Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 2

Sa ating huling pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan. Magsimula tayo sa isang pagbabalik-aral: Ano ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Mayroon ba kayong sagot sa tanong na ito? Pinagnilayan ba ninyo ito pagkatapos ng ating nakaraang pagbabahaginan? Pagkatapos nating magbahaginan tungkol sa ilang partikular na paksa, kakailanganin ninyong pagnilayan ang mga ito, at pagkatapos ay praktikal na danasin at pagdaanan ang mga ito sa inyong mga tunay na buhay. Saka lang kayo magkakamit ng tunay na kaalaman; saka lang ninyo tunay na mauunawaan at mapahahalagahan ang mga paksang iyon na pinagninilayan ninyo; saka lang kayo makapagbibigay ng tunay na karanasan at kaalaman. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Kung gayon, pinagnilayan ba ninyo ang tanong? Ano ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Anong mga salik ang may kinalaman sa paghahangad sa katotohanan? Ano ang mga pangunahing bagay na kaakibat nito? Naibuod ba ninyo ang mga bagay na ito? (Noong huli, nagsimula ang Diyos sa pagbabahagi tungkol sa iba’t ibang maling ideya, pananaw, at saloobin na mayroon ang tao patungkol sa paghahangad sa katotohanan, pagkatapos ay detalyadong nagbahagi ang Diyos tungkol sa limang hakbang ng paghahangad sa katotohanan.) May dalawang pangunahing bahagi sa ating huling pagbabahaginan: ilang negatibong kalagayan o maling pananaw na mayroon ang maraming tao na may kaugnayan sa paghahangad sa katotohanan, mga maling pagkaunawa ng tao tungkol sa paghahangad sa katotohanan, pati na rin ang mga pagdadahilan at pangangatwiran ng mga tao sa hindi paghahangad sa katotohanan—iyon ang unang pangunahing bahagi. Ang pangalawa ay pagbabahagi tungkol sa kung paano hangarin ang katotohanan, na binubuo ng limang hakbang. Bagamat may dalawang bahagi lamang ang ating pagbabahaginan, marami tayong natalakay na detalye at mga partikular na bagay sa bawat isa sa mga ito. Inihayag Ko ang ilan sa mga baluktot na kaalaman at pagkakaintindi ng tao tungkol sa paghahangad sa katotohanan, at inilantad Ko rin ang ilang paghihirap na mayroon ang tao sa paghahangad sa katotohanan, pati na rin ang ilang pagdadahilan, pangangatwiran, at pagpapalusot ng mga taong tutol sa katotohanan sa hindi nila paghahangad nito. Ang mga negatibo at pasibong saloobin at pagkaunawa na ipinapakita ng mga tao pagdating sa paghahangad sa katotohanan ay tumutugma sa mga paraan ng pamumuhay at paghahangad na pinanghahawakan nila sa kanilang mga tunay na buhay, pati na rin ang mga saloobin na kinikimkim nila hinggil sa katotohanan—may kaugnayan ang lahat ng ito sa mga partikular na pag-uugali at pagbubulalas ng damdamin ng mga tao. Pagkatapos, batay sa iba’t ibang pag-uugali ng tao, nagbigay Ako ng ilang partikular na pamamaraan at hakbang ng pagsasagawa hinggil sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Malinaw ba sa inyo ang lahat ng iyon? (Oo.) Talaga ba? Bakit wala kayong sinasabi, kung gayon? Mukhang hindi pa rin ito masyadong malinaw sa inyo; marami pa tayong kailangang pagbahaginan.

Ang pinakamahalagang bagay sa pananalig sa Diyos ay ang paghahangad sa katotohanan. Ano ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Pagdating sa usapin ng paghahangad sa katotohanan, ibinubunyag ng lahat ng pagpapamalas ng mga tao ang marami sa kanilang mga problema at paghihirap, at taglay ng mga tao ang lahat ng uri ng pangangatwiran at pagdadahilan sa hindi paghahangad sa katotohanan—sadyang napakalaki ng mga hadlang. Dahil sa iba’t ibang paghihirap ng mga tao, tila lubha silang nahihirapan at naiilang pagdating sa paghahangad sa katotohanan, at sa tingin nila ay napakahirap nito. Sa katunayan, ang mismong tanong na—“Ano ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan?”—ay madaling sagutin, kaya bakit hindi magawa ng mga tao na hangarin ang katotohanan? Ano ang dahilan? Ipinagmamalaki ng lahat na mayroon silang konsensiya at pag-unawa, na tunay silang nananalig sa Diyos, na kaya nilang gampanan ang kanilang tungkulin, na handa silang magdusa at magbayad ng halaga. Bakit kahit may pundasyon na sila ng mabubuting pag-uugaling ito ay hindi pa rin nila magawang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan? Mayroon silang napakagandang pagkatao, integridad, at reputasyon; taglay nila ang kanilang kagustuhan, mga mithiin, at mga kahilingan tungkol sa kanilang paghahangad; taglay nila ang kanilang mga pansariling pagsisikap, ang kanilang kahandaang tiisin ang mga paghihirap, at isang saloobin ng pagbabayad ng halaga; taglay nila ang kanilang aktibo, positibo, at optimistang saloobin ng pananabik na tanggapin ang katotohanan. Bakit kahit may pundasyon na sila ng mga bagay na ito ay hindi pa rin maituturing ang mga itong paghahangad sa katotohanan? Bakit kaya hindi nila makamit ang paghahangad sa katotohanan? Nasaan ang ugat ng problema? (Ang tao ay hindi minamahal ang katotohanan at likas na tutol dito.) Tumpak na sagot iyan. Ang pinakapangunahing dahilan ay na mayroong mga tiwaling disposisyon ang mga tao. Kay Satanas ang tiwaling disposisyon ng tao, at anumang kay Satanas ay laban sa Diyos at sa katotohanan. Samakatuwid, ang paghiling sa mga tao na hangarin ang katotohanan ay katumbas ng pag-utos sa kanila na maghimagsik laban sa kanilang likas na buhay at mga katangian, at ang kanilang likas na paraan ng paghahangad at pananaw sa buhay. Ang bitiwan ang mga maling bagay na ito, maghimagsik laban sa mga kagustuhan ng kanilang laman, at sa halip ay hangarin at isagawa ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, na ayaw ng kanilang laman, na hindi nila tinataglay, at na kanilang hinahamak at itinataboy—ito ang mahirap para sa kanila. Ang hilingin sa iyo na hangarin ang katotohanan ay katumbas ng paghiling sa iyo na bitiwan ang iyong likas na buhay. Hindi ba’t katulad iyon ng pag-aalay mo ng iyong buhay? (Ganoon nga.) Ikaw mismo ang mag-aalay ng sarili mong buhay. Kusa bang iniaalay ng mga tao ang kanilang buhay para sa mga bagay-bagay? (Hindi.) Sa kaibuturan ng kanilang puso, sinasabi nila, “Hindi ko gagawin”—nang isang daang beses, isang libong beses, sampung libong beses: “Hindi ko gagawin.” Anuman ang mangyari, mahirap para sa mga tao na bitiwan ang mga likas at satanikong bagay na taglay nila. Isa itong katunayan, isang katunayan na lubos at tunay ninyong naranasan. Sa kaibuturan ng kanilang puso, ayaw ng mga taong maghimagsik laban sa laman; o maghimagsik laban sa kanilang buhay, na ang kalikasang diwa ay kay Satanas; o maghimagsik laban sa kanilang mga likas at satanikong katangian o ang kanilang satanikong kalikasan, upang hangarin ang katotohanan. Kaya, para sa mga taong may mga satanikong kalikasan, na namumuhay ayon sa mga satanikong disposisyon, ang pagmamahal at paghahangad sa katotohanan ay salungat sa kanilang kagustuhan, at atubili silang gawin ito. Ano ang ugat nito? Na ang mga katangian sa loob-loob ng tao ay kay Satanas, at likas na laban sa Diyos ang mga ito. Kaya, matapos marinig at maunawaan ng mga tao ang katotohanan, tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan, na handang magsikap tungo rito at magbayad ng halaga, na taglay ang kagustuhan, mithiin, at kahilingang ito, ang nagagawang isagawa ang katotohanan sa sandaling maunawaan nila ito. Sila lamang ang may kakayahang mamuhay ayon sa katotohanan at ipamuhay ang realidad nito. Maraming tao ang handang isagawa ang katotohanan, ngunit nahahadlangan sila ng kanilang mga satanikong kalikasan at disposisyon; hindi nila maisagawa ang katotohanan, kahit na naisin nila. Ang totoo ay na sa tunay na buhay, ang pagsasagawa ng katotohanan ay isang bagay na napakahirap gawin. Kung ihahambing, madali ang hilingin sa iyo na bitiwan ang iyong mga paboritong damit at alahas, o ang mga bagay na ikinasisiya mo, o ang trabaho at karera na gusto mo, o ang iyong mga kalakasan at libangan, o anumang gayong bagay. Kaya mong maghimagsik laban sa anuman sa mga ito; madaling bitiwan ang mga ito. Ngunit ang himukin kang maghimagsik laban sa iyong laman at sa iyong satanikong disposisyon, ang himukin kang magsagawa ng katotohanan at magpasakop sa Diyos—lubos na mas mahirap iyon. Para ilarawan ito gamit ang isang hindi tumpak na parirala, ito ay parang pagpilit sa pato na pumatong sa dapuan, o pagpapaakyat ng toro sa puno—masyadong nakapapagod ang mga bagay na ito para sa mga ito. Ngayon, magiging madaling paakyatin ang isang pusa sa puno; natural iyon para dito. Ngunit lubhang imposibleng mapakain ito ng dayami kaysa karne. Kung hihilingin mo sa isang tao na magdusa nang kaunti, magbayad ng kaunting halaga, at mamuhay nang may kababaang-loob buong buhay niya, isa iyong bagay na kayang makamit ng sinumang may kagustuhang gawin ito. Sa katunayan, walang pisikal na paghihirap ang nagdudulot ng malaking problema para sa isang taong tunay na nananalig sa Diyos at nananabik sa katotohanan. Halimbawa, ang hindi pagpapakasasa sa mga ginhawa ng katawan; o pagbabawas sa oras ng tulog niya kada araw; o pamumuhay nang hindi madali sa loob ng sunod-sunod na sampung taon; o pagtitiyaga sa lubhang hindi maayos na pagkain, damit, tirahan, at transportasyon—kayang tanggapin ng sinuman ang gayong mga paghihirap at sakripisyo, basta’t mayroon siyang kagustuhang gawin ito, at handa siyang hangarin ang katotohanan, at may kaunting pagpipigil sa sarili. Ngunit kung hihilingin mo sa isang tao na maghimagsik laban sa laman at kay Satanas, na kumilos nang lubos na alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos at batay sa Kanyang mga salita, na magsagawa ayon sa katotohanan at sa gayon ay matamo ang pagpapasakop sa Diyos, kahit sino ay mahihirapan doon. Doon nakaugat ang mga paghihirap ng tao. Kaya, sa paghahangad sa katotohanan, hindi iyon na basta na lang nakapagpasya ang mga tao at gawin ito, o magpigil sila at sumunod sa mga tuntunin, at pagkatapos ay magagawa na nilang isagawa ang katotohanan at magtataglay na sila ng katotohanan. Ang paghahangad sa katotohanan ay ang pinakamahirap gawin para sa tiwaling sangkatauhan. Saan nagmumula ang ugat ng problemang ito? (Nagmumula ito sa disposisyon ni Satanas.) Tama iyan. Ang disposisyon ni Satanas ang pinakamatinding hamon sa tao. Ang isang tao ay maaaring may mahinang kakayahan, o masamang ugali at personalidad, maaaring wala siyang anumang masasabing kalakasan, talento, o kaloob—wala sa mga bagay na ito ang magiging malaking hamon sa kanya. Sa huli, nagmumula ang problema sa tiwaling disposisyon ng tao. Ang isang tiwaling disposisyon ay mahigpit na kinokontrol ang mga kamay at paa ng mga tao, ang kanilang isip at mga ideya, ang kanilang mga saloobin, ang kanilang paraan ng pag-iisip, at ang kaibuturan ng kanilang kaluluwa, kaya naman bawat pulgada sa daan ng paghahangad sa katotohanan ay mahirap tahakin para sa kanila. Maaaring nananalig sa Diyos ang isang tao sa loob ng tatlo o limang taon nang walang anumang nakakamit; may ilang tao pa ngang nananalig sa loob ng sampu, dalawampu, o tatlumpung taon, ngunit kakaunti lamang ang nakamit mula rito. At ang ilan sa kanila ay wala man lang nakamit—kay saklap at kahabag-habag ng mga taong iyon na walang napala! Nananalig na sila sa Diyos sa loob ng tatlumpung taon ngunit nananatiling naghihikahos at bulag, nang walang napapakinabangan dito. Kapag nasasadlak sila sa pagkanegatibo, hindi nila alam kung paano aahon mula rito; kapag nagkakamali sila ng pagkaunawa sa Diyos, hindi nila alam kung paano ito papawiin; kapag sumasapit sa kanila ang kagipitan, hindi nila alam kung paano ito haharapin, ni hindi nila alam kung paano lulutasin ang gayong uri ng paghihirap. Malulutas ba ang mga problema sa paggamit lang ng pansariling tibay ng loob para pigilan ang sarili o ng pag-asa sa pasensiya ng isang tao na magsikap nang walang-habas? Maaaring mabagal na paisa-isang hakbang ang pag-usad ng mga tao sa mga sitwasyon hanggang sa lumipas na ang mga ito, ngunit nananatili pa rin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Hindi pa nalulutas ang mga ito. Gaano karaming beses man silang nakaranas ng pagkanegatibo, o ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, o nagkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, o nabigo, at nalugmok, at naging mahina, hanggang ngayon ay hindi pa rin sila makapagbigay ng kahit katiting na patotoong batay sa karanasan, ni wala silang kahit isang bagay na masasabi tungkol sa kanilang kaalaman, pinagdaanan, o karanasan sa mga salita ng Diyos. Hungkag ang kanilang puso; hungkag ang kaibuturan ng kanilang kaluluwa. Wala silang pagkaunawa sa katotohanan na batay sa karanasan, at wala silang tunay na pagkakilala sa mga salita ng Diyos, at mas lalong wala silang pagkakilala sa Kanyang gawain at disposisyon. Hindi ba’t sila ay naghihikahos, bulag, at kahabag-habag? (Ganoon nga sila.) Kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan, ilang taon man siyang nananalig sa Diyos, wala itong saysay. Kung gayon, bakit hahayaan ng isang tao ang kanyang sarili na umabot sa puntong ito? Saan galing ang dahilan nito? Dito rin, ang problema ay nagmumula sa tiwaling disposisyon ng tao. Ito ang obhetibong dahilan.

Nalinaw na natin kung ano ang obhetibong dahilan ng hindi paghahangad ng mga tao sa katotohanan. Pag-uusapan na natin ngayon nang kaunti ang tungkol sa pansariling dahilan. Ang pansariling dahilan ay na bagamat maaaring nalaman ng mga tao na mayroon silang tiwaling disposisyon mula sa gawain ng Diyos at sa lahat ng Kanyang salita, o mula sa kanilang tunay na buhay, hindi nila kailanman inihahambing ang kanilang sarili sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, hindi sila kailanman nagkakamit ng pagkakilala sa kanilang mga tiwaling disposisyon at hindi sila kailanman naghihimagsik laban sa mga ito, at hindi sila kailanman nagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Bagamat maaaring nagsusumikap at gumugugol nang husto ang mga tao sa daan ng pananalig sa Diyos, bagamat maaaring nagtatrabaho sila nang husto, nagdurusa nang matindi, at nagbabayad ng maraming halaga rito, lahat ng ito ay panlabas na pag-uugali lamang. Hindi pinatutunayan ng mga ito na tinahak na ng isang tao ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Ang mga taong pinakanagdusa ay iyong mga nagsimulang sumunod sa Diyos noong simula pa lang, na tumanggap ng kanilang mga tungkulin noong ang edad nila ay nasa mga dalawampung taong gulang. Nasa limampung taong gulang na ngayon ang mga taong ito, at wala pa ring asawa. Masasabi mong inilaan nila ang kanilang kabataan sa kanilang pananampalataya sa Diyos, at binitiwan ang pamilya at pag-aasawa. Malaking sakripisyo ba iyon? (Oo.) Ibinigay nila ang kanilang kabataan at inialay ang kanilang buong buhay, at ano ang resulta nito? Malaki ang isinakripisyo nila, ngunit ang nakamit nila sa huli ay hindi katumbas o kaayon ng kanilang ginugol. Ano ang problema rito? Batay sa saloobin at determinasyong ipinangsasakripisyo nila, at sa tagal, dami, at antas ng kanilang paggugol, tila dapat ay nauunawaan nila ang katotohanan at naisasagawa ito. Iisipin mo na dapat mayroon silang patotoo at may-takot-sa-Diyos na puso; na dapat mayroon silang pagkakilala sa Diyos; na dapat humayo na sila tungo sa landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan; na dapat napasok na nila ang katotohanang realidad. Pero ang totoo, hinuha lamang iyon—ang dalawang bagay na ito ay may lohikal na kaugnayan lamang, hindi ito umaayon sa mga katunayan o sa kung ano ang isinasabuhay ng mga taong ito. Ano ang problema rito? Hindi ba’t dapat natin itong isailalim sa imbestigasyon at talakayan? Hindi ba’t isa itong problema na nararapat na malalim na pag-isipan? (Ganoon nga.) Sa mga tao na dalawa o tatlong taon nang tinanggap ang yugtong ito ng gawain ng Diyos, walang kakulangan ng mga taong may karanasan at patotoo. Pinatototohanan nila kung paano sila nabago at nagawang matatapat na tao ng mga salita ng Diyos; pinatototohanan nila kung paano sila tinulutan ng mga salita ng Diyos na maunawaan ang katotohanan habang hinahangad ito; pinatototohanan nila kung paano nalutas ng mga salita ng Diyos ang kanilang mga tiwaling disposisyon, kayabangan at pagiging mapanlinlang, pagrerebelde, pagnanais ng katayuan, mga ambisyon at pagnanasa, at iba pa. Ang mga taong ito ay may kakayahang magkaroon ng karanasan at patotoo pagkatapos lamang ng dalawa o tatlong taong pananalig sa Diyos; mayroon silang malalim na pagkaunawa sa mga salita ng Diyos na batay sa karanasan, at nadarama nila ang pagiging totoo ng Kanyang mga salita. Kung gayon, bakit ang ilang taong nananalig sa Diyos sa loob ng dalawampu o tatlumpung taon at napakaraming isinasakripisyo, nagdurusa nang husto, at labis na nagpaparoo’t parito, ay nananatiling walang kabuluhan at hungkag ang kaibuturan ng kanilang puso at ang kanilang espirituwal na mundo? Maraming tao na nasa ganitong uri ng kalagayan ang madalas na hindi alam ang gagawin. Palagi nilang sinasabi, “Hindi ko alam ang gagawin.” Sinasabi Ko, “Dalawampu o tatlumpung taon ka nang nananalig sa Diyos. Paanong hindi mo pa rin alam ang gagawin? Malinaw na wala kang nakamit.” Hanggang ngayon, may ilang taong negatibo at mahina pa rin. Sinasabi nila, “Napakaraming taon na akong nananalig sa Diyos, at ano ang nakamit ko?” Madalas, kapag negatibo at mahina sila, o kapag pinagkakaitan sila ng kanilang katayuan at mga pakinabang, o kapag hindi natutugunan ang kanilang banidad, sinisisi nila ang Diyos at nagsisisi sila na nanalig sila sa Kanya sa loob ng napakaraming taon. Nagsisisi sila na naniwala sila sa Kanyang mga salita sa una pa lang, nagsisisi sila na determinado nilang binitiwan ang kanilang trabaho, ang pag-aasawa at pamilya, ang kanilang pagkakataong magkolehiyo, upang sumunod sa Diyos. Iniisip pa nga ng ilan sa kanila na lisanin ang iglesia. Punong-puno na sila ngayon ng pagsisisi tungkol sa kanilang pananampalataya—bakit ba kasi nag-abala pa sila rito noong una? Dalawampu o tatlumpung taon na silang nananalig sa Diyos, napakarami na nilang narinig na katotohanan at napakarami na nilang naranasang gawain ng Diyos, subalit hungkag pa rin ang kaibuturan ng kanilang puso, at madalas silang malugmok sa mga kalagayan ng kaguluhan, kalituhan, pagsisisi, pag-aalinlangan, at maging kawalang-katiyakan tungkol sa kanilang kinabukasan—ano ang nagsasanhi nito? Karapat-dapat bang kaawaan ang gayong mga tao? (Hindi.) Sa tuwing nakikita Ko ang mga taong ito, sa tuwing may nababalitaan Ako tungkol sa kanila at nalalaman Ko ang kamakailang nangyayari sa kanila, nagkakaroon Ako ng pangitain tungkol sa kanila. May sumasaging ideya sa Akin tungkol sa kanila. Paanong tila napakapamilyar sa Akin ang kanilang kalagayan at kaloob-looban? Hanggang ngayon ay nananatili sila sa sambahayan ng Diyos, gumaganap ng mga tungkulin—saan ba sila umaasa? Sa isa bang kaisipan ng kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya? Sa isa bang kaisipan na kung susunod sa Diyos ang isang tao hanggang sa huli, tiyak na hahantong ito sa kaligtasan? O sa isa bang mentalidad batay sa suwerte at tsansa? Wala sa mga ito ang sagot. Kung gayon ay ano? Katulad lang ito ng sinabi ni Pablo: “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Upang suriin at pasimplehin ang talatang ito, ang mga salitang ito ay may transakyunal na kalidad, sa loob ng mga ito ay may saloobin, ideya, at plano na makipagtawaran, at ang dahilan ng mga ito ay pagnanasa at ambisyon. Anong katunayan ang nakikita ninyo sa mga salitang ito? Ano ang hinahangad ng mga tao sa kanilang pananalig sa Diyos? (Korona at mga pagpapala.) Oo. Hinahangad nila ang mga pagpapala at isang magandang hantungan. At ano ang ipapalit nila para sa magandang hantungan at mga pagpapalang iyon? (Ang kanilang pagpapagod at paggawa, mga sakripisyo at paggugol, pagdurusa at pagbabayad ng halaga.) Sa mga salita nga ni Pablo, nakipagbaka na sila ng kanilang pakikipagbaka, nakatakbo na sila. Naniniwala silang nagawa na nila ang lahat ng dapat nilang gawin, at kung kaya’t dapat nilang makamit ang magandang hantungan at mga pagpapala na inihanda ng Diyos para sa sangkatauhan. Iniisip nila na halata namang ito ang dapat gawin ng Diyos—ang kailangan Niyang gawin—at kung hindi Niya gagawin ito, hindi Siya magiging Diyos. Malinaw na walang pagpapasakop sa Diyos dito, walang saloobin ng paghahangad sa katotohanan, walang saloobin o planong tuparin ang tungkulin ng isang nilalang. Isa lang itong pagnanais na ipagpalit ang ilang bagay na kaya nilang gawin para sa mga pagpapalang ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan. Kaya ang mga taong pinag-uusapan natin ay madalas na nararamdamang may kahungkagan sa kanilang kaloob-looban at na sa kaibuturan ng kanilang puso ay wala silang maaasahan, subalit nagpapatuloy pa rin sila na gaya ng dati, nagbabayad ng mga gayong halaga at nagdurusa nang husto, nagpupursige na ilaban ang kanilang mga laban at itakbo ang kanilang mga takbo. Saan sila umaasa? Ang nagpapatibay sa kanilang “pananampalataya” ay iyong mga sinabi ni Pablo na pinanghahawakan nila at bulag na pinaniniwalaan. Umaasa sila sa kanilang mga ambisyon at pagnanasang magantimpalaan at makoronahan. Umaasa sila sa kanilang mga pangarap na gumamit ng transaksyunal na palitan upang makatanggap ng malalaking pagpapala. Hindi sila umaasa sa pag-unawa sa gawain ng Diyos o sa karanasan at kaalamang nakakamit sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan habang ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos. Hindi sila roon umaasa.

Kung titingnan ang katatapos pa lang nating pagbahaginan, makikita na bagamat maraming praktikal na hamon sa landas ng paghahangad sa katotohanan, pati na mga gapos at pagpigil ng mga tiwaling disposisyon, at napakaraming paghihirap at balakid, dapat maniwala ang isang tao na hangga’t may tunay siyang pananampalataya, sa pamamagitan ng pag-asa sa patnubay ng mga salita ng Diyos at sa gawain ng Banal na Espiritu, ganap niyang magagawang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Isang halimbawa nito si Pedro. Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, maraming tao ang nakatuon lamang sa paggawa para sa Diyos, at kontento na sa pagdurusa at pagbabayad ng halaga, ngunit hindi man lang nila hinahangad ang katotohanan. Bilang resulta, wala silang pagkakilala sa gawain ng Diyos matapos manalig sa Kanya sa loob ng sampung taon, dalawampung taon, tatlumpung taon, at hindi sila makapagsabi ng anumang mga karanasan o kaalaman tungkol sa katotohanan o sa mga salita ng Diyos. Sa mga pagtitipon, kapag sinusubukan nilang magbigay ng kaunting patotoo, wala silang masabi; hindi talaga nila alam kung maililigtas ba sila o hindi. Ano ang problema rito? Ganito ang mga taong hindi hinahangad ang katotohanan. Ilang taon man silang naging mananampalataya, hindi nila kayang unawain ang katotohanan, lalong hindi nila ito maisagawa. Paano makapapasok sa katotohanang realidad ang isang taong hindi man lang tumatanggap dito? May mga tao na hindi nauunawaan ang problemang ito. Naniniwala sila na kung isinasagawa ng mga nag-uulit lang sa mga salita at doktrina ang katotohanan, makapapasok din sila sa katotohanang realidad. Tama ba ito? Ang mga taong nag-uulit lang sa mga doktrina ay likas na walang kakayahang unawain ang katotohanan—kaya paano nila maisasagawa ito? Ang kanilang isinasagawa ay mukhang hindi lumalabag sa katotohanan, at mabubuting gawa, at mabubuting pag-uugali, ngunit paano matatawag na katotohanang realidad ang gayong mabubuting gawa at mabubuting pag-uugali? Ang mga taong hindi nauunawaan ang katotohanan ay hindi nauunawaan kung ano ang katotohanang realidad; itinuturing nila ang mabubuting gawa at mabubuting pag-uugali ng mga tao na pagsasagawa ng katotohanan. Kakatwa ito, hindi ba? May pagkakaiba pa ba ito sa mga kaisipan at pananaw ng mga taong relihiyoso? At paano malulutas ang gayong mga problema ng baluktot na pagkaunawa? Dapat munang maunawaan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos mula sa Kanyang mga salita, dapat nilang malaman kung ano ang pag-unawa sa katotohanan, at kung ano ang pagsasagawa sa katotohanan, para magawang tingnan ang mga tao at makilatis ang tunay nilang pagkatao, at matukoy kung taglay ba nila o hindi ang katotohanang realidad. Ang gawain at pagliligtas ng Diyos ay may layuning ipaunawa at ipasagawa sa mga tao ang katotohanan; saka lamang maiwawaksi ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at magagawang kumilos ayon sa mga prinsipyo, at pumasok sa katotohanang realidad. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, at kontento ka na sa paggugol, pagdurusa, at pagbabayad ng halaga para sa Diyos ayon sa sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon, kakatawan ba ang lahat ng ginagawa mo sa pagsasagawa mo ng katotohanan at pagpapasakop sa Diyos? Mapapatunayan ba nito na nabago mo na ang iyong disposisyon sa buhay? Ipapakita ba nito na taglay mo na ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos? Hindi. Kung gayon ano ang kakatawanin ng lahat ng ginagawa mo? Maaari lang nitong katawanin ang iyong sariling personal na mga kagustuhan, pag-unawa, at pangangarap nang gising. Puro lang ito mga bagay na gusto mong gawin at handa kang gawin; lahat ng ginagawa mo ay tinutugunan lamang ang iyong sariling mga pagnanasa, kapasyahan, at minimithi. Malinaw na hindi iyan paghahangad sa katotohanan. Wala sa mga kinikilos o inaasal mo ang anumang may kaugnayan sa katotohanan, o sa mga hinihingi ng Diyos. Lahat ng kilos at asal mo ay para sa iyong sarili; nagtatrabaho ka lang, nakikibaka, at nagpaparoo’t parito para sa kapakanan ng sarili mong mga mithiin, reputasyon, at katayuan—dahil dito ay wala kang ipinagkaiba kay Pablo, na nagpakapagod at nagtrabaho buong buhay niya para lang magantimpalaan, makoronahan, at makapasok sa kaharian ng langit—ipinapakita nito na malinaw na tinatahak mo ang landas ni Pablo. Sinasabi ng ilan, “Kusang-loob akong nagpapakapagod at nagtatrabaho. Hindi ko sinubukang makipagtawaran sa Diyos.” Hindi mahalaga kung sinubukan mo man o hindi na makipagtawaran sa Diyos, kung mayroon o wala ka mang tahasang layon na makipagtawaran sa Diyos sa iyong isip o saloobin—kung mayroon o wala ka mang gayong plano at mithiin—sinusubukan mong ipalit ang iyong pagpapakapagod at pagtatrabaho, ang iyong mga paghihirap, at ang mga halagang ibinayad mo para sa mga gantimpala at korona ng kaharian ng langit. Ang diwa ng problemang ito ay na sinusubukan mong makipagnegosasyon sa Diyos—hindi mo lang namamalayan na ginagawa mo ito. Ano’t anuman, hangga’t dumaranas ng mga paghihirap at nagbabayad ng mga halaga ang isang tao upang magkamit ng mga pagpapala, ang diwa ng kanyang paghahangad ay pareho ng kay Pablo. Sa anong paraan pareho ang mga ito? Ang mga ito ay parehong pagtatangkang ipalit ang magagandang pag-uugali ng isang tao—ang kanyang pagpapagod, ang mga paghihirap na pinagdadaanan niya, ang mga halagang ibinabayad niya, at iba pa—para sa mga pagpapala ng Diyos, para sa mga pagpapalang ipinapangako Niya sa sangkatauhan. Hindi ba’t sa diwa ay pareho ang mga bagay na ito? (Pareho nga.) Sa diwa ay pareho ang mga ito; wala talagang pagkakaiba. Kung ayaw mong tahakin ang landas ni Pablo, bagkus ay ang kay Pedro, at gusto mong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, paano ka dapat magsagawa? Walang pag-aalinlangan: Kailangan mong matutunang hangarin ang katotohanan. Dapat mong magawang tanggapin ang katotohanan, gayundin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at ang mapungusan; kailangan mong pagtuunan na kilalanin ang iyong sarili, at magdulot ng pagbabago sa iyong disposisyon, at hangarin mong isagawang mahalin ang Diyos. Iyon ang ibig sabihin ng pagtahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan at pagtungo sa landas ni Pedro. Upang tahakin ang landas ni Pedro, dapat mo munang maunawaan kung ano ang hinihingi ng Diyos sa tao at kung ano ang landas na itinuro ng Diyos sa tao. Dapat mong matukoy ang landas ng pananalig sa Diyos na hahantong sa kaligtasan mula sa landas na hahantong sa kapahamakan at pagkawasak. Kailangan mong tunay na pagnilayan kung bakit nagawa mong tahakin ang landas ni Pablo, at tiyakin kung ano ba ang disposisyon na nagtutulak sa iyong tahakin ang landas na iyon. Dapat mong kilatisin ang mga pinakalantad at pinakahalatang bagay na nasa iyong mga tiwaling disposisyon, tulad ng pagiging mayabang, o mapanlinlang, o buktot. Simula sa mga tiwaling disposisyong ito, magnilay-nilay, maghimay, at magkamit ng pagkakilala sa iyong sarili. Kung matatamo mo ang tunay na pagkakilala sa sarili at pagkapoot sa sarili, magiging madali para sa iyo na iwaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon, at magiging madali para sa iyo na isagawa ang katotohanan. Paano ito partikular na isasagawa? Magbahaginan tayo tungkol dito sa simpleng paraan, gamit ang halimbawa ng isang mapagmataas na disposisyon. Sa iyong pang-araw-araw na buhay, kapag ikaw ay nagsasalita, kumikilos at nag-aasikaso ng mga bagay-bagay, gumaganap ng iyong tungkulin, nakikipagbahaginan sa iba, at kung anu-ano pa, anuman ang kasalukuyang inaasikaso mo, o kung nasaan ka man, o kung ano ang mga sitwasyon, dapat mong pagtuunan sa lahat ng oras ang pagsusuri sa kung anong uri ng mapagmataas na disposisyon ang naipakita mo. Dapat mong halukayin ang lahat ng pagbubulalas, saloobin, at ideya na nagmumula sa iyong mapagmataas na disposisyon na alam mo at nawawari mo, gayundin ang iyong mga layon at mithiin—lalo na ang kagustuhang palaging sermunan ang iba mula sa mataas na posisyon; hindi pagsunod sa kahit sino; pagturing sa iyong sarili na mas mahusay kaysa sa iba; hindi pagtanggap sa sinasabi ng iba, gaano man sila katama; pagpilit sa iba na tanggapin at sundin ang sinasabi mo, kahit na mali ka; palagiang pagkahilig na pamunuan ang iba; pagiging hindi masunurin at pangangatwiran kapag pinupungusan ka ng mga lider at manggagawa, pagkondena sa kanila bilang mga huwad; palaging pagkondena sa iba at pagtataas sa iyong sarili; palaging pag-iisip na mas magaling ka kaysa sa lahat; palaging pagnanais na maging isang taong tanyag at sikat; palaging gustong-gustong magpakitang-gilas, upang lubos kang pahalagahan at sambahin ng iba…. Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pagninilay-nilay at paghihimay sa mga pagbuhos na ito ng katiwalian, malalaman mo kung gaano kapangit ang iyong mapagmataas na disposisyon, at magagawa mong kamuhian at kasuklaman ang iyong sarili, at mas lalong kapootan ang iyong mapagmataas na disposisyon. Sa gayon ay magiging handa kang pagnilayan kung nagpakita ka ba o hindi ng mapagmataas na disposisyon sa lahat ng bagay. Ang isang bahagi nito ay pagninilay-nilay sa kung anong mga mapagmataas at mapagmagaling na disposisyon ang lumalabas sa iyong pananalita—anong mga mapagmalaki, mayabang, at walang katuturang bagay ang sinasabi mo. Ang isa pang bahagi ay pagninilay-nilay sa kung anong mga kakatwa at walang katuturang bagay ang ginagawa mo habang kumikilos ka ayon sa iyong mga kuru-kuro, imahinasyon, ambisyon, at pagnanasa. Tanging ang ganitong uri ng pagninilay sa sarili ang magdudulot ng pagkakilala sa sarili. Kapag nagkamit ka na ng tunay na pagkakilala sa iyong sarili, dapat mong hanapin ang mga landas at prinsipyo ng pagsasagawa para sa pagiging isang matapat na tao sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay magsagawa, gumanap ng iyong tungkulin, at humarap at makipag-ugnayan sa iba ayon sa mga landas at prinsipyo na nakasaad sa mga salita ng Diyos. Kapag nakapagsagawa ka na sa ganitong paraan nang ilang panahon, marahil nang isa o dalawang buwan, makararamdam ka ng kasiglahan ng puso tungkol dito, at may makakamit ka mula rito at makatitikim ka ng tagumpay. Mararamdaman mo na mayroon kang landas para maging isang matapat at matinong tao, at mas lalo kang makararamdam ng katahimikan ng kalooban. Bagamat hindi ka pa makapagsasalita tungkol sa partikular na malalim na kaalaman tungkol sa katotohanan, magkakamit ka naman ng ilang perseptuwal na kaalaman tungkol dito, gayundin ng isang landas ng pagsasagawa. Bagamat hindi mo ito maipapahayag nang malinaw gamit ang mga salita, magkakaroon ka naman ng kaunting pagkakilala sa pinsalang nagagawa ng isang mapagmataas na disposisyon sa mga tao at kung paano nito binabaluktot ang kanilang pagkatao. Halimbawa, ang mga taong mayabang at may labis na pagtingin sa sarili ay madalas na nagsasabi ng mga mapagmalaki at imposibleng bagay, at nagsasabi ng mga maladiyablong salita para lansihin ang iba; nagsasabi sila ng mga salitang matayog pakinggan, sumisigaw ng mga salawikain, at nagbubulalas ng matatayog na pambabatikos. Hindi ba’t ang mga ito ay iba’t ibang pagpapamalas ng isang mapagmataas na disposisyon? Hindi ba’t lubhang walang katuturan na magpakita ng mga mapagmataas na disposisyong ito? Kung tunay mong nauunawaan na malamang ay nawalan ka na ng normal na katwiran ng tao kaya ka naglalabas ng mga gayong mapagmataas na disposisyon, at na ang pamumuhay sa loob ng isang mapagmataas na disposisyon ay nangangahulugang nagsasabuhay ka ng pagkadiyablo sa halip na pagkatao, tunay mong makikilala na ang isang tiwaling disposisyon ay isang satanikong disposisyon, at mula sa iyong puso ay magagawa mong kapootan si Satanas at ang mga tiwaling disposisyon. Sa anim na buwan o isang taon ng gayong karanasan, magkakaroon ka ng tunay na pagkakilala sa sarili, at kung maglalabas ka ulit ng isang mapagmataas na disposisyon, mamamalayan mo ito kaagad, at magagawa mong maghimagsik laban dito at talikuran ito. Magsisimula ka nang magbago, at unti-unti mong mawawaksi ang iyong mapagmataas na disposisyon, at normal mo nang makakasundo ang iba. Magagawa mo nang magsalita nang tapat at mula sa puso; hindi ka na magsisinungaling o magsasabi ng kayabangan. Kung magkagayon, hindi ba’t magtataglay ka na ng kaunting katwiran at kaunting wangis ng isang matapat na tao? Hindi ba’t makakamit mo na ang pagpasok na iyon? Ito ang panahon kung kailan magsisimula kang may makamit. Kapag nagsagawa kang maging matapat sa ganitong paraan, magagawa mong hanapin ang katotohanan at pagnilayan ang iyong sarili anumang uri ng mapagmataas na disposisyon ang inilalabas mo, at matapos maranasan ang pagiging isang matapat na tao sa ganitong paraan sa loob ng ilang panahon, walang kamalay-malay at unti-unti mong mauunawaan ang mga katotohanan at nauugnay na salita ng Diyos tungkol sa pagiging isang matapat na tao. At kapag ginamit mo ang mga katotohanang iyon para suriin ang iyong mapagmataas na disposisyon, sa kaibuturan ng iyong puso ay magkakaroon ng kaliwanagan at pagtanglaw ng mga salita ng Diyos, at magsisimulang sumigla ang iyong puso. Malinaw mong makikita ang katiwalian na idinudulot ng isang mapagmataas na disposisyon sa mga tao at ang kapangitan na ipinapasabuhay nito sa kanila, at magagawa mong tukuyin ang bawat isa sa mga tiwaling kalagayan na kinahahantungan ng mga tao kapag nagpapakita sila ng mapagmataas na disposisyon. Sa higit pang paghihimay, mas malinaw mong makikita ang kapangitan ni Satanas, at mas lalo mong kapopootan si Satanas. Sa gayon ay magiging madali para sa iyo na iwaksi ang iyong mapagmataas na disposisyon. Kapag umabot sa puntong ito ang iyong kaalaman, malinaw mong mauunawaan ang nauugnay na katotohanan sa mga salita ng Diyos, at malalaman mo na ang tanging hinihingi ng Diyos sa tao ay iyong dapat taglayin at isabuhay ng mga taong may normal na pagkatao. Sa pamamagitan niyon, hindi na magiging mahirap sa iyo ang pagsasagawa sa katotohanan. Sa halip, maniniwala kang ang pagsasagawa sa katotohanan ay ganap na likas at may katwiran, na ganito dapat mamuhay ang tao. Sa puntong iyon, ang pagsasagawa mo sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan ay ganap na magiging kusa, positibo, at aktibo, at kasabay niyon ay mas lalo mong mamahalin ang katotohanan. Darami ang mga positibong bagay sa iyong puso, at unti-unting uusbong sa puso mo ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Iyan ang ibig sabihin ng totoong maunawaan ang katotohanan. Magkakaroon ka ng tamang pananaw at perspektibo sa lahat ng bagay, at ang tunay na kaalamang ito at ang mga tamang pananaw na ito ay unti-unting mag-uugat sa iyong puso. Iyan ang ibig sabihin ng makapasok sa katotohanang realidad—isa itong bagay na walang sinumang makapagkakait o makapagnanakaw sa iyo. Matapos mong paunti-unting maipon ang mga positibong bagay na ito, madarama mo sa kaibuturan ng iyong puso na labis kang natustusan. Hindi mo na madaramang walang silbi ang manalig sa Diyos, at mawawala na ang hungkag na pakiramdam sa iyong puso. Kapag naramdaman mo na kung gaano kakamangha-manghang maunawaan ang katotohanan at nakita mo na ang liwanag ng buhay ng tao, uusbong sa iyo ang tunay na pananampalataya. At kapag may pananalig ka nang danasin ang gawain ng Diyos, at nakikita mo na kung gaano katotoo at kapraktikal ang paghahangad sa katotohanan at pagkakamit ng kaligtasan, positibo at aktibo mo nang isasagawa at dadanasin ang mga salita ng Diyos. Magbabahagi ka tungkol sa iyong tunay na karanasan at kaalaman, sa gayon ay patototohanan mo ang Diyos at tutulungan ang mas maraming tao na malaman ang kapangyarihan ng mga salita ng Diyos at ang mga pakinabang na idinudulot ng katotohanan sa tao. Pagkatapos ay magkakaroon ka ng higit pang pananalig na isagawa ang katotohanan at gampanan nang maayos ang iyong tungkulin—at sa ganoon, tunay ka nang magpapasakop sa Diyos. Kapag nagsasalita ka tungkol sa iyong tunay na patotoong batay sa karanasan, mas lalong sisigla ang puso mo. Madarama mo na mayroon kang higit pang landas sa pagsasagawa ng katotohanan, at kasabay nito, makikita mo na napakarami mong kakulangan, na napakaraming katotohanan ang dapat mong isagawa. Ang gayong patotoong batay sa karanasan ay hindi lang kapaki-pakinabang at nakapagpapatibay para sa iba—maging ikaw ay makadarama na may nakamit ka sa iyong paghahangad sa katotohanan, at na tunay mong natanggap ang mga pagpapala ng Diyos. Kapag nararanasan ng isang tao ang gawain ng Diyos sa ganitong paraan hanggang sa nakakapagpatotoo na siya para sa Diyos, hindi lang nito maaakay ang mas maraming tao na malaman ang kanilang mga tiwaling disposisyon, na maalis ang mga gapos, pagpigil, at kasawian ng mga disposisyong iyon, at mabigyan sila ng kakayahang makaahon mula sa kapangyarihan ni Satanas—mabibigyan din nito ang taong iyon ng higit pang pananalig na tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan at na magawang perpekto. Hindi ba’t nagiging tunay na patotoo ang gayong karanasan? Gayon ang tunay na patotoo. Madarama ba ng isang taong nakapagbibigay ng gayong patotoo para sa Diyos na ang pananalig sa Kanya ay nakababagot, o walang patutunguhan, o walang kabuluhan? Talagang hindi. Kapag nakapagpapatotoo para sa Diyos ang isang tao at kapag mayroon siyang tunay na pagkakilala sa Diyos, ang kaibuturan ng kanyang puso ay napupuno ng kapayapaan at kagalakan, at pakiramdam niya ay natustusan siya at lubos na panatag ang kalooban niya. Kapag namumuhay sa gayong kondisyon at mundo ang isang tao, natural na hindi niya pipilitin ang sarili na magdusa, magbayad ng halaga, at mapigilan. Hindi niya basta pipilitin ang sarili na disiplinahin ang kanyang katawan at maghimagsik laban sa laman. Ang mas gagawin niya ay positibong magkamit ng kaalaman tungkol sa kanyang mga tiwaling disposisyon. Hahangarin din niya ang kaalaman tungkol sa disposisyon ng Diyos, sa kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, at mauunawaan niya kung ano ang dapat gawin ng isang tao upang magpasakop sa Diyos at mapalugod ang Diyos. Dahil doon ay maaarok niya ang mga layunin ng Diyos sa mga salita ng Diyos, at matatagpuan niya ang mga prinsipyo ng pagsasagawa sa katotohanan, sa halip na ituon ang pansin sa mga panandaliang damdamin sa loob niya. Halimbawa, ang hindi magawang pigilan ang sarili kapag may mga nangyayari, pagiging mainitin ng ulo, pagiging masama ang timpla, ang magalit uli sa araw na iyon, hindi na naman maganda o hindi kasingperpekto ng inaasahan ang pagkakagawa sa isang bagay sa araw na iyon, o anumang gayong hindi mahalagang bagay. Basta’t hindi humahadlang ang mga bagay na ito sa pagsasagawa mo sa katotohanan, hindi kailangang mag-alala tungkol sa mga ito. Dapat kang manatiling nakatuon sa paglutas sa iyong mga tiwaling disposisyon at paghahanap kung paano magsagawa sa paraang nakalulugod sa Diyos at naaayon sa Kanyang mga layunin. Isagawa ang katotohanan nang ganito, at mabilis kang uusad sa buhay, at matatahak mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan at na magawang perpekto. Hindi na magiging hungkag ang iyong puso; magkakaroon ka ng tunay na pananampalataya sa Diyos, at mas lalo kang magiging interesado sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, at mas lalo mong pahahalagahan ang mga ito. Higit lalo mo pang mauunawaan ang mga layunin ng Diyos at ang Kanyang mga hinihingi. Kapag umabot sa ganitong antas ang isang tao, ganap na niyang napasok ang mga salita ng Diyos at ang katotohanang realidad.

Ang isinasagawa at pinapasok ngayon ng maraming tao ay hindi ang katotohanang realidad, kundi pumapasok sila sa isang uri ng kondisyon, kung saan nagpapakita sila ng panlabas na magagandang pag-uugali, at bukal sa loob nilang magbayad ng halaga, at handa silang magdusa, at handang gugulin ang lahat. Gayunpaman, nananatiling hungkag ang kaibuturan ng kanilang puso, at walang suporta sa kaloob-looban nila. Bakit wala silang suporta? Dahil wala silang landas kapag may anumang sumasapit sa kanila; umaasa sila sa pangangarap nang gising, at hindi nila taglay ang mga prinsipyo ng pagsasagawa sa katotohanan. Kapag may lumalabas na tiwaling disposisyon sa kanila, pagpipigil lang sa sarili ang naisasagawa nila, hindi nila nagagawang hanapin ang katotohanan upang lutasin ito. Mapalad ang mga tao na ang kanilang sinaunang laman ay may likas na abilidad: Kaya nitong magdusa. May kasabihan ang mga walang pananampalataya na nagsasabing, “Walang pagdurusa na hindi kayang tiisin, tanging mga pagpapala na hindi matatamasa.” Ang laman ng tao ay may likas na abilidad na taglay nito mula kapanganakan: Hindi nito kayang magtamasa ng napakaraming pagpapala, ngunit nagagawa nitong magdusa ng kahit ano, at tiisin ito, at pigilan ang sarili. Isa ba itong magandang bagay? Isa ba itong kalakasan o kapintasan, isang kakulangan? Ang kasabihan ba nilang iyon ang katotohanan? (Hindi.) Hindi iyon ang katotohanan, at kung ang isang bagay ay hindi ang katotohanan, wala itong katuturan. Mga walang kabuluhang salita lang ang kasabihang iyon, hindi niyon malulutas ang kahit ano sa iyong mga problema, ni hindi niyon malulutas ang iyong mga praktikal na paghihirap. Sa tumpak na pananalita, hindi niyon malulutas ang iyong mga tiwaling disposisyon. Kaya walang silbing sabihin iyon. Kahit na maaaring may kaunting kaalaman ka tungkol dito, alam mo ito, at lubos na itong naranasan, wala pa rin itong silbi. May iba pang kasabihan ang mga walang pananampalataya, tulad ng, “Hindi ako takot mamatay, kaya bakit ako matatakot mabuhay?” at “Kapag narito na ang taglamig, gaano pa kalayo ang tagsibol?” Magagarbong pahayag ang mga ito, hindi ba? Lubos na inspirasyonal at pilosopikal, hindi ba? Tinatawag ng mga walang pananampalataya ang mga kasabihang ito na “panghilom ng kaluluwa.” Gusto mo ba ang mga ganitong uri ng kasabihan? (Hindi.) Bakit hindi? Maaaring sabihin ng ilan, “Ayaw lang talaga namin sa mga ito. Mga walang pananampalataya ang nagsasabi ng mga ito; mga salita ng Diyos ang gusto namin.” Aling bahagi ng mga salita ng Diyos ang gusto mo kung gayon? Aling parirala ang itinuturing mong katotohanan? Aling parirala ang iyong naranasan, naisagawa at napasok, at nakamit? Walang silbi na ayawan lang ang mga kasabihang ito ng mga walang pananampalataya; maaaring hindi mo gusto ang mga ito, ngunit hindi mo matukoy nang malinaw ang diwa ng mga ito. Tama ba ang mga kasabihang ito? (Hindi.) Tama o hindi, walang kinalaman sa katotohanan ang mga salita ng mga walang pananampalataya. Kahit na ituring ng mga tao na mabuti at tama ang mga ito, hindi naaayon ang mga ito sa katotohanan, at hindi maaaring umangat ang mga ito sa antas ng katotohanan. Lahat ng ito ay labag at salungat sa katotohanan. Hindi tinatanggap ng mga walang pananampalataya ang katotohanan, kaya hindi na kailangang makipagtalo sa kanila tungkol sa kung ano ang tama at mali. Ang tanging magagawa natin ay ituring ang kanilang mga salita bilang nakalilitong kahibangan, at hayaan na sila. Ano ang ibig sabihin ng “kahibangan”? Ang ibig sabihin nito ay mga salita na talagang hindi nakapagpapatibay o walang halaga sa mga tao, sa kanilang buhay, sa mga landas na kanilang tinatahak, o sa kanilang kaligtasan. Kahibangan ang lahat ng gayong pananalita; maaari din itong tawaging mga walang kabuluhang salita. Wala itong kinalaman sa buhay at kamatayan ng mga tao, o sa mga landas na tinatahak nila, at isa itong kahibangan na wala talagang positibong silbi. Naririnig ng mga tao ang gayong parirala at namumuhay sila kung paano nila gusto, gaya ng dati; hindi mababago ng gayong parirala ang anumang katunayan, dahil hindi ito ang katotohanan. Tanging ang katotohanan ang nakapagpapatibay sa tao; hindi masusukat ang halaga nito. Bakit Ko ito sinasabi? Dahil kayang baguhin ng katotohanan ang kapalaran ng mga tao, at ang kanilang mga saloobin at pananaw, at ang kanilang kaloob-looban. Higit sa lahat, kayang pawiin ng katotohanan ang mga tiwaling disposisyon ng tao; kaya nitong baguhin ang mga katangian ng isang tao, gawing mga katangian ng katotohanan ang kanyang mga satanikong katangian—kaya nitong baguhin ang isang taong namumuhay ayon sa kanyang mga tiwaling disposisyon at gawin siyang isang taong namumuhay ayon sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos. Kapag isinasabuhay ng isang tao ang katotohanang realidad, gamit ang mga salita ng Diyos bilang kanyang batayan, hindi ba’t nagbabago ang kanyang buhay? Kapag nagbabago ang buhay ng isang tao, ibig sabihin ay nagbago na ang kanyang mga iniisip at pananaw; ibig sabihin ay nagbago na ang kanyang paniniwala, mga saloobin, at mga pananaw tungkol sa mga tao at bagay-bagay; ibig sabihin ay iba na kaysa dati ang kanyang opinyon at mga pananaw patungkol sa mga pangyayari at bagay-bagay. Ang mga kasabihang iyon na mula sa mga walang pananampalataya ay pawang mga walang kabuluhang salita at kahibangan. Hindi malulutas ng mga ito ang anumang problema. Iyong isang kasasabi Ko pa lang—“Walang pagdurusa na hindi kayang tiisin, tanging mga pagpapala na hindi matatamasa”—hindi ba’t mga walang kuwenta at walang kabuluhang salita ito? (Ganoon nga.) Kaya mong magdusa—ano naman ngayon? Hindi ka nagdurusa upang makamit ang katotohanan; nagdurusa ka upang matamasa ang katanyagan at katayuan. Wala talagang halaga o kabuluhan ang iyong pagdurusa. Tingnan mo ang mga katunayan: Nagdusa ka na nang husto at nagbayad ng napakalaking halaga, subalit hindi mo pa rin kilala ang iyong sarili, at hindi mo man lang maunawaan ang mga saloobin at ideyang nagmumula sa iyong tiwaling disposisyon, ni hindi mo malutas ang mga ito. Sa tingin mo ba ay magkakaroon ka ng buhay pagpasok? May halaga ba ang iyong pagdurusa? Wala talaga itong halaga. Ang pagdurusa ng ilang tao ay may halaga. Halimbawa, ang pagdurusang dinaranas ng mga tao upang makamit ang katotohanan ay may halaga: Kapag nakamit na ng isang tao ang katotohanan, kaya niyang pagtibayin at tustusan ang iba. Maraming tao ang nagdurusa at nagbabayad ng halaga upang maipalaganap ang ebanghelyo, na tumutulong na mapalawig ang gawain ng iglesia at ng sambahayan ng Diyos, at maipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian ng langit. Mula rito, makikita natin na sinumang nagdurusa at nagbabayad ng halaga upang makamit ang katotohanan at mapalugod ang Diyos ay may matatamo mula rito. Makukuha ng mga taong ito ang pagsang-ayon ng Diyos. Ngunit may ilan na hindi hinahangad ang katotohanan, at bagamat maaaring ginugugol nila ang sarili at nagdurusa sila para sa Diyos, at natatanggap nila ang Kanyang kabaitan, ang kabaitang iyon ay awa at pagpapaubaya ng Diyos at sumasalamin sa kagandahang-loob na ipinapakita Niya sa tao, pati na sa biyaya na iniaabot Niya sa tao. Anong uri ng biyaya? Kaunting materyal na biyaya—hindi na hihigit pa roon. Iyon ba ang gusto mo? Iyon ba ang pinakalayunin mo sa pananalig sa Diyos? Sa tingin Ko ay hindi. Simula noong araw na nanalig ka sa Diyos, ninais mo lang ba ang Kanyang kabaitan, ang Kanyang proteksyon, at ang ilan sa mga materyal na pagpapalang ipinagkakaloob Niya? Iyon ba ang mga bagay na gusto mo? Iyon ba ang mga hinahangad mo sa iyong pananalig? (Hindi.) Malulutas ba ng mga bagay na ito ang usapin ng iyong kaligtasan? (Hindi.) Mukhang malinaw na malinaw naman ang isip ninyo. Nauunawaan ninyo kung ano ang mahalaga at kung ano ang importante. Hindi kayo nalilito. Alam ninyo kung ano ang matimbang at kung ano ang hindi. Gayunpaman, hindi pa rin sigurado kung magagawa ba ninyong tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan.

Ang pananalig sa Diyos ay hindi tungkol sa pagtatamo ng biyaya o ng pagpapaubaya at awa ng Diyos. Tungkol saan ito, kung gayon? Tungkol ito sa pagkakaligtas. Kaya, ano ang tanda ng kaligtasan? Ano ang mga pamantayan na hinihingi ng Diyos? Ano ang kailangan para maligtas? Ang kalutasan ng tiwaling disposisyon ng isang tao. Ito ang pinakamahalagang punto ng usapin. Kaya sa huli, kapag naisaalang-alang na ang lahat, gaano ka man nagdusa o gaano man kalaking halaga ang ibinayad mo, o gaano ka man katunay na mananampalataya na gaya ng ipinahahayag mo—kung sa huli ay hindi man lang nalutas ang iyong tiwaling disposisyon, nangangahulugan ito na hindi ka isang taong naghahangad ng katotohanan. O maaaring sabihin na kaya hindi nalutas ang iyong tiwaling disposisyon ay dahil hindi mo hinahangad ang katotohanan. Nangangahulugan ito na hindi mo man lang tinahak ang landas ng kaligtasan; nangangahulugan ito na walang naging epekto sa iyo ang lahat ng sinasabi ng Diyos at lahat ng ginagawa Niya upang iligtas ang tao, at wala itong kinahantungang patotoo mula sa iyo, at hindi ito nagbunga sa loob mo. Sasabihin ng Diyos, “Dahil nagdusa ka at nagbayad ng halaga, binigyan kita ng biyaya, mga pagpapala, pangangalaga, at proteksyon na nararapat sa iyo sa buhay na ito at sa mundong ito. Ngunit wala kang parte sa kung ano ang nararapat sa tao pagkatapos na maligtas. Bakit ganoon? Dahil naipagkaloob Ko na sa iyo ang nararapat sa iyo sa buhay na ito at sa mundong ito; pagdating naman sa kung ano ang nararapat sa tao pagkatapos ng pagliligtas, walang nakalaan para sa iyo, dahil hindi mo tinahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan.” Hindi ka kabilang sa mga maliligtas, hindi ka naging tunay na nilikha, at ayaw sa iyo ng Diyos. Ayaw ng Diyos sa mga taong basta lamang nagtatrabaho, nagpaparoo’t parito, nagdurusa, at nagbabayad ng halaga para sa Kanya, na medyo tunay na nananalig at may kaunting pananampalataya, at wala nang iba pa. Matatagpuan ang gayong mga tao kahit saan sa mga grupo ng Kanyang mga mananampalataya. Sa madaling salita, sadyang napakarami nila, silang mga gumagawa at nagtatrabaho para sa Diyos, hindi sila mabilang sa dami. Kung sila ay mga taong paunang itinalaga at pinili ng Diyos, na inakay ng Diyos pabalik sa sambahayan ng Diyos, walang sinuman sa kanila ang aayaw na gumawa at magtrabaho para sa Kanya. Bakit ganoon? Dahil sadyang napakadali nitong gawin. Ito ang dahilan kung bakit napakaraming tao ang nagtatrabaho at nagpapakapagod para sa Diyos. May mga anticristo at masasamang tao pa ngang nagagawa rin ito, tulad ni Pablo. Hindi ba’t napakaraming tao ang katulad ni Pablo? (Oo.) Kung pupunta ka sa isang simbahan at mangangaral sa ganitong paraan—“Basta’t handa kang magparoo’t parito, magdusa, at magbayad ng halaga para sa Diyos, maghihintay sa iyo ang korona ng katuwiran”—sa palagay mo ba ay maraming tao ang tutugon sa iyo? Napakaraming tutugon sa iyo. Ngunit sa kasamaang-palad, sa huli ay hindi sila ang mga taong ililigtas ng Diyos o na maaaring maligtas. Nananatili lang sa yugto ng pagtatrabaho ang gayong mga tao; handa lang silang magtrabaho para sa Diyos. Sa madaling salita, handa lang ang mga taong ito na ipalit ang kanilang pagpapakapagod para sa magandang kapalarang maibibigay ng Diyos, para sa Kanyang biyaya at mga pagpapala. Hindi nila gustong baguhin ang kanilang mga pamamaraan para manatiling buhay, o ang kanilang mga paraan ng pamumuhay, o ang pundasyong inaasahan nila upang mabuhay; ayaw nilang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos upang mabago ang kanilang mga tiwaling disposisyon o hangarin ang katotohanan upang matamo ang kaligtasan. Natural na masasabi mo ring ang mga taong ito ay handa lang magdusa at magbayad ng halaga, na handa lang silang talikuran at ialay ang lahat ng mayroon sila, na ginugugol nila ang lahat ng kaya nila, anuman ang halaga, at na handa silang magpagod sa anumang posibleng paraan—subalit kung hihilingin mo sa kanilang kilalanin nila ang kanilang sarili, na tanggapin ang katotohanan, na lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon, na maghimagsik laban sa laman, na isagawa ang katotohanan, at na bitiwan ang kanilang kasamaan at muling bumaling sa Diyos, gaya ng ginawa ng mga taga-Ninive, at sundin ang Kanyang mga salita, at mamuhay ayon sa Kanyang mga salita, magiging napakahirap nito para sa kanila. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Hindi ba’t masyado itong nakababahala? Ang Diyos ay gumawa ng napakaraming gawain at nagsalita ng napakaraming salita, kaya bakit sa tingin ng mga tao ay napakahirap na hangarin ng katotohanan? Bakit palagi silang mapagwalang-bahala rito? Kahit na maraming taon na silang nakaririnig ng mga sermon, wala pa rin silang intensyong magbago. Hindi sila kailanman taos-pusong nagsisi sa Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso, ni hindi nila kailanman tunay na kinilala o tinanggap ang katunayan na mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Kapwa sa kanilang mga pananaw tungkol sa mga bagay-bagay at sa kanilang mga kilos, hinding-hindi nila binibitiwan ang kanilang mga sariling opinyon at hinahanap ang katotohanan; hindi nila hinaharap ang bawat bagay nang may saloobing baguhin ang kanilang mga opinyon at magsisi sa Diyos. Kaya naman maraming tao na marami nang naranasan at marami nang nagawang gawain, na matagal-tagal na sa kanilang mga tungkulin, ngunit hindi pa rin makapagbigay ng anumang patotoo. Wala pa rin silang kaalaman o karanasan sa mga salita ng Diyos, at kapag nagsasalita sila tungkol sa kanilang karanasan at kaalaman sa mga salita ng Diyos, hiyang-hiya sila at walang magawa, at mukha silang lubusang walang alam. Ang dahilan nito ay wala silang kaalaman sa katotohanan o hindi sila interesado rito. Sa kabilang banda, ang pagpapagod ay napakasimple, napakadali. Kaya lahat ay handang magtrabaho para sa Diyos, ngunit hindi nila pinipiling hangarin ang katotohanan.

Ngayong nasabi na iyan, ano ba talaga ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Marami na tayong nasabi; hindi ba’t dapat nating tukuyin ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Kaya ba ninyo itong bigyang-kahulugan? Napakadali lang naman dapat ng pagbibigay-kahulugan dito, hindi ba? Malalaman ba ninyo ito kung pagninilayan, pagmumunihan, at pag-iisipan lang ninyo ang mga salita? Maaaring may ilang magsasabi, “Malaking paksa ang paghahangad sa katotohanan. Hindi ito malinaw na maipapahayag sa kaunting pangungusap lang. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin tungkol dito. Anong mga salita ang makapaglalarawan dito? Malaking bagay ang paghahangad sa katotohanan, at pinakamatatayog na salita lang ang angkop na makapaglalarawan at makapagbibigay-kahulugan dito—iyon ang tanging paraan para talagang mapabilib ang lahat!” Sa tingin ba ninyo ay ganoon dapat iyon? (Hindi.) Kung gayon, sa pang-araw-araw na wika ay bigyang-kahulugan ninyo ang paghahangad sa katotohanan. (Ang paghahangad sa katotohanan ay nangangahulugan ng paggamit sa katotohanan upang lutasin ang ating tiwaling disposisyon.) Maituturing ba iyang isang depinisyon? Napagpasyahan na ba ninyo ito? Madali bang bigyang-kahulugan ang paghahangad sa katotohanan? Hindi madali ang pagbibigay-kahulugan dito; kailangan ninyong pagsikapang pag-isipan ito. Ano ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Subukan natin itong bigyang-kahulugan. Ang pinakamaganda sa lahat ng wika ng tao ay iyong simple, palasak, at ginagamit sa tunay na buhay. Hindi tayo magsasalita sa wikang hindi naiintindihan o na gumagamit ng mabubulaklak na salita. Magsasalita tayo sa pang-araw-araw na wika ng mga ordinaryong tao, sa paraang matatas, palasak, at madaling maintindihan, upang mabilis na mauunawaan ng mga tao ang ating sinasabi. Bukod sa mga menor de edad, o iyong mga masyadong hangal o hindi maayos ang pag-iisip para maunawaan ito, sinumang nasa hustong gulang na normal ang pag-iisip ay mauunawaan ang wikang ginamit natin sa sandaling marinig nila ito. Iyon ang ibig sabihin ng pagiging palasak ng wika; iyon ang tinatawag na pang-araw-araw na wika. Kaya, ano ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na batay sa mga salita ng Diyos, ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan—iyon ang ibig sabihin ng paghahangad sa katotohanan. Iyon ang tumpak na depinisyon ng paghahangad sa katotohanan. Tanong: Ano ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Sagot: Ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Iyon ang depinisyon ng paghahangad sa katotohanan. Simple lang, hindi ba? Maaaring sabihin ng ilan sa inyo, “Kanina Mo pa ibinabahagi ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan, samantalang isang pangungusap lang pala ang depinisyon niyon. Ganoon lang iyon kasimple?” Oo, ganoon lang iyon kasimple. Ito ay napakasimpleng depinisyon, subalit napakaraming nauugnay na paksa ang natatalakay nito—at ang lahat ng nauugnay na paksa na iyon ay natatalakay ang paksa ng paghahangad sa katotohanan. Kabilang sa mga paksang ito ang mga suliranin ng tao, at ang mga ideya at pananaw ng tao, maging ang lahat ng napakaraming pagdadahilan, pangangatwiran, pamamaraan, at saloobing taglay ng tao patungkol sa paghahangad sa katotohanan. Nariyan din ang paksa ng pagtutol ng tao sa paghahangad sa katotohanan at ang pagtanggi niyang gawin ito, na dulot ng mga tiwaling disposisyon ng tao. Siyempre pa, ang mga bagay na sinabi Ko sa inyo—ang ilang landas at hakbang para sa paghahangad sa katotohanan, ang paraan kung paano hinahangad ng isang tao ang katotohanan, ang mga resultang natatamo sa paghahangad sa katotohanan, at ang katotohanang realidad na makikita sa mga taong nagsasabuhay rito—tinatalakay din ng mga ito ang paksa ng paghahangad sa katotohanan. Ang pinakaresulta nito ay ang patotoo sa mga salita ng Diyos na batay sa karanasan at ang gawain ng Diyos na pagliligtas sa tao na umuusbong kapag ang mga tao ay hinahangad ang katotohanan at isinasagawa at dinaranas ang Kanyang mga salita. Ito ang pinakamagandang resulta. Ang isang katangian ng gayong patotoo ay pinatototohanan nito ang mga resulta ng gawain ng Diyos; ang isa pang katangian ay pinatototohanan nito ang mga positibong epekto na makikita sa mga taong naghangad sa katotohanan, na ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay nalutas, sa iba’t ibang antas. Halimbawa, ang isang taong dating napakayabang, na pabasta-basta, walang-ingat, at sarili lang ang sinusunod sa kanyang mga pagkilos, ay nalaman na isa itong tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay tinanggap ito at kinilala ito. Unti-unti, nagawa niyang malaman ang pinsala na idinudulot ng tiwaling disposisyong ito sa iba at sa kanyang sarili: Sa mas makitid na pananaw, mapanganib ito sa mga tao, at sa mas malawak na pananaw, ginugulo, ginagambala, at pinipinsala nito ang gawain ng iglesia. Isang bahagi ito ng mga resulta; isa itong bagay na natututunan ng isang tao kapag nauunawaan niya ang mga salita ng Diyos. Dagdag pa rito, sa batayan ng paghahayag ng mga salita ng Diyos, kinikilala niya ang kanyang tiwaling disposisyon, at pagkatapos, sa mga sitwasyong isinaayos ng Diyos, unti-unti siyang nagsisisi, at binibitiwan niya ang mga paraan ng pamumuhay at mga pananaw tungkol sa kanyang asal at mga pagkilos na dati niyang pinanghahawakan. Nakakahanap siya ng mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos at inaasikaso niya ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo ng pagsasagawa na ibinigay ng Diyos sa kanya. Ito ay tunay na pagsisisi at tunay na pagbabago ng sarili. Nagagawa niyang umasal at kumilos batay sa mga salita ng Diyos, at sa huli, nagagawa niyang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo sa tuwing kumikilos siya, at isinasabuhay niya ang parte ng realidad ng pagturing sa mga salita ng Diyos bilang kanyang batayan. Isa itong halimbawa ng paglutas ng mapagmataas na disposisyon. Ang pinakaresulta na natatamo nito ay na hindi na ipinapamuhay ng taong ito ang kayabangan; sa halip ay mayroon na siyang konsensiya at katwiran, nagagawa na niyang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at tunay na siyang nagpapasakop sa katotohanan; hindi na pinapangibabawan ng kanyang tiwaling disposisyon ang isinasagawa at ipinapamuhay niya, sa halip ay itinuturing niyang pamantayan niya ang katotohanan, at isinasabuhay niya ang realidad ng mga salita ng Diyos—iyon ang resulta. Hindi ba’t natatamo ang resultang ito sa paghahangad sa katotohanan? (Oo.) Ito ang uri ng resulta na nadudulot sa tao ng paghahangad sa katotohanan. At para sa Diyos, ang pamumuhay sa ganitong paraan ay tunay na patotoo sa Kanya at sa Kanyang gawain; isa itong resulta na natatamo kapag sumasailalim ang isang nilikha sa paghatol, pagkastigo, at paglalantad ng mga salita ng Diyos. Tunay itong patotoo, at isa iyong maluwalhating bagay para sa Diyos. Siyempre, para sa tao, hindi ito maluwalhating bagay; matatawag lang itong kapita-pitagan at kapuri-puring bagay, at siyang patotoong dapat taglayin at isabuhay ng isang nilikha matapos maranasan ang gawain ng Diyos. Isa itong positibong epektong natatamo sa isang taong naghahangad sa katotohanan. Itinuturing din ng Diyos ang gayong karanasan at kaalaman, at kung ano ang isinasabuhay ng mga taong ito, bilang mga resultang natamo ng Kanyang gawain. Para sa Kanya, isa itong patotoo na humahambalos nang malakas kay Satanas. Ito ang minamahal ng Diyos at ang Kanyang pinahahalagahan.

Katatapos lang nating bigyang-kahulugan ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan. Sa pamamagitan ng depinisyon na ito, mas malapit na ba sa realidad ang pananaw ninyo tungkol sa kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? (Oo.) Ngayong nabigyang-kahulugan na natin ang paghahangad sa katotohanan sa paraang nauunawaan ninyo, paano ninyo dapat ituring ang inyong mga dating paghahangad? Posibleng karamihan sa inyo ay hindi mga taong naghahangad sa katotohanan. Maaaring para sa inyo ay medyo nakalulungkot na marinig ito, hindi ba? Basahing muli ang depinisyon. (Ano ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Sagot: Ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan.) Masasabi na ninyo ito ngayon nang tumpak. Kung mas pag-iisipan pa, tama ba ito? (Tama ito.) Kung susukatin ninyo ang inyong mga dating paghahangad at pagsasagawa batay sa depinisyong ito, ano ang magiging resulta? Malalaman ninyo kung kasalukuyan ba ninyong tinataglay ang katotohanang realidad o hindi, at mabeberipika ninyo kung ang kasalukuyan ba ninyong asal ay ang paghahangad sa katotohanan o hindi. Hindi naman ito mahirap unawain, hindi ba? Napakapalasak na wika naman nito, hindi ba? (Oo.) Isa itong ordinaryong wika na mauunawaan ng sinumang ordinaryong tao. Bagamat tila napakadali nitong maunawaan, may problema ang mga tao. Anong problema iyon? Na sa sandaling maunawaan nila ang depinisyon, naiilang sila at sumasama ang loob nila. Bakit masama ang loob nila? Dahil pakiramdam nila ay nakondena ang kanilang mga dating pagdurusa at mga halagang ibinayad nila, na walang saysay nilang ibinigay ang mga ito, at nababalisa sila dahil dito. Pagkarinig nito, sasabihin ng ilang tao, “Ah—iyon pala ang depinisyon ng paghahangad sa katotohanan. Kung pagbabatayan namin ang depinisyon na iyon, hindi ba’t nasayang lang ang lahat ng halagang ibinayad namin at lahat ng aming mga dating ginugol? Kung hindi Mo binigyang-kahulugan ang paghahangad sa katotohanan, magpapatuloy sana kami sa pag-iisip na maganda ang ginagawa namin sa aming paghahangad; ngayong ibinigay Mo na rito ang depinisyong ito, hindi ba’t balewala na ang lahat ng aming paghahangad at halagang ibinayad namin? Hindi ba’t nasira na ang lahat ng pangarap naming makoronahan at magantimpalaan? Kapag naunawaan na namin ang katotohanan, dapat kaming pagpalain at dapat matupad ang aming mga pangarap, kaya bakit kami hinahatulan ngayong nauunawaan na namin ang katotohanan? Bakit kami namumuhay sa kadiliman nang walang pag-asa? Nakondena na ang aming mga nakaraan at kasalukuyan, at hindi masasabi kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Para bang walang pag-asang mapagpapala kami.” Ganoon ba iyon? Tama bang isipin ito ng mga tao sa ganitong paraan? (Hindi.) Dapat bang isipin ito ng mga tao sa ganitong paraan? (Hindi.) Hindi dapat. Ngunit may isang magandang bagay tungkol dito: Maaari mong paulit-ulit na basahin nang padasal ang depinisyong ito ng paghahangad sa katotohanan, pagkatapos ay magbalik-tanaw sa iyong nakaraan, tingnan ang iyong kasalukuyan, at panabikan ang iyong hinaharap. Maaaring sumama ang loob mo, ngunit ang pakiramdam na iyon ay nangangahulugang hindi ka manhid. Alam mong dapat mong isaalang-alang ang iyong nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap, at alam mong dapat kang gumawa ng mga plano para sa iyong mga inaasam, at isipin ang mga ito, mag-alala para sa mga ito, at mabagabag tungkol sa mga ito. Magandang bagay iyon. Pinatutunayan nito na buhay ka pa rin, na isa kang nabubuhay na tao, at na hindi pa patay ang iyong puso. Ang nakababahala ay kapag nananatiling mapagwalang-bahala ang isang tao anuman ang sabihin sa kanya o gaano man kalinaw na ibahagi sa kanya ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Iniisip niya, “Ito lang talaga ako; ano naman kung pagpapalain ako o sasapit sa akin ang sakuna? Hatulan Mo ako, kondenahin Mo ako—gawin Mo ang anumang gusto Mo!” Kahit ano pa ang sabihin sa kanya, manhid siya rito. Problema iyon. Ano ang ibig Kong sabihin sa problema? Nangangahulugan ito na paano ka man magbahagi sa kanya tungkol sa katotohanan, hindi niya ito mauunawaan; isa siyang patay na tao na walang espiritu. Wala siyang kaide-ideya tungkol sa mga bagay na tulad ng pananalig sa Diyos, paghahangad sa katotohanan, pagkakaligtas, o gawain ng Diyos na pagliligtas sa tao, at hindi niya nauunawaan ang gayong mga bagay. Para itong pagtatangkang turuang kumanta ang isang taong sintunado, o pagtuturo sa isang taong color-blind na maghalo ng mga kulay: Sadyang hindi ito posible. Walang anumang kabuluhan o halaga para sa kanya ang pagbabahagi tungkol sa mga bagay na ito, dahil anuman ang sabihin mo, malalim man ito o mababaw, partikular man ito o pangkalahatan, wala itong magiging pagkakaiba—ano’t anuman ay wala siyang mararamdaman. Para siyang bulag na taong nakasalamin, suot man niya o hindi ang salamin na iyon ay walang epekto sa kanyang paningin. Madalas sabihin ng ilang tao, “Kapag narito na ang taglamig, gaano pa kalayo ang tagsibol?” at “Hindi ako takot mamatay, kaya bakit ako matatakot mabuhay?” at “Ikinukumpas ko ang aking mga kamay, ni ang manipis na ulap ay hindi ko mahahawi.” Ang lahat ng ito ay mga salita ng mga walang espiritung patay na tao na ang tingin sa kanilang sarili ay napakatalino. Kung gagamitan ng mga espirituwal na termino, wala silang espirituwal na pagkaunawa. Mga patay na tao ang mga walang espirituwal na pagkaunawa, kahit na sila ay buhay. Kaya bang maunawaan ng mga patay na tao ang mga salita ng mga nabubuhay? Iniisip nila, “Ang lahat ng pag-uusap na ito ay tungkol sa paghahangad sa katotohanan, at ang pagtingin sa mga tao at bagay, at ang asal at mga pagkilos ng isang tao—ano ang kinalaman nito sa akin? Hindi ako takot mamatay, kaya bakit ako matatakot mabuhay?” Katapusan na ng sinumang ganito mag-isip. Isa siya sa mga patay. Ganyan ang depinisyon ng paghahangad sa katotohanan. Anumang mga layunin o plano ang mayroon ka para sa iyong landas sa hinaharap pagkatapos mabasa ang depinisyong ito, o kung paano ka magbabago, nakadepende ang lahat sa iyong personal na paghahangad. Ito ang mga salitang kailangan Kong sabihin at ang gawaing kailangan Kong gawin. Nasabi Ko na ang lahat ng kailangan Kong sabihin, at nasabi Ko na ang lahat ng dapat Kong sabihin. Kung talagang mahal ninyo ang katotohanan at mayroon kayong kagustuhang hangarin ito, makabubuting gamitin ninyo ang ibinigay Kong depinisyon ng paghahangad sa katotohanan bilang mithiin at direksyon para sa inyong paghahangad pagdating sa kung paano ninyo karaniwang tinitingnan ang mga tao at bagay, at paano kayo umaasal at kumikilos, o gamitin ito bilang sanggunian, nang sa gayon ay maaari kayong unti-unting makapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos at ng katotohanang realidad. Kung gagawin mo ito, sa nalalapit na hinaharap, tiyak na may makakamit ka sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Maaaring sabihin ng ilan, “Kahit kailan ay hindi pa huli ang lahat para hangarin ang katotohanan.” Hindi ito tumpak—kung hindi mo hahangarin ang katotohanan hanggang sa matapos na ang gawain ng Diyos, talagang magiging huli na ang lahat. Paano ipaliliwanag ang ideyang iyon? Ang paghahangad sa katotohanan ay dapat na mangyari bago matapos ang gawain ng Diyos. Sa madaling salita, totoo ang pahayag na ito hangga’t hindi pa pinatutunog ng Diyos ang kampana upang ipaalam na tapos na ang Kanyang gawain. Ngunit kapag tapos na ang gawain ng Diyos, at sabihin Niyang, “Hindi Ko na gagawin ang gawain ng pagliligtas sa tao, at hindi na Ako mangungusap ng mga salita upang tulungan ang mga tao na matamo ang kaligtasan o mga salitang may kinalaman sa kaligtasan ng tao. Hindi na Ako mangungusap ng gayong mga bagay,” kung magkagayon ay tunay nang natapos ang Kanyang gawain. Kung maghihintay ka hanggang sa sandaling iyon bago hangarin ang katotohanan, talagang magiging huli na ang lahat. Anuman ang mangyari, kung magsisimula ka nang hangarin ang katotohanan ngayon, magkakaroon ka pa rin ng panahon—may pag-asa ka pang matamo ang kaligtasan. Mula ngayon, gawin mo ang pinakamakakaya mo para unti-unting tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan mo ay ang katotohanan. Sa loob ng maiksing panahon, magsikap na basahin at unawain ang lahat ng salita ng Diyos na naglalantad sa mga tiwaling disposisyon ng tao, at isagawa ang pagninilay sa sarili at pagkilala sa sarili. Malaking pakinabang sa iyong pagpasok sa buhay ang paggawa nito. Halimbawa, sa mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, basahin iyong mga tumatalakay sa disposisyon ng mga anticristo. Hindi ba’t ang mga iyon ang pinakapangunahing mga salita? (Ganoon nga.) At ano ang dapat mong gawin batay sa mga salitang iyon? Kondenahin ang iyong sarili? Sumpain ang sarili? Ipagkait sa sarili ang iyong kinabukasan at kapalaran? Hindi—dapat mong gamitin ang mga ito upang malaman ang iyong tiwaling disposisyon. Huwag itong subukang takasan. Bawat tao ay kailangang pagdaanan ang yugtong ito. Ano ang ibig sabihin na ang bawat tao ay kailangang pagdaanan ito? Katulad lang ito ng kung paanong ang bawat tao ay ipinanganganak na may ina at ama, pagkatapos ay lumalaki, tumatanda, at namamatay. Mga yugto ito na kailangang isa-isang pagdaanan ng bawat tao. Gaano kahalaga ang paghahangad sa katotohanan? Kasinghalaga ito ng pang-araw-araw na pagkain at inumin ng tao. Kung titigil ka sa pagkain at pag-inom bawat araw, hindi makatatagal ang iyong katawan; hindi makapagpapatuloy ang iyong buhay. Ang ibig sabihin ng “ayon sa mga salita ng Diyos” ay dapat mong tingnan ang mga tao at bagay, at dapat kang umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na siya namang magpapausbong sa iyong mga pananaw, pamamaraan, at kagawian. Siyempre pa, katumbas ng “ayon sa mga salita ng Diyos” ang “na ang pamantayan ay ang katotohanan.” Kaya, sa depinisyon ng paghahangad sa katotohanan, sapat na ang “ayon sa mga salita ng Diyos.” Bakit kailangan pang idagdag ang “na ang pamantayan ay ang katotohanan?” Dahil may ilang partikular na problema na hindi tinatalakay sa mga salita ng Diyos. Sa gayong mga sitwasyon, dapat mong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, ayon sa mga prinsipyong iyon. Sa paggawa nito, tiyak na matatamo mo ang ganap na katumpakan. Bago matamo ang ganap na katumpakan, dapat malaman muna ng isang tao ang kanyang tiwaling disposisyon at kilalanin ang kanyang mga tiwaling pagbubulalas at tiwaling diwa. Pagkatapos niyon, dapat siyang taos-pusong magsisi, at sa gayon ay tunay na mabago ang kanyang sarili. Kailangang-kailangan ang bawat isa sa mga proseso sa seryeng ito, tulad na lamang kapag kumakain ang isang tao: Dapat isubo ang pagkain, at pagkatapos ay dapat iyong dumaan sa kanyang lalamunan papunta sa kanyang sikmura, pagkatapos ay matutunaw ito at maaabsorb. Saka lang ito unti-unting hahalo sa kanyang dugo at magiging sustansya na kailangan ng kanyang katawan. Hinahangad ng mga tao ang katotohanan at ginagawa itong kanilang pamantayan, pagkatapos ay naisasagawa na nila ang katotohanan, at naipapamuhay ito, at napapasok nila ang katotohanang realidad. Kailangang-kailangan ang bawat isa sa mga normal na proseso sa seryeng ito; mga kinakailangang hakbang ito na dapat pagdaanan ng bawat taong naghahangad sa katotohanan sa kanyang paghahangad sa anumang aspekto ng katotohanan. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi ko kailangan ang mga hakbang at proseso na iyon para hangarin ang katotohanan. Hahanapin ko na lang nang direkta ang katotohanan at pagkatapos ay isasagawa ito at gagawin itong realidad ko.” Napakasimpleng pagkaunawa niyon, ngunit kung makapagbubunga ito ng mga resulta, siyempre mas magandang paraan ito. Ipinapakita nito na nakaipon ka na ng partikular na dami ng kaalaman at tagumpay habang regular na inaalam ang iyong tiwaling disposisyon, kaya puwede mo nang hindi gawin ang mga proseso ng pagsusuri, pag-alam, pagtanggap, pagsisisi, at iba pa, at dumeretso ka na sa paghahanap sa mga katotohanang prinsipyo. Para makaderetso ang isang tao sa paghahanap sa mga katotohanang prinsipyo, dapat nagtataglay siya ng isang partikular na tayog. Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng gayong tayog? Nangangahulugan itong mayroon siyang tunay na kaalaman tungkol sa kanyang tiwaling disposisyon, at na kapag hindi niya nauunawaan ang mga katotohanan tungkol sa isang bagay na sumasapit sa kanya, hindi na niya kailangang kilalanin ang kanyang sarili, o magsisi, o baguhin ang kanyang landas. Ang kailangan na lang niyang gawin ay direktang makamit ang pagkaunawa sa mga katotohanang prinsipyo, at pagkatapos ay magsagawa ayon sa mga ito. Sapat na iyon. Hindi ito ang tayog ng isang ordinaryong tao. Ang isang taong may gayong tayog ay naranasan na kahit papaano ang proseso ng matinding paghatol, pagkastigo, pagdisiplina, at pagsubok ng Diyos. Nagpasakop na siya sa Diyos at nasa daan na tungo sa pagiging naperpekto. Hindi kailangan ng gayong mga tao ang mga prosesong gaya ng pag-alam sa kanilang katiwalian, pagkatapos ay pagkilala rito, pagsisisi, at pagbago sa kanilang sarili. Paano naman kayo? Kailangan ba ng karamihan sa inyo na magsimula sa pagkilala sa sarili? Kung hindi mo kilala ang iyong sarili, hindi ka makukumbinsi, at hindi magiging madali para sa iyo na tanggapin ang katotohanan, ni hindi mo magagawang tunay na magsisi. Kung hindi ka tunay na magsisisi, makapagpapasakop ka ba sa katotohanan? Makapagpapasakop ka ba sa Diyos? Hinding-hindi, at kung ganoon, hindi ka isang taong maliligtas.

Pagkatapos ng pagbabahaginang ito, medyo may landas na ba kayo ng paghahangad sa katotohanan? May kumpiyansa na ba kayong hangarin ito? (Mayroon na.) Maganda iyan; nakababahala kung wala kayong kumpiyansa. Maaaring may ilan sa inyo na negatibo ang pakiramdam pagkatapos ng sermon. “Naku—mahina ang kakayahan ko. Nakinig ako sa sermon, pero wala akong maintindihan; kaunting doktrina lang ang nauunawaan ko. Mukhang wala akong gaanong espirituwal na pagkaunawa. Wala akong sigla pagdating sa paghahangad sa katotohanan. Sa pagganap sa aking tungkulin, ang kaya ko lang gawin ay magpagod nang kaunti. Napakarami kong pagkukulang at puno ako ng mga tiwaling disposisyon. Palagay ko hindi na ito mababago. Ganito na lang talaga ito. Sapat na sa akin na maging trabahador lang.” Matatahak ba ng isang taong may ganitong mga negatibong saloobin ang landas ng paghahangad sa katotohanan? Tila medyo mapanganib ito, dahil ang mga negatibong saloobing ito ang nagiging malaking hadlang sa paghahangad ng isang tao sa katotohanan. Kung hindi niya lulutasin ang mga ito, gaano man kaganda ang landas na ito, hindi niya ito matatahak. Ang ilang tao ay maraming beses nang nabigo at nalugmok sa daan ng paghahangad sa katotohanan, at sila ay nasiraan ng loob sa huli: “Iyon na iyon—hindi ko na kailangang hangarin pa ang katotohanan. Hindi ko kapalaran na mapagpala. Hindi ba’t ang Diyos Mismo ang nagsabi: ‘Taglay mo ba ang mukha ng isang taong magtatamo ng mga pagpapala?’ Sa isang tingin lang sa salamin ay nakikita ko nang pangkaraniwan ang hitsura ko, na walang sigla ang mga mata ko at hindi maganda ang proporsyon ng mukha ko, wala ni katiting na kapinuhan. Paano mo man ito tingnan, sadyang hindi ako isang taong mukhang pinagpapala. Kung hindi ito paunang itinalaga ng Diyos, maghangad man ang mga tao hangga’t gusto nila, wala itong magiging silbi!” Tingnan ang pag-iisip ng mga taong ito: Paano sila makatatahak sa daan ng paghahangad sa katotohanan kung napakaraming karima-rimarim na bagay sa kanilang puso ang hindi pa nalulutas? Ang paghahangad sa katotohanan ang pinakadakilang bagay sa buhay, at ang pinakamalalang maaari mong gawin ay ang palagi itong iugnay sa pagkakamit ng mga pagpapala. Dapat munang lutasin ng isang tao ang kanyang intensyong magkamit ng mga pagpapala. Pagkatapos niyon, medyo magiging mas maayos na ang paghahangad sa katotohanan. Pagdating sa paghahangad sa katotohanan, ang pinakamahalagang bagay ay hindi ang tingnan kung marami bang tao ang nasa landas na ito, at hindi ang sumunod sa pinipili ng nakararami, kundi ang tumuon lang sa pagsisikap na matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, sa pagtulad kay Pedro. Ang pinakaimportanteng bagay ay ang malinaw na makita ang kasalukuyan at mamuhay rito, ang malaman kung anong tiwaling disposisyon ang kasalukuyang lumalabas mula sa iyo, at ang agaran at mabilisang paghahanap sa katotohanan upang lutasin ito, na sa una ay himayin ito at alamin ito nang mabuti, at pagkatapos ay magsisi sa Diyos. Kapag nagsisisi ka, ang pagsasagawa sa katotohanan ang pinakamahalaga—ito ang tanging paraan upang magtamo ng mga totoong resulta. Kung sasabihin mo lang sa Diyos, “Diyos ko, handa akong magsisi. Patawad. Mali ako. Pakiusap, patawarin Mo ako!” at iisiping ito lang ang kailangan mong gawin upang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, gagana ba iyon? (Hindi.) Kung palagi kang handang sabihin sa Diyos, “Diyos ko, patawad. Mali ako,” na umaasang kapag sinabi mo ito ay sasabihin ng Diyos, “Ayos lang. Magpatuloy ka lang”—kung palagi kang namumuhay sa ganitong klase ng kondisyon, hindi mo mapapasok ang katotohanan. Kung gayon, paano ka dapat magdasal at magsisi sa Diyos? May landas ba ito? Ang sinumang may karanasan na rito ay maaaring magsalita nang kaunti tungkol dito. Wala? Lumilitaw na karaniwan, hinding-hindi kayo nagdarasal para magsisi, ni hindi ninyo ipinagtatapat ang inyong mga kasalanan at hindi kayo nagsisisi sa Diyos. Kung gayon, paano ninyo dapat bitiwan ang inyong sariling mga kahilingan at intensyon? Paano ninyo dapat lutasin ang inyong katiwalian? Mayroon ba kayong landas ng pagsasagawa? Bilang halimbawa, kung wala kang landas para sa paglutas ng mapagmataas na disposisyon, dapat kang magdasal sa Diyos nang ganito: “Diyos ko, may mapagmataas na disposisyon ako. Sa tingin ko ay mas magaling ako kaysa sa iba, mas mahusay kaysa sa iba, mas matalino kaysa sa iba, at gusto kong gawin ng iba kung ano ang sinasabi ko. Sobrang hindi ito makatwiran. Bakit hindi ko ito mabitiwan, kahit na alam kong kayabangan ito? Nagsusumamo akong disiplinahin at pagalitan Mo po ako. Handa akong bitiwan ang aking kayabangan at ang sarili kong mga layunin para sa halip ay hanapin ang Iyong mga layunin. Handa akong makinig sa Iyong mga salita, at tanggapin ang mga ito bilang aking buhay at mga prinsipyo para sa aking pagkilos. Handa akong ipamuhay ang Iyong mga salita. Nagsusumamo akong gabayan Mo ako, nagsusumamo akong tulungan at akayin Mo ako.” May saloobin ba ng pagpapasakop sa mga salitang ito? May kagustuhan bang magpasakop? (Mayroon.) Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi epektibo ang isang beses lang na pagdarasal. Kapag may sumasapit sa akin, namumuhay pa rin ako ayon sa aking tiwaling disposisyon, at gusto ko pa ring ako ang masunod.” Kung gayon, magpatuloy sa pagdarasal: “Diyos ko, napakayabang ko, napakarebelde! Nagsusumamo akong disiplinahin Mo ako, patigilin ang aking paggawa ng masama, at pigilan ang aking mapagmataas na disposisyon. Nagsusumamo akong gabayan at akayin Mo ako, nang sa gayon ay maipamuhay ko ang Iyong mga salita, at makakilos at makapagsagawa ako ayon sa Iyong mga salita at hinihingi.” Dalasan ang paglapit sa Diyos sa panalangin at pagsamo, at hayaan Siyang gumawa. Kapag mas taos-puso ang iyong mga salita, at mas tapat ang iyong puso, mas titindi ang iyong kagustuhang maghimagsik laban sa laman at ang iyong sarili. Kapag napangibabawan nito ang iyong kagustuhang kumilos ayon sa sarili mong kalooban, unti-unting kusang magbabago ang iyong puso—at kapag nangyari iyon, magkakaroon ka ng pag-asang maisagawa ang katotohanan at makakilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag nagdarasal ka, ang Diyos ay walang anumang sasabihin sa iyo, o ipahihiwatig sa iyo, o ipapangako sa iyo, ngunit susuriin Niya ang iyong puso at ang intensyon sa likod ng iyong mga salita; oobserbahan Niya kung taos-puso at totoo ba ang sinasabi mo, at kung nagsusumamo at nagdarasal ka ba sa Kanya nang may tapat na puso. Kapag nakikita ng Diyos na tapat ang iyong puso, aakayin at gagabayan ka Niya, gaya ng hiniling at ipinagdasal mong gawin Niya, at siyempre pa, pagagalitan at didisiplinahin ka rin Niya. Kapag tinutupad ng Diyos ang ipinagsusumamo mo, ang iyong puso ay mabibigyang-liwanag at medyo magbabago. Taliwas dito, kung hindi taos-puso ang iyong mga panalangin at pagsusumamo sa Diyos, at wala kang tunay na kagustuhang magsisi, bagkus ay sinusubukan mo lang na pabasta-bastang amuin ang Diyos at lokohin Siya gamit ang iyong mga salita, kapag sinuri ng Diyos ang iyong puso, wala Siyang anumang gagawin para sa iyo, at itataboy ka Niya. Sa mga sitwasyong ito, hindi mo rin mararamdaman na may anumang sinasabi ang Diyos sa iyo, o na may ginagawa Siyang anuman, o kumikilos man lang. Hindi gagawa ang Diyos ng kahit anong gawain sa iyo, dahil hindi tapat ang puso mo. At kapag hindi gumagawa ang Diyos, ano ang mangyayari? Gaya ng gusto mong mangyari, mawawalan ng pagnanais na magsisi ang iyong puso, at talagang hindi ito magbabago. Kaya naman, sa kapaligirang iyon at sa pangyayaring sumapit sa iyo, madidiktahan pa rin ng kagustuhan at mga tiwaling disposisyon ng tao ang ginagawa mo, sa halip na maging batay sa mga katotohanang prinsipyo. Kikilos at magsasagawa ka pa rin ayon sa kung ano ang gusto at nais mo. Ang resulta ng mga panalangin mo sa Diyos ay magiging pareho sa resulta bago ka manalangin; walang magiging pagbabago. Gagawin mo pa rin ang anumang gusto mo, nang hindi man lang binabago ang iyong sarili. Ang ibig sabihin nito, sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, mahalaga ang mga pansariling pagsisikap ng mga tao, at mahalaga rin kung nauunawaan ba nila ang katotohanan. Kasabay nito, kapag nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at nais itong isagawa, ngunit nahihirapang gawin ito, dapat silang umasa sa Diyos, at ihandog ang kanilang puso at mga taimtim na panalangin. Napakahalaga rin niyon; kailangang-kailangan ang lahat ng bagay na ito. Kung ang ginagawa mo lang ay magdasal sa Diyos sa pabasta-basta at paimbabaw na paraan, sinasabing: “Diyos ko, mali ako. Patawad,” at kung pabasta-basta ka sa Diyos sa puso mo gaya ng pagiging pabasta-basta mo sa mga salita sa iyong panalangin, hindi gagawa ng gawain ang Diyos, ni hindi ka Niya pagtutuunan ng pansin. Kung sasabihin mong, “Diyos ko, patawad. Mali ako,” tiyak na hindi sasabihin ng Diyos: “Ayos lang.” Dahil sa mga pabasta-basta at mababaw na salitang sinambit mo sa Kanya, tatanungin ka ng Diyos: “Sa paanong paraan ka nagkamali? Ano ang plano mong gawin? Magsisisi ka ba? Tatalikuran mo ba ang iyong kasamaan at babaguhin ang iyong sarili? Bibitiwan mo ba ang sarili mong kagustuhan, mga layunin, at mga interes, at magmamadali ka bang baguhin ang iyong sarili? Makapagdedesisyon ka bang baguhin ang sarili mo?” Maaaring hindi mo marinig na nagtatanong ng kahit ano sa iyo ang Diyos habang nangyayari ito, ngunit kung sasabihin mo sa Diyos, “Diyos ko, patawad. Mali ako,” sa perspektibo ng Diyos, magiging gaya sa sinabi Ko ang saloobin Niya: Tatanungin ka Niya gamit ang mga salitang ito. Paano ka Niya tatanungin? Pagmamasdan Niya kung ano ang ginagawa mo at ang mga desisyon mo matapos sabihing: “Diyos ko, patawad. Mali ako.” Titingnan Niya kung may tunay kang pagsisisi na nagmumula sa tunay na pagkilala at pagkapoot sa iyong sariling katiwalian. Titingnan ng Diyos kung ano ang saloobin mo sa Kanya, kung ano ang saloobin mo sa katotohanan, kung paano mo tinitingnan ang sarili mong tiwaling disposisyon at ano ang mga pananaw mo tungkol dito, at kung balak mong bitiwan ang mga mali mong pananaw at pamamaraan; titingnan Niya ang iyong mga desisyon, kung pinipili mo bang tahakin ang daan ng paghahangad sa katotohanan, kung paano ka dapat kumilos at ang mga prinsipyo na dapat mong itaguyod mula ngayon, kung kaya mo bang isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Kanya. Susuriin ng Diyos ang bawat kilos mo, ang bawat layunin at desisyon mo, at habang ginagawa Niya ito, titingnan Niya kung ang mga bagay ba na ginagawa mo pagkatapos gawin ang mga desisyon na iyon ay talagang mga kilos ng pagsisisi at pagbabago ng sarili. Iyon ang mahalagang isyu.

Kapag pinili na ng mga tao na magsisi, paano nila sisimulang baguhin ang kanilang sarili? Sa pamamagitan ng pagbitiw sa iyong mga kahilingan, saloobin at pananaw, at nakagawiang paggawa ng mga bagay-bagay upang isagawa ang katotohanan, at tunay na pagbabago. Iyon ang ibig sabihin ng tunay na pagbabago ng sarili. Kung sinasabi mo lang na handa kang baguhin ang sarili mo, pero sa puso mo ay kumakapit ka pa rin sa mga sarili mong kahilingan, tinatalikuran ang katotohanan, at ipinagpapatuloy ang iyong nakagawian, hindi mo tunay na binabago ang iyong sarili. Kung ang sinasabi mo lang sa Diyos kapag nagdarasal ka ay “Diyos ko, patawad. Mali ako,” subalit sa lahat ng kilos mo pagkatapos ay gumagawa ka pa rin ng mga desisyon, kumikilos, nagsasagawa, at namumuhay ayon sa sarili mong kagustuhan, na sinasalungat mo ang katotohanan sa paggawa ng lahat ng bagay na ito, kung gayon sa perspektibo ng Diyos, paano ka dapat tukuyin? Hindi mo binago ang iyong sarili. Kahit papaano, sasabihin Niyang wala kang intensiyong baguhin ang iyong sarili. Maaaring sabihin mo sa Diyos, “Diyos ko, patawad. Mali ako,” ngunit mga pabasta-bastang salita lang ang mga ito, hindi pagsisisi o pagtatapat na nagmumula sa kaibuturan ng iyong puso. Hindi sumasalamin ang mga ito sa saloobin ng pag-amin sa pagkakamali at pagsisisi; mga walang kabuluhang salita lang ang mga ito. Hindi nakikinig ang Diyos sa sinasabi mo—tinitingnan Niya kung ano ang iyong iniisip, pinaplano, at pinapakana. At kapag nakikita ng Diyos na ang batayan at mga prinsipyo para sa iyong mga kilos ay salungat pa rin sa katotohanan, papatawan ka Niya ng tunay, totoo, at tumpak na hatol. Sasabihin Niya, “Hindi mo binago ang iyong sarili, at hindi mo binabago ang iyong sarili.” At kapag sinasabi ito ng Diyos, kapag ipinapataw ng Diyos ang hatol na ito sa iyo, mawawalan na Siya ng pakialam sa iyo. At kapag wala nang pakialam ang Diyos sa iyo, magiging madilim ang iyong puso sa mga darating na araw, at mawawalan ka ng kaliwanagan at pagtanglaw sa lahat ng ginagawa mo, at hindi mo man lang mamamalayan kapag naglalabas ka ng tiwaling disposisyon, ni hindi ka madidisiplina dahil dito. Magpapatuloy ka, nang manhid at matamlay, at magiging hungkag ang pakiramdam mo, at mararamdaman mong wala kang anumang maaasahan. Ang pinakamalala pa, ipagpapatuloy mo ang iyong hindi makatwiran at walang pakundangang pagkilos, at patuloy mong hahayaang malayang lumobo at lumaki ang iyong tiwaling disposisyon. Iyon ang mangyayari. Ano ang pinakakahihinatnan ng isang taong kumikilos sa ganitong paraan? Kapag tinatalikdan ng isang tao ang katotohanan, ang kahihinatnan na idinudulot niya sa kanyang sarili ay ang mawalan ng pakialam ang Diyos sa kanya. Bagamat maaaring walang anumang sabihin o malinaw na ipahiwatig sa iyo ang Diyos, mararamdaman mo ito. Batay sa iyong mga saloobin at ideya, sa iyong mga totoong kalagayan, at sa iyong saloobin sa katotohanan, magiging malinaw na ang iyong kabuuang kondisyon ay pagiging manhid, matamlay, mapagmatigas, at iba pang gayong pagpapamalas. Nasasalamin ang mga bagay na ito sa mga tao. Kaya, pagkatapos ikumpara dito ang inyong tunay na buhay at ang mga bagay na inyong isinasagawa, maaaring gusto ninyong aralin o siyasatin ang mga sumusunod: Kapag hindi ka man lang bumaling sa Diyos, maaaring nagsasabi ka sa Kanya ng maraming magagandang pakinggan at matatamis na salita, ngunit nasa anong uri ng kalagayan at kondisyon ka kapag sinasabi mo ang mga ito? At kapag tunay mong nabago ang iyong sarili, bagamat maaaring hindi ka nagdarasal sa Diyos nang may matatamis at magagandang pakinggang salita, at nagsasalita lang nang kaunti mula sa puso mo, nasa anong uri ng kalagayan at kondisyon ka sa sitwasyong ito? Ganap na magkaiba ang dalawang kalagayang ito. Maaaring walang anumang malinaw na ipinahihiwatig ang Diyos sa mga tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay o hindi Siya nangungusap sa kanila sa malilinaw na salita, ngunit mararamdaman ng mga tao ang gawain ng Banal na Espiritu, at ang lahat ng ginagawa Niya, at bawat layunin na nais Niyang ipahayag, sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Natural na mapapansin din ito ng mga tagamasid. Maaaring ang isang taong manhid at mahina ang isip ay biglang maging matalino, o ang isang taong karaniwang matalino ay biglang maging manhid, mahina ang isip, at walang silbi. Puwedeng mangyari nang sabay ang dalawang kondisyon o kalagayang ito sa iisang tao, o sa magkakaibang tao—madalas mangyari ang ganitong bagay. Mula rito, makikita ng isang tao na sa maraming pagkakataon, ang pagiging matalino o hangal ng isang tao ay hindi tungkol sa kanyang utak, mga iniisip, o kakayahan; itinatakda ito ng Diyos. Malinaw ba iyon? (Oo.) Hindi mo kailanman mauunawaan ang mga bagay na ito hangga’t hindi mo pa nararanasan ang mga ito. Kapag naranasan mo na ang mga ito, malalaman mo—kapag mas malalim ang karanasan mo sa mga ito, mas lubusan mo itong mauunawaan, at mas lalalim ang pagpapahalaga mo sa mga ito. Ang mga layunin ng Diyos ay nasa Kanyang mga kilos; hindi ka Niya bibigyan ng malinaw na indikasyon ng mga ito, ni hindi Niya lantarang sasabihin sa iyo ang tungkol sa mga ito o tatalakayin ang mga ito sa iyo, ngunit hindi ito nangangahulugang wala Siyang saloobin tungkol sa iyo. Hindi ibig sabihin nito na ang Diyos ay walang pananaw sa anuman sa mga kaisipan, ideya, kalagayan, o saloobin na taglay mo. Kapag kinikimkim ng isang tao ang personal niyang mga layon at plano kapag may sumasapit sa kanya, kapag malinaw siyang nagpapakita ng tiwaling disposisyon—ito mismo ang mga sandali kung kailan kailangan niyang pagnilayan ang kanyang sarili at hanapin ang katotohanan, at ito rin ang mga kritikal na sandali kung kailan sinusuri ng Diyos ang taong iyon. Samakatuwid, kung nagagawa mo mang hanapin ang katotohanan, tanggapin ang katotohanan, at tunay na magsisi–ito ang mga sandali na lubos na naglalantad sa isang tao. Sa gayong mga pagkakataon, dapat mong kilalanin na mayroon kang tiwaling disposisyon at maging handa kang tunay na magsisi. Dapat kang gumawa ng taos-pusong deklarasyon sa Diyos, sa halip na maging mapagwalang-bahala sa Kanya sa pagsasabi na, “Diyos ko, patawad. Mali ako.” Ang kailangan sa iyo ng Diyos ay hindi ang iyong pagiging mapagwalang-bahala, kundi isang saloobin ng taos-pusong pagsisisi. Kung may mga suliranin ka, tutulungan ka, gagabayan ka, at aakayin ka ng Diyos sa bawat hakbang ng iyong pagbabago sa sarili, tungo sa landas ng pagtanggap at paghahangad sa katotohanan. Siyempre pa, kung sa mga salita lang umiiral ang pagsisisi mo, o kung balak mong magsisi at nais na bitiwan ang mga intensyon at pagnanasa mo, ngunit hindi ka taos-puso rito at wala kang kahandaang gawin ito, hindi ka pipilitin ng Diyos. Pagdating sa Diyos, walang “dapat” sa Kanyang saloobin sa tao; binibigyan ka ng Diyos ng kalayaan at binibigyan ka ng Diyos ng pagpipilian, at naghihintay Siya. Ano ang hinihintay Niya? Hinihintay Niyang makita kung ano ang pipiliin mo sa huli at kung balak mong magsisi. Kung balak mong magsisi, kailan mo ito gagawin? Paano maipamamalas ang iyong pagsisisi? Kung balak mong magsisi at handa kang gawin ito, subalit sinusubukan mo pa ring protektahan ang mga sarili mong interes kapag kumikilos ka, at ayaw mo pa ring mawala ang iyong katayuan, malinaw na hindi ka totoong nagsisisi, na hindi ka sinsero dito. Medyo gusto mo lang magsisi, ngunit hindi ka tunay na nagsisisi. Gagawa ba sa iyo ang Diyos kung balak mo lang magsisi pero hindi ka tunay na nagsisisi? Hindi. Sasabihin Niya, “Kailan mo ba balak na magsisi?” Hindi mo malalaman kung kailan. Tatanungin ka ba ulit ng Diyos? Hindi—sasabihin Niya, “Kung gayon, hindi ka tunay na nagsisisi. Maghihintay na lang Ako.” Maaaring hindi mo balak na magsisi, maaaring hindi ka handang magsisi, o bitiwan ang iyong katayuan at mga interes. O sige. Binibigyan ka ng Diyos ng kalayaan, at puwede mong piliin ang anumang gusto mo. Hindi ka pipilitin ng Diyos. Ngunit may isang katunayan na dapat mong isaalang-alang, tulad ng mga taga-Ninive, kung hindi mo babaguhin ang iyong sarili at hindi ka magsisisi, ano ang magiging resulta nito? Mawawasak ka. Kung sa kasalukuyan ay binabalak mo lang magsisi, ngunit wala kang ginagawang anumang totoong aksiyon tungo sa pagsisisi, mawawalan ng pakialam sa iyo ang Diyos. Bakit Siya mawawalan ng pakialam sa iyo? Sinasabi ng Diyos, “Hindi ka tapat, hindi mo ipinahahayag ang opinyon mo, at urong-sulong pa rin ang puso mo.” Pagkatapos ng sandaling pag-iisip, maaaring sabihin mong handa ka nang magsisi, pero iniisip mo lang iyon, isang hungkag na pahayag, na walang anumang aksiyon o kongkretong plano. Kaya naman sinasabi ng Diyos, “Isasantabi Ko na lang ang mga taong katulad mo. Wala Akong pakialam sa iyo. Gawin mo kung ano ang gusto mo!” Kapag napagtanto mo isang araw, “Naku, kailangan kong magsisi,” paano mo ito dapat gawin? Ang Diyos ay hindi maloloko ng mga salita mong iyon at hindi Siya pikit-matang gagawa, magsasabing, “Balak niyang magsisi, kaya ngayon ay kailangan Ko siyang pagpalain, hindi ba?” Hindi iyon gagawin ng Diyos. Ano ang gagawin Niya? Susuriin ka Niya. Balak mong magsisi, nais mong magsisi, at mas hinihiling mo na ito kaysa dati, ngunit sino ang nakakaalam kung gaano katagal bago mo talaga ito gawin. Kung hindi ka pa nakagagawa ng mga kongkretong hakbang o wala kang kongkretong planong magsisi, hindi iyon totoong pagsisisi. Dapat umaksiyon ka nang totoo. Kapag nakakilos ka na talaga, susunod na ang gawain ng Diyos. Hindi ba’t may mga prinsipyo sa gawain ng Diyos at sa Kanyang pagtrato sa mga tao? Kapag gumagawa ang Diyos, nagkakamit ng kaliwanagan ang isang tao, kumikislap ang kanyang mga mata, nauunawaan niya ang katotohanan at napapasok ang realidad, at ang kanyang mga nakakamit ay dumarami ng isang daan, isang libong beses. Sa sandaling mangyari ito, tunay kang pinagpala. Kung gayon, anong pundasyon ang dapat pagbatayan ng mga tao upang matamo ang mga bagay na ito? (Ang kakayahang tunay na magsisi.) Tama iyan. Kapag tunay na binibitiwan ng mga tao ang kanilang sariling mga interes at pagnanasa, kapag tunay silang nagsisisi sa Diyos—ibig sabihin, itinitigil nila ang kanilang paggawa ng masama; at binibitiwan ang kanilang kasamaan, at ang kanilang mga pagnanasa at layunin; at nagtatapat sila sa Diyos; at tinatanggap nila ang mga hinihingi ng Diyos at ang Kanyang mga salita—magsisimula na silang pumasok sa realidad ng pagbabago ng kanilang sarili. Tanging ito ang tunay na pagsisisi.

Katatapos lang nating pagbahaginan ang mga problema na madalas matagpuan sa proseso ng paghahangad ng tao sa katotohanan, at ang mga problemang nakikilala at nalalaman ng mga taong naghahangad sa katotohanan. Ang mga ito ang mismong mga problemang dapat lutasin. Maaaring hindi natin masyadong ipinaliwanag o sinuri ang mga problemang ito noon, maaari pa ngang hindi tayo nakabuo ng malilinaw na konklusyon tungkol sa mga ito, ngunit patungkol sa bawat hakbang na nararanasan ng tao sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, at sa iba’t ibang pag-uugali at kalagayan na mayroon siya sa panahon ng prosesong ito, may kaukulang mga salita at gawain ang Diyos, at may mga nauugnay Siyang paraan at diskarte ng pagharap at paglutas sa mga ito. Maaaring maranasan at maunawaan ng mga tao ang ilan sa lahat ng bagay na ito; hindi sila dapat magkamali ng pagkaunawa sa Diyos, o magkimkim ng anumang kuru-kuro o imahinasyon tungkol sa Diyos na hindi umaakma sa realidad. Dagdag pa rito, binibigyan ng Diyos ang mga tao ng sapat na kalayaan at karapatang pumili patungkol sa bawat hakbang, bawat paraan ng pagkilos, at bawat paraan ng pagsasagawa na nauugnay sa paghahangad sa katotohanan—hindi Niya pinipilit ang mga tao. At bagamat ang mga salita at kinakailangang ito ay nakalimbag sa teksto at sinasabi gamit ang malinaw at tumpak na wika, ang bawat tao pa rin ang bahalang malayang pumili kung paano nila tatratuhin ang mga katotohanang ito. Hindi pinipilit ng Diyos ang mga tao. Kung handa kang hangarin ang katotohanan, may pag-asa kang maligtas. Kung ayaw mong hangarin ang katotohanan, kung wala kang pakialam sa mga katotohanang ito at binabalewala mo ang mga ito, kung hindi ka man lang interesado sa mga paraang ito ng pagsasagawa ng paghahangad sa katotohanan—ayos lang din iyon. Hindi ka pipilitin ng Diyos. Ayos lang din kung handa ka lang magpagod para sa Diyos. Basta’t hindi mo nilalabag ang mga prinsipyo, hahayaan kang pumili ng sambahayan ng Diyos. Bagamat ang paghahangad sa katotohanan ay malapit na nauugnay sa pagtatamo ng kaligtasan at malapit na konektado rito, marami pa ring tao ang hindi interesado sa paghahangad sa katotohanan, na walang saloobin tungkol dito o intensyong gawin ito, ni walang planong gawin ito. Kinokondena ba ang mga taong ito? Hindi naman. Kung natutugunan ng mga taong ito ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, maaari silang magpatuloy na gampanan ang kanilang mga tungkulin doon. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi ka aalisan ng karapatang gumanap ng tungkulin nang dahil sa hindi mo hinahangad ang katotohanan. Ngunit hanggang sa araw na ito, ang pagganap sa tungkulin sa ganitong paraan ay nakaklasipika bilang “pagpapagod.” Ang “pagpapagod” ay isang magandang paraan ng pagtawag dito, ito ang terminong ginagamit ng sambahayan ng Diyos, pero ang totoo, maaari din itong simpleng tawaging “paghahanapbuhay.” Maaaring sinasabi ng ilan sa inyo, “Kapag naghahanapbuhay ka, sumusweldo ka.” Oo, puwede kang sumweldo kapag naghahanapbuhay ka. Kung gayon, ano ang sweldo mo? Lahat ng biyaya na ibinigay sa iyo ng Diyos—ang mga iyon ang sweldo mo. At pagdating naman sa paghahangad sa katotohanan, anuman ang balak mong gawin, o plano mong gawin, o nais mong gawin, malinaw Kong masasabi sa iyo ngayon na malaya ka. Maaari mong hangarin ang katotohanan, ayos iyon; kung hindi naman, ayos lang din iyon. Ngunit ang huling bagay na sasabihin Ko sa inyo ay maliligtas lang ang isang tao sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. Kung hindi ninyo hahangarin ang katotohanan, wala kayong pag-asang maligtas. Iyan ang katunayan na sasabihin Ko sa inyo. Dapat sabihin sa inyo ang katunayan na ito, upang malinaw, tuwiran, eksakto, at tahasan itong tumagos sa inyong puso—nang sa gayon ay malinaw ninyong malaman sa inyong puso kung ano ang pundasyong pinagbabatayan ng pag-asang maligtas. Kung kuntento ka nang magpagod lang, iniisip na, “Ayos na kung magagampanan ko lang ang aking tungkulin at hindi ako matitiwalag sa sambahayan ng Diyos; hindi ko na kailangang abalahin ang sarili ko sa isang bagay na kasinghirap ng paghahangad sa katotohanan,” katanggap-tanggap ba ang pananaw mong ito? Bagamat nananalig ka pa rin sa Diyos ngayon, o gumaganap ng tungkulin, kumpiyansa ka bang makasusunod ka sa Diyos hanggang sa huli? Anuman ang mangyari, ang paghahangad sa katotohanan ay isang malaking bagay sa buhay, mas mahalaga ito kaysa sa pag-aasawa o pag-aanak, kaysa sa pagpapalaki ng iyong mga anak na lalaki at babae, kaysa sa pamumuhay ng iyong buhay at pagpapayaman. Mas mahalaga pa nga ito kaysa sa pagganap ng tungkulin at paghahangad ng kinabukasan sa sambahayan ng Diyos. Matapos isaalang-alang ang lahat, ang paghahangad sa katotohanan ang pinakamakabuluhang bagay sa landas ng buhay ng isang tao. Kung hindi pa kayo interesado sa paghahangad sa katotohanan, walang manghuhusga sa inyo at magsasabing hindi ninyo hahangarin ang katotohanan sa hinaharap. Hindi Ko rin kayo huhusgahan at sasabihing kung hindi ninyo hahangarin ang katotohanan ngayon, hindi ninyo ito kailanman gagawin sa hinaharap. Hindi iyon ang nangyayari. Walang gayong lohikal na ugnayan; hindi ito ang katunayan. Anuman ang mangyari, umaasa Ako na sa nalalapit na hinaharap, o kahit sa mismong sandaling ito, magagawa ninyong tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, at maging mga taong naghahangad sa katotohanan, at mapabilang sa mga taong may pag-asang maligtas.

Ang paghahangad sa katotohanan ay direktang nauugnay sa pagtatamo ng kaligtasan, kaya ang paksa ng paghahangad sa katotohanan ay hindi isang maliit na bagay. Bagamat maaaring karaniwang paksa ito, napakarami nitong tinatalakay na katotohanan. Sa katunayan, ang paksang ito ay malapit na nauugnay sa mga inaasam at kapalaran ng tao, at kahit na madalas tayong nagbabahaginan tungkol dito, hindi pa rin masyadong malinaw sa mga tao ang iba’t ibang katotohanan at problemang kailangan nilang maunawaan tungkol sa paghahangad sa katotohanan. Sa halip, habang magulo ang kanilang isipan, tinatanggap lang nila ang iba’t ibang asal at pamamaraan na itinuturing ng mga tao bilang mabuti, gayundin ang ilang saloobin at pananaw na itinuturing ng mga tao bilang medyo aktibo, optimista, at positibo, at hinahangad nila ang mga ito bilang ang katotohanan. Malaking pagkakamali ito. Maraming bagay na itinuturing ng mga tao na mabuti, tama, at wasto na, sa tumpak na pananalita, ay hindi ang katotohanan. Sa pinakamainam, maaaring ang ilan sa mga ito ay umaayon sa katotohanan, ngunit hindi masasabing ang mga ito ang katotohanan. Karamihan sa mga tao ay may malalalim na maling pagkaunawa tungkol sa paghahangad sa katotohanan, at nagkikimkim sila ng marami-raming maling pagkaunawa at pagkiling laban dito. Kaya naman kinakailangan nating pagbahaginan ito nang malinaw, at ipaunawa sa mga tao ang mga katotohanan sa loob nito na dapat nilang maunawaan at ang mga problema na dapat nilang lutasin. Mayroon ba kayong anumang saloobin tungkol sa partikular na paksa na nauugnay sa paghahangad sa katotohanan na katatapos lang nating pagbahaginan? Mayroon ba kayong anumang plano o layunin? Ngayong nabigyan na natin ng mas partikular na depinisyon ang paghahangad sa katotohanan sa pamamagitan ng ating pagbabahaginan, maraming tao ang medyo naguguluhan tungkol sa mga bagay na dati nilang ginagawa at ibinubulalas, pati na rin sa kung ano ang balak nilang gawin sa hinaharap. Nababalisa sila, at pakiramdam pa nga ng ilan na wala silang pag-asa, at na nanganganib silang matiwalag. Kung malinaw na napagbahaginan ang katotohanan, subalit wala pa ring sigla ang mga tao, tama ba ang kanilang kalagayan? Normal ba ito? (Hindi ito normal.) Kung hinangad mo ang katotohanan noon at nakatanggap ka ng kumpirmasyon niyon sa pakikinig sa pagbabahagi na ito, hindi ba’t mas sisigla ang pakiramdam mo? (Oo.) Kaya bakit mawawalan ng sigla ang mga tao? Ano ang ugat ng kawalan ng sigla na iyon? Kapag mas klaro at malinaw na ibinabahagi ang katotohanan, mas malinaw dapat ang maging landas ng mga tao—kaya kung magiging mas malinaw ang landas na dapat tahakin ng mga tao, bakit mas mawawalan sila ng sigla? Hindi ba’t may problema rito? (Mayroon nga.) Ano ang problema? (Kung alam ng isang tao na mainam na hangarin ang katotohanan pero ayaw niyang hangarin ito, ito ay dahil hindi niya minamahal ang katotohanan.) Hindi minamahal ng mga tao ang katotohanan o hindi nila intensyon na hangarin ito—iyon ang dahilan kaya wala silang sigla. At paano naman ang mga naging aksyon nila dati? (Kinondena ang mga ito.) Medyo hindi tamang salita ang “kinondena”—sa tumpak na pananalita, hindi kinilala ang dati nilang mga aksyon. Anong uri ng kinahinatnan iyon, ang hindi kinilala ang mga aksyon ng isang tao? Ano ang nangyayari, kapag hindi kinikilala ang mga aksyon ng isang tao? Ano ang ibig sabihin niyon? Simple lang—kung hindi kinikilala ang mga aksyon ng isang tao, ipinapakita nito na hindi niya hinahangad ang katotohanan, at sa halip ay hinahangad niya ang mga bagay na itinuturing ng tao na tama at mabuti, at na namumuhay pa rin siya ayon sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon. Hindi ba’t ito ang nangyayari? (Ito nga.) Iyon nga ang nangyayari. Kapag hindi kinikilala ng Diyos ang mga aksyon ng mga tao, sumasama ang loob nila. Sa gayong mga pagkakataon, wala ba silang positibo at wastong landas ng pagsasagawa? Tama ba na ang isang tao ay maging negatibo, talikuran ang kanyang tungkulin, at tanggapin na lang na wala na siyang pag-asa dahil lang hindi kinilala ang kanyang mga aksyon? Iyon ba ang tamang landas ng pagsasagawa? (Hindi.) Hindi ito ang tamang landas ng pagsasagawa. Kapag sumapit ang ganitong bagay sa isang tao, at natuklasan niya ang sarili niyang mga problema, dapat ay kaagad niyang baguhin ang kanyang direksyon. Kung matuklasan mo, sa pamamagitan ng ating pagbabahaginan tungkol sa kahulugan ng paghahangad sa katotohanan, na ang mga dati mong aksyon at asal ay walang kinalaman sa paghahangad sa katotohanan, masama man sa loob mo o hindi, ang unang bagay na dapat mong gawin ay baguhin ang iyong mga maling nakagawian at pamamaraan ng pagsasagawa, gayundin ang maling landas ng iyong paghahangad. Dapat mong baguhin kaagad ang mga bagay na iyon. Kapag binabalewala at hindi kinikilala ng Diyos ang kanilang mga dating aksyon, kapag sinasabi ng Diyos na pagpapagod lang ang mga aksyon na ito, at na walang kinalaman ang mga ito sa paghahangad sa katotohanan, iisipin ng ilang tao, “Ah, talagang hangal at bulag tayong mga tao. Hindi natin nauunawaan ang katotohanan at hindi nakikita nang malinaw ang mga bagay—at sa buong panahong ito, naniwala tayong isinasagawa natin ang katotohanan, at hinahangad ang katotohanan, at pinapalugod ang Diyos. Ngayon lang natin nalalaman na ang mga bagay na ginawa natin sa ating diumano’y ‘paghahangad sa katotohanan’ ay magagandang asal lamang ng tao—mga bagay lang ito na ginagawa ng mga tao batay sa iba’t ibang likas na abilidad, kakayahan, at talento ng kanilang laman. Ibang-iba ang mga ito sa diwa, depinisyon, at mga hinihingi ng paghahangad sa katotohanan; sadyang walang kinalaman dito ang mga ito. Ano ang dapat nating gawin tungkol dito?” Isa itong malaking problema, at dapat itong malutas. Paano ito malulutas? Nasabi na ang tanong: Yamang pare-pareho nang nabalewala ang mga asal at pamamaraan na dating itinuturing ng mga tao na mabuti, at hindi naaalala ng Diyos ang mga ito, ni hindi Niya tinukoy ang mga ito bilang ang paghahangad sa katotohanan—ano, kung gayon, ang paghahangad sa katotohanan? Upang masagot ito, ang isang tao ay dapat na maingat na basahin-dasalin ang depinisyon ng paghahangad sa katotohanan, at dapat siyang maghanap ng landas ng pagsasagawa mula sa depinisyon na iyon, at gawin niya itong realidad ng kanyang buhay. Hindi isinagawa ng mga tao ang paghahangad sa katotohanan noon, kaya mula ngayon ay dapat nilang ituring ang depinisyon ng paghahangad sa katotohanan bilang kanilang batayan, at bilang ang pundasyon ng kanilang asal. Kaya, ano ang depinisyon ng paghahangad sa katotohanan? Ito: Ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Wala nang mas lilinaw o mas kaklaro pa rito. Ano ang lahat ng dating aksyon at kilos ng tao? Alinsunod ba ang mga iyon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan? Magbalik-tanaw—alinsunod ba ang mga iyon? (Hindi.) Masasabi na ang gayong mga aksyon at kilos ay bihirang-bihirang matagpuan, halos hindi matatagpuan ang mga iyon kahit saan. Kung gayon, talaga bang wala man lang natamo ang tao sa loob ng napakaraming taon na pananalig sa Diyos, at pagbabasa at pagbabahaginan ng mga salita ng Diyos? Wala bang kahit isang bagay na naisagawa ang mga tao na ayon sa mga salita ng Diyos? Ano ang tinutukoy ng depinisyong, “Ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan,” na pinag-uusapan natin dito? Anong problema ang layon nitong lutasin? Alin sa mga problema ng tao at aling mga aspekto ng disposisyong diwa ng tao ang tinutukoy rito? Maaaring nauunawaan na ngayon ng mga tao ang depinisyon ng paghahangad sa katotohanan, ngunit pagdating sa kung bakit hindi kinilala ang kanilang mga dating aksyon, at kung bakit hindi tinukoy ang mga ito bilang paghahangad sa katotohanan, nananatiling malabo, hindi maunawaan, at lingid sa kanilang kaalaman ang mga bagay na ito. Sasabihin ng ilan, “Napakarami na naming isinuko mula nang tanggapin namin ang pangalan ng Diyos: Isinuko namin ang aming pamilya at trabaho, at tinalikuran namin ang aming mga inaasam. Ang ilan sa amin ay nagbitiw mula sa magagandang trabaho; ang ilan sa amin ay tinalikuran ang masasayang pamilya; ang ilan sa amin ay may magagandang propesyon na mataas ang sweldo at may napakaraming oportunidad, at binitiwan namin ang lahat ng iyon. Ito ang mga bagay na tinalikuran namin. Mula nang manalig kami sa Diyos, natutunan naming maging mapagpakumbaba, mapagpasensya, at mapagpaubaya. Hindi kami nakikipagtalo sa iba kapag nakikipag-ugnayan kami sa kanila, ginagawa namin ang makakaya namin para asikasuhin ang anumang bagay na nangyayari sa iglesia, at ginagawa namin ang lahat ng makakaya namin para tulungan ang aming mga kapatid nang may pagmamahal sa tuwing may mga suliranin sila. Iniiwasan naming mapinasala ang iba at iniiwasan naming mapahamak ang mga interes ng ibang tao hangga’t maaari. Talaga bang ang mga pamamaraan na ito ay walang kinalaman sa paghahangad sa katotohanan?” Mag-isip nang mabuti ngayon: Saan nauugnay ang mga pagtalikod, paggugol, pagpapagod, pagpapaubaya, pagpapasensya, at maging ang pagdurusa ng tao? Paano natatamo ang mga bagay na ito? Ano ang batayan ng mga ito? Ano ang mga puwersang nagtutulak sa mga tao na gawin ang mga bagay na ito? Pagnilayan ito. Hindi ba’t karapat-dapat na pagbulay-bulayan ang mga bagay na ito? (Karapat-dapat nga.) Dahil karapat-dapat na pagbulay-bulayan ang mga ito, siyasatin at suriin natin ang mga ito ngayon; tingnan natin kung may kinalaman ba o wala sa paghahangad sa katotohanan ang mga bagay na ito na noon pa man ay pinaniniwalaan na ng tao na mabuti, tama, at marangal.

Magsisimula tayo sa pagtingin sa mga pagtalikod, pagpapagod, at halagang ibinabayad ng tao. Anuman ang konteksto o kapaligiran ng mga pagtalikod, pagpapagod, at halagang ito, saan nanggagaling ang pangunahing nagtutulak na puwersa para sa mga bagay na ito? Sa Aking pagbubuod, may dalawang pinanggagalingan. Ang una ay kapag iniisip ng mga tao, sa kanilang mga ideya at kuru-kuro na, “Kung nananalig ka sa Diyos, dapat mong talikuran, at gugulin ang iyong sarili, at magbayad ka ng halaga para sa Kanya. Gusto ng Diyos kapag ginagawa iyon ng mga tao. Hindi Niya gusto kapag nagpapakasasa ang mga tao sa ginhawa at naghahangad sila ng mga makamundong bagay, o kapag nananatili silang walang pakialam at nagpapatuloy sa pamumuhay ng sarili nilang buhay pagkatapos nilang sabihing tinanggap na nila ang Kanyang pangalan, at sila ay naging mga tagasunod na Niya. Hindi gusto ng Diyos kapag ginagawa iyon ng mga tao.” Pagdating sa pansariling kagustuhan ng mga tao, ang isiping ito ay isang katiyakan. Anuman ang dahilan ng isang tao sa pagtanggap sa Diyos at sa Kanyang bagong gawain, sumasang-ayon ang kanyang pansariling kagustuhan na kumilos sa ganitong paraan, naniniwala siyang gusto lang ng Diyos kapag kumikilos nang ganoon ang mga tao, at na matatanggap lang niya ang kagalakan at kasiyahan ng Diyos sa pamamagitan ng pagkilos sa ganitong paraan. Iniisip niya na basta’t ang mga tao ay masigasig na nagpupunyagi at nagsisikap, at nagpapakapagod nang hindi humihingi ng anumang kapalit, at na basta’t ang mga tao ay binabalewala ang sarili nilang kasiyahan o kasawian para makapagbayad ng halaga, at patuloy na nagsisikap, at nagbabayad ng halaga, at iginugugol at inihahandog ang sarili sa Diyos, tiyak na magiging masaya ang Diyos. At kaya, sa sandaling paniwalaan ito ng isang tao, yumuyuko siya nang walang pagdadalawang-isip, at hindi alintana ang anuman, tinatalikuran niya ang lahat ng maaari niyang talikuran, at inihahandog ang lahat ng kaya niyang ihandog, at tinitiis niya ang anumang pagdurusa na kaya niyang tiisin. Ginagawa ng mga tao ang mga pamamaraang ito, ngunit mayroon ba sa kanilang nagtaas ng ulo upang tanungin ang Diyos, “Diyos ko, ang mga bagay ba na ginagawa ko ang kailangan Mo? Diyos ko, kinikilala Mo ba ang aking mga paggugol, pagpapagod, pagdurusa, at ang mga halagang ibinayad ko?” Hindi ito kailanman itinatanong ng mga tao sa Diyos, at nang hindi nalalaman kung ano ang reaksyon o saloobin ng Diyos, nagpapatuloy sila sa optimistang pagpapagod, paghahandog, at paggugugol ng kanilang sarili, naniniwala silang masisiyahan at malulugod lang ang Diyos kung magdurusa sila sa ganitong paraan. Ang ilang tao ay umaabot pa nga sa puntong hindi na sila kumakain ng dumplings, sa takot na hindi matutuwa ang Diyos kung kakain sila niyon. Sa halip, kumakain sila ng steamed cornbread, sa paniniwalang ang pagkain ng dumplings ay pagpapakasasa sa ginhawa. Napapanatag lang sila kapag kumakain sila ng steamed cornbread, mga lumang flatbread, at mga binurong gulay, at kapag napapanatag sila, iniisip nila na tiyak na nalulugod ang Diyos. Napagkakamalan nila ang kanilang sariling mga damdamin, kagalakan, pighati, galit, at kasiyahan bilang mga damdamin, kagalakan, pighati, galit, at kasiyahan ng Diyos. Hindi ba’t katawa-tawa iyon? Maraming tao ang itinuturing na katotohanan ang mga bagay na pinaniniwalaan ng tao na tama, at ipinipilit nila ang mga ito sa Diyos, inilalarawan ang mga ito bilang ang mga hinihingi ng Diyos sa tao, dahil iyon ang pinaniniwalaan ng lahat ng tao. At hangga’t pinanghahawakan ng mga tao ang gayong paniniwala, malaki ang posibilidad at napakanatural lamang na tutukuyin nila, nang hindi nila namamalayan, ang mga pahayag at pag-asal at pamamaraan na iyon bilang ang katotohanan. At dahil tinukoy ng mga tao na ang mga bagay na iyon ang katotohanan, iisipin nila na ang mga ito ang mga prinsipyo ng pagsasagawa na kailangang sundin ng tao, at na kung ang isang tao ay nagsasagawa at sumusunod sa mga ito sa ganitong paraan, isinasagawa niya ang mga salita ng Diyos, hinahangad ang katotohanan, at siyempre pa, ginagawa ang kalooban ng Diyos. At dahil ang mga tao ay “ginagawa ang kalooban ng Diyos,” hindi ba’t sulit ang kanilang mga paghihirap? Hindi ba’t ibinabayad nila ang halagang ito nang tama? Hindi ba’t isa itong bagay na ikinalulugod at naaalala ng Diyos? Iisipin ng mga tao na tiyak na ikinalulugod at naaalala ito ng Diyos. Ito ang agwat at pagkakaiba sa pagitan ng kung ano ang pinaniniwalaan ng tao na “katotohanan” at ng mga salita ng Diyos. Kinakategorya ng mga tao bilang ang katotohanan ang lahat ng bagay na sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon ay umaayon sa moral na katangian ng tao at na mabuti, marangal, at tama, at pagkatapos ay kumikilos sila at nagsisikap na magsagawa sa direksyong iyon, habang masyadong pinaghihigpitan ang kanilang sarili. Naniniwala sila na sa gayon ay hinahangad nila ang katotohanan, na talagang mga tao silang naghahangad sa katotohanan, at na, siyempre, sila rin ay talagang mga taong maliligtas. Ang totoo, walang kinalaman ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan sa mga bagay na iyon na sa mga kuru-kuro ng mga tao ay pinaniniwalaan nilang mabuti, tama, at positibo. Subalit kahit habang binabasa at hinahawakan ng mga tao ang mga salita ng Diyos, itinuturing pa rin nilang katotohanan, at mga positibong bagay ang lahat ng sa kanilang mga kuru-kuro ay mabuti, tama, maganda, mabait, positibo, at itinataguyod ng tao, at walang kapaguran nilang hinahangad ang mga ito, bukod sa hinihingi nila sa kanilang sarili na hangarin at kamtin ang mga ito, hinihingi rin nila sa iba na hangarin at kamtin ang mga ito. Walang kapagurang napagkakamalan ng mga tao na katotohanan ang mga bagay na itinuturing ng tao na mabuti, at pagkatapos ay naghahangad sila ayon sa mga pamantayan at direksyon na hinihingi ng mga bagay na iyon, at kaya naniniwala sila na hinahangad na nila ang katotohanan at isinasabuhay ang katotohanang realidad. Isang aspekto ito ng mga maling pagkaunawa ng mga tao tungkol sa paghahangad sa katotohanan. Ang maling pagkaunawang ito ay pagturing ng mga tao sa mga pinaniniwalaan nila—sa kanilang mga kuru-kuro—na mabuti, tama, at positibo bilang kanilang mga pamantayan, pinapalitan ang mga hinihingi ng Diyos sa tao, at ang mga hinihingi at pamantayan ng Kanyang mga salita. Napagkakamalan ng mga tao na katotohanan ang mga bagay na ito na pinaniniwalaan nilang tama at mabuti sa kanilang mga kuru-kuro, at hindi lang iyon—sinusunod at hinahangad din nila ang mga bagay na ito. Hindi ba’t problema ito? (Problema nga.) Problema ito sa mga isipin at pananaw ng tao. Ano ang motibasyon ng mga tao, kapag ginagawa nila ang mga bagay na ito? Ano ang pinag-ugatan kaya humahantong sila sa pagkakaroon ng mga ideya at maling pagkaunawang ito? Ang pinag-ugatan ay na naniniwala ang mga tao na gusto ng Diyos ang mga bagay na ito, kaya ipinipilit nila ang mga ito sa Kanya. Halimbawa, sinasabi ng tradisyonal na kultura sa mga tao na maging masipag at matipid; mga merito ng tao ang kasipagan at katipiran. Isa pang gayong merito ang “Kailangan mong pagtiisan ang matinding pagdurusa upang manguna,” gayundin ang, “Gawin kung ano ang utos ng iyong amo, kung hindi ay wala kang makakamit na kahit ano mula sa kahit na pinakamasigasig na pagsisikap,” at iba pang gayong ideya. Sa bawat lahi at grupo, naniniwala ang mga tao na ang lahat ng itinuturing nilang mabuti, tama, positibo, aktibo, at optimista ay ang katotohanan, at itinuturing nila ang mga bagay na ito bilang ang katotohanan, pinapalitan ang lahat ng katotohanan na ipinahayag ng Diyos. Napagkakamalan nilang katotohanan at mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos ang mga bagay na matibay na pinaniniwalaan ng tao, ang mga bagay na kay Satanas. Itinututok nila ang kanilang paghahangad sa mga mithiin, direksyon, at layon na iniisip at pinaniniwalaan nilang tama. Isa itong matinding pagkakamali. Ang mga bagay na ito na nagmumula sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ay talagang hindi naaayon sa mga salita ng Diyos, at lubos na salungat ang mga ito sa katotohanan.

Magbibigay Ako ng ilang halimbawa ng mga taong napagkakamalang katotohanan ang mga bagay na sa kanilang mga kuru-kuro ay pinaniniwalaan nilang mabuti at tama, upang hindi masyadong mahirap unawain ang ideyang ito, at upang maintindihan ninyo ito. Halimbawa: Ang ilang kababaihan ay tumitigil sa paglalagay ng kolorete sa mukha at pagsusuot ng alahas matapos manalig sa Diyos. Isinasantabi nila ang kanilang kolorete at alahas, iniisip na ang mga mananampalataya sa Diyos ay dapat na umasal nang maayos, at na hindi sila maaaring maglagay ng kolorete o magbihis nang maganda. Ang ilang tao ay may sasakyan pero hindi nila minamaneho ang mga ito, sa halip ay nagbibisikleta sila. Iniisip nila na ang pagmamaneho ay pagpapakasasa sa kaginhawahan. Ang ilang tao ay may kapasidad na kumain ng karne, ngunit hindi nila ginagawa, iniisip na kung palagi silang kakain ng karne, at dumating ang panahon na hindi na sila makakakain nito, magiging negatibo at mahina sila, at ipagkakanulo nila ang Diyos. Kaya natuto silang magdusa nang wala ito bago pa man iyon mangyari. Iniisip ng iba na, bilang mananampalataya sa Diyos, dapat magmukhang maayos ang asal nila, kaya sinusuri nila ang kanilang mga kapintasan at masasamang gawi, at nagsisikap silang baguhin ang tono ng kanilang pananalita, pinipigilan nila ang init ng kanilang ulo, at ginagawa nila ang makakaya nila upang gawing pino ang kanilang sarili, at hindi maging magaslaw. Iniisip nila na kapag ang isang tao ay nanalig na sa Diyos, dapat niyang limitahan at pigilan ang kanyang sarili, na dapat siyang maging mabuting tao sa paningin ng iba at maging maayos ang asal niya. Iniisip nila na sa paggawa niyon, nagbabayad sila ng halaga, pinapalugod nila ang Diyos, at isinasagawa nila ang katotohanan. Ang ilang tao ay nagbibihis nang maganda at lumalabas para mamili paminsan-minsan, at nakokonsensiya sila kapag ginagawa nila ito. Iniisip nila na ngayong nananalig na sila sa Diyos, hindi na sila maaaring maglagay ng kolorete sa mukha at magbihis nang maganda, at na hindi sila maaaring magsuot ng magagandang damit. Naniniwala sila na kung maglalagay sila ng kolorete, magbibihis nang maganda, at magsusuot ng magagandang damit, kasusuklaman at hindi ito magugustuhan ng Diyos. Naniniwala sila na gusto ng Diyos ang primitibong sangkatauhan, na hindi gusto ng Diyos ang industriya, o ang modernong agham, o anumang nauuso. Iniisip nila na hinahangad lang nila ang katotohanan kung binibitiwan nila ang paghahangad sa mga bagay na ito. Hindi ba’t isa itong buktot na pagkaunawa? (Ganoon nga.) Binasa bang mabuti ng mga taong ito ang mga salita ng Diyos? Itinuring ba nila ang Kanyang mga salita bilang ang katotohanan? (Hindi.) At dahil hindi nila itinuring ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, hinahangad ba nila ang katotohanan? (Hindi.) Iyon ang dahilan kung bakit ang mga pamamaraan at pagpapamalas na ito ay pawang ang mga tao lang na napagkakamalang katotohanan ang mga bagay na pinaniniwalaan nila sa kanilang mga kuru-kuro na tama at mabuti, at ginagamit nila ang mga bagay na iyon upang palitan ang katotohanan. Optimista nilang isinasagawa ang mga bagay na ito, at pagkatapos ay iniisip nila na hinahangad nila ang katotohanan, at na sila ay mga taong nagtataglay ng katotohanang realidad. Halimbawa, may mga taong hindi na nanonood ng palabas sa telebisyon, o nanonood ng balita, o lumalabas para mamili mula nang manampalataya sila sa Diyos. Maraming gabi silang natulog sa tambak ng dayami at gumugol nang maraming araw sa tabi ng kulungan ng aso dahil nagpapalaganap sila ng ebanghelyo at gumaganap ng kanilang mga tungkulin. Maraming beses nang sumakit ang tiyan nila dahil sa pagkain ng malamig na pagkain, pumayat sila nang sobra at nagdusa nang husto dahil sa kakulangan sa tulog at kakulangan sa pagkain. Alam na alam nila ang lahat ng bagay na ito, isa-isa nilang inililista ang mga ito. Bakit malinaw nilang itinatala ang mga bagay na ito? Ang dahilan ay naniniwala silang ang mga pag-asal at pamamaraan na ito ay pagsasagawa sa katotohanan at pagpapalugod sa Diyos, at na kung magagawa nila ang lahat ng magagandang asal na ito, sasang-ayunan sila ng Diyos. At kaya, hindi nagrereklamo ang mga tao, at isinasagawa nila ang mga bagay na ito nang walang pag-aatubili. Hindi sila kailanman napapagod na magsalita tungkol sa mga ito, at ulitin ang mga ito, at alalahanin ang mga ito, at masayang-masaya ang kanilang puso. Gayunpaman, kapag nahaharap sila sa mga pagsubok ng Diyos, kapag ang kapaligirang isinaayos Niya ay hindi katulad ng hinihiling nila, kapag ang hinihingi Niya sa kanila at ang Kanyang mga kilos ay hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro, kung magkagayon ay talagang walang silbi ang mga bagay na pinaniniwalaan ng mga taong ito na tama, gayundin ang mga halagang ibinayad nila at ang kanilang mga pagsasagawa. Hindi sila matutulungan ng mga bagay na ito, sa kahit na pinakamaliit na paraan, na magpasakop sa Diyos o makilala Siya sa mga kapaligirang kinakaharap nila. Sa kabaligtaran, magiging hadlang at balakid ang mga ito sa kanilang pagpasok sa realidad ng mga salita ng Diyos at sa kanilang pagpapasakop sa Diyos. Ang dahilan nito ay hindi kailanman natutunan ng mga tao na ang mga bagay na pinaniniwalaan nilang tama ay hindi talaga ang katotohanan, at na ang isinasagawa nila ay hindi paghahangad sa katotohanan. Ano, kung gayon, ang matatamo ng mga tao mula sa mga bagay na ito? Isang uri lang ng mabuting asal. Hindi makakamit ng mga tao ang katotohanan at ang buhay mula sa mga ito. Gayunpaman, nagkakamali sila ng paniniwala na ang mabubuting asal na ito ay ang katotohanang realidad, at mas lalo nilang pinaninindigan ang kanilang determinasyon na ang mga bagay na ito na pinaniniwalaan nilang tama sa kanilang mga kuru-kuro ay ang katotohanan at mga positibong bagay, at dahil dito, nag-uugat ang determinasyong iyon sa kanilang puso. Habang mas sinasamba at bulag na pinaniniwalaan ng mga tao ang mga bagay na ito na kanilang pinaniniwalaang tama sa kanilang mga kuru-kuro, mas lalo nilang itinatakwil ang katotohanan, at mas lumalayo sila sa mga hinihingi ng Diyos at sa Kanyang mga salita. At kasabay nito, habang mas maraming halagang ibinabayad ang mga tao, mas lalo nilang iniisip na may nakakamit silang kapital, at mas lalo silang naniniwala na kwalipikado silang iligtas at tumanggap ng pangako ng Diyos. Hindi ba’t isa itong marahas na siklo? (Ganoon nga.) Ano ang ugat ng problemang ito? Ano ang pangunahing salarin? (Napagkakamalan ng mga tao na mga positibong bagay ang kanilang mga kuru-kuro at ipinapalit ang mga ito sa mga salita ng Diyos.) Ipinapalit ng mga tao ang kanilang sariling mga kuru-kuro sa mga salita ng Diyos, isinasantabi nila ang mga salita ng Diyos, at talagang binabalewala nila ang mga ito. Sa madaling salita, hindi talaga nila itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan. Masasabi na ang mga tao, matapos manampalataya sa Diyos, ay maaaring nagbabasa ng mga salita ng Diyos, subalit ang kanilang hinahangad, pinipili, at isinasagawa ay batay pa rin sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at hindi pa nila tinatahak ang landas ng pananalig sa Diyos nang ayon sa Kanyang mga salita at hinihingi. Saan mismo nagmumula ang problema ng pananalig ng mga tao sa Diyos batay sa kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon? Saan nagmumula ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao? Saan nanggagaling ang mga ito? Masasabi na pangunahing nagmumula ang mga ito sa tradisyonal na kultura, at sa minana ng tao, pati na rin sa pagkondisyon at impluwensiya ng mundo ng relihiyon. Direktang nauugnay sa mga bagay na ito ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao.

Ano pa ang ibang bagay na pinaniniwalaan ng mga tao, sa kanilang mga isipan at pananaw, na mabuti, tama, at positibo? Maaari kayong magbigay ng ilang halimbawa. Madalas sabihin ng mga tao, “Payapa ang buhay ng mabubuti,” at “Ang mga tapat na tayo ay laging mamamayani”—ilan ito sa mga halimbawa, hindi ba? (Oo.) At mayroon ding: “Ang kabutihan ay sinuklian ng kabutihan, at ang kasamaan ng kasamaan; masusuklian ang mga bagay na ito, hindi pa lang dumarating ang panahon,” “Ang pagpupursige sa kasamaan ay magdudulot ng pagkawasak sa sarili,” “Ginagawa munang baliw ng Diyos ang taong wawasakin Niya,” “Kailangan mong pagtiisan ang matinding pagdurusa upang manguna,” “Maliliit ang ibang paghahangad, ang mga libro ang nakahihigit sa lahat ng ito,” at iba pa. Nakasusuka ang lahat ng maladiyablong salitang ito. Nanggagalaiti Ako sa galit kapag naririnig Ko ang gayong mga salita, subalit napakadali sa mga taong sabihin ang mga ito. Bakit napakadali sa kanilang sabihin ang mga salitang ito? Bakit kapag Ako, parang hindi Ko magawang sabihin ang mga ito? Hindi Ko gusto ang mga salitang ito, ang mga kasabihang ito. Ang katunayan na palagi kayong handang sabihin ang mga ito, na mabilis ninyong naibubulalas ang mga ito, at na walang kahirap-hirap ninyong nabibigkas ang mga ito ay nagpapatunay na talagang kinagigiliwan at sinasamba ninyo ang mga bagay na ito. Sinasamba ninyo ang mga walang kabuluhan, mapanlinlang, hindi totoong bagay na ito, at kasabay nito, itinuturing ninyo ang mga ito bilang inyong mga alituntuning pamatnubay, at bilang mga prinsipyo, pamantayan, at batayan para sa inyong mga kilos. At pagkatapos, iniisip pa ninyo na naniniwala rin ang Diyos sa mga bagay na ito, at na ang Kanyang mga salita ay ibang interpretasyon lang sa parehong mga ideyang ito, at na ang mga bagay na ito ang pangkalahatang kahulugan ng Kanyang mga salita: isang paghimok sa mga tao na maging mabuti. Tama ba ang pananaw na ito? Ang mga bagay na ito ba ang kahulugan ng mga salita ng Diyos at ng mga katotohanang ipinahahayag Niya? Hindi talaga; walang kinalaman sa mga bagay na ito ang nais sabihin ng Diyos. Samakatuwid, dapat mabago ang saloobin ng mga tao sa katotohanan, at kailangang maitama ang kanilang pagkilala sa katotohanan—na nangangahulugang kailangang maitama at mabago ang pamantayan ng kanilang paghusga sa katotohanan. Kung hindi, mahihirapan silang tanggapin ang katotohanan, at hindi sila magkakaroon ng paraan upang tahakin ang landas ng paghahangad dito. Ano ang katotohanan? Sa pangkalahatan, lahat ng salita ng Diyos ay ang katotohanan. Kung gayon, sa mas partikular—ano ang katotohanan? Sinabi Ko na sa inyo noon. Ano ang sinabi Ko? (“Ang katotohanan ang pamantayan para sa asal, mga kilos, at pagsamba ng tao sa Diyos” (Ang Salita, Vol. 4. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Ikatlong Bahagi)).) Tama iyan. Ang katotohanan ang pamantayan para sa pag-asal, pagkilos, at pagsamba sa Diyos ng tao. Kung gayon, may anumang kinalaman ba ang katotohanan sa mga bagay na pinaniniwalaan ng mga tao, sa kanilang mga kuru-kuro, na tama at mabuti? (Wala.) Saan nagmumula ang mga bagay ng tao na iyon? (Mula sa pilosopiya para sa pamumuhay ni Satanas, at mula sa ilang kaisipang itinanim sa tao ng tradisyonal na kultura.) Tama iyan. Upang maging tumpak, nagmumula ang mga bagay na ito kay Satanas. At sino ang mga kilala at sikat na taong nagtanim ng mga bagay na ito sa tao? Hindi ba’t sila ay Satanas? (Satanas nga sila.) Ang lahat ng patriyarka ninyong iyon ay Satanas—sila ay Satanas, na nabubuhay at humihinga. Tingnan na lang ang mga kasabihang iyon na itinataguyod ng mga Tsino: “Napakasaya, kapag dumarating mula sa malayo ang isang kaibigan,” “Kapag dumating ka na, mainam na manatili ka,” “Huwag maglakbay nang malayo habang nabubuhay pa ang iyong mga magulang,” “Ang paggalang sa magulang ay isang katangiang dapat taglayin nang higit sa lahat,” “Sa tatlong paglabag sa obligasyon sa magulang, ang hindi pagkakaroon ng anak ang pinakamalubha,” “Ang mga patay ay dakila sa mga mata ng buhay,” “Kapag malapit nang mamatay ang isang tao, ang kanyang mga salita ay totoo at mabait.” Suriin nang mabuti ang mga salitang ito—may alinman ba sa mga ito ang katotohanan? (Wala.) Panlilinlang at maladiyablong salita ang lahat ng ito. Sabihin ninyo sa Akin, gaano ba kahangal ang mga tao upang mapagkamalan na ang katotohanan ang mga panlilinlang at maladiyablong salitang ito pagkatapos nilang tanggapin ang gawain ng Diyos? May kakayahan ba ang mga taong ito na maunawaan ang katotohanan? (Wala.) Mga kakatwang uri ang gayong mga tao at lubos silang walang kakayahang maunawaan ang katotohanan. At kayo—ngayong nakabasa na kayo ng napakaraming salita ng Diyos, hindi ba’t nagtataglay na kayo ng kaunting kaalaman tungkol sa katotohanan? (Oo.) Saan nagmumula ang katotohanan? (Nagmumula ito sa Diyos.) Nagmumula sa Diyos ang katotohanan. Huwag paniwalaan ang anumang salita na hindi sinabi ng Diyos. Ang mga satanikong pilosopiyang iyon para sa pamumuhay at ang mga ideyang iyon mula sa tradisyonal na kultura ay hindi ang katotohanan, at hindi dapat tingnan ng isang tao ang mga tao at bagay, o hindi siya dapat umasal at kumilos ayon sa mga ito, o na ang gayong mga bagay ang kanyang pamantayan, dahil hindi galing sa Diyos ang mga ito. Hangga’t ang isang bagay ay nagmumula sa tao, hindi mahalaga kung galing man ito sa tradisyonal na kultura o sa kung sinong sikat na tao, o kung produkto man ito ng pag-aaral o ng lipunan, o kung sa anong dinastiya o lahi ng mga tao ito nanggagaling—hindi ito ang katotohanan. Subalit ito mismo ang mga bagay na itinuturing ng mga tao na katotohanan, na kanilang hinahangad at isinasagawa sa halip na ang katotohanan. At sa buong panahong iyon, iniisip nila na isinasagawa nila ang katotohanan at na malapit na nilang matupad ang mga layunin ng Diyos, pero sa katunayan, ang kabaligtaran ang mismong nangyayari: Kapag naghahangad at nagsasagawa ka batay sa mga bagay na ito, lalo kang napapalayo sa mga hinihingi ng Diyos at lalong napapalayo sa katotohanan.

Likas na kakatwa para sa mga tao na mapagkamalang katotohanan ang mga bagay na itinuturing ng tao na mabuti at positibo, at na hangarin ang mga ito na para bang ang mga ito ang katotohanan. Paanong ang mga taong tinanggap na ang gawain ng Diyos at nabasa na ang marami sa mga salita Niya ay patuloy pa ring napagkakamalang katotohanan ang mga bagay na iyon na itinuturing ng tao na mabuti, at hinahangad ang mga ito na para bang ang mga ito ang katotohanan? Ano ang problema rito? Sapat na ito upang ipakita na hindi nauunawaan ng mga tao kung ano ang katotohanan, at na wala silang totoong kaalaman tungkol sa katotohanan. Isa itong aspekto sa tanong na katatanong Ko pa lang: “Dahil ang mga bagay na ito ay hindi ang katotohanan, paano nakapagpapatuloy ang mga tao sa pagsasagawa sa mga ito at pag-iisip na isinasagawa nila ang katotohanan?” Magsasalita Ako tungkol sa isa pang aspekto, isang aspektong tumatalakay sa tiwaling disposisyon ng tao. Naniniwala ang mga tao na ang mga bagay na pinaniniwalaan nilang mabuti, tama, at positibo sa kanilang mga kuru-kuro ay ang katotohanan, at sa pundasyon na ito, bumubuo sila ng plano, naniniwalang kapag napalugod nila ang Diyos at sumaya ang Diyos, ipagkakaloob ng Diyos sa kanila ang mga pagpapala na ipinangako Niya sa tao. Hindi ba’t isang pagtatangkang makipagtawaran sa Diyos ang planong ito? (Ganoon na nga.) Sa isang banda, itinataguyod at hinahangad ng mga tao ang mga bagay na ito habang nagkikimkim sila ng nakalilinlang na pagkaunawa, at kasabay nito, sinusubukan nilang makipagtawaran sa Diyos nang may sarili nilang mga pagnanasa at ambisyon. Hindi ba’t isa pang aspekto iyon? (Ganoon nga.) Madalas tayong magbahaginan tungkol sa aspektong ito noon, kaya hindi na natin pag-uusapan ang mga detalye nito ngayon. Kaya, tatanungin Ko kayo: Kapag ang isang taong nananalig sa Diyos ay tumatalikod sa sarili, nagdurusa, gumugugol ng sarili, at nagbabayad ng mga halaga para sa Diyos, hindi ba’t mayroon siyang intensyon at mithiin sa paggawa niyon? (Mayroon nga.) Mayroon bang sinumang nagsasabing, “Wala akong ninanasa at wala akong anumang hinihingi. Tatalikuran at gugugulin ko ang sarili ko, at magbabayad ako ng halaga, anuman ang mga sitwasyon. Iyon lang iyon. Wala akong anumang personal na mga pagnanasa at ambisyon. Paano man ako tratuhin ng Diyos ay ayos lang. Maaaring gantimpalaan Niya ako, maaaring hindi—ano’t anuman, kumilos ako alinsunod sa Kanyang mga hinihingi, inihandog ko ang sarili ko, tinalikuran ko ang lahat, nagbayad ako ng halaga at nagdusa”? May gayon bang mga tao? (Wala.) Hanggang ngayon, hindi pa ipinapanganak ang ganitong tao. Maaaring sabihin ng ilan, “Malamang na ang ganoong tao ay ganap na malayo sa impluwensiya ng iba.” Kahit pa ganap na malayo sa impluwensiya ng iba ang isang tao, hindi siya magiging ganito: Magkakaroon pa rin siya ng tiwaling disposisyon at ng mga ambisyon at pagnanasa, at susubukan pa rin niyang makipagtawaran sa Diyos. Kaya, ang pangalawang aspekto sa tanong na ito ay na sa sandaling tratuhin ng mga tao ang mga bagay na pinaniniwalaan nila sa kanilang mga kuru-kuro na tama bilang ang katotohanan, bumubuo na sila ng plano. At ano ang planong iyon? Ang isagawa ang mga bagay na ito upang ipalit ang mga ito para sa mga pagpapala na ipinangako ng Diyos sa tao, at para sa isang magandang hantungan. Naniniwala sila na basta’t ang isang bagay ay itinuturing ng tao na positibo, tiyak na tama ito, kaya ginagawa at hinahangad nila ang anumang pinaniniwalaan nilang tama, at iniisip nila na sa pagsasagawa sa ganitong paraan, nakatakda silang pagpalain ng Diyos. Iyon ang plano ng tao. Ang pangalawang aspektong ito ay pawang may kinalaman sa mga taong sinusubukang matugunan ang kanilang sariling mga ambisyon at pagnanasa at tinatangkang makipagtawaran sa Diyos. Kung hindi ka naniniwala rito, subukan mong pagbawalan ang mga tao na makipagtawaran, at alisan sila ng kanilang mga pagnanasa at ambisyon—himukin silang bitiwan ang kanilang mga pagnanasa at ambisyon. Agad silang mawawalan ng lakas na magdusa at magbayad ng mga halaga. Bakit sila mawawalan ng lakas na gawin ang mga bagay na ito? Dahil mararamdaman nilang nawala na ang kanilang mga inaasam at kapalaran, na wala nang pag-asa pang mapagpapala sila, at na wala na silang makakamit. Ang isinasagawa nila ay hindi ang katotohanan, at ang hinahangad nila ay hindi ang katotohanan, kundi mga bagay na iniisip nilang positibo, at gayunpaman, kapag nadurog ang kanilang mga pagnanasa at ambisyon, hindi na sila handang ibayad pa ang mga bagay na ito. Sabihin ninyo sa Akin, anong mayroon ang mga tao? Mayroon ba silang tunay na pananampalataya? (Wala.) Dagdag pa rito, matapat ba ang mga tao? Maaaring sabihin ng ilan, “Anuman ang sabihin ng Diyos ngayon, susunod kami sa Kanya. Anuman ang sabihin Niya, hindi kami nagiging negatibo o pinanghihinaan ng loob, at hindi kami umaatras, lalong hindi kami sumusuko. Kahit na ayaw sa amin ng Diyos, at sinasabi Niya na kami ang mga nagtatrabaho at nagpapakapagod, na hindi kami mga taong naghahangad sa katotohanan, at na wala kaming pag-asang maligtas, susunod pa rin kami sa Kanya nang walang pag-aatubili at magpupursige kami sa paggampan ng aming mga tungkulin. Hindi ba’t katapatan iyon? Hindi ba’t pagkakaroon iyon ng pananampalataya? Hindi ba’t ang pagiging matapat at pagkakaroon ng pananampalataya ay pareho lang sa paghahangad sa katotohanan? Hindi ba’t nangangahulugan ito na naghahangad kami ng katotohanan kahit papaano?” Sabihin ninyo sa Akin, paghahangad ba iyon sa katotohanan? (Hindi.) Anong ibig sabihin kapag sinabing hindi ito paghahangad sa katotohanan? Nangangahulugan ito na lahat ng “kinakapitan sa buhay” ng tao ay pinutol na, at wala na siyang anumang makakapitan. Ano ang dapat gawin kung gayon? Mayroon bang anumang maaaring gawin? Mayroon man silang anumang magagawa tungkol dito o wala, ano ang nararamdaman ng mga tao pagkatapos itong marinig? Lubos silang nadidismaya: “Ibig sabihin ba talaga nito ay wala akong pag-asang mapagpala? Ano ba ang nangyayari?” Ganap na nalilito ang mga tao sa mga sitwasyong ito. Ngayong ang Aking mga salita ay inalisan kayo ng lahat ng inyong “kinakapitan sa buhay,” makikita Ko ngayon kung ano ang susunod ninyong gagawin. Sinasabi ng ilan, “Hindi tamang magpagod, o subukang makipagtawaran, o magkaroon ng mga baluktot na pagkaunawa, o magdusa at magbayad ng halaga—kaya ano ang tamang gawin? Anuman ang sabihin ng Diyos, hindi namin Siya iiwan. Patuloy naming gagampanan ang aming mga tungkulin. Hindi ba’t katumbas iyon ng pagsasagawa sa katotohanan?” Dapat na malinaw na maunawaan ang tanong na ito. Dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at palagi silang nagkikimkim ng mga baluktot na pagkaunawa sa kung ano ang kahulugan ng pagsasagawa sa katotohanan, naniniwala sila na ang pagtalikod, paggugol, pagdurusa, at pagbabayad ng mga halaga ay pagsasagawa sa katotohanan at pagpapasakop sa Diyos. Isa itong matinding pagkakamali. Ang pagsasagawa sa katotohanan ay pagsasagawa sa mga salita ng Diyos, ngunit dapat isagawa ng mga tao ang mga ito nang may mga prinsipyo—hinding-hindi nila dapat isagawa ang mga ito batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang gusto ng Diyos ay taos na puso, isang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at isang pusong nagpapalugod sa Kanya. Tanging ang pagsasagawa sa mga salita ng Diyos sa ganitong paraan ang pagsasagawa sa katotohanan. Kung ang isang tao ay palaging ninanais na makipagtawaran sa Diyos kapag ginugugol niya ang kanyang sarili para sa Diyos, at palaging ninanais na mapalugod ang sarili niyang mga ambisyon at pagnanasa, hindi niya isinasagawa ang katotohanan, pinaglalaruan niya ito at inaapakan ito, at mapagpaimbabaw siya. Kung gayon, kung ang isang tao ay nagagawang tanggapin ang mga salita ng paghatol ng Diyos, at hindi niya iniiwan ang Diyos at nagpupursige siya sa pagganap sa kanyang tungkulin sa kabila ng pagkadurog ng kanyang mga intensyon at pagnanasang magkamit ng mga pagpapala, at sa kabila ng kawalan ng anumang pananabikan at motibasyon, katumbas ba ito ng paghahangad at pagsasagawa sa katotohanan? Sa nakikita Ko, kung susukatin natin ito batay sa depinisyon ng paghahangad sa katotohanan, hindi pa rin ito paghahangad sa katotohanan, at malayong-malayo ito sa pamantayan ng paghahangad sa katotohanan. Ngayong mayroon na tayong tumpak na depinisyon ng paghahangad sa katotohanan, dapat tayong mahigpit na sumunod dito kapag sinusuri ang mga kilos, asal, at mga pagpapamalas ng mga tao. Anong pagsusuri ang magagawa batay sa kakayahan ng isang tao na manatili sa piling ng Diyos at magpursige sa pagganap sa kanyang tungkulin, kahit na wala siyang pinananabikang mga pagpapala? Na ang mga tao, bilang mga nilikha, ay isinilang nang may dalawang kapuri-puring bagay sa kanilang pagkatao, at na kung magagamit mo ang mga ito, titiyakin nito—sa pinakamababang antas—na susundin mo ang Diyos. Alam ba ninyo kung ano ang dalawang bagay na iyon? (Konsensiya at katwiran.) Tama. May dalawang bagay na pinakamahalaga sa pagkatao ng tao—kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, kapag napakahina ng kanilang kakayahan, at wala silang anumang kaalaman o pagpasok tungkol sa mga hinihingi ng Diyos at sa katotohanan, at naninindigan pa rin sila sa kanilang kinalalagyan, ano ang paunang batayang kondisyon na nagtutulot sa kanilang matamo ito? Dapat ay mayroon silang konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Kung gayon, malinaw ang sagot. Dahil hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, at wala silang pagnanasa o ambisyong mapagpala, dahil inalisan sila ng kanilang pagnanasa na mapagpala, kung nakasusunod pa rin sila sa Diyos at nagagampanan ang kanilang mga tungkulin, ano ang batayan ng paggawa nila nito? Ano ang nagtutulak sa kanila? Walang batayan o motibasyon ang kanilang mga kilos—basta’t taglay ng mga tao ang konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, magagawa nila ang mga bagay na ito. Ganito ang kalagayan ngayon: Hindi mo nauunawaan ang katotohanan, isa iyang katunayan—at walang silbi ang pagkaunawa mo sa mga doktrina, hindi ito nangangahulugan na nakapasok ka na sa realidad ng katotohanan. Alam mong mali ang magtangkang makipagtawaran sa Diyos upang hangarin para sa iyong sarili ang mga inaasam at kapalaran, ngunit ang talagang magiging kahanga-hanga ay kung masaya ka pa ring sundin ang Diyos at gampanan ang iyong tungkulin pagkatapos makondena at maalis sa iyo ang paghahangad sa mga inaasam at kapalaran, at ang pagnanasang mapagpala. Kung nagawa mong sundin ang Diyos nang hindi nakakamit ang katotohanan, saan iyon nakadepende? Nakadepende ito sa iyong konsensiya at katwiran. Ang konsensiya at katwiran ng isang tao ay kayang mapanatili ang kanyang normal na pag-iral, buhay, at pagtrato sa mga tao at bagay. Kung gayon, ano ang agwat sa pagitan ng pagganap sa iyong tungkulin batay sa iyong konsensiya at katwiran at sa pagsasagawa sa katotohanan? Ang pagpapamalas ng isang taong naghahangad sa katotohanan ay tinitingnan niya ang mga tao at bagay, at umaasal at kumikilos siya, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan, samantalang ang mga taong kumikilos lang batay sa kanilang konsensiya at katwiran ay maaaring hindi hinahangad ang katotohanan, ngunit kaya pa rin nilang magpagod, gumanap ng kanilang mga tungkulin, at manatili sa sambahayan ng Diyos, nang walang anumang masamang marka sa kanilang rekord. Saan iyon nakadepende? Tinitingnan nila ang mga tao at bagay, at umaasal at kumikilos sila, batay sa pamantayan ng kanilang konsensiya at katwiran, sa halip na gawin ang mga iyon ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Kung gayon, kung ginagampanan mo lang ang iyong tungkulin batay sa iyong konsensiya at katwiran, hindi ba’t may agwat sa pagitan niyon at ng paghahangad sa katotohanan? (Mayroon nga.) Ang pagganap sa tungkulin batay sa konsensiya at katwiran ay pagiging kontento sa pagpapagod lang; ito ay ang gawing mga pamantayan ng isang tao ang mga bagay na gaya ng pagpapagod nang mabuti, hindi pagdudulot ng mga pagkagambala o pagkakagulo, pagsunod at pagpapasakop, pagtataglay ng mabubuting pag-uugali at magagandang ugnayan sa ibang tao, at hindi pagkakaroon ng masasamang marka sa kanyang rekord. Umaabot ba iyon sa antas ng paghahangad sa katotohanan? Hindi. Gaano man karaming magagandang pag-uugali ang taglay ng isang tao, kung wala man lang siyang anumang kaalaman tungkol sa kanyang mga tiwaling disposisyon, ni walang anumang kaalaman tungkol sa kanyang pagrerebelde, mga kuru-kuro, mga maling akala tungkol sa Diyos, at sa kanyang iba’t ibang negatibong kalagayan; at kung imposible para sa kanyang lutasin ang mga bagay na ito; kung imposible para sa kanyang maunawaan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa sa katotohanan; at kung wala ni isa sa kanyang mga pagbuhos ng mga tiwaling disposisyon ang nalutas; at kung mayabang at mapagmagaling pa rin siya, pabasta-basta at padalos-dalos, imoral at mapanlinlang, at may mga pagkakataong siya ay nagiging negatibo at mahina at nagdududa sa Diyos, at iba pa—kung umiiral pa rin sa loob niya ang mga bagay na ito, matatamo ba niya ang tunay na pagpapasakop sa Diyos? Kung nasa loob pa rin niya ang mga tiwaling disposisyong ito, tunay ba niyang mararanasan ang gawain ng Diyos? Kung ang isang tao ay nagtataglay lang ng mabubuting pag-uugali, pagpapamalas ba iyon ng paghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Ano ang pinakamagagandang bagay sa tao? Ang konsensiya at katwiran lamang ng tao; ang mga ito lang ang dalawang positibong bagay, at ang mga ito ang kapuri-puri sa tao. Gayunpaman, wala sa mga ito ang nauugnay sa katotohanan; ang mga ito ay tanging mga pinakabatayang paunang kondisyon para sa paghahangad ng tao sa katotohanan, na ang ibig sabihin ay kung taglay mo ang normal na konsensiya at katwiran ng sangkatauhan, at nauunawaan mo ang katotohanan, magagawa mong magdesisyon nang tama kapag nangyayari sa iyo ang mga bagay-bagay. Ang konsensiya at katwiran na taglay ng tao ay ito: Ang Diyos ang Panginoon ng paglikha, at ikaw ay isang nilikha; hinirang ka ng Diyos, kaya tama lang na ilaan mo ang iyong sarili at gugulin mo ang iyong sarili para sa Diyos, at tama lang na makinig ka sa Kanyang mga salita. Ang “tama lang” na ito ay tinutukoy ng iyong konsensiya at katwiran—ngunit nakinig ka na ba sa mga salita ng Diyos? Ano ang mga prinsipyo at pamamaraan sa likod ng iyong mga kilos? Mayroon kang tiwaling disposisyon—naghimagsik ka na ba laban dito? Nilutas mo na ba ito? Ang gayong mga bagay ay walang kinalaman sa kung ano ang “tama lang.” Kung hindi ka lalampas sa pundasyong ito ng kung ano ang tama lang na gawin at kung paano ang tama lang na pagkilos, at namumuhay ka sa loob ng mga saklaw ng kung ano ang “tama lang,” hindi ba’t epekto iyon ng iyong konsensiya at katwiran? (Ganoon nga.) Sinasabi sa iyo ng konsensiya mo, “Iniligtas ako ng Diyos, kaya dapat kong gugulin ang sarili ko para sa Kanya. Iniligtas ng Diyos ang buhay ko at binigyan Niya ako ng pangalawang buhay, kaya tama lang na suklian ko ang Kanyang pagmamahal. Ang Diyos ang Panginoon ng paglikha, at isa akong nilikha, kaya dapat akong magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos.” Hindi ba’t epekto ito ng iyong konsensiya at katwiran? (Ganoon nga.) Ang iba’t ibang pag-uugali, paraan ng pagsasagawa, saloobin, at pananaw na lumilitaw sa mga tao dahil sa epekto ng kanilang konsensiya at katwiran ay hindi lumalampas sa mga saklaw ng kung ano ang natural na kayang gawin ng kanilang konsensiya at katwiran, at hindi sapat ang mga ito para matawag na pagsasagawa sa katotohanan. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Halimbawa, maaaring sabihin ng ilang tao, “Itinaas ako ng sambahayan ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa aking gumanap ng tungkulin, at pinapakain, dinadamitan, at binibigyan ako ng tirahan ng sambahayan ng Diyos. Inaasikaso ng sambahayan ng Diyos ang bawat aspekto ng aking buhay. Natamasa ko ang labis na biyaya ng Diyos, kaya dapat kong suklian ang Kanyang pagmamahal; hindi ko dapat harapin ang Diyos nang pabasta-basta sa aking tungkulin, lalong hindi ako dapat gumawa ng anumang nakagagambala o nakaaabala. Handa akong magpasakop sa anumang isinasaayos ng sambahayan ng Diyos para sa akin. Anuman ang ipagagawa sa akin ng sambahayan ng Diyos, hindi ako magrereklamo.” Ayos lang ang ganitong klase ng deklarasyon; hindi ba’t napakadali para sa isang taong may konsensiya at katwiran na gawin ito? (Napakadali nga.) Maaari ba itong tumaas sa antas ng pagsasagawa sa katotohanan? (Hindi maaari.) Hindi ito sapat para matawag na pagsasagawa sa katotohanan. Samakatuwid, gaano man karangal ang konsensiya o kanormal ang katwiran ng isang tao, o kung nagagawa man niya ang lahat sa ilalim ng pamamahala ng kanyang konsensiya at katwiran, at gaano man kawasto at kadisente ang kanyang mga kilos, o gaano man hinahangaan ng iba ang mga kilos na ito, hindi lumalampas ang mga ito sa pagiging mabubuting pag-uugali ng tao. Makaklasipika lang ang mga ito sa saklaw ng mabubuting pag-uugali ng tao; talagang hindi sapat ang mga ito para maging pagsasagawa sa katotohanan. Kapag ibinabatay mo sa iyong katwiran ang mga pakikipag-ugnayan mo sa iba, magiging medyo mas malumanay ka sa pagsasalita, at hindi mo aatakihin ang iba, o hindi ka magagalit, hindi mo susupilin, o kokontrolin, o aapihin, o sasamantalahin ang ibang tao, at iba pa—ito ang lahat ng bagay na maaaring matamo ng katwiran ng normal na pagkatao—subalit nauugnay ba ang mga ito sa pagsasagawa sa katotohanan? Hindi. Ito ay mga bagay na maaaring matamo ng katwiran ng tao, at may partikular na agwat sa pagitan ng mga ito at ng katotohanan.

Bakit Ko sinasabi na ang pagkilos batay sa konsensiya at katwiran ay hindi nauugnay sa pagsasagawa sa katotohanan? Magbibigay Ako ng halimbawa. Sabihin nang naging mabait sa iyo ang isang tao, at kasundo mo siya, at tinanggap niya ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, at pagkatapos ay ipinalaganap niya ang ebanghelyo sa iyo—na katulad ng paggamit ng Diyos sa kanya para ipalaganap ang ebanghelyo sa iyo. Pagkatapos mong tanggapin ang bagong gawain ng Diyos, lalo kang nagpapasalamat sa taong iyon, at palagi mong ninanais na suklian siya. Kaya, medyo maluwag ka sa kanya sa anumang ginagawa mo, at sa anumang sinasabi mo sa kanya, palagi kang partikular na magalang. Sadya kang magalang, mapitagan, at mapagpaubaya sa kanya, at anumang masamang bagay ang ginagawa niya, o anuman ang kanyang karakter, mapagpasensya at mapagparaya ka sa kanya, hanggang sa puntong sa tuwing humihingi siya ng tulong sa iyo kapag may kinakaharap siyang hamon, tinutulungan mo siya nang walang kondisyon. Bakit mo ito ginagawa? Ano ang nakakaapekto sa iyong mga kilos? (Ang aking konsensiya.) Ginagawa ito bilang epekto ng iyong konsensiya. Ang epektong ito ng konsensiya mo ay hindi matatawag na positibo o negatibo; ang masasabi lang ay mayroon kang konsensiya at kaunting pagkatao, at na kapag mabait sa iyo ang isang tao, nagpapasalamat ka at sinusuklian siya. Sa perspektibong iyon, maayos ka namang tao. Ngunit kung susukatin natin ito gamit ang katotohanan, maaaring magkaroon tayo ng ibang kongklusyon. Ipagpalagay na isang araw, gumawa ng kasamaan ang taong iyon at paaalisin siya ng iglesia, at sinusukat mo pa rin siya gamit ang iyong konsensiya, at sinasabi mo, “Siya ang nagpalaganap ng ebanghelyo sa akin. Hindi ko kalilimutan ang kanyang kabaitan hangga’t nabubuhay ako; kung hindi dahil sa kanya, hindi ko mararating ang kinaroroonan ko ngayon. Kahit na gumawa siya ng kasamaan ngayon, hindi ko siya pwedeng ilantad. Kahit na nakita kong mali ang ginawa niya, hindi ko pwedeng sabihing mali iyon, dahil tinulungan niya ako nang husto. Maaaring hindi ko siya masusuklian, pero hindi ko siya pwedeng atakehin. Kung may ibang taong gustong mag-ulat sa kanya, sige lang, pero hindi ko gagawin iyon. Hindi ko pwedeng palalain pa ang sitwasyon niya—kung gagawin ko iyon, anong klaseng tao naman ako? Hindi ba’t ako ay magiging isang taong walang konsensiya? Hindi ba’t ang isang taong walang konsensiya ay isa lamang hayop?” Ano sa tingin mo? Ano ang epekto ng konsensiya sa mga ganoong sitwasyon? Hindi ba’t pagsuway sa katotohanan ang epekto ng konsensiya roon? (Ganoon na nga.) Makikita natin mula rito na kung minsan, ang mga epekto ng konsensiya ng isang tao ay napipigilan at naiimpluwensiyahan ng kanyang mga damdamin, at kaya naman, ang kanyang mga desisyon ay sumasalungat sa mga katotohanang prinsipyo. Dahil dito, malinaw nating makikita ang isang katunayan: Ang epekto ng konsensiya ng isang tao ay mas mababa sa pamantayan ng katotohanan, at kung minsan ay nilalabag ng mga tao ang katotohanan habang kumikilos batay sa kanilang konsensiya. Kung nananalig ka sa Diyos, ngunit hindi ka namumuhay ayon sa katotohanan, at sa halip ay kumikilos batay sa iyong konsensiya, makagagawa ka ba ng masama at lalaban sa Diyos? Tunay kang makagagawa ng ilang masasamang bagay—talagang hindi masasabi na hindi kailanman mali ang kumilos batay sa konsensiya. Ipinapakita nito na kung nais ng isang tao na mapalugod ang Diyos at umayon sa Kanyang mga layunin, ang pagkilos batay lamang sa konsensiya niya ay talagang hindi sasapat. Dapat kumilos ang isang tao batay sa katotohanan upang matugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Kapag itinuturing mo bilang katotohanan ang iyong konsensiya at itinuturing itong nakahihigit sa lahat, saan mo inilugar ang katotohanan, kung gayon? Pinalitan mo ito ng iyong konsensiya; hindi ba’t paglaban iyon sa katotohanan? Hindi ba’t pagsalungat iyon sa katotohanan? Kung namumuhay ka ayon sa iyong konsensiya, masusuway mo ang katotohanan, at ang pagsuway sa katotohanan ay paglaban sa Diyos. Pagkatapos manalig sa Diyos, maraming tao ang ginagamit ang kanilang konsensiya bilang pamantayan para sa kanilang pananalita at pagkilos, at umaasal din sila batay sa kanilang konsensiya. Pagsasagawa ba ng katotohanan ang pagkilos batay sa konsensiya, o hindi? Makakapalit ba sa katotohanan ang konsensiya ng isang tao? Sa anong paraan mismo naiiba ang pagkilos batay sa konsensiya mula sa pagkilos batay sa katotohanan? Palaging nagpupumilit ang ilang tao na kumilos batay sa kanilang konsensiya, at iniisip nilang sila ay mga taong naghahangad sa katotohanan. Tama ba ang pananaw na iyon? (Hindi.) Makapapalit ba sa katotohanan ang mga damdamin ng konsensiya ng isang tao? (Hindi.) Ano ang nagiging pagkakamali ng mga taong ito? (Ang pagsalungat sa katotohanan, na siyang paglaban sa Diyos.) Tama iyan. Itinutumbas nila ang mga damdamin ng kanilang konsensiya sa katotohanan, na dahilan kaya malamang na suwayin nila ang katotohanan. Ang ganitong uri ng mga tao ay palaging tinitingnan ang mga tao at bagay, at umaasal at kumikilos batay sa pamantayan ng kanilang konsensiya, na ang pamantayan nila ay ang kanilang konsensiya. Ginagapos at kinokontrol sila ng kanilang konsensiya, at kasabay nito, kinokontrol din nito ang kanilang katwiran. Kung ang isang tao ay kinokontrol ng kanyang konsensiya, magagawa pa rin ba niyang hanapin ang katotohanan at magsagawa ayon dito? Hindi. Kung gayon, makapapalit ba sa katotohanan ang konsensiya? Hindi. Maaaring itanong ng ilan, “Dahil hindi namin maaaring gamitin ang aming konsensiya para sukatin kung paano namin tinatrato ang ibang tao, at hindi namin maaaring ituring na katotohanan ang aming konsensiya, tama bang gamitin ang mga pamantayan ng aming konsensiya upang sukatin kung paano namin tinatrato ang Diyos?” Nararapat na pag-isipan ang tanong na ito. Ano’t anuman, hindi makapapalit sa katotohanan ang konsensiya ng isang tao. Kung hindi mo taglay ang katotohanan at tinatrato mo ang Diyos batay sa iyong konsensiya, maituturing iyon na ayos lang ayon sa pamantayan ng tao, ngunit hindi mo matatamo ang pagmamahal o pagpapasakop sa Diyos sa pamamagitan ng pag-asa sa pamantayan na ito—sa pinakasukdulan, maiiwasan mong suwayin ang katotohanan o labanan ang Diyos, na mabuti na rin naman kung tutuusin. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi mo kailangang gamitin ang iyong konsensiya sa ibang tao, at hindi mo rin kailangang gamitin ang iyong konsensiya sa Diyos.” Tama ba iyon o hindi? Mula sa perspektiba ng mga doktrina at teorya, parang mali ito, hindi ba? Kung gayon, gamitin ang katotohanan upang sukatin ito—mukha ba itong tama sa iyo? Sinasabi ba ng Diyos sa mga tao na tratuhin Siya gamit ang kanilang konsensiya? Ano ang hinihingi ng Diyos sa tao? Paanong pagtrato sa Diyos ang hinihingi ng Diyos sa tao? Maaaring may konsensiya ka, pero tapat ka ba? Kung may konsensiya ka pero hindi ka tapat, hindi maaari iyon. Ang hinihingi ng Diyos ay na tratuhin Siya ng tao nang may katapatan. Nakasulat ito sa Bibliya, “Iibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo” (Marcos 12:30). Ano ang hinihingi ng Diyos? (Na mahalin ng mga tao ang Diyos nang buong puso nila, at nang buong pag-iisip nila, at nang buong kaluluwa nila.) Ano ang gusto ng Diyos mula sa mga tao? (Ang kanilang katapatan.) Tama. Sinabi ba ng Diyos na, “Dapat ninyo Akong mahalin gamit ang inyong konsensiya at katwiran, at ang inyong likas na gawi?” Sinabi ba iyon ng Diyos? (Hindi.) Bakit hindi iyon sinasabi ng Diyos? (Dahil ang konsensiya ay hindi ang katotohanan.) Ano ang konsensiya? (Ang pinakamababang pamantayan ng pagkatao.) Tama iyan, ang konsensiya at katwiran ang mga pinakamababa at pinakabatayang pamantayan ng pagkatao. Paano ninyo masasabi kung ang isang tao ay mabuti, at kung mayroon siyang pagkatao? Paano ninyo ito masusukat? Ano ang ipangsusukat ninyo rito? Ang pinakamababa at pinakabatayang pamantayan ay kung may konsensiya at katwiran ang taong iyon. Iyon ang pamantayan na maaari ninyong ipangsukat upang matukoy kung may taglay na pagkatao ang isang tao. Kung gayon, ano ang pamantayan para sa pagsukat kung hinahangad ng isang tao ang katotohanan? Masasabi ninyo kung hinahangad ng isang tao ang katotohanan o hindi batay sa kung mayroon siyang konsensiya at katwiran—katotohanan ba ang mga salitang ito? Tama ba ang mga ito? (Hindi.) Ano kung gayon ang gusto ng Diyos mula sa tao? (Katapatan.) Gusto ng Diyos ang katapatan ng tao. Ano ang bumubuo sa katapatang iyon? Ano ang dapat gawin ng isang tao upang magpakita ng katapatan? Kung sinasabi lang ng isang tao kapag nagdarasal siya na inihahandog niya ang kanyang katapatan sa Diyos, ngunit pagkatapos ay hindi niya tapat na ginugugol ang kanyang sarili para sa Diyos o matapat na ginagampanan ang kanyang tungkulin, katapatan ba iyon? Hindi iyon katapatan—panlilinlang iyon. Kung gayon, anong pag-uugali ang pagpapamalas ng katapatan? Ano ang partikular na pagsasagawa? Alam ba ninyo? Hindi ba’t ito ay isang saloobin ng pagpapasakop sa Diyos? (Ganoon na nga.) Tapat lang ang isang tao kung mayroon siyang saloobin ng pagpapasakop. Hindi ba’t mas nakahihigit ito kaysa sa konsensiya? Ang konsensiya at katwiran ng tao ay hindi man lang nalalapit sa katapatan, may agwat sa pagitan ng mga ito. Ang konsensiya at katwiran ng mga tao ay mga pinakabatayang kondisyon lang para sa pagpapanatili ng kanilang pag-iral, ng kanilang normal na buhay, at ng kanilang mga ugnayan sa ibang tao. Kung mawawalan ng konsensiya at katwiran ang mga tao, hindi nila magagawang umiral, o magkaroon ng normal na buhay, o ng mga ugnayan sa ibang tao kahit sa pinakabatayang antas. Tingnan na lang ang mga taong iyon na walang konsensiya o katwiran, ang masasamang taong iyon—may kusa bang makikisalamuha sa kanila sa isang grupo? (Wala.) Walang kusang makikisalamuha sa kanila. Ano ang nararamdaman ng mga tao habang nakikisalamuha sa kanila? Pagkasuklam, pagkamuhi—maaari pa ngang matakot ang mga tao, makaramdam na napipigilan at ginagapos nila ang mga ito. Ang gayong mga tao ay ni hindi nagtataglay ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at walang kusang makikisalamuha sa kanila. Sabihin ninyo sa Akin, ililigtas ba ng Diyos ang mga taong ito? (Hindi.) Kung ang isang masamang tao ay sasagot sa sinumang nagpapasama sa loob niya at sasabihing: “Kung pahihintulutan ng sitwasyon, papatayin kita—wawasakin kita!” kung gayon, hindi mahalaga kung talagang may kakayahan siyang gawin ang mga bagay na iyon, hindi ba’t ang katunayang kaya niyang sabihin ang gayong mga bagay ay nangangahulugan na isa siyang masamang tao? (Oo.) Kung gayon, anong uri siya ng tao, na ang mga salita niya ay nagdudulot ng takot sa iba? Isa ba siyang taong may konsensiya at katwiran? (Hindi.) At may pagkatao ba ang mga walang konsensiya at katwiran? (Wala.) Sino ang maglalakas-loob na makisalamuha sa isang uri ng masamang tao na walang pagkatao? May mga normal bang ugnayan sa ibang tao ang masasamang taong iyon? (Wala.) Ano ang kondisyon ng kanilang mga ugnayan sa ibang tao? Kinatatakutan sila ng lahat, nalilimitahan at napipigilan nila ang lahat—nais nilang apihin ang bawat taong nakikilala nila, at nais nilang parusahan ang lahat. May normal na pagkatao ba ang gayong mga tao? Walang naglalakas-loob na makisalamuha sa ganitong uri ng tao, na walang konsensiya at katwiran. Ni hindi nila kayang mamuhay ng normal na buhay ng tao, kaya wala silang ipinagkaiba sa mga diyablo at hayop. Sa mga grupo, palagi nilang inaatake ang iba, panay-panay ang pagpaparusa nila sa mga tao. Sa huli, dumidistansya sa kanila ang lahat, iniiwasan sila ng lahat. Nakatatakot siguro talaga sila! Ni wala silang kakayahang magkaroon ng mga normal na ugnayan ng tao at hindi sila makatamo ng matatag na posisyon sa isang grupo—anong uri sila? Ni hindi nagtataglay ng pagkatao ang gayong mga tao—magagawa ba nilang hangarin ang katotohanan? (Hindi.) Anong uri ng tao ang walang pagkatao? Mga hayop, mga diyablo. Ipinagkakaloob ng Diyos ang mga katotohanang Kanyang ipinahahayag sa sangkatauhan, hindi sa mga hayop at diyablo. Tanging ang mga may konsensiya at katwiran ang nararapat na tawaging tao. Sabihin ninyo ulit sa Akin: Ang pagtataglay ba ng konsensiya at katwiran ang tanging kailangan upang ganap na maisabuhay ng isang tao ang normal na pagkatao? Maaaring sabihin na mayroon pa ring agwat, dahil ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon. Kailangan nilang hangarin ang katotohanan bago nila maiwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at maisabuhay ang normal na pagkatao. Maaaring sabihin ng ilan, “May konsensiya at katwiran ako. Basta’t sinisiguro kong hindi ako gumagawa ng masama, tataglayin ko ang katotohanang realidad.” Tama ba iyon? Kung ang isang tao ay may konsensiya at katwiran, hindi iyon nangangahulugang hinahangad na niya ang katotohanan—at gayundin ang katunayang namumuhay siya ayon sa kanyang konsensiya at katwiran. Kaya ano ba mismo ang konsensiya at katwiran? Ang konsensiya at katwiran ng tao ay ang mga pinakabatayang palatandaan at katangian lang ng pagkatao na dapat taglayin ng mga tao upang hangarin ang katotohanan. Ang pamumuhay ayon sa dalawang bagay na ito ay hindi nangangahulugang hinahangad ng isang tao ang katotohanan, at lalong hindi nito pinatutunayan na nagtataglay siya ng katotohanang realidad. Mula sa halimbawa na katatalakay Ko lang, makikita na kapag ang isang tao ay tinitingnan ang mga tao at bagay, at umaasal at kumikilos batay sa kanyang konsensiya at katwiran, malamang na malapastangan niya ang katotohanan at ang mga prinsipyo. Lubos na hindi umaabot ang mga ito sa pamantayan ng paggawa sa mga bagay na iyon nang ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Samakatuwid, gaano man karaming konsensiya ang taglay mo, at gaano man kanormal ang katwiran mo, kung hindi mo kayang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan, hindi mo hinahangad ang katotohanan. Gayundin, gaano ka man magdusa at magpagod sa saklaw ng mga likas na gawi ng iyong konsensiya at katwiran, hindi masasabing hinahangad mo ang katotohanan.

Katatapos lang nating himayin ang tatlong bagay, na pawang pagkiling at maling pagkaunawa na mayroon ang mga tao tungkol sa paghahangad sa katotohanan. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang tatlong bagay na iyon? (Ang una ay na napagkakamalan ng mga tao na katotohanan ang mga bagay na pinaniniwalaan nila sa kanilang mga kuru-kuro na mabuti, tama, at positibo, at ginagamit nila ang mga ito bilang mga pamantayan nila—pinapalitan ang mga hinihingi ng Diyos sa tao, at ang mga hinihingi at pamantayan ng Kanyang mga salita—at pagkatapos ay hinahangad at isinasagawa nila ang mga bagay na iyon. Ang pangalawa ay na, sa pundasyon ng pagkapit ng mga tao sa mga maling pagkaunawa, sinusubukan nilang makipagtawaran sa Diyos habang nagkikimkim ng mga pagnanasa at ambisyon. Naniniwala ang mga tao na kapag napalugod na nila ang Diyos at masaya na ang Diyos, ipagkakaloob Niya sa kanila ang ipinangako Niya. Ang pangatlo ay na naniniwala ang mga tao na sa pag-asal at pagkilos batay sa kanilang konsensiya at katwiran, isinasagawa na nila ang katotohanan.) Kung isinasantabi ang tatlong bagay na iyon, ano ang mismong kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Balikan natin ang ating depinisyon ng paghahangad sa katotohanan: “Ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan.” Sapat na ang mga salitang ito upang ipaunawa sa mga tao ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan at kung paano ito gagawin. Napag-usapan na natin nang husto ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan. Kung gayon, paano ito hinahangad? Napagbahaginan na natin nang husto ang tungkol diyan, kapwa ngayon at noon: Tumitingin ka man sa mga tao at bagay, o umaasal at kumikilos, dapat na nakaayon ito sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Iyon ang paghahangad sa katotohanan. Ang anupamang walang kinalaman sa mga salitang ito ay hindi paghahangad sa katotohanan. Siyempre pa, kung ang, “tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan,” ay hindi nakatuon sa mga tiwaling disposisyon ng tao, tinatalakay naman nito ang ilan sa mga kaisipan, pananaw, at kuru-kuro ng tao. At kung tinatalakay nito ang mga bagay na ito, at ito ay para matamo ang mithiing bigyang-kakayahan ang tao na magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at magpasakop sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, natural na iyon ang magiging pinaka-epekto nito. Napakalinaw at tahasan ang “tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan.” Ang landas na ibinibigay nito sa mga tao sa huli ay nagbibigay-kakayahan sa kanilang iwaksi ang kanilang mga pagkiling sa mga pagsasagawa nila, at bitiwan ang mga pagnanasa at ambisyon nila. Kasabay nito, hindi dapat mamuhay ang mga tao nang nagtatago sa likod ng paniniwalang nakahihigit sila, na nagtataglay sila ng pagkatao, at ng konsensiya at katwiran, at gamitin ito upang palitan ang prinsipyo ng pagsasagawa ng pagturing sa mga salita ng Diyos bilang batayan, at pagturing sa katotohanan bilang pamantayan. Anumang pangangatwiran ang mayroon ka, anumang kalakasan at bentahe ang taglay mo, hindi sapat ang mga ito upang palitan ang pagtingin sa mga tao at bagay, at pag-asal at pagkilos ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Tiyak na tiyak iyon. Sa kabaligtaran, kung ang panimulang posisyon para sa pagtingin mo sa mga tao at bagay, at sa asal at kilos mo ay ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang mga prinsipyo ng pagsasagawa mo ay ang katotohanan, kung gayon ay isinasagawa mo ang katotohanan. Kung hindi naman, hindi mo isinasagawa ang katotohanan. Sa kabuuan, ang pamumuhay ng mga tao sa gitna ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, pagkilos nang may intensyong makipagtawaran, o palaging pagpapalit sa paghahangad sa katotohanan at pagsasagawa nito ng paniniwalang nagtataglay sila ng maraming mabuting asal—ang gayong mga pamamaraan ay pawang kahangalan. Wala sa mga ito ang pagpapamalas ng paghahangad sa katotohanan, at sa huli, ang kahihinatnan ng mga hangal na pamamaraang ito ay na hindi mauunawaan ng mga tao ang katotohanan, na hindi nila maiintindihan ang mga layunin ng Diyos, at na hindi sila makatatahak sa daan ng kaligtasan. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Siyempre pa, sa mga hindi naghahangad sa katotohanan—bukod sa mga hindi maliligtas—may ilang handang maging trabahador na makaliligtas. Ayos lang ito, maituturing itong magandang alternatibo sa hindi paghahangad sa katotohanan. Nasa inyo na kung aling partikular na landas ang pipiliin ninyo. Marahil ay sasabihin ng ilang tao, “Pagkatapos ng lahat ng pagbabahaginang iyon, hindi Mo pa rin sinabi sa amin kung paano tingnan ang mga tao at bagay, o kung paano umasal at kumilos.” Hindi Ko ba sinabi? (Sinabi Mo.) Saan dapat nakaayon ang pagtingin sa mga tao at bagay, at ang pag-asal at pagkilos? (Ayon sa mga salita ng Diyos.) At ano ang dapat na pamantayan? (Ang pamantayan ay ang katotohanan.) Ano ang mga salita ng Diyos kung gayon? Nasaan ang katotohanan? (Ang mga salita ng Diyos ang katotohanan.) Napakarami ng salita ng Diyos, sinasabi ng mga ito sa mga tao ang tungkol sa bawat aspekto ng kung paano tingnan ang mga tao at bagay, at kung paano umasal at kumilos, kaya hindi na natin idedetalye ang mga bagay na ito ngayon. Basahing muli ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan. (Ano ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan? Ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan.) Dapat ninyong iukit ang mga salitang ito sa inyong puso, at gamitin ang mga ito bilang inyong alituntuning pamatnubay sa buhay. Palaging ilabas ang mga ito upang mapag-isipan at mapagmuni-munihan ninyo ang mga ito; ihambing ninyo sa mga ito ang inyong pag-uugali, saloobin sa buhay, pananaw sa mga bagay-bagay, at intensyon at mithiin. Pagkatapos ay malinaw mo nang mararamdaman kung ano ang tunay mong kalagayan, at kung ano ang disposisyong diwang inilalabas mo. Ihambing ang mga iyon sa mga salitang ito, at ituring ang mga salitang ito bilang mga prinsipyo ng pagsasagawa, at bilang ang landas at direksyon para sa iyong pagsasagawa. Kapag naghahangad ka sa ganitong paraan, kapag ganap kang nakapapasok sa mga salitang ito at naisasabuhay mo ang mga ito, mauunawaan mo ang kahulugan ng paghahangad sa katotohanan. Natural na kapag pumasok ka sa realidad ng mga salitang ito, nakatahak ka na sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kapag tinahak mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan, ano ang kalalabasan nito? Gagaan nang gagaan ang pagkabagabag na dulot ng panggugulo, pagkontrol, at mga pagpigil ng iyong tiwaling disposisyon. Bakit ganoon? Dahil mararamdaman mo na mayroon kang landas para sa paglutas ng iyong tiwaling disposisyon, at na may pag-asa kang maligtas. Saka mo lang mararamdaman na ang buhay ng tunay na pananalig sa Diyos at pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita ay nakasisiya, mapayapa, at nakagagalak. Matapos ang maraming taon ng pananalig sa Diyos, ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay nararamdaman pa ring napakahungkag ng buhay, at na wala silang maaasahan. Madalas, nararamdaman pa nga nilang talagang masakit na mabuhay sa tiwaling disposisyon, at kahit na gusto nila itong iwaksi, hindi nila magawa. Nananatili silang napipigilan, nakagapos, at nakatali sa kanilang tiwaling disposisyon magpakailanman, na nagdudulot sa kanila ng matinding pagkabagabag, subalit wala man lang silang landas na masusundan. Walang katapusan ang kanilang mapapait na araw na ito. Kung magagawa nilang tanggapin ang katotohanan at tamuhin ang kaligtasan, lilipas ang mapapait na araw na ito. Gayunpaman, ang resulta ng lahat ng ito ay nakadepende sa inyong paghahangad at pagpasok sa hinaharap.

Enero 29, 2022

Sinundan: Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 1

Sumunod: Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 3

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito