Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 4

Magsimula tayo sa pagbabalik-tanaw sa pinagbahaginan natin noong ating huling pagtitipon. (Sa huli nating pagtitipon, pinagbahaginan natin ang paksa ng “Ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan.” Una nating pinagtuunan ang tanong na ito: “Yamang ang mga bagay na pinaniniwalaan ng mga tao na mabuti at tama ay hindi ang katotohanan, bakit kumakapit pa rin ang mga tao sa mga bagay na iyon na para bang ang mga iyon ang katotohanan at iniisip nila na sa pagkapit sa mga iyon, hinahangad nila ang katotohanan?” Naglahad Ka ng tatlong dahilan para dito. Pangunahin Mong tinalakay ang una sa mga iyon, na kung ano mismo ang mga bagay na iyon na pinaniniwalaan ng mga tao na mabuti at tama sa kanilang mga kuru-kuro.) Sa ating huling pagtitipon, pangunahin nating pinagbahaginan ang tungkol sa unang dahilan. Pinag-usapan natin ang mga bagay na pinaniniwalaan ng mga tao na mabuti at tama sa kanilang mga kuru-kuro, at hinati natin ang mga bagay na iyon sa dalawang malawak na kategorya: ang una ay “mabubuting pag-uugali,” ang pangalawa ay “mabubuting asal.” Sa kabuuan, nagbigay Ako ng anim na halimbawa para sa unang kategorya ng “mabubuting pag-uugali”: ang pagiging may pinag-aralan at matino, pagiging malumanay at pino, pagiging magalang, pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata, pagiging magiliw, at pagiging madaling lapitan. Hindi pa natin napagbabahaginan ang pangalawang kategorya, “mabubuting asal.” May ilang isyu na dapat nating suriin nang kaunti pagkatapos pagbahaginan ang mga ito, upang linawin at klaruhin ang mga katotohanan at prinsipyo ng pagbabahaginan na iyon, at gawing malinaw at klaro ang lahat. Sa paggawa nito, magiging mas madali para sa inyo na maunawaan ang katotohanan. Ang pagbabahaginan natin noong huli ay binuo ng ilang malalawak na seksyon, gayundin ng ilang partikular na halimbawa. Parang ang dami, pero ang totoo, nagbahaginan lang tayo tungkol sa ilang partikular na bagay sa loob ng malalawak na seksyong iyon, at lalo pa nating hinimay ang mga partikular na bagay na iyon, upang maging mas malinaw at mas natatangi ang pagbabahaginan. Nagbigay tayo ng anim na halimbawa ng mabubuting pag-uugali, ngunit hindi tayo nagbahaginan nang detalyado tungkol sa bawat isa sa mga ito, nang isa-isa. Sa mga halimbawang iyon, ang pagiging may pinag-aralan at matino ay isang klasikong representasyon ng kung ano ang pinaniniwalaan ng mga tao na tama at mabuti sa kanilang mga kuru-kuro. Nagbigay tayo ng kaunti pang pagbabahagi tungkol sa halimbawang ito. Katulad nito ang iba pa; maaari kayong gumamit ng katulad na pamamaraan upang himayin at kilatisin ang mga ito.

Ngayon, bago tayo tumungo sa pinakanilalaman ng ating pagbabahaginan, magkukwento Ako sa inyo ng dalawang maikling kuwento. Mahilig ba kayong makinig sa mga kuwento? (Oo.) Hindi nakapapagod na makinig sa isang kuwento, at hindi ito nangangailangan ng labis na konsentrasyon. Hindi ito masyadong mahirap gawin, kumpara sa iba, at maaari itong maging interesante. Kaya makinig nang mabuti, at habang nakikinig kayo sa nilalaman ng mga kuwento, isipin din ninyo kung bakit Ko ikinukuwento ang mga ito—anong mga partikular at pangunahing ideya ang nakapaloob sa mga ito, o sa madaling salita, anong mga praktikal na bagay ang makakamit ng mga tao sa pakikinig sa mga ito. O siya—simulan na natin ang ating mga kuwento. Ito ang mga kuwento nina Xiaoxiao at Xiaoji.

Ang mga Kuwento nina Xiaoxiao at Xiaoji

Sa loob ng ilang panahon, nakararamdam si Xiaoxiao ng sakit sa kanyang mga mata, kasama ng malabong paningin, pagkasensitibo sa liwanag, pagluluha dulot ng hangin, pakiramdam na may kung ano sa kanyang mga mata, at iba pang gayong sintomas. Kinukuskos niya ang mga ito, ngunit hindi ito gaanong nakatulong. Hindi alam ni Xiaoxiao kung ano ang problema sa kanya. Naisip niya, “Hindi ako kailanman nagkaroon ng problema sa mga mata ko dati, at ayos naman ang paningin ko. Ano ang nangyayari?” Nang tumingin siya sa salamin, mukhang katulad na katulad naman ng dati ang kanyang mga mata—medyo mas mapula lang, at kung minsan ay medyo pulang-pula. Nakalilito ito para kay Xiaoxiao, at medyo nakababagabag. Hindi niya masyadong pinagtuunan ng pansin ang isyu noong kasisimula pa lang nito, ngunit nang magsimulang dumalas nang dumalas ang paglitaw ng kanyang mga sintomas, hindi na niya ito natiis sa huli. Pinag-isipan niya ito: “Dapat bang pumunta ako sa doktor, o subukan kong alamin ang tungkol dito nang ako lang? Magiging mahirap ang paghahanap ng impormasyon tungkol dito, at maaari pa akong magkamali ng pagsusuri sa kung ano ang aktwal na problema. Mas mabuting dumeretso ako sa doktor; tiyak na magbibigay siya ng tumpak na pagsusuri.” Kaya nagpunta si Xiaoxiao sa doktor. Sinuri siya ng doktor at walang nakitang malalalang problema. Nagreseta ito ng ilang regular na eye-drop at pinayuhan si Xiaoxiao na alagaan ang mga mata niya at huwag pagurin ang mga ito. Labis na nakahinga nang maluwag si Xiaoxiao nang malaman na walang malalang problema sa kanyang mga mata. Pagkauwi niya, ginamit ni Xiaoxiao ang eye-drops araw-araw, sa mga oras at sa dosis na iniutos sa kanya ng doktor, at sa loob ng ilang araw, bumuti ang kanyang mga sintomas. Gumaan nang husto ang pakiramdam ng puso ni Xiaoxiao: Nadama niya na kung kaya itong malunasan ng gamot, maaaring hindi malala ang problema. Ngunit hindi nagtagal ang pakiramdam na iyon, at makalipas ang ilang panahon, bumalik ang mga sintomas niya. Tinaasan ni Xiaoxiao ang dosis ng kanyang eye-drop, at medyo bumuti ang pakiramdam ng kanyang mga mata, at medyo naibsan ang mga sintomas niya. Ngunit makalipas ang ilang araw, bumalik sa dati ang kanyang mga mata, at lumala at mas dumalas ang mga sintomas. Hindi ito maunawaan ni Xiaoxiao, at nakaramdam na naman siya ng kalungkutan: “Ano ang gagawin ko? Hindi umeepekto ang gamot na ibinigay sa akin ng doktor. Ibig sabihin ba nito, may malubhang problema sa mga mata ko? Hindi ko ito maaaring balewalain.” Sa pagkakataong iyon, nagpasya siyang hindi na muling magpatingin sa doktor o kumonsulta rito tungkol sa kanyang mga problema sa mata. Sa halip, pinili niyang lutasin ang problema nang mag-isa. Nag-online siya at nakahanap ng lahat ng uri ng video at impormasyong nauugnay sa kanyang mga sintomas. Karamihan sa mga ito ay nagsasabing ang mga problemang ito ay sanhi ng hindi wastong paggamit sa mga mata, na kailangan niyang alagaan ang kanyang mga mata, at na mas mahalagang gamitin niya nang wasto ang mga ito. Nadama ni Xiaoxiao na hindi nakatutulong ang payo na ito, at na hindi nito malulutas ang problema niya. Kaya nagpatuloy siya sa paghahanap ng impormasyon. Isang araw, may natagpuan siyang resource na nagsasabing ang mga sintomas niya ay maaaring sanhi ng pagdurugo ng retina, na maaaring pagsisimula ng glaucoma. Posible ring humantong sa katarata ang kanyang mga sintomas kapag lumala ang mga ito. Nang mabasa ni Xiaoxiao ang mga salitang “glaucoma” at “katarata,” nabalisa siya nang husto. Nagdilim ang paningin niya at muntik na siyang mahimatay, kumakabog sa dibdib niya ang puso niya. “O, Diyos ko, ano ang nangyayari? Magkakaroon ba talaga ako ng glaucoma at katarata? Narinig ko na nangangailangan ng operasyon ang katarata, at na kung may glaucoma ka, malamang na mabulag ka! Magiging katapusan ko na iyon, hindi ba? Bata pa ako—kung mabubulag nga ako, paano ako mabubuhay sa natitirang bahagi ng buhay ko bilang isang bulag? Ano pa ang aasahan ko kung magkagayon? Hindi ba’t kakailanganin kong gugulin ang buhay ko sa kadiliman?” Nang tingnan ni Xiaoxiao ang mga salitang “glaucoma” at “katarata” sa pahina, hindi na siya mapakali. Nabalisa siya, at lalo siyang nalugmok sa depresyon at kawalan ng pag-asa. Hindi niya alam kung ano ang gagawin, o kung paano niya haharapin ang mga darating na araw. Napuno siya ng kalungkutan at hindi na siya makatuon sa mga bagay na nasa harapan. Sa harap ng problemang ito, ganap na nalugmok sa kawalan ng pag-asa si Xiaoxiao. Nawalan siya ng interes na mabuhay, at hindi siya makapag-ipon ng lakas para gampanan ang kanyang tungkulin. Ayaw niyang bumalik sa doktor o banggitin sa ibang tao ang mga problema niya sa mata. Siyempre pa, natakot siyang malaman ng mga tao na magkakaroon siya ng glaucoma o katarata. At ganun-ganun lang, pinalipas ni Xiaoxiao ang bawat araw sa depresyon, pagkanegatibo, at kalituhan. Hindi siya nangahas na isipin o planuhin ang kinabukasan niya, dahil para sa kanya, ang hinaharap ay isang kahila-hilakbot at kalunos-lunos na bagay. Ipinamuhay niya ang mga araw niya sa depresyon at kawalan ng pag-asa, lugmok na lugmok siya. Ayaw niyang magdasal o magbasa ng mga salita ng Diyos, at lalong ayaw niyang makipag-usap sa ibang tao. Para bang ganap siyang naging ibang tao. Makalipas ang ilang araw na ganito, biglang naisip ni Xiaoxiao: “Tila isang miserableng kondisyon ang kinasasadlakan ko. Dahil malabo ang kinabukasan ko at hinayaan ako ng Diyos na magkaroon ng ganitong sakit sa halip na protektahan ako, bakit ko pa patuloy na gagawin ang aking makakaya para magawa ang tungkulin ko? Maikli ang buhay; bakit hindi ko samantalahin ang pagkakataon, habang maayos pa ang paningin ko, na gawin ang ilan sa mga bagay na gusto ko at palayawin ang sarili ko? Bakit dapat maging labis na nakapapagod ang buhay ko? Bakit ko sasaktan at tatratuhin nang hindi maganda ang sarili ko?” At kaya, kapag hindi natutulog, kumakain, o nagtatrabaho si Xiaoxiao, ginugugol niya ang karamihan ng oras niya sa internet, paglalaro, panonood ng mga video, dere-deretsong panonood ng mga palabas, at kapag lumalabas siya, dinadala pa niya ang telepono niya at naglalaro doon ng games nang walang tigil. Ginugol niya ang mga araw niyang wiling-wili sa mundo ng internet. Natural na habang ginagawa niya ito, lumala nang lumala ang sakit sa mga mata niya, at naging mas malubha rin ang mga sintomas niya. Kapag hindi na niya ito matiis, ginagamit niya ang eye-drops niya para maibsan ang mga sintomas niya, at kapag medyo bumubuti ang mga ito, muli siyang nagbababad sa internet, pinapanood ang mga bagay na gusto niya. Ito ang paraan niya para maibsan ang takot at pagkasindak sa kaibuturan ng puso niya, at ito ang paraan niya para magpalipas ng oras, para malampasan ang mga araw niya. Sa tuwing sumasakit ang mga mata niya at lumalala ang mga sintomas niya, wala sa loob na tinitingnan ni Xiaoxiao ang mga tao sa paligid niya at iniisip na, “Ginagamit ng ibang mga tao ang mga mata nila na gaya ng ginagawa ko. Bakit hindi namumula, palaging naluluha, at parang may kung ano ang mga mata nila? Bakit ako ang may sakit na ito? Hindi ba’t may pinapaboran ang Diyos? Lubos kong ginugol ang sarili ko para sa Diyos; bakit hindi Niya ako pinoprotektahan? Sobrang hindi patas ang Diyos! Bakit ang suwerte ng lahat ng ibang tao na makamit ang proteksyon ng Diyos, pero ako ay hindi? Bakit palaging sa akin sumasapit ang lahat ng kamalasan?” Habang mas nag-iisip si Xiaoxiao, mas nagagalit at nayayamot siya, at habang mas nagagalit siya, mas gusto niyang gamitin ang online na libangan at mga pampalipas-oras upang pawiin ang kanyang sama ng loob at galit. Gusto niyang maalis ang sakit niya sa mata sa lalong madaling panahon, ngunit habang mas gusto niyang maalis ang sama ng loob at galit niya, mas lalo siyang nawawalan ng galak at kapayapaan, at mas nararamdaman niyang malas siya, gaano man siya kababad sa internet. At sa puso niya, nagrereklamo siya sa hindi pagiging patas ng Diyos. Sunod-sunod na lumipas ang mga araw nang ganito. Hindi bumuti ang problema sa mata ni Xiaoxiao, at sumama nang sumama ang timpla niya. Sa ganoong senaryo, lalong naramdaman ni Xiaoxiao na wala siyang magawa at malas siya. Nagpatuloy nang ganito ang buhay ni Xiaoxiao. Walang makatulong sa kanya, at hindi siya humingi ng tulong. Ginugol lang niya ang bawat araw nang wala sa sarili, nalulumbay, at walang magawa.

Iyon ang kuwento ni Xiaoxiao. Hanggang doon na lamang iyon. Sunod ay ang kuwento ni Xiaoji.

Habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, naharap si Xiaoji sa parehong problema ni Xiaoxiao. Lumabo ang kanyang paningin, at palaging parang namamaga at mahapdi ang mga mata niya. Madalas itong sinasabayan ng pakiramdam na may kung anong nasa mga mata niya, at hindi bumubuti ang kanyang mga mata pagkatapos niyang kuskusin ang mga ito. Naisip niya, “Ano ang nangyayari? Maayos dati ang mga mata ko; kahit kailan ay hindi pa ako nakapagpatingin sa doktor sa mata. Ano ba ang nangyayari sa mga mata ko kamakailan? May problema kaya sa mga mata ko?” Nang tumingin siya sa salamin, mukhang wala namang ipinagkaiba sa dati ang mga mata niya. Nakadarama lang siya ng mainit na sensasyon sa kanyang mga mata, at kapag kumukurap siya nang madiin, lalong humahapdi at namamaga ang mga ito, at nagsisimulang maluha. Nadama ni Xiaoji na may mali sa kanyang mga mata, at naisip niyang, “Malaking bagay ang mga problema sa mata. Hindi ko ito dapat balewalain. Gayunpaman, hindi naman masyadong masama ang pakiramdam ko, at hindi ito nakakaapekto sa aking buhay o tungkulin. Masyadong abala ang mga bagay-bagay sa gawain ng iglesia kamakailan, at ang pagpunta sa doktor ay magkakaroon ng mga epekto sa aking tungkulin. Maghahanap na lang ako ng impormasyon tungkol dito kapag may libreng oras ako.” Pagkatapos magdesisyon ng ganito, naghanap si Xiaoji ng nauugnay na impormasyon nang magkaroon siya ng libreng oras mula ng kanyang tungkulin, at nalaman niyang walang malaking problema sa kanyang mga mata—ang matagalan at sobrang paggamit ng kanyang mga mata ang dahilan kaya hindi siya komportable. Sa tamang paggamit, wastong pangangalaga, at ilang naaangkop na ehersisyo, babalik sa normal ang kanyang mga mata. Masayang-masaya si Xiaoji nang mabasa niya iyon. “Hindi ito malaking problema, kaya hindi na kailangang lubos na mag-alala tungkol dito. Sinasabi ng source na ito na kailangan kong gamitin nang tama ang mga mata ko at i-ehersisyo ang mga ito nang tama—kaya sisiyasatin ko na lang kung paano gamitin nang tama ang mga mata ko at kung anong mga ehersisyo ang dapat kong gawin para maibalik sa normal ang mga ito.” Pagkatapos ay naghanap pa siya ng nauugnay na impormasyon at mula rito, pumili siya ng ilang pamamaraan at diskarte na naaangkop sa kanyang sitwasyon. Mula noon, bukod pa sa kanyang normal na buhay at pagganap sa tungkulin niya, nagkaroon ng bagong gawain si Xiaoji: ang pangalagaan ang kanyang mga mata. Araw-araw niyang isinagawa ang mga paraan ng pangangalaga sa mga mata na natutunan niya. Habang sinusubukan niya ang mga ito, pinapakiramdaman niya kung naiibsan ba ng mga ito ang mga sintomas ng kanyang mga mata. Pagkalipas ng isang panahon ng pagsubok at paggawa sa mga ito, nadama ni Xiaoji na ang ilan sa mga pamamaraan ay epektibo, habang ang iba ay maganda lang sa teorya, hindi sa gawa—hindi man lang maaayos ng mga ito ang problema niya. At kaya, batay sa kanyang mga natuklasan mula sa panimulang yugtong iyon, pumili si Xiaoji ng ilang pamamaraan at diskarte para sa pagpapanatili ng malusog na mga mata na gumagana sa kanya. Araw-araw niyang isinagawa ang tamang paggamit ng mga mata at pangangalaga sa mga ito, sa tuwing hindi maaantala ng paggawa nito ang kanyang tungkulin. Makalipas ang ilang panahon, talagang bumuti nang bumuti ang pakiramdam ng mga mata ni Xiaoji; ang kanyang mga dating sintomas—pamumula, hapdi, mainit na sensasyon, at iba pa—ay unti-unting nawala, at dumalang nang dumalang ang mga ito. Pakiramdam ni Xiaoji ay napakasuwerte niya. “Salamat sa Diyos para sa Kanyang pamumuno. Biyaya at patnubay Niya ito.” Bagamat mas kaunting problema na lang ang nadarama niya sa kanyang mga mata at hindi na gaanong malubha ang mga sintomas niya, patuloy na isinasagawa ni Xiaoji ang mga pamamaraang iyon ng pangangalaga sa mata at ginagamit niya nang tama ang kanyang mga mata, nang hindi nagpapabaya. At pagkalipas ng ilang panahon, ganap na bumalik sa normal ang mga mata niya. Mula sa karanasang ito, natuto si Xiaoji ng ilang paraan upang mapanatiling malusog ang kanyang mga mata, at natutunan niya rin kung paano gamitin ang kanyang mga mata at mamuhay nang tama. Nagdagdag siya ng ilang positibo at sentido komun na kaalaman sa kanyang kasanayan sa buhay. Masayang-masaya si Xiaoji. Nadama niyang bagamat nakaranas siya ng ilang tagumpay at kabiguan at nagkaroon ng ilang hindi karaniwang karanasan, sa huli ay nagkamit siya ng ilang mahahalagang karanasan sa buhay mula rito. Sa tuwing may magsasabi sa paligid niya na masakit ang mga mata nito, na namamaga at mahapdi ang mga iyon, tapat na sinasabi ni Xiaoji sa taong iyon ang kanyang naging karanasan at ang mga diskarte at pamamaraang ginamit niya. Sa tulong ni Xiaoji, iyong mga nakararanas ng mga sintomas ng mga problema sa mata ay natuto rin ng mga paraan at diskarte para gamitin nang tama ang kanilang mga mata at para mapanatiling malusog ang kanilang mga mata. Masaya si Xiaoji, at malaki ang naitulong niya sa mga tao sa paligid niya. At kaya naman sa loob ng panahong iyon, nagkamit si Xiaoji at ang iba pa ng ilang sentido komun na kaalaman na dapat taglayin ng mga tao sa kanilang buhay bilang mga tao. Ang lahat ay gumawa at gumanap ng kanilang mga tungkulin nang sama-sama, nang masaya at nagagalak. Hindi nagpatalo si Xiaoji sa pagkanegatibo o kawalang-magawa dahil sa problema niya sa mata, hindi rin siya kailanman nagreklamo tungkol sa kamalasan niya. Bagamat nakita niya ang nakita ni Xiaoxiao na ilang nakababahalang pahayag noong naghahanap siya ng impormasyon, hindi niya masyadong pinansin ang mga iyon. Sa halip, aktibo at wasto niyang nilutas ang problema niya. Nang mangyari ang parehong bagay kay Xiaoxiao, paulit-ulit itong nasadlak sa depresyon, sa kawalang-magawa at kalituhan. Sa kabilang banda, bukod sa naiwasan ni Xiaoji na masadlak sa depresyon at kalituhan, hindi rin siya naghinanakit sa Diyos—at nakamit pa niya mula sa mga pangyayaring ito ang isang mas kapaki-pakinabang, aktibo, at positibong saloobin sa buhay. Tinulungan niya ang sarili niya, at tinulungan niya ang iba.

Iyon ang mga kuwento nina Xiaoxiao at Xiaoji. Pareho na ninyo ngayong narinig ang mga kuwento nila. Naunawaan ba ninyo ang mga ito? Sino sa kanila ang gusto ninyo: si Xiaoxiao o si Xiaoji? (Si Xiaoji.) Ano ang hindi maganda kay Xiaoxiao? (Nang may mga bagay na sumapit sa kanya, hindi niya nagawang harapin ang mga iyon nang tama. Naging negatibo siya at mapanlaban.) Ang maging negatibo at mapanlaban ay ang magdulot ng sariling pagkawasak. Kapag may mga bagay na sumasapit sa ibang tao, nagagawa nilang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga ito, ngunit nang may sumapit kay Xiaoxiao, hindi niya nagawang hanapin ang katotohanan, pinili niya ang pagkanegatibo at paglaban. Hinahabol niya ang sarili niyang pagkasira. Maaaring maunlad na ang impormasyon sa ngayon, ngunit sa satanikong mundong ito, laganap ang mga kasinungalingan at panlilinlang. Ang mundo ay puno ng mga kasinungalingan at panlilinlang. Kapag nahaharap sa anumang isyu o anumang uri ng impormasyon sa magulong mundong ito, dapat na magkaroon ang mga tao ng karunungan, dapat silang maging matalino at matalas ang pang-unawa, at dapat silang maging mapagkilatis. Dapat nilang mahigpit na salain ang iba’t ibang uri ng impormasyon, mula sa tamang pananaw. Ang mga tao ay hindi dapat agad-agad naniniwala sa anumang pahayag, at lalong hindi nila dapat agad-agad tinatanggap ang anumang uri ng impormasyon. Sa mundo ni Satanas, nagsisinungaling ang lahat ng tao, at hindi kailanman napapanagot ang mga sinungaling. Nagsisinungaling sila at iyon na iyon. Walang sinuman sa mundong ito ang tumutuligsa sa mga kasinungalingan; walang tumutuligsa sa panlilinlang. Mahirap maarok ang puso ng tao, at sa likod ng bawat sinungaling, mayroong layon at mithiin. Halimbawa, nagpatingin ka sa doktor, at sinabi niyang, “Kailangang gamutin kaagad ang sakit mo. Kung hindi, posible itong maging kanser!” Kung matatakutin ka, masisindak ka: “Naku! Posible itong maging kanser! Gamutin natin ito kaagad!” At bilang resulta, habang mas sinusubukan mo itong gamutin, mas lumalala ito, at hahantong ka sa ospital. Ang talagang sinabi ng doktor ay posibleng maging kanser ang sakit mo, na nangangahulugang hindi pa ito kanser, subalit nagkamali ka ng pagkaintindi na dapat itong gamutin kaagad na para bang kanser ito. Hindi mo ba hinahabol ang kamatayan sa paggawa nito? Kung gagamutin mo ito bilang kanser, habang mas sinusubukan mo itong gamutin, mas bibilis kang mamamatay. Magagawa mo bang mabuhay nang mas matagal, kung gayon? (Hindi.) Sa katunayan, hindi naman kanser ang sakit mo, kaya bakit sasabihin ng doktor na kung hindi mo ito gagamutin, magiging kanser ito? Sinasabi niya ito upang perahan ka, para ipagamot mo ang sakit mo na para bang malubha ito. Kung alam mong hindi ito malubhang sakit, hindi mo ito susubukang ipagamot, at hindi niya makukuha ang pera mo. Maraming doktor na kapag nakikita ang kanilang mga pasyente, sinusunggaban nila ang mga ito, tulad ng isang demonyong sumusunggab sa isang tao, at kumakapit sila nang mahigpit at ayaw nilang bumitaw. Isa itong karaniwang paraan na ginagamit ng karamihan sa mga doktor sa kanilang mga pasyente. Nagsisimula sila sa pagsasabi sa iyo kung gaano sila kasikat, kung gaano sila kagaling sa medisina, kung gaano karaming tao na ang napagaling nila, kung anong mga sakit na ang nagamot nila, at kung gaano katagal na silang nanggagamot. Hihimukin ka nilang magtiwala sa kanila, na umupo ka nang tuwid at tanggapin ang panggagamot nila. Pagkatapos, sasabihin nila sa iyo na magkakaroon ka ng malubhang sakit, at na kung hindi ka sasailalim sa gamutan, maaari kang mamatay. Lahat ay mamamatay, ngunit ang sakit na ito ba talaga ang papatay sa iyo? Hindi tiyak na ito nga. Nasa mga kamay ng Diyos ang buhay at kamatayan ng bawat tao. Siya ang nagpapasya niyon, hindi mga doktor. Madalas na ginagamit ng mga doktor ang pakanang ito upang linlangin ang mga tao. Iyong mga matatakutin at takot sa kamatayan ay humihingi ng payong medikal kung saan-saan at hinahayaan ang mga doktor na gumawa ng mga pahayag tungkol sa kanilang kalusugan. Kung sasabihin ng doktor nila na may tsansa silang magkaroon ng kanser, paniniwalaan nila ito, at magmamadali silang ipagamot ito sa doktor, para mawala ang panganib na mamatay sila sa kanser. Hindi ba’t tinatakot lang nila ang sarili nila? (Ganoon na nga.) Ititigil na natin ngayon ang pag-uusap tungkol sa mga doktor at itutuloy ang pag-uusap tungkol kay Xiaoxiao at Xiaoji. Magkaibang-magkaiba ang kanilang mga perspektibo, pananaw, at opinyon tungkol sa lahat ng nangyayari sa paligid nila. Si Xiaoxiao ay lubos na negatibo, samantalang si Xiaoji ay nagagawang harapin nang tama ang mga bagay-bagay na sumasapit sa kanya. Taglay ni Xiaoji ang katwiran at paghusga ng normal na pagkatao at hinaharap niya ang mga bagay-bagay sa aktibong paraan. Patuloy rin niyang ginagampanan ang kanyang tungkulin. Magkaibang-magkaiba silang dalawa. Kapag may sumasapit kay Xiaoxiao, pinagpapasyahan niyang wala nang pag-asa ang sitwasyon, at padalos-dalos na kumikilos. Hindi niya hinahanap ang tamang pamamaraan at diskarte para harapin ito, at siya rin ay walang pagkakilala, naguguluhan, hangal, sutil, at mapagmatigas—at lubos pang mapaghangad ng masama. Kapag nagkakasakit siya, o kapag may nakakaharap siyang ilang suliranin, o may masamang nangyayari sa kanya, umaasa siyang mangyayari din ito sa lahat. Kinamumuhian niya ang Diyos sa hindi pagprotekta sa kanya, at nais niyang maglabas ng galit. Ngunit hindi siya nangangahas na maglabas ng galit at ibunton ito sa iba, kaya inilalabas niya ang galit niya at ibinubunton ito sa sarili niya. Hindi ba’t isa itong malupit na disposisyon? (Ganoon nga.) Ang maging mapaghinanakit, mapagpoot, at mainggitin kapag may ilang munting bagay na hindi umaayon sa gusto mo—iyan ay pagiging malupit. Kapag may sumasapit kay Xiaoji, mayroon siyang katwiran at paghusga ng normal na pagkatao. Mayroon siyang karunungan at pinipili niya ang mga dapat piliin ng isang taong may normal na pagkatao. Bagamat si Xiaoji ay may kaparehong karamdaman kay Xiaoxiao, nalutas ang problema niya sa huli, samantalang hindi kailanman nagawang lutasin ni Xiaoxiao ang problema nito, at patuloy itong lumubha at lalo pang lumala. Seryoso ang problema ni Xiaoxiao, at hindi lang ito karamdaman ng katawan—inilantad niya ang disposisyon na nasa kaibuturan ng kanyang puso; inilantad niya ang kanyang pagiging sutil, mapagmatigas, hangal, at mapaghangad ng masama. Iyon ang pinagkaiba nilang dalawa. Kung mayroon kayong mas detalyadong kaalaman at pagkaunawa sa kung paano namumuhay ang dalawang taong ito, pati na ang kanilang mga saloobin at pamamaraan sa pagharap sa mga bagay-bagay, maaari ninyong ituloy ang pagbabahaginan tungkol dito sa ibang pagkakataon, ihambing dito ang inyong sarili, at pumulot ng aral mula rito. Siyempre pa, dapat kayong pumasok sa mga bagay-bagay sa aktibong paraan, tulad ni Xiaoji. Dapat ninyong harapin nang tama ang buhay, at magsikap kayo na tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan, upang kayo ay maging mga taong naghahangad sa katotohanan. Dapat hindi kayo maging tulad ni Xiaoxiao. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Ganoon kayo dapat maghangad at magsagawa.

Ngayon, magbabalik-tanaw tayo sa pinagbahaginan natin sa ating huling pagtitipon. Pinag-usapan natin ang unang aspekto ng mga bagay na pinaniniwalaan ng mga tao sa kanilang mga kuru-kuro na tama at mabuti—mabubuting pag-uugali—at naglista tayo ng anim na halimbawa ng mabubuting pag-uugali. Ang lahat ng iyon ay mga bagay na isinusulong ng tradisyonal na kultura, at mabubuting pag-uugali na gusto ng mga tao sa kanilang tunay na buhay. Maaari ba ninyong sabihin sa Akin kung ano ang mga iyon? (Pagiging may pinag-aralan at matino, pagiging malumanay at pino, pagiging magalang, pagpipitagan sa matatanda at pag-aalaga sa mga bata, pagiging magiliw, at pagiging madaling lapitan.) Hindi na tayo nagbigay ng iba pang halimbawa. Maaaring may ilang pagkakaiba sa mga tradisyonal na kultura ng ibang mga bansa ang anim na kinatawang mabubuting pag-uugali na isinusulong ng tradisyonal na kulturang Tsino, ngunit hindi na natin ililista ang mga ito. Noong huli, pinagbahaginan at hinimay natin ang ilan sa mga partikular na nilalaman ng anim na mabubuting pag-uugaling ito. Sa pangkalahatan, hindi kinakatawan ng mga panlabas na mabubuting pag-uugaling ito ang mga positibong bagay sa pagkatao, at lalong hindi kinakatawan ng mga ito na nagbago na ang disposisyon ng isang tao—hinding-hindi pinatutunayan ng mga ito na ang isang tao ay nauunawaan ang katotohanan at isinasabuhay ang katotohanang realidad. Mga panlabas na pag-uugali lamang ang mga ito na nakikita ng tao. Sa madaling salita, ang mga ito ay mga panlabas na pagpapamalas ng tao. Mga pormalidad lamang ang mga panlabas na pagpapamalas at pagbuhos na ito na nangyayari kapag ang mga tao ay nakikipag-ugnayan, nakikisalamuha sa isa’t isa, at namumuhay kasama ang isa’t isa. Ano ang tinutukoy ng “mga pormalidad”? Tumutukoy ito sa mga pinakapaimbabaw na bagay na nagpapakalma sa mga tao kapag nakikita nila ang mga ito. Walang kinakatawan ang mga ito sa diwa ng mga tao, ni sa kanilang mga iniisip at pananaw, ni sa kanilang saloobin sa mga positibong bagay, at lalong hindi kinakatawan ng mga ito ang saloobin ng mga tao sa katotohanan. Ang mga hinihingi at pamantayan ng pagsusuri na taglay ng sangkatauhan tungkol sa mga panlabas na pag-uugali ay mga pormalidad lang na kayang maunawaan at makamit ng mga tao. Walang anumang kinalaman ang mga ito sa diwa ng tao. Gaano man tila kagiliw o kadaling lapitan ang mga tao sa panlabas, at gaano man kagusto, iginagalang, ipinagpipitagan, at sinasamba ng iba ang mga panlabas na pag-uugaling isinasabuhay nila, hindi ito nangangahulugan na mayroon silang pagkatao, ni hindi ito nangangahulugan na ang kalikasang diwa nila ay mabuti, o na mapagmahal sila sa mga positibong bagay, o na nagtataglay sila ng pagkaunawa sa katarungan, at siyempre pa, lalong hindi ito nangangahulugan na sila ay mga taong kayang hangarin ang katotohanan. Ang lahat ng mabubuting pag-uugali na ibinuod ng sangkatauhan ay ilang panlabas na pagpapamalas at mga isinabuhay na bagay lamang na isinusulong ng sangkatauhan upang maiba ito mula sa iba pang uri ng nilalang. Halimbawa, ang pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, at magalang—ipinapakita lang ng mabubuting pag-uugaling ito na ang isang tao ay medyo maayos ang asal, magalang, may pinag-aralan, at sibilisado sa panlabas, hindi tulad ng mga hayop na walang sinusunod na patakaran. Pinupunasan ng mga tao ang kanilang bibig gamit ang mga kamay nila o ang tisyu pagkatapos nilang kumain o uminom, nililinis ang kanilang sarili nang bahagya. Kung susubukan mong punasan ang bibig ng isang aso pagkatapos nitong kumain o uminom, hindi ito matutuwa. Hindi nauunawaan ng mga hayop ang gayong mga bagay. Kung gayon, bakit nauunawaan iyon ng mga tao? Dahil ang mga tao ay “matataas na uri ng hayop,” kaya dapat nilang maunawaan ang mga bagay na ito. Kaya naman, ang mabubuting pag-uugaling ito ay ang mga ginagamit lang ng tao upang kontrolin ang ugali ng biyolohikal na grupo na ang sangkatauhan, at ang ginagawa lang ng mga ito ay ang pag-ibahin ang sangkatauhan mula sa mabababang uri ng nilalang. Wala talagang kinalaman ang mga ito sa pag-asal, o sa paghahangad sa katotohanan, o sa pagsamba sa Diyos. Nangangahulugan ito na bagamat maaaring ipinamumuhay mo sa panlabas ang mga pamantayan at hinihingi ng pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, at iba pa, bagamat maaaring mayroon ka ng mabubuting pag-uugaling ito, hindi ibig sabihin nito na isa kang taong may pagkatao, o isang taong nagtataglay ng katotohanan, o isang taong natatakot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan. Hindi talaga ito nangangahulugan ng anuman sa mga bagay na iyon. Sa kabaligtaran, nangangahulugan lang ito na matapos sumailalim sa sistema ng edukasyon sa pag-uugali, at sa mga pamantayan ng kagandahang-asal, naging medyo mas disiplinado na ang iyong pananalita, mga ekspresyon ng mukha, tindig, at iba pa. Ipinapakita nito na mas nakahihigit ka sa mga hayop at may kaunting wangis ng tao—ngunit hindi nito ipinapakita na isa kang taong naghahangad sa katotohanan. Maaari pa ngang masabi na wala itong anumang kinalaman sa paghahangad sa katotohanan. Ang pagtataglay mo ng mabubuting pag-uugaling ito ay hinding-hindi nangangahulugang nagtataglay ka ng mga tamang kondisyon para sa paghahangad sa katotohanan, at lalong hindi ito nangangahulugan na nakapasok ka na sa katotohanang realidad at nakamit mo na ang katotohanan. Ganap itong hindi nagpapakita ng mga bagay na iyon.

Sinumang nakapag-alaga na ng pusa o aso ay madarama na may kung anong kaibig-ibig sa mga ito. Ang ilang pusa at aso ay talagang may mabuting asal. Kapag gusto ng ilang pusa na pumunta sa silid ng amo ng mga ito, ngumingiyaw muna ang mga ito nang ilang beses sa pinto bago pumasok. Hindi papasok ang mga ito kung walang sinasabi ang amo, papasok lang ang mga ito kapag sinabi ng amo na: “Pasok.” Kahit ang mga pusa ay nakapagsasagawa ng ganitong uri ng magandang kaugalian, marunong humingi ng pahintulot ang mga ito bago pumasok sa silid ng amo. Hindi ba’t isa iyong uri ng mabuting pag-uugali? Kung kahit na ang mga hayop ay maaaring magtaglay ng ganitong mabuting pag-uugali, gaano pa mas mataas ang mga tao kaysa sa mga hayop pagdating sa mabubuting pag-uugaling taglay nila? Ito ang pinakamababang antas ng sentido komun na dapat taglayin ng mga tao—hindi ito kailangang ituro, napakanormal na bagay nito. Maaaring madama ng mga tao na medyo naaangkop ang ganitong uri ng mabuting pag-uugali, at maaaring maging mas komportable ang pakiramdam nila dahil dito, ngunit ang pagsasabuhay ba sa mabubuting pag-uugaling ito ay kumakatawan sa kalidad o diwa ng kanilang pagkatao? (Hindi.) Hindi ito kumakatawan sa mga iyon. Mga tuntunin at pamamaraan lamang ang mga ito na dapat mayroon ang isang tao sa kanyang mga kilos—wala talagang kinalaman ang mga ito sa kalidad at diwa ng pagkatao ng isang tao. Halimbawa, ang mga pusa at aso—ano ang pagkakatulad ng mga ito? Kapag binibigyan ang mga ito ng mga tao ng makakain, nagpapahayag ng pagmamahal at pasasalamat ang mga pusa at aso. Nagtataglay ng ganitong uri ng asal ang mga ito, at nakapagpapakita ang mga ito ng ganitong uri ng pag-uugali. Ang ipinagkaiba ng mga ito ay na ang isa ay bihasa sa paghuli ng daga, habang ang isa pa ay bihasa sa pagbabantay ng bahay. Maaaring iwanan ng pusa ang amo nito anumang oras at sa anumang lugar; kapag may makakatuwaan, malilimutan at hindi papansinin ng pusa ang amo nito. Ang isang aso ay hindi kailanman iiwan ang amo nito; kung kinikilala ka nito bilang amo nito, kahit na mapalitan ang nagmamay-ari dito, makikilala ka pa rin nito at ituturing ka nitong amo. Iyon ang pagkakaiba ng mga pusa at aso, pagdating sa moral na kalidad ng pag-uugali at diwa ng mga ito. Ngayon, pag-usapan natin ang mga tao. Sa mga pag-uugali na pinaniniwalaan ng tao na mabuti, tulad ng pagiging may pinag-aralan at matino, magalang, madaling lapitan, at iba pa, bagamat may ilan na nahihigitan ang pag-uugali ng ibang nilalang—ibig sabihin, ang nagagawa ng tao ay higit sa mga kakayahan ng ibang nilalang—ang mga ito ay mga panlabas na pag-uugali at tuntunin lamang, mga pamamaraan lang ang mga ito na ang layon ay kontrolin ang pag-uugali ng mga tao at ipag-iba sila mula sa ibang uri ng nilalang. Ang pagtataglay ng mabubuting pag-uugaling ito ay maaaring magparamdam sa mga tao na naiiba sila o mas nakahihigit sila sa ibang uri ng nilalang, ngunit ang totoo, sa ilang aspekto ay umaasal ang mga tao nang mas masahol pa sa mga hayop. Halimbawa, ang pagpipitagan sa matatanda at pag-aalaga sa mga bata. Sa mundo ng mga hayop, mas mahusay ang mga lobo sa paggawa nito kaysa sa mga tao. Sa isang pangkat ng mga lobo, ang isang batang lobo ay aalagaan ng mga lobong nasa hustong gulang na, kanino man itong anak. Hindi nila ito aapihin o sasaktan. Nabibigo ang tao na gawin ito, at sa aspektong ito, mas masahol pa ang sangkatauhan sa isang pangkat ng mga lobo. Anong uri ng pagpipitagan sa matatanda at pag-aalaga sa mga bata ang taglay ng sangkatauhan? Tunay bang may kakayahan ang mga tao na matamo ito? Karamihan sa mga tao ay walang kakayahang “alagaan ang mga bata,” hindi nagtataglay ang mga tao ng gayong uri ng mabuting pag-uugali, na nangangahulugang hindi sila nagtataglay ng ganoong uri ng pagkatao. Halimbawa: Kapag ang isang bata ay kasama ng kanyang mga magulang, medyo magiging magiliw at madaling lapitan ang mga tao kapag nakikipag-usap sa batang iyon—ngunit kapag wala roon ang mga magulang ng batang iyon, lumalabas ang malademonyong katangian ng mga tao. Kung kakausapin sila ng bata, hindi nila ito papansinin, o maiirita pa nga sila sa bata at aabusuhin ito. Napakasama nila! Sa maraming bansa sa mundo, pangkaraniwan ang child trafficking—isa itong pandaigdigang problema. Kung ang mga tao ay hindi man lang nagtataglay ng mabuting pag-uugali ng pagpipitagan sa matatanda at pag-aalaga sa mga bata, at wala silang nadaramang kirot ng konsensiya kapag nang-aapi sila ng mga bata, sabihin ninyo sa Akin, anong uri ng pagkatao iyon? Nagkukunwari pa rin silang iginagalang nila ang matatanda at inaalagaan ang mga bata, ngunit pagpapanggap lang ito. Bakit Ko ibinibigay ang halimbawang ito? Dahil kahit na isinulong ng sangkatauhan ang mabubuting pag-uugaling ito at iminungkahi ang mga hinihingi at pamantayang ito para sa pag-uugali ng mga tao, hinding-hindi mababago ang tiwaling diwa ng tao, may kakayahan man ang mga tao na matamo ang mga ito o wala, o gaano man karaming mabubuting pag-uugali ang taglay nila. Ang pamantayan para sa pagtingin ng tao sa mga tao at bagay, at para sa kanyang asal at mga kilos, ay ganap na umuusbong mula sa mga isip at pananaw ng tiwaling sangkatauhan, at natutukoy ang mga ito ng mga tiwaling disposisyon. Bagamat kinikilalang mabuti at matataas na pamantayan ang mga hinihingi at pamantayan na isinulong ng sangkatauhan, may kakayahan ba ang mga tao na matamo ang mga ito? (Wala.) Problema iyon. Kahit na ang isang tao ay kumikilos nang medyo mas mabuti sa panlabas, at ginagantimpalaan at kinikilala siya para dito, iyon din ay nahahaluan ng pagkukunwari at panlilinlang, dahil tulad ng kinikilala ng lahat, madali lang ang gumawa ng kaunting kabutihan—ang mahirap ay ang gumawa ng mabuti nang habambuhay. Kung tunay siyang mabuting tao, bakit napakahirap para sa kanya na gumawa ng mabubuting bagay? Kaya, walang tao ang kayang ipamuhay ang tinatawag na mga “mabuti” at kinikilalang pamantayan ng sangkatauhan. Ito ay pawang pagmamayabang, pandaraya, at kathang-isip. Kahit na kayang tuparin ng mga tao sa panlabas ang ilan sa mga pamantayang ito at magtaglay ng kaunting mabuting pag-uugali—tulad ng pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, magalang, pagpipitagan sa matatanda at pag-aalaga sa mga bata, pagiging magiliw, at madaling lapitan—bagamat nagagawa at taglay ng mga tao ang ilan sa mga bagay na ito, ito ay sa maikling panahon lang, sa pansamantala, o sa lumilipas na sitwasyon. Taglay lang nila ang mga pagpapamalas na ito kapag kailangan. Sa sandaling may kumanti sa kanilang katayuan, pagpapahalaga sa sarili, kayamanan, mga interes, o maging sa kanilang kapalaran at mga inaasam, lalabas ang kanilang likas na pagkatao at mabangis na kalooban. Hindi na sila magmumukhang may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, magalang, mapitagan sa matatanda at maalaga sa mga bata, magiliw, o madaling lapitan. Sa halip, makikipaglaban at magpapakana sila laban sa isa’t isa, susubukan nilang linlangin ang isa’t isa, pinaparatangan at pinapatay ang isa’t isa. Napakadalas mangyari ng gayong mga bagay—alang-alang sa kanilang mga interes, katayuan, o awtoridad, ang magkakapatid, magkakamag-anak, at kahit ang mag-aama ay susubukang patayin ang isa’t isa hanggang sa isa na lang sa kanila ang matirang buhay. Kitang-kita ang miserableng sitwasyon na umiiral sa pagitan ng mga tao. Iyon ang dahilan kung bakit ang pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, magalang, pagpipitagan sa matatanda at pag-aalaga sa mga bata, pagiging magiliw, at madaling lapitan ay matatawag lang na mga produkto ng mga nakalipas na sitwasyon. Walang tao ang tunay na makapagsasabuhay ng mga ito—kahit ang mga pantas at dakilang taong sinasamba ng mga Tsino ay walang kakayahang isabuhay ang mga ito. Kaya pawang kakatwa ang mga turo at teoryang ito. Puro kahibangan ang lahat ng ito. Ang mga taong naghahangad sa katotohanan ay nalulutas ang mga usaping may kaugnayan sa kanilang mga personal na interes ayon sa mga salita ng Diyos, at na ang pamantayan ay ang katotohanan, at naisasagawa nila ang katotohanan at nakapagpapasakop sila sa Diyos. Sa ganitong paraan, nahihigitan ng taglay nilang katotohanang realidad ang mga pamantayan para sa mabuting pag-uugali na kinikilala ng sangkatauhan. Ang mga hindi naghahangad sa katotohanan ay hindi makalalampas sa harang ng mga sarili nilang interes, at dahil dito, hindi nila maisasagawa ang katotohanan. Ni hindi nila maitaguyod ang mga tuntunin na tulad ng mabubuting pag-uugali. Ano, kung gayon, ang batayan at pamantayan para sa kanilang pagtingin sa mga tao at bagay, at para sa kanilang asal at mga kilos? Tiyak na mga tuntunin at doktrina lang ang mga ito, mga pilosopiya at batas ni Satanas, at hindi ang katotohanan sa mga salita ng Diyos. Ito ay dahil hindi tinatanggap ng mga taong iyon ang katotohanan, at iniingatan lang nila ang kanilang mga sariling interes, kaya natural na hindi nila maisagawa ang katotohanan. Ni hindi sila makapagtaguyod ng mabubuting pag-uugali—sinusubukan nilang pekein ito, ngunit hindi nila mapanindigan ang kanilang mga pagpapanggap. Dahil dito, nabubunyag nila ang tunay nilang kulay. Para sa kanilang mga sariling interes, magpupumiglas, mang-aagaw, at magnanakaw sila, magpapakana, at manlilinlang sila, parurusahan nila ang iba, at papatay pa nga sila ng tao. Kaya nilang gawin ang lahat ng malulupit na bagay na ito—hindi ba’t nabunyag doon ang kanilang likas na pagkatao? At kapag nabubunyag ang kanilang likas na pagkatao, madaling nakikita ng iba ang mga layon at batayan para sa kanilang mga salita at kilos; nakikita ng iba na ang mga taong iyon ay ganap na namumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, na ang batayan para sa kanilang pagtingin sa mga tao at bagay, at para sa kanilang asal at mga kilos, ay ang mga pilosopiya ni Satanas. Halimbawa: “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Pera ang nagpapaikot sa mundo,” “Kung may buhay, may pag-asa,” “Gaya ng hindi maginoo ang lalaking may makitid na pag-iisip, dapat maging malupit ang isang tunay na lalaki,” “Kung hindi ka mabait, hindi ako magiging patas,” “Igigisa ka sa sarili mong mantika,” at iba pa—ang mga satanikong linya ng lohika at mga batas na ito ang namamayani sa loob ng mga tao. Kapag ang mga tao ay namumuhay ayon sa mga bagay na ito, ang mabubuting pag-uugali na tulad ng pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, magalang, pagpipitagan sa matatanda at pag-aalaga sa mga bata, at iba pa, ay nagiging mga maskara na ginagamit ng mga tao upang magbalat-kayo, nagiging pagpapanggap ang mga ito. Bakit nagiging pagpapanggap ang mga ito? Dahil ang pundasyon at mga batas na talagang ipinamumuhay ng mga tao ay mga bagay na ikinintal ni Satanas sa tao, at hindi ang katotohanan. Kaya naman, ang pinakapangunahing konsensiya at moralidad ng tao ay walang epekto sa isang taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Kapag may nangyari na konektado sa kanyang mga interes, lalabas ang tunay niyang pagkatao, at sa oras na iyon ay makikita ng mga tao ang tunay niyang mukha. Gulat na sasabihin ng mga tao, “Pero hindi ba’t karaniwan ay labis siyang malumanay, magalang, at maginoo? Bakit kaya kapag may sumasapit sa kanya, tila ganap siyang nagiging ibang tao?” Sa katunayan, hindi nagbago ang taong iyon; noon lang talaga nalantad at nabunyag ang kanyang tunay na pagkatao. Kapag walang kinalaman sa kanyang mga interes ang mga bagay-bagay at bago maging agresibo ang mga ito, lahat ng ginagawa niya ay panlilinlang at pagpapanggap. Ang mga batas at batayan ng kanyang pag-iral na inilalantad niya kapag naaapektuhan o nanganganib ang kanyang mga interes, at kapag tumitigil siyang magpanggap, ay ang kanyang likas na pagkatao, ang kanyang diwa, at ang tunay na siya. Kaya naman, anumang uri ng mabubuting pag-uugali ang taglay ng isang tao—gaano man kamukhang walang kapintasan para sa ibang tao ang kanyang panlabas na pag-uugali—hindi ito nangangahulugan na isa siyang taong naghahangad sa katotohanan at nagmamahal sa mga positibong bagay. Kahit papaano, hindi ito nangangahulugang mayroon siyang normal na pagkatao, at lalong hindi ito nangangahulugang mapagkakatiwalaan siya o marapat na makaugnayan.

Sa mabubuting pag-uugali, ginawa nating halimbawa ang pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, magalang, pagpipitagan sa matatanda at pag-aalaga sa mga bata, pagiging magiliw, at madaling lapitan. Gagamitin na nating halimbawa ngayon ang pagpipitagan sa matatanda at pag-aalaga sa mga bata, at pagbabahaginan natin ito nang detalyado. Napakanormal na pangyayari sa buhay ng tao ang pagpipitagan sa matatanda at pag-aalaga sa mga bata. Maaari pa nga itong makita sa ilang populasyon ng hayop, kaya natural na mas dapat itong makita sa mga tao, na nagtataglay ng konsensiya at katwiran. Dapat ay masunod ng mga tao ang pag-uugaling ito nang mas mahusay, mas kongkreto, at mas praktikal kaysa sa ibang nilalang, sa halip na mapagpaimbabaw lang itong sundin. Dapat ay mas mahusay ang mga tao kaysa sa iba pang nilalang sa pagsunod sa mabuting pag-uugali na ito ng pagpipitagan sa matatanda at pag-aalaga sa mga bata, dahil nagtataglay ang mga tao ng konsensiya at katwiran, na hindi taglay ng iba pang nilalang. Dapat maipakita ng mga tao, sa kanilang pagsunod sa mabuting pag-uugaling ito, na ang pagkatao nila ay nakahihigit sa diwa ng iba pang nilalang, na naiiba ang pagkatao nila. Ngunit ginagawa ba talaga ito ng mga tao? (Hindi.) Ginagawa ba ito ng mga taong may pinag-aralan at kaalaman? (Hindi rin.) Isantabi natin ang mga pangkaraniwang tao at pag-usapan ang mga aktibidad ng mga nakatataas na uri, at ang mga aktibidad ng mga maharlika. Sa kasalukuyan, may ilang bansa ang gumagawa ng maraming drama na tungkol sa palasyo, na naglalantad ng maraming nakaliligalig na kuwento tungkol sa mga maharlikang pamilya. Ang mga nasa palasyo at ang mga pangkaraniwang tao ay magkakatulad sa kanilang labis na pagpapahalaga sa mga herarkiya ng senyoridad. Ang mga nasa maharlikang pamilya ay nagkaroon ng mas malalim at mas partikular na edukasyon tungkol sa mabuting pag-uugali ng pagpipitagan sa matatanda at pag-aalaga sa mga bata kaysa sa mga pangkaraniwang tao, at ang mga nakababatang henerasyon sa mga maharlikang pamilya ay mas mahusay sa pagiging may respeto at magalang sa kanilang mga nakatatanda kaysa sa mga pangkaraniwang tao—kinasasangkutan ito ng maraming magandang kaugalian. Pagdating sa pagpipitagan sa matatanda at pag-aalaga sa mga bata, ang mga nasa maharlikang pamilya ay talagang may mataas na hinihingi para sa aspektong ito ng mabuting pag-uugali, na dapat nilang mahigpit na sundin. Sa panlabas, mukha silang sumusunod sa hinihingi na pagpipitagan sa matatanda at pag-aalaga sa mga bata ng tradisyonal na kultura, gaya ng ginagawa ng mga pangkaraniwang tao—gayunpaman, gaano man kahusay o kaangkop nila itong ginagawa, gaano man sila kamukhang disente at hindi mapipintasan, sa likod ng pagkukunwaring ito ng walang kapintasang pag-uugali ay nakatago ang lahat ng uri ng pagpapalipat-lipat ng kapangyarihan at pagpapaligsahan ng iba’t ibang puwersa. Sa pagitan ng mga anak at ama, mga apo at lolo, mga alila at panginoon, mga ministro at monarkiya—sa panlabas, lahat sila ay mukhang sumusunod sa pinakapundamental na pamantayan para sa pag-uugali: pagpipitagan sa matatanda at pag-aalaga sa mga bata. Ngunit dahil sangkot ang lahat ng awtoridad ng monarkiya at ang iba’t ibang puwersa, wala talagang silbi ang panlabas na pag-uugaling ito. Ganap itong walang kakayahang makaapekto sa huling resulta ng pagpapalipat-lipat ng kapangyarihan ng monarkiya at ng pagpapaligsahan ng iba’t ibang puwersa. Natural na ang ganitong uri ng mabuting pag-uugali ay talagang walang kakayahang pigilan ang sinumang nagnanasa sa trono o may mga ambisyon para sa kapangyarihan. Ang mga pangkaraniwang tao ay itinataguyod ang tuntunin ng pagpipitagan sa matatanda at pag-aalaga sa mga bata, na ipinasa sa kanila ng kanilang mga ninuno. Sila rin ay namumuhay sa gitna ng mga pagpipigil ng tuntuning ito. Gaano man karaming interes ang nagsasalubong, o anumang tunggalian ang lumilitaw kapag nagbabanggaan ang mga interes na iyon, nagagawa pa rin ng mga pangkaraniwang tao na mamuhay nang magkasama pagkatapos. Ngunit iba ang mga bagay-bagay sa loob ng mga maharlikang pamilya, dahil mas matindi ang kanilang mga interes at labanan sa kapangyarihan. Naglalabanan sila nang naglalabanan, at ang kinalalabasan sa huli ay nagiging hari ang mga nananalo at nagiging kriminal ang mga natatalo—kung hindi mamamatay ang isang partido, iyong isa naman ang mamamatay. Itinataguyod ng lahat ng nananalo at natatalo ang tuntuning ito ng pagpipitagan sa matatanda at pag-aalaga sa mga bata, ngunit dahil ang bawat isa ay may iba’t ibang antas ng kapangyarihan at may iba’t ibang pagnanasa at ambisyon, o dahil sa mga pagkakaiba sa pagitan ng lakas ng bawat partido, nakakaligtas ang ilan sa huli, habang ang iba ay napupuksa. Ano ang nagtatakda nito? Itinatakda ba ito ng tuntuning pagpipitagan sa matatanda at pag-aalaga sa mga bata? (Hindi.) Kung gayon, ano ang nagtatakda nito? (Ang satanikong kalikasan ng tao.) Ano ang ibig Kong sabihin sa lahat ng ito? Ang ibig Kong sabihin, ang mga tuntuning ito, ang kakaiba at diumano’y mabubuting pag-uugali ng sangkatauhan, ay walang anumang maitatakda. Ang landas na tinatahak ng isang tao ay ni hindi naitatakda ng kung siya ay may pinag-aralan at matino, magiliw, o mapagpitagan sa matatanda at maalaga sa mga bata pagdating sa kanyang panlabas na pag-uugali, itinatakda ito ng kalikasan ng tao. Sa madaling salita, hindi isinusulong ng sambahayan ng Diyos ang mga pahayag na ito tungkol sa mabuting pag-uugali na nagmula sa sangkatauhan. Ang mga pag-uugaling ito na itinuturing ng tao na mabuti ay isang uri lang ng mabuting pag-uugali at pagpapamalas; ang mga ito ay hindi kumakatawan sa katotohanan, at kung may isang taong nagtataglay ng mabubuting pag-uugali at mga pagpapamalas na ito, hindi ito nangangahulugan na isinasagawa niya ang katotohanan, lalong hindi ito nangangahulugan na hinahangad niya ang katotohanan.

Dahil ang mga pag-uugaling ito, na pinaniniwalaan ng tao na mabuti, ay hindi nagmumula sa Diyos, at hindi rin isinusulong ng Kanyang sambahayan ang mga ito, at lalong hindi alinsunod sa Kanyang mga layunin ang mga ito, at dahil salungat ang mga ito sa mga salita ng Diyos at sa mga hinihingi na ipinapanukala Niya, mayroon din bang ilang hinihingi ang Diyos para sa pag-uugali ng sangkatauhan? (Mayroon.) Ang Diyos ay may mga ipinanukala ring ilang pahayag tungkol sa pag-uugali ng mga mananampalataya na sumusunod sa Kanya. Iba ang mga ito sa mga hinihingi ng Diyos sa tao patungkol sa katotohanan, at medyo mas simple ang mga ito, ngunit naglalaman ang mga ito ng ilang partikular na bagay. Ano ang mga hinihingi ng Diyos sa mga sumusunod sa Kanya? Halimbawa, ang pagtataglay ng banal na kawastuhan ng asal—hindi ba’t iyon ay isang hinihingi para sa pag-uugali ng tao? (Ganoon na nga.) Nariyan din ang pagiging hindi talipandas, hindi napipigilan, hindi pagsusuot ng kakatwang kasuotan, hindi paninigarilyo o pag-inom, hindi pananakit o berbal na mang-abuso ng iba, gayundin ang hindi pagsamba sa mga diyos-diyosan, paggalang sa mga magulang, at iba pa. Mga hinihingi sa pag-uugali ang lahat ng ito na ipinapanukala ng Diyos sa Kanyang mga tagasunod. Ang mga ito ang mga pinakabatayang hinihingi at hindi dapat balewalain ang mga ito. May mga partikular na hinihingi ang Diyos para sa pag-uugali ng mga sumusunod sa Kanya, at naiiba ang mga ito sa mabubuting pag-uugaling ipinapanukala ng mga walang pananampalataya. Ang mabubuting pag-uugali na iminumungkahi ng mga walang pananampalataya ay ginagawa lang na mas matataas na hayop ang mga tao, ibinubukod sila mula sa ibang mas mababang hayop. Samantalang dahil sa mga hinihingi ng Diyos sa Kanyang mga tagasunod, sila ay nagiging iba sa mga walang pananampalataya, sa mga taong hindi naniniwala sa Diyos. Ang mga ito ay hindi tungkol sa pagiging naiiba sa mga hayop. Noon, mayroon ding usapan tungkol sa “pagpapabanal.” Isa itong medyo eksaherado at hindi tumpak na paraan ng pananalita, ngunit nagpanukala ang Diyos ng ilang hinihingi para sa Kanyang mga tagasunod patungkol sa kanilang pag-uugali. Sabihin ninyo sa Akin, anu-ano ang mga iyon? (Ang magtaglay ng banal na kawastuhan ng asal, ang hindi maging talipandas, maging napipigilan, huwag magsuot ng kakatwang kasuotan, huwag manigarilyo o uminom, huwag manakit o berbal na mang-abuso ng iba, huwag sumamba sa mga diyos-diyosan, at igalang ang mga magulang.) Ano pa, bukod sa mga iyon? (Ang huwag lustayin ang mga pag-aari ng iba, huwag magnakaw, huwag magbigay ng huwad na patotoo, huwag makiapid.) Kasama rin ang mga iyon. Bahagi ang mga ito ng batas, ang mga ito ay ilang hinihingi na ipinanukala ng Diyos tungkol sa pag-uugali ng sangkatauhan sa pinakasimula, at nananatiling totoo at praktikal ang mga ito sa kasalukuyan. Ginagamit ng Diyos ang mga hinihinging ito para pangasiwaan ang pag-uugali ng Kanyang mga tagasunod, ibig sabihin, ang mga panlabas na pag-uugaling ito ang palatandaan ng mga sumusunod sa Diyos. Kung taglay mo ang mga pag-uugali at pagpapamalas na ito, kapag tumingin sa iyo ang iba, malalaman nila na mananampalataya ka sa Diyos, kung gayon, kahit papaano ay sasang-ayunan at hahangaan ka nila. Sasabihin nila na nagtataglay ka ng banal na kawastuhan ng asal, na mukha kang mananampalataya sa Diyos, at hindi tulad ng isang walang pananampalataya. Ang ilang tao na sumampalataya sa Diyos ay nananatiling katulad ng mga walang pananampalataya, na madalas na naninigarilyo, umiinom, nakikipag-away, at nakikipagbugbugan. May ilan pa ngang nakikiapid at nagnanakaw. Kahit ang kanilang pag-uugali ay walang kontrol, at hindi sila sumusunod sa mga salita ng Diyos, at kapag nakikita sila ng isang walang pananampalataya, sinasabi nito, “Talaga bang mananampalataya sila sa Diyos? Bakit katulad lang sila ng mga taong hindi nananalig sa Diyos?” Hindi hinahangaan o pinagkakatiwalaan ng iba ang taong iyon, kaya kapag sinusubukan ng taong iyon na ipalaganap ang ebanghelyo, hindi ito tinatanggap ng mga tao. Kung nagagawa ng isang tao ang hinihingi ng Diyos sa tao, isa siyang taong nagmamahal sa mga positibong bagay, busilak ang kanyang puso, at nagtataglay siya ng normal na pagkatao. Naisasagawa ng gayong tao ang mga salita ng Diyos pagkarinig na pagkarinig niya sa mga ito, at walang pagkukunwari sa isinasagawa niya, dahil sa pinakamababa, kumilos siya sa ganoong paraan batay sa kanyang konsensiya at katwiran. Sa anong paraan naiiba ang mga partikular na hinihingi ng Diyos sa tao mula sa mabubuting pag-uugali na isinusulong ng sangkatauhan? (Ang mga hinihingi ng Diyos sa tao ay talagang praktikal, mabibigyang-kakayahan ng mga ito ang mga tao na ipamuhay ang normal na pagkatao, samantalang ang hinihingi lang ng tradisyonal na kultura ay ang ilang pag-uugaling pakitang-tao, na walang totoong silbi.) Tama iyan. Ang mabubuting pag-uugaling hinihingi sa tao ng tradisyonal na kultura ay pawang huwad at pagbabalat-kayo. Peke ang mga ito. Maaaring nagsasabi ng magagandang salita ang mga taong sumusunod sa mga ito, ngunit sa loob-loob nila, ibang-iba ang mga bagay-bagay. Ang mabubuting pag-uugaling ito ay isang maskara, isang ilusyon. Ang mga ito ay hindi mga bagay na lumalabas mula sa diwa ng pagkatao ng isang tao, mga balatkayo ang mga ito na isinusuot ng isang tao alang-alang sa kanyang pagpapahalaga sa sarili, para sa kanyang reputasyon at katayuan. Palabas lang ang mga ito, isang uri ng mapagpaimbabaw na pamamaraan, isang bagay na sadyang ginagawa ng isang tao para makita ng iba. Kung minsan, hindi matukoy ng mga tao kung totoo ba o peke ang pag-uugali ng isang tao, pero sa paglipas ng panahon, makikita ng lahat ang tunay na kulay ng taong iyon. Kagaya lang ito ng sa mga mapagpaimbabaw na Pariseo, na may napakaraming panlabas na mabubuting pag-uugali at napakaraming pagpapamalas ng kanilang diumano’y debosyon, subalit nang pumarito ang Panginoong Jesus upang ipahayag ang katotohanan at gawin ang gawain ng pagtutubos, kinondena at ipinako nila sa krus ang Panginoong Jesus, dahil tutol sila sa katotohanan at napopoot dito. Ipinapakita nito na ang mabubuting pag-uugali at mga panlabas na pamamaraan ng mga tao ay hindi kumakatawan sa kanilang kalikasang diwa. Walang kinalaman ang mga ito sa kalikasang diwa ng mga tao. Samantala, ang mga tuntunin na hinihingi ng Diyos na tuparin ng tao ay maaaring isagawa at talagang ipamuhay, basta’t ang isang tao ay tunay na nananalig sa Diyos at nagtataglay ng konsensiya at katwiran. Dapat mong gawin ang mga bagay na ito, ginagawa mo man ang mga ito sa harap ng iba o kapag nakatalikod sila; anuman ang iyong pagkataong diwa, dapat mong tuparin ang mga hinihinging ito na ipinanukala ng Diyos. Dahil sumusunod ka sa Diyos, dapat kang magtimpi at magsagawa ayon sa Kanyang mga salita, gaano man kalubha ang iyong tiwaling disposisyon. Pagkatapos ng isang panahon ng gayong karanasan, magkakaroon ka ng tunay na pagpasok, at tunay kang magbabago. Totoo ang tunay na pagbabagong iyon.

Magbuod tayo nang mabilisan: Ano ang mga hinihingi ng Diyos para sa pag-uugali ng mga tao? Dapat manatiling maprinsipyo at matimpiin ang mga tao, at dapat silang mamuhay nang may dignidad, nang sa gayon ay irespeto sila ng iba, nang walang anumang pagkukunwari. Ito ang mga hinihinging pag-uugali ng Diyos sa tao. Nangangahulugan ito na ang isang tao ay dapat na magsagawa sa ganitong paraan at magtaglay ng ganitong uri ng realidad, nasa presensya man siya ng iba o wala, o anumang kapaligiran ang kinaroroonan niya, o sinuman ang nakakaharap niya. Dapat taglayin ng mga normal na tao ang mga realidad na ito; ito ang pinakamababang dapat gawin ng isang tao kaugnay ng kanyang pag-asal. Halimbawa, sabihin na may isang taong nagsasalita nang napakalakas, ngunit hindi siya berbal na nang-aabuso ng iba o gumagamit ng masasamang salita, at ang sinasabi niya ay totoo at tumpak, at hindi niya inaatake ang ibang tao. Kahit na sabihin ng taong iyon na masama o walang kuwenta ang isang tao, totoo ito. Bagamat hindi umaayon ang kanyang mga panlabas na salita at kilos sa mga hinihingi ng pagiging magiliw o malumanay at pino na ipinanukala ng mga walang pananampalataya, ang nilalaman ng kanyang sinasabi, at ang mga prinsipyo at batayan ng kanyang pananalita ay tinutulutan siyang mamuhay nang may dignidad at integridad. Iyon ang ibig sabihin ng pagiging maprinsipyo. Hindi siya nagsasalita nang walang ingat tungkol sa mga bagay na hindi niya alam, at hindi rin niya basta-bastang hinuhusgahan ang mga taong hindi niya malinaw na makilatis. Kahit na hindi siya mukhang lubos na malumanay sa panlabas, at hindi niya natutugunan ang pamantayan sa pag-uugali ng pagiging sibilisado at pagsunod sa mga tuntunin na sinasabi ng mga walang pananampalataya, dahil siya ay may-takot-sa-Diyos na puso, at mapagtimpi siya sa salita at gawa, ang isinasabuhay niya ay higit pa sa mga pag-uugali ng pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, at magalang, na sinasabi ng sangkatauhan. Hindi ba’t pagpapamalas ito ng pagiging matimpiin at maprinsipyo? (Ganoon nga.) Ano’t anuman, kung titingnan ninyo nang mabuti ang mga hinihingi ng mabuting pag-uugali na ipinapanukala ng Diyos para sa Kanyang mga mananampalataya, alin sa mga ito ang hindi kongkretong tuntunin tungkol sa kung ano ang dapat na praktikal na ipamuhay ng mga tao? Alin sa mga ito ang humihiling sa mga tao na magbalatkayo? Wala sa mga ito, hindi ba? Kung mayroon kayong anumang pagdududa, maaari ninyong sabihin ang mga ito. Halimbawa, maaaring sabihin ng ilan, “Kapag sinasabi ng Diyos na huwag manakit o berbal na mang-abuso ng ibang tao, parang medyo kabulaanan ito, dahil may mga tao ngayon na kung minsan ay berbal na nang-aabuso ng iba, at hindi sila kinokondena ng Diyos.” Kapag sinasabi ng Diyos na huwag berbal na mang-abuso ng ibang tao, ano ang tinutukoy ng “berbal na pang-aabuso”? (Kapag nagbubulalas ang isang tao ng kanyang mga damdamin dahil sa kanyang tiwaling disposisyon.) Ang pagbubulalas ng damdamin, bulgar na pagsasalita—iyon ang berbal na pang-aabuso. Kung hindi maganda ang sinabi tungkol sa isang tao, ngunit umaayon ito sa kanyang tiwaling diwa, hindi iyon berbal na pang-aabuso. Halimbawa, maaaring may isang taong gumambala at gumulo sa gawain ng iglesia at gumawa ng maraming kasamaan, at sinabi mo sa taong ito, “Napakarami mong nagawang kasamaan. Tampalasan ka—hindi ka tao!” Maituturing ba iyon na berbal na pang-aabuso? O pagbuhos ng tiwaling disposisyon? O pagbubulalas ng damdamin? O hindi pagtataglay ng banal na kawastuhan ng asal? (Naaayon ito sa mga katunayan, kaya hindi ito maituturing na berbal na pang-aabuso.) Tama iyan, hindi ito maituturing na berbal na pang-aabuso. Alinsunod ito sa mga katunayan—ang mga salitang ito ay totoo, sinabi nang may katapatan, at walang nakakubli o nakatago. Maaaring hindi ito nakaayon sa pagiging may pinag-aralan at matino o malumanay at pino, ngunit umaayon naman ito sa mga katunayan. Ang taong napagsabihan ay ikukumpara ang kanyang sarili sa mga salitang iyon at susuriin ang sarili niya, at makikita niya na napagsabihan siya dahil may ginawa siyang mali at gumawa siya ng napakaraming kasamaan. Kapopootan niya ang sarili, iisipin na, “Wala talaga akong kuwenta! Barubal na tao lang ang makakagawa ng ginawa ko—hindi ako tao! Tama at mabuti lang na pinagsabihan niya ako nang ganoon!” Pagkatapos itong tanggapin, magkakamit siya ng kaunting kaalaman tungkol sa kanyang kalikasang diwa, at pagkatapos ng isang panahon ng karanasan at pagdanas, tunay siyang magsisisi. Sa hinaharap, marunong na siyang hanapin ang mga prinsipyo habang ginagampanan ang kanyang tungkulin. Hindi ba’t natauhan siya nang mapagsabihan siya? Kung gayon, hindi ba’t may kaibahan sa pagitan ng gayong pagsasabi at ng “berbal na pang-aabuso” sa hinihingi ng Diyos na huwag berbal na mang-abuso ang mga tao? (May kaibahan nga.) Ano ang kaibahan? Ano ang ibig sabihin ng “berbal na pang-aabuso” sa hinihingi ng Diyos na huwag berbal na mang-abuso ang mga tao? Ang isang aspekto nito ay na kung ang nilalaman at mga salita ay garapal, hindi maganda iyon. Ayaw ng Diyos na makarinig ng anumang bulgar na salita mula sa bibig ng Kanyang mga tagasunod. Ayaw Niyang marinig ang mga salitang iyon. Ngunit kung may ginamit na ilang hindi magandang salita habang naglalantad ng mga katunayan, may mga eksepsyon para sa mga ganoong sitwasyon. Hindi iyon berbal na pang-aabuso. Ang isa pang aspekto ay: ano ang diwa ng pag-uugali ng berbal na pang-aabuso? Hindi ba’t pagbubulalas ito ng init ng ulo? Kung maipapaliwanag naman ang isang problema nang malinaw at klaro sa pamamagitan ng normal na pagbabahagi, pagpapayo, at pakikipag-usap, bakit pa berbal na aabusuhin ang isang tao? Hindi magandang gawin ito, hindi ito naaangkop. Kung ikukumpara sa mga positibong pamamaraan na iyon, hindi normal na gawin ang berbal na pang-aabuso. Pagbubulalas ito ng mga damdamin at pagbubunyag ng pagiging mainitin ng ulo, at ayaw ng Diyos na gamitin ng mga tao ang pagbubulalas ng kanilang mga damdamin o paglalabas ng init ng ulo bilang paraan ng pagharap sa anumang uri ng bagay. Kapag naglalabas ng init ng ulo at nagbubulalas ng mga damdamin ang mga tao, ang pag-uugali na madalas nilang ipinapakita ay ang paggamit ng wika upang berbal na mang-abuso at mang-atake. Sasabihin nila ang anumang pinakahindi kanais-nais, at sasabihin nila ang anumang makakasakit sa ibang tao at makapagpapahupa ng sarili nilang galit. At kapag tapos na sila, hindi lang nila nadungisan at nasaktan ang ibang tao—nadungisan at nasaktan din nila ang kanilang sarili. Hindi ito ang saloobin o pamamaraan na dapat gamitin ng mga tagasunod ng Diyos sa pagharap sa mga bagay-bagay. Dagdag pa rito, ang mga tiwaling tao ay palaging nag-iisip ng paghihiganti, ng pagbubulalas ng mga damdamin at kawalang-kasiyahan, ng paglalabas ng init ng ulo. Gusto nilang palaging berbal na abusuhin ang iba, at kapag may mga nangyayari, malaki o maliit man na pangyayari, ang pag-uugali na agad nilang ipinapakita ay berbal na pang-aabuso. Kahit na alam nilang hindi malulutas ng ganoong pag-uugali ang isyu, ginagawa pa rin nila ito. Hindi ba’t isa iyong satanikong pag-uugali? Gagawin pa nga nila ito kapag mag-isa sila sa kanilang tahanan, kapag walang makaririnig sa kanila. Hindi ba’t pagbubulalas iyon ng mga damdamin? Hindi ba’t paglalantad iyon ng pagiging mainitin ng ulo? (Ganoon na nga.) Sa pangkalahatan, ang ibig sabihin ng paglalantad ng pagiging mainitin ng ulo at pagbubulalas ng mga damdamin ay paggamit ng pagiging mainitin ng ulo bilang paraan ng pagharap at pangangasiwa sa isang bagay; ang ibig sabihin nito ay pagharap sa lahat ng usapin nang may mainit na ulo, at ang isang pag-uugali at pagpapamalas niyon ay berbal na pang-aabuso. Dahil iyon ang diwa ng berbal na pang-aabuso, hindi ba’t isang mabuting bagay na hinihingi ng Diyos na huwag iyong gawin ng tao? (Mabuti nga.) Hindi ba’t makatwiran na hinihingi ng Diyos sa tao na huwag berbal na mang-abuso ng iba? Hindi ba’t kapaki-pakinabang ito sa tao? (Kapaki-pakinabang nga.) Sa huli, ang mithiin ng hinihingi ng Diyos na hindi dapat manakit o berbal na mang-abuso ng iba ang tao ay upang magtimpi ang mga tao, at pigilan sila sa palaging pamumuhay sa gitna ng kanilang mga damdamin at init ng ulo. Anuman ang sabihin nila kapag berbal nilang inaabuso ang isang tao, ang bagay na lumalabas sa mga taong namumuhay sa gitna ng kanilang mga damdamin at init ng ulo ay isang tiwaling disposisyon. Anong tiwaling disposisyon iyon? Sa pinakamababa, ito ay isang disposisyon ng kalupitan at kayabangan. Layunin ba ng Diyos na malutas ang anumang problema sa pamamagitan ng paglalabas ng tiwaling disposisyon? (Hindi.) Ayaw ng Diyos na gumamit ang Kanyang mga tagasunod ng mga ganoong pamamaraan para harapin ang anuman sa mga bagay na nangyayari sa paligid nila. Ang implikasyon nito ay na ayaw ng Diyos kapag hinaharap ng mga tao ang lahat ng bagay na nangyayari sa paligid nila sa pamamagitan ng pananakit at berbal na pang-aabuso sa iba. Hindi mo malulutas ang anumang problema sa pamamagitan ng berbal na pang-aabuso sa mga tao, at ang paggawa niyon ay nakakaapekto sa iyong abilidad na kumilos ayon sa mga prinsipyo. Ni hindi man lang ito isang positibong pag-uugali, hindi rin ito isang pag-uugali na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. Iyon ang dahilan kung bakit hinihingi ng Diyos sa mga sumusunod sa Kanya na huwag silang manakit o berbal na mang-abuso ng iba. Sa “berbal na pang-aabuso,” mayroong mga damdamin at init ng ulo. “Mga damdamin”—ano ang partikular na tinutukoy nito? Kasama rito ang pagkapoot at mga pagsumpa, pagnanais na may masamang mangyari sa iba, pag-asam na matamo ng iba ang parusa na nararapat sa kanila ayon sa kahilingan ng isang tao, at pag-asam na humantong ang iba sa kasawian. Partikular na sinasaklaw ng mga damdamin ang mga negatibong bagay na tulad nito. Ano, kung gayon, ang ibig sabihin ng “pagiging mainitin ng ulo”? Ang ibig sabihin nito ay pagbubulalas ng isang tao ng kanyang mga damdamin gamit ang mga sukdulan, pasibo, negatibo, at masamang pamamaraan, at pag-asam na mawala ang mga bagay at tao na hindi niya gusto, o na maharap sa sakuna ang mga ito, nang sa gayon ay magalak siya sa kasawian ng mga ito, gaya ng hiniling niya. Iyon ang pagiging mainitin ng ulo. Ano ang sinasaklaw ng pagiging mainitin ng ulo? Pagkapoot, pagkasuklam, at mga pagsumpa, pati na rin ang ilang masamang hangarin—ang lahat ng ito ay mga bagay na sinasaklaw ng pagiging mainitin ng ulo. May positibo ba sa anuman sa mga ito? (Wala.) Nasa anong kondisyon ang isang tao kapag namumuhay siya sa gitna ng mga damdaming ito at ng pagiging mainitin ng ulo? Hindi ba’t malapit na siyang maging isang hibang na demonyo? Kapag mas berbal kang nang-aabuso ng mga tao, mas magagalit ka, at mas magiging malupit ka, at mas nanaisin mong berbal na mang-abuso ng iba, at sa huli, nanaisin mong sunggaban at saktan ang isang tao. At kapag nanakit ka ng isang tao, nanaisin mong sugatan siya nang malubha, na kitilin ang kanyang buhay, na nangangahulugang: “Pupuksain kita! Papatayin kita!” Isang munting damdamin—isang negatibong damdamin—ang humantong sa paglala at pagsiklab ng init ng ulo ng isang tao, at sa huli, nagiging sanhi ito para hilingin ng mga tao ang pagkawala at pagkapuksa ng isang buhay. Isa ba iyong bagay na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao? (Hindi.) Mukha ito ng ano? (Mukha ito ng isang diyablo.) Ito ay isang diyablo na naglalantad sa tunay nitong anyo. Ito ang parehong mukha na taglay ng isang demonyo, kapag malapit na nitong lamunin ang isang tao. Lumilitaw ang malademonyong kalikasan nito, at hindi ito nakokontrol. Iyon ang ibig sabihin ng pagiging hibang na demonyo. At gaano nagiging kahibang ang mga taong ito? Nagiging demonyo sila na gustong lamunin ang laman at kaluluwa ng tao. Ang pinakamalubhang kahihinatnan ng berbal na pang-aabuso ay na maaari nitong palakihin nang husto ang isang simpleng bagay, at humantong sa pagkamatay ng isang tao. Maraming isyu ang nagsisimula sa kaunting iringan sa pagitan ng dalawang tao, na humahantong sa pagsigaw at berbal na pang-aabuso sa isa’t isa, pagkatapos ay sa pagsasakitan, na sinusundan ng pagnanais na pumatay, na nagkakatotoo—isa sa kanila ang napatay, at ang isa pa ay nahatulan ng pagpatay at nasentensyahan ng kamatayan. Pareho silang talo sa huli. Ito ang pinakaresulta. Tapos na sila sa kanilang berbal na pang-aabuso, tapos na silang magbulalas ng kanilang mga damdamin, nalantad na nila ang lahat ng kanilang init ng ulo, at pareho na silang napunta sa impiyerno. Iyon ang resulta. Ganyan ang mga kahihinatnan na sasapit sa tao mula sa pagbubulalas ng kanyang mga damdamin at sa paglala at pagsiklab ng kanyang init ng ulo. Hindi ito magandang resulta, isa itong masamang resulta. Kita mo, ito ang uri ng resulta na kinakaharap ng tao na bunga ng pag-uugaling dulot ng isang simple at negatibong damdamin. Ayaw ng mga taong makakita ng gayong resulta, at hindi rin sila handang harapin iyon, ngunit dahil namumuhay ang mga tao sa gitna ng lahat ng uri ng masasamang damdamin, at dahil nagagapos at nakokontrol sila ng init ng ulo, na madalas na lumalala at sumisiklab, ang gayong mga kinahihinatnan ang nangyayari sa huli. Sabihin mo sa Akin, isang simpleng pag-uugali ba ang berbal na pang-aabuso? Maaaring hindi magbunga ng ganoon kasamang resulta ang berbal na pang-aabuso na ginagawa ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay—ibig sabihin, hindi agad na mauuwi sa gayon kasamang resulta ang lahat ng insidente ng berbal na pang-aabuso. Gayunpaman, ito ang diwa ng berbal na pang-aabuso. Ito ay ang pagbubulalas ng mga damdamin ng isang tao at ang paglala at pagsiklab ng init ng kanyang ulo. Samakatuwid, ang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan na huwag berbal na mang-abuso ng iba ay tiyak na para sa kapakinabangan ng tao—labis itong kapaki-pakinabang sa kanya at hindi ito nakapipinsala sa kanya—at kasabay nito, bahagi ito ng kabuluhan ng paghingi ng Diyos nito sa sangkatauhan. Ang hinihingi na huwag berbal na mang-abuso ng iba ay maaaring hindi kasingtaas ng antas ng pagsasagawa o paghahangad sa katotohanan, ngunit ang ganitong uri ng hinihingi ay dapat pa ring sundin ng tao.

Kaya bang tuparin ng mga tao ang hinihingi ng Diyos na hindi nila dapat berbal na abusuhin ang isa’t isa sa pamamagitan lang ng pag-asa sa pagtitimpi? Kapag nagagalit ang mga tao, madalas na hindi nila nagagawang magtimpi. Kaya, paano matutupad ng mga tao ang hinihingi na ito na huwag berbal na abusuhin ang isa’t isa? Kapag malapit mo nang berbal na abusuhin ang isang tao, partikular na kapag hindi mo magawang magtimpi, dapat kang magmadaling magdasal. Kung magdarasal ka nang ilang sandali at taimtim na magsusumamo sa Diyos, malamang na mapapawi ang galit mo. Sa sandaling iyon, magtatagumpay ka sa pagtitimpi, at pagkontrol sa iyong mga emosyon at init ng ulo. Halimbawa, kung minsan ay maaaring may masabi ang mga tao na nakakainsulto sa iyo, o maaari ka nilang husgahan habang nakatalikod ka, o maaaring masaktan ka nila nang sadya o hindi sadya, o maaari ka nilang samantalahin nang kaunti, nakawan, o pinsalain pa nga ang iyong mahahalagang interes. Kapag nangyayari sa iyo ang mga bagay na ito, iisipin mo, “Sinaktan niya ako, kaya napopoot ako sa kanya, gusto ko siyang sigawan ng masasakit ng salita, gusto kong maghiganti sa kanya, gusto ko pa nga siyang saktan. Gusto kong magplano nang masama kapag nakatalikod siya para turuan siya ng leksyon.” Hindi ba’t ang lahat ng ito ay dulot ng masasamang emosyon? Ang kahihinatnang dulot ng masasamang emosyon ay na hihilingin mong gawin ang mga bagay na ito. Kapag mas lalo mo itong iniisip, lalo kang magagalit, at lalo mong iisiping inaapi ka ng taong ito, at na nainsulto ang iyong dignidad at karakter. Hindi ka magiging komportable sa loob-loob mo, at nanaisin mong maghiganti. Hindi ba’t ito ang pagiging pabigla-biglang dala ng init ng ulo na dulot sa iyo ng mga negatibong emosyong ito? (Ito nga.) Anong uri ng pag-uugali ang pagnanasa mong ito na maghiganti? Hindi ba’t malapit ka nang maglabas ng init ng ulo? Sa mga ganitong pagkakataon, dapat mong patahimikin ang iyong sarili; una sa lahat, dapat kang manalangin sa Diyos, magtimpi, magnilay at maghanap sa katotohanan, at kumilos nang may talino. Iyon lang ang paraan upang maiwasan ang isang sitwasyon kung saan mababalisa ka, at kung saan uusbong sa loob mo ang poot, mga emosyon, at init ng ulo. Maaaring sabihin ng ilan: “Kung magkasamang nagtatrabaho buong araw ang dalawang tao, imposibleng maiwasan ang ganitong klase ng sitwasyon.” Kahit pa hindi mo maiwasan ang sitwasyong ito, hindi ka dapat gumanti, dapat kang magtimpi. Paano ka makakapagtimpi? Una sa lahat, dapat mong isipin: “Kung gaganti ako, tiyak na hindi iyon ikalulugod ng Diyos, kaya hindi ko puwedeng gawin iyon. Ang pagkapoot, paghihiganti, at pagkasuklam ay pawang mga bagay na ayaw ng Diyos.” Ayaw ng Diyos sa mga bagay na ito, ngunit nais mo pa ring gawin ang mga ito, at hindi mo makontrol ang iyong sarili. Paano mo ito dapat lutasin? Natural na dapat kang umasa sa Diyos; kung hindi ka mananalangin sa Diyos, hindi mo ito malulutas. Dagdag pa rito, kung masyadong mababa ang tayog mo, at masyadong mainitin ang ulo mo, at talagang hindi mo mapigilan ang iyong mga emosyon at init ng ulo, at gusto mong maghiganti, hinding-hindi mo pa rin dapat ibuka ang bibig mo para berbal na abusuhin ang taong iyon. Maaari kang umalis sa kung nasaan ka man naroroon, at hayaan ang ibang tao na pumagitna at lutasin ang sitwasyon. Dapat kang manalangin sa Diyos nang tahimik at bumigkas ng ilang nauugnay na parirala ng mga salita ng Diyos. Manalangin sa Diyos sa ganitong paraan, at dahan-dahang mawawala ang init ng ulo mo. Mapagtatanto mong hindi makalulutas ng mga problema ang berbal na pang-aabuso sa mga tao, at na magiging paghahayag ito ng katiwalian, at makapagdadala lang ito ng kahihiyan sa Diyos. Hindi ba’t malulutas ng pananalangin sa ganitong paraan ang iyong problema? Ano ang palagay ninyo sa solusyong ito? (Maganda ito.) Hanggang dito na lang ang Aking pagbabahagi sa regulasyon sa pag-uugali na ipinapanukala ng Diyos: “Huwag manakit o berbal na mang-abuso ng iba.”

Katatapos Ko lang magbahagi tungkol sa mabubuting pag-uugali na hinihingi ng Diyos na itaguyod ng mga tao, anu-ano ang mga ito? (Ang magtaglay ng banal na kawastuhan ng asal, huwag maging talipandas, maging matimpiin, huwag magsuot ng kakatwang kasuotan, huwag manakit o berbal na mang-abuso ng iba, huwag manigarilyo o uminom, huwag sumamba sa mga diyos-diyosan, igalang ang mga magulang, huwag magnakaw, huwag lustayin ang mga pag-aari ng iba, huwag makiapid, at huwag magbigay ng huwad na patotoo.) Oo, tama ang lahat ng ito. Sabihin ninyo sa Akin, may bisa pa rin ba ngayon ang mga hinihinging isinulong sa batas, tulad ng mga tungkol sa huwag magnakaw at huwag manamantala ng iba? Epektibo pa rin ba ang mga ito? (May bisa at epektibo pa rin ang mga ito.) Paano naman ang mga kautusan mula sa Kapanahunan ng Biyaya? (May bisa pa rin ang mga iyon.) Kung gayon, bakit ipinanukala ng Diyos ang mga partikular na hinihinging ito? Sa anong aspekto ng pagsasagawa ng tao nauugnay ang mga partikular na hinihinging ito? Kung hindi ipinanukala ng Diyos ang mga hinihinging ito, mauunawaan ba ng mga tao ang mga bagay na ito? (Hindi nila mauunawaan ang mga ito.) Hindi mauunawaan ng mga tao ang mga ito. Sa katunayan, ang mga partikular na hinihinging ito na isinulong ng Diyos para kontrolin ang pag-uugali ng tao ay may kaugnayan lahat sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao. Ang layon ng pagpapanukala ng mga partikular na hinihinging ito ay bigyang-kakayahan ang mga tao na tumpak na makilatis at matukoy ang mga positibo at negatibong bagay, pati na kung ano ang tama at mali; ito ay para turuan ang mga tao na negatibong bagay ang pakikiapid, na ito ay kahiya-hiya, kinamumuhian ng Diyos, kinasusuklaman ng tao, at na dapat magtimpi ang mga tao sa usaping ito, na hindi nila ito dapat gawin, o hindi sila dapat na magkamali sa usaping ito; ito ay para turuan din ang mga tao na ang mga pag-uugaling tulad ng pananamantala sa iba, pagnanakaw, at iba pa ay pawang mga negatibong bagay, at na hindi dapat gawin ng mga tao ang mga ito. Kung gusto mong ginagawa ang mga bagay na ito, at nagawa mo na ang mga bagay na ito, hindi ka mabuting tao. Paano mapag-iiba ang isang taong may mabuting pagkatao sa isang taong may masamang pagkatao, o ang isang positibong tao sa isang negatibong tao? Una sa lahat, dapat mo itong kumpirmahin—maaari lang na tumpak na makilatis ang mga tao, at maaari lang makita ang kaibahan ng mga positibo at negatibong tao batay sa mga salita ng Diyos. Maaari lang malinaw na matukoy at makilatis ang mga tao batay sa mga hinihingi at pamantayang ipinanukala ng Diyos para kontrolin ang pag-uugali ng tao. Magbibigay Ako ng halimbawa: Kung ang isang tao ay malikot ang kamay, at mahilig magnakaw sa ibang tao, ano ang lagay ng kanyang pagkatao? (Masama.) Ang pagnanakaw ay isang napakasamang gawa, kaya ang mga nagnanakaw ay masasamang tao. Nag-iingat laban sa kanila ang lahat ng ibang tao, at dumidistansya sa kanila, at itinuturing silang mga magnanakaw. Sa isip ng mga tao, mga negatibong tao ang mga magnanakaw, negatibong bagay ang pagnanakaw, at isa itong makasalanang pag-uugali. Hindi ba’t nakumpirma na ito kung gayon? Narito ang isa pang halimbawa: Sabihin nang may isang taong nakikiapid, at hindi alam ng ilang tao kung positibo o negatibong bagay iyon—ang tanging paraan para masukat nila ito nang tumpak ay ayon sa mga salita ng Diyos, dahil tanging ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Anumang bagong pahayag ang sabihin ng mga sistemang legal at moralidad tungkol sa pakikiapid, ang mga ito ay hindi ang katotohanan. Ang mga salitang sinabi ng Diyos, “huwag makiapid,” ay ang katotohanan, at hindi kailanman mapapawi ang katotohanan. Mula sa sandaling ipinanukala ng Diyos ang hinihingi na “huwag makiapid,” dapat ay nagsimula na ang lahat na itaboy ang mga nakikiapid at dumistansya sa mga ito. Walang pagkatao ang mga ganoong tao, at sa pinakamababa, kung susukatin mo sila mula sa perspektiba ng pagkatao, hindi sila mabubuting tao. Ang sinumang taong may ganitong pag-uugali, at nagtataglay ng ganitong uri ng pagkatao ay kahiya-hiya, kinamumuhian siya ng tao, minamaliit at itinataboy siya sa mga grupo, at tinatanggihan siya ng madla. Batay sa mga salita ng Diyos, makukumpirma nating isang negatibong bagay ang pakikiapid, at na ang mga taong gumagawa niyon ay mga negatibong tao. Gaano man sumama ang mga kalakaran ng lipunan, mga negatibong bagay ang pakikiapid at pangangalunya, at ang mga taong gumagawa ng mga ito ay mga negatibong tao. Tiyak na tiyak ito, at dapat mo itong makilatis; hindi ka dapat malihis o maakit ng masasamang kalakaran ng lipunan. Dagdag pa sa mga ito, may ilan pang partikular na hinihingi: Sinasabi ng Diyos sa mga tao na huwag sumamba sa mga diyos-diyosan, na igalang ang kanilang mga magulang, na huwag manakit o berbal na mang-abuso ng iba, na magtaglay ng banal na kawastuhan ng asal, at iba pa. Ang mga partikular na hinihinging ito ay pawang mga pamantayang ginagamit ng Diyos upang kontrolin ang pag-uugali ng tao. Sa madaling salita, bago tinustusan ng Diyos ang mga tao ng katotohanan, itinuro Niya sa kanila kung aling mga gawi ang tama at positibo, at kung alin ang mali at negatibo, sinabi Niya sa kanila kung paano maging mabuting tao at aling magagandang pag-uugali ang dapat nilang taglayin upang maging taong may normal na pagkatao, pati na rin kung anong mga bagay ang dapat at hindi nila dapat gawin bilang taong may normal na pagkatao, nang sa gayon ay makapili sila nang tama. Ang lahat ng hinihinging ito na kumokontrol sa pag-uugali ng tao ay mga bagay na dapat tunay na isabuhay ng bawat normal na tao, at ang mga ito ang batayan sa pagharap at pangangasiwa ng bawat tao sa lahat ng nararanasan nila. Halimbawa, sabihin nang nakita mo ang isang tao na may pag-aaring isang magandang bagay, at gusto mo itong angkinin, ngunit maiisip mo: “Sinasabi ng Diyos na maling nakawan ang ibang tao, sinabi Niyang hindi namin dapat nakawan o samantalahin ang iba, kaya hindi ko siya nanakawan.” Hindi ba’t napigil kung gayon ang pag-uugaling magnakaw? At kasabay ng pagkapigil, hindi ba’t nakontrol ang iyong pag-uugali? Bago ipinanukala ng Diyos ang mga hinihinging ito, kapag nakakakita ang mga tao ng isang magandang bagay na pag-aari ng ibang tao, ninanais nilang angkinin ito. Hindi nila naiisip na ang paggawa niyon ay mali o kahiya-hiya, o na kinamumuhian ito ng Diyos, o na isa itong negatibong bagay, o na isa pa nga itong kasalanan; hindi nila alam ang mga bagay na ito, hindi nila taglay ang mga konseptong ito. Matapos ipinanukala ng Diyos ang hinihinging, “huwag magnakaw,” napagkalooban ang mga tao ng mental na limitasyon pagdating sa paggawa ng mga ganitong klase ng bagay, at sa pamamagitan ng limitasyong ito, natutunan nilang may kaibahan ang pagnanakaw at hindi pagnanakaw. Ang pagnanakaw ay katumbas ng paggawa ng isang negatibong bagay, ng paggawa ng isang masamang bagay, at kahiya-hiya ito. Ang hindi pagnanakaw ay pagsunod sa moralidad ng pagkatao, at may pagkatao rito. Ang mga hinihingi ng Diyos tungkol sa pag-uugali ng tao ay hindi lang nilulutas ang mga negatibong pag-uugali at pamamaraan ng mga tao, kasabay nito, kinokontrol din ng mga ito ang pag-uugali ng tao, at binibigyang-kakayahan ang mga taong mamuhay nang may normal na pagkatao, na magtaglay ng mga normal na pag-uugali at pagpapamalas, at na kahit papaano ay magmukhang mga tao, magmukhang mga normal na tao. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t napakamakabuluhan ng mga hinihinging ito na ipinanukala ng Diyos upang kontrolin ang pag-uugali ng tao? (Napakamakabuluhan nga.) Makabuluhan ang mga ito. Gayunpaman, ang mga partikular na hinihinging ito na kumokontrol sa pag-uugali ng tao ay malayo-layo pa rin sa mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos ngayon, at hindi maaaring itaas ang mga ito sa antas ng katotohanan. Ito ay dahil matagal na panahon na ang nakararaan, noong Kapanahunan ng Kautusan, ang mga hinihinging ito ay mga batas lang na kumontrol sa pag-uugali ng tao, ang mga ito ay paggamit ng Diyos ng pinakasimple at deretsahang wika upang sabihin sa mga tao kung anong mga bagay ang dapat at hindi nila dapat gawin, at ang mga ito ay paggawa Niya ng ilang patakaran para sa kanila. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga hinihinging ito ay mga utos lang, at sa kasalukuyan, masasabi lang na ang mga ito ay mga pamantayan para sa pagsukat sa sariling pag-uugali ng isang tao, at para sa pagsusuri ng mga bagay-bagay. Bagamat hindi maitataas ang mga pamantayang ito sa antas ng katotohanan, at may partikular na agwat sa pagitan ng mga ito at ng katotohanan, mahalagang paunang kondisyon ang mga ito para sa paghahangad at pagsasagawa ng tao sa katotohanan. Kapag sumusunod ang isang tao sa mga patakarang ito, sa mga batas at utos na ito, sa mga hinihingi at pamantayan sa pag-uugaling ito na itinatag ng Diyos upang kontrolin ang pag-uugali ng tao, masasabing nagtataglay siya ng mga batayang paunang kondisyon para sa pagsasagawa at paghahangad sa katotohanan. Kung ang isang tao ay naninigarilyo at umiinom ng alak, kung talipandas ang ugali niya, at nakikiapid siya, at sinasamantala niya ang ibang tao, at madalas siyang nagnanakaw, at sasabihin mo, “Mahal ng taong ito ang katotohanan, at tiyak na maisasagawa niya ito at matatamo niya ang kaligtasan,” magiging makatwiran ba ang pahayag na iyon? (Hindi ito magiging makatwiran.) Bakit hindi ito magiging makatwiran? (Walang kakayahan ang taong iyon na tuparin ang kahit pinakabatayan man lang sa mga hinihingi ng Diyos, imposibleng maisagawa niya ang katotohanan, at kung sasabihin niya na minamahal niya ang katotohanan, isa iyong kasinungalingan.) Tama iyan. Wala man lang pinakabatayang antas ng pagtitimpi ang taong ito. Ang implikasyon nito ay na wala siya ng kahit pinakabatayan man lang na antas ng konsensiya at katwiran na dapat taglayin ng isang tao. Sa madaling salita, hindi nagtataglay ang taong ito ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Ano ang ibig sabihin ng hindi pagtataglay ng konsensiya at katwiran? Nangangahulugan ito na narinig ng taong ito ang mga salitang sinabi ng Diyos, at ang mga hinihinging ipinanukala ng Diyos para sa tao, at ang mga patakarang itinatag ng Diyos, at hindi man lang niya sineryoso ang mga ito. Sinasabi ng Diyos na masamang nakawan ang ibang tao, at na hindi dapat magnakaw ang mga tao, at napapaisip ang taong ito: “Bakit ipinagbabawal na magnakaw ang mga tao? Napakadukha ko, paano ako mabubuhay kung hindi ako magnanakaw? Yayaman ba ako kung hindi ako magnanakaw ng mga bagay-bagay o mananamantala ng ibang tao?” Hindi ba’t wala siyang konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao? (Wala nga.) Hindi niya masunod ang mga hinihingi ng Diyos upang pigilin ang pag-uugali ng tao, kaya hindi siya isang taong nagtataglay ng normal na pagkatao. Kung may magsasabing ang isang taong hindi nagtataglay ng normal na pagkatao ay minamahal ang katotohanan, posible ba iyon? (Hindi iyon posible.) Hindi niya mahal ang mga positibong bagay, at bagamat sinasabi ng Diyos na hindi dapat magnakaw o makiapid ang mga tao, hindi niya matugunan ang mga hinihinging ito, at tutol siya sa mga salitang ito ng Diyos—kaya may kakayahan ba siyang mahalin ang katotohanan? Lubos na mas mataas ang katotohanan kaysa sa mga pamantayang ito sa pag-uugali—matatamo ba niya ito? (Hindi.) Ang katotohanan ay hindi isang simpleng pamantayan sa pag-uugali, hindi ito simpleng usapin lang ng pag-iisip ng mga tao sa katotohanan kapag sila ay nagkakasala o nagiging pabasta-basta at padalos-dalos, at pagkatapos ay magtitimpi sila, at hindi na magkakasala o kikilos nang pabasta-basta at padalos-dalos. Hindi lang basta pinipigilan ng katotohanan ang pag-uugali ng mga tao sa simpleng paraang ito—ang katotohanan ay maaaring maging buhay ng isang tao, at maaari nitong pangibabawan ang lahat ng aspekto sa isang tao. Kapag tinatanggap ng mga tao ang katotohanan bilang kanilang buhay, natatamo nila ito sa pamamagitan ng pagdanas nila sa gawain ng Diyos, pagkilala sa katotohanan, at pagsasagawa sa katotohanan. Kapag tinatanggap ng mga tao ang katotohanan, uusbong ang paglaban sa kalooban nila, at malamang na lalabas ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Kapag nagagamit ng mga tao ang katotohanan upang lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon, ang katotohanan ay maaaring maging buhay nila, at ang prinsipyo kung paano sila umaasal at namumuhay. Isa itong bagay na matatamo lang ng mga taong nagmamahal sa katotohanan at nagtataglay ng pagkatao. Maaabot ba ng mga hindi nagmamahal sa katotohanan at walang pagkatao ang antas na ito? (Hindi.) Tama iyan, kahit na asamin nila, hindi nila ito maaabot.

Kung titingnan natin ang mga hinihinging ito na ginawa ng Diyos upang kontrolin ang pag-uugali ng tao, sa lahat ng salitang sinabi ng Diyos, at sa lahat ng partikular na estipulasyon na ipinanukala Niya, mayroon bang hindi kinakailangan sa mga ito? (Wala.) Makabuluhan ba ang mga ito? May halaga ba ang mga ito? (Mayroon.) Dapat bang sumunod sa mga ito ang mga tao? (Oo.) Tama iyan, dapat na sumunod sa mga ito ang mga tao. At kasabay ng pagsunod sa mga ito, dapat na iwaksi ng mga tao ang mga pahayag na itinuro sa kanila ng tradisyonal na kultura, tulad ng pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, at iba pa. Dapat silang sumunod sa bawat isa sa mga hinihinging isinulong ng Diyos upang kontrolin ang pag-uugali ng tao, at umasal nang mahigpit na alinsunod sa mga salita ng Diyos. Dapat nilang isabuhay ang normal na pagkatao sa pamamagitan ng masusing pagsunod sa lahat ng hinihingi na ipinanukala ng Diyos, at natural na dapat din nilang suriin ang mga tao at bagay, umasal at kumilos nang mahigpit na alinsunod sa mga hinihinging ito. Bagamat hindi natutugunan ng mga hinihinging ito ang mga pamantayan ng katotohanan, mga salita ng Diyos ang lahat ng ito, at dahil mga salita ng Diyos ang mga ito, maaaring magkaroon ng positibo at aktibong mapagpatnubay na epekto ang mga ito sa mga tao. Paano Ko binigyang-kahulugan ang paghahangad sa katotohanan? Ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Napakaraming bagay ang sinasaklaw ng mga salita ng Diyos. Kung minsan, ang isang parirala ng Kanyang mga salita ay kumakatawan sa isang elemento ng katotohanan. Kung minsan, kailangan ng ilan pang parirala, o ng isang sipi upang ilatag ang isang elemento ng katotohanan. Kung minsan, isang buong kabanata ang kailangan upang ipahayag ang isang elemento ng katotohanan. Tila simple ang katotohanan, pero ang totoo, hindi talaga ito simple. Upang ilarawan ang katotohanan sa mas pangkalahatang pananalita, ang Diyos ang katotohanan. Ang lahat ng salita ng Diyos ay ang katotohanan, napakarami ng mga salita ng Diyos at marami itong nilalaman, at lahat ng ito ay pagpapahayag ng katotohanan. Halimbawa, ang mga batas at utos na inilatag ng Diyos, pati na ang mga hinihingi sa pag-uugali na ipinanukala ng Diyos sa bagong panahong ito, ay pawang mga salita ng Diyos. Bagamat hindi umaabot sa antas ng katotohanan ang ilan sa mga salitang ito, at bagamat hindi makakwalipika bilang katotohanan ang mga ito, positibong bagay ang mga ito. Bagamat mga salita lang ito na pumipigil sa pag-uugali ng tao, dapat pa ring sundin ng mga tao ang mga ito. Kahit papaano, dapat na taglayin ng mga tao ang mga ganitong uri ng mga pag-uugali, at hindi sila dapat mabigong makatugon sa mga pamantayang ito. Samakatuwid, batay dapat sa mga salitang ito ng Diyos ang pagtingin ng isang tao sa mga tao at bagay, at ang kanyang asal at mga kilos. Dapat na sumunod sa mga ito ang mga tao dahil mga salita ito ng Diyos; ang lahat ng tao ay dapat na tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos ayon sa mga salita ng Diyos, dahil mga salita ito ng Diyos. Hindi ba’t tama iyon? (Tama nga.) May nasabi na Akong ganito dati: seryoso ang Diyos sa sinasabi Niya, at matutupad ang Kanyang mga salita, at ang maisasakatuparan ng Kanyang mga salita ay magtatagal magpakailanman, na nangangahulugang hindi kailanman lilipas ang mga salita ng Diyos. Bakit hindi lilipas ang mga ito? Dahil gaano man karaming salita ang sabihin ng Diyos, at kailan man sabihin ng Diyos ang mga ito, katotohanan ang lahat ng ito, at hindi kailanman lilipas ang mga ito. Kahit kapag pumasok sa bagong kapanahunan ang mundo, hindi magbabago ang mga salita ng Diyos, at hindi lilipas ang mga ito. Bakit Ko sinasabing hindi lumilipas ang mga salita ng Diyos? Dahil ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at anuman ang katotohanan ay hindi kailanman magbabago. Kaya, ang lahat ng batas at utos na ipinanukala at sinabi ng Diyos, at lahat ng partikular na hinihingi na ipinanukala Niya tungkol sa pag-uugali ng tao ay hindi kailanman lilipas. Kapaki-pakinabang sa nilikhang sangkatauhan ang bawat hinihingi sa mga salita ng Diyos, kinokontrol ng lahat ng ito ang pag-uugali ng tao, at nakapagpapatibay at mahalaga ang mga ito pagdating sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao at sa kung paano dapat umasal ang mga tao. Ang lahat ng mga salitang ito ay kayang baguhin ang mga tao, at magagawa silang maisabuhay ang tunay na wangis ng tao. Sa kabilang banda, kung itatatwa ng mga tao ang mga salitang ito ng Diyos, at itatatwa ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, at sa halip, susunod sila sa mga pahayag na iyon tungkol sa mabuting pag-uugali na ipinanukala ng tao, kung gayon ay nasa matindi silang panganib. Bukod sa hindi sila lalong magtataglay ng pagkatao at katwiran, lalo rin silang magiging mapanlinlang at huwad, at mas lalo silang magkakaroon ng kakayahang manlansi, at mas lalong magkakaroon ng panlalansi ang pagkatao na isinasabuhay nila. Hindi lang nila lalansihin ang ibang tao, susubukan din nilang lansihin ang Diyos.

Sa mga hinihingi na ipinanukala ng Diyos tungkol sa pag-uugali ng tao, mayroong hinihingi na: “igalang ang mga magulang.” Kadalasan, walang anumang palagay o kuru-kuro ang mga tao tungkol sa ibang hinihingi, kaya ano ang mga palagay ninyo tungkol sa hinihingi na: “igalang ang mga magulang”? Mayroon bang kontradiksyon sa pagitan ng inyong mga pananaw at ng katotohanang prinsipyong sinabi ng Diyos? Kung nakikita ninyo ito nang malinaw, mabuti. Ang mga hindi nakauunawa sa katotohanan, na ang alam lang ay kung paano sumunod sa mga patakaran at maglitanya tungkol sa mga salita at doktrina ay walang pagkilatis; kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos, palagi silang nagkikimkim ng mga kuru-kuro ng tao, palagi nilang nararamdamang may ilang kontradiksyon, at hindi nila nakikita nang malinaw ang Kanyang mga salita. Samantalang ang mga nakauunawa sa katotohanan ay walang nakikitang anumang kontradiksyon sa mga salita ng Diyos, iniisip nilang napakalinaw ng Kanyang mga salita, dahil mayroon silang espirituwal na pang-unawa at naiintindihan nila ang katotohanan. Kung minsan, hindi ninyo makita nang malinaw ang mga salita ng Diyos, at hindi kayo makapagtanong—kung hindi kayo magtatanong, tila parang wala kayong anumang problema, pero ang totoo, marami kayong problema at suliranin, hindi lang ninyo ito namamalayan. Ipinapakita nito na napakababa ng inyong tayog. Una, tingnan natin ang hinihingi ng Diyos na dapat igalang ng mga tao ang kanilang mga magulang—tama o mali ba ang hinihinging ito? Dapat ba itong sundin ng mga tao o hindi? (Dapat nila itong sundin.) Tiyak ito, at hindi ito maitatanggi; hindi na kailangang mag-alinlangan o magnilay tungkol dito, tama ang hinihinging ito. Ano ang tama rito? Bakit ipinanukala ng Diyos ang hinihinging ito? Ano ang tinutukoy ng sinasabi ng Diyos na “igalang ang mga magulang”? Alam ba ninyo? Hindi ninyo alam. Bakit palagi na lang ninyong hindi alam? Basta’t nauugnay sa katotohanan ang isang bagay, hindi ninyo ito alam, pero kaya ninyong maglitanya tungkol sa mga salita at doktrina—ano ang problema rito? Paano ninyo isinasagawa ang mga salitang ito ng Diyos kung gayon? Hindi ba’t nauugnay ang katotohanan dito? (Nauugnay nga.) Kapag nakita mong may parirala ng mga salita ng Diyos na nagsasabing, “Dapat mong igalang ang iyong mga magulang,” maiisip mo, “Hinihingi sa akin ng Diyos na igalang ko ang aking mga magulang, kaya kailangan ko silang igalang,” at sisimulan mo itong gawin. Gagawin mo ang anumang hilingin sa iyo ng mga magulang mo—kapag may sakit ang mga magulang mo ay pinagsisilbihan mo sila sa tabi ng kanilang higaan, ipinagsasalin sila ng maiinom, ipinagluluto sila ng masarap na makakain, at sa mga araw ng pagdiriwang, reregaluhan mo ang iyong mga magulang ng mga bagay na gusto nila. Kapag nakita mong pagod sila, hahaplusin mo ang mga balikat nila at mamasahehin ang likod nila, at sa tuwing may problema sila, makaiisip ka ng solusyon upang lutasin ito. Dahil sa lahat ng ito, lubos na nalulugod ang mga magulang mo sa iyo. Iginagalang mo ang iyong mga magulang, nagsasagawa ka ayon sa mga salita ng Diyos, at nagsasabuhay ka ng normal na pagkatao, kaya panatag ang puso mo, at naiisip mo: “Tingnan mo—sinasabi ng mga magulang ko na nagbago na ako mula nang magsimula akong manalig sa Diyos. Sinasabi nilang nagagawa ko na silang igalang ngayon at na mas matino na ako. Tuwang-tuwa sila, at iniisip nilang mainam ang pananalig sa Diyos, dahil bukod sa iginagalang ng mga anak na lalaki at babae na nananalig sa Diyos ang kanilang mga magulang, tinatahak din nila ang tamang landas sa buhay at isinasabuhay ang wangis ng tao—mas nakahihigit sila kaysa sa mga walang pananampalataya. Matapos manalig sa Diyos, nagsimula na akong magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos at kumilos ayon sa Kanyang mga hinihingi, at masayang-masaya ang mga magulang ko na makita ang pagbabagong ito sa akin. Labis kong ipinagmamalaki ang aking sarili. Nagdadala ako ng kaluwalhatian sa Diyos—tiyak na nalulugod ang Diyos sa akin, at sasabihin Niyang isa akong taong iginagalang ang kanyang mga magulang at nagtataglay ng banal na kawastuhan ng asal.” Isang araw, isinaayos ng iglesia na pumunta ka sa ibang lugar upang ipalaganap ang ebanghelyo, at posibleng hindi ka makauuwi nang mahabang panahon. Sumang-ayon kang pumunta, pakiramdam mo ay hindi mo maaaring isantabi ang atas ng Diyos, at naniniwala kang dapat ay pareho mong igalang ang iyong mga magulang sa tahanan at itaguyod ang atas ng Diyos sa labas nito. Ngunit nang talakayin mo ang bagay na ito sa mga magulang mo, nagalit sila, at sinabi: “Suwail kang anak! Nagsikap kami nang husto para palakihin ka, at ngayon ay basta ka na lang aalis. Kapag wala ka na, sino ang mag-aalaga sa matandang mag-asawang tulad namin? Kung magkasakit kami o kung magkaroon ng kung anong uri ng sakuna, sino ang magdadala sa amin sa ospital?” Hindi sila sumasang-ayon sa pag-alis mo, at nag-aalala ka: “Sinasabi sa amin ng Diyos na igalang ang aming mga magulang, pero ayaw ng mga magulang ko na umalis ako at gawin ang tungkulin ko. Kung susundin ko sila, kakailanganin kong isantabi ang atas ng Diyos, at hindi iyon magugustuhan ng Diyos. Pero kung susundin ko ang Diyos at aalis ako at gagawin ko ang tungkulin ko, hindi matutuwa ang mga magulang ko. Ano ang dapat kong gawin?” Nagnilay ka nang nagnilay: “Dahil unang ipinanukala ng Diyos ang hinihingi na dapat igalang ng mga tao ang kanilang mga magulang, itataguyod ko ang hinihinging iyon. Hindi ko kailangang umalis at gawin ang tungkulin ko.” Isinantabi mo ang iyong tungkulin at piniling igalang ang iyong mga magulang sa tahanan, ngunit hindi panatag ang puso mo. Nadarama mong bagamat iginalang mo ang iyong mga magulang, hindi mo natupad ang iyong tungkulin, at iniisip mong nabigo mo ang Diyos. Paano malulutas ang problemang ito? Dapat kang magdasal sa Diyos at dapat mong hanapin ang katotohanan, hanggang sa isang araw ay maunawaan mo ang katotohanan at mapagtantong ang paggawa ng iyong tungkulin ang pinakamahalagang bagay. Pagkatapos, natural na magagawa mong lisanin ang tahanan at gawin ang iyong tungkulin. Sinasabi ng ilang tao: “Gusto ng Diyos na gawin ko ang aking tungkulin, at gusto rin Niyang igalang ko ang aking mga magulang. Hindi ba’t may kontradiksyon at salungatan dito? Paano ba ako dapat magsagawa?” Ang “igalang ang mga magulang” ay isang hinihinging ipinanukala ng Diyos tungkol sa pag-uugali ng tao, ngunit hindi ba’t hinihingi ng Diyos ang pagtalikod sa lahat ng bagay upang sumunod sa Diyos at kumpletuhin ang atas ng Diyos? Hindi ba’t mas hinihingi ito ng Diyos? Hindi ba’t mas pagsasagawa ito ng katotohanan? (Ganoon na nga.) Ano ang dapat mong gawin kung magkabanggaan ang dalawang hinihinging ito? Sinasabi ng ilang tao: “Kung gayon, kailangan kong igalang ang aking mga magulang at kumpletuhin ang atas ng Diyos, at kailangan kong sumunod sa mga salita ng Diyos at isagawa ang katotohanan—madali lang iyon. Isasaayos ko ang lahat ng usapin sa tahanan, ihahanda ang lahat ng pangangailangan sa buhay ng aking mga magulang, kukuha ako ng nars, at pagkatapos ay hahayo ako para gampanan ang aking tungkulin. Titiyakin kong uuwi ako nang isang beses sa isang linggo, titingnan ko kung ayos lang ang mga magulang ko, at pagkatapos ay aalis na ako; kung mayroong problema, mananatili na lang ako nang dalawang araw. Hindi maaaring palagi akong malayo sa kanila at hindi na kailanman babalik, at hindi ako maaaring manatili sa bahay habambuhay at hindi kailanman lalabas upang gawin ang aking tungkulin. Hindi ba’t ito ang pinakamainam sa parehong sitwasyon?” Ano ang palagay mo sa solusyong ito? (Hindi ito gagana.) Isa itong imahinasyon; hindi ito makatotohanan. Kaya, kapag naharap ka sa ganitong uri ng sitwasyon, paano ka mismo dapat kumilos nang alinsunod sa katotohanan? (Imposibleng makuha ang pinakamainam sa parehong sitwasyon pagdating sa katapatan at paggalang ng anak sa magulang—dapat kong unahin ang aking tungkulin.) Unang sinabi ng Diyos na igalang ng mga tao ang kanilang mga magulang, at pagkatapos, ipinanukala ng Diyos ang mas matataas na hinihingi para sa mga tao tungkol sa kanilang pagsasagawa sa katotohanan, pagganap sa kanilang mga tungkulin, at pagsunod sa daan ng Diyos—alin sa mga ito ang dapat mong sundin? (Ang mas matataas na hinihingi.) Tama bang magsagawa ayon sa mas matataas na hinihingi? Maaari bang hatiin ang katotohanan sa mas matataas at mas mabababang katotohanan, o sa mga mas luma at mas bagong katotohanan? (Hindi.) Kaya kapag isinasagawa mo ang katotohanan, sa ano dapat naaayon ang iyong pagsasagawa? Ano ang ibig sabihin ng pagsasagawa sa katotohanan? (Ang pangangasiwa sa mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyo.) Ang pangangasiwa sa mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyo ang pinakamahalaga. Ang pagsasagawa sa katotohanan ay nangangahulugan ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos sa iba’t ibang oras, lugar, kapaligiran, at konteksto; hindi ito tungkol sa mapagmatigas na paglalapat ng mga patakaran sa mga bagay-bagay, tungkol ito sa pagtataguyod sa mga katotohanang prinsipyo. Iyon ang ibig sabihin ng pagsasagawa sa katotohanan. Kaya, wala talagang salungatan sa pagitan ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos at pagsunod sa mga hinihinging ipinanukala ng Diyos. Sa mas kongkretong pananalita, wala talagang salungatan sa pagitan ng paggalang sa iyong mga magulang at pagkumpleto sa atas at tungkuling ibinigay sa iyo ng Diyos. Alin sa mga ito ang mga kasalukuyang salita at hinihingi ng Diyos? Dapat mo munang isaalang-alang ang tanong na ito. Magkakaibang bagay ang hinihingi ng Diyos sa iba’t ibang tao; mayroon Siyang mga natatanging hinihingi sa kanila. Ang mga naglilingkod bilang lider at manggagawa ay tinawag ng Diyos, kaya dapat silang tumalikod, at hindi sila maaaring manatili kasama ng kanilang mga magulang, dahil sa paggalang sa mga ito. Dapat nilang tanggapin ang atas ng Diyos at talikuran ang lahat upang sumunod sa Kanya. Isang uri iyon ng sitwasyon. Ang mga regular na tagasunod ay hindi tinawag ng Diyos, kaya maaari silang manatili kasama ng kanilang mga magulang at igalang ang mga ito. Walang gantimpala sa paggawa nito, at wala silang makakamit na anumang pagpapala dahil dito, ngunit kung hindi sila magpapakita ng paggalang sa mga magulang, wala silang pagkatao. Sa katunayan, ang paggalang sa mga magulang ay isa lang uri ng responsabilidad, at malayo ito sa pagsasagawa sa katotohanan. Ang pagpapasakop sa Diyos ang siyang pagsasagawa sa katotohanan, ang pagtanggap sa atas ng Diyos ang siyang pagpapamalas ng pagpapasakop sa Diyos, at ang mga tumatalikod sa lahat ng bagay upang gawin ang kanilang mga tungkulin ang siyang mga tagasunod ng Diyos. Bilang buod, ang pinakamahalagang gawaing nasa harapan mo ay ang gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Iyon ang pagsasagawa sa katotohanan, at isa itong pagpapamalas ng pagpapasakop sa Diyos. Kaya, ano ang katotohanan na dapat pangunahing isagawa ng mga tao ngayon? (Ang pagganap sa tungkulin.) Tama iyan, ang matapat na pagganap sa tungkulin ay pagsasagawa sa katotohanan. Kung hindi taos-pusong isinasagawa ng isang tao ang kanyang tungkulin, nagtatrabaho lang siya.

Anong tanong ang katatalakay pa lang natin? (Unang hiningi ng Diyos na igalang ng mga tao ang kanilang mga magulang, at pagkatapos ay ipinanukala Niya ang mas matataas na hinihingi tungkol sa kanilang pagsasagawa sa katotohanan, pagganap sa tungkulin, at pagsunod sa daan ng Diyos, kaya alin ang unang dapat na sundin ng mga tao?) Kasasabi lang ninyo na dapat magsagawa ang mga tao ayon sa mas matataas na hinihingi. Sa isang teoretikal na antas, tama ang pahayag na ito—bakit Ko sinasabing tama ito sa teoretikal na antas? Nangangahulugan ito na kung maglalapat kayo ng mga patakaran at pormula sa usaping ito, magiging tama ang sagot na ito. Ngunit kapag naharap ang mga tao sa tunay na buhay, madalas na hindi magagawa ang pahayag na ito, at mahirap isakatuparan. Kaya, paano dapat sagutin ang tanong na ito? Una, dapat mong tingnan ang sitwasyon at ang kapaligirang pinamumuhayan na kinahaharap mo, at ang kontekstong kinalalagyan mo. Kung, batay sa kapaligirang pinamumuhayan mo at sa kontekstong kinalalagyan mo, ang paggalang sa iyong mga magulang ay hindi sumasalungat sa pagkumpleto mo sa atas ng Diyos at pagganap mo sa iyong tungkulin—o, sa madaling salita, kung hindi naaapektuhan ng paggalang sa iyong mga magulang ang iyong matapat na pagganap sa iyong tungkulin—maaari mong parehong isagawa ang mga ito nang sabay. Hindi mo kailangang humiwalay sa iyong mga magulang sa panlabas, at hindi mo kailangang talikuran o tanggihan sila sa panlabas. Sa anong sitwasyon ito nalalapat? (Kapag hindi sumasalungat ang paggalang sa mga magulang sa pagganap sa tungkulin.) Tama iyan. Sa madaling salita, kung hindi sinusubukan ng iyong mga magulang na hadlangan ang iyong pananalig sa Diyos, at mga mananampalataya rin sila, at talagang sinusuportahan at hinihikayat ka nilang gampanan ang iyong tungkulin nang matapat at kumpletuhin mo ang atas ng Diyos, ang relasyon mo sa iyong mga magulang ay hindi isang regular na relasyon ng laman sa pagitan ng magkakamag-anak, kundi isa itong relasyon sa pagitan ng magkakapatid sa iglesia. Sa ganoong sitwasyon, bukod sa pakikisalamuha sa kanila bilang mga kapwa kapatid sa iglesia, dapat mo ring tuparin ang ilan sa iyong mga responsabilidad bilang kanilang anak. Dapat mo silang pakitaan ng kaunting karagdagang malasakit. Basta’t hindi ito nakaaapekto sa pagganap sa tungkulin mo, ibig sabihin, basta’t hindi nila napipigilan ang iyong puso, maaari mong tawagan ang iyong mga magulang upang kumustahin sila at magpakita ng kaunting pagmamalasakit sa kanila, maaari mo silang tulungang lutasin ang ilang suliranin at asikasuhin ang ilan sa kanilang problema sa buhay, at maaari mo pa nga silang tulungang lutasin ang ilan sa mga suliraning mayroon sila sa usapin ng kanilang buhay pagpasok—maaari mong gawin ang lahat ng bagay na ito. Sa madaling salita, kung hindi hinahadlangan ng iyong mga magulang ang iyong pananalig sa Diyos, dapat mong panatilihin ang relasyong ito sa kanila, at dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila. At bakit dapat mo silang pakitaan ng malasakit, alagaan, at kumustahin? Dahil anak ka nila at may ganito kang relasyon sa kanila, at mayroon kang isa pang uri ng responsabilidad, at dahil sa responsabilidad na ito, dapat mo silang kumustahin pa at bigyan sila ng mas makabuluhang tulong. Basta’t hindi ito nakaaapekto sa pagganap mo sa iyong tungkulin, at basta’t hindi hinahadlangan o ginugulo ng mga magulang mo ang iyong pananampalataya sa Diyos at ang iyong pagganap sa tungkulin mo, at hindi ka rin nila pinipigilan, kung gayon ay natural at nararapat na tuparin mo ang iyong mga responsabilidad sa kanila, at dapat mo itong gawin hanggang sa antas na hindi ka inuusig ng iyong konsensiya—ito ang pinakamababang pamantayan na dapat mong matugunan. Kung hindi mo magawang igalang ang iyong mga magulang sa tahanan dahil sa epekto at paghadlang ng iyong mga sitwasyon, hindi mo kailangang sundin ang patakarang ito. Dapat mong ipagkatiwala ang iyong sarili sa mga pangangasiwa ng Diyos at dapat kang magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, at hindi mo kailangang ipilit na igalang ang iyong mga magulang. Kinokondena ba ito ng Diyos? Hindi ito kinokondena ng Diyos; hindi Niya pinipilit ang mga tao na gawin ito. Ano ang pinagbabahaginan natin ngayon? Pinagbabahaginan natin kung paano dapat magsagawa ang mga tao kapag sumasalungat ang paggalang sa kanilang mga magulang sa pagganap sa kanilang tungkulin; nagbabahaginan tayo sa mga prinsipyo ng pagsasagawa at sa katotohanan. May responsabilidad kang igalang ang iyong mga magulang, at kung pinahihintulutan ng mga sitwasyon, maaari mong tuparin ang responsabilidad na ito, ngunit hindi ka dapat mapigilan ng iyong mga damdamin. Halimbawa, kung magkasakit ang isa sa iyong mga magulang at kailangan niyang pumunta sa ospital, at walang sinumang mag-aalaga sa kanya, at masyado kang abala sa iyong tungkulin para makauwi, ano ang dapat mong gawin? Sa ganitong mga pagkakataon, hindi ka maaaring mapigilan ng iyong mga damdamin. Dapat mong ipagdasal ang usapin, ipagkatiwala ito sa Diyos, at ipagkatiwala ito sa mga pangangasiwa ng Diyos. Ganoong uri ng saloobin ang dapat na mayroon ka. Kung gusto ng Diyos na bawiin na ang buhay ng iyong magulang, at kuhain na ang iyong magulang mula sa iyo, dapat ka pa ring magpasakop. Sinasabi ng ilang tao: “Kahit na nagpasakop ako, miserable pa rin ang pakiramdam ko at ilang araw ko na itong iniiyakan—hindi ba’t ito ay damdamin batay sa laman?” Hindi ito pagkilos ayon sa mga damdamin, ito ay kabaitan ng tao, ito ay pagtataglay ng pagkatao, at hindi ito kinokondena ng Diyos. Maaari kang umiyak, ngunit kung ilang araw kang iiyak at hindi ka na makatulog o makakain, at wala kang ganang gawin ang iyong tungkulin, at nais mo pa ngang umuwi at bisitahin ang iyong mga magulang, hindi mo magagawa nang maayos ang iyong tungkulin, at kung gayon ay hindi mo naisasagawa ang katotohanan, na nangangahulugang hindi mo tinutupad ang iyong mga responsabilidad sa pamamagitan ng paggalang sa iyong mga magulang, bagkus ay namumuhay ka sa iyong mga damdamin. Kung iginagalang mo ang iyong mga magulang habang namumuhay ka sa iyong mga damdamin, hindi mo tinutupad ang iyong mga responsabilidad, at hindi mo sinusunod ang mga salita ng Diyos, dahil tinalikuran mo ang atas ng Diyos, at hindi ka isang taong sumusunod sa daan ng Diyos. Kapag naharap ka sa ganitong uri ng sitwasyon, kung hindi ito nagdudulot ng mga pagkaantala sa iyong tungkulin o nakaaapekto sa iyong tapat na pagganap sa iyong tungkulin, maaari kang gumawa ng ilang bagay na kaya mong gawin upang magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, at maaari mong tuparin ang mga responsabilidad na kaya mong tuparin. Bilang buod, ito ang nararapat gawin at kayang gawin ng mga tao sa saklaw ng pagkatao. Kung mabibitag ka ng iyong mga damdamin, at maaantala nito ang pagganap mo sa iyong tungkulin, ganap niyong sasalungatin ang mga layunin ng Diyos. Hindi kailanman hiningi ng Diyos na gawin mo iyon, hinihingi lang ng Diyos na tuparin mo ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang, iyon lang. Iyon ang ibig sabihin ng pagiging mabuting anak sa magulang. Mayroong konteksto kapag nagsasalita ang Diyos tungkol sa “paggalang sa mga magulang.” Kailangan mo lang tumupad ng ilang responsabilidad na maisasakatuparan sa saklaw ng lahat ng uri ng kondisyon, iyon lang. Pagdating naman sa kung malubhang magkakasakit o mamamatay ang iyong mga magulang, ikaw ba ang makapagpapasya sa mga bagay na ito? Kung kumusta ang buhay nila, kung kailan sila mamamatay, kung anong sakit ang ikamamatay nila, o kung paano sila mamamatay—may anumang kinalaman ba sa iyo ang mga bagay na ito? (Wala.) Walang kinalaman sa iyo ang mga ito. Sinasabi ng ilang tao: “Dapat kong tuparin ang aking mga responsabilidad nang sa gayon ay magalang ko ang aking mga magulang. Dapat kong tiyaking hindi sila magkakasakit, lalo na ng kanser o ng kung anong uri ng nakamamatay na sakit. Dapat kong tiyaking mabubuhay sila hanggang 100 taong gulang. Saka ko lang tunay na matutupad ang mga responsabilidad ko sa kanila.” Hindi ba’t katawa-tawa ang ganitong mga tao? Malinaw na imahinasyon ito ng tao, at talagang hindi ito hinihingi ng Diyos. Hindi mo nga alam kung magagawa mong mabuhay hanggang 100 taong gulang, subalit hinihingi mo pang mabuhay ang iyong mga magulang hanggang sa ganoong edad—pangarap iyon ng isang hangal! Kapag nagsasalita ang Diyos tungkol sa “paggalang sa mga magulang,” hinihingi lang Niya na tuparin mo ang iyong mga responsabilidad na nasa saklaw ng normal na pagkatao. Basta’t hindi mo minamaltrato ang iyong mga magulang o hindi ka gumagawa ng anumang sumasalungat sa iyong konsensiya at moralidad, sapat na iyon. Hindi ba’t naaayon ito sa mga salita ng Diyos? (Naaayon nga.) Siyempre pa, kababanggit lang din natin ng sitwasyon kung saan hinahadlangan ng iyong mga magulang ang iyong pananalig sa Diyos, ang kanilang kalikasang diwa ay sa mga hindi mananampalataya at walang pananampalataya, o sa masasamang tao at mga diyablo pa nga, at iba ang kanilang landas sa landas mo. Sa madaling salita, talagang ibang uri sila ng tao kumpara sa iyo, at bagamat nakatira kayo sa iisang bahay sa loob ng maraming taon, sadyang iba talaga ang kanilang mga hinahangad o karakter kumpara sa iyo, at iba talaga ang kanilang mga kagustuhan o inaasam kumpara sa iyo. Nananalig ka sa Diyos, at hindi talaga sila nananalig sa Diyos, at nilalabanan pa nga nila ang Diyos. Ano ang dapat gawin sa mga sitwasyong ito? (Itakwil sila.) Hindi sinabi sa iyo ng Diyos na itakwil o isumpa mo sila sa mga sitwasyong ito. Hindi iyan sinabi ng Diyos. Dapat pa ring sundin ang hinihingi ng Diyos na “igalang ang mga magulang.” Nangangahulugan ito na habang nakatira ka sa iyong mga magulang, dapat mo pa ring itaguyod ang hinihinging ito na igalang ang iyong mga magulang. Walang kontradiksyon sa usaping ito, hindi ba? (Wala nga.) Wala talagang kontradiksyon dito. Sa madaling salita, kapag nagawa mong makauwi para bumisita, maaari mo silang ipagluto ng pagkain o gawan sila ng ilang dumplings, at kung posible, maaari mo silang bilhan ng ilang produktong pangkalusugan, at lubos silang malulugod sa iyo. Kung magsasalita ka tungkol sa iyong pananampalataya, at hindi nila ito tatanggapin o paniniwalaan, at berbal ka pa nga nilang aabusuhin, hindi mo kailangang ipangaral ang ebanghelyo sa kanila. Kung posible na mapuntahan mo sila, magsagawa ka sa ganitong paraan; kung hindi ito posible, sadyang ganoon lang talaga, at ito ay pangangasiwa ng Diyos, at dapat kang magmadaling dumistansya sa kanila at iwasan sila. Ano ang prinsipyo para dito? Kung hindi nananalig sa Diyos ang mga magulang mo, at magkaiba ang inyong wika o mga paghahangad at mithiin, at iba ang landas na tinatahak nila sa landas na tinatahak mo, at hinahadlangan at inuusig pa nga nila ang iyong pananalig sa Diyos, kung gayon ay matutukoy mo sila, makikilatis mo ang kanilang diwa, at maitatakwil sila. Siyempre pa, kung berbal nilang aabusuhin ang Diyos o isusumpa ka nila, maaari mo silang isumpa sa iyong puso. Kung gayon, ano ang tinutukoy ng sinasabi ng Diyos na “paggalang sa mga magulang”? Paano mo ito dapat isagawa? Ibig sabihin, kung maaari mong tuparin ang iyong mga responsabilidad, tuparin mo ang mga ito nang kaunti, at kung wala kang ganoong pagkakataon, o kung naging napakatindi na ng tensyon sa iyong mga pakikisalamuha sa kanila, at may alitan na sa pagitan ninyo, at umabot na sa puntong hindi na ninyo kayang makita ang isa’t isa, dapat kang magmadaling ilayo ang sarili mo sa kanila. Kapag nagsasalita ang Diyos tungkol sa paggalang sa ganitong mga uri ng mga magulang, ibig Niyang sabihin ay dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang anak mula sa perspektiba ng iyong posisyon bilang kanilang anak, at gawin mo ang mga bagay na nararapat na gawin ng isang anak. Hindi mo dapat maltratuhin ang iyong mga magulang, o hindi ka dapat makipagtalo sa kanila, hindi mo sila dapat saktan o sigawan, hindi mo sila dapat abusuhin, at dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila sa abot ng makakaya mo. Ito ang mga bagay na nararapat isakatuparan sa saklaw ng pagkatao; ito ang mga prinsipyo na dapat isagawa ng isang tao kaugnay ng “paggalang sa mga magulang.” Hindi ba’t madaling isakatuparan ang mga ito? Hindi mo kailangang harapin ang iyong mga magulang nang mainit ang ulo mo, na sinasabing, “Kayong mga diyablo at hindi mananampalataya, isinusumpa kayo ng Diyos tungo sa lawa ng apoy at asupre at sa napakalalim na hukay, ipadadala Niya kayo sa ikalabingwalong antas ng impiyerno!” Hindi iyon kinakailangan, hindi mo kailangang maging ganito katindi. Kung pahihintulutan ng mga sirkumstansiya, at kung hinihingi ng sitwasyon, maaari mong tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang anak sa iyong mga magulang. Kung hindi ito kinakailangan, o kung hindi ito pinahihintulutan ng mga sirkumstansiya at hindi ito posible, maaari mong hindi gawin ang obligasyong ito. Ang kailangan mo lang gawin ay tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang anak kapag nakikipagkita ka sa iyong mga magulang at nakikisalamuha ka sa kanila. Kapag nagawa mo na iyon, nakumpleto mo na ang iyong gawain. Ano ang tingin mo sa prinsipyong ito? (Maganda ito.) Dapat ay mayroong mga prinsipyo sa kung paano mo tinatrato ang lahat ng tao, kabilang ang iyong mga magulang. Hindi ka maaaring kumilos nang pabigla-bigla, at hindi mo maaaring berbal na abusuhin ang iyong mga magulang dahil lang sa inuusig nila ang iyong pananalig sa Diyos. Napakaraming tao sa mundo ang hindi nananalig sa Diyos, napakaraming walang pananampalataya, at napakaraming taong nang-iinsulto sa Diyos—isusumpa at sisigawan mo ba silang lahat? Kung hindi, hindi mo rin dapat sigawan ang iyong mga magulang. Kung sisigawan mo ang iyong mga magulang ngunit hindi ang iba pang taong iyon, kung gayon ay namumuhay ka sa gitna ng init ng ulo, at hindi ito gusto ng Diyos. Huwag mong isiping malulugod ang Diyos sa iyo kung berbal mong aabusuhin at isusumpa ang iyong mga magulang nang walang mabuting layon, sinasabing sila ay mga diyablo, nabubuhay na mga Satanas, at kampon ni Satanas, at isinusumpa silang mapunta sa impiyerno—sadyang hindi iyon ganoon. Hindi ka magiging katanggap-tanggap sa Diyos o hindi Niya sasabihing mayroon kang pagkatao dahil sa huwad na pagpapakitang ito ng pagiging aktibo. Sa halip, sasabihin ng Diyos na ang iyong mga kilos ay may kasamang mga emosyon at init ng ulo. Hindi magugustuhan ng Diyos ang pagkilos mo sa ganitong paraan, masyado itong sukdulan, at hindi ito naaayon sa Kanyang mga layunin. Dapat na mayroong mga prinsipyo sa kung paano mo tinatrato ang lahat ng tao, kabilang na ang iyong mga magulang; nananalig man sila sa Diyos o hindi, at masasamang tao man sila o hindi, dapat mo silang tratuhin nang may mga prinsipyo. Sinabi ng Diyos sa tao ang prinsipyong ito: Tungkol ito sa pagtrato sa iba nang patas—sadya lamang na may karagdagang antas ng responsabilidad ang mga tao sa kanilang mga magulang. Ang kailangan mo lang gawin ay tuparin ang responsabilidad na ito. Mananampalataya man o hindi ang iyong mga magulang, hinahangad man nila o hindi ang kanilang pananalig, umaayon man o hindi ang kanilang pananaw sa buhay at pagkatao sa iyong pananaw sa buhay at pagkatao, kailangan mo lang tuparin ang iyong responsabilidad sa kanila. Hindi mo sila kailangang iwasan—hayaan mo lang na natural na mangyari ang lahat, nang ayon sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Kung hinahadlangan nila ang iyong pananalig sa Diyos, dapat mo pa ring tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang anak sa abot ng makakaya mo, upang kahit papaano ay hindi makaramdam ang iyong konsensiya na may pagkakautang ka sa kanila. Kung hindi ka nila hinahadlangan, at sinusuportahan nila ang iyong pananalig sa Diyos, kung gayon ay dapat ka ring magsagawa nang ayon sa mga prinsipyo, tinatrato sila nang maayos kapag naaangkop na gawin ito. Bilang buod, anuman ang mangyari, hindi nagbabago ang mga hinihingi ng Diyos sa tao, at hindi maaaring magbago ang mga katotohanang prinsipyo na dapat isagawa ng mga tao. Sa mga usaping ito, kailangan mo lang itaguyod ang mga prinsipyo, at tuparin ang mga responsabilidad na magagawa mong tuparin.

Tatalakayin Ko na ngayon kung bakit nagpanukala ang Diyos ng hinihingi patungkol sa pag-uugali ng tao na tulad ng “igalang ang mga magulang.” Ang iba pang hinihingi ng Diyos ay pawang mga alituntunin sa pag-uugali na may kinalaman sa indibidwal na pag-asal ng bawat tao, kaya bakit naglatag ang Diyos ng ibang uri ng hinihingi patungkol sa usapin ng pagiging mabuting anak sa magulang? Sabihin mo sa Akin: Kung hindi man lang magawang igalang ng isang tao ang kanyang sariling mga magulang, ano ang lagay ng kanyang kalikasang diwa? (Masama.) Nagdusa nang husto ang kanyang mga magulang upang isilang at palakihin siya, at tiyak na hindi naging madali ang pagpapalaki sa kanya—at sa totoo lang, hindi naman sila umaasa na magdadala sa kanila ng lubos na kaligayahan at pagkakuntento ang kanilang anak, umaasa lang sila na kapag lumaki na ang kanilang anak, mamumuhay siya nang masaya, at hindi nila kakailanganing masyadong mag-alala sa kanya. Ngunit hindi nagpupursigi o nagsisikap ang kanilang anak, at hindi siya namumuhay nang maayos—umaasa pa rin siya sa kanyang mga magulang para alagaan siya, at naging linta siya, na maliban sa hindi niya iginagalang ang kanyang mga magulang, gusto pa niyang apihin at takutin ang kanyang mga magulang upang mapasakanya ang ari-arian ng mga ito. Kung kaya niyang maging ganito kasama ang pag-uugali niya, anong klaseng tao siya? (Isang taong hindi mabuti ang pagkatao.) Hindi niya tinutupad ang anuman sa kanyang mga responsabilidad sa mga taong nagsilang at nagpalaki sa kanya, at hindi man lang siya nakokonsensiya tungkol dito—kung titingnan mo siya mula sa perspektibang ito, mayroon ba siyang konsensiya? (Wala.) Sasaktan at berbal na aabusuhin niya ang kahit sino, pati na ang mga magulang niya. Tinatrato niya ang kanyang mga magulang na gaya ng pagtrato niya sa iba pang tao—sinasaktan sila at berbal silang inaabuso kapag gusto niya. Kapag hindi siya masaya, ibinubunton niya ang galit niya sa kanyang mga magulang, nagbabasag siya ng mga mangkok at plato, at tinatakot sila. Nagtataglay ba ng katwiran ang ganitong tao? (Hindi.) Kung ang isang tao ay walang konsensiya o katwiran, at kayang kaswal na abusuhin kahit pa ang sarili niyang mga magulang, isa ba siyang tao? (Hindi.) Ano siya kung gayon? (Isang hayop.) Isa siyang hayop. Tumpak ba ang pahayag na ito? (Tumpak ito.) Sa katunayan, kung tinutupad ng isang tao ang ilan sa kanyang mga responsabilidad sa kanyang mga magulang, at inaalagaan sila, at lubos silang minamahal—hindi ba’t ito ang mga bagay na nararapat lang na taglayin ng mga taong may normal na pagkatao? (Ganoon na nga.) Kung mamaltratuhin at aabusuhin ng isang tao ang kanyang mga magulang, matatanggap ba ito ng kanyang konsensiya? Kaya ba ng isang normal na tao na gumawa ng ganoon? Hindi ito kayang gawin ng mga taong nagtataglay ng konsensiya at katwiran—kung magagalit sa kanila ang kanilang mga magulang, magiging miserable sila sa loob ng ilang araw. May ilang taong mainitin ang ulo, at maaaring magalit sila sa kanilang mga magulang kapag desperado sila, ngunit pagkatapos nilang magalit, uusigin sila ng kanilang konsensiya, at kahit pa hindi sila humingi ng tawad, hindi na nila ito gagawin ulit. Isa itong bagay na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao, at isa itong pagpapakita ng normal na pagkatao. Ang mga taong walang pagkatao ay kayang abusuhin ang kanilang mga magulang sa anumang paraan nang walang nararamdamang kahit ano, at iyon ang ginagawa nila. Kung sinaktan sila nang isang beses ng kanilang mga magulang noong bata pa sila, buong buhay nila itong maaalala, at kapag lumaki na sila, nanaisin pa rin nilang saktan ang kanilang mga magulang at gantihan ang mga ito. Karamihan ng mga tao ay hindi gaganti ng pananakit kapag sinaktan sila ng kanilang mga magulang noong bata pa sila; ang ilang taong nasa trenta na ang edad ang hindi gaganti ng pananakit kapag sinaktan sila ng kanilang mga magulang, at hindi sila iimik tungkol dito, kahit na masakit ito. Ito ang dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. Bakit hindi sila iimik tungkol dito? Kung ibang tao ang mananakit sa kanila, papayagan ba nila iyon at hahayaan ang taong iyon na saktan sila? (Hindi.) Kung ibang tao iyon, maging sinuman iyon, hindi nila hahayaan ang taong iyon na saktan sila—ni hindi nila hahayaan ang taong iyon na pagsalitaan sila ng berbal na pang-aabuso sa kanila. Kaya bakit hindi sila gumaganti ng pananakit o nagagalit kahit na sinasaktan sila ng mga magulang nila? Bakit nila ito tinitiis? Hindi ba’t ito ay dahil may konsensiya at katwiran sa kanilang pagkatao? Iniisip nila: “Pinalaki ako ng mga magulang ko. Kahit na hindi tamang saktan nila ako, dapat ko itong tiisin. Isa pa, ako ang dahilan kaya nagalit sila, kaya nararapat lang na saktan ako. Ginagawa lang nila ito dahil sinuway at ginalit ko sila. Nararapat lang na saktan ako! Hinding-hindi ko na ito gagawin ulit.” Hindi ba’t ito ang katwiran na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao? (Ito nga.) Ang katwirang ito ng normal na pagkatao ang nagtutulot sa kanilang tiisin ang ganitong pagtrato sa kanila ng mga magulang nila. Ito ang normal na pagkatao. Kung gayon, taglay ba ng mga taong hindi kayang tiisin ang ganitong uri ng pagtrato, na gumaganti ng pananakit sa kanilang mga magulang, ang pagkataong ito? (Hindi.) Tama iyan, hindi nila ito tinataglay. Ang mga taong walang konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao ay kaya pa ngang manakit at berbal na mang-abuso ng sarili nilang mga magulang, kaya paano nila magagawang tratuhin ang Diyos at ang kanilang mga kapatid sa iglesia? Kaya nilang tratuhin nang ganito ang mga taong nagsilang at nagpalaki sa kanila, kaya hindi ba’t lalo silang walang malasakit sa ibang taong hindi nila kadugo? (Ganoon na nga.) Paano nila tatratuhin ang Diyos, na hindi nila nakikita o nahahawakan? Magagawa ba nilang tratuhin ang Diyos, na hindi nila nakikita, nang may konsensiya at katwiran? Magagawa ba nilang magpasakop sa lahat ng kapaligirang pinangangasiwaan ng Diyos? (Hindi.) Kung pupungusan, hahatulan o kakastiguhin sila ng Diyos, lalabanan ba nila ang Diyos? (Oo.) Pag-isipan ito: Ano ang silbi ng konsensiya at katwiran ng isang tao? Sa partikular na antas, kayang pigilan at kontrolin ng konsensiya at katwiran ng isang tao ang kanyang pag-uugali—binibigyang-kakayahan siya ng mga ito na magkaroon ng tamang saloobin at makagawa ng mga tamang pasya kapag may mga nangyayari sa kanya, at maharap ang lahat ng nangyayari sa kanya gamit ang kanyang konsensiya at katwiran. Madalas, ang pagkilos batay sa konsensiya at katwiran ay magtutulot sa mga taong makaiwas sa matinding kasawian. Siyempre pa, ang mga taong naghahangad sa katotohanan ay nagagawang piliing tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan batay sa pundasyong ito, pumapasok sila sa katotohanang realidad, at nagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Ang mga hindi naghahangad sa katotohanan ay walang pagkatao, at wala sila ng ganitong uri ng konsensiya at katwiran—kalunos-lunos ang mga kahihinatnan nito. Kaya nilang gawin ang kahit ano sa Diyos—katulad na lang ng naging pagtrato ng mga Pariseo sa Panginoong Jesus, kaya nilang insultuhin ang Diyos, gantihan ang Diyos, lapastanganin ang Diyos, o akusahan at ipagkanulo pa nga ang Diyos. Napakalubha ng problemang ito—hindi ba’t magdudulot ito ng kaguluhan? Ang mga taong walang katwiran ng pagkatao ay madalas na gumaganti sa iba sa pamamagitan ng kanilang init ng ulo; hindi sila napipigilan ng katwiran ng pagkatao, kaya madali para sa kanilang magkaroon ng ilang sukdulang kaisipan at pananaw, at pagkatapos ay gumawa ng mga bagay na sukdulan, at kumilos sa maraming paraan na walang konsensiya at katwiran, at sa huli, ganap nang hindi makontrol ang mga kinahihinatnan nito. Halos natapos na Akong magbahagi tungkol sa “paggalang sa mga magulang” at sa pagsasagawa sa katotohanan—sa huli, ang pinakamahalagang punto ay ang pagkatao. Bakit nagpanukala ang Diyos ng hinihinging tulad ng “igalang ang mga magulang”? Dahil nauugnay ito sa asal ng tao. Sa isang banda, ginagamit ng Diyos ang hinihinging ito upang kontrolin ang pag-uugali ng tao, at kasabay nito, sinusubok at tinutukoy Niya ang pagkatao ng mga tao sa pamamagitan nito. Kung hindi tinatrato ng isang tao ang kanyang sariling mga magulang nang may konsensiya at katwiran, tiyak na wala siyang pagkatao. Sinasabi ng ilang tao: “Paano kung walang mabuting pagkatao ang kanyang mga magulang, at hindi nila ganap na natupad ang kanilang mga responsabilidad sa kanilang anak—dapat pa rin ba silang pakitaan ng taong iyon ng pagkamabuting anak?” Kung nagtataglay siya ng konsensiya at katwiran, bilang anak na babae o anak na lalaki, hindi niya aabusuhin ang kanyang mga magulang. Ang mga taong nang-aabuso ng kanilang mga magulang ay talagang walang konsensiya at katwiran. Kaya, anumang hinihingi ang ipanukala ng Diyos, nauugnay man ito sa saloobin ng mga tao sa pagtrato nila sa kanilang mga magulang, o sa pagkatao na karaniwang isinasabuhay at inilalantad ng mga tao, ano’t anuman, dahil inilatag ng Diyos ang mga pamamaraang ito na nauugnay sa mga panlabas na pag-uugali, tiyak na mayroon Siyang sarili Niyang mga dahilan at layon sa paggawa niyon. Bagamat malayo-layo pa rin sa katotohanan ang mga hinihinging ito ng Diyos para sa pag-uugali, mga pamantayan pa rin ang mga ito na itinakda ng Diyos upang kontrolin ang pag-uugali ng tao. Makabuluhan ang lahat ng ito at may bisa pa rin ang mga ito sa kasalukuyan.

Katatapos Ko lang magbahagi tungkol sa iba’t ibang koneksyon at kaibahan sa pagitan ng mga pamantayan sa pag-uugali na ipinanukala ng Diyos para sa tao at sa mga katotohanang hinihingi Niya. Sa puntong ito, hindi ba’t halos natapos na natin ang pagbabahaginan sa mabubuting pag-uugali na bahagi ng mga bagay na pinaniniwalaan ng mga tao na tama at mabuti sa kanilang mga kuru-kuro? Pagkatapos tapusin ang ating pagbabahaginan tungkol dito, pinag-usapan natin ang ilang pamantayan at kasabihang ipinanukala ng Diyos upang kontrolin ang pag-uugali ng tao at ang isinasabuhay ng tao, at naglista tayo ng ilang halimbawa, gaya ng: huwag manakit o berbal na mang-abuso ng iba, igalang ang mga magulang, huwag manigarilyo o uminom, huwag magnakaw, huwag manamantala ng iba, huwag magbigay ng huwad na patotoo, huwag sumamba sa mga diyos-diyosan, at iba pa. Siyempre pa, ito lamang ang mga pangunahing bagay, at napakarami pang detalye ang hindi na natin tatalakayin. Kaya, pagkatapos magbahaginan tungkol sa mga bagay na ito, anong mga katotohanan ang dapat na nakamit ninyo? Anong mga prinsipyo ang dapat ninyong isagawa? Ano ang dapat ninyong gawin? Kailangan ba ninyong ipagpitagan ang matatanda at alagaan ang mga bata? Kailangan ba ninyong maging magalang na tao? Kailangan ba ninyong maging magiliw at madaling lapitan? Kailangan ba ng mga babaeng maging malumanay at pino o may pinag-aralan at matino? Kailangan ba ng mga lalaking maging dakila, ambisyoso, at matagumpay na lalaki? Hindi nila kailangang maging ganoon. Siyempre, napakarami na nating ginawang pagbabahaginan. Ang mga bagay na ito na itinataguyod ng tradisyonal na kultura ay malinaw na ginagamit ni Satanas upang ilihis ang mga tao. Lubos na mapanlihis ang mga bagay na ito, at nakapanlalansi ng mga tao ang mga bagay na ito. Dapat ninyong suriin ang inyong sarili at tingnan kung kinikimkim pa rin ninyo ang anuman sa mga kaisipan at pananaw o pag-uugali at pagpapamalas na ito. Kung oo, dapat kayong magmadaling hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga ito, at pagkatapos ay dapat ninyong tanggapin ang katotohanan, at mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos. Sa ganoong paraan, makakamit ninyo ang pagsang-ayon ng Diyos. Dapat ninyong pagnilayan kung kumusta ang inyong panloob na kalagayan noong namumuhay kayo ayon sa tradisyonal na kultura, at kung ano ang pakiramdam ninyo sa kaibuturan ng inyong puso, kung ano ang nakamit mo, at kung ano ang kinalabasan, at pagkatapos ay tingnan kung ano ang pakiramdam na umasal nang ayon sa mga pamantayang hiningi ng Diyos sa tao, tulad ng pagiging matimpiin, pagtataglay ng banal na kawastuhan ng asal, hindi pananakit o berbal na pang-aabuso sa iba, at iba pa. Tingnan kung alin sa mga paraang ito ng pamumuhay ang nagtutulot sa iyo na mamuhay nang mas madali, mas malaya, mas matatag, at mas payapa, at nagbibigay-kakayahan sa iyong mamuhay nang may higit na pagkatao, at kung alin ang nagpaparamdam na para bang namumuhay ka sa ilalim ng isang huwad na maskara, at ginagawang napakahuwad at napakamiserable ng iyong buhay. Tingnan kung alin sa mga paraang ito ng pamumuhay ang nagtutulot sa iyong mamuhay nang papalapit nang papalapit sa mga hinihingi ng Diyos, at ginagawang mas lalong normal ang iyong ugnayan sa Diyos. Kapag talagang naranasan mo ito, malalaman mo. Ang pagsasagawa sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan ang tanging makapagdadala sa iyo ng pakiramdam ng pagkahulagpos at paglaya, at magtutulot sa iyong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Halimbawa, sabihin nang upang hikayatin ang ibang tao na sabihing ipinagpipitagan mo ang matatanda at inaalagaan mo ang mga bata, na sumusunod ka sa mga tuntunin, at na isa kang mabuting tao, sa tuwing may nakatatagpo kang mas matandang kapatid, tinatawag mo siyang “nakatatandang kapatid,” hindi ka kailanman naglalakas-loob na tawagin siya sa pangalan niya, at masyado kang nahihiyang tawagin siya sa pangalan niya, at iniisip mo na magiging lubos na walang galang kung gagawin mo iyon. Nakatago sa iyong puso ang tradisyonal na kuru-kurong ito ng pagpipitagan sa matatanda at pag-aalaga sa mga bata, kaya kapag may nakikita kang matanda, nagiging napakamalumanay at napakabait mo, at para bang lubos kang sumusunod sa tuntunin at sibilisado, at hindi mo mapigilan ang yumukod nang malalim. Tinatrato mo ang mga nakatatanda nang may paggalang—kapag mas matanda ang taong nasa harap mo, mas nagkukunwari kang maayos ang asal mo. Mabuting bagay ba ang ganitong pagiging maayos ang asal? Pamumuhay ito nang walang paninindigan at walang dignidad. Kapag nakakakita ang mga ganitong tao ng isang bata, nagpapakyut sila at nakikipaglaro, na parang isang bata. Kapag nakakakita sila ng taong kaedaran nila, tumatayo sila nang matuwid, at umaastang nasa hustong gulang na, upang hindi maglalakas-loob ang iba na hindi sila igalang. Anong uri sila ng tao? Hindi ba’t marami silang mukha? Napakabilis nilang magbago ng mukha, hindi ba? Kapag nakakakita sila ng matanda, tinatawag nila itong “nakatatandang lolo” o “nakatatandang lola.” Kapag nakakakita sila ng isang taong medyo mas matanda sa kanila, tinatawag nila itong “tiyo,” “tiya,” “kuya,” o “ate.” Kapag nakakakita sila ng isang taong mas bata sa kanila, tinatawag nila itong “nakababatang kapatid.” Iba’t iba ang tawag at palayaw nila sa mga tao ayon sa edad ng mga ito, at napaka-eksakto at napakatumpak ng paggamit nila sa mga tawag at palayaw na ito. Nag-ugat na ang mga bagay na ito sa kanilang kaibuturan, at napakadali nilang nagagamit ang mga ito. Lalo na pagkatapos nilang manalig sa Diyos, mas lalo silang nakukumbinsi na: “Ngayon ay mananampalataya na ako sa Diyos, dapat akong maging masunurin sa tuntunin at sibilisado; dapat akong maging may pinag-aralan at matino. Hindi ako maaaring lumabag sa mga tuntunin o magrebelde tulad ng mga walang pananampalataya at sakit-sa-ulong kabataan—hindi iyon magugustuhan ng mga tao. Kung gusto kong magustuhan ako ng lahat, kailangan kong ipagpitagan ang matatanda at alagaan ang mga bata.” Kaya, mas mahigpit nilang kinokontrol ang kanilang pag-uugali, pinagbubukod-bukod sa iba’t ibang antas ang mga tao batay sa edad ng mga ito, may mga tawag at palayaw sila sa mga ito, at pagkatapos ay palagi nila itong isinasagawa sa kanilang pang-araw-araw na buhay, at pagkatapos ay mas lalo nilang iniisip na: “Tingnan ninyo ako, talagang nagbago na ako matapos kong manalig sa Diyos. Ako ay may pinag-aralan, matino, at magalang, ipinagpipitagan ko ang matatanda at inaalagaan ang mga bata, at magiliw ako. Namumuhay talaga ako nang may wangis ng tao. Alam ko kung ano ang tamang itatawag sa bawat tao, anuman ang edad nila. Hindi ko kinailangan ang mga magulang ko na ituro ito sa akin, at hindi ko kinailangan ang mga tao sa paligid ko na sabihin sa aking gawin ko ito, sadyang alam ko na kung paano ito gawin.” Pagkatapos isagawa ang mabubuting pag-uugaling ito, iniisip nila na talagang mayroon silang pagkatao, na talagang sumusunod sila sa tuntunin, at na tiyak na gusto ito ng Diyos—hindi ba’t dinadaya nila ang kanilang sarili at ang ibang tao? Mula ngayon, dapat mong talikuran ang mga bagay na ito. Dati, ikinuwento Ko ang kuwento nina Daming at Xiaoming—nauugnay ang kuwentong iyon sa pagpipitagan sa matatanda at pag-aalaga sa mga bata, hindi ba? (Ganoon nga.) Kapag nakakakita ang ilang tao ng isang matanda, iniisip nilang hindi sapat na kagandahang-loob ang pagtawag dito ng “nakatatandang kapatid,” at hindi nito maipapaisip sa mga tao na sapat ang pagiging sibilisado nila, kaya tinatawag nila itong “nakatatandang lolo” o “nakatatandang tiya.” Tila sapat naman ang pagrespeto mo sa kanya, at saan nagmumula ang iyong respeto sa kanya? Hindi ka mukhang isang taong rumerespeto sa iba. Mukha kang nakatatakot at mabangis, marahas, at mapagmataas, at ang mga kilos mo ay mas mapagmataas kaysa sa iba pang tao. Bukod sa hindi mo hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, hindi mo rin kinokonsulta ang iba; sarili mo lang ang sinusunod mo, at wala kang kahit katiting na pagkatao. Tinitingnan mo kung sino ang may katayuan, at pagkatapos ay tinatawag mo silang “nakatatandang tiyo” o “nakatatandang tiya,” umaasa kang matatanggap mo ang papuri ng mga tao dahil dito—kapaki-pakinabang ba ang pagkukunwari nang ganito? Magkakaroon ka ba ng pagkatao at mga moralidad kung magkukunwari ka nang ganito? Sa kabaligtaran, kapag nakikita ng ibang tao na ginagawa mo ito, mas lalo silang masusuklam sa iyo. Kapag may mga nangyayari na sangkot ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, walang dudang kaya mong ipagkanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Nabubuhay ka lang upang bigyang-kasiyahan ang iyong sarili, at habang nagtataglay ng ganitong uri ng pagkatao, tinatawag mo pa rin ang mga tao na “nakatatandang tiya”—hindi ba’t pagpapanggap ito? (Pagpapanggap nga.) Magaling ka talagang magkunwari! Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t kasuklam-suklam ang mga ganitong tao? (Kasuklam-suklam nga.) Ang mga ganitong tao ay palaging ipinagkakanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—hindi man lang nila pinoprotektahan ang mga ito. Pinipinsala nila ang nagtataguyod sa kanila, at hindi sila karapat-dapat na mamuhay sa sambahayan ng Diyos. Suriin ang iyong sarili, at tingnan kung anong mga kaisipan, pananaw, saloobin, diskarte, at paraan ng pagtrato sa mga tao ang kinikimkim mo pa rin na mga bagay na karaniwang kinikilala ng sangkatauhan na mabubuting pag-uugali, pero sa katunayan, ito mismo ang mga bagay na kinamumuhian ng Diyos. Dapat kayong magmadaling bitiwan ang mga walang silbing bagay na ito, at hinding-hindi kayo dapat kumapit sa mga ito. Sinasabi ng ilang tao: “Anong mali sa pagkilos nang ganoon?” Kung kikilos ka nang ganoon, masusuklam Ako sa iyo at mamumuhi Ako sa iyo, hinding-hindi ka dapat kumilos nang ganoon. Sinasabi ng ilang tao: “Hindi mahalaga kung nasusuklam Ka sa amin, hindi naman kami naninirahan na kasama Mo.” Hindi ka pa rin dapat kumilos nang ganoon, kahit na hindi tayo naninirahan nang magkasama. Masusuklam Ako sa iyo dahil hindi mo nagagawang tanggapin o isagawa ang katotohanan, na nangangahulugang hindi ka maililigtas. Samakatuwid, mas makabubuting talikuran mo ang mga bagay na iyon sa lalong madaling panahon. Huwag kang magpanggap at huwag kang mamuhay sa likod ng huwad na maskara. Sa palagay Ko ay napakanormal ng mga taga-Kanluran sa bagay na ito. Halimbawa, sa Amerika, kailangan mo lang tawagin ang mga tao sa pangalan nila. Hindi mo kailangang maasiwa sa pagtawag sa taong ito ng “lolo” at sa taong iyon ng “lola,” at hindi mo kailangang mag-alala na huhusgahan ka ng mga tao—maaari mong tawagin lang ang mga tao sa kanilang pangalan, sa isang marangal na paraan, at kapag narinig ng mga tao na ginagawa mo iyon, matutuwa sila nang husto, kapwa ang mga nasa hustong gulang na at ang mga bata, at iisipin nilang nagiging magalang ka. Sa kabaligtaran, kung alam mo ang pangalan nila, at tatawagin mo pa rin silang “sir” o “tiya,” hindi sila matutuwa, at magiging malamig sila sa iyo, at magiging napakakakatwa nito para sa iyo. Iba ang kulturang Kanluranin sa tradisyonal na kulturang Tsino. Naturuan at naimpluwensiyahan na ng tradisyonal na kultura ang mga Tsino, at palagi nilang gustong tumayo sa mataas na posisyon, na maging nakatatanda sa grupo, at himukin ang ibang tao na igalang sila. Hindi sapat sa kanilang matawag na “lolo” o “lola,” gusto nilang idagdag ng mga tao ang “nakatatanda” sa unahan niyon, at tawagin silang “nakatatandang lolo,” “nakatatandang lola,” o “nakatatandang tiyo.” Pagkatapos ay mayroon ding “matandang tiya” o “matandang tiyo”—kung hindi sila tinatawag na “nakatatanda,” gusto nilang matawag na “matanda.” Hindi ba’t kasuklam-suklam ang mga ganitong tao? Anong uri ng disposisyon ito? Hindi ba’t nakaririmarim ito? Napakakasuklam-suklam nito! Bukod sa walang kakayahan ang mga ganitong uri ng mga tao na makamit ang paggalang ng iba, kinamumuhian at hinahamak pa sila ng ibang tao, at dumidistansya sa kanila at itinatakwil sila ng ibang tao. Kaya, may dahilan kung bakit inilalantad ng Diyos ang mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura at kung bakit kinapopootan Niya ang mga bagay na ito. Ito ay dahil naglalaman ang mga bagay na ito ng mga panlalansi at disposisyon ni Satanas, at maaaring maapektuhan ng mga ito ang mga pamamaraan at direksyon ng pag-asal ng isang tao. Siyempre, maaari ding maapektuhan ng mga ito ang perspektibang ginagamit ng isang tao para tingnan ang mga tao at bagay, at kasabay nito, binubulag din ng mga ito ang mga tao, at naaapektuhan ng mga ito ang abilidad nilang piliin ang tamang landas. Kaya, hindi ba’t dapat talikuran ng mga tao ang mga bagay na ito? (Dapat nga nilang talikuran ang mga ito.)

Napakalalim nang naimpluwensiyahan ng tradisyonal na kultura ang mga Tsino. Siyempre, may sariling tradisyonal na kultura ang bawat bansa sa mundo, at may maliliit na pagkakaiba lang ang mga tradisyonal na kulturang ito. Bagamat ang ilan sa mga kasabihan ng mga ito ay iba sa mga kasabihan ng tradisyonal na kulturang Tsino, pareho ang kalikasan ng mga ito. Umiiral ang lahat ng kasabihang ito dahil may mga tiwaling disposisyon at walang normal na pagkatao ang mga tao, kaya gumagamit sila ng ilang napakamapanlinlang na pag-uugali, na sa panlabas ay mukhang mabuti, umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, madali para sa mga tao na isakatuparan, na ipresenta ang kanilang sarili, para magmukha silang lubos na maginoo, marangal, at kagalang-galang, at para magmukha silang may dignidad at integridad. Ngunit ang mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura ang mismong nagpapalabo sa mga mata ng mga tao at nakakapanglansi sa kanila, at ang mga bagay na ito ang mismong humahadlang sa mga tao na isabuhay ang tunay na wangis ng tao. Ang mas malala pa, ginagamit ni Satanas ang mga bagay na ito upang gawing tiwali ang pagkatao ng mga tao, at akayin sila palayo mula sa tamang landas. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Sinasabi ng Diyos sa mga tao na huwag magnakaw, huwag makiapid, at iba pa, samantalang sinasabi ni Satanas sa mga tao na dapat silang maging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, magalang, at iba pa—hindi ba’t ang mga ito ang mismong kabaligtaran ng mga hinihingi ng Diyos? Hindi ba’t sadyang salungat ang mga ito sa mga hinihingi ng Diyos? Tinuturuan ni Satanas ang mga tao kung paano gumamit ng mga panlabas na paraan at pag-uugali, at kung ano ang isasabuhay nila upang lansihin ang ibang tao. Ano ang itinuturo ng Diyos sa mga tao? Na hindi sila dapat gumamit ng mga panlabas na pag-uugali para huwad na matamo ang tiwala ng ibang tao, at sa halip ay dapat silang umasal batay sa Kanyang mga salita at sa katotohanan. Sa ganoong paraan, magiging karapat-dapat sila sa tiwala at kumpiyansa ng ibang tao—tanging ang mga ganitong tao ang may pagkatao. Hindi ba’t may pagkakaiba rito? May napakalaking pagkakaiba. Sinasabi ng Diyos sa iyo kung paano umasal, samantalang sinasabi ni Satanas sa iyo kung paano magpanggap at paano lansihin ang ibang tao—hindi ba’t malaking pagkakaiba iyon? Kaya, nauunawaan mo na ba kung ano ang dapat piliin ng mga tao sa huli? Alin sa mga ito ang tamang landas? (Ang mga salita ng Diyos.) Tama iyan, ang mga salita ng Diyos ang tamang landas sa buhay. Anumang uri ng hinihingi ang ipinanukala ng mga salita ng Diyos tungkol sa pag-uugali ng tao, ito man ay isang tuntunin, utos, o batas na sinabi ng Diyos sa tao, walang pagdududang tama ang lahat ng ito, at dapat sumunod sa mga ito ang mga tao. Ito ay dahil ang mga salita ng Diyos ay palaging ang tamang landas at ang mga positibong bagay, samantalang ang mga salita ni Satanas ay nilalansi at ginagawang tiwali ang mga tao, naglalaman ang mga ito ng mga pakana ni Satanas, at hindi tamang landas ang mga ito, gaano man umaayon ang mga ito sa mga kagustuhan o kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao. Nauunawaan mo ba ito? (Oo.) Ano ang nararamdaman ninyo matapos marinig ang nilalaman ng pagbabahaginan ngayong araw? Nauugnay ba ito sa katotohanan? (Oo.) Nauunawaan ba ninyo dati ang aspektong ito ng katotohanan? (Hindi namin ito malinaw na nauunawaan dati.) Malinaw na ba ninyong nauunawaan ito ngayon? (Mas malinaw na namin itong nauunawaan ngayon.) Bilang buod, magiging kapaki-pakinabang sa mga tao kalaunan ang pagkaunawa sa mga katotohanang ito. Magiging bentahe ito para sa kanilang paghahangad sa katotohanan sa hinaharap, sa kanilang pagsasabuhay sa pagkatao, at sa mithiin at direksyon ng kanilang hinahangad sa buhay.

Pebrero 26, 2022

Sinundan: Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 3

Sumunod: Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 5

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito