1. Ano ang Gawain ng Pamamahala sa Sangkatauhan?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan ay nahahati sa tatlong yugto, na nangangahulugang ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay nahahati sa tatlong yugto. Hindi kabilang sa tatlong yugtong ito ang gawain ng paglikha ng mundo, kundi sa halip ay ang tatlong yugto ng gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, Kapanahunan ng Biyaya, at Kapanahunan ng Kaharian. Ang gawain ng paglikha ng mundo ay ang gawain ng pagbuo sa buong sangkatauhan. Hindi ito ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at walang kinalaman sa gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, sapagkat nang likhain ang mundo, hindi pa nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at sa gayon ay hindi kinailangang isagawa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay nagsimula lamang pagkatapos gawing tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at sa gayon ay nagsimula lang din ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan pagkatapos gawing tiwali ang sangkatauhan. Sa madaling salita, nagsimula ang pamamahala ng Diyos sa tao sa pagsisimula ng Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, hindi sa Kanyang gawain ng paglikha ng mundo. Matapos magkaroon ng tiwaling disposisyon ang sangkatauhan, saka lamang umiral ang gawain ng pamamahala, at sa gayo’y may tatlong bahagi ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan, sa halip na apat na yugto, o apat na kapanahunan. Ito lamang ang wastong paraan ng pagtukoy sa pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan. Kapag natapos ang huling kapanahunan, ganap nang matatapos ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan. Ang pagtatapos ng gawain ng pamamahala ay nangangahulugan na ang gawain ng pagliligtas sa buong sangkatauhan ay ganap nang matatapos, at mula sa panahong iyon ay matatapos na ang yugtong ito para sa sangkatauhan. Kung wala ang gawain ng pagliligtas sa buong sangkatauhan, ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan ay hindi iiral, ni hindi rin magkakaroon ng tatlong yugto ng gawain. Dahil ito mismo sa kabulukan ng sangkatauhan, at dahil kailangang-kailangan ng sangkatauhan ang kaligtasan, kaya winakasan ni Jehova ang paglikha ng mundo at sinimulan ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan. Noon lamang nagsimula ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan, na nangangahulugan na noon lamang nagsimula ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ang “pamamahala sa sangkatauhan” ay hindi nangangahulugan ng paggabay sa pamumuhay ng sangkatauhan, na bagong-likha, sa lupa (ibig sabihin, ang sangkatauhan na hindi pa nagawang tiwali). Sa halip, ito ang pagliligtas sa isang sangkatauhan na ginawang tiwali ni Satanas, ibig sabihin, ito ang pagpapabago sa tiwaling sangkatauhan na ito. Ito ang kahulugan ng “pamamahala sa sangkatauhan.” Hindi kabilang sa gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ang gawain ng paglikha sa mundo, kaya nga hindi kasama sa gawain ng pamamahala sa sangkatauhan ang gawain ng paglikha ng mundo, kundi sa halip ay kabilang lamang dito ang tatlong yugto ng gawaing hiwalay sa paglikha ng mundo. Para maunawaan ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan, kailangang malaman ang kasaysayan ng tatlong yugto ng gawain—ito ang kailangang malaman ng lahat ng maliligtas.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa pagkakilala sa Diyos
Ang gawain ng pamamahala ay umiral lamang dahil sa sangkatauhan, na nangangahulugang lumitaw lamang ito dahil sa pag-iral ng sangkatauhan. Hindi totoo na mayroong pamamahala bago ang sangkatauhan, o sa pasimula, nang ang langit at lupa at lahat ng bagay ay nilikha. Kung, sa buong gawain ng Diyos, ay walang pagsasagawa na kapaki-pakinabang sa tao—ibig sabihin, kung hindi Siya gumawa ng mga angkop na hinihingi sa tiwaling sangkatauhan (kung walang angkop na landas para sa pagsasagawa ng tao sa gawaing ginawa ng Diyos)—kung gayon, ang gawaing ito ay hindi matatawag na pamamahala ng Diyos. Kung ang kabuuan ng gawain ng Diyos ay kinapapalooban lamang ng pagsasabi sa tiwaling sangkatauhan kung paano sila magsasagawa, at hindi isinakatuparan ng Diyos ang alinman sa Kanyang sariling proyekto, at hindi nagbunyag ng kahit katiting ng Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat o karunungan, at gaano man kataas ang mga hinihingi ng Diyos sa tao, gaano man katagal namuhay ang Diyos kasama ng tao, walang alam ang tao tungkol sa disposisyon ng Diyos, kung gayon, ang ganitong uri ng gawain ay mas lalong hindi matatawag na pamamahala ng Diyos. Sa madaling salita, ang gawain ng pamamahala ng Diyos ay gawaing ginagawa ng Diyos, at ang lahat ng gawain na isinasakatuparan ng mga nakamit ng Diyos sa ilalim ng Kanyang paggabay. Ang ganoong gawain ay maaaring ibuod bilang pamamahala. Sa madaling salita, ang gawain ng Diyos sa gitna ng tao, gayundin ang pakikipagtulungan sa Kanya ng lahat ng sumusunod sa Kanya ay kolektibong tinatawag na pamamahala. Dito, ang gawain ng Diyos ay tinatawag na mga pangitain, at ang pakikipagtulungan ng tao ay tinatawag na pagsasagawa. Habang tumataas ang gawain ng Diyos (iyon ay, tumataas din ang mga pangitain), higit na nagagawang malinaw sa tao ang disposisyon ng Diyos, at higit na kasalungat ito ng mga kuru-kuro ng mga tao, at higit na nagiging mataas ang pagsasagawa at pakikipagtulungan ng tao. Habang higit na tumataas ang mga hinihingi sa tao, higit na nagiging kasalungat ng mga kuru-kuro ng tao ang gawain ng Diyos, at bilang bunga nito ang mga pagsubok sa tao, at ang mga pamantayang hinihingi sa kanya na maabot, ay tumataas din. Sa pagtatapos ng gawaing ito, ang lahat ng pangitain ay magiging ganap na, at iyong kinakailangan na isagawa ng tao ay mararating ang rurok ng kasakdalan. Ito rin ang magiging panahon kung kailan ang lahat ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri, sapagkat iyong dapat malaman ng tao ay maipapakita sa tao. Kaya’t kapag naabot ng mga pangitain ang kasukdulan, ang gawain ay malapit na ring matapos, at maaabot din ng pagsasagawa ng tao ang tugatog nito. Ang pagsasagawa ng tao ay batay sa gawain ng Diyos, at ang pamamahala ng Diyos ay lubos na naipapahayag lamang sa pamamagitan ng pagsasagawa at pakikipagtulungan ng tao. Ang tao ang pangunang halimbawa ng gawain ng Diyos, at ang layon ng kabuuan ng gawain ng pamamahala ng Diyos, at ang bunga rin ng buong pamamahala ng Diyos. Kung mag-isang gumawa ang Diyos, at wala ang pakikipagtulungan ng tao, kung gayon walang magsisilbing kristalisasyon ng Kanyang buong gawain, at kung gayon, walang magiging kabuluhan sa pamamahala ng Diyos ni katiting man. Sa pamamagitan lamang ng pagpili ng Diyos ng angkop na mga pakay bukod pa sa Kanyang gawain para ipahayag ang gawaing ito at patunayan ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan nito makakamit ng Diyos ang layunin ng pamamahala Niya, at makakamit ang layunin ng paggamit ng lahat ng gawaing ito upang ganap na talunin si Satanas. Samakatwid, ang tao ay isang bahagi na hindi maaaring mawala sa gawain ng pamamahala ng Diyos, at ang tao lamang ang makakagawa sa pamamahala ng Diyos na magbunga at makamit ang sukdulan nitong layunin; Bukod sa tao, walang ibang anyo ng buhay ang makagaganap sa ganoong papel. Kung ang tao ang magiging tunay na kristalisasyon ng gawain ng pamamahala ng Diyos, kung gayon, dapat lubos na maalis sa tiwaling sangkatauhan ang paghihimagsik nito. Hinihingi nito na bigyan ang tao ng angkop na pagsasagawa sa iba’t ibang panahon, at na ang Diyos ay magsagawa ng katumbas na gawain sa gitna ng tao. Tanging sa paraang ito makakamtan sa kahuli-hulihan ang isang kalipunan ng tao na siyang kristalisasyon ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Ang gawain ng Diyos sa gitna ng tao ay hindi nagagawang magpatotoo sa Diyos Mismo sa pamamagitan lamang ng gawain ng Diyos; upang makamit, ang ganoong patotoo ay nangangailangan din ng mga buhay na tao na angkop sa Kanyang gawain. Gagawa muna ang Diyos sa mga taong ito, na kung saan sa pamamagitan nila ang Kanyang gawain ay maihahayag, kaya ang gayong patotoo Niya ay ibibigay sa gitna ng mga nilikha, at dito, makakamtan ng Diyos ang layunin ng Kanyang gawain. Hindi mag-isang gumagawa ang Diyos upang matalo si Satanas dahil hindi Niya kayang tuwirang magpatotoo para sa sarili Niya sa gitna ng lahat ng nilikha. Kung ito ay gagawin Niya, magiging imposible na lubusang kumbinsihin ang tao, kaya dapat lupigin ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng paggawa sa kanya, at saka lamang Siya magkakamit ng patotoo sa gitna ng lahat ng nilikha. Kung ang Diyos lamang ang patuloy na gumagawa, samantalang hindi nakikipagtulungan ang tao o hindi hinihingi ng Diyos na gawin niya, kung gayon, hindi kailanman magagawang makilala ng tao ang disposisyon ng Diyos, at magpakailanmang magiging walang kamalayan sa mga layunin ng Diyos; hindi ito matatawag na gawain ng pamamahala ng Diyos. Kung magsisikap lamang ang tao mismo, at maghahangad, at magpupunyagi, nang hindi nauunawaan ang gawain ng Diyos, kung gayon, kalokohan lang ang gagawin ng tao. Kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu, iyong ginagawa ng tao ay kay Satanas, ito ay paghihimagsik at paggawa ng masama; naihahayag si Satanas sa lahat ng ginagawa ng tiwaling sangkatauhan, at walang anumang kaayon ng Diyos, at ang lahat ng ginagawa ng tao ay pagpapakita ni Satanas. Wala sa lahat ng nasabi ng Diyos ang hindi nauugnay sa mga pangitain at pagsasagawa. Sa saligan ng mga pangitain, nahanap ng tao ang pagsasagawa at ang landas ng pagpapasakop, at isinasantabi ang kanyang mga kuru-kuro at nakakamit iyong mga bagay na hindi niya taglay dati. Hinihingi ng Diyos na makipagtulungan ang tao sa Kanya, na ang tao ay ganap na magpasakop sa Kanyang mga hinihingi, at hinihingi ng tao na mamasdan ang gawaing ginagawa ng Diyos Mismo, na maranasan ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at na makilala ang disposisyon ng Diyos. Ang mga ito, sa kabuuan, ay ang pamamahala ng Diyos. Ang pagsasanib ng Diyos at ng tao ay ang pamamahala, at ito ang pinakadakilang pamamahala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
Ganito ang pamamahala ng Diyos: ipinapasa Niya ang sangkatauhan kay Satanas—isang sangkatauhang sadyang hindi nakakaalam kung ano ang Diyos, kung ano ang Lumikha, kung paano sambahin ang Diyos, o kung bakit nila kailangang magpasakop sa Diyos—at tinutulutan si Satanas na gawin silang tiwali ayon sa gusto nito; nang hakbang-hakbang, pagkatapos ay binabawi Niya sila mula sa mga kamay ni Satanas, hanggang sa lubos nilang sambahin ang Diyos at tanggihan si Satanas. Ito ang pamamahala ng Diyos. Maaaring para itong isang kuwentong kathang-isip, at maaaring tila nakakalito ito. Pakiramdam ng mga tao ay para itong isang kuwentong kathang-isip dahil wala silang kamalay-malay kung gaano na karami ang nangyari sa tao sa nakalipas na ilang libong taon, lalong hindi nila alam kung ilang kuwento na ang nangyari sa sansinukob at sa kalangitan. At higit pa riyan, ito ay dahil sadyang hindi makita ng kanilang mga mortal na mata ang mas kahanga-hanga at mas nakakatakot na mundong umiiral sa kabila ng materyal na mundo. Parang mahirap itong maunawaan para sa kanila dahil hindi nila nauunawaan ang kabuluhan ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan o ang kabuluhan ng Kanyang gawain ng pamamahala, at hindi nauunawaan kung anong uri ng sangkatauhan ang aktuwal na ninanais ng Diyos. Ito ba ay ang uri ng sangkatauhan na lubos na hindi natiwali ni Satanas, na kagaya nina Adan at Eba? Hindi! Ang layon ng pamamahala ng Diyos ay para makamit ang isang grupo ng mga tao na sumasamba sa Diyos at nagpapasakop sa Kanya. Bagama’t nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga taong ito, hindi na nila itinuturing si Satanas bilang kanilang ama; sa halip, nakikilala nila ang pangit na mukha ni Satanas at tinatanggihan ito, at humaharap sila sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Nalalaman nila ang pagkakaiba sa pagitan ng pangit at ng banal, at kinikilala nila ang kadakilaan ng Diyos at ang kasamaan ni Satanas. Ang isang sangkatauhang tulad nito ay hindi na magseserbisyo kay Satanas, o sasamba kay Satanas, o maglalagay kay Satanas sa altar. Ito ay dahil sila ay isang grupo ng mga tao na tunay nang nakamit ng Diyos. Ito ang kabuluhan ng gawain ng pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos