Bakit Dapat Hangarin ng Tao ang Katotohanan
Kamakailan, pangunahin tayong nagbabahaginan tungkol sa ilang pahayag na nauugnay sa wastong asal. Isa-isa nating sinuri, hinimay, at ibinunyag ang mga pahayag sa bawat aspeto ng wastong asal na isinulong ng tradisyonal na kultura. Dahil dito ay nagagawa ng mga tao na makilatis ang iba’t ibang pahayag sa wastong asal na itinuturing na mga positibong bagay sa tradisyonal na kultura, at mahalata ang diwa ng mga ito. Kapag may malinaw na pagkaunawa ang isang tao sa mga pahayag na ito, magsisimula siyang maging tutol sa mga ito, at magagawa niyang tanggihan ang mga ito. Pagkatapos niyon, unti-unti na niyang mabibitiwan ang mga bagay na ito sa tunay na buhay. Sa pag-iisantabi niya sa kanyang pagsang-ayon, bulag na pananampalataya, at pagsunod sa tradisyonal na kultura, magagawa niyang tanggapin ang mga salita ng Diyos, at tanggapin sa kanyang puso ang mga hinihingi ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo na dapat taglayin ng isang tao, upang mapalitan ng mga ito ang tradisyonal na kultura sa puso niya. Sa ganitong paraan, makapagsasabuhay ang taong iyon ng wangis ng tao, at makapagkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos. Bilang buod, ang layon ng pagsusuri sa iba’t ibang pahayag sa wastong asal na itinaguyod ng tradisyonal na kultura ng sangkatauhan ay ang bigyan ang mga tao ng malinaw na pagkilatis at kaalaman sa diwa na nasa likod ng mga pahayag na ito sa wastong asal, at kung paano ginagamit ni Satanas ang mga ito upang gawing tiwali, ilihis, at kontrolin ang sangkatauhan. Sa gayon ay magagawa ng mga tao na kilatisin kung ano ba mismo ang katotohanan at kung ano ang mga positibong bagay. Sa madaling salita, pagkatapos maunawaan ang diwa, totoong kalikasan, at panlalansi ni Satanas sa mga pahayag na ito tungkol sa wastong asal, dapat ay magkaroon ng kakayahan ang mga tao na malaman kung ano ba mismo ang katotohanan. Huwag itumbas sa katotohanan ang tradisyonal na kultura at ang mga pahayag tungkol sa wastong asal na itinatanim nito sa mga tao. Ang mga bagay na ito ay hindi ang katotohanan, hindi mapapalitan ng mga ito ang katotohanan, at tiyak na walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan. Anuman ang iyong perspektiba sa tradisyonal na kultura, at anuman ang partikular na pahayag o hinihingi nito, kinakatawan lamang nito ang pagtuturo, pagdodoktrina, panlilihis, at panloloko ni Satanas sa sangkatauhan. Kinakatawan nito ang panlalansi ni Satanas, at ang kalikasang diwa ni Satanas. Ganap itong walang kinalaman sa katotohanan at sa mga hinihingi ng Diyos. Kaya, gaano man kahusay ang pagsasagawa mo, pagdating sa wastong asal, o sa pagsasakatuparan mo nito, o sa pag-unawa mo rito, hindi ito nangangahulugan na isinasagawa mo ang katotohanan, o na ikaw ay isang taong may pagkatao at katinuan, at tiyak na hindi ito nangangahulugan na nagagawa mong tuparin ang mga kalooban ng Diyos. Walang pahayag o hinihingi tungkol sa wastong asal—anumang uri ng tao o pag-uugali ang pinupuntirya nito—ang may kinalaman sa mga hinihingi ng Diyos sa tao. Walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan na hinihingi ng Diyos na isagawa ng tao, o sa mga prinsipyong dapat sundin ng tao. Pinag-iisipan ba ninyo ang tanong na ito? Malinaw na ba ninyo itong nakikita ngayon? (Oo.)
Kung walang detalyadong pagbabahagi tungkol sa at komprehensibong pagsusuri ng iba’t ibang pahayag na ito ng tradisyonal na kultura, hindi makikita ng mga tao na ang mga isinusulong nitong mga pahayag ay huwad, mapanlinlang, at walang bisa. Dahil dito, sa kaibuturan ng kanilang puso, tinitingnan pa rin ng mga tao ang iba’t ibang pahayag ng tradisyonal na kultura bilang bahagi ng kredo o mga panuntunan na dapat nilang sundin sa kung paano sila kumilos at umasal. Itinuturing pa rin nilang katotohanan ang mga pag-uugali at wastong asal na itinuturing na mabuti ng tradisyonal na kultura at sinusunod nila ang mga ito bilang ang katotohanan, itinutumbas pa nga ang mga ito sa katotohanan. Ang mas malala pa, ipinapangaral at isinusulong ng mga tao ang mga ito na para bang tama ang mga ito, na para bang positibong bagay ang mga ito, na para pa ngang ang mga ito ang katotohanan; inililigaw nila ang mga tao, ginugulo ang mga tao, at pinipigilan nila ang mga tao na makalapit sa Diyos upang tanggapin ang katotohanan. Totoong-totoo ang problemang ito na nakikita ng lahat. Madalas na katotohanan ang turing ng mga tao sa mga pahayag tungkol sa wastong asal na itinuturing ng tao na mabuti at positibo. Binabanggit pa nga nila ang mga pahayag at salita mula sa tradisyonal na kultura upang ibahagi at ipangaral kapag sila ay nasa mga pagtitipon at nakikipag-usap tungkol sa mga salita ng Diyos. Napakalubhang problema nito. Hindi dapat mangyari ang ganitong uri ng isyu o kaganapan sa sambahayan ng Diyos, subalit madalas ay nangyayari ito—napakakaraniwang problema nito. Ipinapakita nito ang isa pang isyu: Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang tunay na diwa ng tradisyonal na kultura at ng mga pahayag tungkol sa wastong asal, madalas nilang itinuturing ang mga pahayag ng tradisyonal na kultura tungkol sa wastong asal bilang mga positibong bagay na maipapalit o maipanghahalili sa katotohanan. Karaniwan bang nangyayari ito? (Oo.) Halimbawa, ang mga pahayag sa tradisyonal na kultura gaya ng, “Maging mabait sa iba,” “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,” “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila,” “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari,” “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal,” at maging ang mga mas popular na pahayag gaya ng, “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” at “Ang isang tapat na mamamayan ay hindi maaaring maglingkod sa dalawang hari, ang isang mabuting babae ay hindi maaaring magpakasal sa dalawang lalaki,” ay naging mga kredong sinusunod ng mga tao sa kanilang pag-asal, at naging mga batayan at pamantayan na ginagamit sa paghusga sa pagiging marangal ng isang tao. Kaya, kahit matapos marinig ang maraming salita ng Diyos at ang katotohanan, ginagamit pa rin ng mga tao ang mga pahayag at teorya ng tradisyonal na kultura bilang mga pamantayan sa paghusga sa ibang tao at pagtingin sa mga bagay-bagay. Ano ang isyu rito? Ipinapakita nito ang isang napakalubhang problema, na inookupa ng tradisyonal na kultura ang napakahalagang puwang sa kaibuturan ng puso ng tao. Hindi ba’t ganito nga ang ipinapakita nito? (Ganito nga.) Ang lahat ng iba’t ibang ideya na itinanim ni Satanas sa mga tao ay malalim nang nakaugat sa kanilang puso. Namayani na ang mga ito at naging pangunahing kalakaran sa mga buhay, kapaligiran, at lipunan ng buong sangkatauhan. Kaya, hindi lamang umookupa ng mahalagang puwang ang tradisyonal na kultura sa kaibuturan ng puso ng mga tao, bagkus, malalim din nitong naiimpluwensyahan at nakokontrol ang mga prinsipyo at saloobin, at ang mga pananaw at pamamaraan, na ginagamit nila sa pagtingin sa mga tao at bagay-bagay, at sa kanilang pag-asal at pagkilos. Kahit matapos tanggapin ng mga tao ang paglupig ng mga salita ng Diyos, gayundin ang pagbubunyag, paghatol, at pagkastigo ng mga ito, ang mga ideyang ito ng tradisyonal na kultura ay umookupa pa rin ng mahalagang puwang sa kanilang espirituwal na mundo at sa kaibuturan ng kanilang puso. Ibig sabihin, kinokontrol ng mga ito ang direksyon, mga layon, prinsipyo, saloobin, at pananaw na nagtatakda kung paano nila tinitingnan ang mga tao at bagay, kung paano sila umaasal at kumikilos. Hindi ba’t nangangahulugan ito na ganap nang nadakip ni Satanas ang mga tao? Hindi ba’t isang katunayan ito? (Oo.) Isang katunayan ito. Ang paraan ng pamumuhay ng mga tao at ang kanilang mga layon sa buhay, ang kanilang mga pananaw at saloobin sa pagharap nila sa mga bagay-bagay ay ganap na nakabatay sa tradisyonal na kultura, na siyang isinulsol at itinanim sa kanila ni Satanas. Inookupa ng tradisyonal na kultura ang nangingibabaw na posisyon sa buhay ng mga tao. Maaaring sabihin na matapos lumapit sa Diyos at marinig ang Kanyang mga salita, at matapos pa ngang tanggapin ang ilang tamang pahayag at pananaw mula sa Kanya, inookupa pa rin ng iba’t ibang kaisipan mula sa tradisyonal na kultura ang nangingibabaw at mahalagang puwang sa kanilang espirituwal na mundo at sa kaibuturan ng kanilang puso. Dahil sa mga kaisipang ito, hindi maiwasan ng mga tao na tingnan ang Diyos at ang Kanyang mga salita at gawain gamit ang mga pamamaraan, pananaw, at saloobin ng tradisyonal na kultura. Huhusgahan, susuriin, at aaralin pa nga nila ang mga salita, gawain, identidad, at diwa ng Diyos batay sa mga ito. Hindi ba’t ganoon nga iyon? (Ganoon nga.) Isa itong katunayan na hindi maipagkakaila. Kahit kapag ang mga tao ay nalupig na ng mga salita at gawain ng Diyos, ng Kanyang mga kilos, diwa, kapangyarihan at karunungan, inookupa pa rin ng tradisyonal na kultura ang importanteng posisyon sa kaibuturan ng kanilang puso hanggang sa puntong wala nang makakapalit dito. Natural na ganito rin ang nangyayari sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Kahit na nalupig na ng Diyos ang mga tao, hindi mapalitan ng Kanyang mga salita at ng katotohanan ang tradisyonal na kultura sa kanilang puso. Sobra itong nakalulungkot at nakatatakot. Kumakapit ang mga tao sa tradisyonal na kultura habang sumusunod sa Diyos, habang nakikinig sa Kanyang mga salita, habang tinatanggap ang katotohanan at iba’t ibang ideya mula sa Kanya. Sa panlabas, mukhang sumusunod ang mga taong ito sa Diyos, ngunit ang iba’t ibang ideya, pananaw, at perspektiba na itinanim sa kanila ng tradisyonal na kultura at ni Satanas ay may posisyon sa kanilang puso na hindi mayayanig o mapapalitan. Bagama’t ang mga tao ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos araw-araw at nagbabasa nang padasal at madalas na pinagbubulayan ang mga ito, ang mga pangunahing pananaw, prinsipyo, at pamamaraan na pinagbabatayan kung paano nila tinitingnan ang mga tao at mga bagay, gayundin kung paano sila umaasal at kumikilos, ay nakabatay pa rin sa tradisyonal na kultura. Samakatuwid, naaapektuhan ng tradisyonal na kultura ang mga tao sa pamamagitan ng pagmamanipula, pangangasiwa, at pagkontrol nito sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Para itong anino nila na hindi nila maiwawaksi at matatakasan. Ano ang dahilan nito? Sapagkat ang mga tao ay hindi kayang isiwalat, siyasatin, o ilantad, mula sa kaibuturan ng kanilang puso, ang iba’t ibang ideya at pananaw na itinanim sa kanila ng tradisyonal na kultura at ni Satanas; hindi nila kayang kilalanin, kilatisin, labanan, o iwanan ang mga bagay na ito; hindi nila kayang tingnan ang mga tao at mga bagay, umasal, o kumilos sa paraang sinasabi sa kanila ng Diyos, o sa paraang itinuturo Niya at inuutos. Sa anong uri ng suliranin kasalukuyang namumuhay pa rin ang karamihan sa mga tao nang dahil dito? Sa isang suliranin kung saan mayroong pagnanais sa kaibuturan ng kanilang puso na tingnan ang mga tao at bagay-bagay, na umasal at kumilos batay sa mga salita ng Diyos, na huwag salungatin ang mga kalooban ng Diyos o ang katotohanan, gayunpaman, nang walang kalaban-laban at hindi sinasadya, patuloy pa rin silang nakikipag-ugnayan sa mga tao, umaasal, at pinangangasiwaan ang mga bagay ayon sa mga pamamaraan na itinuturo ni Satanas. Sa puso nila, nananabik ang mga tao sa katotohanan at nais nilang magtaglay ng matinding pagnanais para sa Diyos, na tignan ang mga tao at bagay-bagay, umasal, at kumilos ayon sa mga salita ng Diyos, at hindi labagin ang mga katotohanang prinsipyo, subalit palaging salungat sa kanilang kagustuhan ang kinahahantungan ng mga bagay-bagay. Kahit matapos doblehin ang kanilang mga pagsisikap, ang resulta na nakukuha nila ay hindi pa rin ang gusto nila. Gaano man nahihirapan ang mga tao, gaano man kalaki ang kanilang pagsisikap, gaano man sila manindigan at maghangad na matamo ang pagmamahal para sa mga positibong bagay, sa huli, ang katotohanan na kanilang naisasagawa at ang mga pamantayan ng katotohanan na kanilang napanghahawakan sa totoong buhay ay kakaunti at madalang. Ito ang pinakanakakapagpabagabag sa mga tao, sa kaibuturan ng kanilang puso. Ano ang dahilan nito? Ang isang dahilan ay walang iba kundi ang patuloy na pangingibabaw sa kanilang mga puso ng iba’t ibang ideya at pananaw na itinuturo ng tradisyonal na kultura sa mga tao, at kinokontrol nito ang kanilang mga salita, gawa, ideya, gayundin ang mga pamamaraan at gawi ng asal nila. Kaya, kailangan sumailalim ang mga tao sa isang proseso upang makilala ang tradisyonal na kultura, upang suriin at ibunyag ito, upang kilatisin at unawain ‘to, at sa huli, upang abandonahin ito magpakailanman. Napakahalaga na gawin ito; hindi opsyonal ang paggawa nito. Ito ay dahil ang tradisyonal na kultura ay nangingibabaw na sa kaibuturan ng puso ng mga tao—pinangingibabawan pa nga nito ang kabuuan ng kanilang pagkatao. Nangangahulugan ito na sa kanilang buhay, hindi mapigilan ng mga tao na labagin ang katotohanan sa kung paano sila umasal, at kung paano nila pinangangasiwaan ang mga bagay-bagay, at hindi nila mapigilan ang kanilang sarili na makontrol at maimpluwensyahan pa rin ng tradisyonal na kultura, mula noon hanggang ngayon.
Kung nais ng isang tao na ganap na tanggapin ang katotohanan sa kanyang pananalig sa Diyos, at na lubusang isagawa at kamtin ito, dapat siyang magsimula sa malalim at partikular na paghalukay, paghihimay, at pag-alam sa iba’t ibang ideya at pananaw ng tradisyonal na kultura. Malinaw na ang mga ideyang ito ng tradisyonal na kultura ay umookupa ng mahalagang puwang sa puso ng bawat tao, subalit iba-ibang tao ang kumakapit sa magkakaibang aspeto ng pagdodoktrina nito; ang bawat tao ay tumutuon sa magkakaibang bahagi nito. Partikular na isinusulong ng ibang tao ang pahayag na: “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan.” Napakamatapat nila sa kanilang mga kaibigan, at ang katapatan ang pinakamahalaga sa kanila. Ang katapatan ang kanilang buhay. Mula sa araw na sila ay isinilang, namuhay na sila para sa katapatan. Ang ilang tao ay talagang pinahahalagahan ang kabutihan. Kung nakatatanggap sila ng kabutihan mula sa isang tao, malaki man ito o maliit, isinasapuso nila ito, at ang pagsukli rito ang nagiging pinakamahalagang bagay sa kanilang buhay—ito ang nagiging misyon nila sa buhay. Ang ilang tao ay pinahahalagahan ang pagkakaroon ng magandang impresyon sa iba; tumutuon sila sa pagiging kagalang-galang, marangal, at disenteng uri ng tao, at sa paghimok sa iba na respetuhin at tingalain sila. Gusto nila na maganda ang sasabihin ng iba tungkol sa kanila, gusto nilang magkaroon ng magandang reputasyon, gusto nilang mapuri, gusto nilang masang-ayunan nang husto ng lahat. Iba-iba ang pinagtutuunan ng bawat tao sa kanilang paghahangad sa iba’t ibang pahayag ng tradisyonal na kultura at wastong asal. Ang ilan ay pinahahalagahan ang katanyagan at kayamanan, ang iba ay pinahahalagahan ang integridad, ang ilan ay pinahahalagahan ang pagkadalisay, ang iba ay pinahahalagahan ang pagsukli sa kabutihan. Ang ilang tao ay pinahahalagahan ang katapatan, ang iba ay ang kabutihang-loob, at ang ilan ay pinahahalagahan ang kagandahang-asal—magalang sila at wasto ang asal sa lahat, palagi nilang inuuna ang kapakanan ng iba—at iba pa. Magkakaiba ang pinagtutuunan ng lahat. Kaya, kung nais mong maunawaan kung paano ka naaapektuhan at kinokontrol ng tradisyonal na kultura, kung nais mong malaman kung gaano kabigat ang timbang nito sa kaibuturan ng iyong puso, dapat mong himayin kung anong uri ka ng tao, at kung ano ang pinahahalagahan mo. Ang pinahahalagahan mo ba ay “kagandahang-asal” o “kabutihang-loob”? Ang pinahahalagahan mo ba ay “pagiging mapagkakatiwalaan” o “pagtitiis”? Mula sa iba’t ibang perspektiba, atbatay sa iyong aktuwal na pag-uugali, dapat mong himay-himayin kung aling aspekto ng tradisyonal na kultura ang nagkaroon ng pinakamalalim na impluwensiya sa iyo, at kung bakit mo hinahangad ang tradisyonal na kultura. Anumang diwa ng tradisyonal na kultura ang hinahangad mo, ganoon kang uri ng tao. Anumang uri ka ng tao, iyon ang nangingibabaw sa buhay mo—at anuman ang nangingibabaw sa buhay mo, iyon ang bagay na kailangan mong kilalanin, suriin, unawain, labanan, at talikuran. Pagkatapos mong matuklasan ito at magkamit ka ng pagkaunawa rito, unti-unti mong maiwawaksi ang tradisyonal na kultura, tunay na matatalikuran ito, at sa wakas, ganap kang makalalaya rito at maaalis ito nang lubusan sa kaibuturan ng iyong puso. Pagkatapos ay magagawa mo nang maghimagsik laban dito nang lubusan at puksain ito. Sa sandaling magawa mo na ito, hindi na ang tradisyonal na kultura ang magiging pinakamahalaga sa iyong buhay; sa halip, ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ay unti-unti nang magiging pangunahin sa kaibuturan ng iyong puso at magiging buhay mo. Unti-unting ookupa ng mahalagang puwang sa puso mo ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, at ang mga salita ng Diyos at ang Diyos ang uupo sa trono sa puso mo at mamumuno bilang iyong hari. Ookupahin ng mga ito ang bawat bahagi mo. Hindi ba’t mararamdaman mong mas maliit na ang pagkabagabag mo sa buhay kung magkagayon? Hindi ba’t mababawasan na nang mababawasan ang pagiging nakababagabag ng iyong buhay? (Mababawasan na nga.) Hindi ba’t magiging mas madali na sa iyo na tingnan ang mga tao at bagay, umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan mo ay ang katotohanan? (Mas madali na nga.) Magiging mas madali na ito. Nakikita Ko na abalang-abala kayong lahat sa inyong mga tungkulin araw-araw. Maliban sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, kailangan din ninyong magbahaginan tungkol sa katotohanan araw-araw, magbasa, makinig, magkabisa, at magsulat. Gumugugol kayo ng maraming oras at lakas, nagbabayad kayo ng malaking halaga, labis kayong nagdurusa, at marahil ay nakauunawa kayo ng maraming doktrina. Gayunpaman, pagdating sa pagganap sa inyong tungkulin, nakalulungkot na hindi ninyo naisasagawa ang katotohanan at hindi ninyo nauunawaan ang mga prinsipyo. Nakapakinig na kayo at nakapagbahaginan ng iba’t ibang aspeto ng katotohanan nang maraming beses, pero kapag may nangyayari sa inyo, hindi ninyo alam kung paano danasin, isagawa, o gamitin ang mga salita ng Diyos. Hindi ninyo alam kung paano isasagawa ang katotohanan; kailangan pa rin ninyong maghanap at makipagdiskusyon sa iba. Bakit napakatagal bago mag-ugat ang mga salita ng Diyos sa puso ng isang tao? Bakit napakahirap na maunawaan ang katotohanan at kumilos alinsunod sa mga prinsipyo sa pamamagitan ng Kanyang mga salita? Hindi maipagkakaila na ang isang pangunahing dahilan nito ay ang malaking impluwensya ng tradisyonal na kultura sa mga tao. Umokupa ito ng mahalagang posisyon sa puso ng mga tao sa loob ng napakahabang panahon, at kinokontrol nito ang iniisip at utak ng mga tao. Binibigyang-laya ng tradisyonal na kultura ang mga tiwaling disposisyon ng tao; panatag ang loob nila sa paglalantad sa mga ito, gaya ng isang tagakatay sa isang kutsilyo, gaya ng isang isda sa tubig. Hindi ba’t ganito nga iyon? (Ganito nga.) Malapit na nakaugnay ang tradisyonal na kultura sa mga tiwaling disposisyon ng tao. Nagtutulungan ang mga ito at pinagtitibay ang isa’t isa. Kapag nagtagpo ang mga tiwaling disposisyon at ang tradisyonal na kultura, gaya ng isang isda sa tubig, nagagawa ng mga ito na ipakita ang buong kakayahan ng mga ito. Minamahal at kinakailangan ng mga tiwaling disposisyon ang tradisyonal na kultura. Kaya, sa loob ng libu-libong taon na pangongondisyon ng tradisyonal na kultura, lalo nang lumalim ang pagtiwali ni Satanas sa tao, at lalo nang lumala nang lumala at lumaki nang lumaki ang mga tiwaling disposisyon ng tao. Sa likod ng pagbabalat-kayo at pagpapanggap nito, ang mga disposisyong ito ay hindi lang lalong lumala, kundi lalo ring napagtakpan. Ang mga disposisyon gaya ng kayabangan, panlilinlang, kasamaan, pagmamatigas, at pagtutol sa katotohanan ay lalong natatago at napagtatakpan—nalalantad ang mga ito sa mga mas tusong pamamaraan, na nagpapahirap sa mga tao na matukoy ang mga ito. Kaya, sa ilalim ng pangongondisyon, pagtuturo, panlilihis, at pagkontrol ng tradisyonal na kultura, ano na ang unti-unting nangyari sa mundo ng sangkatauhan? Naging mundo na ito ng mga demonyo. Hindi namumuhay ang mga tao na parang mga tao; wala silang wangis ng tao o pagkatao. Gayunpaman, ang mga taong kumakapit sa tradisyonal na kultura, na matagal nang nadoktrina, napasok, at nasakop nito ay lalo nang nagiging tiwala sa sarili nilang kadakilaan, karangalan, at kagitingan. Sobrang laki ng ego nila; wala sa kanila ang nag-iisip na sila ay hindi mahalaga, na sila ay walang silbi, na sila ay hamak lamang na nilikha. Wala sa kanila ang handang maging normal na tao; nais nilang lahat na maging sikat, maging dakila, maging pantas. Sa ilalim ng pangongondisyon ng tradisyonal na kultura, bukod sa nais ng mga tao na malampasan ang kanilang sarili—nais din nilang malampasan ang buong mundo at ang buong sangkatauhan. Narinig mo ang awit na kinakanta ng mga walang pananampalataya, “Nais kong lumipad nang mas mataas, lumipad nang mas mataas,” at ang isa pang awitin na, “Ako ay munting ibon lamang, nais kong lumipad, ngunit hindi ako makalipad nang mataas.” Hindi ba’t walang katwiran ang mga salitang ito, at walang anumang pagkatao at katinuan? Hindi ba’t ang mga ito ang garapal na pag-alulong ni Satanas? (Gayon nga.) Ang mga ito ang tunog ng hibang na alulong ni Satanas. Kaya paano man ito tingnan ng isang tao, matagal nang tumagos sa puso ng tao ang lason ng tradisyonal na kultura, at hindi ito isang bagay na maiwawaksi sa magdamag. Hindi ito kasingdali ng pagwawagi laban sa isang personal na kakulangan o masamang gawi—dapat mong tuklasin ang iyong mga iniisip, pananaw, at tiwaling disposisyon, at puksain ang nakalalasong ugat ng tradisyonal na kultura sa buhay mo alinsunod sa katotohanan. Pagkatapos, kailangan mong tingnan ang mga tao at bagay, umasal at kumilos ayon sa mga salita at hinihingi ng Diyos, at na gawing buhay mo ang katotohanan at ang Kanyang mga salita. Sa paggawa lamang nito tunay mong matatahak ang tamang landas sa pagsunod sa Diyos at pananalig sa Kanya.
Marami na tayong nagawa upang suriin at ibunyag ang paksa ng tradisyonal na kultura, at mahaba na ang naging pagbabahaginan natin tungkol dito. Gaano karaming beses man tayo magbahaginan tungkol dito, o gaano katagal man tayo magbahaginan, nananatili pa rin ang layon na lutasin ang iba’t ibang paghihirap na lumilitaw habang hinahangad ng mga tao ang katotohanan, o ang iba’t ibang paghihirap at problema na umiiral sa kanilang buhay pagpasok. Ang pakay ay alisin ang lahat ng harang, balakid at paghihirap—sa mga ito, ang nangingibabaw ay ang iba’t bang pahayag, ideya, at pananaw ng tradisyonal na kultura—na humahadlang sa mga tao na mahangad ang katotohanan. Sa ngayon, natapos na talaga natin ang ating pagbabahaginan sa paksa ng tradisyonal na kultura. Kung gayon, natapos na ba tayong magbahaginan sa mga paksa na nauugnay sa paghahangad ng katotohanan? (Hindi pa.) Ang pagbabahaginan at pagsusuri ba natin sa tradisyonal na kultura ay nauugnay sa paghahangad sa katotohanan? (Oo.) Nauugnay ito sa paghahangad sa katotohanan. Ang tradisyonal na kultura ang pinakamalaking paghihirap na kinakaharap ng mga tao sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Ngayong tapos na tayo sa pagbabahaginan tungkol sa tradisyonal na kultura—ang pinakamalaking balakid sa paghahangad ng tao sa katotohanan—ngayong araw ay magbabahaginan tayo sa tanong na, “Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan?” Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan? Nakapagbahaginan na ba tayo tungkol sa tanong na ito dati? Bakit dapat tayong magbahaginan tungkol dito? Mahalagang tanong ba ito? (Oo.) Bakit ito mahalaga? Ibahagi ninyo ang inyong mga naiisip. (Sa pagkaunawa ko ay direktang nauugnay ang paghahangad sa katotohanan sa kaligtasan ng tao. Dahil lahat tayo ay may malulubhang tiwaling disposisyon, at nadoktrinahan at malalim nang nalason ng tradisyonal na kultura simula pa noong bata tayo, kailangan nating hangarin ang katotohanan, kung hindi ay hindi natin makikilatis ang mga negatibong bagay na nagmumula kay Satanas. Hindi rin natin maisasagawa ang katotohanan, at hindi natin malalaman kung paano kikilos nang positibo at nang naaayon sa mga kalooban ng Diyos. Wala tayong magagawa kundi kumilos at umasal nang alinsunod sa ating mga tiwaling disposisyon. Kung ganito nananalig ang isang tao sa Diyos, sa huli, siya ay magiging isang buhay na Satanas pa rin, hindi isang tao na ililigtas ng Diyos. Samakatuwid, napakahalaga ng paghahangad sa katotohanan. Dagdag pa rito, malilinis lamang ang ating mga tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan; ito rin ang tanging paraan para itama ang ating mga maling ideya tungkol sa kung paano natin dapat tingnan ang mga tao at bagay, at kung paano tayo dapat umasal at kumilos. Pagkatapos maunawaan at makamit ng isang tao ang katotohanan, saka lamang niya magagawa nang mahusay ang kanyang tungkulin at saka lamang siya magiging isang taong nagpapasakop sa Diyos. Kung hindi, hindi sadya na susundin niya ang kanyang mga tiwaling disposisyon upang gumawa ng mga bagay-bagay sa kanyang mga tungkulin na gumagambala at gumugulo sa gawain ng iglesia.) Dalawang punto ang sinabi mo. Ano ang tanong Ko? (Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan?) Simpleng tanong ba iyon? Kung pakikinggan ay isa itong tanong na simple at may sanhi-at-bunga. Tingin ba ninyong lahat, ang paghahangad sa katotohanan ay, sa isang banda, nauugnay sa kaligtasan ng tao, at sa kabilang banda, sa hindi paglikha ng mga paggambala at panggugulo? (Oo.) Kapag ganyan ang pagkakasabi mo, simple nga lang kung pakikinggan ang tanong. Ganoon nga ba talaga ito kasimple? Ibahagi ninyo ang mga opinyon ninyo. (Sa tingin ko, ang tanong na “Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan?” ay mas simpleng masasagot mula sa isang teoretikal na pananaw, ngunit kapag kinasasangkutan ito ng aktwal na pagsasagawa at pagpasok sa realidad, hindi na ito simple.) “Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan?”—ilang tanong ang nasasaklawan nito? Nasasaklawan nito ang mga tanong na gaya ng kung ano ang kabuluhan ng paghahangad sa katotohanan, kung ano ang mga dahilan nito—ano pa? (Ang kahalagahan ng paghahangad sa katotohanan.) Tama iyan: Saklaw rin nito ang kahalagahan ng paghahangad sa katotohanan; kasama rito ang mga katanungang ito. Kung isasaalang-alang ang mga bagay na ito, simple ba ang tanong na “Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan?” (Hindi.) Pag-isipang muli ang tanong na “Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan?” batay sa mga bagay na iyon. Una, magbalik-tanaw muna kayo, ano ang ibig sabihin ng paghahangad sa katotohanan? Paano ito bibigyang-kahulugan? (Ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan.) Tama ba iyon? May kulang kayong salita, ang salitang “ganap.” Basahin ninyo itong muli. (“Ang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan.”) Ang tanong na “Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan?” ay nauugnay sa mga pagtingin ng mga tao sa mga tao at bagay, at sa kanilang asal at kilos. Tungkol ito sa kung paano dapat tingnan ng mga tao ang mga bagay at tao, kung paano sila dapat umasal at kumilos; at kung bakit dapat nilang tingnan ang mga bagay at tao, gayundin kung bakit dapat silang umasal at kumilos, nang ganap na alinsunod sa mga salita ng Diyos at gamit ang katotohanan bilang kanilang pamantayan. Bakit nila dapat hangarin ang ganitong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay—hindi ba’t ito ang ugat ng tanong na ito? Hindi ba’t ito ang pangunahing katanungan? (Ito nga.) Naunawaan na ninyo ngayon ang pinakapunto ng tanong na ito. Balikan natin ang mismong tanong, “Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan?” Hindi simple ang tanong na ito. Saklaw nito ang kabuluhan at halaga ng paghahangad sa katotohanan, at may isa pa itong aspeto na napakahalaga: Batay sa diwa at likas na gawi ng sangkatauhan, kailangan nila ang katotohanan bilang buhay nila, kaya dapat nila itong hangarin. Natural na nauugnay rin ito sa kinabukasan at kaligtasan ng sangkatauhan. Sa madaling salita, ang paghahangad sa katotohanan ay nauugnay sa pagliligtas sa mga tao at sa pagbabago ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Natural na nauugnay rin ito sa iba’t ibang bagay na ipinamumuhay ng mga tao, sa kanilang mga ipinapakita, at sa kanilang mga pag-uugali sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Kung hindi hahangarin ng mga tao ang katotohanan, tumpak na masasabi na wala silang tsansang mailigtas. Kung hindi hahangarin ng mga tao ang katotohanan, may isandaang porsyentong posibilidad na nilalabanan, ipinagkakanulo, at tinatanggihan nila ang Diyos. May posibilidad na labanan at ipagkanulo nila ang Diyos anumang oras at saanmang lugar, at natural na may posibilidad na guluhin nila ang gawain ng iglesia at ng sambahayan ng Diyos, o may posibilidad na gumawa sila ng isang bagay na makakagulo o makakaantala anumang oras at saanmang lugar. Ang mga ito ay ilan sa mga pinakasimple, at pinakabatayang dahilan kung bakit dapat hangarin ng mga tao ang katotohanan na makikita at mauunawaan sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Pero ngayong araw, magbabahaginan lang tayo sa ilang mahalagang bahagi ng tanong na, “Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan?” Nakapagbahaginan na tayo sa mga pinakapangunahing aspeto ng katanungang ito, na siyang naunawaan at kinilala ng mga tao bilang usapin ng doktrina, kaya ngayong araw ay hindi tayo magbabahaginan tungkol sa mga batayan at simpleng katanungan na iyon. Sasapat nang magbahaginan tayo sa ilang pangunahing elemento. Bakit tayo nagbabahaginan sa paksa ng paghahangad sa katotohanan? Malinaw na may ilan pang mahalagang katanungang nakapaloob dito, mga katanungang hindi lubos na maunawaan ng mga tao, at hindi nila alam, at hindi nila maarok, subalit nangangailangan ang mga katanungang ito ng kanilang pag-intindi at pagkaunawa.
Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan? Hindi tayo magsisimula sa mga batayang aspeto nito na naaarok at nauunawaan na ng mga tao, hindi rin tayo magsisimula sa doktrinang nalalaman na ng mga tao. Kaya, saan tayo magsisimula? Dapat tayong magsimula sa ugat ng tanong na ito, sa plano ng pamamahala ng Diyos at mga kalooban ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng pagsisimula sa ugat ng tanong? Nangangahulugan ito na magsisimula tayo sa plano ng pamamahala ng Diyos, at sa paglikha ng Diyos sa sangkatauhan. Buhat nang magkaroon ng mga tao, buhat nang ang isang buhay na nilalang—ang nilikhang sangkatauhan—ay tumanggap ng hininga mula sa Diyos, pinlano na ng Diyos na magkamit ng isang grupo mula sa kanilang hanay. Ang grupong ito ay magagawang maintindihan, maunawaan, at masunod ang Kanyang mga salita. Magagawa nilang maging mga tagapangasiwa para sa lahat ng bagay, sa iba’t ibang nilikha ng Diyos, sa mga halaman, hayop, kagubatan, karagatan, ilog, lawa, kabundukan, batis, kapatagan, at iba pa, nang alinsunod sa Kanyang mga salita. Pagkatapos gawin ng Diyos ang planong ito, nagsimula na Siyang umasa sa sangkatauhan. Umaasa Siya na balang araw ay magagawa ng mga tao na maging mga tagapangasiwa para sa sangkatauhang ito, para sa lahat ng bagay na umiiral sa mundo, at sa iba’t ibang nilalang na namumuhay kasama nila, at na magagawa nila ito sa maayos na paraan, nang alinsunod sa mga pamamaraan, panuntunan, at batas na inilatag Niya. Bagamat nabuo na ng Diyos ang planong ito at ang mga inaasahang ito, ang Kanyang pinakalayon ay matatagalan pa bago makamit. Hindi ito isang bagay na maisasakatuparan sa loob ng sampu o dalawampung taon, o sa loob ng isa o dalawang daang taon, at tiyak na hindi sa loob ng isa o dalawang libong taon. Aabutin ito ng anim na libong taon. Sa panahon ng prosesong ito, kailangang maranasan ng sangkatauhan ang iba’t ibang kapanahunan at ang iba’t ibang yugto ng gawain ng Diyos. Dapat nilang maranasan ang paggalaw ng mga bituin sa kalangitan, ang pagkatuyo ng mga karagatan at ang pagguho ng mga bato, kailangan nilang makaranas ng malaking pagbabago. Mula sa pinakauna at pinakamaliit na populasyon ng tao, nakaranas na ang sangkatauhan ng malalaking tagumpay at paghihirap, at mga hindi kanais-nais na pagbabago at pagpihit ng mundong ito, at pagkatapos nilang maranasan ito, unti-unti nang dumami ang mga tao at unti-unti nang nagtamo ng mga karanasan, at ang agrikultura, ekonomiya, at pamamaraan ng pamumuhay at pananatiling buhay ng sangkatauhan ay unti-unting nagbago at nagpausbong sa mga bagong kaparaanan. Kapag narating na ang isang partikular na yugto at isang partikular na kapanahunan, saka lamang maaabot ng mga tao ang antas kung saan sila ay hahatulan, kakastiguhin, at lulupigin ng Diyos, at kung saan ipapahayag sa kanila ng Diyos ang katotohanan, ang Kanyang mga salita, at ang Kanyang mga kalooban. Upang maabot ang antas na ito, marami nang naranasang malaking pagbabago ang sangkatauhan, gayundin ang lahat ng bagay sa mundong ito. Natural na naganap na rin ang malalaking pagbabago sa kalangitan at sa kalawakan. Ang serye ng mga pagbabagong ito ay unti-unting naganap at nakita kasabay ng pamamahala ng Diyos. Inabot nang matagal na panahon para maabot ng mga tao ang punto kung saan nakalapit na sila sa Diyos at natanggap ang Kanyang panlulupig, paghatol, at pagkastigo, at ang panustos ng Kanyang mga salita. Pero ayos lang iyon; makapaghihintay ang Diyos, dahil iyon ang plano ng Diyos, at iyon ang Kanyang ninanais. Kailangang maghintay ang Diyos nang mahabang panahon para sa Kanyang plano at ninanais. Hanggang sa kasalukuyan, tunay ngang napakatagal na Niyang naghihintay.
Pagkatapos danasin ng sangkatauhan ang kanilang unang yugto ng kamangmangan, maling akala, at pagkalito, inakay sila ng Diyos tungo sa Kapanahunan ng Kautusan. Bagamat nakapasok na sa bagong kapanahunan ang sangkatauhan, isang kapanahunan sa plano ng pamamahala ng Diyos, bagamat ang mga tao ay hindi na namumuhay ng buhay na walang pagpipigil at walang disiplina na gaya ng mga kawan ng tupa, bagamat nakapasok na sila sa isang kapaligiran para sa kanilang buhay na may patnubay, pagtuturo, at pagtatakda ng kautusan, ang alam lang ng mga tao ay ilang simpleng bagay na itinuro, sinabi, o ipinaalam sa kanila ng kautusan, o na kilala na sa saklaw ng buhay ng tao: Halimbawa, kung ano ang pagnanakaw, o kung ano ang pakikiapid, kung ano ang pagpatay, kung paano mapapanagot ang mga tao para sa pagpatay, kung paano makikitungo sa kapwa, kung paano mapapanagot ang mga tao sa paggawa ng kung ano-ano. Ang sangkatauhan ay nagmula sa kanilang mga pansimulang sitwasyon, kung saan wala silang nalalaman at nauunawaan, tungo sa pagkatuto ng ilang simple at mahalagang kautusan ng asal ng tao na ipinaalam sa kanila ng Diyos. Pagkatapos iproklama ng Diyos ang mga kautusang ito, alam ng mga taong namumuhay sa ilalim ng kautusan na dapat silang sumunod sa mga tuntunin at tumalima sa kautusan, at sa kanilang isipan at kaloob-looban, ang kautusan ay nagsilbing pampigil at patnubay sa kanilang asal, at ang sangkatauhan ay nagkaroon ng pansimulang wangis ng tao. Naunawaan ng mga taong ito na dapat silang sumunod sa ilang tuntunin at tumalima sa ilang kautusan. Gaano man sila kahusay na sumunod sa mga ito o gaano man sila kahigpit na tumalima sa mga ito, ano’t anuman, mas may wangis ng tao ang mga taong ito kaysa sa mga tao bago nagkaroon ng kautusan. Sa usapin ng kanilang pag-uugali at buhay, kumilos at namuhay sila ayon sa mga partikular na pamantayan, at nang may mga partikular na pagpipigil. Hindi na sila gaanong nalilito at mangmang na gaya ng dati, at hindi na gaya ng dati na walang-wala silang mga mithiin sa buhay. Nag-ugat at umokupa ng partikular na posisyon sa kanilang puso ang mga kautusan ng Diyos, at ang lahat ng pahayag na idineklara ng Diyos sa kanila. Hindi na naguguluhan ang sangkatauhan kung ano ang dapat nilang gawin; hindi na sila nabubuhay nang walang mithiin, direksyon, o pagpipigil. Sa kabila nito, malayo pa rin sila sa pagiging mga taong pinaplano at ninanais ng Diyos. Malayo pa rin sila sa pagkakaroon ng kakayahan na kumilos bilang mga dalubhasa sa lahat ng bagay. Kailangan pa rin ng Diyos na maghintay at maging mapagtimpi. Bagamat alam ng mga taong nabubuhay sa ilalim ng kautusan na dapat nilang sambahin ang Diyos, ginagawa lamang nila ito bilang isang bagay na nakagawian na. Ang posisyon at imahe ng Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso ay ibang-iba sa tunay na identidad at diwa ng Diyos. Kaya, hindi pa rin sila ang mga nilikha na ninanais ng Diyos, at hindi pa rin sila ang mga taong Kanyang inilalarawan sa isip, na mga taong may kakayahang magsilbing mga tagapangasiwa ng lahat ng bagay. Sa kaibuturan ng kanilang puso, ang diwa, identidad, at katayuan ng Diyos ay ang sa Tagapamuno ng sangkatauhan, at ang mga tao ay mga nasasakupan o tagatanggap lamang ng Tagapamuno na iyon, wala nang iba pa. Kaya, kailangan pa ring akayin ng Diyos ang mga taong ito, na nabubuhay sa ilalim ng kautusan at nalalaman lamang ang kautusan, na patuloy sumulong. Walang ibang nauunawaan ang mga taong ito kundi ang kautusan; hindi nila alam kung paano magsilbing mga tagapangasiwa ng lahat ng bagay; hindi nila alam kung sino ang Diyos; at hindi nila alam ang tamang paraan ng pamumuhay. Hindi nila alam kung paano umasal at mamuhay nang alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, hindi rin nila alam kung paano mabuhay nang may higit na kabuluhan kaysa dati, o kung ano ang dapat hangarin ng mga tao sa kanilang buhay, at iba pa. Ganap na mangmang sa mga bagay na ito ang mga taong nabubuhay sa ilalim ng kautusan. Maliban sa kautusan, walang alam ang mga taong ito sa mga hinihingi ng Diyos, sa katotohanan, o sa mga salita ng Diyos. Dahil ganito nga ang kalagayan, kailangang patuloy na pagpasensyahan ng Diyos ang sangkatauhan habang sila ay nabubuhay sa ilalim ng kautusan. Malaki na ang iniunlad ng mga taong ito kumpara sa mga tao na nabuhay bago sila—kahit paano ay nauunawaan nila kung ano ang kasalanan, at na dapat silang tumalima at sumunod sa kautusan, at mamuhay sa ilalim ng balangkas ng kautusan—pero malayong-malayo pa rin sila sa mga hinihingi ng Diyos. Gayunpaman, sabik pa rin na umaasa at naghihintay ang Diyos.
Dahil sa pag-unlad ng mga kapanahunan, sa pag-unlad ng sangkatauhan, sa mga pangangasiwa ng lahat ng bagay, at sa pagsasaayos ng mga kamay ng Diyos at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, patnubay, at pamumuno, sumusulong na nang sumusulong ang sangkatauhan, ang lahat ng bagay, at ang mismong sansinukob. Ang sangkatauhan sa ilalim ng kautusan, matapos mapigilan ng kautusan sa loob ng libo-libong taon, ay hindi na nakapagtaguyod sa kautusan, at sinundan nila ang gawain ng Diyos sa sumunod na kapanahunan, na pinasimulan ng Diyos—ang Kapanahunan ng Biyaya. Sa pagdating ng Kapanahunan ng Biyaya, sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain batay sa katunayang nagpadala Siya ng mga propeta upang hulaan ito. Ang yugtong ito ng gawain ay hindi kasinglumanay o kasingkapanapanabik gaya ng iniisip ng mga tao sa kanilang mga kuru-kuro, hindi rin ito kasingsarap sa pakiramdam na gaya ng inakala nila; sa halip, sa panlabas, mukhang lahat ng bagay ay sumasalungat sa propesiya. Mula sa mga kondisyong ito ay lumitaw ang isang katunayan na hindi kailanman aakalain ng mga tao: ang katunayan ng pagkapako sa krus ng katawan kung saan nagkatawang—tao ang Diyos—ang Panginoong Jesus. Ang lahat ng ito ay lampas sa inakala ng tao. Sa panlabas, ang lahat ng ito ay tila malupit at madugong kaganapan, nakahihindik na makita, ngunit ito ang simula ng pagtatapos ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan at pagsisimula ng bagong kapanahunan. Ang bagong kapanahunan na ito ay ang Kapanahunan ng Biyaya na alam na ninyong lahat ngayon. Tila sinasalungat ng Kapanahunan ng Biyaya ang mga propesiya ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan. Tiyak na dumating din ito sa anyo ng pagkapako sa krus ng katawang-tao ng Diyos. Ang lahat ng kaganapang ito ay nangyari nang sobrang biglaan at sobrang natural, sa ilalim ng mga napapanahong kondisyon. Gayon ang mga pamamaraang ginamit ng Diyos upang tapusin ang lumang kapanahunan at simulan ang isang bagong kapanahunan. Bagamat ang lahat ng nangyari sa pinakasimula ng kapanahunang ito ay napakalupit at napakamadugo, at kahindik-hindik, at biglaan, at wala sa mga ito ang kasingganda o kasinglumanay na gaya ng inakala ng tao—bagamat ang panimulang eksena ng Kapanahunan ng Biyaya ay nakaririmarim na makita at nakadudurog ng puso, ano ang nag-iisang bagay rito na nararapat na ipagdiwang? Ang katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan ay nangangahulugan na hindi na kailangan pang pagpasensyahan ng Diyos ang iba’t ibang pag-uugali ng sangkatauhan sa ilalim ng kautusan; nangangahulugan ito na malaki na ang naging pagsulong ng sangkatauhan, na naaayon sa gawain at plano ng Diyos, patungo sa bagong kapanahunan. Siyempre, nangangahulugan din ito na napaiksi ang panahon ng paghihintay ng Diyos. Pumasok na sa bagong kapanahunan ang sangkatauhan, na nangangahulugang malaki na ang naging pag-usad ng gawain ng Diyos, at na sa pagsulong ng Kanyang gawain ay unti-unting matutupad ang Kanyang ninanais. Hindi masyadong kaaya-aya ang simula ng Kapanahunan ng Biyaya, ngunit para sa Diyos, ang sangkatauhan na malapit nang lumitaw, na siyang sangkatauhan na Kanyang ninanais, ay papalapit na nang papalapit sa Kanyang mga hinihingi at minimithi. Nakatutuwa at kapuri-puri ang bagay na ito, isang bagay na nararapat na ipagdiwang. Bagamat ipinako ng sangkatauhan ang Diyos sa krus, na labis na nakalulungkot na makita para sa tao, ang mismong sandali ng pagkapako ni Cristo sa krus ay nangangahulugan na ang susunod na kapanahunan ng Diyos—ang Kapanahunan ng Biyaya—ay dumating na, at na siyempre, ang gawain ng Diyos sa kapanahunang iyon ay malapit nang magsimula. Higit pa roon, nangangahulugan ito na naisakatuparan na ang dakilang gawain ng pagkakatawang-taong iyon ng Diyos. Haharap ang Diyos sa mga tao ng mundo bilang ang nagwagi, nang may bagong pangalan at imahe, at ang mga nilalaman ng Kanyang bagong gawain ay bubuksan at ihahayag sa sangkatauhan. Samantala, sa bahagi naman ng sangkatauhan, hindi na sila patuloy na maliligalig ng madalas na paglabag sa kautusan, hindi na rin sila maparurusahan ng kautusan dahil sa paglabag nila rito. Ang pagdating ng Kapanahunan ng Biyaya ay nagtulot sa sangkatauhan na malampasan ang dating gawain ng Diyos at makapasok sa bagong kapaligiran ng gawain, nang may mga bagong hakbang at may bagong kaparaanan sa gawain. Tinulutan nito ang sangkatauhan na magkaroon ng bagong pagpasok at bagong buhay, at siyempre, tinulutan nitong magkaroon ng mas malapit na ugnayan ang Diyos at ang tao. Dahil sa pagkakatawang-tao ng Diyos, maaari nang personal na makaharap ng tao ang Diyos. Narinig ng tao ang aktwal at tunay na tinig at mga salita ng Diyos; nakita ng tao ang pamamaraan ng Kanyang gawain, gayundin ang Kanyang disposisyon at iba pa. Narinig ng mismong tainga at nakita ng mismong mata ng tao ang lahat ng aspeto nito; malinaw nilang naranasan na ang Diyos ay tunay na ngang pumarito sa piling ng mga tao, na tunay na ngang personal na humaharap ang Diyos sa tao, na tunay ngang pumarito ang Diyos upang mamuhay kasama ng sangkatauhan. Bagamat ang panahon ng gawain ng Diyos sa pagkakatawang-taong iyon ay hindi matagal, binigyan nito ang sangkatauhan noong panahong iyon ng matatag at matibay na karanasan ng kung ano ang tunay na pakiramdam na mamuhay ang tao kasama ng Diyos. At bagamat ang mga nakaranas ng gayong mga bagay ay hindi iyon naranasan sa loob ng mahabang panahon, maraming sinabi ang Diyos noong panahong iyon ng Kanyang pagkakatawang-tao, at napakapartikular ng mga salitang iyon. Marami rin Siyang ginawang gawain, at maraming tao ang sumunod sa Kanya. Tuluyang tinapos ng sangkatauhan ang kanilang buhay sa ilalim ng kautusan ng lumang kapanahunan at pinasok ang ganap na bagong kapanahunan: ang Kapanahunan ng Biyaya.
Nang makapasok na sa bagong kapanahunan, ang sangkatauhan ay hindi na namuhay pa sa ilalim ng mga paghihigpit ng kautusan, kundi sa ilalim na ng mga bagong hinihingi at mga bagong salita ng Diyos. Dahil sa mga bagong salita at mga bagong hinihingi ng Diyos, nagkaroon ng bagong buhay ang sangkatauhan na naiiba ang anyo, isang buhay kung saan ang pananalig sa Diyos ay may ibang anyo at nilalaman. Kung ikukumpara sa dating buhay sa ilalim ng kautusan, ang buhay na ito ay mas malapit sa mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos sa tao. Naglatag ang Diyos ng mga bagong utos para sa sangkatuhan, at naglatag Siya ng mga bagong pamantayan sa pag-asal ng sangkatauhan na mas tumpak at mas naaayon sa sangkatauhan noong panahong iyon, pati rin ng mga batayan at prinsipyo para sa pagtingin ng tao sa mga tao at bagay, at para sa kanilang pag-asal at pagkilos. Ang mga salitang binigkas Niya noon ay hindi kasing detalyado ng mga salita Niya ngayon, hindi rin ito kasingdami ng mga salita Niya ngayon, subalit para sa tao noon, na kalalabas lamang sa ilalim ng kautusan, sapat na ang mga salita at mga hinihinging iyon. Sa tayog at kakayahan ng mga tao noong panahong iyon, ito lamang ang mga bagay na matutupad at makakamit nila. Halimbawa, sinabihan ng Diyos ang mga tao na maging mapagpakumbaba, mapagtimpi, mapagparaya, na magtiis ng paghihirap at iba pa; ang mga ito ay pawang mas partikular na hinihingi ng Diyos sa tao pagkatapos ng kautusan, ang mga ito ay tumutukoy sa kung paano dapat isabuhay ang pagkatao. Bukod pa roon, ang tao, na namuhay sa ilalim ng kautusan, ay nagtamasa ng marami at tuloy-tuloy na mga biyaya, pagpapala, at iba pang bagay mula sa Diyos dahil sa pagdating ng Kapanahunan ng Biyaya. Sa kapanahunang iyon, ang sangkatauhan ay namumuhay nang sobrang maginhawa. Ang lahat ay masaya, at silang lahat ay pinakamamahal at inalagaan ng Diyos na parang mga sanggol sa Kanyang mga bisig. Kinailangan nilang sundin ang mga utos, at magkaroon ng ilang mabuting pag-uugali, mga pag-uugali na alinsunod sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, pero para sa sangkatauhan, mas labis na nilang natatamasa ang biyaya ng Diyos. Halimbawa, gumaling ang mga sakit ng mga tao na sanhi ng pagsapi ng demonyo, at napalayas ang masasamang demonyo at espiritu na nasa loob nila. Kapag may problema o pangangailangan ang mga tao, nagiging maluwag sa kanila ang Diyos at nagpapakita Siya ng mga tanda at kababalaghan, upang magamot ang iba’t iba nilang sakit, at masisiyahan ang kanilang laman, at sila ay mapapakain at mabibihisan. Napakarami ng biyaya at pagpapalang tinatamasa ng mga tao noong panahong iyon. Maliban sa simpleng pagsunod sa mga utos, ang pinakanararapat gawin ng sangkatauhan ay maging mapagtimpi, mapagparaya, mapagmahal, at iba pa. Walang kamalayan ang tao sa anumang bagay na lagpas sa katotohanan o sa mga hinihingi ng Diyos sa tao. Dahil ang mga tao ay ganap na nakatuon sa pagtatamasa ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos, at dahil sa pangako ng Panginoong Jesus sa tao noong panahong iyon, naging gawi na ng tao na tamasahin ang pagpapala ng Diyos, hindi naisip na may katapusan iyon. Inakala ng sangkatauhan na kung mananalig sila sa Diyos, dapat nilang matamasa ang biyaya ng Diyos, na nararapat lamang iyon sa kanila. Gayunpaman, hindi nila alam na dapat nilang sambahin ang Panginoon ng paglikha, o na akuin ang katayuan ng isang nilikha, at tuparin ang tungkulin ng isang nilikha, at na sila ay dapat na maging isang mabuting nilikha. Hindi rin nila alam kung paano magpasakop sa Diyos, o paano maging tapat sa Kanya, o kung paano tanggapin ang Kanyang mga salita at gamitin ang mga ito bilang batayan sa kanilang pagtingin sa mga tao at bagay, at sa kanilang pag-asal at mga pagkilos. Labis na ignorante ang tao sa gayong mga bagay. At bukod sa pagtatamasa ng mga biyaya ng Diyos, nais din ng tao na makapasok sila sa langit pagkatapos mamatay, gaya ng kanilang inaasahan, at doon ay magtamasa ng magagandang pagpapala kasama ang Panginoon. Higit pa rito, ang sangkatauhan na nabuhay sa Kapanahunan ng Biyaya, na nabuhay sa gitna ng mga biyaya at pagpapala, ay nagkamali sa kanilang pag-aakala na ang Diyos ay isang maawain, mapagmahal lang na Diyos, na ang Kanyang diwa ay awa at mapagmahal na kabaitan, at wala nang iba pa. Para sa kanila, ang awa at mapagmahal na kabaitan ay sumisimbolo sa pagkakakilanlan, katayuan, at diwa ng Diyos; ang kahulugan ng katotohanan, daan, at buhay para sa kanila ay ang mga biyaya at pagpapala ng Diyos, o marahil ay isang paraan ng pagpasan ng krus at pagtahak sa landas ng krus. Ito lamang ang kaalaman at oryentasyon ng mga tao sa Diyos noong Kapanahunan ng Biyaya, ito rin ang kanilang oryentasyon at kaalaman sa sangkatauhan at sa mismong mga tao. Kaya, upang matukoy ang mga dahilan at ang ugat: Ano nga ba mismo ang nagsanhi ng mga sitwasyong ito? Walang dapat sisihin. Hindi mo maaaring sisihin ang Diyos sa hindi Niya paggawa o pagsalita nang mas kongkreto at mas komprehensibo, at hindi mo rin maaaring ipasa ang responsabilidad sa tao. Bakit? Ang tao ay kabilang sa nilikhang sangkatauhan, isang nilikha. Ang tao ay nagmula sa kautusan at dumating sa Kapanahunan ng Biyaya. Ilang taon man ang karanasan ng tao sa gawain ng Diyos habang umuusad ito, ang ipinagkaloob ng Diyos sa tao, ang Kanyang ginawa, ay ang siyang makakamit at malalaman ng tao. Pero labas doon, walang kakayahan ang sangkatauhan na maunawaan o malaman ang mga hindi ginawa ng Diyos, ang hindi Niya sinabi, at ang hindi Niya inihayag. Gayunpaman, kung titingnan ang obhetibong sirkumstansiya at ang buong sitwasyon, nang dumating ang sangkatauhan, na umusad sa loob ng libu-libong taon, sa Kapanahunan ng Biyaya, limitado lang doon ang kanilang pag-unawa, at limitado lang din doon ang gawain ng Diyos. Ito ay dahil ang kailangan ng sangkatauhan, na lumitaw mula sa batas, ay hindi ang makastigo o mahatulan, ni ang malupig, at lalong hindi ang maperpekto. Isa lamang ang kailangan ng sangkatauhan noong panahong iyon. Ano iyon? Isang handog para sa kasalanan, ang mahalagang dugo ng Diyos. Ang mahalagang dugo ng Diyos—ang handog para sa kasalanan na iyon ay ang tanging kinailangan ng sangkatauhan nang sila ay umalis sa Kapanahunan ng Kautusan. Kaya, sa panahong iyon, dahil sa mga pangangailangan at aktuwal na sitwasyon ng sangkatauhan, ang gawaing kinailangang gawin ng Diyos noon ay ang ialay ang mahalagang dugo ng sarili Niyang katawang-tao bilang handog para sa kasalanan. Iyon lamang ang tanging paraan para matubos ang sangkatauhan na namumuhay sa ilalim ng batas. Gamit ang Kanyang mahalagang dugo bilang bayad at bilang handog para sa kasalanan, inalis ng Diyos ang kasalanan ng sangkatauhan. At nang maalis na ang kanilang kasalanan, saka lamang nagkaroon ng katayuan ang tao na humarap sa Diyos nang walang kasalanan, at tanggapin ang Kanyang biyaya at ang Kanyang patuloy na patnubay. Ang mahalagang dugo ng Diyos ay inihandog sa sangkatauhan, at dahil ito ay inihandog para sa sangkatauhan, maaari nang matubos ang sangkatauhan. Ano kaya ang maaaring maunawaan ng sangkatauhan na katutubos pa lang noon? Ano kaya ang kanilang kailangan noon? Hindi magkakaroon ng kakayahan ang sangkatauhan na tumanggap kung sila ay agad na nilupig, hinatulan, at kinastigo. Wala silang gayong kakayahan na tumanggap, ni wala rin sila sa kondisyon para maunawaan ang lahat ng ito. Kaya, bukod sa handog ng Diyos para sa kasalanan, at bukod na rin sa Kanyang biyaya, mga pagpapala, pagpaparaya, pagtitimpi, awa, at mapagmahal na kabaitan, sa kalagayan ng sangkatauhan noong panahong iyon, wala silang kakayahang tumanggap ng higit pa sa iilang simpleng hinihingi ng Diyos sa pag-uugali ng tao. Ang mga iyon lamang, wala nang iba. Para naman sa lahat ng katotohanan na may mas malalim na impluwensiya sa kaligtasan ng tao—kung aling mga maling ideya at pananaw mayroon ang sangkatauhan; anong mga tiwaling disposisyon ang mayroon sila; anong mga diwa ng pagrerebelde laban sa Diyos ang mayroon sila; ano ang diwa ng tradisyonal na kultura na itinataguyod ng sangkatauhan, gaya ng pinagbahaginan natin kamakailan; kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan; at iba pa—walang anumang maunawaan ang sangkatauhan noong panahong iyon. Sa gayong mga sitwasyon, maaari lamang pagsabihan at hingan ng Diyos ang sangkatauhan sa mga pinakasimpleng paraan, sa mga pinakadirektang paraan, gamit ang mga pinakabatayang hinihingi para sa pag-asal. Samakatuwid, ang sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya ay maaaring magtamasa lamang ng biyaya at maaaring magtamasa sa mahalagang dugo ng Diyos nang walang limitasyon bilang handog para sa kasalanan. Gayunpaman, sa Kapanahunan ng Biyaya, naisakatuparan na ang pinakadakilang bagay. At ano iyon? Ang mga kasalanan ng sangkatauhan, na siyang ililigtas ng Diyos, ay napatawad na ng mahalagang dugo ng Diyos. Ito ay isang bagay na nararapat na ipagdiwang; ito ang pinakadakilang bagay na ginawa ng Diyos noong Kapanahunan ng Biyaya. Bagamat napatawad na ang kasalanan ng tao, at hindi na haharap ang tao sa Diyos nang may wangis ng makasalanang laman o bilang isang makasalanan, at sa halip ay napatawad na ang tao sa kanyang mga kasalanan dahil sa handog para sa kasalanan at ngayon ay kuwalipikado nang humarap sa Diyos, ang ugnayan ng tao sa Diyos ay hindi pa rin katulad ng ugnayan ng isang nilikha sa Lumikha. Hindi pa ito ang ugnayan ng isang nilikhang sangkatauhan sa Lumikha. Ang sangkatauhan sa ilalim ng biyaya ay malayong-malayo pa rin sa papel na hinihingi ng Diyos sa kanila, ang maging pinuno at tagapangasiwa ng lahat ng bagay. Kaya, kinailangang maghintay ng Diyos; kinailangan Niyang maging mapagtimpi. Ano ang kahulugan ng paghihintay ng Diyos? Nangangahulugan ito na magpapatuloy ang sangkatauhan noon na mamuhay sa gitna ng mga biyaya ng Diyos, sa gitna ng iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya. Nais ng Diyos na hindi lamang kakaunti ang maliligtas Niya, o na iisang lahi lamang; ang Kanyang pagliligtas ay hinding-hindi limitado sa iisang lahi o iisang denominasyon. Kaya, ang Kapanahunan ng Biyaya ay dapat na danasin sa loob ng libo-libong taon, gaya lamang ng Kapanahunan ng Kautusan. Kinailangan na patuloy na mamuhay ang sangkatauhan sa bagong kapanahunan na pinamumunuan ng Diyos, sa kada taon, at sa kada henerasyon. Ilang panahon ang dapat danasin ng tao sa ganitong paraan—ilang pagbabago sa mga bituin, ilang pagkatuyo ng mga dagat at pagguho ng mga bato, ilang mga karagatan ang magiging matabang lupa, at kailangan nilang danasin ang iba’t ibang pagbabago ng sangkatauhan sa magkakaibang panahon, at ang iba’t ibang pagbabagong nangyayari sa gitna ng maraming bagay sa lupa. At habang dinaranas nila ang lahat ng ito, ang mga salita ng Diyos, ang Kanyang gawain, at ang katunayan ng pagtubos ng Panginoong Jesus sa sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya ay lumalaganap hanggang sa kadulu-kaduluhan ng mundo, sa mga kalsada at eskinita, sa bawat kanto, hanggang sa makilala ang mga ito sa bawat kabahayan. At doon nakatakdang magtapos ang kapanahunang iyon—ang Kapanahunan ng Biyaya, na sumunod sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang gawaing ginawa ng Diyos sa panahong ito ay hindi ang maghintay lamang nang tahimik; habang Siya ay naghihintay, gumawa Siya ng gawain sa sangkatauhan ng Kapanahunan ng Biyaya sa iba’t ibang paraan. Ipinagpatuloy Niya ang Kanyang gawain ng biyaya, nagkakaloob ng biyaya at mga pagpapala sa sangkatauhan ng kapanahunang ito, upang ang Kanyang mga kilos, gawain, pananalita, at ang mga katunayan ng Kanyang paggawa at ang Kanyang mga kalooban sa Kapanahunan ng Biyaya ay mababalitaan ng bawat taong Kanyang ihihirang. Binigyan Niya ng kakayahan ang bawat tao na Kanyang hinirang na magamit ang Kanyang handog para sa kasalanan, upang hindi na sila haharap sa Kanya nang may wangis ng makasalanang laman, bilang mga makasalanan. At bagamat ang ugnayan ng tao sa Diyos ay hindi na katulad noong hindi pa Siya nakikita, gaya noong Kapanahunan ng Kautusan, ngunit lumagpas na nang kaunti roon, at isa nang ugnayan sa pagitan ng mga nananalig at ng Panginoon, sa pagitan ng mga Kristiyano at ni Cristo, gayunpaman, hindi pa rin ito ang ugnayan na ninanais ng Diyos sa pagitan ng sangkatauhan at ng Diyos sa huli, sa pagitan ng mga nilikha at ng Lumikha. Ang ugnayan nila noon ay malinaw na malayo pa rin sa ugnayan ng mga nilikha at ng Lumikha, ngunit kung ikukumpara sa ugnayan ng sangkatauhan at ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan, malaki na ang naging pagsulong nito. Nagdulot ito ng kagalakan at pagdiriwang. Gayunpaman, kinailangan pa rin ng Diyos na akayin ang sangkatauhan; kinailangan Niyang akayin pasulong ang sangkatauhang puno ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at ng mga imahinasyon, kahilingan, hinihingi, pagrerebelde at paglaban sa kaibuturan ng kanilang puso. Bakit? Dahil maaaring alam nga ng gayong sangkatauhan ang pagtamasa sa biyaya ng Diyos, at maaaring alam nga nila na ang Diyos ay maawain at mapagmahal, pero higit pa roon, wala silang pangunahing kaalaman tungkol sa tunay na pagkakakilanlan, katayuan, at diwa ng Diyos. Dahil dumaan na sa pagtitiwali ni Satanas ang gayong sangkatauhan, bagamat tinamasa nila ang biyaya ng Diyos, ang kanilang diwa at iba’t ibang kuru-kuro at kaisipan sa kaibuturan ng kanilang puso ay nananatiling kontra sa Diyos at salungat sa Kanya. Hindi alam ng tao kung paano magpasakop sa Diyos o kung paano tuparin ang tungkulin ng isang nilikha, lalong hindi nila alam kung paano maging isang nakalulugod na nilikha. Siyempre, mas lalong walang nakakaalam kung paano sambahin ang Panginoon ng paglikha. Kung ang maraming bagay sa mundo ay naipasa sa tiwaling sangkatauhan, at gayon sila kalubhang natiwali, pareho lang ito sa pagpapasa sa kanila kay Satanas. Ganap na magiging pareho lang ang kahihinatnan, nang walang pagkakaiba. Kaya, kinailangan pa rin ng Diyos na ipagpatuloy ang Kanyang gawain, na patuloy na akayin ang sangkatauhan papunta sa susunod na yugto ng Kanyang gawain na gagawin. Ang yugtong iyon ay isang bagay na matagal nang hinintay ng Diyos, isang bagay na matagal na Niyang kinasasabikan, at isang bagay na binayaran Niya ng Kanyang pagtitimpi sa loob ng mahabang panahon.
Ngayong natamasa na ng sangkatauhan sa wakas ang sapat at maraming biyaya ng Diyos, ang mundo at sangkatauhang ito, gaya ng makikita sa anumang anggulo, ay umabot na sa antas kung saan gagawin na ng Diyos ang Kanyang tunay na gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Dumating na sila sa panahon kung kailan lulupigin at kakastiguhin at hahatulan ng Diyos ang sangkatauhan, kung kailan ipapahayag Niya ang maraming katotohanan upang gawing perpekto ang sangkatauhan, at magkamit ng isang grupo mula sa sangkatauhan na magiging mga tagapangasiwa sa lahat ng bagay sa gitna ng mga iyon. Dahil dumating na ang panahong ito, hindi na kailangan ng Diyos na magtimpi, ni patuloy na akayin ang sangkatauhan ng Kapanahunan ng Biyaya na mamuhay sa biyaya. Hindi na Niya kailangang patuloy na tustusan ang sangkatauhan na namumuhay sa biyaya, o ipastol sila, o bantayan sila, o papanatilihin sila; hindi na Niya kailangang tustusan ng biyaya at mga pagpapala ang sangkatauhan, nang walang kapaguran at walang kondisyon; hindi na Niya kailangang magtimpi nang walang kondisyon sa sangkatauhan sa biyaya, habang sakim at walang kahihiyan nilang hinihingi ang Kanyang biyaya ng hindi man lang Siya sinasamba. Sa halip, ang gagawin ng Diyos ay ang ipahayag ang Kanyang mga kalooban, disposisyon, ang tunay na tinig ng Kanyang puso, at ang Kanyang diwa. Sa panahong ito, habang tinutustusan ng Diyos ang sangkatauhan ng maraming katotohanan at salita na kailangan nila, nagpapakita at nagpapahayag din Siya ng Kanyang tunay na disposisyon—isang matuwid na disposisyon. At sa pagpapahayag Niya ng Kanyang matuwid na disposisyon, hindi Siya naghahandog ng iilang parirala ng paghatol at pagkondena nang wala sa loob at pagkatapos ay iyon lang; sa halip, gumagamit Siya ng mga katunayan para ilantad ang katiwalian, diwa, at satanikong kapangitan ng sangkatauhan. Inilalantad Niya ang pagrerebelde, paglaban, at pagtakwil ng sangkatauhan laban sa Kanya, gayundin ang kanilang iba’t ibang kuru-kuro at pagkakanulo sa Kanya. Sa panahong ito, marami sa Kanyang mga ipinapahayag ang lampas sa awa at mapagmahal na kabaitan na iginagawad Niya sa sangkatauhan: Pagkamuhi, pagkasuklam, pagkayamot, at pagkondena ang nararamdaman Niya sa sangkatauhan. Hindi handa ang sangkatauhan sa biglaan at ganap na pagbabagong ito sa disposisyon at tindig ng Diyos, at dahil dito ay hindi nila magawang tumanggap. Ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang disposisyon at ang Kanyang mga salita nang kasinglakas ng isang kidlat. Siyempre, tinutustusan din Niya ang lahat ng pangangailangan ng sangkatauhan nang may labis na pagtitimpi at pagpaparaya. Sa iba’t ibang paraan at mula sa iba’t ibang anggulo, sinasabi at ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang disposisyon sa sangkatauhan sa pinakaangkop, wasto, kongkreto, at direktang paraan ng pagtrato sa mga nilikha, mula sa perspektiba ng Kanyang paninindigan bilang Lumikha. Gayon ang mga gawi, pananalita, at gawain na inaasam-asam ng Diyos sa loob ng anim na libong taon. Anim na libong taon ng pananabik; anim na libong taon ng paghihintay—tumutukoy ito sa anim na libong taong pagtitimpi ng Diyos, na naglalaman ng Kanyang anim na libong taon ng pananabik. Ang sangkatauhan ay ang sangkatauhan pa rin na nilikha ng Diyos, ngunit matapos dumaan sa anim na libong taon ng pagbabago na walang humpay, malalim at malawak, hindi na sila ang sangkatauhan gaya ng nilikha ng Diyos sa simula, na may gayong parehong diwa. Kaya naman, habang nagsisimulang gumawa ang Diyos sa araw na ito, nasusuklam ang Diyos sa sangkatauhang nakikita Niya ngayon bagamat ito rin naman ang Kanyang inaasahan, at siyempre, masyado itong nakakalungkot na makita para sa Diyos. Tatlong bagay ang tinalakay Ko rito; naaalala ba ninyo ang mga ito? Ang gayong sangkatauhan, bagamat sila ang inaasahan ng Diyos, sila ay kinasusuklaman din Niya. Ano iyong isa pa? (Masyado itong nakakalungkot na makita para sa Diyos.) Masyado rin itong nakakalungkot na makita para sa Diyos. Sabay-sabay na nasa loob ng tao ang tatlong bagay na ito. Ano ba ang inaasahan ng Diyos? Na pagkatapos maranasan ng gayong sangkatauhan ang kautusan at pagtubos, sa wakas ay darating sila sa kasalukuyan nang may pundasyon ng pagkaunawa sa mga pundamental na batas at utos na dapat itaguyod ng tao, at hindi na sila magiging simpleng sangkatauhan na may kahungkagan sa kaibuturan ng kanilang puso, gaya nina Adan at Eba. Sa halip, magkakaroon na sila ng mga bagong kaalaman sa kanilang puso. Iyon ang mga bagay na inaasahan ng Diyos na tataglayin ng sangkatauhan. Subalit, kasabay nito, ang sangkatauhan ay ang sangkatauhan na kinamumuhian din ng Diyos. Kung gayon, ano ba ang kinamumuhian ng Diyos? Lahat ba kayo ay hindi alam ito? (Ang pagrerebelde at paglaban ng tao.) Ang tao ay puno ng tiwaling disposisyon ni Satanas, namumuhay nang nakaririmarim na buhay, hindi bilang tao at hindi rin bilang demonyo. Ang tao ay hindi na ganoon kasimple na hindi nito matanggihan ang pang-aakit ng ahas. Bagamat ang sangkatauhan ay may sariling kaisipan at pananaw, sariling mga tiyak na opinyon, at sariling paraan ng pagharap sa iba’t ibang pangyayari at bagay, talagang wala sa pananaw ng sangkatauhan sa mga tao at bagay-bagay, o sa kanilang asal at kilos, ang alinsunod sa ninanais ng Diyos. Nakapag-iisip at may pananaw ang sangkatauhan, at mayroon silang mga batayan, kaparaanan, at saloobin para sa kanilang mga kilos, pero lahat ng tinataglay nilang ito ay nagmula sa pagtitiwali ni Satanas. Lahat ng ito ay nakabatay sa mga pananaw at pilosopiya ni Satanas. Kapag lumalapit ang tao sa harap ng Diyos, walang bakas ng pagpapasakop sa Diyos sa kanilang puso, wala ring anumang sinseridad. Ang tao ay puspos ng mga lason ni Satanas at puno ng mga turo, kaisipan, at tiwaling disposisyon nito. Ano ang ipinahihiwatig nito? Kailangang magsabi ang Diyos ng maraming salita at gumawa ng maraming gawain para sa tao upang baguhin ang pag-iral at saloobin ng tao sa Diyos—at siyempre, ang mas partikular, upang baguhin ang mga gawi at pamantayan ng pagtingin ng tao sa mga tao at bagay, at ang asal at kilos ng tao. Bago umepekto ang lahat ng ito, ang sangkatauhan ang kinamumuhian ng Diyos. Ano ang kailangan ng Diyos kapag inililigtas Niya ang kinamumuhian Niya? Nagagalak ba ang puso Niya? Masaya ba Siya? Panatag ba Siya? (Hindi.) Talagang hindi Siya panatag, at hindi rin Siya masaya. Ang puso niya ay puno ng pagkapoot. Ang tanging gagawin ng Diyos sa gayong mga sitwasyon, maliban sa pagsasalita, pagsasalita nang walang kapaguran, ay ang magtimpi. Ito ang pangalawang elemento ng nararamdaman at pananaw ng Diyos sa gayong sangkatauhan—ang pagkamuhi. Ang pangatlong elemento ay na masyadong nakakalungkot tingnan ang mga ito. Kung isasaalang-alang ang orihinal na intensiyon ng Diyos sa paglikha ng sangkatauhan, ang ugnayan ng Diyos sa sangkatauhan ay gaya ng ugnayan ng magulang at anak, gaya ng magkapamilya. Ang dimensiyong ito ng ugnayan ay maaaring hindi katulad ng ugnayan ng mga taong magkakadugo, ngunit para sa Diyos, mas higit ito sa ugnayan sa laman ng magkakadugo. Ang sangkatauhan, na inisyal na nilikha ng Diyos, ay ganap na naiiba sa wangis ng sangkatauhan na nakikita Niya sa mga huling araw. Sa simula, simple at bata pa ang wangis ng tao, at bagamat siya ay ignorante, ang puso niya ay dalisay at malinis. Makikita sa kanyang mata ang kalinawan at sinseridad sa kaibuturan ng kanyang puso. Hindi niya taglay ang iba’t ibang tiwaling disposisyon na taglay ng tao ngayon; wala siyang pagmamatigas, kayabangan, kabuktutan, o panlilinlang, at tiyak na wala siyang disposisyon ng pagtutol sa katotohanan. Sa pananalita at mga kilos ng tao, sa kanyang mga mata, sa kanyang mukha, makikita na ang gayong sangkatauhan ang siyang nilikha ng Diyos sa simula at ang Kanyang pinaboran. Pero sa huli, habang muling tinitingnan ng Diyos ang sangkatauhan, hindi na ganoon kalinaw ang kaibuturan ng puso ng tao, at hindi na ganoon kalinaw ang kanyang mga mata. Ang puso ng tao ay puno ng tiwaling disposisyon ni Satanas, at kapag nakakaharap niya ang Diyos, ang kanyang mukha, pananalita, at mga kilos ay kasuklam-suklam sa Diyos. Gayunpaman, may isang katunayan na hindi maitatanggi ninuman, at dahil sa katunayang ito kaya nasasabi ng Diyos na ang gayong sangkatauhan ay masyadong nakakalungkot makita. Ano ang katunayang iyon? Ito iyon, at hindi ito maitatanggi ninuman: Ang Diyos ang lumikha sa sangkatauhang ito, na muling lumapit sa harapan Niya, gamit ang sarili Niyang kamay, pero hindi na sila ang dating sangkatauhan noong simula. Mula sa mga mata ng tao hanggang sa kanyang mga kaisipan, at maging sa kaibuturan ng kanyang puso, siya ay puno ng paglaban at pagkakanulo sa Diyos; mula sa mga mata ng tao hanggang sa kanyang mga kaisipan, at maging sa kaibuturan ng kanyang puso, wala nang iba kundi disposisyon ni Satanas ang lumalabas mula sa kanya. Hayagan at likas na lumalabas ang mga satanikong disposisyon ng tao na pagmamatigas, kayabangan, panlilinlang, kabuktutan, at pagkasuklam sa katotohanan, mula sa kung paano siya makatingin at sa ekspresyon ng kanyang mukha. Kahit kapag nahaharap sa mga salita ng Diyos o kapag kaharap ang Diyos, hayagang lumalabas sa ganitong paraan ang tiwali, satanikong disposisyon, at diwa ng tao na siyang ginawang tiwali ni Satanas. Isang parirala lamang ang makapaglalarawan sa kung ano ang ipinararamdam ng katunayang ito sa Diyos, at ang pariralang ito ay “masyadong nakakalungkot na makita.” Ang sangkatauhan na dumating sa kasalukuyan at sa panahong ito ay narating na ang antas ng mga hinihingi ng Diyos para sa ikatlo at panghuling yugto ng Kanyang gawain, ang pagliligtas sa sangkatauhan, kabilang dito ang mas malawak na kapaligiran ng tao, gayundin ang mga partikular na aspekto ng sitwasyon at kondisyon ng mga tao—gayunpaman, bagamat puno ng pananabik ang Diyos sa sangkatauhang ito, puno rin Siya ng poot sa mga ito. Siyempre, nararamdaman pa rin ng Diyos na masyado silang nakakalungkot na makita dahil paulit-ulit Niyang nakikita ang katiwalian ng sangkatauhan. Subalit ang nararapat na ipagdiwang ay na hindi na kailangan ng Diyos na magtimpi at maghintay nang walang saysay para sa tao. Ang kailangan Niyang gawin ay ang gawain na hinintay Niya sa loob ng anim na libong taon, na pinanabikan Niya nang anim na libong taon, at na inabangan Niya nang anim na libong taon: ang pagpapahayag ng Kanyang mga salita, disposisyon, at bawat katotohanan. Siyempre, nangangahulugan din ito na sa mga hinirang ng Diyos sa sangkatauhan, lilitaw ang isang grupo ng mga tao na matagal nang hinintay ng Diyos, na magiging mga tagapangasiwa ng lahat ng bagay at magiging pinuno ng lahat ng bagay. Kung titignan ang kabuuan ng sitwasyon, napakalayo ng lahat ng nangyari sa kung ano ang inaasahan; lahat ng nangyari ay masakit at malungkot. Pero ang pinakadahilan ng kaligayahan ng Diyos ay na dahil sa paglipas ng panahon at sa iba’t ibang kapanahunan, natapos na ang mga araw ng paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan. Napagdaanan na ng sangkatauhan ang baptismo ng kautusan at ang pagtubos ng Diyos; sa wakas, nakarating na sila sa panghuling hakbang ng gawain na gagawin ng Diyos: ang yugto kung saan ang sangkatauhan ay inililigtas bilang ang panghuling resulta ng kanilang pagtanggap sa pagkastigo, paghatol, at paglupig ng Diyos. Para sa sangkatauhan, walang duda na napakagandang balita nito, at para sa Diyos, tiyak na ito ay isang bagay na matagal nang inaasam. Paano man ito tingnan, ito ang pagdating ng pinakamahalagang panahon ng lahat ng sangkatauhan. Paano man ito tingnan, ito man ay ang katiwalian ng sangkatauhan, o ang mga kalakaran ng mundo, o mga panlipunang istruktura, o pulitika ng sangkatauhan, o ang mga pinagkukunan ng buong mundo, o ang mga kasalukuyang sakuna, malapit na ang kahihinatnan ng sangkatauhan—nasa dulo na ang sangkatauhang ito. Subalit ito ang pinakamahalagang panahon sa gawain ng Diyos, ito ang panahon na pinakanararapat na alalahanin at ipagdiwang ng tao, at siyempre, ito rin ang pagdating ng pinakamahalaga at pinakakritikal na panahon, ang panahon kung kailan pagpapasyahan na ang kapalaran ng sangkatauhan, sa anim na libong taong gawain ng Diyos sa Kanyang plano ng pamamahala. Samakatuwid, anuman ang nangyari sa sangkatauhan, at gaano man katagal naghintay at nagtimpi ang Diyos, naging sulit ang lahat ng ito.
Balikan natin ang paksa na nilayon nating talakayin, “Bakit Dapat Hangarin ng Tao ang Katotohanan.” Ang plano ng pamamahala ng Diyos ay nahahati sa tatlong yugto ng gawain sa sangkatauhan. Natapos na Niya ang naunang dalawang yugto. Kung titingnan ang mga yugtong iyon bago ang kasalukuyan, ito man ang batas o ang mga utos, ang silbi lamang ng mga ito ay ang tiyakin na itataguyod ng tao ang batas, mga utos, ang pangalan ng Diyos, ang pananalig sa kanyang puso, ang ilang mabubuting pag-uugali, at ang ilang mabubuting paniniwala. Ang tao ay likas na nabibigong tugunan ang pamantayan ng hinihingi ng Diyos—ang maging tagapangasiwa ng lahat ng bagay at maging pinuno ng lahat ng bagay. Hindi ba’t totoo iyon? Ang tao ay likas na nabibigong tugunan iyon. Kung ipinagawa sa taong dumaan na sa kautusan at Kapanahunan ng Biyaya ang hinihingi sa kanya ng Diyos, magagawa lang niyang pangasiwaan ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng kautusan o ng biyaya at mga pagpapala na ipinagkaloob sa kanya sa Kapanahunan ng Biyaya. Malayong-malayo ito sa hinihingi ng Diyos na ang tao ang dapat na maging tagapangasiwa ng lahat ng bagay, at malayong-malayo ang sangkatauhan sa pagsasakatuparan sa mga bagay na hinihingi sa kanila ng Diyos at sa mga responsabilidad at tungkulin na ipinagagawa Niya sa kanila. Sadyang hindi maabot o matugunan ng tao ang pamantayan ng hinihingi ng Diyos na dapat ang tao ang maging pinuno ng lahat ng bagay at ang pinuno ng susunod na kapanahunan. Kaya, sa huling yugto ng Kanyang gawain, ipinapahayag at sinasabi ng Diyos sa tao ang lahat ng aspekto ng lahat ng katotohanan at prinsipyo ng pagsasagawa na kailangan ng sangkatauhan, upang malaman ng tao kung ano ang mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos, kung paano niya dapat pakitunguhan ang lahat ng bagay, paano tingnan ang lahat ng bagay, paano maging tagapangasiwa ng lahat ng bagay, paano siya dapat umiral, at paano siya dapat mamuhay sa harap ng Diyos, bilang tunay na nilikha sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha. Sa sandaling maunawaan ng tao ang mga bagay na ito, alam na rin niya kung ano ang mga hinihingi ng Diyos sa kanya; sa sandaling maisakatuparan niya ang mga bagay na ito, matutupad na rin niya ang mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos sa kanya. Sapagkat ang batas, mga utos, at ang mga simpleng pamantayan sa pag-uugali ay hindi maipapalit sa katotohanan, nagpapahayag ang Diyos ng napakaraming salita at katotohanan sa mga huling araw na may kaugnayan sa pagsasagawa, pag-asal at pagkilos ng mga tao, at sa kanilang mga pagtingin sa mga tao at bagay-bagay. Sinasabi ng Diyos sa tao kung paano tingnan ang mga tao at bagay-bagay, at kung paano umasal at kumilos. Ano ang ibig sabihin ng pagsasabi ng Diyos sa tao ng lahat ng ito? Nangangahulugan ito na hinihingi sa iyo ng Diyos na tingnan ang mga tao at bagay-bagay, at umasal at kumilos nang alinsunod sa lahat ng katotohanang ito, at na mamuhay sa mundo. Anumang uri ng tungkulin ang ginagampanan mo at anumang uri ng atas ang tinatanggap mo mula sa Diyos, hindi nagbabago ang Kanyang hinihingi sa iyo. Sa sandaling maunawaan mo ang mga hinihingi ng Diyos, dapat mong isagawa, gampanan ang iyong tungkulin, at isakatuparan ang atas ng Diyos sa iyo alinsunod sa pagkaunawa mo sa Kanyang mga hinihingi, Siya man ay nasa tabi mo at sinusuri ka. Sa ganitong paraan lamang makatitiyak sa iyo ang Diyos na ikaw ay magiging tunay na pinuno ng lahat ng bagay, na kuwalipikado, at karapatdapat sa Kanyang atas. Hindi ba’t tumutukoy ito sa paksa ng kung bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan? (Oo.) Nauunawaan na ba ninyo ngayon? Ito ang mga katunayan na isasakatuparan ng Diyos. Kaya, ang paghahangad sa katotohanan ay hindi lamang tungkol sa pagwawaksi ng tiwaling disposisyon ng isang tao at hindi paglaban sa Diyos. May mas higit na kabuluhan at kahalagahan sa paghahangad sa katotohanan na binabanggit natin. Tunay na may kinalaman dito ang hantungan at kapalaran ng tao. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.) Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan? Sa mas simpleng usapin, ang katanungang ito ay natutugunan ng mga pinakabatayang doktrina na nauunawaan ng tao. Sa mas malawak na usapin, ang pangunahing dahilan ay na, para sa Diyos, ang paghahangad sa katotohanan ay kinapapalooban ng Kanyang pamamahala, ng Kanyang mga ekspektasyon sa sangkatauhan, at ng mga inaasam Niya na ipinagkakatiwala Niya sa sangkatauhan. Ito ay isang bahagi ng plano ng pamamahala ng Diyos. Makikita rito na kahit sino ka man at gaano ka man katagal nang nananalig sa Diyos, kung hindi mo hinahangad ang katotohanan o minamahal ito, hindi maiiwasan na ikaw ang matitiwalag sa huli. Napakalinaw nito. Gumagawa ang Diyos ng tatlong yugto ng gawain; mayroon na Siyang plano ng pamamahala simula nang likhain Niya ang sangkatauhan, at isa-isa Niyang isinakatuparan ang bawat yugto ng Kanyang pamamahala sa sangkatauhan, at hakbang-hakbang Niyang inaakay ang sangkatauhan papunta sa kasalukuyan. Napakalaki ng Kanyang puspusang pagsisikap at ng halagang Kanyang ibinayad, at napakatagal ng Kanyang pagtitiis, tungo sa pinakalayon na isagawa ang mga katotohanang Kanyang ipinapahayag at ang bawat aspekto ng pamantayan ng Kanyang mga hinihingi, na sinasabi Niya sa sangkatauhan, sa tao, ginagawang buhay at realidad ng tao ang mga iyon. Para sa Diyos, napakahalagang usapin nito. Labis na matimbang ito para sa Diyos. Nagpahayag ng napakaraming salita ang Diyos, at bago Niya gawin ito, gumawa Siya ng maraming paghahanda. Kung sa huli ay hindi mo hahangarin o papasukin ang mga salitang ito ngayong naipahayag na ng Diyos ang mga ito, ano ang magiging tingin ng Diyos sa iyo? Anong uri ng gampanin ang ibibigay ng Diyos sa iyo? Napakalinaw nito. Kaya, hindi mahalaga ang iyong kakayahan, o edad, o kung ilang taon ka nang nananalig sa Diyos, ang bawat tao ay dapat na magsumikap tungo sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Hindi mo dapat bigyang-diin ang anumang obhektibong katwiran; dapat mong hangarin ang katotohanan nang walang kondisyon. Huwag sayangin ang iyong mga araw. Kung hahangarin at pagsusumikapan mo ang paghahangad sa katotohanan bilang ang dakilang bagay sa buhay mo, maaaring ang katotohanang iyong nakakamit at kayang maabot sa iyong paghahangad ay hindi iyong ninanais mo. Pero kung sinasabi ng Diyos na bibigyan ka Niya ng wastong hantungan depende sa saloobin mo sa iyong paghahangad at sa iyong sinseridad, napakaganda niyon! Sa ngayon, huwag tumuon sa kung ano ang kahahantungan at kalalabasan mo o kung ano ang mangyayari at ano ang magaganap sa hinaharap, o kung maiiwasan mo ba ang sakuna at hindi ka mamamatay—huwag mong isipin o hilingin ang mga bagay na ito. Tumuon ka lang sa paghahangad sa katotohanan sa mga salita ng Diyos at sa Kanyang mga hinihingi, sa paggampan nang maayos sa iyong tungkulin, at sa pagtupad sa mga kalooban ng Diyos, nang sa gayon hindi ka mapatutunayang hindi karapat-dapat sa anim na libong taong paghihintay ng Diyos, sa Kanyang anim na libong taon ng pananabik. Bigyan ng kaunting kapanatagan ang Diyos; hayaan Siyang makita na may kaunting pag-asa sa iyo, at hayaang matupad ang Kanyang mga kahilingan sa iyo. Sabihin mo sa Akin, tatratuhin ka ba ng Diyos nang masama kung gagawin mo ito? Siyempre hindi! At kahit na ang mga resulta sa huli ay hindi ang ninanais ng isang tao, paano niya dapat harapin ang katunayang iyon, bilang isang nilikha? Dapat siyang magpasakop sa lahat ng bagay sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, nang walang anumang personal na pakay. Hindi ba’t ito ang perspektiba na dapat taglayin ng mga nilikha? (Ito nga.) Iyan ang tamang pag-iisip. Diyan na natin tatapusin ang pagbabahaginan tungkol sa pangunahing dahilan kung bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan.
Ang pagbabahaginan natin nito lang ay pangunahing nakatuon sa kung bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan ayon sa plano ng pamamahala ng Diyos, mula sa perspektiba ng Diyos. Mula naman sa kabilang perspektiba, medyo mas simple ito. Sa perspektiba ng tao mismo, bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan? Sa pinakamadaling salita, kung mamumuhay ang tao sa ilalim ng kautusan ngunit ang kanyang paghahangad ay limitado sa pagtataguyod ng kautusan nang hindi nauunawaan ang katotohanan, ano ang kalalabasan nito sa huli? Ang posibleng kalalabasan lamang nito ay ang makondena ang tao ng kautusan, dahil sa kawalan niya ng kakayahan na itaguyod ang kautusan. At mula roon hanggang sa Kapanahunan ng Biyaya: Sa kapanahunang iyon ay maraming naunawaan ang tao, at marami siyang nakamit na bagong impormasyon mula sa Diyos tungkol sa tao—mga panuntunan at utos para sa pag-asal ng tao. Nakinabang nang husto ang tao, sa usapin ng doktrina. Gayunpaman, umasa pa rin ang tao na makakakuha siya ng higit na proteksiyon, pabor, pagpapala, at biyaya mula sa Diyos, nang hindi nauunawaan ang katotohanan; ang pananaw ng tao ay nakatuon pa rin sa paggawa ng mga kahilingan sa Diyos, at habang ginagawa niya ang mga kahilingang iyon, ang kanyang paghahangad ay nakatuon at nakadirekta pa rin sa buhay ng laman, sa mga kaginhawahan ng laman, at sa mas maayos na pamumuhay ng laman. Ang layon ng kanyang paghahangad ay kontra at salungat pa rin sa katotohanan. Malayong-malayo pa rin ang tao sa paghahangad sa katotohanan, at hindi siya makapasok sa gayong tunay na buhay kung saan ang katotohanan ang batayan sa pag-iral ng isang tao. Ito ang mga realidad sa buhay ng isang tao, na ipinamuhay batay sa pagkaunawa sa lahat ng batas o utos at paghihigpit sa Kapanahunan ng Biyaya, nang hindi pa nauunawaan ang katotohanan. Kapag ito ang mga realidad sa buhay ng tao, madalas siyang maliligaw nang hindi niya namamalayan. Tulad lamang ito ng sinasabi ng mga tao: “Nalilito ako at hindi ko alam ang gagawin.” Sa gayong mga kondisyon ng palaging pagkalito, madalas siyang makararamdam ng kahungkagan, ang kanyang katapusan ay walang katiyakan, hindi alam kung bakit nabubuhay ang tao o ano ang mangyayari sa hinaharap, lalong hindi niya alam kung paano harapin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay sa totoong buhay, o kung ano ang tamang gawin sa pagharap sa mga ito. Marami pa ngang tagasunod at mananampalataya ng Diyos, na bagama’t itinataguyod ang mga utos at tinatamasa ang maraming biyaya at pagpapala, hinahangad pa rin nila ang katayuan, kayamanan, magandang kinabukasan, ang mamukod-tangi, magandang buhay may asawa, masayang pamilya at magandang kapalaran—at sa kasalukuyang lipunan, hinahangad nila ang kasiyahan ng laman, at ng buhay, at ang kaginhawahan; hinahangad nila ang magagarang mansiyon at kotse; hinahangad nila ang makapaglakbay sa buong mundo, sinisiyasat ang mga misteryo at kinabukasan ng sangkatauhan. Bagama’t tinanggap ng sangkatauhan ang mga regulasyon at paghihigpit ng maraming kautusan at ang mga pamantayan ng pag-uugali, hindi pa rin nila maiwaksi ang kanilang tendensiyang siyasatin ang hinaharap, at ang mga misteryo ng sangkatauhan, at ang bawat bagay na lagpas sa pagkaunawa ng sangkatauhan. At habang ginagawa ito ng mga tao, madalas silang makaramdam ng labis na kahungkagan, pagkalumbay, kalungkutan, pagkayamot, pagkabalisa, at pangamba, dahil dito ay nahihirapan silang kontrolin ang kanilang init ng ulo at mga emosyon kapag maraming bagay ang nangyayari sa kanila. May ilang tao ang pinanghihinaan ng loob, nalulumbay, napipigilan, at iba pa, kapag nahaharap sila sa mga nakakabagabag na mga sitwasyon, gaya ng mahihirap na kondisyon sa trabaho, o away sa pamilya, gulo sa pamilya, away ng mag-asawa, o pagdidiskrimina ng lipunan. May ilang tao pa nga na nakararanas ng matinding emosyon; may ilan pa nga na nagpapasyang kitilin ang sarili nilang buhay gamit ang matitinding kaparaanan. Siyempre, may iba na pinipili ang paglayo at pagiging mag-isa. At ano ang idinulot nito sa lipunan? Mga taong gustong laging mapag-isa, lalaki man o babae; clinical depression; at iba pa. Nagaganap din ito sa buhay ng mga Kristiyano; madalas na nangyayari ito. Matapos isaalang-alang ang lahat, ang pinakaugat nito ay ang hindi pagkaunawa ng sangkatauhan sa katotohanan, o kung saan nagmula ang tao at saan siya pupunta, o kung bakit buhay ang tao at paano siya dapat mamuhay. Kapag nahaharap sa maraming uri ng tao, pangyayari, at bagay na nangyayari sa kanya, hindi niya alam kung paano pangasiwaan, lutasin, iwaksi o unawain at arukin ang lahat ng bagay na ito, upang makapamuhay siya nang masaya at panatag, sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Lumikha. Walang ganitong kakayahan ang sangkatauhan. Kung hindi ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan, at kung hindi Niya sinasabi sa mga tao kung paano nila dapat tingnan ang mga tao at bagay, at paano sila dapat umasal at kumilos, aasa lamang ang mga tao sa sarili nilang mga pagsisikap, sa kaalamang nakamit nila, at sa mga kasanayan sa buhay na mayroon sila, at sa mga panuntunan sa buhay na nauunawaan nila, gayundin sa mga panuntunan ng pag-asal o sa mga pilosopiya ng pakikitungo sa mundo. Umaasa sila sa kanilang karanasan sa buhay ng tao at sa kanilang nalalaman dito, at maging sa mga bagay na natutunan nila mula sa mga libro—gayunpaman, kapag nahaharap sila sa mga paghihirap ng tunay na buhay, wala pa rin silang magawa. Para sa mga namumuhay sa gayong mga kondisyon, walang silbi ang pagbabasa ng Bibliya. Maging ang pagdarasal sa Panginoong Jesus ay walang silbi, lalo na ang pagdarasal kay Jehova. Ang pagbabasa sa mga propesiya ng mga nakaraang propeta ay hindi rin makalulutas sa problema nila. Kaya, ang ilang tao ay naglalakbay sa buong mundo; pumupunta sila sa buwan at sa Mars, o naghahanap sila ng mga propetang makapagsasabi ng hinaharap at nakikipag-usap sila sa mga ito. Pero hindi pa rin napapayapa, nagagalak, at napapanatag ang puso ng mga tao sa sandaling magawa nila ang mga bagay na ito. Para sa kanila, ang direksiyon at layon ng kanilang pagsulong ay wala pa ring katiyakan at walang kabuluhan. Sa kabuuan, nananatiling napakahungkag ng buhay ng sangkatauhan. Dahil gayon ang kasalukuyang kalagayan ng buhay ng sangkatauhan, nag-iimbento sila ng maraming pamamaraan upang aliwin ang kanilang sarili: halimbawa, ang mga makabagong video game, bungee jumping, surfing, mountaineering, at skydiving na kinahihiligan ng mga Kanluranin, at ang iba’t ibang drama, kanta, at sayaw na hilig ng mga Tsino, at mga palabas ng bakla sa Timog Silangang Asya. Nanonood pa nga ang mga tao ng mga bagay na tumutugon sa kanilang mga espirituwal na mundo at pagnanasa ng katawan. Gayunpaman, anuman ang kanilang kinaaaliwan, anuman ang kanilang pinapanood, naguguluhan pa rin ang kaibuturan ng puso ng mga tao sa kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Gaano karaming beses mang maglakbay sa buong mundo ang isang tao, o kahit na narating na niya ang buwan at ang Mars, kapag nakabalik na siya at namalagi nang ilang panahon, magiging matamlay siyang muli, kagaya ng dati. Kung tutuusin, mas malulungkot at mas hindi sila mapapanatag pagkatapos maglakbay, kaysa kung hindi na lang sana sila naglakbay. Iniisip ng sangkatauhan na ang dahilan kaya masyado silang hungkag, walang magawa, naguguluhan, at nababagabag, kung bakit gustong-gusto nilang malaman kung ano ang mangyayari at malaman ang mga bagay na wala pang nakakaalam, ay dahil hindi alam ng mga tao kung paano aliwin ang kanilang sarili, kung paano mamuhay. Iniisip nila na ito ay dahil hindi alam ng mga tao kung paano magsaya sa buhay o maging masaya sa kasalukuyan; dahil iniisip nila na masyadong simple ang kanilang mga hilig at libangan—hindi gaanong marami. Subalit, gaano man karami ang hilig ng mga tao, ang kanilang mga kinaaaliwan, ang mga lugar na kanilang napuntahan sa mundo, ramdam pa rin ng sangkatauhan na hindi alinsunod sa kanilang kagustuhan ang kanilang pamumuhay at ang direksiyon at layon ng kanilang pag-iral. Sa madaling salita, ang nararamdaman ng mga tao sa pangkalahatan ay kahungkagan at pagkainip. Nais ng ilang tao na tikman ang lahat ng pinakamasasarap na pagkain sa mundo dahil sa kahungkagan at pagkainip na ito; saan man sila magpunta, gusto nilang kumain. Ang iba ay gustong magsaya saanman sila magpunta, at sila ay nagsasaya, kumakain, at inaaliw ang kanilang sarili hangga’t gusto nila—subalit pagtapos nilang kumain at uminom at magsaya, mas lalong nagiging hungkag ang pakiramdam nila kaysa dati. Ano ang dapat gawin tungkol dito? Bakit imposibleng iwaksi ang pakiramdam na ito? Kapag hindi makausad ang mga tao, ang ilan sa kanila ay gumagamit ng mga droga, opyo, ecstasy, at inaaliw ang kanilang sarili gamit ang kung ano-anong materyal na bagay. At ano ang resulta? May epekto ba ang alinman sa mga pamamaraang ito sa paglutas ng kahungkagan ng tao? Malulutas ba ng alin man sa mga ito ang ugat ng mga problema? (Hindi.) Bakit hindi nila malulutas ito? Ito ay dahil namumuhay ang tao batay sa kanilang mga damdamin. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan at hindi nila alam kung ano ang nagsasanhi ng mga problema ng tao sa kahungkagan, kawalang kapanatagan, kalituhan, at iba pa, hindi rin nila alam kung paano lulutasin ang mga ito. Iniisip nila na kung natutugunan ang kasiyahan ng laman at ang pagnanasa ng katawan, mawawala ang hungkag na pakiramdam sa kanilang espiritu. Ganoon ba iyon? Ang totoo, hindi ganoon ang nangyayari. Kung tinatanggap mo ang mga sermon na ito bilang doktrina, pero hindi mo talaga hinahangad o isinasagawa ang mga ito, at kung hindi mo ginagawang batayan ang mga salitang ito ng Diyos sa iyong pamantayan sa iyong pagtingin sa mga tao at bagay, at sa iyong pag-asal at pagkilos, hindi kailanman magbabago ang iyong pag-iral at pananaw sa buhay. At kung ang mga bagay na iyon ay hindi nagbabago, nangangahulugan iyon na ang buhay, estilo, at halaga ng pag-iral mo ay hindi kailanman magbabago. At ano ang ibig sabihin kung hindi kailanman magbabago ang estilo at halaga ng pag-iral ng iyong buhay? Nangangahulugan ito na balang araw, sa malao’t madali, iisipin mong mga pundasyon ng espiritu ang mga doktrinang nauunawaan mo; sa malao’t madali, magiging kasabihan at teorya ang mga ito para sa iyo, mga bagay na pupuno sa kahungkagan sa loob ng iyong mundo, kapag kinakailangan. Kung hindi magbabago ang direksiyon at layon ng iyong paghahangad, matutulad ka sa mga taong hindi pa nakarinig sa anumang salita ng Diyos. Ang direksiyon at layon ng iyong paghahangad ay mananatiling paghahanap ng aliw, para sa kaginhawahan ng laman. Susubukan mo pa ring lutasin ang iyong kahungkagan at kalituhan sa pamamagitan ng paglalakbay sa mundo at pagsisiyasat sa mga misteryo. Walang duda, kung magkagayon, tatahakin mo ang parehong landas na tinatahak ng mga taong iyon. Hungkag ang pakiramdam nila matapos nilang matikman ang masasarap na pagkain sa mundo at matamasa ang mga karangyaan nito, ganito rin ang mararamdaman mo. Maaaring sumusunod ka sa tunay na daan at sa mga salita ng Diyos, pero kung hindi mo hahangarin o isasagawa ang mga ito, matutulad ka sa kanila, madalas na hungkag ang pakiramdam, nababagabag, nagdaramdam, napipigilan, nang walang tunay na kaligayahan, tunay na kagalakan, at tunay na kalayaan, at higit pa rito, walang tunay na kapayapaan. At sa huli, matutulad ka sa kinalabasan nila.
Ano ang tinitingnan ng Diyos, pagdating sa kalalabasan ng tao? Hindi Niya tinitingnan kung ilang salita Niya ang nabasa mo o ilang sermon ang napakinggan mo. Hindi tinitingnan ng Diyos ang mga bagay na ito. Tinitingnan Niya kung ilang katotohanan ang nakamit mo na sa iyong paghahangad, kung ilang katotohanan ang kaya mong isagawa; tinitingnan Niya kung ginagawa mong batayan ang Kanyang mga salita at pamantayan ang katotohanan sa iyong mga pagtingin sa mga tao at bagay, at sa iyong pag-asal at mga pagkilos, sa iyong buhay—tinitingnan Niya kung may ganoon kang karanasan at patotoo. Kung walang ganoong patotoo sa iyong pang-araw-araw na buhay at sa panahon ng iyong pagsunod sa Diyos, at wala sa mga bagay na ito ang napatunayan, ituturing ka ng Diyos na katulad ng mga walang pananampalataya. Katapusan na ba ng kuwento ang gayong pagtrato Niya? Hindi; malabong tatratuhin ka ng Diyos nang ganoon at wala na Siyang gagawin pa. Sa halip, pagpapasyahan Niya ang kalalabasan mo. Itinatakda ng Diyos ang kalalabasan mo ayon sa landas na iyong tinatahak; itinatakda Niya ang kalalabasan mo batay sa kung paano mo ginagampanan ang iyong paghahangad at layon, batay sa iyong saloobin sa katotohanan, at kung nakatahak ka na sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Bakit ganoon ang mga pinagbabatayan Niya? Kapag ang isang taong sadyang hindi naghahangad sa katotohanan ay nakabasa na ng mga salita ng Diyos at nakarinig na ng maraming salita, ngunit hindi pa rin ginagamit na pamantayan ang mga salita ng Diyos sa kanyang pagtingin sa mga tao at bagay, gayundin sa kanyang pag-asal at pagkilos, sadyang hindi maliligtas ang taong iyon sa huli. Ito ang pinakaimportanteng bagay: Ano ang maaaring mangyari sa gayong tao kung mananatili siyang ganoon? Maaari ba siyang maging pinuno ng lahat ng bagay? Maaari ba siyang maging tagapangasiwa ng lahat ng bagay, bilang kahalili ng Diyos? Karapatdapat ba siyang maatasan? Mapagkatiwalaan? Kung ipapasa ng Diyos ang lahat ng bagay sa iyo, gagawin mo ba ang katulad sa ginagawa ng sangkatauhan ngayon, walang habas na pinapatay ang mga nilikha ng Diyos, walang habas na winawasak ang mga nilikha ng Diyos, walang habas nadinudungisan ang mga kaloob ng Diyos sa sangkatauhan? Siyempre, gagawin mo ang mga ito! Kaya, kung ipapasa sa iyo ng Diyos ang mundong ito at ang lahat ng bagay, ano ang mangyayari sa mga bagay-bagay sa huli? Mawawalan ng tunay na tagapangasiwa ang mga ito; madudungisan at mapapabayaan ang mga ito ng sangkatauhang ginawang tiwali ni Satanas. Sa huli, iisa ang magiging kapalaran ng lahat ng bagay, ng mga buhay na nilalang, at ng sangkatauhan na ginawang tiwali ni Satanas: Sila ay lilipulin ng Diyos. Ito ay isang bagay na hindi inaasam ng Diyos na makita. Kaya kung ang isang tao ay nakarinig na ng maraming salita ng Diyos at kung naunawaan lamang niya ang maraming doktrina sa loob ng mga salita ng Diyos, ngunit hindi pa rin niya magawa ang tungkulin ng isang pinuno ng lahat ng bagay o matingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos nang ayon sa mga salita ng Diyos, siguradong hindi ipagkakatiwala ng Diyos sa kanya ang anumang gawain, dahil hindi siya naaangkop. Ayaw ng Diyos na makita ang lahat ng bagay, na maingat Niyang nilikha, na mapabayaan at madungisan ng sangkatauhang ginawang tiwali ni Satanas, ayaw Niya ring makita na mawasak sa mga kamay ng gayong mga tao ang sangkatauhan na pinamahalaan Niya sa loob ng anim na libong taon. Ang tanging nais Niyang makita ay ang patuloy na pag-iral ng lahat ng bagay na Kanyang maingat na nilikha sa ilalim ng pangangasiwa ng isang grupo ng tao na nagkakamit ng Kanyang pagliligtas, sa ilalim ng pangangalaga, proteksiyon, at pamumuno ng Diyos, nang namumuhay alinsunod sa kaayusan ng lahat ng bagay at sa mga kautusan ng Diyos. Kung gayon, anong uri ng tao ang mga ito, na nakapagpapasan ng gayon kabigat na obligasyon? May isang uri lamang, at sila ang binabanggit Ko na naghahangad sa katotohanan, silang nagagawang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos, nang mahigpit na alinsunod sa mga salita ng Diyos, na ang kanilang pamantayan ay ang katotohanan. Ang gayong mga tao ay karapatdapat na pagkatiwalaan. Ang kanilang pamamaraan ng pag-iral ay ganap na nagmula sa mga pamamaraan ng sangkatauhan na ginawang tiwali ni Satanas; sa layon at paraan ng kanilang paghahangad, sa kanilang mga pagtingin sa mga tao at bagay, at sa kanilang pag-asal at mga pagkilos, nagagawa nilang ganap na umayon sa mga salita ng Diyos, at ganap nilang tinatanggap ang katotohanan bilang kanilang pamantayan. Ang gayong mga tao ang siyang tunay na naaangkop na patuloy na mabuhay, at sila ang naaangkop na mapagpasahan ng Diyos ng lahat ng bagay. Ang mga taong ito ang nakapagpapasan ng napakabigat na obligasyon gaya ng atas ng Diyos. Tiyak na hindi ipapasa ng Diyos ang lahat ng bagay sa isang uri ng tao na hindi naghahangad sa katotohanan. Tiyak na hindi Niya ipapasa ang lahat ng bagay sa mga tao na sadyang hindi nakikinig sa Kanyang mga salita, at tiyak na hindi Niya ipagkakatiwala ang anumang gampanin sa gayong mga tao. Ni hindi nila magampanan nang maayos ang sarili nilang mga tungkulin, lalong hindi nila magagampanan ang atas ng Diyos. Kung ipagkakatiwala ng Diyos ang lahat ng bagay sa kanila, talagang hindi sila magkakaroon ng katapatan, ni hindi sila kikilos alinsunod sa Kanyang mga salita. Gagawa sila nang kaunti kapag sila ay masaya, at kapag hindi sila masaya, kakain sila, iinom, at magpapakasaya. Madalas na makakaramdam sila ng kahungkagan, pagkabalisa, at kawalan ng kapanatagan sa puso, nang walang anumang katapatan sa atas ng Diyos. Ang gayong mga tao ay tiyak na hindi ang mga nais ng Diyos. Kaya, kung nauunawaan mo ang mga kalooban ng Diyos, at alam mo ang mga kakulangan ng tiwaling sangkatauhan, gayundin kung anong uri ng landas ang dapat tahakin ng tiwaling sangkatauhan, dapat kang magsimula sa paghahangad sa katotohanan. Makinig ka sa mga salita ng Diyos, at magsimula sa direksiyon ng pagtingin sa mga tao at bagay, at pag-asal at pagkilos nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Tumuon ka sa layong ito, sa direksiyong ito, at darating ang araw, sa malao’t madali, na maaalala at tatanggapin ng Diyos ang iyong iginugol at ibinayad. Pagkatapos, magkakaroon ng halaga ang pagiging buhay mo; sasang-ayunan ka ng Diyos, at hindi ka na magiging isang ordinaryong tao. Hindi hinihingi sa iyo na magpursige nang kasingtagal ng paggawa ni Noe ng arko, pero kahit papaano ay dapat kang magpursige sa buhay na ito. Aabot ka ba ng isandaan at dalawampung taong gulang? Walang nakakaalam, pero masasabi natin na hindi iyon ang karaniwang haba ng buhay ng modernong sangkatauhan. Mas lalong madali na ngayon ang paghahangad sa katotohanan kaysa sa paggawa ng arko. Napakahirap gawin ng arko, at wala pang mga modernong kagamitan noong panahong iyon—lakas lamang ng tao ang ginamit sa paggawa nito, sa isang mahirap pa na kapaligiran. Inabot ito ng mahabang panahon, at kaunting tao lamang ang tumulong. Mas madali para sa inyo na hangarin ang katotohanan ngayon kaysa ang gumawa ng arko noon. Dahil sa inyong malawak na kapaligiran at mga partikular na kondisyon sa buhay, nagiging paborable at madali sa inyo na hangarin ang katotohanan.
Ang pagbabahaginan ngayong araw tungkol sa “Bakit Dapat Hangarin ng Tao ang Katotohanan” ay pangunahing sumasaklaw sa dalawang aspekto ng paksa. Ang isa ay ang simpleng pagbabahagi mula sa perspektiba ng Diyos, tungkol sa Kanyang plano ng pamamahala, Kanyang mga kahilingan, at Kanyang mga inaasam; ang isa pa ay isang pagsusuri sa mga problema ng mga tao mismo, mula sa kanilang sariling perspektiba, na nakapagpapaliwanag sa kahalagahan at importansiya ng paghahangad sa katotohanan. Alinman sa dalawang anggulo na iyon, ang paghahangad sa katotohanan ang pinakamahalaga para sa tao, ang pinakaapurahan. Ang paghahangad sa katotohanan, saang perspektiba man ito tingnan, ay ang landas at layon sa buhay na dapat piliin ng bawat tagasunod ng Diyos, ng lahat ng nakarinig na sa Kanyang mga salita. Ang paghahangad sa katotohanan ay hindi dapat ituring bilang isang mithiin o kahilingan, hindi rin dapat ituring na espirituwal na kaginhawahan ang mga pahayag tungkol dito; sa halip, dapat praktikal na ituring ng isang tao ang mga salitang sinasabi ng Diyos at ang mga hinihingi ng Diyos sa tao at gawing mga prinsipyo at batayan ang mga ito para sa kanyang pagsasagawa sa tunay na buhay, upang mabago ang layon at pamamaraan ng kanyang pag-iral, at siyempre, dahil dito ay mas nagkakaroon ng halaga ang kanyang buhay. Sa ganitong paraan, habang hinahangad mo ang katotohanan, magiging tama ang landas na tinatahak mo at ang iyong desisyon, sa mas maliit na antas—at sa mas malaking antas, sa huli ay maiwawaksi mo ang iyong tiwaling disposisyon dahil hinahangad mo ang katotohanan, at ikaw ay maliligtas. Para sa Diyos, ang mga maliligtas ay hindi lamang ang Kanyang mga pinahahalagahan at minamahal, at lalong hindi lamang ang mga tagapagtaguyod ng Kanyang kaharian. Talagang napakalaki ng pagpapalang darating sa iyo na siyang kasapi ng sangkatauhan sa hinaharap, ang magiging pagpapala mo ay hindi pa nakita kailanman at hindi na makikita pang muli; darating sa iyo ang mabubuting bagay, nang sunud-sunod, sa paraang hindi mo akalain. Ano’t anuman, ang unang dapat gawin ngayon ay ang itatag ang layon ng paghahangad sa katotohanan. Ang pagtatag ng layong ito ay hindi para lutasin ang kahungkagan sa iyong espirituwal na mundo, hindi rin ito para lutasin ang panunupil at pagkapoot, o ang kawalang katiyakan at kalituhan, sa kaibuturan ng iyong puso. Hindi iyon ang layon nito. Sa halip, naglalayon itong magsilbing isang totoo at tunay na layon kung saan maaaring umasal at kumilos ang isang tao. Ganoon lang ito kasimple. Simple lang, hindi ba? Hindi kayo nangangahas na sabihing simple nga ito, pero ang totoo, napakasimple lang nito—ang susi ay kung determinado ba ang isang tao na hangarin ang katotohanan. Kung tunay kang determinado, ano ang katotohanan na walang partikular na landas ng pagsasagawa? Lahat ng katotohanan ay may landas, hindi ba? (Oo.) Ang magkaroon ng partikular na batayan sa pagsasagawa sa anumang aspekto ng katotohanan, at ang magkaroon ng mga partikular na prinsipyo ng pagsasagawa sa anumang proyekto sa gawain—ang mga ito ay matutupad ng mga may tunay na determinasyon. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi ko pa rin alam kung paano magsagawa kapag nahaharap ako sa mga isyu.” Iyon ay dahil hindi ka naghahanap. Kung maghahanap ka, magkakaroon ka ng landas. May kasabihan na, “Ang humahanap ay nakasusumpong; at ang tumutuktok ay pinagbubuksan” (Mateo 7:7). Naghanap ka na ba? Tumuktok ka na ba? Pinagnilayan mo na ba ang katotohanan habang binabasa mo ang mga salita ng Diyos? Kung pagsusumikapan mo ang pagninilay na iyon, mauunawaan mo ang lahat. Ang lahat ng katotohanan ay nasa mga salita ng Diyos; kailangan lang na basahin at pagnilayan mo ito. Huwag maging tamad; taimtim itong bigyan ng pansin. Sa mga problemang hindi mo malutas nang mag-isa, dapat kang manalangin sa Diyos, at kakailanganin mong hanapin ang katotohanan nang ilang panahon, at minsan, kakailanganin mong maging mapagtimpi at maghintay sa Diyos, sa Kanyang tamang oras. Kung nagsasaayos ng kapaligiran ang Diyos para sa iyo, at sa kapaligirang ito ay inihahayag Niya ang lahat, at binibigyang-liwanag ang isang sipi ng Kanyang mga salita para sa iyo, na nagdudulot ng kalinawan sa iyong puso, at mayroon kang mga partikular na prinsipyo sa pagsasagawa, hindi ba’t makakaunawa ka na kung gayon? Kaya, hindi naman ganoon kahirap unawain ang paghahangad sa katotohanan, hindi rin ito ganoon kakomplikado. Saang anggulo mo man tinitingnan ang iyong pang-araw-araw na buhay, ang iyong tungkulin, ang gawain ng iglesia, o ang pakikisalamuha mo sa iba, maaari mong hanapin ang katotohanan para matukoy ang direksiyon at mga batayan ng pagsasagawa. Hindi talaga ito mahirap. Mas madali na para sa tao na manalig sa Diyos ngayon kaysa dati, dahil napakarami nang mga salita ng Diyos, at nakikinig kayo sa napakaraming sermon, at napakaraming pagbabahagi sa bawat aspekto ng katotohanan. Kung ang isang tao ay may espirituwal na pagkaunawa at mayroong kakayahan, makakaunawa na siya. Iyon lamang mga walang espirituwal na pagkaunawa at may mababang kakayahan ang palaging nagsasabi na hindi nila nauunawaan ang mga bagay-bagay at kailanman ay hindi nila nakikilatis ang mga ito. Naguguluhan sila sa sandaling may mangyari sa kanila; nalilinawan sila kapag nabahaginan ng katotohanan, pero makalipas ang ilang panahon, naguguluhan silang muli. Ito ay dahil sinasayang nila ang mga araw nila nang wala man lang pakialam sa mundo. Sadyang napakatamad nila, at hindi sila naghahanap. Magiging madaling unawain ang mga bagay-bagay kung maghahanap ka at mas magbabasa ng mga kaukulang salita ng Diyos, dahil ang lahat ng salitang iyon ay may karaniwang wika na madaling maintindihan. Kahit sinong tao ay maiintindihan ang mga ito, maliban sa mga may problema sa pag-iisip. Malinaw na ipinapahayag ng mga salitang ito ang maraming usapin, at ipinapahayag nito sa iyo ang lahat. Maliban kung hindi mo itinuturing na mahalaga ang paghahangad sa katotohanan, kung tunay mong inaasam sa iyong puso na makamit ang katotohanan at itinuturing ang paghahangad dito bilang ang pinakamahalagang bagay sa buhay, walang makahahadlang o makakapigil sa iyo na maunawaan o maisagawa ang katotohanan.
Ang pinakasimpleng tuntunin sa paghahangad sa katotohanan ay na dapat mong tanggapin ang lahat ng bagay mula sa Diyos at magpasakop sa lahat ng bagay. Iyon ay isang parte nito. Ang isa pang parte ay na sa iyong tungkulin at sa dapat mong gawin, at sa mas higit pa roon, sa iniatas ng Diyos at sa iyong obligasyon, gayundin sa mahalagang gawain na labas sa iyong tungkulin ngunit kailangan mong gawin, sa gawain na isinaayos para sa iyo at na pangalan mo ang tinawag para gawin ito—dapat mong bayaran ang halaga, gaano man ito kahirap. Kahit na kailangan mong magsumikap nang husto, kahit na may posibilidad na ikaw ay usigin, at kahit na malagay nito sa panganib ang buhay mo, hindi mo dapat panghinayangan ang ibinayad mo, at sa halip ay ialay mo ang iyong katapatan at magpasakop ka hanggang kamatayan. Sa realidad, ganito ipinamamalas ang paghahangad sa katotohanan, ang tunay na pagsusumikap at pagsasagawa nito. Mahirap ba ito? (Hindi.) Gusto Ko ang mga taong nagsasabing hindi ito mahirap, dahil sila ay may mga pusong nananabik na hangarin ang katotohanan, na determinado at tapat—may lakas sa kanilang puso, kaya walang mahirap sa mga bagay na nangyayari sa kanila. Ngunit kung walang kumpiyansa ang mga tao, kung nag-aalinlangan sila sa kanilang sarili, gaya ng madalas na sinasabi ng mga tao, wala nang pag-asa pa para sa kanila. Kung ganap na walang silbi ang isang tao, walang motibasyon na gumawa ng anumang bagay na produktibo, ngunit masigla siya pagdating sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya, at kapag nagiging negatibo siya kapag nahaharap sa mga suliranin, at hindi siya masigasig, wala man lang kahit katiting na motibasyon, pagdating sa pagbabahaginan tungkol sa katotohanan, anong klaseng tao siya? Siya ay isang tao na hindi nagmamahal sa katotohanan. Kung kinakailangang hangarin ng tao ang katotohanan noong Kapanahunan ng Biyaya o noong Kapanahunan ng Kautusan, magiging mahirap ito para sa kanya. Hindi ito magiging madali, dahil iba ang mga kalagayan ng sangkatauhan noon, gayundin ang mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos sa kanila. Kaya, sa mga nagdaang kapanahunan, kaunti lamang ang mga tao na may kakayahang sundin ang mga salita ng Diyos at magpasakop sa Kanya, maliban na lamang sa mga prominenteng tao na gaya nina Noe, Abraham, Job, at Pedro. Pero hindi sinisi ng Diyos ang mga tao sa dalawang kapanahunang iyon, dahil hindi pa Niya sinabi sa mga tao kung paano matamo ang mga pamantayan ng kaligtasan. Sa yugtong ito ng gawain sa hulingk apanahunan, malinaw na sinasabi ng Diyos sa mga tao ang bawat aspekto ng mga katotohanan na dapat nilang isagawa. Kung hindi pa rin isinasagawa ng mga tao ang mga ito at hindi pa rin nila natutugunan ang mga hinihingi ng Diyos, hindi iyon kasalanan ng Diyos; ito ay isyu na ng hindi pagmamahal ng tao sa katotohanan at ng pagtutol ng tao sa katotohanan. Kaya, ang himukin ang mga tao na hangarin ang katotohanan, ang panahon ng paghahangad sa katotohanan, ay hindi mahirap para sa kanila—tunay na may kakayahan sila na gawin ito. Sa isang banda, ito ay dahil lahat ng bagay ay paborable rito, sa kabilang banda, sapat na ang mga kalagayan at pundasyon ng mga tao para hangarin nila ang katotohanan. Kung mabibigo ang isang tao na makamit ang katotohanan sa huli, ito ay dahil masyadong malala ang kanyang mga isyu. Nararapat lamang sa gayong tao ang anumang kaparusahang nararanasan niya, anumang kalalabasan niya, at anuman ang magiging kamatayan niya. Hindi sila karapatdapat na kaawaan. Para sa Diyos, hindi dapat maawa o mahabag sa mga tao. Pinagpapasyahan Niya ang kalalabasan ng isang tao batay sa Kanyang mga hinihingi sa tao, sa Kanyang mga disposisyon, at sa kaayusan at mga tuntunin na Kanyang itinatag; at habang ang partikular na paggampan ay nagkakaroon ng partikular na kalalabasan, napagpapasyahan na ang buhay ng isang tao sa kasalukuyan at sa hinaharap. Ganoon lang ito kasimple. Hindi mahalaga kung ilan ang makakaligtas sa huli, o kung ilan ang maparurusahan. Walang pakialam doon ang Diyos. Ano ang naunawaan ninyo sa mga salitang ito? Anong impormasyon ang ipinararating ng mga ito sa inyo? Alam ba ninyo? Tingnan Ko nga kung matalino at maparaan kayo sa pagsagot. Kung hindi kayo makakasagot, huhusgahan Ko kayo gamit ang isang salita—hangal. Bakit Ko sinasabing hangal kayo? Sasabihin Ko sa inyo. Sinabi Ko na walang pakialam ang Diyos kung ilang tao ang makakaligtas, o kung ilan ang mawawasak at maparurusahan sa huli. Ano ang ipinararating nito sa inyo? Ipinararating nito na hindi inorden ng Diyos ang partikular na bilang ng mga tao. Maaari mong pagsumikapan ito, pero kung sino man ang makakaligtas o maparurusahan sa huli, ikaw man ito, ibang tao, o anumang grupo, ay hindi kabilang sa dami ng itinalaga na ng Diyos. Gumagawa at nagsasalita ang Diyos gaya ng ginagawa Niya ngayon. Patas ang pagturing Niya sa mga tao at binibigyan Niya ng sapat na pagkakataon ang bawat tao. Binibigyan ka Niya ng sapat na pagkakataon, at sapat na biyaya, at sapat na dami ng Kanyang mga salita, at ng Kanyang gawain, at ng Kanyang awa at pagpaparaya. Patas Siya sa bawat tao. Kung kaya mong hangarin ang katotohanan, at ikaw ay nasa landas ng pagsunod sa Diyos, at kaya mong tanggapin ang katotohanan, gaano man karaming paghihirap ang tinitiis mo o mga suliraning kinakaharap mo, at kung malilinis ang iyong tiwaling disposisyon, maliligtas ka. Kung makakapagpatotoo ka sa Diyos at magiging isang karapatdapat na nilikha, isang karapatdapat na pinuno ng lahat ng bagay, makakaligtas ka. Kung makakaligtas ka, ito ay hindi dahil maganda ang kapalaran mo; sa halip, ito ay dahil sa iyong sariling pagsisipag at pagsusumikap, at sa iyong sariling paghahangad. Ito ay dahil karapatdapat ka at karapatan mo ito. Hindi mo na kakailanganing humingi sa Diyos ng karagdagang bagay. Hindi ka binibigyan ng Diyos ng dagdag na patnubay at pagsasanay; hindi ka Niya sinasabihan ng dagdag na mga salita o pinapaboran. Hindi Niya ginagawa ang mga bagay na ito. Ang malakas lamang ang makakaligtas, gaya ng sa kalikasan. Ang bawat hayop ay nagsisilang ng anak nito, gaano man karami ang maipapanganak at gaano man karami ang mamamatay, ayon sa kaayusan at panuntunan na itinakda ng Diyos. Ang mga nakakaligtas ay nabubuhay, at ang mga hindi nakakaligtas ay namamatay, at pagkatapos ay may mga bagong isinisilang. Ilan man sa mga ito ang mabubuhay pagkatapos niyon, ganoon sila karami. Sa taon na hindi paborable, walang ni isa ang nabubuhay; sa taon na paborable, mas marami ang nabubuhay. Sa huli, ang lahat ng bagay ay nagpapanatiling balanse. Kaya, paano tinatrato ng Diyos ang sangkatauhan na Kanyang nilikha? Ganoon pa rin ang saloobin ng Diyos. Patas Niyang binibigyan ng pagkakataon ang bawat tao, at kinakausap Niya ang bawat tao, nang hayagan at walang anumang kapalit. Mabait Siya sa bawat tao, at itinataas Niya ang bawat tao; Siya ay gumagabay, nag-aalaga, at nagbabantay sa bawat tao. Kung sa huli ay makakaligtas ka sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan, at maaabot mo ang mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos, magtatagumpay ka. Ngunit kung palaging magulo ang isip mo at inaaksaya mo ang mga araw mo, iniisip na malas ka, palaging sumusobra, hindi alam ang dapat gawin, palaging namumuhay batay sa iyong damdamin, nang hindi hinahangad ang katotohanan o tinatahak ang tamang landas, wala kang makakamit sa huli. Kung palagi mong gustong iraos lang ang mga araw mo nang binabalewala ang gawaing ginagawa ng Diyos sa iyo, wala man lang kahit kaunting pakialam sa Kanyang paggabay sa iyo, o na binibigyan ka Niya ng mga pagkakataon, disiplina, kaliwanagan, at suporta, makikita Niya na ikaw ay isang manhid na hangal, at babalewalain ka Niya. Gagawa ang Diyos sa iyo sa araw na hahangarin mo ang katotohanan. Hindi Niya naaalala ang iyong mga pagsalangsang. Kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, hindi ka pipilitin o kakaladkarin ng Diyos. Kung ikaw ay maghahangad, magkakamit ka; kung hindi ka maghahangad, hindi ka magkakamit. Maaaring hangarin ng mga tao ang katotohanan o hindi, depende sa gusto nila. Sila na ang mapagpasya roon. Kapag natapos na ang gawain ng Diyos, susuriin ka Niya, at susukatin ka Niya gamit ang mga pamantayan ng katotohanan. Kung wala ka man lang patotoo, dapat kang matiwalag; hindi ka makakaligtas. Sasabihin mo, “Ang dami ko nang ginampanang tungkulin at napakarami ko nang trinabaho. Ang dami ko nang ginugol, at malaki na ang ibinayad ko!” At sasabihin ng Diyos, “Pero hinangad mo ba ang katotohanan?” Pag-iisipan mo ito, at maiisip mo na sa dalawampu, tatlumpu, apatnapu, o limampung taon ng iyong pananampalataya sa Diyos ay tila hindi mo hinangad ang katotohanan. Sasabihin ng Diyos, “Ikaw na mismo ang nagsasabi na hindi mo hinangad ang katotohanan. Makakaalis ka na. Pumunta ka kung saan mo gusto.” Sasabihin mo, “Hindi ba manghihinayang ang Diyos na mababawasan ng isa ang mga taong ililigtas Niya, na magkukulang ng isang pinuno sa lahat ng bagay?” Sa puntong ito, iisipin pa rin ba ng Diyos na sayang ito? Matagal nang nagtitimpi ang Diyos; matagal na Siyang naghihintay. Natapos na ang mga ekspektasyon Niya sa iyo; nawalan na Siya ng pag-asa sa iyo, at hindi ka na Niya aalalahanin. Hindi Siya luluha para sa iyo, o magpapakasakit at magdurusa dahil sa iyo. Bakit ganoon? Dahil lilipas na ang mga kalalabasan ng lahat ng bagay, at dahil matatapos na ang gawain ng Diyos, at magwawakas na ang Kanyang plano ng pamamahala, at Siya ay magpapahinga na. Hindi magiging masaya ang Diyos para sa sinumang tao, ni masasaktan, tatangis, o iiyak para sa sinumang tao. Siyempre, hindi rin Siya magsasaya o magagalak na may sinumang nakaligtas, o na may sinumang nagiging pinuno ng lahat ng bagay. Bakit ganito? Napakalaki at napakatagal na ng ginugol ng Diyos para sa sangkatauhang ito, at kailangan Niyang magpahinga. Kailangan na Niyang isara ang libro sa anim na libong taon ng Kanyang plano ng pamamahala at hindi na Niya ito aalalahanin, hindi na rin Siya magpaplano ng anuman, o magsasabi ng anumang salita o gagawa ng anumang gawain para sa tao. Ipapasa Niya ang gawain sa hinaharap at sa mga susunod na araw sa mga pinuno ng susunod na kapanahunan. Kung gayon, ano itong sinasabi Ko sa inyo? Ganito: Dahil alam na ninyong lahat ngayon kung ilan ang mga taong mananatili sa huli at sino ang mananatili, bawat isa sa inyo ay maaaring magsumikap na marating iyon—at ang tanging landas para magawa ito ay ang paghahangad sa katotohanan. Huwag sayangin ang mga araw ninyo, hindi maaaring maging magulo ang isipan. Kapag dumating ang araw na hindi na maalala ng Diyos ang anumang ibinayad mo at wala na Siyang pakialam sa landas na tinatahak mo, o kung ano ang kalalabasan mo, kung gayon, sa araw na iyon, tunay nang matatakda ang kalalabasan mo. Ano ang dapat ninyong gawin ngayon? Dapat ninyong samantalahin ang kasalukuyan, habang ang puso ng Diyos ay gumagawa pa para sa sangkatauhan, habang nagpaplano pa Siya para sa sangkatauhan, habang nagdalamhati at nag-aalala pa rin Siya sa bawat kilos at galaw ng tao. Kailangan nang magpasya ng mga tao, sa lalong madaling panahon. Magtatag ng layon at direksiyon sa inyong paghahangad; huwag hintayin na dumating ang mga araw ng pagpapahinga ng Diyos bago kayo magplano. Kung hindi ka nakadarama ng totoong panghihinayang, pagsisisi, lungkot, at pighati hanggang sa oras na iyon, magiging huli na ang lahat. Wala nang makapagliligtas sa iyo, at hindi ka rin ililigtas ng Diyos. Ito ay dahil pagdating ng panahon, ang panahon kung kailan tunay na magtatapos ang plano ng Diyos, at nagawa na Niya ang huling tanda at isinasara na ang aklat ng Kanyang plano, hindi na Siya gagawa pa. Kailangan ng Diyos ng pahinga; kailangan Niyang lasapin ang mga bunga ng Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala at tamasahin ang pangangasiwa sa lahat ng bagay, para sa Kanya, ng mga natitirang tao. Ang nais matamasa ng Diyos ay ang makita ang mga tao na nananatiling namamahala sa lahat ng bagay ayon sa mga tuntunin at regulasyon na itinatag Niya, nang maingat na alinsunod sa kaayusang nilikha Niya para sa mga panahon, at sa lahat ng bagay at sangkatauhan, nang walang nilalabag na mga kalooban o ninanais Niya. Nais ng Diyos na matamasa ang Kanyang pahinga; nais Niyang matamasa ang Kanyang kaginhawahan, nang hindi na inaalala pa ang sangkatauhan o ang gawain para sa kanila. Nauunawaan mo ba ito? (Oo.) Malapit nang dumating ang araw na iyon. Kung ang pinag-uusapan natin ay ang haba ng buhay ng tao noong panahon nina Adan at Eba, maaaring may natitira pang daan-daang taon sa buhay ng tao, at mahaba-haba pa ang matitirang panahon. Tingnan mo kung gaano katagal inabot ang paggawa ni Noe ng arko. Sa tingin Ko ay kakaunti na lang ang mga tao ngayon na aabot sa isandaang taong gulang, at kahit umabot ka ng siyamnapu o isandaang taon, ilang dekada na lang ang natitira sa iyo? Kaunti na lang. Kahit na dalawampung taong gulang ka ngayon at umabot ng siyamnapung taong gulang, mabubuhay ka pa ng pitumpung taon, mas maiksi pa rin iyon kumpara sa panahon ng paggawa ni Noe ng arka. Para sa Diyos, ang anim na libong taon ay napakabilis lang, at ang animnapu, walumpu, o isaandang taon sa tao ay ilang segundo lang para sa Diyos o mahaba na nga ang ilang minuto; isang kisapmata lang. Maging ang mga tao na hindi tumatahak sa tamang landas o naghahangad sa katotohanan ay madalas na nagsasabing, “Maiksi lang ang buhay: Sa isang kisapmata, matanda na tayo; sa isang kisapmata, puno na ang bahay ng mga anak at mga apo; sa isang kisapmata, tapos na ang buhay natin.” Kaya, paano kung hahangarin mo nga ang katotohanan? Para sa iyo, mas mabilis ang oras. Ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan at nabubuhay sa mundo ng kahungkagan ay nagsasayang ng mga araw nila, at nadarama nilang lahat na napakabilis ng takbo ng oras. Paano kung hahangarin mo nga ang katotohanan? Anumang kapaligiran, tao, pangyayari, o bagay ng pagsasaayos ng Diyos ay sapat na para danasin mo nang ilang panahon—at pagkatapos ng mahabang panahon ay saka mo lamang makakamit ang kaunting kaalaman, kabatiran, at karanasan na iyon. Hindi ito madali. Kung tunay kang may kaalaman at karanasang iyon, mapagtatanto mo: “Naku! Walang masyadong nakakamit ang tao mula sa habambuhay na paghahangad sa katotohanan!” Maraming tao ngayon ang nagsusulat ng mga sanaysay sa kanilang patotoong batay sa karanasan, at nakikita Ko na ang ilang nananalig sa Diyos sa loob ng dalawampu o tatlumpung taon ay nagsusulat lang tungkol sa kanilang mga kabiguan at pagkalugmok na nangyari sampu o dalawampung taon na ang nakalilipas. Nais nilang magsulat tungkol sa isang bagay na kamakailan lang nangyari at tungkol sa kasalukuyan nilang buhay pagpasok, pero wala sila ng mga gayon. Kaawa-awa na kakaunti lamang ang kanilang mga karanasan. Sa pagsusulat ng mga sanaysay tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan, ang ilang tao ay kailangang magbalik-tanaw sa kanilang mga dating pagkabigo at pagkalugmok, at iyong mga hindi makaalala ay nangangailangan ng tulong ng iba upang maalala ang mga ito. Ang kakaunting iyon ay ang tanging nakamit nila sa kanilang sampu, dalawampu, o maging tatlumpung taon ng pananampalataya sa Diyos, at mahirap na isulat ang mga ito. Ang ibang sanaysay ay hindi pa nga magkakaugnay, ang mga bahagi nitong hindi magkakaugnay ay pinilit na pagsama-samahin. Ni hindi ito maituturing na karanasan sa buhay, ang totoo; walang kinalaman ang mga ito sa buhay. Ganoon kakaawa-awa ang tao, kapag hindi niya hinahangad ang katotohanan. Hindi ba’t totoo ito? (Totoo ito.) Ganoon nga ito. Pagdating ng araw na iyon kapag nagtapos na ang gawain ng Diyos, umaasa Ako na wala sa inyo ang magsisisi sa Kanya, luluhod at sasabihing, “Kilala ko na ang sarili ko ngayon! Alam ko na kung paano hangarin ang katotohanan ngayon!” Masyado nang huli ang lahat! Hindi ka na papansinin ng Diyos; wala na Siyang pakialam kung ikaw man ay isang taong naghahangad sa katotohanan, o kung anong uri ng tiwaling disposisyon ang mayroon ka, o kung anong uri ng saloobin ang mayroon ka patungkol sa Kanya, ni wala na Siyang pakialam kung gaano na kalalim ang pagkatiwali sa iyo ni Satanas o kung anong uri ka ng tao. Kapag nangyari iyon, hindi ba’t mapupuno ka ng hinagpis? (Oo.) Isipin mo ito ngayon: Kung talagang dumating ang sandaling iyon, malulungkot ka ba? (Oo.) Bakit ka malulungkot? Ang pahiwatig nito ay hindi ka na magkakaroon ng isa pang pagkakataon. Hindi mo na muling maririnig ang mga salita ng Diyos, at hindi na muling mag-aalala ang Diyos sa iyo; at hindi ka na kailanman magiging isang tao na aalalahanin Niya, o na Kanyang nilikha. Talagang wala kang magiging ugnayan sa Kanya. Labis na nakakatakot na isipin ito. Kung nakikita mo ito sa isip mo ngayon, pero talagang dumating ang araw na umabot ka na nga sa gayong punto, hindi ba’t matitigilan ka? Katulad lang ito ng sinasabi sa Bibliya: Kapag dumating ang oras na iyon, hahampasin ng mga tao ang kanilang dibdib at likod sa paghihinagpis, nang pumapalahaw, nagngangalit ng kanilang mga ngipin, habang umiiyak na parang kamatayan na nila. At wala nang silbi ang pag-iyak nang husto—magiging huli na ang lahat! Ang Diyos ay hindi na magiging Diyos mo, at hindi ka na magiging isang nilikha ng Diyos. Wala ka nang magiging ugnayan sa Kanya; hindi ka na Niya gugustuhin. Kung ano ka ay wala nang magiging kinalaman sa Diyos. Mawawala ka na sa puso Niya, at hindi ka na Niya aalalahanin pa. Kung magkagayon, hindi ba’t narating mo na ang dulo ng iyong pananalig sa Diyos? (Oo.) Kaya, kung nakikita mo sa iyong isipan na maaaring dumating ang oras na itataboy ka ng Diyos, dapat mong pahalagahan ang kasalukuyan. Maaaring kastiguhin, hatulan, iwasto, o tabasan ka ng Diyos; maaari ka pa nga Niyang isumpa o pagalitan nang husto. Ang lahat ng ito ay karapatdapat na pahalagahan: kahit papaano ay kinikilala ka pa rin ng Diyos bilang isang nilikha ng Kanyang paglikha, at kahit papaano ay may mga ekspektasyon pa rin Siya sa iyo, at kahit papaano ay nasa puso ka pa rin Niya, at handa pa rin Siyang pagalitan at sumpain ka, nangangahulugan iyon na sa puso Niya, nag-aalala pa rin Siya sa iyo. Ang pag-aalalang ito ay hindi isang bagay na maaaring ipagpalit ng isang tao ng kanyang buhay. Huwag maging hangal! Nauunawaan ba ninyo? (Oo.) Kung nauunawaan ninyo, hindi kayo totoong hangal, nagpapanggap lang kayo, hindi ba? Umaasa Ako na hindi talaga kayo hangal. Kung nauunawaan na ninyo ang mga bagay na ito, huwag ninyong sayangin ang mga araw ninyo. Ang paghahangad sa katotohanan ay isang malaking bagay sa buhay ng tao. Wala nang ibang bagay na kasinghalaga ng paghahangad sa katotohanan, at wala nang ibang usapin ang mas hihigit pa sa pagkamit sa katotohanan. Naging madali ba, na sumunod sa Diyos hanggang sa kasalukuyan? Magmadali kayo, at ituring na mahalaga ang paghahangad ninyo sa katotohanan! Ang yugtong ito ng gawain sa mga huling araw ang pinakaimportanteng yugto ng gawain na ginagawa ng Diyos sa mga tao sa Kanyang anim na libong taon ng pamamahala. Ang paghahangad sa katotohanan ang pinakamataas na ekspektasyon ng Diyos sa Kanyang mga hinirang na tao. Umaasa Siya na tinatahak ng tao ang tamang landas, ang paghahangad sa katotohanan. Huwag biguin ang Diyos, huwag hayaan na Siya ay madismaya, at huwag hayaan na alisin ka Niya sa Kanyang puso kapag dumating na ang huling sandali, at hindi ka na Niya alalahanin pa o magkaroon pa nga ng anumang poot na natitira para sa iyo. Huwag hayaan na umabot ito sa puntong iyon. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.)
Ano ang naging paksa sa ating pagbabahaginan ngayong araw? (Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan.) Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan—medyo mabigat ang paksang ito, hindi ba? Bakit ito mabigat? Dahil mahalaga ito. Para sa kinabukasan ng bawat tao, sa buhay ng bawat tao, at sa magiging paraan ng pag-iral ng bawat tao sa susunod na kapanahunan, napakahalaga nito. Kaya, umaasa Ako na pakikinggan ninyo nang ilang ulit ang talakayan ngayon tungkol sa paksa, upang mapalalim ang pag-unawa ninyo rito. Hinangad mo man o hindi ang katotohanan noon, at handa ka man o hindi na hangarin ang katotohanan, mula sa pagbabahaginan ngayong araw tungkol sa paksa ng “Bakit Dapat Hangarin ng Tao ang Katotohanan” at sa mga susunod na panahon, sikaping maging matatag na magpasya at pagtibayin ang iyong mga kalooban na hangarin ang katotohanan. Ito ang pinakamainam na pasya. Kaya ba ninyong gawin iyon? (Oo.) Mabuti. Nagbahaginan tayo ngayong araw tungkol sa kung bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan. Ang susunod na paksa ng ating pagbabahaginan ay paano sikaping matamo ang katotohanan. Ngayong nasabi Ko na sa inyo kung ano ito, pagnilayan ninyo ito at tingnan sa inyong puso kung ano ang nalalaman ninyo sa paksang ito. Pag-isipan muna ito. Dito na nagtatapos ang pagbabahaginan natin ngayong araw.
Setyembre 3, 2022