Paano Matukoy ang Kalikasang Diwa ni Pablo
Matagal-tagal na rin kayong nagbahaginan tungkol sa seksiyon ng mga salita ng Diyos na pinamagatang “Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao.” Anong mga isyu ang tinatalakay nito, at anong mga katotohanan ang may kinalaman rito? (May kinalaman ito sa landas na tinatahak ng tao bilang mananampalataya.) Pangunahing umiikot ang naturang paksa sa mga landas na tinahak nina Pedro at Pablo, tama ba Ako? Matapos magbahaginan nang napakatagal na panahon, sigurado Akong may natutunan na kayo mula rito—marahil ay maraming bagay. Dapat ninyong ibuod ang mahalagang punto ng mga sermon na napakinggan ninyo sa panahong ito, at pagkatapos ay pag-uri-uriin ang mga pangunahing himaymay nito, at dumanas nang ayon sa ganitong paraan ng pag-iisip, at sa mahahalagang bagay at himaymay na binuod ninyo. Tutulungan kayo nito kung paano danasin ang gawain ng Diyos, kung paano gampanan nang maayos ang inyong tungkulin, at kung paano magpatotoo nang mabuti sa tunay na buhay. Umaasa Ako na pagkatapos ninyong magbuod, malaki ang isusulong ng inyong buhay pagpasok at ng inyong espirituwal na tayog. Kaya, kapag binubuod ninyo ang mga katotohanang realidad na dapat sana ninyong maunawaan mula sa kabanatang iyon, magsisimula ba kayo sa karanasan ni Pablo, o ni Pedro? (Kay Pablo.) Bakit? (Sa pagninilay-nilay sa aming sarili batay sa mga dahilan kung bakit nabigo si Pablo, malalaman namin kung nasa landas ba kami ni Pablo. Pagkatapos ay titingnan namin kung nasa anong uri ba ng landas si Pedro, para magkaroon kami ng isang layon at direksiyon na hahangarin.) Ang totoo, ganoon dapat. Humugot ng mga aral at ibuod ang mga karanasan mula sa lahat ng pinagdaanan ni Pablo at daang tinahak niya. Unawain kung anong landas ang tinahak niya, kung bakit hinihingi ng Diyos sa mga mananampalataya na sumunod sa tamang landas, at kung ano ba ang tamang landas. Kung kaya mong sumunod sa landas ng paghahangad sa katotohanan, maiiwasan mong maligaw sa mga totoong sitwasyon ng buhay, pati na kapag nararansan mo ang gawain ng Diyos sa mga panahong ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Maiiwasan mo rin na magambala ang gawain ng Diyos, magkamaling mahulog sa maling landas, o sa huli ay makapagdulot ng kaparusahan sa iyong sarili, tulad ng ginawa ni Pablo.
Ngayon, batay sa mga naging karanasan ni Pablo, ibuod natin ang mga katangian ng daang tinahak niya, ang paraan ng kanyang pananampalataya sa Diyos, at ang mga layon at direksiyong hinangad niya. Titingnan muna natin ang kalidad ng pagkatao ni Pablo at ang kanyang disposisyon mula sa mga anggulong ito. Kung titingnan ang buhay ni Pablo at ang mga kuwento tungkol sa kung ano ang mga nangyari sa kanya, may ilang aspekto sa kanyang disposisyon: pagmamataas, pagmamatuwid sa sarili, panlilinlang, pagkapoot sa katotohanan, kabuktutan, at kabagsikan. Gaano man karaming pangunahing aspekto ng disposisyon ni Pablo ang nakikita o naibubuod ng mga tao, kung ang mga aspekto lang na ito ng kanyang disposisyon ang pag-uusapan mo, mararamdaman mo siguro na medyo hungkag ito, tama ba Ako? Kapag binabanggit mo ang mga aspektong ito ng kanyang disposisyon, nakatali ba ang mga ito sa kanyang mga paghahangad, sa direksiyon ng kanyang buhay, at sa landas na sinunod niya bilang mananampalataya? Kapag kayabangan niya ang pag-uusapan mo, mayroon ka bang mga katunayan para suportahan ito? Ano ang dahilan at nayayabangan ka sa kanya? Ano ang dahilan at sa tingin mo ay mapanlinlang siya? Ano ang dahilan at sa tingin mo ay napopoot siya sa katotohanan? Kung ibubuod mo lang ang diwa ng mga aspektong ito ng kanyang disposisyon at hindi mo pag-uusapan ang kanyang mga paghahangad, ang direksiyon ng kanyang buhay, at ang landas na sinunod niya bilang mananampalataya, kung gayon, mga hungkag na salita nga ito, at hindi magkakaroon ng anumang positibo o kapaki-pakinabang na silbi para sa mga tao ngayon. Mas mabuti pang magsalita mula sa perspektiba ng mga paghahangad ni Pablo at ng kanyang landas. Hindi isang simpleng bagay ang maunawaan ang diwa ng isang tao. Hindi matutukoy ang kalikasang diwa ng isang tao kapag wala siyang ginagawa, o kapag gumagawa lang siya ng ilang di-mahahalagang bagay. Dapat mong tingnan kung paano niya regular na ipinapakita ang kanyang sarili at ang intensiyon at motibasyon sa likod ng kanyang mga ikinikilos, sa madaling salita, tingnan mo ang kanyang mga paghahangad, pagnanais, at ang landas na kanyang sinusundan. Ang isa pang lalong mahalagang aspekto ay ang tingnan kung paano ito pinangangasiwaan ng isang tao kapag nahaharap siya sa isang sitwasyong idinisenyo ng Diyos para sa kanya, o kapag may personal na ginagawa ang Diyos sa kanya, gaya ng subukin siya, pinuhin siya, pungusan siya, o kapag personal siyang tinatanglawan at ginagabayan ng Diyos. Pangunahing tinitingnan ng Diyos ang mga aspektong ito. Ano ang tinutukoy ng mga aspektong ito? Tumutukoy ang mga ito sa mga prinsipyo ng kung paano kumikilos, namumuhay, umaasal at nakikisalamuha ang isang tao sa mundo, pati na sa mga layon at direksiyong hinahangad niya, sa landas na kanyang sinusunod, kung paano siya namumuhay, kung anong mga prinsipyo ang sinusunod niya sa buhay, at sa pundasyon ng kanyang pag-iral. Ito ang tinutukoy ng mga aspektong ito. Iyon ang dahilan kung bakit Ko sinasabi na kung iiwasan natin ang lahat ng bagay na ito at pag-uusapan na lamang ang tungkol sa kalikasang diwa ni Pablo, gaano man karami ang ating sasabihin o gaano man tayo kakomprehensibo, mga hungkag na salita lamang ang mga ito. Kung gusto nating tingnan ang diwa ni Pablo mula sa bawat aspekto ng kanyang pagkatao, at tulungan ang mga tao ngayon, o bigyan sila ng salamin kung saan nila makikita ang kanilang sarili, dapat muna nating ibuod ang landas na sinundan ni Pablo, ang mga layong hinangad niya, ang pundasyon ng kanyang pag-iral, at ang saloobin niya sa Diyos. Kung susuriin nating mabuti ang bawat aspekto ng kanyang disposisyon sa pamamagitan ng pagtingin dito mula sa mga anggulong ito, hindi ba’t may batayan tayo? Ang pagbabahagi at pagbubuod sa ganitong paraan ay para bahagyang makita ninyo nang mas malinaw si Pablo, pero higit sa lahat para kapag humarap ang mga tao ngayon sa pagliligtas at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, malalaman nila kung paano harapin ito, at kung paano nila dapat hangarin ang katotohanan, upang maiwasan nilang sumunod sa mga yapak ni Pablo at maiwasang maparusahan kagaya niya. Ito ang pinakamabisang pamamaraan.
Kapag tiningnan ninyo ang iba’t ibang paraan kung paano iprinesenta ni Pablo ang kanyang sarili, dapat ay makita ninyo ang kanyang kalikasang diwa, at ganap na makapaghinuha na mali ang direksiyon, mga layon, ang pinagmulan, at motibasyon ng kanyang mga paghahangad, at na ang mga bagay na ito ay naghihimagsik at lumalaban sa Diyos, hindi nakalulugod sa Kanya, at kinamumuhian ng Diyos. Ano ang unang pangunahing paraan ng pagpresenta ni Pablo sa kanyang sarili? (Nagpakapagod at nagtrabaho siya kapalit ng isang korona.) Saan ninyo siya nakitang nagpresenta ng kanyang sarili sa ganitong paraan, o nakita na nasa ganito siyang kalagayan? (Sa kanyang mga salita.) Sa pamamagitan ng kanyang mga sikat na kasabihan. Kadalasan, ang mga sikat na kasabihan ay positibo, at nakakatulong at kapaki-pakinabang sa mga may determinasyon, pag-asa, at adhikain; kaya ng mga ito na palakasin ang loob ng gayong mga tao at bigyan sila ng motibasyon, pero ano ang naging silbi ng mga sikat na kasabihan ni Pablo? Marami siya nito. Maaari ba ninyong ibigkas ang isa sa mga mas sikat niyang kasabihan? (“Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8).) Anong aspekto ng kanyang kalikasang diwa ang inirerepresenta ng mga salitang ito? Paano natin ito dapat bigyan ng depinisyon ayon sa katotohanan? (Mapagmataas, inaakalang mas matuwid kaysa sa iba, at nakikipagtawaran sa Diyos.) Ang mapagmataas niyang kalikasan ang siyang nagtulak sa kanya na sabihin ang mga salitang ito—hindi siya tatakbo sa takbuhin, hindi siya magtatrabaho, o mananampalataya pa nga sa Diyos kung walang korona sa huli. Pagkatapos makinig sa napakaraming sermon, dapat magawa na ng mga tao ngayon na kilalanin ang pagpapamalas na ito at ang kalagayang ito na ipinakita ni Pablo, pero kaya ba ninyo itong bigyan ng depinisyon? Kapag sinabi natin na “ibuod,” layon nating bigyan ng depinisyon ang isang bagay; ang mga salitang ginagamit mo para bigyan ng depinisyon ang isang bagay ay tunay na pagkaunawa. Kapag tumpak mong nabibigyan ng depinisyon ang isang bagay, pinatutunayan nito na malinaw mong nakikita ang naturang bagay; kapag hindi mo kayang bigyan ng depinisyon ang isang bagay at kinokopya mo lang ang mga depinisyon ng ibang tao, pinatutunayan nito na hindi mo ito tunay na nauunawaan. Anong uri ng pag-iisip o kalagayan ang nagtulak kay Pablo na sabihin ang mga salitang iyon sa pagkakataong iyon? Anong intensyon ang nagtulak sa kanya para gawin ito? Ano ang diwa ng kanyang mga paghahangad na ipinapakita sa iyo ng mga salitang ito? (Para magkamit ng mga pagpapala.) Nagsikap siya nang husto, ginugol ang kanyang sarili at ibinuhos ang kanyang sarili dahil ang intensiyon niya ay ang magkamit ng mga pagpapala. Iyon ang kalikasang diwa niya, at iyon ang nanahan sa kaibuturan ng kanyang puso. Ngayon lang, habang sinusuri ninyong mabuti ang isyu, sinabi ninyo na nakikipagtawaran si Pablo sa Diyos. Anong saloobin ni Pablo ang inirerepresenta nito? Sinusubukan natin ngayong ibuod ang pinakatotoong saloobin ni Pablo tungkol sa korona, sa pagtatamo ng mga pagpapala, at pananamplataya sa Diyos; hindi natin sinusubukang ibuod kung nakikipagtawaran nga ba si Pablo sa Diyos at kung tunay nga ba siyang mananampalataya. Sabihin ninyo ulit sa Akin. (Hindi niya minahal ang katotohanan at mapangmata siya.) Hindi ito isang saloobin; bahagi ito ng kanyang disposisyon. Pinag-uusapan natin ngayon ang kanyang saloobin. (Sakim siya.) Isang aspekto ito ng kanyang kalikasang diwa, katulad ng kanyang intensiyong magkamit ng mga pagpapala, at katulad ng kanyang pagnanais. Ano ba ang isang saloobin? Halimbawa, sinabi Kong masama sa sikmura ang pagkain palagi ng maaanghang, at may sumasagot ng, “Alam ko naman na masamang kumain ng maanghang na pagkain, pero mahilig ako sa maanghang na pagkain! Ano bang puwede kong kainin kung hindi ako kakain ng maanghang na pagkain?” Sasagot Ako, “Alang-alang sa iyong kalusugan, bibigyan kita ng limang dolyar tuwing kainan para bumili ka ng ibang pagkain, basta’t huwag ka lang kumain ng anumang maanghang.” Pagkatapos, masayang-masaya talaga sila, at sinasabing, “Sige, hindi na ako kakain ng maanghang na pagkain!” May nabuong kasunduan at sinusunod nila ito. Pero bakit nila napipigilan ang kanilang sarili sa pagkain ng maaanghang na pagkain? Ang totoo, dahil ito sa pera. Kung hindi Ko sila bibigyan ng pera, hindi nila makokontrol ang kanilang sarili; patuloy silang kakain ng maaanghang na pagkain gaya ng dati. Tumigil sila sa pagkain ng maaanghang na pagkain dahil lamang sa may mapapala sila mula rito—pera. Ito ang saloobin nila. Ito ang nakatago sa kaibuturan ng kanilang puso. Tumigil kaya sila sa pagkain ng maaanghang na pagkain dahil isinasagawa nila ang katotohanan, sinusunod kung ang iniuutos sa kanila, o ginagawa ito para mapalugod ang Diyos? (Hindi.) Hindi, wala sa mga kadahilanang iyon. Hindi nila pinigilan ang kanilang sarili sa pagkain ng maaanghang na pagkain dahil isinasagawa nila ang katotohanan, o dahil iniingatan nila ang kanilang kalusugan; mapagwalang-bahala at mababaw ang kanilang saloobin; isang transaksiyon ang tingin nila rito, at ginagawa nila ito para makapagsipsip. Kung hindi nila makakamit ang kanilang layunin at hindi matatanggap ang pera, babalik sila sa pagkain ng kung ano man ang gusto nila, at maaaring mas marami pa nga ang kakainin nila kaysa dati. Maaaring hindi ito ang pinakaangkop na halimbawa, pero ano ang mga pagkakatulad nito kapag ikinumpara natin ito kay Pablo? (Katulad ito ng kung paano ginanahan si Pablo ng pagtatamo ng mga pagpapala at kaya nakipagtawaran siya sa Diyos.) Itinuring ni Pablo ang pakikipaglaban ng mabuting laban, pagtakbo sa takbuhin, pagtatrabaho, paggugol ng sarili, at maging ang pagdidilig sa iglesia, bilang mga alas na magagamit niya kapalit ng korona ng katuwiran, at bilang mga landas patungo rito. Kaya, kahit pa nagdusa siya, gumugol ng kanyang sarili, o tumakbo sa karera, gaano man siya nagdusa, ang tanging layon sa kanyang isip ay ang makuha ang korona ng katuwiran. Itinuring niyang isang angkop na layon sa pananampalataya sa Diyos ang paghahangad sa korona ng katuwiran at ang paghahangad ng mga pagpapala, at ang pagdurusa, paggugol ng kanyang sarili, pagtatrabaho, at pagtakbo sa dapat takbuhin bilang mga landas patungo rito. Ang lahat ng mabuting pag-uugali na ipinapakita niya sa panlabas ay pakitang-tao lamang; ginawa niya ito kapalit ng pagkuha ng mga pagpapala sa pinakahuli. Ito ang una sa malalaking kasalanan ni Pablo.
Ang lahat ng sinabi at ginawa ni Pablo, ang mga ipinakita niya, ang intensiyon at layon ng kanyang gawain at ang takbuhing tinakbo niya, pati na ang saloobin niya sa mga ito—may kahit ano ba tungkol sa mga bagay na ito ang ayon sa katotohanan? (Wala.) Walang anumang bagay sa kanya ang umaayon sa katotohanan, at wala siyang ginawang anumang bagay na nakaayon sa kung ano ang itinagubilin ng Panginoong Jesus na gawin ng mga tao, pero pinagnilayan ba niya ito? (Hindi, hindi niya ito pinagnilayan.) Ni hindi niya ito kailanman pinagnilayan, ni hindi siya naghanap, kaya ano ang batayan niya para ipagpalagay na tama ang iniisip niya? (Ang kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon.) May isyu sa bagay na ito; paano niya gagawing layon na itataguyod niya sa kanyang buong buhay ang isang bagay na naisip niya? Pinag-isipan ba niya ito nang mabuti o tinanong ang kanyang sarili na, “Tama ba ang iniisip ko? Hindi ganito mag-isip ang ibang tao, ako lang. Problema ba ito?” Bukod sa wala siyang ganitong mga pagdududa, isinulat niya ang kanyang mga kaisipan sa mga liham at ipinadala ang mga ito sa lahat ng iglesia, para mabasa ng lahat ang mga ito. Ano ang kalikasan ng pag-uugaling ito? May problema sa bagay na ito; bakit hindi niya kailanman kinuwestiyon kung nakaayon ba sa katotohanan ang mga iniisip niya, bakit hindi niya hinanap ang katotohanan, o ikinumpara ito sa kung ano ang sinabi ng Panginoong Jesus? Sa halip, itinuring niya bilang mga layon na dapat niyang hangarin ang mga naisip niya, at ang mga bagay na inakala niyang tama sa kanyang mga kuru-kuro. Ano ang problema rito? Itinuring niya bilang katotohanan at layong dapat niyang hangarin ang mga naisip niya at ang mga bagay na inakala niyang tama. Hindi ba’t ito ay labis na kayabangan at pag-aakalang mas matuwid siya sa iba? May puwang pa ba ang Diyos sa puso niya? Nagawa pa ba niyang ituring bilang katotohanan ang mga salita ng Diyos? Kung hindi niya nagawang ituring bilang katotohanan ang mga salita ng Diyos, ano kung gayon ang magiging saloobin niya sa Diyos? Ginusto rin ba niyang maging Diyos? Kung hindi, hindi niya ituturing bilang mga layong dapat niyang hangarin ang mga bagay na naisip niya sa sarili niyang mga kaisipan at kuru-kuro, ni hindi niya ituturing na para bang katotohanan ang kanyang mga kuru-kuro o kung ano ang kanyang naisip. Naniwala siya na kung ano ang naisip niya, iyon ang katotohanan, at na ito ay nakaayon sa katotohanan at sa mga layunin ng Diyos. Ibinahagi rin niya sa mga kapatid na nasa mga iglesia ang mga bagay na inakala niyang tama, at ikinintal ito sa kanila, dahilan para mapasunod niya ang lahat sa mga katawa-tawang bagay na sinabi niya; ipinalit niya ang kanyang mga salita sa mga salita ng Panginoong Jesus, at ginamit ang mga katawa-tawang salita niyang ito para magpatotoo na para sa kanya, ang mabuhay ay si Cristo. Hindi ba’t ito ang pangalawang malaking kasalanan na nagawa ni Pablo? Lubhang malala ang problemang ito!
Marami nang tao ang naging kagaya ni Pablo sa paglipas ng mga panahon, kaya bakit natin ginagamit si Pablo bilang isang klasikong halimbawa? Dahil nakatala siya sa Bibliya, at ang mga erehiya at maling paniniwalang sinabi niya, at pati siya mismo, ay may malaking impluwensiya sa lahat ng Kristiyano. Masasabi mo na masyadong malaki ang pinsalang naidulot niya. Napakaraming tao ang nalihis at nalason dahil sa kanya. Bukod sa nalason niya ang maraming henerasyon ng mga tao, tumindi pa ang lason. Gaano katindi? (Huwaran ang tingin sa kanya ng lahat ng Kristiyano at tinutularan siya; isinasagawa nila ang kanyang mga salita na para bang mga salita ito ng Diyos.) Kung magbabahagi ka tungkol sa mga salita ni Cristo at sa mga salita ng Diyos, walang masyadong makikinig nito. Pero kapag nagbahagi ka tungkol sa mga salita ni Pablo, uupo sila kaagad at makikinig. Ano ang ibig sabihin nito? (Itinuturing nila si Pablo na parang si Cristo.) Kapag itinuturing ng mga tao si Pablo na parang si Cristo, napalitan na niya ang Panginoong Jesucristo sa kanilang puso. Hindi ba’t tanda ito ng isang napakalaking kasalanan? (Oo.) Si Pablo ang pinakamalaking anticristo sa kasaysayan! Halatang-halata ang intensiyon ng kanyang mga salita; malinaw na ipinapakita ang kanyang mga layon at katusuhan; lubhang tuso at makamandag ang kanyang diwa. Malubhang problema ang kalikasan nito! Iyon ang dahilan kung bakit kinailangan Ko itong banggitin at suriing mabuti. Kung hindi Ko iyon ginawa, patuloy na malilihis ang mga tao dahil sa kanya. Ngunit, kung susuriin Kong mabuti ang mga isyu ni Pablo, kailangan Ko siyang gawing mas kapaki-pakinabang para sa mga tao ngayon, bilang isang halimbawa ng kung ano ang hindi dapat gawin. Ngayon lang ay ibinuod natin ang dalawa sa mga kasalanan ni Pablo. Ano ang una? (Itinuring ni Pablo ang pagtatrabaho at pagtakbo sa takbuhin bilang mga alas na maaari niyang ipalit sa isang korona. Itinuring niyang naaangkop na layon na dapat niyang hangarin ang pagtatamo ng mga pagpapala at ng isang korona.) Tama ang sinabi mong iyan. Ang pinakamalaking problema ni Pablo ay na itinuring niya ang mga bagay na ito bilang mga layong dapat niyang hangarin. Sa simula pa lang, isa na itong transaksiyon na may kaakibat na paghihimagsik at masamang kalikasan, pero itinuring ito ni Pablo bilang isang naaangkop na layong dapat hangarin. Ito ang pinakamatinding problema. Ano naman ang pangalawa? (Itinuring ni Pablo na katotohanan ang lahat ng bagay na naisip niya, pati na ang mga bagay na inakala niyang tama batay sa kanyang mga kuru-kuro. Hindi niya kailanman pinagnilayan ito o naghanap tungkol dito; sa halip, nilihis niya ang mga tao, at pinasunod ang mga kapatid sa kanyang mga salita at kakatwang teorya, na nagiging dahilan para tratuhin siya ng mga tao na parang Cristo.) Isa talaga itong malubhang isyu. Tumpak ninyong tandaan ang mga isyung ito; pagkatapos nating ibuod ang mga ito, dapat ninyong ikumpara ang inyong sarili sa mga ito. Kapag may tinatalakay tayong paksa, dapat muna nating pag-usapan ang partikular na aspektong iyon ng katotohanan, at pagkatapos ay gumawa tayo ng mga paghahambing. Ang pagsusuri sa kung paanong iprinesenta ni Pablo ang kanyang sarili ay nagsisilbing isang babala sa lahat, at sinasabi rin nito sa mga tao na dapat nilang piliin ang tamang landas, at pagkatapos ay maghanap sila ng isang tumpak na landas ng pagsasagawa at iwasan nilang sumunod sa mga yapak ni Pablo. Pagkatapos, magiging ganap kayong epektibo.
May isa pang malubhang kasalanan si Pablo, at iyon ay na ginawa niya ang kanyang gawain nang ganap na nakabatay sa kakayahan ng kanyang pag-iisip, sa akademikong kaalaman, teolohikal na kaalaman at teorya. Isa itong bagay na tumutukoy sa kanyang kalikasang diwa. Dapat ninyong ibuod ito, at pagkatapos ay suriin kung ano ang kanyang saloobin tungkol sa mga bagay na ito. Isa itong napakahalaga at importanteng kasalanan, at bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Pagnilayan ninyo sandali kung alin sa mga pagpapamalas ni Pablo ang may kaugnayan sa kasalanang ito; tingnan kung ano ang kanyang kalikasang diwa sa pamamagitan ng mga pagpapamalas na ito, at bumuo kayo ng malinaw na larawan kung ano ang pinahalagahan niya sa kanyang kaloob-looban, at kung ano ang mga layon niya. Ang kanyang intensiyon at mga layon ay ang ugat kung bakit napunta siya sa maling landas. Ito ang mga pinakamahalagang bagay na dapat mong maunawaan nang malinaw. Anong mga kaloob ang mayroon si Pablo? (May mahusay na pagkaunawa si Pablo sa maraming kaalaman sa Bibliya mula sa Kapanahunan ng Kautusan.) Lumang Tipan lamang ang mayroon noong panahong iyon. Pamilyar si Pablo sa mga kasulatang ito, at napakarami niyang nalalaman tungkol sa mga bagay na ito, tulad ng mga teolohikal na guro, pastor, mangangaral, at mga pari sa panahon ngayon. Baka mas malawak pa nga ang kanyang teolohikal na kaalaman kaysa sa kanila, pero natutunan niya ito matapos siyang isilang sa mundo. Ano ang taglay-taglay ni Pablo mula pagkasilang? (Ang kanyang likas na mga abilidad.) Si Pablo ay likas na matalino, mahusay magsalita, mahusay magpahayag ng kanyang sarili, at hindi siya takot tumayo sa harapan ng maraming tao. Pagtuunan natin ngayon ang pag-uusap tungkol sa mga likas na abilidad, kaloob, katalinuhan, kakayahan, pati na sa kaalamang natutunan niya sa buong buhay niya. Ano ang ibig sabihin ng katunayang mahusay siyang magsalita? Sa anong paraan niya ipinakita at iprinesenta ang kanyang sarili? Mahilig siyang magpaligoy-ligoy tungkol sa matatayog na teorya; palagi siyang nagsasalita tungkol sa malalim na espirituwal na doktrina, sa mga teorya at kaalaman, at tungkol sa mga sikat niyang teksto at kasabihan na madalas banggitin ng mga tao. Paano mo ilalarawan sa isang salita ang mga salita ni Pablo? (Hungkag.) Makabubuti ba para sa mga tao ang mga hungkag na salita? Kapag naririnig nila ang mga salitang iyon, lumalakas ang loob nila, pero pagtagal-tagal ay napapawi ang kanilang sigla. Ang mga bagay na sinabi ni Pablo ay malabo at hindi tunay, mga bagay na hindi mo talaga mailalahad sa mga kongkretong salita. Sa mga teoryang sinabi niya, wala kang mahahanap na anumang landas sa pagsasagawa, o direksiyon ng pagsasagawa; wala kang mahahanap na anumang bagay na tumpak mong magagamit sa totoong buhay—mga teorya man ito o mga pundasyon, walang magagamit sa totoong buhay. Iyon ang dahilan kung bakit sinasabi Kong mga hungkag at impraktikal na salita ang mga sinasabi niyang mga teoryang panrelihiyon at espirituwal na doktrina. Ano ba ang layon ni Pablo sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na ito? Sinasabi ng ilang tao na, “Palagi niyang pinag-uusapan ang mga bagay na ito dahil gusto niyang makahikayat pa ng maraming tao, at para igalang at tingalain siya ng mga ito. Ginusto niyang palitan ang Panginoong Jesus at makuha ang loob ng mas maraming tao, para pagpalain siya.” Ito ba ang paksang gusto nating pag-usapan ngayon? (Hindi, hindi ito.) Lubhang normal lang para sa isang taong hindi napungusan, hindi nahatulan o nakastigo, hindi dumaan sa mga pagsubok o pagpipino, may mga kaloob na katulad ng sa kanya, at may kalikasang diwa ng isang anticristo na magpakitang-gilas kagaya nito at umasal gaya ng ginawa niya, kaya hindi na natin susuriing mabuti ang tungkol sa bagay na ito. Ano ang susuriin natin nang mabuti? Ang diwa ng problema niyang ito, ang ugat na dahilan at motibo sa likod ng paggawa niya ng mga bagay na ito, at kung ano ang nag-udyok sa kanya na kumilos nang ganito. Ituring man ng mga tao ngayon ang lahat ng bagay na sinabi niya bilang doktrina, mga teorya, teolohikal na kaalaman, mga likas na kaloob, o sarili niyang interpretasyon ng mga bagay-bagay, sa pangkalahatan, ang pinakamalaking problema ni Pablo ay na itinuring niyang katotohanan ang mga bagay-bagay na nagmula sa kalooban ng tao. Iyon ang dahilan kung bakit malakas ang loob niyang gamitin ang mga teolohikal na teoryang ito nang disidido, may buong tapang, at hayagan para makahikayat ng mga tao at maturuan sila. Ito ang diwa ng problema. Seryosong problema ba ito? (Oo.) Anong mga bagay ang itinuring niyang katotohanan? Ang mga kaloob niya mula pa nang siya ay ipanganak, pati na ang kaalaman at mga teolohikal na teoryang natutunan niya sa buong buhay niya. Natutunan niya ang mga teolohikal niyang teorya mula sa mga guro, mula sa pagbabasa ng mga kasulatan, at nabuo rin sa kung ano ang kanyang naunawaan at naisip. Itinuring niyang katotohanan ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng kanyang pagkaunawa bilang tao, pero hindi ito ang pinakamalubhang problema, may mas malala pa. Itinuring niya ang mga bagay na iyon bilang katotohanan, pero inisip ba niya noong pagkakataong iyon na katotohanan ang mga bagay na iyon? Nagkaroon ba siya ng konsepto sa kung ano ang katotohanan? (Wala, wala siyang konsepto.) Kung ganoon, paano niya tinrato ang mga bagay na iyon? (Itinuring niya bilang buhay.) Itinuring niyang buhay ang lahat ng bagay na iyon. Inisip niya na kapag mas marami ang mga sermon na kaya niyang ipangaral, o kapag mas matatayog, mas magiging dakila ang kanyang buhay. Itinuring niyang buhay ang mga bagay na iyon. Seryosong bagay ba ito? (Oo, seryoso ito.) Ano ang naging epekto nito? (Nagkaroon ito ng epekto sa landas na sinunod niya.) Ito ay isang aspekto nito. Ano pa? (Inakala niya na ang pagtatamo ng mga bagay na ito ay makapaghahatid sa kanya ng kaligtasan at makapagpapasok sa kanya sa kaharian ng langit.) May kinalaman pa rin ito sa pagtatamo ng mga pagpapala; inakala niya na kapag mas dakila ang buhay niya, mas malaki ang tsansa niyang makapasok sa kaharian ng langit at makaakyat sa langit. Ano pa ang ibang paraan ng pagkakasabi sa “pag-akyat sa langit”? (Ang maghari at humawak ng kapangyarihan kasama ang Diyos.) Ang layunin niya sa pagpasok sa kaharian ng langit ay para maghari at humawak ng kapangyarihan kasama ang Diyos, pero hindi pa ito ang pinakalayon niya, may isa pa. Sinabi niya ang tungkol dito. Paano niya ito sinabi? (“Sapagkat sa akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang” (Filipos 1:21).) Sinabi niya na para sa kanya ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang. Ano ba ang ibig sabihin nito? Na magiging Diyos siya pagkamatay niya? Walang hangganan ang kanyang ambisyon! Napakalala na ng kanyang problema! Kaya, mali bang suriin natin ang kaso ni Pablo? Hindi. Hindi niya dapat itinuring ang kanyang mga kaloob at ang kaalamang natutunan niya bilang buhay. Ito ang kanyang pangatlong malaking kasalanan. Makikita mo ang kalikasang diwa ni Pablo sa alinman sa tatlong kasalanang ito. Ang mga katangian ng kanyang kalikasang diwa ay nalalantad sa bawat isa sa mga kasalanan; walang nakatago o hindi naisama. Nairerepresenta ang kanyang kalikasang diwa sa lahat ng ito.
Susunod, titingnan naman natin ang mga pinakakritikal at pinakamalubhang problema ni Pablo, na pinakakumakatawan sa kanya. Sa mga liham na isinulat ni Pablo, anong mga salita ang madalas niyang ginamit? Tingnan ninyo kung ano ang sinasabi ng orihinal na teksto ng Bibliya, at pag-aaralan at susuriin natin ito, tingnan kung ano talaga ang nasa isip niya, at kung bakit kinamuhian at kinapopootan siya ng Diyos. Bakit naparusahan ang isang katulad ni Pablo na sikat at naging kasangkapan sa gawain ng mga unang iglesia? Paano kinilatis ng Diyos si Pablo sa Kanyang isipan? Paano tiningnan ng Diyos si Pablo? Bakit kinilatis ng Diyos si Pablo sa ganitong paraan, at bakit nagtakda ang Diyos nang ganoon? Ano ang pinagbatayan ng Diyos sa huli sa pagtukoy Niya kay Pablo at sa pagtakda ng kalalabasan ni Pablo? Ilista ninyo ang lahat ng bagay na ito upang makita ng mga tao ang mga katunayan ng kung paanong nilabanan niya ang Diyos, para hindi nila isiping mali ang ginawang pagkondena kay Pablo. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, mas may tendensiya silang tukuyin ang mga tao batay sa kanilang panlabas na anyo. Ano ang batayan ng mga tao sa pagtukoy sa ibang tao batay sa kanilang panlabas na anyo? Isang bahagi nito ay ang tradisyonal na kultura at ang mga turo ng lipunan. Isa pang bahagi nito ay ang edukasyon sa tahanan, ang mga ideya at konsepto ng itim at puti, at mga ideya at konsepto ng tama at mali. Ang isa pang bahagi ay ang edukasyon sa mga paaralan. Sama-sama, ang mga bagay na ito ay bumubuo ng isang buong satanikong sistema ng edukasyon. Ang kahihinatnan ng pagkintal ni Satanas ng mga bagay na ito sa mga tao ay na tinutukoy ito ng mga tao bilang mabuti o masama, bilang tama o mali ayon sa sarili nilang mga kuru-kuro at kagustuhan. Ano ang batayan ng lahat ng depinisyong ito ng mga tao? Sa katunayan, nakabatay ang mga ito sa mga satanikong teorya at pilosopiya; hindi mula sa Diyos o mula sa katotohanan ang mga batayang ito na mayroon ang mga tao. Iyon ang dahilan kung bakit mali ang mga tiwaling tao gaano man nila tukuyin ang isang tao o pangyayari—wala itong kaugnayan sa katotohanan, at hindi ito nakaayon sa mga layunin ng Diyos; wala itong kinalaman sa Diyos o sa Kanyang mga salita. Pinagpapasyahan ng Diyos ang mga tao at pangyayari ayon sa Kanyang disposisyon at diwa. Ano ang disposisyon at diwa ng Diyos? Ito ay ang katotohanan. Ang katotohanan ang pagpapahayag ng lahat ng positibong bagay, at ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Ang Diyos ang nagtatakda sa lahat ng bagay na umiiral, at sa lahat ng tao, pangyayari, at bagay na nahaharap ng mga tao, alinsunod sa katotohanan. Ibinabatay ng Diyos ang mga pagtakda Niya ukol sa mga tao ayon sa kanilang kalikasang diwa, kung ano ang nagpapakilos sa kanila, ang landas na kanilang tinatahak, at ang saloobin nila tungkol sa mga positibong bagay at sa katotohanan. Ito ang batayan ng mga konklusyon ng Diyos. Naaayon sa katotohanan ang mga pagtakda ng Diyos sa lahat ng bagay. Ano ang batayan ni Satanas sa pagtukoy sa lahat ng bagay? (Ang sarili nitong lohika.) Ang satanikong pilosopiya at lohika, na kabaligtaran mismo ng katotohanan. Ginawang tiwali ni Satanas ang buong sangkatauhan. Walang katotohanan ang mga tao; kinakatawan nila si Satanas at binibigyan ito ng anyo. Tinutukoy nila ang lahat ng bagay alinsunod sa mga satanikong pilosopiya at lohika. Kaya, anong mga konklusyon ang nabubuo nila kapag tinutukoy ang mga bagay-bagay? Mga konklusyon na kabaligtaran mismo, at salungat sa katotohanan. Nahanap na ba ninyo ang mga salitang madalas gamitin ni Pablo sa kanyang mga sulat? Basahin ninyo ang mga ito nang malakas. (“Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos” (1 Corinto 1:1).) Nakita ninyo? Ganito iniraranggo ni Pablo ang Diyos at si Cristo: “Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos.” Nasaan si Pablo sa pagkakaranggong ito? (Pangatlo.) Sa isipan ni Pablo, sino ang nasa unang puwesto? (Ang Diyos.) At sino ang nasa pangalawa? (Ang Panginoong Jesus.) Si Jesucristo. Sino naman ang pangatlo? (Si Pablo mismo.) Siya mismo. “Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos.” Madalas gamitin ni Pablo ang pariralang ito, at punung-puno ito ng impormasyon. Una, alam natin na si Pablo ay isang apostol ng Panginoong Jesucristo. Kaya, mula sa perspektiba ni Pablo, sino ang Panginoong Jesucristo? Siya ang Anak ng tao, at pumapangalawa sa Diyos na nasa langit. Tinawag man niyang Tagapamahala ang Panginoong Jesucristo o tinawag niya Siyang Panginoon, mula sa perspektiba ni Pablo, hindi Diyos ang Cristo na nasa lupa, kundi isang tao lamang na makapagtuturo sa mga tao at makapagpapasunod sa mga ito sa Kanya. Ano ang naging gampanin ni Pablo bilang apostol ng isang taong kagaya nito? Ang ibahagi ang ebanghelyo, bisitahin ang mga iglesia, mangaral ng mga sermon, at sumulat ng mga liham. Naniwala siya na ginagawa niya ang mga bagay na ito sa ngalan ng Panginoong Jesucristo. Sa puso niya, inisip niya na, “Tutulungan Kita sa pamamagitan ng pagpunta sa kung saan hindi Ka makakapunta, at titingnan ko para sa Iyo ang mga lugar na ayaw Mong puntahan.” Ito ang konsepto ni Pablo ng isang apostol. Ang pagkakaranggo, sa isipan niya, ay na pareho lang silang karaniwang tao ng Panginoong Jesus. Itinuring niya ang kanyang sarili at ang Panginoong Jesucristo bilang magkapantay, at bilang mga tao. Sa isip niya, wala naman talagang pagkakaiba sa pagitan ng kanilang mga posisyon, ni pagkakaiba sa kanilang mga pagkakakilanlan, lalo na sa kanilang mga ministeryo. Tanging ang mga pangalan, edad, mga sitwasyon ng pamilya at mga pinagmulan nila ang magkakaiba, at nagkaroon sila ng magkakaibang panlabas na mga kaloob at kaalaman. Sa isip ni Pablo, magkapareho lang sila ng Panginoong Jesucristo sa maraming bagay, at maaari din siyang tawaging Anak ng tao. Ang tanging dahilan kung bakit pumangalawa lang siya sa Panginoong Jesucristo ay dahil siya ang apostol ng Panginoong Jesus; ginamit niya ang kapangyarihan ng Panginoong Jesucristo, at isinugo siya ng Panginoong Jesucristo para bisitahin ang mga iglesia at gawin ang gawain ng iglesia sa ngalan ng Panginoong Jesucristo. Naniwala si Pablo na ito ang kanyang posisyon at pagkakakilanlan bilang apostol—ganito ang kanyang interpretasyon. Dagdag pa rito, ang pangalawang salita sa simula ng parirala na, “Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo” ay “tinawag.” Mula sa salitang ito, makikita natin ang pag-iisip ni Pablo. Bakit nito ginamit ang pitong salitang “tinawag … sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos”? Hindi nito inisip na tinawag ito ng Panginoong Jesucristo para maging apostol Niya; inisip nito na “Walang kapangyarihan ang Panginoong Jesucristo para utusan akong gumawa ng anumang bagay. Hindi ko gagawin ang iuutos Niya; wala akong gagawing kahit ano para sa Kanya. Sa halip, gagawin ko ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos sa langit. Pareho lang kami ng Panginoong Jesucristo.” May isang bagay pa itong ipinapahiwatig—inisip ni Pablo na isa siyang Anak ng tao, katulad ng Panginoong Jesucristo. Inihahayag ng pitong salita na “tinawag … sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos” kung paano itinatwa at pinagdudahan ni Pablo ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesucristo sa kaibuturan ng kanyang puso. Sinabi ni Pablo na isa siyang apostol ng Panginoong Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, na inutusan siya ng Diyos, inorden at itinatag siya ng Diyos, at na naging apostol siya ng Panginoong Jesucristo dahil tinawag siya at itinakda ito ng Diyos. Sa isip ni Pablo, iyon ang ugnayan sa pagitan niya at ng Panginoong Jesucristo. Gayunpaman, hindi pa nga ito ang pinakamasamang parte nito. Ano ang pinakamasamang parte? Na inisip ni Pablo na siya ang apostol ng Panginoong Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, hindi ng Panginoong Jesucristo, na hindi ang Panginoong Jesus ang tumawag sa kanya, kundi ang Diyos sa langit ang siyang nag-utos sa kanya na gawin ito. Inisip niya na walang sinuman ang may kapangyarihan o mga kwalipikasyon para gawin siyang apostol ng Panginoong Jesucristo, na tanging ang Diyos sa langit ang may ganoong kapangyarihan, at na siya ay direktang ginagabayan ng Diyos sa langit. Kaya, ano ang ipinapahiwatig nito? Ipinapahiwatig nito na sa kaibuturan ng puso ni Pablo, naniwala siya na ang Diyos sa langit ang numero uno, at siya mismo ang pangalawa. Kung gayon, saang posisyon niya inilagay ang Panginoong Jesus? (Sa parehong posisyon niya.) Ito ang problema. Sa kanyang mga labi, ipinahayag niya na ang Panginoong Jesus ang siyang Cristo, pero hindi niya kinilala na ang diwa ni Cristo ay sa Diyos; hindi niya naunawaan ang ugnayan sa pagitan ng Cristo at ng Diyos. Ang walang pagkaunawang ito ang nagdulot ng ganoon kalubhang problema. Sa anong paraan ito naging malubha? (Hindi niya inamin na ang Panginoong Jesus ang Diyos na nagkatawang-tao. Itinatwa niya ang Panginoong Jesus.) Oo, malubha nga iyon. Itinatwa niya na ang Panginoong Jesucristo ay ang Diyos na naging tao, na ang Panginoong Jesus ang laman ng Diyos nang bumaba Siya mula sa langit patungo sa lupa, at na ang Panginoong Jesus ang Diyos na nagkatawang-tao. Hindi ba’t ipinapahiwatig nito na itinatwa ni Pablo ang pag-iral ng Diyos sa lupa? (Oo, ganoon nga.) Kung itinatwa niya ang pag-iral ng Diyos sa lupa, magagawa ba niyang kilalanin ang mga salita ng Panginoong Jesus? (Hindi, hindi niya magagawa.) Kung hindi niya kinilala ang mga salita ng Panginoong Jesus, kaya ba niya itong tanggapin? (Hindi, hindi niya kaya.) Hindi niya tinanggap ang mga salita, pagtuturo, o ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesucristo, kaya, magagawa ba niyang tanggapin ang gawain ng Panginoong Jesucristo? (Hindi, hindi niya magagawa.) Hindi niya tinanggap ang gawaing ginawa ng Panginoong Jesucristo, o ang katunayan na ang Panginoong Jesucristo ay Diyos, pero hindi pa ito ang pinakamasamang parte. Ano ang pinakamasamang parte? Dalawang libong taon na ang nakararaan, pumarito ang Panginoong Jesus sa lupa para gawin ang pinakamalaking gawain sa lahat—ang gawain ng pagtubos sa Kapanahunan ng Biyaya, kung saan nagkatawang-tao Siya at naging wangis ng makasalanang laman, at ipinako Siya sa krus bilang handog para sa kasalanan para sa buong sangkatauhan. Malaking gawain ba ito? (Oo.) Gawain ito ng pagtubos sa buong sangkatauhan, at ang Diyos Mismo ang may gawa nito, pero mariing itinatwa ito ni Pablo. Itinanggi niya na ang Diyos Mismo ang may gawa ng gawain ng pagtubos na ginawa ng Panginoong Jesus, itinatanggi nito ang katunayan na naisakatuparan na ng Diyos ang gawain ng pagtubos. Malubhang problema ba ito? Napakalubha nito! Bukod sa hindi hinangad ni Pablo na maunawaan ang katunayan ng pagkakapako sa krus ng Panginoong Jesucristo, hindi rin niya inamin ito, at ang hindi pag-amin dito ay katumbas ng pagtatatwa rito. Hindi niya inamin na ang Diyos ang siyang napako sa krus at tumubos sa buong sangkatauhan, hindi rin niya inamin na nagsilbi bilang handog para sa kasalanan ang Diyos para sa buong sangkatauhan. Ipinapahiwatig nito na hindi niya inamin na natubos ang buong sangkatauhan pagkatapos gawin ng Diyos ang Kanyang gawain, o na napawalang-sala ang kanilang kasalanan. Gayundin, inisip niyang hindi napawalang-sala ang kanyang mga kasalanan. Hindi niya inamin ang katunayan na tinubos ng Panginoong Jesus ang sangkatauhan. Sa kanyang pananaw, nabura na ang lahat ng iyon. Ito ang pinakamalubhang isyu. Ngayon lang, nabanggit Ko na si Pablo ang pinakamatinding anticristo sa nakalipas na dalawang libong taon; naihayag na ang katunayang ito. Kung hindi naitala ang mga katunayang ito sa Bibliya, at sinabi ng Diyos na sinuway ni Pablo ang Diyos at isa itong anticristo, paniniwalaan ba ito ng mga tao? Talagang hindi nila ito paniniwalaan. Buti na lang at nakatala sa Bibliya ang mga sulat ni Pablo, at mayroon ditong matibay na patunay sa mga sulat na iyon; dahil kung hindi, walang magpapatunay sa mga sinasabi Ko, at maaaring hindi ninyo ito tanggapin. Ngayon, kapag pinag-uusapan at binabasa natin ang mga salita ni Pablo, paano tiningnan ni Pablo ang lahat ng bagay na sinabi ng Panginoong Jesus? Inisip niya na hindi kapantay ang mga bagay na sinabi ng Panginoong Jesus sa kahit isa sa mga sariling doktrinang panrelihiyon ni Pablo. Kaya, matapos lisanin ng Panginoong Jesus ang mundong ito, bagamat ipinalaganap ni Pablo ang ebanghelyo, gumawa, nangaral, at nagpastol ng mga iglesia, hindi niya kailanman ipinangaral ang mga salita ng Panginoong Jesus, lalo namang hindi niya isinagawa o naranasan ang mga ito. Sa halip, ipinangaral niya ang sarili niyang pagkaunawa tungkol sa Lumang Tipan, na hindi na napapanahon at mga hungkag na salita. Sa nakalipas na dalawang libong taon, iyong mga nananampalataya sa Panginoon ay nananampalataya alinsunod sa Bibliya, at ang lahat ng tinatanggap nila ay mga hungkag na teorya ni Pablo. Bilang resulta, namalaging walang kaalam-alam ang mga tao sa loob ng dalawang libong taon. Kung sasabihin mo sa isang grupo ng mga relihiyosong tao ngayon na mali si Pablo, magpoprotesta sila at hindi nila ito tatanggapin, dahil tinitingala nilang lahat si Pablo. Si Pablo ang kanilang idolo at amang nagtatag, at sila naman ang mga mabuting anak at inapo ni Pablo. Gaano kalubha silang nalihis? Nasa parehong panig na sila ni Pablo sa pagkontra sa Diyos; pareho ng kay Pablo ang kanilang mga pananaw, magkapareho ang kalikasang diwa, at magkapareho ang pamamaraan ng paghahangad. Tuluyan na silang nahalintulad kay Pablo. Ito ang ikaapat na malaking kasalanan ni Pablo. Itinatwa niya ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesucristo, at itinatwa niya ang gawaing ginawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya pagkatapos ng Kapanahunan ng Kautusan. Ito ang pinakamalubhang bagay. Ang isa pang malubhang bagay ay na itinuring niyang kapantay ang kanyang sarili sa Panginoong Jesucristo. Sa panahong nabuhay si Pablo, nakilala niya ang Panginoong Jesucristo pero hindi niya itinuring na Diyos ang Panginoong Jesucristo; sa halip, itinuring niya ang Panginoong Jesucristo bilang isang karaniwang tao, na para bang isa lang miyembro ng sangkatauhan; isang tao na may parehong kalikasang diwa ng mga tiwaling tao. Hindi kailanman tinrato ni Pablo ang Panginoong Jesus bilang Cristo, lalo na bilang Diyos. Napakalubhang bagay nito. Kaya, bakit ginawa ito ni Pablo? (Hindi niya nakilala na taglay ng Diyos na nagkatawang-tao ang diwa ng Diyos, kaya hindi niya itinuring ang Panginoong Jesucristo bilang Diyos.) (Hindi niya itinuring bilang katotohanan ang mga salita ng Panginoong Jesus, ni itinuring na ang Panginoong Jesus ang pagsasakatawan ng katotohanan.) (Sa panlabas, ipinahayag ni Pablo na nananampalataya siya sa Panginoong Jesus, pero isang malabong Diyos sa langit ang talagang sinasampalatayanan niya.) (Hindi niya hinanap ang katotohanan, kaya naman hindi niya napagtanto na si Cristo nga ang katotohanan at ang buhay.) Magpatuloy. (Sinabi ni Pablo na para sa kanya ang mabuhay ay si Cristo. Ginusto niyang maging Diyos at palitan ang Panginoong Jesus.) Ang lahat ng sinabi mo ay umaayon sa mga tunay na nangyari. Ang bawat isa sa mga paraan ng pagpapamalas ni Pablo sa kanyang sarili, at ang bawat isa sa mga kasalanan niya, ay mas malala pa kaysa sa nauna.
Suriin natin ang pariralang ito na sinabi ni Pablo: “Natataan sa akin ang putong ng katuwiran.” Kahanga-hanga ang mga salitang ito. Tingnan ninyo ang mga salitang ginamit niya: “ang putong ng katuwiran.” Kadalasan, medyo mapangahas na gamitin ang salitang “putong” mismo, pero sino ba ang mangangahas na gamitin ang salitang “katuwiran” bilang isang ekspresyong tumutukoy sa isang putong? Tanging si Pablo ang mangangahas na gumamit ng salitang ito. Bakit niya ito ginamit? May pinagmulan ang salitang ito, at maingat itong pinili; may malalalim na pahiwatig ang mga salita niyang ito! Ano ang mga pahiwatig nito? (Sinusubukan niyang diktahan ang Diyos sa pamamagitan ng salitang ito.) Ang kagustuhang diktahan ang Diyos ay isang aspekto nito. Siguradong ang intensiyon niya ay ang makipagtransaksiyon, at may elemento rin dito ng pagtatangkang magtakda ng mga kondisyon sa Diyos. Bukod dito, may layon ba sa likod ng kung bakit palagi niyang ipinangaral ang tungkol sa putong na ito ng katuwiran? (Gusto niyang iligaw ang mga tao, at para isipin nila na kung hindi siya nakakuha ng putong, hindi matuwid ang Diyos.) May elemento ng pang-uudyok at panlilinlang sa pangangaral niya tungkol dito, at may kaugnayan ito sa mga pagnanais at ambisyon ni Pablo. Para mangyari at matupad sa wakas ang kanyang pagnanais na magtamo ng putong ng katuwiran, ginamit niya ang taktika ng pangangaral tungkol dito sa lahat ng dako. Sa isang parte, ang layon niya sa pangangaral ng mga salitang ito ay para udyukan at ilihis ang mga tao; ito ay para ikintal ang isang partikular na kaisipan sa mga nakikinig, gaya ng, “Ang isang taong katulad ko na gumugugol nang husto ng kanyang sarili, palaging naglalakbay, at naghahangad tulad ng ginagawa ko ay makakatanggap ng putong ng katuwiran.” Pagkatapos makinig dito, natural na naramdaman ng mga tao na matuwid lamang ang Diyos kung nakatanggap ng putong ang isang taong kagaya ni Pablo. Pakiramdam nila ay dapat silang maghanap, maglakbay, at gumugol ng kanilang sarili gaya ng ginawa ni Pablo, na hindi sila dapat makinig sa Panginoong Jesus, at na si Pablo ang pamantayang dapat tularan, na siya ang Panginoon, at siya ang direksiyon at ang patutunguhan na dapat tahakin ng mga tao. Inakala rin nila na kung gagawin ng mga tao ang mga bagay-bagay gaya ng paraan ng paggawa ni Pablo, matatamo nila ang ganoon ding putong, kalalabasan, at hantungan gaya ni Pablo. Sa isang banda, inuudyukan at nililihis ni Pablo ang mga tao. Sa kabilang banda naman, mayroon siyang napakasamang layon. Sa kaibuturan ng kanyang puso, inisip niya na, “Kung dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay hindi ako nakakuha ng putong, kung saan sariling imahinasyon at ilusyon ko lang pala ito, mangangahulugan ito na ang lahat ng nananampalataya kay Cristo, kasama na ako, ay naligaw sa kanilang pananalig. Mangangahulugan ito na walang Diyos sa lupa, at itatatwa ko rin ang pag-iral Mo sa langit, Diyos ko, at wala Kang magagawa tungkol dito!” Ang nais niyang ipahiwatig ay: “Kung hindi ko makukuha ang putong na ito, hindi Ka lamang itatatwa ng mga kapatid, kundi pipigilan Kita sa pagkamit sa mga taong naudyukan ko at nakakaalam ng mga salitang ito. Pipigilan ko rin silang makamit Ka, at kasabay nito, itatatwa ko ang Iyong pag-iral bilang Diyos sa langit. Hindi Ka matuwid. Kung ako, si Pablo ay hindi makakakuha ng putong, walang ibang dapat na makakakuha nito!” Ito ang napakasamang bahagi ng pagkatao ni Pablo. Hindi ba’t ito ang ugali ng isang anticristo? Ito ang ugali ng isang anticristong demonyo: inuudyukan, nililigaw, at inaakit ang mga tao, at hayagang lumilikha ng pag-aalsa laban sa Diyos at kinokontra Siya. Sa kaibuturan ng kanyang puso, inisip ni Pablo na, “Kung hindi ako makakakuha ng putong, hindi matuwid ang Diyos. Kung makakakuha ako ng putong, saka lamang ito magiging isang putong ng katuwiran, at saka lamang tunay na magiging matuwid ang pagiging matuwid ng Diyos.” Ito ang pinagmulan ng kanyang “putong ng katuwiran.” Ano ang ginagawa niya sa pamamagitan nito? Hayagan niyang inuudyukan at nililigaw ang mga taong sumusunod sa Diyos. Kasabay nito, ginagamit niya ang mga pamamaraang ito para hayagang mag-alsa at kumontra sa Diyos. Sa madaling salita, may pag-aalsa sa kanyang pag-uugali. Ano ang kalikasan nito? Sa panlabas, tila magalang at wasto naman ang mga salitang ginamit ni Pablo, at tila wala namang mali sa mga ito—sino ba ang hindi mananampalataya sa Diyos para makakuha ng putong ng katuwiran at pagpalain? Kahit ang mga taong walang kakayahan ay nananampalataya sa Diyos kahit papaano para makapasok sa langit. Magiging masaya na sila kahit pagwalisin pa sila ng mga kalsada o pagbantayin ng pintuan doon. Ang pagkakaroon ng ganitong intensiyon at layunin sa pananampalataya ng isang tao sa Diyos ay maituturing na wasto at kauna-unawa. Subalit hindi lang iyon ang layunin ni Pablo. Nagsikap siya nang husto, gumugol ng maraming lakas, at lumikha ng maraming usap-usapan pagdating sa pangangaral niya tungkol sa kanyang putong ng katuwiran. Inilantad ng mga bagay na sinabi ni Pablo ang kanyang mapaminsalang kalikasan, pati na ang mga nakatago, at masasamang bagay na nasa loob niya. Noong panahong iyon, naging sikat na sikat si Pablo, at maraming tao ang umidolo sa kanya. Nagpunta siya kung saan-saan na ipinapangaral ang mga teorya at ang tila mga importanteng ideyang ito, ang kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon, pati na ang mga bagay na kanyang natutunan sa kanyang mga pag-aaral, at ang mga bagay na kanyang nahinuha gamit ang kanyang isipan. Nang ipangaral ni Pablo ang mga bagay na ito sa iba’t ibang dako, gaano kalaki ang naging epekto nito sa mga tao noon, at gaano katindi ang naging pinsala at lason nito sa kaibuturan ng kanilang puso? Gaano rin kalaki ang naging epekto nito sa mga susunod na henerasyon ng mga taong natuto ng mga bagay na ito mula sa kanyang mga sulat? Hindi na maaalis ng mga taong nakabasa ng kanyang mga salita ang mga bagay na ito kahit gaano pa katagal nilang subukan—masyado nang malalim ang pagkakalason sa kanila! Gaano kalalim? Isang penomena ang lumitaw, na tinatawag na “Epektong Pablo.” Ano ba ang Epektong Pablo? May isang penomena sa relihiyon kung saan ang mga tao ay naiimpluwensiyahan ng mga kaisipan, pananaw, argumento ni Pablo, at ng mga tiwaling disposisyong ibinunyag niya. Partikular na naaapektuhan nito ang mga tao na may mga pamilyang nanampalataya sa Diyos sa loob ng ilang henerasyon—mga pamilyang sumunod kay Cristo sa loob ng maraming dekada. Sinasabi nila, “Nananampalataya ang aming pamilya sa Panginoon sa loob ng maraming henerasyon, at hindi kami sumusunod sa mga makamundong kalakaran. Idinistansiya namin ang aming sarili mula sa sekular na mundo, at isinuko namin ang aming mga pamilya at trabaho para gugulin ang aming sarili para sa Diyos. Ang lahat ng ginagawa namin ay katulad ng ginawa ni Pablo. Kung hindi kami makakatanggap ng mga putong o makakapasok sa langit, may dapat kaming pag-uusapan ng Diyos pagdating Niya.” Hindi ba’t may ganitong argumento ang mga tao? (Oo.) At medyo makabuluhan ang kalakarang ito. Saan galing ang kalakarang ito? (Nanggaling ito sa mga ipinangaral ni Pablo.) Ito ang nakamamatay na epekto ng tumor na itinanim ni Pablo. Kung hindi hinimok ni Pablo nang ganito ang mga tao, at kung hindi niya palaging sinabi na, “Natataan sa akin ang putong ng katuwiran” at “Sa akin ang mabuhay ay si Cristo,” at kung wala ang konteksto ng panahong iyon sa kasaysayan, hindi magkakaroon ng anumang kaalaman tungkol sa mga bagay na iyon ang mga tao ngayon. Kahit may ganoon silang pag-iisip, wala sana silang lakas ng loob na katulad ng kay Pablo. Ang lahat ng ito’y dahil sa pambubuyo at pang-uudyok ni Pablo. Kung darating ang isang araw na hindi sila pagpalain, magiging malakas ang loob ng mga taong ito na hayagang hamunin ang Panginoong Jesus, at gugustuhin pa nga nilang magmartsa patungo sa ikatlong langit at makipagtalo sa Panginoon tungkol sa bagay na ito. Hindi ba’t ito ang pag-aalsa ng mundo ng relihiyon laban sa Panginoong Jesus? Malinaw na labis na naapektuhan ni Pablo ang mundo ng relihiyon! Ngayong nagsalita na Ako hanggang sa puntong ito, may palagay na kayo kung ano ang ikalimang kasalanan ni Pablo, hindi ba? Pagdating sa pagbubuod tungkol sa pinagmulan ng “putong ng katuwiran” na sinalita ni Pablo, ang binibigyang-pansin rito ay ang salitang “katuwiran.” Bakit niya binanggit ang “katuwiran”? Sa lupa, ito ay dahil gusto niyang udyukan at ilihis ang mga hinirang ng Diyos, para mag-isip sila sa paraang katulad niya. Sa langit, gusto sana niyang diktahan ang Diyos gamit ng salitang ito, at mag-alsa laban sa Kanya. Ito ang layon ni Pablo. Bagamat hindi niya ito kailanman sinabi, ganap nang ipinagkanulo ng salitang “katuwiran” ang kanyang layon at kagustuhang mag-alsa laban sa Diyos. Hayag na hayag na ito; mga katunayan ang lahat ng ito. Batay sa mga katunayang ito, masasabi ba na mapagmataas, matuwid ang tingin sa sarili, mapanlinlang, at hindi nagmamahal sa katotohanan ang kalikasang diwa ni Pablo? (Hindi.) Hindi ito maipapaliwanag ng mga terminong ito. Sa pagtatalakay Ko sa mga katunayang ito at sa paghihimay-himay, pagsusuri, at pagtukoy sa mga ito, dapat makita ninyo nang mas malinaw at lubusan ang kalikasang diwa ni Pablo. Ito ang epektong nakakamit ng pagsusuri sa isang diwa batay sa mga katunayan. Nang mag-alsa si Pablo laban sa Diyos, hindi siya naging medyo emosyonal nang mga sandaling iyon, wala siyang kaunting mapaghimagsik na disposisyon, o ng kawalan ng kakayahang magpasakop, nang pribado. Hindi ito isang pangkaraniwang problema ng pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon; bagkus, lumala pa ito hanggang sa punto ng hayagan na paggamit ng iba’t ibang pamamaraan para udyukan at ilihis ang mga tao sa pamamagitan ng mga sulat at sa mga pampublikong lugar, nang sa gayon sama-samang magalit ang mga tao para kumontra at mag-alsa laban sa Diyos. Hindi lamang nag-alsa si Pablo laban sa Diyos, inudyukan din niya ang lahat na mag-alsa laban sa Diyos—hindi lang siya mayabang, isa rin siyang diyablo! Mas malala pa ang kasalanang ito kaysa roon sa huli. Mabuting bagay ba o masama na pinag-uusapan natin ang tungkol sa mga lumalalang kasalanan? (Mabuti ito.) Paano ito naging mabuti? (Dahil lalo nating nakikilala si Pablo.) Kapag mas may kakayahan kang kumilatis, magagawa mong lubusang mahukay at makita nang malinaw ang iba’t ibang pagpapamalas, pagbubunyag ng katiwalian, at ang tunay na mukha ni Pablo. Kapag ginawa ninyo ito makakamit ba ninyo ang ating layon? (Hindi.) Dapat ninyong kunin ang lahat ng pagpapamalas ni Pablo na ating ibinuod, pati na ang mga pangunahing nilalaman nito, mga tema, at diwa, at iugnay ang mga ito sa inyong sarili at sa mga nasa paligid ninyo. Kapag nakita na ninyo nang malinaw kung gaano mismo kalaki ang pagkakaiba sa pagitan ng landas na tinatahak ninyo at ng sarili ninyong diwa kumpara ng sa kay Pablo, ganap na kayong magkakamit ng mga resulta, at makakamit na ninyo ang ating layon ng pagsusuri kay Pablo. May ilang nagsasabi na, “Walang kahit anong pagpapamalas ng paghahangad ni Pablo ng putong ng katuwiran sa akin.” Maaaring hindi ganoon kalala ang mga pagpapamalas at ang diwa mo tulad ng kay Pablo, pero may kaunting pagkakatulad sa pagitan ng diwa mo at ng sa kanya. Nagtaglay siya ng mga pagpapamalas tulad nito, at nagtataglay ka ng mga kalagayang gaya nito. Masasabi na ang mga pagpapamalas ni Pablo ay nasa antas na 10 o 12, ano naman ang sa iyo? (Nasa pito o walo ako.) Ibinunyag ni Pablo ang mga bagay na ito sa lahat ng oras, at napuno siya ng mga bagay na ito sa lahat ng pagkakataon. Bagamat maaaring hindi mo ibinubunyag ang mga bagay na ito sa lahat ng oras, madalas mo pa ring ibinubunyag ang mga ito. Marahil ay ginugol mo ang kalahati ng buhay sa paggawa ng mga bagay na ito, at pamumuhay sa mga ganitong kalagayan. Lalo na kapag pinararanas sa iyo ng Diyos ang mga pagsubok, kapag hindi tumutugma sa iyong mga kuru-kuro ang gawain ng Diyos, kapag pinupungusan ka Niya, at kapag hindi natutugunan ng mga kapaligirang pinamamatnugutan Niya para sa iyo ang iyong mga ekspektasyon, maaaring magbunga ito ng mga ganitong uri ng kalagayan sa loob mo; baka mag-alsa ka laban sa Diyos at kumontra sa Kanya. Sa mga ganyang pagkakataon, maaaring maging kapaki-pakinabang para sa iyo ang ginawa nating pagsusuri sa kung paano inudyukan at nilihis ni Pablo ang mga tao. Bakit? Dahil ngayon, batid na ng iyong isipan kung gaano talaga katindi ang kalikasan ng mga pagpapamalas ni Pablo; hindi ito mga simpleng pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, kundi isang maladiyablong kalikasang diwa na kumokontra sa Diyos. Kapag lumilitaw ang mga ganitong kalagayan sa iyo, malalaman mo kung gaano kalubha ang problemang ito. Dapat kang bumalik kung gayon, magsisi, at tumalikod sa maling kalagayang ito. Dapat mo itong layuan, dapat mong hanapin ang katotohanan, at maghanap ka ng landas ng pagpapasakop sa Diyos. Iyon ang tunay na landas na dapat sundin ng mga tao, at ang batas na dapat panghawakan ng mga nilikha. Nakakatulong ang pagbabahaging ito sa mga tao.
May isa pang sikat na parirala si Pablo—ano ito? (“Sapagkat sa akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang” (Filipos 1:21).) Hindi niya kinilala ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesucristo, na ang Panginoong Jesucristo ang nagkatawang-taong Diyos na namumuhay sa lupa, o ang katunayan na ang Panginoong Jesucristo ang pagsasakatawan ng Diyos. Sa kabaligtaran, itinuring ni Pablo ang kanyang sarili bilang Cristo. Hindi ba paghihimagsik iyon? (Oo.) Paghihimagsik iyon, at napakalubha ng diwa ng problemang ito. Sa isip ni Pablo, sino nga ba mismo si Cristo? Ano ang pagkakakilanlan ni Cristo? Bakit masyadong nahuhumaling si Pablo sa pagiging Cristo? Kung, sa isip ni Pablo, karaniwang tao lang si Cristo na may mga tiwaling disposisyon, o isang walang kabuluhang tao na walang espesyal na papel na ginampanan, walang kapangyarihan, walang marangal na pagkakakilanlan, at walang mga abilidad o kasanayan na higit pa sa mga ordinaryong tao, gugustuhin pa rin ba ni Pablo na maging Cristo? (Hindi, hindi niya gugustuhin.) Tiyak na hindi niya gugustuhin. Ang tingin niya sa kanyang sarili ay may-pinag-aralan siya, at hindi niya gustong maging isang ordinaryong tao, gusto niyang maging isang superman, dakilang tao, at higitan ang iba—paanong nanaisin niyang maging isang Cristo na itinuring ng iba na hamak at walang-kabuluhan? Dahil dito, anong katayuan at papel ang mayroon si Cristo sa puso ni Pablo? Anong pagkakakilanlan at katayuan ang dapat mayroon ang isang tao, at anong awtoridad, kapangyarihan, at tindig ang dapat niyang ipakita upang maging si Cristo? Inilalantad nito kung ano ang inakala ni Pablo patungkol kay Cristo, at kung ano ang alam niya tungkol kay Cristo, sa madaling salita, kung paano niya tinukoy si Cristo. Ito ang dahilan kung bakit may ambisyon at pagnanais si Pablo na maging Cristo. May partikular na dahilan kung bakit ginusto ni Pablo na maging Cristo, at bahagya itong nakabunyag sa kanyang mga sulat. Suriin natin ang ilang bagay. Noong ginagampanan ng Panginoong Jesus ang gawain, may mga ginawa Siya na ikinatawan ang Kanyang pagkakakilanlan bilang Cristo. Mga simbolo at konsepto ang mga bagay na ito na nakita ni Pablo na taglay-taglay ng pagkakakilanlan ni Cristo. Anong mga bagay ito? (Ang paggawa ng mga tanda at kababalaghan.) Tumpak. Ang mga bagay na iyon ay ang pagpapagaling ni Cristo sa mga karamdaman ng mga tao, pagpapalayas ng mga demonyo, at paggawa ng mga tanda, kababalaghan, at himala. Bagamat inamin ni Pablo na ang Panginoong Jesus ay Cristo, dahil lamang ito sa mga tanda at kababalaghang ginawa ng Panginoong Jesus. Kaya, nang ipinalaganap ni Pablo ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus, hindi niya kailanman pinag-usapan ang tungkol sa mga salitang sinabi ng Panginoong Jesus, o ang mga ipinangaral ng Panginoong Jesus. Sa mga mata ni Pablo, na isang hindi mananampalataya, ang katunayang nakapagsasalita si Cristo ng napakaraming bagay, nakapangangaral nang husto, nakagagawa ng napakaraming gawain, at na napapasunod ni Cristo ang maraming tao sa Kanya, ay nakapagbigay ng karangalan sa pagkakakilanlan at katayuan ng Panginoong Jesus; mayroon Siyang walang-hanggang kaluwalhatian at karangyaan, dahilan para maging sadyang dakila at katangi-tangi ang katayuan ng Panginoong Jesus sa mga tao. Ito ang nakita ni Pablo. Mula sa ipinamalas at ibinunyag ng Panginoong Jesucristo habang gumagampan ng gawain, pati na sa Kanyang pagkakakilanlan at diwa, ang nakita ni Pablo ay hindi ang diwa ng Diyos, katotohanan, daan, o buhay, hindi rin ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ng Diyos. Ano ang nakita ni Pablo? Kung gagamit tayo ng modernong parirala, ang nakita niya ay ang kaningningan ng kasikatan, at ginusto niyang maging isang tagahanga ng Panginoong Jesus. Nang magsalita o gumawa ang Panginoong Jesus, napakaraming tao ang nakinig—tiyak na napakamaluwalhati niyon! Isa itong bagay na pinakahihintay-hintay ni Pablo, inasam-asam niya ang pagdating ng sandaling ito. Kinasabikan niya ang araw kung kailan makapangangaral siya nang walang katapusan kagaya ng Panginoong Jesus, na may napakaraming tao, nakatingin sa Kanya nang may pagkamangha, may paghanga at pananabik sa kanilang mga mata, gustong sumunod sa Kanya. Namangha si Pablo sa kahanga-hangang tindig ng Panginoong Jesus. Ang totoo, hindi siya talagang napahanga nito; bagkus, kinaiinggitan niya ang pagkakaroon ng pagkakakilanlan at tindig na tinitingala ng mga tao, pinag-uukulan ng pansin, iniidolo at pinahahalagahan. Ito ang kinaiinggitan niya. Kung gayon, paano niya ito makakamit? Hindi siya naniwala na nakamit ng Panginoong Jesucristo ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng diwa at pagkakakilanlan ng Panginoong Jesucristo, kundi naniwala siya na dahil ito sa titulo ng Panginoong Jesucristo. Samakatuwid, inasam ni Pablo na maging isang mahalagang tao, at magkaroon ng papel, kung saan maaari niyang dalhin ang pangalan ni Cristo. Nagsikap nang husto si Pablo na makakuha ng ganoong papel, hindi ba? (Oo.) Anong mga pagsisikap ang ginawa niya? Nangaral siya sa iba’t ibang dako, at gumawa pa nga ng mga himala. Sa bandang huli, gumamit siya ng isang parirala para tukuyin ang kanyang sarili, na tumugon sa kanyang mga nakapaloob na pagnanais at ambisyon. Anong parirala ang ginamit niya para tukuyin ang kanyang sarili? (“Sapagkat sa akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang.”) Ang mabuhay ay si Cristo. Ito ang pangunahing bagay na gusto niyang isakatuparan; ang kanyang pangunahing pagnanais ay ang maging Cristo. Ano ang koneksiyon ng pagnanais na ito sa kanyang mga personal na paghahangad at sa landas na kanyang tinahak? (Iginalang niya ang kapangyarihan, at hinangad niyang tingalain siya ng mga tao.) Isa itong teorya; dapat kayong magsalita ng mga katunayan. Ipinamalas ni Pablo ang kanyang pagnanais na maging Cristo sa mga praktikal na paraan; ang depinisyon Ko sa kanya ay hindi lamang nakabatay sa iisang pariralang sinabi niya. Batay sa estilo, mga pamamaraan, at prinsipyo ng kanyang mga kilos, makikita natin na ang lahat ng ginawa niya ay umiikot sa kanyang layon na maging Cristo. Ito ang ugat at diwa ng kung bakit nagsalita at gumawa si Pablo ng napakaraming bagay. Ginusto ni Pablo na maging Cristo, at naimpluwensiyahan nito ang kanyang mga paghahangad, ang kanyang landas sa buhay, at ang kanyang pananampalataya. Sa anong mga paraan naipamalas ang impluwensiyang ito? (Nagpakitang-gilas si Pablo at nagpatotoo sa kanyang sarili sa lahat ng kanyang gawain at pangangaral.) Isang paraan ito; nagpakitang-gilas si Pablo sa lahat ng pagkakataon. Nilinaw niya sa mga tao kung paano siya nagdusa, kung paano niya ginawa ang mga bagay-bagay, at kung ano ang kanyang mga layunin, nang sa gayon ay kapag narinig ito ng mga tao, aakalain nila na kahalintulad na kahalintulad siya ni Cristo, at tunay na gusto niyang tawagin siyang Cristo. Iyon ang layon niya. Kung tunay ngang tinawag siyang Cristo ng mga tao, ikakaila kaya niya ito? Tatanggihan kaya niya ito? (Hindi, hindi niya ito tatanggihan.) Tiyak na hindi niya ito tatanggihan—siguradong matutuwa pa nga siya. Isang paraan ito kung paanong naipamalas ang impluwensiya nito sa kanyang mga hinahangad. Ano pa ang mga ibang paraan na naroon? (Nagsulat siya ng mga liham.) Oo, nagsulat siya ng ilang liham nang sa gayon ay maipasa ang mga ito sa pagdaan ng maraming panahon. Sa mga sulat niya, gawain, at sa buong proseso ng kanyang pagpapastol sa mga iglesia, ni minsan ay hindi niya binanggit ang pangalan ng Panginoong Jesucristo, o hindi siya gumawa ng mga bagay sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, o dinakila ang pangalan ng Panginoong Jesucristo. Anong negatibong epekto mayroon ang palagi niyang paggawa at pagsasalita sa ganitong paraan? Paano ito nakaimpluwensiya sa mga sumunod sa Panginoong Jesus? Dahil dito, itinatwa ng mga tao ang Panginoong Jesucristo, at si Pablo ang pumalit sa puwesto ng Panginoong Jesucristo. Inasam niyang itanong ng mga tao, “Sino ba ang Panginoong Jesucristo? Hindi ko pa narinig ang tungkol sa Kanya. Naniniwala kami kay Pablo na Cristo.” Magagalak siya kapag ganoon. Ito ang layon niya, at isa sa mga bagay na hinangad niya. Isang paraan kung paano naipamalas ang impluwensiyang iyon ay ang paraan ng paggawa niya; daldal siya nang daldal tungkol sa mga hungkag na ideya, at walang tigil na nagsalita tungkol sa mga hungkag na teorya para makita ng mga tao kung gaano siya kahusay at kapani-paniwala sa kanyang gawain, kung gaano niya tinulungan ang mga tao, at na may parikular na tindig, na para bang muling nagpakita ang Panginoong Jesucristo. Ang isa pang paraan kung paano naipamalas ang impluwensiyang iyon ay na hindi niya kailanman dinakila ang Panginoong Jesucristo, at lalong hindi niya dinakila ang Kanyang pangalan, hindi rin siya nagpatotoo tungkol sa mga salita at sa gawain ng Panginoong Jesucristo, o kung paano nakinabang ang mga tao sa mga ito. Nangaral ba si Pablo ng mga sermon tungkol sa kung paano dapat magsisi ang mga tao? Siguradong hindi niya ginawa iyon. Hindi kailanman nangaral si Pablo tungkol sa gawaing ginawa, mga salitang sinabi, o sa lahat ng katotohanang itinuro ng Panginoong Jesucristo sa mga tao—itinatwa ni Pablo ang mga bagay na ito sa kanyang puso. Bukod sa itinatwa ni Pablo ang mga salitang sinabi ng Panginoong Jesucristo at ang mga katotohanang itinuro ng Panginoong Jesucristo sa mga tao, itinuring din ni Pablo bilang katotohanan ang sarili niyang mga salita, gawain, at mga turo. Ginamit ni Pablo ang mga bagay na ito para palitan ang mga salita ng Panginoong Jesus, at inutos niya sa mga tao na isagawa at sundin ang kanyang mga salita na para bang katotohanan ang mga ito. Ano ang nag-udyok ng mga pagpapamalas at pagbubunyag na ito? (Ang kahilingan niya na maging Cristo.) Naudyukan ang mga ito ng kanyang layunin, pagnanais, at ambisyon na maging Cristo. Konektadong-konektado ito sa kanyang pagsasagawa at mga paghahangad. Ito ang ika-anim na kasalanan ni Pablo. Malubhang bagay ba ito? (Oo, malubha ito.) Ang totoo, lahat ng kasalanan niya ay malubha. Ang lahat ng ito ay humahantong sa kamatayan.
Ngayon, ibabahagi Ko naman ang tungkol sa ikapitong kasalanan ni Pablo. Mas malubha ang isang ito. Bago tinawag ng Panginoon si Pablo, isa siyang mananampalataya ng Hudaismo. Ang Hudaismo ay ang pananampalataya sa Diyos na si Jehova. Anong konsepto mayroon tungkol sa Diyos iyong mga nananampalataya sa Diyos na si Jehova? Tungkol ito sa mga bagay na naranasan ng kanilang mga ninuno nang akayin sila ng Diyos na si Jehova palabas mula sa Ehipto tungo sa magandang lupain ng Canaan: kung paano nagpakita ang Diyos na si Jehova kay Moises, kung paano Siya nagpadala ng sampung salot sa Ehipto, kung paano Siya gumamit ng mga haliging ulap at apoy para akayin ang mga Israelita, at kung paano Niya ibinigay sa kanila ang Kanyang mga kautusan, at iba pa. Inisip ba ng mga nanampalataya sa Hudaismo noong panahong iyon na pantasya, mga kuru-kuro, at alamat lamang ang lahat ng bagay na ito, o inisip ba nila na totoong nangyari ang mga ito? Noong panahong iyon, naniwala at kinilala ng mga hinirang ng Diyos at ng mga tunay na tagasunod na umiiral at tunay ang Diyos sa langit. Inisip nila na, “Totoo nga ang katunayan na nilikha ng Diyos ang sangkatauhan. Gaano man katagal na itong nangyari, nananatiling totoo ang bagay na ito. Hindi lamang na dapat natin itong paniwalaan, kundi dapat makasigurado tayo, at ibahagi ang katunayang ito. Responsabilidad at obligasyon natin ito.” Gayunpaman, pakiramdam ng isa pang grupo ng mga hindi mananampalataya na malamang na alamat lang ang mga bagay na ito. Walang nagtangkang beripikahin ang mga kuwento o saliksikin kung totoo nga ba ang mga ito o kathang-isip lamang, kaya bahagyang naniniwala sila sa mga ito. Kapag kailangan nila ang Diyos, umaasa sila na sana totoo Siya at na maipagkakaloob Niya kung ano ang hinahangad, ipinagdarasal, at inaasam-asam nila; kapag nanalangin sila sa Diyos nang umaasa na may makukuha sila, umaasa sila na sana umiiral ang Diyos na ito. Sa paggawa nito, tinatrato lamang nila ang Diyos na parang isang sikolohikal na tungkod. Hindi nila nakita ang katunayang inililigtas ng Diyos ang tao, ni tinatanggap ang mga katotohanang ipinahayag ng Diyos. Hindi ito tunay na pananampalataya sa Diyos; dati na silang mga hindi mananampalataya. Paano ipinamalas ng pinakamababang uri ng tao ang kanyang sarili? Pawang pagseserbisyo lang sa Diyos ang ginawa niya, ang maghandog sa Diyos, sumunod sa lahat ng ritwal, at maniwala pa nga sa iba’t ibang alamat. Gayunpaman, wala sa puso ng taong ito ang Diyos, at malabo at hungkag ang Diyos ng kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon. Ano ang pinaniwalaan ng isang taong kagaya nito? Materyalismo. Naniwala lang siya sa mga bagay na nakikita niya. Sa mga mata niya, ang mga sinasabi ng mga alamat, ang malalabong bagay, at anumang bagay sa espirituwal na mundo na hindi niya mahawakan ng kanyang mga kamay, hindi makita ng kanyang mga mata, o hindi marinig ng kanyang mga tainga ay hindi umiiral. Sinasabi ng ilang tao, “Kung gayon, naniniwala ba siya sa pag-iral ng mga bagay na hindi niya nakikita, gaya ng mga mikroorganismo?” Lubos siyang naniniwala sa mga bagay na iyon. Lubos siyang naniniwala sa agham, mga electron, microbiology, at chemistry. Naniniwala ang mga hindi mananampalataya na totoo ang mga bagay na iyon higit pa sa anumang bagay. Mga tunay silang materyalista. Pinag-uusapan natin ito upang masuri ang tatlong uring ito ng tao: mga tunay na mananampalataya, ang mga bahagyang nananampalataya, at ang mga materyalista na hinding-hindi naniniwala sa pag-iral ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao na, “Talaga bang may Diyos? Nasaan Siya? Ano ang hitsura Niya? Balita ko na ang Diyos ay nasa ikatlong langit. Gaano ba kataas ang ikatlong langit? Gaano ba ito kalayo, at gaano ba ito kalaki? Sinasabi rin ng mga tao na may langit, at na ang daan nito ay yari sa gintong laryo at mga baldosang kulay jade, at na ginto rin ang mga dingding. Paanong nagkaroon ng ganoon kagandang lugar? Kalokohan! Nalaman ko na sa Kapanahunan ng Kautusan, ibinigay ng Diyos ang Kanyang mga kautusan sa Kanyang mga hinirang, at na ang mga kautusan na nasa tipak ng bato ay umiiral pa rin. Pawang alamat lang siguro iyon, isang bagay na ginagamit ng mga naghahari-hariang grupo para kontrolin ang masa.” May tunay bang pananampalataya sa Diyos ang grupong ito ng mga tao? (Wala.) Hindi sila naniniwala na mayroon talagang Diyos, o na totoong nilikha Niya ang mga tao at inakay ang sangkatauhan hanggang sa kasalukuyang panahon. Kung gayon, bakit naglilingkod pa rin sila sa iglesia? (Dahil itinuturing nilang trabaho at tiket para makakain ang paglilingkod sa Diyos.) Tama. Itinuturing nila itong bilang isang trabaho at ticket para makakain. Kaya, sa anong uri ng tao kabilang si Pablo? (Sa ikatlong uri.) Konektado ito sa kanyang kalikasang diwa. Mahilig si Pablo na magdaldal nang magdaldal tungkol sa mga hungkag na teorya. Mahilig siya sa mga hungkag na bagay, malalabong bagay at mga bagay na pantasya. Mahilig siya sa mga bagay na malalim at mahirap unawain, at mga bagay na mahirap ilarawan sa mga kongkretong salita. Gustong-gusto niyang pakaisipin nang husto ang mga bagay-bagay, siya ay may kinikilingan at matigas ang ulo niya, at may baluktot siyang pang-unawa. Ang mga taong gaya nito ay hindi tao. Ganitong uri siya ng tao. Kung titingnan ang disposisyon at kalikasang diwa ni Pablo, pati na ang kanyang mga kagustuhan, inaasam-asam, paghahangad, at adhikain, bagamat nagserbisyo siya sa iglesia at naging estudyante ng isang sikat na guro, ang kaalamang natutunan niya ay isang kasangkapan lamang para sa kanya para matugunan ang sarili niyang mga pagnanais, ambisyon, at banidad, at para makakain nang libre, magkaroon ng katayuan, at posisyon sa lipunan. Kung titingnan ang kalikasang diwa at ang mga paghahangad ni Pablo, gaano kalaki ang pananalig niya kay Jehova? Ang pananalig niya ay hindi isang pangako, kundi mga hungkag na salita lamang. Siya ay isang hindi mananampalataya, isang ateista, at materyalista. Itinatanong ng ilang tao, “Kung si Pablo ay isang hindi mananampalataya, bakit siya naging apostol ng Panginoong Jesucristo at bakit niya ipinalaganap ang ebanghelyo ng Kapanahunan ng Biyaya?” Sabihin ninyo sa Akin, paano niya nagawang tahakin ang landas na ito? Ano ang nag-udyok sa kanya? Anong punto ng pagbabago ang nagtulak sa kanya na akuin ang papel na ito, at tahakin ng isang hindi mananampalataya na katulad niya ang ganitong landas, at gumawa ng malaking pagbabago? Ano ang tinutukoy Ko kapag binabanggit Ko ang tungkol sa “malaking pagbabago”? Ito ay noong nalugmok si Pablo sa daan patungong Damasco—doon nagsimula ang malaking pagbabago ng buhay niya. Nakaranas siya ng dalawang uri ng malaking pagbabago: Ang isa ay na mula sa hindi pananampalataya sa Diyos tungo sa paniniwala na talagang umiiral ang Diyos dahil ang Panginoong Jesus na pinag-uusig niya noong una ay nagpakita sa kanya sa daan patungong Damasco. Sinabi ni Pablo, “Sino Ka baga, Panginoon?” Ang totoo, sa kaloob-looban ni Pablo, hindi siya naniwala na umiiral ang Panginoon at Diyos na ito, pero hindi niya mapigilan ang kanyang sarili na magsalita, “Sino Ka baga, Panginoon?” Ano ang sinabi ng Panginoong Jesus? (“Ako ay si Jesus na iyong pinag-uusig” (Mga Gawa 9:5).) Sa sandaling sinabi iyon ng Panginoong Jesus, nakumbinsi si Pablo sa isang katunayan: Nagpakita ang isang Panginoon na hindi pa niya kailanman nakita, na hindi niya lubos maisip, at na higit pang makapangyarihan kaysa sa inaakala niya. Paano siya nakumbinsi na higit pang makapangyarihan ang Panginoon kaysa sa inaakala niya? Dahil nang hindi inaasahan ni Pablo, ang Jesus na talagang hindi niya pinaniwalaang Diyos ay nagpakita mismo sa harapan niya. Gaano kamakapangyarihan ang Panginoong Jesus? Nakumbinsi si Pablo sa laki ng kapangyarihan ng Panginoong Jesus nang mabulag ang kanyang mga mata sa liwanag ng Panginoong Jesus. Kaya, makukumbinsi ba si Pablo na ang Panginoong Jesus ay ang Diyos? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil sa una pa lang ay hindi naniwala si Pablo na mayroon ngang Diyos.) Tama, dahil hindi naman talaga siya naniwala na umiiral ang Diyos. Sa kasalukuyan, kayong lahat ay may pananalig at pundasyon sa inyong mga puso, kaya, kung magpapakita sa iyo ang Diyos, kahit na tinig Niya lang ito o ang Kanyang likod, at kung magsasalita Siya sa iyo o tatawag sa iyong pangalan, makukumbinsi ka sa isang katunayan: “Ito ang Diyos na sinasampalatayanan ko. Nakita ko na Siya at narinig ko na Siya. Nilapitan na ako ng Diyos.” Makukumbinsi ka dahil may pananalig ka sa puso mo, napanaginipan mo na ang sandaling ito, at hindi ka natatakot. Pero ito ba ang naisip ni Pablo? (Hindi.) Hindi siya kailanman nagkaroon ng pananalig sa kanyang puso. Ano ang una niyang naisip? (Takot.) Natakot siya dahil may kakayahan ang entidad na ito na pabagsakin at patayin siya! Nagdulot ito sa kanya ng takot at kilabot nang higit pa kaysa sa impiyerno, na hindi niya makita. Lubha talaga siyang natakot. Talagang walang pananalig sa Diyos ang kanyang puso—masasabi mo na wala siyang konsepto tungkol sa Diyos. Kaya, nang isagawa ng Panginoong Jesus ang Kanyang gawain, paggawa man ito ng mga tanda at kababalaghan o pangangaral ng mga sermon, gaano man karaming tao ang sumunod sa Kanya, gaano man Siya kahanga-hanga, o gaano man kalaki ang eksena, sa isipan ni Pablo, isa lamang ordinaryong tao ang Panginoong Jesus. Minaliit niya ang Panginoong Jesus at wala siyang pagpapahalaga sa Panginoong Jesus. Pero ngayon, ang ordinaryong Anak ng tao na minaliit niya ay nakatayo na mismo sa harapan niya, wala na sa katawan ng isang ordinaryong tao, at hindi lamang tinig, kundi isang haligi ng liwanag din! Para sa kanya, isa itong sandali na hindi niya kailanman malilimutan kahit sa isang milyon-milyong taon. Nakasisilaw ang liwanag! Paano inilugmok ng Diyos si Pablo? Nang lapitan ng Diyos si Pablo, biglang nabulag si Pablo at bumagsak siya sa lupa. Ano ang nangyayari? Bumagsak ba siya nang kusa at sa sarili niyang kagustuhan, o napaghandaan na ba niya ito? (Hindi, hindi lang talaga niya ito nakayanan.) Ang katawan ng tao ay laman lamang; hindi nito ito makakayanan. Kapag talagang nilapitan ka ng Diyos, hindi Siya sa ordinaryong pisikal na katawan na nakita mo sa Panginoong Jesus—napakakaaya-aya at madaling lapitan, labis na mapagpakumbaba at ordinaryo, gawa sa laman at dugo, isang tao na tila hindi katangi-tangi para sa iyo, at na hindi ka nagdadalawang-isip. Kapag talagang nilapitan ka ng Diyos, kahit pa hindi ka Niya ilugmok, hindi mo ito makakayanan! Sa kaibuturan ng puso ni Pablo, ang unang naramdaman niya ay, “Nilapitan ako ng Panginoong Jesus na inuusig at minamaliit ko noon. Napakalakas ng liwanag na ito!” Sinabihan ba siya ng Diyos na yumukod siya? Sinabi ba ng Diyos na, “Dapat kang yumukod”? (Hindi, hindi ito sinabi ng Diyos.) Kung gayon, bakit nakaharap ang mukha ni Pablo sa lupa? (Natatakot siya.) Hindi. Ang sangkatauhan ay nilikha ng Diyos, at napakaliit at napakahina nila na kapag tumama ang liwanag ng Diyos sa kanilang laman, hindi nila maiwasang bumagsak sa lupa. Napakalaki at napakalakas ng Diyos; Siya ay sobra-sobra na hindi nila kayang magtiis at manatiling kalmado. Hindi kinilala ni Pablo ang Panginoong Jesus bilang Diyos, o bilang Panginoon, kaya bakit siya kusang-loob na yuyukod? Bumagsak siya nang nakatungo ang mukha; ganap siyang walang magawa at hindi makakilos. Ang kanyang dating pagmamalaki, kayabangan, kahambugan, pagmamatuwid sa sarili at pagpapahalaga sa sarili ay biglang naglaho. Ni hindi nagpakita ang Diyos kay Pablo sa tunay Niyang persona; liwanag lamang Niya ang tumama kay Pablo, at nang makita ito ni Pablo, ito ang naging resulta; ganito katindi ang epekto nito sa kanya. Ito ang malaking pagbabago ni Pablo. Kung walang natatanging konteksto sa likod ng malaking pagbabagong ito, o kung hindi ito isang espesyal na kaso, kung gayon, para sa isang ordinaryong tao na may pagkatao at konsensiya, na naghahangad ng mga positibong bagay at naghahangad sa katotohanan, magiging isang magandang bagay ito dahil kapag nakita ng isang tao ang Diyos, naiimpluwensiyahan nito ang paghahangad sa buong buhay niya. Kung pagbabatayan natin kung ano ang nakatala sa Bibliya, sa paglipas ng maraming siglo, napakadalang para sa isang tao na marinig ang Diyos na magsalita. Narinig ni Job ang Diyos na nagsalita sa kanya sa isang ipo-ipo matapos siyang subukin. Ginugol ni Job ang buong buhay niya sa paghahangad na magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, at para maunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, pero hindi kailanman nakita ni Job ang Diyos hanggang sa siya ay pitumpung taong gulang na; naranasan lang niya ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, pero may pananalig si Job gaya ng ginawa niya. Nang marinig ni Job ang Diyos na magsalita sa kanya gamit ang sarili niyang tainga, hindi ba’t isa itong malaking pagbabago sa kanyang pananalig? (Oo.) Ang malaking pagbabagong ito ay isang pagtataas, isang punto kung saan mas lalong tumibay ang kanyang pananalig. Lalo pang kinumpirma nito sa kanya na ang lahat ng gawaing ginawa ng Diyos sa mga tao, ng Diyos na siyang sinampalatayanan at sinusunod niya, ay tama at mabuti, at na dapat magpasakop ang mga tao sa Diyos. Hindi ito isang maliit na pagbabago gaya ng nararanasan ng karaniwang tao, kung saan unti-unti siyang nagbabago mula sa isang nag-aalinlangang pananalig tungo sa isang tunay na pananalig na walang anumang pag-aalinlangan. Sa halip, isa itong pagtataas, kung saan ang pananalig niya ay umabot sa isang mas mataas na antas. Tungkol naman kay Pablo, anong malaking pagbabago ang dapat sanang naidulot ng pagpapakita ng Diyos sa pamamagitan ng paglugmok kay Pablo? Siguradong hindi pagtataas, dahil hindi naman siya kailanman nanampalataya sa Diyos bago pa iyon, kaya hindi ito matatawag na pagtataas. Kung gayon, anong epekto ang idinulot nito sa kanya? Konektado na naman ito sa kanyang mga paghahangad. Sabihin ninyo sa Akin. (Para mapag-ingatan ang kanyang buhay, ginusto ni Pablo na magtrabaho sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo para pagbayaran ang kanyang mga kasalanan.) Tumpak kayo riyan. Takot din siya sa kamatayan, at napakatuso niya. Nang malaman niya na ang Jesus na kanyang pinag-uusig ay ang tunay na Diyos, natakot siya nang husto, at inisip na, “Ano ang dapat kong gawin? Ang magagawa ko lang ay ang makinig sa mga ipinag-uutos ng Panginoon, kung hindi ay mamamatay ako!” Mula noon, tinanggap niya ang atas ng Diyos at nagsimula siyang magtrabaho sa pamamagitan ng pagpapalaganap sa ebanghelyo para pagbayaran ang kanyang mga kasalanan. Inisip niya, “Kung magiging matagumpay ako sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at malulugod ang Panginoong Jesus, baka makakuha pa ako ng putong at gantimpala!” Iyon ang mga kalkulasyon sa kaibuturan ng kanyang puso. Inisip niya na nakahanap na siya sa wakas ng mas magandang pagkakataon para magtamo ng mga pagpapala. Tinanggap ni Pablo ang atas ng Panginoon para mabayaran ang kanyang mga kasalanan at iligtas ang kanyang buhay; iyon ang intensiyon at layon sa likod ng kanyang pananampalataya at pagtanggap sa Panginoon. Buhat nang makilala niya ang Panginoong Jesus sa daan patungong Damasco at nailugmok, nagkaroon siya ng malaking pagbabago, na naging tanda ng isang bagong simula sa kanyang mga paghahangad at buhay ng pananampalataya sa Diyos. Positibo ba ang bagong simula na ito o negatibo? (Negatibo ito.) Hindi niya nakilala ang pagiging matuwid ng Diyos, at tinanggap niya ang atas ng Panginoong Jesus gamit ang isang pamamaraan ng pakikipagtransaksiyon na mas lalo pang tuso, hindi maipahayag, at palihim dahil lamang sa natakot siya sa pagiging maharlika ng Diyos at na mailugmok. Mas lalong kasuklam-suklam ito. Pero hindi iyon ang punto ng Aking pagbabahagi ngayon. Mula sa malaking pagbabago ni Pablo matapos maharap sa malaking liwanag ng Diyos, at sa iba’t ibang paraan ng pagpapamalas niya ng kanyang sarili, makikita natin nang malinaw kung anong landas ang tinahak ni Pablo, at kung anong uri siya ng tao batay sa ipinakita ng kanyang kalikasang diwa. Lubos na malinaw ang mga bagay na ito.
Mula nang siya ay nalugmok, naniwala na si Pablo na umiiral ang Panginoong Jesucristo, at na ang Panginoong Jesucristo ay ang Diyos. Ang Diyos na sinampalatayanan niya ay bigla-biglang nagbago mula sa Diyos sa langit tungo sa Panginoong Jesucristo—naging Diyos sa lupa ito. Mula sa sandaling iyon, hindi na niya matanggihan ang atas ng Panginoong Jesus, at nagsimula na siyang magtrabaho nang hindi sumusuko para sa Diyos na nagkatawang-tao—ang Panginoong Jesus. Siyempre, ang layon ng kanyang pagpapagal ay para mapatawad siya sa kanyang mga kasalanan, at gayundin para matugunan ang kanyang pagnanais na siya ay pagpalain, at matamo ang hantungang gusto niya. Nang sabihin ni Pablo na “sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos,” tumutukoy ba ang salitang “Diyos” kay Jehova o kay Jesus? Medyo naguluhan siya, at naisip na, “Sumasampalataya naman ako kay Jehova, kaya bakit ako inilugmok ni Jesus? Bakit hindi pinigilan ni Jehova si Jesus nang inilugmok Niya ako? Sino nga ba talaga sa Kanila ang Diyos?” Hindi niya malaman kung sino. Alinman dito, hindi niya kailanman maituturing ang Panginoong Jesus bilang kanyang Diyos. Kahit pa kilalanin niya ang Panginoong Jesus sa salita, mayroon pa ring pagdududa sa kanyang puso. Sa paglipas ng panahon, unti-unti siyang bumalik sa paniniwala na “tanging si Jehova ang Diyos,” kaya, sa lahat ng sulat ni Pablo pagkatapos niyon, nang isulat niya ang “sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos,” malamang na ang “Diyos” na pangunahing tinutukoy rito ay ang Diyos na si Jehova. Dahil hindi kailanman malinaw na isinaad ni Pablo na ang Panginoong Jesus ay si Jehova, palagi niyang itinuring ang Panginoong Jesus bilang Anak ng Diyos, tinawag Siya bilang Anak, at wala siyang sinabi kailanman na “ang Anak at ang Ama ay iisa,” pinatutunayan nito na hindi kailanman nakilala ni Pablo ang Panginoong Jesus bilang kaisa-isang tunay na Diyos; nag-aalinlangan siya at hindi niya ito sinampalatayanan nang buo. Kung titingnan natin ang pananaw niyang ito patungkol sa Diyos, at ang pamamaraan niya ng paghahangad, si Pablo ay hindi isang taong naghahangad sa katotohanan. Hindi niya kailanman naunawaan ang misteryo ng pagkakatawang-tao, at hindi niya kailanman kinilala ang Panginoong Jesus bilang kaisa-isang tunay na Diyos. Mula rito, hindi mahirap malaman na si Pablo ay isang taong sumasamba sa kapangyarihan, madaya at tuso. Ano ang ipinapakita sa atin ng katunayang sinasamba ni Pablo ang kabuktutan, kapangyarihan, at katayuan patungkol sa kung ano ang kanyang pananampalataya? May tunay ba siyang pananampalataya? (Wala.) Wala siyang tunay na pananampalataya, kaya umiiral ba talaga ang Diyos na tinutukoy niya sa puso niya? (Hindi.) Kung gayon, bakit naglibot-libot pa rin siya, gumugol ng kanyang sarili, at gumawa para sa Panginoong Jesucristo? (Nakontrol siya ng intensiyon niyang pagpalain.) (Natakot siyang maparusahan.) Bumalik na naman tayo sa puntong ito. Dahil natakot siyang maparusahan, at dahil mayroon siyang tinik sa kanyang laman na hindi niya maalis, kaya kinailangan niyang maglibot-libot at gumawa, upang hindi mas lalong sumakit ang tinik sa kanyang laman kaysa sa kanyang makakaya. Mula sa mga pagpapamalas niyang ito, mula sa kanyang mga salita, sa reaksiyon niya sa mga nangyari sa daan patungong Damasco, at ang epekto sa kanya ng pagkakapalugmok sa daan patungong Damasco pagkatapos ng nangyari, makikita natin na wala siyang pananampalataya sa kanyang puso; halos matitiyak ng isang tao na si Pablo ay isang hindi mananampalataya at isang ateista. Ang perspektiba niya ay, “Kung sino man ang may kapangyarihan, sa kanya ako mananampalataya. Kung sino man ang may kapangyarihan at kayang magpasuko sa akin, para sa kanya, gagawin ko ang mga utos at ang lahat ng aking makakaya. Kung sino man ang makapagbibigay sa akin ng hantungan, ng putong, at makatutugon sa aking pagnanais na pagpalain, siya ang susundin ko. Susunod ako sa kanya hanggang sa wakas.” Sino ang Diyos sa puso niya? Kahit sino ay maaaring maging Diyos niya, hangga’t mas makapangyarihan ito sa kanya at kaya siyang mapasuko nito. Hindi ba’t ito ang kalikasang diwa ni Pablo? (Oo.) Kung gayon, sino ba ang entidad na sinampalatayan niya kalaunan na may kakayahang ilugmok siya sa daan patungong Damasco? (Ang Panginoong Jesucristo.) “Ang Panginoong Jesucristo” ang pangalang ginamit niya, pero ang entidad na talagang sinampalatayanan niya ay ang Diyos sa puso niya. Nasaan ang Diyos niya? Kung tatanungin mo siya, “Nasaan ang Diyos mo? Nasa kalangitan ba Siya? Kasa-kasama ba Siya ng lahat ng nilikha? Siya ba ang may kataas-taasang kapangyarihan sa buong sangkatauhan?” Sasabihin ni Pablo, “Hindi, ang Diyos ko ay nasa daan patungong Damasco.” Iyon talaga ang Diyos niya. Ang dahilan ba kung bakit nagawa ni Pablo na magbago mula sa pang-uusig niya sa Panginoong Jesucristo tungo sa paggawa, paggugol ng kanyang sarili, at pagsasakripisyo pa nga ng kanyang buhay para sa Panginoong Jesucristo—ang dahilan kung bakit nagkaroon siya ng malaking pagbabago—ay dahil may pagbabago sa kanyang pananampalataya? Ito ba ay dahil nagising ang kanyang konsensiya? (Hindi.) Kung gayon, ano ang nagsanhi nito? Ano ang nagbago? Nagbago ang kanyang sikolohikal na tungkod. Dati, ang kanyang sikolohikal na tungkod ay nasa mga kalangitan; isa itong hungkag, at malabong bagay. Kung ipapalit mo rito si Jesucristo, iisipin ni Pablo na masyadong hamak si Jesucristo—isang karaniwang tao lamang si Jesus, hindi Siya maaaring maging isang sikolohikal na tungkod—at lalo namang mababa ang tingin ni Pablo sa mga tanyag na relihiyosong tao. Gusto lang ni Pablo na makahanap ng isang taong masasandalan, na may kakayahang mapasuko siya at pagpalain siya. Inisip niya na ang entidad na nakaharap niya sa daan patungong Damasco ay ang pinakamalakas, at na iyon ang dapat niyang sampalatayanan. Nagbago rin ang kanyang sikolohikal na tungkod nang magbago ang kanyang pananampalataya. Batay rito, tunay nga bang sumampalataya si Pablo sa Diyos o hindi? (Hindi.) Ibuod natin ngayon sa isang pangungusap kung ano ang nakaimpluwensiya sa mga paghahangad ni Pablo at sa daang tinatahak niya. (Ang kanyang sikolohikal na tungkod.) Kung gayon, paano natin dapat tukuyin ang ikapitong kasalanan ni Pablo? Sa lahat ng aspekto, ang pananampalataya ni Pablo ay isang sikolohikal na tungkod; hungkag at malabo ito. Isa talaga siyang hindi mananampalataya at isang ateista. Bakit hindi iniwanan ng isang ateista at ng isang hindi mananampalatayang kagaya niya ang mundo ng relihiyon? Sa isang banda, sa kanyang malabong imahinasyon, naroon ang isyu tungkol sa hantungan. At sa isa pang banda, naroon ang isyu tungkol sa pagkakaroon niya ng pagkakakitaan. Kasikatan, pakinabang, katayuan, at pagkakakitaan ang mga bagay na hinahangad niya sa buhay na ito, at ang ideya ng pagkakaroon ng hantungan sa paparating na mundo ay isang kaginhawahan para sa kanya. Ang mga bagay na ito ang bumubuo sa bawat ugat at tungkod sa likod ng mga hinahangad at ipinapakita ng mga taong kagaya nito, at sa kung anong landas ang tinatahak nila. Mula sa perspektibang ito, ano si Pablo? (Isang hindi mananampalataya. Sumampalataya lang siya sa isang malabong Diyos.) (Isang ateista.) Tumpak na sabihing isa siyang ateista, at na isa siyang hindi mananampalataya at na isa siyang oportunistang nagtatago sa Kristiyanismo. Kung tatawagin mo lang siyang isang Pariseo, hindi ba’t isang pagmamaliit iyon? Kung titingnan mo ang mga sulat na ginawa ni Pablo, at makikita mo sa panlabas na sinasabi ng mga ito na “sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos,” baka ipagpalagay mo na itinuturing ni Pablo ang Diyos sa langit bilang ang pinakamataas, at na dahil lamang ito sa mga kuru-kuro ng mga tao, o dahil sila ay mangmang at hindi nila nauunawaan ang Diyos, at na hinati nila ang Diyos sa tatlong antas: ang Ama, ang Anak, at ang Banal na Espiritu, at na kahangalan lang iyon ng tao, at hindi ito isang napakaseryosong problema, dahil ganoon din mag-isip ang buong mundo ng relihiyon. Pero ngayon, matapos suriin ito, ganito nga ba ang kaso? (Hindi, hindi ganito.) Ni hindi kinilala ni Pablo ang pag-iral ng Diyos. Isa siyang ateista at hindi mananampalataya, at dapat siyang ibilang sa mga ateista at walang pananampalataya.
Natapos Ko nang buurin ang pitong kasalanan ni Pablo. Bigyan ninyo Ako ng maikling buod ng kung ano ang mga ito. (Ang unang kasalanan ay na tinrato ni Pablo bilang mga angkop na layunin ang paghahangad ng putong ng katuwiran at ang paghahangad ng mga pagpapala; pangalawa, tinrato ni Pablo bilang katotohanan ang kanyang mga imahinasyon at ang mga bagay na inakala niyang tama batay sa sarili niyang mga kuru-kuro, at ipinangaral niya ang mga ito sa iba’t ibang dako, at nilihis ang mga tao; pangatlo, tinrato ni Pablo bilang buhay ang kanyang mga kaloob at kaalaman; ang ikaapat, itinatwa ni Pablo ang pagkakakilanlan at diwa ng Panginoong Jesucristo, at itinatwa niya ang gawain ng pagtubos ng Panginoong Jesus; ang ikalima, ipinangaral ni Pablo na “Natataan sa akin ang putong ng katuwiran,” at lantaran niyang inudyukan at nilihis ang mga tao, tinutulak sila na subukang diktahan ang Diyos, mag-alsa laban sa Kanya, at kontrahin Siya; ang ikaanim, naniwala si Pablo na para sa kanya ang mabuhay ay si Cristo. Itinatwa niya ang mga katotohanang ipinahayag ng Panginoong Jesus, pinalitan niya ang mga salita ng Panginoong Jesus ng kanyang sariling mga salita, at hinimok niya ang mga tao na isagawa at sundin ang mga ito. Ang ikapitong kasalanan ni Pablo ay na tinrato niya bilang isang sikolohikal na tungkod ang pananampalataya sa Diyos, at na isa talaga siyang ateista at hindi mananampalataya.) Napakadetalyado ng pagsusuri natin sa mga isyung ito ni Pablo, nagbibigay-daan ito na matauhan ang lahat ng taong sumasamba kay Pablo. Makabuluhan ito. Sa mga disposisyon at diwang ito na ipinakita at ipinamalas ni Pablo, at ang kanyang mga pansariling pamamaraan sa paghahangad, alin sa mga ito ang kitang-kitang may kaugnayan sa inyo? (Ang lahat ng ito.) Ang unang kasalanan ay ang pagtrato sa paghahangad ng putong ng katuwiran at sa paghahangad ng mga pagpapala bilang mga angkop na layunin. Bakit Ko sinasabing mali ito, at na dapat pagnilayan at baguhin ito ng mga tao? Nang hangarin ni Pablo ang putong ng katuwiran, hangarin ang mga pagpapala, at hangarin na makapasok siya sa kaharian ng langit, itinuring niyang nararapat ang paghahangad sa mga pakinabang na ito. Kaya, ano ang mga ipinapakita at ipinapamalas ninyo sa totoong buhay na tugma sa kalagayang ito? (Minsan, hangad kong gumawa ng mahalagang gawain at makapagbigay ng mga kontribusyon sa sambahayan ng Diyos. Sa tingin ko, sa pamamagitan ng paghahangad sa mga bagay na ito, gagawin akong perpekto ng Diyos sa bandang huli. Tinatrato ko bilang listahan ng aking mga natamo ang gawaing ginagawa ko at ang mga tungkuling ginagampanan ko.) Ito ay isang parte nito. Ang pagtrato sa mga tungkuling ginagampanan ninyo bilang isang listahan ng mga natamo ay katulad lang ng paghahangad ng isang putong ng katuwiran; parehong bagay lang ito; parehong kalagayan lang ito. Iyon ang pinagsikapan at pinaghirapan mo. Iyon ang nagdidikta sa pinagmulan ng iyong pagdurusa, at sa motibasyon ng iyong pagdurusa. Kung wala ang mga bagay na ito para diktahan ka, hindi ka magkakaroon ng anumang lakas, mapapagod ka nang husto. May iba pa ba kayong sasabihin? (Ang pagtrato sa mga nakaraang pangyayari nang isuko ko ang mga bagay-bagay, nang gugulin ko ang aking sarili, magdusa, maaresto at mabilanggo, at ang mga bagay na katulad niyon, bilang personal na kapital, at bilang batayan at dahilan para pagpalain.) Isang paglalarawan lang ito. Ano ang kalagayan sa likod dito? Anong uri ng sitwasyon ang nagiging dahilan para mahulog ka sa ganitong kalagayan? Hindi ka mag-iisip nang ganito kung walang dahilan. Imposible na palagi mo itong maiisip kapag ikaw ay kumakain, natutulog, o gumagawa ng mga bagay-bagay sa araw-araw. Kailangan mong malaman kung ano ang mga pinanggalingan at mga sitwasyon ang naglagay sa iyo sa ganitong kalagayan. Sabihin mo sa Akin. (Kapag medyo epektibo ako sa aking mga tungkulin, naiisip ko na nakapaglibot-libot ako para sa Diyos, naigugol ang aking sarili para sa Kanya, nagpakapagod at nakagawa nang marami para sa Kanya. Tulad ni Pablo, sa tingin ko ay nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka para sa Diyos, at may nagawa akong kontribusyon. Sa panahong ito lumilitaw ang aking mga ambisyon at pagnanais.) Ang totoo, hindi ka dati pang walang mga ambisyon at pagnanais; nakatago ang mga ito sa loob ng puso mo mula pa noong una, at ngayon ay lumilitaw na ang mga ito at kusang nagpapakita. Kapag nangyayari ito, hindi ka na mapagpakumbaba, hindi na paligoy-ligoy ang iyong mga salita, at nagiging mayabang ka na. Ang mga maling pananaw ni Pablo ang pinakaugat ng lahat ng ginawa niya. Dahil mali ang mga pananaw sa likod ng kanyang pananampalataya sa Diyos, tiniyak rin nitong mali ang ugat ng kanyang mga kilos. Pero hindi niya ito napagtanto, at inisip pa nga niyang nararapat lang ito, kaya naghangad siya sa maling direksiyon. Ito ang naging dahilan kung bakit kabaligtaran ng kanyang nilalayon ang naging resulta ng kanyang mga paghahangad; hindi ito nagdulot ng magandang resulta, at hindi niya nakamit ang katotohanan. Ganito rin ang mga tao ngayon. Kung ang mga pananaw at direksiyong gumagabay sa iyong paghahangad ay palaging mali, pero patuloy mong tinatrato ang mga ito bilang mga tamang pamamaraan sa paghahangad, ano kung gayon ang makakamit mo sa huli? Malamang na ikadidismaya mo ito o palolobohin nito ang iyong kalikasan. Halimbawa, kung pinagpapala ka ng Diyos sa isang espesyal na paraan, o tanging ikaw lang ang pinagkakalooban Niya ng isang bagay, iisipin mo na, “Tingnan mo, napakabuti sa akin ng Diyos. Pinatutunayan nito na sinasang-ayunan ng Diyos ang lahat ng ginawa ko. Tinanggap ito ng Diyos. Hindi nauwi sa wala ang mga sakripisyo at paghihirap ko. Hindi tinatrato ng Diyos ang mga tao nang hindi patas.” Ganito ang pagkaunawa mo sa hindi pagtrato ng Diyos sa mga tao nang di-patas, sa Kanyang mga pagpapala, at pagtanggap, pero ang pagkaunawang ito ay mali at baluktot. Ngayon, ang susi ay kung paano mo babaguhin ang mga mali at baluktot na intensiyon, pananaw, at paghahangad na ito para maging mga tama at dalisay na pananaw at kaisipan. Tanging ang paggawa sa mga bagay-bagay nang ayon sa mga tamang kaisipan at pananaw ang bumubuo sa pagsasagawa ng katotohanan, at ito lang ang tanging paraan para makamit mo ang katotohanan. Ito ang susi.
Sa madalas na pakikinig sa mga sermon, nagagawa na ng mga tao ngayon na magnilay-nilay sa kanilang sarili, at ikumpara ang kanilang sarili sa mga salita ng Diyos. Nagsisimula na silang makakilala sa mga problemang mayroon sila sa paggampan sa kanilang mga tungkulin, at natutukoy na nila ang mga hindi normal na kalagayan, mga labis-labis na pagnanais, at pagpapakita ng katiwalian sa loob nila. Hindi naman sila ganap na walang persepsiyon. Ang problema lang ay kapag nasumpungan nilang nasa mali silang kalagayan, o kapag nagpapakita sila ng katiwalian, wala silang kakayahang pigilan ito, at hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ito. Minsan, namumuhay sila ayon sa mga satanikong pilosopiya, hindi sinasalungat ang sinuman, at iniisip nila na napakabuti nila. Pero wala naman talang nagbago sa kanila; nag-aksaya lang sila ng panahon, at bunga nito, wala silang anumang patotoong batay sa karanasan kahit pagkatapos ng isang dekadang pananampalataya sa Diyos, at nahihiya sila. Ang pangunahing problema na kailangang lutasin ngayon ay ang kung paano mo babaguhin ang maling direksyon ng iyong mga paghahangad. Malinaw sa iyo na ang landas ng paghahangad sa katotohanan ay tama, pero iginigiit mong hangarin ang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Paano maitatama ang problemang ito nang sa gayon ay makatahak ka sa landas ng paghahangad sa katotohanan? Isa itong tunay na problema na dapat lutasin ng mga mananampalataya. Dapat kayong magbahaginan nang madalas tungkol sa kung paano ninyo nararanasan ang gawain ng Diyos, at tingnan kung sino ang may patotoong batay sa karanasan ng paghahangad sa katotohanan, at kung kaninong patotoong batay sa karanasan ang mabuti, at pagkatapos ay tanggapin ito at sundin, para mapakinabangan mo ito at makawala ka sa mga pagpipigil ng iyong tiwaling disposisyon. Hindi isang madaling bagay na tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan—dapat mong maunawaan ang iyong sarili, at hindi lamang maunawaan ang iyong mga pagsalangsang; ang pinakamahalagang bagay ay ang maunawaan mo ang iyong tiwaling disposisyon, kung ano ang mali tungkol sa iyong mga kagustuhan at paghahangad, at kung ano ang mga maaaring kahihinatnan nito. Ito ang pinakamahalagang bagay. Ang karamihan sa mga tao ay naghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Araw-araw, iniisip nila kung paano sila maging isang lider, kung paano himukin ang ibang tao na tingalain sila, kung paano sila makapagpakitang-gilas, at kung paano mamuhay ng isang marangal na buhay. Kung walang kakayahan ang mga tao na magnilay-nilay tungkol sa mga bagay na ito, hindi makakita nang malinaw sa diwa ng mabuhay sa ganitong paraan, at patuloy na nangangapa nang kung ilang taon hanggang sa hindi na sila makausad, nadarapa at natatauhan sa wakas, hindi ba’t maaantala nito ang mahalagang bagay ng paglago ng buhay nila? Sa pamamagitan lamang ng malinaw na pagtingin sa sarili nilang tiwaling disposisyon at sa landas na pinili nila makakatahak ang mga tao sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kung ito ang epektong gusto nilang makamit, hindi ba’t mahalagang maunawaan nila ang kanilang sarili? Hindi nauunawaan ng ilang tao ang kanilang sarili kahit katiting, pero mayroon silang napakalinaw na kabatiran sa kaliit-liitang detalye ng mga isyu ng iba, at talagang matalas ang pagkilatis. Kaya, kapag kinikilatis nila ang iba, bakit hindi nila ito gamitin bilang salamin para suriin ang kanilang sarili? Kung palagi mong sinasabi na ang ibang tao ay mapagmataas, matuwid ang tingin sa sarili, mapanlinlang, at hindi nagpapasakop sa katotohanan, pero hindi mo makita na ganoon ka rin, kung gayon ay nanganganib ka. Kung hindi mo kailanman napapansin ang sarili mong mga problema, at gaano man karaming sermon tungkol sa katotohanan ang naririnig mo, habang nauunawaan mo ang naririnig mo, hindi mo ikinukumpara ang sarili mo rito, at hindi ka handang suriin ang iyong kalagayan, at wala kang kakayahang pangasiwaan at lutasin nang seryoso ang iyong sariling mga problema, kung gayon ay hindi ka magkakaroon ng buhay pagpasok. Kung laging walang kakayahan ang mga tao na pumasok sa mga katotohanang realidad, hindi ba’t magkakaroon sila ng hungkag na pakiramdam sa kanilang puso? Hindi nila mararamdaman kung anong gawain ang nagawa ng Diyos sa kanila, na para bang wala silang persepsiyon. Lagi silang malalagay sa isang malabong kalagayan, at hindi maitutuon sa isang tamang layunin o direksiyon ang kanilang mga paghahangad. Maghahangad lamang sila ayon sa sarili nilang mga kagustuhan, at tatahakin lang ang sarili nilang landas. Katulad lang ito ni Pablo, pinahahalagahan lamang ang paghahangad ng mga gantimpala at ng putong, at hindi tinatanggap o isinasagawa ang katotohanan. Kung ang isipan mo ay laging nasa malabong kalagayan, at wala kang isang tamang landas ng paghahangad, kung gayon ay wala kang nakamit na anumang epekto pagkatapos makinig sa mga sermon sa loob ng ilang taon, at hindi kailanman nag-ugat sa iyong puso ang tunay na daan. Bagamat maaaring marunong kang magsalita ng maraming doktrina, wala itong anumang kakayahang lutasin ang iyong negatibong kalagayan o tiwaling disposisyon. Kapag naharap ka sa anumang klase ng paghihirap, hindi ka matutulungan ng doktrinang nauunawaan mo para mapagtagumpayan ito, o malampasan ito nang maayos; hindi ka tutulungan nito na mabago o maitama ang iyong kalagayan, hindi ka hahayaang mamuhay nang may konsensiya, hindi ka bibigyan ng kalayaan at pagpapalaya, o hindi ka pipigilan na mahadlangan ng anumang bagay. Hindi ka pa nalagay sa ganitong kalagayan noon, kaya pinatutunayan nito na hindi ka pa talaga nakapasok sa mga katotohanang realidad. Kung gusto mong makapasok sa mga katotohanang realidad, maunawaan ang mga salita ng Diyos, makamit ang tunay na pananalig sa Diyos, makilala ang Diyos, at makatiyak na umiiral nga ang Diyos, kung gayon, dapat mong ikumpara ang kalagayan mo sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay dapat kang maghanap ng landas sa pagsasagawa at ng pagpasok sa mga salita ng Diyos. Binabasa ng ilang tao ang mga salita ng Diyos at gusto nilang ikumpara ang kanilang sarili rito, pero kahit gaano pa nila subukan, hindi nila magawa. Halimbawa, kapag inilalantad ng Diyos na masyadong mapagmataas ang disposisyon ng tao, iniisip nila na, “Masyado akong mapagpakumbaba at hindi ako kapansin-pansin. Hindi ako mayabang.” Ano itong kayabangan na sinasabi ng Diyos? Isa itong uri ng disposisyon, hindi ang pagpapamalas ng isang hambog na personalidad, o pagsasalita sa isang malakas na tinig o sa isang partikular na mayabang na paraan. Sa halip, tumutukoy ito sa isang bagay sa iyong disposisyon—ito ay isang disposisyon kung saan hindi ka nagpapasailalim sa anumang bagay, at hinahamak mo, minamaliit, at isinasawalang-bahala ang lahat ng bagay. Ikaw ay mayabang, palalo, matuwid ang tingin mo sa iyong sarili, lagi mong iniisip na may kakayahan ka, at hindi ka nakikinig kaninuman. Kahit nakaririnig ka ng mga salita ng katotohanan, wala kang pakialam sa mga ito at hindi mahalaga ang tingin mo sa katotohanan. Hindi mo iniisip na problema kapag nagpapakita ka ng tiwaling disposisyon, at iniisip mo pa nga na walang makakapantay sa iyo, palaging iniisip na mas mahusay ka kaysa sa iba, at iginigiit mo na makinig sa iyo ang iba. Isa itong taong mapagmataas, nag-aakalang matuwid siya kaysa sa iba. Ang mga taong kagaya nito ay walang buhay pagpasok, at wala silang mga katotohanang realidad.
Paano dapat suriin kung ang isang tao ay may mga katotohanang realidad? Siyempre, dapat gawin ang isang tumpak na pagsusuri ayon sa mga salita ng Diyos. Una, tingnan mo kung talagang nauunawaan mo ang iyong sarili, at kung tunay mong nauunawaan ang iyong tiwaling disposisyon. Halimbawa, mapagmataas ba ang iyong disposisyon? Nagpapakita ka ba ng mapagmataas na disposisyon kapag may mga bagay kang ginagawa? Kung hindi mo alam, kung gayon ay isa kang taong hindi nauunawaan ang sarili. Kung hindi malinaw na nakikita ng isang tao ang kanyang kalagayan, kung wala siyang katiting na pagkaunawa sa katiwaliang ipinapakita niya, kung hindi niya ibinabatay sa katotohanan ang kanyang mga salita at kilos, kung hindi siya mapagkilatis sa mga sitwasyong nakakaharap niya, at bulag na lang niyang ginagamit ang mga regulasyon kapag tinitingnan ang bawat bagay, pero hindi alam kung tama ba ito o mali, kung gayon, isa siyang taong walang pagkaunawa sa katotohanan. Kung nauunawaan mo ang katotohanan, magagawa mong unawain ang iyong sarili, malalaman mo na mayroon kang mapagmataas na disposisyon, makikilatis mo ang tunay mong kalagayan, tunay kang magsisisi at magbabago, at malalaman mo kung paano isagawa ang katotohanan. Ngunit kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, kung wala kang pagkaunawa sa praktikal na bahagi ng katotohanan sa mga salita ng Diyos, kung hindi mo pagninilayan ang mga tiwaling diwa ng mga tao na inilalantad ng Diyos, o ikukumpara ang iyong sarili sa mga ito, kung gayon ay habambuhay kang magiging isang taong magulo ang isip. Ang katotohanan lamang ang makapagpapatalas ng iyong isip, at makapagtuturo sa iyo na makita ang kaibahan ng tama at mali, at ng itim at puti; tanging ang katotohanan ang makapagpapatalino sa iyo at makapagtuturo sa iyo na maging makatwiran, makapagbibigay sa iyo ng karunungan, at makapagbibigay sa iyo ng abilidad na makita nang malinaw ang kaibahan ng mga positibong bagay at ng mga negatibong bagay. Kung hindi mo makita nang malinaw ang kaibahan ng mga bagay na ito, habambuhay kang magiging isang taong magulo ang isip; palagi ka na lang malalagay sa isang naguguluhan, walang kaalam-alam, at halo-halong kalagayan. Walang paraan ang mga taong tulad nito na maunawaan ang katotohanan, at kahit ilang taon na silang nananampalataya sa Diyos, hindi pa rin sila nakakapasok sa mga katotohanang realidad. Kung hindi pasok sa pamantayan ang kanilang pagtatrabaho, wala nang natitira pa sa kanila kundi ang itiwalag. Halimbawa, may ginawa ang isang kilalang-kilalang tao, at mabuting bagay ang tingin dito ng karamihan sa mga tao, pero kung titingnan ito ng isang taong nakauunawa sa katotohanan, makikilatis niya, at matutukoy na may mga nakatagong masamang intensiyon sa mga kilos ng taong iyon—na hindi ito totoong mabuti, na mga panlalansi at panlilinlang iyon, at na isang masamang tao lamang o haring diyablo ang makakagawa ng ganoong bagay. Ano ang batayan sa pagsasabi nito? Natukoy ang diwa ng “mabuting bagay” na ito ayon sa katotohanan. Kahit ano pa ang sabihin ng ibang tao, sa paggamit lamang ng katotohanan para suriin ito mo makikita nang malinaw ang diwa nito: Kung mabuti ito, edi mabuti; kung masama ito, edi masama. Magiging ganap na tumpak ang pagsusuri dito ayon sa mga salita ng Diyos. Pero, kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, uusbong ang mga kuru-kuro sa loob mo, at sasabihin mong, “Bakit sila inilalantad at kinokondena sa paggawa ng mabuting bagay? Hindi sila tinatrato nang patas!” Ganito mo ito susuriin. Hindi ang katotohanan ang batayan mo sa pagsusuri sa bagay na ito, kundi ang mga bagay na naisip mo lang. Kung palagi mong tinitingnan ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, hinding-hindi mo makikita nang malinaw ang diwa ng mga problema; malilihis ka lang ng panlabas nitong kaanyuan. Kapag wala kang katotohanan, kahit ano pa ang tinitingnan mo, palaging magiging magulo, makulimlim, malabo, at hindi malinaw ang pananaw mo, pero iisipin mo pa rin na mayroon kang kabatiran at malalim na pag-iisip. Ito ay kawalan ng pagkakilala sa sarili. Halimbawa, kung sinasabi ng Diyos na masama ang isang tao at dapat itong parusahan, pero sinasabi mo na mabuti ang taong iyon at nakagawa ito ng mabubuting bagay, hindi ba’t ang mga salita mo ay mismong salungat at kabaligtaran sa mga salita ng Diyos? Ganito ang nangyayari kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at wala silang kakayahang kumilatis. Maraming taon nang nananampalataya ang ilang tao sa Diyos, pero hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Hindi sila metikuloso sa anumang bagay, at maraming bagay ang hindi nila nakikita nang malinaw. Madali silang malihis ng mga huwad na lider at mga anticristo; anuman ang sitwasyong lumilitaw, hangga’t may masamang tao na nagsasanhi ng kaguluhan, nalilito sila at nagsasalita tulad ng masamang tao nang hindi nila namamalayan. Saka lamang natatauhan ang masamang tao kapag siya ay inilalantad at ibinubunyag. Ang mga tao ng kagaya nito ay madalas na namumuhay sa isang walang kamalay-malay na estado ng pag-iisip, at ang diwa nila ay katulad ng sa isang tao ng magulo ang isip. Ang mga tao ng kagaya nito ay walang katiting na kakayahan, bukod sa hindi nila nauunawaan ang katotohanan, maaari din silang malihis anumang oras, at kaya wala silang paraan na makapasok sa mga katotohanang realidad. Bawat iglesia ay may ilang tao na katulad nito—kapag gumagawa ang isang huwad na lider, sumusunod sila rito; kapag nililihis ng isang anticristo ang mga tao, sumusunod sila rito. Sa madaling salita, susunod sila sa lider kahit sino pa ang taong iyon; para silang isang babaeng sumusunod sa kanyang mister sa kahit anong gawin nito. Kung mabuting tao ang lider, kung gayon ay sumusunod sila sa isang mabuting tao; kung masamang tao ang lider, kung gayon ay sumusunod sila sa isang masamang tao. Wala silang sariling mga opinyon o paninindigan. Kaya, huwag ka nang umasa na mauunawaan ng ganitong uri ng tao ang katotohanan o na makakapasok ito sa realidad. Maganda na kung makakapagtrabaho sila nang kaunti. Gumagawa ang Banal na Espiritu sa mga taong nagmamahal sa katotohanan. Ang mga taong nagmamahal sa katotohanan ay mga taong may kakayahang lahat na makaunawa kahit papaano sa mga salita ng Diyos, at nakakaunawa sa mga sermon at pagbabahagi ng sambahayan ng Diyos. Gaano man karaming heresiya at kabulaanan ang ipinapakalat at ipinapalaganap sa mundo ng relihiyon, at kahit gaano pa sinisiraang-puri, kinokondena, at inuusig ng buktot na puwersa ng mga anticristo ang iglesia, kumbinsido pa rin ang mga taong nagmamahal sa katotohanan na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, at naniniwala sila na ang mga sermon, pagbabahagi, at patotoong batay sa karanasan ng sambahayan ng Diyos ay nakaayon sa katotohanan at mga tunay na patotoo. Iyon ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng kakayahang makaarok. Kung napagtatanto mo na ang lahat ng salitang sinasalita ng Diyos ay ang katotohanan at ang mga buhay realidad na dapat taglayin ng mga tao, pinatutunayan ng pagkatantong ito na may nauunawaan ka na tungkol sa katotohanan. Kung naaarok mo na ang lahat ng katotohanang ipinapahayag ng Diyos ay mga positibong bagay at mga katotohanang realidad, at siguradong-sigurado ka na totoo ito at isandaang porsiyento mong tinatanggap na ganito nga ang kaso, kung gayon ay may pagkaunawa ka tungkol sa gawain ng Diyos. Hindi madaling bagay na maunawaan ang katotohanan; isang bagay ito na tanging ang mga taong nabigyan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu ang makakakamit. Kinikilala na sa kaibuturan ng puso ng mga taong tunay na nakakaunawa sa katotohanan na ang lahat ng ginawa ng Diyos ay positibo, na katotohanan itong lahat, at na napakahalaga ng lahat ng ito sa sangkatauhan. Nakikita nang malinaw ng mga taong tunay na nakakaunawa sa katotohanan na ang lahat ng bagay sa mundo ng mga walang pananampalataya ay negatibo, at sumasalungat sa katotohanan. Kahit gaano pa kagandang pakinggan ang kanilang mga teorya, nililihis at pinipinsala ng mga ito ang mga tao. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay positibo, katotohanan, at kaligtasan para sa mga tao. Ang lahat naman ng ginagawa ni Satanas at ng mga diyablo ay negatibo, mali, at kalokohan, at nililihis at pinipinsala nito ang mga tao; kabaligtaran ito mismo ng kung ano ang ginagawa ng Diyos. Kung ganap itong malinaw sa iyo, mayroon ka nang pagkakilatis. Kung nagagawa mo ring hangarin ang katotohanan, tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, maunawaan ang iyong sarili sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos at ikumpara ang iyong sarili sa mga ito, makita ang katiwalian mo kung ano talaga ito, lutasin ang mga tiwaling disposisyong ipinapakita mo sa bawat sitwasyong nililikha ng Diyos para sa iyo, at sa huli ay nagagawa mong hindi lamang maunawaan ang iyong sarili, kundi makilatis din ang iba, at makilatis kung sino ang tunay na nananampalataya sa Diyos, kung sino ang hindi mananampalataya, kung sino ang huwad na lider, kung sino ang anticristo, at kung sino ang nanlilihis sa mga tao—kung nagagawa mong tumpak na suriin at kilatisin ang mga bagay na ito—ibig sabihin nito ay nauunawaan mo ang katotohanan at may kaunti kang realidad. Ipagpalagay, halimbawa, na ang mga kamag-anak o magulang mo ay mga mananampalataya sa Diyos, at dahil sa paggawa ng masama, paglikha ng mga kaguluhan, o hindi pagkakaroon ng anumang pagtanggap sa katotohanan, napaalis sila. Gayunpaman, hindi ka mapagkilatis sa kanila, hindi mo alam kung bakit sila napaalis, at masamang-masama ang loob mo, at panay ang reklamo mo na ang sambahayan ng Diyos ay walang pagmamahal at hindi patas sa mga tao. Dapat kang manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan, pagkatapos ay kilatisin kung anong uri ba talaga ng mga tao ang mga kamag-anak mong ito batay sa mga salita ng Diyos. Kung tunay mong nauunawaan ang katotohanan, matutukoy mo sila nang tumpak, at makikita mong tama ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at na Siya ay isang matuwid na Diyos. Kung magkagayon ay wala ka nang magiging reklamo, at magagawa mo nang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, at hindi mo na susubukang ipagtanggol ang mga kamag-anak o magulang mo. Ang punto rito ay hindi ang putulin ang inyong pagiging magkamag-anak; ito ay para lamang matukoy kung anong klaseng mga tao sila, at para magawa mo silang makilatis, at malaman mo kung bakit sila itiniwalag. Kung talagang malinaw ang mga bagay na ito sa iyo sa puso mo, at tama ang mga pananaw mo, at naaayon sa katotohanan, kung gayon ay magagawa mong pumanig sa Diyos, at ang mga pananaw mo sa usapin ay magiging ganap na tugma sa mga salita ng Diyos. Kung hindi mo magawang tanggapin ang katotohanan o tingnan ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, at pumapanig ka pa rin sa mga relasyon at pananaw ng laman kapag tinitingnan ang mga tao, hindi mo kailanman maiwawaksi ang relasyong ito sa laman, at tatratuhin mo pa ring kamag-anak ang mga taong ito—mas malapit pa sa iyo kaysa sa mga kapatid mo sa iglesia, kung magkagayon ay magkakaroon ng kontradiksyon sa pagitan ng mga salita ng Diyos at ng iyong mga pananaw tungkol sa iyong pamilya sa usaping ito—isang tunggalian pa nga, at sa gayong mga sitwasyon, magiging imposible na pumanig ka sa Diyos, at magkakaroon ka ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Kaya, para makamit ng mga tao ang pagiging kaayon ng Diyos, una sa lahat, dapat munang naaayon sa mga salita ng Diyos ang kanilang mga pananaw ukol sa mga usapin; dapat magawa nilang tingnan ang mga tao at bagay batay sa mga salita ng Diyos, tanggapin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at magawang isantabi ang mga tradisyonal na kuru-kuro ng tao. Kahit ano pang mga tao o bagay ang kinakaharap mo, dapat mong mapanatili ang mga pananaw at perspektibang kapareho ng sa Diyos, at ang iyong mga pananaw at perspektiba ay dapat nakaayon sa katotohanan. Sa ganitong paraan, ang mga pananaw mo at ang paraan ng pakikitungo mo sa mga tao ay hindi magiging laban sa Diyos, at magagawa mong magpasakop sa Diyos at maging kaayon ng Diyos. Hinding-hindi na magagawa ng gayong mga tao na muling lumaban sa Diyos; sila mismo ang mga taong ninanais ng Diyos na makamit.
Ang unang hakbang sa pagpasok sa mga katotohanang realidad ay ang magnilay-nilay sa iyong sarili ayon sa mga salita ng Diyos, at ikumpara ang lahat ng iyong iba’t ibang kalagayan sa Kanyang mga salita. Kung gusto mong pumasok nang mas malalim, dapat mong suriin at unawain nang mas malalim ang iyong tiwaling disposisyon. Ano ang dapat mong gawin pagkatapos maunawaan ito? Dapat maghanap ka ng paraan para magsagawa at pumasok, at pag-isipan kung paano isagawa ang katotohanan at kung paano iwaksi ang iyong tiwaling disposisyon; ito ang tamang landas. Nagiging negatibo ang ilang tao matapos nilang magkamit ng pagkaunawa sa kanilang sarili; umiiyak sila at humihikbi na sila ay itiniwalag at na sila ay mga tagapagserbisyo at hambingan, at ayaw nga rin nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin. Anong uri ng mga tao ito? Mga wala sa katwiran, at madramang tao ang mga ito. Kaya, ano ang pinakamagandang paraan para ayusin ito? Sa pinakamababa man lang, hindi sila dapat umiyak o gumawa ng gulo, at higit sa lahat, hindi sila dapat sumuko o magreklamo tungkol sa Diyos. Ang pinakamahahalagang bagay na dapat nilang gawin ay ang hanapin ang katotohanan at unawain kung ano talaga ang layunin ng Diyos, kung aling paraan ng pagkilos ang pinakamakatwiran, at anong landas ang dapat nilang piliin; ito ang mga pinakamahalagang bagay. Napakadali para sa mga tao na maiwala ang kanilang katwiran kapag palagi silang nakokontrol ng intensiyon na sila ay pagpalain. Pinakakaawa-awa ang mga taong walang katwiran, pero ang mga taong pumipiling magpasakop sa Diyos at maghangad lamang na palugurin ang Diyos sa lahat ng bagay ay ang pinakamakatwiran at may pinakamalaking konsensiya. Kapag inilalantad ng Diyos ang isang tao, paano nila ito dapat harapin, at ano ang dapat nilang piliin? Dapat nilang hanapin ang katotohanan, at hindi dapat maging magulo ang kanilang isipan sa anumang sitwasyon. Mainam para sa iyo na maranasan ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at makita ang iyong katiwalian sa kung ano talaga ito, kaya bakit ka negatibo? Inilalantad ka ng Diyos para magtamo ka ng pagkaunawa sa iyong sarili, at para iligtas ka. Ang totoo, ang tiwaling disposisyon na ipinapakita mo ay nagmumula sa iyong kalikasan. Hindi naman sa gusto ng Diyos na ilantad ka, pero kung hindi ka Niya ilalantad, hindi ba’t ipapakita mo pa rin ito? Noong bago ka pa sumampalataya sa Diyos, hindi ka pa Niya inilalantad, kaya hindi ba’t lahat ng isinabuhay mo noon ay isang satanikong disposisyon? Isa kang taong namumuhay nang ayon sa satanikong disposisyon. Hindi mo dapat labis na ikagulat ang mga bagay na ito. Kapag nagpapakita ka ng kaunting katiwalian, sobrang natatakot ka, at iniisip mong katapusan mo na, na ayaw na sa iyo ng Diyos, at na mauuwi lang sa wala ang lahat ng nagawa mo. Huwag mo na itong palakihin. Mga tiwaling tao ang inililigtas ng Diyos, hindi mga robot. Ano ang ibig Kong sabihin kapag sinasabi Ko na mga tiwaling tao? Ang ibig Kong sabihin ay ang mga taong nagpapakita ng satanikong disposisyon, mga taong mapagmataas at matuwid ang tingin sa sarili, na hindi tumatanggap sa katotohanan, na may kakayahang lumaban at maghimagsik laban sa Diyos, na mga palakontra sa Kanya, at mga may kakayahang sumunod sa mga yapak ni Pablo. Ito ang klase ng mga tao na inililigtas ng Diyos. Kung gusto mong matanggap ang pagliligtas ng Diyos at makamit ang kaligtasan, dapat mong harapin ang tiwaling disposisyon na umiiral sa puso mo, harapin ang tiwaling disposisyong ipinapakita mo araw-araw, at dapat mong hanapin ang katotohanan at pagnilayan ang iyong sarili araw-araw, ikumpara ang iyong sarili sa mga salita ng Diyos, isagawa ang pagkilatis at pagsusuri sa tiwaling disposisyong ipinapakita mo, at labanan ito. Ilang beses na itong nilalabanan ng ilang tao pero natatalo sila, at sinasabi nilang, “Bakit lagi na lang akong nagpapakita ng kayabangan? Bakit ang ibang tao ay hindi naman?” Ang totoo, nagpapakita ng kayabangan ang lahat ng tao. Kapag ipinapakita ito ng ibang tao, hindi mo alam, pero alam nila. O maaaring hindi nila mismo alam kapag nagpapakita sila ng kayabangan, pero alam ng Diyos. At saka, may isa pang isyung dapat tandaan ang mga tao: Itinutuwid ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao; hindi Niya itinutuwid ang kanilang paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay. Hindi napopoot ang Diyos sa panandaliang intensiyong mayroon ka habang ginagawa mo ang mga isang bagay, o ang partikular na paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay, o kung tatamad-tamad ka paminsan-minsan o kung hindi ka nagbabayad ng halaga; hindi ang mga bagay na ito ang kinapopootan ng Diyos. Ang kinapopootan ng Diyos ay ang tiwali mong disposisyon. Sa tuwing nararamdaman mong nagpapakita ka ng tiwaling disposisyon, dapat mamalayan mo ito nang kusa bago ka disiplinahin ng Diyos. Hindi ka dapat manghula kung kinapopootan ka ba ng Diyos o kung itiniwalag ka ng Diyos; dapat mamalayan mo ang iyong problema, at pagkatapos ay alamin mo kung paano ka dapat magsisi, at kung anong paraan ng pagsasagawa sa katotohanan ang maghahatid ng pagbabago. Isang pagpapamalas ito ng normal na katwiran. Ang dapat mo munang malaman ay, “Wala sa katwiran ang mga salita kong ito, at nagpapakita ang mga ito ng kayabangan. Wala akong kakayahang gawin ang gampaning ito, pero ibinibida ko ang aking sarili at sinasabi na kaya ko, kaya hindi ba’t pagmamalaki lang ito? Ang pagmamalaki at ang pagbibida-bida sa aking sarili ay nagpapakita na mayroon akong mapagmataas na disposisyon.” Hindi ka kinokondena ng Diyos sa pagmamalaki, pero ibig bang sabihin niyon ay pwede mo na lang itong hayaan? Hindi, hindi mo ito pwedeng hayaan na lang. Dapat mo itong suriing mabuti, at sabihing, “Bakit napakagaling kong magbida-bida at magmalaki? Bakit ko ba ipinagmamayabang ang mga bagay na hindi ko kayang gawin, o ang mga bagay na ni hindi ko nga alam kung kaya ko bang gawin? Bakit ba ako may ganitong kahinaan sa pagkatao?” Hindi ito isang kahinaan sa pagkatao. Ang isang kahinaan sa pagkatao ay isang mababaw na masamang kagawian. Ang pagmamalaki ay isa sa mga paraan kung paano kusang nahahayag ang isang mapagmataas na disposisyon; ang sataniko mong disposisyon ang siyang nagtutulak sa iyo na mamuhay sa isang kalagayang katulad nito—ganap kang pinangungunahan ng iyong disposisyon. Kung mapipigilan mo ito, at hindi ka na magpapakita ng mapagmataas na disposisyon, ibig bang sabihin nito ay wala ka nang mapagmataas na disposisyon? Ibig bang sabihin nito ay naayos mo na ito? Talagang hindi ito ganoon kasimple. Hindi lamang sa pagbabago ng paraan ng iyong paggawa sa isang bagay, sa pagiging masunurin sa mga tuntunin at sa pagiging mabait sa panlabas, sa hindi pagiging hambog, at sa pagkilos nang disente na masasabing hindi ka mayabang. Mga maskara lang ang mga iyon, at nagdaragdag ng mga panibagong problema sa ibabaw ng pagiging mapagmataas, at ang resulta ay mas lalong malaking problema. Kung gusto mong ayusin ang iyong kayabangan, at ayusin ang bawat uri ng tiwaling disposisyon, dapat mong hanapin ang katotohanan para ayusin ito kapag ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin. Ito ang tamang paraan. Halimbawa, ipagpalagay na nating isinasaayos ng lider na gampanan mo ang isang partikular na tungkulin, at matapos makinig, mapagwalang-bahala mong sinasabi na, “Nagawa ko na ang mga ganitong tungkulin noon. Sisiw na lang ito sa akin!” Pero pagkatapos ay agad mong napagtatanto na nagpakita ka ng kayabangan, at na mali ang ganitong paraan ng pag-iisip, at agad kang nananalangin at itinutuwid ang iyong pag-iisip, sinasabing, “O Diyos! Nagpakita na naman ako ng kayabangan. Pakiusap, pungusan Mo sana ako; handa akong gampanang mabuti ang aking tungkulin,” ito ang unang bagay na dapat mong gawin. Kaya, paano mo ba dapat tratuhin ang iyong tungkulin? Iniisip mo na, “Ginagawa ko ito para sa Diyos, at ginagawa ko ito sa presensiya Niya, kaya dapat ko itong asikasuhin nang buong ingat. Hindi ako maaaring magkamali. Kung magkakamali ako, sobrang nakakahiya ito!” Pagkatapos, pinag-iisipan mo itong mabuti, at iniisip na, “Hindi, hindi tama iyon. Bakit ako matatakot na mapahiya?” Hindi rin tama ang kalagayang ito; nagsimula ka nang lumihis sa landas. Paano mo ito dapat itama? Aling direksiyon ang tamang daan na pupuntahan? Muli, may kinalaman ito sa pagsasagawa ng katotohanan para maayos ang mga problema. Dapat mong isipin na, “Hindi ako takot na mapahiya. Ang mahalaga ay na hindi ako dapat nakapipinsala sa gawain ng iglesia,” at magbabago ang iyong kalagayan. Pero kung iisipin mo na, “Paano kung nakapipinsala ako sa gawain ng iglesia, at pupungusan ako? Mawawalan ako ng maipagmamalaki,” malalagay ka na naman sa maling kalagayan. Paano ito maaayos? Sa iyong puso, dapat mong isipin na, “hindi ko kailanman pinahalagahan ang aking tungkulin, tinatamad akong gawin ito, at napakayabang ko. Nararapat lang ako na mapungusan. Dapat manalangin ako sa Diyos at hayaan Siyang gumawa. Matigas ang ulo ko, pero makapangyarihan sa lahat ang Diyos at walang imposible para sa Kanya, kaya sasandal ako sa Diyos.” Tama ito; ito ang tamang paraan ng pagsasagawa. Nagbigay ang Diyos sa iyo ng ilang kaloob, at hinayaan ka Niyang matuto ng ilang kaalaman, pero ang pagkakaroon ng mga kaalamang ito ay hindi nangangahulugang magagampanan mo na nang mabuti ang iyong tungkulin. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Paano nakakarating sa ganitong konklusyon ang isang tao? (Sa pamamagitan ng karanasan.) Tinuruan ka ng aral ng karanasang ito, at binigyan ka nito ng kabatiran. Halimbawa na lang, ang bagay na ibinibigay ng Diyos sa mga tao ay hindi isang bagay na likas nilang taglay, hindi rin nila ito kapital; maaaring bawiin ng Diyos kung ano man ang ibinigay Niya sa kanila anumang oras. Kapag gusto kang ilantad ng Diyos, kahit gaano ka pa kahusay sa isang bagay, makakalimutan mo ito at hindi mo na ito magagamit—mawawalan ka ng kabuluhan. Kung, sa pagkakataong ito, ay mananalangin ka, “O Diyos, wala akong kabuluhan. May ganito akong abilidad dahil lamang ibinigay Mo ito sa akin. Nagsusumamo ako sa Iyo na bigyan ako ng lakas! Pakiusap, basbasan at gabayan Mo po ako, para hindi ako nakapipinsala sa Iyong gawain.” Ito ba ang tamang paraan ng pananalangin? (Hindi, hindi ito tama.) Anong mga pagbabago ang dapat mong gawin sa puntong ito? Sinasabi mo, “O Diyos! Handa akong magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos. Hindi ko pwedeng palaging isipin na tama ako. Bagamat may ilang bagay akong nalalaman tungkol sa aspektong ito ng gawain, at may kaunting kahusayan dito, hindi ito nangangahulugan na magagawa ko nang maayos ang gampanin. Dahil nakalilikha ng gulo ang aking tiwaling disposisyon, malamang na magiging pabasta-basta at pabaya ako sa paggawa ng mga bagay-bagay, at hindi seseryosohin ang aking tungkulin. Wala akong kakayahang kontrolin ang aking sarili, at hindi ko mapangasiwaan ang aking sarili. Nagmamakaawa ako sa Iyo na protektahan ako at gabayan ako. Handa akong magpasakop sa Iyo, gawin ang lahat ng aking makakaya, at ibigay sa Iyo ang kaluwalhatian.” Kung ginagampanan mo nang mabuti ang iyong tungkulin, at ibinibigay mo ang walumpung porsiyento ng papuri sa Diyos at dalawampung porsiyento naman sa sarili mo, nararapat ba iyon? (Hindi, hindi ito nararapat.) Hindi makatwirang hatiin ang mga bagay-bagay sa ganoong paraan. Kung hindi gumawa ang Diyos, magagawa mo ba nang maayos ang iyong tungkulin? Talagang hindi, dahil bukod sa wala kang katotohanan, mayroon ka ring tiwaling disposisyon. Kahit ano pang uri ng tiwaling kalagayan ang umiiral sa puso ng mga tao, dapat palagi nilang pagnilayan ang kanilang sarili, at hanapin ang katotohanan para ayusin ito. Sa sandaling nalinis na ang kanilang tiwaling disposisyon, magiging normal na ang kanilang kalagayan.
Kung minsan, lilitaw ang isang maling kaisipan o ideya sa puso ng isang tao, at ginugulo nito ang kanyang puso. Naiipit siya sa ganoong kalagayan, at hindi na siya makaalis mula rito sa loob ng isa o dalawang araw. Ano ang dapat gawin ng isang tao sa pagkakataong gaya nito? Dapat mong hanapin ang katotohanan para ayusin ang sitwasyon. Una, dapat maging malinaw sa iyo kung paano lumitaw ang maling kaisipan o ideya, kung paano nito nagawang mangibabaw sa iyo, kung paano ka nito ginawang negatibo at nanlulumo, at kung paano ka nito naimpluwensiyahang ipakita ang iba’t ibang uri ng paghihimagsik at mga di-kaaya-ayang gawi. Pagkatapos, kapag napagtanto mo na na ang mga bagay na ito ay dinidiktahan ng tiwali mong disposisyon, at na kinapopootan ito ng Diyos, dapat mong patahimikin ang iyong sarili sa harapan ng Diyos at manalangin, “O Diyos, disiplinahin Mo po ako at tulutan akong matutunan ang mga aral na kailangan kong matutunan. Hindi ako natatakot na mabunyag, hindi rin ako natatakot na mapahiya o mawalan ng dangal. Ang kinatatakutan ko lang ay ang malabag ng aking mga kilos ang Iyong mga atas administratibo, at hindi Kita mapalugod.” Ito ang tamang landas, pero may tayog ka ba para tahakin ito? (Wala.) Kung wala kang ganoong tayog, ibig bang sabihin nito ay hindi ka maaaring manalangin sa direksiyong ito? Sapagkat ito ang tamang landas, dapat kang manalangin sa direksiyong ito. Sa ngayon, maliit ang tayog ng mga tao, dapat madalas silang lumapit sa harapan ng Diyos, sumandal sa Diyos, at hayaang mas protektahan sila at mas disiplinahin sila ng Diyos. Kapag lumago na ang kanilang tayog, at kaya na nilang pumasan at gumawa ng mas maraming gampanin, hindi na kakailanganin pa ng Diyos na mag-alala nang sobra, at hindi na Niya kakailanganin na palagi silang protektahan, disiplinahin sila, subukin sila, o bantayan sila. Usapin ito ng puso, at tinitingnan ng Diyos ang puso ng mga tao. Hindi mahalaga sa Diyos kung gaano ka kabait o kamasunurin sa panlabas; ang tinitingnan Niya ay ang iyong saloobin. Maaaring wala kang sinasabi buong araw, pero anong saloobin ang mayroon ka sa iyong puso? “Ibinigay sa akin ang tungkuling ito, kaya responsabilidad kong gampanan ito nang maayos, pero may gawi ako na hindi ako nagpapapigil, at palagi kong ginagawa kung ano ang gusto ko. Alam kong may ganito akong isyu, pero hindi ko makontrol ang aking sarili. Payag akong pamatnugutan ng Diyos ang aking kapaligiran, at alisin ang mga tao, pangyayari, at bagay na nakapaligid sa akin na maaaring gumulo sa akin, makaapekto sa paggampan ko ng aking tungkulin, o makaapekto sa pagsasagawa ko ng katotohahan, nang sa gayon ay hindi ako mahulog sa tukso, matanggap ko ang mga pagsubok ng Diyos, at matanggap ko ang Kanyang pagdidisiplina.” Dapat magkaroon ka ng pusong handang magpasakop. Kapag may ganito kang mga kaisipan sa iyong puso, paanong hindi makikita ng Diyos ang mga ito? Paanong hindi Niya papansinin ang mga ito? Kaya, kikilos ang Diyos. Minsan, kapag nananalangin ka nang ganito nang isa o dalawang beses, hindi ka pinapakinggan ng Diyos. Kapag sinusubok Niya ang gawain at sinseridad ng isang tao, wala Siyang sasabihing kahit ano, pero hindi ibig sabihin nito na mali ang ginawa mo. Sa anumang sitwasyon, hindi mo dapat tuksuhin ang Diyos. Kung palagi mong tinutukso ang Diyos, at sinasabing, “Tama ba ako sa ginagawa ko? Nakita Mo ba, O Diyos?” kung gayon ay magkakaproblema ka. Hindi tamang kalagayan ito. Tumutok ka na lang sa paggawa ng aksiyon. Dinidisiplina ka man ng Diyos, inaakay ka man, sinusubukan ka, o ginagabayan ka, huwag mo itong pansinin. Tumutok ka na lang sa pagsisikap sa katotohanang nauunawaan mo, at sa pagkilos nang naaayon sa mga layunin ng Diyos. Sapat na iyon. Pagdating sa kung ano ang magiging resulta, kadalasan ay hindi mo ito responsabilidad. Ano ang dapat mong akuin na responsabilidad? Ang paggampan sa tungkuling dapat mong gampanan, ang paggugol ng oras na dapat mong gugulin, at ang pagbabayad ng halagang dapat mong bayaran. Sapat na iyon. Dapat siyasatin ang anumang may kinalaman sa katotohanan, at dapat pagsikapang unawain ito. Ang pinakamahalagang bagay ay na tahakin ng mga tao ang landas na dapat nilang tahakin. Sapat na ito. Ito ang dapat na ginagawa ng mga tao. Tungkol naman sa kung anong antas ng tayog ang mayroon ka, kung anong mga pagsubok ang dapat mong pagdaanan, kung anong disiplina ang dapat mong maranasan, kung anong mga sitwasyon ang dapat mong maranasan, at kung paano may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos, hindi mo na dapat bigyang-pansin ang mga bagay na ito. Ang Diyos ang gagawa nito. Sinasabi mo na, “Maliit ang tayog ko. Huwag Mong iparanas sa akin ang anumang pagsubok, Diyos ko, natatakot ako!” Gagawin ba iyon ng Diyos? (Hindi, hindi Niya iyon gagawin.) Hindi mo kailangang mag-alala. Sinasabi mo na, “Napakalaki ng tayog ko, at sapat ang pananalig ko. O Diyos, bakit hindi Mo ipinararanas sa akin ang ilang pagsubok? Subukin Mo ako gaya ng ginawa Mo kay Job at bawiin Mo ang lahat ng mayroon ako!” Hindi iyon gagawin ng Diyos. Hindi mo alam ang sarili mong tayog, pero alam na alam ito ng Diyos at malinaw ito sa Kanya; nakikita Niya ang puso ng bawat tao. Nakikita ba ng mga tao ang puso ng Diyos? (Hindi, hindi nila nakikita.) Hindi nakikita ng mga tao ang puso ng Diyos, kaya paano nila nauunawaan ang Diyos at paano sila nakikipagtulungan sa Kanya? (Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita.) Sa pamamagitan ng pag-unawa sa Kanyang mga salita, paggampan nang maayos sa kanilang tungkulin, at pagkapit sa kanilang posisyon bilang mga tao. Ano ba ang tungkulin ng mga tao? Ito ang gawaing dapat gawin ng mga tao, at ang trabahong kaya nilang gawin. Ito ang mga gampaning ibinigay sa iyo ng Diyos. Ano ang kabilang sa mga gampaning ibinigay sa iyo? Ang aspekto ng gawain na pamilyar ka, ang mga gampaning ibinibigay sa iyo ng iglesia, ang mga gampaning dapat mong gawin, at ang mga gampaning kaya mong gawin sa abot ng iyong makakaya. Parte ito nito. Ang isa pang parte ay may kinalaman sa usapin ng buhay pagpasok. Dapat magawa mong isagawa ang katotohanan at makapagpasakop sa Diyos. Tumutok ka lang sa pagsasagawa at pagpasok sa katotohanan. Huwag mong bigyang-pansin ang pagsusuri ng iba tungkol sa iyo o kung ano ang tingin sa iyo ng Diyos. Hindi mo kailangang bigyang-pansin ang mga bagay na ito, hindi rin mahalagang bigyang-pansin mo ang mga bagay na ito—hindi ito ang mga bagay na dapat mong ipag-alala. Walang kontrol ang mga tao sa kanilang magandang kapalaran, kasawiang-palad, haba ng buhay, sa lahat ng bagay na nararanasan nila sa kanilang buhay, sa kanilang suwerte, o sa kanilang buhay; hindi mababago ng sinuman ang mga bagay na ito. Dapat maging malinaw ito sa iyo. Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay na ito. Talagang dapat malinaw na makilala at maunawaan ito ng mga tao sa kanilang puso. Huwag kang mag-alala sa anumang bagay para sa Diyos; huwag kang magtangka at magdesisyon kung ano ang gustong gawin ng Diyos. Tumutok ka na lang sa epektibong pag-aasikaso sa mga bagay na dapat mong gawin, kung ano ang dapat mong pasukin, at sa landas na dapat mong tahakin. Sapat na iyon. Pagdating naman sa kung ano ang magiging hantungan mo sa hinaharap, may kontrol ka ba rito? (Wala.) Kung gayon, paano mo malulutas ang problemang ito? Ang isang parte nito, ay sa pamamagitan ng paggawa nang maayos sa lahat ng bagay na dapat mong gawin araw-araw, at sa pagtupad sa iyong tungkulin bilang isang tao. Ito ang atas na ibinibigay ng Diyos sa lahat. Dumating ka sa mundong ito, at inakay ka ng Diyos sa buong panahong ito—binigyan ka man Niya ng iba’t ibang uri ng kaloob, o tinustusan ka at binigyan ka ng talento o abilidad, ipinapakita nito na binigyan ka ng Diyos ng mga atas. Kitang-kita naman kung anong atas ang ibinigay sa iyo ng Diyos, at hindi na kailangang direkta pa itong sabihin sa iyo ng Diyos. Halimbawa, kung marunong kang mag-Ingles, tiyak na may mga hinihingi sa iyo ang Diyos sa aspektong ito. Ito ang tungkulin mo. Hindi na kailangang tumawag pa ang Diyos mula sa langit at sabihin sa iyo nang deretsahan na, “Ang tungkulin mo ay pagsasaling-wika, at kung hindi mo ito gagawin, parurusahan kita.” Hindi na kailangan pang sabihin ito. Malinaw na malinaw na ito sa iyo dahil binigyan ka ng Diyos ng normal na pagkamakatwiran, mga proseso ng isipan at pag-iisip, pati na ng abilidad na maunawaan ang wikang ito. Sapat na iyon. Kung ano ang ibinigay ng Diyos sa iyo, iyon ang sinasabi Niyang gawin mo, at malinaw na malinaw ito sa iyong puso. Sa proseso ng paggampan sa iyong mga tungkulin, at sa panahon ng proseso ng pagtanggap sa atas ng Diyos, dapat mong tanggapin ang lahat ng ginawa ng Diyos sa iyo, kasama na ang positibong patnubay, pagdidilig, at pagtutustos na ibinigay Niya sa iyo. Halimbawa, sa pamamagitan ng madalas na pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, sa pakikinig sa mga sermon, pamumuhay ng buhay-iglesia, pagbabahagi tungkol sa katotohanan, at maayos na pakikipagtulungan sa iba habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Ang isa pang parte nito ay sa pamamagitan ng indibidwal na buhay pagpasok—ito ang pinakaimportante. Palaging gusto ng ilang tao na malaman kung may buhay ba sila, at kung epektibo ba sila. Ayos lang naman na pagnilayan ang mga bagay na ito nang pansamantala, pero huwag tumutok sa mga ito. Katulad ito ng pagtatanim taon-taon—walang kahit isa sa mga magsasaka ang nagsasabi kung gaano karami ang dapat nilang aanihin sa taong iyon, at na kung hindi nila maaabot ang resultang iyon, mamatay sila. Hindi sila ganito kahangal. Lahat sila ay nagtatanim ng binhi kapag panahon na para dito, pagkatapos ay dinidiligan, nilalagyan ng pataba, at inaalagan nila ang mga ito nang normal. Pagkatapos, kapag sakto ang panahon, siguradong may aanihin sila. Dapat magkaroon ka ng ganitong pananalig; ito ay tunay na pananalig sa Diyos. Huwag kang masyadong mapagkalkula sa Diyos, na sinasabing, “Nagsikap naman ako kamakailan, gagantimpalaan kaya ako ng Diyos?” Hindi katanggap-tanggap na palaging humingi ng mga gantimpala, kagaya ng isang empleyado sa opisina na humihingi ng kanyang suweldo sa katapusan ng buwan. Hindi katanggap-tanggap na palagi na lang humihingi ng suweldo. Masyadong mahina ang pananalig ng mga tao, at wala silang tunay na pananalig sa Diyos. Sa sandaling malinaw mo nang nakikita na ang landas ng pagsunod sa Diyos ay ang landas tungo sa kaligtasan, at ito ang totoong buhay, na ito ang tamang landas na dapat sinusunod ng mga tao, at ang buhay na dapat mayroon ang mga nilikha, tumutok ka sa paghahangad sa katotohanan at paghahangad na makapasok sa realidad, sa pakikinig sa mga salita ng Diyos, at sa pagtahak at pagkilos sa direksiyong itinuturo sa iyo ng Diyos. Tama ito. Huwag mong palaging tanungin ang Diyos na, “O Diyos, gaano pa kaya katagal hanggang sa masundan Kita tungo sa dulo ng daan? Kailan ako maliligtas? Kailan ako gagantimpalaan at makakakuha ng korona? Kailan darating ang araw ng Diyos?” Ang mga ito ay mga kalagayang lahat na mayroon ang mga tao, pero ibig bang sabihin ay tama ito? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao na “Ang batas ay hindi maipatutupad kapag lahat ay lumalabag,” pero nakalilinlang ang kasabihang ito, wala itong katuturan, at hindi ito naaayon sa katotohanan. Ang katunayan na may ganitong mga kalagayan ang lahat ng tao ay nagpapatunay na may tiwaling disposisyon ang lahat, kaya kailangan nilang lahat na lunasan ang problemang ito at malampasan ang hadlang na ito. Dapat palagi mong suriin ang sarili mo sa iyong puso, hindi nakatuon sa kung kumusta na ang iba, at habang sinusuri mo ang iyong sarili, dapat mong itama ang anumang tiwaling kalagayang mayroon ka. Ang isipan ng mga tao ay dinamiko, at palaging aktibong nag-iisip—sa isang sandali ay nasa kaliwang panig ito, at pagkatapos ay nasa kanan naman; palaging medyo hindi sakto ang paraan ng kanilang pag-iisip. Hindi sila tumatahak sa tamang landas. Iginigiit nilang sumunod sa iba, at sumunod sa mga buktot na kalakaran sa mundo at tumahak sa maling landas. Ito ang kalikasang diwa ng mga tao, at hindi nila kayang kontrolin ito kahit gustuhin pa nila. Kung hindi mo ito kayang kontrolin, kung gayon ay huwag mo itong kontrolin. Kapag may isang maling intensiyon o pananaw na lumitaw, ayusin mo ito. Sa ganitong paraan, unti-unting mababawasan ang katiwaliang ipinapakita mo. Paano mo ba ito maaayos? Sa pamamagitan ng pananalangin, at palagiang pagkamit ng pag-unawa at pagbabago sa mga bagay-bagay. Minsan, kahit gaano mo pa subukang baguhin ang mga bagay-bagay, lumilitaw pa rin ang mga bagay na iyon, kaya huwag mong pansinin ang mga ito, at gawin mo lang kung ano ang kailangan mong gawin. Ito ang pinakamadaling paraan. Kaya, ano ba ang dapat gawin ng mga tao? Ang gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, at manatili sa kanilang tungkulin. Hindi mo pwedeng tanggihan ang atas na ibinigay sa iyo ng Diyos; dapat mo itong tapusin nang maayos. Bukod dito, pagdating sa indibidwal na buhay pagpasok, dapat mong gawin ang iyong makakaya na pagsikapan ang katotohanan habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, at gumawa nang maigi para makamit ang anumang antas ng pagpasok na kaya mo. Kung makakaabot ka man sa pamantayan sa bandang huli, ang Diyos ang magpapasya niyon. Walang silbi ang mga pansariling damdamin at pasya ng mga tao. Hindi mapagdedesisyunan ng mga tao ang sarili nilang kapalaran, at hindi nila kayang suriin ang kanilang pag-uugali, o tukuyin kung ano ang kahihinatnan nila sa bandang huli. Tanging ang Diyos lamang ang makakasuri at makakatukoy sa mga bagay na ito. Dapat kang magtiwala na ang Diyos ay matuwid. Sabi nga ng mga walang pananampalataya, dapat maglakas-loob kang kumilos, maglakas-loob na panagutan ang iyong mga kilos, maglakas-loob na harapin ang mga katunayan, at magawang umako ng responsabilidad. Dapat gampanan nang maayos ng mga taong may konsensiya at katwiran ang kanilang tungkulin at dapat silang umako ng responsabilidad.
Napakahalaga na madalas suriin ng mga tao ang kanilang sarili, at napakahalaga na tanggapin ng mga tao ang pagsisiyasat ng Diyos. Napakahalaga rin na hanapin ng mga tao ang katotohanan, baguhin ang kanilang mga kalagayan at pananaw, at na makalabas sila mula sa mga ito, kapag sinusuri nila ang kanilang sarili at nalamang mayroon silang mga maling kalagayan o pananaw. Sa ganitong paraan, mababawasan nang mababawasan ang mga maling kalagayang mararanasan mo, at lalo mong makikilatis ang mga ito nang hindi mo namamalayan. Pagkatapos mong baguhin ang mga mali mong kalagayan, dadami ang mga positibong bagay sa loob mo, at mas higit na dadalisay ang paggampan mo sa iyong tungkulin. Bagamat sa panlabas, kagaya pa rin ng dati ang paraan ng iyong pagsasalita at ang personalidad mo, magbabago na ang iyong buhay disposisyon. Sa anong mga paraan ito makikita? Magagawa mong sumunod sa mga katotohanang prinsipyo kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay at kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at magagawa mong panagutan ang mga bagay na ito; magagalit ka kapag nakikita mo ang iba na pabasta-bastang ginagawa ang mga bagay-bagay, at kapag nakakakita ka ng isang buktot na penomena, at ng mga pasibo, negatibo, hindi tama at buktot na kaugalian na nagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, kamumuhian mo ang mga ito. Habang mas lalo mong tinitingnan ang mga bagay na ito, mas lalo kang nasusuya, at mas lalo mong nakikilatis ang mga ito. Kapag nakakakita ka ng ilang tao na matagal nang nananampalataya sa Diyos, at mga nakakapagsalita nang napakalinaw tungkol sa mga salita at doktrina, pero hindi naman gumagawa ng tunay na gawain at walang mga prinsipyo, magagalit ka at kasusuklaman mo ito. Lalo na kapag nakikita mo ang mga lider at mga manggagawa na hindi naman gumagawa ng tunay na gawain, na palaging nagsasalita tungkol sa mga salita at doktrina, at maraming taon nang nananampalataya sa Diyos pero wala namang ipinagbago, makikilatis mo sila, magagawa mo silang ilantad at iulat, at magtataglay ka ng pagpapahalaga sa katarungan. Bukod sa mapopoot ka sa iyong sarili, mapopoot ka rin kapag nangyayari ang mga buktot at di-makatarungang bagay na ito. Patutunayan nito na nagkaroon na ng pagbabago sa loob mo. Magagawa mong tingnan ang mga isyu at tratuhin ang mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo mula sa perspektiba ng katotohanan, mula sa panig ng Diyos, at mula sa perspektiba ng mga positibong bagay—ipapakita nito na nagkaroon nga ng pagbabago sa iyo. Kaya, kakailanganin mo pa rin ba ang Diyos para suriin ka? Hindi—mararamdaman mo ito mismo sa sarili mo. Halimbawa, noon, kapag nakikita mo ang isang tao na ginagawa ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta, iniisip mo na, “Normal lang iyon. Ganoon din ako. Kung hindi niya ginawa ang mga bagay-bagay sa ganoong paraan, magmumukhang ginagawa ko ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta.” Ginagawa ng lahat ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta, kaya pakiramdam mo ay ayos lang ang ginagawa mo. Sa pagkakataong iyon, hindi ka na mag-iisip nang ganoon. Iisipin mo na, “Hindi katanggap-tanggap na gawin ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta. Mahalaga ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Lubos na mapaghimagsik na ang paggawa ko sa mga bagay-bagay nang pabasta-basta—bakit ninyo ako tinutularan, at ginagawa rin ang mga bagay-bagay sa ganoong paraan?” Iisipin mo na napakamangmang at napakaisip-bata mo noon, na kasuklam-suklam at kahiya-hiya ang paraan kung paano mo tiningnan ang mga bagay-bagay, at hindi mo ito maipaliwanag sa Diyos, at hindi ito mapapalagpas ng iyong konsensiya. Ang katunayan na magkakaroon ka ng ganitong mga kaisipan at damdamin ay magpapatunay na nag-ugat at sumibol na sa loob mo ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos. Ang perspektiba kung saan tinitingnan mo ang mga bagay-bagay, at ang mga pamantayang gamit mo sa pagsusuri sa mga bagay-bagay ay magbabago na. Magiging ganap ka nang ibang tao kaysa dati, noong namumuhay ka pa sa loob ng iyong mga tiwaling disposisyon. Tunay ka nang magbabago. Nagbago ka na ba nang kaunti ngayon? (Medyo.) Ngayong medyo nagbago ka na, at kapag nakikita mo paminsan-minsan ang mga tao na pabasta-bastang ginagawa ang mga bagay-bagay, ayaw isagawa ang katotohanan, at palaging nagpapakasasa sa mga pisikal na kaginhawahan, hindi mo na iniisip na magandang bagay ito. Pero, kapag pinakiusapan kang tulungan at suportahan sila, napipigilan ka pa rin ng mga satanikong pilosopiya. Bagamat nadidiskubre mo ang problemang ito sa mga tao, hindi ka nangangahas na magsabi ng anumang bagay sa takot na masalungat sila, at iniisip mo pa nga na, “Walang bumoto sa akin bilang lider ng grupo, kaya hindi ako dapat makialam sa buhay ng iba.” Kapag nahaharap ka sa mga di-makatarungan at negatibong bagay na ito, hindi mo nagagawang manindigan sa panig ng katotohanan sa iyong mga pananalita at kilos, o na umako ng responsabilidad; nagbubulag-bulagan ka na lang, at iniisip mong isang magandang paraan iyon ng pag-asal, at idinidistansiya ang iyong sarili mula sa pakikipagtalo. Iniisip mo, “Kapag may nangyaring masama, wala itong kinalaman sa akin. Umiiwas ako sa gulo.” Kung may mga ganito ka pa ring pananaw, maisasagawa mo ba ang katotohanan? Magkakaroon ka kaya ng buhay pagpasok? Kapag may mga pananaw kang ganito sa iyong puso, isa kang hindi mananampalataya, at hindi mo kayang tanggapin ang katotohanan. Iyon ang dahilan kung bakit hindi pwedeng hayaang hindi maitama ang ganitong mga pananaw. Kung gusto mong magkaroon ng buhay pagpasok, sa isang aspekto, dapat mapangasiwaan mo ang sarili mo. Sa isa pang aspekto, kailangan mong pangunahing tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Kung napapansin mong may paninisi sa loob ng puso mo, dapat magnilay-nilay ka sa iyong sarili, at alamin kung saan nanggagaling ang paninising ito. Kung nararamdaman mo na sinisiyasat ka ng Diyos, at naniniwala ka na sinisiyasat ka ng Diyos, dapat mong tanggapin ang Kanyang pagsisiyasat. Sa pamamagitan lamang ng madalas na pagsisisi, pagkabagabag sa iyong puso, at pakiramdam na may utang na loob ka sa Diyos dahil nasa ganoon kang mga kalagayan, na magkakaroon ka ng motibasyon na isagawa ang katotohanan at pumasok sa katotohanan. May mga pamantayan, at praktikal na pagpapamalas ng pagpasok sa mga katotohanang realidad. Hanggang sa anong antas na ba kayo nakapasok sa mga ito, ngayon? (Kapag may sitwasyong lumilitaw, nakikita ko ang marami kong pagkukulang, pero matagal akong naiipit sa ganoong kalagayan. Hindi ko alam kung paano gamitin ang perspektiba ng katotohanan para suriin o unawain kung anong mga isyu ang mayroon ako; wala akong malinaw na pagkakilala sa sarili ko; hindi ko malinaw na nakikita ang sarili ko, at madalas na hindi ko rin nakikita nang malinaw ang kalagayan ng ibang tao.) Kung hindi mo malinaw na nakikita ang sarili mo, hindi mo makikita nang malinaw ang iba. Tama ang pahayag na ito. Kapag may isyu ang ibang tao, iniisip mong wala itong kinalaman sa iyo, pero ang totoo, hindi tumitigil ang mga kalagayang ito, at magkakapareho ang mga ito. Kung hindi mo makita nang malinaw ang sarili mong kalagayan, hindi mo malulutas ang iyong mga isyu, at lalo namang hindi mo malulutas ang mga isyu ng iba. Kapag nalutas mo na ang iyong mga isyu, makikita mo nang malinaw ang mga isyu ng iba, at maaayos mo kaagad ang mga ito. Kung gusto mong magkaroon ng buhay pagpasok, dapat mong sundin ang dalawang bagay: Una, dapat gampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, at ang ikalawa, habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, dapat madalas mong suriin ang iyong sarili, hanapin ang katotohanan para itama ang iba’t ibang maling pananaw, kaisipan, paninindigan, intensiyon, at kalagayan, at lumabas mula sa bawat uri ng maling kalagayan. Kung may lakas kang lumabas mula sa mga ito, mapagtatagumpayan mo si Satanas at maiwawaksi mo ang iyong mga tiwaling disposisyon. Pagkatapos, mababago mo na ang sarili mo. Makakalabas ka na mula sa pasibo at negatibo mong mga kalagayan, at hindi ka na mapipigilan o makokontrol ng mga kalagayang ito. Ito mismo ay isang hakbang pasulong. Dapat lutasin muna ninyo ang isyung ito. Anong mga negatibo o pasibong kalagayan ang mayroon kayo? Iniisip ng ilan, “Ganoon lang talaga ako. Wala na akong magagawa para ayusin ang mapagmataas kong disposisyon. Ano’t anuman, alam ng Diyos ang tungkol dito, at palagay ko ay naiuri na Niya ako. Maraming beses ko nang sinubukang magbago, pero ganoon pa rin ako. Ganito lang talaga ako.” Hindi maganda ang tingin mo sa iyong sarili, pero isa itong negatibong kalagayan; para itong isang pag-iisip na nawawalan ka na ng pag-asa sa iyong sarili. Hindi mo hinanap ang katotohanan para lutasin ang isyung ito, kaya bakit iniisip mong wala ka nang pag-asa? Madalas na namumuhay ang mga tao sa ganitong mga kalagayan; isang panandaliang pagbubunyag ng katiwalian at iniisip na nilang naiuri na sila, at na ganitong uri sila ng tao. Negatibong kalagayan ito; dapat itong baligtarin, at kailangan mong makalabas mula rito. Ano pang mga negatibo o pasibong kalagayan ang mayroon kayo? (Madalas akong namumuhay sa isang kalagayan kung saan ginagawa ko ang mga bagay-bagay batay sa aking mga kaloob at aking kakayahan, at wala akong buhay pagpasok. Napakalubha ng kalagayang ito.) Kapag ginagawa ng mga tao ang mga bagay-bagay batay sa kanilang mga kaloob at kakayahan, palagi nilang gustong makipagkumpitensiya sa iba, iniisip na, “Paano mo nagagawang tapusin ang gampaning ito samantalang ako ay hindi? Kailangan kong magtrabaho nang husto at magsikap sa gampaning ito, na subukan at mas galingan ito kaysa sa iyo!” Lumitaw rito ang maladiyablo mong kalikasan. Ano ang dapat gawin tungkol dito? Kung may ganito kang motibasyon o pinagmumulan kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay, huwag mo itong intindihin. Isa itong pansamantalang pagbubunyag, o isang pansamantalang kamangmangan. Huwag kang paapekto rito, at magiging ayos ka lang. Dapat mong gawin ang mga bagay-bagay sa praktikal na paraan, at sa paraan kung paano dapat gawin ang mga ito. Kung maharap ka sa isang paghihirap, magkusa kang tingnan kung paano ito pinangasiwaan ng ibang mga tao. Kung napangasiwaan nila ito nang maayos, kausapin mo sila at matuto ka mula sa kanila. Sa ganitong paraan, mababaligtad mo ang iyong mga maling kalagayan. Kung mayroon kang ganoong mga kaisipan at nagpapakita ka ng katiwalian sa loob mo, pero hindi ka naman kumikilos nang ganoon, kung gayon ay mapupuksa ang iyong mga tiwaling disposisyon. Pero, kung mayroon kang ganoong mga kaisipan at kumikilos ka sa ganoong paraan, at mas malubha pa ang iyong mga kilos kaysa sa iyong mga kaisipan, magdudulot ito ng problema, at guguluhin nito ang mga bagay-bagay. Ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao ang pinakakinapopootan ng Diyos sa lahat.
Ang pagharap ng Diyos sa iyong mga tiwaling disposisyon ay hindi para itago mo ang mga ito, ikubli ang mga ito, o magpanggap sa mga ito. Sa halip, pinapayagan ka Niyang ipakita ang mga ito, inilalantad ka at hinahayaan kang magkamit ng kaalaman tungkol sa mga ito. Kapag may kaalaman ka na tungkol sa mga ito, iyon na ba lahat? Hindi. Pagkatapos mong magkaroon ng kaalaman tungkol sa mga ito, at malaman na maling gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga tiwali mong disposisyon, at na isa itong daan na walang labasan, dapat kang lumapit sa harapan ng Diyos, at manalangin sa Kanya at hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga tiwali mong disposisyon. Bibigyan ka ng kaliwanagan ng Diyos, at bibigyan ka Niya ng tamang landas sa pagsasagawa. Sinasabi ng mga salita ng Diyos kung ano ang dapat gawin ng mga tao, pero may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, at minsan, ayaw nilang gawin kung ano ang sinasabi ng Diyos; gusto nilang gawin ang mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang paraan. Kaya, ano ang ginagawa ng Diyos? Binibigyan ka ng Diyos ng kalayaan, at pinapayagan ka Niyang kumilos nang ganito pansamantala. Habang patuloy kang kumikilos sa ganitong paraan, makakasagupa ka ng malaking hadlang at mararamdaman mong nagkamali ka. Pagkatapos, babalik ka sa Diyos at aalamin kung ano ang dapat mong gawin. Sasabihin ng Diyos, “Nauunawaan mo sa iyong puso ang Aking mga hinihingi. Kaya, bakit hindi ka nakikinig?” At sasabihin mo, “Kung gayon, disiplinahin Mo po ako, Diyos ko.” Didisiplinahin ka ng Diyos, at magiging masakit ito, kaya iisipin mo na, “Hindi ako mahal ng Diyos. Bakit Siya ganoon kalupit sa akin? Masyado Siyang walang puso.” Sasabihin ng Diyos, “O sige, hindi Ko na ito gagawin. Patuloy mong gawin ang mga bagay-bagay ayon sa gusto mo,” at babalik ka sa landas na kinaroroonan mo noon. Gagawin mo ang mga bagay-bagay, makakasagupa ka na naman ng malaking hadlang, at magninilay-nilay na, “May hindi tama sa ginagawa ko. Kailangan kong bumalik at ikumpisal ang aking mga kasalanan. May utang ako sa Diyos.” Babalik ka na naman sa Diyos at mananalangin at maghahanap, at mauunawaan mo na tama ang mga sinasabi ng Diyos, at pagkatapos ay gagawin mo kung ano ang sinasabi ng Diyos. Pero habang ginagawa mo na ito, iisipin mo na, “Masasaktan ang dangal ko kapag ginawa ko ito. Mainam siguro na unahin ko na muna ang dangal ko.” Pagkatapos ay magkakaproblema ka na naman, at mabibigong muli. Sa paglipas ng panahon paulit-ulit kang magpapabalik-balik nang ganito. Kung nakapagninilay-nilay ang mga tao sa kanilang sarili, palaging nakakakilala sa mga paglihis sa loob nila, nakapagninilay-nilay at nakakaunawa sa kanilang mga tiwaling disposisyon, at pagkatapos ay nakapaghahangad sa katotohanan para lutasin ang mga ito, kung gayon, sa takbo ng karanasang ito, patuloy ding lalago ang kanilang tayog. Para sa mga taong may puso, na handang isagawa ang katotohanan at nagmamahal sa mga positibong bagay, unti-unting mababawasan ang nararanasan nilang balakid at kabiguan, dadami ang mga parte nila na mapagpasakop sa Diyos, at dadami ang mga parte nila na nagmamahal sa katotohanan. Iyon ang dahilan kung bakit tinutulutan ka ng Diyos na mabigo at maghimagsik habang nararanasan at isinasagawa mo ang katotohanan; hindi Siya tumitingin sa mga bagay na ito. Hindi naman sa hindi ka na gusto ng Diyos, o na ipapadala ka Niya sa impiyerno, o sesentensiyahan ka Niya ng kamatayan dahil sa hindi mo pakikinig sa Kanya sa isang pagkakataon. Hindi ito gagawin ng Diyos. Bakit sinasabi na napakalawak ng pagmamahal ng Diyos kapag inililigtas Niya ang mga tao? Sa ganito naipapamalas ang pagmamahal ng Diyos. Naipapamalas ito sa Kanyang pagtitimpi at pagpapasensiya sa mga tao. Patuloy Siyang nagtitimpi sa iyo, pero hindi ka Niya pinapalayaw. Ang pagtitimpi ng Diyos ay tungkol sa Kanyang kabatiran sa tayog ng mga tao, sa kabatiran Niya sa likas nilang kapasidad, sa kabatiran Niya sa kung ano ang ipinapakita ng mga tao sa mga partikular na sitwasyon, at kung ano ang kaya nilang kamtin batay sa kanilang tayog, at tinutulutan ka Niyang ipakita ang mga bagay na ito, binibigyan ka ng partikular na puwang, at tinatanggap ka kapag bumabalik ka sa Kanya at taos-pusong nagsisisi, habang kinikilala rin ang sinseridad ng iyong pagsisisi. Kaya, kapag bumalik ka at tinanong mo ang Diyos kung tama bang kumilos sa ganoong paraan, patuloy na magsasabi sa iyo ang Diyos at bibigyan ka Niya ng kasagutan. Matiyagang sasabihin sa iyo ng Diyos na tamang kumilos sa ganoong paraan, at bibigyan ka Niya ng pagpapatunay. Pero kapag nagbago na naman ang isip mo, at sinabing, “O Diyos, ayaw ko nang gawin ito. Hindi ito nakabubuti para sa akin, at hindi ako nasisiyahan at komportable rito—sa tingin ko ay dapat ko pa ring gawin ang mga bagay-bagay sa sarili kong paraan, sa ganoong paraan, hindi ako mapapahiya, magiging mahusay at tuso ako, at mabibigyan ko ng kasiyahan ang aking sarili sa lahat ng aspekto—tutugunan ko muna ang mga indibidwal kong pagnanais,” sasabihin ng Diyos, “Maaaring mabigo ka, pero sa paggawa mo nito, ikaw mismo ang madedehado sa bandang huli, hindi Ako.” Kapag inililigtas ka ng Diyos, tinutulutan ka Niya minsan na maging sutil na gaya nito; ito ang Kanyang pagtitimpi at ito ang awa na ipinapakita Niya sa mga tao. Gayunpaman, hindi maaaring maging mapagpalayaw sa sarili ang mga tao kapag nakikita nila ang Kanyang awa, at tratuhin ang Kanyang pagpapasensiya at pagtitimpi bilang isang uri ng kahinaan, o ituring ito bilang dahilan para maghimagsik laban sa Kanya at hindi makinig sa Kanyang mga salita. Ito ay paghihimagsik at kabuktutan sa panig ng mga tao. Dapat makita ito nang malinaw ng mga tao. Ang pagtitimpi at pagpapasensiya na ipinapakita ng Diyos sa iyo ay walang-hanggan. Kung nararamdaman mo ang mga taimtim na layunin ng Diyos, mabuting bagay iyon. Hindi naman sa walang kakayahan ang Diyos na gumamit ng mga labis-labis na pamamaraan para iligtas ka—dapat mong maunawaan na may mga prinsipyo sa likod ng mga kilos ng Diyos. Ginagawa Niya ang mga bagay-bagay sa maraming paraan, pero hindi Siya gumagamit ng mga labis-labis na pamamaraan. Bakit ganito? Tinutulutan ka ng Diyos na danasin ang lahat ng uri ng paghihirap, pagkadismaya, at kapighatian, pati na ang maraming kabiguan at dagok. Sa huli, sa pamamagitan ng pagtulot sa iyo na danasin ang mga bagay na ito, ipinapaunawa sa iyo ng Diyos na ang lahat ng Kanyang sinabi ay tama at ang katotohanan. Kasabay nito, ipinapaunawa Niya sa iyo na mali lahat ang iniisip at inaakala mo, pati na ang iyong mga kuru-kuro, kaalaman, mga teoryang pilosopikal, mga pilosopiya, at ang mga bagay na natutunan mo sa mundo at na mga itinuro sa iyo ng iyong mga magulang, at na hindi ka magagabayan ng mga bagay na ito sa tamang landas sa buhay, at hindi ka maaakay ng mga ito para maunawaan ang katotohanan o makalapit sa harapan ng Diyos. Kung namumuhay ka pa rin ayon sa mga bagay na ito, kung gayon ay tinatahak mo ang landas ng kabiguan, pati na ang landas ng paglaban at pagkakanulo sa Diyos. Sa huli, ipapakita ito sa iyo ng Diyos nang malinaw. Ang prosesong ito ay isang bagay na dapat mong maranasan, at sa ganitong paraan lamang makakamit ang mga resulta, pero masakit din ito para sa Diyos na makita. Mapaghimagsik at may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, kaya dapat silang magdusa nang kaunti, at dapat nilang danasin ang mga dagok na ito. Kung wala ang pagdurusang ito, hindi sila magkakaroon ng paraan na madalisay. Kung ang isang tao ay tunay na may pusong nagmamahal sa katotohanan, at tunay na nakahandang tanggapin ang iba’t ibang pamamaraan ng pagliligtas ng Diyos, at magbayad ng halaga, hindi na niya kailangang magdusa nang husto. Sa totoo lang, ayaw ng Diyos na pagdusahin nang husto ang mga tao, at hindi Niya gustong iparanas sa kanila ang napakaraming dagok at kabiguan. Gayunpaman, masyadong mapaghimagsik ang mga tao; ayaw nilang gawin ang iniuutos sa kanila, ayaw magpasakop, at hindi nila magawang tahakin ang tamang landas o pumili ng mas maikling daan; tinatahak lamang nila ang sarili nilang daan, naghihimagsik laban sa Diyos at nilalabanan Siya. Tiwali ang mga tao. Ang magagawa lamang ng Diyos ay ang ipasa sila kay Satanas at ilagay sila sa iba’t ibang sitwasyon para palagi silang hubugin, sa gayon ay tinutulutan silang magkamit ng maraming uri ng karanasan at matuto ng maraming uri ng aral, at maunawaan ang diwa ng maraming uri ng buktot na bagay. Pagkatapos niyon, kapag bumalik na ang mga tao at muling tingnan ang mga ito, mapagtatanto nila na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, aaminin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at aaminin na ang Diyos ang realidad ng lahat ng positibong bagay, at ang Nag-iisang tunay na nagmamahal, nag-aalala, at makapagliligtas sa mga tao. Ayaw ng Diyos na magdusa nang husto ang mga tao, pero masyadong mapaghimagsik ang mga tao, gusto nilang tahakin ang maling landas, at gustong pagdaanan ang pagdurusang ito. Walang magawa ang Diyos kundi ilagay ang mga tao sa iba’t ibang sitwasyon para patuloy silang hubugin. Hanggang saan hinuhubog ang mga tao sa huli? Hanggang sa sasabihin mong, “Naranasan ko na ang bawat ng uri ng sitwasyon, at nauunawaan ko na sa wakas na maliban sa Diyos, wala nang tao, pangyayari o bagay ang makapagpapaunawa sa akin sa katotohanan, na makapagpapatamasa sa akin ng katotohanan, o makapagbibigay-daan sa akin na pumasok sa mga katotohanang realidad. Kung masunurin akong magsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos, masunuring mananatili sa lugar ng tao, itataguyod ang aking katayuan at tungkulin bilang nilikha, masunuring tatanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, hindi na magkakaroon ng karagdagang reklamo o magnanais ng magagarbong bagay mula sa Diyos, at tunay na makapagpapasakop sa harap ng Lumikha, saka lamang ako magiging isang tao na tunay na nagpapasakop sa Diyos.” Kapag umabot na ang mga tao sa antas na ito, tunay silang yuyukod sa harap ng Diyos, at hindi na kakailanganin ng Diyos na magsaayos ng iba pang mga sitwasyon na ipaparanas sa kanila. Kaya, aling landas ang nais ninyong tahakin? Sa kanilang mga pansariling pagnanais, walang may gustong magdusa, walang may gustong dumanas ng mga dagok, kabiguan, suliranin, pagkadismaya, o paghihirap ngunit wala nang ibang paraan. Ang mga tao ay mayroong satanikong kalikasan; masyado silang mapaghimagsik, napakamasalimuot ng kanilang mga kaisipan at pananaw. Araw-araw, may walang tigil na kontradiksiyon sa puso mo, alitan, at pagkaligalig. Kaunting katotohanan lamang ang nauunawaan mo, mababaw ang iyong buhay pagpasok, at wala kang lakas na madaig ang mga kuru-kuro, imahinasyon, at tiwaling disposisyon ng laman. Ang magagawa mo lang ay sundin ang karaniwang pamamaraan ng tao: palaging dumaranas ng kabiguan at pagkadismaya, at palaging nasasadlak, sinasalanta ng paghihirap, at gumulong-gulong sa putik, hanggang sa sumapit ang isang araw na sasabihin mong, “Pagod na ako. Sawa na ako. Ayaw ko nang mamuhay nang ganito. Ayaw kong maranasan ang mga kabiguang ito. Handa akong humarap sa Lumikha nang may pagsunod; makikinig ako sa sinasabi ng Diyos, at gagawin ko ang sinasabi Niya. Ito lamang ang tamang landas sa buhay.” Sa araw na ganap kang kumbinsido at tinatanggap mo ang pagkatalo, saka ka lamang makakaharap sa Diyos. May naunawaan ka ba tungkol sa disposisyon ng Diyos mula rito? Ano ang saloobin ng Diyos sa mga tao? Anuman ang gawin ng Diyos, ninanais Niya ang pinakamainam para sa tao. Anuman ang sitwasyong isinasaayos Niya o ang hinihingi Niyang gawin mo, palagi Niyang hinihiling na makita ang pinakamagandang kalalabasan. Sabihin nang may pinagdadaanan kang isang bagay at nahaharap ka sa mga dagok at kabiguan. Hindi nais ng Diyos na makita kang pinanghihinaan ng loob kapag nabigo ka, isipin na katapusan mo na at na naagaw ka na ni Satanas, at pagkatapos ay susukuan mo na ang iyong sarili, hindi na muling makakabangon, at masasadlak ka sa panlulumo—hindi nais ng Diyos na makita ang kalalabasang ito. Ano ang nais makita ng Diyos? Na bagamat nabigo ka sa bagay na ito, nagagawa mong hanapin ang katotohanan at pagnilay-nilayan ang iyong sarili, makita ang dahilan ng iyong pagkabigo, tanggapin ang aral na itinuro ng kabiguang ito sa iyo, gunitain ito sa hinaharap, malaman na maling kumilos nang ganito at na sa pagsasagawa lamang ayon sa mga salita ng Diyos ang tama, at napagtatanto mo na, “Masamang tao ako. Mayroon akong isang tiwaling satanikong disposisyon. May paghihimagsik sa loob ko. Malayo ako sa matutuwid na tao na binabanggit ng Diyos, at wala akong may-takot-sa-Diyos na puso.” Nakita mo na ang katunayang ito nang malinaw; nakilala mo ang katotohanan ukol sa bagay na ito, at sa pamamagitan ng dagok na ito, ng kabiguang ito, nagkamit ka ng kaunting pang-unawa at naging husto ang pag-iisip. Ito ang gusto ng Diyos na makita. Ano ba ang ibig sabihin ng pagiging nasa hustong pag-iisip? Ibig sabihin nito ay maaari kang makamit ng Diyos, na maaari kang maligtas, na maaari kang pumasok sa mga katotohanang realidad, at na tinahak mo ang landas ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Umaasa ang Diyos na makita ang mga tao na tumahak sa tamang landas. Ginagawa ng Diyos ang mga bagay-bagay nang may mga napakataimtim na layunin, at ang lahat ng ito ay ang nakatago Niyang pagmamahal, pero madalas na hindi ito nararamdaman ng mga tao. Ang mga tao ay makikitid ang utak at lubhang mababaw ang pag-iisip. Sa sandaling hindi nila matamasa ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos, nagrereklamo sila tungkol sa Diyos, nagiging negatibo sila at nagpapakita ng galit, pero hindi ito ginagamit ng Diyos laban sa kanila. Tinatrato lang Niya sila na parang mga mangmang na bata at hindi Niya sila pinupuna. Naglalatag Siya ng mga sitwasyon para sa mga tao para ipaalam sa kanila kung paano natatamo ang biyaya at mga pagpapala, ipinauunawa sa kanila kung ano ang ibig sabihin ng biyaya sa tao, at kung ano ang matututunan ng mga tao mula rito. Sabihin na nating gusto mong kumain ng isang bagay na sinasabi ng Diyos na masama para sa iyong kalusugan kapag nasobrahan ka ng kain. Hindi ka nakinig, at nagpumilit kang kainin ito, at tinulutan ka ng Diyos na malayang pagpasyahan iyon. Bunga nito, nagkasakit ka. Pagkatapos maranasan ito nang ilang beses, napagtanto mo na talagang tama ang mga salitang binibigkas ng Diyos, na totoo ang mga sinasabi Niya, na dapat kang magsagawa ayon sa Kanyang mga salita, at na ito ang tamang landas. Kung gayon, ano ang ibubunga ng mga dagok, kabiguan at pagdurusang nararanasan mo? Isa na rito ay na, mararamdaman mo ang mga napakataimtim na layunin ng Diyos. Ang isa pa ay na, napapaniwala ka nito at nakakasigurado ka na tama nga ang mga salita ng Diyos at na praktikal ang lahat ng ito, at lumalago ang pananalig mo sa Diyos. Dagdag pa roon, sa pagdanas mo sa yugtong ito ng kabiguan, nakikilala mo ang pagkatotoo at katumpakan ng mga salita ng Diyos, nakikita mo na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at nauunawaan mo ang prinsipyo ng pagsasagawa sa katotohanan. Kaya naman, mabuti para sa iyo na makaranas ng kabiguan—bagamat isa rin itong bagay na nagpapahirap sa iyo, at humuhubog sa iyo. Pero kung ang pagkakahubog ay makapagpapabalik-loob sa iyo sa Diyos sa huli, magiging dahilan para maunawaan mo ang Kanyang mga salita at tanggapin ang mga ito sa iyong puso bilang katotohanan, at magiging dahilan para makilala mo ang Diyos, kung gayon, ang pagkakahubog, ang mga dagok at kabiguang naranasan mo ay hindi mauuwi sa wala. Ito ang resultang nais ng Diyos na makita. Ngunit sinasabi ng ibang tao, “Dahil masyadong mapagtimpi ang Diyos sa mga tao, hahayaan ko na lang ang sarili ko, gagawin ko ang mga bagay-bagay ayon sa gusto ko, at mamumuhay sa paraang gusto ko.” Ayos lang ba ito? (Hindi.) Ang dapat gawin ng mga nilikha ay ang magsagawa ayon sa tamang landas na itinuro sa kanila ng Diyos, at huwag lumihis mula rito. Kung hindi nila magawang ganap na umayon sa mga layunin ng Diyos, hangga’t hindi nila kinokontra ang katotohanan, at kaya nilang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, ayos lang ito. Ito ang pinakamababang pamantayan na hinihingi. Kung lumilihis ka sa katotohanan, hindi nananalangin, at hindi naghahanap, masyado ka nang nalayo sa Diyos, at tumawid ka na sa mapanganib na teritoryo. Kapag masyado ka nang malayo sa Diyos, hindi mo ginagampanan ang iyong tungkulin sa iglesia, at iniwan mo na ang lugar kung saan gumagawa ang Diyos para iligtas ang mga tao, titigil na ang Banal na Espiritu sa paggawa sa iyo, at mawawalan ka na ng pagkakataon, at mawawalan ka na ng kaligtasan. Para sa iyo, ang mga salita ng Diyos ay mga hungkag na salita lamang.
Kapag nananampalataya ka sa Diyos, dapat maunawaan mo muna ang Diyos, maunawaan ang Kanyang mga layunin, at ang Kanyang saloobin sa tao. Kapag ginawa mo ito, malalaman mo kung anong katotohanan ang gusto ng Diyos na maunawaan at pasukin mo sa huli, at mauunawaan mo kung anong landas ang dapat mong sundan. Pagkatapos mong malaman ang mga bagay na ito, dapat gawin mo ang iyong buong makakaya para makipagtulungan sa kung ano ang gustong gawin ng Diyos, at kung ano ang gusto Niyang isakatuparan sa iyo. Kung hindi mo talaga kayang makipagtulungan at ubos na ang enerhiya at lakas mo, ganoon na talaga iyon; hindi pupuwersahin ng Diyos ang mga tao. Gayunpaman, hindi ibinubuhos ng mga tao ngayon ang lahat ng kanilang lakas sa mga bagay na ito. Kung hindi mo ibubuhos ang buo mong lakas sa pagsasagawa ng katotohanan, pero ibinubuhos mo ang buo mong lakas sa pagtatamo ng mga pagpapala at ng putong ng katuwiran, kung gayon ay lumihis ka na mula sa tamang landas. Dapat pagsikapan mong isagawa ang katotohanan, at makipagtulungan ka sa mga misyon at tungkuling ibinibigay sa iyo ng Diyos; dapat mong ialay ang iyong sarili at gugulin ang iyong sarili para sa mga bagay na ito nang buong puso. Kung magkagayon, makakaayon ka sa mga layuninn ng Diyos. Hindi pinapansin ng Diyos ang mga taong hindi nag-aasikaso nang maayos sa kanilang mga tungkulin, pero ang hindi pagpansin sa kanila ay hindi nangangahulugang walang prinsipyo sa likod ng Kanyang mga kilos. Kapag hindi sila pinapansin ng Diyos, ipinapakita nito na Siya ay mapagtimpi, tumatanggap, at mapagpasensiya. Alam Niya kung anong mga bagay ang dapat maranasan ng mga tao sa kanilang buhay, kung ano ang kayang isakatuparan ng mga nilikhang ito, at kung ano ang hindi nila kaya, kung ano ang kayang isakatuparan ng ilang uri ng tao sa mga partikular na panahon, at kung ano ang hindi nila kaya. Ang Diyos ang siyang may pinakamalinaw na kaalaman tungkol sa mga bagay na ito, higit pa kaysa sa mga tao mismo. Gayunpaman, dahil lamang malinaw sa Diyos ang mga bagay na ito, hindi nangangahulugan na pwede mong sabihin na, “O sige, gawin Mo na lang kung ano ang gusto Mo, O Diyos. Hindi ko na kailangang mag-isip tungkol sa anumang bagay. Uupo na lang ako buong maghapon at maghihintay na lang ng manna na malaglag mula sa kalangitan. Ayos lang na ang Diyos na ang bahala sa lahat.” Dapat gawin ng mga tao ang lahat ng kanilang makakaya na makipagtulungan kapag isinasagawa ang kanilang mga responsabilidad, ang mga bagay na dapat nilang gawin, ang mga bagay na dapat nilang pasukin, ang mga bagay na dapat nilang isagawa, at ang mga bagay na nasa saklaw ng likas na kakayahan ng mga tao na isakatuparan. Ano ba ang ibig sabihin na gawin ng isang tao ang lahat ng kanyang makakaya para makipagtulugan? Ibig sabihin nito ay dapat maglaan ka ng panahon at enerhiya sa iyong tungkulin, magdusa at magbayad ng halaga para dito. Minsan dapat isakripisyo ang iyong dangal, banidad, at pansariling interes, at dapat tuluyan mong bitiwan ang iyong pananabik para sa isang hantungan, at ang iyong pagnanais na pagpalain. Dapat bitiwan ang mga bagay na ito, kaya dapat mong bitiwan ang mga ito. Halimbawa, sinasabi ng Diyos na, “Huwag mong nasain ang mga kaginhawahan ng laman, dahil hindi ito nakabubuti sa paglago ng iyong buhay.” Hindi ka makapagpasakop sa Kanya, at pagkatapos maranasan ang ilang kabiguan, iniisip mo, “Tama ang Diyos. Bakit hindi ko ito maisagawa, at malabanan ang laman? Wala ba akong kakayahang magbago? Ganito rin ba ang tingin sa akin ng Diyos? Hindi ba Niya ako ililigtas? Wala na akong pag-asa, kaya magiging trabahador na lang ako, at magtatrabaho hanggang sa huli.” Katanggap-tanggap ba ito? (Hindi.) Madalas na nasa ganitong kalagayan ang mga tao. Naghahangad lang sila ng mga pagpapala at ng isang putong, o hindi kaya ay—matapos makaranas ng ilang beses ng pagkabigo—iniisip nila na hindi nila kaya ang gampanin, at na hinatulan na rin sila ng Diyos. Mali ito. Kung kagyat mong mababago ang mga bagay-bagay, mababago ang iyong puso at isipan, mabibitiwan ang kasamaang nagawa ng iyong mga kamay, makababalik sa harapan ng Diyos, makakapagtapat at makakapagsisisi sa Diyos, makikilala na ang iyong mga kilos at ang landas na nilalakaran mo ay mali, at maaamin ang sarili mong mga pagkukulang, kung gayon ay magsagawa ayon sa landas na itinuro sa iyo ng Diyos, nang hindi sinusukuan ang paghahangad sa katotohanan gaano ka man karumi, kung gayon ay tama ang ginagawa mo. Sa panahon ng pagdanas ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon at pagkakaligtas, kinakailangang humarap ng mga tao sa maraming paghihirap. Halimbawa, ang hindi makapagpasakop sa mga sitwasyong inilatag ng Diyos, ang kanilang iba’t ibang pansariling kaisipan, pananaw, imahinasyon, tiwaling disposisyon, kaalaman at kaloob, o di-kaya’y ang iba’t iba nilang personal na problema o pagkakamali. Dapat mong labanan ang lahat ng uri ng paghihirap. Sa sandaling mapagtagumpayan mo ang sari-saring paghihirap at kalagayang ito, at kapag tapos na ang labanan sa iyong puso, magtataglay ka na ng mga katotohanang realidad, hindi ka na maigagapos ng mga bagay na ito, at makakaalpas at makakalaya ka na. Ang isang problemang madalas na makaharap ng mga tao habang nasa prosesong ito ay na iniisip na nilang mas mahusay sila kaysa sa ibang mga tao bago pa man nila matuklasan ang mga problema sa kanilang sarili, at na pagpapalain sila kahit na ang iba ay hindi, tulad lamang ni Pablo. Kapag natuklasan nila ang kanilang mga problema, iniisip nilang wala silang kuwenta, at na katapusan na nila. Palaging may dalawang sukdulan. Dapat mong mapagtagumpayan ang dalawang sukdulang ito, upang hindi ka malihis. Kapag nahaharap ka sa isang paghihirap, kahit pa alam mo nang lubhang mahirap solusyunan ang problemang ito, at magiging mahirap ayusin, dapat mo itong harapin nang wasto, humarap sa Diyos at hingin ang Kanyang tulong sa pag-aayos nito, at sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, solusyunan ito nang paunti-unti, gaya ng mga langgam na kumakagat sa buto, at baguhin mo ang kalagayang ito. Dapat kang magsisi sa Diyos. Ang pagsisisi ay isang katunayan na may puso kang tumatanggap sa katotohanan at may isang saloobin ng pagpapasakop, na nangangahulugang may pag-asang matatamo mo ang katotohanan. At kung, sa gitna nito, may lumitaw pang dagdag na mga paghihirap, huwag kang matakot. Magmadaling manalangin sa Diyos at umasa sa Kanya; palihim na nanonood at naghihintay sa iyo ang Diyos, at hangga’t hindi ka umaalis sa tagpo, daloy, at saklaw ng Kanyang gawaing pamamahala, may pag-asa ka pa—hinding-hindi ka dapat sumuko. Kung ang ipinapakita mo lang ay isang normal na tiwaling disposisyon, kung gayon, hangga’t nauunawaan mo ito at natatanggap ang katotohanan, at naisasagawa ang katotohanan, darating ang araw na malulutas ang mga problemang ito. Dapat kang sumampalataya rito. Ang Diyos ang katotohanan—bakit kailangan mong mangambang hindi malulutas ang munting problemang ito? Malulutas ang lahat ng ito, kaya bakit ka magiging negatibo? Hindi ka sinukuan ng Diyos, kaya bakit mo susukuan ang iyong sarili? Hindi ka dapat sumuko, at hindi ka dapat maging negatibo. Dapat mong harapin nang maayos ang problema. Dapat alam mo ang mga normal na batas para sa buhay pagpasok, at makita ang pagbubunyag at pagpapamalas ng isang tiwaling disposisyon, pati na ang paminsan-minsan na pagiging negatibo, kahinaan, at pagkalito, bilang mga normal na bagay. Matagal at paulit-ulit ang proseso sa pagbabago ng disposisyon ng isang tao. Kapag malinaw sa iyo ang puntong ito, magagawa mong harapin nang maayos ang mga problema. Minsan, lubhang nagpapakita nang kusa ang iyong tiwaling disposisyon, at nasusuklam ang sinumang nakakakita nito, at kinamumuhian mo ang iyong sarili. O kaya naman, minsan ay masyado kang kampante at dinidisiplina ka ng Diyos. Hindi ito dapat ikatakot. Hangga’t dinidisiplina ka ng Diyos, hangga’t nagmamalasakit at pumoprotekta Siya sa iyo, gumagawa pa rin sa iyo, at laging kasama mo, pinatutunayan nito na hindi ka sinukuan ng Diyos. Kahit na may mga pagkakataong pakiramdam mo ay iniwan ka ng Diyos, at inilubog ka sa kadiliman, huwag matakot: Hangga’t buhay ka pa rin at wala sa impiyerno, may pagkakataon ka pa. Subalit kung katulad ka ni Pablo, na matigas ang ulong tinahak ang landas ng isang anticristo, at sa huli ay pinatototohanan na para sa kanya ang mabuhay ay si Cristo, katapusan mo na. Kung magigising ka sa katotohanan, may pagkakataon ka pa. Ano pang pagkakataon ang mayroon ka? May pagkakataon ka pang lumapit sa harapan ng Diyos, at makakapagdasal ka pa rin sa Diyos at makahahanap, sinasabing “O Diyos! Pakiusap, bigyan Mo po ako ng kaliwanagan upang maunawaan ko ang aspektong ito ng katotohanan, at ang aspektong ito ng landas ng pagsasagawa.” Hangga’t ikaw ay isa sa mga sumusunod sa Diyos, may pag-asa ka sa kaligtasan, at mararating mo ang pinakadulo. Malinaw na ba ang mga salitang ito? Malamang pa rin bang maging negatibo ka? (Hindi.) Kapag nauunawaan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos, maluwang ang kanilang landas. Kung hindi nila nauunawaan ang Kanyang mga layunin, makitid ito, may kadiliman sa kanilang mga puso, at wala silang landas na tatahakin. Ang mga hindi nakauunawa sa katotohanan ay ang mga sumusunod: Makikitid ang kanilang isip, lagi silang nagbubusisi, at lagi silang nagrereklamo at mali ang pagkaunawa nila sa Diyos. Dahil dito, habang lalo silang naglalakad nang malayo, lalo namang naglalaho ang kanilang landas. Sa totoo lang, hindi nauunawaan ng mga tao ang Diyos. Kung itatrato ng Diyos ang mga tao gaya ng nasa imahinasyon nila, matagal na sanang nalipol ang sangkatauhan.
Kumakatawan ang pitong kasalanan ni Pablo sa mga pagbubunyag na tipikal sa tiwaling sangkatauhan, ngunit si Pablo ang pinakamalalang kaso. Natukoy na ang kanyang kalikasang diwa—ganoong uri siya ng tao. Gayunpaman, karaniwan sa lahat ng tiwaling tao ang mga tiwaling disposisyong ito; bawat tao ay mayroong ganito sa magkakaibang antas. Nagmumula lahat ang mga kalagayang ito sa isang tiwaling disposisyon. Bagamat hindi kayo magkauri ni Pablo, nagtataglay ka rin ng ganitong mga tiwaling disposisyon; hindi mo lang naipapamalas ang mga ito nang kasinglubha ng ginawa niya. Sa kasalukuyan, nakikita ng Diyos bilang mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon ang mga ganitong uri ng kalagayan na mayroon ang karamihan sa inyo. Pero hindi lang basta nagbunyag si Pablo ng tiwaling disposisyon; nasa landas siya ng paglaban sa Diyos, at matigas na tumangging magsisi. Sinentensiyahan siya at kinondena. Mayroon siyang malademonyong kalikasan, at wala nang lunas sa malademonyo niyang kalikasang ito na napopoot sa katotohanan. Pagkatapos nito, dapat kayong magbahaginan tungkol sa diskursong ito, at ikumpara ninyo ang inyong sarili rito. Layon nitong makilala ang kalubhaan ng mga pagkakamaling ito na ginawa ni Pablo, at pagkatapos ay ibunyag ang lahat ng tiwaling kalagayang mayroon kayo na katulad ng kay Pablo, at ayusin ang mga ito nang hakbang-hakbang. Ang punto ng pag-aayos sa mga tiwaling disposisyong ito ay para bigyan ng kakayahan ang mga tao na mamuhay nang may karagdagang wangis ng tao, at lalong maging kaayon ng Diyos. Sa pamamagitan lamang ng pag-aayos sa mga tiwaling disposisyong ito tunay na makakalapit ang mga tao sa harapan ng Diyos, magiging kaayon Niya, magiging isang tunay na nilikha, at magiging kasiya-siya sa paningin ng Diyos. Ikinukumpara ba ninyo ang inyong sarili sa mga ito? (Medyo kulang kami sa aspektong ito.) Ang katotohanan ang pinakamalaking kulang sa inyo. Ang katotohanan ang dapat pinapasok ninyo. Medyo may ilang bagay na nasa loob ninyo ngayon, pero ang karamihan sa mga bagay na ito ay tiwali at masama. May kaunti kayong kakatwang kaalaman, masyado kayong makitid ang isip, palagi ninyong iniisip ang tungkol sa pakikipagtransaksiyon at pakikipagkalakalan, mayroon kayong sobra-sobrang negatibong bagay, at nagiging negatibo kayo kapag hindi ninyo ginagawa nang maayos ang isang gampanin, o kapag nakakaramdam kayo ng paghihirap. Kapag nakikita mo na hindi umaayon sa gusto mo ang gawain ng Diyos, umuusbong ang mga negatibong emosyon sa loob mo, at kumokontra ka sa Kanyang gawain at nilalabanan mo ito. Kapag may naisakatuparan kang maliit na resulta sa iyong gawain, lumalaki ang ulo mo at nakakalimutan mo ang iyong sarili. Nagiging mayabang ka at hindi mo na alam ang iyong puwesto sa sansinukob, iniisip mo na mas magaling ka kaysa sa iba, at gusto mong bigyan ka ng Diyos ng putong at gantimpala bilang kapalit; nangangahas ka rin na hayagan na maging walang pigil. Sa kabuuan, walang ipinagkaiba ang mga kalagayang ito sa mga kalagayan ni Pablo—magkakapareho ang mga ito, at kinapopootan ng Diyos ang mga ito.
Naibuod at natukoy na natin ang pitong malaking kasalanan ni Pablo. Nasadlak sa kaparusahan si Pablo sa bandang huli. Nang pagpasyahan ng Diyos ang kalalabasan ni Pablo, ibinatay lang ba Niya ito sa isa sa mga kasalanan ni Pablo? (Hindi.) Kung susumahin, ito ang katapusan na nararapat para sa kanya; ganito siya dapat nagtapos. Nasa harapan mo na mismo ang mga katunayan; hindi mo maikakaila ang mga ito. Kung may ilan sa inyo na tumatahak sa isang daan na katulad ng kay Pablo mula sa simula hanggang sa katapusan, na nagpapamalas ng lahat ng pitong kasalanan ni Pablo, at hindi kayang hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito, ano ang magiging kalalabasan ninyo sa huli? (Katulad ng kay Pablo.) Kayo ay magiging isang anticristong demonyo kagaya ni Pablo, at dapat kayong parusahan. Kapag pinarusahan ka, huwag mong akusahan ang Diyos ng pagiging hindi matuwid. Sa halip, dapat mong purihin ang pagiging matuwid ng Diyos, at sabihing, “Ang Diyos ay matuwid! Inilantad ng Diyos ang pitong kasalanan ni Pablo, at ipinaliwanag ng Kanyang mga salita ang mga ito. Ako ang hindi pumasok sa Kanyang mga salita!” Iba na ang mga bagay ngayon kaysa noong nakaraang dalawang libong taon; sinasabi ng Diyos sa mga tao ang tungkol sa bawat katotohanan nang malinaw at walang itinatago, at nakasulat ito para sa iyo, para marinig at maunawaan mo ito, at nang makita mo rin na ganoon gumagawa ang Diyos at ganoon Niya isinasakatuparan ang mga bagay-bagay sa tunay na buhay. Kung hindi ka pa rin makapasok sa katotohanan, at hindi mo maiayos ang tiwali mong disposisyon ayon sa mga salita ng Diyos, huwag mong sisihin ang Diyos na pinarusahan ka Niya ayon sa Kanyang matuwid na disposisyon. Sa Aklat ng Pahayag, sinabi ng Diyos, “Ang Aking gantingpala ay nasa Akin, upang bigyan ng kagantihan ang bawat isa ayon sa kanyang gawa” (Pahayag 22:12). Sinusuklian ng Diyos ang mga tao ayon sa kanilang ginawa. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ang mga nananampalataya sa Diyos ay dapat magnilay-nilay at maunawaan ang kanilang sarili batay sa mga salita ng Diyos, at batay sa pitong kasalanan ni Pablo na inilantad ng Diyos, at dapat nilang makamit ang tunay na pagsisisi. Ito ang bagay na sinasang-ayunan ng Diyos.
Hunyo 14, 2018