuturing nila ang tradisyonal na kultura bilang ang katotohanan, ang direksiyon, mga mithiin, at landas ng kanilang hangarin ay lahat magiging mali. Napalayo na sila sa mga salita ng Diyos, nasalungat ang katotohanan, at napalayo mula sa tunay na daan. Sa gayon, tumatahak sila sa sarili nilang landas at naliligaw. Kung hindi kaya ng mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan na hanapin at isagawa ito, ano ang magiging resulta sa huli? Hindi nila matatamo ang katotohanan. At kung hindi nila matamo ang katotohanan, gaano man naniniwala ang mga taong iyon, mawawalan ito ng silbi. Samakatwid, ang pagbabahagi at pagsusuri ngayon tungkol sa mga tradisyonal na haka-haka at mga pahayag ng tradisyonal na kulturang ito ay isang napakahalaga at napakamakabuluhang paksa para sa lahat ng mananampalataya. Naniniwala kayo sa Diyos, ngunit talaga bang nauunawaan ninyo kung ano ang katotohanan? Alam ba ninyo talaga kung paano hangarin ang katotohanan? Sigurado ba kayo sa inyong mga mithiin? Sigurado ba kayo sa inyong landas? Kung hindi kayo sigurado sa anumang bagay, paano mo hahangarin ang katotohanan? Mali kaya ang hinahangad mong matamo? Naliligaw ka kaya ng landas? Malamang nga. Kaya, bagama’t ang mga salitang ibinabahagi Ko ngayon ay tila napakasimple sa tingin, mga salitang agad na nauunawaan ng mga tao pagkarinig nila sa mga ito, at mula sa inyong pananaw, tila ni hindi nararapat banggitin ang mga ito, ang paksang ito at ang nilalamang ito ay direktang nauugnay sa katotohanan, at may kinalaman sa mga hinihingi ng Diyos. Ito ang hindi alam ng karamihan sa inyo. Bagama’t, pagdating sa doktrina, nauunawaan ninyo na ang tradisyonal na kultura at ang mga agham panlipunan ng sangkatauhan ay hindi ang katotohanan, at na ang mga kaugalian at gawi ng lahi ay tiyak na hindi ang katotohanan, talaga bang malinaw ninyong nakikita ang diwa ng mga bagay na ito? Talaga bang naiwaksi na ninyo ang mga gapos ng mga bagay na ito? Hindi tiyak ito. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi hiningi kailanman sa mga tao na sikaping pag-aralan ang kultura, kaugalian, at gawi ng lahi, at tiyak na hindi inutusan ng sambahayan ng Diyos ang mga tao na tanggapin ang anumang nagmumula sa tradisyonal na kultura. Hindi nabanggit ng sambahayan ng Diyos kahit kailan ang mga bagay na ito. Gayunman, napakahalaga ng paksang ibinabahagi Ko ngayon. Kailangan Kong sabihin ito nang malinaw upang maunawaan ninyo. Ang mithiin ng pagsasabi Ko ng mga bagay na ito ay walang iba kundi ang ipaunawa sa mga tao ang katotohanan at mga layunin ng Diyos, ngunit mauunawaan ba ninyong lahat ang sinasabi Ko? Kung magsisikap kayo, magbabayad ng kaunting halaga, at magiging masigla kayo sa paggawa nito, sa huli ay makikinabang kayo sa aspektong ito at magtatagumpay sa pag-unawa sa mga katotohanang ito. At kapag naunawaan na ninyo ang mga katotohanang ito, at pagkatapos ay hinangad ninyong makapasok sa mga katotohanang realidad na ito, magiging madali na para sa inyo na makakuha ng mga resulta.

Ang isang aspekto ng mga bagay na pinaniniwalaan ng mga tao sa kanilang mga kuru-kuro na tama at mabuti na pinagbahaginan natin dati ay ang mabuting pag-uugali ng tao. Ano ang isa pang aspekto? (Moralidad at ang kalidad ng pagkatao ng tao.) Sa simpleng pananalita, ito ang wastong asal ng tao. Bagama’t lahat ng tiwaling tao ay nabubuhay ayon sa kanilang mga satanikong disposisyon, napakahusay nila sa pagbabalatkayo. Bukod pa sa mga kasabihang partikular na nauugnay sa paimbabaw na mga pamamaraan at pag-uugali, nakagawa rin sila ng maraming kasabihan at kinakailangan tungkol sa wastong asal ng tao. Anong mga kasabihan tungkol sa wastong asal ang ipinalaganap sa mga tao? Ilista ang mga alam ninyo at pamilyar sa inyo, pagkatapos ay pipili tayo ng ilang karaniwang kasabihan para suriin at pagbahaginan. (Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot. Maging masaya sa pagtulong sa iba.) (Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian.) (Isakripisyo ang sarili mong mga interes alang-alang sa iba.) (Gantihan ng kabutihan ang kasamaan.) (Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal.) (Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba.) Oo, lahat ng iyon ay magagandang halimbawa. Dagdag pa riyan, mayroong, “Kapag umiinom ng tubig ng balon, huwag dapat kalilimutan kung sino ang naghukay niyon,” “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila,” at “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari” Lahat ng ito ay mga kinakailangang inilahad hinggil sa wastong asal ng tao. Mayroon pa bang iba? (Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal.) Isang kinakailangan din ito na nailahad ng tradisyonal na kultura ng sangkatauhan tungkol sa wastong asal ng tao, at isang pamantayan sa pagsusuri sa wastong asal ng mga tao. Ano pa ang mayroon? (Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo.) Ang isang ito ay medyo mas simple, mahalaga rin ito. Nariyan din ang, “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari, ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki,” “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa,” at “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan.” Hindi ba’t mga halimbawa rin ang mga ito? (Oo.) Tulad ng isang ito, “Ang mga silkworm ng tagsibol ay naghahabi hanggang sa mamatay ang mga ito, at ang mga kandila ay nauubos hanggang matuyo ang mga luha ng mga ito.” Tingnan ninyo kung gaano kataas ang kanilang mga inaasahan sa pag-uugali at asal ng tao! Gusto nilang gugulin ng mga tao ang buong buhay ng mga ito na parang kandila at maging abo. Itinuturing lamang na may mataas na moralidad ang isang tao kapag ganito ang asal nila. Hindi ba mataas ang inaasahang ito? (Mataas nga ito.) Ang mga tao ay naimpluwensyahan at naitali ng mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura sa loob ng libu-libong taon, at ano ang resulta? Nagsasabuhay ba sila ng wangis ng tao? Makabuluhan ba ang kanilang buhay? Nabubuhay ang mga tao para sa mga bagay na ito na hinihingi ng tradisyonal na kultura, isinasakripisyo ang kanilang kabataan, o maging ang kanilang buong buhay para sa mga ito, habang naniniwala na ang kanilang buhay ay lubos na maipagmamalaki at kasiya-siya. Sa huli, pagkamatay nila, hindi nila alam kung para saan sila namatay, o kung mayroon bang anumang halaga o kabuluhan ang pagkamatay nila, o kung nakatugon ba sila sa mga hinihingi ng Lumikha sa kanila. Walang kaalam-alam ang mga tao sa mga bagay na ito. Ano pa ang ibang kasabihan at kinakailangan ang mayroon sa tradisyonal na kultura hinggil sa wastong asal ng mga tao? “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” at “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao,” akmang-akma ang mga ito. Nariyan din ang, “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya,” ito ay isang kinakailangan na tungkol sa pagiging mapagkakatiwalaan ng tao. May iba pa ba? (Maging maprinsipyo at huwag maging tiwali, maging dalisay at mapagkumbaba.) May kaugnayan ang pariralang ito sa paksang ito. Palagay Ko ay sapat na ang nailista nating mga halimbawa. Kasama sa mga kasabihang kakatapos lang nating pag-usapan ang mga kinakailangan na nailahad hinggil sa pagiging dedikado, makabayan, mapagkakatiwalaan, malinis ang puri, gayon din ang mga prinsipyo sa pakikipag-ugnayan sa iba, at kung paano dapat tratuhin ng mga tao ang isang taong nakatulong sa kanila, o kung paano suklian ang kabutihan, at iba pa. Ang ilan sa mga kasabihang ito ay mas simple, samantalang ang iba ay mas malalim. Ang mga pinakasimple ay: “Maging masaya sa pagtulong sa iba,” “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot,” at, “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa.” Ang mga hinihinging ito ay hinggil sa asal ng tao. “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari, ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki,” ay isang kahingiang nauugnay sa moral na integridad at kalinisang-puri ng mga tao. Higit-kumulang, ang mga ito ay saklaw ng mga konsepto ng kabutihang-loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan ng tradisyonal na kulturang Tsino. Ilang kasabihan ang inilista natin ngayon lang? (Dalawampu’t isa.) Basahin mo ang mga iyon para sa Akin. (“Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot,” “Maging masaya sa pagtulong sa iba,” “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,” “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan,” “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” “Isakripisyo ang sarili mong mga interes alang-alang sa iba,” “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal,” “Kapag umiinom ng tubig ng balon, huwag dapat kalilimutan kung sino ang naghukay niyon,” “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila,” “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari” “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal,” “Ang ayaw mong gawin sa iyo, huwag mong gawin sa kapwa mo,” “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari, ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki,” “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa,” “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan,” “Ang mga silkworm ng tagsibol ay naghahabi hanggang sa mamatay ang mga ito, at ang mga kandila ay nauubos hanggang matuyo ang mga luha ng mga ito,” “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao,” “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya,” at “Maging maprinsipyo at huwag maging tiwali, maging dalisay at mapagkumbaba.”) Ngayon, pag-aaralan natin nang maaga ang lahat ng uri ng “mabuting” katangiang naibuod ng sangkatauhan hinggil sa wastong asal. Ang iba’t ibang pahayag ng tradisyonal na kultura tungkol sa wastong asal ay naglahad ng iba’t ibang kinakailangan para sa pagkatao at wastong asal ng tao. Ang ilan ay pinasusuklian sa mga tao ang mga kabutihang natanggap nila, ang ilan ay hinihingi na magalak ang mga tao sa pagtulong sa iba, ang ilan ay mga pamamaraan ng pagharap sa mga taong inaayawan ng isang tao, samantalang ang iba naman ay mga pamamaraan ng pagharap sa mga kapintasan at pagkukulang ng ibang mga tao, o sa mga taong may mga problema. Sa mga aspektong ito, binibigyan nila ng mga limitasyon ang mga tao, at naglalahad sila ng ilang kahingian at pamantayan. Lahat ng ito ay mga kahingian at pamantayang taglay ng tradisyonal na kultura hinggil sa wastong asal ng tao, at lahat ng ito ay mga bagay na ipinalalaganap sa mga tao. Sinumang lumaki sa Tsina ay maririnig nang madalas ang mga kasabihang ito, at maisasaulo ang mga ito. Humigit-kumulang, ang mga pahayag na ito tungkol sa wastong asal mula sa tradisyonal na kultura ay saklaw ng kabutihang-loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan. Siyempre, may ilang kasabihan na hindi saklaw nito, ngunit humigit-kumulang, lahat ng pinakamahalaga ay saklaw nito. Dapat maging malinaw sa inyo ito.

Ngayong araw, hindi tayo magbabahaginan nang kongkreto tungkol sa isang partikular na pahayag hinggil sa wastong asal, ni hindi tayo maghihimay nang kongkreto sa diwa ng anumang partikular na kasabihan. Pagagawin Ko muna kayo ng kaunting paghahanda na pag-aaral. Tingnan ninyo kung ano ang mga pagkakaiba ng mga pahayag ng tradisyonal na kultura tungkol sa wastong asal, sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao. Aling mga kasabihan mula sa tradisyonal na kultura ang malinaw na sumasalungat sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan? Kung uunawain nang literal, aling mga kasabihan ang kamukha ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan, o medyo konektado sa mga iyon? Alin sa mga kasabihang ito ang pinaniniwalaan mong mga positibong bagay, at alin sa mga kasabihang ito ang minsang mahigpit mong pinanghawakan pagkatapos mong maniwala sa Diyos, isinasagawa at sinusunod ito na para bang ito ang pamantayan para sa iyong paghahangad sa katotohanan? Halimbawa, “Isakripisyo ang sarili mong mga interes alang-alang sa iba.” Pamilyar ba kayong lahat sa kasabihang ito? Matapos maniwala sa Diyos, hindi mo ba inisip na dapat kang maging mabuting tao na katulad ng kasabihang ito? At kapag isinakripisyo mo ang sarili mong mga interes alang-alang sa iba, hindi mo ba inisip na medyo mayroon ka nang mabuting pagkatao, at na siguradong magugustuhan ka ng Diyos? O, bago ka naniwala sa Diyos, marahil ay naniwala ka na ang mga taong nagtataglay ng katangiang “ginagantihan ng kabutihan ang kasamaan” ay mabubuting tao—ayaw mo lang talagang gawin ito, hindi mo nagawa ito, at hindi mo mapanghawakan ito, ngunit matapos mong maniwala sa Diyos, sinunod mo pa rin ang pamantayang iyon, at nagawa mong “magpatawad at lumimot” sa mga taong nanakit sa iyo noong araw, o nakasamaan mo ng loob o kinapopootan mo dati. Maaaring iniisip mo na ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay umaayon sa sinabi ng Panginoong Jesus na patawarin ang mga tao nang pitumpung pitong beses, at sa gayon ay maging handang-handang pigilan ang iyong sarili ayon dito. Maaari mo pa ngang isagawa at sundin ito na para bang ito ang katotohanan, at isipin na ang mga taong ginagantihan ng kabutihan ang kasamaan ay mga taong nagsasagawa ng katotohanan at sumusunod sa daan ng Diyos. Mayroon ba kayong mga kaisipan at pagpapamalas na katulad nito? Aling kasabihan ang iniisip niyo pa ring kapareho ng katotohanan at mga salita ng Diyos sa diwa nito, hanggang sa puntong maaari pa nga itong pumalit sa katotohanan, na hindi magiging kalabisang sabihin na ito ang katotohanan? Siyempre pa, dapat ay madaling makilatis ang kasabihang: “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa.” Nakikita ng karamihan sa mga tao na ang kasabihang ito ay hindi ang katotohanan, at na ito ay isang nakalilito at matayog-pakinggan na sawikain. Ang kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” ay isang bagay na sinabi sa mga walang pananampalataya na walang pananampalataya sa Diyos; ito ay isang bagay na ipinagagawa ng pamahalaan ng isang bansa sa mga tao nito, para turuan ang mga tao na mahalin ang kanilang bansa. Ang kasabihang ito ay hindi tugma sa katotohanan, at wala talaga itong batayan sa mga salita ng Diyos. Masasabi na ang pundasyon ng kasabihang ito ay hindi ang katotohanan, at hindi nito mapapalitan ang katotohanan. Ang kasabihang ito ay isang pananaw na ganap na galing kay Satanas at nagmumula kay Satanas, at nagsisilbi ito sa nakaupong namumuno. Wala talaga itong kinalaman sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan. Kaya nga ang kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” ay talagang hindi ang katotohanan, ni hindi ito isang bagay na dapat itaguyod ng isang taong may normal na pagkatao. Kaya, anong uri ng mga tao ang may kakayahang pagkamalan na katotohanan ang kasabihang ito? Mga taong laging gumagawa ng mga paraan para magkaroon ng reputasyon, katayuan, at personal na pakinabang, at nais maging mga opisyal. Isinasagawa nila ang kasabihang ito na para bang ito ang katotohanan upang magpalakas sa mga nakaupong namumuno at makamtan ang sarili nilang mga layunin. May ilang kasabihan na hindi madaling makilatis ng mga tao. Bagama’t alam ng mga tao na ang mga kasabihang ito ay hindi ang katotohanan, nadarama pa rin nila sa kanilang puso na ang mga kasabihan ay tama at naaayon sa doktrina. Nais nilang mamuhay ayon sa mga kasabihang ito at kumilos sa gayong paraan upang itaas ang antas ng kanilang moralidad, at pataasin ang kanilang personal na karisma, at kasabay niyon, ipaisip sa iba na sila ay may pagkatao at na hindi sila hindi tao. Aling mga kasabihan ang mahirap makilatis para sa inyo? (Palagay ko, “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” ay napakahirap kilatisin. Itinuring ko itong parang isang positibong bagay, at inisip ko na ang mga mapagpasalamat na nagpakita ng mga kabutihan ay mga taong may konsensiya. Ang isa pa ay “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao.” Ang ibig sabihin nito ay na yamang natanggap na ng isang tao ang gawain mula sa iba, dapat nilang gawin ang lahat ng makakaya nila para tiyakin na nagawa ito nang maayos. Nadama ko na ito ay isang positibong bagay, at isang bagay na dapat gawin ng isang taong may konsensiya at katwiran.) Sino pa? (Mayroon ding, “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal.” Inakala kong ang isang taong makagagawa nito ay isang taong may kaunting pagkatao at moralidad.) Mayroon pa bang iba? (“Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya.” Inakala ko na kung ginawa ng isang tao ang kanyang sinabi at mapagkakatiwalaan siya, iyon ay mabuting wastong asal.) Dati, inakala mo na mabuting wastong asal ito. Ano na ang tingin mo rito ngayon? (Kailangan nating tingnan ang likas na katangian ng “salita” na iyon—tama ba ito o mali? Positibo ba ito o negatibo? Kung sinasabi ng isang tao sa masasamang tao at mga anticristo, “Poprotektahan kita. Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya,” at pagkatapos, kapag inimbestigahan at siniyasat ng sambahayan ng Diyos ang kanilang sitwasyon, pinoprotektahan ng taong ito ang masasamang tao at mga anticristong iyon, kung gayon ay gumagawa sila ng masama at nilalabanan nila ang Diyos.) Tama ang pagkakilatis na ito. Kailangan mong tingnan ang likas na katangian ng “salita” na ito—positibo man ito o negatibo. Kung ang isang tao ay gumagawa ng masama o kasamaan habang nagsasagawa ng “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya,” ang mga yapak ng kanyang masamang gawain ay parang pagmamadali ng mabibilis na kabayo, na tumatakbo nang diretso sa impiyerno at nahuhulog sa walang hanggang hukay. Ngunit kung ang kanyang “salita” ay naaayon sa katotohanan, at may diwa ng katarungan, at pinoprotektahan ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at pinalulugod ang Diyos, tama na isagawa ang “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya.” Mula sa mga halimbawang ito, nakikita mo na kailangan mong makilatis ang mga salita ng tradisyonal na kultura. Kailangan mong makilatis ang iba’t ibang sitwasyon at sirkumstansiya, at hindi mo maaaring gamitin ang mga salitang ito nang basta-basta. May ilang salita na halata namang hindi naaayon sa realidad, at malinaw na mali. Kailangan mong maging mas maingat sa mga salitang ito. Kailangan mong ituring ang mga ito na parang mga maling pananampalataya at kamalian. May ilang salita na tama lamang kapag nakapaloob sa mga partikular na konteksto at saklaw. Sa ibang konteksto o sitwasyon, wala nang katuturan ang mga salita; mali ang mga iyon at nakasasama sa mga tao. Kung hindi mo makikilatis ang mga iyon, posible kang malason at mapahamak ng mga iyon. Tama man o mali ang mga salita ng tradisyonal na kultura, o makatwiran man o hindi ang mga iyon sa mga mata ng tao, wala sa mga iyon ang katotohanan at wala sa mga iyon ang naaayon sa mga salita ng Diyos. Tiyak ito. Ang mga bagay na itinuturing ng tao na tama ay hindi nangangahulugan na tama rin sa tingin ng Diyos. Bagama’t may itinuturing ang mga tao na mabubuting salita, hindi nangangahulugan na nakatutulong ang mga iyon sa mga tao kapag isinasagawa. Ano’t anuman, isinasagawa man ng mga tao ang mga iyon o hindi, o may pakinabang man ang mga iyon sa kanila, ang mga bagay na hindi naaayon sa katotohanan, na hindi katotohanan, ay nakasasamang lahat sa tao, hindi dapat tanggapin ang mga iyon at hindi dapat gamitin. Maraming taong hindi makakilatis sa mga bagay na ito. Tinuturing nila ang mga bagay-bagay na sa tingin ng tao ay tama, o na karaniwang sinasang-ayunan ng tiwaling sangkatauhan na tama, bilang ang katotohanan, at sinusunod at isinasagawa ang mga iyon na para bang ang mga iyon ang katotohanan. Angkop ba ito? Matatamo ba ng isang tao ang pagsang-ayon ng Diyos sa pagsasagawa ng mga maling katotohanan at palsipikadong katotohanan? Mali ang anumang karaniwang sinasang-ayunan ng sangkatauhan na tama at ang katotohanan, isa itong imitasyon, at dapat iwaksi magpakailanman. Ngayon, ang mga bagay bang inaakala ninyong tama at positibo ay talagang ang katotohanan? Sa loob ng libu-libong taon, walang sinumang nagpabulaanan sa mga salitang ito; lahat ng tao ay naniniwala na ang mga salitang ito ay tama at positibo, ngunit talaga bang maaaring maging katotohanan ang mga salitang ito? (Hindi.) Kung hindi maaaring maging katotohanan ang mga salitang ito, katotohanan ba ang mga ito mismo? (Hindi.) Hindi ang mga ito ang katotohanan. Kung itinuturing ng mga tao ang mga salitang ito bilang ang katotohanan, at inihahalo ang mga ito sa mga salita ng Diyos at isinasagawa ang mga ito nang magkasama, maaari bang umangat ang mga salita at kasabihang iyon sa antas ng katotohanan? Talagang hindi. Paano man hinahangad o kinakapitan ng mga tao ang mga bagay na ito, hinding-hindi sasang-ayunan ng Diyos ang mga ito, dahil ang Diyos ay banal. Talagang hindi Niya pinapayagan ang mga tiwaling tao na ihalo ang mga satanikong bagay sa katotohanan, o sa Kanyang mga salita. Lahat ng bagay na nagmumula sa isipan at pananaw ng tao ay nagmumula kay Satanas—gaano man kabuti ang mga iyon, hindi pa rin katotohanan ang mga iyon, at hindi maaaring maging buhay ng isang tao.

Ang mga kasabihan ng tradisyonal na kultura tungkol sa wastong asal ay nagmumula kay Satanas. Nagmula ang mga ito sa mga tiwaling tao, at angkop lamang para sa mga walang pananampalataya at sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan. Ang mga taong naniniwala sa Diyos at naghahangad sa katotohanan ay dapat munang makilatis ang mga bagay na ito, at tanggihan ang mga ito, dahil ang mga kasabihang ito ay magkakaroon ng ilang negatibong epekto sa mga tao, lilituhin sila ng mga ito at patatahakin sila sa maling landas. Halimbawa, kasama sa mga halimbawang kabibigay lang natin, may isang kasabihan: “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari, ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki.” Pag-usapan muna natin ang, “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari.” Kung ang haring ito ay matalino, may kakayahan, at positibo, ang pagsuporta mo sa kanya, pagsunod sa kanya, at pagtatanggol sa kanya ay nagpapakita na ikaw ay may pagkatao, moralidad, at na marangal kang tao. Ngunit kung ang hari ay diktador at hangal, isang diyablo, at sinusunod mo pa rin siya, ipinagtatanggol siya, at hindi siya nilalabanan, ano itong “katapatan” na taglay mo? Ito ay hangal, bulag na katapatan; ito ay bulag at hangal. Kung gayon, mali ang iyong katapatan at naging isang negatibong bagay na ito. Pagdating sa ganitong uri ng demonyong hari at diyablo, hindi mo na dapat sundin ang kasabihang: “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari.” Dapat mong talikuran, itakwil, at layuan ang haring ito—dapat mong talikuran ang kadiliman at piliin ang liwanag. Kung pinipili mo pa ring manatiling tapat sa demonyong haring ito, alipin ka niya at kasabwat. Kaya, sa partikular na mga sitwasyon at konteksto, ang ideya, o positibong kahulugan at mga moralidad na itinatanyag ng kasabihang ito ay hindi umiiral. Mula rito makikita mo na bagama’t parang napakamakatarungan at positibo sa pandinig ang kasabihang ito, ang kaangkupan nito ay limitado sa iilang partikular na sitwasyon at konteksto; hindi ito naaangkop sa bawat sitwasyon o konteksto. Kung pikit-mata at buong kahangalang sinusunod ng mga tao ang kasabihang ito, maliligaw lamang sila at mapupunta sa maling landas. Mahirap isipin ang kahihinatnan nito. Ang sumunod na sugnay sa kasabihang ito ay: “ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki.” Ano ang tinutukoy rito ng “mabuting babae”? Tinutukoy nito ang isang babaeng dalisay, na tapat sa iisang asawa lamang. Kailangan siyang maging tapat sa kanyang asawa hanggang wakas, at hindi magbago ang kanyang saloobin kailanman, mabuting tao man ang asawa niya o hindi. Kahit mamatay ang asawa niya, kailangan siyang manatiling balo hanggang sa mamatay siya. Iyon ang tinatawag na dalisay at tapat na maybahay. Hinihingi ng tradisyonal na kultura sa lahat ng babae na maging mga dalisay at tapat na maybahay. Makatarungan ba ang ganitong pagtrato sa mga babae? Bakit maaaring magkaroon ng mahigit sa isang asawa ang mga lalaki, ngunit ang mga babae ay hindi maaaring mag-asawang muli kahit patay na ang kanilang asawa? Ang mga lalaki at babae ay hindi magkapantay ang katayuan. Kung ang isang babae ay pinigilan ng mga salitang, “ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki,” at piniling maging isang dalisay at tapat na maybahay, ano ang mapapala niya? Ang pinakamapapala niya ay maaaring itayo ang isang bantayog na gumugunita sa kanyang kadalisayan pagkamatay niya. Makabuluhan ba ito? Sasang-ayon ba kayo na mahirap ang kapalaran sa buhay ng mga babae? Bakit wala silang karapatang muling mag-asawa pagkamatay ng kanilang asawa? Ito ang pananaw na itinatanyag ng tradisyonal na kultura, at ito ay isang haka-haka na laging kinakapitan ng sangkatauhan. Kung namatay ang asawang lalaki at naiwan ang mga anak at hindi nakayanan ng maybahay niya ang pangangalaga sa mga ito, ano ang magagawa ng kanyang maybahay? Kinailangan niyang mamalimos para sa pagkain. Kung ayaw niyang magdusa ang kanyang mga anak at nais niyang makahanap ng paraan para mabuhay, kinailangan niyang mag-asawang muli at mamuhay na may dungis ang kanyang pangalan, at ang makondena ng publiko, at ang iwaksi at hamakin ng lipunan at ng masa. Kinailangan niyang tanggapin ang mga kritisismo at tiisin ang mga pag-insulto ng lipunan upang normal niyang mapalaki ang kanyang mga anak. Mula sa pananaw na ito, bagama’t hindi niya ipinamuhay ang pamantayan ng “ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki,” hindi ba’t karapat-dapat sa paggalang ang kanyang mga ginawa, paraan, at sakripisyo? Kahit paano kapag lumaki ang kanyang mga anak at maunawaan ang pagmamahal ng kanilang ina para sa kanila, igagalang siya ng kanyang mga anak, at tiyak na hindi nila hahamakin o iwawaksi ang kanilang ina dahil sa kanyang ginawa. Sa halip, magpapasalamat sila, at iisipin na ang gayong ina ay pambihira. Gayunman, hindi sasang-ayon sa kanila ang popular na opinyon. Mula sa pananaw ng lipunan, na kapareho ng pananaw ng “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari, ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki,” na isinusulong ng tao, paano mo man ito tingnan, ang inang ito ay hindi mabuting tao, dahil sinalungat niya ang tradisyonal na haka-hakang ito ng moralidad. Dahil dito, babansagan nila ang inang ito bilang isang taong may problema sa wastong asal. Kaya, bakit maiiba ang mga ideya at pananaw ng kanyang mga anak sa kanya mula sa pananaw sa kanya ng tradisyonal na kultura? Dahil titingnan ng kanyang mga anak ang isyung ito mula sa pananaw ng pagsisikap na mabuhay. Kung hindi nag-asawang muli ang babaeng ito, mawawalan sila ng paraan ng kanyang mga anak na mabuhay. Kung kumapit siya sa tradisyonal na haka-hakang ito, hindi sana siya magkakaroon ng paraan para mabuhay—namatay sana siya sa gutom. Pinili niyang mag-asawang muli para iligtas ang buhay niya at ng kanyang mga anak. Batay sa kontekstong ito, hindi ba’t maling-mali ang pagkondena sa kanya ng tradisyonal na kultura at popular na opinyon? Walang pakialam ang mga ito kung mabuhay o mamatay ang mga tao! Kaya, ano ang kahulugan at halaga ng pagkapit sa tradisyonal na haka-hakang ito ng moralidad? Maaaring masabi na wala talagang halaga ito. Ito ay isang bagay na nakasasakit at nakasasama sa mga tao. Bilang mga biktima ng haka-hakang ito, naranasan mismo ng babaeng ito at ng kanyang mga anak ang katotohanang ito, ngunit walang nakinig sa kanila o nakiramay sa kanila. Wala silang nagawa kundi tanggapin ang kanilang pasakit. Ano sa palagay ninyo, makatarungan ba ang lipunang ito? Bakit napakasama at napakadilim ng uring ito ng lipunan at bansa? Ito ay dahil ang tradisyonal na kulturang itinanim ni Satanas sa isipan ng tao ay kinokontrol pa rin ang pag-iisip ng mga tao at dinodomina ang opinyon ng publiko. Hanggang sa araw na ito, walang taong malinaw na nakaunawa sa isyung ito. Nakakapit pa rin ang mga walang pananampalataya sa mga haka-haka at pananaw ng tradisyonal na kultura, at iniisip nila na tama ang mga ito. Hanggang ngayon, hindi pa nila tinatalikuran ang mga bagay na ito.

Ngayon, kapag tinitingnan natin ang kasabihang, “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari, ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki,” makikita ninyo na saanmang pananaw natin ito tingnan, hindi ito isang positibong bagay, purong haka-haka at imahinasyon lamang ito ng tao. Bakit Ko sinasabi na hindi ito positibong bagay? (Dahil hindi ito ang katotohanan, haka-haka at imahinasyon ito ng tao.) Sa katunayan, iilang tao ang makagagawa ng hinihiling ng kasabihang ito. Hungkag na teorya at haka-haka at imahinasyon lamang ito ng tao, ngunit dahil nag-ugat ito sa puso ng mga tao, naging popular na opinyon na ito, at maraming taong humusga sa ganitong uri ng mga bagay ayon dito. Kaya, ano ang diwa ng pananaw at paninindigang pinagbatayan ng paghusga ng popular na opinyon sa ganitong uri ng mga bagay? Bakit hinusgahan nang napakarahas ng popular na opinyon ang isang babaeng nag-asawang muli? Bakit pinintasan ng mga tao ang ganitong uri ng tao, at iwinaksi at hinamak siya? Ano ang dahilan? Hindi ninyo maunawaan, hindi ba? Nalalabuan kayo sa mga katunayan; alam lang ninyo na hindi ito ang katotohanan at na hindi ito naaayon sa mga salita ng Diyos. Sasabihin Ko sa inyo, at kapag tapos na Ako ay makikita ninyo nang malinaw ang ganitong uri ng bagay. Ito ay dahil hinusgahan ng popular na opinyon ang babaeng ito batay lamang sa isang bagay at isang kilos—ang pag-aasawa niyang muli—at makitid na binigyang kahulugan ang kalidad ng kanyang pagkatao batay sa isang bagay na iyon, sa halip na tingnan ang tunay na kalidad ng kanyang pagkatao. Hindi ba’t hindi iyan patas at hindi makatarungan? Hindi tiningnan ng popular na opinyon ang karaniwang pagkatao ng babae—kung isa ba siyang masamang tao o mabait na tao, kung mahal ba niya ang mga positibong bagay, kung sinaktan o ipinahamak ba niya ang ibang tao, o kung isa siyang malanding babae bago siya nag-asawang muli. Sinuri ba ng mga tao sa lipunan at ng popular na opinyon ang buong pagkatao ng babaeng ito batay sa mga bagay na ito? (Hindi nila ginawa iyon.) Kung gayon ay saan ibinatay noon ng mga tao ang kanilang pagsusuri? Ibinatay nila iyon sa kasabihang, “ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki.” Inakala ng lahat, “Minsan lang dapat mag-asawa ang mga babae. Kahit mamatay ang asawa mo, dapat kang manatiling balo habambuhay. Tutal, babae ka. Kung mananatili kang tapat sa alaala ng iyong asawa at hindi ka mag-aasawang muli, magtatayo kami ng bantayog na gumugunita sa iyong kadalisayan—kahit sampung bantayog pa! Walang may pakialam kung gaano ka nagdurusa, o kung gaano kahirap para sa iyo na palakihin ang iyong mga anak. Walang may pakialam kahit mamalimos ka ng pagkain sa lansangan. Kailangan mo pa ring sumunod sa kasabihang: ‘ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki.’ Sa paggawa lamang nito ka magiging isang mabuting babae, at magkakaroon ng pagkatao at moralidad. Kung mag-aasawa kang muli, isa kang masamang babae na mababa ang lipad.” Ang ipinahihiwatig nito ay na nagiging mabuti, dalisay, tapat, at may marangal na wastong asal at pagkatao lamang ang isang babae kapag hindi siya nag-asawang muli. Sa loob ng mga konsepto ng tradisyonal na kultura ng kabutihang-loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan, ang kasabihang, “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari, ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki,” ang naging batayan ng pagsusuri sa mga tao. Itinuring ng mga tao ang kasabihang ito na parang ito ang katotohanan, at ginamit ito bilang pamantayan sa pagsusuri sa iba. Iyan ang diwa ng bagay na ito. Dahil taglay ng isang tao ang isang uri ng pag-uugali na hindi umayon sa mga hinihiling at pamantayang isinulong ng tradisyonal na kultura, binansagan siya na may mababang-kalidad na pagkatao at mababang wastong asal, may masama at kakila-kilabot na pagkatao. Makatarungan ba iyan? (Hindi.) Kung gayon, upang maging mabuting babae, ano dapat ang sitwasyon, at ano ang halagang dapat mong bayaran? Kung nais mong maging mabuting babae, kailangan mong maging tapat sa isang asawa lamang, at kung mamatay ang iyong asawa, kailangan mong manatiling balo. Kailangan ninyong mamalimos ng iyong mga anak sa lansangan, at magtiis na tuyain, saktan, sigawan, apihin, at insultuhin ng iba. Angkop bang paraan iyan ng pagtrato sa mga babae? (Hindi.) Subalit iyan ang ginagawa ng mga tao, mas gusto pa nilang makita kang nagpapalimos sa lansangan, nabubuhay nang walang matitirhan, hindi alam kung saan manggagaling ang susunod mong kakainin, at wala silang pakialam, hindi makikiramay, o walang papansin sa iyo. Ilan man ang anak mo o gaano man kahirap ang buhay mo, mamatay man sa gutom ang mga anak mo, walang may pakialam. Ngunit kung mag-aasawa kang muli, hindi ka mabuting babae. Babahain ka ng panlilibak at pagkasuklam, at makaririnig ka ng maraming salita ng pang-aabuso at pagkondena. Sasabihan ka ng lahat ng uri ng bagay, at tanging ang mga anak mo at ilang kamag-anak at kaibigan mo ang makikiramay at susuporta sa iyo. Paano nangyari ito? Direkta itong may kaugnayan sa edukasyon at pangongondisyon ng tradisyonal na kultura. Resulta ito ng kasabihang, “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari, ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki,” na isinusulong ng tradisyonal na kultura. Ano ang makikita ng isang tao mula sa mga bagay na ito? Ano ang nakatago sa loob ng kasabihang: “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari, ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki”? Ang pagiging huwad, pagpapaimbabaw, at kalupitan ng tao. Maaaring walang makain ang isang babae, maaaring hindi siya mabuhay, at malapit nang mamatay sa gutom, at walang makikiramay sa kanya; sa halip, hihingiin ng lahat na panatilihin niya ang kanyang kadalisayan. Mas gusto pang makita ng mga tao na mamatay siya sa gutom at mas gusto nilang tayuan siya ng bantayog para parangalan siya kaysa hayaan siyang mabuhay. Sa isang banda, ang isyung ito ay inilalantad ang pagmamatigas ng sangkatauhan. Sa kabilang banda, inilalantad nito ang pagiging huwad at kasamaan ng sangkatauhan. Hindi nagbibigay ng pakikiramay, pag-unawa, o tulong ang sangkatauhan sa mahihinang grupo o sa mga nararapat kaawaan. Bukod pa riyan, lalo pang pinalalala ng sangkatauhan ang sitwasyon sa paggamit ng katawa-tawang teorya at tuntunin na, “ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki,” para kondenahin ang mga tao at itulak sila sa kamatayan. Hindi iyan makatarungan sa mga tao. Bukod sa salungat ito sa mga salita ng Diyos, at sa mga hinihingi ng Panginoon ng paglikha sa sangkatauhan, kasabay nito, kumokontra rin ito sa mga pamantayan ng konsensiya at katwiran ng tao. Makatarungan ba, kung gayon, ang pananaw na pinagbatayan ng pagturing ng mga anak ng babae sa isyung ito? Hindi ba sila nakinabang sa muling pag-aasawa ng kanilang ina at sa halagang binayaran niya? Ang mismong ginawa ng ina, iginalang at sinuportahan ng mga anak ang kanilang ina, ngunit saan nagmula ang suportang iyan? Dahil lamang ito sa piniling mag-asawang muli ng kanilang ina para mabuhay sila, na tinulutan silang patuloy na mabuhay, at iniligtas ang kanilang buhay. Iyon lang. Kung hindi ito ginawa ng kanilang ina para iligtas ang kanilang buhay, hindi sila sasang-ayon o susuporta sa kanyang desisyon na mag-asawang muli. Samakatwid, bilang kanyang mga anak, ang tingin nila sa pag-aasawang muli ng kanilang ina ay hindi talaga makatarungan. Ano’t anuman, mula man sa pananaw ng popular na opinyon o mula sa pananaw ng kanyang mga anak, ang paraan ng pagturing ng mga tao sa inang ito at ang mga pamantayang ginamit nila para suriin siya ay hindi batay sa tunay na likas na katangian ng kanyang pagkatao. Diyan nagkamali ang mga tao sa pagtrato nila sa babaeng nag-asawang muli. Mula rito, malinaw na makikita na ang kasabihang isinulong ng tradisyonal na kultura, “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari, ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki,” ay hindi nagmumula sa Diyos, kundi kay Satanas, at wala talagang kinalaman sa katotohanan. Ang mga pananaw ng mga tao sa lahat ng bagay, at ang mga paraan ng pagturing nila sa moralidad o imoralidad ng sinumang tao ay hindi batay sa katotohanan o sa mga salita ng Diyos, nakabatay ang mga ito sa mga pananaw ng tradisyonal na kultura, at sa mga hinihingi sa tao ng mga konsepto ng tradisyonal na kultura na kabutihang-loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan. Ano ang kabutihang-loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan? Saan nagmumula ang mga konseptong ito? Sa panlabas, tila nagmumula ang mga ito sa matatalinong tao noong araw at sa mga kilalang tao, ngunit ang totoo, nagmumula ang mga ito kay Satanas. Ang mga ito ang iba’t ibang kasabihang isinulong ni Satanas upang kontrolin at higpitan ang pag-uugali ng mga tao, at para magtatag ng pamantayan, modelo, at batayan para sa wastong asal ng mga tao. Ang totoo, ang matatalinong taong ito noong araw at mga kilalang tao ay pawang may satanikong pagkatao at lahat sila ay nagserbisyo kay Satanas. Sila ay mga diyablo na naglihis sa mga tao. Kaya, ganap na makatotohanang sabihin na ang mga konseptong ito ay nagmula kay Satanas.

Kapag sinusuri ng mga tao ang moralidad ng iba at kung mabuti ba o masama ang pagkatao ng mga ito, ginagawa lamang nila ito batay sa bantog na kasabihang mula sa tradisyonal na kultura; hinahatulan at hinuhusgahan nila ang kalidad ng pagkatao ng ibang tao batay lamang sa kung paano hinaharap ng mga ito ang iisang bagay. Malinaw na mali ito at hindi wasto. Kung gayon, paano ba masusuri ng isang tao kung mabuti o masama ang pagkatao ng isang tao sa isang tumpak, obhetibo, at patas na paraan? Ano ang mga prinsipyo at pamantayan sa pagsusuri sa kanila? Sa tumpak na mga salita, kailangan na ang katotohanan ang mga prinsipyo at pamantayan sa pagsusuring ito. Tanging ang mga salita ng Lumikha ang katotohanan, at tanging ang mga ito ang may awtoridad at kapangyarihan. Ang mga salita ng tiwaling mga tao ay hindi ang katotohanan, walang awtoridad ang mga ito, at hindi dapat gamitin ang mga ito bilang batayan o mga prinsipyo sa pagsusuri ng isang tao. Samakatuwid, ang tanging tumpak, obhetibo, at patas na paraan ng pagsusuri sa moralidad ng mga tao at kung mabuti ba o masama ang kanilang pagkatao, ay sa pamamagitan ng paggamit ng mga salita ng Lumikha at ng katotohanan bilang batayan ng isang tao. “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari, ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki,” ay isang bantog na kasabihan ng mga tiwaling tao. Hindi tama ang pinagmulan nito, nagmumula ito kay Satanas. Kung susukatin ng mga tao ang kalidad ng pagkatao ng iba batay sa mga salita ni Satanas, tiyak na magiging mali at hindi patas ang kanilang mga konklusyon. Kaya, paano patas at tumpak na masusuri ng isang tao ang kalidad ng moralidad ng isang tao at kung mabuti ba o masama ang pagkatao nito? Kailangang ibatay ito ng isang tao sa layon, mithiin, at mga resulta ng mga kilos ng taong iyon, gayundin sa kahulugan at halaga ng ginagawa nito, habang ibinabatay rin ito sa mga pananaw at mga pagpapasyang ginagawa nito patungkol sa kung paano nito tinatrato ang mga positibong bagay. Ganap na magiging tumpak iyan. Hindi naman kinakailangang maging isang mananampalataya sa Diyos niyong tao—makikita mong may ilang walang pananampalataya na bagama’t hindi sila hinirang ng Diyos, ay may disente naman silang pagkatao, hanggang sa puntong mas mataas pa nga ang kalidad ng kanilang pagkatao kaysa sa ilang nananalig sa Diyos. Tulad na lamang ng kung paanong ang ilang relihiyosong tao, na tumanggap na sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, at maraming taon nang nananalig sa Diyos, ay palaging nag-iisip na humingi ng pera sa iglesia kapag sila ang nagpapatuloy sa mga kapatid, at palagi silang nananaghoy sa mga kapatid na sila ay dukha, habang nagkikimkim ng kasakiman sa pera at mga bagay-bagay. Kapag binibigyan sila ng mga kapatid ng karne, gulay, bigas, at iba pa para gamitin habang sila ang nagpapatuloy, palihim nilang itinatago ang mga iyon para ipakain sa sarili nilang pamilya. Anong klase ang mga taong ito? Mabuti ba o masama ang kanilang pagkatao? (Masama.) Ang ganitong mga tao ay sakim, mahilig silang manamantala ng mga tao, at mababa ang kanilang pagkatao. Ang ilang walang pananampalataya, na direktang tinanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, ay handang-handang magpatuloy ng mga kapatid. Iginigiit nilang gamitin ang sarili nilang pera para patuluyin ang mga kapatid, at tinatanggihan nila ang pera ng iglesia. Magkano man ang ibinibigay na pera sa kanila ng iglesia, hindi nila ginagamit ni isang kusing niyon, at hindi nila ninanasa ang anuman dito—itinatabi nila ang lahat ng iyon at ibinabalik sa iglesia kalaunan. Kapag bumibili ng mga bagay-bagay ang mga kapatid para gamitin nila habang nagpapatuloy, itinatabi nila ang lahat ng iyon para magamit at makain ng mga kapatid na pinapatuloy nila. Kapag nakaalis na ang mga kapatid na iyon, inilalagay nila sa imbakan ang mga bagay na iyon, at inilalabas na lamang muli sa susunod na dumating ang ilang kapatid para mamalagi. May napakalinaw na pagtatangi sa kanilang mga isipan, at hindi nila kailanman ginamit sa maling paraan ang alinman sa mga gamit ng iglesia. Sino ang nagturo sa kanila nito? Walang nagsabi sa kanila, kaya paano nila nalaman kung ano ang gagawin? Paano nila nagawa ito? Karamihan sa mga tao ay hindi ito nagagawa, ngunit nagagawa nila. Ano ang problema rito? Hindi ba’t ito ay pagkakaiba sa pagkatao? Pagkakaiba ito sa kalidad ng kanilang pagkatao, at pagkakaiba sa kanilang moralidad. Dahil mayroong pagkakaiba sa moralidad ng dalawang uring ito ng mga tao, mayroon bang pagkakaiba sa kanilang mga saloobin sa katotohanan at kanilang mga saloobin sa mga positibong bagay? (Oo, mayroon.) Sa dalawang uring ito ng mga tao, aling uri ang mas madaling makapapasok sa katotohanan? Aling uri ang mas malamang na maghahangad sa katotohanan? Ang mga taong mabuti ang moralidad ay mas malamang na hangarin ang katotohanan. Ganito ba ninyo ito nakikita? Hindi ninyo ito nakikita nang ganito, ang ginagawa lamang ninyo ay pikit-matang sundin ang mga tuntunin, sa pag-aakalang ang mga relihiyosong tao na marunong bumigkas ng mga salita at doktrina ay dapat may kakayahang gawin ito, at na ang mga walang pananampalataya na kasisimula pa lamang manalig sa Diyos, na hindi pa marunong bumigkas ng mga salita at doktrina, ay hindi kayang gawin ito. Gayunman, kabaligtaran lamang nito ang realidad. Hindi ba’t mali at katawa-tawa ang tingnan ninyo ang mga tao at ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan? Hindi ganito ang tingin Ko sa mga bagay-bagay. Kapag nakikipag-ugnayan Ako sa mga tao, tinitignan Ko nang husto ang saloobin nila sa iba’t ibang bagay, lalo na kung paano kumikilos ang dalawang magkaibang uri ng mga tao kapag nahaharap sa iisang sitwasyon, at ang mga pagpapasyang ginagawa nila. Mas magandang paglalarawan ito ng kanilang pagkatao. Alin sa dalawang pamamaraang ito ang mas patas at mas obhetibo? Mas patas na suriin ang isang tao batay sa kanyang kalikasang diwa, sa halip na sa kanyang mga panlabas na kilos. Kung ibabatay ng isang tao ang kanyang pagsusuri sa mga pananaw ng tradisyonal na kultura, ginagamit ang mga kilos ng isang tao sa isang sitwasyon at ipinananakot iyon sa kanya upang hatulan at husgahan siya, mali iyon at hindi patas sa taong iyon. Kailangang gumawa ang isang tao ng tumpak na pagsusuri batay sa kalidad ng pagkatao nito, sa pangkabuuhang pag-uugali nito, at sa landas na tinatahak nito. Ito lamang ang makatarungan at makatwiran, at ito rin ang patas sa taong iyon.

Wala ni isa sa mga pahayag tungkol sa wastong asal na nailista natin dito ngayon ang may kinalaman sa mga salita ng Diyos, at wala ni isa sa mga ito ang naaayon sa katotohanan. Gaano man katradisyonal o kapositibo ang isang kasabihan, hindi ito maaaring maging katotohanan. Ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal ay nagmumula sa mga bagay na pinupuri ng tradisyonal na kultura, at walang kinalaman ang mga iyon sa mga katotohanang inuutos ng Diyos na hangarin ng tao. Gaano man kahusay magsalita ang mga tao tungkol sa iba’t ibang kasabihang ito tungkol sa wastong asal ng tao, o gaano man ito kahusay na ipinamumuhay ng mga tao, o gaano man kahigpit na nakakapit ang mga tao sa mga ito, hindi ito nangangahulugan na ang mga kasabihang ito ang katotohanan. Kahit pa kumakapit at naniniwala ang karamihan ng mga tao sa daigdig sa mga bagay na ito, hindi magiging katotohanan ang mga ito—tulad lamang ng kung paanong ang isang kasinungalingan ay isang kasinungalingan pa rin, kahit sabihin mo pa ito nang libu-libong beses. Ang mga kasinungalingan ay hindi maaaring maging ang katotohanan kailanman. Ang mga kasinungalingan ay mga maling sabi na naglalaman ng mga pakana ni Satanas, samakatuwid, hindi mapapalitan ng mga ito ang katotohanan, lalo nang hindi magiging katotohanan ang mga ito. Gayundin, ang iba’t ibang hinihingi ng mga tao patungkol sa wastong asal ay hindi maaaring maging ang katotohanan. Gaano kahigpit ka man kumapit sa mga iyon o gaano kahusay ka man kumapit sa mga iyon, ang sinasabi lamang niyon tungkol sa iyo ay na mayroon kang mabuting wastong asal sa paningin ng tao—ngunit mayroon ka bang pagkatao sa paningin ng Diyos? Hindi iyan tiyak. Bagkus, kung kumapit ka nang mahigpit at mabuti sa bawat aspekto at tuntunin ng mga konsepto ng tradisyonal na kultura ng kabutihang-loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan, napalayo ka na siguro nang husto sa katotohanan. Bakit ganoon? Dahil titignan mo ang mga tao at bagay-bagay, at aasal at kikilos ka ayon sa mga pahayag na ito tungkol sa wastong asal, at gagamitin mo ang mga ito bilang iyong mga pamantayan. Para lamang iyang pagkiling ng iyong ulo para tumingin sa orasan—ang iyong pananaw ay hindi magiging tama. Ang pinal na resulta nito ay magiging walang kinalaman sa katotohanan, o sa mga hinihingi ng Diyos, ang iyong mga pananaw tungkol sa mga tao at bagay, at ang iyong asal at mga kilos, at magiging malayo sa daan ng Diyos na dapat mong sundan—maaaring tumatakbo ka pa nga sa kabilang direksyon, at kumikilos sa paraan na hindi mo makakamtan ang sarili mong mga mithiin. Habang lalo kang kumakapit at nagtatangi sa mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal, lalong tututol sa iyo ang Diyos, lalo kang mapapalayo sa Diyos at sa katotohanan, at lalo kang magiging salungat sa Diyos. Gaano man katama sa palagay mo ang isa sa mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal, o gaano katagal ka mang nakakapit doon, hindi ibig sabihin nito ay isinasagawa mo na ang katotohanan. Alin man sa mga pamantayan sa pag-uugali sa tradisyonal na kultura ang inaakala mong tama at makatwiran, hindi ito ang realidad ng mga positibong bagay; talagang hindi ito ang katotohanan, ni hindi ito naaayon sa katotohanan. Hinihimok kitang magmadali at pagnilay-nilayan ang iyong sarili: Saan nagmumula ang bagay na ito na kinakapitan mo? May batayan ba sa mga salita ng Diyos ang paggamit rito bilang prinsipyo at pamantayan sa pagsusuri at paggigiit sa mga tao? May batayan ba ito sa katotohanan? Malinaw ba sa iyo kung ano ang mga kinahihinatnan ng pagsasagawa mo sa hinihinging ito ng tradisyonal na kultura? May kinalaman ba ito sa katotohanan? Dapat mong maintindihan at masuri kung sa paggamit ng hinihinging ito ng tradisyonal na kultura bilang batayan ng iyong mga kilos, at ng iyong pamantayan, at sa pamamagitan ng pagtingin dito bilang isang positibong bagay, ay sinasalungat mo ang katotohanan, nilalabanan ang Diyos, at nilalabag ang katotohanan. Kung pikit-mata kang kumakapit sa mga pananaw at kasabihang itinatanyag ng tradisyonal na kultura, ano ang kahihinatnan niyan? Kung nailigaw ka o naloko ng mga kasabihang ito, mawawari mo na kung ano ang iyong kauuwian at katapusan. Kung tinitignan mo ang mga tao at bagay mula sa pananaw ng tradisyonal na kultura, mahihirapan kang tanggapin ang katotohanan. Hindi mo kailanman magagawang tingnan ang mga tao at mga bagay ayon sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Dapat himayin ng isang taong nakakaunawa sa katotohanan ang iba’t ibang pahayag at hinihingi ng tradisyunal na kultura hinggil sa wastong asal. Dapat mong suriin kung alin sa mga iyon ang pinakapinahahalagahan mo, at laging kinakapitan, na palaging nagiging batayan at pamantayan mo sa paraan mo ng pagtingin sa mga tao at bagay-bagay, at sa paraan mo ng pag-asal at pagkilos. Pagkatapos, dapat mong ikumpara ang mga bagay na iyong kinakapitan sa mga salita at hinihingi ng Diyos, at tingnan kung ang mga aspektong ito ng tradisyunal na kultura ay sumasalungat o tumutunggali ba sa mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos. Kung tunay ka ngang makakita ng problema, kailangan mong himayin kaagad kung nasaan mismo, ang mali at kakatwa sa mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura. Kapag malinaw na sa iyo ang mga isyung ito, malalaman mo na kung ano ang katotohanan at ano ang maling paniniwala; magkakaroon ka ng landas ng pagsasagawa, at mapipili mo ang landas na dapat mong tahakin. Hanapin ang katotohanan sa ganitong paraan, at magagawa mong itama ang iyong pag-uugali. Gaano man nakasunod sa pamantayan ang diumano’y mga rekisito at kasabihan ng tao sa moral na pag-uugali, o gaano man ito naaangkop sa mga panlasa, pananaw, kagustuhan, at maging sa mga interes ng masa, ang mga ito ay hindi ang katotohanan. Ito ay isang bagay na kailangan mong maunawaan. At dahil ang mga ito ay hindi ang katotohanan, dapat kang magmadaling itatwa at talikuran ang mga ito. Dapat mo ring suriin ang diwa ng mga ito, gayundin ang mga kinahihinatnan na nagmumula sa pamumuhay ng mga tao ayon sa mga ito. Makapagdudulot ba talaga ang mga ito ng tunay na pagsisisi sa iyo? Makatutulong ba talaga ang mga ito sa iyo na makilala ang iyong sarili? Mahihikayat ka ba talaga ng mga ito na isabuhay ang wangis ng tao? Hindi magagawa ng mga ito ang alinman sa mga bagay na ito. Gagawin ka lang ng mga ito na mapagpaimbabaw at mapagmagaling. Gagawin ka ng mga itong mas tuso at buktot. May ilan na nagsasabing, “Dati, nang kumapit tayo sa mga aspektong ito ng tradisyunal na kultura, pakiramdam natin ay mabubuting tao tayo. Kapag nakikita ng ibang tao kung paano tayo umasal, iniisip din nila na mabubuting tao tayo. Pero ang totoo, alam natin sa ating mga puso kung anong uri ng kasamaan ang kaya nating gawin. Ikinukubli lang iyon ng paggawa ng kaunting mabubuting gawa. Pero kung tatalikuran natin ang mabubuting pag-uugali na hinihingi sa atin ng tradisyonal na kultura, ano sa halip ang dapat nating gawin? Anong mga pag-uugali at pagpapamalas ang magbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos?” Ano ang tingin mo sa tanong na ito? Hindi pa rin ba nila alam kung anong mga katotohanan ang dapat isagawa ng mga mananampalataya sa Diyos? Nagpahayag na ang Diyos ng napakaraming katotohanan, at napakaraming katotohanan ang dapat isagawa ng mga tao. Kaya bakit kayo tumatangging isagawa ang katotohanan, at iginigiit na maging mga huwad na mabubuting tao at mga mapagpaimbabaw? Bakit ka nagpapanggap? May ilang nagsasabi, “Maraming magagandang aspekto ang tradisyonal na kultura! Gaya ng, ‘Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal’—napakagandang kasabihan nito! Ito ang dapat isagawa ng mga tao. Paano Mo nagagawang basta na lamang itong isantabi? At ‘Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan’—napakatapat at napakatapang! Nagiging dakila ang buhay kapag mayroong isang kaibigang katulad niyon. Nariyan din ang, ‘Ang mga silkworm ng tagsibol ay naghahabi hanggang sa mamatay ang mga ito, at ang mga kandila ay nauubos hanggang matuyo ang mga luha ng mga ito.’ Napakalalim at napakayaman sa kultura ng kasabihang ito! Kung hindi Mo kami hahayaang mamuhay ayon sa mga kasabihang ito, ano ang dapat naming isabuhay?” Kung ito ang iniisip mo, nasayang na lahat ang mga taon na nagugol mo sa pakikinig sa mga sermon. Ni hindi mo nauunawaan na ang isang tao, kahit paano, ay kailangang umasal sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa mga pamantayan ng konsensiya at katwiran. Hindi mo pa natatamo ni katiting na katotohanan, at naging walang saysay ang buhay mo sa mga taon na ito.

Sa madaling sabi, bagamat inilista na natin ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal mula sa tradisyonal na kultura, ang layon nito ay hindi lang upang ipaalam sa inyo na ang mga ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, at na nagmumula ang mga ito kay Satanas, wala nang iba pa. Ito ay para ipaunawa sa inyo nang malinaw na ang diwa ng mga bagay na ito ay huwad, mapagpanggap, at mapanlinlang. Kahit na tinataglay ng mga tao ang mga pag-uugaling ito, sa anumang paraan ay hindi ito nangangahulugan na isinasabuhay nila ang normal na pagkatao. Sa halip, ginagamit nila ang huwad na mga pag-uugaling ito para pagtakpan ang kanilang mga layunin at mithiin, at para ikubli ang kanilang mga tiwaling disposisyon, ang kanilang kalikasang diwa. Bilang resulta, mas humuhusay nang humuhusay ang mga tao sa pagpapanggap at panlilinlang ng iba, na ginagawa silang mas lalong tiwali at masama. Ang mga moral na pamantayan ng tradisyonal na kultura na kinakapitan ng tiwaling sangkatauhan ay hindi tumutugma sa mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos, hindi rin umaayon ang mga ito sa anumang salita na itinuturo ng Diyos sa mga tao, walang anumang kaugnayan ang mga ito. Kung kumakapit ka pa rin sa mga aspekto ng tradisyonal na kultura, ikaw ay lubusan nang nailigaw at nalason. Kung mayroong anumang bagay kung saan kumakapit ka sa tradisyonal na kultura at sinusunod mo ang mga prinsipyo at pananaw nito, nagrerebelde ka sa Diyos at lumalabag sa katotohanan, at sumasalungat sa Diyos sa bagay na iyon. Kung kakapit ka at magiging tapat sa alinman sa mga pahayag na ito hinggil sa wastong asal, itinuturing mo ito bilang pamantayan o batayan sa kung paano mo tinitingnan ang mga tao o mga bagay-bagay, kung gayon ay doon ka nagkamali, at kung medyo hinuhusgahan o pinipinsala mo ang mga tao, makagagawa ka ng kasalanan. Kung palagi mong iginigiit na sukatin ang lahat ng tao sa pamamagitan ng mga moral na pamantayan ng tradisyonal na kultura, patuloy na dadami ang bilang ng mga taong kinondena at ginawan mo ng masama at tiyak na kokondenahin at lalabanan mo ang Diyos, at pagkatapos ay magiging isa kang lubhang makasalanan. Hindi niyo ba nakikita na lalong nagiging masama ang buong sangkatauhan sa ilalim ng edukasyon at pangongondisyon ng tradisyonal na kultura? Hindi ba’t lalong dumidilim ang mundo? Habang ang isang tao ay lalong nagiging kay Satanas at sa mga diyablo, lalo siyang sinasamba; habang lalong isinasagawa ng isang tao ang katotohanan, nagpapatotoo para sa Diyos, at pinalulugod ang Diyos, lalo siyang pinipigilan, ibinubukod, kinokondena, o pinapatay sa pamamagitan ng pagpako pa nga sa krus. Hindi ba’t katunayan ito? Mula ngayon, dapat kayong magbahaginan nang madalas tungkol sa napagbahaginan natin dito ngayon. Kung may mga bagay kayong hindi nauunawaan matapos magbahaginan tungkol sa mga iyon, isantabi niyo muna ang mga iyon at magbahaginan kayo tungkol sa mga bahaging kaya niyong intindihin hanggang sa maunawaan niyo ang mga iyon. Magbahaginan kayo tungkol sa mga salitang ito hanggang sa lubos na maging malinaw ang mga ito sa inyo at ganap niyo nang nauunawaan ang mga ito, sa gayon ay magagawa na ninyong isagawa nang tumpak ang katotohanan at makapasok sa realidad. Kapag malinaw na ninyong naiintindihan kung ang anumang kasabihan o bagay ay ang katotohanan, o kung tradisyonal na kultura ba ito at hindi ang katotohanan, lalo kang magkakaroon ng isang landas na matatahak para makapasok sa katotohanang realidad. Sa wakas, kapag naunawaan na ninyo ang bawat katotohanang nararapat ninyong isagawa sa pamamagitan ng pagbabahaginan, at nagkasundo na kayo, kapag matatag na ang inyong mga pananaw at pagkaunawa, kapag alam ninyo kung aling mga bagay ang positibo at alin ang negatibo, aling mga bagay ang nagmumula sa Diyos at alin ang nagmumula kay Satanas, at nakapagbahaginan na kayo sa paksa hanggang sa maging malinaw at maliwanag sa inyo ang mga bagay na ito, saka lamang ninyo mauunawaan ang katotohanan. Pagkatapos, pumili ng mga katotohanang prinsipyo na dapat ninyong isagawa. Sa ganitong paraan, matutugunan ninyo ang mga pamantayan ng pag-uugali na nailatag ng Diyos, at kahit paano, magkakaroon kayo ng kaunting wangis ng tao. Kung nagagawa ninyong maunawaan ang katotohanan at makapasok sa realidad, magagawa ninyong lubusang isabuhay ang wangis ng tao. Saka lamang kayo ganap na magiging kaayon sa mga layunin ng Diyos.

Marso 5, 2022

Sinundan: Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 4

Sumunod: Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 6

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito