Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 16
Pangunahin nating pinagbabahaginan at sinusuri ang diwa ng iba’t ibang kasabihan tungkol sa wastong asal, at sinusuri ang epekto ng iba’t ibang kasabihan sa mga tao. Ang iba’t ibang kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay pangunahing kumakatawan sa magkakaibang antas ng epekto ng tradisyonal na kulturang Tsino sa mga tao, mga epektong patuloy na umiiral hanggang sa araw na ito. Aling kasabihan tungkol sa wastong asal ang pinagbahaginan at inilantad natin sa ating huling pagtitipon? (Noong nakaraan, ibinahagi at inilantad ng Diyos ang kasabihang “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya.”) Kapag pinagbabahaginan natin ang mga kasabihang patungkol sa wastong asal, tinatalakay natin ang usapin ng pangkalahatang kapaligiran: Kahit na paano pa magbago ang panahon, o paano magbago ang kapaligiran ng ating lipunan, o paano magbago ang politikal na sitwasyon sa anumang bansa, lalong nagiging malinaw ang katiwaliang idinudulot ni Satanas sa sangkatauhan, sa mga kaisipan at wastong asal ng mga tao, at sa kaibuturan ng kanilang mga puso sa pamamagitan ng iba’t ibang salungat na pananampalataya at maling paniniwala ukol sa wastong asal na matatagpuan sa tradisyonal na kultura. Hindi nabawasan ang epekto ng pagiging mapaminsala ng tradisyonal na kultura sa sangkatauhan dahil sa nagbabagong panahon at sa mga pagbabago sa kapaligiran ng pamumuhay, at marami pa ring tao ang nagsisipi at nagsusulong ng iba’t ibang kasabihang hango sa tradisyonal na kultura, tinitingala ito bilang tradisyonal na pag-aaral na Tsino at bilang kasulatan. Malinaw na itinanim ni Satanas ang iba’t ibang kasabihan tungkol sa wastong asal sa kaibuturan ng puso ng mga tao at sukdulang ginawang tiwali ang mga tao. Bakit ba ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao? Ano ba ang pinakamithiin nito sa paggawang tiwali sa mga tao? Ang sangkatauhan ba ang puntirya nito o ang Diyos? (Ang Diyos.) Isa itong bagay na dapat ninyong maunawaan upang malaman ang diwa ni Satanas, at upang malaman ang pinakaugat at proseso ng paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan. Paano ba ginagawang tiwali ni Satanas ang kaisipan ng mga tao? Bakit ba pinanghahawakan ng mga tao ang ganitong mga bagay na mapanlaban sa Diyos sa kaibuturan ng kanilang mga puso? Bakit ba pinanghahawakan ng mga tao ang mga bagay na ito na taliwas sa katotohanan? Paano ba naging ganito ang mga tao? Ang Diyos ang lumikha sa sangkatauhan, kaya bakit ba lumalaban at nagrerebelde ang mga tao sa Diyos sa bawat pagkakataon tulad ng ginagawa ni Satanas? Ano ba ang pinakaugat nito? Masasagot ba ang mga katanungang ito sa pamamagitan ng mga tinalakay natin noong huli? (Oo.) Alalahanin at isipin ninyo kung ano ang pinagbahaginan natin noong nakaraan. (Nagbahagi muna ang Diyos tungkol sa mga kasalukuyang kondisyon namin. Kahit na kumakain at umiinom kami ng mga salita ng Diyos, sa madaling salita ay wala kaming pagkilatis pagdating sa mga salungat na pananampalataya at maling paniniwala at sa mga kaisipan at pananaw na itinatanim sa amin ni Satanas, at maaari kaming maging mga tagapagsalita at alagad ni Satanas anumang oras at saanmang lugar. Nagbahagi rin ang Diyos kung bakit ginagamit ni Satanas ang mga salungat na pananampalataya at maling paniniwalang ito upang ilihis at gawing tiwali ang mga tao. Bagama’t ginagawang tiwali at pinipinsala nito ang mga tao, ang tunay na layunin ni Satanas ay nakaukol sa Diyos. Gusto nitong buwagin at sirain ang plano ng pamamahala ng Diyos. Dahil ang pangunahing layunin ng plano ng pamamahala ng Diyos ay ang iligtas at gawing perpekto ang isang grupo ng mga tao upang maging kaisa sila ng puso at isipan ng Diyos, sinusubukang gambalain at hadlangan ni Satanas ang mga taong ito na makasunod sa Diyos, na magawang ganap ng Diyos, at na makamit ng Diyos. Hindi nalilinlang ang Diyos ng mga tusong pakana ni Satanas ngunit hindi Niya pinipigilan si Satanas. Sa halip, ginagamit ng Diyos si Satanas bilang isang gamit-panserbisyo at isang mapaghahambingan, sapagkat ang karunungan ng Diyos ay nakabatay sa mga tusong pakana ni Satanas, at ginagawa Niya ang gawain ng paglilinis at pagliligtas sa mga taong ito na nagawang tiwali ni Satanas. Inihahayag at sinusuri ng Diyos ang iba’t ibang kasabihan ng tradisyonal na kultura upang bigyang-daan tayong makita nang malinaw na ginagamit ni Satanas ang mga salungat na pananampalataya at maling paniniwalang ito upang ilihis at gawing tiwali ang mga tao. Ginagawa ito ng Diyos nang sa gayon ay matuto tayong kumilatis at upang hindi lang maunawaan natin batay sa doktrina na negatibo ang mga salungat na pananampalataya at maling paniniwalang ito, kundi sa halip ay malinaw nating maunawaan kung ano-ano ang mga tusong pakana ni Satanas na nakapaloob sa mga kasabihang ito. Sa sandaling malinaw na nating maunawaan ang mga iyon, maihahambing na natin ang ating sarili sa mga iyon, mapagninilayan ang ating sarili batay sa mga salita ng Diyos, masusuri kung ano-anong mga satanikong kaisipan at ideya ang mayroon tayo, kung ano-ano ang mga tusong pakana ni Satanas na nasa layunin ng ating mga kilos, at kung aling mga satanikong disposisyon ang ating ipinapakita. Ganito ang tunay na pagkakilala sa ating sarili, at hindi lamang pananatili sa antas ng pagkaunawa batay sa doktrina at simpleng pagkilatis.) Isa sa mga paraan kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao ay ang paggawang tiwali ng kanilang mga isip at puso; itinatanim nito ang lahat ng uri ng satanikong kaisipan, ideya, salungat na pananampalataya at maling paniniwala sa puso at isip ng mga tao. Kabilang sa mga iyon ay ang iba’t ibang kasabihan patungkol sa wastong asal na kumakatawan sa pinakadakila sa tradisyonal na kulturang Tsino—ang mga iyon ang mga klasikong representasyon ng tradisyonal na kulturang Tsino. Ang mga kaisipan at pananaw na ito ng tradisyonal na kultura ay pangunahing kumakatawan sa mga kaisipan ni Satanas, sa diwa ni Satanas, at kumakatawan ang mga ito sa mga bagay sa kalikasan ni Satanas na laban sa Diyos. Ano ang huling kahihinatnan ng paggamit ni Satanas sa mga bagay na ito upang gawing tiwali ang mga tao? (Ginagawa nitong laban sa Diyos ang mga tao.) Ang kahihinatnan ay magiging laban sa Diyos ang mga tao. At magiging ano ba ang mga tao? (Magiging mga tagapagsalita at alagad sila ni Satanas. Magiging mga buhay na Satanas sila.) Ang mga tao ay magiging mga tagapagsalita ni Satanas, ang pagkakatawan ni Satanas, at ang nagawang tiwaling sangkatauhan ay kakatawan na kay Satanas. Ang mga hangarin, layunin, kaisipan, at ideyang nakapaloob sa mga salitang binibigkas ng nagawang tiwaling sangkatauhan at ang mga tiwaling disposisyong kanilang ipinapakita ay ang mga bagay na ipinahayag at ipinakita ni Satanas. Ganap nitong pinatutunayang ang mga panuntunan sa pamumuhay ng sangkatauhan at ang iba’t iba nilang kaisipan at pananaw kung paano sila aasal at makikisalamuha sa iba ay mula lahat kay Satanas at kumakatawang lahat sa kalikasang diwa ni Satanas; ganap nitong pinatutunayang ang buhay na nagawang tiwaling sangkatauhan ay ang pagkakatawan ni Satanas, ang supling ni Satanas, at kauri ni Satanas; ganap nitong pinatutunayang ang buhay na nagawang tiwaling sangkatauhan ay isang buhay na Satanas, isang buhay na diyablo, at na ang sangkatauhan, na naging pagkakatawan ni Satanas, ay ang kinatawan ni Satanas. Supling man o pagkakatawan ni Satanas ang sangkatauhan, ano’t ano man ay kauri ito ni Satanas, at para sa Diyos, ang isang sangkatauhang tulad nito ay isang sangkatauhang tumatanggi at nagtataksil sa Diyos, ito ang kaaway ng Diyos, at ang kasalungat na puwersa ng Diyos. Ang sangkatauhang tulad nito ay hindi na ang nilikhang sangkatauhang wala pang muwang at ignorante na tulad noong pasimula. Nabubuhay ang sangkatauhan sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas at puno ito ng mga sataniko at tiwaling disposisyon, at ano ba ang kailangan ng sangkatauhan na namumuhay sa ganitong uri ng kalagayan at kondisyon? Kailangan nito ang pagliligtas ng Diyos. Ngayon na ang panahon kung kailan gumagamit ang Diyos ng mga salita upang magligtas ng mga tao. Ano ba ang konteksto kung saan inililigtas ng Diyos ang mga tao? Ito ay dahil umabot na ang paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan sa pinakamatindi at pinkamalubhang antas; ganap na nitong ginawang pagkakatawan at mga tagapagsalita ni Satanas ang mga tao, at naging mga kaaway na ng Diyos at naging laban na sa Diyos ang mga ito. Sa kontekstong ito, sinimulan na ng Diyos ang Kanyang gawain upang iligtas ang sangkatauhan. Ito ang tunay na sitwasyon hinggil sa paggawang tiwali ni Satanas sa mga tao, at ito ang aktuwal na konteksto sa pagpapahayag ng Diyos sa katotohanan at pagganap sa gawain ng paghatol upang iligtas ang tao sa mga huling araw. Ano-ano ba ang mga pakinabang ng pagkakaroon ng kaalaman patungkol sa mga katunayang ito? Binibigyang-daan nito ang mga taong malaman ang sarili nilang diwa, malaman ang diwa ni Satanas, malaman ang mga pamamaraan kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, at malaman ang kasamaan ni Satanas; binibigyang-daan din nitong malaman ng mga tao ang layunin ng plano ng pamamahala ng Diyos, at malaman din ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, ang awtoridad, ang karunungan, at ang kapangyarihan ng Diyos na inihahayag Niya sa Kanyang gawain upang iligtas ang sangkatauhan. Bukod sa kailangang kilalanin kung ano ang paglalarawan sa diwa at kasamaan ni Satanas at sa kalikasang diwa ng nagawang tiwaling sangkatauhan, ang mahalaga ay kailangang malaman ng mga tao ang gawain ng Diyos, disposisyon ng Diyos, at diwa ng Diyos. Ang pagkakaroon ng kaalaman patungkol sa diwa ng Diyos ay pangunahing nangangailangan ng pagkakaroon ng kaalaman sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat, awtoridad, karunungan, at kapangyarihan ng Diyos—pangunahin itong nangangailangan ng pagkakaroon ng kaalaman patungkol sa mga aspektong ito ng Kanyang diwa.
Mula sa perspektiba ng konteksto ng paggawa ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, ang sangkatauhang ito na ninanais ng Diyos na iligtas ay hindi isang sangkatauhang katatapos lang Niyang likhain, kundi sa halip ay isa itong sangkatauhang ilang libong taon nang ginagawang tiwali ni Satanas. Wala na sa orihinal na kalagayan ang kaibuturan ng puso ng mga tao, ni ang mga kaisipan o disposisyon ng tao, kundi sa halip ay matagal na ang mga iyong lubhang nagawang tiwali ni Satanas. Ang mga taong inililigtas ng Diyos ay ang mga nilikhang lubhang nagawang tiwali, naakit, nakontrol, namanipula, at nayurakan ni Satanas. Kung ang mga tao ang pag-uusapan, napakahirap o imposible pa ngang alisin o baguhin ang mga bagay na mula kay Satanas at ang mga satanikong disposisyon sa nilikhang sangkatauhang ito. Ibig sabihin, kung mga tao ang pag-uusapan, ang pagbabago sa kanilang mga kaisipan at pananaw, ang pag-aalis sa mga bagay na mula kay Satanas sa kaibuturan ng kanilang mga puso, at ang pagbabago sa kanilang mga tiwaling disposisyon ay pawang mga imposibleng gawain; tulad lang ito ng kasabihang, “Hindi mababago ng isang leopardo ang mga batik nito.” Subalit sa mismong kontekstong ito at sa nilikhang sangkatauhang ito ninanais gampanan ng Diyos ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Sa Kanyang gawain, hindi nagpapakita ang Diyos ng anumang palatandaan at kababalaghan, ni lantarang ipinapakita ang Kanyang tunay na pagkatao, lalong hindi Siya gumaganap ng anumang gawain na maaaring magmukhang maawtoridad at makapangyarihan sa mga tao. Ibig sabihin, sa mga huling araw, sa panahon kung kailan ililigtas ng Diyos na nagkatawang-tao ang tao, hindi magpapakita ang Diyos ng anumang palatandaan at kababalaghan, hindi Siya gagawa ng anumang gawain na lumalagpas sa mga hangganan ng pagiging praktikal o ng realidad, at hindi Siya gumaganap ng anumang gawa na nakahihigit sa makalamang pagkatao. Hindi ginagawa ng Diyos ang ganitong mga mahimalang gawain, kundi sa halip ay gumagamit Siya ng mga salita upang tustusan ang buhay ng mga tao at upang ilantad ang mga tao at alisin sa kanila ang kanilang katiwalian. Dahil gumagamit lang Siya ng mga salita upang gampanan ang gawaing ito, para sa tao ay lalo pa itong nagmumukhang isang imposibleng gawain, at sa mga mata ng karamihan ng mga tao, mukha pa nga itong laro-laro lamang. Naniniwala ang mga taong sa pamamagitan ng paggamit ng mga pagbigkas, mga pagbigkas na ipinahahayag sa iba’t ibang paraan, mula sa iba’t ibang perspektiba, at tungkol sa iba’t ibang bagay, upang tustusan at bigyang-daan silang magtamo ng kaligtasan, nagsasagawa ang Diyos ng isang imposibleng gawain. Partikular na, si Satanas ay lalo namang hindi kumbinsidong ganap na makakaya ng Diyos ang bagay na ito, na taglay ng Diyos ang kapangyarihan, ang awtoridad, at ang karunungan upang matupad ang gawaing ito. Malinaw naman na, sa mga mata ng mga nilikhang tao, ang pagpapahayag ng Diyos sa Kanyang mga pagbigkas at pagganap sa Kanyang gawain upang iligtas ang sangkatauhan ay isang imposibleng gawain. Gayunpaman, paano man mangyayari ang mga bagay-bagay sa hinaharap, sa ngayon, ang sinasabi sa mga salita ng Diyos na, “Tinutupad ng Diyos ang Kanyang sinasabi, at matutupad ang Kanyang salita, at kung ano man ang Kanyang natutupad ay mananatili magpakailanman,” ay natupad na sa mga taong sumusunod sa Kanya, ibig sabihin, natikman na ito ng karamihan ng mga tao. Batay sa paraan ng pagkilos ng Diyos, mula sa pagganap ng Diyos sa gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan sa pamamagitan lamang ng pagbibigay ng mga salita, pagpapalakas ng mga salita, paghahayag ng mga salita, pagkastigo at paghatol ng mga salita, pagtutuwid ng mga salita, pagbababala at pag-uudyok ng mga salita, at iba pang paraan, malinaw na ang mga salita ng Diyos ay hindi lang nagtataglay ng simpleng kahulugan ng mga salitang mauunawaan sa pamamagitan ng mga kuru-kuro ng tao. Maliban sa saligang kasabihang ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, ang lalo pang nakikita ng mga tao, at ang malinaw na batay sa katunayan, ay na nagtataglay ng buhay ang mga salita ng Diyos at ang mga salita ng Diyos ay buhay, na kayang tustusan ng mga ito ang pamumuhay ng nagawang tiwaling sangkatauhan at ibigay ang lahat ng pangangailangan ng nagawang tiwaling sangkatauhan para sa buhay-pananampalataya. Pagdating sa kapangyarihan at awtoridad, kayang baguhin ng mga salita ng Diyos ang mga kondisyon ng pamumuhay ng sangkatauhan, baguhin ang mga kaisipan at pananaw ng sangkatauhan, baguhin ang puso ng tao na lubhang nagawang tiwali ni Satanas at, higit pa rito, kaya ng mga iyong baguhin ang landas at direksyon sa buhay na pinili ng sangkatauhan, at baguhin pa nga ang pananaw sa buhay at mga prinsipyo ng sangkatauhan. Basta’t tatanggapin mo at magpapasakop ka sa mga salita ng Diyos at, masasabi pa nga nating basta’t minamahal at hinahangad mo ang mga salita ng Diyos, kahit ano pa ang kakayahan mo, o ano pa ang mithiin ng iyong paghahangad, o gaano pa katindi ang determinasyon mong maghangad, o gaano pa kalaki ang iyong pananampalataya, talagang mababago ka ng mga salita ng Diyos, mabibigyang-daan na magbago ang iyong pananaw sa buhay at mga prinsipyo, mabibigyang-daan na magbago ang iyong mga kaisipan at iyong mga pananaw sa mga tao at bagay, at sa huli ay mabibigyang-daan na magbago ang iyong buhay disposisyon. Kahit na karamihan ng mga tao ay mahina ang kakayahan at walang determinasyong hangarin ang katotohanan, at ayaw pa nga nilang hangarin ang katotohanan, anuman ang kanilang mga kalagayan, basta’t napakinggan na nila ang mga salita ng Diyos, sa mas malaki o mas maliit na paraan ay nagkaroon na sa kanilang isipan ng ilang tamang pananaw at pagkaunawa mula sa mga pagtuturo ng Diyos tungkol kay Satanas, sa mundo, at sa sangkatauhan. Nagkakaroon na sa kanilang isipan ng iba’t ibang antas ng pananabik at pagnanais sa mga positibong bagay, sa mga katotohanang prinsipyo at sa tamang direksyon at mga mithiin sa buhay na hinihingi ng Diyos na magkaroon ang mga tao. Ang mga pangyayaring ito na nagaganap sa mga tao at sa pagitan nila—ito man ang gusto ng mga tao o hindi, naaayon man ang mga ito sa mga kuru-kuro ng mga tao o hindi, natutupad man ng mga ito ang mga hinihingi at pamantayan ng Diyos o hindi, at iba pa—ipinakikita ng lahat ng epekto sa mga tao at lahat ng pangyayaring ito na bukod sa kayang tustusan ng mga salita ng Diyos ang buhay ng mga tao at tustusan sila ng kailangan nila, ang mas mahalaga bagkus ay hindi mababago ng anumang puwersa ang mga salita ng Diyos. Bakit Ko ba ito sinasabi? Dahil ang mga salita ng Diyos ay may taglay na awtoridad, at ang awtoridad ng mga salita ng Diyos ay hindi mahihigitan ng anumang teorya, pilosopiya, o kaalaman sa mundo, o ng anumang argumento, kaisipan, o pananaw—ito ang praktikal na kahulugan ng pagtataglay ng awtoridad ng mga salita ng Diyos, at malinaw itong nakikita sa lahat ng taong sumusunod sa Diyos. Ang mga salita ng Diyos ay may taglay na awtoridad at kaya ng mga itong baguhin ang mga puso at kaisipan ng sangkatauhan. Ang mas mahalaga pa rito, kaya ng mga itong alisin at pawiin ang mga tiwaling disposisyong malalim na itinanim ni Satanas sa kaibuturan ng puso ng mga tao—ito ang kapangyarihan ng mga salita ng Diyos. Siyempre, may iba pa, iyon ay nararapat na malaman ng mga tao ang karunungan ng Diyos. Bumubuhos ang karunungan ng Diyos sa lahat ng Kanyang gawain. Hindi lamang sa nilalaman at ipinahihiwatig ng mga salitang binibigkas ng Diyos, kundi sa paraan din ng pagsasalita ng Diyos, sa mga bagay na Kanyang sinasabi, sa mga perspektibang Kanyang ginagamit sa Kanyang mga pagbigkas, at maging sa tono ng Kanyang pananalita, makikita ang karunungan ng Diyos sa lahat. Sa ano-anong mga aspekto ba napamamalas ang karunungan ng Diyos? Ang isang aspekto ay makikita ang karunungan ng Diyos sa bawat salitang Kanyang binibigkas, at sa sari-saring paraan ng Kanyang pananalita ay naipakikita ang Kanyang karunungan; ang isa pang aspekto ay makikita ang karunungan ng Diyos sa lahat ng iba’t ibang paraang Siya ay kumikilos sa mga tao, at makikita rin ito sa mga taong sumusunod sa Diyos na Kanyang pinangungunahan. Kaya siyempre, masasabi nating bumubuhos ang karunungan ng Diyos sa Kanyang mga salita, at na bumubuhos din ito sa Kanyang gawain. Bukod sa nakikita ng mga tao ang karunungan ng Diyos sa Kanyang mga salita, maaari ding magkaroon ang mga tao ng malalim na pagpapahalaga rito sa iba’t ibang kapaligiran at sitwasyon ng sari-saring suliraning kanilang hinaharap. Binibigyang-daan ng mga salita ng Diyos ang mga taong matanggap ang kaukulang panustos anumang oras at saanmang lugar. Matutulungan ka ng Diyos anumang oras at saanmang lugar, masusuportahan at matutustusan ka anumang oras at saanmang lugar, mabibigyang-daan kang iwanan ang negatibo mong kalagayan anumang oras at saanmang lugar, at maidudulot sa iyong maging malakas at hindi na maging mahina. Sa anumang oras at saanmang lugar, mababago ng Diyos ang iyong mga ideya at ang paraan ng iyong pag-iisip, mabibigyang-daan kang bitiwan ang mga bagay na pinaniniwalaan mong tama at ang mga bagay na mula kay Satanas, maiwaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon, magsisi at humingi ng tawad sa Diyos, kumilos at magsagawa alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga salita ng Diyos. Isang aspekto ito. Bukod pa rito, kumikilos ang Diyos sa marami at iba’t ibang paraan sa lahat ng taong sumusunod sa Kanya, nagmamahal sa mga salita ng Diyos at nagmamahal sa katotohanan. Minsan ay nagkakaloob Siya ng biyaya, at minsan ay nagkakaloob Siya ng liwanag at paghahayag. Siyempre, kung minsan ay itutuwid at didisiplinahin ng Diyos ang mga tao upang hikayatin silang baguhin ang kanilang mga gawi, upang akuin nila ang kanilang kamalian sa kaibuturan ng kanilang mga puso, upang madama nilang tunay silang may pagkakautang sa Diyos, upang makadama sila ng pagkakonsensiya, upang magsisi, at sa gayon ay maisuko ang kasamaang kanilang ginagawa at hindi na sila magrebelde sa Diyos, hindi na kumilos paano man nila naisin o sumunod kay Satanas, kundi sa halip ay magsagawa alinsunod sa landas na ipinakita sa kanila ng Diyos. Ang gawain ng Diyos ay natutupad sa tao. Upang maging mas eksakto, ang gawain ng Banal na Espiritu ay natutupad sa tao, at kumikilos ang Banal na Espiritu sa karamihan ng mga tao sa iba’t ibang paraan. Siyempre, anuman ang paraan kung paano kumikilos ang Banal na Espiritu, sa mas malaki o mas maliit na paraan ay maaaring maranasan ng lahat ng tao ang iba’t ibang paraan ng pagkilos ng Banal na Espiritu. Mula rito ay makikita natin na ang gawain ng Banal na Espiritu at ang gawain ng Diyos, ginagampanan man ang mga iyon sa maraming paraan o sa isa, ay parehong makapagbibigay-daan sa mga taong mapagtanto na ang gawain ng Diyos ay isang tulong sa tao at ang kailangan ng tao sa lahat ng pagkakataon at sa lahat ng dako. Maaaring kumilos at magtustos ang Banal na Espiritu sa mga tao sa lahat ng pagkakataon at sa lahat ng dako. Hindi Siya nalilimitahan ng espasyo, heograpikong lokasyon, o oras, at hindi rin Niya inilalagay sa kaguluhan ang mga nakagawiang normal na buhay ng mga tao ni ginugulo ang mga kaisipan ng mga tao, lalong hindi Niya sinisira ang anumang panuntunang itinakda ng Diyos para sa sangkatauhan. Tahimik lang na kumikilos ang Banal na Espiritu sa bawat tao, gumagamit ng mga salita upang malinaw na magbigay-alam, magturo, magbigay-liwanag, at magpatnubay sa kanila, habang gumagamit din ng iba’t ibang pamamaraan upang kumilos sa kanila, binibigyang-daan silang natural at walang kamalay-malay na mamuhay sa ilalim ng panustos ng mga salita ng Diyos. Siyempre, bunga ng gawain ng Diyos at ng gawain ng Banal na Espiritu, nabago ang mga disposisyon ng mga tao at ang kanilang mga kaisipan ay nabago nang hindi nila namamalayan, at unti-unting nadaragdagan ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Sa lahat ng epektong ito na natupad sa mga tao, masasabing nagawa ang mga ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga salita ng Diyos at ng karunungan ng gawain ng Diyos. Kung ang mga taong sumusunod na ngayon sa Diyos ang pag-uusapan, ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga salita upang kumilos at manguna at magtustos sa kanila, at ang lahat ng tao ay may karapatan at pagkakataong matamasa ang mga bagay na ito. Kung dadami ang mga taong sumusunod sa Diyos nang sampung beses, dalawampung beses, o isandaang beses pa nga kaysa sa bilang ng sumusunod sa Kanya ngayon, mapangangalagaan pa rin sila ng Diyos sa parehong paraan, at matatapos pa rin Niya ang gawaing ito. Ang mga epektong natupad ay hinding-hindi mababago, at ito ang karunungan ng Diyos.
Ipinapahayag ng mga salita ng Diyos ang lahat ng aspekto ng katotohanan at ibinibigay ng mga ito ang kinakailangan ng buong sangkatauhan. Ginagamitan ng Diyos ang mga tao ng lahat ng uri ng iba’t ibang pamamaraan ng pagkilos mula sa iba’t ibang perspektiba sa iba’t ibang pagkakataon at kapaligiran, upang patnubayan sila nang hindi nila namamalayan at upang makakuha ng iba’t ibang resulta sa bawat tao. Kahit na iniisip mo ngayon na, “Kaunti lang ang nauunawaan ko tungkol sa gawain ng Diyos at napakahina ko pa rin ngayon. Napakaliit pa rin ng pananampalataya ko sa Diyos at hindi rin nadagdagan ang kaalaman ko sa Diyos. Ang kasalukuyang saloobin ko sa pagganap sa aking tungkulin ay tila matamlay gaya ng dati, at pakiramdam ko ay hindi ako masyadong nakausad,” isang bagay ang tiyak: Kahit na gaano ka pa kahina, o sa palagay mo ay gaano ka kalayo sa pagtupad sa mga hinihingi ng Diyos, nagkaroon na ng impluwensiya sa puso mo ang mga salita at ang gawain ng Diyos. Kahit na hindi ka masyadong interesado sa paghahangad sa katotohanan, kahit na hindi mo pa rin itinuturing na napakaimportante ng kahalagahan ng pagtamo ng kaligtasan, binibigyan ka ng pag-asa ng katotohanan ng mga salita ng Diyos at ng nilalaman ng mga salitang binibigkas ng Diyos, at sa kaibuturan ng iyong puso, nagkakaroon ka ng mga ekspektasyon hinggil sa gawain ng Diyos at sa mga katunayang nais tuparin ng Diyos. Gaano man kalaki ang iyong pananampalataya ngayon, o kumusta man ang iyong tayog, tiyak na may pag-asa ka. Ano ang ipinakikita nito? Ang mga salita ng Diyos ang kailangan ng sangkatauhan, ibinibigay ng mga iyon ang kailangan ng sangkatauhan, nagkaroon na ng impluwensiya ang mga iyon sa iyong puso, at hindi mo namalayang nagkaroon ka na ng partikular na pagtanggap sa mga salita ng Diyos sa kaibuturan ng iyong puso. Siyempre, nakaukol ang mga katunayang ito sa mga taong hindi masyadong interesado sa katotohanan, at medyo malabo at magulo ang pagkaunawa sa gawain at pagliligtas ng Diyos. Para sa mga taong tunay na sumasampalataya sa Diyos at kayang maghangad ng katotohanan, hindi ito ang tanging resultang makakamit, kundi sa halip ay maaari din nilang makilala ang Diyos at patotohanan ang Diyos. Mula sa mga katunayan at palatandaang ito, makikita nating ang mga pagbigkas at ang gawain ng Diyos ay puno ng kapangyarihan, awtoridad, at karunungan ng Diyos. Pinatutunayan din nito ang isa pang bagay: Ang sangkatauhan ay nilikha ng Diyos, at bagama’t makakaya nila nang walang sinag ng araw, walang tubig, at walang hangin, hindi nila makakaya nang wala ang Diyos, hindi nila makakaya nang wala ang mga salita ng Diyos, at hindi nila makakaya nang wala ang pagtustos ng Diyos. Tanging ang patnubay, pagtustos, at pagpapastol ng Diyos at ang lahat ng katotohanang ipinapahayag ng Diyos ang makapagbibigay ng pag-asa at liwanag sa sangkatauhan, pati na rin ng mga mithiin at direksyon para sa pag-iral nito—ang mga ito ay mga bagay na nakita na ng mga tao. Sa pamamagitan ng paglalantad at pagsusuri sa tunay na sitwasyon ng paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan pagdating sa wastong asal, dapat ay makita na ng mga tao kung sa anong uri ng konteksto kumikilos ang Diyos upang iligtas ang mga tao. Bukod sa pagtukoy sa lagay ng tunay na sitwasyon ng konteksto kung saan kumikilos ang Diyos, dapat ay lalo pang maunawaan ng mga tao kung gaano kahirap ang gawain ng Diyos na pagliligtas sa sangkatauhan, at sa pamamagitan ng pag-unawa kung gaano ito kahirap, dapat nilang malaman ang kapangyarihan, ang awtoridad, at ang karunungan ng Diyos. Sa Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, hindi nagmadali ang Diyos na iligtas ang sangkatauhan noong simulan pa lang itong gawing tiwali ni Satanas. Hindi Siya nagmadaling iligtas ang sangkatauhan apat na libong taon ang nakalilipas, o anim na libong taon ang nakalilipas. Sa halip, ginawa Niya ang mga bagay-bagay kung paano nilayong magawa ang mga iyon: Sa pamamagitan ng pag-akit ng ahas sa sangkatauhan at ng paggawang tiwali rito ni Satanas, naging makasalanan ito, at nilipol ang mundo sa pamamagitan ng baha. Pagkatapos ay ginamit ng Diyos ang kautusan upang unti-unting pangunahan ang sangkatauhan at, habang unti-unting lumulubha ang paggawang tiwali ni Satanas sa tao, ginampanan ng Diyos ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagsasakatawan Niya Mismo sa wangis ng makasalanang laman at pagpapapako sa krus. Ngayon, sa mga huling araw, kung kailan sa labis na paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan ay lubha na nitong napinsala ang mga tao at naging ganap na silang representasyon ni Satanas, pormal at hayagang ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang mga salita sa sangkatauhan, at ipinapahayag Niya kung ano ang nasa puso Niya, ang Kanyang mga pananaw at saloobin patungkol sa lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, at lahat ng katotohanang kailangan ng sangkatauhan. Sa ganitong uri ng kapaligiran, sinisimulan ng Diyos na pormal na ibigay ang kailangan ng sangkatauhan—hindi Niya ibinibigay sa sangkatauhan ang lahat ng katotohanan sa isang sitwasyon kung saan lubos na ignorante ang sangkatauhan. Kapag mismong lubha nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan at kapag naniniwala ang mga taong imposible na silang maligtas ay saka dumarating ang Diyos, binibigkas ang Kanyang mga salita, ginagampanan ang Kanyang gawain, lumalakad kasama ng tao at ipinapahayag ang mga salitang nais Niyang ipahayag, habang ginagamit lamang ang pagbibigay ng Diyos ng mga salita upang tuparin ang mga katunayang nais Niyang tuparin. Walang medyo may kakayahang tao sa nilikhang sangkatauhan ang nangangahas na tumanggap sa hamon ng paggawa sa gawaing ito, dahil pinaniniwalaan ng mga taong isa itong napakahirap na gawain, isang gawaing imposibleng tuparin. Subalit sa kontekstong ito mismo inilunsad ng Diyos ang gawaing ito ng Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala, isang gawaing gumagamit ng mga salita upang tuparin ang lahat ng bagay. Isa itong malaking gawain, isang gawaing hindi pa kailanman nagagawa, higit pa rito, isa itong makasaysayang gawain, at isang matagalang gawain. Kahit na gaano pa karami ang sinasabi ng isang tao o ano pa ang kanyang sinasabi o ano pa ang diwa ng kanyang mga salita, walang sinumang may kakayahang tumupad sa mga gawa na nilalayong tuparin ng kanyang mga salita. Tanging ang mga salita ng Diyos ang maaaring matupad, at tanging ang mga salita ng Diyos ang maisasakatuparan alinsunod sa hinihingi ng Diyos at sa mga plano ng Kanyang kaisipan—ito rin ang awtoridad ng Diyos. Hindi ba’t dapat na maunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito? (Oo, dapat nila itong maunawaan.) Kung gayon, ano ba ang kahalagahan ng pag-unawa sa mga bagay na ito? Sino ang magsasalita? (Isang aspekto ay maaaring magkaroon ang mga tao ng pagkaunawa sa karunungan ng gawain ng Diyos at maunawaan nilang ang gawain ng Diyos ay hindi ginagawa sa mga ignoranteng taong hindi nagawang tiwali ni Satanas. Sa halip, ginagamit ng Diyos si Satanas upang magserbisyo sa Kanya at ginagampanan Niya ang gawain ng pagliligtas sa mga taong lubhang nagawang tiwali ni Satanas. Naniniwala ang mga tao na napakahirap ng gawaing ito, subalit talagang may epekto ang mga salita ng Diyos sa mga tao. Isa pa, karaniwan na sa ating mga karanasan, madalas tayong napipigilan ng ating mga tiwaling disposisyon at hindi natin maiwasang makapagpakita ng katiwalian, hindi natin maisagawa ang katotohanan, at kung minsan, sa sobrang pagiging negatibo natin ay nawawalan na tayo ng pananampalataya. Gayunpaman, pagkatapos nating marinig ang pagbabahagi ng Diyos, nagkakaroon tayo ng pananampalataya sa mga salita ng Diyos at nauunawaan nating maaaring magbago ang ating mga tiwaling disposisyon basta’t mamahalin at tatanggapin natin ang katotohanan at na hindi permanente ang ating mga tiwaling disposisyon. Kung hindi mamahalin o tatanggapin ng isang tao ang katotohanan sa kanyang diwa, hindi niya mababago ang kanyang mga tiwaling disposisyon.) Ganap na angkop at tama ang sinasabi mo.
Kayang isakatuparan ng mga salita ng Diyos ang lahat ng bagay at baguhin ang lahat ng bagay. Kasabay nito, dapat makita ng mga tao na may isa pang epekto sa kanila ang mga salita ng Diyos—ang lahat ng bagay ay lilipas, tanging ang mga salita ng Diyos ang hindi kailanman lilipas, at tulad ng Diyos Mismo, ang mga salita ng Diyos ay mananatili magpakailanman. Ano ang nakikita natin mula rito? (Nakikita natin ang awtoridad ng Diyos.) Nakikita natin ang awtoridad ng Diyos, ang karunungan ng Diyos, at nakikita natin ang kapangyarihang naipamamalas sa Kanyang mga salita. Dahil ang mga salita ng Diyos ay kumakatawan sa Kanyang buhay, diwa, at disposisyon, mananatiling buhay ang mga iyon magpakailanman gaya mismo ng Diyos. Ano ang sinasabi nito sa iyo? Sinasabi nito sa iyo na napakahalaga ng mga salita ng Diyos sa sangkatauhan. Kahit na ano pa ang makamit mo, hindi ito tunay na kayamanan. Makatanggap ka man ng isang bloke ng ginto o ng isang pambihira at mamahaling hiyas ng mundo, hindi tunay na mga kayamanan ang mga iyon. Kahit pa makuha mo ang panlunas sa lahat, wala itong anumang halaga. Kahit pa magtagumpay ka sa pagsasagawa ng paglilinang sa sarili at makalipad ka patungo sa langit, hindi ka naman talaga mabubuhay magpakailanman, at iyon ay dahil isa kang nilikha, ang lahat ng bagay ay itinadhana ng Diyos, at walang sinumang makatatakas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay lilipas, tanging ang mga salita ng Diyos ang hindi kailanman lilipas, at tulad ng Diyos Mismo, ang mga salita ng Diyos ay mananatili magpakailanman. Ano ba ang saysay ng pagkakaroon ng kaalaman patungkol sa mga salitang ito? Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan at wala kang pagmamahal para sa katotohanan o para sa pagiging patas at matuwid ng Diyos, maaaring hindi ka interesado sa mga salitang ito o sa katunayang ito. Gayunpaman, kung minamahal mo ang pagiging patas at matuwid ng Diyos, minamahal mo ang katotohanan, at minamahal mo ang mga positibong bagay, magkakaroon ka ng matinding interes sa mga salitang ito at sa gayon ay maitatatak mo ang katunayan at ang mga salitang ito sa kaibuturan ng iyong puso. Ano ba ang mga salitang ito? Ang lahat ng bagay ay lilipas, tanging ang mga salita ng Diyos ang hindi kailanman lilipas, at tulad ng Diyos Mismo, ang mga salita ng Diyos ay mananatili magpakailanman. Dapat ninyong isapuso ang mga salitang ito at pag-isipan ang mga ito sa libreng oras ninyo. Talagang napakahalaga ng mga salitang ito. Sabihin ninyo sa Akin, ano ba ang matatamo ninyo mula sa mga ito? (O Diyos, may nauunawaan ako. Sinasabi ng mga salita ng Diyos, “Ang lahat ng bagay ay lilipas, tanging ang mga salita ng Diyos ang hindi kailanman lilipas.” Kung minsan ay nagbabago ang mga bagay-bagay sa panlabas na mundo, at kapag nahaharap tayo sa ganoong mga pangyayari, nagbabago ang ating kalagayan at nagbabago rin ang determinasyon nating sumunod sa Diyos. Nagiging mahirap para sa atin na iwasang maging negatibo at mahina, ngunit kapag iniisip natin ang mga salitang ito ng Diyos at ang mga ipinangako sa atin ng Diyos noong simula, at na sinabi ng Diyos na nais Niyang makamit ang isang grupo ng mga taong kaisa ng puso at isipan Niya, napupuno ng lakas at pananampalataya ang ating mga puso. Hindi na tayo naaapektuhan ng mga pangyayari sa panlabas na mundo, at may pananampalataya na tayo para sumunod sa Diyos at gampanan ang ating mga tungkulin.) Binibigyan kayo ng mga salitang ito ng landas sa pagsasagawa—anong uri ng landas sa pagsasagawa? Hindi ito upang hangarin o pahalagahan ang anumang bagay sa materyal na mundo; walang kabuluhan ang mga bagay na ito. Ang lahat ng bagay na tulad ng katanyagan, pakinabang, posisyon, mga materyal na kasiyahan na nasa harapan ninyo, ang kagandahan ng mga babae, at ang pagkakakilanlan at katayuan ng mga lalaki ay panandalian lamang, nawawala sa isang kisapmata, at walang saysay na pahalagahan ang mga bagay na ito. Ano ba ang ibig Kong sabihin sa pagsasabing wala itong saysay? Ibig Kong sabihin, mabibigyang-kasiyahan lang ng mga bagay na ito ang mga panandaliang pangangailangan, kagustuhan at pagnanais ng iyong laman, o ang mga pakiramdam at pagmamahal mo, at iba pa, subalit hindi mabibigyang-kasiyahan ng mga ito ang iyong mga espirituwal na pangangailangan. Kapag ang iyong espiritu ay nakadarama ng gutom, uhaw, at kawalan ng kabuluhan, walang anumang bagay sa materyal na mundo ang makatutugon sa iyong mga espirituwal na pangangailangan o makapupuno sa kawalan ng kabuluhan sa kaibuturan ng iyong puso, at iyon ang dahilan kung bakit walang saysay ang paghahangad sa mga bagay na ito. Kaya, ano ang makapagbibigay-kasiyahan sa iyo at makapupuno sa kawalan ng kabuluhan sa kaibuturan ng iyong puso? Kapag binasa mo ang mga salita ng Diyos at naunawaan mo ang katotohanan, lumalakas at nagtatamasa ng kapayapaan at kagalakan ang kaibuturan ng iyong puso, at nasisiyahan at napapalagay ang iyong puso. Kung ipagpapatuloy mo ang paghahangad sa ganitong paraan, kapag naging buhay mo na ang mga salita ng Diyos, wala nang makaaagaw sa iyo ng buhay mo at wala nang makasisira nito. Kapag walang makaaagaw sa iyo ng buhay mo o makasisira nito, ano na ang mararamdaman mo? Hindi ka na makadarama ng kawalan ng kabuluhan, hindi ka na magugulumihanan, matatakot, o mababalisa sa pamumuhay sa mundong ito, sapagkat nasa loob mo na ang mga salita ng Diyos, pinapatnubayan ka, tinutustusan ka, nagbibigay-daan sa iyong mamuhay nang may layunin at direksyon. Mamumuhay ka sa araw-araw nang may pakiramdam ng kabuluhan at halaga. Ito ang tunay na nararamdaman ng mga tao. Kaya paano ba nakakamit ang positibong resultang ito na tunay na nararamdaman ng mga tao? (Nakakamit ito ng mga salita ng Diyos sa mga tao kapag isinasagawa nila ang Kanyang mga salita.) Tama iyon, sa sandaling tanggapin ng mga tao ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay, nakakamit sa kanila ang resultang ito; nababago ang kanilang buhay, nababago ang paraan ng kanilang pamumuhay, naiiba na ang kanilang mga pananaw sa mga tao at bagay, naiiba na ang paraan ng pagtingin nila sa mga tao at bagay, kung kaya’t naiiba na ang kanilang paghahangad. Hindi na nila hinahangad ang mga kasiyahan ng laman, mga materyal na gantimpala, o katanyagan, pakinabang, at posisyon. Ang paghahangad sa mga bagay na mula sa mga kagustuhan ng laman ng isang tao ay lalo lang makapagpaparamdam sa isang tao ng pagkabato, kawalan ng kabuluhan, kabalisahan at kirot. Gayunpaman, sa sandaling manahan na ang mga salita ng Diyos sa puso ng isang tao, nagiging buhay na nila ang katotohanan sa kaibuturan nila, nababago na ang kanilang panloob na diwa at buhay, kung kaya’t iba na ang pakiramdam nila. Ang mga damdamin at kagustuhan nila, ang iba’t ibang emosyon nila, ang mga mithiin nila sa buhay, ang direksyon ng kanilang paghahangad, at ang kanilang mga panuntunan sa pamumuhay ay pawang ibang-iba na. Nababago na ang kanilang paghahangad, kaya na nilang hangarin ang katotohanan at hangaring makilala ang Diyos, at nagagawa na nilang mamuhay alinsunod sa paraang hinihingi sa kanila ng Diyos na mamuhay. Ang mga taong nakapagsasakatuparan nito ay hindi nahaharap sa panghihina, kamatayan, at pagkawasak, kundi sa halip ay nagkakaroon sila ng tunay na buhay, isang buhay na hindi dumaranas ng panghihina. Ano ba ang ibig Kong sabihin sa pagsasabing hindi ito dumaranas ng panghihina? Ibig Kong sabihin, ang buhay na nasa loob ng mga taong ito ay hindi maglalaho, hindi ito lilipas, hindi ito kukupas, at hindi ito manghihina, at hindi sila mahaharap sa pagkawasak gaya ng dati. Sa ganitong paraan, hindi ba’t nagbabago na ang kasalukuyang kalagayan ng kanilang pag-iral at ang mga pag-asa para sa kanilang kaligtasan? Malinaw na sumasailalim sa pagbabago ang kanilang mga pag-asa para sa kaligtasan. Ano ba ang dahilan kung bakit kumukupas, nanghihina, nasisira, may katapusan, at nawawasak ang buhay ng tao? Nangyayari ito dahil hindi ginagawa ng mga tao na buhay nila ang mga salita ng Diyos, at mabuhay man ang isang tao nang isang daang taon, o dalawang daang taon, o tatlong daang taon, o isang libong taon, ang kanilang mga panuntunan sa pamumuhay, ang kanilang pananaw sa buhay, at ang kabuluhan ng kanilang buhay ay hindi magbabago. Kaya, para saan ba talaga nabubuhay ang mga taong namumuhay nang ganito? Namumuhay sila para lamang sa layuning bigyang-kasiyahan ang kanilang laman. Ano ba ang hinahangad ng laman ng tao? Ang mga bagay na tulad ng kayamanan, katanyagan, kapakinabangan, at mga materyal na kasiyahan, at ang mga bagay na ito mismo ang, sa mga mata ng Diyos, taliwas sa katotohanan, at kinasusuklaman ng Diyos. Samakatuwid, ang oras ng pagpapahintulot ng Diyos na hangarin at tamasahin ng mga tao ang mga bagay na ito ay may hangganan. Ang isang buhay ng tao ay maaaring tumagal nang animnapu o pitumpu, walumpu o siyamnapung taon at pagkatapos ay nagwawakas na ito, at sa bawat katapusan ay may bagong siklo ng muling pagsilang, at sa ganitong paraan tumatakbo ang buong buhay ng tao. Kung hindi itinakda ng Diyos ang hangganan ng oras na ito, hindi ba’t magsasawa ang mga taong mabuhay pagkatapos ng mahabang panahon? Kapag nasa edad dalawampu ang mga tao, araw-araw pakiramdam nila ay bago, maganda, at masaya ang mga bagay-bagay; pagdating nila sa edad na apatnapu, pakiramdam nila ang pagkain nang tatlong beses sa isang araw at pagtulog sa gabi ay isang nakababatong paraan ng pamumuhay; pagdating nila sa edad na animnapu, pakiramdam nila ay naiintindihan na nila ang lahat ng bagay, at nakatamasa na sila ng ilang pagpapala, dumanas ng ilang paghihirap, at pakiramdam nila ay wala nang interesanteng bagay. Araw-araw ay sinisimulan nila ang kanilang gawain sa pagsikat ng araw at nagpapahinga sila sa paglubog ng araw, at sa isang kisapmata ay natatapos na ang araw. Nagsisimula nang humina ang bawat proseso ng kanilang katawan, ibang-iba noong nasa edad dalawampu sila—ito ang panahong malapit na ang kamatayan nila. Kapag malapit na ang kamatayan ng isang tao, hindi iyon nangangahulugang mamamatay ang kanilang kaluluwa. Ibig sabihin nito, malapit nang mamatay ang kanilang laman. Karaniwan, namamatay ang mga tao pagdating nila sa edad na animnapu, pitumpu o walumpu, at ang mga taong mahaba ang buhay ay maaaring mabuhay hanggang sa mahigit isandaang taon, sa pinakamahaba. May isang kasabihang nagsasaad na “Ang isang taong masyado nang matagal nabubuhay ay napapagod nang mabuhay—nagsawa na siya sa buhay.” Kapag masyadong mahaba ang buhay ng isang tao, nagsasawa na siya sa buhay, ayaw na niyang mabuhay, at nawawalan na ng kabuluhan ang buhay para sa kanya. Bakit pakiramdam niya ay walang kabuluhan ang buhay? May isang tunay na sitwasyon dito, at iyon ay na nabubuhay ang mga tao sa kanilang laman na kumakain nang tatlong beses sa isang araw at gumagawa ng mga pang-araw-araw nilang gawain, ang bawat araw ay katulad na katulad ng naunang araw, pareho ang mga ginagawa, pareho ang buhay, at kapag umabot na sila sa isang partikular na punto, kabisadong-kabisado na ng mga tao ang mga bagay na ito. Pakiramdam nila ay nakita na nila ang lahat ng dapat nilang makita, natikman na ang lahat ng dapat nilang matikman, at naranasan na ang lahat ng dapat nilang maranasan. Pakiramdam nila ay ganito lang talaga ang buhay, at wala na silang aasahan, wala na silang pananabikan, at na wala nang kabuluhan ang buhay nila at malapit na silang mamatay. Hindi ba’t totoo ito? (Totoo.) Ganito nga ang mga bagay-bagay.
Katatapos lang nating talakayin ang mga salitang “Ang lahat ng bagay ay lilipas, tanging ang mga salita ng Diyos ang hindi kailanman lilipas, at tulad ng Diyos Mismo, ang mga salita ng Diyos ay mananatili magpakailanman.” Sinasabi ng mga salitang ito sa mga tao ang katunayan na talagang napakahalaga ng mga salita ng Diyos sa sangkatauhan, at sinasabi rin ng mga ito sa mga tao ang kanilang mga mithiin at direksyon ng pagsasagawa, at na walang paghahangad sa anumang bagay ang makapapalit sa pagtatamo ng tao ng kahit isang linya ng mga salita ng Diyos. Ito ay dahil ang lahat ng bagay ay lilipas, at ang lahat ng bagay ay kukupas, huhupa, at manghihina sa paglipas ng panahon, at tanging ang mga salita ng Diyos ang hindi kailanman lilipas. Samakatuwid, kung matatamo mo ang mga salita ng Diyos at makapapasok ka sa realidad ng mga salita ng Diyos, ibig sabihin ay nauunawaan mo ang katotohanan at pumapasok ka sa katotohanang realidad, nagkakaroon ka ng halaga dahil sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, at ang diwa mo ay nagiging iba na sa dati mong diwa. Sinasabi ng ilang tao, “Ano naman kung iba ang diwa ko?” Hindi ang karaniwang kahulugan ng iba ang ibig Kong sabihin, kundi sa halip ay malaki ang ipinagbabago nito, sapagkat natatamo mo ang mga salita ng Diyos bilang iyong buhay, at tulad ng mga salita ng Diyos ay hindi ka lilipas, tulad ng Diyos ay magkakaroon ka ng buhay na walang hanggan, at magkakaroon ka ng walang hanggang pagkatapos, kinabukasan, at destinasyon. Kaya ngayon, sa pagtingin sa kung ano ang mangyayari sa hinaharap, hindi ba’t mahalaga ang mga salita ng Diyos sa tao? (Oo, ganoon nga.) Napakahalaga ng mga iyon! Paano ka dapat maghangad sa sandaling maunawaan mo na na mahalaga ang mga salita ng Diyos? Ano ang dapat mong hangarin na may halaga at kabuluhan? Dapat mo bang hangaring mas magsumikap, mas magdusa, magbayad ng mas malaking halaga, at maging mas abala sa pagganap sa iyong tungkulin? O dapat ka bang mas mag-aral ng mga propesyonal na kasanayan, sangkapan mo ang iyong sarili ng mas maraming doktrina at mas mangaral ka? (Wala sa mga bagay na iyon.) Kung gayon ay ano ang pinakakapaki-pakinabang na hangarin mo? Alam ninyong lahat ang sagot, mas maliwanag pa ito sa sikat ng araw para sa inyo: Ang pagkakamit ng mga salita ng Diyos ang pinakamahalaga at pinakamakabuluhang paghahangad. “Ang lahat ng bagay ay lilipas, tanging ang mga salita ng Diyos ang hindi kailanman lilipas, at tulad ng Diyos Mismo, ang mga salita ng Diyos ay mananatili magpakailanman.” Isapuso ninyo ang mga salitang ito at hindi ninyo dapat kalimutan o balewalain ang mga ito sa anumang oras. Kapag nagiging negatibo at nanghihina ka, kapag nawawalan ka ng pag-asa, kapag dumarating sa iyo ang mga kapighatian, kapag napalitan ka sa iyong tungkulin, kapag napungusan ka, kapag dumanas ka ng mga balakid at kabiguan, at kapag napagsabihan at nakondena ka; o ‘di kaya ay kapag nasa tugatog ka ng iyong tagumpay, kapag mataas ang tingin sa iyo ng mga tao at pinupuri ka saan ka man magpunta, at iba pa; sa anumang oras at sa anumang sitwasyon, dapat ay palagi mong isipin ang mga salitang ito at hayaan mong dalhin ka ng mga ito sa harapan ng Diyos at hanapin mo ang panustos ng mga salita ng Diyos para sa iyo sa mismong sandaling ito, hayaan mo ang mga salita ng Diyos na tulungan kang makalaya mula sa iyong mga kapighatian, malutas ang iyong mga paghihirap, malutas ang kalituhan sa kaibuturan ng iyong puso, italikod ka sa maling landas na iyong sinusundan, at malutas ang iyong mga paglabag, ang iyong pagiging mapagmatigas, ang iyong pagrerebelde, at iba pa, at hayaan mong lutasin ng mga salita ng Diyos ang bawat problemang iyong kinakaharap. Talagang kapaki-pakinabang sa inyo ang mga salitang ito! Kapag nakakalimutan mo ang sarili mong mga responsabilidad at tungkulin, kapag nakakalimutan mo kung ano ang mga prinsipyong dapat mong sundin, kapag nakakalimutan mo kung ano ang pananaw at perspektibang dapat mong sundin at ang sarili mong pagkakakilanlan at katayuan, isipin mo ang mga salitang ito. Dadalhin ka ng mga salitang ito sa harapan ng Diyos, papapasukin ka ng mga ito sa mga salita ng Diyos, ipauunawa sa iyo ng mga ito kung ano ang layunin ng Diyos sa mismong sandaling ito, at idudulot sa iyo ng mga ito na gamitin ang tamang punto de bista, pananaw, at perspektiba upang tingnan ang iyong sarili, tingnan ang iba, at tingnan ang mga pangyayari at kapaligirang iyong hinaharap. Sa ganitong paraan, sa ilalim ng patnubay ng Diyos at sa ilalim ng pagtustos, kaliwanagan, at tulong ng mga salita ng Diyos, walang problemang makalilito sa iyo, at walang problemang makahahadlang sa iyo sa paghahangad ng katotohanan at makapipigil sa mga hakbang mo pasulong. Hindi ba’t ito ang landas ng pagsasagawa? (Ito nga.) Ang aral na dapat ninyong matutuhan ngayon ay hindi ang magmaktol, magreklamo, at sumunod sa mga panuntunan, o hanapin ang mga pamamaraan ng tao kapag nahaharap ka sa mga suliranin, kundi sa halip ay ang humarap sa Diyos at hanapin ang katotohanan, hanapin ang tulong ng Diyos, hayaan ang mga salita ng Diyos na tustusan ka at lutasin ang bawat paghihirap mo—ito ang aral na dapat mong matutuhan. Tatapusin na natin dito ang ating pagbabahaginan tungkol sa paksa ng pag-unawa sa paglulunsad ng Diyos sa pinakamahalagang gawain ng Kanyang plano ng pamamahala sa kapaligiran ng matinding paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan; sa huli, nakasalalay ang lahat sa mga salita ng Diyos. Paano man tayo magbahaginan, sana sa huli ay makapasok ang mga tao sa katotohanang realidad ng mga salita ng Diyos at hindi basta makontento sa pagkakaroon ng kaalaman kung paano mangaral ng mga salita at doktrina, o mag-aral ng mga teolohikal na teorya o magsagawa ng mga seremonyang panrelihiyon araw-araw. Ang pagpasok sa realidad ng mga salita ng Diyos ay ang pinakamahalagang aral ng pagpasok sa buhay na dapat matutuhan ng mga tao.
Pagbabahaginan naman natin ngayon ang isa pang praktikal na problema tungkol sa iba’t ibang kasabihan ukol sa wastong asal. Ang iba’t ibang kasabihan tungkol sa wastong asal na pinagbahaginan natin dati ay pangunahing inilantad sa pamamagitan ng paggamit ng tradisyonal na kulturang Tsino bilang demonstrasyon, inilalantad ang sari-saring satanikong kasabihang ito sa kaibuturan ng puso ng nagawang tiwaling sangkatauhan. Sinasabi ng ilang tao, “Yamang ginagamit ang tradisyonal na kulturang Tsino upang ipakita ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal, at hindi naman kami Tsino, maaari bang hindi na lang namin tanggapin ang mga salitang ito na ibinabahagi Mo? Kailangan ba talaga naming malaman ang iba’t ibang kasabihang ito tungkol sa wastong asal mula sa paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan?” Tama bang sabihin ito? (Hindi.) Napakalinaw naman na mali ito. Ang paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatuhan ay hindi namimili ng lahi o panahon, kundi sa halip ay ginagawa nitong tiwali ang sangkatauhan nang hindi kinikilala ang anumang pagkakaiba sa lahi o panahon o pinagmulang relihiyon. Samakatuwid, kung nabibilang ka sa lahing Tsino, isa ka mang Tsinong Han o kabilang sa isang minoryang pangkat etnikong gaya ng Mongolian, Hui, Miao, Yi, at iba pa, walang eksepsyon na sumailalim ka sa indoktrinasyon at pagtatanim ng lahat ng uri ng kasabihan tungkol sa wastong asal na nagmula kay Satanas. Ibig sabihin, walang eksepsyon na sumailalim ka rin sa paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan pagdating sa iyong pag-iisip. Sa eksaktong pananalita, ang iyong pag-iisip, ang kaibuturan ng iyong kaluluwa at kaibuturan ng iyong puso ay malubha ring nagawang tiwali at naproseso ni Satanas. Kahit na hindi ka Tsino—kung isa kang Hapon, Koreano, Aleman, o anumang nasyonalidad—isa ka mang Asyano, Europeo, Aprikano, o Amerikano, dilaw man, itim, kayumanggi, o puti ang kulay ng iyong balat, anuman ang iyong etnisidad at anuman ang lahing kinabibilangan mo, basta’t isa kang nilikha, walang eksepsyon na malubha ka nang nagawang tiwali ni Satanas. Bukod sa pagtataglay ng mga satanikong tiwaling disposisyon, walang eksepsyon na nataniman ka na ni Satanas ng mga satanikong kaisipan at pananaw, at siyempre, malubha ring nagawang tiwali ni Satanas ang iyong puso. Iyon nga lamang, para sa mga tao sa iba’t ibang bansa at iba’t ibang lahi, gumagamit si Satanas ng iba’t ibang pamamaraan upang itanim ang parehong mga bagay sa kanila. Maaaring magkaiba ang mga bagay na ito sa katawagan sa mga ito, maaaring magkaroon ng kaunting pagkakaiba roon, ngunit ang panghuling resulta ng paggawang tiwali sa mga tao ay palaging pareho at halos magkakatulad nang may maliliit lang na pagkakaiba. Ang lahat ng iyon ay nagdudulot sa mga taong itago ang kanilang anyo sa pamamagitan ng kanilang pag-uugali at, sa pamamagitan ng ilang mapanlihis, hindi makatotohanan, o maging mga hindi etikal na kasabihan na taliwas sa pagkatao, hinihiling ng mga iyon na kumilos ang mga tao sa isang partikular na paraan at umasal sa isang partikular na paraan pagdating sa kanilang moral na karakter, at iginigiit kung paano dapat umasal ang mga tao at gumawa ng mga partikular na bagay. Kahit na may mga pagkakaiba ang mga kasabihang ito, at kahit na nangyayari ang mga ito sa iba’t ibang oras at nagmumula sa iba’t ibang sulok, iba’t ibang rehiyon, at iba’t ibang dako, at nanggagaling ang mga ito sa iba’t ibang tao, ngunit ang huling kalalabasan nito palagi ay na kinokontrol ng mga ito ang mga kaisipan at puso ng mga tao, nililimitahan ng mga ito ang mga kaisipan at puso ng mga tao, at pinupuno ng mga ito ang pag-iisip ng mga tao ng mga pananaw at kuru-kurong nagdadala ng mga lason at ng kalikasang diwa ni Satanas. Idinudulot ng mga itong mapuno ang kaibuturan ng puso ng mga tao ng mga pananaw ni Satanas, ng buktot na diwa nito, at ng masasamang kuru-kuro nito. Sa huli, anuman ang etnisidad o lahi, at anuman ang tribo o yugto ng panahon, ang lahat ng tao ay nalihis at nayurakan ni Satanas at nagawang tiwali ni Satanas sa kanilang mga kaisipan at sa kaibuturan ng kanilang puso sa iba’t ibang antas. Sa huli, nasa anumang panig ng mundo ang mga taong pinag-uukulan ni Satanas ng kanyang gawain ng paggawang tiwali, o anuman ang lahi nila, o anuman ang yugto ng panahong kinabibilangan nila, ang kahihinatnan ay palaging gawing wagas na supling, tagapagsalita, at pagkakatawan ni Satanas ang sangkatauhan, at gawing kapwa malaki at maliit, kapwa nakikita at nahahawakan ang taong mga wagas na buhay na Satanas. Siyempre, ang isang sangkatauhang tulad nito ay nagiging ang wagas na kaaway rin ng Diyos at laban sa Diyos. Samakatuwid, anumang uri ng mga tao ang nakikinig ngayon sa mga sermon o ilan man sila, may isang katunayang hindi maikakaila: Ang buong sangkatauhan ay nasa mga kamay ng diyablo—isa itong katunayan. Sa ibang pananalita, ibig sabihin nito, habang ang buong sangkatauhan ay lubhang nagagawang tiwali ni Satanas, ang mga kaisipan at puso ng buong sangkatauhan ay ganap ding sumasailalim sa kontrol at paglilimita ni Satanas—hindi ito maikakaila. Kaya, ang anumang marangal na lahi at ang sinumang mamamayang may nasyonalidad na nabibilang sa isang makapangyarihang bansa ay pawang walang eksepsyon na lubhang nagawang tiwali ni Satanas, at matinding namanipula, nakontrol, at nalimitahan ni Satanas. Basta’t kabilang ka sa sangkatauhan, basta’t nabubuhay ka sa ilalim ng araw, basta’t isa kang taong lumalanghap ng hangin, umiinom ng tubig, at kumakain ng trigo, hindi maiiwasan ang magawang tiwali ni Satanas at, walang eksepsyon na nagawa kang tiwali ni Satanas sa iyong mga kaisipan, sa iyong puso, sa iyong mga disposisyon, at sa iyong diwa. Sa mas eksaktong pananalita, basta’t isa kang nilikhang tao at basta’t nagawa kang tiwali ni Satanas, kaaway ka ng Diyos. Basta’t nagawa kang tiwali ni Satanas, basta’t dati o ngayon ay nakontrol at nalimitahan ka na ni Satanas, isa kang bagay na dapat iligtas ng Diyos, at hindi ito mapag-aalinlanganan. Basta’t isa kang taong nagawang tiwali ni Satanas, walang eksepsyon na taglay mo ang disposisyon at pag-iisip ni Satanas at taglay mo ang isang pusong pinuno at sinakop ng mga lason ni Satanas. Samakatuwid, ang pagtukoy at pagkilatis sa iba’t ibang kaisipan, pananaw, at sa sari-saring kasabihan tungkol sa wastong asal na mula kay Satanas ay hindi isang gawaing para lamang sa mga Tsino, o isang bagay na may monopolyo ang mga Tsino. Sa kabaligtaran, isa itong aral na nararapat matutuhan ng bawat hinirang ng Diyos na Kanyang pinili at isang realidad na dapat nilang pasukin. Dapat ay matukoy at makilatis ng bawat isang hinirang ng Diyos, nang walang eksepsyon, ang lahat ng napakaraming kabulaanan at masamang kaisipan at pananaw na nagmumula kay Satanas. Huwag mong isiping dahil lang sa ipinanganak ka sa isang mayamang pamilya, sa isang pamilyang may prominenteng posisyon, ay maaari ka nang magkaroon ng pakiramdam na nakahihigit ka sa iba, paniwalaang hindi ka nagawang tiwali ni Satanas, at na dahil lang sa marangal ang pagkakakilanlan mo, na tiyak na marangal din ang kaluluwa mo—isa itong baluktot na pagkaunawa. O marahil ay naniniwala kang marangal ang angkan mo, at ipinakikita ng kulay ng balat mo na kagalang-galang ang iyong pagkakakilanlan, posisyon, at halaga, kung kaya’t mali mong pinaniniwalaan na ang iyong diwa, ang iyong pag-iisip, at ang iyong puso ay mas marangal at mas mataas kaysa sa iba. Kung gayon, sinasabi Kong ang pagkaunawa mong ito ay hangal at hindi makatotohanan, dahil ang sangkatauhang sinasabi ng Diyos ay hindi nahahati batay sa nasyonalidad, lahi, o relihiyon. Sa anumang uri ng sitwasyong panlipunan o sitwasyong panrelihiyon ka nabubuhay, at sa anumang lahi ka man ipinanganak, o mababa man o maharlika ang posisyon mo sa lipunan, o nagtatamasa ka man ng mataas na pagkilala sa ibang tao o hindi, at iba pa, hindi mo magagamit ang alinman sa mga bagay na ito bilang mga dahilan upang hindi tanggapin ang mga salitang ito ng Diyos o hindi tanggapin ang katunayan na ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Basta’t isa kang tao, dapat na taglay ng mga salitang “tao” ang pantukoy na mga salitang “nagawang tiwali” sa unahan nito. Sa tumpak na pananalita, basta’t isa kang tao, tiyak na isa kang nagawang tiwaling tao, at hindi ito mapag-aalinlanganan. Higit pa riyan, masasabi nating basta’t isa kang tiwaling tao, ang mga bagay na nakapaloob sa iyong natural na pag-iisip at na nasa kaibuturan ng iyong puso ay nagmumula kay Satanas at pawang matinding naproseso at nagawang tiwali ni Satanas—dapat mong tanggapin ang katunayang ito. Likas na wala kang taglay na anumang bagay na may kaugnayan sa katotohanan, walang bagay na may anumang kinalaman sa mga salita ng Diyos o sa buhay ng Diyos, kundi sa kabaligtaran, ikaw ay nalihis, nagawang tiwali, at nakontrol ni Satanas. Ang isipan mo ay puno ng mga kaisipan, pilosopiya, lohika, at mga panuntunan ng pamumuhay ni Satanas, at ang lahat ng nasa isipan mo ay nanggagaling kay Satanas. Ano ba ang sinasabi ng katunayang ito sa mga tao? Walang sinumang dapat gumamit ng anumang dahilan upang tanggihan ang pagliligtas ng Diyos, o mamili kung alin ang tatanggapin sa mga salita ng Diyos. Bilang isang nagawang tiwaling tao, dapat mong tanggapin ang mga salita ng Diyos nang walang anumang pagpili. Responsabilidad mo ito, at ito rin ang kailangan mo. Kung ang isang tao ay ipinanganak sa isang mayaman at makapangyarihang bayan at namumuhay siya sa magagandang kalagayan ng lipunan, o ipinanganak siya sa isang kilalang pamilya at nakatanggap ng mas mataas na edukasyon, kung kaya’t pinaniniwalaan niyang naiiba siya sa lahat at mas marangal siya kaysa sa ibang hinirang ng Diyos, kung kaya’t ninanais niyang maging pinakamahalaga sa ibang hinirang ng Diyos, ito ay katawa-tawang pag-iisip, hangal na pag-iisip, at masasabi pa ngang sukdulan ang pagiging hangal nito. Kahit gaano pa ka-espesyal ang iyong pagkakakilanlan, posisyon, o halaga, o gaano pa katayog ang iyong pagkakakilanlan, posisyon, o kalagayan sa lipunan kaysa sa mga karaniwang tao, palagi kang magiging isang nilikha sa harapan ng Diyos. Hindi tinitingnan ng Diyos kung ano ang iyong pinanggalingan o ano ang sitwasyon mo nang ipanganak ka, hindi Niya tinitingnan ang iyong nasyonalidad o lahi, at hindi Niya tinitingnan ang iyong halaga, katanyagan, o mga tagumpay sa lipunan o sa mundo. Ang tinitingnan lang ng Diyos ay kung tinatanggap mo ang Kanyang mga salita, kung tinatanggap mo ang Kanyang mga salita bilang ang katotohanan, at kung kaya mong tingnan ang mga tao at bagay at umasal at kumilos ayon sa Kanyang mga salita. Kung talagang itinuturing mo ang sarili mo bilang isa lamang sa mga karaniwang nilikha sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, dapat mong bitiwan ang iyong kalagayan sa lipunan, ang iyong lahing pinagmulan, ang iyong nasyonalidad na pinagmulan, at relihiyong pinagmulan at humarap ka sa Diyos bilang isang karaniwang nilikha, tanggapin mo ang Kanyang mga salita nang walang anumang katawagan o pinagmulan, at sa paggawa niyon, ang iyong pagkakakilanlan at katayuan ay maitatama. Kung nais mong tanggapin ang mga salita ng Diyos gamit ang tamang pagkakakilanlan at katayuang ito, ang unang kailangan mong maunawaan ay kung ano ang diwa ng tao, at ang unang kailangan mong tanggapin ay na ang diwa ng tao ay malubhang nagawang tiwali ni Satanas, at na ang mga bagay na pumupuno at sumasakop sa mga kaisipan ng tao at sa kaibuturan ng kanilang mga puso ay nanggagaling lahat kay Satanas. Dahil nais ng mga taong tanggapin ang mga salita ng Diyos at tanggapin ang katotohanan bilang buhay, dapat muna nilang ungkatin, pagnilayan, at malaman ang lahat ng bagay sa kanilang pag-iisip at sa kaibuturan ng kanilang puso na hindi naaayon sa katotohanan at na mapanlaban dito. Kapag ang mga bagay na ito ay malinaw nang natukoy, lubusan nang naunawaan, at masusi nang nasuri ay saka lamang ang mga iyon maisusuko ng mga tao sa tamang panahon at sa tamang kapaligiran, sa gayon ay nabibigyang-daan ang kaibuturan ng kanilang mga puso na sumailalim sa ganap na pagbabago. Kapag natanggal na nila ang lahat ng bagay na pagmamay-ari ni Satanas at natanggap ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, magiging mga bagong tao na sila. Kapag ang perspektiba, mga pananaw, at ang punto de bista kung saan tinitingnan nila ang mga tao at bagay ay sumailalim na sa isang ganap na pagbabago ay saka lamang nila tunay at wastong matitingnan ang mga tao at bagay ayon sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos ay magiging medyo dalisay na silang mga tao, walang dungis. Hindi pa ito matatamo ng mga tao ngayon. Bagama’t maaaring nauunawaan nila ang kaunti sa katotohanan sa kanilang mga puso, nadudungisan pa rin sila ng lahat ng uri ng katawa-tawang pananaw at mga mali at kalokohang bagay. Tinatanggap nila ang kalahati sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan at itinatakwil ang kalahati; pinipili nila kung ano ang kaunting tatanggapin, tinatanggap ang kaunti sa iba’t ibang antas, subalit ang mga puso nila ay palaging nag-iiwan ng puwang para sa mga kaisipan at lohika ni Satanas at sa mga mapanlihis na bagay na itinatanim ni Satanas sa kanila, palaging isinasapuso ang mga bagay na ito. Ang mga bagay na ito sa kaibuturan ng mga tao ay nakaaapekto sa kanilang mga isipan, sa kanilang paghatol, at sa perspektiba at mga pananaw na ginagamit nila upang tingnan ang mga tao at bagay, at napakalaki ng epekto nito sa lawak ng pagtanggap nila sa katotohanan.
Ang katiwalian at panlilihis ng sangkatauhan na dulot ng iba’t ibang kasabihan tungkol sa wastong asal na itinatanim ni Satanas sa mga tao gamit ang tradisyonal na kultura ay malawak. Hindi ito isang bagay na limitado lamang sa mga Tsino, kundi sa halip ay umaabot ito sa kabuuan ng sangkatauhan, sa bawat sulok at sa bawat yugto ng panahon. Naaapektuhan at kinokontrol nito ang magkakasunod na henerasyon ng mga tao, at naaapektuhan at kinokontrol nito ang mga taong may magkakaibang lahi, nasyonalidad at relihiyon. Sa sandaling maunawaan ito ng mga tao, ang pantukoy na salitang kadikit ng “tradisyonal na kultura” ay hindi na lamang “Tsino”; masasabing ang tradisyonal na kultura ng anumang bayan o lahi ay nanggagaling kay Satanas at nabubuo mula sa paggawang tiwali ni Satanas. Halimbawa, may tradisyonal na kulturang Hapon, tradisyonal na kulturang Koreano, tradisyonal na kulturang Indian, tradisyonal na kulturang Pilipino, tradisyonal na kulturang Vietnamese, tradisyonal na kulturang Aprikano, tradisyonal na kultura ng mga puting tao, pati na mga tradisyonal na kultura ng Judaismo, Kristiyanismo, Katolisismo, at iba pang tradisyonal na kulturang nabuo mula sa mga relihiyon. Ang lahat ng tradisyonal na kulturang ito ay taliwas sa katotohanan at may matinding epekto sa mga pananaw, punto de bista, at perspektiba ng mga tao tungkol sa kung paano nila tinitingnan ang mga tao at bagay at umaasal at kumikilos. Ang mga ito ay parang maiinit na pantatak na nag-iiwan ng malalalim na marka sa mga kaibuturang kaisipan at puso ng mga tao. May impluwensiya ang mga ito sa buhay ng mga tao, sa mga panuntunan ng mga tao sa pamumuhay, sa mga landas na kanilang sinusundan sa buhay at sa direksyon at mga mithiin ng kanilang pag-asal; may impluwensiya pa nga ang mga ito sa mga mithiing hinahangad ng mga tao. Matinding ginugulo at naaapektuhan ng mga bagay na ito ang saloobin ng mga tao sa pagtingin nila sa mga positibong bagay, sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, at sa Diyos. Siyempre, matindi ring naaapektuhan at ginugulo ng mga ito ang mga perspektiba at pananaw ng mga tao tungkol sa kung paano nila tinitingnan ang mga tao at bagay at sa kanilang pag-asal at pagkilos, na nangangahulugang matindi ang epekto ng mga ito sa mga taong tumatanggap at nagsasagawa ng katotohanan. At ano ang kahihinatnan sa huli? (Mawawala sa mga tao ang pagkakataon nilang magtamo ng kaligtasan.) Tama iyon, sa huli ang maaapektuhan ay ang napakahalagang bagay ng pagtatamo ng mga tao ng kaligtasan. Hindi ba’t isa itong malubhang kahihinatnan? (Oo.) Isa itong napakalubhang kahihinatnan! Ang paraan ng pagtingin ng isang tao sa mga bagay-bagay, ang uri ng perspektibang ginagamit niya upang tingnan ang mga bagay-bagay, ang mga pananaw na kanyang ginagamit at ang mga kuru-kurong kanyang pinanghahawakan upang tingnan ang mga bagay-bagay ay pawang pinagpapasyahan batay sa kanyang mga tiwaling disposisyon at sa mga bagay na umiiral sa kanyang pag-iisip. Kung positibo ang mga bagay na umiiral sa kanyang pag-iisip, titingnan niya ang mga tao at bagay mula sa tamang perspektiba; kung ang mga bagay na umiiral sa kanyang pag-iisip ay negatibo at pasibo at nagmula kay Satanas, tiyak na titingnan niya ang mga tao at bagay mula sa mga mali at katawa-tawang perspektiba, punto de bista, at pananaw, at sa huli ay magkakaroon ito ng epekto sa landas na kanyang sinusundan. Kung mali ang mga punto de bista, pananaw, at perspektiba mo sa pagtingin sa mga tao at bagay, ang mga mithiin at direksyon ng iyong paghahangad ay mali rin, gayundin ang landas na iyong sinusundan sa iyong pag-asal. Kung ipagpapatuloy mo ang mga maling bagay na ito, talagang mawawalan ka ng pagkakataong magtamo ng kaligtasan, dahil mali ang landas na iyong sinusundan. Kung tama ang mga perspektiba, punto de bista, kaisipan at pananaw mo sa pagtingin sa mga tao at bagay, magiging tama rin ang mga resulta, tutukoy ang mga iyon sa mga positibong bagay, at hindi magiging taliwas sa katotohanan. Kapag tinitingnan ng tao ang mga tao at bagay mula sa mga perspektibang alinsunod sa katotohanan, magiging tama rin ang landas na kanyang pipiliin, gayundin ang kanyang mga mithiin at direksyon, at magkakaroon siya ng pag-asang magtamo ng kaligtasan sa huli. Gayunpaman, dahil ang mga tao ngayon ay sinakop na at kinokontrol ni Satanas, ang mga perspektiba, punto de bista, at pananaw nila sa pagtingin sa mga tao at bagay ay mali, na nagdudulot na maging mali rin ang kanilang paghahangad at ang landas na kanilang sinusundan. Halimbawa, kapag ang mga tao ay nagtatrabaho at nagbabayad ng halaga alang-alang sa katanyagan at pakinabang, sa reputasyon, at sa katayuan, mali ba ang landas na ito? (Oo.) Paano ba nangyayaring tinatahak ng mga tao ang ganoong maling landas? Hindi ba’t dahil mali ang mga perspektiba, pananaw, at pinagsimulan kung paano nila tinitingnan ang ganitong uri ng bagay? (Ganoon nga.) Ito ang nagdudulot sa mga taong tumahak sa maling landas. At kung patuloy na susundan ng mga tao ang ganoong maling landas, makapagtatamo ba sila ng kaligtasan sa huli? Hindi, hindi sila makapagtatamo ng kaligtasan. Kung titingnan mo ang mga tao at bagay at aasal at kikilos ka ayon sa kung anong kaisipan o pananaw ang itinanim sa iyo ni Satanas, ang landas na tatahakin mo ay tiyak na ang landas ng kapahamakan. Talagang hindi ito magiging landas tungo sa kaligtasan, dahil salungat at taliwas talaga ito sa landas tungo sa kaligtasan. Kung susundan ng mga tao ang maling landas na ito, sisirain nila ang sarili nilang pagkakataong magtamo ng kaligtasan, ganap itong mawawala, at hinding-hindi sila makatatahak sa landas tungo sa kaligtasan. Gayunpaman, kung maghahangad ka nang may tamang pananaw, at titingnan mo ang mga tao at bagay at aasal at kikilos ayon sa mga salita ng Diyos, magiging positibo ang mabubuong mga prinsipyo ng pagsasagawa, magiging positibo ang iyong landas, at dahil nagsisimula ka sa tamang lugar, magiging tama rin ang landas na susundan mo sa huli. Kung susundan mo ang landas na tulad nito, tiyak na makapagtatamo ka ng kaligtasan. Medyo malalim ang aspektong ito ng katotohanan at malamang na hindi ito nauunawaan ng karamihan sa inyo. Wala kayong ganap na pagkaunawa rito, at sa ngayon, hindi pa ninyo taglay ang aspektong ito ng katotohanang realidad. Hindi ninyo alam kung kayo ay tumitingin sa mga tao at bagay at umaasal at kumikilos batay sa mga mali o tamang pananaw—wala pa kayo ng karanasang ito. Sa ngayon, alam lang ninyo kung paano kumilos, gugulin ang inyong lakas, magsumikap, at magbayad ng halaga, samantalang ni hindi pa ninyo nasisimulang suriin kung ano ang nakaaapekto at kumokontrol sa mga pananaw at kaisipan sa kaibuturan ng inyong mga puso. Samakatuwid, ang paksang ito ay medyo malayo sa inyo, at ititigil na natin dito ang pag-uusap tungkol dito.
Katatapos lang nating pag-usapan ang diwa ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal, at ang lawak na nauugnay rito ay hindi lamang limitado sa Tsina, kundi sa halip ay sa buong sangkatauhan. Ito ay dahil ang buong sangkatauhan ay nasa mga kamay ng diyablo, at ang bawat tao ay malubhang nagawang tiwali ni Satanas at nasa ilalim ng kontrol ni Satanas. Batay sa katotohanan ang pagsasabi nito. Hindi lamang ang mga mamamayan ng Tsina ang nagawang tiwali ni Satanas, kundi ang buong sangkatauhan ang siyang nagawang tiwali ni Satanas, at ang lahat ng tao ay nasa mga kamay ng diyablo. Sa ilang paraan ay nakikita ng lahat na malubhang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Ilang panahon na rin nating pinagbabahaginan ang tungkol sa pagtatanim ni Satanas ng iba’t ibang kasabihan tungkol sa wastong asal sa isipan ng mga tao, kung saan ginagamit nito ang pamamaraang ito upang ilihis, kontrolin, at limitahan ang mga tao, at sa gayon ay natutupad ang layunin nito ng paggawang tiwali sa mga tao. Hindi limitado ang katunayang ito sa mga Tsino, kundi umiiral ito sa lahat ng taong may magkakaibang lahi, magkakaibang nasyonalidad, at magkakaibang etnisidad. Ang lahat ng tao ay malubhang nagawang tiwali ni Satanas, pati na ang lahat ng lahi at etnisidad; ang sari-saring mapanlihis na bagay na mahirap kilatisin na itinatanim ni Satanas sa mga tao gamit ang tradisyonal na kultura, at maging ang mga kasabihan na para sa mga tao ay tila medyo positibo at naaayon sa kanilang mga moralidad, pag-iisip at panlasa, sa totoo ay bahaging lahat ng paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan. Ibig sabihin, ang lahat ng tao ay nagawa nang tiwali ni Satanas sa ganitong paraan, at ang lahat ng tao anuman ang etnisidad, lahi, o nasyonalidad, sa anumang lugar ipinanganak, o sa anumang rehiyon o lupain ng daigdig, ay malubha nang nalihis, nakontrol, at nagawang tiwali ni Satanas kapwa sa isip at sa puso. Saan o kailan ka man ipinanganak, o sa alinmang etnisidad o bayan ka ipinanganak, walang eksepsyon na nalihis at nagawa ka nang tiwali ng mga kasabihan ng tradisyonal na kulturang itinanim sa iyo ni Satanas. Samakatuwid, hindi mo dapat isiping dahil tradisyonal na kulturang Tsino lang ang ating sinusuri ay wala nang satanikong kultural na pinagmulan ang sarili mong bayan o etnisidad, na mas mabuti ka na kaysa sa mga Tsino, at hindi mo rin dapat maramdamang nakahihigit ka na kung saan pakiramdam mo ay mas kagalang-galang at marangal ka kaysa sa mga Tsino. Ang pakiramdam na ito na nakahihigit ka ay isang maling ideya, mali ito, katawa-tawa ito, at maaari pa nga tayong umabot sa puntong masasabi nating kalokohan ito. Basta’t nababanggit ang nagawang tiwaling sangkatauhan, hindi mo dapat ipuwera ang sarili mo rito; basta’t nababanggit ang nagawang tiwaling sangkatauhan, bahagi ka nito. Siyempre, basta’t nasasabing isa kang nagawang tiwaling tao, ang kaibuturan ng iyong puso ay puno ng mga kaisipang pinangingibabawan ng tradisyonal na kulturang itinatanim sa iyo ni Satanas, at isa itong di-mapabubulaanang katotohanan, isang katotohanang hindi magbabago habambuhay. Dapat ninyong maunawaan nang malinaw ang katunayang ito—hindi ito mapag-aalinlanganan at hindi dapat pagdudahan. Tatapusin na natin dito ang ating pagbabahaginan tungkol sa paksang ito.
Noong nakaraan, pinagbahaginan natin ang paksang “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya.” Isa itong kasabihang ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang mga tao pagdating sa wastong asal. May malaking epekto ang adbokasiya ng kasabihang ito sa pag-iisip ng mga tao, at gaya ng ibang kasabihan tungkol sa wastong asal, katawa-tawa ito at hindi naaayon sa mga katunayan. Anuman ang sabihin ng isang tao, basta’t ginagawa niya ito, iniisip ng ibang tao na marangal ang kanyang moralidad at kagalang-galang ang kanyang karakter, at kapwa ito kalokohan at katawa-tawa. Ang kasabihang ito ay katulad lang ng ibang kasabihan tungkol sa wastong asal sa kadahilanang ang lahat ng ito ay mga kalokohan at katawa-tawang salungat na pananampalataya at maling paniniwala. Ang lahat ng iyon ay matatawag na ganito at matutukoy rin bilang sukdulan sa pagiging katawa-tawa at hindi makatatagal sa pagsusuri. Ngayong araw ay tingnan natin ang kasabihan tungkol sa wastong asal na “Maging maprinsipyo at huwag maging tiwali, maging dalisay at mapagkumbaba.” Bago ito pormal na pagbahaginan, kahit kailan ba ay napag-isipan na ninyo kung paano ipaliwanag ang kasabihang ito? Paano ba masusuri ang diwa nito? Ano-anong lason ang nakapaloob dito? Ano-ano ba ang mga kaisipang nais itanim ni Satanas sa mga tao sa pamamagitan ng kasabihang ito? Ano ang mapaminsalang intensyon ni Satanas? Anong aspekto ng mga tao ang ginagawang tiwali ni Satanas gamit ang kasabihang ito? Kahit kailan ba ay napag-isipan na ninyo ang mga bagay na ito? Ang kasabihang “Maging maprinsipyo at huwag maging tiwali, maging dalisay at mapagkumbaba” ay simpleng maipaliliwanag bilang hindi pagsang-ayon sa masasamang tao at magawang protektahan ang sarili mula sa masasamang impluwensiya. Kung batay sa pagsusuri ng ibang tao, ang isang tao ay naging “maprinsipyo at hindi tiwali,” o kung nais ng taong iyon na katawanin mismo ang kasabihang ito, anong uri siya ng tao, sa kabuuan? Sinasabi niyang talagang hindi siya magagawang tiwali, na siya ay talagang matuwid, matapat at tuwiran, na isa siyang ginoong may marangal na moralidad, ngunit hindi ganito ang tingin niya sa kapanahunang ito, sa mundong ito, sa sangkatauhang ito, at maging sa bansang ito, sa hukumang ito ng imperyo, at sa mga tanggapang ito. Hindi ba’t karaniwang may pangungutya ang pagtingin ng mga taong ito sa mga bagay-bagay at hindi sila kontento sa realidad? Madalas, pakiramdam nila ay mataas ang mga adhikain nila ngunit ipinanganak sila sa maling panahon, na may talento sila ngunit hindi nila ito magamit. Naniniwala silang, sa mga tanggapan man o sa lipunan, palaging may magagaspang na taong humahadlang sa kanila, na may dakila at madiskarte silang pag-iisip, na mahuhusay silang indibidwal, subalit walang sinumang nakakikita sa kanilang talento o kailanman ay nagpapahintulot sa kanilang humawak ng mahahalagang gawain. Hindi sila kontento sa realidad at nagiging mapangutya sila, at kaya ginagamit nila ang kasabihang ito—“Maging maprinsipyo at huwag maging tiwali, maging dalisay at mapagkumbaba” upang ilarawan ang kanilang sarili, sinasabi na poprotektahan nila ang kanilang sarili mula sa masasamang impluwensiya at wala silang magiging dungis. Sa diretsahang pananalita, dalisay at mataas ang tingin ng mga ganitong tao sa kanilang sarili at hindi sila kontento sa realidad. Wala talaga silang anumang tunay na talento o totoong kakayahan, at ang mga perspektibang ginagamit nila sa pagtingin sa mga tao at bagay at sa pag-asal at pagkilos ay hindi naman talaga tama o praktikal at, siyempre, wala naman talaga silang anumang nakakamit. Subalit pinaniniwalaan pa nilang naiiba sila sa mga pangkaraniwang tao, at palagi silang naghihinagpis na, “Ang buong mundo ay marumi, ako lang ang dalisay; ang lahat ng tao ay lasing, ako lang ang nasa katinuan,” na para bang dismayado sa mortal na mundo at madalas na nakikita ang kasamaan at kadiliman ng mundo. Sa eksaktong pananalita, ang mga taong tulad nito ay mapangutya. Kinasusuklaman nila ang politikal at komersyal na sektor, at kinasusuklaman nila ang mga pampanitikan, makasining, at pang-edukasyong komunidad. Kinasusuklaman nila ang mga pananaw ng mga intelektuwal tungkol sa kanilang mga paghahangad, at hinahamak nila ang mga magsasaka at ang mga taong may mga paniniwala sa relihiyon. Anong uri ng tao ang mga ito? Hindi ba’t kakaiba ang uri nila? Hindi ba’t may pagka-abnormal sila? Ang mga taong ito ay walang tunay na kakayahan o pagkatuto. Kung magpapagawa ka sa kanila ng ilang praktikal na gawain, wala naman talaga silang kakayahan para matapos ang gawain. Nasisiyahan sila sa pagmamaktol, at sa libreng oras nila ay naglalathala sila ng mga artikulo at koleksyon ng mga tula upang magsiwalat ng mga usapin tungkol sa politika, gobyerno, lipunan, at mga indibidwal sa isang partikular na grupo sa isang partikular na yugto ng panahon. Ngayon ay ito ang pinupuna nila at bukas ay iyon naman, mahuhusay silang magsalita, ngunit nalalagay sila sa gulo kapag may anumang ginagawa. Sa huli, wala silang nakakasundo, wala silang anumang naisasakatuparan kahit saan, at wala silang kakayahang gawin ang kanilang trabaho. Mali nilang pinaniniwalaan na, “Napakarami kong talento! Hindi makakamit ng mga pangkaraniwang tao ang lawak ng aking pag-iisip!” Nananamlay, naliligalig, at nalulumbay ang kanilang mga puso. Sa libre nilang oras, naglilibot sila, at sa tuwing pupunta sila sa kung anong lugar na may historikal na interes, isinisigaw nila, “Isa akong bigong henyo! Isa akong mahusay na tao, ngunit kakaunti ang nakakikilala ng tunay na talento! Mataas ang mga adhikain ko, sayang nga lang at ipinanganak ako sa maling panahon at sawing-palad ako!” Palagi nilang pinaniniwalaang ambisyoso sila at puno ng kaalaman ngunit kailanman ay hindi nila magawang mamukod-tangi sa mga tao o mailagay sa mataas na posisyon ng sinumang nasa kapangyarihan, kung kaya’t sila ay nagiging mapangutya at hindi kontento, hinahamak nila ang lahat ng tao, hanggang sa huli ay nagiging mag-isa na lang sila. Hindi ba’t kaawa-awa iyon? Sa diretsahang pananalita, ang mga taong tulad nito ay isang hibang na grupo ng mga taong mapagmataas, lubhang malayo ang loob sa iba, at hindi kontento sa realidad, at palagi nilang nararamdamang hindi sila matagumpay. Ang totoo, walang maipagmamalaki ang mga taong ito, wala silang anumang kayang isakatuparan, hindi nila nagagawa nang maayos ang lahat ng bagay, at kapag may natututuhan silang kaunting kaalaman, nagpapasikat sila sa pamamagitan ng walang katapusang pagkukwento tungkol dito. Noong sinaunang panahon, bumibigkas ng mga tula, nagsusulat ng mga oda, at ipinangangalandakan ng ganitong mga tao ang kanilang mga kasanayang pampanitikan, na mukhang namimilosopo. Sa panahon ngayon, mas marami nang pagkakataong magpasikat ang mga taong tulad nito. Maaari na silang gumawa ng sarili nilang paraan ng komunikasyon, mag-post ng mga komento sa mga blog, at iba pa. Sa ilang bansang medyo malaya ang mga sistemang panlipunan, madalas nilang inilalantad ang madilim na aspekto ng iba’t ibang industriya, gaya ng madidilim at masasamang aspekto ng pampanitikan, makasining, komersyal, politikal, at kultural na mga sektor. Buong araw, pinupuna nila ang ganito at minamaliit ang ganyan, naniniwalang napakarami talaga nilang talento. Ang pinagmulan ng paggawa nila ng lahat ng bagay na ito ay ang paniniwala nilang ang lahat ng bagay tungkol sa kanila ay mabuti at tama, at na naabot na nila ang kadakilaan, kaluwalhatian, at kawastuhan. Sa eksaktong pananalita, pinoprotektahan nila ang sarili nila sa masasamang impluwensiya, at sila ay “nagiging maprinsipyo at hindi nagiging tiwali, nagiging dalisay at mapagkumbaba.” Naniniwala silang nakikita nila nang malinaw ang lahat ng bagay, na nauunawaan nila ang lahat ng bagay. Gumagamit sila ng mga pailalim na pamumuna laban sa sinumang may anumang ginagawa, at tinitingnan nila ang mga ito nang may pangungutya at panghahamak. Palagi silang may nasasabi tungkol sa anumang bagay na ginagawa ng sinuman, at pinupuna at minamaliit nila ang mga ito. Ang realidad, wala silang ideya kung ano talaga sila, kailanman ay hindi nila nalaman kung ano ang tama at wastong perspektiba at pananaw na dapat gamitin kapag nagsasalita sila. Ang alam lang nila ay kung paano maging matabil ang dila at mautak magsalita. Marami bang taong tulad nito sa lipunan? (Oo.) Ano ba ang mga taong ito? Sa eksaktong pananalita, sila ay isang hibang na grupo ng taong mapagmataas at dalisay at mataas ang tingin sa sarili. Nagkaroon na ng maraming taong tulad nito sa buong kasaysayan, hindi ba? (Oo.) Paano mo ba dapat ilarawan at tukuyin ang mga taong ito? Hindi ba’t mga idealista sila? Sa eksaktong pananalita, ang mga taong ito ay mga idealista. Ayaw nilang mamuhay sa kasalukuyang tunay na kapaligiran ng pamumuhay, at palaging lumilipad ang kanilang mga isipan, puno ng mga hindi tunay, walang kabuluhan, hindi nakikita at hindi kongkretong bagay. Nabubuhay sila sa isang hindi umiiral at hindi tunay na mundo—ang mga taong ito ay tinatawag na mga idealista. Kung gayon, ano ang perspektibang ginagamit nila upang sukatin ang halaga ng ibang tao? Naniniwala silang mataas ang moral na pamantayan nila, at ang pinagsisimulan nila sa pagsukat ng halaga ng ibang tao ay, “Nakikita ko nang malinaw ang inyong masama at madilim na aspekto at ilalantad ko ito. Ang pagkakaroon ng kakayahang ilantad ang hindi magaganda at masasamang bagay na inyong ginagawa ay nagpapatunay na hindi ako katulad ninyo.” Ang pundamental na kahulugan nito ay, “‘Maging maprinsipyo at huwag maging tiwali, maging dalisay at mapagkumbaba’—lapat ang kasabihang ito sa akin. Kayong lahat ay nakontamina na ng masamang kalakarang ito; hindi kayo mabubuting tao.” Hindi ba’t pagkakaroon ito ng dalisay at mataas na tingin sa sarili? Hindi ba’t ito ay pagbibigay nila ng labis na halaga sa kanilang sarili at pagiging mapagmataas? Hindi ba’t isa itong pailalim na pagsubok na itaas ang kanilang sarili sa pakunwaring pamumuna sa realidad, paglalantad sa madilim na aspekto ng lipunan, at hindi pagiging kontento sa realidad? (Ganoon nga.) Kung gayon, paano natin tutukuyin ang ganitong mga tao? May tradisyonal na kasabihang nagsasaad na, “Nakakita na ako ng mga walang kahihiyang tao noon, ngunit wala pa akong nakikitang isang taong kasingwalang kahihiyan mo.” Hindi ba’t inilalarawan nito ang mga taong ito? (Ganoon nga.) Wala silang kahihiyan. Ang binibigkas lang ng mga bibig nila ay tungkol sa tama at mali, at ang nakikita lang ng mga mata nila ay ang mga pagkukulang at kapintasan ng iba. Gamit ang mauutak na pananalita nila, hayagan nilang inilalantad ang mga pagkukulang at kapintasan ng iba, at sa pamamagitan ng paggawa niyon, ipinahahayag nila ang sarili nilang mga pananaw at ipinakikita sa ibang tao kung paano nila pinoprotektahan ang kanilang sarili sa masasamang impluwensiya, at kung gaano sila kapambihira, at karangal. Talaga bang marangal sila? Talaga bang pambihira sila? Katulad lang din sila ng iba. Anumang mga pamamaraan ang gamitin ng ibang tao upang maghangad ng katanyagan at pakinabang, halata ang kanilang mga pamamaraan. Gayunpaman, ang mga taong ito ay umaastang kagalang-galang, at ang kanilang paglalantad at pamumuna sa iba ay nagsisilbing mga paksa at panimula kung paano nila itinataas at itinataguyod ang kanilang sarili, at ginagamit nila ang mga pamamaraang ito upang maging tanyag at maimpluwensiya. Hindi ba’t naghahangad din sila ng katanyagan at pakinabang? Hindi ba’t pareho lang ang mga mithiin nila? Hindi ba’t pareho lang ang mga resulta? Gumagamit lang sila ng ibang mga diskarte at pamamaraan, iyon lang. Para lamang itong pang-iinsulto sa isang tao gamit ang magalang na pananalita at pang-iinsulto sa kanila gamit ang magaspang na pananalita, pareho lang itong may mapang-insultong kalikasan. May ibang taong nagiging tanyag sa isang paraan, at may ganitong mga tao namang nagiging tanyag sa isa pang paraan—pareho lang ang panghuling resulta, gayundin ang intensyon, ang layunin, at ang motibasyon, kaya wala talaga itong pinagkaiba.
Para naman sa mga tao sa lipunan na nagsasabing sila ay “nagiging maprinsipyo at hindi nagiging tiwali, nagiging dalisay at mapagkumbaba,” natukoy na natin sila bilang mga idealista. Ang mga katangian ng ganoong mga tao ay masyadong malayo ang loob nila, iniisip nilang mas magaling sila sa iba, hindi kalugod-lugod ang tingin nila sa lahat ng tao, at sa huli, ang nagiging kongklusyon nila ay, “Kayong lahat ay lugmok sa putik at lugmok sa masasamang kalakaran. Nahigitan ko na kayo, at ako ay ‘nagiging maprinsipyo at hindi nagiging tiwali, nagiging dalisay at mapagkumbaba.’” Ganito ang kanilang pagmamataas, at ganito ang kanilang pagiging hindi kontento sa realidad, na para bang sila mismo ay talagang napakabanal at napakalinis. Sa katunayan, dahil mas mababa ang kakayahan nila kaysa sa iba at wala sila ng mga diskarteng mayroon ang ibang tao, dahil palagi silang naghahangad na mamukod-tangi sa madla ngunit kailanman ay hindi nila nakukuha ang kahilingan nila, dahil palagi silang naghahangad ng mga ideyal, hindi tunay, at walang kabuluhang bagay ngunit kailanman ay hindi sila nakokontento at kailanman ay hindi nila natutupad ang mga bagay na ito, at dahil wala silang pagnanais na harapin ang realidad, o bitiwan ang kanilang mga mithiin, kung kaya, pagdating sa anyo, wala silang ibang magawa kundi lumayo sa mga opisyal, politikal, makasining at pampanitikan, at kultural na komunidad. Dahil hindi sila tanggap sa ganoong mga komunidad, hindi sila mapapabilang, hindi nila matutupad ang kanilang mga ambisyon, at hindi makakamit ang kanilang mga mithiin at adhikain, sa huli ay sinasabi nilang sila ay “nagiging maprinsipyo at hindi nagiging tiwali, nagiging dalisay at mapagkumbaba,” at sinasabi nilang hindi sila umaayon sa karamihan, na marangal ang moralidad nila, at ginagamit nila ang ganoong mga kasabihan bilang pampalubag-loob. Alam na ba ninyo ngayon kung paano kilatisin ang ganoong mga tao sa pamamagitan ng pagbabahaginan natin tungkol sa kanila sa ganitong paraan? Ano ba talaga mismo ang mga taong ito? Wala silang halaga, subalit mapagmataas pa rin sila. Isa ba itong eksaktong pagsusuri? (Oo.) Napakaraming mithiin ng mga ganitong tao, ngunit wala ni isa sa mga iyon ang natutupad, at hindi rin naaayon sa realidad ang alinman sa mga iyon. Itong mga bagay na iniisip nila ay pawang walang katuturan at hindi makatotohanan. Buong araw, ang mga taong ito ay hindi nagtatrabaho nang maayos, ang alam lang nila ay bumigkas ng mga tula at sumulat ng mga oda, pinupuna ang ganito, minamaliit ang ganyan—ito ang hindi nila pagtatrabaho nang maayos, hindi ba? Makikita ang diwa nila sa kanilang pag-uugali: Wala silang tunay na talento o pagkatuto, ang kanilang mga kaisipan at pananaw sa realidad at buhay ay pawang walang katuturan, malabo, at hindi makatotohanan, at iyon ang dahilan kung bakit kaya nilang sundin ang maling paniniwala na “maging maprinsipyo at huwag maging tiwali, maging dalisay at mapagkumbaba.” Pinagsisikapan nilang maging ganito, umaasang mas maraming tao ang magiging ganito rin—nakalilinlang ito. Kung ganito ang mga tao, ano ang makakamit nila? Para maging mas eksakto, ang mga taong tulad nito ay walang tunay na mithiin o direksyon sa buhay, walang tunay na pananampalataya, walang tunay na pasya sa buhay, at walang tamang landas ng pagsasagawa. Buong araw, labis-labis at walang-habas ang kanilang mga iniisip, iniisip nila ang lahat ng uri ng kakaibang ideya, ang kanilang mga isipan ay puno ng magugulo, walang kabuluhan, at hindi makatotohanang bagay, walang makatotohanan sa mga iyon, at sa katunayan, kakaiba ang uri ng mga taong ito sa sangkatauhan. Ang kanilang pag-iisip ay kapwa walang katuturan at masyadong katawa-tawa at labis-labis. Sa anumang grupo ng mga tao sila nabibilang, o sila man ay nasa mataas na antas, gitnang antas, o mababang antas ng lipunan, hinding-hindi nila nakakasundo ang iba at hinding-hindi sila matatanggap ng mga tao. Bakit ganito? Ito ay dahil ang kanilang pag-iisip, ang kanilang mga paghahangad, at ang mga perspektiba nila sa pagtingin sa mga tao at bagay ay labis-labis at ibang klase. Sa maayos na pananalita, ang mga taong ito ay mga idealista, ngunit kung magiging mas tiyak, may sakit sila sa pag-iisip at abnormal ang pag-iisip nila. Sabihin ninyo sa Akin, makakasundo ba ng mga taong may sakit sa pag-iisip ang mga normal na tao? Bukod sa hindi na nila makakasundo ang kanilang mga kaibigan at katrabaho, ni hindi rin nila makakasundo ang sarili nilang mga pamilya. Kapag sinasabi ng mga taong ito ang mga pananaw at pahayag nila, naaasiwa at tutol ang ibang tao, at ayaw talaga ng mga itong marinig ang mga iyon. Hindi makatwiran ang mga pahayag na ito at hindi umuubra sa tunay na buhay. Sa tunay na buhay, ang mga paghihirap na hinaharap ng mga tao ay maaaring manggaling sa kalooban nila, maaaring manggaling ang mga iyon sa mga obhetibong kapaligiran ng mga tao, o maaaring may kinalaman ang mga iyon sa mga pang-araw-araw na pangangailangan sa buhay—paano ba dapat harapin, pangasiwaan, at lutasin ang mga bagay na ito? Pagdating sa maliliit na problema, mayroong mga may kinalaman sa mga pangunahing pang-araw-araw na pangangailangan ng buhay, habang pagdating naman sa malalaking problema, mayroong mga may kaugnayan sa pananaw sa buhay ng mga tao, sa kanilang mga panuntunan sa pamumuhay, sa landas na kanilang sinusundan, at sa kanilang mga paniniwala, at ang mga problemang ito ang pinakatotoo. Subalit, gusto palagi ng mga idealistang ito na ihiwalay ang kanilang sarili sa mga problemang ito at kahit kailan ay ayaw nilang mabuhay sa mga sitwasyon sa tunay na buhay. Ang kanilang mga pananaw, perspektiba, at pinagsisimulan sa pagtingin sa mga tao at bagay ay hindi nakabatay sa mga tunay na problemang ito, bagkus ay medyo hindi makatotohanan at walang pakundangan. Hinding-hindi mo malalaman kung ano ang iniisip nila, na para bang ang mga iniisip nila ay mga kaisipan ng mga taga-ibang planeta, mga bagay na hindi pa kailanman naririnig ng mga tao rito sa daigdig, mga bagay na hindi normal pakinggan para sa kanila. Sino ba ang may gustong makarinig ng isang taong nagsasabi ng hindi normal na mga bagay? Kapag unang nakilala ng mga tao ang taong ito at narinig nila itong magsalita, maaari nilang maramdaman na ang kanyang sinasabi ay talagang orihinal at bago, mas may kabatiran at mas matalino kaysa sa sinasabi ng mga pangkaraniwang tao. Ngunit sa pagtagal-tagal, napagtatanto nilang walang katuturan lang ang lahat ng iyon, kaya wala nang pumapansin sa taong iyon, hindi na sila nakikinig sa kanya, at wala na sa mga sinasabi niya ang pumapasok sa kanilang mga tainga o kanilang mga puso. Napapansin ba ng taong ito kapag ganoon ang nagiging saloobin sa kanya ng ibang tao? Namamalayan niya ito sa paglipas ng panahon, at sa kanyang puso, iniisip niya, “Walang may gusto sa akin, bakit kaya? Bakit ba ayaw nila sa akin? Hay, isa akong mahusay na tao, ngunit kakaunti lang ang nakakikilala ng tunay na talento!” Nakita mo na, palagi siyang mapagmataas, palaging naniniwalang may talento, mautak, at may kakayahan siya, gayong sa totoo ay wala siyang halaga. Sa anumang grupo ng tao siya malagay, ang panghuling resulta at kinahihinatnan niya ay palagi siyang tinatanggihan. Dulot ito ng pagsunod niya sa kasabihang “Maging maprinsipyo at huwag maging tiwali, maging dalisay at mapagkumbaba.” Kung kailanman ay ninais mong maging ganito, sinasabi Ko na sa iyong itigil mo na iyan, dahil hindi normal ang mga taong ito. Kung normal ang iyong pag-iisip at ang katwiran ng iyong pagkatao, dapat mong gawin ang nararapat mong gawin at ang kaya mong gawin, at huwag mong hangaring maging isa sa mga taong “nagiging maprinsipyo at hindi nagiging tiwali, nagiging dalisay at mapagkumbaba.” Ang mga taong ito ay imoral at kakaibang uri ng tao, at hindi sila normal.
Sa sandaling matapos na nating suriin ang diwa ng mga taong “nagiging maprinsipyo at hindi nagiging tiwali, nagiging dalisay at mapagkumbaba,” pag-usapan naman natin ang mga problema ng pagiging hindi kontento sa realidad at pagiging mapangutya na nabanggit natin nang ilantad natin ang mga taong ito. May ilang taong naniniwala na, “Sumasampalataya kami sa Diyos kaya dapat naming maunawaan ang madilim na bahagi ng lipunan at ang masasamang kalakaran sa lipunan, at hindi sundin ang mga iyon. Kailangan din naming maunawaan ang politika, ang kasamaan ng sangkatauhan, ang iba’t ibang karaniwang kaugalian ng sangkatauhan, at ang lahat ng madilim at masamang bagay na ginagawa ng sangkatauhan na umiiral sa iba’t ibang panahon, sa iba’t ibang sulok ng mundo, at sa iba’t ibang lahi at grupo. Sa paggawa nito, magkakaroon kami ng pagkilatis.” Ito ba ang hinihingi ng Diyos sa tao? Bago natin pagbahaginan ang paksang ito, maaaring ang ilan sa inyo ay nagawa na ito bilang inyong paghahangad, ngunit ngayon ay sinasabi Ko sa iyo nang malinaw, hindi ito isang bagay na dapat mong gawin, at hindi ito ang hinihingi sa iyo ng Diyos. Hindi hinihingi sa iyong maunawaan mo ang mundong ito, ang lipunang ito, at ang sangkatauhan, o ang politikal, komersyal, pampanitikan, o panrelihiyong sektor, o ang anumang karaniwang kaugalian na nagmumula sa lipunan, o ang paraan ng pagpapatakbo ng anumang grupo o puwersa sa lipunan, at iba pa—hindi ito isang aral na kailangan mong matutuhan. Hindi mo kailangang hindi makontento sa realidad, at hindi mo kailangang protektahan ang iyong sarili sa masasamang impluwensiya. Hindi ito ang punto de bista o perspektibang dapat mong gamitin, at hindi ito ang pananaw na dapat mong piliin. Hinirang ka ng Diyos at pinahintulutan kang sumampalataya at sumunod sa Kanya; hindi Niya hinihingi sa iyong maging kontra-sangkatauhan, kontra-lipunan, kontra-politika, o kontra-estado, ni hindi rin Niya hinihingi sa iyong labanan ang anumang grupo, lahi, o relihiyon. Hinihingi lang Niya sa iyong sundin mo Siya at tanggihan mo si Satanas, humarap ka sa Kanya at tanggapin mo ang Kanyang mga salita at magpasakop ka sa mga ito, sundan mo ang Kanyang daan, at matakot ka sa Kanya at lumayo ka sa kasamaan. Kahit kailan ay hindi hiningi sa iyo ng Diyos na maging kontra-sangkatauhan, kontra-lipunan, o kontra-estado. Para maging mas eksakto, kailanman ay hindi hiningi sa iyo ng Diyos na lumaban sa isang partikular na gobyerno, sa isang partikular na sistemang panlipunan o pampulitika, o sa isang partikular na polisiyang pampulitika—kailanman ay hindi hiningi sa iyo ng Diyos na gawin ang anumang tulad niyon. Sinasabi ng ilang tao, “Tinatanggihan, nilalabanan, at inuusig tayo ng buong sangkatauhan. Mali bang tumindig tayo at kumontra at lumaban sa kanila? Laban naman silang lahat sa atin, kaya bakit hindi tayo pwedeng maging laban sa kanila?” Kahit paano ka pa personal na mag-isip o kumilos, o ano pang uri ng mga personal na pananaw ang mayroon ka tungkol sa lipunan, sa mundo, at sa mga pambansang sistemang pampulitika, personal mong usapin iyon at wala itong kinalaman sa daang hinihingi ng Diyos na sundan mo, wala rin itong anumang kinalaman sa mga pagtuturo o hinihingi ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Dahil sinasabi Mong walang kinalaman ang mga bagay na ito sa mga pagtuturo ng Diyos, na hindi ito ang mga bagay na hinihingi ng Diyos sa amin at hindi ang ipinagagawa sa amin ng Diyos, bakit inilalantad ng Diyos si Satanas, ang mga kalakaran sa lipunan, ang madilim na aspekto ng lipunan, at maging ang relihiyon?” Inilalantad ng Diyos ang mga bagay na ito para lamang maunawaan mo ang mga ito, sapagkat ang mga bagay na ito na inilalantad ng Diyos ay may kaugnayan sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao at sa mga pananaw at kuru-kuro ng mga tao na laban sa Diyos. Samakatuwid, sa ganitong uri ng sitwasyon, kailangan talaga nating pagbahaginan ang ganoong mga paksa at gamitin ang ganoong mga halimbawa, na ang layunin ay bigyang-daan ang mga taong malaman ang mga satanikong disposisyong inihahayag ng tiwaling sangkatauhan sa mas eksakto at mas praktikal na paraan, at upang makilatis ang lahat ng iba’t ibang maling kaisipan at pananaw at kuru-kurong laban sa Diyos na itinatanim sa kanila ni Satanas, at wala nang iba. Hindi ito ginagawa upang personal na malabanan ng mga tao ang politika, malabanan ang lipunan, at malabanan ang sangkatauhan. Kahit kailan ay hindi hiningi ng Diyos sa mga tao na hindi makontento sa realidad, na maging mapangutya, o na protektahan ang kanilang sarili sa masasamang impluwensiya. Sinasabi ng ilang tao, “Kahit na hindi hiningi sa akin ng Diyos na maging ganito, sumasampalataya lang ako sa Diyos dahil ako ay siniko at hindi kontento sa realidad, dahil pakiramdam ko ay may katarungan at katuwiran sa sambahayan ng Diyos at na ang katotohanan ang naghahari dito, at dahil tinatrato ako nang patas dito.” Personal na usapin mo na iyan at wala itong kinalaman sa kung ano ang hinihingi ng Diyos. Siyempre, ang lahat ng tao ay sumasampalataya sa Diyos sa iba’t ibang kadahilanan: May ilang taong sumasampalataya sa Diyos upang magkamit ng mga pagpapala, ang ilan, upang makatakas sa mga sakuna, ang ilan, upang gumaling ang kanilang mga karamdaman, ang ilan, upang magkaroon ng magandang destinasyon sa hinaharap; at pagkatapos ay may ilang tao na hindi kontento sa realidad, hindi kontento sa mundo, hindi kontento sa lipunan, o hindi tinrato nang patas sa lipunan, kung kaya’t pumupunta sila sa sambahayan ng Diyos at naghahanap ng kapanatagan at kanlungan. Iba-iba ang pananaw ng lahat patungkol sa pananampalataya sa Diyos at ang kanilang orihinal na intensyon o motibasyon sa pananampalataya sa Diyos. May ilang tao ring hindi taglay ang mga bagay na ito sa kanilang mga puso, na nagnanais lang na sumampalataya sa Diyos at pakiramdam nila ay isang mabuting bagay ang pagsampalataya sa Diyos. Anu’t ano man, kapag ang mga taong sinikal at hindi kontento sa realidad ay sumampalataya sa Diyos, hindi sila pinupuri o pinakikitunguhan nang mabait ng Diyos dahil lamang sa may mga kaloob sila o may talento sila sa kung anong maliit na paraan. Ito ay dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan, masyado silang mapagmataas, nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, at mapanghamak sa iba, at napakahirap para sa mga taong tulad nito na tanggapin ang katotohanan. Hindi kayo dapat magkaroon ng pag-asa para sa ganoong mga tao, ni maging ganoon kayong mga tao. Ang sinasabi Ko lang sa inyo ay maging matapat, hangarin ang katotohanan, magpasakop sa mga salita ng Diyos, at matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan. Samakatuwid, huwag na huwag mong iisipin na dahil lang sa hindi ka kontento sa lipunan at malinaw mo itong naiintindihan, o dahil sa dati kang nakibahagi sa isang espesyal na industriya at mas malalim ang pagkaunawa mo sa madilim na aspekto ng industriyang iyon, ay may kapital at tayog ka na sa iyong pananampalataya sa Diyos, na mahal ka ng Diyos, at na naaabot mo ang mga hinihinging pamantayan ng Diyos, o na isa kang kwalipikadong nilikha. Kung naniniwala ka nga sa ganoon, sinasabi Ko sa iyong mali ka, ang mga pananaw mo sa pagtimbang sa sitwasyon ay mali, ang perspektiba mo sa pagtingin sa mga bagay-bagay ay mali, at ang punto de bistang ginagamit mo ay mali. Bakit Ko ito sinasabi? Sinasabi Ko ito dahil ang punto de bistang iyong ginagamit at ang perspektiba at mga pananaw mo sa pagtingin sa mga tao at bagay ay hindi batay sa mga salita ng Diyos at hindi ang katotohanan ang pamantayan nito. Kung palagi mong ginagamit ang perspektiba ng mga makamundong tao at hindi ka kontento sa realidad at siniko ka, kasusuklaman mo sila, nanaisin mong makipaglaban at makipagbuno sa kanila, hikayatin sila at makipagdebate sa kanila tungkol sa kung ano ang tama at mali; nanaisin mong baguhin ang sangkatauhan, baguhin ang lipunan, at baguhin pa nga ang politikal na sistema ng isang bansa. May ilang tao pa ngang magnanais na ilantad ang madilim na aspekto ng matataas na tao sa politika sa kanilang bayan, sa paniniwalang sa paggawa nito ay tinatanggihan nila si Satanas at isinasagawa nila ang katotohanan. Maling-mali ito. Kahit gaano pa karaming bagay ang nangyayari sa loob ng mga komunidad ng matataas na tao sa politika, sa loob ng mga komunidad ng negosyo, o sa loob ng mga makasining at pampanitikang komunidad, wala sa mga ito ang may anumang kinalaman sa iyong paghahangad sa katotohanan. Kahit gaano pa karami ang nalalaman mo tungkol sa ganoong mga bagay, walang saysay ang lahat ng ito, at hindi nito ipinakikita na alam mo ang diwa ni Satanas o na kaya mong tanggihan si Satanas sa kaibuturan ng iyong puso. Kahit gaano pa karami ang nalalaman o nauunawaan mo sa ganoong mga bagay, at kahit gaano pa kapartikular, katotoo, o kawasto ang iyong pagkaunawa, hindi nito ipinakikita na isinasagawa mo ang katotohanan, na nakikilala mo ang iyong sarili, o na sinusuri mo ang mga satanikong kaisipan at pananaw sa kaibuturan mo, ni ipinakikita nito na minamahal mo ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, lalong hindi nito ipinakikita na may takot ka sa Diyos. Huwag mong isipin na dahil lang sa may kaunti kang nauunawaan tungkol sa lipunan, o nalalaman mo ang mga kumpidensyal na panuntunan ng isang industriya o ang kung anong sabi-sabi na hindi alam ng karamihan, na dahil sa ikaw ay siniko at hindi kontento sa lipunan at may lakas ng loob kang ibunyag ang madilim na aspekto ng lipunan, ay isa ka nang marangal at kagalang-galang na tao, na nakahihigit ka sa iba, at na ikaw ay “nagiging maprinsipyo at hindi nagiging tiwali, nagiging dalisay at mapagkumbaba.” Ayaw ng Diyos ng mga ganoong tao.
Bago sila sumampalataya sa Diyos, ang ilang tao ay mahina ang loob at nag-aalangan, hindi nangangahas na ilantad ang madilim na aspekto ng lipunan, walang lakas ng loob na gawin ito. Ngayong sumasampalataya na sila sa Diyos, pakiramdam nila ay pinalalakas ng Diyos ang loob nila at sinusuportahan sila, kung kaya’t hindi na sila natatakot na ibunyag ang ganoong mga bagay. May ilan pa ngang pumupunta sa mga demokratikong bansa at nangangahas na ilantad ang ilan sa masasamang gawain ng demonyo na CCP. Pagkatapos, pakiramdam ng mga taong ito ay nauunawaan na nila ang katotohanan, na may tayog at pananampalataya na sila sa Diyos. Mga maling kaisipan at pananaw ang lahat ng ito, at walang saysay na hangarin nila ang mga bagay na ito. Ikaw man ay hindi kontento sa realidad at siniko, nakatataas ka man sa iba sa lipunan, at isa ka mang taong “nagiging maprinsipyo at hindi nagiging tiwali, nagiging dalisay at mapagkumbaba,” hindi mahalaga sa Diyos ang alinman dito; hindi Niya tinitingnan ang ganoong mga bagay. Ano ba ang tinitingnan ng Diyos? Ang unang tinitingnan ng Diyos ay kung natutukoy mo ang mga kaisipan at pananaw na nanggagaling kay Satanas sa kaibuturan ng iyong puso o hindi at, sa sandaling matukoy mo na ang mga iyon, kung inilalantad mo ang mga iyon at matapat ka sa iba tungkol sa mga iyon, at kung tinatanggihan mo ang mga iyon sa sandaling maunawaan mo nang malinaw ang mga iyon. Higit pa rito, tinitingnan ng Diyos kung sadya mong hinahangad ang katotohanan sa tunay na buhay, kung sadya mong hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo sa paraan mo kung paano mo tingnan ang mga tao at bagay at sa pag-asal at pagkilos mo, at kung ano talaga ang saloobin mo sa katotohanan. Isa itong bagay na kailangang maging malinaw sa iyong puso. May ilang taong nasisiyahan sa pagtalakay sa nakaraan at sa kasalukuyan, labis-labis at mariing nagsasalita tungkol sa mga historikal na intriga sa hukuman, detalyadong-detalyadong ibinubuod kung ano-anong malalaking pangyayari ang naganap sa aling panahon sa loob ng mga politikal na komunidad, kung ano-ano ang malalaking isyu, at kung sino ang may ginampanang bahagi sa mahahalagang sandali, at iba pa. Pagkatapos ay inaakala nilang may tayog na sila, na matuwid sila at may malaking pagpapahalaga sa katarungan, sinasabing, “Alam mo kasi, talagang hindi ako kontento sa lipunan. Nakikita ko ang kadiliman ng mga opisyal, at malalim at lubusan ko itong nauunawaan!” Ano ba ang saysay ng pagsasabi ng ganoong mga bagay? Kanino mo ba sinusubukang magpalakas? Sa Diyos? Ipinangangalandakan mo ba kung gaano ka kaintelektuwal at na napakarami mong nalalaman? Walang saysay ang pagsasabi ng mga bagay na ito. Kahit kailan ay hindi Ako tumingin sa walang kabuluhang basura online, at kahit kailan ay hindi rin Ako naging interesado sa anumang uri ng balita o impormasyon. Bakit hindi Ko tinitingnan ang mga bagay na ito? Dahil nakakainis at nakakasuklam ito. May ilang taong naniniwalang sa sandaling sumampalataya sila sa Diyos, dapat na silang magkaroon ng pagpapahalaga sa katarungan, at madalas silang nagkokomento at maraming sinasabing walang katuturan tungkol sa mga kilalang tao, sa mga tanyag na tao, at sa mga politiko, at inilalantad nila ang mga pribadong buhay ng mga taong ito, umaasang mamumulat nila ang mga mata ng lahat ng tao. Pakiramdam nila ay marami silang kayang gawin, mauutak sila, na alam nila ang lahat ng lihim, at na talagang napakatalino, napakaraming kaalaman, at napakamatuwid nila. Ano ba ang saysay ng pagkakaroon ng kaalaman sa ganoong mga bagay? Ipinakikita ba nitong isinasagawa mo ang katotohanan? Ipinakikita ba nitong naunawaan mo na ang katotohanan? Ipinakikita ba nitong may tayog ka? (Hindi.) Hindi mo mapigilang magsalita tungkol sa mga bagay na iyon sa lipunan, ngunit may masasabi ka ba tungkol sa kung paano gawin ang mga bagay na nasa harapan mo at ang tungkuling dapat mong gawin nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo? Wala, wala kang masabi. Kahit gaano pa karami ang nalalaman mo tungkol sa mga bagay na iyon sa lipunan, hindi nito ipinakikita na nauunawaan mo ang katotohanan o na may tunay kang tayog. Huwag mong isipin na dahil lang sa nakikita mo ang totoo sa mga pekeng balita at maling paniniwala ay may tayog ka na, na naitakwil mo na ang mundo at natanggihan si Satanas, na hindi ka na umaayon kay Satanas, at na may pananampalataya ka na sa Diyos at matapat ka sa Kanya—pawang maling pananaw ang mga ito, at wala sa mga ito ang talagang kumakatawan sa buhay. Kung iniisip mong, “Hindi ba’t totoo na habang mas hindi ako kontento sa realidad, habang mas inilalantad ko ang malaking pulang dragon, habang mas napopoot ako sa malaking pulang dragon, habang mas napopoot ako sa mundo at habang mas siniko ako ay mas sumasaya ang Diyos at lalo Niya akong nagugustuhan?” nagkakamali ka. Habang mas hinahangad mo ang mga bagay na iyon at habang mas sinusundan mo ang landas na iyon, lalo kang hindi nagugustuhan ng Diyos at lalo Siyang nagiging tutol sa iyo. Bakit habang mas hinahangad mo ang mga makamundong bagay na iyon ay lalo kang hindi nagugustuhan ng Diyos? Ito ay dahil hindi mo sinusundan ang tamang landas at hindi ka nagtatrabaho nang maayos. Kaya, kapag may kaunti kang oras, maaari kang magbasa pa ng mga salita ng Diyos, makinig sa mga himno, makinig sa mga patotoong batay sa karanasan sa buhay ng iyong mga kapatid, at maaaring sama-samang pag-isipan at pagbahaginan ng lahat ang mga salita ng Diyos. Huwag kang magtanong tungkol sa usap-usapang walang kinalaman sa pagpasok mo sa buhay o sa iyong paghahangad sa kaligtasan. Ginagawa iyon ng mga taong walang magawa. Ang paraan ng pag-usad ng lipunan, kung ano ang magiging hakbang ng mundo, kung gaano karumi at kasama ang sangkatauhan at kung gaano kadilim ang politika—mayroon bang anumang kinalaman sa iyo ang mga bagay na ito? Magtatamo ka ba ng kaligtasan kung ang lipunan at ang mundo ay hindi madilim, masama, at marumi? (Hindi.) Walang anumang kinalaman sa iyo ang mga bagay na iyon. Kung makapagtatamo ka man ng kaligtasan o hindi, nauugnay lamang ito sa kung gaano kalaking bahagi ng katotohanan ang iyong tinatanggap at nauunawaan, kung gaano kalaking bahagi ng katotohanang realidad ang napapasok mo, at may kaugnayan ito sa kung gaano mo kabuting ginagampanan ang iyong tungkulin—nauugnay lamang ito sa iilang bagay na ito. Huwag kang madalas na magkomento tungkol sa mga kilala at tanyag na tao, naglalantad ng kahiya-hiya at maruming pag-uugali ng mga tanyag na tao upang magpalipas ng oras, ipinangangalandakan kung gaano ka katalino at kung paano ka nakahihigit sa iba. Walang kabuluhang gawin ang mga bagay na iyon; huwag kang maging ganoong tao. Isa iyong taong hindi nagtatrabaho nang maayos at hindi tumatahak sa tamang landas.
Tungkol naman sa diwa ng kasabihan tungkol sa wastong asal na, “Maging maprinsipyo at huwag maging tiwali, maging dalisay at mapagkumbaba” medyo napagbahaginan na natin ang tungkol dito at nasuri ito. Higit pa rito, hindi ba’t ngayon ay malinaw na nating napagbahaginan ang saloobin at mga pananaw kung paano umaasal ang isang tao batay sa kasabihang ito, pati na kung ano ang mga hinihingi at ang saloobin ng Diyos? (Ganoon nga.) Ngayon ba ay nauunawaan na rin ninyo ang landas na dapat sundan ng mga tao? (Nauunawaan na namin.) Isa bang positibong bagay ang pagiging siniko na ating pinag-uusapan dito? Isa bang positibong bagay ang pagiging hindi kontento sa realidad? Isa bang positibong bagay ang pagprotekta sa iyong sarili sa masasamang impluwensiya? (Hindi.) Walang positibo sa mga bagay na ito. Masasabi natin nang may katiyakan na ang mga ito ay hindi mga saligan para sa iyong pag-asal at pagkilos, hindi dapat maging mga saligan ang mga ito para sa iyong pag-asal at pagkilos, lalong hindi dapat maging mga prinsipyo ang mga ito para sa iyong pag-asal at pagkilos. Samakatuwid, ang mga ito ay mga bagay na dapat mong bitiwan at tanggihan. Dapat ay malinaw ninyong makilatis at lubusang matalikdan ang mga kasabihan at teoryang ito na nanggagaling sa tradisyonal na kultura, at hindi ninyo dapat tanggapin ang mga mapanlihis na bagay na ito bilang katotohanan o mapagkamalan ang mga ito na katotohanan. Ito ay dahil, kahit gaano na karaming taon na kumakalat ang mga bagay na ito sa sangkatauhan, o gaano kalalim ang mga ugat nito sa sangkatauhan, kahit sandali ay hindi makatitindig ang mga ito sa katotohanan. Hindi talaga mga positibong bagay ang mga ito at hindi talaga karapat-dapat na mabanggit kasabay ng katotohanan. Wala talagang positibong epekto ang mga bagay na ito sa mga tao; bukod sa hindi maaakay ng mga ito ang mga tao at madadala sila sa tamang landas, sa kabaligtaran, inaakay pa ng mga ito ang mga tao sa sunud-sunod na maling landas, ginagawa ang mga taong mas malayo at walang kahihiyan, mas walang kamalayan sa sarili at mas hindi makatwiran, at hinihikayat ang Diyos na kamuhian sila at masuklam sa kanila. Kung bibitiwan mo ang mga bagay na ito, bibitiwan ang mga kuru-kurong ito, bibitiwan ang mga kaisipan at pananaw na ito, ang mga pamamaraan at saligang ito kung paano titingnan ang mga tao at bagay at aasal at kikilos na nagmumula kay Satanas, at ikaw ay haharap sa Diyos at titingin sa mga tao at bagay at aasal at kikilos ayon sa mga salita ng Diyos, hindi magkakaroon ng epekto sa iyo ang mga bagay na ito. Para naman sa isyu ng pagiging hindi kontento sa realidad at pagiging siniko, hindi kailangan ng Diyos na pagsikapan mo at subukang unawain o alamin kung ano ang kadilimang nagkukubli sa lipunan. Kailangan mo lang malaman nang lubusan at sa pangkalahatan na ang mundo at ang sangkatauhan ay nagawa nang tiwali ni Satanas at na nasa mga kamay ng diyablo ang mga iyon. Mga kalakaran man sa lipunan, mga kaugalian, tradisyonal na kultura, kaalaman, edukasyon—sa anumang antas, hinggil sa anumang aspekto, o sa anumang industriya—puno itong lahat ng mga kaisipan at pananaw ni Satanas at ng mga salungat na pananampalataya at maling paniniwala nito. Anumang bansa, etnisidad, o alinmang grupo ng mga tao o organisasyon sa lipunan, walang impluwensiya sa mga ito ang katotohanan ni ang mga salita ng Diyos; siyempre, mas malabo pa na makita sa mga ito ang pagiging patas o pagiging matuwid. Tiyak ito, at basta’t alam mo lang ito, sapat na iyon. Maliban dito, ang pinakamahalagang bagay ay ang payapain ang iyong puso at lalo pang sangkapan ang iyong sarili ng mga salita ng Diyos, at matukoy sa kaibuturan mo ang mga salungat na pananampalataya at maling paniniwala, kaisipan at pananaw na nanggagaling kay Satanas. Kapag may tunay kang pagkaunawa sa mga bagay na ito, saka mo lang makikita nang malinaw ang mga ito; kapag talagang nakita mo na nang malinaw ang mga ito ay saka mo lang tunay na matatanggihan at mabibitiwan ang mga ito; at kapag tunay mo nang nabitiwan ang mga ito ay saka ka lang magkakaroon ng wagas na pagtanggap at pagpapasakop sa katotohanan. Sa ganitong paraan, magiging tama ang landas na iyong susundan, at matatanglawan ito. Magiging tama rin ang iyong mithiin, at ang pagtatamo mo ng kaligtasan sa huli ay magiging isang di-mapabubulaanang katunayan. Iyon ang dahilan kung bakit hindi mo talaga dapat hayaan ang mga salungat na pananampalataya, maling paniniwala, kaisipan, at pananaw na itinatanim sa iyo ni Satanas na makagulo sa iyong mga iniisip at na mabulagan ka nito; hindi ka dapat maging siniko at hindi kontento sa realidad at sa ganitong paraan ay maging manhid ka at linlangin mo kapwa ang iyong sarili at ang iba. Sa halip, dapat mong hangarin ang katotohanan, matamo ang katotohanan bilang iyong buhay, isabuhay ang wangis ng isang tunay na tao, at gampanan nang mabuti ang iyong tungkulin. Ito ang angkop na trabaho mo, at ito na ang landas na dapat mong sundan mula ngayon. Para naman sa kalagayan ng lipunan, ng bansa, o ng anumang industriya, walang anumang kinalaman sa iyo ang mga bagay na iyon. Bakit ganoon? Dahil walang epekto ang mga iyon sa iyong paghahangad sa katotohanan, walang kaugnayan ang mga iyon sa iyong paghahangad sa katotohanan, walang kaugnayan sa iyong katapusan, at walang kaugnayan sa pagtatamo mo ng kaligtasan. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Sa sandaling maunawaan mo na ito, dapat nang maging malinaw sa iyo kung paano hangarin ang buhay at matamo ang buhay.
Hulyo 14, 2022