Sa Pag-unawa Lamang sa Katotohanan Malalaman ng Isang Tao ang mga Gawa ng Diyos

May kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa kapalaran ng buong sangkatauhan at sa sansinukob at lahat ng bagay. Anong katunayan ang nakikita ng mga tao tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Na gaano man kalaki ang mundo o gaano man kalawak ang daigdig, mula sa malalaking nilalang hanggang sa maliliit, kataas-taasang naghahari ang Diyos sa lahat at pinangangasiwaan Niya ang lahat ng bagay. Anuman ang mga ninanais, hangarin, at hinihingi ng tao, o ang direksyon kung saan siya malamang na uunlad, mula sa kinatatayuan ng Diyos, kahit kaunti ay hindi naaapektuhan ng mga bagay na ito ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pangangasiwa. Sa pamamagitan ng anong prinsipyo kataas-taasang naghahari at nangangasiwa ang Diyos sa lahat ng bagay? Saan ito nakabatay? Ano ang mithiin ng Diyos sa paggawa ng lahat ng ito? Sa ano ito umiikot? (Umiikot ito sa plano ng pamamahala ng Diyos.) Tama ang tugon na ito; umiikot ang lahat ng ginagawa ng Diyos sa Kanyang plano ng pamamahala. Tila medyo hindi maarok ang mga salitang ito, ngunit mayroong mas malalim na kahulugan ang mga ito. Ang ibig Kong sabihin dito, hindi naiimpluwensiyahan ng mga hangarin ng tao ang lahat ng gawaing ginagawa ng Diyos. Ang kataas-taasang kapangyarihan at pangangasiwa ng Diyos; ang paraan kung paano Niya pinangangasiwaan ang mga bansa, tao, o etnikong grupo; o ang mga bagay na itinatakda Niyang mangyari sa anumang kapanahunan ay hindi naiimpluwensiyahan ng mga hangarin ng tao. Hindi nalilimitahan ng panahon, lugar, heograpiya, o mga tao ang Diyos. Lahat ng Kanyang ginagawa ay natutupad ayon mismo sa Kanyang plano, at walang sinumang makapipigil o makahahadlang dito. Hindi mahalaga kung nais mo o hindi, at anuman ang mga pansariling hangarin ng sangkatauhan o ng isang partikular na etnikong grupo, walang sinuman o anumang bagay ang may kakayahang guluhin, sirain, o impluwensiyahan kung ano ang piniling gawin ng Diyos. Ano ang natutunan ninyo mula rito? (Natutunan namin ang tungkol sa awtoridad ng Diyos.) Ito ang awtoridad ng Diyos. Mula nang unang likhain ng Diyos ang mga tao hanggang sa unti-unti silang umunlad, ang sangkatauhan ay binuo ng mga taong hinirang ng Diyos, mga Hentil, at mga sumasalungat sa Diyos. Itinuturing ng Diyos ang lahat ng uri ng mga taong ito bilang tao, ngunit, may pagkakaiba ba kung paano tinatrato ng Diyos ang iba’t ibang uri ng mga taong ito? Ginagabayan ba ng Diyos ang Kanyang mga hinirang sa isang partikular na paraan? (Oo, ginagawa Niya ito.) Iba ang turing ng Diyos sa Kanyang mga hinirang kaysa sa turing Niya sa ibang mga tao. Ngunit sa mga hinirang ng Diyos, may ilang nagagawang sumunod at magpasakop sa Kanya, at may ilan namang mapaghimagsik at tumututol sa Kanya. Kaya, paano sila tinatrato ng Diyos? Paano tinitingnan ng Diyos ang kanilang saloobin patungkol sa Kanya? (Maawain at mapagmahal ang Diyos sa mga nagpapasakop sa Kanya, ngunit kapag mapaghimagsik at tumututol ang mga tao sa Kanya, ipinaparanas Niya pababa sa kanila ang Kanyang matuwid na disposisyon.) Tama iyan. Kahit sa tingin mo ay isa ka sa mga hinirang ng Diyos, o isa sa Kanyang mga tagasunod, o nakatulong ka sa gawain sa sambahayan ng Diyos sa anumang paraan, mula sa kinatatayuan ng Diyos, hindi Niya tinitingnan ang mga panlabas na bagay na ito. May matuwid na disposisyon at may prinsipyo ang Diyos sa Kanyang pagtrato sa mga tao: Ang mga dapat hatulan, ay hinahatulan; ang mga dapat parusahan, ay pinarurusahan; at ang mga dapat wasakin, ay winawasak. Halimbawa, ano ang napapansin ninyo tungkol sa katunayang pinalayas ang mga Hudyo sa Judea, at ipinalaganap ang ebanghelyo ng kaharian ng langit ng Panginoong Jesus sa mga Hentil? Ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, at ayon sa Hudaismo, tanging ang mga Hudyo ang hinirang na mga tao ng Diyos. Sila ang mga kinalulugdang anak ng Diyos, at ang mga taong pinakapinagmamalasakitan ng Diyos; sila ang Kanyang mga paborito. Ayon sa sinasabi ng mga tao, ang mga Hudyo ang pinakamamahal Niyang mga anak, at dapat pakaalagaan at pakaprotektahan ng isang tao ang kanyang paboritong anak, at huwag itong hayaang masaktan o maagrabyado sa anumang paraan. Iniisip ng mga tao na kahit ano pa ang idalangin ng mga Hudyo, ipagkakaloob ito ng Diyos sa kanila, at bibiyayaan sila ng higit pa sa kanilang hiniling o inasahan. Pero ganito ba ang ginawa ng Diyos? (Hindi, hindi ganito.) Kung gayon, ano ang ginawa ng Diyos? Dahil ipinako ng mga Hudyo ang Panginoong Jesus sa krus, nagalit nang husto ang Diyos at pinahintulutan Niyang magpadala ng hukbo ang mga Romano para lupigin ang Judea at paalisin ang mga Hudyo mula sa sarili nilang lupa. Isa itong tagpong puno ng pagpaslang at madugong patayan; hindi mabilang na mga tao ang namatay at dumanak nang husto ang dugo. Nakaligtas lang ang maraming Hudyo sa pamamagitan ng pagtakas patungo sa iba’t ibang bansa sa buong mundo. Mula sa mga katunayang ito, anong diwa ang nakikita ninyo sa disposisyon ng Diyos? (Na hindi nalalabag ang matuwid na disposisyon ng Diyos.) Huwag muna nating pag-usapan ang tungkol sa disposisyon ng Diyos, gamitin muna nating halimbawa ang mga tao. Sa totoong buhay, kung ang isang tao ay may pinakamamahal na anak, at gusto nilang manahin ng anak ang kanilang ari-arian at ang lahat nang mayroon sila, ano ang kanilang gagawin? Sa isang banda, magiging mahigpit sila sa anak, nang sa gayon ay lumaki itong may narating sa buhay at makahahalili sa mga magulang nito. Ngunit ang pinakamahalaga, poprotektahan niya ang anak at hindi hahayaang malagay sa landas ng anumang kapahamakan o panganib. Ang layunin nito ay para mabuhay at manahin ng anak ang lahat nang mayroon ang mga magulang nito. Ano ang nag-uudyok sa mga tao para gawin ang lahat ng ito? Sa ganoong paraan din ba tinatrato ng mga tao ang mga anak na hindi nila mahal, o ang mga estranghero? Sa ganoong paraan din ba sila kumikilos? (Hindi, hindi nila ginagawa ito.) Halata namang ang lahat ng ginagawa ng mga tao para sa kanilang anak na pinakamamahal nila ay bunsod ng pagiging makasarili, mga damdamin, at personal na hangarin; ang mga bagay na ito ay bahagi ng diwa ng kalikasang diwa ng tao. May katotohanan ba sa mga damdamin at sa pagiging makasarili ng mga tao? May pagiging patas ba sa mga ito? (Wala.) Ganoon ipakita ng sangkatauhan ang sarili nito. Ngunit pansinin ang mga bagay na ginawa ng Diyos—gusto ng Diyos na ipalaganap ng Kanyang hinirang na mga tao, ang mga Hudyo, ang ebanghelyo mula Judea hanggang sa lahat ng taong Hentil sa iba’t ibang panig ng mundo—sa Asya, Europa, Aprika, at sa buong Amerika. Paano nila ito ipinalaganap? Gumamit ng pamamaraan ang Diyos kung saan kinamkam at sinakop ng mga banyagang mananakop ang lupain ng mga Hudyo, pinalayas ang mga Hudyong nakatira doon, ang mga taong nagpapalaganap ng balita tungkol sa Tagapagligtas na si Jesus, at naging dahilan ito para mapaalis sila sa sarili nilang lupa, at hindi na makabalik kailanman. Pagkatapos nito, nanirahan ang mga Hudyo sa iba’t ibang panig ng mundo, kung saan sila namuhay at nagsimulang ipalaganap ang ebanghelyo ng Tagapagligtas na si Jesus, hanggang sa unti-unti itong makarating sa bawat bansa sa mundo, at sa lahat ng dulo ng daigdig. Pinatutunayan nito ang isang katotohanan: na napakapraktikal ng gawain ng Diyos. Saan ito pangunahing naipapamalas? Sa katunayang gumamit ang Diyos ng isang napakaespesyal at kakaibang pamamaraan upang itulak ang mga Israelita patungo sa lahat ng iba’t ibang bansang ito at ipalaganap ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus. Kung hinayaan Niya lang ang mga Israelita na magdesisyong lumipat sa bawat bansa at ipalaganap ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos, hindi sana nila nagawang talikuran ang kanilang mga pamilya at ang bayang sinilangan ng kanilang mga ninuno. Para bang hinampas sila ng Diyos para makalabas sila at maipalaganap ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus. Ito ang halagang pinagbayaran ng Diyos para sa ebanghelyo ng kaharian ng langit; isinuong Niya sa digmaan, patayan, at pagkakapatapon ang Kanyang mga hinirang. Napilitan ang mga Hudyo na libutin ang mundo nang walang tahanan, habang ipinapalaganap ang ebanghelyo sa bawat bansa. Sa mga mata ng mga tao, masyadong walang konsiderasyon ang mga pamamaraang ito, ngunit mailalarawan ba na “walang konsiderasyon” ang diwa ng Diyos? Siyempre hindi, dahil hindi naman ito walang konsiderasyon. Ito ay dahil walang halong pagiging makasarili o damdamin ng laman sa disposisyon at diwa ng Diyos; ginawa Niya ang lahat ng ito para sa kaunlaran ng buong sangkatauhan, nang sa gayon magtagumpay ang susunod na hakbang ng pag-unlad ng sangkatauhan, at magkaroon ito ng katuparan nang ganap na alinsunod sa mga hakbang ng plano ng pamamahala ng Diyos. Kaya, dapat itong gawin ng Diyos; wala nang iba pang paraan. Umabot na sa puntong ito ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, at nagbunga ng mabibilis at magagandang resulta ang Kanyang mga kilos, kaya angkop na angkop ang mga ito. Kung titingnan ang diwa ng Diyos, ang Diyos lamang ang makagagawa nito, walang anumang bansa o lahi ang makagagawa nito. Matuwid ang disposisyon ng Diyos. Kung titingnan ang saloobin ng Diyos sa mga Hudyo, makapagbibigay ito ng kaunting kaliwanagan para sa mga taong hinirang ng Diyos sa kasalukuyan. Ang tao ay nilikha ng Diyos, at ang Diyos ay may pagmamahal, pagmamalasakit, awa, at mapagmahal na kabaitan para sa tao, ngunit kapag binibigyan ng Diyos ang mga tao ng misyon, ano ang mga tao sa mata ng Diyos? Kaya ba ninyong maintindihan ang ganitong antas ng kahulugan? Sinasabi ng ilang tao, “Sa pananaw na ito, walang anumang halaga ang mga tao sa mata ng Diyos. Mga tau-tauhan lang sila. Pupunta ka lang kung saan Niya sabihin, at gagawin mo kung ano ang Kanyang sinabi.” Tama ba ang mga salitang ito? Hindi tama. Tila ganito ang lagay sa panlabas, pero ang totoo ay hindi. Kung gagamitin ang salita ng tao, kapag kumikilos ang Diyos, hindi Niya masyadong iniintindi ang mga ganoong bagay. Wala Siya ng nakaugaliang pag-iisip o kuru-kuro ng tao, at walang anumang makakapigil sa Kanya. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay nakapagpapalaya, may kalayaan, hayagan, may katapatan, at makatarungan. Ang isang aspekto ay na sinusunod Niya ang mga hakbang ng Kanyang plano ng pamamahala nang sa gayon ay uusad nang normal ang lahat; ang isa pang aspekto ay na ginagawa Niya ito para sa hinaharap ay makausad at makasulong nang normal ang mga tao sa mga kamay ng Diyos, alinsunod sa Kanyang plano ng pamamahala. Konektadong-konektado ang kaunlaran ng tao sa plano ng pamamahala ng Diyos. Kung hindi kumilos ang Diyos sa ganitong paraan, na pinapasan ang sakit ng pagsuko sa isang bagay na Kanyang minamahal para gawin ang hakbang na ito, magiging mahirap para sa tao na umunlad kahit kaunti. Iyon ang dahilan kung bakit sinasabi Kong isinasaalang-alang ng Diyos ang bawat pasya na Kanyang ginagawa, bawat hakbang na Kanyang tinatahak, at bawat bagay sa Kanyang gawain ng pamamahala; naglalaman ito ng Kanyang kapangyarihan, awtoridad, at karunungan. Palaging may mga bagay na ginagawa ang Diyos na hindi nauunawaan ng mga tao. Bakit hindi nila ito maunawaan? Dahil may mga kuru-kuro ang mga tao. Ang ilan sa mga kuru-kurong ito ay mga imahinasyon, ang ilan ay bunga ng impluwensiya ng nakaugaliang kultura at pag-iisip ng tao, at ang ilan naman ay mga makasariling hangarin at panghuhusga ng tao. Naiimpluwensiyahan ng mga bagay na ito ang pag unawa ng tao tungkol sa Diyos, pati na ang kanyang pananaw tungkol sa Diyos.

Anong konklusyon ang maiisip ninyo tungkol sa pagpapalayas sa mga Hudyo mula sa Judea? (Na ang Diyos ay walang makasariling puso tulad ng sa mga tao. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay matuwid, at para sa pagsulong ng buong sangkatauhan.) Kung nangyari ang sitwasyong ito sa inyo, at may patayan, pagdanak ng dugo, dumating na pagkawasak at kamatayan sa inyong sambahayan, at nagkawatak-watak ang inyong pamilya, ano kaya ang magiging pagkaunawa ninyo? (Depende sa aming pagkatao at sa lala ng aming katiwaliang idinulot ni Satanas, maaaring marami kaming maling pagkaunawa, reklamo, at maling interpretasyon, pero ngayon, sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Diyos, napagtanto namin na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay nagtataglay ng kahulugan at ng Kanyang mga layunin. Kahit gaano pa karaming pagdurusa ang maranasan namin, dapat ay handa kaming magpasakop sa lahat ng pangangasiwa ng Diyos, at gawin ang lahat ng aming makakaya para makipagtulungan sa Kanya, na ibinabahagi at pinatototohanan ang gawain ng Diyos sa mga huling araw.) Sa harap ng mga katunayang ito, may magagawa ba ang tao? Walang karapatan ang tao na mamili kung ano ang pagpapasyahang gawin ng Diyos. Matapos marinig ang mga salitang ito, nadarama pa rin ba ng mga tao na ang Diyos ay pag-ibig? Nasisiraan sila ng loob, at sinasabing, “Kung walang magagawa ang mga tao tungkol sa mga katunayang ito, anong papel ba talaga ang ginagampanan ng mga tao sa gawaing plano ng pamamahala ng Diyos?” Alam ba ninyo? (Kami ay mga nilikha.) Hindi lang kayo basta mga nilikha; gumaganap kayo bilang mga mapaghahambingan. Kayo ang pakay ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, pero higit pa rito, pakay kayo ng Kanyang pagliligtas. Iyon ang papel na ginagampanan ninyo. Ano ang gampanin ninyo bilang mga nilikha? May kaugnayan ito sa pagsasagawa at sa tungkulin ng isang tao. Isa kang nilikha, at kung binigyan ka ng Diyos ng kaloob sa pag-awit, at isinasaayos ng sambahayan ng Diyos na umawit ka, kailangan mong umawit nang maayos. Kung may talento ka sa pangangaral ng ebanghelyo, at isinasaayos ng sambahayan ng Diyos na ipalaganap mo ang ebanghelyo, kung gayon, dapat mahusay mong ipalaganap ang ebanghelyo. Kapag inihahalal ka ng mga hinirang ng Diyos bilang isang lider, dapat mong tanggapin ang atas ng pamumuno, at pangunahan ang mga hinirang ng Diyos sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, sa pagbabahagi tungkol sa katotohanan, at sa pagpasok sa realidad. Kapag ginawa mo ito, magagampanan mo nang mabuti ang iyong tungkulin. Lubhang mahalaga at makahulugan ang atas na ibinibigay ng Diyos sa tao! Kaya, paano mo ba dapat tanggapin ang atas na ito at tuparin ang iyong gampanin? Ito ang isa sa pinakamalalaking isyu na kinakaharap mo, at dapat kang magpasya. Maaaring sabihin na isa itong napakahalagang sandali na magpapasya kung makakamit mo ba ang katotohanan at mapeperpekto ka ba ng Diyos o hindi. Kung kikilos ka nang umaasa sa sarili mong kalooban at gagawa ka ng lahat ng uri ng kapangahasan, hindi mo lamang hindi matutupad ang atas ng Diyos, kundi maaabala mo rin ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Bunga nito, kakailanganin na parusahan ka, gaya ng nangyari kay Pablo. Kapag sinasabi sa iyo ng Diyos na humayo ka at gawin ang isang bagay, ano ang gampanin mo? Ito ay ang gawin nang maayos ang gampanin at huwag magkamali. Kapag ginawa mo ito, maayos kang nagseserbisyo. Kahit ano pang serbisyo ang iniuutos sa iyo ng Diyos, dapat mo itong gawin nang maayos at masunurin. Kapag ginawa mo ito, isa kang taong nakikinig at nagpapasakop. Kung hindi ka masunuring nagseserbisyo, na lagi kang may mga personal na intensyon, at lagi mong gustong maghari-harian, kung gayon, isa kang Satanas at anticristo, at dapat kang parusahan. Hindi nauunawaan o hinahangad ng ilang tao ang katotohanan; nagsisikap lamang sila sa kanilang trabaho. Ano kung gayon ang kanilang gampanin bilang nilikha? Ang magpakapagod at magtrabaho lamang. Lagumin natin kung gayon, kung ano mismo ang mga tungkuling dapat gampanan ng mga nilikha sa paningin ng Diyos at kung ano ang wangis ng tao na dapat nilang isabuhay. Tumutukoy ito sa inyong pagsasagawa. Ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, pinagmamalasakitan, pinahahalagahan, pinoprotektahan, inaalagaan, at binibiyayaan ng Diyos ang mga nilikha sa Kanyang paningin. Pagkatapos ay dinidisiplina at pinupungusan Niya sila, minamahal sila sa Kanyang puso, at hinahawakan sila sa Kanyang mga kamay. Sa huli, may iisang intensyon ang Diyos at iyon ay ang gawin silang perpekto, siguruhin ang kanilang kaligtasan at tiyaking walang mangyayari sa kanilang masama hanggang sa sila ay magawang perpekto. Para sa kanila, ganito ang mga nilikha sa paningin ng Diyos. Kapag nararanasan ito ng mga tao, naiisip nila, “Lubhang kaibig-ibig ang Diyos! Napakadakila ng ating Diyos! Lubhang karapat-dapat Siya para sa ating pagmamahal! Maawain at mapagmahal ang Diyos! Kahanga-hanga ang Diyos!” Pero kung ikukumpara mo ito sa mga totoong pangyayari, ito lamang ba ang mga paraan kung paano tinatrato ng Diyos ang mga nilikha? (Hindi.) Kung gayon, paano tinatrato ng Diyos ang mga tao? Ano pang mga kuru-kuro at imahinasyon mayroon ang mga tao patungkol sa saloobin ng Diyos sa Kanyang pagtrato sa tao? May anumang bagay bang hindi matanggap ng mga tao? Walang pagdududang ito ay ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, pagpipino, pagpupungos, pagdidisiplina, at pagkakait ng Diyos. Anong uri ng mga tao ang mga hindi kayang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos? Masasabi mong mga tao silang hindi tinatanggap ang katotohanan, at talagang masasabi mong ang mga taong hindi tumatanggap sa katotohanan ay mga hindi mananampalataya. Kung hindi matanggap ng isang tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, iyon ay katumbas ng hindi niya pagtanggap sa gawain ng Diyos. Ano ang kalikasan ng problemang ito? Ito ay na hindi niya tinatanggap ang katotohanan, at tinatanggihan niya ang gawain ng Diyos. Ang mga taong kagaya nito ay mapapahamak at maparurusahan lamang. Kahit ano ka pang uri ng tao, kung nananalig ka sa Diyos ngunit hindi mo naman tinatanggap ang katotohanan, hindi ka maililigtas. Matapos magsimulang manalig sa Diyos ang isang tao, kahit ano pang kapaligiran ang paglagyan sa kanya ng Diyos para ibunyag siya, sa panahon ng proseso ng pagbubunyag, makikita ba niya ang mga pagpapala, biyaya, malasakit, o proteksyon ng Diyos? (Hindi, hindi niya makikita.) Sa panlabas, hindi niya ito makikita, ngunit matapos dumaan sa mga pagsubok at pagpipino, magagawa na ba niya itong makita? Siguradong makikita na niya. Kaya, maraming tao ang nakakakita ng proteksyon at mga pagpapala ng Diyos matapos na maranasan ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Pero hindi man lang nakikita ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ang mga bagay na ito. Pinanghahawakan pa rin nila ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at punung-puno sila ng antagonismo at paghihimagsik laban sa Diyos. Ito ang mga uri ng taong hindi mananampalataya, masasama, at anticristo. Ang lahat ng ginagawa nila ay halimbawa ng kung ano ang hindi dapat na gawin. Isang halimbawa si Pablo. Ano ang nakikita ng mga tao kapag tinitingnan nila si Pablo? (Na si Pablo ay nasa landas ng isang anticristo, at na ang kuwento niya ay nagsisilbing isang babala sa amin.) Hindi hinangad ni Pablo ang katotohanan. Nanalig lang siya sa Diyos dahil naghangad siya ng isang kinabukasan at hantungan para sa kanyang laman. Hinangad lang niyang magtamo ng mga gantimpala at isang korona. Napakaraming sinabi ng Diyos, dinisiplina, binigyan ng kaliwanagan at tinanglawan siya nang husto, pero hindi siya nagpasakop sa Diyos o tumanggap sa katotohanan. Palagi siyang naghihimagsik laban sa Diyos at nilalabanan ang Diyos, at sa huli, siya ay naging isang anticristo at nakondena at naparusahan. Nagsisilbing halimbawa si Pablo ng kung ano ang hindi dapat na gawin. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa halimbawa ni Pablo bilang isang tipikal na anticristo, makikita ng mga tao na si Pablo ay nasa landas ng paglaban sa Diyos, at sa landas ng pagkawasak. Marami ang natuto at nakinabang mula rito. Tinahak nila ang landas ng paghahangad sa katotohanan, at ang tamang landas ng isang mananampalataya. Ano ang layunin ng Diyos para sa mga taong kayang tanggapin ang katotohanan, at nakinabang mula sa leksyon ni Pablo? (Kaligtasan at pagmamahal.) Kung gayon, anong aspekto ng disposisyon ng Diyos ang makikita ng mga tao mula sa paglalantad, paghatol, at pagkondena ng Diyos kay Pablo? (Ang Kanyang matuwid na disposisyon.) Kung gayon, sa paningin ng Diyos, ano ang kinahinatnan ni Pablo bilang isang nilikha? Siya ay naging isang gamit-panserbisyo. Ang mga tao ay pawang mga nilikha, kapwa ang mga nakikinabang at ang mga ibinubunyag. Gayunpaman, magkaibang-magkaiba kung tratuhin ng Diyos ang dalawang uri na ito ng mga tao. Sa realidad, sa paningin ng Diyos, ang dalawang uri na ito ng mga tao ay kapwa walang silbi gaya ng mga langgam at uod, pero magkaiba ang trato ng Diyos sa bawat isa. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Saan nakabatay ang magkaibang pakikitungo ng Diyos sa dalawang uri na ito ng mga tao? (Nakabatay ito sa landas na kanilang tinatahak.) Nakabatay ito sa kung paano ipinapamalas ng isang tao ang kanyang sarili, ang kanyang diwa, ang kanyang saloobin sa katotohanan, at sa landas na tinatahak ng isang tao. Sa panlabas, tila ba walang konsiderasyon ang Diyos para sa tao, na wala Siyang pakiramdam, at na walang-puso ang Kanyang mga aksyon. Ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, naiisip ng mga tao na, “Hindi dapat tinrato ng Diyos si Pablo nang ganoon. Napakarami nang nagawa at pinagdusahan ni Pablo. Dagdag pa rito, siya ay tapat at masugid sa Diyos. Bakit siya tatratuhin ng Diyos nang ganoon?” Tama bang sabihin ito ng mga tao? Nakaayon ba ito sa katotohanan? Sa papaanong paraan naging lubhang tapat o masugid si Pablo sa Diyos? Hindi ba nila binabaluktot ang mga katunayan? Naging tapat at masugid si Pablo sa pagtatamo ng mga pagpapala para sa kanyang sarili. Katapatan at debosyon ba iyon sa Diyos? Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, hindi malinaw na nakikita ang diwa ng isang problema, at bulag na nagsasalita batay sa kanilang mga damdamin, hindi ba’t naghihimagsik sila laban sa Diyos at lumalaban sa Kanya? Hindi na nakapagtatakang kinagigiliwan ng lahat si Pablo! Ang mga kay Satanas ay palaging giliw na giliw kay Satanas, at nagsasalita pa nga para kay Satanas batay sa kanilang mga damdamin. Nangangahulugan ito na bagama’t tila humiwalay ang mga tao mula kay Satanas, nananatili silang magkaugnay. Sa katunayan, kapag nagsasalita ang mga tao para kay Satanas, nagsasalita rin sila para sa kanilang sarili. Nakikisimpatiya ang mga tao kay Pablo dahil katulad nila siya, at sila ay nasa landas na pareho ng sa kanya. Ayon sa sentido kumon ng tao, hindi dapat tinrato ng Diyos nang ganoon si Pablo, pero ang ginawa Niya ay ang kabaligtaran mismo ng sentido kumon ng tao. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos, at ito ang katotohanan. Kung magsasalita ang isang tao alinsunod sa sentido kumon ng tao, maaari niyang sabihin, “Kahit pa walang masyadong nakamit si Pablo, nagtrabaho at nagsikap naman siya nang mabuti. Dapat ay napagbigyan man lamang siya alang-alang sa bilang ng mga taon na nagdusa siya. Kahit pa isa lamang siyang trabahador, ayos lang ito. Hindi siya dapat pinarusahan o napunta sa impiyerno.” Ito ang sentido kumon at ang mga damdamin ng tao—hindi ito ang katotohanan. Ano ang pinakakaibig-ibig na aspekto ng Diyos? Na wala Siya ng sentido kumon ng tao. Lahat ng ginagawa Niya ay alinsunod sa katotohanan at sa Kanyang diwa. Nagpapakita Siya ng matuwid na disposisyon. Walang pakialam ang Diyos sa iyong mga personal na kagustuhan, ni sa mga obhetibong katunayan ng kung ano ang iyong mga nagawa. Itinatakda at tinutukoy ng Diyos kung anong uri ka ng tao batay sa kung ano ang iyong ginagawa, kung ano ang ibinubunyag mo, at ang landas na tinatahak mo, at pagkatapos ay iniaakma ang pinakanararapat na saloobin sa iyo. Ganito nangyari ang kinalabasan ni Pablo. Kung titingnan ang kaso ni Pablo, tila walang pagmamahal ang Diyos. Sina Pedro at Pablo ay kapwa mga nilikha, pero habang sinang-ayunan at pinagpala ng Diyos si Pedro, inilantad, masusing sinuri, hinatulan, at kinondena naman Niya si Pablo. Hindi mo makita ang pagmamahal ng Diyos sa paraan ng pagpapasya Niya sa kinalabasan ni Pablo. Kaya, batay sa nangyari kay Pablo, masasabi mo bang hindi nagmamahal ang Diyos? Hindi, hindi mo masasabi iyon, dahil dinisiplina siya ng Diyos nang maraming beses, tinanglawan siya, binigyan siya ng maraming pagkakataon para magsisi, pero mariing tumanggi si Pablo at tinahak niya ang landas ng paglaban sa Diyos. Kaya sa huli, kinondena at pinarusahan siya ng Diyos. Kung titingnan nang mababaw ang bagay na ito, para bang walang sariling pagpapasya ang mga tao sa gawain at pagliligtas ng Diyos. Bagama’t hindi nakikialam ang Diyos sa kapasyahan ng mga tao, kung pipiliin ng isang tao ang landas ng paghahangad ng mga pagpapala, kokondenahin at parurusahan siya ng Diyos. Para bang hindi hinahayaan ng Diyos ang mga tao na pumili ng sarili nilang landas, na pinapayagan lang Niya silang piliin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, at nasa Diyos na kung mahatulan man, madalisay, o magawang perpekto ang isang tao. Hindi ba’t isang kabalbalan at lubhang katawa-tawa na tingnan ang gawain ng Diyos sa gayong paraan at ang bansagan ang Diyos nang ganito? Walang kamalay-malay ang tao na matuwid at banal ang disposisyon ng Diyos; palagi niyang pinipiling sundin ang sarili niyang landas—ang landas ng paglaban sa Diyos, ngunit ayaw namang tanggapin ang paghatol o pagkondena ng Diyos. Hinding-hindi ito makatwiran! Maraming tao ang nag-aakala na, “Hindi maaaring piliin ng mga tao para sa kanilang sarili kung paano sila tatratuhin ng Diyos, kung anong misyon ang ibibigay Niya sa kanila, ang trabahong ipagagawa Niya sa kanila, o ang tungkuling pagagampanan Niya sa kanila. Sa huli, sinumang pinipiling tahakin ang sarili niyang landas ay nakokondena. Pagpapalain at sasang-ayunan ka lang ng Diyos kung pipiliin mo ang landas kung saan ka Niya inaakay, at kung pipiliin mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan.” Tingin ng ilang tao rito ay hindi nagiging patas ang Diyos at nakikialam Siya sa kalayaan ng mga tao na pumili. Pero ito ba ang totoo? (Hindi.) Ginagawa ng Diyos ang lahat ng ito nang ayon sa prinsipyo. Kapag hindi mo nauunawaan ang mga totoong pangyayari at ang katotohanan, madali para sa iyo na hindi maunawaan at husgahan ang Diyos, pero kapag nauunawaan mo ang mga totoong pangyayari at ang katotohanan, iisipin mo na lubhang walang kabuluhan at kasuklam-suklam ang mga maling pagkaunawang ito, at hinding-hindi na dapat pang pairalin ang mga ito. Sa puntong iyon, malalaman mo na tama ang lahat ng ginagawa ng Diyos. Hindi ito nakikita ng mga tao dahil masyado silang makasarili at hangal. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan at hindi nila nakikita nang malinaw ang mga bagay-bagay, kaya binabansagan nila ang Diyos ayon sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Sa sandaling maunawaan mo na ito, hindi mo na ipagtatanggol pa si Pablo o hindi ka na magkakamali ng pagkaunawa sa Diyos. Sasabihin mong, “Talagang tama ang ginagawa ng Diyos. Ang mga tao ang siyang tiwali. Makikitid ang kanilang isip at sila ay mga hangal. Hindi nila nakikita nang malinaw ang mga sitwasyon. Nakikita man ng isang tao ang matuwid na disposisyon ng Diyos o kung nakikita man nito ang Kanyang pagmamahal mula sa bagay na ito, lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama, at isang pagpapakita ng Kanyang matuwid na disposisyon at ng Kanyang diwa. Nakaayon ang lahat ng ito sa katotohanan, at hindi mali!” Ngayon, kapag gumagawa ang Diyos sa inyo at inililigtas kayo, anong landas ang dapat ninyong piliin? Pinakikialaman ba kayo ng Diyos? Ano ang dapat ninyong piliin? Dapat ba kayong matuto mula sa mga pagkakamali ni Pablo? Dapat ba kayong maging kagaya ni Pedro at sumunod sa landas ng paghahangad sa katotohanan? Paano ninyo haharapin ang bagay na ito? Depende iyon sa kung nauunawaan ba ninyo ang katotohanan. Anong mga problema ang malulutas kung nauunawaan ninyo ang katotohanan? Ang layunin ng pag-unawa sa katotohanan ay para lutasin ang tiwaling disposisyon ng tao at ang iba’t ibang paghihirap ng tao. Kapag nahaharap ka sa mga problema na hindi kayang lutasin; o sa mga tao, pangyayari, at bagay na hindi tumutugma sa iyong mga kuru-kuro, magsisimulang isagawa ng katotohanan ang gampanin nito sa loob mo. Kaya paano ka matutulungan ng kaso ni Pablo sa iyong personal na buhay pagpasok at sa pagpili mo ng iyong landas? (Mauudyukan kami nitong lumapit sa Diyos at magnilay-nilay sa aming sarili.) (Kaya nitong gibain ang mga pader at alisin ang mga maling pagkaunawa sa pagitan ng Diyos at ng tao.) Iyon ang isang bahagi nito, at may nakamtan kayo mula sa talakayang ito. Ang pinakamahalagang bagay na dapat maunawaan ay ang kabuluhan ng pagpili sa landas ng paghahangad sa katotohanan, at kung bakit pinagpapala at sinasang-ayunan ng Diyos ang mga nakagagawa niyon. Ang maunawaan ang sagot sa katanungang ito ang pinakamahalagang bagay.

Ngayon-ngayon lang ay binanggit Ko kung paanong ipinatapon ang mga Hudyo, at nagpalaboy-laboy sa iba’t ibang bansa sa buong mundo. Ano ang nakikita ng mga tao tungkol sa totoong pangyayaring ito? Anong katotohanan ang nauunawaan nila? Dapat ay mapagnilay-nilay nang kaunti ng pangyayaring ito ang mga tao. Una, sa kung paano dapat magsagawa ang mga tao, at pangalawa, para maunawaan nila ang disposisyon ng Diyos sa pamamagitan ng pangyayaring ito. Pag-usapan muna natin ang tungkol sa kung paano dapat magsagawa ang mga tao sa ganitong mga sitwasyon. Walang anumang ginagawa ang Diyos na naiimpluwensiyahan ng mga ninanasa ng tao; may sariling plano ang Diyos, at may sarili Siyang mga prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay. Kaya, anong saloobin ang dapat mayroon ang mga tao? Kahit ano pang sitwasyon ang kanilang harapin, o kung tumutugma ba ito sa kanilang mga kuru-kuro, hinding-hindi dapat kalabanin ng mga tao ang Diyos. Sinasabi ng ilang tao na, “Kahit na mapaghimagsik at lumalaban ako sa Diyos, hindi pa ba sapat na ginagampanan ko naman ang aking tungkulin?” Anong uri ng saloobin ito? Malinaw na hindi ito katanggap-tanggap. Hindi ito tunay na pagpapasakop. Kung gayon, paano ba talaga maisasagawa ng mga tao ang “huwag kalabanin ang Diyos,” at maisakatuparan ito? May dalawang prinsipyo ng pagsasagawa: Ang una ay maagap na hanapin ang mga layunin ng Diyos, kung anong mga katotohanan ang dapat maunawaan ng mga tao, at kung paano makipagtulungan at kumpletuhin ang atas ng Diyos—ito ang aktibong bahagi ng kung ano ang dapat gawin ng mga tao. Ang pangalawa ay suriin at kilalanin kung saan ka may mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, kung saan ka hindi nagpapasakop sa Kanya, kung saan ka may mga kuru-kuro at imahinasyon, at mga bagay na hindi naaayon sa Diyos. Sa pamamagitan nito, matitiyak na maisasagawa mo nang tumpak ang katotohanan habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, magagawa mo ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, makukumpleto mo ang atas ng Diyos, at magugunita ka ng Diyos. Simple lang ba ang mga prinsipyong ito ng pagsasagawa? (Oo, simple lang.) Ano ang ibig Kong sabihin sa “simple”? Na malinaw naman ang lohika at ang mga salita; ibig sabihin ng “isa” ay isa, at ang “dalawa” ay dalawa; sa sandaling marinig mo ito, alam mo na kung paano ito isagawa. Gayunpaman, ang aktwal na pagsasagawa nito ay hindi ganoon kasimple, dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao. Palagi nilang pinagdedebatehan ang mga bagay-bagay, at marami silang imahinasyon at kuru-kuro, pati na maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Dapat ay masusing suriin ng mga tao ang mga bagay na ito at tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, pero nagiging dahilan ito para makaisip pa ng mga bagong kuru-kuro ang mga taong walang espirituwal na pagkaunawa: “Sinasabi ng lahat ng tao na ang Diyos ay pag-ibig, kung gayon ay bakit palaging inilalantad at hinahatulan ng Diyos ang mga kaisipan at kuru-kuro ng mga tao? Hindi ko makitaan ng pagmamahal ang Diyos; ang nakikita ko lang ay na hindi nangungunsinti ng paglabag ang disposisyon ng Diyos.” Hindi ba’t isa ito sa mga kuru-kuro ng tao? Kung, gaya ng sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tiwaling tao, awa at mapagmahal na kabaitan lang ang ibinunyag ng Diyos sa panahong umuunlad ang buong sangkatauhan, at hindi kailanman nagpakita ng pagiging matuwid o matinding galit, magagawa pa kaya ng taong patuloy na mabuhay hanggang sa kasalukuyang panahon? (Hindi, hindi niya magagawa.) Matagal na sigurong nilamon ni Satanas ang tao. Kapag humaharap sa mga isyung tungkol sa mga demonyo at kay Satanas, at sa mga tiwaling tao na lumalaban sa Diyos, ang ibinubunyag ng Diyos at kung papaano Niya ipinapamalas ang Kanyang sarili ay hindi ang pagmamahal na sinasabi ng mga tao, kundi isang matuwid na disposisyon; ito ay pagkapoot, pagkamuhi, paghatol, pagkastigo, pagparusa, at pagwasak. Sa pamamagitan lamang ng paggawa nito maipapakita ng Diyos na ang Kanyang disposisyon ay matuwid, banal, at hindi nangungunsinti ng paglabag; sa paggawa lamang nito lubusang maipapahiya si Satanas, at mabisang mapoprotektahan ang tunay na sangkatauhan. Noon pa man ay ganito na inaakay ng Diyos ang sangkatauhan, at kasabay nito ay inililigtas.

Dapat ay madalas na suriin ng mga tao ang anumang bagay sa kanilang puso na hindi kaayon ng Diyos, o na isang maling pagkaunawa sa Kanya. Paano ba nagkakaroon ng mga maling pagkaunawa? Bakit nagkakamali ng pagkaunawa ang mga tao sa Diyos? (Dahil naaapektuhan ang sarili nilang interes.) Matapos makita ng mga tao ang mga totoong pangyayari tungkol sa pagpapalayas sa mga Hudyo mula sa Judea, nasaktan sila, at sinabing, “Noong una, mahal na mahal ng Diyos ang mga Israelita. Inakay Niya sila palabas ng Ehipto at itinawid sa Dagat na Pula, binigyan sila ng manna mula sa kalangitan at tubig-bukal na maiinom, pagkatapos ay personal Niya silang binigyan ng mga batas para pamunuan sila, at tinuruan sila kung paano mamuhay. Nag-uumapaw ang pagmamahal ng Diyos para sa tao—lubhang pinagpala ang mga taong nabuhay noon! Paanong biglang nagbago ang saloobin ng Diyos sa isang kisap-mata? Saan napunta ang lahat ng Kanyang pagmamahal?” Hindi ito matanggap ng mga tao, at nagsimula silang magduda, sinasabing, “Ang Diyos ba ay pag-ibig o hindi? Bakit hindi na makita pa ang orihinal Niyang saloobin sa mga Israelita? Naglahong parang bula ang Kanyang pagmamahal. May pagmamahal ba Siya kahit kaunti?” Dito nagsisimula ang maling pagkaunawa ng mga tao. Ano ang konteksto kung saan bumubuo ng mga maling pagkaunawa ang mga tao? Dahil kaya ito sa hindi kaayon ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ang mga kilos ng Diyos? Ang katunayan bang ito ang nagiging sanhi para magkamali ang tao ng pagkaunawa sa Diyos? Hindi ba’t nagkakaroon ng maling pagkaunawa ang mga tao sa Diyos dahil nililimitahan nila ang depinisyon nila ng Kanyang pagmamahal? Iniisip nilang, “Ang Diyos ay pag-ibig. Samakatuwid, dapat Niyang alagaan at protektahan ang mga tao, at buhusan sila ng biyaya at mga pagpapala. Ganito ang pagmamahal ng Diyos! Gusto ko kapag minamahal ng Diyos ang mga tao nang ganito. Lalo kong nakikita kung gaano minahal ng Diyos ang mga tao nang itawid Niya sila sa Dagat na Pula. Lubos na pinagpala ang mga tao noon! Nais ko sanang maging isa sa kanila.” Kapag wiling-wili ka sa kuwentong ito, tinatrato mo ang pagmamahal na ibinunyag ng Diyos sa sandaling iyon bilang pinakamataas na katotohanan, at ang nag-iisang palatandaan ng Kanyang diwa. Nililimitahan mo ang pagpapakahulugan mo sa Kanya sa iyong puso, at tinatrato ang lahat ng ginawa ng Diyos nang sandaling iyon bilang pinakamataas na katotohanan. Iniisip mong ito ang pinakakaibig-ibig na katangian ng Diyos, at ang siyang pinakanagtutulak sa mga tao para igalang at katakutan Siya, at na ito ang pagmamahal ng Diyos. Ang totoo niyan, ang mga kilos mismo ng Diyos ay positibo, pero dahil sa limitado mong mga depinisyon, naging mga kuru-kuro ang mga ito sa iyong isip, at basehan kung paano mo binibigyang-kahulugan ang Diyos. Dahil sa mga ito ay nagkakamali ka ng pagkaunawa sa pagmamahal ng Diyos, na para bang wala nang anupaman ito kundi awa, malasakit, proteksyon, patnubay, biyaya, at mga pagpapala—na para bang iyon lang ang pagmamahal ng Diyos. Bakit labis mong pinahahalagahan ang mga aspektong ito ng pag-ibig? Dahil ba nauugnay ito sa pansarili mong interes? (Oo, ganoon nga.) Sa aling mga pansariling interes ito nauugnay? (Sa mga layaw ng laman at isang maginhawang buhay.) Kapag nananalig ang mga tao sa Diyos, gusto nilang matamo ang mga bagay na ito mula sa Kanya, pero hindi ang iba pang bagay. Ayaw isipin ng mga tao ang tungkol sa paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, pagpipino, pagdurusa para sa Diyos, pagtalikod sa mga bagay at paggugol ng kanilang sarili, o maging pagsasakripisyo ng kanilang sariling buhay. Gusto lang ng mga tao na tamasahin ang pagmamahal, malasakit, proteksyon, at patnubay ng Diyos, kaya binibigyang-kahulugan nila ang pagmamahal ng Diyos bilang ang tanging katangian ng Kanyang diwa, at ang nag-iisa Niyang diwa. Hindi ba’t ang mga bagay na ginawa ng Diyos noong itinawid Niya ang mga Israelita sa Dagat na Pula ang pinagmulan ng mga kuru-kuro ng mga tao? (Oo, ang mga ito ang pinagmulan.) Lumikha ito ng konteksto kung saan bumuo ang mga tao ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Kung bumuo sila ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, matatamo ba nila ang isang tunay na pagkaunawa tungkol sa gawain at disposisyon ng Diyos? Malinaw na hindi lamang sa hindi nila ito mauunawaan, kundi magkakamali rin sila ng interpretasyon dito at bubuo ng mga kuru-kuro tungkol dito. Pinatutunayan nito na masyadong makitid ang pag-unawa ng tao, at hindi ito tunay na pagkaunawa. Dahil hindi ito ang katotohanan, kundi isang uri ng pagmamahal at pagkaunawa na sinusuri at binibigyang-kahulugan ng mga tao mula sa Diyos batay sa kanilang sariling mga kuru-kuro, imahinasyon, at makasariling hangarin; hindi ito naaayon sa tunay na diwa ng Diyos. Sa ano pang mga paraan minamahal ng Diyos ang mga tao bukod sa awa, pagliligtas, malasakit, proteksyon, at pagdinig sa kanilang mga panalangin? (Sa pamamagitan ng pagtutuwid, pagdidisiplina, pagpupungos, paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino.) Tama iyon. Ipinapakita ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa maraming paraan: sa pamamagitan ng pamamalo, pagdidisiplina, panenermon, gayundin ng paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, pagpipino, at iba pa. Ang lahat ng ito ay aspeto ng pagmamahal ng Diyos. Tanging ang perspektibang ito ang komprehensibo at naaayon sa katotohanan. Kung nauunawaan mo ito, kapag sinusuri mo na ang iyong sarili at napagtatantong mayroon kang mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, hindi ba’t magagawa mo nang kilalanin ang iyong mga pagkabaluktot, at na dapat mong pagbutihan ang pagninilay-nilay kung saan ka nagkamali? Hindi ba’t matutulungan ka nitong lutasin ang iyong mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos? (Oo, makakatulong ito.) Upang magawa ito, dapat mong hanapin ang katotohanan. Hangga’t hinahanap ng mga tao ang katotohanan, mapapawi nila ang kanilang mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, at sa sandaling mapawi na nila ang kanilang mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, makapagpapasakop na sila sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos. Kung nagagawa mong pawiin ang mga maling pagkaunawa mo tungkol sa Diyos, kapag tiningnan mo ang pagkakapalayas ng mga Hudyo mula sa Judea, sasabihin mong, “Ang saloobin ng Diyos sa mga tao, na Kanyang mga nilikha, ay hindi lamang saloobin ng pagmamahal, namumuno rin Siya sa pamamagitan ng pagpalo at pagpapatapon. Hindi dapat bigyan ng mga tao ang kanilang sarili ng karapatang magpasya sa kanilang saloobin sa Diyos; dapat ito ay saloobin ng pagpapasakop, hindi paglaban.” Mula sa perspektiba ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, parang walang konsiderasyon ang saloobin ng Diyos sa mga Hudyo, pero kung titingnan ito ngayon, napakahusay ng ginawa ng Diyos; lahat ng ibinunyag Niya ay matuwid na disposisyon. Kaya ng Diyos na pagkalooban ng biyaya at mga pagpapala ang mga tao, at bigyan sila ng pang-araw-araw nilang makakain, pero kaya rin Niyang bawiin ang lahat ng iyon. Iyon ang awtoridad, diwa, at disposisyon ng Diyos.

Maraming tao ang may mga kuru-kuro tungkol sa pagkakapalayas ng mga Hudyo mula sa Judea, pero maaaring magtamo ng kaliwanagan ang mga taong naghahanap ng katotohanan mula sa pangyayaring ito. Kung may kakayahan ang isang tao na makaunawa, maipapakita ng pangyayaring ito sa kanya na hindi nangungunsinti ng paglabag ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Pero walang kakayahan ang ilang tao na makaunawa. Kung nararamdaman nilang hindi tumutugma sa kanilang mga kuru-kuro ang ginawa ng Diyos, dapat muna silang sumang-ayon na matuwid ang Diyos, at na hindi nangungunsinti ng paglabag ang Kanyang disposisyon; tiyak ito. Pagkatapos, dapat silang manalangin at hanapin ang katotohanan, at tingnan kung ano ang nagawa ng mga Hudyo para malabag ang disposisyon ng Diyos at matanggap ang Kanyang matinding galit. Sa ganitong paraan lamang lubusang malulutas ng mga tao ang kanilang mga kuru-kuro, mauunawaan ang disposisyon ng Diyos sa pamamagitan ng pangyayaring ito, at magpapasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Hindi madali para sa mga tao na maunawaan ang katotohanan. Kahit nagtamasa ka pa noon ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos, o nakagawa ka ng gawain sa pamamagitan ng pagtanggap sa Kanyang patnubay at atas, o kung may mga bagay kang inihandog, o may tinalikuran kang isang bagay—kahit pa ang tingin sa iyo ng mga tao ay may naiambag ka, hindi mo dapat tingnan ang mga bagay na ito bilang kapital sa anupamang paraan. Iyon ang unang bagay. Ang pangalawang bagay ay na hindi mo kailanman dapat tingnan ang mga bagay na ito bilang alas na magagamit mo laban sa Diyos at magagamit para idikta kung paano ka Niya tatratuhin. Ang pinakamahalagang bagay ay na kapag hindi tumutugma sa iyong mga kuru-kuro ang mga salita at saloobin ng Diyos patungkol sa iyo, o kung tila wala itong pakiramdam para sa iyo, hindi mo Siya dapat labanan o salungatin. Ito ang pangatlong bagay. Magagawa ba ninyo ang tatlong bagay na ito? Tumutukoy ang tatlong bagay na ito sa realidad. Madali ba para sa mga kalagayang ito na mangyari sa mga tao? (Oo, madali lang.) Bakit nangyayari ang mga kalagayang ito sa mga tao? Bakit kusang nagpapamalas ang mga ito sa ganitong paraan? Pinamamahalaan ng Diyos ang buong sangkatauhan, at kataas-taasang naghahari sa lahat ng bagay, pero tinitingnan ba ng Diyos ang mga bagay na ito bilang kapital? Inaangkin ba ng Diyos ang kapurihan para dito? May mga gayong pagbubunyag ba ang Diyos sa pagsasabing, “Ginawa Ko ang lahat ng magagandang bagay na ito para sa inyo. Bakit hindi ninyo Ako pasalamatan?” (Hindi, hindi Niya ito ginagawa.) Wala sa isip ng Diyos ang mga bagay na ito. Kaya bakit inaasahan ng tao na purihin siya ng Diyos para sa bawat munting bagay na isinusuko o ginugugol niya, o sa bawat munting kontribusyon na ginagawa niya? Bakit ipinapamalas at ibinubunyag ng tao ang kanyang sarili sa ganitong paraan? Simple lang ang sagot. Ito ay dahil tiwali ang disposisyon ng tao. Bakit hindi ipinapamalas o ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang sarili sa ganitong paraan? Ito ay dahil ang diwa ng Diyos ay katotohanan, at ang katotohanan ay banal. Ito ang kasagutan. Ipinapamalas at ibinubunyag ng mga tao ang kanilang sarili sa ganitong paraan dahil mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Malulutas ba ang problemang ito? Kaya bang lutasin ng tatlong bagay na kababanggit Ko lang ang problemang ito? (Oo, kaya ng mga ito.) Walang madaling isagawa sa tatlong bagay na nabanggit Ko, pero may isang solusyon. Matapos marinig ang tatlong bagay na ito, maaaring isipin ng mga tao na, “Hindi tayo pinapayagang gawin ito, at hindi tayo pinapayagang gawin iyon. Dapat ay mga walang-utak na puppet lang tayo.” Ganito ba dapat? (Hindi, hindi dapat ganito.) Kung gayon, ano dapat? Hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo, hindi ka hinahayaan ng Diyos na gawin ang mga bagay na ito dahil para ito sa sarili mong proteksyon. Ito ang unang bagay. Ang pamamaraan mo ng paghahangad ay hindi nakaayon sa katotohanan, at hindi ito ang tamang landas. Huwag mo nang ulitin ang mga pagkakamali ng mga taong nauna sa iyo. Kung itinuturing mong kapital at mga chip na mapapalitan mo ng pera ang mga bagay na isinusuko at ginugugol mo, at pagkatapos, kapag tila walang konsiderasyon sa iyo ang saloobin ng Diyos ay kinakalaban mo Siya, kung gayon, ang saloobin mo ay hindi nakaayon sa katotohanan, wala itong pagkatao, at hindi ito tama. Kahit may isang libong dahilan ka pa, mali pa rin ang saloobin mo; hindi ito kaayon ng katotohanan sa anupamang paraan, at nauuwi lang ito sa paglaban sa Diyos. Hindi ito ang saloobing dapat mayroon ang isang tao. Ito ang pangalawang bagay. Ang pangatlong bagay ay na kung panghahawakan mo ang ganitong saloobin, hindi mo kailanman mauunawaan o matatamo ang katotohanan. Hindi lamang sa hindi mo matatamo ang katotohanan, pero idudulot mong mawalan ka; mawawalan ka ng dignidad at tungkulin na mayroon dapat ang isang nilikha. Kung iniisip mo na, “Maninindigan ako sa aking saloobin, at walang magagawa ang sinuman tungkol dito! Naniniwala akong tama ako, kaya paninindigan ko ang iniisip ko. Makatwiran ang mga ideya ko, kaya paninindigan ko ang mga ito hanggang sa huli!” ang hindi matitinag na paninindigan sa isang bagay ay hindi mo pakikinabangan sa anupamang paraan. Hindi babaguhin ng Diyos ang Kanyang saloobin dahil lang sa iyong paninindigan o dahil patuloy mong pinanghahawakan ang isang bagay. Sa madaling salita, hindi kailanman babaguhin ng Diyos ang Kanyang saloobin dahil lang sa pinaninindigan mo ang sa iyo. Bagkus, katumbas ng iyong paghihimagsik at walang-tigil na paglaban ang magiging saloobin sa iyo ng Diyos. Ito ang pang-apat, at pinakamahalagang bagay. May anumang bagay ba kayong hindi nauunawaan tungkol sa apat na bagay na ito? Mayroon bang anuman sa mga bagay na nabanggit Ko ang mga walang kabuluhan lang na salita na hindi akma sa totoong kalagayan ng tao, at hindi nakatutulong sa praktikal na bahagi ng buhay ng tao? (Wala, kapaki-pakinabang ang lahat ng ito.) Mayroon bang anuman sa mga bagay na ito ang mga walang kabuluhang teorya lamang, sa halip na mga landas sa pagsasagawa? (Wala.) Kapaki-pakinabang ba ang apat na bagay na ito hinggil sa kung paano dapat pumasok ang mga tao sa mga katotohanang realidad sa kanilang pang-araw-araw na buhay? (Oo.) Kung malinaw ang pagkaunawa ninyo sa apat na bagay na ito, isinasagawa ninyo ang mga ito, at pinagdaraanan ang mga ito, mananatiling normal ang kaugnayan mo sa Diyos. Poprotektahan ka ng apat na bagay na ito sa panahon ng iba’t ibang tukso, o kapag nahaharap ka sa iba’t ibang uri ng mga tao, pangyayari, at bagay. Kapag nasa kalagayan kang mapaghimagsik, alalahanin mo ang mga aspektong ito ng katotohanan, ikumpara mo ang iyong sarili sa mga ito, at magsagawa nang naaayon dito. Kung, sa una, hindi mo magawang isagawa ang mga ito, dapat kang manalangin, at kasabay nito ay kilalanin mo kung bakit kumilos nang ganoon ang Diyos. Dapat mo ring pagnilay-nilayan at kilalanin kung anong mga tiwaling kalagayan at pagbubunyag ng katiwalian ang mayroon ka na nagiging dahilan kung bakit hindi mo magawang magsagawa o magpasakop. Kung magagawa mong hanapin ang katotohanan sa ganitong paraan, mananatiling normal ang iyong kalagayan, at natural kang makapapasok sa mga katotohanang realidad na ito.

Ano pa man ang isyu, kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, kikilos ka batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon, o hindi kaya ay maghihimagsik at lalaban. Ito ay isandaang porsiyentong tiyak. Minsan, kung titingnan, maaaring hindi mukhang lumalaban ka sa Diyos, gumagawa ng masasamang bagay, o nagdudulot ng pagkagambala o kaguluhan, ngunit hindi iyan nangangahulugan kaagad na naaayon sa katotohanan ang mga kilos mo. Minsan, maaaring kumikilos ka batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon, at bagama’t maaaring hindi ito lumilikha ng kaguluhan o nagdudulot ng pinsala, hangga’t hindi ito naaayon sa katotohanan, ang mga kilos mo ay salungat sa mga layunin ng Diyos. May iba pang pagkakataon kung kailan maaaring mayroon kang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos sa iyong isip. Kahit na hindi mo kailanman binibigkas ang mga iyon, pinanghahawakan mo ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito sa loob mo, iniisip na dapat gawin ng Diyos ang ganito o ganoon, at dinidiktahan kung paano Siya dapat kumilos. Wala kang ginagawang mali sa panlabas, ngunit sa loob, ikaw ay nasa isang kalagayan ng tuloy-tuloy na paghihimagsik at paglaban sa Diyos. Halimbawa, katatalakay Ko pa lang ang tungkol sa pagkakaroon ng mga kuru-kuro at mapaglimitang depinisyon tungkol sa pagmamahal ng Diyos. Kahit pa hindi naging dahilan ang mga kuru-kuro at imahinasyon mo upang makagawa ka ng anumang kaguluhan o pagkagambala sa gawain ng Diyos, pinatutunayan ng kalagayan mo na palaging nililimitahan at hindi nauunawaan ng iyong puso ang Diyos. Ano ang masasabi natin tungkol dito? Na patuloy mong nilalabanan ang Diyos. Hindi ba’t katotohanan ang sinasabi Ko? (Oo, katotohanan nga.) Kung darating ang araw na may mangyayaring katulad ng pagpapalayas sa mga Hudyo mula sa Judea, magiging dahilan ang mga kuru-kuro mo para hindi ka makapagsabi ng “Amen” sa mga kilos ng Diyos, o purihin ang Diyos at magkaroon ng takot at pagpapasakop sa Kanya bilang tugon sa mga kilos Niya. Sa halip, magkakamali ka ng pagkaunawa, magrereklamo ka at bahagya pang lalaban sa Diyos sa iyong puso. Sa kaibuturan ng puso mo, sasabihin mo sa Kanya, “O Diyos, hindi Mo dapat ginawa iyon. Napakawalang konsiderasyon nito! Paano Mo nagawang tratuhin nang ganito ang Iyong mga nilikha? Paano Mo nagawang tratuhin nang ganito ang Iyong hinirang na mga tao? Hindi ko na maawit ang mga pagpupuri para sa Iyo o mapalakpakan ang Iyong mga kilos pagkatapos kong makita ang mga ginawa Mo. Naghihirap ang kalooban ko at namamanglaw ako, na para bang hindi ko masasandalan ang Diyos na sinasamba ko nang walang pasubali. Hindi ganito ang Diyos na sinasampalatayanan ko. Hindi dapat tratuhin nang ganito ng Diyos na sinasampalatayanan ko ang Kanyang mga nilikha. Hindi ganito kawalang-awa o kalupit ang Diyos na sinasampalatayanan ko. Tinatrato ng Diyos na sinasampalatayanan ko ang mga tao nang banayad at maingat, na parang mga sanggol, ipinararamdam sa kanila na labis silang pinagpala at puno ng pagmamalasakit, hindi malamig o walang pakialam gaya ngayon.” Kapag ang mga panaghoy na ito ay nanggagaling sa kaibuturan ng puso mo, hindi mo tinitingnan ang mga totoong pangyayaring nasa harapan mo bilang gawain ng Diyos. Hindi mo ito inaamin o sinasabi ang “Amen,” ni hindi mo ito pinupuri. Kaya nga, ang mga emosyon at kalagayan mo ba ay mga emosyon at kalagayan ng pagpapasakop sa Diyos, o pagsalungat? (Pagsalungat.) Kitang-kita naman na hindi ito tunay na pagpapasakop. Walang pagpapasakop dito, tanging pagrereklamo, pagsalungat, pagsuway, at pati galit. Ganito ba dapat ang saloobin ng isang nilikha sa Lumikha sa kanya? Hindi, hindi dapat ganito. May taliwasan sa iyong puso; iniisip mong, “Kung ang Diyos ang gumawa nito, bakit hindi sang-ayon ang puso ko? Bakit hindi ito tinatanggap ng karamihan ng tao? Bakit ang Kanyang mga kilos ay walang konsiderasyon sa tao, at bakit puno ito ng dugo at patayan?” Sa sandaling iyon, magkataliwas at magkasalungat ang Diyos na nasa puso mo at ang Lumikha na aktuwal na umiiral sa totoong buhay, hindi ba? (Oo, gayon nga.) Kaya sa aling Diyos ka dapat manampalataya? Sa sandaling ito, dapat mo bang piliing manampalataya sa Diyos ng mga kuru-kuro sa kaibuturan ng iyong puso, o sa Diyos na gumagawa ng mga totoong kilos sa mismong harapan mo? (Sa Diyos na gumagawa ng mga totoong kilos sa mismong harapan namin.) Kung pag-uusapan ang mga pansarili nilang kagustuhan, handang-handa ang mga tao na manampalataya sa Diyos na gumaganap ng mga totoong kilos sa mismong harapan nila, ngunit dahil sa mga kuru-kuro, makasariling hangarin, at mga damdamin ng mga tao, pinipili nilang pagtakpan ang Diyos na nasa puso nila, at pilitin ang kanilang sarili na tanggapin ang Diyos na gumaganap ng mga totoong kilos sa mismong harapan nila. Gayunpaman, sa kaibuturan ng puso nila, hindi pa rin nila magawang tanggapin ang lahat ng katunayan ng kung ano ang ginagawa ng Lumikha; patuloy nilang ikinukubli ang kanilang sarili at namumuhay sa sarili nilang munting mundo, walang pagod na nakikipag-usap at nakikipag-ugnayan sa Diyos ng kanilang imahinasyon, samantalang palaging tila malabo ang totoong Diyos. May mga tao pa ngang nag-iisip na, “Sana ang tunay na Diyos ay hindi umiiral. Ang Diyos ko ay ang Diyos na iniisip ko sa aking puso, na puno ng pagmamahal at ipinadarama sa mga tao ang Kanyang pagmamalasakit. Siya ang totoong Diyos. Ang praktikal na Diyos ay hindi ang Diyos na inakala ko, dahil nadidismaya ako sa mga bagay na ginagawa Niya at wala akong nadaramang anumang malasakit mula sa Kanya. Partikular, hindi ko mapalampas kung paanong napakaraming tao ang kinokondena at tinitiwalag ng Kanyang paghatol at pagkastigo.” Anong uri ng tao ang nagsasabi nito? Ito ang sinasabi ng mga hindi mananampalataya, at ng mga hindi tumatanggap sa katotohanan. Ito ang iba’t ibang kalagayan na nangyayari sa mga tao kapag hindi nila nauunawaan ang mga gawain ng Diyos, at kapag may taliwasan sa pagitan ng kanilang imahinasyon at ng praktikal na gawain ng Diyos. Kaya, paano nangyayari ang mga kalagayang ito? Sa isang banda, may mga tiwaling disposisyon ang mga tao; at sa kabilang banda, kapag may nangyayari at hindi tumutugma ang mga katunayan sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, sinisira ang kanilang ilusyon, dinudurog ang kanilang pangarap, at ipinararamdam sa kanila na hindi maaaring matugunan ang kanilang layon at pagnanais na tumanggap ng mga pagpapala, ano ang ipinapasya nilang gawin sa huli? Tumakbo palayo, magkompromiso, o magmatigas ng loob. Iniiwasan pa nga ng ilang tao na pumili, at sinasabing, “Tatanggapin ko ang magkabilang panig. Ang Diyos na nasa puso ko sa simula ay Diyos at pagmamahal. At ang Diyos na gumagawa ng mga dakilang gawa at nagpapamalas ng Kanyang awtoridad sa mismong harapan ko ay Diyos din. Tatanggapin ko pareho, at wala akong isusuko kahit isa man sa kanila.” Madalas na namumuhay ang mga tao sa ganitong uri ng kalagayan, na iniiwasan nilang mamili. Madalas na napapaisip ang mga tao tungkol sa Diyos. Paroo’t parito sila, ginugugol ang kanilang sarili, naghahandog, at gumagawa para sa malabong Diyos na ito. Magbabayad sila ng anumang halaga upang magampanan ang kanilang mga tungkulin, kahit ibuwis pa nila ang sarili nilang buhay at isakripisyo ang lahat ng mayroon sila. Kahit gaano pa kumilos ang mga tao, o kahit ano pang mga kalagayan ang lumilitaw sa kanila, mabuti ba o masama ang mga kilos ng mga tao sa paningin ng totoong Lumikha kapag may ganitong Diyos sa kanilang isip? Pagpapasakop ba ito o paglaban? Malinaw na hindi mabubuting gawa ang mga ito at hindi karapat-dapat na gunitain. Inihahayag din nito na hindi tunay na nagpasakop ang mga tao o inialay ang kanilang sarili; bagkus, puno sila ng paglaban, paghihimagsik, at pagsalungat. Dahil nga sa ang mga tao ay may ganitong mga kalagayan, at madalas na namumuhay sa ganitong mga kalagayan, na kapag nagigising ang mga tao mula sa kanilang panaginip at namumuhay sa totoong mundo, napagtatanto nilang hindi nagagawang matugunan ng mga kilos ng Diyos sa totoong buhay ang kanilang mga pangangailangang sikolohikal at espirituwal. Bagkus, ang Kanyang mga kilos ay nagiging sanhi upang masaktan ang mga tao sa iba’t ibang paraan, ipinaparamdam sa kanila na wala Siyang malasakit sa iba’t ibang paraan, at walang konsiderasyon sa tao sa iba’t ibang paraan. May ilang tao pa nga na nagdududa, na sinasabing, “Ang Diyos ba ay pagmamahal? Mahal pa ba Niya ang mga tao? Sinasabi nito na nagmamalasakit ang Diyos para sa tao at minamahal ito gaya ng pagmamahal Niya sa Kanyang sarili. Saan mo nakikita iyon? Bakit hindi ko ito nakita kailanman?” Problema ito! Madalas na namumuhay ang mga tao sa ganitong mga kalagayan, na nagsasanhi upang lalong tumindi ang taliwasan sa pagitan ng tao at ng Diyos, at lalong lumaki ang agwat sa pagitan nila. Kapag nakikita ng mga tao ang Diyos na may ginagawang umaakma sa kanilang mga kuru-kuro, naiisip nila, “May napakatinding ginawa ang aking Diyos. Siya ang Diyos na talagang gusto kong sampalatayanan. Siya lamang ang Diyos ko. Handa akong maging nilikha Niya. Siya lamang ang aking Manlilikha.” Gayunpaman, kapag lumilitaw ang mga paghihirap, pagiging negatibo, o kahinaan sa araw-araw nilang pamumuhay, at ang Diyos na iniisip nila ay hindi sila natutulungan o hindi natutugunan ang kanilang mga pangangailangan sa lahat ng oras, humihina o naglalaho pa nga ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Ano ang nagsasanhi sa lahat ng kalagayang ito na mayroon ang mga tao, at sa lahat ng paraan kung paano sila kumikilos at kung paano nila ibinubunyag ang kanilang sarili? Ito ay dahil hindi talaga nauunawaan ng mga tao ang Lumikha. Hindi mo Siya nauunawaan; iyon lang ang dahilan. Ito ang ugat ng lahat ng taliwasan, agwat, at maling pagkaunawa sa pagitan ng tao at ng Diyos. Kung gayon, paano nilulutas ng mga tao ang problemang ito? Una, dapat nilang lutasin ang kanilang mga kuru-kuro. Pangalawa, dapat maranasan, pagdaanan, hanapin, at pagnilayan ng mga tao ang bawat bagay na ginagawa ng Diyos sa kanila, at makarating sa punto kung saan magagawa nilang ganap na magpasakop sa bawat pagsasaayos na inilalatag ng Diyos para sa kanila, at sa lahat ng tao, pangyayari, at bagay na pinangangasiwaan ng Diyos para sa kanila. Ano ang layon ng pagpapasakop? Upang makilala at maunawaan ang lahat ng katotohanang ito.

Nalalaliman ba kayo sa paksang katatapos lang natin pagbahaginan? Kaya ba ninyong maunawaan ito? Naiintindihan ba ninyo ito? (Oo, naiintindihan namin.) Dapat magawa ninyong maunawaan ito sa teorya, pero nangangahulugan bang kapag nauunawaan ninyo ito sa teorya ay nauunawaan at tinatanggap na rin ninyo ang katotohanan? (Hindi ganoon iyon.) Kaya ano ang maituturing na pag-unawa at pagtanggap sa katotohanan? Dapat ay madalas ninyong suriin ang inyong sarili sa pang-araw-araw ninyong buhay, pero ano ang dapat ninyong suriin? (Suriin kung mayroon ba kami ng mga kalagayan, o kung ipinapakita ba namin ang aming sarili sa mga paraan na gaya ng sinasabi ng Diyos, at kung anong mga kuru-kuro at maling pagkaunawa ang mayroon ang mga tao tungkol sa Diyos.) Tumpak. Dapat mong suriin ang mga bagay na ito; suriin kung anong katiwalian ang ibinubunyag mo, at kung anong mga kuru-kuro at imahinasyon ang mayroon ka. Sinasabi ng ilang tao na hindi nila magawang suriin ang kanilang sarili. Madaling nalulunasan iyon sa pamamagitan ng pagtingin muna sa iba. Sinasalamin ng ibang tao ang iyong sarili. Kapag nakikita mong nagbubunyag ang mga tao ng mga partikular na disposisyon o kalagayan, baligtarin mo ito, suriin mo ang iyong sarili, at ikumpara ang iyong sarili; tingnan kung mayroon kang ganito ring mga kuru-kuro at imahinasyon, at kung nasa ganoon ka ring kalagayan. Kung nasa ganoon ka ring kalagayan, ano kung gayon ang dapat mong gawin tungkol dito? Dapat mo bang ilantad ang iyong sarili at masusing suriin ang mga bagay na ito, o panghawakan ang mga ito at hintaying “mamukadkad at magbunga” ang mga ito? (Dapat naming ilantad ang aming sarili at masusing suriin ang mga ito.) Dapat ninyong ilatag ang mga bagay na ito at masusing suriin ang mga ito nang sa gayon ay makinabang ang lahat, upang sa pamamagitan nito, tumpak na makikilala ng lahat ang mga tiwaling kalagayan, mauunawaan ang katotohanan, makahahanap ng daan palabas, at sama-samang malulutas ang mga ganitong uri ng mga problema. Ano ang saysay ng masusing pagsusuri sa mga kuru-kuro at sa mga pasibo at negatibong kalagayan? (Upang makahanap ang mga tao ng daan palabas sa kanilang mga kuru-kuro at pasibong kalagayan.) At ano naman ang saysay ng paghahanap ng daan palabas? Para matamo ang katotohanan. Kaya nga itinatama ang iyong mga kuru-kuro ay para makilala mo na mali ang mga ito, at na hindi ito mga bagay na dapat mong taglayin. Dapat mong bitiwan ang mga ito, hindi kumapit sa mga ito. Pagkatapos, aktibo mong hanapin kung ano ang tama, kung ano talaga ang mga positibong bagay, at kung ano talaga ang katotohanan. Kapag tinatanggap mo ang mga positibong bagay at ang katotohanan, at tinatrato ang mga ito bilang mga prinsipyo ng pagsasagawa, pag-iisip, at mga perspektiba na dapat mong taglayin, kung gayon, may pagbabago, at matatamo mo ang katotohanan. Kaya, paano dapat tingnan ng mga tao ang pagkakapalayas sa mga Hudyo mula sa Judea batay sa mga katotohanang ito? Anong karaniwang kuru-kuro ang mayroon ang mga tao tungkol sa pangyayaring ito? (Na hindi dapat pinalayas ng Diyos ang mga Hudyo mula sa Judea, at na pinrotektahan dapat Niya ang mga Hudyo. Na kahit gaano pa sila lumaban sa Kanya, at sa kabila ng katunayang ipinako nila Siya sa krus, pinawalang-sala dapat Niya sila habambuhay, at na ito lamang ang pagmamahal ng Diyos.) Ito ang mga kuru-kuro ng tao. Hindi ba’t kalokohan ang mga ito? Kung kumilos ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng tao, mananatili kayang matuwid ang Kanyang disposisyon? Bagamat masama ang loob ng mga tao tungkol sa pagkakapalayas sa kanila, sobra na ang naging paglaban at pagkondena nila sa Diyos; wala nang ipinagkaiba ang kanilang mga kilos sa kilos ni Satanas, kaya paanong hindi magagalit ang Diyos tungkol dito? Hindi matanggap ng ilang tao ang katotohanan, at iniisip na, “Paano nagawang tratuhin ng Diyos ang mga tao sa ganitong paraan? Hindi kayang tanggapin ng mga tao ang ganitong uri ng pagmamahal, sobrang wala itong konsiderasyon sa kanila! Parang hindi ito pagmamahal. Walang pagmamahal ang Diyos kung ganito Niya tinatrato ang mga Hudyo.” Itinatatwa nito ang pagmamahal ng Diyos, at kuru-kuro ito ng tao. Ano ba ang kuru-kuro ng tao? (Nililimitahan ng tao ang kanyang depinisyon ng pagmamahal ng Diyos.) Oo, kapag nililimitahan ng mga tao ang kanilang depinisyon ng isang bagay, isa itong kuru-kuro, at hindi ito alinsunod sa katotohanan, ni hindi ito isang katotohanan. Anong depinisyon ang nilimitahan ng mga tao? Nilimitahan nila ang kanilang depinisyon ng kung paano gumagawa ang Diyos; iniisip nilang dapat gumawa ang Diyos sa mga partikular na paraan para masabing gawain ito ng Diyos, at na ito ang mga paraan kung paano Siya dapat gumawa. Limitado ang depinisyon ng mga tao ng kung paano gumagawa ang Diyos, at ang limitadong depinisyong ito ay ang kanilang kuru-kuro. Kaya, anong uri ng depinisyon ang mayroon ang mga tao tungkol sa paraan ng Diyos sa paggawa ng mga bagay-bagay? Anong mayroon sa kanilang depinisyon na nagiging dahilan para madismaya sila sa ikinilos ng Diyos sa sitwasyong ito, at para magkaroon sila ng maling pagkaunawa at kalabanin nila Siya? (Iniisip ng mga tao na pinagkalooban dapat ng Diyos ng masaganang biyaya at mga pagpapala ang mga Hudyo, pero sa halip, kumilos Siya nang labas sa mga kuru-kuro at imahinasyong ito, at labas sa kanilang mga inaasahan; pinalayas Niya ang mga Hudyo at itinulot na magpalaboy-laboy sila sa mundo. Hindi ito nauunawaan ng mga tao, at nagbunga ito ng mga matibay na kuru-kuro.) Maraming tao ang may mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa mga ikinilos ng Diyos sa mga Hudyo. Sa madaling salita, hindi komportable ang mga tao sa mga ikinilos ng Diyos at iniisip nilang hindi Siya dapat kumilos nang ganoon. Kuru-kuro ba ito? (Oo.) Kung gayon, kapag iniisip ng mga tao na hindi “dapat” ginawa ng Diyos ang ginawa Niya, hindi ba iyon paglilimita sa kanilang depinisyon ng mga ikinilos ng Diyos? Paano mo naman nalaman na hindi dapat kumilos nang ganito ang Diyos? Ano ang batayan mo sa pagsasabing hindi dapat kumilos ang Diyos nang ganito? Kung iniisip mong hindi Niya ito dapat ginawa, pero ginawa Niya, ibig bang sabihin ay hindi Diyos ang Diyos? Ibig bang sabihin ay mali ang ginawa ng Diyos, at hindi iyon nakaayon sa katotohanan? Hindi ba’t nagiging hangal ang tao sa bagay na ito? Ang tao ay sobrang hangal at mangmang, mapagmataas at mapagmagaling; napakadaling bagay para sa kanya na bumuo ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at limitahan ang kanyang depinisyon ng Diyos. Napakapanganib kung hindi kayang tanggapin ng mga taong kagaya nito ang katotohanan, at malamang talagang matiwalag sila.

Maraming tao ang may mga kuru-kuro at opinyon tungkol sa pagkakapalayas sa mga Hudyo mula sa Judea, at hindi nila nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, pero isa itong problema na napakadaling ayusin. Sasabihin Ko sa inyo ang isang simpleng paraan para gawin ito. Makinig kayo, at tingnan kung masosolusyunan nito ang mga paghihirap ninyong ito. Ang pinakasimpleng paraan, unang-una na ay ang malaman ng mga tao na sila ay mga nilikha, at na ganap na likas at may katwiran na magpasakop ang mga nilikha sa Lumikha sa kanila. Kung palaging may mga kuru-kuro ang mga nilikha patungkol sa kanilang Lumikha at hindi nila magawang magpasakop sa Kanya, kung gayon ay magiging napakalaking paghihimagsik niyon. Dapat maunawaan ng mga tao na may isang pangunahing prinsipyo sa pagtrato sa mga nilikha ang Lumikha, na siya ring pinakamataas na prinsipyo. Kung paano tratuhin ng Lumikha ang mga nilikha ay lubos na nababatay sa Kanyang plano ng pamamahala at sa Kanyang mga hinihingi sa gawain; hindi Niya kailangang sumangguni kaninuman, ni hindi Niya kailangang pasang-ayunin sa Kanya ang sinuman. Anuman ang dapat Niyang gawin at paano man Niya dapat tratuhin ang mga tao, ginagawa Niya, at, anuman ang Kanyang ginagawa o paano man Niya tinatrato ang mga tao, lahat ng ito ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at sa mga prinsipyo ng paggawa ng Lumikha. Bilang isang nilikha, ang tanging dapat gawin ay magpasakop sa Lumikha; hindi dapat gumawa ang isang tao ng sarili niyang pagpili. Ito ang katwirang dapat mayroon ang mga nilikha, at kung wala nito ang isang tao, hindi siya nararapat tawaging isang tao. Dapat maunawaan ng mga tao na ang Lumikha ay laging magiging ang Lumikha; nasa Kanya ang kapangyarihan at mga katangian upang mangasiwa at magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa sinumang nilikha ayon sa gusto Niya, at hindi kailangang magkaroon ng dahilan para gawin iyon. Ito ang Kanyang awtoridad. Wala ni isa man sa mga nilikha ang may karapatan o karapat-dapat humatol kung tama ba o mali ang ginagawa ng Lumikha, o kung paano Siya dapat kumilos. Walang nilikha ang may karapatang mamili kung tatanggapin ba niya ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Lumikha; at walang nilikha ang may karapatang masunod sa kung paano nagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan at nagsasaayos ang Lumikha sa kanyang kapalaran. Ito ang pinakamataas na katotohanan. Anuman ang nagawa na ng Lumikha sa Kanyang mga nilikha, at paano man Niya nagawa na iyon, isa lamang ang dapat gawin ng mga taong Kanyang nilikha: hanapin, magpasakop, alamin, at tanggapin ang lahat ng inilagay ng Lumikha. Ang magiging resulta sa huli ay na maisasakatuparan na ng Lumikha ang Kanyang plano ng pamamahala at matatapos na ang Kanyang gawain, na naging sanhi upang sumulong ang Kanyang plano ng pamamahala nang walang anumang mga sagabal; samantala, dahil natanggap na ng mga nilikha ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Lumikha, at nagpasakop na sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos, matatamo na nila ang katotohanan, mauunawaan na ang mga layunin ng Lumikha, at malalaman na ang Kanyang disposisyon. May isa pang prinsipyo na kailangan Kong sabihin sa inyo: Anuman ang ginagawa ng Lumikha, paano man Siya nagpapamalas, at malaki man o maliit ang Kanyang ginagawa, Siya pa rin ang Lumikha; samantalang ang buong sangkatauhan, na Kanyang nilikha, anuman ang kanilang nagawa, at gaano man sila katalentado o katalino, ay nananatiling mga nilikha. Tungkol naman sa mga taong nilikha, gaano man karaming biyaya at gaano man karaming pagpapala ang natanggap nila mula sa Lumikha, o gaano man kalaking awa, mapagmahal na kabaitan, o kabutihan, hindi sila dapat maniwala na naiiba sila sa madla, o mag-isip na maaari silang makapantay sa Diyos at na mataas na ang kanilang katungkulan sa lahat ng nilalang. Ilang kaloob man ang naigawad sa iyo ng Diyos, o gaano kalaking biyaya ang naibigay Niya sa iyo, o gaano kabait ka man Niya natrato, o nabigyan ka man Niya ng ilang espesyal na talento, wala sa mga ito ang mga yaman mo. Ikaw ay isang nilikha, at sa gayon ay magiging isa kang nilikha magpakailanman. Huwag na huwag mong iisipin na, “Isa akong munting sinta sa mga kamay ng Diyos. Hinding-hindi ako aabandonahin ng Diyos, ang saloobin ng Diyos sa akin ay lagi nang magiging isang pagmamahal, pagmamalasakit at magigiliw na paghaplos, na may kasamang mga bulong ng aliw at payo.” Bagkus, sa mga mata ng Lumikha, katulad ka ng lahat ng iba pang nilikha; maaari kang gamitin ng Diyos kung gusto Niya, at mapangangasiwaan ka rin Niya kung gusto Niya, at maaari Niyang isaayos kung gusto Niya na gampanan mo ang anumang papel sa lahat ng uri ng tao, kaganapan, at bagay. Ito ang kaalamang dapat magkaroon ang mga tao, at ang katwirang dapat nilang taglayin. Kung mauunawaan at matatanggap ng tao ang mga salitang ito, magiging mas normal ang kaugnayan nila sa Diyos, at magtatatag sila ng napaka-makatwirang kaugnayan sa Kanya; kung mauunawaan at matatanggap ng tao ang mga salitang ito, ibabagay nila nang wasto ang kanilang katayuan, lalagay sa kanilang lugar doon, at paninindigan ang kanilang tungkulin.

Ano ang naiisip ninyo matapos mapakinggan ang mga salitang ito? Magkakaroon pa rin ba kayo ng maling pagkaunawa sa Diyos? Sinasabi ng ilang tao na, “Dahil nga tinatrato ng Diyos ang mga tao sa ganitong paraan, nang sabihin ng Diyos na ang mga tao ay parang mga langgam, at mas mababa pa kaysa sa mga uod sa paningin Niya, mukhang hindi lang ito batay sa teorya, kundi realidad! Hindi ganoon kamahal ng Diyos ang tao, at hindi ganoon kalapit ang Diyos sa tao gaya ng inaakala ng mga tao.” Nanlalamig ang puso ng mga tao, na para bang binuhusan ng tubig ang isang apoy, at nababawasan ang kanilang kasiglahan. Masasabi ba ninyong mas mabuti pang manlamig ang puso nila, o palagi silang magkaroon ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos? (Mas mabuti pang manlamig ang kanilang puso.) Sa pamamagitan lamang ng sandaling panlalamig saka nila mauunawaan ang disposisyon ng Diyos. Ang katwiran na dapat taglayin ng mga nilikha ay ang gamitin ang katotohanan bilang kanilang prinsipyo para sa lahat ng bagay; dapat nilang gamitin ang katotohanan bilang kanilang batayan para sa kung paano nila tingnan ang lahat ng bagay, at dapat nilang gamitin ang katotohanan bilang kanilang prinsipyo at pundasyon para sa lahat ng kanilang ginagawa. Ito ang tamang paraan na dapat gawin. Pero sa kabaligtaran, palaging nararamdaman ng mga tao sa kanilang puso na ang kaugnayan nila sa Diyos ay katulad ng kaugnayan nila sa ibang tao, at na magkapantay lang dapat ang kanilang pakikitungo sa isa’t isa. Maganda bang sitwasyon ito? (Hindi.) Bakit naman hindi? Inilalagay ng mga tao ang kanilang sarili sa maling posisyon; hindi nila tinatrato ang Diyos bilang Diyos. Dahil ito sa masyado nang marami ang maling pagkaunawa ng mga tao tungkol sa Diyos, pero hindi babaguhin ng Diyos ang Kanyang saloobin bunga ng mga maling pagkaunawa o alalahanin ng mga tao. Bagkus, hindi lamang sa hindi Niya babaguhin ang Kanyang saloobin, kundi patuloy Siyang gagawa sa mga tao nang ayon sa mga prinsipyo, gaya nang dati, at isasaayos at kataas-taasang paghaharian ang buhay ng buong sangkatauhan. Gayunpaman, ang tao ay madaling makabuo ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at lumaban at magrebelde sa Kanya, kaya dapat magdusa nang husto ang tao. Gusto ng mga taong magsipsip sa Diyos at patatagin ang kanilang kaugnayan sa Kanya, at nagsasalita sila tungkol sa kanilang mga damdamin, kapital, mga talento, mga kakayahan, kung gaano karami ang kanilang naibigay, ang mga nagawa nila sa nakaraan, at iba’t iba pang uri ng dahilan. Matatamo ba ng mga tao ang katotohanan kapag palagi silang namumuhay sa ganitong mga kalagayan? Hindi, hindi nila ito matatamo. Kung wala kang pusong nagpapasakop sa Diyos, palaging may mga nakalilinlang na pananaw, hindi magawang lumugar sa posisyon ng isang nilikha, may hindi-mapigil na mga ambisyon, at palaging naghahangad ng mas mataas na posisyon, sa huli ay magiging dahilan ito para hindi mo magawang harapin nang maayos ang iyong tungkulin, o maunawaan nang tama ang mga hinihingi at saloobin sa iyo ng Diyos. Kahit na palagi kang pinipino at palagi kang nagdurusa, hindi mo magawang bitiwan ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, at iniisip mo pa nga na ikaw ang pinakamamahal at pinakapinagmamalasakitan ng Diyos. Bunga nito, kapag may totoong nangyayari sa iyo, at nakikita mo na hindi kumikilos ang Diyos sa ganoong paraan, at na nangangarap ka lang nang gising, nakararanas ka ng hadlang at pagkabigo; nagrereklamo ka at pakiramdam mo ay naagrabyado ka. Nasasaktan din ang damdamin mo. Sulit ba ang pagdurusang ito? (Hindi.) Ang mga tao ang may kagagawan ng kanilang sariling pagdurusa dahil sa kanilang pangangarap nang gising, mga kuru-kuro, at imahinasyon. Ito ang pinakamalaking problema para sa kanila, at kailangan nilang baguhin ang sarili nila! Paano ba nila ito dapat gawin? Sa pamamagitan ng pagkilala na matuwid ang Diyos sa lahat ng tao, at na ang lahat ng gawaing ginagampanan ng Diyos ay para iligtas ang sangkatauhan—wala Siyang ibang agenda. Ang dapat gawin ng mga tao ay lumugar sa posisyon ng isang nilikha, magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan, sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Lumikha, tanggapin at magpasakop sa lahat ng ginagawa ng Lumikha, hanapin ang katotohanan at ang mga layunin ng Diyos sa mga bagay na ito, at kilalanin ang asal ng Diyos. Kung palaging ginagamit ng mga tao ang sarili nilang mga kuru-kuro para sukatin at bigyang-kahulugan ang mga kilos ng Diyos, palaging humihingi ng mga hindi makatwirang bagay sa Diyos, at iginigiit na gawin ng Diyos ang mga bagay nang ayon sa kanilang paraan, kung gayon ay naghihimagsik sila laban sa Diyos, at hindi lamang sa hindi nila magagawang unawain ang katotohanan, kundi sa huli, wala nang iba pang magagawa kundi ang itaboy at itiwalag sila ng Diyos. Kung gusto ng mga tao na pagpalain sila ng Diyos, ang kailangan lamang nilang gawin ay hanapin, magpasakop, kilalanin, at tanggapin ang lahat ng bagay na ginagawa ng Lumikha. Ito lang ang paraan para maunawaan ng mga tao ang katotohanan, makilala ang Diyos, makamit ang tunay na pagpapasakop sa Diyos, at maligtas.

Mayo 18, 2018

Sinundan: Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan at Pagpapasakop sa Diyos Maaaring Matamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Disposisyon

Sumunod: Paano Matukoy ang Kalikasang Diwa ni Pablo

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito