Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 15
Sa kasalukuyan, palala nang palala ang mga sakuna. Hindi lang patuloy na kumakalat ang salot, kundi sumapit na rin sa mga tao ang taggutom. Pumutok na ang digmaan sa ilang lugar at mayroong kaguluhan sa maraming bansa sa buong mundo. Mayroon nang malawakang kawalan ng pagkakaisa. Sinabi noon na, “Umaalimpuyo ang mga apoy ng digmaan, napupuno ang hangin ng usok ng kanyon, nagbabago ang lagay ng panahon, nagbabago ang klima, lalaganap ang isang salot,” at ang hulang ito ay nagkakatotoo na. Lumalaganap ang salot at hindi humuhupa, at namumuhay sa matinding paghihirap ang mga walang pananampalataya. Ang bawat araw at taon ay mas malala kaysa sa nauna, at nasadlak na sila sa sakuna. Nais nilang lahat na makawala sa pagdurusang ito at matakasan ang mga araw ng sakuna. Umaasa silang lahat na sasagipin sila ng pamahalaan at ililigtas sila mula sa sakuna, pero ang pamahalaan ay parang isang kastilyong buhangin na hinahampas ng mga alon—walang kapangyarihan at ni hindi kayang iligtas ang sarili nito, lalo na ang sinumang iba pa. Anumang araw ngayon, maaaring bumagsak at mawasak ang pamahalaan; hindi ito maiiwasan. Nakita na ninyong lahat ang pinagdaraanan ng mga walang pananampalataya—nagdurusa nga sila! Kumusta ang buhay ninyo ngayon? Hindi ba’t mas maayos ang lagay ninyo kaysa sa kanila? (Oo.) Paanong mas maayos ang lagay ninyo? (Nagagawa pa rin naming sama-samang basahin ang salita ng Diyos at pagbahaginan ang katotohanan. Nagagawa pa rin namin ang aming tungkulin sa sambahayan ng Diyos at nahahangad pa rin namin ang buhay pagpasok. Ang aming puso ay payapa at hindi balisa. Mas maayos ang lagay namin kaysa sa mga walang pananampalataya.) Kahit papaano man lang, ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay mas maayos ang lagay kaysa sa mga walang pananampalataya dahil mayroon silang masasandigan. Naniniwala sila sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos; naniniwala sila na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, at naniniwala sila sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Dahil mayroon silang pananalig at tunay na pananampalataya sa Diyos, may tunay na bagay silang masasandigan, at nakararamdam sila ng seguridad. Ang mga taong taos-pusong nananampalataya sa Diyos ay nakararamdam ng tunay na suporta sa kanilang puso, pati na ng seguridad, kapayapaan, at kagalakan, gaano man kamapanganib o kagulo ang mas malawak na kapaligirang nasa labas. Kaya naman, anumang sitwasyon ang nararanasan nila, paano man nagbabago ang kapaligirang nasa labas, anuman ang nangyayari, mayroon mang sakuna, digmaan o salot, at ito man ay malaking pangyayari o maliit na isyu, ang isang taong taos-pusong nananampalataya sa Diyos ay kayang ilaan ang sarili niya sa pagganap ng kanyang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos, pagdanas ng gawain ng Diyos, at paghahangad na makamit ang katotohanan dahil sumusunod siya sa Diyos at iniiwasan ang mga sekular na kalakaran. Nananatiling hindi nagbabago ang puntong ito. Ang pinakamahalagang bagay at ang pinakamahalagang layon na kailangan mong hangarin sa iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi pwedeng magbago, at iyon ay ang paghahangad sa katotohanan, maayos na pagganap sa tungkulin ng isang tao at pagbibigay ng magandang patotoo tungkol sa Diyos. Hinding-hindi ito pwedeng magbago.
Paano man magbago ang mundo, paano man maglaban at mag-away ang mga puwersa ni Satanas, at gaano man maging magulo ang lipunan at mundong ito, ang mga pangunahing problema gaya ng panlilihis, paggawang tiwali, paggapos, at pagkontrol ni Satanas sa sangkatauhan ay nananatiling hindi nagbabago. Ang ibig sabihin, ang iba’t ibang maling pananampalataya at maling paniniwala na ikinikintal ni Satanas sa mga tao, at ang lahat ng kaisipan at pahayag na lumalaban sa Diyos at sumasalungat sa mga batas at regulasyon ng paglikha ng Diyos sa mga tao at sa lahat ng bagay, ay nananatiling hindi nagbabago. Sa isang punto, hindi pa nagbago ang mga satanikong bagay na ito. Sa isa pang punto, paano man magbago ang kalagayan at istraktura ng mundong ito, hindi pa naaalis ang mga maling pananampalataya at maling paniniwala na malalim nang ikinintal ni Satanas sa puso ng mga tao. Hindi ito dahil nasa magulong kalagayan ang mundo, o dahil masama na ang lagay at wala nang kapangyarihan ngayon si Satanas para kontrolin ang mundo kung kaya’t nabura na sa puso ng mga tao ang mga maling pananampalataya at maling paniniwala na ginagamit ni Satanas para ilihis at gawing tiwali ang mga tao. Hindi iyon ang kaso. Umiiral pa rin sa puso ng mga tao ang mga maling pananampalataya at maling paniniwala ni Satanas, at walang sinuman ang makaaalis ng mga iyon. Mula sa simula ng paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan, unti-unti nang naitanim nang malalim sa puso at isipan ng bawat nilikhang tao ang mga maling pananampalataya at maling paniniwala ni Satanas. Ang mga bagay na ito ay nananatiling ganap na hindi nagbabago sa puso at isipan ng mga tao hanggang ngayon. Kahit nakatapos ang Diyos ng maraming taon ng gawain at nakapagtustos sa mga tao ng maraming katotohanan, hindi pa rin kayang tukuyin ng mga tao ang iba’t ibang kaisipan, pananaw, at kasabihan na ikinintal sa kanila ni Satanas, lalo na ang aktibong subukang tukuyin ang mga bagay na ito nang walang impluwensiya ng mga bagay na nasa kapaligiran, o alisin ang mga ito sa kanilang puso. Hindi rin nila kayang maagap na tanggihan ang iba’t ibang kaisipan at pahayag na ikinintal sa kanila ni Satanas, kahit pa may pagtustos at paggabay ng salita ng Diyos. Bagamat noong una ay pasibong nagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, sa buong proseso ng paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan, nagsimulang mamuhay ang mga tao nang ayon sa disposisyon ni Satanas, at tiningnan nila ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga kaisipan at mga perspektiba ni Satanas. Unti-unti, nagsimulang mas higit at aktibong makipagtulungan ang mga tao kay Satanas, at mas lalo silang nagiging aktibo sa paghihimagsik laban sa Diyos, paglayo sa Diyos, at pag-abandona sa Diyos, hanggang sa huli, ganap na silang kinontrol ni Satanas. Kapag ganap na ikinintal sa mga tao ang masasasama at katawa-tawang mga kaisipan at pananaw ni Satanas, sila ay ganap na nakukulong ni Satanas at nagiging mga alipin nito, o, sa mas tiyak na pananalita, sila ay nagiging sagisag ni Satanas. Kapag nangyari ito, ganap na isinasabuhay ng mga tao ang disposisyon ni Satanas. Hindi lamang sila namumuhay nang ayon sa mga pilosopiya at kaisipan ni Satanas, kundi ang iba’t ibang kuru-kuro at pananaw na ikinintal sa kanila ni Satanas ay naging bahagi na ng kanilang kalikasan. Sa mas tiyak na pananalita, hindi lamang isinasabuhay ng mga tao ang wangis ni Satanas, kundi namumuhay sila bilang mga Satanas, bilang mga diyablo. Kapag nangyari ito, hindi na pasibong ginagawang tiwali, iniimpluwensiyahan, nililihis o kinokontrol ni Satanas ang mga tao, kundi, sila ay lubusang pumapanig kay Satanas laban sa Diyos. Kapag ganito katiwali ang mga tao, masasabi mo na sila ay naging kasangkapan na ni Satanas, at isang sagisag nito. Para mailigtas ng Diyos ang isang nilikha na isang kasangkapan at sagisag ni Satanas, bukod pa sa pagtustos ng katotohanan at pagbubunyag ng iba’t ibang tiwaling disposisyon ng mga tao at ng mga mapaghimagsik na kilos laban sa Diyos, mas mahalaga na mailantad at masuri ang mga kaisipan, pananaw at pahayag na nasa kaibuturan ng puso ng mga tao at na kapareho ng kay Satanas. Magkakapareho lang ang mga kaisipan, pananaw at pahayag ng mga tao at ni Satanas. Namumuhay si Satanas ayon sa mga bagay na ito, at kagaya nito, dahil malalim nang nagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, sila rin ay natural na namumuhay ayon sa mga bagay na ito. Ito ay dahil mismo namumuhay ang mga tao ayon sa mga bagay na ito at na naiimpluwensiyahan, nahihimok at nakokontrol sila ng mga pananaw na ito, na kahit matapos maunawaan ng mga tao ang isang parte ng katotohanan at malaman nila na ang Diyos ang Lumikha, hindi pa rin nila kayang yumukod sa harap Niya batay sa kanilang pananampalataya sa Diyos, o ganap na magpasakop sa Kanya, at hindi rin nila kayang sambahin Siya nang may matapat na puso. Ang dahilan kung kaya’t hindi magawang sambahin ng mga tao ang Diyos nang may matapat na puso ay dahil, sa kaibuturan ng kanilang puso at isipan, pinaghaharian at kinokontrol pa rin sila ng iba’t ibang kaisipan at pananaw ni Satanas. Ito ang dahilan kung bakit sa sandaling tanggapin ng mga tao ang gawain ng Diyos at malupig sila, bagamat kaya nilang tanggapin ang salita ng Diyos bilang buhay, hindi pa rin nila kayang lubusang talikdan ang iba’t ibang maling pananampalataya at maling paniniwala ni Satanas; hindi pa rin nila kayang lubusang kumawala mula sa impluwensiya ng kadiliman at tunay na magpasakop sa Diyos, o sumamba sa Kanya. Kaya naman, para mailigtas ng Diyos ang sangkatauhan, sa isang punto ay kailangan Niyang ipahayag ang katotohanan para mahatulan at malinis ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao; hikayatin ang mga tao na unawain ang katotohanan, at kilalanin ang Diyos at magpasakop sa Kanya; turuan ang mga tao kung paano sila dapat umasal at kung paano sila makakatahak sa tamang landas; at sabihin sa mga tao kung paano nila dapat isagawa ang katotohanan, paano nila magagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin at kung paano sila makapapasok sa mga katotohanang realidad. Sa isa pang punto, kailangan Niyang ilantad ang mga kaisipan at pananaw ni Satanas. Kailangan Niyang ilantad at suriin ang iba’t ibang maling pananampalataya at maling paniniwala sa paggawang tiwali ni Satanas sa mga tao, upang matukoy ng mga tao ang mga ito. Pagkatapos, maaalis na ng mga tao ang mga satanikong bagay na ito mula sa kanilang puso, malilinis sila at makakamit nila ang kaligtasan. Sa ganitong paraan, mauunawaan ng mga tao kung ano ang katotohanan, at matutukoy rin nila ang disposisyon ni Satanas, ang kalikasan ni Satanas at ang mga maling pananampalataya at maling paniniwala nito. Kapag kinilala ng mga tao na ang Diyos ang Lumikha at may pananalig sila na sumunod sa Diyos, makikita nila ang kapangitan ni Satanas sa kaibuturan ng kanilang puso, at ganap nilang maitatakwil si Satanas. Pagkatapos, ang puso ng mga taong ito ay ganap nang makababalik sa Diyos. Kahit papaano man lang, kapag ang puso ng isang tao ay nagsisimula nang bumalik sa Diyos pero hindi pa ganap na nakababalik, ang ibig sabihin, kapag ang puso niya ay hindi pa pinaghaharian ng katotohanan, at hindi pa natatamo ng Diyos, sa takbo ng kanyang buhay ay gagamitin niya ang salita ng Diyos upang tukuyin, suriin, at kilatisin ang lahat ng pahayag na ikinikintal ni Satanas sa mga tao at sa huli ay magagawa niyang talikdan si Satanas. Sa ganitong paraan, liliit nang liliit ang puwang ni Satanas sa puso ng mga tao, hanggang sa ganap itong mawala. Mapapalitan ito ng salita ng Diyos, ng mga aral na ibinibigay ng Diyos sa mga tao, ng mga katotohanang prinsipyo na itinutustos ng Diyos, at iba pa. Ang buhay na ito ng pagiging positibo at ng katotohanan ay unti-unting magkakaugat sa mga tao at ookupa ng pinakamalaking puwang sa kanilang puso, at bilang resulta, magkakaroon ng kapamahalaan ang Diyos sa puso ng mga tao. Ibig sabihin, kapag ang iba’t ibang kaisipan, pananaw, maling pananampalataya at maling paniniwala na ginagamit ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao ay natutukoy at nakikilatis, kaya kinamumuhian at tinatalikuran ng mga tao ang mga ito, unti-unting ookupa sa puso ng mga tao ang katotohanan. Unti-unti itong magiging buhay ng mga tao at aktibo silang magpapasakop at susunod sa Diyos. Paano man gumawa at mamuno ang Diyos, aktibong magagawang tanggapin ng mga tao ang katotohanan at ang salita ng Diyos at makapagpapasakop sa gawain ng Diyos. Bukod pa roon, sa pamamagitan ng karanasang ito, aktibo silang magsusumikap sa katotohanan at magkakamit ng pagkaunawa sa katotohanan. Ganito nagkakaroon ng tunay na pananalig sa Diyos ang mga tao, at habang lalong nagiging malinaw sa kanila ang katotohanan, lalong lumalaki ang kanilang pananalig. Kapag may tunay na pananalig sa Diyos ang mga tao, nagsasanhi rin ito na matakot sila sa Diyos. Kapag may takot sa Diyos ang mga tao, may pagnanais silang makamit ang Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso, at handa silang magpasakop sa Kanyang kapamahalaan. Nagpapasakop sila sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at nagpapasakop sa mga plano ng Diyos para sa kanilang tadhana. Nagpapasakop sila sa bawat araw at sa lahat ng espesyal na sitwasyong itinatakda ng Diyos para sa kanila. Kapag may ganitong kahandaan at pagkauhaw ang mga tao, aktibo rin nilang tatanggapin ang mga hinihingi ng Diyos sa kanila at magpapasakop sila sa mga ito. Habang lalong nagiging malinaw sa mga tao ang mga resulta nito, at lalong nagiging totoo, ang mga pahayag, kaisipan at pananaw ni Satanas ay mawawalan ng epekto sa puso ng mga tao. Sa madaling salita, mababawasan nang mababawasan ang kontrol at impluwensiya ng mga pahayag, kaisipan at pananaw ni Satanas sa mga tao. Pagkatapos ng ilang panahon ng pagpupunyagi, at pagkatapos ng ilang panahon ng aktibong pakikipagtulungan at determinasyon ng mga tao na magpasakop sa Diyos, makakawala na sila sa pagkakagapos at pagkontrol ni Satanas. Kapag umabot na sila sa puntong ito, makakatakas na ang mga tao sa kapangyarihan ni Satanas. Lubusan na nilang tatalikuran ang mga pahayag, kaisipan at pananaw na ginamit ni Satanas para ilihis sila, at lalaki nang lalaki ang kanilang pananalig sa Diyos. Siyempre, ang epektong ito ay nakasalalay sa salita at gawain ng Diyos at lalo na sa paghahangad at pakikipagtulungan ng mga tao. Kung maraming pinakikinggang katotohanan at mga sermon ang isang tao, pero wala pa rin siyang kamalayan sa mga kaisipan at pananaw ni Satanas at hindi pa niya nagawang kamuhian ang mga bagay na ito, at kung ayaw ng taong ito na aktibong tukuyin, kilatisin, at talikuran ang mga satanikong bagay na ito, bagkus ay pasibo niyang hinaharap o kaya ay hindi pinapansin ang mga ito, kung gayon, ang iba’t ibang ideya at pananaw ni Satanas ay mananatiling malalim na nakatanim sa taong iyon. Sa kanyang pang-araw-araw na buhay at sa takbo ng kanyang buong buhay, hindi sinasadyang maiimpluwensiyahan at makokontrol pa rin siya ng iba’t ibang kaisipan at perspektiba ni Satanas, at ang kanyang mga pagtingin sa mga tao at bagay, at ang kanyang asal at mga kilos ay magmumula pa rin kay Satanas. Kung nagmumula kay Satanas ang lahat ng ito, ang iyong pananampalataya sa Diyos ay isa lamang pagkilala sa pag-iral ng Diyos, sa halip na isang tunay na pananalig, at hindi mo kailanman kikilalanin ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Siyempre, hindi kusang babaling sa Diyos ang iyong puso, at hindi mo magagawang ibalik sa Diyos ang iyong puso. Masasabi na hindi mo kayang magbigay ng ni katiting na tunay na debosyon sa tungkulin at mga obligasyong ibinigay ng Diyos sa iyo, at hindi mo kayang tunay na matakot sa Diyos, lalo na ang maging tunay na mapagpasakop sa Kanya. Ano ang malinaw na magiging resulta kung mabibigo kang isakatuparan ang mga bagay na ito? Hindi ka maliligtas. Ito ba ang mangyayari? (Oo.) Ito ang mangyayari. Malinaw na ang mga kaisipan, pananaw at kuru-kuro na ginagamit ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao at itinatanim nang malalim sa kanilang puso, ay mga bagay na humahadlang sa mga tao na makinig sa tinig ng Diyos, maniwala sa salita ng Diyos, tanggapin ang mga positibong bagay at lalo na na tanggapin ang katotohanan at pumasok sa katotohanan. Sa panlabas ay naiiba ang mga bagay na ito mula sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Gayunpaman, ang diwa ng mga ito ay bahagi ng kalikasan ni Satanas, at ang mga ito ay mga bagay na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang mga tao. Kung titingnan mula sa panlabas, may malinaw na pagkakaiba ang masasamang pagkilos ni Satanas sa paggawang tiwali sa sangkatauhan at ang pagpapanggap ni Satanas ng paggawa ng kabutihan, isang pagkakaiba na mahirap kilatisin para sa mga ordinaryong tao. Subalit, ang mga kahihinatnan ng panlilihis ni Satanas at paggawang tiwali nito sa mga tao ay napakalinaw. Isa itong malinaw na katunayan na nagdulot ito sa kabuuan ng karaniwang lipunan na itatwa, labanan at salungatin pa nga ang Diyos.
Ang satanikong disposisyong nasa loob ng mga tao ay ganap na resulta ng panlilihis at paggawang tiwali ni Satanas sa kanila. Bukod pa roon, ang iba’t ibang satanikong maling pananampalataya, maling paniniwala, pilosopiya at mga batas na pinanghahawakan ng mga tao, pati na rin ang kanilang pananaw sa buhay at mga prinsipyo, ay lahat mga kongkretong pagpapamalas ng panlilihis at paggawang tiwali ni Satanas. Sa madaling salita, matapos malihis ni Satanas ang mga tao, at magsanhi na lumayo sila sa Diyos at itatwa ang Diyos, ganap nitong ikinikintal sa kanila ang lahat ng uri ng satanikong kaisipan, pananaw, maling pananampalataya at maling paniniwala. Bukod pa roon, hayagang nagpapakalat si Satanas ng maraming propaganda, kasama na ang lahat ng uri ng mga kuru-kuro, pananaw, at pahayag, na nagtuturo at nag-uudyok sa mga tao kung paano harapin ang lahat ng bagay, at na nag-uudyok sa kanila na tanggapin ang lahat ng ito sa kanilang puso. Bilang resulta, iba’t ibang tiwaling satanikong disposisyon ang nabubuo sa loob nila. Ito ang paraang ginagamit ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao. Ibig sabihin, kapag may kahungkagan sa kaibuturan ng kaluluwa ng mga tao, kapag hindi sila nag-iisip nang tama at kapag sila ay parang isang hungkag na kagamitan, pumapasok sa puso nila ang iba’t ibang pahayag ni Satanas at namamalagi roon ang mga iyon. Halimbawa, kapag ang mga pahayag kagaya ng “Kailanman ay hindi pa nagkaroon ng Tagapagligtas,” “Ang langit at lupa at lahat ng bagay ay nilikha ng kalikasan,” “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal,” “Ang mga lalaki ay dapat matipuno,” at iba pa, ay nilikha, naiimpluwensiyahan ng mga ito ang mga tao nang hindi nila namamalayan. Tinatanggap ng mga tao ang lahat ng uri ng kaisipan at pananaw mula kay Satanas nang walang anumang kamalayan sa masasamang puwersa, mga maling pananampalataya at maling paniniwala na ito, at nang walang anumang kakayahang tukuyin ang mga ito o anumang kapangyarihan para labanan ang mga ito. Ang proseso kung saan tinatanggap ng mga tao ang mga satanikong kaisipan at pananaw na ito ay mismong ang proseso kung saan nililihis, inuudyukan, at ginagawang tiwali ang mga tao. Halimbawa, kung isa kang babae na hindi alam ang tamang paraan kung paano dapat mamuhay ang isang babae, at kung ano-anong bagay ang dapat niyang gawin, pagkatapos ay isusulong ni Satanas ang mga maling pananampalataya at maling paniniwala nito, gaya ng “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal, mamalagi sa bahay at hindi lumabas,” “Kabutihan sa isang babae ang pagiging walang kasanayan,” at iba pa. Iisipin mong matalino at maganda namang pakinggan ang mga kasabihang ito, kaya tatanggapin mo ang mga ito. Kapag kumakalat sa lipunan at sa lupa ang mga maling pananampalataya at maling paniniwalang ito, bilang isang babae ay hindi namamalayang tatanggapin mo ang mga ito at mahigpit mong iuutos sa sarili mo na sundin mo ang mga kasabihang ito. Una, ikukumpara mo sa mga ito ang sarili mo, sa paniniwalang dahil isa kang babae, kailangan mong maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal, mamalagi sa bahay, maging isang mabuting babae na walang kasanayan, at iba pa. Sa takbo ng prosesong ito, unti-unti kang mauudyukan, maiindoktrinahan, at maiimpluwensiyahan ng mga pahayag, kaisipan at pananaw na kumakalat sa lipunan, at kalaunan ay aabot ka sa punto na magiging bahagi ka na ng mga ito. Sa mas partikular na pananalita, matapos kang mailihis ng mga ideya at pananaw ni Satanas, magagapos at makokontrol ka ng mga ito, at sa kaibuturan ng iyong puso, uutusan mo ang iyong sarili at titingnan ang iba nang ayon sa mga ito, nang hindi mo namamalayan. Samakatuwid, sa iyong pang-araw-araw na buhay, ang mga kaisipan at pahayag na ito ay bubuo ng mga kaisipan at pananaw sa kaibuturan ng iyong puso, at pagkatapos ay gagamitin mo ang mga ito bilang pamantayan at batayan sa iyong pag-asal at pag-uugali. Ganito paunti-unting nagiging karaniwang kaugalian sa lipunan at sa publiko ang iba’t ibang kaisipan at pananaw ni Satanas. Habang mas nagiging laganap sa lipunan ang kagawiang ito, at habang mas lumalaki ang populasyon na inuudyukan at iniimpluwensiyahan nito, nagiging isang uri ito ng puwersa. Kapag nalikha na ang puwersang ito, ganap nang nakakulong at kontrolado ng mga kaisipan at pananaw na ito ang sangkatauhan, o sa madaling salita, pinaghaharian na sila ng mga ito. Sa mas tumpak na pananalita, nabihag na ni Satanas ang mga tao. Halimbawa, sa mundo ni Satanas, “ang mga lalaki ay dapat matipuno, matibay at ambisyoso,” “ang mga lalaki ay dapat may matataas na ambisyon, pangarap at hindi natitinag na espiritu,” “dapat linangin ng mga lalaki ang kanilang sarili, pamahalaan nang maayos ang kanilang pamilya, pamunuan ang bayan, at magdala ng kapayapaan sa lahat,” “dapat matuto ang mga lalaki na gumamit ng kapangyarihan, mangasiwa sa sitwasyon, at mangibabaw sa mundo,” “ang mga lalaki ay hindi madaling mapaluha,” at iba pa. Ang bawat lalaki ay nagagapos ng mga hinihingi, kaisipan at pananaw na ito mula pa sa simula. Ang mga lalaki at mga babae ay kapwa nalilimitahan at nagagapos ng iba’t ibang kasabihan ng tradisyonal na kultura. Kung hindi alam ng mga lalaki kung paano dapat kumilos ang isang lalaki, o kung paano itatag ang sarili nila sa kanilang komunidad, lipunan o bansa, tatanggapin nila ang mga kaisipan at pananaw na ito kapag narinig nila ito, nang hindi nila namamalayan. Unti-unti silang masasanay sa mga ito hanggang sa gagamitin na nila ang mga ito bilang pamantayan at batayan upang gumawa ng mahigpit na hinihingi para sa sarili nila. Higit pa rito, isasagawa nila ang mga kaisipan at pananaw na ito, dadanasin ang pagiging ganoong tao sa realidad, at pagkatapos ay magiging halimbawa sila sa pamamagitan ng pagsisikap sa mga layong ito. Halimbawa, kailangang magkaroon ng matataas na ambisyon ang mga lalaki, kailangan nilang gumawa ng malalaking bagay at magkaroon ng mahalagang propesyon. Dapat ay wala silang mga relasyon na puno ng pagmamahal at hindi nila dapat gawing panghabambuhay na responsabilidad o layon ang suportahan ang kanilang mga magulang o alagaan ang kanilang mga anak. Sa halip, kailangan nilang lawakan ang kanilang pananaw, sumunod sa kanilang mga adhikain, matutong pangasiwaan ang sitwasyon, at mang-angkin pa nga ng kapangyarihan para kontrolin ang sangkatauhan at ang kababaihan. Tinanggap na ng mga tao ang mga kaisipan at pananaw na ito; nagsasagawa at namumuhay na sila ayon sa mga ito sa kanilang buhay, at hinahangad nila ang mga layong kalakip nito. Bukod pa roon, kapag nabuo at nag-ugat na ang mga kaisipan at pananaw na ito sa kaibuturan ng puso ng mga tao, titingnan nila ang sangkatauhan, lipunan at ang buong mundo sa pamamagitan ng mga ito. Kapag napakalalim nang nag-ugat sa puso ng tao ang mga ito na hindi na maaaring alisin ang mga ito, titingnan niya ang mga tao at bagay, aasal siya at kikilos nang ayon sa mga kaisipan at pananaw na “Ang mga lalaki ay dapat malakas at matibay,” at iba pa. Ito ang pinagmumulan at pinag-uugatan ng pananaw ng mga lalaki sa mundo at sa buhay. Kapag tinitingnan ng mga lalaki ang mga tao at bagay, umaasal at kumikilos ayon sa mga kaisipan at pananaw na ikinintal sa kanila ni Satanas, ang mga kaisipan at pananaw na ito ay kumakalat sa mga tao at sa lipunan nang hindi napapansin, unti-unting pumapasok sa kaibuturan ng puso ng bawat tao—hindi lang ng mga lalaki, kundi ng mga babae rin. Kapag malalim na nakapasok ang mga bagay na ito sa puso ng bawat tao, at naikintal pa nga sa puso ng mga musmos na bata na natututo pa lang magsalita, nagiging karaniwang kaugalian na sa komunidad at sa lipunan ang mga kaisipan at pananaw na ito. Bibilis nang bibilis ang pagkalat ng kaugaliang ito, at lalaganap ito nang lalaganap hanggang sa alam na alam na ito ng lahat ng tao, at isang daang porsyento nila itong nakikilala at tinatanggap. Kapag umabot na ang mga bagay-bagay sa puntong ito, ang mga sosyologo, politiko at pinuno ng bansa, o sa mas tumpak na pananalita, ang mga diyablong hari na sumusunod kay Satanas, ay lalong patatatagin ang katayuan ng mga kaisipan at pahayag na ito sa sangkatauhan. Isusulat nila ang mga ito, at sistematikong malawak na ikakalat at isusulong ang mga pahayag na ito sa pamamagitan ng lahat ng uri ng mga di-tuwirang patunay, paborableng kondisyon, tao, pangyayari at bagay, upang lumaganap sa sangkatauhan ang mga pahayag na ito at makabuo ng isang atmospera sa lipunan at isang di-nagbabagong pamantayan ng moralidad sa lipunan. Gamit ang pamantayang ito ng moralidad, kokontrolin at igagapos nila ang mga tao, at sa puntong ito ay makakamit na ang layon ni Satanas. Kapag nakamit na ni Satanas ang layong ito, ang buong sangkatauhan, pati kapwa mga lalaki at mga babae, ay malilihis, magagawang tiwali, at mapaghaharian na ng mga kaisipan at pananaw na ito. Alam ba ninyo kung ano ang magiging mga kahihinatnan kapag ang sangkatauhan ay nalihis, nagawang tiwali, at napagharian na ng mga kaisipan at pananaw ni Satanas? Sa tingin ninyo, bakit isinusulong ni Satanas ang mga kaisipan, pahayag, maling pananampalataya at maling paniniwalang ito? Para lang ba ito gawing tiwali ang sangkatauhan? Para lang ba ito agawin ang mga tao? Sino ang pakay ng lahat ng ito? (Ang Diyos.) Tama, kailangang maging malinaw ito sa inyo. Sa lahat ng masasamang bagay na ginagawa ni Satanas, at lalo na sa lahat ng bagay na ginagawa ni Satanas upang ilihis, guluhin, kontrolin, at gawing tiwali ang sangkatauhan, ang mga tao ay mga gamit-panserbisyo at kasangkapan lamang. Sila ay mga lalagyan lang ni Satanas para maibuhos ang lahat ng kakayahan at kasanayan nito. Ang lahat ng bagay na ginagawa ni Satanas ay nakatuon sa Diyos sa halip na sa mga tao. Nais nitong kontrahin ang Diyos at ang mga tao ay mga lalagyan o kasangkapan lamang nito para magawa ito. Kaya, bakit gusto ni Satanas na labanan ang Diyos? Bakit gusto nitong gawing tiwali nang ganito ang sangkatauhan? Ito ay dahil nilikha ng Diyos ang sangkatauhan at gusto Niyang iligtas ito. Bakit hindi ginagawang tiwali ni Satanas ang mga hayop, halaman, o taga-ibang planeta? Dahil hindi sinusubukang iligtas ng Diyos ang mga hayop, halaman, o taga-ibang planeta, o ang anumang iba pang nilikha maliban sa mga tao. Sinusubukang iligtas ng Diyos ang mga taong nilikha Niya sa mundong ito. Sinusubukan Niyang makamit ang grupong ito ng mga tao sa mundo. Anong uri ng mga tao? Isang grupo ng mga taong sumusunod sa Diyos at na tapat hanggang kamatayan, na kaisa ng Diyos sa puso at isipan, at na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Sila ang mga taong nais makamit ng Diyos. Bago magawa ng Diyos ang Kanyang gawain para iligtas at kamtin ang mga taong ito, sinusubukan ni Satanas na makauna at gawing tiwali ang mga tao. Sinasabi ni Satanas, “O Diyos, gusto Mo bang iligtas ang sangkatauhan? Kung ganoon, gagawin ko muna silang tiwali. Kapag nagawang tiwali ang mga tao hanggang sa puntong ganap na silang mala-demonyo sa halip na tao, hindi Mo na sila maililigtas. Hindi Ka magtatagumpay, at mabibigo Ka sa huli.” Ito ang layon ni Satanas. Balikan natin ang katanungan Ko kanina. Kapag ginagawang tiwali ni Satanas ang disposisyon ng tao, at isinusulong din nito ang iba’t ibang maling pananampalataya at maling paniniwala at ang lahat ng uri ng kaisipan at pananaw upang ilihis, paralisahin, at kontrolin ang isipan at puso ng tao, ano ang layunin nito? Hindi ninyo masasagot iyan; hindi ninyo iyan nauunawaan. Hindi ang mga tao ang pakay ni Satanas kapag ginagawa nito ang lahat ng ito, bagamat ang mga tao ang ginagawang tiwali at kinokontrol nito. Sa halip, ang lahat ng ito ay nakapuntirya sa Diyos. Ano ang pinakalayon o pinakaresulta ng paggawang tiwali ni Satanas sa mga tao? Ito ay upang maging kontra sa Diyos ang mga tao. Kapag ang mga tao ay naging ang mismong kabaligtaran ng Diyos, at ang Kanyang kalaban, naniniwala si Satanas na ang pakana at mga pansariling kalkulasyon nito ay magtatagumpay, at na ito ay sasambahin at susundin ng mga tao sa mundo. Kaya naman, kapag ang iba’t ibang kaisipan, pahayag, maling pananampalataya at maling paniniwala ni Satanas ay malalim na nakabaon sa puso ng mga tao, hindi na sila maniniwalang umiiral ang Diyos, o tatanggap sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos, o sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Ganap na itatatwa at ipagkakanulo ng mga tao ang Diyos. Iniisip ni Satanas na sapat nang gawing tiwali ang mga tao hanggang sa puntong kaya na nilang itatwa ang Diyos. Bakit? Dahil sa puntong iyon, ang mga taong nais na iligtas ng Diyos ay lubusan at ganap nang mabibihag at mapaghaharian ni Satanas, at lubusan at ganap nang magiging kabaligtaran ng Diyos. Ito ang layunin ni Satanas. Totoo ba na hindi pa ninyo ito naisip kailanman noon? (Oo.) Hindi ninyo nauunawaan. Iniisip ng mga tao, “Ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao para mahuli tayo, mabitag tayo, mapinsala tayo, mahayaan tayong mamatay, maipadala tayo sa impiyerno at mailayo tayo sa pagliligtas ng Diyos at sa tamang landas sa buhay. Pinapahirapan tayo ni Satanas.” Isang parte ito, pero isa lang itong nilalayong epekto na idinudulot ng lahat ng ginagawa ni Satanas, at sa katunayan ay hindi ito ang pangunahing layon. Nauunawaan na ba ninyo ngayon kung ano ang pangunahing layon? Sabihin ninyo sa Akin, bakit nililihis, kinokontrol, at ikinukulong ni Satanas ang isipan ng mga tao? (Ang lahat ng ginagawa ni Satanas ay nakapuntirya sa Diyos, at ang pangunahing layon ay ang itulak ang lahat ng tao na kalabanin ang Diyos.) Ano pa? (Dahil gusto ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan, gusto silang gawing tiwali ni Satanas, at itulak sila na kalabanin ang Diyos, para hindi sila makatanggap sa pagliligtas ng Diyos. Gusto ni Satanas na wasakin ang plano ng pamamahala ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan.) Ikinikintal ni Satanas sa mga tao ang lahat ng uri ng maling pananampalataya at maling paniniwala, at kapag malalim nang nag-ugat sa puso ng mga tao ang mga maling kaisipan at pananaw na ito, ang mga maling pananampalataya at maling paniniwalang ito, kinokontrol at ikinukulong ng mga ito ang isipan nila. Nagdudulot ito ng isang partikular na sitwasyon. Anong uri ng sitwasyon? Isang sitwasyon kung saan ganap nang nabuo ang kabaligtaran ng Diyos, ang sangkatauhan ay lubusan nang naging isang puwersang laban sa Diyos, at masaya si Satanas. Ito ang layon na sinusubukang makamit ni Satanas. Ano ang layunin ni Satanas sa paggawa ng lahat ng ito? Ibuod ninyo ito sa isang pangungusap. (Ikinikintal ni Satanas sa mga tao ang lahat ng uri ng mga maling pananampalataya at maling paniniwala, at kapag malalim nang nag-ugat sa puso ng mga tao ang mga maling kaisipan at pananaw na ito, ang mga maling pananampalataya at maling paniniwalang ito, lumilitaw ang isang sitwasyon kung saan ganap nang nabuo ang kabaligtaran ng Diyos, at ang mga tao ay naging mga tao na lumalaban sa Diyos. Naging mga kaaway na sila ng Diyos, at nakamit na ni Satanas ang layon nito.) Ito ang kasagutan—hindi ba’t simple lang ito? (Oo.) Ito ang layon at resulta na nais makamit ni Satanas sa paggawang tiwali sa sangkatauhan.
Sa tingin ba ninyo ay alam ng Diyos ang mga bagay na ito na ginagawa ni Satanas upang gawing tiwali ang sangkatauhan? (Oo.) Kung gayon, bakit hinahayaan ng Diyos si Satanas na gawin ito? Gamitin ninyo ang nauunawaan ninyo tungkol sa katotohanan para ipaliwanag ito. Hindi ba’t mayroong kasabihan tungkol dito? “Ginagamit ang karunungan ng Diyos batay sa panlalansi ni Satanas.” Isa itong halimbawa ng pagkakatotoo ng kasabihan, hindi ba? (Oo.) Saka, ang parirala bang “Si Satanas ang mapaghahambinganan at nagsisilbing gamit-pangserbisyo sa gawain ng Diyos” ay mailalapat dito? (Oo.) Ang dalawang kasabihan ay kapwa may kaugnayan at magagamit ang mga ito para ipaliwanag ang katanungang nasa itaas. Hindi ba? (Oo.) Ganoon iyon. Kung may magtatanong nito, paano ninyo ito ipaliliwanag sa kanya? Kung malabo lang ninyong sasabihin na, “Ginagamit ang karunungan ng Diyos batay sa panlalansi ni Satanas,” malilito siya at hindi iyon mauunawaan. Alam ba ninyo kung paano ito ipapaliwanag nang mas detalyado? Madali itong ipaliwanag, hindi ba? Hinahayaan ng Diyos si Satanas na gawin ang mga bagay na ito na gumagawang tiwali sa sangkatauhan, hindi dahil hindi kaya ng Diyos na pigilan o asikasuhin ang mga ito, kundi sapagkat may dahilan. Ang dahilan ay na “Ginagamit ang karunungan ng Diyos batay sa panlalansi ni Satanas,” gaya ng sinabi Ko kanina. Hindi ito isang kasabihan o isang teorya lamang, kundi isang hindi mapag-aalinlanganang katotohanan, na makukumpirma ng katunayan na kayang iligtas ng Diyos ang tao matapos itong gawing tiwali ni Satanas. Ano ang pakay ni Satanas sa paggawang tiwali sa mga disposisyon ng tao at pagkintal sa mga tao ng lahat ng uri ng maling pananampalataya at maling paniniwala upang kontrolin at ikulong ang kanilang isipan? Ang pinakalayon ba ay ang supilin ang gawain ng Diyos at magsanhing mawala na parang bula ang Kanyang plano ng pamamahala? Ito ba ay panlalansi ni Satanas? (Oo.) Ito ang panlalansi ni Satanas. Ano ang iniisip ng Diyos kapag ginagawa ni Satanas ang ganoong mga panlalansi? Ano ang ginagawa ng Diyos? Ano ang nasa isipan Niya? Paano naipamamalas ang Kanyang karunungan sa lahat ng ito? Ginagamit ng Diyos ang panlalansi ni Satanas. Mayroong panlalansi si Satanas. Sinasabi nito, “Inuudyukan ko at ginagawang tiwali ang mga tao hanggang sa maging kagaya ko na sila. Sila ay nagiging maliliit na Satanas na may mga kaparehong kaisipan at pananaw ko, na tinitingnan ang mga tao at bagay, umaasal, at kumikilos ayon sa aking satanikong pananaw, at na laban sa Diyos. Gusto kong kunin ang lahat ng taong nilikha ng Diyos at gawin silang pag-aari ko, ni Satanas, nang sa gayon ay masayang at maging walang saysay ang gawain ng Diyos sa mga tao. Tiyak na dahil dito ay mawawala na parang bula ang plano ng pamamahala ng Diyos.” Ito ba ay panlalansi ni Satanas? (Oo.) Kung gayon, ano ang iniisip ng Diyos? At ano ang ginagawa Niya? Sinasabi ng Diyos, “Satanas, nagpapakalat ka ng mga maling pananampalataya at maling paniniwala para guluhin at ilihis ang mga tao, at gumagawa ka ng maraming bagay para guluhin at wasakin ang gawin ng Diyos. Magkikintal lang ito ng ilang maling pananampalataya at maling paniniwala sa mga tao, upang mamuhay sila ayon sa mga ito at kumontra sa Diyos. Pagkatapos ay ibabatay Ko ang Aking mga salita at gawain sa pagkatiwali sa sangkatauhan, ilalantad Ko ang mga maling pananampalataya at maling paniniwala na ginagamit mo upang gawing tiwali ang sangkatauhan, hahatulan Ko ang iba’t ibang tiwaling disposisyon ng mga tao at tutulutan Ko ang mga tao na matukoy ang iba’t ibang kaisipan at pahayag na naikintal mo sa kanila. Sa ganitong paraan, hindi lamang mauunawaan ng mga tao ang katotohanan at ang Diyos, kundi matutukoy rin nila ang iba’t ibang pahayag, kaisipan at pananaw ni Satanas at makikilatis din ang disposisyon, diwa, at iba’t ibang masasamang gawa ni Satanas. Gamit ang pagkaunawa sa katotohanan bilang kanilang pundasyon, magagawa ng mga tao na tukuyin at itakwil si Satanas nang mas tumpak at mas mariin. Sa negatibong banda, hindi na malilihis ni Satanas ang mga tao, at hindi na sila mabibihag at malalamon nito sa ikalawang pagkakataon. Sa positibong banda, mas magagawa na nilang paniwalaan at kumpirmahin ang pag-iral ng Diyos at ang Kanyang pagkakakilanlan, at ang katunayan na Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng nilalang at bagay. Matapos makamit ang dalawang bagay na ito, magkakaroon sila ng may-takot-sa-Diyos na puso, at tunay silang magpapasakop sa Diyos. Makukuha ng Diyos ang kanilang puso, o sa mas tumpak na pananalita, makakamit sila ng Diyos. Kapag naabot na ng mga tao ang puntong ito, hindi na sila malilihis at magagamit ni Satanas. Bagkus, magagawa na nilang lubusang mapansin si Satanas, makilatis ito at maitakwil ito mula sa kaibuturan ng kanilang puso. Ipagtatapat nila na sila ay mga nilikha ng Diyos, maluwag sa kalooban nilang tatanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pamamatnugot ng Lumikha, at sa gayon ay ganap na silang makakabalik sa Diyos.” Ito ang partikular na pagsasaayos at plano ng Diyos. Siyempre, masasabi rin na ito ang kaisipan at ideya na mayroon ang Diyos sa kaibuturan ng puso Niya. Ganito mag-isip ang Diyos, ganito gumagana ang Kanyang mga ideya, at ganito Niya ito pinamatnugutan. Habang nililihis at ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, sistemakong isinasaayos ng Diyos ang lahat ng nilalang at bagay, at hakbang-hakbang Niyang isinusulong ang Kanyang plano at pamamahala sa isang organisadong pamamaraan, nang tuloy-tuloy hanggang ngayon. Ganap nang nagawang tiwali at napamahalaan ni Satanas ang mga tao. Subalit, isang hindi mapag-aalinlanganang katunayan na kapag ang sangkatauhang ito na napuspos at napuno na ng lahat ng uri ng lason ni Satanas ay tinawag ng Diyos at naririnig nila ang Kanyang tinig, maaari pa ring lumapit sa Diyos ang sangkatauhang ito, tumanggap sa Kanyang pagtawag, at maging handang tumanggap sa Kanyang paghatol at pagkastigo. Kahit pa kondenahin at isumpa ng Diyos ang gayong sangkatauhan dahil sa pagiging kauri ni Satanas at Kanyang kaaway, hinding-hindi nila Siya iiwan. Bagamat ang mga kaisipan at pananaw ng mga tao ay puno ng mga bagay na ikinintal sa kanila ni Satanas, na nagsasanhing tingnan nila ang mga tao at bagay, at umaasal at kumikilos sila sa paraan na labis pa ring naiimpluwensiyahan at nakokontrol ng mga kaisipan at pananaw ni Satanas, ang kanilang puso ay lalong bumabaling sa Diyos nang tapat at apurahan. Hindi ba’t isa itong hindi mapag-aalinlanganang katunayan? (Oo.) Higit pa rito, sa nalalapit na panahon, kapag nailantad na ng Diyos ang lahat ng masasamang gawa ni Satanas, si Satanas ay ganap nang magagawang talikuran ng sangkatauhang ito na malalim nang nagawang tiwali ni Satanas, tatanggihan ng sangkatauhan si Satanas at babalik ang kanilang puso sa Diyos. Lahat sila ay magiging handang matatag na sumunod sa Diyos nang ayon sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, mga pamamatnugot at mga pagsasaayos. Ito ang direksiyong tinatahak ng matagumpay na pagtatapos ng dakilang gawain ng Diyos, hindi ba? (Oo.) Lalo na pagkatapos magbahaginan tungkol sa ibig sabihin ng paghahangad sa katotohanan, mas maraming tao ang magkakaroon ng determinasyong tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos nang ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Malakas man o mahina ang determinasyon ng mga tao, o nakapasok man sila o hindi sa realidad na ito—anupaman, ang katunayan na ang gayong sangkatauhan na malalim nang nagawang tiwali ni Satanas ay may pagnanais at determinasyong talikuran ito, at tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos nang ayon sa mga salita ng Diyos, gamit ang katotohanan bilang kanilang pamantayan, sa halip na ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na ikinintal sa kanila ni Satanas, ay siyang mismong tanda na nagwagi na ang Diyos. Kaya, napahiya na si Satanas, hindi ba? (Oo.) Samakatuwid, ang kasabihan na “Ginagamit ang karunungan ng Diyos batay sa panlalansi ni Satanas,” ay hindi lang mga hungkag na salita, kundi isang praktikal, obhetibo, at hindi mapag-aalinlanganang katotohanan. Ang lahat ng kasamaang ginagawa ni Satanas ay umabot na sa puntong nililihis at kinokontrol na nito ang sangkatauhan. Naniniwala ito na nagulo at nawasak na nito ang gawain ng Diyos at na imposible para sa Diyos na ipagpatuloy ang Kanyang plano ng pamamahala. Kaya, iniisip ni Satanas na nagwagi na ito. Subalit, hindi mapapabagal ni Satanas ang takbo ng plano ng pamamahala ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan kahit gaano pa kapabaya si Satanas, at hindi rin nito mahahadlangan ang dakilang tagumpay ng plano ng pamamahala ng Diyos at ang pagwagi Niya kay Satanas. Sa kasalukuyan, ang gawain ng Diyos ay lumaganap na sa buong sansinukob, at ang salita ng Diyos ay lumaganap na sa milyon-milyong tahanan. Ito ang patunay ng dakilang tagumpay ng Diyos.
Kung may muling magtatanong sa inyo, “Bakit nililihis, kinokontrol, at ikinukulong ni Satanas ang isipan ng mga tao? Bakit hinahayaan ng Diyos na gawin ito ni Satanas?” Masasagot ba ninyo ang mga katanungang ito? Kahit pa hindi ninyo ito lubusang maipaliwanag, kahit papaano man lang ay maibabahagi ninyo ang ilan sa inyong pagkaunawa. Bakit ginagawa ni Satanas ang lahat ng ito? Ano ang kabuluhan ng pagpayag ng Diyos na gawin ni Satanas ang lahat ng ito? Dapat ninyong pag-isipan ang mga bagay na ito at dapat ay may eksaktong kasagutan sa inyong puso. Anim na libong taon nang gumagawa ang Diyos upang iligtas ang sangkatauhan. Hindi ito nauunawaan ng ilang tao at sinasabi nilang, “Anim na libong taon nang gumagawa ang Diyos? Hindi ba’t sobrang tagal naman niyon?” Gaano man katagal abutin ang gawain ng Diyos, ang Kanyang mga pagkilos ay pawang may malaking kabuluhan. Hindi lamang ang tagal ng Kanyang gawain ang makabuluhan; ang mga pangwakas na resultang natatamo ng Kanyang gawain ay mas lalo pang makabuluhan. Kung hindi dahil sa katunayan na anim na libong taon nang gumagawa ang Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, mapipigilan ng pagkamanhid at kapurulan ng isip ang mga tao na makilala ang Diyos o ganap na mailigtas Niya. Magagawa ba ng mga tao na tukuyin ang mga anticristo at na makilala ang kalikasang diwa ng mga ito kung isa o dalawang beses lang nilang naranasan ang panlilihis at panggugulo ng mga anticristo? Magiging sapat na ba ang tatlo o limang beses? Sa tingin Ko, hindi. Kailangang maranasan ito ng mga tao nang maraming beses hanggang sa lubusan na nilang makita ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Saka lamang nila tunay na matutukoy at ganap na matatalikuran ang mga anticristo. Sa partikular, kung maikli lang ang panahon na natambad ang mga tao sa mga malubhang paniniil at malupit na pang-aapi ng malaking pulang dragon, hindi nila ito lubusang mararanasan, at agad nila itong malilimutan. Bilang resulta, hindi nila tunay na kamumuhian at itatakwil ang malaking pulang dragon. Ang malupit na pang-aapi ni Satanas ay kailangang tumatak na parang marka sa puso ng mga tao, para kamuhian nila ito mula sa kaibuturan ng kanilang puso at malinaw na makita ang tunay nitong mukha. Kung sandali lamang na inapi ang isang tao nang isa o dalawang beses, magiging mahirap para sa kanya na kamuhian si Satanas at maghimagsik laban dito. Kapag nabigyan ng pagkakataon, mabuti pa rin ang sasabihin niya tungkol kay Satanas at pupurihin niya ito. Kailangang maibigay kay Satanas ang isang tao nang maraming beses para magdusa siya sa pagpapahirap at pagmamalupit nito bago niya malinaw na makikita ang kasamaan, kapangitan, kalupitan, at kawalan ng kahihiyan nito, at ganap itong matalikuran. Kailangang-kailangan na maranasan ang mga bagay na ito sa loob ng mahabang panahon. Bilang halimbawa, sa paggawa ng bakal, hindi mabubuo ang isang magandang bakal kung sandali lang itong nasa apoy; kailangang lubusang mapatibay ang bakal para makuha ang pinakamagagandang resulta. Ibig sabihin, ang bawat yugto ng gawain ng Diyos ay nangangailangan ng mahabang panahon; ang bawat yugto ay humihingi ng mahabang panahon. Kailangan itong gawin sa ganitong paraan; kung hindi, hindi matatamo ang isang magandang resulta. Magkakaroon ng iba’t ibang antas ng mga pagbabago sa kaibuturan ng puso ng tao at sa tiwaling disposisyon ng sangkatauhan dahil sa impluwensiya ng mas malalaking sitwasyon ng bawat panahon, at ang bawat isa sa mga pagbabagong ito ay magkakaroon ng kaugnayan sa gawaing nais gawin ng Diyos sa mga tao sa bawat yugto. Ang dahilan kung bakit muling nagkatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw para gumawa nang ganoon kalaki at magsalita ng napakarami ay na dahil sa huling yugtong ito, ang tiwaling disposisyon, mga kaisipan at pananaw, at ang mas malawak na kapaligiran at sitwasyon ng lipunan, ay lahat tumutugma sa sitwasyon ng gawain na nais gawin ng Diyos sa mga huling araw. Ang mga kalakaran, kaugalian, pag-uulit-ulit, o mga sitwasyon sa lipunan, ang politikal na sitwasyon, o maging ang kapangyarihang politikal ng mga satanikong bayan ay pawang mga salik ng mas malaking kapaligiran. Sa panahon kung kailan umiiral ang mga salik na ito, ang lagay ng loob at tiwaling disposisyon ng mga tao, na ibig sabihin, ang panloob na kalagayan ng buong sangkatauhan ay ang mismong kinakailangan ng Diyos para sa Kanyang gawain. Ito ang pinakaangkop na panahon para ipatupad ng Diyos ang Kanyang paghatol at pagkastigo upang maipakita ang Kanyang pagiging maharlika, pagiging matuwid, awa, at mapagmahal na kabaitan. Kapag nasa tamang pagkakataon na at ganap nang handa ang lahat ng salik na ito, sisimulan na ng Diyos ang Kanyang gawain. Ito ang gawain na nais isakatuparan ng Diyos sa ilalim ng impluwensiya ng mas malawak na kapaligiran. Sapat nang maunawaan ninyo ito. Ang ilang taong may mahusay na kakayahan ay makauunawa, samantalang ang iba na walang karanasan ay baka hindi makaunawa. Sa partikular, ang mga hindi makaunawa sa politikal na sitwasyon at diwa ng mga kalakaran sa lipunan, at ang mga kulang pa sa gulang ang pag-iisip ay nasisiyahan lang sa maliliit na karanasang espirituwal at mga hindi gaanong makabuluhang patotoo, at baka hindi nila gaanong nauunawaan ang mas malawak na sitwasyon ng politika at lipunan na kaugnay sa gawain ng Diyos. Hindi mahalaga kung gaano ninyo nauunawaan ang mga bagay na ito; magiging malinaw ang mga ito habang unti-unti ninyong mas nararanasan ang mga ito dahil kasama ng mga ito ang plano ng pamamahala ng Diyos at ang gawain ng Diyos, na isang dakilang pangitain. Hindi na tayo magbabahaginan nang dagdag pa tungkol sa paksang ito dahil hindi pa kayo handa sa mas malalim na talakayan.
Noong huli, natapos nating pagbahaginan ang kasabihan tungkol sa wastong asal: “Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para matapat na pangasiwaan ang anumang ipinagkatiwala sa iyo ng ibang tao.” Sunod naman nating pagbabahaginan ang kasabihan na “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya.” Una sa lahat, dapat natin subukang malaman kung paano suriin ang mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw sa kasabihang ito tungkol sa wastong asal, at kung ano ang layunin ni Satanas sa paggawa nito. May idyoma sa Tsina na nagsasabing, “Mahirap malaman ang mga totoong layunin ng isang tao,” kaya ano ang mga totoong layunin ni Satanas? Ito ang kailangan nating ilantad at suriin. “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya” ay isa pang kaisipan at pahayag na ginagawa ni Satanas sa mga tao, at sa panlabas ay tila ba marangal ito; ito ay nakapupukaw at makapangyarihan. Kaya, bakit masyadong kahanga-hanga ang kasabihang ito? Sulit ba na pahalagahan at isapuso ito? Sulit bang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos ayon sa kaisipan at pananaw na ito? Mayroon bang anumang mabuti rito? Isa ba itong positibong kasabihan? Kung hindi ito isang positibong bagay o tamang kaisipan at pananaw, ano ang negatibong epekto nito sa mga tao? Ano ang layunin ni Satanas kapag gumagawa ito ng ganitong kasabihan at ikinikintal sa mga tao ang kaisipan at pananaw na ito? Paano natin ito dapat kilatisin? Kung kaya mo itong kilatisin, tatanggihan at aayawan mo ang pariralang ito mula sa kaibuturan ng iyong puso, at hindi ka na nito maiimpluwensiyahan. Bagamat sasagi sa isip mo ang pariralang ito at guguluhin ka sa kaloob-looban paminsan-minsan, kung kaya mo itong kilatisin, hindi ka nito magagapos o matatali. Sa tingin ba ninyo ay may anumang mabuti sa pahayag na “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya”? Isa ba itong kasabihan na may positibong epekto sa mga tao? (Hindi.) Nais ba ninyong maging maginoo? Mabuting bagay ba o masamang bagay ang maging maginoo? Mas mabuti bang maging isang maginoo o isang huwad na maginoo? Mas mabuti bang maging isang maginoo o isang kontrabida? Hindi ba ninyo napag-isipan ang mga isyung ito? (Hindi.) Bagamat hindi ninyo napag-isipan ang mga bagay na ito, isang bagay ang natitiyak: Madalas ninyong ginagamit ang salitang “maginoo,” sinasabi ang mga bagay na gaya ng, “Mas mabuti nang maging tunay na kontrabida kaysa sa isang huwad na maginoo,” at “Ang totoong maginoo ay masyadong mapagbigay-loob na kung may sasalungat sa kanya, hindi siya maghihinanakit at mapapatawad niya ang taong iyon. Iyan ang tinatawag na maginoo!” Ano ang pinatutunayan tungkol sa iyo ng katunayang kaya mong sabihin ang mga bagay na ito? Pinatutunayan ba nito na ang maginoo ay may isang partikular na katayuan sa iyong mga kaisipan at pananaw, at na umiiral sa iyong isipan ang mga kaisipan at kasabihan tungkol sa maginoo? Masasabi ba natin na ganito? (Oo.) Sinasang-ayunan at hinahangaan mo ang mga taong iyon sa lipunan na umaasal na parang maginoo o na tinatawag na maginoo, at nagsusumikap kang maging isang maginoo at maituring na maginoo, sa halip na isang kontrabida. Kung may magsasabing, “Isa kang tunay na kontrabida,” sobra kang malulungkot. Subalit, kung may magsasabing, “Isa kang tunay na maginoo,” matutuwa ka. Ito ay dahil pakiramdam mo, kung pinuri ka ng isang tao sa pamamagitan ng pagtawag sa iyo na maginoo, naiangat na ang iyong dangal, at naaprubahan na ang iyong mga pamamaraan at metodo sa pag-asal at sa pangangasiwa sa mga bagay-bagay. Siyempre, matapos mong makakuha ng ganitong pag-apruba sa lipunan, pakiramdam mo ay mayroon kang marangal na katayuan at hindi ka isang tao na mababang uri o mas mababa kaysa sa iba. Ang matuwid na maginoo, siya man ay kathang-isip lang o talagang umiiral, ay may tiyak na puwang sa kaibuturan ng puso ng mga tao. Kaya, nang tanungin Ko kayo kung alin ang mas mabuti, ang maginoo o ang kontrabida, wala sa inyo ang nangahas na sumagot. Bakit? Dahil naisip ninyo, “Bakit Mo naitanong iyan? Siyempre mas mabuti na maging maginoo kaysa sa kontrabida. Hindi ba’t ang isang maginoo ay mabuti, matuwid, at may mataas na moralidad? Ang sabihin na hindi mabuting maging maginoo ay taliwas sa sentido komun, hindi ba? Magiging taliwas ito sa normal na pagkatao, hindi ba? Kung ang isang maginoo ay hindi mabuti, anong uri ng tao ang mabuti?” Kaya hindi kayo nangahas na sumagot, hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Kinukumpirma ba nito na may malinaw na pagpipilian ang puso ninyo sa pagitan ng maginoo at ng kontrabida? Alin ang mas gusto ninyo? (Ang maginoo.) Kung gayon, malinaw ang layunin natin. Tumuon tayo sa pagtukoy at pagsuri sa isang maginoo. Walang may gusto sa kontrabida, malinaw iyon. Kaya ano ba mismo ang isang maginoo? Kung itatanong ninyo na, “Mas mabuti bang maging isang maginoo o isang kontrabida?” Para sa Akin, malinaw ang kasagutan: Parehong masama ang mga ito, dahil parehong hindi positibong katangian ang maginoo at ang kontrabida. Iyon nga lang, hinuhusgahan ng mga tao ang pag-uugali, mga pagkilos, katangian at moralidad ng kontrabida bilang masama, kaya ayaw ng mga tao sa kanya. Kapag ang batayang moralidad at katangian ng kontrabida ay hayagang nakikita, mas lalong itinuturing siya ng mga tao bilang mas kontrabida. Subalit, mas madalas na ipinapakita ng isang maginoo ang kanyang eleganteng paraan ng pagsasalita at pagkilos, ang kanyang mabuting moralidad at magandang katangian, at nirerespeto siya ng mga tao at pakiramdam nila ay nabibigyang-inspirasyon sila. Bilang resulta, tinatawag nila siya na maginoo. Kapag ganito humaharap sa iba ang maginoo, siya ay pinupuri, hinahangaan, at pinahahalagahan. Samakatuwid, gustung-gusto ng mga tao ang isang maginoo at ayaw nila sa isang kontrabida. Subalit, ano ang basehan ng pagtukoy ng mga tao kung ang isang tao ay maginoo o kontrabida? (Batay sa panlabas na pag-uugali nito.) Hinuhusgahan ng mga tao bilang marangal o mababa ang isang tao batay sa pag-uugali ng taong iyon, pero bakit hinuhusgahan ng mga tao ang iba batay sa kanilang pag-uugali? Ito ay dahil ang kakayahang taglay ng karamihan sa mga tao ay hanggang sa ganitong antas lamang. Kaya lang nilang makita kung mabuti ba o masama ang pag-uugali ng isang tao; hindi nila kayang makita nang malinaw ang diwa ng taong iyon. Bilang resulta, kaya lang nilang tukuyin kung ang isang tao ay maginoo o kontrabida batay sa pag-uugali nito. Kung gayon, tama ba ang paraang ito ng pagkilatis? (Hindi.) Mali talaga ito. Kung gayon, tumpak bang tingnan ang isang maginoo bilang isang taong nagtataglay ng magandang katangian at mabuting moralidad? (Hindi.) Tama, hindi iyon tumpak. Hindi tumpak na bigyang-pakahulugan ang mga maginoo bilang mayroong magandang katangian, moral, marangal at malinis. Kaya, kung titingnan ito ngayon, positibo ba ang katawagang “maginoo”? (Hindi.) Hindi ito positibo. Ang isang maginoo ay hindi mas marangal kaysa sa isang kontrabida. Kaya, kung may magtatanong, “Mas mabuti bang maging isang maginoo o isang kontrabida?” Ano ang kasagutan? (Pareho silang masama.) Tumpak iyan. Kung may magtatanong kung bakit pareho silang masama, simple lang ang kasagutan. Ang maginoo at ang kontrabida ay kapwa hindi positibong katangian; wala sa kanila ang tunay na mabuting tao. Puno sila ng tiwaling disposisyon at lason ni Satanas. Kinokontrol at nilalason sila ni Satanas, at namumuhay sila ayon sa lohika at mga batas nito. Kaya, masasabi nang may katiyakan na, kahit na hindi isang mabuting tao ang kontrabida, hindi rin maaaring maging isang positibong tao ang maginoo. Kahit pa itinuturing ng iba ang maginoo bilang isang mabuting tao, nagpapanggap lang siya na isang mabuting tao. Hindi siya isang matapat na taong sinasang-ayunan ng Diyos, lalong hindi siya isang taong natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Sadyang mas madalas na umaasal nang medyo maayos ang maginoo at medyo mas madalang na umaasal nang masama samantalang ang kontrabida ay medyo mas madalas na umaasal nang masama at medyo mas madalang na umaasal nang maayos. Ang maginoo ay medyo mas nirerespeto samantalang ang kontrabida ay medyo mas kinamumuhian. Ito lang ang pagkakaiba sa pagitan ng isang maginoo at isang kontrabida. Kung huhusgahan sila ng mga tao ayon sa kanilang pag-uugali, ito ang tanging resultang makakamit nila.
Natutukoy ng mga tao kung ang isang tao ay maginoo o kontrabida batay sa pag-uugali nito. Maaari nilang sabihin, “Maginoo ang taong ito dahil marami siyang nagawa para sa ikabubuti ng lahat. Ganito ang naiisip ng lahat. Kaya, siya ay maginoo at isang taong may mataas na moralidad.” Kung sinasabi ng lahat na maginoo ang isang tao, nangangahulugan ba iyon na mabuting tao at may positibong karakter ang taong iyon? (Hindi.) Bakit hindi? Dahil ang lahat ng tao ay tiwali, may mga tiwaling disposisyon at hindi nagtataglay ng mga katotohanang prinsipyo. Kaya, sinuman ang magsabi na maginoo ang isang tao, ang pahayag ay nagmumula kay Satanas, at nagmumula sa isang tiwaling tao. Ang pamantayan ng mga tao sa pagsusuri ay hindi tama, at kaya, hindi rin tama ang resulta nito. Hindi kailanman nangungusap ang Diyos nang batay sa mga maginoo o kontrabida. Hindi Niya hinihingi sa mga tao na maging isang tunay na maginoo sa halip na isang huwad na maginoo, ni sinasabi kailanman na “Lahat kayo ay mga kontrabida. Ayaw Ko ng kontrabida, gusto Ko ng maginoo.” Sinasabi ba ito ng Diyos? (Hindi.) Hindi Niya sinasabi. Hindi kailanman sinusuri o tinutukoy ng Diyos kung mabuti ba o masama ang isang tao batay sa mga salita at kilos nito. Sa halip, sinusuri at tinutukoy Niya iyon ayon sa diwa nito. Ano ang ibig sabihin nito? Una, nangangahulugan ito na hinahatulan ang mga tao ayon sa kalidad ng kanilang pagkatao, at kung sila ba ay may konsensiya at katwiran. Pangalawa, hinahatulan sila batay sa kanilang saloobin sa katotohanan at sa Diyos. Ganito sinusuri at tinutukoy ng Diyos kung ang isang tao ay mas mataas ba o mas mababa kaysa sa iba. Samakatuwid, walang maginoo o kontrabida sa mga salita ng Diyos. Sa iglesia, sa mga taong inililigtas ng Diyos, hindi Niya hinihingi sa kanila na maging maginoo, o isinusulong ang ideya na maging maginoo, at hindi Niya hinihiling sa mga tao na punahin ang mga kontrabida. Tiyak namang hindi hinuhusgahan ng sambahayan ng Diyos kung sino ang may mataas na moralidad batay sa mga tradisyonal na kasabihang pangkultura tungkol sa wastong asal. Hindi nito isinusulong at pinalalago ang sinumang maginoo, at pinaaalis at itinitiwalag ang sinumang kontrabida. Isinusulong, pinalalago, pinaaalis o itinitiwalag ng sambahayan ng Diyos ang mga tao ayon sa sarili nitong mga prinsipyo. Hindi nito tinitingnan ang mga tao ayon sa mga pamantayan at kasabihan tungkol sa wastong asal, at hindi nito isinusulong ang sinumang maginoo at itinatakwil ang sinumang kontrabida. Sa halip, pinangangasiwaan nito ang lahat ng tao nang ayon sa salita ng Diyos at sa katotohanan. Ano ang tingin ninyo sa ilang tao sa iglesia na palaging nagsisikap na maging maginoo? (Hindi sila mabuti.) Palaging hinuhusgahan ng ilang bagong mananampalataya ang mga tao nang ayon sa pamantayan ng isang maginoo o kontrabida. Kapag nakikita nilang pinupungusan ng mga lider ng iglesia ang mga taong nagdudulot ng mga pagkagambala at pagkakagulo, sinasabi nila, “Hindi maginoo ang lider na ito! Kapag nakagawa ng maliit na pagkakamali ang isang kapatid, sinusunggaban niya ito at hindi niya ito pinalalampas. Hindi mag-aabala rito ang isang maginoo. Ang isang maginoo ay magiging mapagparaya, mapagpatawad at mapagpayapa pa nga—siya ay magiging higit na mapagtanggap! Masyadong mahigpit sa mga tao ang lider na ito. Halatang siya ay kontrabida!” Sinasabi ng mga taong ito na ang mga nagtatanggol sa mga interes ng sambahayan ng Diyos ay hindi maginoo. Sinasabi nila na ang mga gumagawa nang seryoso, metikuloso at responsable ay mga kontrabida. Ano ang tingin ninyo sa mga taong ganito ang tingin sa iba? Tinitingnan ba nila ang mga tao nang ayon sa katotohanan o sa salita ng Diyos? (Hindi.) Hindi nila tinitingnan ang mga tao nang ayon sa katotohanan at sa salita ng Diyos. Bukod pa roon, kinukuha nila ang mga ideya, pananaw, metodo at kaparaanang ginagamit ni Satanas para suriin ang mga tao, at ipinalalaganap at inilalabas sa iglesia ang mga ito. Malinaw na ang mga ito ay mga kaisipan at pananaw ng mga walang pananampalataya at ng mga hindi mananampalataya. Kung wala kang pagkakilatis, at iniisip mong ang isang maginoo ay isang mabuting tao na may mataas na moralidad, at isang taong sandigan ng iglesia, maaari kang malihis ng taong ito. Dahil magkapareho kayo ng mga kaisipan at pananaw, kapag may gumagawa ng mga pahayag o kasabihan tungkol sa mga maginoo, tiyak na maaakit at malilihis ka nang hindi mo namamalayan. Subalit, kung may pagkakilatis ka sa mga gayong bagay, tatanggihan mo ang mga gayong pahayag at hindi ka malilihis ng mga ito. Sa halip, magpupumilit kang suriin ang mga tao at bagay at na husgahan ang tama at mali, nang ayon sa salita ng Diyos at mga katotohanang prinsipyo. Pagkatapos ay makikita mo nang tumpak ang mga tao at bagay, at kikilos ka nang alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Ang mga hindi mananampalataya na hindi naghahangad sa katotohanan, at ang mga walang pagkakilatis at hindi handang sumunod sa mga panuntunan ng sambahayan ng Diyos, ay madalas nagbabanggit ng mga kaisipan at pahayag na nagmumula kay Satanas at na karaniwan sa mga walang pananampalataya, para ilihis ang mga kapatid at guluhin ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan. Kung walang pagkakilatis ang mga tao, bagamat maaaring hindi sila inililihis o ginugulo ng mga taong iyon, madalas ay mapipigilan sila ng mga pahayag ng mga taong iyon, at iiwas silang kumilos o magsalita. Hindi sila mangangahas na itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo, at hindi sila mangangahas na magpumilit na kumilos nang ayon sa mga hinihingi ng salita ng Diyos, lalo nang hindi sila mangangahas na ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Dahil ba ito sa kawalan ng pagkilatis sa mga kaisipan at pahayag ni Satanas? (Oo.) Halatang ito ang dahilan. Ang mga katawagang “maginoo” at “kontrabida” ay walang bisa sa iglesia. Magaling magpanggap at magbalatkayo ang mga walang pananampalataya. Isinusulong nila na maging maginoo kaysa kontrabida, at ginagamit nila ang mga pagkukunwaring ito sa kanilang buhay. Ginagamit nila ang mga bagay na ito upang mapatanyag nila ang kanilang sarili sa gitna ng mga tao, upang malansi ang ibang tao na ituring silang bantog at may mabuting reputasyon, at upang magkamit sila ng kasikatan at kayamanan. Sa sambahayan ng Diyos, ang lahat ng bagay na ito ay kailangang alisin at ipagbawal. Hindi dapat hayaang kumalat ang mga ito sa sambahayan ng Diyos o sa mga taong hinirang ng Diyos, at hindi rin dapat mabigyan ng pagkakataon ang mga ito na guluhin at ilihis ang mga hinirang ng Diyos. Ito ay dahil ang lahat ng ito ay nagmumula kay Satanas, walang basehan sa salita ng Diyos, at tiyak na hindi mga katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng mga tao pagdating sa kung paano nila tingnan ang mga tao at bagay, kung paano sila umasal at kumilos. Samakatuwid, ang “maginoo,” “huwad na maginoo,” at “kontrabida” ay hindi ang mga tamang katawagan para tukuyin ang diwa ng isang tao. Malinaw Ko bang naipaliwanag ang katawagang “maginoo”? (Oo.)
Tingnan nating muli ang kasabihang “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya” para makita natin kung ano ba talaga ang ibig sabihin nito. Ang literal na kahulugan ng pariralang ito ay na kailangang seryosohin ng isang maginoo ang kanyang sinasabi. Gaya nga ng sinasabi ng kasabihan, ang isang tao ay kasingbuti lang ng kanyang salita; ang isang maginoo ay dapat sineseryoso ang kanyang sinasabi at tinutupad ang kanyang mga pangako. Samakatuwid, para maging isang ginoong may mataas na moralidad, na gusto ng marami at pinahahalagahan, kailangang kumilos ang isang tao nang ayon sa kasabihang “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya.” Ibig sabihin, ang maginoo ay dapat mapagkakatiwalaan. Kailangan niyang umako ng responsabilidad para sa sinasabi at ipinapangako niya, at siguraduhin na tutuparin niya iyon. Hindi siya pwedeng umatras sa kanyang sinabi o mabigong tuparin ang kanyang mga pangako sa iba. Ang isang taong madalas na nabibigong tuparin ang kanyang mga pangako sa iba ay hindi isang maginoo o mabuting tao, kundi isang kontrabida. Ganito maipapakahulugan ang pariralang “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya.” Pangunahin nitong binibigyang-diin ang mga salita at kilos ng isang maginoo pagdating sa moralidad at pagiging mapagkakatiwalaan. Una, hayaan ninyo Akong magtanong, ano ang ibig sabihin ng “salita” sa “salita ng isang ginoo”? Nangangahulugan ito ng dalawang bagay: isa niyang pangako, o isang panata na gawin ang isang bagay. Gaya ng sinabi Ko noong nakaraan, ang mga maginoo ay hindi mabubuting tao, kundi mga ordinaryong tao na malalim nang nagawang tiwali ni Satanas. Kaya, pagdating sa diwa ng mga tao, ano ang mga pangunahing paraan na naipamamalas ng mga tao ang kanilang sarili sa mga bagay na kanilang ipinapangako? Ang pagsasalita nang mapagmataas, ang pagmamalabis, pagpuri sa kanilang sarili, pagsasabi ng mga hindi totoong bagay tungkol sa kanilang sarili, pagsasabi ng mga bagay na hindi tumutugma sa mga katunayan, pagsisinungaling, pagsasalita nang marahas at pagbubulalas ng sama ng loob. Ang lahat ng ito ay matatagpuan sa mga bagay na sinasabi at ipinapangako ng mga tao. Kaya, matapos sabihin ng isang tao ang mga bagay na ito, hinihiling mo sa kanya na gawin ang kanyang ipinangako, tuparin ang kanyang sinabi, at hindi umatras sa kanyang sinabi, at kung tutupad siya, iniisip mo na isa siyang maginoo at mabuting tao. Hindi ba’t katawa-tawa iyon? Kung maingat na sisiyasatin at susuriin ang mga sinasabi ng mga tiwaling tao sa araw-araw, matutuklasan mong ang lahat ng iyon ay mga kasinungalingan, hungkag na salita, o bahagyang katotohanan lamang. Wala ni isang salita ang tumpak, totoo o may katunayan. Sa halip, binabaluktot ng kanilang mga pahayag ang mga katunayan, nalilito sa kung alin ang tama at mali, at ang ilan pa nga sa mga iyon ay nagkikimkim ng masasamang intensiyon o mga satanikong panlalansi. Kung tutuparin ang lahat ng salitang ito, magdudulot ito ng matinding kaguluhan. Huwag na nating pag-usapan kung ano ang mangyayari sa isang malaking grupo ng mga tao, pag-usapan na lang natin kapag mayroong diumano’y maginoo sa isang pamilya, na palaging gumagawa ng mga walang-pasubaling komento, at naglilitanya ng maraming walang katuturang teorya at mga mapagmataas, mali, masama, at malupit na salita. Kung sineseryoso niya ang kanyang sinasabi at ang kanyang salita ang kanyang garantiya, ano ang magiging mga kahihinatnan? Magiging gaano kagulo ang pamilyang ito? Kagaya lang ito ng haring diyablo ng bansa ng malaking pulang dragon. Gaano man kakatawa-tawa o kasama ang mga patakaran nito, isinusulong pa rin nito ang mga iyon, at mahigpit na isinasakatuparan at ipinatutupad ng mga nasasakupan nito ang mga patakaran—walang nangangahas na kontrahin o pigilan ang mga ito, na humahantong sa kaguluhan ng bansa. Bukod pa roon, papalapit na ang iba’t ibang sakuna, at nagsimula na ang paghahanda para sa digmaan. Ang buong bansa ay lubusan nang naligalig. Kung matagal na maghahari sa isang bansa o bayan ang isang diyablong lider, malalagay sa matinding gulo ang mga tao sa bansang iyon. Magiging gaano kagulo ang mga bagay-bagay? Kung isasakatuparan at ipatutupad ng mga tao ang lahat ng di-makatwirang kalokohan, maling paniniwala at kasinungalingang inilalabas ng mga haring diyablo, may maidudulot ba itong anumang mabuti para sa sangkatauhan? Lalo at lalo lamang magiging magulo, madilim at masama ang sangkatauhan. Sa kabutihang palad, ang “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya” ay walang iba kundi mga hungkag na salita; isa lamang itong retorika, hindi kaya ni Satanas na isakatuparan ito, at hindi nito kayang matamo ang sinasabi nito. Kaya, may kaunti pang kaayusan sa mundo at medyo matatag pa ang mga tao. Kung hindi ganito, ang bawat sulok ng mundo ng tao, saanman na may mga “maginoo,” ay magiging magulo. Isa ito sa mga bagay na nakalilinlang sa kasabihang “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya.” Mula sa perspektiba ng diwa ng mga tao, makikita natin na ang kanilang mga pahayag, mga sinasabi, at mga pangako ay hindi maaasahan. Ang isa pang mali rito ay na ang sangkatauhan ay na pinipigilan ng kaisipan at pananaw na “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya.” Iniisip nila, “Kailangan nating tuparin ang ating sinabi at gawin ang sinasabi nating gagawin natin dahil ganito ang pagiging isang maginoo.” Nangingibabaw ang kaisipan at pananaw na ito sa isipan ng mga tao at ito ang nagiging pamantayan kung paano nila tinitingnan, hinuhusgahan at inilalarawan ang isang tao. Ito ba ay angkop at tumpak? (Hindi, hindi ito tumpak.) Bakit ito hindi tumpak? Una, dahil ang sinasabi ng mga tao ay walang gaanong halaga at mga hungkag na salita, kasinungalingan at pagmamalabis lamang. Pangalawa, hindi makatarungang gamitin ang kaisipan at pananaw na ito upang kontrolin ang mga tao at hingin sa kanilang tuparin ang kanilang sinabi. Madalas na ginagamit ng mga tao ang “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya” para sukatin ang pagiging mas mataas o mas mababa ng isang tao. Madalas na nag-aalala ang mga tao kung paano nila tutuparin ang kanilang mga pangako at napipigilan sila nito, nang hindi nila namamalayan. Kung hindi nila kayang tuparin ang kanilang mga pangako, sila ay dinidiskrimina at pinagagalitan ng iba, at mahirap para sa kanila na mapatanyag ang sarili nila sa komunidad kung hindi nila kayang tuparin ang isang maliit na bagay. Hindi ito makatarungan para sa mga taong ito at hindi ito makatao. Dahil sa kanilang mga tiwaling disposisyon, nagsasalita ang mga tao nang ayon sa mga kagustuhan nila, sinasabi ang anumang gusto nilang sabihin; wala silang pakialam kung gaano kakatawa-tawa o kasalungat sa mga katunayan ang kanilang mga pahayag. Ganito ang mga tiwaling tao. Natural para sa lahat na kumilos nang ayon sa sarili nitong disposisyon: Kailangang matutong kumurok ang isang manok, kailangang matutong tumahol ang isang aso at na umalulong ang isang lobo. Kung ang isang bagay ay hindi tao, ngunit mahigpit pa rin itong pinagsasalita at pinagagawa ng mga pantaong bagay, labis itong mahihirapan. Taglay ng mga tao ang tiwaling disposisyon ni Satanas, isang disposisyon na mapagmataas at mapanlinlang, kaya natural para sa kanila na magsinungaling, magmalabis at mangusap ng mga hungkag na salita. Kung nauunawaan mo ang katotohanan at marunong kang kumilatis ng mga tao, ang lahat ng ito ay dapat mukhang normal at karaniwan sa iyo. Hindi mo dapat gamitin ang nakalilinlang na kaisipan at perspektiba na “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya” para tingnan ang mga tao at bagay, at para husgahan at ilarawan kung ang mga tao ay mabuti o mapagkakatiwalaan ba o hindi. Ang paraang ito ng pagsusuri ay hindi tama, at hindi ito dapat gamitin. Ano ang tamang paraan? May tiwaling disposisyon ang mga tao, kaya normal para sa kanila na magmalabis at magsabi ng mga bagay na hindi sumasalamin sa kanilang aktuwal na sitwasyon. Kailangan mo itong harapin nang tama. Hindi mo dapat hingin sa isang tao na tuparin ang kanyang mga pangako nang ayon sa mga pamantayan ng isang maginoo, at lalong hindi mo dapat igapos ang iba o ang iyong sarili sa kaisipan na “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya.” Hindi ito tama. Dagdag pa rito, ang husgahan ang pagkatao at moralidad ng isang tao batay sa kung siya ba ay maginoo o hindi ay isang pangunahing pagkakamali, at hindi ito ang tamang pamamaraan. Ang batayan nito ay mali at hindi umaayon sa salita ng Diyos o sa katotohanan. Samakatuwid, anong uri man ng mga kaisipan at pananaw ang ginagamit ng mundo ng mga walang pananampalataya upang husgahan ang isang tao, at kung isinusulong man ng mundo ng mga walang pananampalataya na maging maginoo o kontrabida, sa sambahayan ng Diyos, ang kasabihang “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya” ay hindi isinusulong, hindi inirerekomenda na maging maginoo ang sinuman at tiyak na hindi hinihingi sa iyo na kumilos nang ayon sa kasabihang “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya.” Kahit pa mahigpit mong hinihingi sa iyong sarili na maging maginoo, at katawanin ang kasabihang “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya,” ano naman ngayon? Maaaring napakahusay mo itong ginagawa at isa kang mapagpakumbabang ginoo na tumutupad sa kanyang mga pangako at hindi kailanman nabibigong gawin ang kanyang sinabi. Subalit, kung hindi mo kailanman tinitingnan ang mga tao at bagay, kung hindi ka kailanman umaasal at kumikilos nang ayon sa mga salita ng Diyos, o sumusunod sa mga katotohanang prinsipyo, isa kang ganap na hindi mananampalataya. Kahit pa maraming tao ang sumasang-ayon at sumusuporta sa iyo, na nagsasabing maginoo ka, na hindi ka kailanman nabibigong tuparin ang iyong sinabi at na sineseryoso mo ang iyong mga pangako, ano naman ngayon? Nangangahulugan ba iyon na nauunawaan mo ang katotohanan? Nangangahulugan ba iyon na sinusunod mo ang daan ng Diyos? Gaano man kahusay at kaangkop mo sinusunod ang kasabihan tungkol sa wastong asal na “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya,” kung hindi mo nauunawaan ang salita ng Diyos, at hindi ka sumusunod at kumikilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi mo matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos.
Matapos na matukoy at masuri ang mga kamalian sa kaisipan at pananaw na “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya,” tingnan natin kung ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao pagdating sa kanilang mga salita at kilos. Anong uri ng tao ang hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging? (Isang matapat na tao.) Tama iyan. Maging matapat, huwag magsinungaling, huwag mandaya, huwag maging mapanlinlang, at huwag manlansi. Hanapin mo ang salita ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo kapag kumikilos ka. Iilan lang ang mga bagay na ito; napakasimple nito. Kung magsasalita ka nang hindi matapat, iwasto mo ang iyong sarili. Kung ikaw ay magmamalabis, magsisinungaling o magsasalita nang higit pa sa iyong posisyon, magnilay-nilay ka at magkaroon ng kamalayan dito, at hanapin mo ang katotohanan para malutas ito. Dapat kang magsabi ng mga bagay na tumutugma sa iyong aktuwal na sitwasyon, sa pagkaunawa na nasa iyong puso at sa mga katunayan. Bukod pa roon, kung kaya mong gawin ang mga bagay na ipinangako mo sa iba, gawin mo ang mga iyon. Kung hindi mo naman kaya, agad mong sabihin sa kanila. Sabihin mo, “Pasensiya ka na, hindi ko iyon kayang gawin. Wala akong kakayahan, at hindi ko iyon magagawa nang maayos. Ayaw kitang maantala, kaya mas mabuti pang sa iba ka na lang humingi ng tulong.” Hindi mo kailangang laging tuparin ang iyong sinabi, maaari kang umatras sa iyong mga pangako. Basta maging tapat na tao ka. Maging matapat ka lang sa iyong mga sinasabi at ginagawa, sa halip na subukang manloko o manlinlang, at hanapin mo ang mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng sitwasyon. Ganoon iyon kasimple; napakadali niyon. Mayroon bang anumang parte sa hinihingi ng Diyos na gawin ng mga tao na magpanggap sila? Kahit kailan ba ay humingi Siya sa mga tao nang labis-labis, na gumawa sila nang higit sa kaya nilang pasanin o kayang gawin? (Hindi.) Kung ang mga tao ay walang kakayahan, kakayahang umarok, pisikal na enerhiya o lakas, sinasabi sa kanila ng Diyos na sapat nang gawin nila ang kanilang makakaya, na magsikap sa abot ng kanilang makakaya at na ibuhos ang lahat-lahat nila. Sinasabi mo, “Ibinigay ko na ang lahat ng mayroon ako, pero hindi ko pa rin matugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Iyon na ang lahat ng aking makakaya pero hindi ko alam kung kontento ba ang Diyos.” Ang totoo, sa paggawa nito ay natupad mo na ang mga hinihingi ng Diyos. Hindi binibigyan ng Diyos ang mga tao ng pasanin na masyadong mabigat para sa kanila. Kung kaya mong magpasan ng isandaang libra, tiyak na hindi ka bibigyan ng Diyos ng pasanin na mas mabigat pa sa isandaang libra. Hindi ka Niya gigipitin. Ganito ang Diyos sa lahat ng tao. At hindi ka pipigilan ng anuman—ng sinumang tao o anumang kaisipan at pananaw. Ikaw ay malaya. Kapag may nangyayari, may karapatan kang mamili. Maaari mong piliin na magsagawa nang ayon sa salita ng Diyos, maaari mong piliin na magsagawa nang ayon sa mga pansarili mong pagnanais, o, siyempre, maaari mong piliin na kumapit sa mga kaisipan at pananaw na ikinintal sa iyo ni Satanas. Malaya kang piliin ang alinman sa mga pagpipiliang ito, pero kailangan mong umako ng responsabilidad para sa anumang pipiliin mo. Ipinapakita lamang sa iyo ng Diyos ang daan; hindi ka Niya pinipilit na gawin, o hindi gawin, ang isang bagay. Matapos ipakita sa iyo ng Diyos ang daan, ikaw na ang pipili. Buo ang iyong mga karapatang pantao, at mayroon kang ganap na kalayaang pumili. Pwede mong piliin ang katotohanan, ang iyong mga pagnanais bilang tao, o siyempre, ang mga kaisipan at pananaw ni Satanas. Alinman ang piliin mo, ikaw ang magpapasan ng panghuling resulta; walang sinumang papasan niyon para sa iyo. Kapag pumili ka, hindi mangingialam ang Diyos sa anumang paraan, at hindi Siya gagawa ng anuman para pilitin ka. Maaari kang pumili ayon sa gusto mo, anuman ang pagpiling iyon. Sa huli, hindi ka pupurihin ng Diyos, bibigyan ng malaking kalamangan, lalagyan ng kaaya-ayang pakiramdam sa iyong puso, o ipaparamdam sa iyo na labis kang marangal dahil lang pinili mo ang tamang landas at ang katotohanan. Hindi Niya gagawin iyon. Hindi ka rin agad na didisiplinahin o isusumpa ng Diyos kung pipiliin mo ang iyong mga pagnanais bilang tao, o agad kang pauulanan ng sakuna bilang parusa kahit pa kumilos ka nang walang ingat ayon sa mga kaisipan at pananaw na ikinintal sa iyo ni Satanas. Habang pumipili ka, natural na nagpapatuloy ang lahat ng bagay, at pagkatapos mong pumili, natural na magpapatuloy ang lahat ng bagay. Nagmamasid lang ang Diyos, pinapanood ang nangyayari, at tinitingnan ang dahilan, proseso at resulta. Siyempre, sa huli, kapag hinatulan ang mga tao at ang kanilang katapusan ay itinakda, uuriin ng Diyos ang landas na iyong tinahak batay sa lahat ng iyong personal na pagpili, titingnan Niya ang landas na ito sa kabuuan para makita kung anong uri ka talaga ng tao, at mula rito, itatakda Niya kung anong uri ng katapusan ang dapat mayroon ka. Iyan ang pamamaraan ng Diyos. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Kapag ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, hindi Niya kailanman hinahayaan ang isang pahayag, kasabihan, o pananaw na maging kalakaran sa mga tao, na kukulong at kokontrol sa kanilang mga kaisipan upang magawa nila nang hindi sinasadya ang nais ng Diyos na gawin nila. Hindi ito ang paraan ng Diyos ng paggawa. Binibigyan ng Diyos ang mga tao ng ganap na kalayaan at ng karapatang pumili, at tinatamasa nila nang buo ang mga karapatang pantao at ang ganap na kalayaang pumili. Sa bawat sitwasyong nakakaharap ng mga tao, pwede nilang piliin na tanggapin at gamitin ang mga kaisipan at pananaw ni Satanas upang kilatisin at husgahan ang kayarian ng isang partikular na bagay, o puwede nilang piliing gawin iyon nang ayon sa salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Isa ba itong katunayan? (Oo.) Hindi pinipilit ng Diyos ang mga tao; ang ginagawa ng Diyos ay patas para sa lahat. Kalaunan, ang mga nagmamahal sa katotohanan at sa mga positibong bagay ay tatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, makakamit nila ang katotohanan, magkakaroon sila ng may-takot-sa-Diyos na puso, makapagpapasakop nang tunay sa Diyos at maliligtas dahil minamahal nila ang katotohanan at ang mga positibong bagay. Iyon namang mga hindi nagmamahal sa katotohanan, at na palaging kumikilos nang walang-ingat ayon sa sarili nilang kagustuhan, tumututol sila sa katotohanan at hindi nila iyon tinatanggap sa anumang paraan. Natatakot lang sila sa pagkastigo at paghatol ng Diyos, at natatakot sila na sila ay parurusahan, kaya sila ay atubiling gumagawa ng kaunting gawain sa sambahayan ng Diyos para lang magpakitang-tao, magtrabaho nang kaunti at nagpapakita ng kaunting mabuting pag-uugali. Subalit, hindi nila kailanman tinatanggap ang katotohanan o sinusunod ang daan ng Diyos, at wala sila sa landas ng paghahangad at pagsasagawa ng katotohanan. Bilang resulta, hindi nila kailanman mauunawaan ang katotohanan o mapapasok ang katotohanang realidad, at sa gayon ay mapalalampas nila ang pagkakataong maligtas. Ang karamihan sa mga taong ito ay mga trabahador. Kahit pa hindi sila gumagawa ng masama, hindi nanggagambala o nanggugulo, at hindi sila itinitiwalag o inaalis mula sa sambahayan ng Diyos gaya ng mga anticristo at masasamang tao, sa huli, ang makukuha lang nila ay ang titulong “trabahador,” at hindi malinaw kung sila ba ay mapapatawad. May isa pang grupo ng mga tao na nabibilang kay Satanas at na mapagmatigas na kumakapit sa lahat ng kaisipan at pananaw nito. Mas gugustuhin pa ng mga taong ito na mamatay kaysa tanggapin ang katotohanan o sundin ang katotohanan at ang salita ng Diyos. Salungat pa nga sila sa lahat ng positibong bagay at sa Diyos. Dahil sila ay nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng Diyos, gumagawa ng maraming kasamaan at lubusan nilang ginagampanan ang papel ni Satanas, sa huli, ang ilan sa mga taong ito ay inaalis sa iglesia, at ang ilan ay pinatatalsik o inaalis ang pangalan nila sa talaan. Kahit pa mayroong ilan na nakaiiwas na maalis ang kanilang pangalan o mapatalsik, sa huli ay kailangan silang itiwalag ng Diyos. Nawawalan sila ng pagkakataong maligtas dahil sadyang hindi nila tinatanggap ang katotohanan at ang pagliligtas ng Diyos, at sa huli ay lilipulin sila kasama ni Satanas kapag winasak na ang mundo. Kita mo, gumagawa ang Diyos sa isang malaya at nakapagpapalayang paraan, kung saan natural ang takbo ng lahat ng bagay. Gumagawa ang Diyos sa mga tao upang gabayan, bigyang-liwanag at tulungan sila, at kung minsan ay para paalalahanan, paginhawahin at hikayatin sila. Ito ang parte ng disposisyon ng Diyos na nagpapakita ng masaganang awa. Habang ipinapakita ng Diyos ang Kanyang awa, tinatamasa ng mga tao ang kasaganaan ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos, at tinatamasa nila ang ganap na kalayaan at paglaya nang hindi nararamdaman na pinipigilan o iginagapos sila, at lalong hindi nararamdaman na nakakulong sila sa anumang pahayag, kaisipan o pananaw. Kasabay ng paggawa ng Diyos sa gawaing ito, pinipigilan din Niya ang mga tao gamit ang mga administratibong patakaran at iba’t ibang sistema ng iglesia, at pinupungusan, hinahatulan at kinakastigo Niya ang kanilang katiwalian at paghihimagsik. Dinidisiplina at itinutuwid pa nga Niya ang ilan sa kanila, o inilalantad at sinasaway sila gamit ang Kanyang mga salita, at gumagawa rin ng iba pang gawain. Gayunpaman, habang tinatamasa ng mga tao ang lahat ng ito, tinatamasa rin nila ang masaganang awa at matinding galit ng Diyos. Kapag ang kabilang parte ng matuwid na disposisyon ng Diyos—ang matinding galit—ay naipakita sa mga tao, pakiramdam pa rin nila ay malaya at napalaya sila, hindi pinipigilan, iginagapos, o ikinukulong. Kapag nararanasan ng mga tao ang anumang aspekto ng matuwid na disposisyon ng Diyos at gumagawa ito sa kanila, sa katunayan ay mararamdaman nila ang pagmamahal ng Diyos. Ang mga resultang matatamo sa kanila ay magiging positibo, may makakamit sila rito, at siyempre, sila ang pinakamakikinabang. Ganito gumagawa ang Diyos, hindi kailanman pinupuwersa, pinipilit, sinusupil o iginagapos ang mga tao, kundi pinararamdam sa kanila na sila ay pinalaya, malaya, maginhawa at masaya. Tinatamasa man ng mga tao ang awa at mapagmahal na kabaitan ng Diyos o ang Kanyang pagiging matuwid at maharlika, sa huli, nakakamit nila ang katotohanan mula sa Diyos, nauunawaan ang kahulugan at halaga ng buhay, ang landas na dapat nilang tahakin at ang direksiyon at layon ng pagiging tao. Napakarami nilang nakakamit! Namumuhay ang mga tao sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at sila ay nagagapos, nakukulong, at nalulumpo ng iba’t ibang nakalilinlang na kaisipan at pananaw na ikinikintal ni Satanas sa kanila. Hindi ito kayang tiisin, pero wala silang kapangyarihang makawala. Kapag lumalapit sa Diyos ang mga tao, palaging mananatiling pareho ang saloobin sa kanila ng Diyos, anumang uri ng saloobin ang mayroon sila sa Kanya. Ito ay dahil ang disposisyon at diwa ng Diyos ay hindi nagbabago. Palagi Niyang ipinapahayag ang katotohanan, at sa paggawa nito, inihahayag Niya ang Kanyang disposisyon at diwa. Ganito Siya gumawa sa mga tao. Ganap nilang tinatamasa ang mapagmahal na kabaitan at awa ng Diyos, pati na ang Kanyang pagiging matuwid at maharlika, at pinagpapala ang mga taong namumuhay sa kapaligirang ito. Kung, sa ganitong kapaligiran, ay hindi magagawa ng mga tao na hangarin, mahalin at sa huli ay kamtin ang katotohanan, kung mapalalampas nila ang pagkakataong maligtas, at ang ilan pa nga ay maparurusahan at malilipol gaya ni Satanas, iisa lang ang dahilan dito, at ito ay isang katunayan. Ano sa tingin ninyo iyon? Ang mga tao ay tatahak sa isang partikular na landas at magkakaroon ng isang partikular na katapusan ayon sa kanyang kalikasan. Ang panahon kung kailan itinatakda sa wakas ang katapusan ng bawat tao, ay ang panahon kung kailan sila ay pagsasama-samahin batay sa kanilang uri. Kung minamahal ng isang tao ang katotohanan at ang mga positibong bagay, kapag sa huli ay nangusap at gumawa ang Diyos, babalik ang taong ito sa Diyos at susunod sa landas ng paghahangad sa katotohanan gaano man karaming negatibong bagay ang ikinintal sa kanya ni Satanas. Subalit, kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan at tutol siya rito, ang disposisyon niyang ito ay hindi magbabago at ito ang gagabay sa kanya, gaano man karami ang sabihin ng Diyos, gaano man kataos-puso ang Kanyang mga salita, gaano man karaming gawain ang gawin Niya, at gaano man kakamangha-mangha ang Kanyang mga tanda at kababalaghan. Mas lalo pang matindi ang masasamang tao. Hindi lang sila tutol sa katotohanan, kundi may diwa pa sila na buktot at namumuhi sa katotohanan. Kinokontra nila ang Diyos at nasa kampo sila ni Satanas. Kahit pa nananampalataya sila sa Diyos, kalaunan ay babalik sila kay Satanas. Ang tatlong uri ng mga taong ito ay lahat nakaranas ng katiwalian ni Satanas, at nalihis at nakulong sila ng iba’t ibang pahayag, kaisipan, at pananaw ni Satanas. Kung gayon, bakit maliligtas sa huli ang ilang tao at ang iba ay hindi? Ito ay pangunahing nakasalalay sa landas na sinusunod ng mga tao at kung minamahal ba nila o hindi ang katotohanan. May kaugnayan ito sa dalawang bagay na ito. Kung gayon, bakit kaya ng ilang tao na mahalin ang katotohanan at ang iba ay hindi? Bakit kayang sumunod ng ilang tao sa landas ng paghahangad sa katotohanan, samantalang ang iba ay hindi, at ang ilan ay hayagan pa ngang nakikipagtalo sa Diyos at sinisiraan sa maraming tao ang katotohanan? Ano ang nangyayari dito? Natutukoy ba ito ng kanilang kalikasang diwa? (Oo.) Lahat sila ay nakaranas sa katiwalian ni Satanas, pero iba-iba ang diwa ng bawat tao. Sabihin ninyo sa Akin, ginagawa ba ng Diyos ang Kanyang gawain nang may karunungan? Nakikilatis ba ng Diyos ang sangkatauhan? (Oo.) Kung gayon, bakit binibigyan ng Diyos ang mga tao ng karapatan na pumili nang malaya? Bakit hindi sapilitang iniindoktrina ng Diyos ang lahat ng tao? Ito ay dahil gusto ng Diyos na uriin ang bawat tao ayon sa klase nito at nais Niyang ilantad silang lahat. Hindi gumagawa ang Diyos ng walang saysay na gawain; may mga prinsipyo sa likod ng lahat ng ginagawa ng Diyos, at ang gawain Niya sa isang tao ay batay sa kung anong uri ito ng tao. Paano nabubunyag ang kategorya ng isang tao? Sa anong batayan sila ibinubukod-bukod sa iba’t ibang kategorya? Ito ay batay sa mga bagay na gusto ng mga tao at sa landas na sinusunod nila. Hindi ba’t tama iyon? (Oo.) Inuuri ng Diyos ang mga tao batay sa kung ano ang gusto nila at sa landas na tinatahak nila, itinatakda Niya kung sila ba ay maaaring maligtas batay sa kanilang kategorya, at gumagawa Siya sa kanila nang ayon sa kung maaari ba silang maligtas o hindi. Kagaya ito ng kung paanong ang ilang tao ay mahilig kumain ng matatamis na pagkain, ang ilan ay ng maaanghang, ang ilan ay ng maaalat at ang ilan ay ng maaasim. Kung ihahain sa mesa ang iba’t ibang uri ng pagkaing ito, hindi na kailangan pang sabihan ang mga tao kung alin ang dapat nilang kainin at kung alin ang hindi. Ang mahihilig kumain ng maaanghang na pagkain ay kakain ng maaanghang, ang mahihilig kumain ng matatamis ay kakain ng matatamis at ang mahihilig sa maaalat na pagkain ay kakain ng maaalat. Maaari silang hayaang pumili nang malaya. Ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay may karapatang piliin kung minamahal ba nila o hindi ang katotohanan at kung anong landas ang kanilang tatahakin, pero hindi sila ang magpapasya kung sila ba ay maliligtas o hindi at kung ano ang kanilang magiging katapusan sa huli. Nakikita mo ba na may mga prinsipyo sa likod ng gawain ng Diyos? (Oo.) May mga prinsipyo sa likod ng Kanyang gawain, at ang isa sa pinakadakilang prinsipyo ay ang hayaan ang mga tao na maikategorya ayon sa kanilang mga paghahangad at landas, at na hayaan na maging natural ang takbo ng lahat ng bagay. Palaging nabibigo ang mga tao na maunawaan ito, at itinatanong nila, “Palaging sinasabi na may awtoridad ang Diyos, pero nasaan iyon? Bakit hindi gumagawa ng kaunting sapilitang indoktrinasyon ang Diyos para maipakita ang Kanyang awtoridad?” Hindi ganoon naipamamalas ang awtoridad ng Diyos; hindi ganoon ipinapakita ng Diyos sa mga tao ang Kanyang awtoridad.
Kaya na ba ninyo ngayong kilatisin ang kasabihan tungkol sa wastong asal na “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya”? Nauunawaan din ba ninyo kung ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao? (Oo.) Ano ang inyong pagkaunawa? (Hinihingi ng Diyos na maging tapat ang mga tao.) Napakasimple ng mga hinihingi ng Diyos sa mga tao. Hinihingi Niya na maging tapat ang mga tao, na harapin nila ang mga lumilitaw na usapin nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, huwag sila magpanggap, huwag lang silang magtuon sa panlabas na pag-uugali, kundi magtuon sa paggawa ng mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyo. Kung ang landas na iyong tinatahak ay tama, at ang mga prinsipyong ginagamit mo sa paghahangad kung paano umasal ay tama at umaayon sa katotohanan ng mga salita ng Diyos, sapat na iyon. Hindi ba’t simple iyon? (Oo.) Hindi tinataglay o tinatanggap ni Satanas ang katotohanan, kaya nililigaw nito ang mga tao gamit ang mga kasabihan na akala ng mga tao ay mabuti at tama, at pinagsisikap sila na maging maginoo na mabuti ang pag-uugali, sa halip na mga kontrabida na gumagawa ng masasamang bagay. Mabilis na naililigaw ni Satanas ang mga tao dahil ang mga bagay na ito ay umaayon sa mga kuru-kuro at kagustuhan ng mga tao, at madali nila itong matanggap. Pinagagawa ni Satanas ang mga tao ng mga bagay na mukha lang mabuti. Hindi mahalaga kung gaano kasama ang isang bagay na nagawa mo nang hindi nakikita, kung gaano katiwali ang iyong disposisyon, o kung masama ka bang tao o hindi; basta’t pinagbalatkayo mo ang iyong panlabas na anyo alinsunod sa mga kasabihan at hinihingi ni Satanas, at tinatawag kang mabuting tao ng iba, isa kang mabuting tao. Ang mga hinihingi at pamantayang ito ay malinaw na hinihimok ang mga tao na maging mapanlinlang at masama, na magsuot ng maskara at na pipigilan sila na tumahak sa tamang landas. Samakatuwid, maaari ba nating sabihin na ang bawat kaisipan at pananaw na ikinikintal ni Satanas sa mga tao ay umaakay sa kanila sa sunud-sunod na maling landas? (Oo.) Ang gawaing nais gawin ng Diyos sa kasalukuyan ay ang hayaan ang mga tao na makilatis ang iba’t ibang maling pananampalataya at panlilinlang ni Satanas, na mahalata at tanggihan ito, at pagkatapos ay mahila pabalik ang mga tao mula sa iba’t iba nilang lihis na landas papunta sa tamang landas, para matingnan nila ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos sila nang ayon sa mga prinsipyo. Wala ni isa sa mga prinsipyong ito ang nagmumula sa mga tao, kundi mga katotohanang prinsipyo ang mga ito. Kapag nauunawaan ng mga tao ang mga katotohanang prinsipyong ito, at naisasagawa nila ang mga ito at makakapasok sila sa realidad ng mga ito, unti-unting maihuhubog sa mga taong ito ang mga salita at buhay ng Diyos. Kung isasabuhay ng mga tao ang mga salita ng Diyos, hindi na sila maililigaw ni Satanas at tatahak sa maling landas, sa landas ni Satanas, at sa landas na walang balikan. Hindi ipagkakanulo ng mga taong ito ang Diyos paano man sila iligaw at gawing tiwali ni Satanas. Paano man magbago ang mundo, at anuman ang panahong dumating, hindi mabubulok o mapapahamak ang kanilang buhay dahil taglay ng mga taong ito ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay, at dahil hindi mabubulok o mapapahamak ang kanilang buhay, magkakasama silang mamumuhay nang ganito at mabubuhay sila magpakailanman. Ito ba ay mabuti? (Oo.) Kapag naligtas ang mga tao, sila ay labis na pinagpala!
Ano ang isang pinakamahalagang bagay para sa inyo sa kasalukuyan? Ito ay ang masangkapan ng higit pang katotohanan. Kapag nasangkapan ka ng higit pang katotohanan, at nadagdagan na ang iyong narinig, naranasan at nauunawaan, saka mo lamang magagawang tingnan ang mga tao at bagay, at makakaasal at makakakilos nang ayon sa mga salita ng Diyos, at malalaman kung ano ba mismo ang mga katotohanang prinsipyo. Saka ka lang hindi maliligaw, at hindi mo ipapalit sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo ang kalooban ng tao at ang mga kaisipan at pananaw na itinanim sa iyo ni Satanas. Hindi ba’t ganito ang kaso? (Oo.) Samakatuwid, ang isa sa mga pinakamahalaga at pinakaagarang bagay na dapat ninyong gawin ngayon, ay ang masangkapan ng katotohanan at maunawaan ang higit pang mga salita ng Diyos. Dapat mong igugol ang iyong sarili sa mga salita ng Diyos. Maraming bagay ang napapaloob sa mga salita ng Diyos, at maraming bagay na may katotohanan. Dapat mong masangkapan ang iyong sarili ng lahat ng katotohanang ito nang walang pagkaantala. Kung hindi mo sasangkapan ang iyong sarili, hindi mo magagamit ang mga salita ng Diyos bilang pundasyon kapag may nangyayari, at haharapin mo na lang ang usapin nang ayon sa sarili mong kalooban. Dahil dito, lalabagin mo ang mga prinsipyo, at ang iyong mga pagsalangsang ay mananatili sa iyo bilang isang mantsa. Kung hindi mo alam kung paano hanapin ang katotohanan kapag may nangyayari, at hinaharap mo lang ito nang ayon sa sarili mong kalooban at para matamo ang sarili mong mga mithiin, at kung umaasa ka sa sarili mong kalooban at mayroon kang mga dumi pero hindi mo alam kung paano magnilay sa sarili at magkaroon ng kamalayan sa sarili, ni kung paano ihambing ang sarili mo sa mga salita ng Diyos, hindi mo makikilala ang iyong sarili, at hindi mo magagawang tunay na magsisi. Kung hindi ka tunay na magsisisi, ano ang magiging tingin sa iyo ng Diyos? Nangangahulugan ito na mayroon kang mapagmatigas na disposisyon at pagtutol sa katotohanan, na mag-iiwan ng isa pang mantsa, at na isa pang seryosong pagsalangsang. Kapaki-pakinabang ba sa iyo na makaipon ng maraming mantsa at pagsalangsang? (Hindi.) Hindi. Kung gayon, paano malulutas ang mga pagsalangsang? Noong nakaraan, nagpahayag Ako ng isang kabanata na pinamagatang “Ang mga Paglabag ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno.” Nangangahulugan ito na ang mga pagsalangsang ay may direktang kaugnayan sa katapusan ng isang tao. Ano ang nangyayari sa mga taong palaging gumagawa ng mga pagsalangsang? Sinasabi ng ilan sa kanila, “Hindi iyon sinadya. Hindi ko sinasadyang makagawa ng anumang masama noong panahong iyon.” Mabuti ba itong palusot? Kung hindi mo iyon sinasadya, hindi ba iyon pagsalangsang? Hindi mo ba kailangang magnilay-nilay at magsisi? Hindi iyon sadya, pero hindi ba’t isa pa rin iyong pagsalangsang? Hindi mo iyon sinasadya, pero sinalungat mo ang disposisyon at mga atas administratibo ng Diyos, hindi ba? (Oo.) Isa itong katunayan, kaya isa iyong pagsalangsang. Walang saysay na magpalusot. Sinasabi mo, “Bata pa ako. Wala akong masyadong pinag-aralan, at wala akong masyadong karanasan sa lipunan. Hindi ko alam na mali pala iyon—walang nagsabi sa akin.” O sinasabi mo, “Masyadong mapanganib ang sitwasyon. Ginawa ko iyon sa kasagsagan ng pangyayari.” Mabubuting dahilan ba ang mga ito? Wala alinman sa mga ito ang mabuting dahilan. Kung mayroon kang pagkakataong kumilos nang ayon sa sarili mong kalooban, mayroon ka ring pagkakataon na hanapin ang katotohanan, at dapat mong gamitin ang katotohanan bilang prinsipyo para sa iyong mga kilos. Kaya, bakit mo piniling kumilos nang ayon sa iyong kagustuhan samantalang mayroon ka namang pagkakataong hanapin ang katotohanan? Ang isang dahilan ay na masyadong mababaw ang iyong pagkakaunawa sa katotohanan, at kadalasan ay hindi mo pinahahalagahan ang paghahangad sa katotohanan at pagsasangkap sa iyong sarili ng mga salita ng Diyos. May isa pang dahilan at sitwasyon na totoo rin: Kadalasan ay ginagawa mo ang mga bagay-bagay nang wala sa puso mo ang Diyos o ang mga salita ng Diyos. Hindi kailanman naghari sa iyong puso ang mga salita ng Diyos. Nasanay ka nang maging sutil, at kinagawian mong iniisip na ikaw ang tama, kinagawian mong naghahari ka sa bawat usapin, at kinagawian mong ginagawa ang mga bagay-bagay nang ayon sa sarili mong mga kagustuhan. Sumasailalim ka lang sa proseso at mga pormalidad ng pagdarasal sa Diyos. Ang mga salita ng Diyos ay walang puwang sa puso mo at hindi nito kayang pamunuan ang puso mo, at ang Diyos ay walang puwang sa puso mo at hindi Niya kayang pamunuan ito. Natural para sa iyo na ikaw ang mangasiwa sa lahat ng iyong ginagawa, at dahil dito, nilalabag mo ang mga katotohanang prinsipyo. Isa ba itong pagsalangsang? Ito ay tiyak—isa itong pagsalangsang. Kung gayon, bakit ka nagpapalusot? Walang katanggap-tanggap na palusot. Ang isang pagsalangsang ay isang pagsalangsang. Kung makagagawa ka ng maraming pagsalangsang, kung mapipinsala mo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang gawain ng iglesia, at kung kalaunan ay mapagsisiklab mo sa galit ang disposisyon ng Diyos, mapuputol ang pagkakataon mong maligtas. Isa itong tumpak na pagpapakahulugan sa “Ang mga Paglabag ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno”; isa itong katunayan. Ang sanhi nito ay ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, na nagbubunga ng lahat ng uri ng pag-uugali, na siya namang nagtatakda ng landas na tinatahak ng mga tao. Ang maling landas na ito ang nagiging dahilan na makagawa ang mga tao ng lahat ng uri ng mga pagsalangsang sa mahahalaga at mga kritikal na sandali habang gumagawa sila ng kanilang tungkulin. Kung napakarami mong nagawang pagsalangsang at naipon ang mga ito, mawawala na ang pagkakataon mong maligtas. Bakit ba palaging gumagawa ng mga pagsalangsang ang mga tao? Ang pangunahing dahilan ay na hindi sila kailanman, o bibihira lang silang, masangkapan ng mga salita ng Diyos, at paminsan-minsan lang nilang ginagawa ang anumang bagay nang ayon sa mga salita ng Diyos o mga katotohanang prinsipyo—sa huli, palagi silang gumagawa ng mga pagsalangsang. Kapag sumasalangsang ang mga tao, palagi nilang pinatatawad ang kanilang sarili at nagdadahilan at nagpapalusot sila, gaya ng, “Hindi ko iyon sinasadya. Mabuti ang mga layunin ko. Nangyari iyon dahil agaran ang sitwasyon. Nangyari iyon dahil sa taong ito. Nangyari iyon dahil sa lahat ng uri ng obhetibong mga dahilan. …” Anuman ang dahilan, kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, at hindi ka kikilos nang ayon sa mga salita ng Diyos nang gamit ang katotohanan bilang iyong pamantayan, malamang ay sasalangsang ka at lalaban sa Diyos. Isa itong katunayang hindi maikakaila. Ayon sa katunayang ito, ang iyong magiging katapusan ay magiging kagaya ng binanggit Ko dati: “Ang mga Paglabag ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno.” Ito ang iyong magiging katapusan. Nauunawaan mo ba? (Oo, nauunawaan ko.)
Ang disposisyon ng ilang tao ay masyadong mapagmatigas, at masyado silang walang konsensiya, na palagi nilang hiling sa isip nila, “Ang maliit na pagsalangsang ay balewala. Hindi pinarurusahan ng Diyos ang mga tao. Siya ay maawain at mapagmahal, at mapagpatawad at mapagpasensiya sa mga tao. Ang araw ng Diyos ay malayo pa. Saka ko na hahangarin ang mga katotohanang ito na Kanyang ipinahayag, kapag may pagkakataon na ako. Bagamat taos-puso at nagmamadali ang tono ng Diyos nang bigkasin Niya ang mga salitang ito, marami pa ring magiging pagkakataon para manalig kami sa Diyos at maligtas.” Palagi silang mapagwalang-bahala, hindi kailanman nakararamdam ng pagmamadali, wala silang matinding pagnanais sa Diyos, o pagkauhaw sa katotohanan. Palaging mapagmatigas ang kanilang puso, at palagi nilang ganap na binabalewala ang katotohanan at ang mga hinihingi ng mga salita ng Diyos. Kung gagawin nila ang kanilang tungkulin nang may ganitong saloobin at habang nasa ganitong kalagayan, ano ang mangyayari sa huli? Palagi silang makagagawa ng mga pagsalangsang at magkakaroon ng mga mantsa! Mapanganib para sa isang tao na palaging magkaroon ng mga mantsa at makagawa ng mga pagsalangsang, ngunit hindi ito tinatrato nang seryoso, at hindi man lang mabahala tungkol dito. Dahil lang hindi ka kinokondena sa ngayon ng Diyos ay hindi nangangahulugan na hindi ka Niya kokondenahin sa hinaharap. Sa madaling salita, nasa panganib ang isang taong namumuhay sa gayong kalagayan. Hindi niya pinahahalagahan ang mga salita ng Diyos, ang pagkakataong maligtas, o ang pagkakataong gumawa ng kanyang tungkulin, at lalo na ang bawat sitwasyon na pinamatnugutan ng Diyos para sa kanya. Palagi siyang tatamad-tamad at walang pakialam, at ginagawa niya ang lahat nang walang ingat, nang walang paghihigpit at nang wala siya sa sarili. Ang ganitong uri ng tao ay nasa panganib. Ang ilang tao ay nasisiyahan pa rin sa kanilang sarili, iniisip na, “Kapag gumagawa ako ng mga bagay-bagay, kasama ko ang Diyos, taglay ko ang kaliwanagan at patnubay ng Diyos, paminsan-minsan ay taglay ko ang pagdidisiplina ng Diyos, at kasama ko Siya sa aking mga panalangin!” Masagana ang biyaya ng Diyos—tiyak na sapat para matamasa mo—maaari kang kumuha hanggat gusto mo at hindi ito mauubos, pero ano naman ngayon? Hindi kinakatawan ng biyaya ng Diyos ang katotohanan, at ang pagtatamasa mo sa biyaya ng Diyos ay hindi nangangahulugan na taglay mo ang katotohanan. May habag ang Diyos para sa bawat tao, pero hindi labis na maluwag ang habag ng Diyos. May habag ang Diyos sa buhay ng tao at sa bawat nilikha. Subalit, hindi ito nangangahulugan na wala Siyang mga prinsipyo sa Kanyang gawain, na wala Siyang matuwid na disposisyon, at na ang mga pamantayang hinihingi Niya sa mga tao at na ginagamit Niya para suriin sila ay magbabago. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Pakiramdam mo ay hindi pa kailanman nagalit sa iyo ang Diyos, na palaging malumanay at maalalahanin sa iyo ang Diyos, at na labis ka Niyang inaalagaan, minamahal, at pinahahalagahan. Nadarama mo ang init ng Diyos, ang pagtustos ng Diyos, ang tulong ng Diyos, at maging ang pagtatangi at kagandahang-loob ng Diyos. Pakiramdam mo ay ikaw ang pinakamamahal ng Diyos, at na kahit pa iwan Niya ang iba ay hindi ka Niya iiwan kailanman. Kaya puno ka ng kumpiyansa sa sarili, at pakiramdam mo ay para bang nabigyang-katwiran ka na hindi hangarin ang katotohanan, hindi magdusa at magbayad ng halaga habang gumagawa ka ng iyong tungkulin, at hindi maghanap ng pagbabago sa disposisyon. Tiyak na hindi ka iiwan ng Diyos. Ito bang matibay mong kumpiyansa ay batay sa mga salita ng Diyos? Kung isang araw ay talagang hindi mo madama ang presensiya ng Diyos, matataranta ang puso mo at iisipin mong, “Maaari kaya na tinalikuran na ako ng Diyos?” Dapat na maging malinaw sa iyo kung ano ang iyong magiging katapusan. Tiyak na hindi magiging maganda ang katapusan ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan at masyadong nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba. Ang layunin ng Diyos sa pagmamahal at pagpapahalaga sa mga tao, sa pagkakaroon ng habag sa mga tao, sa pagbibigay ng biyaya sa mga tao, o sa katangi-tangi o mabuti pa ngang pagtrato sa isang bahagi ng mga tao, pati na ang diwa ng mga pagkilos na ito, ay tiyak na hindi para palayawin ka o pagpasasain ka, o para akayin ka sa maling landas o para iligaw ka, o para talikuran mo ang katotohanan at ang tunay na daan. Ang layunin ng Diyos sa paggawa ng lahat ng ito ay para alalayan ka sa paglalakad sa tamang landas, para mabigyan ka ng pusong may matinding pagnanais para sa Kanya, para madagdagan ang pananampalataya mo sa Kanya, at pagkatapos ay magkaroon ka ng tunay na may-takot sa Diyos na puso. Kung palagi mong gustong matamasa ang pagpapalayaw ng Diyos at maging Kanyang alaga, sinasabi Kong nagkakamali ka. Hindi ka alaga ng Diyos, at ang Kanyang kagandahang-loob o pagtatangi para sa iyo ay tiyak na hindi pagpapalayaw o pagpapasasa. Ang layunin ng Diyos sa paggawa ng lahat ng ito ay para mapahalagahan mo ang mga salita ng Diyos, matanggap ang katotohanan, at mapalakas ka ng Kanyang kagandahang-loob at mga pagpapala, nang magkaroon ka ng kalooban at tiyaga na tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, at na tahakin ang tamang landas sa buhay. Siyempre, masasabi nang may katiyakan na kapag ipinahahayag ng Diyos ang mga katotohanang ito, natustusan ka na, nagkamit ka na ng buhay, at natamasa mo na ang Kanyang pagmamahal. Kung kaya mong pasalamatan ang Diyos para sa Kanyang kagandahang-loob, manindigan sa iyong tamang lugar, mas masangkapan ng mga salita ng Diyos, mas pahalagahan ang Kanyang mga salita, hanapin ang mga katotohanang prinsipyo kapag gumagawa ka ng iyong tungkulin, at pagsikapang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos nang ayon sa mga salita ng Diyos, hindi mo Siya nabigo. Subalit, kung sasamantalahin mo ang kagandahang-loob at pagtatangi sa iyo ng Diyos, kung babalewalain mo ang Kanyang habag sa iyo, kung ipipilit mong gawin ang mga bagay-bagay nang ayon sa sarili mong pamamaraan, at kung kikilos ka nang sutil at walang ingat, kung hindi mo kailanman sasangkapan ang iyong sarili ng mga salita ng Diyos, kung wala kang kagustuhang magsikap para sa katotohanan, o hindi mo titingnan ang mga tao at bagay, at hindi ka aasal at kikilos nang ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan, maliban na lang para matamasa ang biyaya ng Diyos at masiyahan ka sa iyong sarili, kung magkakagayon, kapag hindi mo naabot ang mga ekspektasyon ng Diyos—ibig sabihin, kapag paulit-ulit mong binigo ang Diyos, sa malao’t madali ay mauubos ang biyaya, habag, at mapagmahal na kabaitan sa iyo ng Diyos. Ang araw na maubos ang mga bagay na iyon, ay ang araw na kukunin ng Diyos ang lahat ng Kanyang biyaya. Kapag hindi mo man lang maramdaman ang presensiya ng Diyos, malalaman mo kung ano ba talaga ang nararamdaman mo sa iyong kalooban. Magkakaroon ng kadiliman sa iyong kalooban. Malulungkot ka at hindi mapapakali, mag-aalala ka at makadarama ng kahungkagan. Madarama mo na hindi tiyak ang hinaharap. Matatakot ka at palaging mababalisa. Isa itong kakila-kilabot na bagay. Samakatuwid, dapat na matutunan ng mga tao na pahalagahan ang lahat ng ibinigay sa kanila ng Diyos, pahalagahan ang tungkuling dapat nilang gampanan, at kasabay nito, matutunan kung paano Siya suklian. Sa katunayan, ang hinihiling ng Diyos na matutunan mo Siyang suklian ay hindi tungkol sa kung gaano kalaki ang iyong ambag sa ngalan Niya, o kung gaano katunog ang iyong patotoo para sa Kanya. Ang nais ng Diyos ay na tumahak ka sa tamang landas, sa landas na hinihingi Niyang tahakin mo. Sapat ang biyaya ng Diyos para matamasa ng mga tao. Hindi Siya maramot pagdating sa pagbibigay ng biyayang ito sa mga tao, at hindi Niya panghihinayangan ang pagbibigay Niya ng biyayang ito sa mga tao. Kung pinagpapala at mapagbigay sa isang tao ang Diyos, ito ay palaging ginagawa Niya nang bukas sa kalooban. Bahagi ng Kanyang diwa, disposisyon at pagkakakilanlan na ginagawa Niya ito. Hindi Niya kailanman pinanghihinayangan o pinagsisisihan ang pagbibigay ng mga bagay na ito sa mga tao. Subalit, sabihin nating hindi alam ng mga tao kung alin ang tama at mali o kung paano pahalagahan ang mga pabor. Palagi nilang nabibigo ang Diyos at paulit-ulit Siyang nadidismaya sa kanila. Gaano man kalaki ang ibinayad ng Diyos o gaano man katagal Siyang naghintay, hindi pa rin Siya pinapansin ng mga tao at hindi pa rin nila nauunawaan ang mabubuti Niyang layunin. Hinahangad lang ng mga tao na matamasa ang biyaya ng Diyos—mas marami, mas mainam. Gaano man karaming biyaya at mga pagpapala ng Diyos ang natatamasa nila, hindi nila alam kung paano suklian ang pagmamahal ng Diyos, o kung paano ibalik sa Diyos ang kanilang puso at sumunod sa Kanya. Sa tingin ba ninyo ay malulugod ang Diyos kung tatratuhin Siya ng mga tao nang ganito? (Hindi.) Anong uri ng totoong saloobin ang dapat taglay ng isang tao para mapalugod ang Diyos? Kailangan ng mga tao na magsisi, magkaroon ng mga praktikal na pagpapamalas, at maayos na magampanan ang kanilang tungkulin. Hindi sila dapat kumapit sa iba’t ibang pangangatwiran at palusot. Ang biyaya, pagpapatawad, at habag ng Diyos para sa sangkatauhan ay hindi mga kapital na magagamit mo para magpakasasa ka, o mga palusot para magpakasasa ka. Anuman ang ginagawa ng Diyos, o anumang uri ng pagsisikap, halaga o kaisipan ang ginagawang puhunan ng Diyos sa mga tao, iisa lang ang Kanyang pangwakas na layunin. Ibig sabihin, umaasam Siyang ang mga tao ay babaling, at tatahak, sa tamang landas. Ano ang tamang landas? Ito ay ang hangarin at mas masangkapan ng katotohanan. Kung umaayon sa mga salita ng Diyos ang landas na tinatahak ng mga tao, at gamit ang katotohanan bilang pamantayan nito, ang halagang ginagawang puhunan ng Diyos sa mga tao at ang lahat ng ekspektasyon Niya sa kanila ay masusuklian. Sa tingin ba ninyo ay malaki ang hinihingi ng Diyos sa mga tao? (Hindi.) Hindi malaki ang hinihingi ng Diyos sa mga tao, at mayroon Siyang sapat na pasensiya at pagmamahal para hintaying bumalik ang mga tao. Kapag bumaling ka sa Diyos, hindi ka lang Niya bibigyan ng ilang biyaya at mga pagpapala, kundi tutustusan ka Niya, susuportahan at gagabayan ka sa katotohanan, sa buhay, at sa landas na iyong tinatahak. Gagawa ang Diyos ng mas dakila pang gawain sa iyo. Iyon ang pinananabikan Niya. Bago gawin ang gawaing ito, walang kapagurang ginagabayan ng Diyos ang mga tao, sinusuportahan sila, at pinagkakalooban sila ng biyaya at mga pagpapala. Ang lahat ng ito ay hindi ang orihinal na layunin ng Diyos, at hindi rin ito isang bagay na talaga namang gusto Niyang gawin. Subalit, wala siyang mapagpipilian kundi ang obligahin ang Kanyang sarili na magbayad ng anumang halaga para sa mga tao, at na gawin ang Kanyang gawain anuman ang mangyari. Ang nais ng Diyos sa huli, matapos Niyang gawin ang lahat ng gawaing ito, ay ang makita na kaya ng mga tao na bumalik. Kung nauunawaan ng mga tao ang Kanyang mga layunin at ang Kanyang pag-iisip, at kung bakit gusto Niya talagang gawin ito, makikilala ng mga tao ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, magkakaroon sila ng kaunting tayog at magiging nasa wastong gulang na. Kapag nagsisimula na ang mga tao na maging metikuloso at pagsikapan ang bawat katotohanang itinustos sa kanila ng Diyos, at nagsisimula na silang makapasok sa realidad ng bawat katotohanan, nasisiyahan ang Diyos. Pagkatapos, hindi na Niya kailangang gawin ang simpleng gawain ng pagsama sa mga tao, at pag-aalo, pag-uudyok, at paghihikayat sa kanila. Sa halip, matutustusan Niya sila nang higit pa pagdating sa katotohanan, sa buhay, at sa landas na kanilang tinatahak. Makagagawa Siya ng mas dakila at mas kongkretong gawain sa mga tao. Bakit mas gusto ng Diyos na gawin ang ganitong uri ng gawain? Ito ay dahil habang ginagawa ang ganitong gawain, nakakakita Siya ng pag-asa sa mga tao, nakikita Niya ang kanilang kinabukasan at nakikita Niyang kaisa Niya ang mga tao sa puso at isipan. Hindi masusukat ang kadakilaan ng bagay na ito para sa mga tao at sa Diyos, at isa itong bagay na matagal na Niyang pinananabikan. Kapag tinatahak ng isang tao ang landas ng paghahangad sa katotohanan, unti-unti siyang magkakaroon ng lakas at totoong tayog na magagamit niya para labanan si Satanas, at mapaninindigan niya ang kanyang patotoo para sa Diyos, at magkakaroon ng higit na pag-asa ang Diyos na makakita ng isa pang nilikhang tao na naninindigan at lumalaban kay Satanas para sa Kanya. Ito ang kaluwalhatian ng Diyos. Habang ang mga tao ay tumataas ang tayog, lumalakas nang lumalakas, mas lalo pang nagpapatotoo at mas lalong natatakot at nagpapasakop sa Diyos, nangangahulugan ito na may pag-asa na magkakamit ang Diyos ng isang grupo ng mga mananagumpay at maluluwalhatian Siya sa pamamagitan ng mga tao at kasama ng mga tao. Isa ba itong mabuting bagay? (Oo.) Ito ang pinananabikan ng Diyos, at ang Kanyang pag-asa at ekspektasyon para sa inyo. Matagal na Niya itong hinihintay. Kung nauunawaan at kayang isaalang-alang ng mga tao ang puso ng Diyos, pagsisikapan nila ang hinihingi Niya sa kanila, at magbabayad sila ng halaga para sa hinihingi Niya sa kanila. Pagsisikapan nila nang todo na makipagtulungan sa gustong gawin ng Diyos, tutuparin nila ang Kanyang mga kahilingan, at pagiginhawahin ang Kanyang puso. Subalit, kung ayaw mo itong gawin, hindi ka pipilitin ng Diyos. Sinasabi mo, “Bakit ba ayaw ko nito? Bakit ba ayaw kong gawin ang hinihingi ng Diyos? Bakit ba ako nababalisa, naaasiwa, at umaayaw na magpasakop kapag inisiip kong tugunan ang mga hinihingi ng Diyos?” Hindi mo kailangang matugunan ang mga hinihingi ng Diyos; ito ay kusang-loob. May karapatan kang pumili, at ikaw ay malaya. Hindi pinipilit ng Diyos ang mga tao. Sinasabi Ko lang ito sa inyo para ganap ninyong maunawaan ang realidad ng gustong maisakatuparan ng Diyos, ang responsabilidad na inyong pinapasan at kung ano ang inaasahan sa inyo ng Diyos. Malinaw ba ito? (Oo.) Mabuti na malinaw ito. Kung malinaw ito, magkakaroon ng kamalayan ang puso ng mga tao. Malalaman ng kanilang kalooban kung ano ang kanilang isusunod, kung ano ang gagawin at kung anong halaga ang kailangang bayaran; magkakaroon sila ng direksiyon.
Ngayon, ibinahagi Ko ang kasabihan tungkol sa wastong asal na, “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya.” Dahil napagbahaginan na noong nakaraan ang ilan pang ibang kasabihan tungkol sa wastong asal na isinusulong ni Satanas, medyo mas madali nang makilatis ang kasabihang ito. Alinmang kasabihan tungkol sa wastong asal iyon, pangunahing gusto ni Satanas na gumamit ng isang uri ng pahayag upang igapos at limitahan ang pag-uugali ng tao, at pagkatapos ay bumuo ng isang kalakaran sa lipunan. Sa paglikha ng kalakarang ito, gusto nitong iligaw, kontrolin at ikulong ang isipan ng buong sangkatauhan, at sa gayon ay magawa ng buong sangkatauhan na talikuran ang Diyos. Kapag laban na sa Diyos ang mga tao, gustong makita ni Satanas na wala nang paraan ang Diyos para kumilos sa mga tao o gumawa ng gawain. Ito ang mithiing nais na makamit ni Satanas, at ito ang diwa ng lahat ng bagay na ginagawa ni Satanas. Alinmang aspekto ng pag-uugali ang kinakatawan ng mga ito, o alinmang mga kaisipan, ideya at pananaw, ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal na isinusulong ni Satanas ay, sa anumang kaso, walang kaugnayan sa katotohanan, at ang mga ito ay taliwas din sa katotohanan. Paano dapat harapin ng mga tao ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal na isinusulong ni Satanas? Isang napakasimple at pangunahing prinsipyo ay na ang anumang pahayag na nagmumula kay Satanas ay isang bagay na dapat nating ilantad, suriin, mahalata, at tanggihan. Dahil nagmumula kay Satanas ang mga ito, kung nahahalata ng puso natin ang mga ito, makokondena at matatanggihan natin ang mga ito. Hindi natin maaaring hayaan ang mga bagay na kay Satanas na umiral sa iglesia at iligaw, gawing tiwali, at guluhin ang mga taong hinirang ng Diyos. Kailangang makamit ang mithiin kung saan tinatanggihan si Satanas ng mga taong hinirang ng Diyos, at walang makikita sa kanila ni bahid ng mga maling pananampalataya at panlilinlang ni Satanas. Sa halip na mga maling pananampalataya at panlilinlang na ito, ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ang dapat na naghahari sa puso ng mga taong hinirang ng Diyos, at dapat na nagiging buhay nila. Ang ganitong uri ng sangkatauhan ang uri na gustong makamit ng Diyos. Dito natin tapusin ang pagbabahaginan ngayon.
Hulyo 9, 2022