Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 6

Natatandaan ba ninyo ang nilalaman ng pinagbahaginan natin sa ating huling pagtitipon? (Nagbahagi muna ang Diyos tungkol sa mga kaibahan ng kung ano ang itinuturing ng mga tao na mabubuting pag-uugali kumpara sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao gaya ng hinihingi ng Diyos, at pagkatapos, ang Diyos ay nagbahagi tungkol sa wastong asal ng tao sa tradisyonal na kultura at nagbuod ng dalawampu’t isang pahayag tungkol sa wastong asal ng tao.) Sa ating huling pagtitipon, nagbahagi Ako tungkol sa dalawang paksa. Una, nagbigay Ako ng ilang karagdagang pagbabahagi sa paksa ng mabuting pag-uugali, at pagkatapos ay nagbigay Ako ng kaunting simple at panimulang pagbabahagi tungkol sa karakter, asal, at kabutihan ng tao, pero hindi ko na ito dinetalye nang husto. Ilang beses na tayong nagbahaginan sa paksa ng kahulugan ng paghahangad sa katotohanan, at natapos na Akong magbahagi tungkol sa lahat ng mabubuting pag-uugaling nauugnay sa paghahangad sa katotohanan na kailangang ilantad at himayin. Noong huling pagtitipon, nagbahagi rin Ako nang kaunti tungkol sa ilang pangunahing paksa kaugnay ng wastong asal ng tao. Sa kabila ng hindi pagbibigay ng detalyadong pagbubunyag o pagsusuri sa mga pahayag na ito tungkol sa wastong asal, naglista naman tayo ng marami-raming halimbawa ng iba’t ibang pahayag tungkol sa wastong asal ng tao—dalawampu’t isa, ito ang tumpak na bilang. Ang dalawampu’t isang halimbawang ito, sa esensya, ay ang iba’t ibang pahayag na ikinikintal ng tradisyonal na kulturang Tsino sa mga tao, na pinapangibabawan ng mga ideya ng kabutihang loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan. Halimbawa, nagbanggit tayo ng iba’t ibang kasabihan tungkol sa wastong asal ng tao na nauugnay sa katapatan, pagiging matuwid, kawastuhan ng asal, at pagtitiwala, pati na rin sa kung paano dapat kumilos ang mga lalaki, babae, opisyal, at bata, at iba pa. Hindi mahalaga kung ang dalawampu’t isang kasabihang ito ay komprehensibo o sumasaklaw sa lahat, ano’t anuman, pangunahing nakakatawan ng mga ito ang diwa ng iba’t ibang hinihingi ng tradisyonal na kulturang Tsino kaugnay ng wastong asal ng tao, mula sa perspektibang kapwa ideolohikal at makabuluhan. Pagkatapos nating ilista ang mga halimbawang ito, pinagnilayan at pinagbahaginan ba ninyo ang mga ito? (Pinagbahaginan namin ang mga ito nang kaunti sa aming mga pagtitipon at nalaman naming madaling mapagkamalang katotohanan ang mga pahayag na ito. Halimbawa ang, “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari,” “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” pati na rin ang “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao,” at iba pa.) Kabilang sa iba pang kasabihan ang: “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal,” “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya,” “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila,” “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,” “Kapag umiinom ng tubig ng balon, huwag dapat kalilimutan kung sino ang naghukay niyon,” at iba pa. Sa mas masusing pagsisiyasat, makikita ninyo na karamihan sa mga tao ay talagang ibinabatay sa mga pahayag na ito tungkol sa wastong asal ang kanilang asal at mga pagsusuri sa wastong asal nila at ng ibang tao. Sa partikular na antas ay umiiral ang mga bagay na ito sa puso ng bawat tao. Ang isang pangunahing dahilan nito ay ang kapaligiran sa lipunan kung saan namumuhay ang mga tao at ang edukasyong natatanggap nila mula sa kanilang pamahalaan, ang isa pang dahilan ay ang pagpapalaki sa kanila ng kanilang pamilya at ang mga tradisyon na ipinamamana ng kanilang mga ninuno. Tinuturuan ng ilang pamilya ang kanilang mga anak na huwag na huwag ibubulsa ang perang napupulot nila, ang ibang pamilya naman ay tinuturuan ang kanilang mga anak na dapat maging makabayan ang mga ito at na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” dahil umaasa ang bawat pamilya sa kanilang bansa. Itinuturo ng ilang pamilya sa kanilang mga anak na “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa,” at na hinding-hindi nila dapat kalimutan ang kanilang pinagmulan. Gumagamit ang ilang magulang ng malilinaw na pahayag para turuan ang kanilang mga anak tungkol sa wastong asal, habang ang iba ay hindi malinaw na maipahayag ang kanilang mga ideya tungkol sa wastong asal, ngunit nagsisilbi silang huwaran para sa kanilang mga anak at nagtuturo sa pamamagitan ng pagiging halimbawa, iniimpluwensiyahan at tinuturuan ang susunod na henerasyon sa pamamagitan ng kanilang mga salita at kilos. Maaaring kabilang sa mga salita at kilos na ito ang, “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal,” “Maging masaya sa pagtulong sa iba,” “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” pati na rin ang mas matatayog na pahayag tulad ng, “Maging maprinsipyo at huwag maging tiwali, maging dalisay at mapagkumbaba,” at iba pa. Ang mga tema at diwa ng itinuturo ng mga magulang sa kanilang mga anak ay karaniwang saklaw lahat ng wastong asal na hinihingi ng tradisyonal na kulturang Tsino. Ang unang sinasabi ng mga guro sa mga mag-aaral pagdating nila sa paaralan ay na dapat silang maging mabait sa iba at maging masaya sa pagtulong sa iba, na hindi nila dapat ibulsa ang perang napupulot nila, at na dapat nilang irespeto ang kanilang mga guro at igalang ang mga turo ng mga ito. Kapag inaaral ng mga mag-aaral ang mga sinaunang prosang Tsino o ang mga talambuhay ng mga bayani noong unang panahon, itinuturo sa kanila ang, “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari, ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki,” “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan,” “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” “Walang sinuman ang dapat kumuha ng mga nawawalang bagay na makikita nila sa kalye,” at iba pa. Hango ang lahat ng bagay na ito sa tradisyonal na kultura. Isinusulong at ipinapalaganap din ng mga bansa ang mga ideyang ito. Ang totoo, halos pareho ang mga bagay na itinataguyod ng pambansang edukasyon at ng edukasyon mula sa pamilya—umiikot ang lahat ng ito sa mga ideyang ito mula sa tradisyonal na kultura. Ang mga ideyang nagmumula sa tradisyonal na kultura ay pangunahing tumatagos sa lahat ng kinakailangan na nauugnay sa karakter, kabutihan, asal ng tao, at iba pa. Sa isang banda, hinihingi ng mga ito na magpakita ang mga tao sa iba ng kagandahang-asal at gawi, na kumilos at umasal ang mga tao sa paraang sinasang-ayunan ng iba, at na magpakita ng mabubuting pag-uugali at mga kilos ang mga tao para makita ng iba, habang itinatago ang madidilim na aspekto ng kaibuturan ng kanilang puso. Sa isa pang banda, itinataas ng mga ito ang mga saloobin, pag-uugali, at kilos na nauugnay sa kung paano umaasal, humaharap sa mga tao, at nangangasiwa sa mga bagay-bagay ang isang tao; sa kung paano tinatrato ng isang tao ang kanyang mga kaibigan at pamilya; at sa kung paano hinaharap ng isang tao ang iba’t ibang uri ng mga tao at bagay, sa antas ng wastong asal, nang sa gayon ay nagtatamo sila ng papuri at respeto mula sa iba. Ang mga hinihingi ng tradisyonal na kultura sa mga tao ay pangunahing umiikot sa mga bagay na ito. Kung ito man ay ang mga ideya na itinataguyod ng mga tao para sa mas malawak na antas ng lipunan, o, sa isang mas maliit na antas, ang mga kaisipan tungkol sa wastong asal na isinusulong at itinataguyod ng mga tao sa loob ng mga pamilya, at ang mga hinihingi na ipinepresenta sa mga tao kaugnay ng kanilang asal—ang lahat ng ito ay talagang nasa saklaw na ito. Kaya, sa mga tao, tradisyonal na kulturang Tsino man, o mga tradisyonal na kultura ng ibang bansa kasama na ang mga kulturang Kanluranin, ang lahat ng ideyang ito ng wastong asal ay binubuo ng mga bagay na maaaring makamit at maisip ng mga tao; mga bagay ito na maisasakatuparan ng mga tao batay sa kanilang konsensiya at katwiran. Sa pinakamababa, may ilang tao na kayang isakatuparan ang ilan sa mga wastong asal na hinihingi sa kanila. Limitado lang ang mga hinihinging ito sa saklaw ng moral na karakter, ugali, at mga kagustuhan ng mga tao. Kung hindi ka naniniwala sa Akin, hinihikayat kita na tingnang mabuti kung alin sa mga hinihinging ito na nauugnay sa wastong asal ng mga tao ang nakatuon sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Alin sa mga ito ang nakatuon sa katunayang ang mga tao ay tutol sa katotohanan, ayaw sa katotohanan, at nilalabanan ang Diyos sa pinakadiwa ng mga ito? Alin sa mga hinihinging ito ang may anumang kinalaman sa katotohanan? Alin sa mga hinihinging ito ang makaaangat sa antas ng katotohanan? (Wala sa mga ito.) Paano man tingnan ng isang tao ang mga hinihinging ito, wala sa mga ito ang makaaangat sa antas ng katotohanan. Wala sa mga ito ang may anumang kinalaman sa katotohanan, wala sa mga ito ang mayroong kahit katiting na kaugnayan dito. Hanggang ngayon, ang mga taong matagal nang nananalig sa Diyos, na may kaunting karanasan, at nakauunawa ng kaunting katotohanan ay magkakaroon lang ng kaunting tunay na pagkaunawa sa bagay na ito; ngunit karamihan sa mga tao ay mga doktrina pa lang din ang nauunawaan, at sumasang-ayon sila sa ideyang ito sa teorya, ngunit nabibigo silang maabot ang antas ng tunay na pagkaunawa sa katotohanan. Bakit ganito? Ito ay dahil, sa pamamagitan ng pagkukumpara sa mga patakarang ito mula sa tradisyonal na kultura sa mga salita at hinihingi ng Diyos, saka lang nauunawaan ng karamihan sa mga tao na ang mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura ay hindi umaayon sa katotohanan at hindi nauugnay sa katotohanan. Maaaring sabihin nila na ganap nilang kinikilala na walang kinalaman ang mga bagay na ito sa katotohanan, ngunit sa kaibuturan ng kanilang puso, ang kanilang inaasam, sinasang-ayunan, gusto, at madaling tinatanggap ay talagang ang mga ideyang ito na nagmula sa tradisyonal na kultura ng sangkatauhan, ang ilan sa mga ito ay mga bagay na itinataguyod at isinusulong ng kanilang bansa. Itinuturing ng mga tao ang mga ito bilang mga positibong bagay, o na parang ang katotohanan. Hindi ba’t ganoon iyon? (Oo.) Gaya ng nakikita mo, ang mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura ay malalim nang nag-ugat sa puso ng tao, at hindi maaalis at matatanggal ang mga ito sa loob lang ng maikling panahon.

Bagama’t ang dalawampu’t isang hinihingi tungkol sa wastong asal ng tao na inilista natin ay isang bahagi lang ng tradisyonal na kulturang Tsino, kahit papaano, maaaring katawanin ng mga ito ang lahat ng hinihingi na ipinapanukala ng tradisyonal na kulturang Tsino kaugnay ng wastong asal ng tao. Bawat isa sa dalawampu’t isang pahayag na ito ay itinuturing ng tao na positibong bagay, na marangal at tama, at naniniwala ang mga tao na binibigyang-kakayahan sila ng mga pahayag na ito na mamuhay nang may dignidad, at na ang mga ito ay isang uri ng wastong asal na karapat-dapat hangaan at pahalagahan. Isasantabi natin sa ngayon ang mga medyo paimbabaw na kasabihan tulad ng hindi pagbulsa ng pera na napulot mo o pagiging masaya sa pagtulong sa iba, at sa halip ay pag-usapan natin ang wastong asal na talagang lubos na pinahahalagahan ng tao at pinaniniwalaan niyang marangal. Halimbawa, ang kasabihang: “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa”—ang pinakasimpleng paraan upang ibuod ang kahulugan ng pahayag na ito ay na hindi dapat kalimutan ng isang tao ang kanyang pinanggalingan. Kung taglay ng isang tao ang wastong asal na ito, iisipin ng lahat na lubos na marangal ang kanyang personalidad, at na siya ay talagang “naging maprinsipyo at hindi naging tiwali, naging dalisay at mapagkumbaba.” Lubos itong pinahahalagahan ng mga tao. Dahil lubos itong pinahahalagahan ng mga tao, ibig sabihin, talagang sang-ayon sila sa ganitong uri ng pahayag. At siyempre pa, labis din nilang hinahangaan ang mga nakapagsasakatuparan sa wastong asal na ito. Maraming tao ang nananalig sa Diyos, ngunit talagang sumasang-ayon pa rin sa mga bagay na ito na itinataguyod ng tradisyonal na kultura, at handa silang isagawa ang mabubuting pag-uugaling iyon. Hindi nauunawaan ng mga taong ito ang katotohanan: Iniisip nila na ang pananalig sa Diyos ay nangangahulugan ng pagiging isang mabuting tao, pagtulong sa ibang tao, pagiging masaya sa pagtulong sa iba, hindi panlilinlang o pamiminsala sa ibang tao kailanman, hindi paghahangad sa mga makamundong bagay, at hindi pagiging ganid sa kayamanan o kasiyahan. Sa kanilang puso, sumasang-ayon silang lahat na tama ang pahayag na “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa.” Sasabihin ng ilan: “Kung, bago manalig sa Diyos, sumusunod na ang isang tao sa wastong asal na tulad ng ‘Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa,’ kung siya ay isang mahusay at mabait na taong hindi nakakalimot sa kanyang pinanggalingan, pagkatapos niyang sumapi sa pananampalataya, matatamo niya agad ang kagalakan ng Diyos. Madali para sa ganoong mga tao na makapasok sa kaharian ng Diyos—makakamit nila ang Kanyang mga pagpapala.” Kapag sinusuri at tinitingnan ng maraming tao ang iba, hindi nila tinitingnan ang diwa ng mga ito batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan; sa halip, sinusuri at tinitingnan nila ang mga ito ayon sa mga hinihingi ng tradisyonal na kultura tungkol sa wastong asal ng mga tao. Mula sa perspektibang ito, hindi ba’t malamang na ang mga taong hindi nauunawaan ang katotohanan ay mapagkakamalang katotohanan ang mga bagay na pinaniniwalaan ng tao na mabuti at tama? Hindi ba’t malamang na ituring nilang mga taong pinaniniwalaan ng Diyos na mabuti ang mga taong pinaniniwalaan ng tao na mabuti? Palaging gusto ng mga tao na ipilit ang kanilang mga sariling ideya sa Diyos—sa paggawa niyon, hindi ba’t nagkakamali sila ng paggamit sa prinsipyo? Hindi ba’t nilalabag nito ang disposisyon ng Diyos? (Ganoon na nga.) Napakalubhang problema nito. Kung tunay na nagtataglay ng katwiran ang mga tao, dapat nilang hanapin ang katotohanan sa mga bagay na hindi nila naiintindihan, dapat nilang unawain ang mga layunin ng Diyos, at hindi sila dapat walang ingat na maglitanya tungkol sa mga walang katuturang bagay. Sa mga pamantayan at prinsipyo ng Diyos para sa pagsusuri sa tao, mayroon bang linyang nagsasaad ng: “Ang mga hindi nakakalimot sa kanilang pinanggalingan ay mabubuting tao at nagtataglay sila ng mga katangian ng isang mabuting tao”? Kahit kailan ba ay may sinabing ganoon ang Diyos? (Wala.) Sa mga partikular na hinihingi ng Diyos sa tao, kahit kailan ba ay sinabi Niyang, “Kung mahirap ka, hindi ka dapat magnakaw. Kung mayaman ka, hindi ka dapat makiapid. Kapag nahaharap ka sa pananakot o pagbabanta, hinding-hindi ka dapat sumuko”? Naglalaman ba ng mga gayong hinihingi ang mga salita ng Diyos? (Hindi.) Talagang hindi. Halatang-halata na ang pahayag na “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa” ay sinabi ng tao—hindi ito umaayon sa mga hinihingi ng Diyos sa tao, hindi ito tumutugma sa katotohanan, at talagang iba ito sa katotohanan. Hindi kailanman hiningi ng Diyos na huwag kalimutan ng mga nilikha ang kanilang pinanggalingan. Ano ang ibig sabihin ng huwag kalimutan ang iyong pinanggalingan? Bibigyan kita ng halimbawa: Kung mga magsasaka ang iyong mga ninuno, dapat palagi mong pahalagahan ang kanilang alaala. Kung may kasanayan ang iyong mga ninuno, kailangan mong panatilihin ang kasanayang iyon at ipamana ito sa mga susunod na henerasyon. Kahit magsimula ka nang manalig sa Diyos, hindi mo maaaring kalimutan ang mga bagay na ito—hindi mo maaaring kalimutan ang mga aral o ang mga kasanayan o anumang ipinamana ng iyong mga ninuno. Kung mga pulubi ang iyong mga ninuno, dapat mong itago ang mga patpat na ginamit nilang pamalo ng mga aso. Kung ang mga ninuno mo ay minsang kinailangang mabuhay sa ipa at mga ligaw na halaman, ang kanilang mga kaapo-apuhan ay dapat ding subukang kumain ng ipa at mga ligaw na halaman—pag-alala iyon sa mga kapighatian ng nakaraan upang malasap ang mga kagalakan ng kasalukuyan, iyon ang hindi paglimot sa pinanggalingan. Anuman ang ginawa ng iyong mga ninuno, dapat mo itong itaguyod. Hindi mo maaaring kalimutan ang iyong mga ninuno dahil lang may pinag-aralan ka at may katayuan. Pinakapartikular ang mga Tsino tungkol sa mga bagay na ito. Sa kanilang puso, tila ang mga tao lang na hindi nakakalimot sa kanilang pinanggalingan ang mayroong konsensiya at katwiran, at na ang gayong mga tao lang ang maaaring umasal sa matuwid na paraan, at mamuhay nang may dignidad. Tama ba ang pananaw na ito? May ganito ba sa mga salita ng Diyos? (Wala.) Kahit kailan ay walang sinabing ganito ang Diyos. Mula sa halimbawang ito, makikita natin na bagama’t maaaring pahalagahan ng husto at hangarin ng tao ang isang saklaw ng kabutihan, at bagamat maaaring mukha itong isang positibong bagay, isang bagay na maaaring kumontrol sa wastong asal ng tao, at pigilan ang mga tao sa pagtahak sa landas ng kasamaan at pagiging ubod ng sama, at bagamat ipinapakalat ito sa mga tao at tinatanggap ng lahat bilang isang positibong bagay, kung ikukumpara mo ito sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, makikita mo na ang mga pahayag at kaisipang ito mula sa tradisyonal na kultura ay pawang kalokohan lamang. Makikita mo na sadyang hindi karapat-dapat na banggitin ang mga ito, na walang kahit katiting na kaugnayan ang mga ito sa katotohanan, at na lalong malayo ang mga ito sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga layunin ng Diyos. Sa pagtataguyod sa mga ideya at pananaw na ito, at pagpapanukala sa iba’t ibang pahayag kaugnay ng wastong asal ng tao, walang ibang ginagawa ang mga tao kundi gumamit ng ilang partikular na bagay na lagpas sa saklaw ng pag-iisip ng tao upang ipangalandakan na sila ay orihinal at kakaiba, upang ipagmayabang ang sarili nilang kadakilaan at kawastuhan, at upang himukin ang mga tao na sambahin sila. Sa Silangan man o sa Kanluran, pare-pareho lang mag-isip ang mga tao. Ang mga ideya at panimula ng mga hinihingi na itinataguyod at ipinapanukala ng mga tao kaugnay ng wastong asal ng tao, at ang mga mithiing nais nilang matamo sa pamamagitan ng mga hinihinging ito, ay talagang pare-pareho lang lahat. Bagamat ang mga taong mula sa Kanluran ay walang mga partikular na ideya at pananaw na tulad ng “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan,” at “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal” na binibigyang-diin ng mga taong mula sa Silangan, at bagamat wala silang mga tahasang kasabihan na tulad ng mga mula sa tradisyonal na kulturang Tsino, ang kanilang sariling tradisyonal na kultura ay punong-puno ng mga ideyang ito. Kahit na ang mga bagay na pinagbabahaginan at pinag-uusapan natin ay nabibilang sa tradisyonal na kulturang Tsino, kahit papaano, at sa diwa, ang mga pahayag at kinakailangang ito tungkol sa wastong asal ay kinakatawan ang mga nangingibabaw na ideya ng buong tiwaling sangkatauhan.

Ngayon, pangunahin nating pinagbahaginan ang tungkol sa kung anong uri ng negatibong impluwensiya ang ibinibigay ng tradisyonal na kultura sa mga tao sa pamamagitan ng mga pahayag at hinihingi nito na may kaugnayan sa wastong asal ng tao. Matapos itong maunawaan, ang sumunod na pinakamahalagang bagay na dapat maunawaan ng mga tao ay kung ano talaga ang mga hinihingi ng Diyos, ang Panginoon ng sangnilikha, sa wastong pag-uugali ng sangkatauhan, kung ano ang partikular Niyang sinabi, at kung anong mga hinihingi ang Kanyang ipinanukala. Ito ang dapat na maunawaan ng sangkatauhan. Malinaw na nating nakita ngayon na ang tradisyonal na kultura ay hindi nagpapatotoo ni katiting sa kung ano ang mga hinihingi ng Diyos sa tao o sa mga salita na Kanyang sinabi, at na hindi hinanap ng mga tao ang katotohanan tungkol sa paksang ito. Kaya naman, tradisyonal na kultura ang unang natutunan ng mga tao at napangibabawan sila nito, pumasok ito sa puso ng mga tao, at ginabayan nito ang paraan ng pamumuhay ng sangkatauhan sa loob ng libu-libong taon. Ito ang pangunahing paraan ng pagtitiwali ni Satanas sa sangkatauhan. Matapos malinaw na makilala ang katunayang ito, ang pinakamahalagang bagay na dapat maunawaan ngayon ng mga tao ay kung ano ang mga hinihingi ng Panginoon ng sangnilikha sa mga tao tungkol sa kanilang pagkatao at moralidad—o, sa madaling salita, ano ang mga pamantayan kaugnay ng aspektong ito ng katotohanan. Kasabay nito, dapat maunawaan ng mga tao kung alin sa mga sumusunod ang katotohanan: ang mga hinihingi na ipinanukala ng tradisyonal na kultura o ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Dapat nilang maunawaan kung alin sa mga ito ang makapagdadalisay at makapagliligtas sa mga tao, at makagagabay sa kanila tungo sa tamang landas sa buhay; at kung alin sa mga ito ang kabulaanan, na makaliligaw at makapapahamak sa mga tao, at makapagdadala sa kanila sa maling landas, tungo sa isang makasalanang buhay. Kapag may ganito nang pagkilatis ang mga tao, makikilala na nila na ang mga hinihingi ng Panginoon ng sangnilikha sa sangkatauhan ay ganap na likas at may katwiran, at na ito ang mga katotohanang prinsipyo na dapat isagawa ng mga tao. Pagdating naman sa mga pahayag tungkol sa wastong asal at sa mga pamantayan ng pagsukat mula sa tradisyonal na kultura na nakakaimpluwensiya sa paghahangad sa katotohanan ng mga tao, at sa kanilang pagtingin sa mga tao at bagay, at sa kanilang pag-asal at pagkilos—kung makikilatis ng mga tao ang mga ito nang kaunti, at mahahalata at makikilala nila na sa diwa ay pawang kalokohan ang mga ito, at tatalikuran nila ang mga ito sa kanilang puso, kung gayon ay malulutas ang ilan sa mga pagkalito o isyu na mayroon ang mga tao patungkol sa wastong asal. Hindi ba’t mababawasan ng paglutas sa mga bagay na ito ang maraming hadlang at suliranin na kinakaharap ng mga tao sa landas ng paghahangad sa katotohanan? (Mababawasan nga.) Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, malamang na mapagkamalan nilang katotohanan ang mga pangkalahatang kinikilalang ideya tungkol sa wastong asal, at malamang na hangarin at sundin nila ang mga ito na para bang ang mga ito ang katotohanan. Lubos nitong naaapektuhan ang kakayahan ng mga tao na unawain at isagawa ang katotohanan, gayundin ang mga resultang natatamo nila habang hinahangad nila ang katotohanan upang magkamit ng pagbabago ng disposisyon. Isa itong bagay na wala sa inyo ang may gustong makakita; siyempre, ayaw rin itong makita ng Diyos. Kaya, patungkol sa mga diumano’y positibong pahayag, ideya, at pananaw na ito tungkol sa wastong asal na itinataguyod ng tao, dapat munang malinaw na makilala at makilatis ng mga tao ang mga ito batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, at malinaw na makita ang pinakadiwa ng mga ito, at nang sa gayon ay makabuo sila ng tumpak na ebalwasyon at opinyon para sa mga bagay na ito sa kaibuturan ng kanilang puso, at pagkatapos nito ay mahahalukay nila ang mga ito nang unti-unti, at mabubunot ang mga ito at matatalikuran ang mga ito. Sa hinaharap, sa tuwing makikita ng mga tao na sumasalungat sa katotohanan ang mga diumano’y positibong pahayag na iyon, ang una nilang dapat na piliin ay ang katotohanan, at hindi ang mga pahayag na itinuturing na positibo sa mga kuru-kuro ng tao, dahil ang mga diumano’y positibong pahayag na ito ay mga pananaw lang ng tao, at hindi talaga umaayon ang mga ito sa katotohanan. Mula saang anggulo man tayo magsalita, ang ating pangunahing mithiin sa pagbabahaginan sa mga paksang ito ngayong araw ay ang alisin ang iba’t ibang hadlang na lumilitaw sa proseso ng paghahangad ng mga tao sa katotohanan, lalo na ang mga pagdududang umuusbong sa isip ng mga tao tungkol sa mga salita ng Diyos at sa mga pamantayan ng katotohanan. Ang ibig sabihin ng mga pagdududang ito ay na kapag tinatanggap at isinasagawa mo ang katotohanan, hindi mo masabi kung aling mga bagay ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal na itinataguyod ng sangkatauhan, at kung alin ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, at kung alin sa mga ito ang mga tunay na prinsipyo at pamantayan. Hindi malinaw sa mga tao ang mga bagay na ito. Bakit ganoon? (Dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan.) Sa isang banda, ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Sa kabilang banda, ito ay dahil wala silang pagkilatis sa mga pahayag tungkol sa wastong asal na ginawa ng tradisyonal na kultura ng sangkatauhan at hindi pa rin nila malinaw na nakikita ang diwa ng mga pahayag na ito. Sa huli, habang magulo ang iyong isipan, tutukuyin mong tama ang mga bagay na iyon na una mong natutunan, at na nakakintal sa iyong isip; tutukuyin mong tama ang mga bagay na iyon na kinikilala ng lahat ng tao bilang tama. At pagkatapos ay pipiliin mo ang mga bagay na ito na gusto mo, na kaya mong makamit, at na umaayon sa iyong panlasa at mga kuru-kuro; at iyong ituturing, kakapitan, at susundin ang mga bagay na ito na para bang ang mga ito ang katotohanan. At bilang resulta nito, ang ugali at asal ng mga tao, pati na ang kanilang hinahangad, pinipili, at kinakapitan, ay magiging ganap na walang kaugnayan sa katotohanan—mabibilang ang lahat ng ito sa mga pag-uugali ng tao at sa mga pagpapakita ng moralidad ng tao na nasa labas ng saklaw ng katotohanan. Itinuturing at kinakapitan ng mga tao ang mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura na para bang ang mga ito ang katotohanan, habang isinasantabi at hindi binibigyang-pansin ang mga katotohanan tungkol sa mga hinihingi ng Diyos kaugnay sa pag-uugali ng tao. Gaano man karami ang taglay ng isang tao na mga pag-uugaling itinuturing ng tao na mabuti, hinding-hindi niya matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Isa itong kaso ng pagsasayang ng mga tao ng matinding pagsisikap sa mga bagay na nasa labas ng saklaw ng katotohanan. Dagdag pa rito, sa pagturing sa mga bagay na ito na nagmumula sa tao at hindi naaayon sa katotohanan bilang ang katotohanan, naligaw na ang mga tao. Unang natutunan ng mga tao ang mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura, at kaya napangingibabawan sila ng mga ito; nagbubunga ang mga bagay na ito ng lahat ng uri ng mga maling pananaw sa loob nila, at nagsasanhi ang mga ito ng matitinding suliranin at gulo sa mga tao kapag tinatangka nilang unawain at isagawa ang katotohanan. Naniniwala ang lahat ng tao na kung nagtataglay sila ng mabubuting pag-uugali, sasang-ayunan sila ng Diyos, at magiging kwalipikado silang tumanggap ng Kanyang mga pagpapala at ipinangako, ngunit kaya ba nilang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos kung nagkikimkim sila ng ganitong pananaw at pag-iisip? Gaano kalaking balakid ang gayong pag-iisip sa pagdadalisay at pagliligtas sa mga tao? Hindi ba’t magiging sanhi ang mga imahinasyon at kuru-kurong ito para ang mga tao ay magkamali ng pagkaunawa, magrebelde, at lumaban sa Diyos? Hindi ba’t ang mga ito ang kahihinatnan? (Ganoon na nga.) Halos naipahayag Ko na ang kabuluhan ng pagbabahaginan sa paksang ito, ito ang pangkalahatang ideya.

Ngayon naman, isa-isa nating susuriin at sisiyasatin ang iba’t ibang kasabihan ng tradisyonal na kulturang Tsino tungkol sa wastong asal, at pagkatapos ay bubuo tayo ng kongklusyon tungkol sa mga ito. Sa ganoong paraan, magkakaroon ang lahat ng batayang kumpirmasyon at kasagutan tungkol sa mga ito, at sa pinakamababa, magkakaroon ang lahat ng medyo tumpak na pagkaunawa at pananaw sa mga kasabihang ito. Magsimula tayo sa unang kasabihan: “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot.” Ano ang maaaring maging tumpak na paliwanag sa salawikaing ito? (Kung may mapulot ka, hindi mo ito dapat kuhain at angkinin. Tumutukoy ito sa isang uri ng mabuting moralidad at kaugaliang panlipunan.) Madali ba itong maisakatuparan? (Medyo madali ito.) Para sa karamihan ng mga tao, madali itong maisakatuparan—kung may mapupulot ka, anuman ito, hindi mo ito dapat angkinin, dahil pag-aari ito ng ibang tao. Hindi ito nararapat na mapunta sa iyo, at dapat mo itong ibalik sa tunay na nagmamay-ari nito. Kung hindi mo makita ang tunay na nagmamay-ari nito, dapat mo itong isuko sa mga awtoridad—ano’t anuman, hindi mo ito dapat angkinin. Ang lahat ng ito ay sa diwa ng hindi pagnanasa sa mga pag-aari ng ibang tao at hindi pananamantala sa iba. Isa itong hinihinging ipinataw sa wastong pag-uugali ng tao. Ano ang layon ng pagpapataw ng ganitong uri ng hinihingi sa wastong pag-uugali ng mga tao? Kapag nagtataglay ng ganitong uri ng wastong asal ang mga tao, mayroon itong mabuti at positibong epekto sa kalagayang panlipunan. Ikinikintal sa mga tao ang gayong mga ideya para pigilan silang manamantala ng iba, nang sa gayon ay mapanatili nila ang kanilang mabuting wastong asal. Kung nagtataglay ang bawat tao ng ganitong uri ng mabuting asal, mapapabuti ang kalagayang panlipunan, at maaabot nito ang antas kung saan walang sinumang kukuha ng mga nawawalang bagay na nakikita nila sa kalye, at hindi na kakailanganin ninuman na ikandado ang kanilang mga pinto sa gabi. Sa ganitong uri ng kalagayang panlipunan, mapapabuti ang pampublikong kaayusan, at mas payapang makapamumuhay ang mga tao. Mababawasan ang mga nakawan, mababawasan ang mga awayan at ganting-pagpatay; ang mga taong namumuhay sa ganitong uri ng lipunan ay makadarama ng seguridad, at mas bubuti ang kanilang pangkalahatang kalagayan. Ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” ay isang hinihinging ipinanukala tungkol sa wastong asal ng mga tao sa loob ng mga kapaligirang panlipunan at pinamumuhayan. Ang layon ng hinihinging ito ay protektahan ang kalagayang panlipunan at ang kapaligirang pinamumuhayan ng mga tao. Madali ba itong makamit? Kung makakamit man ito ng mga tao o hindi, ang mga nagpapanukala ng ideya at hinihinging ito tungkol sa wastong asal ng tao ay nilalayong isakatuparan ang ideyal na kapaligirang panlipunan at pinamumuhayan na inaasam ng mga tao. Walang kinalaman ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” sa mga pamantayan para sa pag-asal ng tao—isa lang itong hinihinging ipinataw sa wastong asal ng mga tao sa tuwing may napupulot sila. Halos wala itong kinalaman sa diwa ng tao. Libu-libong taon na itong hinihingi ng sangkatauhan sa wastong asal ng tao. Siyempre pa, kapag sumusunod ang mga tao sa hinihinging ito, maaaring maranasan ng isang bansa o lipunan ang isang panahon kung kailan mas kaunti ang krimen, at maaari pa ngang umabot sa punto kung kailan hindi kailangan ng mga taong ikandado ang kanilang mga pinto sa gabi, kung kailan walang kumukuha ng mga nawawalang bagay na nakikita nila sa kalye, at kung kailan karamihan ng mga tao ay hindi ibinubulsa ang perang napupulot nila. Sa mga panahong ito, pawang magiging medyo matatag at maayos ang kalagayang panlipunan, pampublikong kaayusan, at kapaligirang pinamumuhayan, ngunit maaari lamang mapanatili ang kalagayan at kapaligirang panlipunang ito nang pansamantala, o sa isang partikular na panahon. Ibig sabihin, makakamit o mapapanatili lang ng mga tao ang ganitong uri ng wastong asal sa ilang partikular na kapaligirang panlipunan. Sa sandaling magbago ang kanilang kapaligirang pinamumuhayan, at gumuho ang dating kalagayang panlipunan, malamang na mababago ang mga moralidad na tulad ng “huwag ibulsa ang pera na iyong napulot,” kasabay ng mga pagbabago sa kapaligirang panlipunan, kalagayang panlipunan, at mga kalakarang panlipunan. Tingnan kung paanong, matapos maluklok sa kapangyarihan ang malaking pulang dragon, niligaw nito ang mga tao sa pamamagitan ng pagsusulong ng lahat ng uri ng mga kasabihan upang matiyak ang katatagan ng lipunan. Noong dekada ‘80, nagkaroon pa nga ng sikat na kanta na may mga sumusunod na liriko: “Sa tabi ng daan, napulot ko ang isang sentimo sa lupa, at ibinigay ito sa isang pulis. Kinuha ng pulis ang sentimo, at tinanguan ako. Masaya kong sinabing, ‘Hanggang sa muli, ginoo!’” Tila ba kahit ang maliit na usapin ng pagsasauli ng isang sentimo ay karapat dapat na banggitin at awitin—isa itong “napakamarangal” na panlipunang moralidad at ugali! Ganoon nga ba talaga iyon? Nagagawa ng mga taong magsauli sa pulis ng isang sentimong nakikita nila, ngunit magsasauli ba sila ng isang daang yuan o isang libong yuan? Mahirap na masabi ito. Kung makakita ang isang tao ng ilang ginto, pilak, o mahalagang bagay, o isang bagay na mas may halaga pa, hindi niya makokontrol ang kanyang pagkaganid, kakawala ang kanyang natatagong kabangisan, at makakaya niyang manakit at maminsala ng mga tao, na magparatang at mambitag ng iba—makakaya niyang aktibong nakawan ng pera ang isang tao, at kahit pumatay pa nga ng isang tao. Sa panahong iyon, ano ang matitira sa mainam na tradisyonal na kultura at moralidad ng tao? Saan na mapupunta ang moral na pamantayang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” kung gayon? Ano ang ipinapakita nito sa atin? Tinataglay man ng mga tao ang diwa at wastong asal na ito o hindi, ang hinihingi at kasabihang ito ay isang bagay lang na hinihinuha, ninanasa, at ninanais ng mga tao na matupad at makamit nila. Sa mga partikular na kontekstong panlipunan, at sa mga naaangkop na kapaligiran, ang mga taong nagtataglay ng partikular na antas ng konsensiya at katwiran ay kayang isagawang hindi ibulsa ang perang napupulot nila, ngunit isa lang itong lumilipas na mabuting pag-uugali, hindi ito maaaring maging pamantayan ng kanilang asal, o ng kanilang buhay. Sa sandaling magbago ang kapaligirang panlipunan at kontekstong panlipunan kung saan namumuhay ang mga taong iyon, ang paniniwalang ito at ang ideyal na wastong asal na ito ayon sa mga kuru-kuro ng tao ay magiging napakalayo na sa mga tao. Hindi nito magagawang tugunan ang kanilang mga ninanasa at ambisyon, at siyempre pa, mas hindi nito makakayang limitahan ang kanilang masasamang gawa. Isa lang itong panandaliang mabuting pag-uugali, at isang medyo marangal na moral na katangiang ayon sa mga minimithi ng tao. Kapag kumokontra ito sa realidad at pansariling interes, kapag sumasalungat ito sa mga minimithi ng mga tao, ang ganitong uri ng moralidad ay hindi mapipigil ang pag-uugali ng mga tao, o magagabayan ang kanilang gawi at mga iniisip. Sa huli, magpapasya ang mga tao na sumalungat dito, lalabagin nila ang tradisyonal na kuru-kurong ito ng moralidad, at pipiliin nila ang kanilang sariling mga interes. Kaya, pagdating sa moralidad ng “hindi pagbulsa ng pera na iyong napulot,” kayang isauli ng mga tao sa pulis ang isang sentimong napulot nila. Ngunit kung makakita sila ng isang libong yuan, sampung libong yuan, o ng isang gintong barya, ibibigay pa rin ba nila ito sa isang pulis? Hindi nila ito magagawa. Kapag ang pakinabang ng pagkuha sa perang iyon ay nakahihigit sa saklaw ng kung ano ang kayang makamit ng moralidad ng tao, hindi nila ito magagawang isauli sa pulis. Hindi nila magagawang tuparin ang moralidad na “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot.” Kung gayon, kinakatawan ba ng “hindi pagbulsa sa pera na iyong napulot” ang pagkataong diwa ng isang tao? Hindi talaga nito makakatawan ang kanyang pagkataong diwa. Malinaw na malinaw na ang hinihinging ito tungkol sa wastong asal ng tao ay hindi maaaring gamitin bilang batayan para sa pagsuri kung nagtataglay ba ng pagkatao ang isang tao, at hindi ito maaaring magsilbing pamantayan sa pag-asal ng tao.

Ang pagtingin ba muna kung ibinubulsa ng isang tao ang pera na napulot niya ay magiging isang tumpak na paraan ng pagsusuri sa kanyang moralidad at karakter? (Hindi.) Bakit hindi? (Walang kakayahan ang mga tao na tunay na sumunod sa hinihinging iyon. Kung makakita sila ng maliit na halaga ng pera o ng isang bagay na walang gaanong halaga, magagawa nila itong isauli, ngunit kung isa itong bagay na may halaga, mas malamang na hindi nila ito isauli. Kung isa itong napakahalagang bagay, mas lalong malamang na hindi nila ito isauli—maaari pa ngang angkinin nila ito kahit ano pa ang mangyari.) Ang ibig mong sabihin, ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” ay hindi maaaring magsilbing pamantayan para sa pagsusuri ng pagkatao ng mga tao dahil walang kakayahan ang mga tao na kamtin ito. Kung gayon, kung makasusunod ang mga tao sa hinihinging ito, maituturing ba itong pamantayan para sa pagsusuri ng kanilang pagkatao? (Hindi.) Bakit hindi ito maituturing na pamantayan para sa pagsusuri ng pagkatao ng mga tao, kahit na makasusunod dito ang mga tao? (Mayroon o wala man silang abilidad na sumunod sa “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” ay hindi talaga sumasalamin sa kalidad ng kanilang pagkatao. Wala itong kinalaman sa kung gaano kabuti o kasama ang kanilang pagkatao, at hindi ito isang pamantayan para sa pagsusuri ng pagkatao ng mga tao.) Isang paraan ito ng pag-unawa sa isyu. Halos walang kaugnayan ang hindi pagbubulsa ng isang tao sa perang napulot niya sa kalidad ng kanyang pagkatao. Kaya, kung makatagpo kayo ng isang taong talagang may kakayahang hindi ibulsa ang pera na napulot niya, paano ninyo siya ituturing? Maituturing ba ninyo siya na isang taong nagtataglay ng pagkatao, matapat, at nagpapasakop sa Diyos? Mauuri ba ninyo bilang isang pamantayan para sa pagtataglay ng pagkatao ang hindi pagbubulsa sa pera na napulot ng isang tao? Dapat tayong magbahaginan sa isyung ito. Sino ang magsasalita tungkol dito? (Ang abilidad ng isang tao na hindi ibulsa ang pera na napulot niya ay walang kinalaman sa pagbibigay-kahulugan sa pagkataong diwa ng taong iyon. Sinusuri ang kanyang diwa ayon sa katotohanan.) Ano pa? (Ang ilang tao ay nagagawang hindi ibulsa ang pera na napulot nila, kahit na malaking halaga ito ng pera, o gumagawa sila ng marami pang gayong ibang mabuting gawa, ngunit mayroon silang sariling mga mithiin at intensyon. Gusto nilang magantimpalaan para sa kanilang mga kapuri-puring kilos at magtamo ng magandang reputasyon, kaya naman, hindi matutukoy ng kanilang panlabas na mabubuting pag-uugali ang kalidad ng kanilang pagkatao.) Mayroon pa bang iba? (Ipagpalagay na ang isang tao ay may kakayahang hindi ibulsa ang pera na napulot niya, ngunit hinaharap niya ang katotohanan nang may mapanlaban na saloobin, nang may saloobing tutol sa katotohanan. Kung susuriin natin siya batay sa mga salita ng Diyos, hindi siya nagtataglay ng pagkatao. Kaya hindi tumpak na gamitin ang pamantayang ito upang husgahan kung ang isang tao ay nagtataglay ng pagkatao o hindi.) Napagtanto na ng ilan sa inyo na maling gamitin ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” para suriin kung ang isang tao ay nagtataglay ng pagkatao o hindi—hindi kayo sumasang-ayon na gamitin ito bilang pamantayan para sa pagsusuri kung ang isang tao ay may pagkatao. Tama ang pananaw na ito. May kakayahan man o wala ang isang tao na hindi ibulsa ang pera na napulot niya, halos wala itong kinalaman sa mga prinsipyo ng kanyang pag-asal at sa landas na pinipili niya. Bakit Ko ito sinasabi? Una sa lahat, kapag hindi ibinulsa ng isang tao ang pera na kanyang napulot, kinakatawan lang nito ang isang panandaliang pag-uugali. Mahirap masabi kung ginawa ba niya ito dahil walang halaga ang bagay na napulot niya, o dahil nakatingin sa kanya ang ibang tao, at nais niyang matamo ang kanilang papuri at pagpapahalaga. Kahit na walang bahid ang kanyang ikinilos, isang uri lang ito ng mabuting pag-uugali, at halos wala itong kinalaman sa kanyang paghahangad at asal. Sa pinakasukdulan, maaari lang sabihin na ang taong ito ay may kaunting mabuting pag-uugali at marangal na karakter. Bagamat ang pag-uugaling ito ay hindi matatawag na isang negatibong bagay, hindi rin ito mauuri bilang isang positibong bagay, at talagang hindi matutukoy na positibo ang isang tao dahil lang hindi niya binulsa ang perang napulot niya. Ito ay dahil wala itong kaugnayan sa katotohanan, at wala itong kinalaman sa mga hinihingi ng Diyos sa tao. Sinasabi ng ilang tao: “Paanong hindi ito isang positibong bagay? Paanong hindi maituturing na positibo ang napakamarangal na pag-uugaling iyon? Kung ang isang tao ay imoral at walang pagkatao, makakaya ba niyang hindi ibulsa ang perang napulot niya?” Hindi masasabing talagang tumpak ang ganoong pahayag. Ang isang diyablo ay kayang gumawa ng ilang mabuting bagay—kaya sasabihin mo bang hindi ito isang diyablo? Gumagawa ang ilang demonyong hari ng isa o dalawang mabubuting gawa upang maging kilala sila at pagtibayin ang kanilang puwesto sa kasaysayan—kaya tatawagin mo ba silang mabubuting tao? Hindi mo matutukoy kung ang isang tao ay nagtataglay ng pagkatao o hindi, o kung mabuti ba o masama ang kanyang karakter, sa batayan lang ng isang mabuti o masamang bagay na ginawa niya. Para maging tumpak ang isang pagsusuri, dapat mo itong ibatay sa kanyang pag-asal sa pangkabuuan, at kung mayroon ba siyang tamang mga ideya at pananaw o wala. Kung nagagawa ng isang tao na ibalik ang isang napakahalagang bagay na nakita niya sa totoong may-ari nito, ipinapakita lang nito na hindi siya ganid, at na hindi niya ninanasa ang mga pag-aari ng ibang tao. Tinataglay niya ang aspektong ito ng wastong asal, ngunit may kinalaman ba ito sa kanyang asal at saloobin sa mga positibong bagay? (Wala.) Malamang na hindi sasang-ayon dito ang ilang tao, ipagpapalagay nila na ang pahayag na ito ay medyo pansariling palagay at hindi tumpak. Gayunpaman, kung iisipin ito gamit ang ibang perspektiba, kung nawalan ang isang tao ng isang bagay na kapaki-pakinabang, hindi ba’t lubos siyang mag-aalala tungkol dito? Kaya, para sa taong nakakita sa bagay na iyon, anuman ang nakita niya, hindi sa kanya iyon, kaya hindi niya ito dapat angkinin. Materyal na bagay man ito o pera, may halaga man ito o wala, hindi niya ito pagmamay-ari—kaya hindi ba’t tungkulin niyang ibalik ang bagay na iyon sa totoong may-ari? Hindi ba’t ito ang nararapat na gawin ng mga tao? Ano ang halaga ng pagsusulong nito? Hindi ba’t pagpapalaki ito ng isang usaping hindi naman dapat palakihin? Hindi ba’t kalabisan na ituring ang hindi pagbubulsa sa perang napulot ng isang tao bilang isang uri ng marangal na moral na katangian at itaas ito bilang isang matayog at espirituwal na konteksto? Karapat-dapat bang banggitin ang isang mabuting pag-uugaling ito sa gitna ng mabubuting tao? Napakarami ng mas mahusay at mas matayog na pag-uugali kaysa rito, kaya hindi na dapat pang banggitin ang hindi pagbubulsa sa perang napulot ng isang tao. Gayunpaman, kung puspusan mong ipapakalat at isusulong ang mabuting pag-uugaling ito sa mga pulubi at magnanakaw, magiging angkop ito, at maaari pa nga itong maging kapaki-pakinabang. Kung puspusang isinusulong ng isang bansa ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot,” ipinapakita nito na ang mga tao roon ay napakasasama na, na mga mandarambong at magnanakaw ang namamayani sa bansa, at hindi na maprotektahan ng bansa ang sarili nito laban sa mga ito. Kaya ang tanging paraan nila ay isulong at ipakalat ang ganitong uri ng pag-uugali upang malutas ang isyu. Sa katunayan, ang pag-uugaling ito ay tungkulin ng mga tao noon pa man. Halimbawa, kung makakita ang isang tao ng limampung yuan sa kalsada at madali niya itong naibalik sa totoong may-ari nito, hindi ba’t napakawalang kabuluhan nito na ni hindi na ito dapat pang banggitin? Kailangan ba talagang purihin ito? Kailangan bang palakihin ang isang bagay na hindi naman dapat palakihin, at purihin nang husto ang taong ito, at papurihan pa ito para sa marangal at kapita-pitagang wastong asal nito, dahil lang sa ibinalik nito ang pera sa taong nakawala nito? Hindi ba’t normal at natural lang na isauli ang nawalang pera sa totoong may-ari nito? Hindi ba’t isa itong bagay na nararapat gawin ng isang taong nagtataglay ng normal na katwiran? Kahit ang isang maliit na bata na hindi nauunawaan ang mga moralidad na panlipunan ay makakayang gawin ito, kaya kinakailangan ba talagang palakihin pa ito? Karapat-dapat ba talagang itaas ang pag-uugaling ito sa antas ng moralidad ng tao? Sa Aking palagay, hindi ito maaaring itaas sa antas na ito, at hindi ito karapat-dapat na purihin. Isa lang itong panandaliang mabuting pag-uugali at wala itong kinalaman sa tunay na pagiging mabuting tao sa pinakabatayang antas. Ang hindi pagbubulsa sa perang napulot ng isang tao ay isang napakaliit na bagay. Isa itong bagay na magagawa ng sinumang normal na tao, at ng sinumang nakasuot ng balat ng tao o nagsasalita ng wika ng tao. Isa itong bagay na magagawa ng mga tao kung magsusumikap sila, hindi nila kailangan ng guro o iskolar para turuan silang gawin ito. Kaya itong gawin ng isang tatlong taong gulang na bata, gayunpaman, itinuturing ito ng mga iskolar at guro bilang isang mahalagang hinihingi ng wastong asal ng tao, at sa paggawa nito, pinalaki nila ang isang bagay na hindi naman dapat palakihin. Bagamat ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” ay isang pahayag na humuhusga sa wastong asal ng tao, hindi talaga ito umaangat sa antas ng pagsukat kung ang isang tao ay nagtataglay ba ng pagkatao o ng marangal na moralidad. Samakatuwid, kapwa hindi tumpak at hindi angkop na gamitin ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” upang husgahan ang kalidad ng pagkatao ng isang tao.

Ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” ang pinakamapagpaimbabaw sa mga hinihingi ng tradisyonal na kultura tungkol sa wastong asal. Bagamat isinulong at itinuro ng lahat ng lipunan ng tao ang ganitong uri ng ideya, dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, at dahil sa paglaganap ng masasamang kalakaran ng sangkatauhan, kahit na naisasagawa ng mga tao ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” o nagtataglay sila ng ganitong uri ng wastong asal sa loob ng ilang panahon, hindi nito nababago ang katunayan na ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao ay palaging pinangingibabawan ang kanilang mga iniisip at pag-uugali, habang pinangingibabawan at kinokontrol din ang kanilang asal at mga paghahangad. Ang mga panandaliang insidente ng wastong asal ay walang kinalaman sa paghahangad ng isang tao, at talagang hindi mababago ng mga ito ang pag-idolo, paghanga, at pagsunod ng tao sa masasamang kalakaran. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Kaya, ang awit na kinanta ng mga tao noong araw, “Sa tabi ng daan, napulot ko ang isang sentimo sa lupa,” ay isang awiting pambata na lamang. Ito ay naging isang alaala na lamang. Hindi man lang makasunod ang mga tao sa batayang mabuting pag-uugali ng hindi pagbubulsa sa perang napulot nila. Nais ng mga tao na baguhin ang mga paghahangad at tiwaling disposisyon ng sangkatauhan sa pamamagitan ng pagsusulong ng wastong asal, at sinusubukan nilang pigilan ang pagkasira ng moralidad ng sangkatauhan, at ang paglubha ng lipunan araw-araw, ngunit sa huli ay nabibigo silang maisakatuparan ang mga mithiing ito. Maaari lamang umiral ang moralidad ng “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” sa ideyal na mundo ng tao. Itinuturing ng mga tao ang moralidad na ito bilang isang uri ng mithiin, bilang isang hangarin para sa mas maayos na mundo. Umiiral ang moralidad na ito sa espirituwal na mundo ng tao. Ito ang inaasahan ng tao sa mundo ng hinaharap, ngunit hindi ito tumutugma sa realidad ng buhay ng tao at sa aktwal na pagkatao ng mga tao. Salungat ito sa mga prinsipyo ng pag-asal ng tao at sa mga landas na tinatahak ng mga tao, pati na sa kung ano ang kanilang hinahangad, at sa kung ano ang nararapat nilang taglayin at kamtin. Hindi ito tumutugma sa mga pagpapamalas at pagpapakita ng normal na pagkatao, at sa mga prinsipyo ng mga relasyon sa pagitan ng mga tao at ng pangangasiwa ng mga gawain. Kaya, ang pamantayang ito para sa paghusga sa wastong asal ng sangkatauhan ay walang bisa noon pa man, mula noong sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan. Ang ideya at pananaw na ito ng “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” na isinusulong ng tao ay partikular na walang kabuluhan, at binabalewala ito ng karamihan sa mga tao, dahil hindi nito mababago ang direksyon ng kanilang asal, o ng kanilang mga paghahangad, at talagang hindi nito mababago ang kasamaan, pagkamakasarili at pansariling interes ng mga tao, o ang kanilang tumitinding tendensiya na mabilis na kumiling sa kasamaan. Naging nakakatawa at mapanuyang biro ang pinakamapagpaimbabaw na hinihinging ito ng “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot.” Ngayon, kahit ang mga bata ay ayaw nang kantahin ang, “Sa tabi ng daan, napulot ko ang isang sentimo sa lupa”—ni hindi nga ito makahulugan. Sa mundong puno ng mga kurakot na politiko, naging lubos na kabalintunaan na ang awiting ito. Ang realidad, na alam na alam ng mga tao, ay maaaring ibigay ng isang tao ang nalaglag na sentimo sa pulis, ngunit kung makapulot siya ng isang milyong yuan, o sampung milyong yuan, mapupunta iyon sa mismong bulsa niya. Mula sa penomenong ito, makikita nating nabigo ang mga pagtatangka ng mga taong isulong sa sangkatauhan ang hinihinging ito tungkol sa wastong asal. Nangangahulugan ito na walang kakayahan ang mga taong isagawa ang kahit man lang batayan na mabubuting pag-uugali. Ano ang ibig sabihin ng kawalang kakayahan na isagawa ang kahit man lang batayang mabubuting pag-uugali? Nangangahulugan ito na walang kakayahan ang mga tao na isagawa ang kahit man lang mga batayang bagay na dapat nilang gawin—tulad ng hindi pag-angkin sa isang bagay na napulot nila kung pagmamay-ari ito ng iba. Dagdag pa rito, kapag may ginagawang mali ang mga tao, hinding-hindi sila magtatapat tungkol dito, mas gugustuhin pa nilang mamatay kaysa umamin sa kanilang pagkakamali. Hindi man lang nila masunod ang isang bagay na kasingsimple ng hindi pagsisinungaling, kaya tiyak na hindi sila naaangkop na magsalita tungkol sa moralidad. Hindi man lang nila ninanais na magtaglay ng konsensiya at katwiran, kaya paano sila makapagsasalita tungkol sa moralidad? Nag-iisip nang husto ang mga opisyal at ang mga nasa kapangyarihan ng mga paraan upang makapiga at makakuha ng higit pang kita mula sa ibang tao, at makasunggab ng mga bagay na hindi sa kanila. Kahit ang batas ay hindi sila mapigilan—bakit ganito? Paanong umabot ang tao sa puntong ito? Ang lahat ng ito ay dahil sa mga tiwaling satanikong disposisyon ng mga tao, at sa kontrol at pangingibabaw sa kanila ng kanilang satanikong kalikasan, na nagdudulot ng lahat ng uri ng mga mapanlinlang at mapaminsalang pag-uugali. Gumagawa ang mga mapagpaimbabaw na ito ng maraming kasuklam-suklam at walang kahihiyang bagay habang nagkukunwaring “naglilingkod sa mga tao.” Hindi ba’t ganap na silang nawalan ng kahihiyan? Sa panahon ngayon, napakaraming mapagpaimbabaw na tao. Sa mundo kung saan talamak ang masasamang tao at sinusupil ang mabubuting tao, ang isang doktrinang tulad ng “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” ay talagang walang kakayahang pigilan ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at hindi talaga nito mababago ang kanilang kalikasan at diwa, o ang landas na kanilang tinatahak.

Naunawaan ba ninyo ang mga bagay na sinabi Ko sa pagbabahaging ito sa paksa ng “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot”? Ano ang kahulugan ng kasabihang ito para sa mga tiwaling tao? Paano nga ba dapat unawain ng isang tao ang moralidad na ito? (Walang kinalaman ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” sa asal ng mga tao o sa landas na kanilang tinatahak. Hindi nito mababago ang landas na tinatahak ng tao.) Tama iyan, hindi angkop para sa mga tao na suriin ang pagkatao ng isang tao batay sa kasabihang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot.” Hindi maaaring gamitin ang kasabihang ito para sukatin ang pagkatao ng isang tao, at mali ring gamitin ito upang sukatin ang mga moralidad ng isang tao. Isa lang itong panandaliang pag-uugali ng tao. Hindi talaga ito maaaring gamitin upang suriin ang diwa ng isang tao. Ang mga taong nagsulong ng kasabihan tungkol sa wastong asal na “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot”—ang mga tinatawag na iskolar at guro na ito—ay mga ideyalista. Hindi nila nauunawaan ang pagkatao o diwa ng tao, at hindi nila naiintindihan kung gaano na naging masama at tiwali ang tao. Kung kaya, ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal na ipinapanukala nila ay lubos na walang kabuluhan, hindi talaga ito praktikal, at hindi ito angkop sa mga totoong kalagayan ng tao. Ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay wala ni katiting na kaugnayan sa diwa ng tao o sa iba’t ibang tiwaling disposisyon na inilalabas ng mga tao, o sa mga kuru-kuro, pananaw, at pag-uugali na maaaring ilabas ng mga tao habang napangingibabawan ng mga tiwaling disposisyon. Ito ang isang aspekto. Ang isa pang aspekto ay na ang hindi pagbubulsa ng perang napupulot ng isang tao ay isang bagay lang na nararapat gawin ng normal na tao. Halimbawa, isinilang at pinalaki ka ng iyong mga magulang, ngunit noong ikaw ay wala pang muwang at musmos pa, hingi ka lang nang hingi sa iyong mga magulang ng pagkain at damit. Gayunpaman, sa sandaling nasa hustong gulang ka na at mas nauunawaan mo na ang mga bagay-bagay, natural mong natututunan na mahalin nang husto ang iyong mga magulang, na iwasang pag-alalahanin o galitin sila, na subukang huwag dumagdag sa dami ng kanilang trabaho o pagdurusa, at na gawin ang lahat ng kaya mong gawin nang mag-isa. Natural mong nauunawaan ang mga bagay na ito at hindi mo kailangan ang sinuman para ituro ang mga bagay na ito sa iyo. Isa kang tao, mayroon kang konsensiya at katwiran, kaya nagagawa at nararapat mong gawin ang mga bagay na ito—ni hindi na ito dapat pang banggitin. Sa pagtataas sa “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” sa antas ng marangal na moral na karakter, pinapalaki ng mga tao ang isang bagay na hindi naman dapat palakihin at masyado na silang nagmamalabis; hindi dapat bigyang-kahulugan ang pag-uugaling ito sa ganoong paraan, hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Ano ang maaaring matutunan mula rito? Ang paggawa ng kung ano ang nararapat gawin at kayang gawin sa saklaw ng normal na pagkatao ay isang tanda ng pagkakaroon ng normal na pagkatao ng isang tao. Nangangahulugan ito na kung ang isang tao ay may normal na katwiran, kaya niyang gawin ang mga bagay na iyon na maiisip at mapagtatanto ng mga taong may normal na pagkatao na nararapat nilang gawin—hindi ba’t napakanormal ng penomenong ito? Kung gumagawa ka ng isang bagay na kayang gawin ng sinumang may normal na pagkatao, matatawag ba talaga itong wastong asal? Kinakailangan pa ba talagang udyukan ang mga tao na gawin ito? (Hindi ito kinakailangan.) Maituturing ba talaga itong marangal na pagkatao? Maituturing ba itong pagtataglay ng pagkatao? (Hindi.) Ang pagpapakita ng mga gayong pag-uugali ay hindi nagtataas sa isang tao sa antas ng pagtataglay ng pagkatao. Kung sasabihin mong may pagkatao ang isang tao, nangangahulugan ito na ang perspektiba at posisyon ng pagtingin niya sa mga problema ay medyo positibo at aktibo, pati na rin ang kanyang mga gawi at paraan sa pagharap sa mga problema. Ano ang tanda ng pagiging positibo at aktibo? Makokonsensiya at mahihiya ang taong iyon. Ang isa pang tanda ng pagiging positibo at aktibo ay ang pagkaunawa sa katarungan. Maaaring ang taong ito ay may ilang masamang gawi tulad ng pagtulog nang gabing-gabi na at paggising nang tanghali na, pagiging mapili sa pagkain, o pagkahilig sa mga pagkaing matapang ang lasa, ngunit bukod sa masasamang gawing ito, mayroon siyang ilang partikular na magagandang katangian. Magkakaroon siya ng mga prinsipyo at limitasyon pagdating sa kanyang asal at mga kilos; makararamdam siya ng hiya at magkakaroon ng pagkaunawa sa katarungan; at magkakaroon siya ng mas maraming positibong katangian at mas kaunting negatibong katangian. Kung matatanggap at maisasagawa niya ang katotohanan, mas lalong magiging mainam iyon at magiging madali para sa kanyang tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Taliwas dito, kung ang isang tao ay gustong-gusto ang kasamaan; naghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan; mahilig sa pera, sa pamumuhay nang marangya; at sa pagsasayang ng kanyang oras sa paghahangad ng kasiyahan, kung gayon, ang perspektibang ginagamit niya sa pagtingin sa mga tao at bagay, at ang kanyang pananaw sa buhay at sistema ng pagpapahalaga ay magiging pawang negatibo at madilim, at mawawalan siya ng pakiramdam ng hiya at pagkaunawa sa katarungan. Hindi magtataglay ng pagkatao ang ganitong uri ng tao, at tiyak na hindi magiging madali para sa kanya na tanggapin ang katotohanan o tamuhin ang pagliligtas ng Diyos. Isa itong simpleng prinsipyo para sa pagsusuri ng mga tao. Ang isang pagsusuri ng wastong asal ng isang tao ay hindi isang pamantayang ipinangsusukat kung nagtataglay ba siya ng pagkatao o hindi. Upang masuri kung ang isang tao ay mabuti o masama, dapat mo siyang husgahan batay sa kanyang pagkatao, hindi sa kanyang wastong asal. Kadalasang mapagpaimbabaw ang wastong asal, at naiimpluwensiyahan ito ng kalagayang panlipunan, pinagmulan, at kapaligiran ng isang tao. Palaging nagbabago ang ilang pamamaraan at pagpapamalas, kaya mahirap matukoy ang kalidad ng pagkatao ng isang tao batay lang sa kanyang wastong asal. Halimbawa, maaaring ang isang tao ay lubos na gumagalang sa mga moralidad ng panlipunan, at sumusunod siya sa mga patakaran saan man siya pumunta. Maaaring siya ay nagpapakita ng pagtitimpi sa lahat ng ginagawa niya, sumusunod sa mga batas ng pamahalaan, at umiiwas na gumawa ng gulo sa publiko o matapakan ang mga interes ng ibang tao. Maaari din na siya ay magalang at matulungin, at nagmamalasakit sa mga bata at nakatatanda. Ang katunayan bang may napakaraming mabuting katangian ang taong ito ay nangangahulugang isinasabuhay niya ang normal na pagkatao at na isa siyang mabuting tao? (Hindi.) Maaaring isinasagawa nang mabuti ng isang tao ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot,” maaaring palagi siyang sumusunod sa moralidad na ito na isinusulong at itinataguyod ng sangkatauhan, ngunit kumusta ang kanyang pagkatao? Walang anumang kinalaman sa kanyang pagkatao ang katunayan na isinasagawa niya ang hindi pagbubulsa sa perang napupulot niya—hindi maaaring gamitin ang wastong asal na ito upang suriin kung ang pagkatao niya ay mabuti o masama. Paano naman dapat sukatin ang kanyang pagkatao? Dapat mong tanggalin sa kanya ang balot ng wastong asal na ito, at alisin ang mga pag-uugali at wastong asal na itinuturing ng tao na mabuti, at na pinakamababang kayang makamit ng sinumang taong may normal na pagkatao. Pagkatapos niyon, tingnan ang kanyang pinakamahahalagang pagpapamalas, gaya ng mga prinsipyo ng kanyang asal, at ang mga limitasyon na kanyang kikilalanin sa kanyang asal, pati na ang kanyang saloobin sa katotohanan at sa Diyos. Ito lang ang paraan upang makita ang kanyang pagkataong diwa, at ang kanyang panloob na likas na katangian. Ang pagtingin sa mga tao sa ganitong paraan ay medyo obhetibo at tumpak. Hanggang dito na lang ang ating talakayan sa moralidad na: “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot.” Naunawaan ba ninyong lahat ang pagbabahaging ito? (Oo.) Madalas Akong nag-aalala na hindi talaga ninyo nauunawaan ang sinabi Ko, na kaunting doktrina lang tungkol dito ang naiintindihan ninyo, ngunit hindi pa rin ninyo nauunawaan ang mga bahaging nauugnay sa diwa nito. Kaya, ang tanging magagawa Ko ay ipaliwanag pa nang kaunti ang ideya. Mapapanatag lang Ako kapag nadama Kong naunawaan na ninyo. Paano Ko masasabing naunawaan na ninyo? Kapag may nakita Akong kagalakan sa inyong mga mukha, malamang na naunawaan na ninyo ang sinasabi Ko. Kung makakamit Ko iyon, sulit ang pagsasalita nang kaunti pa tungkol sa paksang ito.

Halos natapos Ko na ang Aking pagbabahagi tungkol sa “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot.” Bagama’t hindi Ko direktang sinabi sa inyo kung paano sumasalungat ang moralidad na ito sa katotohanan, o kung bakit hindi ito maaaring itaas sa antas ng katotohanan, o sa kung ano ang mga hinihingi ng Diyos sa pag-uugali at wastong asal ng mga tao, hindi ba’t natalakay Ko naman ang lahat ng bagay na ito? (Natalakay Mo nga.) Nagsusulong ba ang sambahayan ng Diyos ng mga moralidad na tulad ng “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot”? (Hindi.) Kung gayon, paano tinitingnan ng sambahayan ng Diyos ang kasabihang ito? Maaari ninyong ibahagi ang inyong pagkaunawa. (Ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” ay isang bagay lang na nararapat sundin at gawin ng sinumang may normal na pagkatao, kaya hindi ito kailangang isulong. Isa pa, ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” ay isang pagpapamalas lang ng moralidad ng tao, wala itong kinalaman sa mga prinsipyo ng asal ng mga tao, sa mga pananaw nila sa kanilang mga paghahangad, sa mga landas na kanilang tinatahak, o sa kalidad ng kanilang pagkatao.) Tanda ba ng pagkatao ang wastong asal? (Hindi ito tanda ng pagkatao. Ang ilang aspekto ng wastong asal ay mga bagay lang na nararapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao.) Kapag tinatalakay ng sambahayan ng Diyos ang pagkatao at pagkilatis sa mga tao, ginagawa nito iyon sa saklaw ng pangunahing konteksto ng paghahangad sa katotohanan. Sa pangkalahatan, hindi susuriin ng sambahayan ng Diyos kung kumusta ang wastong asal ng isang tao—ni hindi man lang susuriin ng sambahayan ng Diyos kung ang isang tao ay nakasusunod sa kasabihang: “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot.” Hindi ito sisiyasatin ng sambahayan ng Diyos. Sa halip, sisiyasatin ng sambahayan ng Diyos ang kalidad ng pagkatao ng taong iyon, kung minamahal ba niya ang mga positibong bagay at ang katotohanan, at kung anong uri ng saloobin sa katotohanan at sa Diyos ang mayroon siya. Maaaring hindi ibulsa ng isang tao ang perang napulot niya habang nasa sekular na lipunan siya, ngunit kung hindi man lang niya pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos matapos maging isang mananampalataya—kung magagawa niyang nakawin, lustayin, o ibenta pa nga ang mga handog kapag binigyan siya ng pagkakataong pamahalaan ang mga ito—kung kaya niyang gumawa ng lahat ng uri ng masasamang bagay, ano siya? (Isang masamang tao.) Hindi siya kailanman naninindigan upang protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kapag may mga nangyayaring isyu. Hindi ba’t may mga ganitong tao? (Mayroon nga.) Kung gayon, magiging angkop bang gamitin ang kasabihang, “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” upang suriin ang kanilang pagkatao? Hindi ito magiging angkop. Sinasabi ng ilang tao: “Mabuti silang tao noon. Mayroon silang marangal na moral na karakter at sinasang-ayunan sila ng lahat noon. Kaya bakit sila nagbago matapos mapunta sa sambahayan ng Diyos?” Nagbago ba talaga sila? Ang totoo, hindi sila nagbago. Nagtataglay sila ng kaunting wastong asal at mabuting pag-uugali, ngunit bukod doon, ito na ang kanilang pagkataong diwa noon pa man—hindi talaga iyon nagbago. Saan man sila pumunta, palagi silang umaasal nang ganito. Nagkataon lang na noon, sinusuri sila ng mga tao gamit ang pamantayan ng wastong asal, sa halip na gamitin ang katotohanan upang husgahan ang kanilang pagkatao. Iniisip ng mga tao na sumailalim sila sa kung anong uri ng pagbabago, pero ang totoo ay hindi. Sinasabi ng ilan, “Hindi sila ganoon dati.” Hindi sila ganoon dati dahil hindi sila naharap sa mga sitwasyong ito noon at wala sila sa ganitong uri ng kapaligiran noon. Dagdag pa rito, hindi naunawaan ng mga tao ang katotohanan, kaya hindi sila nakilatis. Ano ang kinahihinatnan sa huli ng pagtingin at paghusga ng mga tao sa iba batay sa isang mabuting pag-uugali sa halip na sa pagkataong diwa ng mga ito? Bukod sa hindi makikita nang malinaw ng mga tao ang iba, mabubulag at malilinlang din sila ng panlabas na wastong asal ng iba. Kapag hindi nakikilatis nang husto ng mga tao ang iba, kanilang pagtitiwalaan, tataasan ng ranggo, at itatalaga ang mga maling tao, at malilinlang at maloloko sila ng ibang tao. Madalas na nagagawa ng ilang lider at manggagawa ang pagkakamaling ito kapag pumipili at nagtatalaga ng mga tao. Nalilinlang sila ng mga taong sa panlabas ay nagtataglay ng ilang mabubuting pag-uugali at mabubuting wastong asal, at isinasaayos nila na tumanggap ang mga ito ng mahalagang gawain o magtabi ng ilang mahahalagang bagay. Bilang resulta, nagkakaproblema, at nagiging sanhi ito para dumanas ng ilang kawalan ang sambahayan ng Diyos. Bakit nagkaproblema? Nagkaproblema dahil hindi nahalata ng mga lider at manggagawa ang kalikasang diwa ng mga taong ito. Bakit hindi nila nahalata ang kalikasang diwa ng mga ito? Dahil hindi nauunawaan ng mga lider at manggagawang ito ang katotohanan, at hindi nila nagagawang suriin at kilatisin ang mga tao. Hindi nila mahalata ang kalikasang diwa ng mga tao, at hindi nila alam kung anong uri ng saloobin sa Diyos, sa katotohanan, at sa mga interes ng sambahayan ng Diyos ang taglay ng mga tao. Bakit ganoon? Dahil tinitingnan ng mga lider at manggagawang ito ang mga tao at bagay mula sa maling pananaw. Tinitingnan lang nila ang mga tao batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, hindi nila tinitingnan ang diwa ng mga ito ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo—sa halip, tinitingnan nila ang mga tao batay sa wastong asal at mga panlabas na pag-uugali at pagpapamalas ng mga ito. Walang prinsipyo ang kanilang pagtingin sa mga tao kaya pinagkakatiwalaan nila ang mga maling tao, itinatalaga ang mga maling tao, at dahil dito, sila ay nalilinlang, naloloko, at nagagamit ng mga taong iyon, at sa huli ay nagdurusa ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ito ang mga kinahihinatnan ng kawalan ng kakayahang makilatis ang mga tao o mahalata ang mga ito. Kaya, kapag may isang taong gustong hangarin ang katotohanan, ang unang leksyong dapat niyang matutunan ay kung paano kilatisin at tingnan ang mga tao—matagal matutunan ang leksyong ito, at isa ito sa mga pinakabatayang leksyon na dapat matutunan ng mga tao. Kung gusto mong malinaw na makita ang isang tao at matutunang matukoy siya, dapat mo munang maunawaan kung anong mga pamantayan ang ginagamit ng Diyos upang suriin ang mga tao, kung anong mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw ang kumokontrol at nangingibabaw sa paraan ng pagtingin at pagsuri ng mga tao sa iba, at kung sumasalungat ba ang mga ito sa mga pamantayang ginagamit ng Diyos upang suriin ang mga tao, at kung paano sumasalungat ang mga ito. Batay ba sa mga hinihingi ng Diyos ang mga pamamaraan at pamantayan mo sa pagsusuri sa mga tao? Batay ba ang mga ito sa mga salita ng Diyos? May batayan ba ang mga ito sa katotohanan? Kung hindi, at kung lubos kang umaasa sa iyong mga karanasan at imahinasyon upang suriin ang iba, o kung umaabot ka pa sa puntong ibinabatay mo ang iyong mga pagsusuri sa mga moralidad na panlipunan na isinusulong sa loob ng lipunan, o sa mga naoobserbahan mo gamit ang sarili mong mga mata, mananatiling hindi malinaw sa iyo ang taong sinusubukan mong kilatisin. Hindi mo siya mahahalata. Kung pagkakatiwalaan mo siya at magtatalaga ka ng mga tungkulin sa kanya, sa partikular na antas ay tumataya ka, at hindi maiiwasan na may posibilidad na magdudulot ito ng pinsala sa mga handog sa Diyos, sa gawain ng iglesia, at sa pagpasok sa buhay ng hinirang ng Diyos. Ang pagkilatis sa mga tao ang unang leksyon na dapat mong matutunan kung gusto mong hangarin ang katotohanan. Siyempre pa, isa rin ito sa mga pinakabatayang aspekto ng katotohanan na dapat taglayin ng mga tao. Ang matutong kilatisin ang mga tao ay hindi maihihiwalay sa paksa ng pagbabahaginan ngayon. Dapat mong matukoy ang pagkakaiba ng mabuting wastong asal at mga katangian ng tao, sa mga bagay na dapat taglayin ng isang taong may normal na pagkatao. Napakahalagang matukoy ang pagkakaiba ng dalawang ito. Saka mo lang makikilala at tumpak na makikilatis ang diwa ng isang tao, at sa huli ay matutukoy mo kung sino ang may pagkatao at kung sino ang wala. Ano ang dapat munang taglayin ng isang tao upang matukoy ang mga bagay na ito? Dapat maunawaan ng isang tao ang mga salita ng Diyos, pati na ang aspektong ito ng katotohanan, at maabot ang puntong tinitingnan niya ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan niya ay ang katotohanan. Hindi ba’t isa itong katotohanang prinsipyo na dapat isagawa at taglayin ng isang tao habang hinahangad ang katotohanan? (Oo.) Kaya, kinakailangan nating magbahaginan tungkol sa mga paksang ito.

Katatapos Ko lang magbahagi tungkol sa unang kasabihang, “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot,” na malinaw na isang uri ng wastong asal ng tao. Isa itong uri ng moral na karakter at panandaliang pag-uugali na nag-iiwan ng magandang impresyon sa mga tao, ngunit, sa kasamaang-palad, hindi ito maaaring gawing pamantayan upang suriin kung ang isang tao ay nagtataglay ba ng pagkatao o hindi. Ganoon din ang pangalawang kasabihang, “Maging masaya sa pagtulong sa iba.” Batay sa pagkakagamit ng mga salita sa pahayag, malinaw na isa rin itong bagay na gusto ng mga tao at itinuturing nilang mabuting pag-uugali. Ang mga nagpapakita ng mabuting pag-uugaling ito ay lubos na pinahahalagahan bilang mga taong nagtataglay ng mabuting asal at marangal na katangian—bilang buod, itinuturing silang mga taong nagiging masaya sa pagtulong sa iba at may napakahusay na moral na karakter. May ilang pagkakatulad ang “Maging masaya sa pagtulong sa iba” sa “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot.” Isa rin itong mabuting pag-uugali na umuusbong sa mga tao sa ilang partikular na kalagayang panlipunan. Ang literal na kahulugan ng “Maging masaya sa pagtulong sa iba” ay ang masiyahan sa pagtulong sa ibang tao. Hindi ito nangangahulugan na tungkulin ng isang tao na tumulong sa mga tao—ang kasabihan ay hindi “Responsabilidad mong tulungan ang iba”—ito ay “Maging masaya sa pagtulong sa iba.” Mula rito, makikita natin kung ano ang nag-uudyok sa mga tao na tumulong sa iba. Hindi nila ito ginagawa para sa ibang tao, kundi para sa kanilang sarili. Puno ng pag-aalala at pasakit ang mga tao, kaya naghahanap sila ng ibang nangangailangan ng tulong at pinapakitaan ang mga ito ng pagkakawanggawa at pagdamay; tumutulong sila, at ginagawa nila ang anumang mabuting bagay na kaya nilang gawin upang maiparamdam sa kanilang sarili ang kaligayahan, kasiyahan, kapayapaan, at kagalakan, at upang mapuno ng kabuluhan ang kanilang mga araw, nang sa gayon ay hindi sila makaramdam ng lubos na kahungkagan at kapighatian—pinagbubuti nila ang kanilang wastong asal upang matamo ang kanilang layong dalisayin at itaas ang saklaw ng kanilang puso at isip. Anong klaseng pag-uugali ito? Kung titingnan ninyo ang mga taong nagiging masaya sa pagtulong sa iba mula sa perspektiba ng paliwanag na ito, hindi sila mabubuting tao. Ni hindi man lang sila nauudyukan ng kanilang moralidad, konsensiya, o pagkatao na gawin kung ano ang nararapat nilang gawin, o tuparin ang kanilang mga responsabilidad sa lipunan at pamilya; bagkus, tumutulong sila sa mga tao upang magtamo ng kasiyahan, espirituwal na pampalubag-loob, emosyonal na kaginhawahan, at upang mamuhay nang masaya. Ano ang dapat maging opinyon sa ganitong uri ng wastong asal? Kung titingnan ninyo ang likas na katangian nito, mas malala pa ito kaysa sa “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot.” Kahit papaano, walang makasariling aspekto ang “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot.” Paano naman ang: “Maging masaya sa pagtulong sa iba”? Ipinahihiwatig ng salitang “masaya” na naglalaman ang pag-uugaling ito ng mga elemento ng pagiging makasarili at ng masasamang intensyon. Hindi ito tungkol sa pagtulong sa mga tao para sa kapakanan ng mga ito at hindi ito isang makasariling handog, ginagawa ito alang-alang sa sariling kasiyahan ng isang tao. Hindi talaga ito nararapat na suportahan. Halimbawa, sabihin nang nakakita ka ng isang matandang natumba sa isang main road at naisip mo: “Nalulungkot ako nitong mga nakaraang araw. Magandang pagkakataon ang pagkatumba ng matandang ito—magiging masaya ako sa pagtulong sa iba!” Lalapit ka at tutulungang makatayo ang matanda, at kapag nakatayo na siya, pupurihin ka niya, sinasabing: “Napakabuting tao mo, anak. Nawa ay maging ligtas at masaya ka at mabuhay ka nang matagal!” Pupuspusin ka niya ng magagandang salita, at matapos marinig ang mga ito, mawawala ang lahat ng iyong mga alalahanin at masisiyahan ka. Iisipin mong mabuti ang tumulong sa mga tao, at magpapasya kang maglalakad-lakad ka sa mga kalsada sa libre mong oras at tutulungang makatayo ang sinumang matutumba. Nagpapakita ng ilang mabuting pag-uugali ang mga tao sa ilalim ng impluwensiya ng ganitong uri ng pag-iisip, at tinukoy ito ng lipunan ng tao bilang mainam na tradisyon ng pagiging masaya sa pagtulong sa iba, at bilang isang uri ng marangal na moral na karakter na ipinapasa ang dakilang tradisyong ito. Ang konteksto sa likod ng pagiging masaya sa pagtulong sa iba ay na ang mga taong gumagawa ng pagtulong ay karaniwang itinuturing ang kanilang sarili bilang ang pinakatugatog ng moralidad. Ipinepresenta nila ang kanilang sarili bilang mga dakilang pilantropo, at kapag mas pinupuri sila ng mga tao, mas nagiging handa silang tumulong, magkawanggawa, at gumawa ng higit pa para sa iba. Natutugunan nito ang kanilang pagnanasang maging bayani at tagapagligtas ng sangkatauhan, pati na ang kanilang pagnanasang makakuha ng isang uri ng kasiyahan mula sa pagiging kinakailangan ng iba. Hindi ba’t ang lahat ng tao ay gustong maramdaman na kailangan sila? Kapag nararamdaman ng mga tao na kailangan sila ng iba, iniisip nila na labis silang kapaki-pakinabang at na may kahulugan ang kanilang buhay. Hindi ba’t isang uri lang ito ng pagpapapansin? Ang pagpapapansin ay ang tanging bagay na nagbibigay-kasiyahan sa mga tao—ganito na sila namumuhay. Sa katunayan, sa anumang perspektiba natin tingnan ang usapin ng pagiging masaya sa pagtulong sa iba, hindi ito isang pamantayan para suriin ang mga moralidad ng tao. Kadalasan, kaunting pagsisikap lang ang kailangan sa pagiging masaya sa pagtulong sa iba. Kung handa kang gawin ito, natupad mo na ang iyong responsabilidad sa lipunan; kung ayaw mo itong gawin, walang magpapanagot sa iyo, at hindi ka kokondenahin ng publiko. Pagdating sa mabubuting pag-uugaling pinupuri ng tao, maaaring piliin ng isang tao na isagawa o hindi ang mga ito, anuman ang desisyon nila ay ayos lang. Hindi na kailangang pigilin ang mga tao gamit ang kasabihang ito, o ipaaral sa kanila kung paano maging masaya sa pagtulong sa iba, dahil isa lang itong panandaliang mabuting pag-uugali. Nauudyukan man ang isang tao ng pagnanasang tuparin ang kanyang responsabilidad sa lipunan o kung isinasagawa man niya ang mabuting pag-uugaling ito dahil sa pagkaunawa sa pampublikong moralidad, ano ang kahihinatnan sa huli? Matutugunan lang niya ang pagnanasa niyang maging mabuting tao at katawanin ang diwa ni Lei Feng sa isang pagkakataong ito; masisiyahan at magiginhawahan siya sa paggawa nito, at sa gayon ay maitataas ang antas ng saklaw ng kanyang pag-iisip. Iyon lang. Ito ang diwa ng ginagawa niya. Kung gayon, ano ang pagkakaunawa ninyo sa kasabihang “Maging masaya sa pagtulong sa iba” bago ang pagbabahaginang ito? (Hindi ko nakilala dati ang mga makasarili at kasuklam-suklam na intensyon sa likod nito.) Halimbawa, may isang sitwasyon kung saan mayroon kang tungkuling gumawa ng isang bagay, isang responsabilidad na hindi mo dapat iwasan, isang bagay na medyo mahirap, at kailangan mong magtiis ng kaunting pagdurusa, talikuran ang ilang bagay, at magbayad ng halaga upang maisakatuparan ito, ngunit nagagawa mo pa ring tuparin ang responsabilidad na ito. Hindi ka lubos na masisiyahan habang ginagawa mo ito, at pagkatapos magbayad ng halaga at tuparin ang responsabilidad na ito, hindi magdudulot sa iyo ng anumang kasiyahan o kaginhawahan ang mga resulta ng pinagpaguran mo, ngunit dahil responsabilidad at tungkulin mo ito, ginawa mo pa rin ito. Kung ikukumpara natin ito sa pagiging masaya sa pagtulong sa iba, alin ang nagpapakita ng higit na pagkatao? (Ang mga taong tumutupad sa kanilang mga responsabilidad at tungkulin ay mas mayroong pagkatao.) Ang pagiging masaya sa pagtulong sa iba ay hindi tungkol sa pagtupad ng responsabilidad—isa lang itong hinihingi sa wastong asal at mga responsabilidad sa lipunan ng mga tao na umiiral sa ilang partikular na kontekstong panlipunan; nagmumula ito sa popular na opinyon, mga moralidad na panlipunan, o kahit sa mga batas ng isang bansa, at ginagamit ito upang suriin kung ang isang tao ay may mga moralidad at kung ano ang kalidad ng kanyang pagkatao. Sa madaling salita, ang “Maging masaya sa pagtulong sa iba” ay isang kasabihan lang na naglilimita sa pag-uugali ng mga tao, na ipinanukala ng lipunan ng tao upang itaas ang saklaw ng pag-iisip ng tao. Ginagamit lang ang ganitong uri ng kasabihan upang himukin ang mga taong magsagawa ng kaunting mabuting pag-uugali, at ang mga pamantayan para sa pagsusuri sa mabubuting pag-uugaling iyon ay mga moralidad na panlipunan, opinyon ng publiko, o kahit ang batas. Halimbawa, kung makakita ka ng isang taong nangangailangan ng tulong sa isang pampublikong lugar at ikaw ang unang taong nararapat na tumulong sa kanya, ngunit hindi mo siya tinulungan, ano ang iisipin ng ibang tao sa iyo? Pagagalitan ka nila dahil sa kawalan mo ng modo—hindi ba’t iyon ang ibig nating sabihin sa opinyon ng publiko? (Oo.) Ano kung gayon ang mga moralidad na panlipunan? Mga positibo at optimistang bagay at gawi ang mga ito na isinusulong at inuudyukan ng lipunan. Natural na maraming kasamang partikular na hinihingi ang mga ito, halimbawa: pagsuporta sa mahihinang tao, pagtulong kapag nahaharap ang iba sa mga paghihirap, at hindi pagtayo lang sa isang tabi nang walang ginagawa. Dapat ay isinasagawa ng mga tao ang ganitong uri ng wastong asal, iyon ang ibig sabihin ng pagtataglay ng mga moralidad na panlipunan. Kung nakakita ka ng isang taong nagdurusa pero nagbulag-bulagan ka, hindi mo siya pinansin, at wala kang ginawa, kung gayon ay wala kang moralidad na panlipunan. Kaya, ano ang mga hinihingi ng batas sa wastong asal ng tao? Isang espesyal na kaso ang Tsina sa usaping ito: Walang anumang malinaw na itinatakda ang batas ng Tsina tungkol sa mga responsabilidad at moralidad na panlipunan. Natututunan lang nang kaunti ng mga tao ang tungkol sa mga bagay na ito sa pamamagitan ng pagpapalaki sa kanila ng kanilang pamilya, pag-aaral sa paaralan, at kung ano ang naririnig at naoobserbahan nila sa lipunan. Sa kabaligtaran, sa mga Kanluraning bansa, nakasaad sa batas ang mga bagay na ito. Halimbawa, kung makita mong natumba sa kalsada ang isang tao, dapat ay lumapit ka man lang sa kanya at itanong mo, “Ayos ka lang ba? Kailangan mo ba ng tulong?” Kung sumagot ang taong iyon, “Ayos lang ako, salamat,” hindi mo siya kailangang tulungan, hindi hinihingi sa iyong tuparin ang responsabilidad na iyon. Kung sabihin niyang, “Kailangan ko ng tulong, pakiusap,” kung gayon ay kailangan mo siyang tulungan. Kung hindi mo siya tutulungan, mananagot ka sa batas. Isa itong espesyal na hinihingi na ipinapanukala ng ilang partikular na bansa tungkol sa wastong asal ng mga tao; hinihingi nila ito sa mga tao sa pamamagitan ng malinaw na paglalahad sa mga ito sa kanilang mga batas. Ang mga hinihinging ito sa wastong asal ng mga tao sa pamamagitan ng opinyon ng publiko, mga moralidad na panlipunan, at kahit ng batas ay limitado lang sa pag-uugali ng mga tao, at ang mga pangunahing pamantayan sa pag-uugali na ito ay ang mga pamantayang ipinangsusuri sa wastong asal ng isang tao. Sa panlabas, mukhang sinusuri ng mga pamantayan ng moralidad na ito ang pag-uugali ng mga tao—sa madaling salita, kung natupad ba o hindi ng mga tao ang kanilang mga responsabilidad sa lipunan—ngunit sa diwa ng mga ito, sinusuri ng mga ito ang panloob na kalidad ng mga tao. Ito man ay opinyon ng publiko, mga moralidad na panlipunan, o batas, ang sinusukat o hinihingi lang ng mga bagay na ito ay ang tungkol sa mga bagay na ginagawa ng mga tao, at limitado ang mga pagsukat at hinihinging ito sa pag-uugali ng mga tao. Hinuhusgahan ng mga ito ang kalidad at wastong asal ng isang tao batay sa pag-uugali ng taong iyon—iyon ang saklaw ng pagsusuri ng mga ito. Iyon ang likas na katangian ng pahayag na: “Maging masaya sa pagtulong sa iba.” Pagdating sa pagiging masaya sa pagtulong sa iba, nagpapataw ang mga bansang Kanluranin ng mga hinihingi sa mga tao sa pamamagitan ng mga nakalahad sa batas, samantalang sa Tsina, ginagamit ang tradisyonal na kultura upang ituro at ikondisyon ang mga tao gamit ang mga ideyang ito. Bagamat may ganitong pagkakaiba ang Silangan at ang Kanluran, pareho ang kalikasan ng mga ito—parehong gumagamit ang mga ito ng mga kasabihan upang pigilan at kontrolin ang pag-uugali at moralidad ng mga tao. Gayunpaman, ito man ay mga batas ng mga bansang Kanluranin o ang tradisyonal na kultura sa Silangan, pawang mga hinihingi at regulasyon lang ang mga ito sa pag-uugali at wastong asal ng tao, at kinokontrol lang ng mga pamantayang ito ang pag-uugali at wastong asal ng mga tao—ngunit tumutuon ba ang alinman sa mga ito sa pagkatao ng tao? Magagamit ba bilang mga pamantayan para sa pagsusuri sa pagkatao ng isang tao ang mga regulasyon na nagtatakda lang kung anong mga pag-uugali ang dapat niyang isagawa? (Hindi.) Kung titingnan natin ang kasabihang “Maging masaya sa pagtulong sa iba,” nagagawa ng ilang masamang tao na maging masaya sa pagtulong sa iba, ngunit nauudyukan sila ng kanilang mga sariling intensyon at layon. Kapag gumagawa ang mga diyablo ng ilang maliit na mabuting gawa, mas malamang na mayroon silang mga sariling intensyon at layon sa paggawa ng mga iyon. Iniisip ba ninyo na ang lahat ng nagiging masaya sa pagtulong sa iba ay nagmamahal sa katotohanan at may pagpapahalaga sa katarungan? Halimbawa, iyong mga tao sa Tsina na diumano ay nagiging masaya sa pagtulong sa iba, tulad niyong magigiting na tao, o mga taong ninanakawan ang mayayaman at nagbibigay sa mahihirap, o iyong palaging tumutulong sa mga bulnerableng grupo at may mga kapansanan, at iba pa—lahat ba sila ay mayroong pagkatao? Lahat ba sila ay nagmamahal sa mga positibong bagay at may pagpapahalaga sa katuwiran? (Hindi.) Sa pinakamainam, mga tao lang sila na mayroong medyo mas mahusay na karakter. Dahil pinamamahalaan sila ng diwang ito ng pagiging masaya sa pagtulong sa iba, gumagawa sila ng maraming mabuting gawa na nagdudulot sa kanila ng kasiyahan, kaginhawahan, at nagtutulot sa kanilang matamasa nang husto ang pakiramdam ng kaligayahan, ngunit ang pagsasagawa sa gayong mga pag-uugali ay hindi nangangahulugang mayroon silang pagkatao, dahil parehong hindi malinaw ang kanilang pananampalataya at kung ano ang kanilang hinahangad sa espirituwal na antas, walang nakakaalam sa mga ito. Kung gayon, maituturing ba silang mga taong may pagkatao at konsensiya batay sa wastong asal na ito? (Hindi.) Ang ilang institusyon tulad ng mga foundation at welfare agency na diumano ay nagiging masaya sa pagtulong sa iba, na tumutulong sa mga bulnerableng grupo at may mga kapansanan, ay tumutupad, sa pinakasukdulan, ng kanilang kaunting responsabilidad sa lipunan. Ginagawa nila ang mga bagay na ito upang mapaganda ang kanilang imahe sa mata ng publiko, upang mas maging kilala sila, at matugunan ang kaisipan ng pagiging masaya sa pagtulong sa iba—hinding-hindi ito umaangat sa antas ng pagpapahiwatig na sila ay “nagtataglay ng pagkatao.” Dagdag pa rito, nangangailangan ba talaga ng tulong ang mga tao na tinutulungan nila para sa sarili nilang kasiyahan? Makatarungan ba ang pagiging masaya sa pagtulong sa iba? Hindi tiyak na ganoon nga. Kung sisiyasatin mo ang lahat ng iba’t ibang malaki at maliit na kaganapan na nangyayari sa buong lipunan sa loob ng mahabang panahon, makikita mong ang ilan sa mga ito ay pagtulong lamang ng mga tao sa iba upang mapasaya ang kanilang sarili, samantala, sa marami pang ibang kaso, mas maraming tagong sikreto at madilim na aspekto ng lipunan ang nababalot sa mga insidente kung saan ang mga tao ay nagiging masaya sa pagtulong sa iba. Ano’t anuman, may mga intensyon at layon sa likod ng pagiging masaya sa pagtulong sa iba, ito man ay upang maging sikat at makaangat sa lahat, o upang sumunod sa mga moralidad na panlipunan at hindi lumabag sa batas, o upang magkamit ng mas positibong ebalwasyon mula sa lipunan sa pangkalahatan. Paano man ito tingnan ng isang tao, ang pagiging masaya sa pagtulong sa iba ay isa lang sa mga panlabas na pag-uugali ng tao, at, sa pinakasukdulan, katumbas ito ng isang uri ng wastong asal. Wala itong anumang kinalaman sa normal na pagkatao na hinihingi ng Diyos. Ang mga may kakayahang maging masaya sa pagtulong sa iba ay maaaring mga karaniwang tao na walang anumang tunay na ambisyon, o maaaring sila ay mga kilalang tao sa lipunan; maaaring sila ay medyo mababait na tao, ngunit maaari ding sila ay malisyoso sa loob-loob nila. Maaari silang maging anumang uri ng tao, at lahat ng tao ay may kakayahang isagawa ang pag-uugaling ito nang panandalian. Kaya, ang pahayag tungkol sa wastong asal na, “Maging masaya sa pagtulong sa iba,” ay talagang hindi kwalipikadong maging pamantayan para suriin ang pagkatao ng mga tao.

“Maging masaya sa pagtulong sa iba”—ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal, sa katunayan, ay hindi kinakatawan ang diwa ng pagkatao ng mga tao, at halos wala itong kaugnayan sa kalikasang diwa ng mga tao. Samakatuwid, hindi ito naaangkop na gamitin upang suriin ang kalidad ng pagkatao ng isang tao. Ano, kung gayon, ang naaangkop na paraan upang suriin ang pagkatao ng isang tao? Kahit papaano, hindi dapat magpasya ang isang taong may pagkatao kung tutulong ba siya sa isang tao o tutuparin ba niya ang kanyang mga responsabilidad batay sa kung ikasisiya ba niya ito o hindi; sa halip, ang kanyang desisyon ay dapat batay sa kanyang konsensiya at katwiran, at hindi niya dapat isaalang-alang kung ano ang mapapala niya, o kung ano ang kahihinatnan ng pagtulong sa taong iyon, o kung ano ang maaaring maging epekto nito sa kanya sa hinaharap. Hindi niya dapat isaalang-alang ang mga bagay na ito, at dapat niyang tuparin ang kanyang mga responsabilidad, tulungan ang iba, at pigilan na makaranas ang iba ng pagdurusa. Dapat niyang tulungan ang mga tao sa dalisay na paraan, nang walang anumang makasariling mithiin—iyon ang gagawin ng isang taong tunay na nagtataglay ng pagkatao. Kung ang layon ng isang tao sa pagtulong sa iba ay upang bigyang-kasiyahan ang kanyang sarili o bumuo ng magandang reputasyon, may makasarili at masamang katangian ito—hindi kikilos sa ganitong paraan ang mga tunay na nagtataglay ng konsensiya at katwiran. Ang mga taong tunay na may pagmamahal para sa iba ay hindi kumikilos para lang tugunan ang kanilang pagnanasa na may partikular na maramdaman, sa halip, kumikilos sila upang tuparin ang kanilang mga responsabilidad, at gawin ang lahat ng makakaya nila para tumulong sa iba. Hindi sila tumutulong sa mga tao upang makakuha ng gantimpala, at wala silang anupamang intensyon o motibo. Kahit na maaaring mahirap kumilos sa ganitong paraan, at kahit na puwede silang husgahan ng iba o maharap pa nga sa kaunting panganib, kinikilala nila na isa itong tungkuling dapat gawin ng mga tao, na responsabilidad ito ng mga tao, at na kung hindi sila kikilos sa ganitong paraan, magkukulang sila sa kanilang pananagutan sa iba at sa Diyos, at habambuhay silang magsisisi. Dahil dito, nagpapatuloy sila nang walang pag-aalinlangan, ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila, sinusunod nila ang kalooban ng Langit, at tinutupad nila ang kanilang responsabilidad. Paano man sila husgahan ng iba, o kung pinasasalamatan at pinahahalagahan man sila ng iba o hindi, basta’t natutulungan nila ang taong iyon na gawin ang anumang kailangan nitong gawin, at nagagawa nila iyon nang buong puso, masisiyahan na sila. May konsensiya at katwiran ang mga taong nagagawang kumilos sa ganitong paraan, taglay nila ang mga pagpapamalas ng pagkatao, at hindi lang isang uri ng pag-uugali na limitado sa saklaw ng moral na karakter at wastong asal. Ang pagiging masaya sa pagtulong sa iba ay isang uri lang ng pag-uugali, at kung minsan, isa lang itong pag-uugaling lumilitaw sa ilang partikular na konteksto; ang desisyon ng isang taong isagawa ang ganitong uri ng panandaliang pag-uugali ay ginagawa batay sa kanyang lagay ng loob, mga emosyon, kapaligirang panlipunan, pati na sa kasalukuyang konteksto, at kung anong mga pakinabang o desbentaha ang maaaring idulot ng pagkilos sa ganoong paraan. Hindi isinasaalang-alang ng mga taong may pagkatao ang mga bagay na ito kapag tumutulong sila sa mga tao—nagdedesisyon sila batay sa isang pamantayan ng paghusga na mas positibo, at mas naaayon sa konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Kung minsan, nagagawa pa nilang magpatuloy sa pagtulong sa mga tao kahit na ang paggawa nito ay kumokontra at sumasalungat sa mga pamantayan ng moralidad. Ang mga pamantayan, ideya, at pananaw ng moralidad ay maaari lamang pigilan ang mga panandaliang pag-uugali ng mga tao. At kung ang mga pag-uugaling ito ay mabuti ba o masama ay magbabago depende sa lagay ng loob, sa mga emosyon, sa kabutihan at kasamaan ng kalooban, at sa mga pansamantalang mabubuti o masasamang layunin ng taong iyon; natural na magkakaroon din ng epekto rito ang kalagayan at kapaligirang panlipunan. Maraming karumihan sa mga pag-uugaling ito; pawang mapagpaimbabaw na pag-uugali ang mga ito, at hindi maaaring husgahan ng mga tao kung ang isang tao ay may pagkatao o wala gamit ang mga ito. Sa kabaligtaran, higit na mas tumpak at praktikal na husgahan kung ang isang tao ay may pagkatao o wala batay sa kanyang pagkataong diwa, kung ano ang kanyang hinahangad, ang kanyang pananaw sa buhay at sistema ng pagpapahalaga, ang landas na kanyang tinatahak, at ang pinagbabatayan ng kanyang asal at mga kilos. Sabihin mo sa Akin, alin ang naaayon sa katotohanan: ang mga batayan para sa pagsusuri ng pagkatao o ang mga batayan para sa pagsusuri ng wastong asal? Ang mga pamantayan ba sa pagsusuri ng wastong asal ang naaayon sa katotohanan, o ang mga pamantayan sa pagsusuri kung ang isang tao ay may pagkatao? Alin sa mga pamantayang ito ang naaayon sa katotohanan? Ang totoo, ang naaayon sa katotohanan ay ang mga pamantayan para sa pagsusuri kung ang isang tao ay nagtataglay ba ng pagkatao o hindi. Wala itong kaduda-duda. Ang dahilan kung bakit hindi maaaring magsilbing mga pamantayan ang mga bagay na ginagamit para suriin ang wastong asal ng mga tao ay dahil pabago-bago ang mga ito. Puno ng maraming karumihan ang mga ito, tulad ng mga transaksyon, interes, kagustuhan, paghahangad, emosyon, masasamang kaisipan, at tiwaling disposisyon ng mga tao, at iba pa. Sadyang napakaraming pagkakamali at karumihan sa mga ito—hindi tuwiran ang mga ito. Samakatuwid, hindi maaaring gamiting pamantayan ang mga ito sa paghusga sa mga tao. Puno ang mga ito ng lahat ng uri ng mga bagay na ikinikintal ni Satanas sa tao at mga karagdagang kondisyong lumilitaw dahil sa tiwaling satanikong disposisyon ng tao, at dahil doon, ang mga ito ay hindi ang katotohanan. Bilang buod, itinuturing man ng mga tao ang mga pamantayang ito ng wastong asal na madali o mahirap matugunan, o mataas, mababa, o katamtaman man ang tingin ng mga tao na halaga ng mga ito, ano’t anuman, pawang kasabihan lang ang mga ito na pumipigil at kumokontrol sa pag-uugali ng mga tao. Umaabot lang ang mga ito sa antas ng moral na kalidad ng tao; walang kahit kaunting kaugnayan ang mga ito sa hinihingi ng Diyos na gamitin ang katotohanan upang husgahan ang pagkatao ng isang tao. Ni hindi kasama sa mga ito ang mga pinakabatayang pamantayan na dapat taglayin at tuparin ng mga may pagkatao; kulang ang mga ito ng mga bagay na iyon. Kapag tinitingnan ang mga tao, tumutuon lang ang tao sa pagsusuri sa mga pagpapakita ng mga ito ng wastong asal; tinitingnan at sinusuri nila ang mga tao nang ganap na ayon sa mga hinihingi ng tradisyonal na kultura. Hindi tinitingnan ng Diyos ang mga tao batay lang sa kanilang mga pagpapakita ng wastong asal—tumutuon Siya sa kanilang pagkataong diwa. Ano ang kasama sa pagkataong diwa ng isang tao? Ang kanyang mga kagustuhan, pananaw sa mga bagay-bagay, pananaw sa buhay at sistema ng pagpapahalaga, kung ano ang kanyang hinahangad, kung mayroon ba siyang pagpapahalaga sa katarungan, kung minamahal ba niya ang katotohanan at mga positibong bagay, ang kanyang kakayahang tanggapin ang katotohanan at magpasakop dito, ang landas na kanyang pinipili, at iba pa. Tumpak na husgahan ang pagkataong diwa ng isang tao ayon sa mga bagay na ito. Dito na nagtatapos ang Aking pagbabahagi tungkol sa pagiging masaya sa pagtulong sa iba. Sa pagbabahaging ito sa dalawang hinihinging ito tungkol sa wastong asal, mayroon na ba kayo ngayong pagkaunawa sa mga batayang prinsipyo ng pagkilatis tungkol sa kung paano suriin ang wastong asal, pati na ang pagkakaiba ng mga pamantayan ng Diyos para sa pagsusuri ng mga tao at ng wastong asal na sinasabi ng tao? (Oo.)

Katatapos Ko lang magbahagi tungkol sa dalawa sa mga hinihingi ng tradisyonal na kultura sa wastong asal ng tao, “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” at “Maging masaya sa pagtulong sa iba.” Ano ang natutunan ninyo mula sa Aking pagbabahagi tungkol sa dalawang kasabihang ito? (Natutunan kong walang kinalaman ang wastong asal ng mga tao sa kanilang pagkataong diwa. Sa pinakasukdulan, ang mga taong nagpapakita ng mga ganitong uri ng wastong asal ay nagtataglay ng ilang mabubuting pag-uugali at pagpapamalas sa usapin ng kalidad ng kanilang moralidad. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugang mayroon silang pagkatao o na isinasabuhay nila ang wangis ng tao. Nagkamit ako ng medyo mas malinaw na pagkaunawa sa isyung ito.) Ang mga taong nagpapakita ng wastong asal ay hindi masasabing talagang may pagkatao—nababatid ito ng lahat, at ito talaga ang lagay ng mga bagay-bagay. Sinusunod ng lahat ng tao ang masasamang kalakaran ng lipunan at unti-unti nilang nawala ang kanilang konsiyensiya at katwiran—ilan lang ang nakapagsasabuhay ng wangis ng tao. Mabuting tao ba ang bawat taong nagsauli sa pulis ng isang sentimong nakita niya sa gilid ng daan? Hindi masasabing ganoon nga. Ano ang kinahinatnan kalaunan ng mga taong minsang pinuri bilang mga bayani? Sa kanilang puso, alam ng lahat ng tao ang mga sagot sa mga tanong na ito. Ano ang nangyari sa mga huwaran ng panlipunang moralidad at mga dakilang pilantropo na madalas na nasisiyahan sa pagtulong sa iba, na pinalamutian ng mga pulang bulaklak, at pinuri ng tao? Karamihan sa kanila ay hindi naman pala mabubuting tao. Sadya lang silang gumawa ng ilang mabubuting gawa upang sumikat. Ang totoo, karamihan sa kanilang aktuwal na pag-uugali, buhay, at karakter ay hindi naman talaga mabuti. Sa pagsisipsip at pambobola lang sila talagang magaling. Kapag inalis nila ang kanilang mga pulang bulaklak at ang mapagpaimbabaw na pakitang-tao ng pagiging huwaran ng panlipunang moralidad, hindi man lang nila alam kung paano umasal o kung ano ang dapat nilang gawin sa buhay nila. Ano ang problema rito? Hindi ba’t nabitag sila ng korona ng “huwaran ng moralidad” na iginawad sa kanila ng lipunan? Hindi talaga nila alam kung ano sila—labis-labis na silang pinuri na naisip na nilang napakagaling nila, at hindi na sila maaaring maging mga normal na tao. Sa huli, hindi man lang nila alam kung paano mabuhay, ganap na naging magulo ang kanilang pang-araw-araw na pag-iral, at ang ilan ay humantong pa nga sa pagiging lasenggero, nagkakaroon ng depresyon, at nagpapakamatay. Tiyak na may mga taong nabibilang sa kategoryang ito. Palagi silang may hinahabol na pakiramdam, ninanais na maging mga bayani at huwaran, na maging sikat, o maging tugatog ng moral na kahusayan. Hinding-hindi sila makabalik sa totoong mundo; palagi silang nayayamot at nagdurusa sa mga pang-araw-araw na kinakailangan ng tunay na buhay. Hindi nila alam kung paano aalisin sa kanila ang pasakit na ito o kung paano pipiliin ang tamang landas sa buhay. Sa paghahanap ng kasasabikan, ang ilan ay gumagamit ng ipinagbabawal na gamot, habang ang iba ay pinipiling magpakamatay upang matakasan ang pakiramdam ng kahungkagan. Ang ilan na hindi nagpapakamatay ay madalas na namamatay dahil sa depresyon. Hindi ba’t maraming halimbawa nito? (Marami nga.) Ito ang uri ng pinsalang idinudulot ng tradisyonal na kultura sa mga tao. Hindi lang nito hindi tinutulutan ang mga tao na magkamit ng tumpak na pagkaunawa sa pagkatao o hindi sila ginagabayan tungo sa tamang landas na dapat nilang sundan—hindi lang iyon—ang totoo ay inililigaw sila nito, iginigiya sila tungo sa mundo ng delusyon at imahinasyon. Nakakapinsala ito sa mga tao, sa napakalalim na paraan. Maaaring sabihin ng ilan: “Hindi iyan totoo sa lahat ng sitwasyon! Ayos lang naman kami, hindi ba?” Hindi ba resulta lang ng proteksyon ng Diyos ang katunayan na maayos ang lagay ninyo ngayon? Dahil lang pinili kayo ng Diyos at taglay ninyo ang Kanyang proteksyon kaya mapalad kayong tinatanggap ninyo ang Kanyang gawain, at nababasa ninyo ang Kanyang mga salita, nakadadalo sa mga pagtitipon, nagagawang makipagbahaginan, at nagagampanan ang inyong tungkulin dito; dahil lang sa Kanyang proteksyon kaya nakapamumuhay kayo ng buhay ng normal na tao, at nagtataglay ng normal na katwiran upang harapin ang lahat ng aspeto ng inyong pang-araw-araw na buhay. Gayunpaman, hindi maipagkakailang sa kaibuturan ng inyong isipan, mayroon pa ring mga ideya at pananaw na tulad ng: “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” at “Maging masaya sa pagtulong sa iba.” At kasabay nito, ikinukulong pa rin kayo ng mga ideyolohikal at moral na pamantayang ito na nagmumula sa sangkatauhan. Bakit Ko sinasabi na ikinukulong kayo ng mga bagay na ito? Dahil ang landas na pinipili ninyong tahakin sa buhay; ang mga prinsipyo at direksyon ng inyong mga kilos at asal; at ang mga prinsipyo, pamamaraan, at pamantayang ginagamit ninyo upang tingnan ang mga tao at bagay; at iba pa ay naiimpluwensiyahan pa rin, o ginagapos at kinokontrol pa nga, ng mga ideyolohikal at moral na pamantayang ito, sa iba’t ibang antas. Samantala, ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ay hindi pa rin nagiging batayan at pamantayan para sa inyong pagtingin sa mga tao at bagay, at sa inyong asal at mga kilos. Sa ngayon, pinili pa lang ninyo ang tamang direksiyon sa buhay, at mayroon kayong kagustuhan, hangarin, at pag-asam na tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Subalit, sa tunay na buhay, karamihan sa inyo ay hindi pa talaga nakarating sa landas na ito—sa madaling salita, ni hindi pa kayo nakakatapak sa tamang landas na inihanda ng Diyos para sa tao. Sasabihin ng ilan, “Kung hindi pa kami nakatapak sa tamang landas, bakit nagagampanan pa rin namin ang aming mga tungkulin?” Resulta ito ng pagpili, pakikiisa, konsiyensiya, at kapasyahan ng tao. Sa ngayon, nakikiisa ka sa mga hinihingi ng Diyos at sinusubukan ang iyong makakaya upang humusay, pero ang pagsubok mo na humusay ay hindi nangangahulugan na nakatapak ka na sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Ang isang rason nito ay dahil naiimpluwensiyahan pa rin kayo ng mga ideya na ikinintal sa inyo ng tradisyonal na kultura. Halimbawa, maaaring naunawaan ninyo nang mabuti ang diwa ng mga pahayag na, “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” at “Maging masaya sa pagtulong sa iba,” pagkatapos ninyo Akong marinig na magbahagi tungkol sa mga ito at ilantad ang mga ito, ngunit sa loob ng ilang araw, posibleng magbago ang isip ninyo. Posibleng maisip ninyo: “Ano ba ang masama sa ‘Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot’? Gusto ko ang mga taong hindi nagbubulsa ng perang napulot nila. Mabuti nga, hindi sila ganid. Anong mali sa ‘Maging masaya sa pagtulong sa iba’? Kahit papaano, kapag nangangailangan ka, maaasahan mong may tutulong sa iyo. Mabuting bagay ito at isa itong bagay na kailangan ng lahat! Isa pa, paano mo man ito tingnan, ang pagiging masaya ng mga tao sa pagtulong sa iba ay isang mabuti at positibong bagay lang. Obligasyon natin ito at hindi ito dapat pinipintasan!” Kita mo, ilang araw lang matapos mamulat, sapat na ang isang gabing tulog para baguhin ka; ibabalik ka nito sa kung nasaan ka dati, at ibabalik ka ulit sa pagkakakulong sa tradisyonal na kultura. Sa madaling salita, naiimpluwensiyahan ng mga bagay na ito na nakasiksik sa kaibuturan ng isip mo ang iyong mga iniisip at pananaw paminsan-minsan, pati na ang mga landas na pinipili mo. At hindi maiiwasan na habang naiimpluwensiyahan ka ng mga ito, palagi ka ring pinipigilan ng mga ito, hinahadlangan kang tuparin ang iyong pagnanais na tumapak sa tamang landas sa buhay, na tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, at tahakin ang landas sa buhay kung saan ang mga salita ng Diyos ang iyong batayan, at ang katotohanan ang iyong pamantayan. Kahit na handang-handa kang tahakin ang landas na ito, kahit na inaasam mong gawin ito, at nababalisa ka tungkol dito, at ginugugol mo ang mga araw mo na nag-iisip at nagpaplano, gumagawa ng mga pagpapasya, at ipinagdarasal ito, hindi pa rin mangyayari ang mga bagay-bagay na gaya sa hinihiling mo. Ito ay dahil napakalalim na nakaugat ng mga aspetong ito ng tradisyonal na kultura sa kaibuturan ng iyong puso. Maaaring sabihin ng ilan: “Hindi iyan tama! Sinasabi Mong napakalalim na nakaugat ng tradisyonal na kultura sa puso ng mga tao, ngunit sa palagay ko ay hindi iyan totoo. Lampas bente anyos pa lang ako, wala pang lampas sitenta o otsena, kaya paanong malalim nang nakaugat ang mga bagay na ito sa aking puso?” Bakit Ko sinasabi na malalim nang nakaugat ang mga ideyang ito sa iyong puso? Isipin mo: Mula sa panahon ng iyong mga pinakaunang alaala, hindi ba’t palagi mong hinahangad na maging isang marangal na tao, kahit na hindi naman ikinintal sa iyo ng mga magulang mo ang gayong mga ideya? Halimbawa, gusto ng karamihan ng mga tao na manood ng mga pelikula at magbasa ng mga nobela tungkol sa mga bayani, at lubos silang nakikisimpatya sa mga biktima sa mga kuwentong ito, habang kinamumuhian nila ang mga kontrabida, at malulupit na tauhang nananakit ng ibang tao. Kapag lumaki ka sa ganitong uri ng senaryo, hindi mo namamalayang tinatanggap mo ang mga bagay na pangkalahatang sinang-ayunan ng karamihan sa lipunan. Kung gayon, bakit mo tinanggap ang mga bagay na iyon? Dahil hindi ipinapanganak ang mga tao na taglay ang katotohanan at wala silang likas na kakayahang kumilatis ng mga bagay-bagay. Hindi mo taglay ang likas na gawing ito—ang likas na gawing taglay ng mga tao ay isang likas na ugaling magustuhan ang ilang mabuti, positibo, at aktibong bagay. Ang mga aktibo at positibong bagay na ito ay nag-uudyok sa iyong hangaring maging mas mahusay, na maging mabuti, magiting, at dakilang tao. Unti-unting nagsisimulang mabuo ang mga bagay na ito sa iyong puso kapag nakakakita ka ng mga kasabihang umuusbong mula sa opinyon ng publiko at mga panlipunang moralidad. Sa sandaling mapasok ka ng mga pahayag na nagmumula sa moralidad ng tradisyonal na kultura, at mapasok ng mga ito ang iyong kaloob-looban, mag-uugat ang mga ito sa iyong puso, at magsisimula ang mga itong pangibabawan ang iyong buhay. Kapag nangyayari ito, hindi mo kinikilatis, nilalabanan, o tinatanggihan ang mga bagay na ito, at sa halip ay lubos mong nararamdaman na kailangan mo ang mga ito. Ang una mong hakbang ay kunsintihin ang mga kasabihang ito. Bakit ganoon? Dahil angkop na angkop ang mga kasabihang ito sa mga panlasa at kuru-kuro ng mga tao, umaayon ang mga ito sa mga pangangailangan ng mga espirituwal na mundo ng mga tao. Bilang resulta, natural mong tinatanggap ang mga pahayag na ito at hindi ka man lang nag-iingat laban sa mga ito. Unti-unti, sa pamamagitan ng pagpapalaki ng iyong pamilya, pag-aaral sa eskuwela, at pagkondisyon at pagtuturo ng doktrina ng lipunan, kasama ng iyong mga sariling imahinasyon, lubos kang nakukumbinsi na mga positibong bagay ang mga kasabihang ito. Sa pagpipino ng panahon, at habang unti-unti kang tumatanda, nagsisikap kang sundin ang mga kasabihang ito sa lahat ng uri ng konteksto at sitwasyon, at sundin ang mga bagay na ito na likas na gusto at pinaniniwalaan ng mga tao na mabuti. Lalong nabubuo ang mga ito sa loob mo, at mas malalim na nagkakaugat sa loob mo. Kasabay nito, pinangingibabawan ng mga bagay na ito ang iyong pananaw sa buhay at ang mga mithiing hinahangad mo, at ang mga ito ang nagiging mga pamantayan mo sa panghuhusga sa mga tao at bagay. Sa sandaling magkahugis sa loob ng mga tao ang mga kasabihang ito mula sa tradisyonal na kultura, nasa puwesto na ang lahat ng batayang kondisyong nagtutulak sa kanilang labanan ang Diyos at ang katotohanan; para bang nakahanap ang mga tao ng kanilang mga sariling dahilan at batayan para gawin ito. At kaya, kapag inilalantad ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon at diwa ng mga tao, at pinauulanan sila ng pagkastigo at paghatol, kung anu-ano ang nagiging mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa Kanya. Iniisip nila: “Madalas na sinasabi ng mga tao, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila,’ at ‘Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari,’ kaya paanong nakapagsasalita nang ganoon ang Diyos? Diyos ba talaga iyon? Hindi magsasalita ang Diyos sa ganoong paraan—dapat Siya ang pinakamaprinsipyo, at kausapin Niya ang mga tao nang may malumanay na tono, ang tono ni Buddha na nagliligtas sa lahat ng tao mula sa pagdurusa, ang tono ng isang Bodhisattva. Ganoon ang Diyos—isang lubos na malumanay at kahanga-hangang Diyos.” Ang seryeng ito ng mga ideya, pananaw, at kuru-kuro ay patuloy na lumalabas sa iyong puso nang patindi nang patindi, at sa huli, hindi mo na talaga matitiis at gagawa ka ng isang bagay para maghimagsik at lumaban sa Diyos kahit na ayaw mo. Sa ganitong paraan, nawawasak ka ng iyong mga kuru-kuro at imahinasyon. Mula rito, makikita natin na ano man ang iyong edad, basta’t natanggap mo ang edukasyon ng tradisyonal na kultura, at taglay mo ang kapasidad ng pag-iisip ng isang nasa hustong gulang na, mapupuno ang puso mo ng mga aspetong ito ng moralidad ng tradisyonal na kultura, at unti-unting mag-uugat ang mga ito sa loob mo. Napangibabawan ka na ng mga ito, at namuhay ka na ayon sa mga bagay na ito sa loob ng maraming taon. Ang iyong buhay at ang iyong mismong likas na pagkatao ay matagal nang inokupa ng mga aspetong ito ng moralidad ng tradisyonal na kultura. Halimbawa, mula lima o anim na taong gulang, natutunan mo nang maging masaya sa pagtulong sa iba, at huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot. Naimpluwensiyahan ka ng mga bagay na ito at ganap na nadiktahan ng mga ito kung paano ka kumilos. Ngayon, bilang isang taong matanda na, namuhay ka na ayon sa mga bagay na ito sa loob ng maraming taon; nangangahulugan itong napakalayo mo sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa tao. Mula nang tanggapin mo ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal na isinusulong ng tradisyonal na kultura, napalayo ka na nang napalayo sa mga hinihingi ng Diyos. Lumaki na nang lumaki ang agwat sa pagitan ng iyong mga sariling pamantayan ng pagkatao at ng mga pamantayan ng pagkatao na hinihingi ng Diyos. Bilang resulta, napalayo ka na nang napalayo sa Diyos. Hindi ba’t ganoon iyon? Huwag kayong magmadali at pagnilayan ang mga salitang ito.

Pagbahaginan na natin ngayon ang sumunod na kasabihan tungkol sa wastong asal—“Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba”—ano ang ibig sabihin ng kasabihang ito? Ang ibig sabihin nito ay dapat maging mahigpit ang mga hinihingi mo sa iyong sarili at maging maluwag sa ibang tao, para makita nila kung gaano kaganda ang kalooban mo at kung gaano ka kamapagbigay. Bakit dapat itong gawin ng mga tao, kung gayon? Ano ang layon nitong makamit? Posible ba itong magawa? Ito ba ay talagang natural na pagpapahayag ng pagkatao ng mga tao? Dapat mong ikompromiso nang husto ang sarili mo para gawin ito! Dapat kang maging malaya sa mga pagnanasa at hinihingi, kinakailangang makaramdam ka ng mas kaunting kagalakan, magdusa nang higit pa, magbayad ng mas malaking halaga at mas magtrabaho pa para hindi na kailangang mapagod ang iba. At kung umaangal, nagrereklamo, o hindi gumagawa nang maayos ang iba, hindi ka dapat labis na humingi sa kanila—ang humigit-kumulang ay sapat na. Naniniwala ang mga tao na isa itong tanda ng marangal na moralidad—pero bakit huwad itong pakinggan para sa Akin? Hindi ba ito huwad? (Huwad ito.) Sa ilalim ng normal na mga sitwasyon, ang natural na pagpapahayag ng pagkatao ng isang ordinaryong tao ay ang maging mapagparaya sa kanyang sarili at mahigpit sa iba. Isa iyang katunayan. Nahihiwatigan ng mga tao ang mga problema ng iba—“Mayabang ang taong ito! Masama ang taong iyon! Makasarili ang isang ito! Ang isang iyon ay pabasta-basta sa paggawa ng kanyang tungkulin! Napakatamad ng taong ito!”—habang iniisip niya sa loob-loob niya: “Kung medyo tamad ako, ayos lang. Mahusay ang kakayahan ko. Kahit tamad ako, mas magaling ako kaysa sa iba!” Hinahanapan niya ng mali ang iba at mahilig mamuna, pero sa kanyang sarili ay mapagparaya siya at mapagpalayaw hangga’t maaari. Hindi ba ito natural na pagpapahayag ng kanyang pagkatao? (Natural ito.) Kung ang mga tao ay inaasahang mamuhay ayon sa ideya ng pagiging “mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,” anong paghihirap ang dapat nilang pagdaanan? Kaya ba talaga nila itong tiisin? Ilang tao ang makakagawa nito? (Wala.) At bakit ganoon? (Ang mga tao ay likas na makasarili. Kumikilos sila ayon sa prinsipyo na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.”) Talaga ngang ipinanganak ang tao na makasarili, ang tao ay isang makasariling nilalang, at lubos na nakatuon sa satanikong pilosopiyang iyon: “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.” Iniisip ng mga tao na magiging nakapipinsala sa kanila, at hindi natural, ang hindi maging makasarili at hindi ingatan ang kanilang sarili kapag may nangyayari sa kanila. Ito ang pinaniniwalaan ng mga tao at ganito sila kumikilos. Kung ang mga tao ay inaasahan na hindi maging makasarili, at maging mahigpit sa mga hinihingi sa kanilang sarili, at handang mawalan sa halip na magsamantala sa iba, isa ba iyong makatotohanang inaasahan? Kung ang mga tao ay inaasahang masayang magsasabi, kapag may nagsasamantala sa kanila, “Nagsasamantala ka pero ayos lang sa akin ito. Isa akong mapagparayang tao, hindi kita babatikusin o susubukang gantihan, at kung hindi ka pa sapat na nakinabang, huwag kang mag-atubiling magpatuloy”—isa ba itong makatotohanang inaasahan? Ilang tao ang kayang gawin ito? Ganito ba ang karaniwang asal ng tiwaling sangkatauhan? Malinaw na hindi normal na nangyayari ito. Bakit kaya? Dahil ang mga taong may mga tiwaling disposisyon, lalo na ang mga makasarili at masasamang tao, ay nagsisikap para sa kanilang mga sariling interes, at ang pag-iisip sa iba ay talagang hindi magpaparamdam sa kanila ng kasiyahan. Kaya, ang hindi pangkaraniwang bagay na ito, kapag nangyayari ito, ay isang anomalya. “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba”—ang pahayag na ito tungkol sa wastong asal ay malinaw na isang hinihingi lang na hindi tumutugma sa mga katunayan o sa pagkatao, na ipinapataw sa tao ng mga panlipunang moralista na hindi nauunawaan ang pagkatao. Para itong pagsasabi sa daga na hindi ito puwedeng magbutas o sa pusa na bawal itong manghuli ng mga daga. Tama bang hingiin ang ganoon sa mga ito? (Hindi. Taliwas ito sa mga batas ng pagkatao.) Malinaw na hindi tugma sa realidad ang hinihinging ito, at napakahungkag nito. Kaya ba ng mismong mga taong humihingi nito na sundin ito? (Hindi.) Inaasahan nilang sumunod ang iba sa hinihinging ito kahit sila mismo ay hindi naman ito matupad—ano ang isyu rito? Hindi ba’t medyo iresponsable ito? Sa pinakamababa, masasabing iresponsable sila at walang katuturan ang sinasabi. Ngayon, kung mas susuriin ito, ano ang kalikasan ng isyung ito? (Pagpapaimbabaw.) Tama, isa itong halimbawa ng pagpapaimbabaw. Malinaw na sila mismo ay hindi makasunod sa hinihinging ito, subalit sinasabi pa rin nilang lubos silang mapagpaubaya, mapagbigay, at may napakataas na moralidad—hindi ba’t pagpapaimbabaw lang ito? Paano mo man ito tingnan, isa itong walang kabuluhang kasabihan na may pagka-huwad, kaya ikakategorya natin ito bilang mapagpaimbabaw na kasabihan. Katulad ito ng uri ng mga kasabihang isinulong ng mga Pariseo; may lihim na motibo sa likod nito, na malinaw na upang magpakitang-gilas, maipakilala ang sarili bilang isang taong may marangal na wastong asal, at upang mapuri ng iba bilang isang huwaran at modelo ng marangal na wastong asal. Kaya, anong uri ng mga tao ang nagagawang maging mahigpit sa kanilang sarili at mapagparaya sa iba? Nasusunod ba ng mga guro at doktor ang kasabihang ito? Nasunod ba ng mga tinatawag na sikat na tao, dakilang tao, at pantas tulad nina Confucius, Mencius at Laozi ang kasabihang ito? (Hindi.) Sa madaling salita, gaano man kakatawa-tawa ang kasabihang ito na ipinanukala ng tao, o kung makatwiran man o hindi ang hinihinging ito, sa huli ay isa lang itong hinihinging ipinataw sa moral na karakter at pag-uugali ng mga tao. Ni hindi man lang handa ang mga taong sumunod sa hinihinging ito at hindi madali para sa kanila na isagawa ito, dahil sumasalungat ito sa mga pamantayan na kayang makamit ng normal na pagkatao ng tao. Ngunit, ano’t anuman, isa pa rin itong pamantayan at hinihingi sa wastong asal ng tao na isinusulong ng tradisyonal na kultura. Bagamat ang “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba” ay isang walang kabuluhang parirala na kaunti ang nakasusunod, katulad ito ng “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” at “Maging masaya sa pagtulong sa iba”—anuman ang motibo o intensyong kinikimkim ng mga taong nagsasagawa nito, o kung mayroon mang sinumang kaya itong isagawa—ano’t anuman, batay lang sa katunayan na ang mga taong nagsusulong sa hinihinging ito ay inilalagay ang kanilang sarili sa tugatog ng moralidad, hindi ba’t dahil dito ay nagiging mapagmataas at mapagmagaling sila, at nagtataglay ng medyo hindi normal na katwiran? Kung tatanungin mo sila kung kaya nilang sumunod sa kasabihang, “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,” sasabihin nilang, “Siyempre naman!” Gayunpaman, kapag talagang pinilit silang sumunod dito, hindi nila magagawa. Bakit hindi nila magagawang sumunod dito? Dahil mayroon silang mapagmataas at satanikong disposisyon. Subukan mo silang pasunurin sa moralidad na ito habang ang iba ay nakikipagpaligsahan para sa katayuan, kapangyarihan, katanyagan, at pakinabang, at tingnan mo kung magagawa nila ito. Sadyang hindi nila ito magagawa, at magagalit pa nga sila sa iyo. Kung tatanungin mo sila, “Bakit isinusulong mo pa rin ang kasabihang ito kung ikaw mismo ay hindi makasunod dito? Bakit hinihingi mo pa ring sumunod dito ang iba? Hindi ba’t nagiging mapagpaimbabaw ka?” tatanggapin kaya nila ito? Kung ilalantad mo sila, hindi nila ito tatanggapin—paano mo man sila ilantad, hindi nila ito tatanggapin o hindi nila aamining may kasalanan sila—ipinapakita nito na hindi sila mabubuting tao. Ang katunayan na kung magsalita sila ay parang mataas ang moralidad nila kahit na hindi sila nakasusunod sa sarili nilang mga hinihingi ay nagpapakita lang na tama ang tawagin silang mga dakilang manloloko at mapagpaimbabaw na mapagkunwari.

Ang “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,” tulad ng mga kasabihan tungkol sa “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” at “Maging masaya sa pagtulong sa iba,” ay isa sa mga hinihingi ng tradisyonal na kultura tungkol sa wastong asal ng mga tao. Sa parehong paraan, makakamit o magagamit man ng isang tao ang wastong asal na ito, hindi pa rin ito ang pamantayan o saligan sa pagsukat ng kanyang pagkatao. Maaaring talagang may kakayahan kang maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba, at na kumikilos ka sa talagang matataas na pamantayan. Maaaring walang dungis ang iyong moralidad at maaaring palagi mong iniisip ang iba at nagpapakita ka ng pagsasaalang-alang para sa kanila, nang hindi nagiging makasarili at naghahangad ng sarili mong mga interes. Maaaring tila talagang mapagbigay ka at hindi makasarili, at mayroon kang matibay na pagpapahalaga sa panlipunang responsabilidad at mga moralidad na panlipunan. Ang marangal mong personalidad at mga katangian ay maaaring naipapakita sa mga malapit sa iyo, at sa mga nakakaharap at nakakasalamuha mo. Maaaring ang pag-uugali mo ay hindi kailanman nagbibigay sa iba ng anumang dahilan para sisihin o batikusin ka, sa halip ay nagtatamo ng saganang papuri at paghanga pa nga. Maaaring ituring ka ng mga tao bilang isang taong tunay na mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba. Gayunpaman, ang mga ito ay walang iba kundi mga panlabas na pag-uugali. Ang mga kaisipan at hangarin ba sa kaibuturan ng iyong puso ay naaayon sa mga panlabas na pag-uugali na ito, sa mga pagkilos na ito na isinasabuhay mo sa panlabas? Ang sagot ay hindi, hindi naaayon ang mga ito. Ang dahilan kung bakit kaya mong kumilos nang ganito ay dahil may motibo sa likod nito. Ano ba talaga ang motibong iyon? Maaatim mo ba na umiral ang motibong iyon? Talagang hindi. Pinatutunayan nito na ang motibong ito ay isang bagay na hindi kabanggit-banggit, isang bagay na madilim at masama. Ngayon, bakit hindi kabanggit-banggit at masama ang motibong ito? Dahil ang pagkatao ng mga tao ay pinamamahalaan at kinokontrol ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang lahat ng kaisipan ng sangkatauhan, sinasabi o ibinubulalas man ang mga ito ng mga tao, ay hindi maipagkakailang pinangingibabawan, kinokontrol, at minamanipula ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Bilang resulta, pawang mapaminsala at masama ang mga motibo at intensyon ng mga tao. Nagagawa man ng mga tao na maging mahigpit sa kanilang sarili at mapagparaya sa iba, o ganap man nilang naipapahayag sa panlabas ang moralidad na ito o hindi, hindi maiiwasan na ang moralidad na ito ay hindi magkakaroon ng kontrol o impluwensiya sa kanilang pagkatao. Kung gayon, ano ang kumokontrol sa pagkatao ng mga tao? Ito ay ang kanilang mga tiwaling disposisyon, ang kanilang pagkataong diwa na nakatago sa ilalim ng moralidad na “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba”—iyon ang tunay nilang likas na pagkatao. Ang tunay na likas na pagkatao ng isang tao ay ang kanyang pagkataong diwa. At ano ang bumubuo sa kanyang pagkataong diwa? Pangunahin itong binubuo ng kanyang mga kagustuhan, hinahangad, pananaw sa buhay at kanilang sistema ng pagpapahalaga, pati na ng kanilang saloobin sa katotohanan at sa Diyos, at iba pa. Ang mga bagay na ito lang ang tunay na kumakatawan sa pagkataong diwa ng mga tao. Masasabi nang may katiyakan na karamihan sa mga taong humihingi sa kanilang sarili na tuparin ang moralidad ng pagiging “mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,” ay nahuhumaling sa katayuan. Bunsod ng kanilang mga tiwaling disposisyon, hindi nila maiwasang hangarin ang reputasyon sa gitna ng mga tao, katanyagan sa lipunan, at katayuan sa paningin ng iba. Ang lahat ng bagay na ito ay nauugnay sa kanilang pagnanais para sa katayuan, at hinahangad ang mga ito nang nakakubli sa kanilang wastong asal. At paano nangyayari ang mga paghahangad nilang ito? Ang mga ito ay ganap na nagmumula sa at ibinubunsod ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Kaya, anuman ang mangyari, tuparin man ng isang tao ang moralidad ng pagiging “mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba” o hindi, at kung nagagawa man niya ito nang perpekto o hindi, hinding-hindi nito mababago ang kanyang pagkataong diwa. Sa ipinapahiwatig nito, nangangahulugan ito na hindi nito mababago sa anumang paraan ang kanyang pananaw sa buhay o sistema ng pagpapahalaga, o magagabayan ang kanyang mga saloobin at perspektiba sa lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay. Hindi ba iyon ang kaso? (Oo nga.) Kapag mas may kakayahan ang isang tao na maging mahigpit sa kanyang sarili at mapagparaya sa iba, mas nagiging mahusay siya sa pagkukunwari, pagpapanggap, at sa panlilihis sa iba sa pamamagitan ng mabuting pag-uugali at kalugud-lugod na mga salita, at mas likas siyang nagiging mapanlinlang at buktot. Kapag mas ganitong uri siya ng tao, mas nagiging malalim ang kanyang pagmamahal at paghahangad sa katayuan at kapangyarihan. Gaano man kamukhang dakila, kapuri-puri at tama ang kanyang panlabas na wastong asal, at gaano man ito kalugud-lugod pagmasdan para sa mga tao, ang hindi masabing paghahangad na nasa kaibuturan ng kanyang puso, pati na ang kanyang kalikasang diwa, at maging ang kanyang mga ambisyon, ay maaaring sumambulat mula sa kanya anumang oras. Samakatuwid, gaano man kabuti ang kanyang wastong asal, hindi nito maikukubli ang kanyang likas na pagkataong diwa, o ang kanyang mga ambisyon at pagnanais. Hindi nito maikukubli ang kanyang kahindik-hindik na kalikasang diwa na hindi nagmamahal ng mga positibong bagay at tutol at napopoot sa katotohanan. Gaya ng ipinapakita ng mga katunayang ito, ang kasabihang “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba” ay talagang katawa-tawa—inilalantad nito ang mga ambisyosong tao na tinatangkang gumamit ng gayong mga kasabihan at pag-uugali para pagtakpan ang kanilang mga hindi kabanggit-banggit na ambisyon at pagnanais. Maikukumpara ninyo ito sa ilang anticristo at masamang tao sa iglesia. Upang mapatibay ang kanilang katayuan at kapangyarihan sa iglesia, at upang magkamit ng mas magandang reputasyon sa iba pang miyembro, nagagawa nilang magdusa at magbayad ng halaga habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at maaari pa nga nilang talikuran ang kanilang trabaho at mga pamilya at ibenta ang lahat ng mayroon sila upang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos. Sa ilang sitwasyon, ang mga halagang kanilang ibinabayad at ang pagdurusang kanilang dinaranas sa paggugol sa kanilang sarili para sa Diyos ay higit pa sa kung ano ang kaya ng isang pangkaraniwang tao; nagagawa nilang katawanin ang diwa ng matinding pagtitimpi upang mapanatili ang kanilang katayuan. Gayunpaman, gaano man sila magdusa o anumang halaga ang ibinabayad nila, wala sa kanila ang nangangalaga sa patotoo ng Diyos o sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, ni hindi sila nagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Ang mithiing hinahangad nila ay ang magtamo lang ng katayuan, kapangyarihan, at mga gantimpala ng Diyos. Wala silang ginagawa na may kahit kaunting kaugnayan sa katotohanan. Gaano man sila kahigpit sa kanilang sarili, at gaano man sila kamapagparaya sa iba, ano ang kanilang pinakakahihinatnan? Ano ang iisipin ng Diyos sa kanila? Pagpapasyahan ba Niya ang kanilang kahihinatnan batay sa mga panlabas na mabuting pag-uugaling isinasabuhay nila? Tiyak na hindi. Tinitingnan at hinuhusgahan ng mga tao ang iba batay sa mga pag-uugali at pagpapamalas na ito, at dahil hindi nila mahalata ang diwa ng ibang tao, nalilinlang sila ng mga ito sa huli. Gayunpaman, hindi kailanman nalilinlang ng tao ang Diyos. Hinding-hindi Niya pupurihin at tatandaan ang wastong asal ng mga tao dahil nagagawa nilang maging mahigpit sa kanilang sarili at mapagparaya sa iba. Sa halip, kokondenahin Niya sila dahil sa kanilang mga ambisyon at dahil sa mga landas na tinahak nila sa paghahangad sa katayuan. Samakatuwid, ang mga naghahangad sa katotohanan ay dapat magkaroon ng pagkilatis sa pamantayang ito sa pagsusuri sa mga tao. Dapat nilang lubos na itatwa at talikuran ang katawa-tawang pamantayang ito, at kilatisin ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Dapat ay pangunahin nilang tingnan kung minamahal ng isang tao ang mga positibong bagay, kung nagagawa ba nitong tanggapin ang katotohanan, at kung kaya nitong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, pati na rin ang landas na pinipili at tinatahak nito, at ikategorya kung anong uri ito ng tao, at kung anong uri ng pagkatao ang mayroon ito batay sa mga bagay na ito. Sadyang napakadaling lumitaw ng mga paglihis at pagkakamali kapag hinuhusgahan ng mga tao ang iba batay sa pamantayan ng “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba.” Kung magkakamali ka sa pagkilatis at pagtingin sa isang tao batay sa mga prinsipyo at kasabihang nagmula sa tao, malalabag mo ang katotohanan at malalabanan ang Diyos sa usaping iyon. Bakit ganito? Ito ay dahil magiging mali ang batayan ng iyong mga pananaw sa mga tao, at hindi ito tutugma sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan—maaari pa nga na maging laban at salungat ito sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Hindi sinusuri ng Diyos ang pagkatao ng mga tao batay sa pahayag tungkol sa wastong asal na, “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,” kaya kung ipipilit mo pa ring husgahan ang moralidad ng mga tao at tukuyin kung anong uri sila ng tao ayon sa pamantayang ito, kung gayon ay ganap mo nang nalabag ang mga katotohanang prinsipyo, at tiyak na makagagawa ka ng mga pagkakamali, at makapagdudulot ng ilang kamalian at paglihis. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Kapag naunawaan na ng mga tao ang mga bagay na ito, kahit papaano ay magkakaroon sila ng partikular na antas ng pagkaunawa sa batayan, mga prinsipyo, at mga pamantayan ng Diyos sa pagtingin sa mga tao at bagay—kahit papaano ay magkakaroon ka ng pagkaunawa at pagpapahalaga sa pagharap ng Diyos sa mga bagay na ito. Paano naman ang mula sa iyong perspektiba? Dapat ay alam mo man lang kung ano ang tamang batayan sa pagtingin sa isang tao, at aling pamantayan sa pagtingin sa mga tao ang nakaayon sa katotohanan at sa mga aktuwal na katunayan, at talagang hindi hahantong sa anumang pagkakamali o paglihis. Kung magiging malinaw talaga sa iyo ang mga bagay na ito, magkakaroon ka ng pagkilatis sa mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura, pati na sa iba’t ibang pahayag at teorya ng tao, at paraan niya ng pagtingin sa mga tao, at lubos mong matatalikuran ang mga aspektong ito ng tradisyonal na kultura, at ang lahat ng iba’t ibang kasabihan at pananaw na nagmula sa tao. Sa ganitong paraan, titingnan at kikilatisin mo ang mga tao batay sa mga katotohanang prinsipyo, at, sa partikular na antas, magiging kaayon ka ng Diyos, at hindi ka magrerebelde, lalaban, o sasalungat sa Kanya. Habang unti-unti mong natatamo ang pagiging kaayon ng Diyos, magkakaroon ka ng mas malinaw na pagkawari sa mga diwa ng mga tao at bagay, at makukumpirma mo ito sa mga salita ng Diyos. Makikita mo na ang iba’t ibang pahayag ng Diyos na naglalantad sa sangkatauhan, at ang Kanyang mga pagsasalarawan at pagpapakahulugan sa sangkatauhan ay pawang tama, at pawang katotohanan. Siyempre pa, habang nakahahanap ka ng kumpirmasyon nito, parami nang parami ang makakamit mong pananampalataya at kaalaman sa Diyos at sa Kanyang mga salita, at lalo kang makatitiyak na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at ang realidad na dapat isabuhay ng tao. Hindi ba’t ito ang bumubuo sa proseso ng pagtanggap at pagtamo sa katotohanan? (Oo.) Ito ang proseso ng pagtanggap at pagtamo sa katotohanan.

Ang layon ng paghahangad sa katotohanan ay ang tanggapin ang katotohanan bilang buhay ng isang tao. Kapag nagagawang tanggapin ng mga tao ang katotohanan, nagsisimulang unti-unting magbago ang kanilang panloob na pagkatao at buhay, at sa huli, ang pagbabagong ito ang kanilang gantimpala. Noon, tiningnan mo ang mga tao at bagay ayon sa tradisyonal na kultura, ngunit napagtanto mo na ngayon na mali ito, at hindi mo na titingnan ang mga bagay mula sa perspektibang iyon, o titingnan ang sinumang tao batay sa kung ano ang idinidikta ng tradisyonal na kultura. Kung gayon, sa anong batayan mo na ngayon titingnan ang mga tao at bagay? Kung hindi mo alam, pinatutunayan nito na hindi mo pa rin tinatanggap ang katotohanan. Kung alam mo na kung ayon sa aling mga katotohanang prinsipyo mo dapat tingnan ang mga tao at bagay, kung kaya mo nang tumpak at malinaw na sabihin ang iyong batayan, landas, mga pamantayan, at mga prinsipyo, at kung kaya mo ring kilatisin at harapin ang mga tao ayon sa mga katotohanang prinsipyong ito, nagsimula nang magkaroon ng epekto sa loob mo ang katotohanan, ginagabayan nito ang iyong mga iniisip at pinangingibabawan ang perspektiba mo sa pagtingin sa mga tao at bagay. Nagpapatunay ito na nag-ugat na sa iyo ang katotohanan at naging buhay mo na ito. Kaya, paano makakatulong sa iyo sa huli ang epekto ng katotohanan? Hindi ba’t maiimpluwensiyahan ng katotohanan kung paano ka umasal, ang landas na pinipili mo, at ang direksyon ng iyong buhay? (Oo.) Kung nagagawa nitong impluwensiyahan kung paano ka umasal at ang landas na iyong tinatahak, hindi ba’t maiimpluwensiyahan nito ang relasyon mo sa Diyos? (Ganoon na nga.) Ano ang magiging resulta ng pag-impluwensiya ng katotohanan sa iyong relasyon sa Diyos? Magiging mas malapit ka ba o mas malayo? (Magiging mas malapit ako sa Diyos.) Tiyak na magiging mas malapit ka sa Kanya. Kapag naging mas malapit ka sa Diyos, mas magiging handa ka bang sumunod sa Kanya at yumukod sa harap Niya, o magiging atubili ka bang maniwala sa Kanyang pag-iral habang nahahadlangan ng mga pagdududa at maling pagkaunawa? (Magiging handa akong sumunod sa Diyos at yumukod sa harap Niya.) Tiyak iyan. Ngayon, paano mo matatamo ang kahandaang ito? Makahahanap ka ng kumpirmasyon ng mga salita ng Diyos sa tunay mong buhay; magsisimulang umepekto sa iyo ang katotohanan, at makahahanap ka ng kumpirmasyon nito. Sa proseso ng paglalantad ng lahat ng bagay, makukumpirma sa loob mo ang natatagong pinagmulan ng lahat ng bagay na ito at matatagpuan mong ganap itong alinsunod sa mga salita ng Diyos. Mabeberipika mo na ang mga salita ng Diyos ay pawang ang katotohanan, at mapapalakas nito ang pananampalataya mo sa Diyos. Kapag mas malakas ang pananampalataya mo sa Diyos, mas magiging normal ang relasyon mo sa Kanya, mas lalo kang magiging handang kumilos bilang isang nilikha, at magiging handa kang ituring ang Diyos bilang iyong Kataas-taasan, at dadami ang mga bahagi mong nagpapasakop sa Diyos. Ano ang palagay mo sa pagpapabuting ito sa iyong relasyon? Maganda ito, hindi ba? Ito ang resulta ng isang mabuti at positibong proseso ng pag-unlad. Kung gayon, ano ang mga kahihinatnan ng isang masama at nakapipinsalang proseso ng pag-unlad? (Lalong magiging mahina ang aking pananampalataya na mayroong Diyos, at magkakaroon ako ng mga maling pagkaunawa at pagdududa tungkol sa Diyos.) Sa pinakamababa, ito ang mga kahihinatnan. Hindi ka makatatanggap ng kumpirmasyon sa anumang usapin, at hindi ka lang mabibigong matamo ang katotohanan sa iyong pananampalataya, makabubuo ka rin ng lahat ng uri ng kuru-kuro—magkakamali ka ng pagkaunawa sa Diyos, susumbatan mo Siya, mag-iingat ka laban sa Kanya, at sa huli ay itatatwa mo Siya. Kung itatatwa mo ang Diyos sa iyong puso, magagawa mo pa rin bang sumunod sa Kanya? (Hindi.) Hindi mo na nanaising sumunod sa Kanya. Ano ang mangyayari kasunod nito? Mawawalan ka ng interes sa ginagawa at sinasabi ng Diyos. Kapag sinabi ng Diyos, “Nakikita na ang papalapit na katapusan ng sangkatauhan,” tutugon ka, “Wala naman akong nakikita!” Hindi ka maniniwala sa Kanya. Kapag sinabi ng Diyos, “Magkakamit ka ng magandang hantungan pagkatapos mong hangarin ang katotohanan,” tutugon ka, “Nasaan ang magandang hantungang ito na sinasabi Mo? Hindi ko ito nakikita!” Hindi ka magiging interesado. Kapag sinabi ng Diyos, “Dapat kang kumilos na tulad ng isang tunay na nilikha,” tutugon ka, “Mayroon bang anumang pakinabang sa pagkilos na tulad ng isang tunay na nilikha? Ilang pagpapala ang matatamo ko mula rito? Makapagtatamo ba talaga ako ng mga pagpapala sa paggawa niyon? May kinalaman ba ito sa pagtamo ng mga pagpapala?” Kapag sinabi ng Diyos, “Dapat mong tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at dapat kang magpasakop dito!” tutugon ka, “Anong kataas-taasang kapangyarihan? Bakit hindi ko maramdaman ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Kung talagang kataas-taasang naghahari ang Diyos, bakit Niya pinahintulutan na mamuhay ako sa kahirapan? Bakit Niya pinahintulutan na magkasakit ako? Kung kataas-taasang naghahari ang Diyos, bakit palaging mahirap para sa akin ang mga bagay-bagay?” Mapupuno ng mga reklamo ang iyong puso, at hindi mo paniniwalaan ang anumang sinasabi ng Diyos. Ipapakita nito ang kawalan mo ng tunay na pananampalataya sa Diyos. At iyon ang dahilan kaya, habang nakararanas ka ng iba’t ibang isyu, ang gagawin mo lang ay magreklamo, nang wala ni katiting na antas ng pagpapasakop. Ganoon ka makararating sa napakasamang kahihinatnang ito. Sinasabi ng ilang tao, “Dahil kataas-taasang naghahari ang Diyos, dapat Niya akong tulungang gumaling kaagad sa aking karamdaman. Dapat Niya akong tulungang matamo ang lahat ng nais ko. Bakit puno ng mga suliranin at pagdurusa ang buhay ko ngayon?” Nawala na ang kanilang pananampalataya sa Diyos, at wala na silang kahit katiting na bakas ng malabong pananampalatayang mayroon sila dati—ganap na itong nawala. Ito ang napakasamang kahihinatnan at masamang resulta ng lahat ng ito. Gusto ba ninyong umabot sa puntong ito? (Hindi.) Paano ninyo maiiwasang malugmok sa antas na ito? Dapat kayong magsikap pagdating sa katotohanan—ang susi at daan para sa lahat ng ito ay nasa katotohanan at nasa mga salita ng Diyos. Kung magsisikap ka pagdating sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, nang hindi mo namamalayan, magsisimula mong makita nang mas malinaw ang landas na itinuro sa iyo ng Diyos, at ang landas kung saan ka Niya inakay, at makikita mo ang diwa ng mga tao, pangyayari, at bagay na pinamamatnugutan ng Diyos. Sa bawat hakbang ng karanasang ito, unti-unti mong matutuklasan sa mga salita ng Diyos ang mga prinsipyo at batayan sa pagtingin sa mga tao at bagay, at sa iyong pag-asal at pagkilos. Sa pagtanggap at pag-unawa sa katotohanan, makikita mo ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa sa mga tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap mo. Kung magsasagawa ka ayon sa mga landas na ito, ang mga salita ng Diyos ay papasok sa iyo at magiging buhay mo, at nang hindi mo namamalayan, magsisimula ka nang mamuhay sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pamamatnugot ng Diyos. Kapag namumuhay ka sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pamamatnugot ng Diyos, matututo ka nang hindi mo namamalayan, kung paano tingnan ang mga tao at bagay ayon sa mga salita ng Diyos, at titingnan mo ang mga bagay mula sa wastong paninindigan, perspektiba, at pananaw; ang mga kahihinatnan ng iyong mga pagtingin sa mga bagay-bagay ay aayon sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, at tutulutan ka ng mga itong maging mas malapit sa Diyos at mas mauhaw para sa katotohanan. Gayunpaman, kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, o kung hindi ka magsisikap patungkol sa katotohanan, at kung wala kang interes sa katotohanan, mahirap masabi kung anong punto ang maaabot mo. Sa huli, ang pinakamasamang posibleng kahihinatnan ay kapag nabibigo ang mga tao na makita ang mga kilos ng Diyos o maramdaman ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, paano man nila subukang manalig sa Kanya; ito ay kapag hindi nila nararamdaman ang walang hanggang kapangyarihan at karunungan ng Diyos, gaano man karaming bagay ang kanilang nararanasan. Sa gayong mga sitwasyon, kikilalanin lang ng mga tao na ang mga salitang ipinahahayag ng Diyos ay ang katotohanan, ngunit wala silang makikitang pag-asang maliligtas sila, lalong hindi nila makikitang matuwid at banal ang disposisyon ng Diyos, at palagi nilang mararamdamang malabo ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Ipinapakita nito na hindi nila natamo ang katotohanan o ang kaligtasan ng Diyos, at wala man lang silang nakamit matapos manalig sa Diyos sa loob ng maraming taon. Dito nagtatapos ang Aking pagbabahagi tungkol sa ikatlong kasabihan: “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba.”

Ano ang ikaapat na pahayag tungkol sa wastong asal? (Gantihan ng kabutihan ang kasamaan.) May kinikimkim bang mga partikular na layunin ang mga tao kapag ginagantihan nila ng kabutihan ang kasamaan? Hindi ba’t umaatras sila upang maging mas madali para sa kanila ang mga bagay-bagay? Hindi ba’t isa itong paraan ng pagpapahupa sa mga bagay-bagay? Ayaw ng mga taong madawit sa walang katapusang siklo ng paghihiganti, nais nilang pakalmahin ang mga bagay-bagay upang makapamuhay sila nang medyo mas mapayapa. Partikular na hindi mahaba ang buhay ng isang tao, at kahit mabuhay siya nang isang daang taon o ng ilang daang taon, pakiramdam pa rin niya ay maikli ang buhay niya. Buong araw, abala siya sa pag-iisip tungkol sa paghihiganti at pagpatay, puno ng kaguluhan ang kanyang kalooban, at malungkot ang kanyang buhay. Kaya, sinusubukan niyang maghanap ng paraan upang mamuhay nang mas masaya at nang mas nakagagalak, at tratuhin nang tama ang kanyang sarili—na siyang pagganti ng kabutihan sa kasamaan. Hindi maiiwasang mapapasama ng mga tao ang loob ng isa’t isa at sila ay magiging biktima ng mga pakana ng isa’t isa habang nabubuhay sila. Palagi silang ginugulo ng mga mapaghiganti at mapait na emosyon, at lubhang hindi maaayos ang kanilang pag-iral, kaya, alang-alang sa kalagayang panlipunan at katatagan at pagkakaisa sa lipunan, gamit ang mga iyon bilang kanilang motibasyon, isinusulong ng mga moralista ang pamantayan ng moralidad na ito sa mundo. Binabalaan nila ang mga tao na huwag gantihan ng kasamaan ang kasamaan, at huwag mapoot at pumatay, sa halip ay hinihimok nila ang mga taong matutong gantihan ng kabutihan ang kasamaan. Sinasabi nilang kahit na napinsala ka ng isang tao noon, hindi mo siya dapat paghigantihan, bagkus ay dapat mo siyang tulungan, kalimutan ang mga mali niyang ginawa noon, dapat kang makipag-ugnayan sa kanya nang normal, at unti-unti mo siyang baguhin, pawiin ang pagkapoot sa pagitan ninyo, at tamuhin ang maayos na relasyon. Hindi ba’t hahantong ito sa pangkalahatang pagkakasundo sa lipunan? Sinasabi nila na sinuman ang nagpasama sa loob mo, siya man ay iyong kapamilya, kaibigan, kapitbahay, o katrabaho, dapat mong gantihan ng kabutihan ang kasamaan niya, at huwag kang magkimkim ng mga hinanakit. Sinasabi nila na kung magagawa ito ng lahat ng tao, magiging katulad ito ng sinasabi ng mga tao: “Kung ang lahat ay magbibigay ng kaunting pagmamahal, magiging magandang lugar ang mundo.” Hindi ba’t batay sa mga imahinasyon ang mga pahayag na ito? Isang magandang lugar? Hindi kapani-paniwala! Tingnan kung sino ang nagpapatakbo sa mundong ito at kung sino ang nagtitiwali sa sangkatauhan. Anong pagbabago ba ang talagang matatamo ng pahayag tungkol sa wastong asal na, “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan”? Wala itong anumang mababago. Katulad ng iba pa, ang pahayag na ito ay nagpapataw ng mga partikular na hinihingi sa kalidad ng moralidad ng mga tao, o nagpapataw ng mga partikular na regulasyon sa kanila. Hinihingi nito na huwag silang mauuwi sa pagkapoot at pagpatay kapag nahaharap sila sa pagkapoot at pagpatay mula sa ibang tao, at na dapat nilang tratuhin ang mga taong pumipinsala sa kanila nang kalmado, nang mahinahon, at gamitin ang kanilang wastong asal upang pawiin ang pagkapoot at pagpatay na iyon, at bawasan ang pagdanak ng dugo. Siyempre, ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay epektibo sa mga tao sa isang partikular na antas; maaari nitong pawiin ang pagkapoot at hinanakit, at bawasan sa isang partikular na antas ang mga ganting pagpatay; at maaari itong magkaroon ng partikular na antas ng positibong epekto sa kalagayang panlipunan, pampublikong kaayusan, at pagkakasundo ng lipunan, ngunit anong mga paunang kondisyon ang dapat na mayroon para magkaroon ng ganoong epekto ang kasabihang ito? May mga makabuluhang paunang kondisyon sa usapin ng kapaligirang panlipunan. Ang isa ay ang normal na katwiran at paghusga na taglay ng mga tao. Iniisip ng mga tao: “Mas makapangyarihan ba o hindi kaysa sa akin ang taong ito na gusto kong paghigantihan? Kung maghihiganti ako sa kanya, matatamo ko ba ang aking mithiin? Kung maghihiganti ako at papatayin ko siya, ipapahamak ko ba ang sarili ko?” Tinitimbang muna nila ang mga kahihinatnan. Pagkatapos pag-isipan ang mga bagay-bagay, napagtatanto ng karamihan ng mga tao: “Marami siyang koneksyon, malakas ang impluwensiya niya sa lipunan, at marahas at malupit siya, kaya kahit na napinsala niya ako, hindi ako maaaring maghiganti sa kanya. Dapat tahimik ko na lang na tanggapin ang pang-iinsulto. Ngunit kung magkakaroon ako ng pagkakataong maghiganti sa kanya sa buhay na ito, susunggaban ko ito.” Katulad ng sinasabi ng mga popular na kasabihan, “Hindi lalaki ang hindi naghihiganti” at “Hindi pa huli ang lahat para maghiganti ang isang maginoo.” Kinikimkim pa rin ng mga tao ang mga ganitong uri ng mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Pinanghahawakan ng mga tao ang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na gantihan ng kabutihan ang kasamaan, sa isang banda, dahil direkta itong konektado sa kapaligirang panlipunan at sa lubos na katiwalian ng tao—umusbong ito dahil sa mga kuru-kuro ng mga tao at sa mga paghusga ng kanilang katwiran. Kapag nararanasan ng karamihan ng mga tao ang mga ganitong uri ng mga sitwasyon, ang nagagawa lang nila ay tahimik na tanggapin ang mga pang-iinsulto, at isagawa sa panlabas ang gantihan ng kabutihan ang kasamaan, isinasantabi ang kanilang pagkapoot at mga paghihiganti. Ang isa pang dahilan kung bakit kumakapit ang mga tao sa pilosopiyang ito para sa mga makamundong pakikitungo, ay na sa ilang sitwasyon, malaki ang agwat sa kapangyarihan ng dalawang partidong nasasangkot, kaya ang partidong naagrabyado ay hindi naglalakas-loob na maghiganti, at napipilitan siyang gantihan ng kabutihan ang kasamaan, dahil wala naman na siyang magagawa pa. Kung maghihiganti siya, maaari niyang malagay sa panganib ang buong pamilya niya, at kahindik-hindik ang mga kahihinatnan niyon. Sa mga gayong sitwasyon, mas gusto ng mga tao na magpatuloy na lang sa buhay nang nilulunok ang pang-iinsulto. Gayunpaman, sa paggawa niyon, mapangingibabawan ba nila ang kanilang hinanakit? Mayroon bang sinuman na kayang kalimutan ang kinikimkim na galit? (Wala.) Lalo na sa mga sitwasyon ng napakatitinding galit, halimbawa, kapag may isang taong pumatay sa iyong malapit na kaanak at sumira sa iyong pamilya, at nagdala ng kahihiyan sa iyong pangalan, kaya nagkaroon ka ng matinding pagkapoot sa kanya—walang makabibitiw sa ganoong kinikimkim na galit. Parte ito ng pagkatao at isa itong bagay na hindi mapangingibabawan ng pagkatao. Likas na napopoot ang mga tao sa mga gayong sitwasyon—normal lang ito. Umuusbong man ito dahil sa init ng ulo, likas na gawi, o konsensiya, ano’t anuman, isa itong normal na reaksyon. Kahit ang mga aso ay napapalapit sa mga taong maayos ang pagtrato sa mga ito at regular na nagpapakain o tumutulong sa mga ito, at pinagkakatiwalaan ng mga ito ang mga taong iyon, habang kinasusuklaman ang mga nang-aabuso at nangmamaltrato sa mga ito—at hindi lang iyon, kasusuklaman pa ng mga ito ang mga taong kaamoy o kaboses ng mga nang-aabuso sa mga ito. Nakikita mo, kahit ang mga aso ay taglay ang likas na gawing ito, paano pa ang mga tao! Dahil ang mga tao ay mayroong higit na mas komplikadong pag-iisip kaysa sa mga hayop, ganap na normal para sa kanila na makaramdam ng pagkapoot kapag nahaharap sila sa ganting pagpatay o sa di-makatarungang pagtrato. Gayunpaman, dahil sa ilang rason at sa mga partikular na sitwasyon, madalas na napipilitan ang mga tao na magparaya at lunukin ang mga pang-iinsulto, at pagtiisan ang mga bagay-bagay nang pansamantala—ngunit hindi ito nangangahulugan na nais nila o kaya nilang gantihan ng kabutihan ang kasamaan. Ang kasasabi Ko lang ay batay sa perspektiba ng pagkatao at sa mga likas na reaksyon ng tao. Kung titingnan natin ito ngayon mula sa pananaw ng mga obhektibong katunayan tungkol sa lipunan—kung ang isang tao ay hindi ginantihan ng kabutihan ang kasamaan, at sa halip ay naghiganti siya at pumatay, ano ang mga kahihinatnan? Pananagutin siya nang batas, maaari siyang madetine, mahatulan ng pagkakakulong, at malamang pa ngang mabigyan ng parusang kamatayan. Batay rito, maaari nating mahinuha na, mula man sa pananaw ng pagkatao o sa mapaglimitang kapangyarihan ng lipunan at ng batas, kapag naharap ang mga tao sa di-makatarungang pagtrato at sa ganting pagpatay, wala ni isang tao ang may kakayahang alisin ang poot sa kanyang isipan o sa kaibuturan ng kanyang puso. Kahit kapag nabibiktima ng maliliit na pinsala tulad ng berbal na pang-aatake, pang-aalipusta, o pangungutya, hindi pa rin nagagawa ng mga taong gantihan ng kabutihan ang kasamaan. Ang abilidad bang gantihan ng kabutihan ang kasamaan ay isang normal na pagpapamalas ng pagkatao? (Hindi.) Kung gayon, kapag inaapi o pinipinsala ang isang tao, ano ang pinakamababang kailangan at hinihingi ng kanyang pagkatao? May sinumang tao bang masigla at masayang sasabihin: “Sige lang, apihin mo ako! Makapangyarihan at masama ka, puwede mo akong apihin paano mo man gusto, at gagantihan ko ng kabutihan ang kasamaan mo. Mararamdaman mo nang husto ang aking marangal na karakter at moralidad, at talagang hindi ako maghihiganti sa iyo o magkakaroon ng anumang opinyon tungkol sa iyo. Hindi ako magagalit sa iyo—iisipin ko na lang na biro lang ang lahat ng ito. Gaano man nakakainsulto sa aking karakter, nakakasakit sa aking pagpapahalaga sa sarili, o nakasasama sa aking mga interes ang mga bagay na sinasabi mo, ayos lang ang lahat ng iyon at dapat maging malaya ka na sabihin ang anumang gusto mo.” Mayroon bang gayong mga tao? (Wala.) Talagang walang sinuman ang tunay na may kakayahang bitiwan ang kanilang mga hinanakit—maganda na ang lagay nila kung nakakatagal sila nang hindi pinapatay ang kanilang kaaway bilang paghihiganti. Kaya, walang sinuman ang tunay na may kakayahang gantihan ng kabutihan ang kasamaan, at kahit na isagawa ng mga tao ang wastong asal na ito, ito ay dahil mapipilitan silang kumilos sa ganoong paraan dahil sa mga limitasyon ng mga partikular na sitwasyon sa panahong iyon, o dahil ang totoo, ang buong insidente ay gawa-gawa at kathang-isip lamang. Sa mga normal na sitwasyon, kapag nabibiktima ang mga tao ng malubhang pang-uusig o pang-aabuso, nagkakaroon sila ng mga hinanakit at nagiging mapaghiganti. Ang tanging sitwasyon kung saan ang isang tao ay maaaring walang malay sa kanyang sariling pagkapoot o hindi tumugon dito ay kung napakatindi ng pagkapoot na iyon, at dumanas siya ng napakalubhang pagkabigla, na nawalan siya ng alaala o nabaliw siya. Ngunit ang sinumang taong may normal na pagkatao at katwiran ay hindi nanaisin na tratuhin siya nang may mga pang-iinsulto, diskriminasyon, pang-aalipusta, panunuya, pang-uuyam, pangungutya, pamiminsala, at iba pa, o hindi niya nanaisin na may isang taong umabot sa puntong aapakan at lalabagin ang kanyang karakter at dignidad; walang taong masisiyahan na hindi taos-pusong gantihan ng wastong asal ang mga dating nagpasama sa loob niya o puminsala sa kanya—walang may kakayahang gawin iyon. Kaya, ang pahayag na ito tungkol sa wastong asal na gantihan ng kabutihan ang kasamaan ay mukhang lubos na mahina, malamlam, hungkag at walang kabuluhan para sa tiwaling sangkatauhan.

Kung titingnan natin ito mula sa perspektiba ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, gaano man katiwali ang isang tao, at kung masamang tao man siya o isang taong nagtataglay ng medyo mabuting pagkatao, umaasa siyang tatratuhin siya ng iba nang maayos at nang may batayang antas ng pagrespeto. Kung may isang taong magsimulang purihin at bolahin ka nang walang dahilan, ikasisiya mo ba iyon? Magugustuhan mo ba iyon? (Hindi.) Bakit hindi mo iyon magugustuhan? Mararamdaman mo ba na parang niloloko ka lang naman? Iisipin mo: “Tingin mo ba ay tatlong taong gulang lang ako? Paanong hindi ko maunawaan kung bakit pakiramdam mo ay kailangan mong sabihin sa akin ang mga bagay na ito? Kasinghusay ba ako nang gaya ng sinasabi mo? Ginawa ko ba ang anuman sa mga bagay na iyon? Para saan ang lahat ng pambobolang ito? Paanong hindi ka nasusuya sa sarili mo?” Ayaw ng mga taong makarinig ng mga papuri, at itinuturing nila itong isang uri ng pang-iinsulto. Bukod sa pinakamababang antas ng pagrespeto, paano pa gusto ng mga tao na tratuhin sila ng iba? (Nang may sinseridad.) Magiging imposible ang hilingin sa mga taong tratuhin ang iba nang may sinseridad—kung mapipigilan nilang mang-api ng iba, mabuti-buti na iyon. Ang hilingin sa mga tao na huwag apihin ang isa’t isa ay isang medyo obhektibong hinihingi. Umaasa ang mga tao na rerespetuhin sila ng iba, hindi sila aapihin, at higit sa lahat, tatratuhin sila nang patas. Umaasa silang hindi sila liligaligin ng iba kapag bulnerable sila, o hindi sila lalayuan kapag nalantad ang mga pagkakamali nila, o hindi sila palagi pupurihin at bobolahin. Nakakasuya para sa mga tao ang mga ganitong uri ng mga pag-uugali at gusto lang nilang matrato nang patas—hindi ba’t ganoon iyon? Ang pagtrato sa iba nang patas ay isang medyo positibong ideyal sa mundo ng tao at sa saklaw ng pag-iisip ng tao. Bakit Ko sinasabi iyon? Pag-isipan ito: Bakit gusto ng lahat ng tao si Bao Zheng? Gustong-gusto ng mga taong panoorin ang mga eksena ng paghatol ni Bao Zheng sa mga kaso kahit na ang mga kasong ito ay kathang-isip at pawang gawa-gawa lamang. Bakit tuwang-tuwa pa rin ang mga tao sa mga ito? Bakit gusto pa rin nilang panoorin ang mga ito? Dahil, sa kanilang ideyal na mundo, sa saklaw ng kanilang pag-iisip, at sa kaibuturan ng kanilang puso, nais nilang lahat ng isang positibo at medyo mas magandang mundo. Nais nilang makapamuhay ang tao sa isang medyo patas at makatarungang kapaligirang panlipunan, sa isang mundo kung saan magagarantiya ito sa lahat ng tao. Sa ganoong paraan, kahit papaano, kapag nililigalig ka ng masasamang puwersa, mayroong lugar kung saan ang katarungan ay itinataguyod, kung saan makapaghahain ka ng reklamo tungkol sa iyong mga hinaing, kung saan mayroon kang karapatang magreklamo, at sa huli, kung saan medyo mabibigyang-linaw ang mga kawalan ng katarungan na naranasan mo. Sa lipunan at sangkatauhang ito, mayroong lugar kung saan maaari mong malinis ang iyong pangalan, at maprotektahan ang iyong sarili mula sa pagdanas ng anumang kahihiyan o pagpasan ng anumang hinaing. Hindi ba’t ito ang ideyal na lipunan ng tao? Hindi ba’t ito ang inaasam ng bawat tao? (Oo.) Ito ang pangarap ng bawat tao. Umaasa ang mga tao na tatratuhin sila nang patas—hindi nila gustong makaranas ng anumang hindi patas na pagtrato, o na wala silang mapagsumbungan kung sila ay tinrato nang hindi patas, at lubos na nakakabagabag iyon para sa kanila. Masasabing ang pamantayan at hinihinging ipinataw sa wastong asal ng tao na “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan” ay malayong-malayo sa realidad ng katiwalian ng sangkatauhan sa tunay na buhay. At kaya, ang hinihinging ito sa wastong asal ng tao ay hindi isinasaalang-alang ang kapakanan ng tao, at malayong-malayo ito sa obhektibong katunayan at sa tunay na buhay. Isa itong pahayag na ipinanukala ng mga ideyalista na walang pagkaunawa sa mga kalooban ng mga naghihikahos na tao na naagrabyado at napahiya—walang pagkaunawa ang mga ideyalistang ito sa kung gaano naagrabyado ang mga taong ito, at kung gaano nainsulto ang dignidad at karakter ng mga ito, o kahit kung gaano nanganib ang personal na kaligtasan ng mga ito. Hindi nila nauunawaan ang mga realidad na iyon, gayunpaman, hinihingi pa rin nilang makipag-ayos ang mga biktimang ito sa mga nanakit sa mga ito at pigilan ng mga itong maghiganti, sinasabi ang mga bagay na tulad ng: “Ipinanganak ka para maltratuhin at dapat mong tanggapin ang iyong tadhana. Ipinanganak ka sa pinakamababang uri sa lipunan at nasa identidad mo na ang pagiging alipin. Ipinanganak ka para pagharian ng iba—hindi ka dapat maghiganti sa mga nanakit sa iyo, at sa halip ay dapat mong gantihan ng kabutihan ang kasamaan. Dapat mong gawin ang parte mo para sa ikabubuti ng kalagayang panlipunan at ng pagkakasundo sa lipunan, at dapat kang mag-ambag sa lipunan sa pamamagitan ng pagpapakita ng iyong positibong enerhiya at ng iyong pinakawastong asal.” Malinaw na sinabi ang lahat ng ito para pangatwiranan ang pananamantala ng mga nakatataas na uri sa lipunan at ng mga naghaharing uri sa mabababang uri, upang mabigyan sila ng bentaheng ito, at upang mapatahimik ang mga puso at emosyon ng mga naghihikahos sa ngalan ng mga nakatataas at naghaharing uri. Hindi ba’t ito ang layon ng pagsasabi ng gayong mga bagay? (Oo.) Kung patas at mahigpit na ipinatutupad ang mga legal at panlipunang sistema ng bawat bansa, at ang mga sistema at regulasyon ng bawat lahi at angkan, kakailanganin pa rin bang isulong ang di-obhektibong kasabihang ito na sumasalungat sa mga batas ng pagkatao? Hindi na ito kakailanganin pa. Malinaw na ang kasabihang “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan” ay isinulong lang bilang daan at bentahe para sa mga naghaharing uri at sa masasamang taong iyon na nagtataglay ng awtoridad at kapangyarihan na samantalahin at apakan ang mga naghihikahos. Kasabay nito, upang mapahinahon ang mga naghihikahos na uri at mapigilan silang maghiganti o mapoot sa mayayaman, mga nakatataas na uri, at naghaharing uri, ang mga diumano’y iskolar at gurong ito ay ipinoposisyon ang kanilang sarili sa tugatog ng mataas na moralidad, isinusulong ang kasabihang ito sa pagkukunwaring hinihingi sa lahat ng tao na isagawa ang wastong asal. Hindi ba’t lumilikha ito ng mas higit pang kontradiksyon sa lipunan? Kapag mas sinusupil mo ang mga tao, mas napatutunayang hindi patas ang lipunan. Kung tunay na patas at makatarungan ang lipunan, kakailanganin pa rin bang husgahan at patawan ng mga hinihingi ang wastong asal ng mga tao gamit ang kasabihang ito? Malinaw na dahil ito sa katunayang walang katarungan sa lipunan o sa sangkatauhan. Kung maparurusahan ng batas ang masasamang tao, o kung nananagot din sa batas ang mga may pera at kapangyarihan, mawawalan ng bisa at hindi iiral ang kasabihang, “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan.” Gaano karaming pangkaraniwang tao ang makagagawa ng pinsala sa isang opisyal? Gaano karaming mahirap na tao ang makagagawa ng pinsala sa mayayaman? Magiging mahirap para sa kanila na makamit iyon. Kaya, ang kasabihang, “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan,” ay malinaw na nakatuon sa mga pangkaraniwang tao, mahirap, at mababang uri—isa itong imoral at di-makatarungang kasabihan. Halimbawa, kung hihingin mong gantihan ng isang opisyal ng pamahalaan ng kabutihan ang kasamaan, sasabihin niya sa iyo: “Anong kasamaan ang kailangan kong gantihan? Sino ang mangangahas na guluhin ako? Sino ang mangangahas na pasamain ang loob ko? Sino ang mangangahas na ‘humindi’ sa akin? Papatayin ko ang sinumang hihindi sa akin—susugpuin ko ang kanyang buong pamilya at ang kanyang bawat kamag-anak!” Nakita mo, walang gagantihang kasamaan ang mga opisyal, kaya ni hindi umiiral sa kanila ang kasabihang, “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan.” Kung sasabihin mo sa kanila: “Dapat mong isagawa ang wastong asal na ito na gantihan ng kabutihan ang kasamaan, dapat mong taglayin ang wastong asal na ito,” sasagot sila: “Sige, kaya kong gawin iyan.” Ganap na kasinungalingan ito. Ano’t anuman, ang “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan” ay talagang isang kasabihan lang na isinusulong ng mga moralistang panlipunan upang mapahinahon ang mabababang uri, at higit pa roon, isa itong kasabihang isinusulong upang alipinin ang mabababang uri. Isinusulong ito para higit pang patatagin ang awtoridad ng naghaharing uri, suyuin ang naghaharing uri, at ipagpatuloy ang pang-aalipin sa mabababang uri, nang sa gayon ay hindi sila magrereklamo kahit na alipinin sila sa loob ng maraming henerasyon. Mula rito ay makikita natin na, sa ganitong uri ng lipunan, malinaw na hindi makatarungan ang mga batas at sistema; hindi pinamamahalaan ng katotohanan ang ganitong uri ng lipunan, at hindi ito pinaghaharian ng katotohanan, katarungan, o katuwiran. Sa halip, pinamamahalaan ito ng kasamaan at kapangyarihan ng tao, sinuman ang naglilingkod na mga opisyal. Kung ang mga pangkaraniwang tao ang magiging mga opisyal, magiging ganoon pa rin ang sitwasyon. Ito ang diwa ng sistemang panlipunang ito. Inilalantad ng “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan” ang katunayang ito. Malinaw na may partikular na pulitika sa pariralang ito—hinihingi ito sa wastong asal ng tao upang palakasin ang pangingibabaw at pang-aalipin ng mga naghaharing uri sa mabababang uri.

Maliban sa hindi umaayon sa mga normal na pangangailangan o hinihingi ng pagkatao, o sa karakter at dignidad ng pagkatao, ang hinihingi na gantihan ng mga tao ng kabutihan ang kasamaan, natural na mas lalong hindi ito wastong pamantayan sa pagsusuri sa kalidad ng pagkatao ng isang tao. Malayong-malayo ang hinihinging ito sa aktuwal na pagkatao; maliban sa imposible itong makamit, hindi rin ito dapat isinulong sa simula pa lang. Isa lang itong kasabihan at estratehiyang ginamit ng naghaharing uri upang mapalakas ang kanilang paghahari at kontrol sa masa. Natural na hindi kailanman isinulong ng Diyos ang ganitong uri ng kasabihan, sa Kapanahunan man ng Kautusan, sa Kapanahunan ng Biyaya, o sa kasalukuyang Kapanahunan ng Kaharian, at hindi kailanman ginamit ng Diyos ang ganitong uri ng pamamaraan, kasabihan, o hinihingi bilang batayan sa pagsusuri sa kalidad ng pagkatao ng mga tao. Ito ay dahil, moral man o imoral ang isang tao, at gaano man kabuti o kasama ang kanyang wastong asal, isinasaalang-alang lang ng Diyos ang kanyang diwa—sadyang hindi umiiral sa pananaw ng Diyos ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal. Kaya, ang kasabihan tungkol sa wastong asal na, “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan,” ay walang bisa sa sambahayan ng Diyos, at hindi ito karapat-dapat na suriin. Ginagantihan mo man ng kabutihan ang kasamaan, o ginagantihan mo man ng paghihiganti ang kasamaan, paano dapat tingnan ng mga nananalig sa Diyos ang usapin ng “pagganti sa kasamaan”? Sa anong saloobin at mula sa anong pananaw nila dapat tingnan at harapin ang usaping ito? Kung may isang taong gumawa ng kasamaan sa iglesia, may sariling mga atas administratibo at prinsipyo ang sambahayan ng Diyos para sa pagharap sa taong iyon—hindi na kailangan ng sinumang maghiganti para sa biktima o ipagtanggol siya laban sa kawalan ng katarungan. Hindi na iyon kailangan sa sambahayan ng Diyos, at natural na haharapin ng iglesia ang problema ayon sa mga prinsipyo. Isa itong katunayan na kapwa maoobserbahan at makakaharap ng mga tao. Sa napakalinaw at napakatumpak na pananalita: May mga prinsipyo ang iglesia para sa pagharap sa mga tao at may mga atas administratibo ang sambahayan ng Diyos. Paano naman ang Diyos? Pagdating naman sa Diyos, ang sinumang gumagawa ng masama ay parurusahan nang naaayon, at ang Diyos ang magdidikta kung kailan at paano siya parurusahan. Ang mga prinsipyo ng pagpaparusa ng Diyos ay ganap na hindi maihihiwalay sa Kanyang disposisyon at diwa. Mayroong matuwid at hindi nalalabag na disposisyon ang Diyos, maharlika Siya at napopoot din Siya, at lahat ng gagawa ng masama ay parurusahan Niya nang naaayon. Higit na mas dakila ito kaysa sa mga batas ng tao, nakahihigit ito sa pagkatao at sa lahat ng mga sekular na batas. Bukod sa ito ay patas, makatwiran, at naaayon sa mga inaasam ng pagkatao, hindi rin ito nangangailangan ng pagpalakpak at pagsang-ayon ng lahat. Hindi nito hinihingi sa iyong husgahan ang mga usapin mula sa tugatog ng mataas na moralidad. Kapag ginagawa ng Diyos ang mga bagay na ito, may sarili Siyang mga prinsipyo at tiyempo. Dapat na ipaubaya sa Diyos ang pagkilos nang ayon sa Kanyang kagustuhan, at hindi dapat na makialam ang mga tao, dahil wala itong kinalaman sa kanila. Ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao patungkol sa usapin ng “pagganti sa kasamaan”? Na huwag silang kumilos o maghiganti sa ibang tao dahil sa init ng ulo. Ano ang dapat mong gawin kung may isang taong magpasama sa loob mo, mangligalig sa iyo, o nais pa ngang saktan ka? Mayroon bang mga prinsipyo sa pagharap sa gayong mga bagay? (Mayroon.) May mga solusyon at prinsipyo para sa mga bagay na ito, at may batayan sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ano’t anuman, ang kasabihan tungkol sa wastong asal na, “Gantihan ng kabutihan ang kasamaan,” ay hindi rin isang pamantayang ginagamit upang hatulan ang kalidad ng pagkatao ng mga tao. Sa pinakamainam, kung kaya ng isang tao na gantihan ng kabutihan ang kasamaan, masasabing siya ay medyo mapagparaya, simple, mabait, at mapagbigay, na hindi makitid ang isip niya, at na nagtataglay siya ng medyo wastong asal. Gayunpaman, maaari bang suriin at husgahan ang kalidad ng pagkatao ng taong ito batay sa isang kasabihang ito? Hindi, talagang hindi. Dapat ding isaalang-alang kung ano ang kanyang hinahangad, ang landas na kanyang tinatahak, ang kanyang saloobin sa katotohanan at sa mga positibong bagay, at iba pa. Iyon ang tanging paraan upang tumpak na mahusgahan kung mayroon ba siyang pagkatao o wala.

Dito nagtatapos ang ating pagbabahaginan para sa araw na ito.

Marso 26, 2022

Sinundan: Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 5

Sumunod: Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 7

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito