78. Ang Natutuhan Ko Mula sa Pagkakatanggal

Ni Riley, USA

Sinasabi ng salita ng Diyos: “Hindi mababago ng mga tao ang sarili nilang disposisyon; kailangan silang dumaan sa paghatol at pagkastigo, at sa pagdurusa at pagpipino, ng mga salita ng Diyos, o sa pakikitungo, pagdidisiplina, at pagtatabas ng Kanyang mga salita. Pagkatapos noon, saka lamang sila magiging masunurin at matapat sa Diyos, at hindi na magpapadalus-dalos sa pakikitungo sa Kanya. Sa ilalim ng pagpipino ng mga salita ng Diyos nagbabago ang disposisyon ng mga tao. Sa pamamagitan lamang ng paglalantad, paghatol, pagdidisiplina, at pakikitungo ng Kanyang mga salita sila hindi na mangangahas na kumilos nang walang pakundangan kundi sa halip ay magiging matatag at mahinahon sila. Ang pinakamahalagang punto ay na nagagawa nilang magpasakop sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at sa Kanyang gawain, kahit hindi ito nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, nagagawa nilang isantabi ang mga kuru-kurong ito at maluwag sa loob na magpasakop(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos). Napakapraktikal ng mga salita ng Diyos. Tanging sa pamamagitan ng paghatol, pagkastigo, pagwawasto, at pagtabas ng mga salita ng Diyos natin mababago ang ating mga satanikong disposisyon, at makakamit ang pagkamasunurin at katapatan sa Diyos. Dati, ginagampanan ko ang mga tungkulin ko nang may tiwaling disposisyon, palaging pinoprotektahan ang aking reputasyon at katayuan. Matapos matanggal, nalaman ko ang tungkol sa aking tiwaling disposisyon mula sa paghatol at paghahayag ng mga salita ng Diyos. Nagsisi ako at kinamuhian ang sarili, at nang magkaroon ako ng ibang tungkulin, mas gumaling ako kaysa dati.

Noong nakaraang Agosto, nahalal ako bilang isang lider ng iglesia at responsable ako para sa gawain ng iglesia kasama ang ilan pang kapatid. Pangunahin kong sinusubaybayan ang gawain ng pagdidilig, habang nakikilahok din sa pagdedesisyon para sa mga proyekto ng iglesia. Hinati-hati namin ang mga responsabilidad, pero alam kong ang gawain ng iglesia ay malawak, at kailangan kong makipagtulungan sa mga kapatid para pangalagaan ang mga interes ng iglesia at gawin nang maayos ang aking mga tungkulin. Noong una, talagang masigasig ako sa aming mga lingguhang pagpupulong. Aktibo akong nakikilahok sa mga talakayan, at naghahain ng mga mungkahi. Tapos isang araw ng Oktubre, halos naantala ang pagdidilig ng mga baguhan dahil hindi ako nagfollow-up kaagad. Marahas akong tinabasan at iwinasto ng mga nakatataas. Naisip ko sa sarili ko, “May problema sa gawain ko, kaya ako ang iwinasto. Kung magkakaroon ng mas marami pang problema, makikilatis ako ng mga lider at sasabihin nilang hindi ko kayang gumawa ng praktikal na gawain, at ako ay matatanggal. Kung magkagayon, anong mukha ang ihaharap ko sa kanila? Sino nang titingala sa akin? Hindi, kailangan kong mas maging masigasig sa trabahong pinananagutan ko, at hindi na ako maaaring magkamali.”

Kalaunan, lumawak ang saklaw ng mga responsabilidad ko. Hindi ako magaling sa ilang bagay, kaya nangailangan ng maraming oras para magamay ko ang mga nauugnay na prinsipyo, pero napakaraming bagay na kailangang talakayin at pagdesisyunan sa bawat pagtitipon ng mga katrabaho, at kumakain ito ng napakaraming oras. Napaisip ako kung makakaapekto ito sa gawaing responsabilidad ko makalipas ang ilang panahon. Kung hindi gaanong magbunga ang gawain na responsabilidad ko at magkaroon ng mas maraming problema, tiyak na matatanggal ako, at ano na lang ang iisipin ng iba sa akin? Sinusubaybayan ng ibang tao ang iba pang mga proyekto ng iglesia. Naisip kong pwede silang magtalakayan, pero marami pa akong gagawin. Bukod pa roon, ang pagtapos nila sa kanilang gawain ay walang kinalaman sa akin at hindi iyon magdadala sa akin ng anumang papuri. Pero ako ang magiging direktang responsable sa mga problema kapag lumitaw ang mga ito sa nasasaklawan ko, kaya dapat ko lang asikasuhin ang sarili kong mga responsabilidad. Pagkatapos noon, mas naglaan ako ng oras at pagsisikap sa pangunahing gawain na pananagutan ko at tinrato ang ibang gawain na parang pasanin. Kapag kailangang talakayin at pagdesisyunan ang gawain ng iglesia, nagbibigay ako ng pananaw ko sa anumang may kinalaman sa aking gawain, pero inaabala ko lang ang sarili ko sa aking sariling mga gampanin pagdating sa mga bagay na labas sa saklaw na iyon. Hindi ako nakikinig nang mabuti sa mga talakayan, kaya kapag kinakailangan ang pananaw o desisyon ko, sumasang-ayon na lang ako sa iba. Kapag may mga importanteng bagay na nangangailangan ng maagap na talakayan at pagdedesisyon, pagkakitang-pagkakita kong wala itong kinalaman sa aking tungkulin, babalewalain ko ang mga ito at aastang hindi interesado.

Kalaunan, paulit-ulit kong narinig mula sa mga kapatid na may ilang bagay na hindi naasikaso nang maayos at iwinasto sila ng mga lider namin, at iyong pagtatalaga ng mga tao ay hindi ayon sa mga prinsipyo, na lumikha ng mga kawalan sa gawain ng iglesia. May ilang bagay na nangangailangang magdesisyon ang lahat at manindigan sa mga ito. Dahil hindi napangasiwaan nang maayos ang mga ito, kalaunan ay napinsala nito ang mga interes ng iglesia. Isa pa, hindi naasikaso nang maayos ang pamimili ng mga gamit para sa iglesia, na nagresulta sa pagkawala ng pera ng iglesia. Ang mga ganitong bagay ay paulit-ulit na nangyari. Naisip kong mabuti na lang at walang anumang malalaking problema sa aking gawain, at kapag siniyasat ng lider kung sino ang dapat sisihin, hindi babalik sa akin ang sisi. Ito ang uri ng iresponsableng pag-uugaling mayroon ako sa aking tungkulin sa loob ng mahabang panahon at wala akong nakitang anumang mali roon. Isang araw, isang katrabaho kong sister ang nagsabing hindi ako nagpapakasakit sa aking tungkulin o nakikita ang kabuuan, kundi ay sariling gawain ko lang ang pinagtutuunan ko ng pansin, at hindi ako maagap sa pagdedesisyon. Sinabi niyang delikado iyon at kapag hindi ko ito binago, hindi magtatagal ay ititiwalag ako ng Diyos. Sinabi niyang dapat kong lubos na pagnilayan ang aking pag-uugali sa aking tungkulin. Matapos ang kanyang pagbabahagi, hindi ko pa rin pinagnilayan ang aking sarili. Sa halip, nangatwiran ako sa sarili ko: “Hindi niyo ba nakita ang lahat ng pagdurusa ko? Mahirap gawin nang maayos ang trabahong ito. Kung may mga problema sa mga gawaing kargo ko, pananagutan ko ion, tapos ano ang iisipin ng iba sa akin? Iisipin nilang wala akong kakayahan at hindi ko kayang gumawa ng praktikal na gawain. Bukod pa roon, wala bang sinumang responsable para sa ibang mga trabahong iyon? Ang pakikilahok ko sa mga desisyong ito ay hindi makakaapekto sa kung anuman.” Kung kaya, noon pa man ay pabaya at iresponsable na ako sa gawain ng iglesia, at hindi ako nagnilay o sinubukang kilalanin ang aking sarili.

Noong Enero 2021, isang lider ang lumapit sa akin at sinabing, “Sinabi ng mga kapatid na hindi ka nagpapakasakit sa iyong tungkulin, na tuwing may mga talakayan ng gawain, bihira kang magpahayag ng iyong pananaw, hindi ka nagmumungkahi ng mahahalagang rekomendasyon, at wala kang nararamdaman ni katiting na responsabilidad sa gawain ng iglesia. Hindi ka nababagay na maging isang lider. Matapos ang talakayan, nagdesisyon ang lahat na dapat kang matanggal.” Habang nakikinig sa lider, lubos akong hindi makapaniwala, nasa bingit na ng pagkalugmok. Naisip ko, “Hindi ako masyadong nakikilahok sa kabuuang gawain ng iglesia, pero sobra akong naging abala araw-araw sa mga sarili kong responsabilidad at sobra ang naging pagdurusa ko. Paano mo nasasabing hindi ako nagpapakasakit? Hindi pa ba sapat na natatapos ko ang gawain ko nang walang problema?” Saglit kong hindi matanggap ang kinalabasang ito, pero naniniwala pa rin akong lahat ng ginagawa ng Diyos ay mabuti, at hindi ko pa lang namamalayan iyon. Nagdasal ako sa Diyos at hinanap ang Kanyang paggabay nang sa gayon ay mapagnilayan at makilala ko ang sarili ko.

Kalaunan, nakita ko ang isang sipi mula sa mga salita ng Diyos na talagang nakaantig sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang konsiyensiya at katwiran ay dapat kapwa maging bahagi ng pagkatao ng isang tao. Ang mga ito ay kapwa ang pinakabatayan at pinakamahalaga. Anong klaseng tao ang isang taong walang konsiyensiya at walang katwiran ng normal na pagkatao? Sa pangkalahatan, siya ay isang taong walang pagkatao, isang taong sukdulan ng sama ang pagkatao. Kung mas bubusisiin ang mga detalye, anong mga pagpapamalas ng kawalan ng pagkatao ang ipinapakita ng taong ito? Subukang suriin kung anong mga katangian ang matatagpuan sa gayong mga tao at anong partikular na mga pagpapamalas ang ipinapakita nila. (Makasarili sila at salbahe.) Ang mga taong makasarili at salbahe ay basta-basta lang sa kanilang mga pagkilos, at walang malasakit sa mga bagay na wala silang pansariling kinalaman. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos, ni hindi sila nagpapakita ng pagsasaalang-alang para sa kalooban ng Diyos. Wala silang dinadalang pasanin sa pagganap sa kanilang mga tungkulin o sa pagpapatotoo sa Diyos, at hindi sila responsable. Ano ang iniisip nila tuwing mayroon silang ginagawa? Ang unang iniisip nila ay, ‘Malalaman ba ng Diyos kung gagawin ko ito? Nakikita ba ito ng ibang mga tao? Kung hindi nakikita ng ibang mga tao na nagsisikap ako nang husto at masipag akong nagtatrabaho, at kung hindi rin ito nakikita ng Diyos, kung gayon walang silbi ang aking paggugol ng gayong pagsisikap o pagdurusa para dito.’ Hindi ba ito lubos na makasarili? Isa rin itong mababang-uring klase ng layunin. Kapag nag-iisip at kumikilos sila sa ganitong paraan, may papel bang ginagampanan ang kanilang konsiyensiya? Nababagabag ba ang konsiyensiya nila rito? Hindi, walang nagiging papel ang kanilang konsiyensiya, at hindi ito inuusig. May ilang tao na hindi umaako ng anumang responsabilidad kahit ano pa ang tungkuling ginagampanan nila. Hindi rin nila iniuulat kaagad sa mga nakatataas sa kanila ang mga problemang nadidiskubre nila. Kapag may nakikita silang mga taong nanggagambala at nanggugulo, nagbubulag-bulagan sila. Kapag nakikita nilang gumagawa ng kasamaan ang mga masasamang tao, hindi nila sinusubukang pigilan sila. Hindi nila pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, o isinasaalang-alang kung ano ang kanilang tungkulin at responsabilidad. Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, hindi gumagawa ng anumang tunay na gawain ang mga taong kagaya nito; sila ay mga taong mahilig magpalugod ng iba at sakim sa kaginhawahan; nagsasalita at kumikilos sila para lamang sa sarili nilang banidad, reputasyon, katayuan, at mga interes, at handa lamang silang ilaan ang kanilang panahon at pagsisikap sa mga bagay na kapaki-pakinabang sa kanila. Malinaw sa lahat ang mga kilos at layunin ng isang taong katulad niyon: Lumalabas siya tuwing may pagkakataong maipakita ang kanyang mukha o magtamasa ng kaunting pagpapala. Ngunit, kapag walang pagkakataong maipakita ang kanyang mukha, o sa sandaling nagkaroon ng panahon ng pagdurusa, naglalaho sila sa paningin tulad ng isang pagong na nag-atras ng ulo nito. May konsiyensiya at katwiran ba ang ganitong klaseng tao? (Wala.) Nakadarama ba ng paninisi sa sarili ang isang taong walang konsiyensiya at katwiran na ganito kung kumilos? Ang gayong mga tao ay walang pakiramdam ng paninisi sa sarili; walang silbi ang konsiyensiya ng ganitong klaseng tao. Hindi sila kailanman nakadama ng paninisi ng kanilang konsiyensiya, kaya’t mararamdaman ba nila ang paninisi o disiplina ng Banal na Espiritu? Hindi, hindi nila ito mararamdaman(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan). Nadama kong tumagos sa puso ko ang mga salita ng Diyos. Ako mismo ang isinasalarawan ng Diyos. Naging pabaya ako at walang interes sa aking tungkulin, hindi binibigyan ng atensyon ang anumang hindi kasama sa mga responsabilidad ko. Sariling gawain ko lang ang inaasikaso ko. Isinaalang-alang ko lang kung ang pagnanasa ko sa reputasyon at katayuan ay matutugunan. Hindi ko talaga pinangalagaan ang gawain ng iglesia. Noong panahong iyon, nang ang lahat ay nag-uusap para gumawa ng mga desisyon, naisip ko na anumang tagumpay na labas sa aking responsabilidad ay hindi makakatulong sa akin na magmukhang magaling, at kung ang mga bagay na ito ay hindi mapangasiwaan nang maayos, hindi ako ang masisisi. Kaya hindi ako makikilahok hangga’t maaari. Nagpatangay lang ako sa agos, umaayon sa lahat. Iyon ay pabaya at iresponsable. Napakasipag at napakasigasig ko sa gawaing nasasaklawan ko, takot na matabasan at maiwasto kung may problema rito, o na ako ay matatanggal at tiyak na mawawalan ng kredibilidad. Para mapangalagaan nang maayos ang sarili kong gawain at mapanatili ang katayuan at imahe ko sa iba, tinrato ko ang paggawa ng desisyon na istorbo lang at aksaya sa oras, na inaantala akong maisakatuparan ang sarili kong gawain. Nang pagnilayan ko ang pag-uugali ko, nakita kong ang layunin sa likod ng pagsasagawa ko ng aking tungkulin ay para pasiyahin ang ang aking sarili, at na ang lahat ng aking pagdurusa ay para sa sarili ko. Wala akong anumang pagpapakasakit o pagkaramdam ng responsabilidad na pangalagaan ang kabuuang gawain o mga interes ng iglesia. Hindi ba’t wala akong pagkatao? Lubos akong hindi karapat-dapat sa ganoon kaimportanteng trabaho. Noon ko ganap na tinanggap ang aking pagkakatanggal. Kahit na alam kong ang mga kilos ko ay hindi nakaayon sa kalooban ng Diyos, hindi ko pa rin naunawaan ang sarili kong likas at hindi ko alam kung ano mismo ang naging sanhi ng kawalan ko ng pagpapakasakit para sa aking tungkulin, ng pagkahumaling ko sa reputasyon at katayuan, at ng ganap na pambabalewala ko sa mga interes ng iglesia. Pagkatapos noon, ipinagdasal ko ang problemang ito sa harap ng Diyos, hinihiling sa Diyos na akayin ako para malaman ang ugat at diwa ng aking problema, para makita ang aking satanikong disposisyon, at para kamuhian ko ang sarili ko mula sa kaibuturan ng aking puso.

Pagkatapos noon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Ang mga anticristo ay walang konsiyensiya, katinuan, o pagkatao. Hindi lamang sila walang anumang kahihiyan, kundi may isa pa rin silang tanda: Hindi pangkaraniwan ang kanilang pagkamakasarili at kasamaan. Ang literal na kahulugan ng kanilang ‘pagkamakasarili at kasamaan’ ay hindi mahirap maunawaan: Bulag sila sa anumang bagay maliban sa sarili nilang mga interes. Nakatuon ang kanilang buong atensyon sa anumang bagay na may kinalaman sa sarili nilang mga interes, at magdudusa sila para dito, magsasakripisyo, itututok ang kanilang sarili para dito, ilalaan ang kanilang sarili para dito. Magbubulag-bulagan naman sila at hindi papansinin ang anumang walang kinalaman sa kanilang sariling mga interes; magagawa ng iba ang anumang gusto nila—wala silang pakialam kung may sinumang nagiging mapanggambala o magulo, at para sa kanila, wala itong kinalaman sa kanila. Basta sarili lamang nila ang kanilang iniintindi. Subalit mas tumpak na sabihin na ang ganitong uri ng tao ay ubod ng sama, marumi, kasumpa-sumpa; inilalarawan natin sila bilang ‘makasarili at ubod ng sama.’ Paano naipapamalas ang pagiging makasarili at ubod ng sama ng mga anticristo? Sa anumang bagay na kapaki-pakinabang sa kanilang katayuan o reputasyon, nagsisikap silang gawin o sabihin ang anumang kailangan, at kusang-loob silang nagtitiis ng anumang pagdurusa. Pero pagdating sa may kinalaman sa gawaing isinaayos ng sambahayan ng Diyos, o pagdating sa may kinalaman sa gawain na kapaki-pakinabang sa paglago ng buhay ng mga taong hinirang ng Diyos, lubos nilang binabalewala ito. Kahit kapag ang masasamang tao ay nanggagambala, nanggugulo, at gumagawa ng lahat ng uri ng kasamaan, dahilan kaya lubhang naaapektuhan ang gawain ng iglesia, nananatili silang walang ginagawa at walang pakialam, na para bang walang kinalaman ito sa kanila. At kung may nakatuklas at nag-ulat ng masasamang gawa ng isang masamang tao, sinasabi nilang wala silang nakita at nagmamaang-maangan sila. Ngunit kung may isang taong nag-ulat sa kanila at naglantad na hindi sila gumagawa ng praktikal na gawain at naghahangad lamang ng reputasyon at katayuan, nagagalit sila nang husto. Mabilis na nagpapatawag ng mga pagpupulong upang talakayin kung paano tutugon, magsasagawa ng mga imbestigasyon tungkol sa kung sino ang umatake sa kanila, kung sino ang namuno, kung sino ang mga sangkot. Hindi sila kakain o matutulog hangga’t hindi nila nahuhuli ang mga taong nasa likod nito at hangga’t hindi ganap na nareresolba ang isyu; minsan masaya lamang sila kapag napabagsak na nila ang lahat ng sangkot sa pag-uulat sa kanila. Pagpapamalas ito ng pagkamakasarili at pagiging ubod ng sama, hindi ba? Gawain ba ng iglesia ang ginagawa nila? Kumikilos sila para sa kapakanan ng sarili nilang kapangyarihan at katayuan, ganoon lamang kasimple. Nagpapatakbo sila ng kanilang sariling operasyon. Kahit ano pa ang suungin nilang gawain, hindi kailanman iniisip ng uri ng tao na isang anticristo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang isinasaalang-alang lamang nila ay kung maaapektuhan ba ang kanilang sariling mga interes, ang iniisip lamang nila ay ang medyo magaan na gawaing nasa harapan nila na napapakinabangan nila. Para sa kanila, ang pangunahing gawain ng iglesia ay isang bagay lamang na ginagawa nila sa libre nilang oras. Hinding-hindi talaga nila ito sineseryoso. Gumagalaw lang sila kapag pinapakilos sila, ginagawa lamang ang gusto nilang gawin, at ginagawa lamang ang gawain na alang-alang sa pagpapanatili ng sarili nilang katayuan at kapangyarihan. Sa paningin nila, ang anumang gawaing isinaayos ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at ang pagpasok sa buhay ng mga taong hinirang ng Diyos ay hindi mahalaga. Anuman ang mga paghihirap ng ibang mga tao sa kanilang gawain, anuman ang mga isyung matuklasan at maiulat sa kanila, gaano man katapat ang kanilang mga salita, walang pakialam ang mga anticristo, hindi nila isinasangkot ang kanilang sarili, na para bang wala itong kinalaman sa kanila. Gaano man kalaki ang mga problemang lumilitaw sa gawain ng iglesia, lubos silang walang pakialam. Kahit pa nga nasa harapan na nila mismo ang problema, hinaharap lang nila ito nang pabasta-basta. Kapag tuwiran lamang silang iwinasto ng Itaas at inutusang ayusin ang isang problema ay saka lamang sila padabog at totohanang magtatrabaho nang kaunti at magpapakita ng resulta sa Itaas; pagkatapos na pagkatapos nito, magpapatuloy sila sa sarili nilang gawain. Wala silang interes at walang pakialam patungkol sa gawain ng iglesia, patungkol sa mahahalagang bagay na may mas malalawak na konteksto. Binabalewala pa nga nila ang mga problemang natutuklasan nila, at nagbibigay sila ng mga walang ganang sagot o ginagamit ang kanilang mga salita upang balewalain ka kapag tinatanong sila tungkol sa mga problema, hinaharap lamang ang mga ito nang may labis na pag-aatubili. Pagpapamalas ito ng pagiging makasarili at masama, hindi ba?(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus). Tumagos sa puso ko ang mga salita ng Diyos. Gumagawa lang ang mga anticristo para sa kanilang sariling reputasyon at katayuan, at sila ay masigasig sa anumang may kinalaman sa kanilang mga pansariling interes. Kaya nilang magdusa at igugol ang buo nilang pangkaisipan at pisikal na lakas para dito. Isinasawalang bahala nila ang anumang hindi kapaki-pakinabang sa kanila. Talagang makasarili sila at kasuklam-suklam. Nakita kong ang aking pag-uugali ay naging katulad ng sa isang anticristo, at na gumagawa lang ako para sa aking reputasyon at katayuan. Ang “Hayaan lang ang mga bagay-bagay kung hindi naman personal na nakakaapekto ang mga ito sa iyo,” at “Mas kakaunti ang gulo, mas mainam,” ay mga satanikong pilosopiyang isinabuhay ko. Pinagtutuunan ko lang ng pansin ang gawain na responsabilidad ko, at na maaaring makaapekto sa aking reputasyon at katayuan, at hindi ko pinansin ang gawaing wala sa saklaw ng responsabilidad ko. Nagresulta ito sa matitinding kawalan sa gawain at pera ng iglesia. Nakita kong naging isa akong makasarili at kasuklam-suklam na tiwaling tao, at hindi ako karapat-dapat na pagkatiwalaan. Kung aalalahanin ang panahong iyon, sunod-sunod na problema ang dumating sa gawain ng iglesia, at iwinasto ng mga lider ang ibang kapatid dahil sa hindi maayos na paggawa sa kanilang tungkulin. Hindi ako direktang napagsabihan, pero isa rin akong lider ng iglesia, at may responsabilidad na hindi ko maiiwasan. Kung masigasig akong nag-asikaso at nakilahok sa mga talakayan tungkol sa trabaho, siguro nakita ko ang ilan sa mga problema. Ngunit para mapangalagaan ang sarili kong reputasyon at katayuan, inasikaso ko lang ang kakaunti kong responsabilidad, at hindi ko talaga isinaalang-alang ang kabuuan ng gawain o mga interes ng iglesia. Nang makita ko ang iba’t iba kong paglabag sa aking tungkulin at ang hindi na maaayos na mga kawalang idinulot ko sa gawain ng iglesia, napuno ako ng panghihinayang at paninisi sa sarili. Itinaas ako ng Diyos at pinakitaan ako ng biyaya, tinutulutan akong gampanan ang ganoon kaimportanteng tungkulin at binibigyan ako ng pagkakataong hasain ang sarili, para mas mabilis kong maunawaan ang katotohanan. Natamasa ko ang pagdidilig at pagtustos ng mga salita ng Diyos sa loob ng maraming tao, pero sinuklian ko ito ng kawalan ng utang na loob at ayaw kong gawin ang tungkulin ko nang maayos o suklian ang pagmamahal ng Diyos. Ang inisip ko lang ay kung paano mapoprotektahan ang reputasyon ko at katayuan at ang sarili kong maliit na mundo para hindi ako iwawasto. Pabaya ako at iresponsable sa importanteng gawain na ito at parang tuod lang habang nagdurusa ang mga interes ng iglesia at naaapektuhan ang gawain ng iglesia. Wala akong pakialam at walang anumang pagkaramdam ng konsiyensiya. Paano man lang ako matatawag na tao? Kapag pinakain ng isang pamilya ang isang aso, tiyak na magiging tapat ang aso na iyon. Talagang mas masahol pa ako sa isang hayop. Habang lalo ko itong iniisip, mas lalo kong nararamdaman na hindi ako karapat-dapat na magtamasa ng biyaya ng Diyos. Sa sandaling iyon, lumapit ako sa Diyos at nagdasal: “O Diyos ko, sariling reputasyon at katayuan ko lang sa aking tungkulin ang isinaalang-alang ko nang hindi pinangangalagaan ang gawain ng iglesia ni paanuman. Wala akong pagkatao, at makasarili ako at interesado lang sa sarili. Ang pagkakatanggal ko ay ang pagdating ng Iyong katuwiran, at higit pa riyan, ito ang Iyong pagmamahal at pagliligtas sa akin. Handa na akong magsisi.”

Pagkatapos noon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ano ang pamantayang ginagamit para husgahan kung mabuti o masama ang mga ikinikilos at inaasal ng isang tao? Ito ay kung taglay ba niya o hindi, sa kanyang mga iniisip, ipinapakita, at ikinikilos, ang patotoo tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan at pagsasabuhay ng katotohanang realidad. Kung wala ka ng realidad na ito o hindi mo ito isinasabuhay, walang duda, isa kang masamang tao. Ano ang tingin ng Diyos sa masasamang tao? Para sa Diyos, ang mga iniisip at ipinapakita mong kilos ay hindi nagpapatotoo sa Kanya, ni ipinapahiya o tinatalo si Satanas; sa halip, nagbibigay ang mga ito ng kahihiyan sa Kanya, at puno ang mga ito ng mga marka ng kasiraan ng puri na idinulot mo sa Kanya. Hindi ka nagpapatotoo para sa Diyos, hindi mo ginugugol ang sarili mo para sa Diyos, ni ginagampanan ang mga responsabilidad at obligasyon mo sa Diyos; sa halip, kumikilos ka para sa iyong sariling kapakanan. Ano ang kahulugan ng ‘para sa iyong sariling kapakanan’? Sa tiyak na pananalita, ang ibig sabihin nito ay para sa kapakanan ni Satanas. Samakatuwid, sa bandang huli, sasabihin ng Diyos, ‘Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.’ Sa mga mata ng Diyos, hindi ituturing na mabubuting gawa ang iyong mga ikinilos, ituturing ang mga ito na masasamang gawa. Hindi lamang mabibigong makamit ng mga ito ang pagsang-ayon ng Diyos—kokondenahin pa ang mga ito. Ano ang inaasahang makamit ng isang tao mula sa ganitong pananalig sa Diyos? Hindi ba mabibigo sa huli ang gayong paniniwala?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita kong ang Kanyang disposisyon ay matuwid at walang pinalalampas na paglabag. Nakikita ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao, at kung isinasagawa ng mga tao ang kanilang mga tungkulin nang may ibang mga layunin bukod sa pagbibigay-kasiyahan sa Diyos, kung walang pagpapatotoo ng pagsasagawa ng katotohanan, binibigyang-kasiyahan ang kanilang mga sarili sa bawat aspeto at pinangangalagaan ang sarili nilang reputasyon at katayuan, hindi ito pinupuri ng Diyos. Gaano man magdusa ang isang tao rito, hindi ito inaalala ng Diyos, sa halip ay isinusumpa siya ng Diyos bilang isang masamang tao. Mali ang mga layunin ko sa aking tungkulin. Ang mga ito ay hindi para pasiyahin ang Diyos, kundi magpatakbo ng sarili kong proyekto. Handa akong magdusa at magsikap para sa gawain na responsabilidad ko, pero ito ay para protektahan ang katayuan ko at imahe sa paningin ng iba. Gusto kong hangaan ako dahil mukha akong nagdurusa at nagsusumikap, na makamit ang papuri ng mga tao at magkaroon ng puwang sa mga puso nila. Sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ako nakapaglingkod bilang isang lider at nagkaroon ng pagkakataong hasain ang sarili ko. Ang mga lider ay responsable sa kabuuang gawain ng iglesia, at napakaraming problema, paghihirap, at mga isyu na kailangang lutasin. Nangangailangan ito ng maraming paghahanap ng katotohanan at mga prinsipyo. Maaaring magkamali sila sa gawain at maaari silang matabas o maiwasto, pero sa pamamagitan ng palagiang pagsusuri, pagtatama, at pagninilay-nilay, marami silang magiging pakinabang. Ang lahat ng ito ay praktikal na kaalaman, tungkol man ito sa matuwid na disposisyon ng Diyos o sa sarili nilang tiwaling disposisyon. Tinutulutan ng Diyos ang mga tao na magkamit ng katotohanan sa pamamagitan ng pagganap sa isang tungkulin, ngunit hindi ko isinasaalang-alang ang kalooban ng Diyos o sineseryoso ang tungkulin ko. Tinatrato ko ito na parang isa itong abala, nawawalan ng napakaraming pagkakataon na makamit ang katotohanan. Sa gayon kaimportanteng tungkulin, ang pagiging iresponsable o ang hindi pakikipagtulungan sa iba, at hindi pakikilahok sa pagdedesisyon at pangangasiwa, paano ko nga ba talaga ginagawa ang tungkulin ko? Niloloko at dinadaya ko ang Diyos. Gumagawa ako ng masama!

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi mula sa mga salita ng Diyos: “Para sa lahat ng gumaganap ng tungkulin, gaano man kalalim o kababaw ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ang pinakasimpleng paraan para isagawa ang pagpasok sa katotohanang realidad ay ang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay, at bitiwan ang kanilang mga makasariling hangarin, mga personal na layunin, mga motibo, pagmamalaki, at katayuan. Unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito man lang ay dapat gawin ng isang tao. Kung ni hindi man lang ito magawa ng isang taong gumaganap ng tungkulin, paano masasabi na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin? Hindi iyon pagganap ng kanyang tungkulin. Dapat mo munang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, at isaalang-alang ang gawain ng iglesia. Unahin mo muna ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba. Hindi ba ninyo nararamdaman na mas dumadali ito nang kaunti kapag hinahati ninyo ito sa dalawang hakbang at gumagawa kayo ng ilang kompromiso? Kung magsasagawa ka nang ganito sa maikling panahon, madarama mo na hindi naman pala mahirap na bigyang-kasiyahan ang Diyos. Bukod pa riyan, dapat mong magawang tuparin ang iyong mga responsabilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at ang iyong tungkulin, at isantabi ang iyong mga makasariling hangarin, layon, at motibo; dapat mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, at unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang tungkulin na dapat mong gampanan. Pagkatapos danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na magandang umasal sa ganitong paraan. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, at hindi pagiging isang hamak at kasuklam-suklam na tao; pamumuhay ito nang makatarungan at marangal sa halip na pagiging kasuklam-suklam, hamak, at walang silbi. Madarama mo na ganito dapat kumilos ang isang tao at ito ang wangis na dapat niyang isabuhay. Unti-unti, mababawasan ang hangarin mong bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng isang landas sa pagsasagawa. Sa ating mga tungkulin, kailangang unahin ang mga interes ng iglesia. Kailangan nating tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos at pagtuunan ang paghahanap sa katotohanan, isantabi ang ating reputasyon, katayuan, at mga personal na interes, at pangalagaan ang gawain ng iglesia sa lahat ng aspeto. Ito ang tanging paraan para kumilos nang ayon sa kalooban ng Diyos at mamuhay nang bukas at marangal. Palagi kong inisip noon na ang pakikilahok sa paggawa ng desisyon para sa gawain ng iglesia ay makakaantala sa aking gawain, pero iyon ay isang di-makatwirang ideya. Sa katunayan, hangga’t nakatuon ka sa paghahanap sa mga katotohanang prinsipyo, inuuna ang dapat unahin, at inaasikaso ang mga kritikal na gawain, hindi maaantala ang gawain. At sa pakikilahok sa paggawa ng desisyon, mas marami kang maiintindihang prinsipyo, na kapaki-pakinabang sa iyong tungkulin at sarili. Pinaghahalal ng sambahayan ng Diyos ang bawat iglesia ng ilang lider para sama-samang maging responsable para sa gawain ng iglesia para ang bawat isa ay mapupunan, mapangangasiwaan, at mababantayan ang isa’t isa. Lalo na sa ilang komplikadong isyu kung saan sila’y nagsisilbing tagapagdesisyon, maaari nitong maiwasan ang mga kawalan sa gawain ng iglesia na resulta ng hindi maayos na pagdedesisyon at kawalan ng malinaw na pagkaunawa, pero pabaya ako at walang ingat sa gayon kahalagang tungkulin. Talagang hindi ako karapat-dapat na pagkatiwalaan, at dapat lang akong tanggalin at itiwalag. Nang maintindihan ko ito, napagpasyahan ko na sa hinaharap, pangunahin ko mang responsibilidad sa gawain ang isang bagay o hindi, kung ito’y gawain ng iglesia o may kinalaman sa mga interes nito, iyon ay responsibilidad at tungkulin ko, at dapat kong gawin ang makakaya ko para pangalagaan ang gawain ng iglesia.

Kalaunan, napili ako bilang isang lider ng isa pang iglesia. Alam kong pagtataas ito ng Diyos. Naging makasarili at kasuklam-suklam ako, pero pinayagan pa rin ako ng iglesia na isagawa ang gayon kaimportanteng tungkulin. Nangako akong gagawin ko ito nang maayos, na hindi ko isasaalang-alang ang sarili ko lang na gawain. Isa ako sa tatlong lider ng iglesiang iyon, at bawat isa ay responsable para sa isang bahagi ng gawain. Marami akong nakitang bagay sa gawain na responsabilidad ko na hindi ko nauunawaan, na kailangan ng oras at pagsisikap para matutuhan. Araw-araw na puno ang talaan ko ng gawain, at minsan, kulang ako sa oras. Isang araw, isang sister na katrabaho ko ang lumapit sa akin at sinabing gusto niyang tulungan ko siyang mag-asikaso ng ilang problema. Naisip ko, “Ilang araw lang ang nakararaan, sinuri ng isang nakatataas na lider ang gawain ko at sinabing marami akong hindi ginawa nang maayos. Napakahalaga ng oras ko. Kapag tinulungan ko siya at naantala ang gawain ko, at dahil dito ay hindi ako nagkaroon ng magagandang resulta, anong iisipin ng lider sa akin? Sasabihin ba niyang wala akong kakayahan at hindi kayang gumawa ng praktikal na gawain? Matatanggal ba ako ulit?” Nang maisip ko iyon, napagtanto ko na iniisip ko na naman ang reputasyon ko at katayuan, na ang gawain ng iglesia ay isang kabuuan at hindi ko ito pwedeng hatiin. Kung mga sariling responsabilidad ko lang ang aasikasuhin ko at babalewalain ko ang lahat ng iba pa, hindi ba’t pagiging makasarili at kasuklam-suklam iyon, at pangangalaga sa mga sarili kong interes? Hindi ko pwedeng gawin iyon. Kailangan kong isantabi ang mga sarili kong interes at makipagtulungan sa sister na ito para lutasin ang mga problema ng iglesia. Kaya pumayag akong tulungan siyang asikasuhin ang mga problema. Nang gawin ko ito, napayapa ako at nakaramdam ng kalayaan na nagmumula sa pagsasagawa ng katotohanan. Kahit na napakasakit para sa akin na matanggal, binigyan din ako nito ng isang mahalagang leksyon. Binigyan ako nito ng praktikal na kamalayan sa matuwid na disposisyon ng Diyos na walang pinalalampas na paglabag. At saka, medyo naitama ko ang mga mali kong pananaw at pabayang pag-uugali sa aking tungkulin. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagliligtas Niya sa akin.

Sinundan: 77. Wala Kang Mapapala sa Paghahanap ng Ginhawa

Sumunod: 79. Para lang sa 300,000 Yuan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

44. Nakauwi na Ako

Ni Chu Keen Pong, Malaysia Mahigit isang dekada akong nanalig sa Panginoon at naglingkod sa iglesia nang dalawang taon, at pagkatapos ay...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito