Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 3

Sa ngayon, mas nagiging abala ang mga gumaganap ng mga tungkulin. Nararamdaman nilang masyadong mabilis na lumilipas ang oras, na kulang ang oras. Bakit ganoon? Ang totoo, ito ay dahil nauunawaan na nila ngayon ang katotohanan at mayroon na silang kabatiran sa maraming bagay. Pabigat nang pabigat ang kanilang pagpapahalaga sa responsabilidad, at mas masigasig nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, gumagawa ng mas detalyadong gawain. Kaya, nararamdaman nilang parami nang parami ang mga tungkuling dapat nilang gampanan. Iyon ang dahilan kaya lalo silang nagiging abala sa kanilang mga tungkulin. At bukod pa roon, araw-araw, ang karamihan ng mga gumaganap ng mga tungkulin ay dapat ding magbasa ng mga salita ng Diyos a magbahaginan tungkol sa katotohanan. Dapat nilang pagnilayan ang kanilang sarili, at kapag may naranasan silang problema, dapat nilang hanapin ang katotohanan upang lutasin ito. Dapat din silang matuto ng ilang propesyonal na kasanayan. Palagi nilang nararamdamang kulang ang oras, na masyadong mabilis na lumilipas ang bawat araw. Sa gabi, pinag-iisipan nila kung ano ang ginawa nila sa araw na iyon, at sa tingin nila ay walang masyadong halaga ang ginawa nila, na hindi ito nagkaroon ng magandang resulta. Pakiramdam nila ay napakababa ng kanilang tayog at kulang na kulang sila, at sabik silang lumago kaagad ang tayog nila. Sinasabi ng ilan sa kanila, “Kailan ba matatapos ang pagkaabala ng gawaing ito? Kailan ko mapatatahimik ang puso ko at mababasa nang wasto ang mga salita ng Diyos, at masasangkapan nang wasto ang sarili ko ng katotohanan? Masyadong limitado ang nakakamit ko sa isa o dalawang pagtitipon sa isang linggo. Dapat ay mas nagbabahaginan pa kami at nakikinig sa mas marami pang sermon—iyon lang ang paraan upang maunawaan ang katotohanan.” Kaya naghihintay sila at nananabik, at sa isang kisap-mata, tatlo, apat, limang taon na ang dumaan, at pakiramdam nila ay napakabilis lumipas ng oras. Ang ilang tao ay hindi gaanong makapagbigay ng patotoong batay sa karanasan kahit sampung taon na silang nananalig. Nababalisa sila, natatakot na pababayaan sila, at nais nilang mabilis na sangkapan ang kanilang sarili ng mas marami pang katotohanan. Iyon ang dahilan kaya nararamdaman nila ang bilis ng oras. Marami ang ganito mag-isip. Nararamdaman ng lahat ng taong nagdadala ng pasanin ng pagganap sa tungkulin at naghahangad sa katotohanan na napakabilis lumipas ng oras. Ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan, na nagnanasa ng ginhawa at mga kasiyahan, ay hindi nararamdamang mabilis umusad ang oras; inirereklamo pa nga ng ilan sa kanila, “Kailan darating ang araw ng Diyos? Palagi nilang sinasabing patapos na ang Kanyang gawain—bakit hindi pa ito natatapos? Kailan lalaganap ang gawain ng Diyos sa buong sansinukob?” Ang pakiramdam ng mga taong nagsasabi ng gayong mga bagay ay napakabagal umusad ng oras. Sa puso nila, wala silang interes sa katotohanan; palagi nilang ninanais na bumalik sa mundo sa labas at magpatuloy sa kanilang munting buhay. Malinaw na naiiba ang kalagayan nilang ito sa kalagayan ng mga taong naghahangad sa katotohanan. Gaano man kaabala sa kanilang mga tungkulin ang mga taong naghahangad sa katotohanan, nagagawa pa rin nilang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problemang nararanasan nila, at makipagbahaginan tungkol sa mga bagay na hindi malinaw sa kanila sa mga sermong narinig nila, at patahimikin ang kanilang puso araw-araw upang magnilay kung kumusta ang naging pagganap nila, pagkatapos ay pag-isipan ang mga salita ng Diyos at manood ng mga video ng patotoong batay sa karanasan. May mga nakakamit sila mula rito. Gaano man sila kaabala sa kanilang mga tungkulin, hinding-hindi nito nahahadlangan ang kanilang pagpasok sa buhay, ni naaantala ito. Natural para sa mga taong nagmamahal sa katotohanan na magsagawa nang ganito. Ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi hinahanap ang katotohanan at hindi handang patahimikin ang kanilang sarili sa harap ng Diyos upang pagnilayan at kilalanin ang kanilang sarili, abala man sila sa kanilang tungkulin at anuman ang problemang maranasan nila. Kaya, abala man sila o walang gaanong ginagawa sa kanilang tungkulin, hindi nila hinahangad ang katotohanan. Sa katunayan, kung gusto ng isang tao na hangarin ang katotohanan, at kung inaasam niya ang katotohanan, at dinadala ang pasanin ng pagpasok sa buhay at pagbabago sa kanyang disposisyon, mapapalapit siyang lalo sa Diyos sa puso niya at magdadasal siya sa Diyos, gaano man siya kaabala sa kanyang tungkulin. Tiyak na magkakamit siya ng kaunting kaliwanagan at kaningningan ng Banal na Espiritu, at lalago nang walang hinto ang kanyang buhay. Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan at hindi siya nagdadala ng anumang pasanin ng pagpasok sa buhay o pagbabago sa kanyang disposisyon, o kung hindi siya interesado sa mga bagay na ito, hindi niya makakamit ang kahit ano. Ang pagninilay-nilay sa kung anong mga pagbuhos ng katiwalian ang mayroon ang isang tao ay isang bagay na dapat ginagawa kahit saan, anumang oras. Halimbawa, kung ang isang tao ay nagpakita ng katiwalian habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, sa kanyang puso, dapat siyang magdasal sa Diyos, at pagnilayan ang kanyang sarili, at kilalanin ang kanyang tiwaling disposisyon, at hanapin ang katotohanan upang lutasin ito. Usapin ito ng puso; wala itong epekto sa kasalukuyang ginagawa. Madali ba itong gawin? Depende iyon sa kung isa kang taong naghahangad sa katotohanan. Ang mga taong hindi minamahal ang katotohanan ay hindi interesado sa mga usapin ng paglago sa buhay. Hindi nila pinag-iisipan ang gayong mga bagay. Ang mga taong naghahangad sa katotohanan lang ang handang pagsikapan ang paglago sa buhay; sila lang ang madalas na pinagninilayan ang mga problemang talagang umiiral, at kung paano hahanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problemang iyon. Sa katunayan, ang proseso ng paglutas ng mga problema ay siyang proseso rin ng paghahangad sa katotohanan. Kung madalas na nakatuon ang isang tao sa paghahanap sa katotohanan upang lumutas ng mga problema habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, at nakalutas na siya ng marami-raming problema sa loob ng ilang taon ng gayong pagsasagawa, tiyak na pasado sa pamantayan ang kanyang pagganap sa kanyang tungkulin. Ang mga taong gaya niya ay mas higit na kaunti ang pagbuhos ng katiwalian, at nagkamit sila ng mas tunay na karanasan sa pagganap sa kanilang mga tungkulin. Kaya naman nagagawa nilang magpatotoo para sa Diyos. Paano sumasailalim ang gayong mga tao sa karanasang nagsimula noong una nilang tinanggap ang kanilang tungkulin, hanggang sa nagagawa na nilang magpatotoo para sa Diyos? Dinaranas nila ito sa pamamagitan ng pag-asa sa paghahanap sa katotohanan upang lumutas ng mga problema. Iyon ang dahilan kaya gaano man kaabala sa kanilang mga tungkulin ang mga taong naghahangad sa katotohanan, hinahanap pa rin nila ang katotohanan upang lumutas ng mga problema at nagtatagumpay sila sa pagganap sa kanilang mga tungkulin ayon sa mga prinsipyo, at nagagawa nilang isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos. Ito ang proseso ng paglago sa buhay, at ito rin ang proseso ng pagpasok sa realidad ng katotohanan. Palaging sinasabi ng ilang tao na napakaabala nila sa kanilang mga tungkulin na wala na silang oras para hangarin ang katotohanan. Hindi ito totoo. Pagdating sa isang taong naghahangad sa katotohanan, anumang gawain ang maaaring ginagawa niya, sa sandaling may matuklasan siyang problema, hahanapin niya ang katotohanan upang lutasin ito, at mauunawaan at makakamit niya ang katotohanan. Tiyak ito. Marami ang iniisip na mauunawaan lang ang katotohanan sa pamamagitan ng araw-araw na pagtitipon. Maling-mali ito. Ang katotohanan ay hindi isang bagay na basta mauunawaan sa pamamagitan ng pagtitipon at pakikinig sa mga sermon; kailangan din ng isang tao na isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos, at kailangan din niya ang prosesong iyon ng pagtuklas at paglutas ng mga problema. Ang mahalaga ay dapat niyang matutunan na hanapin ang katotohanan. Ang mga hindi minamahal ang katotohanan ay hindi ito hinahanap, anumang problema ang maranasan nila; ang mga minamahal ang katotohanan ay hinahanap ito, gaano man sila kaabala sa kanilang mga tungkulin. Kaya masasabi natin nang may katiyakan na ang mga taong iyon na palaging nagrereklamo na abala sila sa kanilang mga tungkulin na wala silang oras para makipagtipon, kaya bilang resulta ay ipinagpapaliban nila ang paghahangad nila sa katotohanan, ay mga hindi nagmamahal sa katotohanan. Mga tao silang may kakatwang pagkaunawa na hindi nakakaintindi ng mga espirituwal na bagay. Kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos o nakikinig sa mga sermon, bakit hindi nila maisagawa o malapat ang mga ito sa kanilang pagganap sa kanilang mga tungkulin? Bakit hindi nila magamit ang mga salita ng Diyos sa kanilang totoong buhay? Sapat na ito para maipakitang hindi nila minamahal ang katotohanan, at kaya anumang paghihirap ang kanilang maranasan sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, hindi nila hinahanap o isinasagawa ang katotohanan. Malinaw na mga tagapagsilbi ang mga taong ito. Maaaring nais ng ilang tao na hangarin ang katotohanan, ngunit masyadong mahina ang kanilang kakayahan. Ni hindi nila maisaayos nang mabuti ang sarili nilang buhay; kapag mayroon silang dalawa o tatlong bagay na kailangang gawin, hindi nila alam kung alin ang unang gagawin at kung alin ang ihuhuli. Kapag nakaranas sila ng dalawa o tatlong problema, hindi nila alam kung paano lutasin ang mga ito. Naguguluhan sila. Magagawa bang makamit ng gayong mga tao ang katotohanan? Magagawa ba nilang magtagumpay sa paghahanap sa katotohanan upang lumutas ng mga problema? Hindi tiyak na magagawa nila ito, dahil masyadong mahina ang kanilang kakayahan. Maraming tao ang handang hangarin ang katotohanan, subalit matapos manalig sa Diyos sa loob ng sampu o dalawampung taon, humahantong silang hindi makapagbigay ng anumang pagpapatotoo sa kanilang karanasan, at wala man lang silang nakamit na katotohanan. Ang pangunahing dahilan nito ay napakahina ng kanilang kakayahan. Kung hinahangad ba ng isang tao ang katotohanan ay hindi nakadepende sa kung gaano siya kaabala sa kanyang tungkulin o kung gaano karaming oras ang mayroon siya; nakadepende ito sa kung minamahal ba niya ang katotohanan sa puso niya. Ang totoo, may parehong dami ng oras ang lahat ng tao; ang naiiba ay kung saan ito ginugugol ng bawat tao. Posibleng sinumang nagsasabing wala siyang oras na hangarin ang katotohanan ay ginugugol ang kanyang oras sa mga kasiyahan ng katawan, o na abala siya sa kung anong panlabas na aktibidad. Hindi niya ginugugol ang oras na iyon sa paghahanap sa katotohanan upang lumutas ng mga problema. Ganito ang mga taong pabaya sa kanilang paghahangad. Naaantala nito ang malaking bagay sa kanilang pagpasok sa buhay.

Sa ating huling dalawang pagtitipon, nagbahaginan tayo sa paksa ng “Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan,” pati na rin ilang detalyeng nauugnay sa paksang iyon. Magsimula tayo sa pagbabalik-tanaw sa pinagbahaginan natin sa ating huling pagtitipon. Naglatag tayo ng tumpak na depinisyon ng “Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan,” pagkatapos ay nagbahaginan tayo tungkol sa mga partikular na problema at partikular na paraan kung paano umaasal ang mga tao na may kaugnayan sa kahulugan ng paghahangad sa katotohanan. Ano ang panghuling aytem ng ating pagbabahaginan sa huli nating pagtitipon? (Nagtanong ang Diyos: Yamang hindi katotohanan ang mga pinaniniwalaan ng tao na mabuti at tama, bakit hinahangad pa rin niya ang mga ito na para bang ang mga ito ay ang katotohanan?) Yamang ang mga bagay na iyon na pinaniniwalaan ng tao na mabuti at tama ay hindi ang katotohanan, bakit itinataguyod pa rin niya ang mga ito na para bang katotohanan ang mga ito, habang iniisip na hinahangad niya ang katotohanan? Noong huli, nagbahaginan tayo sa tatlong bagay na tumutugon sa tanong na ito. Ang una: Ang mga bagay na ito na hinahangad ng tao ay hindi ang katotohanan, kaya bakit isinasagawa pa rin niya ang mga ito na para bang ang mga ito ay ang katotohanan? Dahil para sa tao, ang mga bagay na nakikita niya bilang tama at mabuti ay tila ang katotohanan, kaya hinahangad ng tao ang mga bagay na iyon na iniisip niyang mabuti at tama na para bang ang mga ito ay ang katotohanan. Hindi ba’t malinaw na pagkakasabi ito? (Malinaw nga.) Kaya, ano ang tumpak na sagot sa tanong na ito? Itinataguyod ng mga tao ang mga bagay na iniisip nilang tama at mabuti na para bang ang mga ito ay ang katotohanan, at sa paggawa nito, iniisip nilang hinahangad nila ang katotohanan. Hindi ba’t iyon ang buong sagot? (Iyon nga.) Ang pangalawa: Sa pagtataguyod sa mga bagay na iniisip niyang mabuti at tama na para bang ang mga ito ay ang katotohanan, bakit iniisip ng tao na hinahangad niya ang katotohanan? Maaari itong sagutin nang ganito: Dahil may pagnanais ang tao na pagpalain. Hinahangad ng tao ang mga bagay na ito na pinaniniwalaan niyang tama at mabuti nang may pagnanasa at ambisyon, at kaya iniisip niyang isinasagawa at hinahangad niya ang katotohanan. Sa diwa, pagtatangka itong makipagtawaran sa Diyos. Ang pangatlo: Kung may taglay na normal na konsiyensiya at katwiran ang isang tao, sa mga sitwasyon kung saan hindi niya nauunawaan ang katotohanan, likas niyang pipiliing kumilos ayon sa kanyang konsiyensiya at katwiran, na susunod siya sa mga regulasyon, batas, tuntunin, at iba pa. Maaari nating sabihing likas na itinataguyod ng tao ang mga bagay na sa konsiyensiya niya ay itinuturing niyang positibo, nakabubuti, at nakaayon sa pagkatao, na para bang ang mga ito ay ang katotohanan. Matatamo ito sa saklaw ng konsiyensiya at katwiran ng tao. Maraming kayang normal na magbigay ng kanilang paggawa sa sambahayan ng Diyos; handa silang magserbisyo at magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos dahil may taglay silang normal na konsiyensiya at katwiran. Upang magkamit ng mga pagpapala, sasailalim pa sila sa pagdurusa at magbabayad ng anumang halaga. Kaya, itinuturing din ng tao ang kaya niyang gawin sa saklaw ng kanyang konsiyensiya at katwiran bilang pagsasagawa at paghahangad sa katotohanan. Ang mga ito ang tatlong pangunahing punto sa sagot sa tanong na iyon. Noong huli, nagbahaginan tayo tungkol sa tatlong puntong ito sa pangkalahatang paraan; ngayon, magsasagawa tayo ng partikular at detalyadong pagbabahaginan tungkol sa mga problemang iniiwan ng tatlong punto na ito, at susuriin natin ang mga problemang nauugnay sa bawat punto, pati na kung paano naiiba o salungat sa paghahangad sa katotohanan ang bawat elemento, nang sa gayon ay mas malinaw ninyong malaman kung ano ang paghahangad sa katotohanan at paano mismo dapat isagawa ang paghahangad na iyon. Ang paggawa nito ay magsisilbing mas magandang insentibo para tumpak na isagawa at hangarin ng mga tao ang mga katotohanan sa kanilang pang-araw-araw na buhay.

Magsisimula tayo sa pagbabahaginan tungkol sa unang aytem. Sa madaling pananalita, tutuon ang ating pagbabahaginan para sa unang aytem sa mga bagay na pinaniniwalaan ng tao sa kanyang mga kuru-kuro na tama at mabuti. Bakit dapat tumuon ang ating pagbabahaginan sa nilalamang iyon? Ano ang mga problemang nauugnay sa nilalamang iyon? Pag-isipan muna iyon nang detalyado. Magkakaroon ba kayo ng kakayahang tumpak na maunawaan ang mga ito kung hindi tayo wastong magbabahaginan tungkol sa mga ito sa mga pagtitipon? Kung wala tayong gagawing partikular na pagbabahaginan tungkol dito, at susundin lang ninyo ang inyong pagmumuni-muni tungkol dito, o kung gugugol kayo ng oras sa pagdanas nito at pagkilala rito? Malalaman ba ninyo kung anong mga katotohanan ang may kinalaman sa nilalamang ito? Maiisip ba ninyo ang mga iyon sa pamamagitan ng pagmumuni-muni? (Hindi.) Magsisimula tayo sa pagsasaalang-alang sa mga literal na salita ng pariralang “mga bagay na pinaniniwalaan ng tao sa kanyang mga kuru-kuro na tama at mabuti” at titingnan natin kung gaano kalawak ang inyong kaalaman tungkol dito. Una, ano ang tutugunan ng mahalagang bahagi ng pariralang ito, na pagbabahaginan natin? Hindi ba ninyo nababatid? Isa ba itong pariralang mahirap unawain? May misteryo ba rito? (Tinutugunan nito ang mga kuru-kuro at imahinasyon sa tao.) Isa iyang pangkalahatang paraan ng pananalita; magbigay ng halimbawa. (Naniniwala ang tao sa kanyang mga kuru-kuro na basta’t kaya niyang tumalikod, gumugol ng sarili, magdusa, at magbayad ng mga halaga, makakamit niya ang pagsang-ayon ng Diyos. May ilang tradisyonal na kultura din—mga bagay gaya ng paggalang ng anak sa magulang at mga babaeng nag-aasikaso ng kanilang mga asawa at nagpapalaki ng kanilang mga anak. Itinuturing din ng mga tao ang mga ito bilang mabubuting bagay.) Nakuha ninyo ang ilan sa mga ito. Naunawaan na ba ninyo ang punto? Anong mga bahagi ang nauugnay sa ating paksa? (Pagtalikod, paggugol, pagdurusa, at pagbabayad ng halaga.) (Paggalang ng anak sa magulang, at mga babaeng nag-aasikaso ng kanilang mga asawa at nagpapalaki ng kanilang mga anak.) Oo. Mayroon pa ba? (Pagpapakita ng pagkadeboto, pagpapasensya, at pagpapaubaya, tulad ng mga Pariseo.) Pagpapakumbaba, pagpapasensya, pagpapaubaya—may kinalaman ito sa ilang partikular na pagpapakita at kasabihan sa pag-uugali. Dahil magbabahaginan tayo tungkol sa gayong nilalaman, mas mainam na magbahaginan tayo nang partikular, gamit ang mga partikular na kasabihan. Maaaring magkamit ang mga tao ng mas tumpak at eksaktong pagkaunawa kung tutuon tayo nang ganoon sa tanong. Sa ngayon, wala kayong maibigay na anumang ideya, kaya magbabahagi na lang Ako, ayos ba iyon? (Oo.) Ang limang libong taong kultura ng Tsina ay “malawak at malalim,” puno ng lahat ng uri ng mga sikat na kasabihan at sawikain. Marami rin itong ipinagmamalaking “sinaunang pantas,” gaya nina Confucius, Mencius, at mga katulad nila. Ginawa nila ang mga turo ng Confucianismo ng Tsino, na bumubuo sa pangunahing bahagi ng tradisyonal na kulturang Tsino. Maraming wika, bokabularyo, at kasabihan sa tradisyonal na kulturang Tsino na binuo ng hene-henerasyon ng mga tao. Ang ilan sa mga ito ay tumutukoy sa sinaunang panahon, ang ilan ay hindi; ang ilan sa mga ito ay nagmula sa mga karaniwang tao, at ang iba pa ay mula sa mga sikat na tao. Maaaring hindi ninyo masyadong gusto ang tradisyonal na kultura, o lumayo na kayo sa mababang-uring tradisyonal na kultura, o bata pa kayo kaya hindi pa ninyo napag-aaralan o nasasaliksik nang husto ang “malawak at malalim” na tradisyonal na kultura ng Tsina, kung kaya hindi pa ninyo alam ang tungkol dito o hindi pa ninyo nauunawaan ang gayong mga bagay. Sa totoo lang, mabuting bagay iyan. Bagamat maaaring hindi ito nauunawaan ng isang tao, ang kanyang pag-iisip at mga kuru-kuro ay bahagyang nakintalan at naapektuhan ng mga bagay ng tradisyonal na kultura. Humahantong siyang namumuhay ayon sa mga bagay na iyon nang hindi niya namamalayan. Ang mga ipinasa mula sa mga ninuno, ibig sabihin, ang tradisyonal na kulturang ipinasa mula sa mga ninuno ng tao, ay nagpapahayag ng kung anu-ano tungkol sa kung paano dapat magsalita, kumilos, at umasal ang tao. At bagamat ang mga tao ay maaaring magkakaiba ang pagkaunawa at pananaw sa iba’t ibang pahayag ng tradisyonal na kultura, sa pangkalahatan ay nakatitiyak sila tungkol sa gayong mga bagay ng tradisyonal na kultura. Mula sa obserbasyong ito, makikita natin na ang mga pinagmumulan ng impluwensiya sa buhay at pag-iral ng sangkatauhan, sa pagtingin nito sa mga tao at bagay, at sa asal at kilos nito ay pawang mga bagay ng tradisyonal na kultura. Bagamat ang iba’t ibang etnisidad ng sangkatauhan ay nagkakaiba-iba sa kanilang mga pahayag tungkol sa mga moral na pamantayang itinataguyod nila, magkakatulad ang mga pangkalahatang ideya sa likod ng mga ito. Ngayong araw, pagbabahaginan at susuriin natin ang ilan sa mga ito nang detalyado. Bagamat hindi natin mababanggit at masusuri ang lahat ng pinaniniwalaan ng tao na tama at mabuti, ang pangkalahatang nilalaman ng mga ito ay wala nang iba kundi ang dalawang elementong iyon na nabanggit sa depinisyon ng paghahangad sa katotohanan: ang mga pananaw ng isang tao sa mga tao at bagay, at kung paano umaasal at kumikilos ang isang tao. Ang isa ay mga pananaw, ang isa pa ay mga pag-uugali. Nangangahulugan ito na itinuturing ng tao ang mga tao at pangyayari sa mundo sa pamamagitan ng mga bagay na pinaniniwalaan niya sa kanyang mga kuru-kuro na tama at mabuti, at itinuturing niya ang mga bagay na iyon bilang pundasyon, batayan, at mga pamantayang ginagamit niya sa kanyang pag-asal at pagkilos. Kung gayon, ano ba mismo ang mga mabuti at tamang bagay na ito? Sa pangkalahatan, ang mga bagay na pinaniniwalaan ng tao sa kanyang mga kuru-kuro na tama at mabuti ay mga kinakailangan lang na dapat na kumilos nang maayos ang tao at na dapat ay mayroon siyang mabubuting moralidad at karakter ng tao. Ang dalawang bagay na iyon lang. Pag-isipan ito: Hindi ba’t talagang ang dalawang bagay na iyon lang? (Ganoon nga.) Ang isa ay mabuting pag-uugali; ang isa pa ay karakter at mga moralidad ng tao. Talagang nagtatag ang sangkatauhan ng dalawang bagay bilang mga pamantayang ginagamit sa pagsukat sa pagkataong ipinapamuhay ng isang tao at sa kung paano siya umaasal: Isa rito ang kinakailangan na dapat kumilos nang maayos ang tao sa panlabas, ang isa pa ay na dapat siyang umasal nang may moralidad. Ginagamit nila ang dalawang salik na ito upang sukatin ang kabutihan ng isang tao. Dahil ginagamit nila ang dalawang salik na ito upang sukatin ang kabutihan ng isang tao, lumitaw ang mga pamantayang ginagamit para husgahan ang pag-uugali at mga moralidad ng mga tao, at habang lumilitaw ang mga ito, natural na nagsimulang makarinig ang mga tao ng lahat ng uri ng mga pahayag tungkol sa wastong asal ng tao o sa kanyang pag-uugali. Anong mga partikular na kasabihan ang mayroon? Alam ba ninyo? Iyong simple, halimbawa: Anong mga pamantayan at kasabihan ang mayroon para sa pagsukat sa pag-uugali ng mga tao? Pagiging may pinag-aralan at matino, pagiging malumanay at pino—may kinalaman ang mga ito sa mga panlabas na pag-uugali. Kasama ba rito ang pagiging magalang? (Oo.) Humigit-kumulang na magkakapareho ang iba pa, at sa pamamagitan ng paghahambing, malalaman ninyo kung aling mga salita at pahayag ang mga pamantayan para sa pagsukat sa pag-uugali ng tao, at kung aling mga pahayag ang mga pamantayan para sa pagsukat sa kanyang mga moralidad. Ngayon, ang “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal”—pamantayan ba iyon para sa panlabas na pag-uugali o mga moralidad? (Tungkol ito sa mga moralidad at etika.) Paano naman ang kagandahang-loob? (Tungkol din iyon sa mga moralidad.) Tama iyan. May kinalaman ang mga ito sa mga moralidad, sa moral na karakter ng tao. Ang mga pangunahing pahayag na may kinalaman sa pag-uugali ng tao ay iyong mga gaya ng pagiging magalang, malumanay at pino, at may pinag-aralan at matino. Ito ay pawang mga bagay na pinaniniwalaan ng tao sa kanyang mga kuru-kuro na tama at mabuti; ito ay mga bagay na pinaniniwalaan niyang positibo, batay sa mga pahayag ng tradisyonal na kultura, o kahit paano ay nakaayon sa konsiyensiya at katwiran, hindi mga negatibong bagay. Ang pinag-uusapan natin dito ay mga bagay na pangkalahatang kinikilala ng mga tao na tama at mabuti. Ano pang ibang pahayag ang mayroon tungkol sa mabuting pag-uugali ng tao, bukod sa tatlong kababanggit Ko pa lamang? (Pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata.) Pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata, pagiging magiliw, pagiging madaling lapitan—lahat ng ito ay mga bagay na medyo pamilyar at nauunawaan ng mga tao. Pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, magalang, pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata, pagiging magiliw, at madaling lapitan—sa isip ng tao, ang lahat ng may mga ganitong pag-uugali ay pinaniniwalaang mabuting tao, mabait na tao, isang taong may pagkatao. Sinusukat ng lahat ang ibang tao batay sa pag-uugali nito; hinuhusgahan nila ang kabutihan ng isang tao ayon sa kanyang panlabas na pag-uugali. Hinuhusgahan, tinutukoy, at sinusukat ng mga tao kung ang isang tao ay edukado at may pagkatao, kung karapat-dapat na makipag-ugnayan sa kanya at pagkatiwalaan siya, ayon sa mga kaisipan at ideya ng tradisyonal na kultura at sa mga pag-uugali ng taong iyon na nakikita nila. May abilidad ba ang mga taong mapasok ang materyal na mundo? Hindi kahit kaunti nito. Mahuhusgahan at matutukoy lang ng mga tao kung ang isang tao ay mabuti o masama, o kung anong uri siya ng tao, ayon sa kanyang pag-uugali; sa pamamagitan lang ng pakikipag-ugnayan, pakikipag-usap, at pakikipagtulungan sa isang tao maoobserbahan at matutukoy ng mga tao ang mga bagay na iyon. Tahasan mo mang ginagamit ang mga pahayag na tulad ng “Maging may pinag-aralan at matino,” “Maging magiliw,” at “Ipagpitagan ang matatanda at alagaan ang mga bata,” sa iyong mga pagsukat, ang mga pamantayan ng iyong mga pagsukat ay hindi lumalampas sa mga pahayag na ito. Kapag hindi makita ng isang tao ang kaloob-looban ng isa pang tao, sinusukat niya kung ang taong ito ba ay mabuti o masama, marangal o mababang-uri, sa pamamagitan ng pag-oobserba sa pag-uugali at mga pagkilos nito at paglalapat sa mga pamantayang ito para sa pag-uugali. Ito lang ang talagang ginagamit niya. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Batay sa mga pahayag na kababalangkas lamang, anong mga pamantayan para sa pagsukat ang mayroon ang sangkatauhan? Ano ang mga bagay na pinaniniwalaan ng sangkatauhan sa mga kuru-kuro nito na mabuti at tama? Sa halip na magsimula sa mga bagay tungkol sa wastong asal, simulan natin ang ating pagbabahaginan at pagsisiyasat sa mga mabuti, tama, at positibong bagay na inilalabas at ipinapamalas ng tao sa kanyang pag-uugali. Tingnan natin kung talagang mga positibong bagay ang mga ito. Mayroon bang kahit ano sa mga pahayag na inilista natin ang nauugnay sa katotohanan? Umaayon ba sa katotohanan ang anuman sa nilalaman ng mga ito? (Hindi.) Kung ang paghahangad ng isang tao ay maging gayong tao, isang taong may mga gayong pag-uugali at gayong panlabas, hinahangad ba ng taong iyon ang katotohanan? Nauugnay ba ang hinahangad niya sa paghahangad sa katotohanan? Ang isang tao bang nagtataglay ng mga pag-uugaling ito ay nagsasagawa at naghahangad ng katotohanan? Isa bang mabuting tao ang isang taong nagtataglay ng mga pag-uugali at pagpapakitang ito, sa tunay na kabuluhan ng termino? Negatibo ang sagot—hindi siya mabuting tao. Malinaw na nakikita ito.

Tingnan muna natin ang pahayag na ang isang tao ay dapat na may pinag-aralan at matino. Pag-usapan kung ano ang ibig sabihin ng pahayag na “Pagiging may pinag-aralan at matino” nang ito lang. (Inilalarawan nito ang isang tao na medyo disente at maayos ang asal.) Ano ang ibig sabihin ng maging “disente”? (Nangangahulugan itong maging medyo kontrolado.) Tama. Anong mga panuntunan ang sinusunod ng gayong tao? Kapag mas partikular ang iyong sagot, mas magiging lubos ang iyong pagkaunawa sa bagay na ito at sa diwa nito. Ano ang ibig sabihin ng maging kontrolado? Narito ang isang halimbawa. Kapag kumakain, hindi dapat umuupo ang nakababatang henerasyon hangga’t hindi pa umuupo ang kanilang mga nakatatanda, at dapat silang manatiling tahimik kapag hindi nagsasalita ang mga nakatatanda. Pagdating sa pagkaing iniwan para sa mga nakatatanda, walang maaaring kumain nito maliban kung sasabihin ng mga nakatatanda na kainin ito. Bukod doon, bawal magsalita habang kumakain, o maglabas ng ngipin, o tumawa nang malakas, o matunog na pagdikitin ang mga labi, o anumang pagkaskas sa plato. Kapag natapos na ang nakatatandang henerasyon, dapat na huminto agad sa pagkain at tumayo ang nakababata. Maaari lamang silang magpatuloy sa pagkain kapag nakaalis na ang kanilang mga nakatatanda. Hindi ba’t ito ang pagsunod sa mga panuntunan? (Ganoon nga.) Humigit-kumulang na umiiral ang mga panuntunang ito sa bawat tahanan at sambahayan, sa mga pamilya ng bawat pangalan at lahi. Humigit-kumulang na sinusunod ng lahat ng tao ang mga panuntunang ito, at habang ginagawa nila ito, pinaghihigpitan sila ng mga ito. May iba’t ibang panuntunan sa iba’t ibang pamilya—at sino ang nagtatakda ng mga ito? Ang mga ninuno at iginagalang na nakatatanda ng iba’t ibang kapanahunan ng pamilyang iyon ang nagtakda sa mga iyon. Binibigyan ang mga ito ng espesyal na pagpapahalaga kapag nagdiriwang ng mahahalagang kapistahan at mga araw ng pag-alala; dapat na sumunod sa mga ito ang lahat ng tao, nang walang pagtatangi sa sinuman. Kung sakaling may isang taong hindi sumunod sa mga panuntunan o lumabag sa mga ito, matindi siyang parurusahan ng mga paghihigpit ng pamilya. Ang ilan ay maaari pa ngang kailanganing lumuhod para humingi ng tawad sa altar ng pamilya. Ganoon ang mga panuntunan. Ang pinag-uusapan natin ngayon-ngayon lang ay ilan lang sa mga panuntunang maaaring nalalapat sa isang sambahayan o pamilya. Hindi ba’t bahagi ang mga gayong panuntunan ng kahulugan ng pagiging “disente”? (Ganoon nga.) Malalaman ng isang tao kung ang tao ay may wastong pag-uugali sa panonood lang na kumain ito. Kung matunog nitong pinaglalapat ang mga labi kapag kumakain, o pinipili nito ang pagkain, o palaging binibigyan ng maliit na piraso ng pagkain ang iba, at nagsasalita habang kumakain, at malakas na tumatawa, at sa ilang sitwasyon pa nga ay itinuturo ang kausap gamit ang mga chopstick nito, kung gayon sa lahat ng ito, ipinapakita nito ang pagiging hindi disente nito. Ipinahihiwatig ng pagsasabing hindi disente ang isang tao na ang ibang tao ay pinagagalitan, kinukwestiyon, at hinahamak siya kaugnay ng kanyang pag-uugali. Iyong mga disente naman ay hindi nagsasalita kapag kumakain, o humahagikhik, ni hindi nila pinipili ang pagkain o binibigyan ng maliit na piraso ng pagkain ang iba. Medyo kontrolado sila. Nakikita ng ibang tao ang kanilang pag-uugali at pagganap, at sinasabi ng mga ito batay roon na ang taong ito ay disente. At dahil sa pagiging disente nilang ito, nakakamit nila ang paggalang at pagpapahalaga ng iba, maging ang pagkagusto ng mga ito. Ito ay isang bahagi ng batayan ng pagiging disente. Ano ba talaga ang pagiging disente? Kasasabi pa lang natin: May kinalaman lang ang “pagiging disente” sa pag-uugali ng tao. Halimbawa, sa mga huling halimbawang ito, mayroong ayos ng ranggo ayon sa henerasyon kapag kumakain. Dapat na hanapin ng lahat ang kanilang upuan ayon sa mga panuntunan; hindi sila dapat umupo sa maling puwesto. Sinusunod ng parehong mga nakatatanda at nakababatang henerasyon ang mga panuntunan ng pamilya, na walang sinuman ang maaaring lumabag, at sila ay tila labis na kontrolado, magalang, marangal, may dignidad—subalit gaano man sila mukhang ganoon, lahat ng ito ay panlabas na mabuting pag-uugali lang. Kinasasangkutan ba ito ng mga tiwaling disposisyon? Hindi; isa lang itong pamantayang ginagamit para sukatin ang mga panlabas na pag-uugali ng mga tao. Anong mga pag-uugali? Pangunahin ay kanilang pananalita at mga kilos. Halimbawa, ang isang tao ay hindi dapat magsalita kapag kumakain o gumawa ng ingay habang ngumunguya. Kapag uupo para kumain, may pagkakasunod-sunod sa kung sino ang unang uupo. Mayroong mga wastong paraan ng pagtayo at pag-upo sa pangkalahatan. Ang lahat ng ito ay mga pag-uugali lang, mga panlabas na pag-uugali lang. Talaga bang handa ang mga tao na sumunod sa mga panuntunang ito? Ano ang iniisip ng mga tao sa sarili nila tungkol sa isyu? Ano ang nararamdaman nila tungkol dito? Kapaki-pakinabang ba sa mga tao ang pagsunod sa mga kalunos-lunos na panuntunang ito? May mapapala ba sila sa mga ito na pag-usad sa buhay? Ano ang problema sa pagsunod sa mga kalunos-lunos na panuntunang ito? May kinalaman ba ito sa isyu ng kung may pagbabago ba sa pananaw sa mga bagay-bagay at disposisyon sa buhay ng isang tao? Walang-wala. May kinalaman lang ito sa pag-uugali ng mga tao. Gumagawa lang ito ng ilang kinakailangan ng pag-uugali ng mga tao, mga kinakailangan na patungkol sa kung aling mga panuntunan ang dapat gawin at sundin ng mga tao. Anuman ang maaaring iniisip ng isang tao tungkol sa mga panuntunang ito, at kahit pa kinapopootan at kinamumuhian niya ang mga ito, wala siyang pagpipilian kundi mamuhay nang nakatali sa mga ito dahil sa kanyang pamilya at mga ninuno, at dahil sa kanyang alituntuning pantahanan. Gayunpaman, walang nagsisiyasat sa kung anong mga partikular na kaisipan ang mayroon ang mga tao tungkol sa mga panuntunang ito, o kung paano tinitingnan at itinuturing ng mga tao ang mga ito sa kanilang pag-iisip, o kanilang pananaw at saloobin sa mga ito. Sapat nang magpakita ka ng mabuting pag-uugali at sumunod sa mga tuntuning ito sa partikular na saklaw na ito. Ang mga gumagawa nito ay mga disenteng tao. Ang “Maging may pinag-aralan at matino” ay inilalagay lang ang iba’t ibang hinihingi nito sa pag-uugali ng mga tao. Ginagamit lang ito para limitahan ang pag-uugali ng mga tao, pag-uugaling sumasaklaw sa tindig ng mga tao kapag umuupo at tumatayo, sa kilos ng kanilang katawan, sa galaw ng mga bahagi ng kanilang katawang ginagamit sa pandama, sa kung paano dapat ang hitsura ng kanilang mga mata, sa kung paano dapat gumalaw ang kanilang bibig, sa kung paano dapat bumaling ang kanilang ulo, at iba pa. Binibigyan nito ang mga tao ng pamantayan para sa panlabas na pag-uugali, nang walang pakialam kung kumusta ang kanilang pag-iisip, mga disposisyon, at diwa ng kanilang pagkatao. Gayon ang pamantayan ng pagiging may pinag-aralan at matino. Kung natutugunan mo ang pamantayang ito, isa kang taong may pinag-aralan at matino, at kung nagtataglay ka ng mabuting pag-uugali na pagiging may pinag-aralan at matino, sa paningin ng iba, isa kang taong dapat pahalagahan at igalang. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Nakatuon ba ang pahayag na ito sa pag-uugali ng tao? (Oo.) Ano ba talaga ang silbi ng pamantayang ito sa pag-uugali? Ang pangunahing silbi nito ay sukatin kung ang isang tao ay disente at kontroladong-kontrolado, kung maaari niyang makamit ang paggalang at pagpapahalaga ng iba sa kanilang pakikisalamuha sa kanya, at kung karapat-dapat siyang hangaan. Ang pagsukat sa mga tao sa ganitong paraan ay ganap na hindi umaayon sa mga prinsipyo ng katotohanan. Wala itong kabuluhan.

Ang ating pagbabahaginan ngayon-ngayon lang ay pangunahing may kinalaman sa paglilinang sa isang tao, na isa sa mga hinihingi ng pahayag na, “Maging may pinag-aralan at matino.” Ano ang tinutukoy ng “pagiging matino”? (Pagpapakita ng pagkaunawa sa mabubuting ugali at magandang asal.) Medyo mababaw iyan ngunit isang bahagi iyan. Hindi ba’t ang “pagiging matino” ay nangangahulugang pagkakaroon ng magalang na pormalidad na makita ang katwiran, na maging masunurin sa katwiran? Maaari ba natin itong palawakin pa? (Oo.) Na magpakita ng pagkaunawa sa mabubuting ugali at magandang asal, at magkaroon ng magalang na pormalidad na makita ang katwiran. Kaya, kung pagsasama-samahin ang lahat ng ito, kung ang isang tao ay nagtataglay ng mga pag-uugaling napapaloob sa “pagiging may pinag-aralan at matino,” paano niya mismo ito ipinakikita sa kabuuan? Nakakita na ba kayo ng isang taong may pinag-aralan at matino? Mayroon bang taong may pinag-aralan at matino sa inyong mga elder at kamag-anak, o sa inyong mga kaibigan? Ano ang kanyang katangi-tanging katangian? Sumusunod siya sa napakaraming patakaran. Napakapartikular niya sa kanyang pananalita, na hindi garapal, o magaspang, o mapanakit sa iba. Kapag umuupo siya, umuupo siya nang maayos; kapag tumatayo siya, tumatayo siya nang may magandang tindig. Sa lahat ng aspeto, mukhang pino at matino ang pag-uugali niya sa paningin ng iba, na nakadarama ng pagkawili at pagkainggit kapag nakikita siya. Kapag may nakakatagpo siyang mga tao, ibinababa niya ang kanyang ulo at inihihilig ang kanyang katawan, at yumuyukod at nagbibigay-galang siya. Nagsasalita siya nang may respeto, na mahigpit na sumusunod sa mga tuntunin ng pampublikong kawastuhan ng asal at kaayusan, nang walang kagawian o kawalang-hiyaan ng mababang uri ng lipunan. Sa kabuuan, ang kanyang panlabas na pag-uugali ay nagdudulot ng kaginhawahan at papuri sa mga nakakakita nito. Ngunit may isang nakababahalang bagay tungkol dito: Para sa kanya, may mga patakaran para sa lahat ng bagay. May mga patakaran sa pagkain; may mga patakaran sa pagtulog; may mga patakaran sa paglalakad; kahit ang pag-alis sa bahay at pag-uwi ay may mga patakaran. Lubos na napipigilan at hindi mapalagay ang pakiramdam ng isang tao kapag kasama nito ang gayong tao. Hindi mo alam kung kailan siya biglang magsasabi ng patakaran, at kung walang-ingat mo itong malalabag, magmumukha kang lubos na padalos-dalos at mangmang, habang magmumukha siyang napakapino. Sadyang napakapino niya sa kanyang pagngiti, na walang nakalabas na ngipin, at sa kanyang pag-iyak, na hindi niya kailanman ginagawa sa harap ng iba, kundi sa ilalim ng kanyang kumot sa kalaliman ng gabi, habang natutulog ang iba. Anuman ang ginagawa niya, may patakaran ito. Iyon ang tinatawag na “pagtuturo.” Namumuhay ang mga gayong tao sa lupain ng kagandahang-asal, sa isang napakalaking pamilya; napakarami nilang patakaran at napakaraming pagtuturo. Paano mo man ito sabihin, ang mabubuting pag-uugaling napapaloob sa pagiging may pinag-aralan at matino ay mga pag-uugali—panlabas na mabubuting pag-uugali na ikinintal sa isang tao ng kapaligiran kung saan siya pinalaki, at unti-unting hinasa sa isang tao ng matataas na pamantayan at mahihigpit na kinakailangang inilalagay niya sa kanyang sariling pag-uugali. Anumang impluwensya ang maaaring naidudulot ng mga gayong pag-uugali sa mga tao, nauugnay lang ang mga ito sa panlabas na pag-uugali ng tao, at bagamat ang mga gayong panlabas na pag-uugali ay pinaniniwalaan ng tao na mabubuting pag-uugali, mga pag-uugaling pinagsisikapang matamo at sinasang-ayunan ng mga tao, ang mga ito ay iba sa disposisyon ng tao. Gaano man kabuti ang panlabas na pag-uugali ng isang tao, hindi nito mapagtatakpan ang kanyang tiwaling disposisyon; gaano man kabuti ang panlabas na pag-uugali ng isang tao, hindi ito makapapalit sa pagbabago sa kanyang tiwaling disposisyon. Bagamat napakakontrolado ng pag-uugali ng isang taong may pinag-aralan at matino, na nakakakuha ng lubos na paggalang at pagpapahalaga ng iba, walang-walang silbi ang mabuting pag-uugali niyang iyon kapag lumabas ang kanyang tiwaling disposisyon. Gaano man karangal at kahusto ang kanyang pag-uugali, kapag may nangyari sa kanya na nauugnay sa mga prinsipyo ng katotohanan, walang-walang silbi ang mabuting pag-uugali niyang iyon, ni hindi siya nito mauudyukang unawain ang katotohanan—sa halip, dahil naniniwala siya sa kanyang mga kuru-kuro na ang pagiging may pinag-aralan at matino ay isang positibong bagay, ituturing niya ang bagay na iyon bilang katotohanan, na gagamitin niya para sukatin at kuwestyunin ang mga salitang sinasabi ng Diyos. Susukatin niya ang sarili niyang pananalita at kikilos siya ayon sa pahayag na iyon, at ito rin ang magiging pamantayan niya para sa pagsukat sa iba. Tingnan ngayon ang depinisyon ng “Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan”—ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Ngayon, ang pamantayan ba para sa panlabas na pag-uugali na nangangailangan ng pagiging may pinag-aralan at matino ay may anumang kinalaman sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan? (Wala.) Hindi lang hindi magkaugnay ang mga ito—magkasalungat pa ang mga ito. Nasaan ang salungatan doon? (Ang mga gayong kasabihan ay maghihikayat lang sa mga taong tumuon sa panlabas na mabuting pag-uugali habang binabalewala ang mga layon at tiwaling disposisyon sa loob-loob nila. Ginagawang posible ng mga ito na malinlang ang mga tao ng mabubuting pag-uugaling ito at na hindi sila magnilay sa kung ano ang nasa kanilang mga sariling kaisipan at ideya, at nang sa gayon ay hindi nila makita ang kanilang tiwaling disposisyon, at bulag pa ngang kainggitan at sambahin ang iba ayon sa pag-uugali ng mga ito.) Gayon ang mga kahihinatnan ng pagtanggap sa mga pahayag ng tradisyonal na kultura. Kaya, kapag nakakita ang tao ng paggawa ng mabubuting pag-uugaling ito, pahahalagahan niya ang mga pag-uugaling iyon. Nagsisimula siya sa paniniwalang ang mga pag-uugaling ito ay mga mabuti at positibong bagay, at sa batayan ng pagiging mga positibong bagay ng mga ito, tinatrato niya ang mga ito na para bang ang mga ito ay ang katotohanan. Pagkatapos, ginagamit niya ito bilang pamantayan kung paano niya pinipigilan ang kanyang sarili at sinusukat ang iba; itinuturing niya ito bilang batayan para sa kanyang mga pananaw tungkol sa mga tao at bagay, at habang ginagawa niya ito, itinuturing din niya ito bilang batayan para sa kanyang pag-asal at mga kilos. Kung ganoon, hindi ba’t salungat ito sa katotohanan? (Salungat nga.) Isasantabi muna natin sa ngayon kung nanlilinlang ng mga tao ang pahayag na “dapat ay may pinag-aralan at matino ang isang tao” at tatalakayin natin ang mismong pahayag. “Maging may pinag-aralan at matino”—isa itong sibilisado at marangal na pahayag. Gusto ng lahat ang pahayag na ito, at ginagamit ng tao ang pahayag na ito upang sukatin ang iba at tingnan ang mga tao at bagay, sa pundasyon ng sapantahang ito ay tama, mabuti, at isang pamantayan. At habang ginagawa niya ito, itinuturing din niya ito bilang batayan para sa kanyang pag-asal at mga pagkilos. Halimbawa, hindi ibinabatay ng tao ang kanyang pagsukat sa kabutihan ng isang tao sa mga salita ng Diyos. Saan niya ito ibinabatay? “May pinag-aralan at matino ba ang taong ito? Sibilisado ba ang kanyang panlabas na pag-uugali? May lubos na kontrol ba siya? Inirerespeto ba niya ang iba? May mabubuting ugali ba siya? May mapagpakumbabang saloobin ba siya kapag nakikipag-usap sa iba? Mayroon ba siyang mabubuting pag-uugali ng pagiging magalang at marespeto, na gaya ng minsang ginawa ni Kong Rong sa pag-aalok ng pinakamalaking peras sa kanyang kapatid? Ganoong uri ba siya ng tao?” Ano ang batayan niya sa mga tanong at pananaw na ito? Una, batay ito sa pamantayan ng pagiging may pinag-aralan at matino. Tama bang gamitin niya iyon bilang kanyang pamantayan? (Hindi.) Bakit hindi ito tama? Napakasimpleng sagot, ngunit hindi ninyo ito maisip. Dahil hindi ganoon sumukat ang Diyos, at hindi Niya hahayaang sumukat nang ganoon ang tao. Kung ginagawa iyon ng tao, nagkakamali siya. Kung may susukat sa isang tao o pangyayari sa ganitong paraan, kung gagamitin niya ito bilang pamantayan para sa kanyang pagtingin sa mga tao at bagay, lalabagin niya ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos. Iyan ang salungatan sa pagitan ng mga tradisyonal na kuru-kuro at ng katotohanan. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Sa ano ipinapabatay ng Diyos ang mga pagsukat ng tao sa iba? Ayon sa ano Niya ipinapatingin sa tao ang mga tao at bagay? (Ayon sa Kanyang mga salita.) Ipinapatingin Niya sa tao ang mga tao ayon sa Kanyang mga salita. Sa partikular, nangangahulugan ito ng pagsukat sa kung may pagkatao ang isang tao batay sa Kanyang mga salita. Iyon ay bahagi nito. Bukod doon, nakabatay ito sa kung minamahal ng taong iyon ang katotohanan, kung mayroon siyang pusong nagpipitagan sa Diyos, at kung kaya niyang magpasakop sa katotohanan. Hindi ba’t ang mga ito ang mga detalye nito? (Ang mga ito nga.) Kaya, sa ano ibinabatay ng tao ang kanyang mga pagsukat sa kabutihan ng iba? Sa kung sila ay sibilisado at lubos na kontrolado, sa kung matunog nilang pinaglalapat ang mga labi nila o may gawi silang maghalukay ng mga piraso ng pagkain kapag kumakain sila, sa kung naghihintay silang makaupo ang mga nakatatanda sa kanila bago sila umupo kapag kakain. Ginagamit niya ang mga gayong bagay upang sukatin ang ibang tao. Hindi ba’t ang paggamit sa mga bagay na ito ay paggamit sa pamantayan para sa pag-uugali na gaya ng pagiging may pinag-aralan at matino? (Ganoon nga.) Tumpak ba ang mga gayong pagsukat? Naaayon ba ang mga ito sa katotohanan? (Hindi naaayon.) Malinaw na malinaw na hindi naaayon ang mga ito sa katotohanan. Ano kung gayon ang kinahihinatnan ng gayong pagsukat sa huli? Naniniwala ang sumusukat na sinumang may pinag-aralan at matino ay mabuting tao, at kung hihimukin mo siyang magbahagi tungkol sa katotohanan, palagi niyang kikintalan ang mga tao ng mga pantahanang patakaran at turo, at mabubuting pag-uugaling iyon. At ang kahihinatnan sa huli ng kanyang pagkintal ng mga bagay na ito sa mga tao ay na aakayin niya ang mga tao tungo sa mabubuting pag-uugali, ngunit hindi man lang magbabago ang tiwaling diwa ng mga taong iyon. Ang ganitong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay ay napakalayo sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos. Nagtataglay lang ang mga gayong tao ng ilang mabubuting pag-uugali. Mababago ba ang mga tiwaling disposisyon sa loob-loob nila dahil sa mabuting pag-uugali? Matatamo ba nila ang pagpapasakop at katapatan sa Diyos? Talagang hindi. Naging sino ang mga taong ito? Mga Pariseo, na mayroon lang panlabas na mabuting pag-uugali ngunit hindi talaga nauunawaan ang katotohanan, at hindi makapagpasakop sa Diyos. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Tingnan ang mga Pariseo—sa hitsura, hindi ba’t walang maipipintas sa kanila? Ipinangingilin nila ang Araw ng Sabbath; sa Araw ng Sabbath, wala silang ginagawa. Magalang sila sa pananalita, napakadisiplinado at sumusunod sa patakaran, lubos na nalinang, napakasibilisado at edukado. Dahil magaling silang magpanggap at hindi talaga iginalang ang Diyos, kundi ay hinusgahan Siya at kinondena Siya, isinumpa Niya sila sa huli. Ipinroklama ng Diyos na sila ay mga mapagpaimbabaw na Pariseo, na pawang masasamang tao. Gayundin, ang uri ng mga taong ginagamit ang mabuting pag-uugaling may pinag-aralan at matino bilang pamantayan para sa kanilang asal at kilos ay malinaw na hindi mga taong naghahangad sa katotohanan. Kapag ginagamit nila ang patakarang ito upang sukatin ang iba, at upang umasal at kumilos, siyempre hindi nila hinahangad ang katotohanan; at kapag humuhusga sila tungkol sa isang tao o bagay, ang pamantayan at batayan para sa paghusgang iyon ay hindi umaayon sa katotohanan, kundi ay lumalabag dito. Ang tanging pinagtutuunan nila ay ang pag-uugali ng isang tao, ang kanyang mga gawi, hindi ang kanyang disposisyon at diwa. Ang kanilang batayan ay hindi ang mga salita ng Diyos, hindi ang katotohanan; sa halip, nakabatay ang kanilang mga pagsukat sa pamantayang ito para sa pag-uugali sa tradisyonal na kultura na gaya ng pagiging may pinag-aralan at matino. Ang resulta ng gayong pagsukat ay na para sa kanila, mabuti at naaayon sa kalooban ng Diyos ang isang tao basta’t ang taong iyon ay may gayong panlabas na mabubuting pag-uugali na gaya ng pagiging may pinag-aralan at matino. Kapag gumagamit ang mga tao ng mga gayong pag-uuri, malinaw na sumasalungat sila sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos. At kapag mas ginagamit nila ang pamantayang ito sa pag-uugali upang tingnan ang mga tao at bagay, at upang umasal at kumilos, ang kinahihinatnan nito ay lalo silang inilalayo lahat sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Kahit ganoon, nasisiyahan sila sa ginagawa nila at naniniwala silang hinahangad nila ang katotohanan. Sa pagtataguyod sa ilan sa mabubuting pahayag ng tradisyonal na kultura, naniniwala silang itinataguyod nila ang katotohanan at ang tunay na daan. Subalit paano man sila sumusunod sa mga bagay na iyon, paano man nila iginigiit ang mga ito, sa huli ay hindi sila magkakaroon ng anumang karanasan o pagkakalantad sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, at hindi rin sila magpapasakop sa Diyos kahit papaano. Lalong hindi ito makapagdudulot ng tunay na paggalang sa Diyos. Iyon ang nangyayari kapag itinataguyod ng mga tao ang anuman at lahat ng gayong mabubuting pag-uugali na gaya ng pagiging may pinag-aralan at matino. Kapag mas tumutuon ang tao sa mabuting pag-uugali, sa pagsasabuhay nito, sa paghahangad nito, mas napapalayo siya sa mga salita ng Diyos—at kapag mas malayo ang tao sa mga salita ng Diyos, mas hindi niya nauunawaan ang katotohanan. Inaasahan na ito. Kung bumuti ang pag-uugali ng isang tao, nangangahulugan ba iyong nagbago ang kanyang disposisyon? Mayroon ba kayong ganitong karanasan? Kahit kailan ba ay hinangad ninyo nang hindi ninyo namamalayan na maging mga taong may pinag-aralan at matino? (Oo.) Iyan ay dahil nauunawaan ng lahat na sa pagiging isang taong may pinag-aralan at matino, magmumukha siyang napakakagalang-galang at marangal sa tingin ng iba. Lubos siyang hahangaan ng iba. Ganoon iyon, hindi ba? (Oo.) Kaya, hindi naman dapat masamang bagay na magtaglay ng mabubuting pag-uugaling ito. Ngunit malulutas ba ng pagkakaroon ng mabubuting pag-uugaling ito, ng mabubuting pagpapakitang ito, ang tiwaling disposisyon ng tao? Mapipigilan ba nito ang mga taong gumawa ng masasamang bagay? Kung hindi, anong silbi ng gayong mabubuting pag-uugali? Maganda lang itong tingnan; wala itong silbi. Nakapagpapasakop ba sa Diyos ang mga taong may gayong mabuting pag-uugali? Natatanggap at naisasagawa ba nila ang katotohanan? Malinaw na hindi. Hindi mapapalitan ng mabuting pag-uugali ang pagsasagawa ng tao sa katotohanan. Katulad lang ito ng sa mga Pariseo. Maganda ang pag-uugali nila, at napakarelihiyoso nila, ngunit paano nila tinrato ang Panginoong Jesus? Walang makaiisip na magagawa nilang ipako sa krus ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Kaya, nasa panganib ang mga mayroon lang panlabas na mabubuting pag-uugali ngunit hindi nakamit ang katotohanan. Maaaring magpatuloy sila na gaya ng dati, nilalabanan at pinagtataksilan ang Diyos. Kung hindi mo ito mahahalata, maaaring malinlang ka na naman ng mabuting pag-uugali ng mga tao.

Ang pagiging may pinag-aralan at matino ay isang tradisyonal na kuru-kuro ng tao. Ganap na hindi ito naaayon sa katotohanan. Dahil salungat ito sa katotohanan, ano ang mismong dapat taglayin ng tao kung isasagawa niya ang katotohanan? Anong realidad ang kapag isinabuhay ay aayon sa katotohanan at sa mga hinihingi ng Diyos? Alam ba ninyo? Sa gayong pagbabahaginan, maaaring sabihin ng ilan, “Sinasabi Mong ang pagiging may pinag-aralan at matino ay hindi naaayon sa katotohanan, na isa lang itong panlabas na mabuting pag-uugali. Kaya, hindi na lang kami magiging mga taong may pinag-aralan at matino. Mas magiging malaya ang buhay, nang walang anumang pagpipigil, na hindi napipigilan ng anumang patakaran. Magagawa namin ang gusto namin, makapamumuhay paano namin gusto. Magiging napakalaya namin kung ganoon! Mas malaya na kami ngayon, dahil walang kaugnayan ang mabuting pag-uugali ng tao sa kanyang kahihinatnan. Hindi namin kailangang intindihin ang paglilinang, mga patakaran, o anumang tulad niyon.” Iyon ba ang tamang tanggapin mula rito? (Hindi.) Isa itong kakatwang pagkaunawa; ginagawa nila ang pagkakamali ng pagmamalabis. Mayroon bang sinumang gagawa ng gayong pagkakamali? Maaaring may ilan na magsasabing, “Dahil ang mga nalinang na tao ay maaari pa ring labanan at pagtaksilan ang Diyos, hindi na lang ako magiging nalinang na tao. Nagsisimula akong makadama ng pagkasuklam para sa mga nalinang na tao. Kinamumuhian ko ang mga may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, magalang, na ipinagpipitagan ang matatanda at inaalagaan ang mga bata, na magiliw. Hinahamak ko ang sinumang nakikita kong nagpapakita ng mga bagay na ito, at pinagagalitan ko sila sa publiko: Ang pag-uugali mo ay gaya ng sa mga Pariseo. Nilalayon nitong linlangin ang iba. Hindi ito paghahangad sa katotohanan, lalong hindi pagsasagawa nito. Tigilan mo ang pagtatangkang lansihin kami—hindi mo kami malilinlang o hindi kami mahuhulog sa iyong mga panlalansi!” Kikilos ba kayo nang ganoon? (Hindi.) Tama lang na hindi ninyo ito gawin. Magiging lubos na kakatwa kayo kung gagawa kayo ng isang bagay na lubos na walang katuturan. Ang ilang taong may kakatwang pag-unawa ay walang wagas na pagkaunawa sa katotohanan—wala silang kapasidad para doon. Ang tanging nagagawa nila ay sumunod sa mga patakaran, kaya ganoon sila kumikilos. Kung gayon, bakit tayo nagbabahaginan tungkol sa problemang ito at sinusuri ito? Pangunahing para maipaunawa sa mga tao na ang paghahangad sa katotohanan ay hindi paghahangad sa panlabas na mabuting pag-uugali, ni hindi nito nilalayong gawin kang taong maayos ang asal, disiplinado, at nalinang. Bagkus, nilalayon nitong maunawaan mo ang katotohanan, isagawa ito, at magawa mong kumilos batay sa katotohanan, ibig sabihin, na ang lahat ng gagawin mo ay nakabatay sa mga salita ng Diyos, na naaayon lahat ito sa katotohanan. Ang mga pag-uugaling umaayon sa katotohanan at nakabatay sa mga salita ng Diyos ay hindi pareho ng pagiging may pinag-aralan at matino, ni hindi ito pareho ng mga pamantayang hinihingi sa tao ng tradisyonal na kultura at tradisyonal na moralidad. Dalawang magkakaibang bagay ang mga ito. Ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, at ang mga ito lang ang pamantayan kung paano sinusukat ang kabutihan at kasamaan ng tao, at ang kanyang tama at mali. Sa kabilang banda, ang pamantayan ng tradisyonal na kultura ng pagiging may pinag-aralan at matino ay malayong-malayo sa pamantayan ng mga prinsipyo ng katotohanan. Kailan sa aling yugto ng gawain sinabi ng Diyos sa iyo na dapat kang maging taong may pinag-aralan at matino, isang taong nalinang at marangal nang walang anumang mababang-uring interes? May sinabi bang ganoon ang Diyos? (Wala.) Wala Siyang sinabi. Kung gayon, ano ang pahayag at hinihingi ng Diyos tungkol sa pag-uugali ng tao? Umasal kayo at kumilos nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ninyo ay ang katotohanan. Ano kung gayon ang batayang iyon ng mga salita ng Diyos? Ibig sabihin, aling mga katotohanan ang dapat ninyong gamitin bilang mga pamantayan ninyo, at anong uri ng buhay ang dapat ninyong ipamuhay nang sa gayon ay hinahangad at isinasagawa ninyo ang katotohanan? Hindi ba’t isa itong bagay na nararapat maunawaan? (Ganoon nga.) Kung gayon, ano ang mga pamantayan ng hinihingi ng mga salita ng Diyos sa pag-uugali ng tao? Maaari ba kayong maghanap ng Kanyang mga salita na nililinaw ito? (Sabi ng mga salita ng Diyos, “Napakarami Kong inaasahan. Umaasa Akong makakikilos kayo sa isang wasto at maayos na paraan, matapat na tutuparin ang inyong tungkulin, magtataglay ng katotohanan at pagkatao, magiging mga tao na matatalikdan ang lahat ng taglay nila at maging ang kanilang mga buhay para sa Diyos, at iba pa. Nagmumula ang lahat ng pag-asang ito sa inyong mga kakulangan at sa inyong katiwalian at pagsuway” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Paglabag ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno).) Ang lahat ng salitang iyon ay mga prinsipyo at hinihingi para sa pag-asal ng tao. Ano ang iba pang salita ng Diyos na nauugnay sa partikular na pagsasagawa? (May isa pang sipi na nagsasabing, “Ang iyong puso ay dapat na maging tahimik sa lahat ng oras at kapag may nakaharap kang isyu, hindi ka dapat mairita at magmatigas o kumilos nang padalus-dalos. Huwag kang maging mapagpanggap o bulaan, kundi matutong manahimik at kumilos ng makatuwiran. Ito ang mga paraan na dapat ipamalas ang normal na pagkatao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Paglutas ng Tiwaling Disposisyon).) Kaunting partikular na pagsasagawa iyan. Iyon ay mga partikular na pagtatakda at hinihingi para sa panlabas na pag-uugali at mga paraan ng tao. Maituturing ba ang mga iyon bilang batayan ng mga salita ng Diyos? Sapat na ba ang pagiging partikular ng mga ito? (Oo.) Basahin ninyong muli ang mga ito. (“Ang iyong puso ay dapat na maging tahimik sa lahat ng oras at kapag may nakaharap kang isyu, hindi ka dapat mairita at magmatigas o kumilos nang padalus-dalos. Huwag kang maging mapagpanggap o bulaan, kundi matutong manahimik at kumilos ng makatuwiran. Ito ang mga paraan na dapat ipamalas ang normal na pagkatao.”) Tandaan ang mga aytem na iyon; ang mga iyon ang mga prinsipyong dapat ninyong itaguyod kapag kumilos kayo sa hinaharap. Sinasabi ng mga ito sa mga tao na dapat silang matutong makatwirang harapin ang mga bagay-bagay sa kanilang mga asal at kilos, at dagdag pa rito, dapat magawa nilang hanapin ang mga prinsipyo ng katotohanan mula sa pundasyon ng pagkilos nang may konsiyensiya at katwiran. Umasal at kumilos nang ganito, at magkakaroon ng mga prinsipyo, pati na landas ng pagsasagawa.

Iyong ilang bagay na pinag-usapan natin: “Kapag may nakaharap kang isyu, hindi ka dapat mairita at magmatigas o kumilos nang padalus-dalos. Huwag kang maging mapagpanggap o bulaan, kundi kumilos ng makatuwiran”—madali bang gawin ang mga bagay na ito? Talagang magagawa ang lahat ng ito matapos ang isang panahon ng pagsasanay. Kung may isang taong tunay na hindi makagawa sa mga ito, ano ang dapat gawin? Magiging ayos lang ito, basta’t gagawin mo lang ang isang bagay, ibig sabihin, kapag nahaharap ka sa isang isyu o nakikisalamuha ka sa iba, kahit papaano, may isang bagay na dapat itaguyod: Dapat kang umasal at kumilos sa paraang magpapatibay sa iba. Ito ang pinakabatayang punto. Kung magsasagawa ka at susunod dito, nang ayon dito at nang ito ang iyong pamantayan, pangunahing hindi ka magdudulot ng anumang malaking pinsala sa iba, hindi ka rin mismo magkakaroon ng anumang malaking kawalan. Umasal ka at kumilos sa paraang magpapatibay sa iba—mayroon bang mga detalye roon? (Oo.) Huwag mong ibatay ang iyong pansariling kasiyahan sa pinsala sa mga interes ng ibang tao; huwag mong itatag ang iyong kaligayahan at kagalakan sa ibabaw ng pagdurusa ng ibang tao. Iyan ang ibig sabihin ng magpatibay. Ano ang pinakabatayang paraan para maunawaan ang pagpapatibay? Nangangahulugan ito na dapat katanggap-tanggap ang pag-uugali mo para sa iba, ayon sa pagsukat ng konsiyensiya at katwiran ng sangkatauhan; umaayon dapat ito sa konsiyensiya at katwiran ng sangkatauhan. Hindi ba’t ang sinumang may normal na pagkatao ay maipamumuhay ito? (Ganoon nga.) Sabihin nang may isang taong nagpapahinga sa silid, at pumasok ka roon, walang pakialam sa paligid mo, at nagsimula kang kumanta at magpatugtog ng musika. Magiging naaangkop ba iyon? (Hindi.) Hindi ba’t pagtatatag iyon ng katuwaan at kasiyahan mo sa ibabaw ng pagdurusa ng iba? (Ganoon nga.) Kung ang isang tao ay nasa gitna ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos o pagbabahagi tungkol sa katotohanan, at kailangan mo lang talakayin sa kanya ang sarili mong mga isyu, may respeto ba iyon sa kanya? Hindi ba’t hindi iyon nakapagpapatibay sa kanya? (Hindi nga.) Ano ang ibig sabihin ng hindi nakapagpapatibay? Kahit papaano, nangangahulugan itong hindi ka marespeto sa iba. Hindi mo dapat antalahin ang pananalita o mga kilos ng iba. Hindi ba’t isang bagay iyon na kayang magawa ng normal na pagkatao? Kung ni hindi mo magawa iyon, wala ka talagang konsiyensiya o katwiran. Makakamit ba ng mga walang konsiyensiya o katwiran ang katotohanan? Hindi nila magagawa iyon. Ang pagsasagawa sa katotohanan ay isang bagay na tanging mga may konsiyensiya at katwiran, kahit papaano, ang makagagawa, at kung hahangarin mo ang katotohanan, kahit papaano ay dapat nakaayon ka sa mga pamantayan ng konsiyensiya at katwiran sa iyong pananalita at mga kilos; dapat katanggap-tanggap ka para sa mga nasa paligid mo, at pumasa sa pamantayan ng lahat. Iyon ang kasasabi pa lang natin: Kahit papaano, hayaang ang iyong mga kilos ay magmukhang disente para sa iba at maging nakapagpapatibay para sa kanila. Ang pagiging nakapagpapatibay ba ay pareho ng pagiging kapaki-pakinabang sa iba? Hindi, sa katunayan—ang maging nakapagpapatibay ay maging kapwa marespeto sa espasyo ng iba, at hindi sila gambalain, antalahin, o panghimasukan; ito ay hindi ang hayaan silang mapinsala o makaramdam ng pagdurusa dahil sa iyong pag-uugali. Iyan ang ibig sabihin ng maging nakapagpapatibay. Paano ninyo ito nauunawaan? Ang pagiging nakapagpapatibay ay hindi tungkol sa kung gaano ka kapaki-pakinabang sa iba; ito ay tungkol sa kanilang kakayahang mapakinabangan ang mga interes at karapatang nararapat na kanila, nang hindi naaabala sa paggamit ng mga ito at napagkakaitan ng mga ito ng iyong pagiging matigas ang ulo at ng iyong hindi wastong pag-uugali. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) May alam na kayo ngayong ilang salita ng Diyos na may kinalaman sa Kanyang mga hinihingi para sa asal at mga kilos ng tao, ngunit sinasabi Ko pa rin sa inyo, ang pinakabatayang bagay ay na dapat nakapagpapatibay ka sa iba sa iyong asal at mga kilos. Iyon ang prinsipyo para sa pagkilos. Naunawaan mo na ba kung ano ang ibig sabihin ng nakapagpapatibay? (Oo.) May ilang hindi iniisip kung napapatibay ba ng kanilang pananalita at kilos ang ibang tao, ngunit sinasabi nilang sila ay mga taong may pinag-aralan at matino. Hindi ba’t panloloko iyon? Ang pagiging nakapagpapatibay sa iba sa asal at kilos—hindi ba’t may aral na dapat matutunan mula roon? Maaaring isa itong pagpapakita ng pag-uugali, ngunit madali ba itong magawa? Kung nauunawaan ng isang tao ang kaunting katotohanan, malalaman niya kung paano kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo, kung paano kumilos sa paraang nakapagpapatibay sa iba, at kung paano kumilos sa paraang kapaki-pakinabang sa iba. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, hindi niya malalaman kung ano ang gagawin; makakikilos lang siya nang umaasa sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon. Hindi kailanman hinahanap ng ilang tao ang katotohanan sa kanilang pang-araw-araw na buhay, anuman ang mangyari sa kanila. Kumikilos lang sila ayon sa kanilang mga kagustuhan, nang walang pakialam kung ano ang nararamdaman ng iba dahil dito. May mga prinsipyo ba sa gayong pagkilos? Dapat magawa ninyong makita kung mayroong mga prinsipyo roon, hindi ba? Lahat kayo ay madalas na nagtitipon at nagbabasa ng mga salita ng Diyos; kung talagang nakauunawa kayo ng kaunting katotohanan, makapagsasagawa kayo at makapag-aasikaso ng ilang gawain ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan. Ano ang nararamdaman mo sa gayong pagsasagawa? Ano ang nararamdaman dito ng iba? Kung pagsisikapan mong damahin iyon, malalaman mo kung anong uri ng pagsasagawa ang nakapagpapatibay sa iba. Karaniwan, kapag may nangyayari sa inyo, anuman ito, hindi ninyo pinag-iisipan ang mga totoong isyu ng kung paano kumilos sa paraang nauugnay sa normal na pagkatao o ang pagsasagawa sa katotohanan. Kaya, kapag may nangyayari sa inyo, kung may magtatanong sa inyo kung anong uri ng pagsasagawa o kilos ang makapagpapatibay sa iba, mahihirapan kayong sumagot, na para bang walang malinaw na landas. Ang lahat ng pinagbabahaginan Ko sa mga pagtitipon ay ang mga problemang ito sa totoong buhay, ngunit kapag nahaharap kayo sa mga ito, hindi kayo kailanman nakasasabay at palaging nabablangko ang isip ninyo. Hindi ba’t may kakulangan dito? (Mayroon nga.) Ano kung gayon ang nakamit ninyo sa inyong pananalig sa Diyos? Ilang doktrina, ilang salawikain. Kayo ay napakasalat at napakakaawa-awa!

Sa isa sa mga tinalakay nating bagay na pinaniniwalaan ng tao sa kanyang mga kuru-kuro na tama at mabuti—pagiging may pinag-aralan at matino—mayroong ilan sa mga partikular na kuru-kuro at imahinasyon ng tao, pati na ilang tradisyonal na paraan ng pag-unawa ng tao sa kanyang pag-uugali. Sa madaling sabi, kung titingnan ngayon ang pagpapakitang ito ng pag-uugali, makikita nating wala itong kaugnayan sa katotohanan o sa tunay na pagkatao. Ito ay dahil napakalayo nito sa katotohanan at hindi maaaring banggitin kasama ng katotohanan, at higit pa roon, ang gayong pag-uugali ay talagang hindi naaayon sa mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos para sa mga pananaw ng tao sa mga tao at bagay, pati na sa kanyang asal at kilos, kung saan ganap itong hindi tugma at walang kaugnayan. Pag-uugali lang ito ng tao. Gaano kahusay man ipinapakita ng tao ang gayong pag-uugali, at gaano kasapat man niya itong isinasagawa, isa lang itong uri ng pag-uugali. Ni hindi ito kwalipikado bilang tunay na normal na pagkatao. Ang pahayag na dapat may pinag-aralan at matino ang isang tao ay paraan lang upang ipresenta ang panlabas na pag-uugali ng tao. Upang maipresenta nang mabuti at mapaganda ang sarili, nagsisikap nang husto ang tao na maging isang taong may pinag-aralan at matino, nang sa gayon ay makuha niya ang paghanga at paggalang ng iba, at mapataas ang kanyang posisyon at halaga sa kanyang grupo. Ngunit sa katunayan, ni hindi umaabot ang gayong pag-uugali sa antas ng moralidad, integridad, at dignidad na dapat taglay ng tunay na tao. Ang pagiging may pinag-aralan at matino ay isang pahayag na nagmumula sa tradisyonal na kultura, at isa itong hanay ng mga pagpapakita ng pag-uugali na isinaayos ng tiwaling sangkatauhan para sa sarili nito bilang isang bagay na pinaniniwalaan nito na dapat itaguyod. Layon ng mga pagpapakitang ito ng pag-uugali na pataasin ang katayuan ng isang tao sa kanyang grupo at pataasin ang kanyang halaga, nang sa gayon ay maaari niyang makuha ang paggalang ng iba at maging pinakamalakas sa lahat, isang taong hindi manganganib na kamuhian o apihin sa kanyang grupo. Wala talagang kinalaman ang panlabas na pag-uugaling ito sa moralidad o kalidad ng pagkatao, ngunit masyadong mataas ang turing dito ng tao at masyado niya itong binibigyan ng halaga. Ikaw mismo ang tumingin kung gaano kalaking panlilinlang ang mayroon doon! Samakatuwid, kung ang kasalukuyan mong paghahangad ay maging isang taong may pinag-aralan at matino, at kinokontrol mo ang iyong pag-uugali, nagsisikap nang husto sa iyong paghahangad at pagsasagawa tungo sa mithiing maging may pinag-aralan at matino, hinihimok kitang itigil ito kaagad. Ang mga gayong pag-uugali at pamamaraan ay magiging dahilan lang para lalo kang magpanggap at gagawin ka lang na mas mapagpaimbabaw, at habang nangyayari iyon, lalo kang malalayo sa pagiging isang matapat na tao, isang simple at bukas na tao. Kapag mas nagsisikap kang maging isang taong may pinag-aralan at matino, mas magpapanggap ka, at kapag mas nagpapanggap ka—kapag mas malalim ang iyong pagpapanggap, mas mahihirapan ang iba na sukatin o unawain ka, at mas malalim na makukubli ang iyong tiwaling disposisyon. Gawin iyon, at magiging napakahirap na makamit ang pagtanggap sa katotohanan at kaligtasan. Kaya, batay sa mga puntong ito, ang daan ba ng paghahangad na maging isang taong may pinag-aralan at matino ay pareho ng daan ng paghahangad sa katotohanan? Ito ba ang wastong paghahangad? (Hindi.) Hindi ba’t mayroong higit pang panlilinlang laban sa iba at sa sarili sa likod ng pag-uugali na pagiging may pinag-aralan at matino, na iba pa sa negatibong diwa at mga negatibong resulta nito? (Mayroon pa.) Ang isang taong may pinag-aralan at matino ay nagtatago sa likod niya ng maraming hindi masabing lihim, at higit pa sa mga iyon, nagtatago siya ng lahat ng uri ng mga maling kaisipan, kuru-kuro, pananaw, saloobin, at ideya na hindi alam ng iba, na nakaririmarim, nakapandidiri, masama, at kamuhi-muhi para sa iba. Sa likod ng mabuting pag-uugali ng isang taong may pinag-aralan at matino, nagkukubli ang kanyang mas tiwaling disposisyon. Ang gayong tao, sa ilalim ng pagkukubli ng pagpapakitang iyon ng pag-uugali, ay walang tapang na harapin ang kanyang tiwaling disposisyon, wala rin siyang kumpiyansang aminin ang kanyang tiwaling disposisyon. Lalong wala siyang tapang at kumpiyansang magtapat tungkol sa kanyang tiwaling disposisyon, kakatwang kaalaman, masasamang kaisipan, layunin, at mithiin—o kahit na maging ang tungkol sa kanyang mga malisyoso at malupit na iniisip. Napakarami niyang itinatago sa likod niya, at walang nakakakita ng mga ito; ang nakikita lang ng mga tao ay ang tinatawag na “mabuting tao” sa harap nila, na mayroong mabuting pag-uugali na pagiging may pinag-aralan at matino. Hindi ba’t isa itong kaso ng panlilinlang? (Ganoon nga.) Ang kabuuan ng pag-uugali, pagganap, paghahangad, at diwa ng taong iyon ay isang kaso ng panlilinlang. Dinadaya niya ang iba, at dinadaya niya ang kanyang sarili. Ano ang pinakakahihinatnan ng gayong tao? Para maging isang taong may pinag-aralan at matino, tinalikdan niya ang Diyos, tinalikuran ang katotohanan, at kinamuhian at tinanggihan ng Diyos. Sa bawat tagong sulok sa likod ng mabuting pag-uugali na pagiging may pinag-aralan at matino, itinatago ng tao ang kanyang mga diskarte at gawi ng pagpapanggap at panlilinlang, at habang ginagawa niya ito, itinatago niya ang kanyang mga disposisyon na mapagmataas, masama, nayayamot sa katotohanan, malupit, at mapagmatigas. Kaya, kapag mas may pinag-aralan at matino ang isang tao, mas mapanlinlang siya, at kapag mas sinisikap ng isang tao na maging taong may pinag-aralan at matino, mas hindi niya minamahal ang katotohanan, at mas isang tao siyang nayayamot sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Sa ngayon, tatapusin natin dito ang ating pagbabahaginan tungkol sa mabuting pag-uugali na pagiging may pinag-aralan at matino.

Ngayon-ngayon lang, pinagbahaginan natin ang tungkol sa isang pahayag tungkol sa mabuting pag-uugali sa tradisyonal na kultura: pagiging may pinag-aralan at matino. Hindi natin isa-isang pagbabahaginan ang tungkol sa ilang iba pa. Bilang isang grupo, ang lahat ng pahayag tungkol sa mabuting pag-uugali ay paraan lang upang ipresenta ang panlabas na pag-uugali at imahe ng tao. “Ipresenta” ay pagsasabi nito sa magandang paraan; sa mas tumpak na pananalita, sa katunayan ay isa itong uri ng pagpapanggap, isang paraan upang gumamit ng pagkukunwari para linlangin ang iba na magkaroon ng magagandang pakiramdam tungkol sa isang tao, upang linlangin silang magkaroon ng mga positibong pagsusuri sa isang tao, upang linlangin silang igalang ang isang tao, samantalang ang madilim na bahagi ng puso ng isang tao, ang kanyang mga tiwaling disposisyon, at ang kanyang tunay na pagkatao ay pawang nakatago at nakabalot nang mabuti. Maaari din nating sabihin ito nang ganito: Ang nakatago sa ilalim ng sinag ng mabubuting pag-uugaling ito ay ang mga tiwaling tunay na pagkatao ng bawat isang miyembro ng tiwaling sangkatauhan. Ang nakatago ay ang bawat isang miyembro ng masamang sangkatauhan na may mapagmataas na disposisyon, mapanlinlang na disposisyon, malupit na disposisyon, at disposisyon ng pagkayamot sa katotohanan. Hindi mahalaga kung ang panlabas na pag-uugali ng isang tao ay may pinag-aralan at matino, o malumanay at pino, o kung siya man ay magiliw, madaling lapitan, mapagpitagan sa matatanda at maalaga sa mga bata, o anumang gayong bagay—alinman sa mga ito ang ipinapakita niya, panlabas na pag-uugali lang ito na nakikita ng iba. Hindi siya nito maaakay tungo sa mabuting pag-uugali hanggang pagkakilala sa kanyang kalikasan at diwa. Bagamat maayos tingnan ang tao sa mga panlabas na pag-uugali ng pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, madaling lapitan, at magiliw, sa puntong ang buong mundo ng tao ay maganda ang impresyon sa kanya, hindi maitatangging talagang umiiral ang mga tiwaling disposisyon ng tao sa ilalim ng pagkakakubli ng mabubuting pag-uugaling ito. Ang pagkayamot ng tao sa katotohanan, ang kanyang paglaban at pagrerebelde sa Diyos, ang kanyang kalikasan at diwa ng pagkayamot sa mga salitang sinasabi ng Lumikha, at ng paglaban sa Lumikha—tunay na umiiral ang mga ito roon. Walang hindi totoo roon. Gaano man kahusay magpanggap ang isang tao, gaano man kapresentable o kaangkop ang kanyang mga pag-uugali, gaano man kabuti o kaganda niya pagmukhain ang kanyang sarili, o gaano man siya kamapanlinlang, hindi maikakaila na bawat tiwaling tao ay puno ng satanikong disposisyon. Sa ilalim ng mga mapagkunwaring panlabas na pag-uugaling ito, lumalaban at naghihimagsik pa rin siya sa Diyos, lumalaban at naghihimagsik sa Lumikha. Siyempre, gamit ang mabubuting pag-uugaling ito bilang pantabing at pangkubli, naglalabas ang sangkatauhan ng mga tiwaling disposisyon bawat araw, bawat oras at sandali, bawat minuto at segundo, sa bawat kaganapan, kung kailan namumuhay sila sa gitna ng mga tiwaling disposisyon at kasalanan. Isa itong hindi mapag-aalinlanganang katunayan. Sa kabila ng mga presentableng pag-uugali, kasiya-siyang salita, at huwad na panlabas ng tao, hindi man lang nabawasan ang kanyang tiwaling disposisyon, ni hindi man lang ito nagbago dahil sa mga panlabas niyang pag-uugaling iyon. Sa kabaligtaran, dahil nakukubli siya ng mga panlabas na mabubuting pag-uugaling ito kaya palaging lumalabas ang kanyang tiwaling disposisyon, at hindi niya kailanman itinigil ang kanyang mga hakbang tungo sa paggawa ng masama at paglaban sa Diyos—at siyempre pa, dahil napangingibabawan siya ng kanyang malulupit at masasamang disposisyon, kaya tuloy-tuloy na lumalawak at lumalago ang kanyang mga ambisyon, pagnanasa, at labis-labis na hinihingi. Sabihin mo sa Akin, nasaan ang taong magalang, magiliw, at madaling lapitan na ang imahe sa buhay at batayan para sa kanyang asal at mga kilos ay positibo at naaayon sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan? Nasaan ang taong may pinag-aralan, matino, malumanay, at pino na nagmamahal sa katotohanan, na handang hanapin sa mga salita ng Diyos ang direksyon at mithiin ng kanyang buhay, na nag-ambag sa kaligtasan ng sangkatauhan? May mahahanap ba kayong ganoong tao? (Wala.) Ang totoo, sa sangkatauhan, kapag mas may kaalaman ang isang tao; kapag mas may pinag-aralan siya; at kapag mas mayroon siyang mga ideya, katayuan, at reputasyon—bagamat maaaring matawag siyang isang taong may pinag-aralan at matino, magiliw, at madaling lapitan—mas maaaring makalinlang ng mga tao ang mga pahayag na isinusulat niya, at mas marami siyang magagawang kasamaan, at mas matindi ang kanyang paglaban sa Diyos. Ang mga may mas mataas na reputasyon at katayuan ay mas lalong nanlilinlang ng iba, at mas matindi ang paglaban sa Diyos. Tingnan sa buong sangkatauhan ang mga sikat na tao nito, mga dakilang tao nito, mga intelektuwal, tagapagturo, manunulat, rebolusyonaryo, politiko, o sinumang gayong luminaryo sa isang larangan—sino sa kanila ang walang pinag-aralan at hindi matino, hindi madaling lapitan, at hindi magiliw? Sino sa kanila ang hindi panlabas na kumilos sa paraang nakakuha ng papuri ng iba at karapat-dapat sa paggalang ng iba? Subalit sa katunayan, ano ang naiambag nila sa sangkatauhan? Naakay ba nila ang sangkatauhan sa tamang landas, o nailigaw ba nila ito? (Nailigaw.) Naakay ba nila ang sangkatauhan sa awtoridad ng Lumikha, o naakay ba nila ito sa paanan ni Satanas? (Sa paanan ni Satanas.) Hinayaan ba nilang makibahagi ang sangkatauhan sa kataas-taasang kapangyarihan, pagtustos, at patnubay ng Lumikha, o hinayaan ba nila itong harapin ang pagyurak, pagmamalupit, at pang-aabuso ni Satanas? Sa lahat ng bayaning personalidad, tanyag, dakila, mataas ang ranggo, pambihira, at makapangyarihang tao sa kasaysayan, alin sa kanilang awtoridad at katayuan ang hindi nakamit mula sa pagpatay sa milyon-milyon? Alin sa kanilang reputasyon ang hindi nakamit mula sa kanilang panlilinlang, pandaraya, at panghihimok sa sangkatauhan? Sa panlabas, mukha silang madaling lapitan sa kanilang pang-araw-araw na pakikisalamuha sa iba, at napakagaan nilang kasama, ipinapantay nila ang kanilang sarili sa iba at magiliw sila sa kanilang pananalita—ngunit ibang-iba ang ginagawa nila kapag walang nakakakita. Nagpapakana ang ilan sa kanila na mambitag ng iba; ang ilan ay nanlalansi upang atakihin at pinsalain ang iba; ang iba ay naghahanap ng mga pagkakataong maghiganti. Karamihan ng mga politiko ay malulupit at mapaminsala sa hindi mabilang na tao. Nakuha nila ang kanilang katayuan at impluwensiya nang nakatapak nang matatag ang kanilang mga paa sa hindi mabilang na ulo ng mga tao at dugo ng mga ito, subalit sa mga pampublikong lugar, ang nakikita ng mga tao ay ang kanilang madaling lapitang postura at magiliw na pag-uugali. Ang nakikita ng mga tao ay ang kanilang pigurang malumanay at pino, may pinag-aralan at matino, at banayad. Sa panlabas, sila ay magalang at malumanay at pino, ngunit sa likod niyon, pumapatay sila ng hindi mabilang na tao, sumusunggab ng mga ari-arian ng hindi mabilang na tao, pinangingibabawan at pinaglalaruan ang hindi mabilang na tao. Sinasabi nila ang bawat magandang salita at ginagawa ang bawat masamang bagay, at walang kahihiyan, walang pakundangan, nagsesermon sila mula sa kanilang entablado, tinuturuan ang iba kung paano maging mga taong madaling lapitan, may pinag-aralan at matino, kung paano maging mga taong nag-aambag sa bansa at sangkatauhan, kung paano maglilingkod sa mga tao at maging mga tagapaglingkod ng publiko, kung paano ilalaan ang sarili ng mga ito sa bansa. Hindi ba’t kawalang kahihiyan iyon? Sila ay mga mapangahas at suwapang! Sa madaling salita, ang pagiging isang taong may mabuting pag-uugali na tumatalima sa tradisyunal na mga kuru-kuro ng moralidad ay hindi paghahangad sa katotohanan; hindi ito paghahangad na maging tunay na nilalang. Bagkus, maraming madilim at di-mababanggit na lihim ang nakatago sa likod ng paghahangad sa mabubuting pag-uugaling ito. Anumang uri ng mabuting pag-uugali ang hinahangad ng tao, ang mithiin sa likod nito ay walang iba kundi para makuha ang pagmamahal at paggalang ng mas maraming tao, para mapataas ang sarili niyang katayuan, at para isipin ng mga tao na kagalang-galang siya at karapat-dapat sa tiwala at atas. Kung hahangarin mong maging taong gayon kabuti ang pag-uugali, hindi ba’t ganito rin ang katangian ng mga tanyag at dakila? Kung isa kang taong may mabuting pag-uugali lamang, ngunit hindi minamahal ang salita ng Diyos at hindi tinatanggap ang katotohanan, magkapareho lamang kayo ng katangian. At ano ang resulta? Ang natalikuran mo ay ang katotohanan; ang nawala sa iyo ay ang pagkakataon mong maligtas. Ito ang pinakahangal na pag-uugali—ito ay pasya at hangarin ng isang hangal. Pinangarap na ba ninyo na kayo ay maging dakila, tanyag, kahanga-hangang tao sa entablado, na napakatagal na ninyong hinahangaan? Ang taong iyon na magiliw at madaling lapitan? Ang taong iyon na magalang, malumanay at pino, may pinag-aralan at matino? Ang taong iyon na sa tingin ay mukhang palakaibigan at kaibig-ibig? Nakasunod at nakasamba na ba kayo dati sa mga taong katulad nito? (Oo.) Kung sumusunod ka pa rin sa mga taong katulad nito ngayon, iniidolo pa rin ang mga taong katulad nito, sinasabi Ko sa iyo: Hindi ka nalalayo sa kamatayan, dahil ang mga taong iniidolo mo ay masasamang taong nagkukunwaring mabubuti. Hindi ililigtas ng Diyos ang masasamang tao. Kung iniidolo mo ang masasamang tao at hindi mo tinatanggap ang katotohanan, sa huli ay pupuksain ka rin.

And diwa sa likod ng “magandang” pag-uugali tulad ng pagiging madaling lapitan at mabait ay mailalarawan sa isang salita: pagpapanggap. Ang gayong “magandang” pag-uugali ay hindi nagmumula sa mga salita ng Diyos, ni resulta ng pagsasagawa ng katotohanan o pagkilos ayon sa prinsipyo. Ano ang nagbubunga nito? Nagmumula ito sa mga motibo at pakana ng mga tao, mula sa kanilang pagpapanggap, pagkukunwari, panlilinlang. Kapag kumakapit ang mga tao sa “magagandang” pag-uugaling ito, ang layon ay makuha ang mga bagay na gusto nila; kung hindi, hinding-hindi nila iaagrabyado ang sarili nila sa ganitong paraan, at hinding-hindi sila mamumuhay nang salungat sa sarili nilang mga pagnanasa. Ano ang ibig sabihin ng mamuhay nang salungat sa sarili nilang mga pagnanasa? Ito ay na ang tunay nilang kalikasan ay hindi katulad ng inaakala ng mga tao na maganda ang ugali, matapat, malumanay, mabait, at mabuti. Hindi sila nabubuhay ayon sa konsensya at katinuan; sa halip, nabubuhay sila upang makamtan ang isang partikular na layon o pangangailangan. Ano ang tunay na kalikasan ng isang tao? Ito ay pagiging lito at mangmang. Kung wala ang mga batas at kautusang ipinagkaloob ng Diyos, wala sanang ideya ang mga tao kung ano ang kasalanan. Hindi ba ganito dati ang sangkatauhan? Nang magpalabas ang Diyos ng mga batas at kautusan, saka lamang nagkaroon ang mga tao ng kaunting pagkaunawa sa kasalanan. Ngunit wala pa rin silang konsepto ng tama at mali, o ng mga positibo at negatibong bagay. At, kung ganito ang sitwasyon, paano nila mababatid ang mga tamang prinsipyo sa pagsasalita at pagkilos? Kaya ba nilang malaman kung aling mga paraan ng pagkilos, aling magagandang pag-uugali, ang dapat makita sa normal na pagkatao? Kaya ba nilang malaman kung ano ang nagbubunga ng tunay na magandang pag-uugali, anong uri ng paraan ang dapat nilang sundin para maisabuhay ang wangis ng isang tao? Hindi nila kaya. Dahil sa satanikong kalikasan ng mga tao, dahil sa kanilang likas na gawi, kaya lamang nilang magpanggap at magkunwari na namumuhay sila nang disente, at may dignidad—na siyang nagpasimula ng mga panlilinlang na tulad ng pagiging pino at matino, mahinahong kumilos, magalang, iginagalang ang matatanda at inaalagaan ang mga bata, at pagiging mabait at madaling lapitan; sa gayon ay lumitaw ang mga panlalansi at paraang ito ng panlilinlang. At nang lumitaw ang mga ito, piniling kumapit ng mga tao sa isa o dalawa sa mga panlilinlang na ito. Ang ilan ay piniling maging mabait at madaling lapitan, ang ilan ay piniling maging pino at matino at mahinahon, ang ilan ay piniling maging magalang, na igalang ang matatanda at alagaan ang mga bata, ang ilan ay piniling maging lahat ng bagay na ito. Subalit iisa ang tawag Ko sa mga taong may gayong “magagandang” pag-uugali. Anong katawagan iyon? “Makikinis na bato.” Ano ang makikinis na bato? Iyon ang makikinis na bato sa gilid ng ilog na nakiskis at napakintab ng umaagos na tubig sa loob ng maraming taon kaya wala nang anumang matatalim na gilid. At kahit maaaring hindi masakit tapakan ang mga iyon, maaaring madulas doon ang mga tao kung hindi sila mag-iingat. Sa anyo at hugis, napakagaganda ng mga batong ito, ngunit kapag naiuwi na ninyo ang mga ito, medyo walang silbi ang mga ito. Hindi ninyo maaatim na itapon ang mga ito, ngunit wala rin namang dahilan para itago ang mga ito—at ganyan ang “makinis na bato.” Para sa Akin, ang mga taong may ganitong mukhang magagandang pag-uugali ay nakalulunos. Nagkukunwari silang mabuti sa panlabas, ngunit hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan, nagsasabi sila ng mga bagay na masarap pakinggan, ngunit hindi sila gumagawa ng anumang tunay. Sila ay walang iba kundi makikinis na bato. Kung magbabahagi ka sa kanila tungkol sa katotohanan at sa mga prinsipyo, kakausapin ka nila tungkol sa pagiging mahinahon at magalang. Kung kakausapin mo sila tungkol sa pagkilatis sa mga anticristo, kakausapin ka nila tungkol sa pagrespeto sa matatanda at pag-aalaga sa mga bata, at pagiging pino at makatwiran. Kung sasabihin mo sa kanila na kailangang mayroong mga prinsipyo sa asal ng isang tao, na kailangang hanapin ng isang tao ang mga prinsipyo sa kanyang tungkulin at hindi mapagmatigas na kumilos, ano ang magiging saloobin nila? Sasabihin nila, “Ibang usapin ang pagkilos alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan. Gusto ko lang namang maging pino at makatwiran, at sang-ayunan ng iba ang mga kilos ko. Basta’t nirerespeto ko ang matatanda at inaalagaan ang mga bata, at sinasang-ayunan ako ng iba, sapat na iyon.” Interesado lang sila sa mabubuting pag-uugali, hindi sila tumutuon sa katotohanan. Sa pangkalahatan ay nagagawa nilang ipagpitagan ang matatanda, ang kanilang mga nakatatanda, iyong mga may kwalipikasyon, iyong mga may magandang katayuan ng moralidad at reputasyon sa grupo, habang inaalagaan din nang mahusay at mapagmahal ang mga komunidad ng mga bata at mahina. Mahigpit nilang itinataguyod ang panlipunang tuntunin na pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata upang ipakitang marangal sila. Gayunpaman, hindi maitatanggi na kapag nagkasalungat ang kanilang mga interes at ang tuntuning iyon, isasantabi nila ang tuntuning iyon at poprotektahan ang kanilang mga interes nang ura-urada at hindi "pinagdurusahan" ang mga pagpigil ng sinuman. Bagamat ang kanilang mabuting pag-uugali ay umaani ng pagsang-ayon ng lahat ng nakahaharap nila, ng kakilala nila, o pamilyar sa kanila, ang hindi maikakaila ay kahit na ginagawa nila ang mabubuting pag-uugaling ito na pinupuri ng iba, hindi sila nagtatamo ng kahit kaunting kawalan sa kanilang mga sariling interes, at ipinaglalaban nila ang kanilang mga interes sa anumang paraang kinakailangan, nang hindi "pinagdurusahan " ang mga pagpigil ng sinuman. Ang kanilang pagpipitagan para sa matatanda at pangangalaga sa mga bata ay pansamantalang pag-uugali lang, binuo sa pundasyon ng hindi pagsagabal sa kanilang mga sariling interes. Limitado ang saklaw nito sa isang paraan ng pag-asal. Kaya nila itong gawin, sa mga sitwasyon kung saan hindi talaga nito naaapektuhan o nalalabag ang kanilang mga interes, ngunit kapag nasa unahan ang kanilang mga interes, iyon ang mga ipaglalaban nila sa huli. Kaya sa katunayan, ang kanilang pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata ay hindi nakasasagabal sa kanilang paghahangad sa kanilang mga interes, hindi rin nito napipigilan ang paghahangad na iyon. Ang pag-uugaling pagpipitagan sa matatanda at pangangalaga sa mga bata ay isang mabuting pag-uugali na nagagawa lang ng mga tao sa ilang partikular na sitwasyon, sa kondisyong hindi ito nakasasagabal sa kanilang mga interes. Hindi ito isang bagay na nagmumula sa loob ng buhay ng isang tao, sa kanyang mga buto. Gaano man naisasagawa ng isang tao ang gayong pag-uugali, gaano katagal man siyang nakapagpapatuloy, hindi nito mababago ang mga tiwaling disposisyon kung saan dumedepende ang tao para mabuhay. Nangangahulugan itong bagamat ang isang tao ay maaaring hindi taglay ang mabuting pag-uugaling ito, naglalabas pa rin siya ng mga tiwaling disposisyon—subalit kapag nagkaroon na siya ng mabuting pag-uugaling ito, hindi bumubuti o nababawasan kahit kaunti ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Sa kabaligtaran, palalim nang palalim niyang itinatago ang mga ito. Ang mga ito ay mahahalagang bagay na nakatago sa likod ng gayong mabubuting pag-uugali.

Iyon na lahat para sa ating pagbabahaginan at pagsusuri ng mabubuting pag-uugali ng tradisyonal na kultura na pagiging malumanay at pino, magalang, mapagpitagan sa matatanda at maalaga sa mga bata, magiliw, at madaling lapitan. Ang mga ito ay katulad ng pagiging may pinag-aralan at matino, at halos pareho sa diwa. Hindi matibay ang mga ito. Dapat na bitiwan ng mga tao ang mabubuting pag-uugaling ito. Ang dapat pagsumikapan ng mga tao na makamtan nang husto ay ang gawin nilang batayan ang mga salita ng Diyos, at gawing pamantayan ang katotohanan; saka lamang sila makakapamuhay sa liwanag at mabubuhay na katulad ng isang normal na tao. Kung nais mong mabuhay sa liwanag, dapat kang kumilos ayon sa katotohanan; kung magiging matapat ka, dapat kang mangusap ng matatapat na salita, at gumawa ng matatapat na bagay. Sa mga prinsipyo ng katotohanan lamang dapat ibatay ang iyong pag-uugali; kapag nawala sa mga tao ang mga prinsipyo ng katotohanan, at nagtuon lamang sila sa magandang pag-uugali, hindi maiiwasang magpasimula ito ng panloloko at pagpapanggap. Kung walang prinsipyo sa pag-uugali ng mga tao, gaano man kaganda ang kanilang asal, mga mapagpaimbabaw sila; maaari nilang maloko sandali ang iba, ngunit hinding-hindi sila magiging katiwa-tiwala. Kapag kumilos at umasal ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, saka lamang sila magkakaroon ng tunay na pundasyon. Kung hindi sila umaasal ayon sa mga salita ng Diyos, at tumutuon lamang sila sa pagpapanggap na kumikilos sila nang maayos, magiging mabubuting tao ba sila dahil dito? Talagang hindi. Ang magandang pag-uugali ay hindi mababago ang diwa ng mga tao. Tanging ang katotohanan at mga salita ng Diyos ang maaaring magpabago sa mga disposisyon, kaisipan, at opinyon ng mga tao, at maaaring maging buhay nila.Ang iba’t ibang mabubuting pag-uugaling pinaniniwalaan ng tao, sa kanyang tradisyonal na kultura at kanyang mga kuru-kuro, na maaaring magpabago sa mga ito, tulad ng pagiging may pinag-aralan at matino, malumanay at pino, magalang, mapagpitagan sa matatanda at maalaga sa mga bata, pagiging magiliw, at pagiging madaling lapitan, ay mga pag-uugali lang. Ang mga ito ay hindi ang buhay, lalong hindi ang katotohanan. Ang tradisyonal na kultura ay hindi ang katotohanan, gayundin ang anuman sa mabubuting pag-uugaling isinusulong nito. Gaano mang tradisyonal na kultura ang nauunawaan ng tao at gaano man karaming mabubuting pag-uugali ang ipinamumuhay niya sa kanyang buhay, hindi nito mababago ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Kaya, sa loob ng libo-libong taon, nakintalan ang sangkatauhan ng tradisyonal na kultura, at hindi talaga nagbago ang tiwaling disposisyon nito; sa halip, lalong lumalim ang katiwalian nito, at lalong dumilim at sumama ang mundo. Direkta itong nauugnay sa edukasyon ng tradisyonal na kultura. Maipamumuhay lang ng mga tao ang kanilang buhay bilang mga tunay na tao sa pamamagitan ng pagturing sa mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay. Hindi ito mapag-aalinlanganan. Kaya, anong uri ng mga sukatan at hinihingi ang itinatakda ng mga salita ng Diyos para sa pag-uugali ng tao? Bukod sa kung ano ang itinakda sa mga batas at kautusan, nariyan din ang mga hinihingi ng Panginoong Jesus para sa pag-uugali ng tao, lalo na ang mga hinihingi at tuntunin para sa tao ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Ang mga ito ang pinakamahahalagang salita sa lahat, kung ang sangkatauhan ang tatanungin, at ang mga ito ang mga pinakabatayang prinsipyo para sa pag-asal nito. Dapat ninyong hanapin ang mga pinakabatayang pamantayan ng pag-uugali para sa inyong pag-asal at pagkilos sa mga salita ng Diyos. Kapag ginawa ninyo ito, maiwawaksi ninyo sa inyong sarili ang maling patnubay at panlilinlang ng mabubuting pag-uugali ng tradisyonal na kulturang Tsino. Pagkatapos ay mahahanap na ninyo ang landas at mga prinsipyo para sa pag-asal at pagkilos, na nangangahulugan ding mahahanap na ninyo ang landas at mga prinsipyo ng kaligtasan. Kung ituturing ninyo ang mga kasalukuyang salita ng Diyos bilang inyong batayan at ang katotohanang pinagbabahaginan ngayon bilang inyong pamantayan, at gagamitin ninyo ang mga ito upang palitan ang mga pamantayang iyon para sa mabuting pag-uugali, na mayroon ang sangkatauhan sa mga kuru-kuro nito, kung gayon ay isa kang taong naghahangad sa katotohanan. Sa lahat ng pagkakataon, ang mga hinihingi ng Diyos sa tao ay tungkol sa kung anong uri ng tao siya dapat at kung anong daan ang dapat niyang tahakin. Hindi Niya kailanman hinihingi na dapat magtaglay ang tao ng ilang pag-uugali nang nakahiwalay. Hinihingi Niya na ang mga tao ay maging matatapat na tao, hindi mga mapanlinlang; hinihingi Niyang tanggapin at hangarin ng tao ang katotohanan, at maging matapat sa Kanya, at mapagpasakop, at magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailanman hiningi na ang tao ay magkaroon lang ng ilang mabubuting pag-uugali, na magiging ayos na iyon nang iyon lang. Subalit ang tradisyonal na kultura ng Tsina ay pinatuon lang ang tao sa mabuting pag-uugali, sa pagkakaroon ng mabubuting panlabas na pagpapakita. Wala talaga itong ginawa upang mabigyang liwanag kung ano ang mga tiwaling disposisyon ng tao o kung saan nagmumula ang kanyang katiwalian, lalong wala itong kakayahang tukuyin ang landas kung saan iwawaksi ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Samakatuwid, gaano man maaaring isulong ng tradisyonal na kultura ang anumang mabubuting pag-uugali na dapat taglayin ng tao, pagdating sa pagwawaksi ng sangkatauhan sa mga tiwaling disposisyon nito at pamumuhay ng kanilang buhay bilang mga tunay na tao, hindi ito epektibo. Gaano man karangal o kahali-halina ang mga pahayag nito tungkol sa moralidad, wala itong magagawa upang baguhin ang tiwaling diwa ng sangkatauhan. Sa ilalim ng pagkikintal at impluwensiya ng tradisyonal na kultura, maraming hindi namamalayang bagay ang nangyari sa tiwaling sangkatauhan. Ano ang ibig sabihin ng “hindi namamalayan” dito? Nangangahulugan ito na kapag ang tao ay hindi halatang nakintalan at nahawahan ng tradisyonal na kultura, sa kawalan ng anumang malinaw na salita, pahayag, tuntunin, o kaalaman kung paano kumilos nang naaangkop, kusa niyang isinasagawa at sinusunod ang mga nakasanayang ideya at pamamaraan ng mga tao. Sa pamumuhay sa mga gayong sitwasyon, sa gayong kondisyon, gaya ng lahat ng tao, walang kamukat-mukat niyang naiisip, sa walang malay na bahagi ng kanyang isip, “Maganda ang pagiging may pinag-aralan at matino—positibo ito, at naaayon ito sa katotohanan; maganda ang pagiging malumanay at pino—nararapat na ganito ang mga tao, gusto ito ng Diyos, at naaayon ito sa katotohanan; ang pagiging magalang, mapagpitagan sa matatanda at maalaga sa mga bata, magiliw, at madaling lapitan ay pawang mga pagpapakita na mula sa normal na pagkatao—naaayon ang mga ito sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan.” Sa kabila ng hindi pagkakita ng malinaw na batayan sa mga salita ng Diyos, nadarama niya sa kanyang puso na ang mga salita ng Diyos at mga hinihingi Niya sa tao at ang mga hinihinging pamantayan ng tradisyonal na kultura ay halos pareho, nang walang malaking pagkakaiba sa pagitan ng mga ito. Hindi ba’t pagbabaluktot at maling pagpapakahulugan ito ng mga salita ng Diyos? May sinabi bang mga gayong bagay ang mga salita ng Diyos? Walang sinabi ang mga ito, at hindi rin Niya kalooban ang mga ito; ang mga bagay na iyon ay mga pagbabaluktot at maling pagpapakahulugan ng tao sa mga salita ng Diyos. Hindi kailanman sinabi ng mga salita ng Diyos ang mga bagay na ito, kaya ang dapat ninyong gawin, sa ilalim ng anumang sitwasyon, ay huwag mag-isip sa mga tuntuning iyon. Dapat ninyong basahin nang detalyado ang mga salita ng Diyos at hanapin ang mga mismong kinakailangan sa pag-uugali na hinihingi ng Kanyang mga salita sa tao, pagkatapos ay maghanap ng ilan pang sipi ng Kanyang mga salita, tipunin ang mga ito, at magbasa nang padasal at magbahagi tungkol sa mga ito nang pinagsama-sama. Kapag mayroon na kayong kaalaman tungkol sa mga ito, iyon ang panahon kung kailan isasagawa at dadanasin ninyo ang mga ito. Dadalhin nito ang mga salita ng Diyos sa inyong tunay na buhay, kung saan magiging batayan ang mga ito para sa inyong mga pagtingin sa mga tao at bagay, pati na sa inyong asal at mga kilos. Ano ba dapat ang batayan ng pananalita at mga pagkilos ng mga tao? Mga salita ng Diyos. Kung gayon, ano ang mga hinihingi at pamantayan ng Diyos para sa pananalita ng mga tao? (Na dapat makatulong ito sa mga tao.) Tama iyan. Ang pinakamahalaga, dapat sabihin mo ang totoo, magsalita ka nang matapat, at maging kapaki-pakinabang sa iba. Kahit paano, ang pananalita ay dapat nakakapagpalinaw sa mga tao, at hindi niloloko, pinagtatawanan, inililigaw, tinutudyo, iniinsulto, hinihigpitan, sinasaktan, inilalantad ang mga kahinaan ng mga tao, o tinutuya ang mga tao. Ito ang pagpapahayag ng normal na pagkatao. Ito ang kabutihan ng pagkatao.Sinabi ba sa iyo ng Diyos kung gaano kalakas magsalita? Hiningi ba Niya na gumamit ka ng pamantayang wika? Hiningi ba Niya na gumamit ka ng mabulaklak na retorika o isang matayog at pinong istilo ng lingguwistika? (Hindi.) Wala ni katiting ng anuman sa mga mababaw, mapagpaimbabaw, huwad, at walang halagang bagay na iyon. Ang lahat ng hinihingi ng Diyos ay mga bagay na dapat taglay ng normal na pagkatao, mga pamantayan at prinsipyo para sa wika at pag-uugali ng tao. Hindi mahalaga kung saan ipinanganak ang isang tao o kung anong wika ang kanyang sinasalita. Ano’t anuman, ang mga salitang sinasabi mo—ang pagkamabulaklak at nilalaman ng mga ito—ay dapat na nakapagpapatibay sa iba. Ano ang ibig sabihin para maging nakapagpapatibay ang mga ito? Ibig sabihin nito, pagkarinig sa mga ito, nadarama ng iba na totoo ang mga ito, at nakakukuha sila ng pagtustos at tulong mula sa mga ito, at nauunawaan nila ang katotohanan, at hindi na sila nalilito, o madaling nalilinlang ng iba. Hinihingi ng Diyos na sabihin ng mga tao ang totoo, sabihin ang iniisip nila, at hindi niloloko, pinagtatawanan, inililigaw, tinutudyo, iniinsulto, hinihigpitan, sinasaktan, inilalantad ang mga kahinaan ng mga tao, o tinutuya ang mga tao. Hindi ba’t mga prinsipyo ng pananalita ang mga ito? Ano ang ibig sabihin ng hindi dapat ilantad ng isang tao ang mga kahinaan ng mga tao? Ang ibig sabihin nito ay huwag dungisan ang ibang mga tao. Huwag kumapit sa kanilang nakaraang mga pagkakamali o pagkukulang para husgahan o kondenahin sila. Ito ang pinakamaliit na bagay na dapat mong gawin. Sa maagap na banda, paano ipinapahayag ang nakakatulong na pananalita? Ito ay pangunahing nanghihikayat, nagtuturo, gumagabay, nagpapayo, umuunawa, at nagpapanatag. Isa pa, sa ilang natatanging pagkakataon, kinakailangan na direktang ibunyag ang mga kamalian ng ibang tao at iwasto at tabasan sila, upang magtamo sila ng kaalaman sa katotohanan at kagustuhang magsisi. Saka lang makakamtan ang nararapat na epekto. Ang ganitong paraan ng pagsasagawa ay tunay na kapaki-pakinabang sa mga tao. Tunay na tulong ito sa kanila, at mapakikinabangan nila ito, hindi ba? Sabihin natin, halimbawa, na napakasutil at napakayabang mo. Hindi mo ito namalayan kahit kailan, ngunit lumitaw ang isang taong lubos na nakakakilala sa iyo at sinabi niya sa iyo ang problema. Iniisip mo sa sarili mo, “Sutil ba ako? Mayabang ba ako? Wala nang ibang nangahas na sabihin iyon sa akin, ngunit nauunawaan niya ako. Kung nasabi niya ang gayong bagay, nagpapahiwatig iyon na talagang totoo iyon. Kailangan kong gumugol ng kaunting panahon para pagnilayan ito.” Pagkatapos niyon sasabihin mo sa taong iyon, “Magagandang bagay lamang ang sinasabi ng ibang mga tao sa akin, pinupuri nila ako nang husto, walang sinumang nakikipag-usap sa akin nang masinsinan kahit kailan, wala pang sinumang bumanggit ng mga pagkukulang at isyung ito sa akin. Ikaw lamang ang nakapagsabi niyon sa akin, na kumausap sa akin nang masinsinan. Napakagaling niyon, napakalaking tulong sa akin.” Pag-uusap ito nang puso-sa-puso, hindi ba? Paunti-unti, sinabi sa iyo ng taong iyon ang nasa isip niya, ang mga naiisip niya tungkol sa iyo, at ang kanyang mga karanasan kung paano siya nagkaroon ng mga kuru-kuro, imahinasyon, pagkanegatibo at kahinaan tungkol sa bagay na ito, at nagawang takasan iyon sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Ito ay pag-uusap nang puso-sa-puso, ito ay pagniniig ng mga kaluluwa. At ano, sa kabuuan, ang prinsipyo sa likod ng pagsasalita? Ito iyon: sabihin ang nasa puso mo, at banggitin ang mga tunay na karanasan mo at kung ano talaga ang iniisip mo. Ang mga salitang ito ang may pinakamalaking pakinabang sa mga tao, tinutustusan ng mga ito ang mga tao, tinutulungan sila ng mga ito, positibo ang mga ito. Tumangging sambitin ang mga pekeng salitang iyon, ang mga salitang iyon na walang pakinabang o hindi nagpapatibay sa mga tao; maiiwasan nitong mapinsala sila o matisod sila, na magsasadlak sa kanila sa pagkanegatibo at magkakaroon ng negatibong epekto. Dapat kang magsalita ng mga positibong bagay. Dapat kang magsumikap na tulungan ang mga tao hangga’t kaya mo, para makinabang sila, para matustusan sila, para magkaroon sila ng tunay na pananampalataya sa Diyos; at dapat mong tulutan ang mga tao na matulungan, at makinabang nang husto, mula sa iyong mga karanasan sa mga salita ng Diyos at sa paraan ng paglutas mo ng mga problema, at magawang maunawaan ang landas ng pagdanas ng gawain ng Diyos at pagpasok sa realidad ng katotohanan, na magtutulot sa kanila na makapasok sa buhay at magpapaunlad sa kanilang buhay—na pawang epekto ng pagkakaroon ng mga prinsipyo sa iyong mga salita, at pagpapatibay nito sa mga tao. Bukod dito, kapag nagsasama-sama ang mga tao para magtsismisan at maghagikhikan, hindi iyon maprinsipyo. Ang inilalabas lamang nila ay ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Hindi ito batay sa mga salita ng Diyos, at hindi nila itinataguyod ang mga prinsipyo ng katotohanan. Ang lahat ng ito ay mga pilosopiya ng tao para sa pamumuhay—namumuhay sila ayon sa kung paano sila minamanipula ng kanilang mga tiwaling disposisyon.

Hinihingi ng Diyos na maging maprinsipyo at nakapagpapatibay sa iba ang tao sa kanyang pananalita. Mayroon ba itong anumang kinalaman sa panlabas na mabubuting pag-uugaling iyon ng tao? (Wala.) Wala talaga itong kinalaman sa mga iyon. Sabihin nang hindi ka dominante sa iba o huwad at mapanlinlang sa iyong pananalita, at nagagawa mo ring hikayatin, gabayan, at paginhawahin ang iba. Kung pareho mong nagagawa ang mga bagay na ito, kinakailangan pa bang gawin mo ang mga ito nang may saloobing madaling lapitan? Dapat mo bang isakatuparan ang pagiging madaling lapitan? Magagawa mo lang ba ang mga bagay na iyon sa loob ng balangkas ng pag-uugali ng mga gayong panlabas na pagiging magalang, malumanay, at pino? Hindi na kinakailangan. Ang paunang kondisyon para maging nakapagpapatibay sa iba ang iyong pananalita ay na batay ito sa mga salita ng Diyos at sa Kanyang mga hinihingi—na batay ito sa katotohanan, sa halip na sa mabubuting pag-uugaling nabuo sa gitna ng tradisyonal na kultura. Kapag maprinsipyo na at nakapagpapatibay na sa iba ang iyong pananalita, maaari kang magsalita nang nakaupo, o maaari kang magsalita nang nakatayo; maaari kang magsalita nang malakas ang boses, o nang mahina ang boses; maaari kang magsalita gamit ang malulumanay na salita, o gamit ang malulupit na salita. Basta’t positibo ang resulta sa huli, na natupad mo ang iyong responsabilidad at nakinabang ang kabilang partido, kung gayon ay naaayon ito sa mga prinsipyo ng katotohanan. Kung ang hinahangad mo ay ang katotohanan, at ang isinasagawa mo ay ang katotohanan, at ang batayan ng iyong mga pananalita at kilos ay ang mga salita ng Diyos, makikinabang at magkakamit ang iba sa iyong maprinsipyong pananalita at mga kilos. Hindi ba pareho kayong makikinabang doon? Kung sa pamumuhay na napipigilan ng pag-iisip sa tradisyunal na kultura, nagpapanggap ka habang gayon din ang ginagawa ng iba, at nagpapakita ka ng magagandang pag-uugali habang yumuyukod sila at tumatango, bawat isa ay nagpapanggap sa isa pa, walang sinuman sa inyo ang mabuti. Buong araw kayong yumuyukod at tumatango at nagpapakitaan ng magagandang pag-uugali, nang walang sinasabing katotohanan, mabubuting pag-uugali lamang ang kinakatawan sa buhay gaya ng itinataguyod ng tradisyunal na kultura. Bagama’t nakasanayan na ang gayong pag-uugali kung titingnan, puro pagpapaimbabaw iyon, pag-uugaling nanlalansi at nandaraya sa iba, pag-uugaling nililinlang at nilalansi ang mga tao, nang walang taos-pusong salitang maririnig. Kung makikipagkaibigan ka sa gayong tao, malamang na malilinlang at malalansi ka sa huli. Walang makakamit na anumang magpapasigla sa iyo mula sa kanyang mabuting pag-uugali. Ang maituturo lang nito sa iyo ay kasinungalingan at panlalansi: Nilalansi mo sila, nilalansi ka nila. Ang madarama mo sa huli ay matinding pagkainsulto ng iyong integridad at dignidad, na kakailanganin mo na lang tiisin. Kakailanganin mo pa ring magpakita ng kagandahang-loob, edukadong paggalang, nang hindi nakikipagtalo sa iba o humihingi ng sobra-sobra sa kanila. Kakailanganin mo pa ring magpasensya at magparaya, nagkukunwaring kalmado at mapagbigay nang may maningning na ngiti. Ilang taon ng mapagsumikap na pagsasanay ang kailangan para makamtan ang gayong kondisyon? Kung pipilitin mo ang sarili mo na mamuhay nang ganito sa harap ng iba, hindi ka ba mapapagod sa buhay mo? Ang magkunwaring napakalaki ng iyong pagmamahal, kahit alam na alam mo namang wala ka noon—hindi madali ang gayong pagpapaimbabaw! Lalo mong madarama ang kapaguran ng pag-asal sa ganitong paraan bilang isang tao; mas gugustuhin mo pang maisilang bilang isang baka o kabayo, isang baboy o aso sa susunod mong buhay kaysa isang tao. Masyado silang huwad at masama para sa iyo.Bakit ba namumuhay ang tao sa paraang lubos na nakapapagod sa kanya? Dahil namumuhay siya sa gitna ng mga tradisyonal na kuru-kuro, na pumipigil at gumagapos sa kanya. Dahil umaasa siya sa kanyang tiwaling disposisyon, namumuhay siya sa kasalanan, kung saan hindi niya maialis ang kanyang sarili. Wala siyang paraan para makawala. Hindi wangis ng tunay na tao ang kanyang isinasabuhay. Sa pagitan ng mga tao, hindi makaririnig o makatatamo ang isang tao ng kahit isang salita ng batayang sinseridad, kahit sa pagitan ng mag-asawa, mag-ina, mag-ama, mga taong pinakamalapit sa isa’t isa—walang taos-pusong salitang maririnig, walang mainit na salita o salitang maaaring mapagkuhaan ng kaginhawahan ng iba. Kaya, ano ang silbi ng panlabas na mabubuting pag-uugaling ito? Nagsisilbi ang mga ito na pansamantalang nagpapanatili ng normal na distansya at mga normal na relasyon sa pagitan ng mga tao. Subalit sa likod ng mabubuting pag-uugaling ito, walang nangangahas na malalim na makipag-ugnayan sa sinupaman, na sa huli ay ibinuod ng sangkatauhan sa pariralang: “Nagdudulot ng kagandahan ang distansya.” Inilalantad nito ang tunay na kalikasan ng sangkatauhan, hindi ba? Paanong nagdudulot ng kagandahan ang distansya? Sa huwad at masamang realidad ng gayong buhay, namumuhay ang tao sa patuloy na tumitinding kalungkutan, pag-iisa, depresyon, pagpupuyos, at kawalang-kasiyahan, nang walang landas pasulong. Ito ang tunay na kondisyon ng mga hindi mananampalataya. Gayunpaman, nananampalataya ka sa Diyos ngayon. Pumunta ka sa sambahayan ng Diyos at tinanggap ang pagtustos ng Kanyang mga salita, at madalas kang nakikinig sa mga sermon. Subalit sa iyong puso, gusto mo pa rin ang mabubuting pag-uugaling isinusulong ng tradisyonal na kultura. Pinatutunayan nito ang isang bagay: Hindi mo nauunawaan ang katotohanan at wala kang realidad. Sa buhay mo ngayon, bakit lubos ka pa ring nalulumbay, nalulungkot, kahabag-habag, at nangmamaliit ng sarili? Ang dahilan lang para dito ay na hindi mo tinatanggap ang katotohanan at hindi ka talaga nagbago. Sa madaling salita, hindi mo tinitingnan ang mga tao at bagay, at hindi ka umaasal at kumikilos, nang ayon sa mga salita ng Diyos, o na ang pamantayan mo ay ang katotohanan. Namumuhay ka pa rin nang umaasa sa mga tiwaling disposisyon at tradisyonal na kultura. Iyon ang dahilan kaya napakalungkot pa rin ng buhay mo. Wala kang kaibigan, walang mapagsabihan ng lihim. Hindi mo matamo sa iba ang pagpapalakas ng loob, pagpatnubay, pagtulong, o pagpapatibay na dapat mong matamo, at hindi ka rin makapagkaloob ng lakas ng loob, patnubay, o tulong sa iba. Kahit sa mga ito, na mga pinakabatayang pag-uugali, hindi mo itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang iyong batayan at ang katotohanan bilang iyong pamantayan, kaya mas lalong hindi kailangang banggitin ang iyong mga pananaw sa mga tao at bagay o ang iyong pag-asal at pagkilos—ang mga iyon ay isang daang libong milya ang layo sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos!

Katatapos lang nating magbahaginan tungkol sa mga hinihingi ng Diyos sa pag-uugali ng tao: hinihingi Niya na ang pananalita at mga kilos ng tao ay maging maprinsipyo at nakapagpapatibay sa iba. Kaya, batay roon, alam na ba ng lahat kung may anumang halaga ang mabubuting pag-uugaling iyon na naiisip ng tao—kung karapat-dapat bang pahalagahan ang mga ito? (Hindi karapat-dapat.) Kung gayon, ano ang dapat ninyong gawin, yamang hindi kayo naniniwalang karapat-dapat pahalagahan ang mga ito? (Talikdan ang mga ito.) Paano tatalikdan ng isang tao ang mga ito? Upang matalikdan ang mga ito, ang isang tao ay dapat na may partikular na landas at mga hakbang para sa kanyang pagsasagawa. Una, dapat suriin ng isang tao ang kanyang sarili kung mayroon ba siyang mga pagpapakita ng pag-uugali na pagiging may pinag-aralan at matino at pagiging malumanay at pino, gaya ng isinusulong ng tradisyonal na kultura. Ano ang anyo ng gayong pagsusuri, at ano ang mga nilalaman nito? Ang mga nilalaman nito ay ang tingnan ang iyong sarili upang makita kung ano ang batayan para sa iyong mga pagtingin sa mga tao at bagay, pati na sa iyong asal at kilos, at upang makita kung aling mga bagay na kay Satanas ang malalim na nag-ugat sa iyong puso at tumagos sa iyong dugo at mga buto. Halimbawa, sabihin nang may isang taong pinalayaw mula pagkabata, na walang masyadong alam sa pagkontrol sa sarili, ngunit hindi masama ang kanyang pagkatao. Isa siyang tunay na mananampalataya, at nananalig siya sa Diyos at ginagampanan niya ang kanyang tungkulin nang may sinseridad, at kaya niyang magdusa at magbayad ng mga halaga. May isang bagay lang na mali sa kanya: Kapag kumakain siya, may gawi siyang mamulot ng mga piraso ng pagkain at matunog na pagdikitin ang kanyang mga labi. Labis kang naaalibadbaran dito na hindi mo malunok ang pagkain mo. Nakararamdam ka dati ng espesyal na pagkayamot para sa gayong tao. Iniisip mong hindi siya pinalaki nang maayos at hindi niya alam kung paano kontrolin ang sarili, na wala siyang pinag-aralan o hindi siya matino. Sa puso mo, hinahamak mo siya, na naniniwala kang ang gayong tao ay mababang-uri at walang dignidad, na imposibleng isa siyang taong pinipili ng Diyos, lalong imposibleng isa siyang taong minamahal Niya. Ano ang batayan mo para paniwalaan ito? Nahalata mo ba ang kanyang diwa? Kinikilatis mo ba siya batay sa kanyang diwa? Ano ang batayan ng iyong pagkilatis? Malinaw na kinikilatis mo ang mga tao batay sa iba’t ibang pahayag ng tradisyonal na kultura ng Tsina. Kaya, kapag nalaman mo ang problemang ito, ano ang dapat mong isipin, batay sa mga katotohanang pinagbahaginan natin ngayon? “Naku, minamaliit ko siya dati. Hindi ako kailanman kusang-loob na nakinig sa kanyang pagbabahagi. Sa tuwing may sinasabi o ginagawa siyang anuman, gaano man katamang gawin niya ito o gaano man kapraktikal ang mga salita ng kanyang pagbabahagi, sa sandaling maisip kong matunog niyang pinaglalapat ang mga labi niya at namumulot siya ng mga piraso ng pagkain kapag oras ng kain, ayaw kong pakinggan siyang magsalita. Palagi ko siyang itinuturing na taong hindi pinalaki nang maayos na walang kakayahan. Ngayon, sa pamamagitan ng gayong pagbabahagi mula sa Diyos, nakikita kong hindi batay sa mga salita ng Diyos ang mga pagtingin ko sa mga tao; sa halip, itinuturing ko ang masasamang kagawian at pag-uugali na mayroon ang mga tao sa kanilang buhay—partikular na iyong mga lugar kung saan hindi sila pinalaki nang maayos o na hindi sila disente—na para bang mga pagbuhos ito ng diwa ng kanilang pagkatao. Ngayong sinusukat ang mga ito batay sa mga salita ng Diyos, ang lahat ng bagay na iyon ay maliliit na kamaliang hindi nauugnay sa diwa ng kanilang pagkatao. Malayo ang mga ito sa pagiging mga problema ng prinsipyo.” Hindi ba’t pagsusuri ito sa sarili? (Ganoon nga.) Ang mga kayang tanggapin ang mga salita ng Diyos at maunawaan ang katotohanan ay malinaw na nakikita ang mga bagay na ito. Kung gayon, ano ang dapat gawin mula roon? Mayroon bang landas? Gagana ba kung hihingiin mong iwaksi nila kaagad ang masasamang kagawiang ito? (Hindi.) Nakakintal at mahirap baguhin ang gayong maliliit na diperensya. Ang mga ito ay hindi bagay na kayang baguhin ng isang tao nang isa o dalawang araw. Hindi masyadong mahirap lutasin ang mga problema sa pag-uugali, ngunit pagdating sa mga diperensya sa mga kagawian sa buhay ng isang tao, kakailanganin niya ng ilang panahon upang maiwaksi ang mga ito. Gayunpaman, hindi sangkot sa mga ito ang kalidad ng pagkatao ng isang tao o ang diwa ng kanyang pagkatao, kaya huwag masyadong pahalagahan ang mga ito o tumangging bitiwan ang mga ito. Ang lahat ay may sarili nilang mga kagawian at paraan sa buhay. Walang taong hindi naiimpluwensyahan ng panlabas na kaganapan. May ilang diperensya ang lahat ng tao, at kahit ano pa ang mga ito, kung naaapektuhan ng mga ito ang iba, dapat itama ang mga ito. Ganoon matatamo ang mapapayapang pakikipag-ugnayan. Gayunpaman, imposibleng maging pinakamainam sa lahat ng aspeto. Nanggagaling ang mga tao sa iba’t ibang lugar, at pawang magkakaiba ang kanilang mga kagawian sa buhay, kaya dapat silang maging mapagtimpi sa isa’t isa. Isa itong bagay na dapat taglayin ng normal na pagkatao. Huwag isapuso ang maliliit na problema. Maging mapagtimpi. Iyan ang pinakanaaangkop na paraan upang tratuhin ang iba. Ito ang prinsipyo ng pagtitimpi, ang prinsipyo at paraan kung paano pinangangasiwaan ang mga gayong bagay. Huwag subukang tukuyin ang diwa at pagkatao ng mga tao batay sa kanilang maliliit na diperensya. Ganap na hindi naaayon ang batayang iyon sa mga prinsipyo, dahil anumang diperensya o kapintasan ang mayroon ang isang tao, hindi ito kumakatawan sa diwa ng taong iyon, hindi rin ito nangangahulugang hindi taos-pusong mananampalataya sa Diyos ang taong iyon, lalong hindi ito nangangahulugang hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan. Dapat nating tingnan ang mga kalakasan ng mga tao at ibatay ang ating mga pagtingin sa mga tao sa mga salita ng Diyos at sa Kanyang mga hinihingi sa tao. Iyon ang paraan upang tratuhin nang patas ang mga tao. Paano dapat tingnan ng isang taong naghahangad sa katotohanan ang mga tao? Ang kanyang mga pagtingin sa mga tao at bagay, at ang kanyang asal at mga kilos ay dapat batay lahat sa mga salita ng Diyos, na ang kanyang pamantayan ay ang katotohanan. Paano mo titingnan ang bawat isang tao ayon sa mga salita ng Diyos? Tingnan kung nagtataglay siya ng konsiyensiya at katwiran, kung siya ay mabuting tao o masama. Sa iyong pakikisalamuha sa kanya, maaaring makita mo na bagamat mayroon siyang maliliit na diperensya at kakulangan, medyo mabuti siya sa kanyang pagkatao. Mapagtimpi at mapagpasensiya siya sa kanyang mga pakikipag-ugnayan sa mga tao, at kapag may isang taong negatibo at mahina, mapagmahal siya rito at kaya niya itong bigyan at tulungan. Iyan ang kanyang saloobin sa iba. Ano naman kung gayon ang kanyang saloobin sa Diyos? Sa kanyang saloobin sa Diyos, mas nasusukat kung mayroon siyang pagkatao. Maaaring sa lahat ng ginagawa ng Diyos, siya ay nagpapasakop, at naghahanap, at nag-aasam, at sa proseso ng pagganap sa kanyang tungkulin at pakikipag-ugnayan sa iba—kapag umaaksyon siya—mayroon siyang mapitagang puso para sa Diyos. Hindi nito ibig sabihin na mapusok siya, na kumikilos siya nang kahiya-hiya, at hindi nito ibig sabihin na gumagawa siya ng kahit ano at nagsasabi ng kahit ano. Kapag may nangyayari na may kaugnayan sa Diyos o sa Kanyang gawain, lubos siyang maingat. Kapag natiyak mo nang mayroon siya ng mga pagpapakitang ito, paano mo susukatin kung ang taong iyon ay mabuti o masama batay sa mga bagay na lumalabas mula sa kanyang pagkatao? Sukatin iyon batay sa mga salita ng Diyos, at sukatin ito batay sa kung mayroon siyang konsiyensiya at katwiran, at sa kanyang saloobin sa katotohanan at sa Diyos. Sa pagsukat sa kanya sa dalawang aspetong ito, makikita mo na bagamat may ilang problema at diperensya sa kanyang pag-uugali, maaaring isa pa rin siyang taong may konsiyensiya at katwiran, na may pusong nagpapasakop at nagpipitagan sa Diyos at may saloobin ng pagmamahal at pagtanggap sa katotohanan. Kung gayon, sa mata ng Diyos, isa siyang taong maaaring maligtas, isang taong Kanyang minamahal. At dahil sa mata ng Diyos ay isa siyang taong maaaring maligtas at Kanyang minamahal, paano mo siya dapat tratuhin? Dapat mong tingnan ang mga tao at bagay ayon sa mga salita ng Diyos at dapat kang humusga ayon sa Kanyang mga salita. Isa siyang tunay na kapatid, at dapat mo siyang tratuhin nang tama. Huwag mo siyang tingnan nang may kinikilingan o sukatin siya ayon sa mga pahayag ng tradisyonal na kultura—sa halip, sukatin mo siya gamit ang mga salita ng Diyos. At tungkol naman sa mga diperensya sa pag-uugali niya, kung likas kang mabait, dapat mo siyang tulungan. Ipaalam sa kanya kung paano kumilos nang wasto. Ano ang gagawin mo kung kaya niyang tanggapin iyon ngunit hindi kaagad mabitiwan ang kanyang mga diperensya sa pag-uugali? Dapat kang maging mapagtimpi. Kung hindi ka mapagtimpi, nangangahulugan iyon na hindi ka likas na mabait, at dapat mong hanapin ang katotohanan sa iyong saloobin sa kanya, at pagnilayan at alamin ang sarili mong mga pagkukulang. Iyan ang paraan para maituring mo nang tama ang mga tao. Kung, taliwas dito, sabihin mong, “Napakaraming diperensya ng taong iyon. Hindi siya pinalaki nang maayos, hindi niya alam kung paano kontrolin ang sarili, hindi niya alam ang tungkol sa paggalang sa iba, at wala siyang tamang asal. Kung gayon, isa siyang hindi mananampalataya. Ayaw kong makipag-ugnayan sa kanya, ayaw ko siyang makita, at ayaw kong marinig ang anumang sasabihin niya, gaano man ito katama. Sino ang maniniwalang iginagalang niya at nagpapasakop siya sa Diyos? Magagawa ba niya iyon? Mayroon ba siyang kakayahan?” anong saloobin iyan? Pagtulong ba nang may kabutihan ang pagtrato sa iba nang ganoon? Umaayon ba ito sa mga prinsipyo ng katotohanan? Ang gayong pagtrato mo ba sa iba ay pag-unawa at pagsasagawa sa katotohanan? Mapagmahal ba ito? Iginagalang mo ba ang Diyos sa puso mo? Kung ang pananalig ng isang tao sa Diyos ay walang kahit man lang batayang kabutihan, may realidad ba ng katotohanan ang gayong tao? Kung patuloy kang kumakapit sa iyong mga kuru-kuro, at ang iyong mga pagtingin sa mga tao at bagay ay nananatiling batay sa mga sarili mong nararamdaman, impresyon, kagustuhan, at kuru-kuro, sapat na patunay iyan na hindi mo nauunawaan ang katiting na katotohanan at namumuhay ka pa rin nang umaasa sa mga satanikong pilosopiya. Sapat na patunay ito na hindi ka nagmamahal sa katotohanan o isang taong naghahangad nito. Lubos na mapagmagaling ang ilang tao. Paano ka man magbahagi sa kanila, kumakapit pa rin sila sa kanilang mga sariling pananaw: “Isa akong magalang na tao na ipinagpipitagan ang matatanda at inaalagaan ang mga bata—ano ngayon? Kahit papaano, mabuti akong tao. Anong hindi mabuti sa kung paano ako umaasal? Kahit papaano, nirerespeto ako ng lahat.” Hindi Ako kumokontra sa pagiging mabuting tao mo, ngunit kung patuloy kang magpapanggap na gaya ng ginagawa mo ngayon, makakamit mo ba ang katotohanan at ang buhay? Maaaring ang pagiging mabuting tao sa paraang ginagawa mo ngayon ay hindi lumalabag sa iyong integridad o sumasalungat sa mithiin at direksyon ng iyong asal, ngunit may isang bagay na dapat mong maunawaan: Magpatuloy ka nang ganiyan, at hindi mo mauunawaan ang katotohanan o hindi ka makapapasok sa realidad nito, at sa huli, hindi mo makakamit ang katotohanan o ang buhay, o ang pagliligtas ng Diyos. Iyan lang ang posibleng kahihinatnan.

Katatapos Ko lang magbahagi tungkol sa kung paano ituturing ang mabubuting pag-uugali ng mga kuru-kuro ng mga tao, at kung paano tutukuyin ang mabubuting pag-uugaling iyon para hangarin ng isang tao ang katotohanan. Mayroon na ba kayong landas ngayon? (Oo.) Ano ang dapat ninyong gawin? (Una, pagnilayan kung mayroon ka mismo ng mga pag-uugaling ito. Pagkatapos, pagnilayan kung ano ang mga karaniwang batayan at pamantayan mo para sa iyong mga pagtingin sa mga tao at bagay.) Tama iyan. Dapat kayong magsimula sa pamamagitan ng malinaw na pagtingin kung may anuman sa inyong mga dating pagtingin sa mga tao at bagay, o sa inyong asal at mga pagkilos, na salungat sa ibinahagi Ko ngayong araw, o na laban dito. Pagnilayan kung ano ang batayan para sa perspektiba at pananaw na ginagamit ninyo kapag tinitingnan ninyo ang mga tao at bagay, kung ang batayan ba ninyo ay ang mga pamantayan ng tradisyonal na kultura o ang mga kasabihan ng ilang dakila at tanyag na tao, o kung ito ba ay ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan. Mula roon, magpatuloy sa pagninilay kung ang mga kaisipan at pananaw ba ng tradisyonal na kultura at ng mga dakila at tanyag na taong iyon ay naaayon sa katotohanan, kung saan sumasalungat ang mga ito sa katotohanan, at kung saan mismo nagkakamali ang mga ito. Ito ang mga detalye ng ikalawang hakbang ng pagninilay sa sarili. Ngayon, para sa ikatlong hakbang. Kapag natuklasan mong ang mga pananaw, paraan, batayan, at pamantayan para sa iyong mga pagtingin sa mga tao at bagay, pati na sa iyong asal at kilos, ay nagmumula sa kalooban ng tao, sa masasamang kalakaran ng lipunan at ng tradisyonal na kultura, at na salungat ang mga ito sa katotohanan, ano ang dapat mong gawin? Hindi ba’t dapat kang maghanap ng mga nauugnay na salita ng Diyos at gawing batayan mo ang mga iyon? (Oo.) Maghanap ng mga prinsipyo ng katotohanan sa mga salita ng Diyos na tumatalakay sa pagtingin sa mga tao at bagay, pati na sa pag-asal at pagkilos. Pangunahing dapat mo itong ibatay sa kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, o, sa mas tumpak na pananalita, sa mga prinsipyo ng katotohanan ng mga salita ng Diyos. Ang mga prinsipyong iyon ng katotohanan ay dapat na maging batayan at mga pamantayan para sa iyong mga pagtingin sa mga tao at bagay, at para sa iyong asal at mga kilos. Ito ang bagay na pinakamahirap magawa. Dapat munang itatwa ng isang tao ang kanyang mga sariling pananaw, kuru-kuro, opinyon, at saloobin. May sangkot ditong ilang mali at baluktot na pananaw ng tao. Dapat tuklasin ng isang tao ang mga pananaw na iyon, kilalanin ang mga iyon, at isailalim ang mga iyon sa masusing pagsusuri. Ang isa pang bahagi nito ay na kapag nakita na ng mga tao ang naaangkop na pahayag sa mga nauugnay na salita ng Diyos, dapat nila itong pag-isipan at dapat silang magbahaginan tungkol dito, at kapag nalinaw na nila kung ano ang mga prinsipyo ng katotohanan nito, ito ay agad na magiging usapin ng kung paano nila tatanggapin at isasagawa ang katotohanan. Sabihin mo sa Akin, kapag naunawaan na ng isang tao ang mga prinsipyo ng katotohanan, magagawa na ba niya kaagad na tanggapin ang mga ito at magpasakop sa mga ito? (Hindi.) Hindi malulutas kaagad ang paghihimagsik at mga tiwaling disposisyon ng tao. May mga tiwaling disposisyon ang tao, at bagamat maaaring alam niya kung ano ang ibig sabihin ng mga salita ng Diyos, hindi niya ito maisasagawa kaagad. Isang labanan para sa kanya ang pagsasagawa sa katotohanan. May mapaghimagsik na disposisyon ang tao. Hindi niya mabitiwan ang kanyang masamang palagay, pagiging sumpungin, mapagmatigas, hambog, mapagmagaling, o labis ang bilib sa sarili, ni ang marami niyang pangangatwiran at dahilan, o ang kanyang pagpapahalaga sa sarili, katayuan, reputasyon, o banidad. Kaya, kapag bibitiwan mo ang isang bagay na pinaniniwalaan mo sa iyong mga kuru-kuro na mabuti, ang dapat mong talikdan ay ang mga interes mong ito at ang mga bagay na pinahahalagahan mo. Kapag kaya mong talikdan at bitiwan ang lahat ng bagay na ito, iyon ang sandaling magkakaroon ka ng pag-asa o pagkakataong magsagawa batay sa mga salita ng Diyos, ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan. Ang bitiwan ang iyong sarili at itatwa ang iyong sarili—ito ang yugtong pinakamahirap malampasan. Gayunpaman, sa sandaling malampasan mo ito, wala nang matitirang malalaking paghihirap sa puso mo. Kapag naunawaan mo ang katotohanan at nagawa mong maarok ang diwa ng mabubuting pag-uugali, magbabago ang iyong mga pagtingin sa mga tao at bagay, at unti-unti mong magagawang bitiwan ang mga gayong bagay mula sa tradisyonal na kultura. Kaya, ang baguhin ang mga maling pagtingin ng tao sa mga tao at bagay, at ang mga paraan at estilo ng kanyang mga kilos, at ang pinagmumulan at mga motibo sa likod ng kanyang mga kilos—hindi ito madaling gawin. Ang pinakamahirap baguhin ay na may mga tiwaling disposisyon ang tao. Ang mga pananaw ng tao sa mga bagay at ang kanyang paraan ng pamumuhay ay sanhi ng kanyang mga tiwaling disposisyon. Ginagawa kang mapagmataas, mapagmagaling, at matigas ang ulo ng mga tiwaling disposisyon; hinahamak mo ang iba dahil sa mga ito, na palagi kang nakatuon sa pagtataguyod sa iyong pangalan at katayuan, sa kung makakakuha ka ng respeto at magiging kapansin-pansin sa iba, palaging isinasaalang-alang ang iyong mga inaasahan sa hinaharap at ang iyong kapalaran, at iba pa. Ang lahat ng bagay na ito ay dulot ng iyong tiwaling disposisyon at may kaugnayan sa iyong mga interes. Kapag kinuha mo ang bawat isa sa mga bagay na ito at hinimay-himay ito, nakilatis ito, at naitatwa ito, magagawa mo nang talikdan ang mga ito. Kapag kaya mo nang bitiwan ang mga ito nang paunti-unti, saka mo lang magagawa, nang matatag at ganap, na ituring ang mga salita ng Diyos bilang iyong batayan at ang katotohanan bilang iyong pamantayan sa iyong mga pagtingin sa mga tao at bagay, at sa iyong asal at mga kilos.

Ituring ang mga salita ng Diyos na iyong batayan sa iyong mga pagtingin sa mga tao at bagay, at sa iyong asal at mga kilos—nauunawaan ng lahat ang mga salitang ito. Madaling maintindihan ang mga ito. Sa kanyang pagkamakatwiran at sa kanyang mga kaisipan, sa kanyang kalooban at mga minimithi, nagagawa ng taong unawain ang mga salitang ito at handa siyang sundin ang mga ito. Wala dapat paghihirap doon. Ngunit ang totoo, mahirap para sa tao na ipamuhay ang mga ito kapag nagsasagawa siya ng katotohanan, at ang mga hadlang at problema sa paggawa nito ay hindi lang mga paghihirap na ipinepresenta ng kanyang panlabas na kapaligiran. Ang pangunahing dahilan ay may kinalaman sa kanyang tiwaling disposisyon. Ang tiwaling disposisyon ng tao ang pinagmumulan ng kanyang iba’t ibang problema. Kapag nalutas na ito, hindi na magiging anumang malaking suliranin ang lahat ng problema at paghihirap ng tao. Makikita rito na lahat ng paghihirap ng tao sa pagsasagawa sa katotohanan ay dulot ng kanyang tiwaling disposisyon. Samakatuwid, habang isinasagawa mo ang mga salitang ito ng Diyos, at pinapasok ang realidad na ito ng pagsasagawa sa katotohanan, mas lalo mong mababatid ito: “Mayroon akong tiwaling disposisyon. Ako ang ‘tiwaling sangkatauhan’ na sinasabi ng Diyos, na lubos na nagawang tiwali ni Satanas, isang taong namumuhay ayon sa mga satanikong disposisyon.” Hindi ba’t ganoon iyon nangyari? (Ganoon nga.) Samakatuwid, kung hahangarin ng tao ang katotohanan at papasukin ang realidad nito, ang pagkilala at pagkilatis sa mga negatibong bagay ay unang hakbang lang ng pagpasok sa buhay, ang pinakasimulang hakbang. Kung gayon, bakit nauunawaan ng maraming tao ang ilang katotohanan ngunit hindi nila maisagawa ang mga ito? Bakit nakakapangaral silang lahat ng napakaraming salita at parirala ng doktrina, ngunit hindi pa rin makapasok sa realidad ng katotohanan? Ito ba ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan? Hindi—mismong kabaligtaran talaga nito. Tamang-tama lang ang antas ng kanilang teoretikal at literal na pagkaunawa sa katotohanan. Madali pa nga para sa kanilang bigkasin ito. May kagustuhan sila, siyempre, at mayroon silang mabuting pag-iisip at mga hangarin; handa silang lahat na magsikap tungo sa katotohanan. Subalit bakit kaya hindi nila maisagawa ang katotohanan, bagkus ay patuloy silang hindi makapasok sa realidad ng katotohanan? Ito ay dahil ang mga salita at titik at teoryang naunawaan nila ay nananatiling hindi maipamalas sa kanilang totoong buhay. Saan nagmumula ang problemang ito? Ang pinagmumulan nito ay sa presensya ng kanilang tiwaling disposisyong nasa gitna, hinahadlangan ang mga bagay-bagay. Iyon ang dahilan kung bakit may ilang taong walang espirituwal na pagkaunawa at hindi nauunawaan ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan, mga taong nangangako at nagpapahayag ng kanilang kalooban sa tuwing sila ay nabibigo o natutumba o hindi nila maisagawa ang katotohanan. Gumagawa sila ng hindi mabilang na gayong pangako at pagpapahayag, ngunit hindi pa rin nito nalulutas ang problema. Patuloy silang nahihinto sa yugtong iyon ng pagpapasya ng kanilang kalooban at pangangako. Nananatili silang hindi makalampas doon. Kapag nagsasagawa sila ng katotohanan, maraming tao ang palaging itinatakda ang kanilang kalooban at nangangako, sinasabing magpupursigi sila. Araw-araw, pinapasaya nila ang sarili nila. Tatlo, apat, limang taong pagpupursigi—at ano ang kinalabasan nito sa huli? Walang naisakatuparan, at humantong sa kabiguan ang lahat. Hindi naaangkop kahit saan ang kaunting doktrinang nauunawaan nila. Kapag may nangyayari sa kanila, hindi nila alam kung paano titingnan ito at hindi nila ito makilatis. Hindi sila makahanap ng mga salita ng Diyos na magsisilbing batayan nila; hindi nila alam kung paano titingnan ang mga bagay ayon sa mga salita ng Diyos, at hindi rin nila alam kung aling elemento ng katotohanan sa mga salita ng Diyos ang nalalapat sa bagay na nangyari sa kanila. Pagkatapos ay makararamdam sila ng matinding pagkabalisa, at kamumuhian nila ang kanilang sarili, at magdarasal sila, hinihiling sa Diyos na bigyan sila ng higit pang lakas at pananampalataya, pinasasaya pa rin ang kanilang sarili sa huli. Hindi ba’t hangal na tao ang ganoon? (Hangal nga.) Para lang silang mga bata. Hindi ba’t ang pang-araw-araw na pagtrato ng tao sa paghahangad sa katotohanan, sa katunayan, ay isip-bata na tulad nito? Palaging gusto ng tao na hikayatin ang sariling hangarin ang katotohanan sa pamamagitan ng pagpapasya ng kanyang kalooban at pangangako, sa pamamagitan ng pagpipigil sa sarili at pagpapasaya sa sarili, ngunit ang pagsasagawa sa katotohanan at pagpasok dito ay hindi nagmumula sa panghihikayat sa sarili ng tao. Sa halip, dapat kang tunay na pumasok at magsagawa ayon sa paraan at mga hakbang na sasabihin Ko sa iyo, nang may matatag at tuloy-tuloy na hakbang, isang paa pagkatapos ng isa pa. Sa gayon ka lang makakakita ng mga resulta; sa gayon mo lang maisasagawa ang katotohanan at mapapasok ang realidad nito. Walang madaling paraan na maiiwasan ito. Hindi ito nangangahulugang sa kaunting puso, kaunting paghahangad na gugulin ang sarili, matinding kalooban, at malaking mithiin, magiging realidad mo na ang katotohanan, kundi, ang tao ay dapat matutunan ang mga pinakabatayang aral ng paghahanap, pagpasok, pagsasagawa, at pagpapasakop sa kanyang totoong buhay, sa gitna ng mga tao, kaganapan, at bagay. Matapos matutunan ang mga aral na ito, saka lang maeengkuwentro ng tao ang katotohanan at mga salita ng Diyos, o mararanasan ang mga ito, o makikilala ang mga ito. Kung hindi magagawa ang mga ito, ang makakamit ng tao ay kaunting doktrina lang na ipampupuno sa puwang sa kanyang puso, gaano man karaming taon ang ginugugol niya sa pagbibigay ng motibasyon sa kanyang sarili, panghihikayat sa kanyang sarili, at pagpapasaya sa kanyang sarili. Makararamdam lang siya ng panandaliang kaunting espirituwal na kasiyahan, ngunit wala siyang makakamit na anumang may tunay na lalim. Ano ang ibig sabihin ng walang nakamit na anumang may tunay na lalim? Nangangahulugan itong ang batayan ng iyong mga pagtingin sa mga tao at bagay, at ng iyong asal at mga kilos, ay hindi mga salita ng Diyos. Walang makikitang salita ng Diyos na nagsisilbing batayan sa iyong mga pagtingin sa mga tao at bagay o sa iyong pananaw sa pag-asal at mga pagkilos. Namumuhay ka ng isang litong buhay, isang buhay na walang tulong, at kapag mas nahaharap ka sa isang isyu, isang isyung nangangailangang ipahayag mo ang iyong mga pananaw, prinsipyo, at opinyon, mas nahahalata ang iyong pagiging mangmang, hangal, hungkag, at walang magawa. Sa mga normal na sitwasyon, nagagawa mong bumanggit ng ilang tamang doktrina at salawikain, na para bang naunawaan mo ang lahat. Ngunit kapag may lumitaw na problema, at may taong seryosong lumapit sa iyo para hikayatin kang ipahayag ang iyong posisyon at sabihin kung ano ang opinyon mo, wala kang masasabi. Sasabihin ng ilan, “Walang masabi? Hindi ganoon iyon—hindi lang ako maglalakas-loob na sabihin ang mga salita.” Bakit hindi ka maglalakas-loob? Pinatutunayan niyon na hindi ka sigurado kung tama ang ginagawa mo. Bakit hindi ka sigurado roon? Dahil noong ginagawa mo ang bagay na iyon, hindi mo kailanman kinumpirma kung ano ang batayan para sa ginagawa mo, o kung ano ang iyong mga prinsipyo sa paggawa nito, o siyempre, kung tinitingnan at ginagawa mo ba ang usapin ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Kaya, kapag may nangyayaring problema, nagmumukha kang alangan at inutil. Hindi kumbinsido ang ilang tao. Sinasabi nilang, “Hindi ako ganoon. Nagkolehiyo ako. May masteral ako,” o “Isa akong dalubhasa sa pilosopiya, isang propesor, isang mataas na antas na intelektuwal,” o “Isa akong sibilisadong tao. Maganda akong magsalita,” o “Isa akong matalinong iskolar,” o “Isa akong may talento.” May anumang silbi ba sa iyo ang ipagyabang ang mga bagay na ito? Hindi mo merito ang mga ito. Sa pinakasukdulan, ang mga bagay na ito ay nangangahulugang mayroon kang kaunting kaalaman. Mahirap masabi kung magiging kapaki-pakinabang iyon sa sambahayan ng Diyos, ngunit kahit papaano ay siguradong ang kaalaman mong iyon ay hindi katulad ng katotohanan, at hindi nito sinasalamin iyong tayog. Ano ang ibig sabihin kapag sinabing hindi sinasalamin ng iyong kaalaman ang iyong tayog? Hindi mo buhay ang mga gayong bagay; labas ang mga iyon sa iyong katawan. Ano kung gayon ang iyong buhay? Ito ay isang buhay na ang batayan at mga pamantayan ay ang lohika at pilosopiya ni Satanas, at kahit sa iyong kaalaman, iyong kultura, iyong utak, hindi mo masusupil ang mga bagay na ito o makokontrol ang mga ito. Kaya, kapag may nangyayaring problema, wala man lang magiging silbi ang iyong bukal ng talento at talino at iyong napakaraming kaalaman—o maaaring kapag lumabas ang isang aspeto ng iyong tiwaling disposisyon, wala man lang magiging silbi sa iyo ang iyong pasensya, pinag-aralan, kaalaman, at lahat ng gayon. Madarama mong wala kang magawa. Ang lahat ng bagay na ito ay ang mga nakakailang na paraan kung paano nagpapamalas sa tao ang hindi paghahangad sa katotohanan at kawalan ng pagpasok sa realidad nito. Madali bang pumasok sa katotohanan? May hamon ba rito? Saan? Walang hamon, kung Ako ang tatanungin mo. Huwag tumuon sa pagpapasya ng iyong kalooban o pangangako. Walang silbi ang mga iyon. Kung may oras ka para pagpasyahan ang iyong kalooban at mangako, ibuhos na lang ang oras na iyon sa pagsisikap sa mga salita ng Diyos. Pag-isipan kung ano ang sinasabi ng mga ito, kung aling bahagi ng mga ito ang nauugnay sa iyong kasalukuyang kalagayan. Walang silbing itakda ang iyong kalooban. Maaari mong biyakin ang iyong ulo at hayaang umagos ang dugo, itinatakda ang iyong kalooban, at wala pa rin itong magiging silbi. Hindi nito malulutas ang anumang problema. Malilinlang mo ang tao at mga demonyo nang ganoon, ngunit hindi mo malilinlang ang Diyos. Hindi ikinasisiya ng Diyos ang kalooban mong iyon. Gaano karaming beses mo nang itinakda ang iyong kalooban? Nangangako ka, pagkatapos ay binabawi mo ang mga ito, at pagkatapos mong bawiin ang mga ito, nangangako ka ulit, at binabawi mo ulit ang mga ito. Nagiging anong klaseng tao ka dahil doon? Kailan mo tutuparin ang sinasabi mo? Hindi mahalaga kung tutuparin mo ang sinasabi mo, o kung itatakda mo ang iyong kalooban. Wala ring halaga kung mangangako ka. Ano ang mahalaga? Ang mahalaga ay isagawa mo ang katotohanang nauunawaan mo ngayon mismo, agad-agad. Kahit na ito ang pinakahalatang katotohanan, ang katotohanang pinakahindi napapansin ng iba at ikaw mismo ay pinakahindi ito binibigyang-diin, isagawa ito kaagad—pasukin ito kaagad. Kung gagawin mo ito, mapapasok mo kaagad ang realidad ng katotohanan, at kaagad kang makatatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Malapit ka nang maging isang taong naghahangad sa katotohanan. Sa pundasyong iyon, malapit ka nang maging isang taong tinitingnan ang mga tao at bagay, at umaasal at kumikilos, nang ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Napakalaking ani niyon—napakalaking halaga!

Pagkatapos magbahagi sa mga kasabihan tungkol sa mabuting pag-uugali sa tradisyunal na kultura, nagkamit ba kayo ng anumang pagkaunawa sa mga ito? Paano ninyo dapat harapin ang ganitong uri ng mabuting pag-uugali? Maaaring sabihin ng ilang tao, “Simula sa araw na ito, hindi na ako magiging isang taong may pinag-aralan, mapagbigay, o magalang. Hindi na ako magiging isang taong matatawag na ‘mabuti’; hindi na ako magiging isang taong gumagalang sa matatanda o nagmamahal sa mga bata; hindi na ako magiging isang taong malambing at madaling lapitan. Wala ni isa man diyan ang natural na pagbuhos ng normal na pagkatao; ito ay mapanlinlang na pag-uugali na hindi totoo at huwad, at hindi ito pumapantay sa antas ng pagsasagawa ng katotohanan. Magiging anong uri ako ng tao? Ako ay magiging isang matapat na tao; magsisimula ako sa pagiging isang tapat na tao. Sa aking pananalita, maaaring hindi ako edukado, hindi nakakaunawa ng mga tuntunin, kulang sa kaalaman, at hinahamak ng iba, ngunit magsasalita ako nang diretsahan, may sinseridad, at walang pagkukunwari. Bilang isang tao at sa aking mga kilos, hindi ako magiging huwad at hindi ako magkukunwari. Tuwing magsasalita ako, magmumula iyon sa puso—sasabihin ko ang nasa aking kalooban. Kung may galit ako sa isang tao, susuriin ko ang aking sarili at hindi ako gagawa ng anumang makakasakit sa kanya; gagawa lamang ako ng mga bagay na makakatulong. Kapag magsasalita ako, hindi ko isasaalang-alang ang sarili kong pakinabang, ni hindi ako mapipigilan ng aking reputasyon o karangalan. Bukod pa riyan, hindi ako magkakaroon ng layon na pataasin ang tingin sa akin ng mga tao. Ang pahahalagahan ko lamang ay kung masaya ba ang Diyos. Ang hindi pananakit sa mga tao ang aking magiging panimulang batayan. Ang gagawin ko ay isasagawa alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos; hindi ako gagawa ng mga bagay na makakasakit sa iba, ni hindi ako gagawa ng mga bagay na makakapinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Gagawin ko lamang ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa iba, magiging isang matapat na tao lamang ako, at isang taong nagpapasaya sa Diyos.” Hindi ba ito pagbabago sa isang tao? Kung talagang isasagawa niya ang mga salitang ito, talagang magbabago na siya. Ang kanyang kinabukasan at kapalaran ay bubuti na. Hindi maglalaon ay tatahakin na niya ang landas ng paghahangad sa katotohanan, papasok sa realidad ng katotohanan, at magiging isang taong may pag-asang maligtas. Ito ay mabuting bagay, isang positibong bagay. Nangangailangan ba ito na itakda mo ang iyong kalooban o ikaw ay mangako? Wala itong kinakailangan: Hindi ang itakda ang iyong kalooban sa Diyos; o na suriin mo ang iyong mga naunang paglabag, pagkakamali, at paghihimagsik, magmadaling magtapat sa Diyos at hingin ang Kanyang kapatawaran. Hindi na kailangan ang mga gayong pormalidad. Magsabi ka lang ng isang bagay na totoo at mula sa puso, ngayon mismo, agad-agad, at gumawa ng isang matatag na bagay, nang walang mga kasinungalingan o panlilinlang. Pagkatapos ay may matatamo ka na, at magkakaroon ka ng pag-asang maging isang matapat na tao. Kapag naging matapat na tao ang isang tao, nakakamit na niya ang realidad ng katotohanan at nagsisimula na siyang mamuhay bilang isang tao. Ang tulad niya ang sinasang-ayunan ng Diyos. Walang pag-aalinlangan dito.

Pebrero 5, 2022

Sinundan: Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 2

Sumunod: Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 4

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Kaugnay na Nilalaman

Kabanata 14

Sa mga nagdaang kapanahunan, walang taong nakapasok sa kaharian, at sa gayon ay walang nagtamasa ng biyaya ng Kapanahunan ng Kaharian ni...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Kontakin Kami Gamit ang Messenger