Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan at Pagpapasakop sa Diyos Maaaring Matamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Disposisyon

Ang higit na nakararami sa inyo ay nananalig sa Diyos nang, humigit-kumulang, hindi bababa sa sampung taon, kaya anong yugto sa inyong karanasan sa buhay ang narating na ninyo? Sa anong yugto kasalukuyang nakatayo ang inyong tayog? (Kapag nakikita ko ang aking sarili na patuloy na nagpapakita ng tiwaling disposisyon, napagpapasyahan ko na hindi ako isa sa mga tao ng Diyos kundi isang tagapagsilbi lamang; pagkatapos ay nagiging negatibo at nag-aalala ako na hindi ako karapat-dapat tumanggap ng kaligtasan.) Ang magkaroon ng takot kapag natutukoy na ang isang tao ay tagapagsilbi: ito ay isang palatandaan na ang iyong tayog ay isip-bata at wala pa sa gulang. Ang pagiging isip-bata ng tayog ay nangangahulugan ng kawalan ng karunungan, kawalan ng normal na kakayahan na timbangin at pag-isipan ang mga problema, kawalan ng mga prosesong pangkaisipan ng isang nasa hustong gulang, at palaging napipigilan ng mga pagkakataon sa hinaharap at kapalaran ng isang tao. May iba pa bang gustong magsalita nang kaunti? (Kapag, sa paggawa ko sa aking tungkulin, lumilihis ako sa aking landas, palagi akong nag-aalala, nag-iisip kung ibubunyag ako ng Diyos at ititiwalag.) Bakit kayo natatakot na matiwalag? Ang bagay na ito na itinuturing ninyo na “pagtitiwalag”: sa huling pagsusuri, ano ang kahulugan nito? (Ang humantong sa hindi magandang katapusan.) Kapag itinuturing ninyo na ang kahulugan ng “pagtitiwalag” ay ang hindi pagpapahintulot na gawin ang tungkulin mo, o ang pagkawala ng anumang pagkakataon ng kaligtasan na maaaring mayroon ka, ito ba—ang bagay na itinakda mo—ay katulad ng paraan kung paano ka nakikita at tinatrato ng Diyos? Bilang isang likas na gawi, haharapin ng mga isip-bata ang tayog ang lahat ng bagay batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao sa halip na ayon sa salita ng Diyos o sa katotohanan. Ngunit haharapin ng mga may hustong gulang at nahinog na sa buhay ang lahat alinsunod sa salita ng Diyos at sa katotohanan; ang pagsusuri sa isang isyu sa ganitong paraan ay mas wasto. Kapag ginagawa ang tungkulin ng isang tao, karaniwan ang masadlak sa mga paglihis at paghihirap; kung siya ay ititiwalag sa unang pagkakamali, walang sinumang maayos na makakagawa ng kanyang tungkulin. Dapat ninyong maunawaan na ang buong layon ng paggawa sa tungkulin ng isang tao ay upang ang tiwaling disposisyon niya ay madalisay sa pamamagitan ng karanasan ng paghatol ng Diyos, upang sa paggawa ng isang tao sa kanyang tungkulin ay maunawaan niya ang katotohanan at makapasok sa realidad, at upang sa paggawa niya sa kanyang tungkulin ay makalaya siya sa pagpapahirap ng impluwensiya ni Satanas at makatanggap siya ng kaligtasan. Ito ang dahilan kung bakit hinihingi ng Diyos sa mga tao na, sa paggawa sa kanilang tungkulin, matutunan nila kung paano hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, at lutasin ang mga problema alinsunod sa salita ng Diyos: Ito ay isang kinakailangang pagsulong sa karanasan sa buhay. Sa mga ordinaryong pangyayari, walang sinumang indibidwal ang dalubhasa sa lahat ng bagay, ni wala ring sinumang indibidwal ang may taglay ng mga kasanayang sumasaklaw sa lahat, kaya halos imposibleng maiwasan ng isang tao ang magkamali sa paggawa sa kanyang tungkulin. Ngunit hangga’t hindi ito isang sinasadyang gawa ng panggugulo, saklaw ito ng mga hangganan ng mga normal na inaasahan. Gayunman, kung ito ay nangyayari sa pamamagitan ng pakana ng tao, kung ito ay isang masamang bunga na dala ng isang sinadyang maling gawa, may mali sa pagkatao ng taong sangkot dito, at ito ay magiging isang kaso ng sinasadyang panggugulo at paninira. Ang buktot na tao ay lubusang ibubunyag. Gumagawa ang Diyos, sa Kanyang mga sariling mata, ng tamang pagsukat at pagsusuri ng mga tao; ibig sabihin, sa paggamit sa isang tao, sa pagpapagawa sa kanya ng isang bagay, tiyak na ang Diyos ay may mga pamantayan na hinihingi Niyang matugunan ng taong ito. Hindi nais ng Diyos na ikaw ay maging higit sa tao, maging makapangyarihan sa lahat; sa halip, may mga hinihingi Siya sa iyo, at ipinagkakaloob sa iyo ang pagtrato, batay sa saklaw ng kakayahan ng isang ordinaryong tao. Ayon sa kaalamang mayroon ka, sa iyong kakayahan, ang mga kondisyon ng iyong pamumuhay, at ang lahat ng pagkaunawa na iyong nakamit, kabilang ang saklaw ng iyong kapasidad nang may pagsasaalang-alang sa iyong kasalukuyang gulang at karanasan, itatakda ng Diyos ang pinakatumpak at pinakanararapat na pamantayan para sa pagsusuri sa iyo. Ano ang pamantayan ng pagsusuri ng Diyos? Ito ay para siyasatin ang layon, mga prinsipyo, at mga mithiin sa pamamaraan mo ng paggawa ng bagay-bagay, upang tingnan kung ang mga ito ay umaayon sa katotohanan. Marahil ay umaayon ang ginagawa mo sa mga pamantayan na itinakda para sa iyo ng ibang tao, at dapat kang makakuha ng perpektong puntos para dito; ngunit paano ka sinusuri ng Diyos? Ang pamantayan kung paano ka sinusukat ng Diyos ay kung may kakayahan ka bang ibigay ang buo mong puso, pag-iisip, at lakas, kung darating ka ba sa punto na maibibigay mo ang lahat ng mayroon ka, maihahandog ang iyong pagkamatapat. Ito ang pamantayan ng pagsusuri ng Diyos. Kung naihandog mo na ang lahat ng mayroon ka, makikita ng Diyos na naabot mo na ang pamantayan. Ang lahat ng hinihingi ng Diyos sa mga tao ay saklaw ng kakayahan nilang maibigay, at hindi lumalagpas sa anumang kaya nilang maabot.

Paminsan-minsan, gumagamit ang Diyos ng isang partikular na bagay upang ibunyag ka o disiplinahin ka. Kung gayon ba ay nangangahulugan ito na tiniwalag ka na? Nangangahulugan ba ito na dumating na ang katapusan mo? Hindi. Para itong kapag sumuway at nagkamali ang isang bata; maaari siyang kagalitan at parusahan ng kanyang mga magulang, ngunit kung hindi niya maarok ang intensyon ng kanyang mga magulang o maunawaan kung bakit nila ginagawa ito, magkakamali siya ng pag-unawa sa kanilang layon. Halimbawa, maaaring sabihin ng mga magulang sa bata, “Huwag kang aalis ng bahay nang mag-isa, at huwag kang lalabas nang mag-isa,” ngunit pumasok lamang ito sa isang tainga at lumabas sa kabila, at tumakas pa ring mag-isa ang bata. Sa sandaling malaman iyon ng mga magulang, pagagalitan nila ang bata at bilang parusa, patatayuin nila siya sa sulok para pag-isipan ang kanyang inasal. Hindi nauunawaan ang mga intensyon ng kanyang mga magulang, ang bata ay nagsisimulang magduda: “Ayaw na ba sa akin ng mga magulang ko? Talaga bang anak nila ako? Kung hindi nila ako anak, ibig sabihin ba nito ay ampon ako?” Pinagninilayan niya ang mga bagay na ito. Ano ang mga tunay na intensyon ng mga magulang? Sinabi ng mga magulang na masyadong mapanganib na gawin iyon at sinabihan ang anak nila na huwag itong gawin. Ngunit hindi nakinig ang anak, at pumasok iyon sa isang tainga at lumabas sa kabila. Samakatuwid, kinailangang gumamit ng mga magulang ng isang uri ng kaparusahan para maturuan nang wasto ang kanilang anak at hayaan siyang matuto mula sa kanyang mga pagkakamali. Ano ang nais makamit ng mga magulang sa paggawa nito? Para lamang ba matuto ang bata mula sa kanyang pagkakamali? Hindi ganitong uri ng pagkatuto ang nais nilang makamtan sa huli. Ang layunin ng mga magulang sa paggawa nito ay para sundin ng bata ang sinabi sa kanya, kumilos alinsunod sa kanilang payo, at hindi gumawa ng anumang pagsuway para mag-alala sila—ito ang magiging epekto na hinahangad nilang makamtan. Kung nakinig ang anak sa kanyang mga magulang, ipinapakita nitong bumuti na ang kanyang pang-unawa, at dahil dito ay mababawasan ang iniisip ng kanyang mga magulang. Hindi ba’t masisiyahan na sila sa kanya kung gayon? Kakailanganin pa rin ba nilang parusahan siya nang ganoon? Hindi na nila kailangan pang gawin iyon. Katulad lang nito ang paniniwala sa Diyos. Dapat matutuhan ng mga tao na pakinggan ang mga salita ng Diyos at unawain ang Kanyang puso. Hindi sila dapat magkamali ng pagkaunawa sa Diyos. Sa katunayan, sa maraming pagkakataon, ang pag-aalala ng mga tao ay nagmumula sa kanilang pansariling mga interes. Sa pangkalahatan, natatakot sila na baka wala silang kahinatnan. Palagi nilang iniisip, “Paano kung ibunyag, itiwalag, at tanggihan ako ng Diyos?” Ito ang maling interpretasyon mo sa Diyos; ang mga ito ay isang panig na pala-palagay mo lamang. Kailangan mong alamin kung ano ang layunin ng Diyos. Kapag ibinubunyag Niya ang mga tao, hindi ito para itiwalag sila. Ibinubunyag ang mga tao para ibunyag ang kanilang mga pagkukulang, pagkakamali, at kalikasang diwa, para makilala nila ang kanilang sarili, at maging kaya nila ang tunay na pagsisisi; sa kadahilanang ito, ang pagbubunyag sa mga tao ay para tulungan ang buhay nilang lumago. Kung walang dalisay na pagkaunawa, malamang na magkamali ng pag-unawa ang mga tao sa Diyos at maging negatibo at mahina. Maaari pa nga silang magpatangay sa kawalan ng pag-asa. Sa katunayan, ang maibunyag ng Diyos ay hindi naman nangangahulugan na ititiwalag ka. Ito ay para tulungan kang malaman ang sarili mong katiwalian, at pagsisihin ka. Kadalasan, dahil suwail ang mga tao, at hindi naghahanap ng kasagutan sa katotohanan kapag nagbubunyag sila ng kanilang katiwalian, kailangang magdisiplina ng Diyos. At dahil dito, minsan, ibinubunyag Niya ang mga tao, ibinubunyag ang kanilang kapangitan at pagiging kaawa-awa, tinutulutan silang makilala ang kanilang sarili, na nakakatulong para lumago ang kanilang buhay. Ang pagbubunyag sa mga tao ay may dalawang magkaibang implikasyon: Para sa masasamang tao, ang maibunyag ay nangangahulugan na itiniwalag na sila. Para sa mga nagagawang tanggapin ang katotohanan, ito ay isang paalala at isang babala; pinagninilay sila tungkol sa kanilang sarili, para makita ang kanilang tunay na kalagayan, at para huminto na ang kanilang pagiging suwail at walang ingat, sapagkat magiging mapanganib ang magpatuloy nang ganito. Ang pagbubunyag sa mga tao sa ganitong paraan ay para paalalahanan sila na baka, sa pagsasagawa nila ng kanilang tungkulin, sila ay maguluhan at hindi mag-ingat, hindi maging seryoso sa mga bagay, makuntento sa kaunting resulta, at mag-isip na nagampanan nila ang kanilang tungkulin ayon sa katanggap-tanggap na pamantayan samantalang, ang totoo, kapag sinukat ayon sa hinihingi ng Diyos, nagkulang silang masyado, subalit kampante pa rin sila, at naniniwalang ayos lang sila. Sa gayong mga sitwasyon, didisiplinahin, babalaan, at paaalalahanan ng Diyos ang mga tao. Kung minsan, ibinubunyag ng Diyos ang kanilang kapangitan—na malinaw na para magsilbing isang paalala. Sa gayong mga pagkakataon dapat mong pagnilayan ang iyong sarili: Hindi sapat ang gampanan mo nang ganito ang iyong tungkulin, may paghihimagsik sa iyong kalooban, napakaraming negatibong elemento, lahat ng ginagawa mo ay basta-basta lang, at kung hindi ka pa rin magsisisi, makatarungan na, dapat kang maparusahan. Paminsan-minsan, kapag dinidisiplina ka ng Diyos, o kaya ay ibinubunyag ka, hindi ito nangangahulugang ititiwalag ka. Dapat harapin ang bagay na ito nang tama. Kahit itiwalag ka pa, dapat mo itong tanggapin at magpasakop ka rito, at magmadaling magnilay-nilay at magsisi. Bilang pagbubuod, ano man ang kahulugang nakapaloob sa pagbubunyag sa iyo, dapat mong matutunang magpasakop. Kung nagpapakita ka ng pasibong paglaban, at sa halip na maayos ang iyong mga kapintasan ay patuloy pa itong lumalala, ikaw ay tiyak na maparurusahan. Samakatuwid, sa pagharap sa mga usapin na may kinalaman sa pagbubunyag, dapat magpakita ng pagpapasakop ang isang tao, ang puso niya ay dapat na mapuspos ng takot, at dapat siyang magkaroon ng kakayahang magsisi: Saka lamang aayon ang isang tao sa mga layunin ng Diyos, at tanging sa pagsasagawa lamang sa ganitong pamamaraan na maliligtas niya ang kanyang sarili at maiiwasan ang kaparusahan ng Diyos. Dapat ay nagagawang makilala ng mga makatwaring tao ang mga sarili nilang kamalian at naiwawasto ang mga ito, kahit paano ay nakararating sa punto na sumasandig sila sa kanilang konsensiya upang gawin ang kanilang tungkulin. Dagdag pa rito, dapat din nilang abutin ang katotohanan, nakararating hindi lamang sa punto kung saan may prinsipyo ang kanilang pag-uugali, kundi maging sa punto ng pagbibigay nila ng kanilang buong puso, buong kaluluwa, buong isipan, at buong lakas: Ang pagsasagawa lamang nito ang katanggap-tanggap na paraan ng pagtupad sa kanilang tungkulin, tanging sa paggawa lamang nito sila nagiging mga taong tunay na nagpapasakop sa Diyos. Ano ang dapat na ituring ng isang tao bilang pamantayan para maisakatuparan ang mga layunin ng Diyos? Dapat ibatay ng isang tao ang kanyang mga kilos sa mga katotohanang prinsipyo, na ang pangunahing aspekto ay bigyang-diin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, na isaisip ang kabuuang larawan, at hindi tumutok sa alinmang isang aspekto sa panganib na mawala ang pansin sa iba pa, at na ang maliit na aspekto ay maisagawa niya nang tama ang kanyang gawain, at matupad ang ninanais na epekto ayon sa hinihingi sa kanya, nang hindi gumagawa nang pabasta-basta, nang hindi nagdadala ng kahihiyan sa Diyos. Kung makakabisado ng mga tao ang mga prinsipyong ito, hindi ba’t bibitiwan nila ang kanilang mga alalahanin at maling paniniwala? Sa oras na isantabi mo ang iyong mga alalahanin at maling paniniwala, at wala kang anumang di-makatuwirang ideya tungkol sa Diyos, ang mga negatibong elemento ay unti-unting mawawalan ng dominanteng posisyon sa loob mo, at haharapin mo ang mga ganitong uri ng bagay sa tamang paraan. Samakatuwid, mahalagang hanapin ang katotohanan at sikaping maunawaan ang mga layunin ng Diyos.

Kapag gumaganap ng kanilang tungkulin, ang ilan ay madalas na nasa kalagayan ng pagiging negatibo at pasibo, o lumalaban at may maling pagkaunawa. Lagi silang natatakot na mabubunyag at matitiwalag sila, at laging napipigilan ng kanilang hinaharap at tadhana. Hindi ba ito ang pagpapahayag ng isang mababang tayog? (Oo.) Laging sinasabi ng ilang tao na natatakot silang hindi nila magagampanang mabuti ang kanilang tungkulin, at kung hindi susuriing mabuti ang mga detalye maaaring isipin ng isang tao na tapat naman siya. Ano ba talaga ang ipinag-aalala nila sa kanilang mga puso? Nag-aalala sila na kung hindi nila magagawa nang mabuti ang kanilang tungkulin, matitiwalag sila at wala silang magandang destinasyon. Sinasabi ng ilang tao na natatakot silang maging mga tagapagsilbi. Kapag naririnig ito ng ibang mga tao, iniisip nilang ibig sabihin nito ay dahil ayaw ng mga taong iyon na maging mga tagapagsilbi, gusto lamang nilang magampanan nang mabuti ang kanilang tungkulin bilang isa sa mga tao ng Diyos, at mapagkamalang mga taong may paninindigan. Ang totoo, sa kanilang mga puso, iniisip ng mga taong iyon na takot maging mga tagapagsilbi na, “Kapag naging tagapagsilbi ako, mapapahamak lang din ako sa huli at hindi magkakaroon ng magandang destinasyon, at hindi magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng langit.” Ito ang ipinahihiwatig ng kanilang mga salita; nag-aalala sila tungkol sa kanilang kahihinatnan at destinasyon. Kapag sinabi ng Diyos na sila ay mga tagapagsilbi, hindi nila gaanong pinagsisikapan ang pagganap sa kanilang tungkulin. Kapag sinabi ng Diyos na isa sila sa Kanyang mga tao at sinang-ayunan sila ng Diyos, medyo mas pinaglalaanan nila ng pagsisikap ang paggawa sa kanilang tungkulin. Ano ang problema rito? Ang problema ay kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, hindi sila kumikilos ayon sa katotohanang prinsipyo. Lagi nilang isinasaalang-alang ang sarili nilang mga hinaharap at kapalaran, at lagi silang napipigilan ng titulong “tagapagsilbi.” Bilang resulta, hindi nila nagagawa nang maayos ang kanilang tungkulin, at kahit na gusto nilang isagawa ang katotohanan, wala silang lakas na gawin ito. Lagi silang nabubuhay sa estado ng pagiging negatibo, at naghahanap ng kahulugan sa mga salita ng Diyos, sinusubukang tiyakin kung sila ba ay mga tao ng Diyos o mga tagapagsilbi. Kung sila ay mga tao ng Diyos, pipilitin nila ang kanilang mga sarili para isagawa nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Kung sila ay mga tagapagsilbi, pabasta-basta lamang ang pagsasagawa nila ng kanilang tungkulin, na nagdudulot ng maraming negatibong elemento, at nalilimitahan ng titulong “tagapagsilbi,” walang kakayahang palayain ang kanilang mga sarili. Minsan, matapos mapungusan nang matindi, sinasabi nila sa kanilang sarili, “Wala ng pag-asa para sa akin, ganito na talaga ako. Gagawin ko na lang kung ano ang makakayanan ko.” Nilalabanan nila ito nang may mga kaisipang pasibo, negatibo, at lumalala, at isinasagawa nila ang kanilang tungkulin nang may pag-aatubili. Magagawa ba nilang gampanan ang kanilang tungkulin nang maayos? Ang pagbabahaginan sa mga pagtitipon ay laging tungkol sa katotohanan, pagmamahal sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, pagsandig sa salita ng Diyos para mamuhay, at pagpapakita ng pagkamatapat sa Diyos—pero hindi niya naisasagawa ang anuman sa mga ito; iniisip lamang niya ang kanyang mga sariling inaasahan at kapalaran, habang panahon na nalilimitahan ng kanyang kasakiman para sa mga pagpapala, walang kakayahang tanggapin ang anumang aspekto ng katotohanan. Sa ganitong paraan, siya ay nakikipaglaban at sumasalungat, negatibo at puno ng reklamo, sa puso niya ay palaging may kinikimkim na mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, hinahadlangan ang Diyos, at inilalayo ang Diyos. Palagi siyang nakabantay laban sa Diyos, takot na makita ng Diyos ang totoo sa kanya, kontrolin siya, at kumilos ng laban sa kanyang mga interes. At, sa kanyang pagsunod, lagi siyang nag-aatubili at masama ang loob, hinihila ng mga taong nasa harap niya, at itinutulak paharap ng mga taong nasa likuran, na tila ba nahulog siya sa putik at ang bawat hakbang ay labis na paghihirap, at ang pagiging buhay ay labis na pagdurusa! Paano humantong dito ang mga bagay-bagay? Naging ganito ito dahil ang puso ng tao ay sobrang mapanlinlang, palaging mali ang pagkaunawa sa ginagawa ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan. Anumang pagtrato ang gawin ng Diyos sa kanila, palaging magdududa ang mga tao, iniisip, “Ang ibig sabihin ba nito ay ayaw na sa akin ng Diyos? Ililigtas ba ako ng Diyos sa huli o hindi? Para sa isang katulad ko, may silbi ba ang pagpapatuloy sa mga hinahangad ko? Makakapasok ba ako sa kaharian?” Kapag ang mga tao ay patuloy na nagkikimkim ng mga negatibo at salungat na kaisipang gaya ng mga ito, hindi ba nito maaapektuhan ang kakayahan nila na gampanan ang kanilang tungkulin? Hindi rin ba nito maaapektuhan ang paghahangad nila sa katotohanan? Kung hindi maglalaho ang lahat ng mga negatibong elementong ito, kailan pa sila makakapasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos? Mahirap itong masabi. At dahil dito, ang mga taong tumatangging tanggapin ang katotohanan ang pinakamahirap pangasiwaan, at sa huli ang tanging magagawa sa kanila ay ang itiwalag sila.

Sa tiwaling sangkatauhan, may ilang salungat na mga elemento ang namalagi na nang malalim sa kanilang puso, halimbawa, ang mga bagay gaya ng karangalan, kayabangan, katayuan, kasikatan at pakinabang, at iba pa. Kapag nananalig ka sa Diyos, kung nais mong tanggapin ang katotohanan, nangangahulugan ito nang walang tigil na pakikipaglaban sa mga salungat na mga elementong ito, at pakikipagbuno sa lahat ng uri ng mahirap na karanasan at pakikipaglaban. Hangga’t ang katotohanan ay hindi nagiging buhay, nagtatagumpay sa mga tao, hindi hihinto ang labanan. Sa panahong ito, kapag naunawaan ng mga tao ang katotohanan sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos at nagkamit ng matatag na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, sisimulan nilang isagawa ang katotohanan at maghimagsik laban sa laman. Pagdating ng oras na ang katotohanan ay maging buhay nila, magiging posible na para sa kanila ang gamitin ang katotohanan para itapon ang mga negatibo at salungat na elementong ito. Ang kayabangan at personal na karangalan, katanyagan, pakinabang, at katayuan, mga pagnanasa ng tao, maruruming hangarin, mga maling pagkaunawa ng mga tao sa Diyos, ang kanilang mga pagpipilian at kagustuhan, ang kanilang pagmamatuwid sa sarili, pagmamataas, panlilinlang, at kung ano pa man—ang lahat ng problemang ito ay unti-unting magkakaroon ng solusyon matapos maunawaan ng mga tao ang katotohanan. Sa katunayan, ang proseso ng pananalig sa Diyos ay walang iba kundi ang proseso ng pagtanggap sa katotohanan, ang proseso ng paggamit sa katotohanan upang mapagtagumpayan ang laman, at ang proseso ng walang sawang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos, paghahanap sa katotohanan, at paggamit sa katotohanan na naunawaan mo, ang salita ng Diyos na nalaman mo, at ang mga katotohanang prinsipyo na naintindihan mo upang lutasin ang mga problemang ito. Ang magkaroon ng buhay pagpasok ay ang pagdaan sa mga karanasang ito, at dahil dito, ang mga tao ay unti-unting magbabago. Ang mga tiwaling elementong ito ay nasa lahat ng tao, at walang kahit isang indibidwal ang hindi nabubuhay para sa pakinabang at katanyagan. Ang lahat ng tao ay nabubuhay para sa mga bagay na ito; tanging ang paraan kung paano pinangangasiwaan ng bawat tao ang mga ito at ipinapahayag ang kagustuhan para sa mga ito ang maaaring magkaiba. Ngunit ang ipinapakita nila, sa diwa, ay magkapareho. Malakas magsalita ang ibang tao, ang iba ay hindi magsasalita; ipinapakita ng iba ang sarili nila sa paraang kapansin-pansin, samantalang ang iba ay nagtatangkang magtago, ginagamit ang lahat ng uri ng paraan para pagtakpan ang mga bagay-bagay at pinipigilan na mabunyag ang mga ito, para hindi sila makilala ng iba. Ang hindi pagpapahintulot sa ibang tao na makilala ka, at ang pagtatakip sa mga bagay-bagay—sa palagay mo ba, sa paggawa mo nito, maitatago mo ito sa Diyos? Sa palagay mo ba, kung gagawin mo ito, ang tiwali mong disposisyon ay mawawala na? Ang tiwaling diwa ng bawat isang indibidwal ay pare-pareho—ano ang pagkakaiba sa pagitan ng isang indibidwal at ng iba? Ang saloobin kung paano hinaharap ng isang tao ang katotohanan ay maaaring iba sa isa pang indibidwal at sa susunod. Nagagawang tanggapin ng ilang tao ang katotohanan sa oras na matapos nila itong marinig. Tinatanggap nila ito gaya ng paglunok nila sa gamot na mapait sa bibig pero mabuti para sa pagpapagaling, ginagamit ito para gamutin ang mga karamdaman at lutasin ang mga problema na nagpapahirap mula sa kanilang kalooban. Sa pamamahala nila sa mga bagay, pagkilos, paggawa sa kanilang tungkulin, pakikisalamuha sa iba, at pagtatakda ng kanilang mithiin at oryentasyon sa buhay, hinahanap nila ang mga sagot sa salita ng Diyos at ginagamit ang salita ng Diyos para lutasin ang mga problema na nakakaharap nila sa buhay, unti-unting isinasagawa ang naunawaan nila. Halimbawa, noong sinabi ng Diyos, “Lahat kayo ay dapat na magsumikap na maging mga tapat na tao,” ang gayong indibidwal ay mag-iisip, “Paano ako magiging isang tapat na tao?” Hinihingi ng Diyos na maging tapat ang mga tao; dapat ang mga salitang binibigkas nila ay tapat, buksan nila ang kanilang puso sa pakikipagbahaginan sa mga kapatid, at tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Ito ang mga nakapaloob na prinsipyo, at isasagawa ito ng gayong uri ng tao oras na marinig niya ang mga ito. Natural na may mga pagkakataon sa panahon ng pagsasagawa niya na maaari siyang lumiko sa kaliwa o sa kanan, hindi makita ang mga tamang prinsipyo gaano kahirap man niya ito hanapin, at may mga pagkakataon na, may kaunting pagkabaluktot sa kanyang pagsasagawa. Ngunit sa walang tigil na pagsusumikap na maabot ang pamantayan ng pagiging isang matapat na tao, sa loob ng ilang taon ay mapapalapit siya nang mapapalapit sa inaasam na epekto. Habang mas lalo siyang nabubuhay, siya ay mas nagiging tao at mas mararamdaman niya na siya ay nasa presensya ng Diyos, at mas bumubuti ang pag-usad niya sa buhay. Gayon ang mga taong pinagpala ng Diyos. Gayon ang mga tao na nasa sa unang uri.

Ngayon na natapos na nating pag-usapan ang mga unang uri ng tao, pag-usapan naman natin ang ikalawang uri. Bagama’t pareho silang nakikinig sa mga sermon at nagbabasa ng salita ng Diyos, ang unang uri ng tao ay may kakayahang maunawaan ang katotohanan, at kapag nagbubunyag sila ng mga tiwaling disposisyon, nagagawa nilang magnilay-nilay tungkol sa kanilang sarili at ihayag ang kanilang sarili, nagsasabing, “Mayabang ako at nag-aakalang mas matuwid ako kaysa sa iba. Gusto kong magpakitang-gilas sa paggawa ko ng mga bagay-bagay, palaging kinikimkim ang mga sarili kong layunin at hilig, natutuwa sa katayuan at ikinagagalak ang pakikipagtagisan para sa katanyagan at pakinabang.” Sa pagsasabi nito, naging may kakayahan silang magkaroon ng kaalaman sa sarili at abutin ang katotohanan. Ngunit naiiba dito ang ikalawang uri. Ang ganitong tao ay maaaring umamin na siya ay tiwali sa kanyang sarili, at kapag humaharap sa pagpupungos ay maaari pang umamin na may nagawa siyang pagkakamali, pero hindi lang talaga siya magbabago. Gaano man siya kadalas makinig sa mga sermon, at gaano man karaming mga salita at doktrina ang maintindihan niya, tinatanggihan niyang isagawa ang katotohanan, at ipinagpapatuloy gawin kung ano ang gusto niyang gawin. Nagagawa rin ng ganitong tao na maging bukas sa pagbabahaginan, at tanggapin ang pagpupungos, pati na rin ang pagdidisiplina ng Diyos. Pero sa pagtanggap niya rito, itinuturing niya itong doktrina, tapos na siya sa oras na maunawaan niya ito, at pagkatapos ay bumabalik siya sa dati niyang pamamaraan, nananatiling walang pagbabago. Ang pag-angkin sa katotohanan at pagturing dito na tila isang doktrina—ano ang magiging kahihinatnan para sa ganitong tao? Tiyak na mapagkakamalan niyang ang pagsunod sa mga regulasyon ay pagsasagawa ng katotohanan. Ang ganitong tao ay hindi gumagawa sa kanyang tungkulin ayon sa salita ng Diyos o sa mga hinihingi ng Diyos, kundi sinusubukang lutasin ang mga problema ayon sa pilosopiya ni Satanas sa mga makamundong pakikitungo at sa mga daan at kaparaanan na ibinuod niya para sa kanyang sarili. Para sa lahat ng ito, maaari siyang sumang-ayon sa pananalita para kilalanin ang salita ng Diyos bilang katotohanan at ang pilosopiya ni Satanas bilang kamalian, nagsasagawa pa rin siya ng mga satanikong kamalian sa totoong buhay, at nakakaramdam pa ng kapayapaan sa isipan sa ginagawa niyang ito. Ang isang taong kumikilala sa salita ng Diyos bilang katotohanan ngunit bigo na isagawa ito—hindi ba’t nililinlang ng taong ito ang Diyos? Para sa lahat ng ito, maaari niyang kilalanin ang salita ng Diyos bilang katotohanan at ang pilosopiya ni Satanas bilang kamalian, nararamdaman niyang maaari ring mapakinabangan ang pilosopiya ni Satanas, kaya gumagamit siya ng isang paraan ng kompromiso, pinipiling lumakad sa linya sa pagitan ng dalawang ito, at itinuturing ito bilang pagsasagawa ng katotohanan. Sa hindi pagtayo sa panig ng Diyos o sa panig ni Satanas, na sa gayong paraan ay hindi napapasama ang loob ng sinuman, nakikita pa niyang siya ay napakatalino, nag-iisip na, “Ako ay isang taong gumagawa sa kanyang tungkulin, at isa ring naghahangad sa katotohanan, kaya tiyak na matatanggap ko ang pagsang-ayon ng Diyos.” Sabihin ninyo sa Akin, ang ganitong uri ba ng tao ay isang nagsasagawa ng katotohanan? (Hindi.) Taimtim siyang nakikinig sa salita ng Diyos, taimtim na isinusulat ito at kinakabisado, at naglalaan pa nga ng panahon para pag-isipan itong mabuti, ngunit ano ba talaga ang ginagawa niya sa salita ng Diyos? Ano ang layunin niya sa pakikinig sa salita ng Diyos? (Ginagamit niya ito para ipaliwanag sa iba, para lang magpasikat.) Isang aspekto iyan. May iba pa ba? (Ginagamit niya ito bilang mga regulasyong dapat sundin.) Minsan itinuturing niya ito bilang mga regulasyong dapat sundin, ngunit ano pa? Maraming mga sitwasyon dito. Ginagawa ng ilang tao ang salita ng Diyos na mga regulasyong dapat sundin, sinusunod ang literal na kahulugan ng salita ng Diyos at iyon lang. Halimbawa, kapag ang lahat ay nagbabahaginan tungkol sa kung paano maging isang matapat na tao, nakikibahagi siya sa kanila. At kapag may isang taong nagsabing, “Nasaan ang iyong aktuwal na karanasan sa pagiging isang matapat na tao?” sasabihin niya, “Ah, titingnan ko lang ang notebook ko.” Kung may karanasan talaga siya, hindi ba’t sasabihin na lang niya ito? Kung ito talaga ay sarili niyang karanasan, bakit niya kailangang magbasa mula sa isang script? Lubos nitong inilalantad na siya ay walang anumang realidad. At may mga tao rin na, kapag tapos na silang makinig sa mga sermon, naniniwala silang naunawaan nila ang mga ito, at kung makakapagbigay sila ng ilang linya ng doktrina, naniniwala silang naunawaan na nila ang katotohanan: Hindi ba’t isa itong maling paraan ng pag-iisip? Ang ganitong tao ay nagsasabing, “Nagagawa kong maarok ang katotohanan, mayroon akong espirituwal na pang-unawa, kaya kong maunawaan ang bawat aspekto ng salita ng Diyos at bawat aspekto ng narinig ko tungkol sa mga sermon, at nangangahulugan itong taglay ko ang katotohanang realidad.” Bulag siya sa katunayang ang salita ng Diyos ay katotohanan, na ito ang bumubuo sa buhay ng isang tao, na hindi lamang dapat maisagawa ang katotohanan, kundi dapat din itong magamit sa paglutas sa bawat problema at paghihirap na lumilitaw sa isang tao. Dahil ang ganitong tao ay walang kakayahang tanggapin ang katotohanan, sa tuwing nagrerebelde siya sa Diyos palagi niyang sinusubukang gumawa ng kapani-paniwalang kaso para sa kanyang pag-uugali. Hindi batid na ito ay pagrerebelde sa Diyos, nagiging imposible para sa kanya na hanapin ang katotohanan para lutasin ang problemang ito ng kanyang sariling paghihimagsik. Kung ganoon, paano nakakahanap ng solusyon sa kanilang mga paghihirap ang mga ganitong uri ng tao, alam mo ba? Para sa isang tao na hindi itinuturing ang salita ng Diyos bilang katotohanang prinsipyo, sa oras na matapos niyang mapakinggan ang salita ng Diyos, pag-iisipan niya ang sumusunod: “Talaga bang ako ay nagiging mapaghimagsik? Maipagpapaumanhin naman ito dahil sa mga pangyayari. Ganito rin ang iisipin ng sinuman, isang paraan lang ito ng pag-iisip, at hindi ito maituturing na paghihimagsik. Magiging maayos kung hindi ako mag-iisip ng ganito sa susunod, magiging mabait at mapagpasakop ako!” Pagkatapos, patuloy pa rin niya itong pinag-iisipang mabuti, “Kung kaya kong maging mapagpasakop, ibig sabihin ay isa pa rin akong taong nagmamahal sa Diyos, isang taong kinaluluguran ng Diyos.” Kaya, sa ganitong paraan, pinalulusot niya ang kanyang sarili. Hindi niya hinihimay kung bakit kaya niyang magrebelde sa Diyos o kung ano ang pinagmumulan ng kanyang pagrerebelde, hindi niya hinahangad na makilala ang kanyang sarili sa bagay na ito, at gaano man kadaming pagrerebelde ang kinikimkim niya, hindi niya pinagninilay-nilayan ang kanyang sarili—ito ay isang taong hindi naghahangad sa katotohanan. Dahil hindi itinuturing ng ganitong tao ang katotohanan bilang buhay, anuman ang kanyang gawin, at anuman ang rebelyon o katiwaliang inihahayag niya, hindi niya sinusubukang pumantay o humanap ng kaugnayan sa katotohanan at matuto ng isang aral. Sapat na ito para patunayan na hindi niya minamahal ang katotohanan at na hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan. Kapag nahaharap sa isang isyu, hindi niya sinusuri ang kanyang sarili kahit kailan, hindi inaabot ang katotohanan kahit kailan, hindi sinusubukang hanapin ang kaugnayan sa katotohanan kahit kailan—hindi ba’t tulad siya ng isang taong walang pananampalataya? Gaano man siya katagal ng mananampalataya, hindi pa siya nagkakaroon ng kahit kaunting buhay pagpasok, at ang ginagawa lang niya ay patuloy na sundin ang ilang regulasyon at subukan na kaunti lamang ang magawang masasamang gawain: Paano ito matatawag na pagsasagawa ng katotohanan? Paano makukuha ng ganitong paraan ng pananalig sa Diyos ang pagsang-ayon ng Diyos? Maraming tao ang nagpapahayag ng paniniwala sa Diyos sa loob ng sampu o dalawampung taon at kayang bumanggit ng maraming salita at doktrina. Sa pakikinig sa kanila, ang isang taong nagsisimula pa lamang manalig ay labis na hahanga, ngunit wala sila kahit isang tuldok ng katotohanang realidad, ni hindi nila nagagawang magbahagi ng tunay na patotoong batay sa karanasan. Paano ito nangyari? Ang kawalan ng katiting na tunay na patotoong batay sa karanasan ay nagiging isang problema. Nangangahulugan ito ng kawalan ng ni katiting na buhay pagpasok! Kapag ang iba ay nakikipagbahaginan sa kanya tungkol sa katotohanan, ang ganitong tao ay magsasabi, “Itabi mo iyan; nauunawaan ko ang lahat, at naintindihan ko ang lahat ng doktrina.” Ano ang basehan niya sa pagsasabi nito? At ano ang mali sa pagsasabi niya nito? Kapag nakikinig siya sa mga sermon at nagbabasa ng salita ng Diyos, bakit kaya doktrina lamang ang nauunawaan niya at hindi ang katotohanan? Alam niya kung paano pag-usapan ang doktrina ngunit hindi ang kung paano maranasan ang salita ng Diyos, na ang bunga ay wala siyang kakayahang lutasin ang anumang problema kahit gaano pa siya katagal nang isang mananampalataya. Paano ito nangyari? (Hindi niya tinatanggap ang katotohanan.) Iyan na iyon. Ito ay dahil hindi niya tinatanggap ang katotohanan. Gaya ng kaso ng isang doktor na laging ginagamot ang sakit ng kanyang mga pasyente, nagbibigay ng mga reseta at nagsasagawa ng mga operasyon sa kanila; maaaring nauunawaan niya ang bawat aspekto ng doktrina sa likod ng medikal na pagsasanay, ngunit nang matuklasan na siya mismo ay may cancer, sasabihin niyang, “Walang sinumang makapagpapagaling ng karamdaman ko.” Kapag may nagsabi sa kanya, “Kailangan mong magpa-chemotherapy, kailangan mong maoperahan!” ang isasagot niya ay, “Hindi mo ito kailangang sabihin sa akin, alam ko ang lahat ng tungkol dito.” Ngunit kung, sa kabila ng lahat ng kaalaman niya tungkol dito, wala siyang gagawing hakbang para gamutin ang sarili niyang sakit, gagaling ba siya? Ang pagiging doktor ay walang mabuting maidudulot sa kanya. Ang isang taong nakakaintindi ng lahat ng aspekto ng doktrina, at sa kabila nito ay hindi ito isasagawa—ito ang ikalawang uri ng tao. Sa lahat ng panlabas na kaanyuan, tila tanggap ng ganitong uri ng tao ang pagpupungos, ang makinig sa mga sermon at palagiang makibahagi sa mga pagtitipon, at maging masigasig sa paggawa ng trabaho, ginagawa ang tungkulin, tinitiis ang mga paghihirap, at ginugugol ang sarili. Ngunit may isang punto kung saan nabibigo ang ganitong tao, at ito ay isang pagkabigo ng pinakamalubhang kalikasan: Hindi niya kailanman itinuturing ang mga naririnig niyang sermon o ang salita ng Diyos bilang katotohanan na kailangang isagawa. Nangangahulugan ito na hindi niya tinatanggap ang katotohanan. Ano ang pangunahing problema sa taong hindi tumatanggap sa katotohanan? (Hindi niya minamahal ang katotohanan.) Para sa isang taong hindi nagmamahal sa katotohanan, ano ang kanyang pananaw, ano ang kanyang saloobin sa Diyos? Bakit hindi minamahal ng ganitong tao ang katotohanan? Ang pangunahing dahilan ay hindi niya itinuturing na katotohanan ang katotohanan. Kung titingnan sa kanyang pananaw, ang katotohanan ay isang mabuting doktrina lamang. Alam ba ng ganitong uri ng tao kung paano kilatisin ang mga maling pananampalataya at maling pangangatwiran ni Satanas sa lahat ng iba’t ibang anyo ng mga ito? Tiyak na hindi, dahil ang mga maling pananampalataya at maling pangangatwiran ni Satanas ay nagmimistulang magandang doktrina sa mga tao. Maging ang masamang tao, sa paggawa ng masasamang gawain, ay naghahanap ng mga dahilan na magandang pakinggan upang ilihis ang iba, sang-ayunan siya, at makitang nasa tama siya. Kung nakikita ng isang taong nananalig sa Diyos ang katotohanan bilang isang magandang doktrina, iyan ay talagang labis na hindi makatwiran. Hindi lamang kulang ang ganitong uri ng tao ng kakayahang makaarok, madali rin para sa kanya ang malinlang ng iba at magsilbing isang kasangkapan ni Satanas. Kaya sinasabi Ko ito: Sinuman ang walang kakayahan na maunawaan ang katotohanan, siya ay isang taong walang espirituwal na pang-unawa. Iniisip niya na ang maunawaan ang katotohanan ay nangangahulugang maunawaan ang doktrina, at hangga’t alam ng isang tao kung paano magsasalita ng mga doktrina, ibig sabihin nito ay naunawaan niya ang katotohanan. Ang ganitong uri ng tao ay tiyak na hindi nakakaunawa kung paano isasagawa ang katotohanan, ni hindi niya mauunawaan kung ano ang kahulugan ng prinsipyo. Ang kaya niya lamang gawin ay subukang sundin ang mga regulasyon ayon sa sarili niyang pagkakaunawa sa doktrina. Sa paniniwala sa Diyos sa loob ng maraming taon, at sa pagkakaunawa sa maraming doktrina, susundin niya ang ilan pang regulasyon at gagawa ng ilan pang mabuting gawa, o kaya ay magsasakripisyo nang kaunti, magtitiis ng maraming paghihirap nang walang reklamo. Itinuturing niya ang mga bagay na ito bilang pagsasagawa ng salita ng Diyos, bilang pagsasagawa ng katotohanan. Sa katunayan, gaano man magmukhang tila sinusunod ng isang tao ang mga regulasyon sa panlabas, at gaano man nagdurusa ang isang tao at gaano man kalaking halaga ang binabayaran ng isang tao nang walang reklamo, walang kahit isa rito ang nangangahulugang siya ay nagsasagawa ng katotohanan, lalo na ang nagpapasakop sa Diyos.

Kapag nasabi at nagawa na ang lahat, ano ang pamantayan sa pagsasagawa ng katotohanan? Paano sinusukat ng isang tao kung isinasagawa mo ang katotohanan o hindi? Kapag nasabi at nagawa na ang lahat, ikaw ba ay nakikinig at tumatanggap sa salita ng Diyos—paano ito tinitingnan ng Diyos? Tinitingnan ng Diyos ang mga sumusunod: Habang nagpapahayag ng paniniwala sa Diyos at nakikinig sa mga sermon, inalis mo ba ang mali mong panloob na kalagayan, ang iyong pagrerebelde sa Diyos, at ang lahat ng iba’t ibang anyo ng iyong tiwaling disposisyon, at pinalitan ang mga ito ng katotohanan? Nagbago ka ba? Panlabas na pag-uugali at kilos lamang ba ang nagbago sa iyo, o nagbago na ba ang buhay disposisyon mo? Sinusukat ka ng Diyos ayon sa mga konsiderasyong ito. Sa pakikinig sa mga sermon sa loob ng maraming taon, at sa pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos sa loob ng maraming taon, ang mga pagbabago ba sa kalooban mo ay mababaw o sila ba ay likas na mahalaga? Nagbago ka na ba sa iyong disposisyon? Ang pagrerebelde mo ba sa Diyos ay nabawasan? Kapag nahaharap sa isang isyu at ang iyong pagrerebelde ay naibunyag, may kakayahan ka bang magnilay-nilay sa iyong sarili? May kakayahan ka bang magpakita ng pagpapasakop sa Diyos? Ang saloobin mo ba sa iyong tungkulin at sa atas na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos ay dumaan sa anumang pagbabago? Ang katapatan mo ba ay lumago? May mga karumihan pa ba sa kalooban mo? Ang mga intensyon, ambisyon, hilig, at plano na kinikimkim mo bilang isang indibidwal—ang mga ito ba ay nalinis na noong mga panahong nakikinig ka ng mga sermon? Ang lahat ng mga ito ay pamantayan sa pagsusuri. Bilang karagdagan sa nauna, ilan sa mga kuru-kuro at maling akala mo tungkol sa Diyos ang natanggal? Pinanghahawakan mo pa rin ba ang mga hindi malinaw na kuru-kuro, imahinasyon, at kongklusyon mula dati? Mayroon ka pa rin bang kinikimkim na sama ng loob, paglaban, o mga negatibong emosyon sa mga pagsubok at pagpipino? Kung ang mga negatibong elementong ito ay hindi pa tunay na natutugunan, at kung hindi ka pa nakakaranas ng tunay na pagbabago, pinapatotohanan nito ang isang katunayan—na ikaw ay isang taong hindi nagsasagawa ng katotohanan. Tulad nito, kapag ang isang binhi, matapos itong itanim sa lupa, ay diniligan at nilagyan ng pataba at sa kabila nito ay nabigo pa ring tumubo matapos ang maraming araw, pinapatunayan nito na ang binhi ay walang buhay. Halimbawa, may ilang taong nananalig sa Diyos dahil, dati, lagi silang tinatakot, itinatakwil, at hinahamak, at sila ngayon ay nananalig sa Diyos upang sa hinaharap ay maaari silang makapagmalaki. Sa paghahayag nila ng kanilang paniniwala sa loob ng ilang panahon, ang ganitong tao ay patuloy na nagkikimkim ng ganitong intensyon habang ginagawa ang kanyang tungkulin at ginugugol ang kanyang sarili, at patuloy pa niyang ginugugol ang kanyang sarili, hanggang sa siya ay maging lider sa iglesia, at pagkatapos ay nararamdaman niyang maaari na siyang magmalaki. Sa kanyang kalooban, ang kanyang intensiyon ay hindi pa rin nalulutas, iniisip niya: “Kung ako ay magiging mas dakila pang lider, hindi ba’t mas maipagmamalaki ko ang aking sarili? Ang manalig sa Diyos ang daan para rito!” Ang pagpunta niya sa sambahayan ng Diyos ay para lamang sa pagkakaroon ng magandang kalagayan para maipagmalaki ang kanyang sarili, at ang ganitong intensyon ay nananatiling hindi nalulutas sa kabuuan. Marami na siyang nagawang trabaho sa loob ng maraming taon, nakinig sa mga sermon sa loob ng maraming taon, at kumain at uminom ng salita ng Diyos sa loob ng maraming taon, ngunit bigo pa rin siyang tugunan ang problemang ito. Hindi ba’t ang paniniwala niya sa Diyos sa ganitong paraan ay pagpapabaya sa mga nararapat niyang gawain? Ang isang tao ay nakikinig sa mga sermon at nagbabasa ng salita ng Diyos para sa pagkakamit ng katotohanan, sa pagkakamit ng buhay, pero nagpahayag siya ng paniniwala sa loob ng maraming taon nang hindi nagkakamit ng anumang aspekto ng katotohanan o buhay. Ito ay isang problema na karapat-dapat pag-isipan. Ang ilang tao, bagama’t hindi nila alam kung paano makikipagbahaginan tungkol sa katotohanan o magpapatotoo sa Diyos, ay may ilang tunay na karanasan. Kapag nahaharap sa pagpupungos, kaya nilang magnilay-nilay sa sarili, at kaya nilang tanggapin ang katotohanan, pagkatapos ay tunay silang gumagawa ng mga pagbabago upang ituwid ang kanilang sarili. Pinapatunayan nito na ang mga taong ito ay may tunay na pananampalataya. Gaano man karami ang mga paghihirap at kamalasang ibigay sa kanila, hindi sila umuurong, ngunit ang kanilang mapagmahal-sa-Diyos na puso ay lalo pang nagiging tunay. Sa pamamahala sa mga gawain, sila ngayon ay ginagabayan ng mga prinsipyo, ang katiwaliang inihahayag nila ay labis na nabawasan, at sila ay may mas malakas na diwa ng pananagutan kapag ginagawa ang kanilang tungkulin. Masasabi mo ba, sa ganitong uri ng tao, na hindi niya nauunawaan ang katotohanan? Nakikita mula sa pananaw ng mga pagbabago sa kanya, tiyak na ipinapamuhay ng taong ito ang realidad ng katotohanan. Tanging sa paggawa lamang nito niya natutunan ang salita ng Diyos hanggang sa kaibuturan ng kanyang puso. Bagama’t wala siyang kaloob na talino sa pagsasalita, alam niya kung paano isasagawa ang katotohanan, at ginagabayan siya ng mga prinsipyo sa pangangasiwa niya sa mga gawain, ginagawa ang lahat ng kanyang makakaya upang gawin ang mga tiyak niyang mithiin at pinagtitiisan ang lahat ng uri ng paghihirap nang walang kahit isang reklamo. Patunay ito na kumikilos ang salita ng Diyos sa kanya, isinasakatuparan ang epekto nito, at nagsisimulang maging buhay niya.

Ngayon lamang ay pinag-usapan natin ang dalawang uri ng mga tao. Ang unang uri ng pag-uugali ng tao ay simple: Matapos marinig ang salita ng Diyos, nagagawa niyang isagawa ito. Ang ikalawang uri, matapos makinig nang mabuti sa salita ng Diyos, ay hindi ganap na bigo na isagawa nto. Sa sarili niyang isipan, nakikita niya ang kanyang sarili na nagsasagawa nito, dahil tinalikuran niya ang kanyang pamilya at trabaho at inihandog ang lahat niya. May ilan pa nga na ibinibigay ang buong buhay nila sa Diyos, pinili ang landas ng hindi pag-aasawa, tinanggihan ang paghahangad ng yaman, at inihandog ang lahat, ngunit ang kalagayan ng kanilang kalooban ay hindi nagbabago. Ang kanilang mga hinaing, maling pagkaunawa, haka-haka, at imahinasyon tungkol sa Diyos, maging ang kanilang mapagmataas na disposisyon, mapagmalupit at pabago-bagong pag-uugali—ang lahat ng ito ay nananatiling walang pagbabago magpakailanman, at patuloy silang nabubuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, na wala halos pinagkaiba sa walang pananampalataya. Ang ganitong uri ng tao ay puro lamang salita sa pananalig sa Diyos, at bahagya lamang na mas mabuti kaysa sa walang pananampalataya dahil hindi sila gumagawa ng mga gawa ng labis na kasamaan. Sa panlabas, ang ganitong tao ay mukhang mabuti. Ngunit hindi niya hinahangad ang katotohanan, at gaano man siya makinig sa mga sermon, wala siyang binabago sa kanyang buhay disposisyon. Ano ang ginagawa ng ganitong uri ng tao sa salita ng Diyos? Itinuturing niya itong isang mabuting doktrina. Itinuturing niya ang salita ng Diyos bilang katotohanan, ngunit sa katunayan, ang itinuturing niyang katotohanan ay isang doktrina—isang bagay na may likas na katangian ng doktrina, isang bagay na hindi lubhang masama. Kaya niyang sundin ang ilang mga regulasyon, pero ang kanyang buhay disposisyon ay hindi nagbago kahit kaunti. Ito ang ikalawang uri ng mga tao.

Susunod, magsasalita Ako tungkol sa ikatlong uri ng mga tao—ang mga hindi mananampalataya. Ang mga hindi mananampalataya ay laging nagdududa tungkol sa Diyos. Dahil nakapakinig na siya ng mga salita ng Diyos, sa kanyang kalooban ay kinikilala ng ganitong uri ng tao na: “Ang sermong ito ay tama, ito ay mga salitang sinabi ng nagkatawang-taong Diyos. Karamihan ng tao sa iglesiang ito ay mabubuting tao. Isa itong magandang lugar, kung saan ang mga tao ay hindi inaapi o inaabuso, kung saan hindi sila lumuluha at hindi dumaranas ng pasakit; ito ay isang tunay na komportableng pugad, isang kanlungan. Ang mga taong ito ay nagmula sa kung saan-saan, mula sa iba’t ibang bansa at lugar, mababait at mapag-alaga, kayang ipahayag ang nasa puso nila kapag nagbabahaginan, at labis nilang nakakasundo ang isa’t isa—lahat sila ay mabuting tao. Ang mga sermon na ibinibigay ng Itaas ay mabuti at puno ng positibong enerhiya, at ang mga salita ng Diyos ay katotohanang lahat at mga positibong bagay. Ang pakikinig sa mga sermong ito ay nagpapasigla at kapaki-pakinabang sa espiritu. Ang mga tao ay nabubuhay sa presensiya ng Diyos, nakararanas ng kaginhawahan, kagalakan, at kaligayahan; mayroong pakiramdam ng pamumuhay sa isang paraisong mundo. Magiging mas mainam pa ito kung ang isang tao ay maaaring maging isang talentadong indibidwal at nagbibigay ng mga kontribusyon sa sambahayan ng Diyos.” Itinuturing nila ang mga salita ng Diyos at ang mga nilalaman ng sermon bilang mga positibong teorya, katuruan, at mabuting doktrina ng mga kilala at dakilang tao—pero isinasagawa ba nila ito? (Hindi.) Bakit hindi? Ito ay dahil ang pagsasagawa ng mga katotohanang ito ay kinapapalooban ng isang tiyak na antas ng paghihirap; kailangan nilang dumanas ng paghihirap at magbayad ng halaga! Iniisip nila na sapat nang malaman kung paano sabihin ang mga salitang ito, at na hindi nila kailangang isagawa ang mga ito, na hindi kailangang seryosohin ng isang tao ang pananalig sa Diyos—kung paanong, sa relihiyon, ang pananalig sa Diyos ay isang libangan lamang, kung saan ayos lang kung magsisikap ka nang kaunti at dadalo sa mga pagtitipon. Hindi nila magawang tanggapin ang mga salita ng Diyos nang ganap at tunay, at nag-iisip pa sila ng mga kuru-kuro tungkol sa mga ito. Halimbawa, kapag sinabi ng Diyos na ang ibig sabihin ng pagiging isang tapat na tao ay ang pagsasabi ng katotohanan tungkol sa isang bagay at hindi pagsisinungaling kailanman, hindi nila ito naiintindihan, na nag-iisip: “Hindi ba’t nagsisinungaling ang lahat? Ang pagiging bukas sa lahat, pagiging walang ingat, lubos na pagpapasakop sa Diyos—hindi ba’t kahibangan iyan?” Iniisip nila na ang ganitong pagkilos ay kahibangan, na hindi dapat kumilos ng ganito ang isang tao. Kinikilala nila na ang salita ng Diyos ang katotohanan, ngunit ang hingin sa kanila na magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos ay walang kabuluhan sa kanila. Dahil dito, walang sigla ang pagtrato ng gayong mga tao sa salita ng Diyos, kinikilala lamang na lahat ng salita ng Diyos ay tama at ang katotohanan, pero tumatangging tanggapin at isagawa ang mga ito. Kapag kailangan ng sambahayan ng Diyos na magsikap ang mga tao, handa silang gawin ito, pero ano ang layunin nila sa paggawa nito? Ito ay para magkamit ng mga pagpapala at mas lalong matamasa ang biyaya ng Diyos; at kung magkakaroon sila ng pagkakataong makapasok sa kaharian ng langit, iyan ay magiging mas malaki pang suwerte. Ang mga ito ang mga uri ng inaasahan na mayroon sila; gayon ang paninindigan nila. Pero ano naman ang saloobin nila sa katotohanan at sa salita ng Diyos? Para sa kanila, ang salita ng Diyos at ang katotohanan ay opsyonal at hindi mahalaga, isang bagay na maaaring siyasatin kapag may oras sila bilang paraan ng pag-aaliw sa sarili at habang nag-uubos sila ng oras ng paglilibang; hindi nila itinuturing ang salita ng Diyos bilang ang katotohanan o buhay. Anong uri ng tao ito? Siya ay hindi mananampalataya. Tumatanggi ang mga hindi mananampalataya na kilalanin na ang katotohanan ay nakapagpapadalisay at nakapagliligtas ng tao, at hindi nila nauunawaan kung tungkol saan ang katotohanan at buhay. Pagdating sa mga usapin tungkol sa pananalig sa Diyos at pagtanggap ng kaligtasan, pati na rin sa kung paano lulutasin ang makasalanang kalikasan ng mga tao, hindi malinaw ang pang-unawa nila at hindi sila interesado. Sinasabi nila: “Ang mga tao ay hindi nabubuhay sa kawalan, hangga’t nabubuhay tayo ay kailangan nating kumain; hindi talaga tayo labis na naiiba sa mga hayop. Tayong mga tao ay mas mataas lang na uri ng mga hayop, umiiral para lang talaga mabuhay.” Tungkol sa katotohanan, hindi sila interesado, at kaya kahit napakaraming taon na silang nananalig sa Diyos o kahit gaano karaming mga sermon ang narinig nila, hindi pa rin nila masabi nang malinaw kung ang salita ng Diyos ay ang katotohanan, kung ang pananalig sa Diyos ay makapagbibigay ng kaligtasan, o kung ano ang kalalabasan o destinasyon ng sangkatauhan sa hinaharap. Kung hindi malinaw sa kanila ang mga usaping ito, malala na ang kanilang pagkalito! Hindi sila nagpapakita ng interes sa kung paano gumagawa ang Diyos para iligtas ang mga tao, o kung paano tinatanggap ng mga tao ang kaligtasan sa pamamagitan ng pagtanggap sa paghatol at pagwawasto ng Diyos, o kung paano naisasakatuparan ng mga tao ang pagpapasakop sa Diyos sa pamamagitan ng pagpasok sa katotohanang realidad. Sa mas detalyadong paliwanag, hindi sila nagpapakita ng interes kung paano maging tapat na tao, paano tugawin ang kanilang tungkulin, at iba pang katulad na usapin. Lalo na kapag binabanggit ng iba na dapat lubos na magpasakop ang mga tao sa Diyos, nararamdaman nilang mas lalo pa silang natataboy, iniisip na: “Kung palaging magpapasakop ang tao sa Diyos, ano pa ang halaga ng pagkakaroon ng utak? Ang mga tao ay nagiging mga alipin kung lagi silang nagpapasakop sa Diyos.” Dito nagsisimulang ibunyag ng mga hindi mananampalataya ang kanilang mga pananaw. Naniniwala sila na ang pagpapasakop sa Diyos ay hindi kinakailangang gawin, na isa itong pagmamaliit sa sarili, kawalan ng dignidad, na hindi dapat humihingi ng ganitong mga kahilingan ang Diyos sa mga tao at na ang mga ito ay hindi dapat tinatanggap ng mga tao. Maaari nilang tanggapin nang may pag-aatubili ang ilang partikular na sermon, tulad ng mga tumatalakay sa pagpapahintulot sa mga tao na magkamit ng biyaya, gumawa ng mabubuting gawa, at magkaroon ng mabuting asal, pero tungkol sa pagpapaperpekto kay Pedro sa pamamagitan ng pagtanggap ng daan-daang pagsubok, hindi lang talaga nila ito maintindihan. Iniisip nila, “Hindi ba’t ito ay paglalaro at pagpapahirap sa mga tao? Totoong ang Diyos ang pinakamakapangyarihan sa lahat, pero kahit pa, hindi Niya maaaring itrato nang ganyan ang mga tao!” Hindi nila tinatanggap ang gawain ng Diyos bilang ang katotohanan; nakikita nila ang pamamaraang ito kung paano inililigtas ng Diyos ang tao bilang paraan kung paano tinatrato ng isang panginoon ang kanyang mga alipin, ginagawa kung ano ang gusto niyang gawin sa kanila—ito ang ugnayang nakikita nila. Mauunawaan ba ng ganitong uri ng tao ang katotohanan? (Hindi.) Mayroon bang gayong mga tao sa iglesia? (Oo.) Ang ganitong uri ba ng tao ay kusang aalis sa iglesia? (Hindi.) Bakit hindi siya aalis? Dahil umaasa siyang susuwertehin sila, iniisip, “Madilim at masama ang mundo sa labas; hindi madaling mabuhay. Ano ang kaibahan kung saan ko uubusin ang oras ko? Mabuti pang gawin ko ito sa iglesia. Dito ay matatamasa ko pa ang biyaya ng Diyos, at walang masyadong mawawala sa akin sa sitwasyong ito. Maraming maiinom at makakain, at disente ang mga tao dito—walang maninindak sa akin. Higit pa rito, kapag ginagawa mo ang iyong tungkulin at ginugugol ang iyong sarili at nagbabayad ka ng halaga, makakatanggap ka pa ng mga pagpapala mula sa Diyos. Ito ay isang sitwasyon na hindi ko maaaring palampasin!” At kaya, matapos itong pag-isipan, napagpasyahan nila na magiging sulit ang manatili sa iglesia. Kung isang araw ay tila hindi na ito kapaki-pakinabang at sa tingin nila ay wala na silang makukuha rito, mawawalan na sila ng interes sa pananalig sa Diyos at gugustuhin na nilang umalis ng iglesia. “Ano man ang mangyari,” iniisip nila, “hindi ako masyadong nalugi, at hindi ko rin ibinigay nang buong-buo ang puso at isipan ko. May taglay akong mga kakayahan, alam ko ang propesyon ko, at mayroon akong diploma, kaya mabubuhay pa rin ako sa mundo gaya ng ginagawa ko; kaya kong kumayod para kumita ng malaking halaga o mandaya para makakuha ng trabaho sa gobyerno para sa sarili ko. Magiging maganda iyan!” Ganito nila nakikita ang mga bagay-bagay. Sa mga mata ng ganitong uri ng tao, ang mga salitang binigkas ng Diyos at ang mga katotohanang ipinahayag ng Diyos ay mas mababa pa ang halaga kaysa sa talumpati ng isang presidente; ganito ang paghamak nila sa mga salita ng Diyos. Kapag ang ganitong uri ng mga tao ay nagdala ng gayong pananaw sa pananalig sa Diyos at sa pagtatrabaho “nang may kahandaan,” ang paninirahan at maging ang pag-uubos ng oras sa sambahayan ng Diyos, na ayaw umalis—ano ang layunin nila sa paggawa nito? Ito ang maliit na pag-asang nasa isipan: “Kung magpaparaya ang Diyos at maaawa sa akin, pahihintulutan akong makapasok sa kaharian, ang mga minimithi ko ay matutupad. Pero kung hindi ako makakapasok sa kaharian, natamasa ko pa rin ang malaking bahagi ng biyaya ng Diyos, kaya hindi pa rin ako nalugi.” Kapag dinadala nila ang ganitong uri ng tingnan-natin-kung-ano-ang-mangyayari na pananaw sa pananalig sa Diyos, matatanggap ba nila ang katotohanan? Maisasagawa ba nila ang katotohanan? Masasamba ba nila ang Diyos bilang ang Lumikha? (Hindi, hindi nila ito magagawa.) Taglay ang ganitong pananaw, aling mga kalagayan ang lumilitaw sa kanila? Palagi silang magrereklamo tungkol sa Diyos at magkakaroon ng maling pang-unawa sa Kanya. Isasailalim nila ang bawat gawa ng Diyos sa isang masusing pagsusuri, imbestigasyon, at pagsisiyasat, at pagkatapos ay hahantong sa sumusunod na konklusyon: “Hindi ito mukhang isang bagay na ginawa ng Diyos. Kung hindi lamang sana ito isang bagay na ginawa ng Diyos.” Nagkikimkim sila ng paglaban, pagsusuri, panghuhusga, at saloobin na tingnan-natin-kung-ano-ang-mangyayari sa kanilang puso—maaari ba itong tawaging paghihimagsik? (Oo.) Ang katiwalian at paghihimagsik nila ay hindi na tulad ng sa normal na tao. Anong uri ng mga tao ang mga ito? (Mga hindi mananampalataya.) Paano kumikilos ang mga hindi mananampalataya? Sila ay mapanlaban sa Diyos. Kapag ang mga taong nananalig sa Diyos ay nagpapakita ng tiwaling disposisyon, at minsan ay bigong magpasakop, sinasabi ng Diyos na ito ay mapaghimagsik na disposisyon, na sila ay mayroong mapaghimagsik na diwa. Pero ano ang sinasabi Niya tungkol sa mga hindi nananalig? At paano si Satanas—sasabihin ba ng Diyos na si Satanas ay mapaghimagsik? (Hindi.) Ano ngayon ang sasabihin ng Diyos? Sasabihin ng Diyos na ito ay ang kaaway, ang kabaligtaran Niya, at ganap na salungat sa Kanya. Ang saloobin ng mga hindi mananampalataya sa Diyos ay may pagsisiyasat at mapagmasid na pag-aalangan, pati na rin paglaban, hinanakit, oposisyon, at pagkamuhi. Habang mas nakikipagbahaginan ka tungkol sa katotohanan at nagpapasakop sa Diyos, mas magiging tutol ang gayong tao. Habang mas nakikipagbahaginan ka tungkol sa kung paano magkakamit ng kaligtasan at magagawang perpekto sa pamamagitan ng pagtanggap sa pagkastigo, paghatol, at pagpupungos ng Diyos, mas nagiging tutol sila, tumatangging tanggapin ang alinman sa mga ito. Sa sandaling marinig nila ang pagbabahagi sa ganitong mga usapin nagsisimula silang maging malikot sa kanilang mga upuan, nagiging nerbyoso at hindi mapakali na tila ba nakaupo sila sa tusukan ng aspili, o parang langgam na inilagay sa mainit na pinggan. Pero kung hahayaan mo silang pumunta sa isang sayawan o isang bar, hindi talaga sila maiinis; matutuwa sila. Mararamdaman nila na walang alalahanin at masaya ang manatili sa ganoong mga lugar—kung makakapamuhay sila nang gaya niyan, tiyak na magiging sulit na sulit ito. Ang palagiang pakikinig sa katotohanan ang nakakairita sa kanila, kaya tumatanggi silang makinig. Matatanggap ba nila ang katotohanan kung ni hindi man lang sila handang pakinggan ito? Tiyak na hindi. Dala-dala nila ang mga negatibo, lumalaban, at napopoot na kalagayan sa kalooban nila, at lagi silang nagsisiyasat at nagmamasid nang may pag-aalinlangan. Ano ba ang sinisiyasat nila? Ang mga salita ng Diyos ang palagi nilang sinisiyasat. Hindi na ito usapin ng pagkakaroon ng maliit na tayog; sila ay mga hindi mananampalataya at masamang tao. Simula sa umpisa hanggang sa katapusan, ang ganitong uri ng tao ay palaging sasalungat sa Diyos, nanunuri, nagmamasid nang may pag-aalinlangan, hindi tumatanggap ng katotohanan, at nag-iisip: “Sinuman ang taos-pusong gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos ay isang hangal. Sinuman ang naghahanap ng katotohanan at nagsasagawa ng katotohanan ay isang hangal. Isantabi mo ang pamilya mo, huwag mong alagaan ang sarili mong kamag-anak, at tumututok ka lamang sa pananalig sa Diyos; pagkatapos ng lahat ng paniniwalang ito, uuwi kang naghihikahos at minamaliit lang. Tingnan mo kung gaano kasunod sa uso ang mga walang pananampalataya, at ano ang mga suot ninyo? Hindi ako kasing-hangal gaya ng iba sa inyo—kailangang may isa o dalawa akong kalamangan. Hahanapin ko muna ang kasiyahan ng laman—ito ay pagiging makatotohanan.” Ito ang tunay na kulay ng mga hindi mananampalataya. Noong unang nagpakita ang Diyos at nagsimulang gawin ang Kanyang gawain, kaunti lamang ang mga tagasunod Niya—mga sampung libong tao lamang ang pinakamalaking bilang—at may mga isang libo lamang ang nagsagawa ng kanilang tungkulin. Kinalaunan, nang ang gawain ng ebanghelyo ay nagsimulang lumawak, at nagsimulang magpakita ng resulta ang gawaing ito, unti-unting dumami ang bilang ng mga tao na nagsasagawa ng tungkulin. Ang ilang tao, nang makita ang pagkakataong umangat at ipakita ang kanilang mga talento, ay sumali na rin at nagsimulang magsagawa ng tungkulin. “Kakaiba!” Sinabi Ko, “Ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay nagsimula nang maihayag; paano nangyari na napakarami na ngayon ng mga taong nagsasagawa ng kanilang tungkulin? Saan nagtatago ang mga taong ito sa buong panahong ito?” Sa katunayan, matagal na panahon na nilang nalaman ang mga bagay-bagay: “Kung ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay lumalaganap, pupunta ako. Kung hindi ito magtatagumpay, hindi ako pupunta. Tiyak na hindi ako mag-aambag ng anumang pagsisikap para rito!” Anong uri ng mga tao ang mga ito? Mga oportunista sila. Ang lahat ng oportunista ay mga hindi mananampalataya—nakikisakay lang sila sa kasiyahan. Sa panlabas, tila ang mga tao ang gumagawa ng gawain ng sambahayan ng Diyos, pero ang totoo pinamumunuan at ginagabayan ng Diyos ang lahat; ang Banal na Espiritu ang kumikilos. Tiyak ito at walang kaduda-duda. Ang Diyos mismo ang gumagawa ng sarili Niyang gawain; nangyayari ang Kanyang kalooban nang walang hadlang. Walang taong makakagawa ng gayong kalaking gawain, higit ito sa kakayahan ng tao. Ang lahat ng ito ay bunga ng awtoridad ng salita ng Diyos at ang sariling awtoridad mismo ng Diyos. Hindi maunawaan ng mga tao ang puntong ito; iniisip nila: “Kapag lumaki ang kapangyarihan ng sambahayan ng Diyos, magkakaroon ako ng aking bahagi. Kaya huwag kalimutang isulat ang pangalan ko sa aklat ng merito!” Anong uri ng tao ito? Sa mga salita ng mga walang pananampalataya, sila ay may “malisyosong layunin”—masasabi ba natin ito tungkol sa kanila? (Oo.) Anong masasamang motibo ang kinikimkim ng mga taong ito! Siyempre, kung kayang tanggapin ng isang tao ang katotohanan, sa simula pa lang, maaaring mayroon na siyang gayong mga motibo at pananaw, o ang pananampalataya niya ay maaaring masyadong maliit—hindi siya maaalala ng Diyos. Sa paglalantad ng mga pananaw at saloobing ito, nais lamang ng Diyos na tahakin ng mga tao ang tamang daan sa buhay, para mailagay sila sa tamang daan ng pananalig sa Diyos nang hindi nagmamasid nang may pagdududa at nang walang pagsisiyasat. Ang Diyos ay hindi isang bagay na makikilala mo sa pamamagitan ng pagsisiyasat o sa pagmamasid sa teleskopyo. Ang pag-iral ng Diyos at ang gawain Niya ng pagliligtas ay hindi mga resulta na makukuha mo gamit ang anumang uri ng pananaliksik. Ang mga ito ang mga katunayan. Kahit na kilalanin Siya ng sinuman, manalig sa Kanya, o sumunod sa Kanya, ang katunayan na nagsasagawa ang Diyos ng gayong dakilang gawain ay naroroon para makita nila at mahawakan. Walang sinumang makahahadlang at makapagbabago at walang anumang kapangyarihang makahaharang sa nais gawin ng Diyos. Isa itong katunayan na ginawang totoo ng Diyos.

Pinag-uusapan lamang natin ang ikatlong uri ng mga tao—mga hindi mananampalataya. Ang ganitong uri ng tao ay nananalig sa Diyos nang may mapagdudang pagmamasid, sa pamamagitan ng pagiging oportunista at mapagsiyasat. Kung walang anumang pag-asa ng pagtanggap ng mga biyaya, iisipin nila na pinakamainam ang umalis at maghanda ng estratehiya para may malabasan sila. Kung ang ganitong tao ay magsisimulang magnilay-nilay sa sarili ngayon at makaramdam ng kaunting pagsisisi, hindi pa magiging huli ang lahat para sa kanya. Palaging mayroong kislap ng pag-asa para sa kanila hanggang sa kanilang kamatayan; pero kung may pagmamatigas silang tatanggi na magsisi at magpapatuloy sa pagmamasid nang may pagdududa, laging sumasalungat sa Diyos, ituturing sila ng Diyos na katulad ng isang walang pananampalataya at hahayaan sila sa sarili nilang mga plano sa gitna ng kalamidad. Tungkol sa diwa ng mga tao, ang tao sa simula ay hindi hihigit sa isang tumpok ng alikabok na hiningahan ng Diyos, dahil dito, ginawa ka Niyang isang nabubuhay na tao na may laman at dugo, binigyan ka ng buhay. Ang buhay mo ay nagmula sa Diyos. Noong hindi ka ginagamit ng Diyos, binigyan ka Niya ng pagkain at damit at ng lahat-lahat. Pero kapag plano ka na Niyang gamitin, tumatakas ka at patuloy na lumalaban sa Diyos, laging sumasalungat sa Kanya—magagamit ka pa rin ba ng Diyos? Kung sa mga karapatan, dapat kang isantabi ng Diyos. Kung ito man ay sa paglikha sa mundo sa simula, o sa Kapanahunan ng Kautusan o sa Kapanahunan ng Biyaya, o hanggang sa mga huling araw sa kasalukuyang panahon, maraming salitang sinabi ang Diyos sa mga tao. Maging ito man ay sa pamamagitan ng pagbibigay-inspirasyon o direktang harapang komunikasyon, masasabi ng isang tao na hindi na mabilang ang mga salitang sinabi ng Diyos. At ano ang layunin ng Diyos sa pagbigkas ng maraming salita? Ito ay para maintindihan at maunawaan ng mga tao ang kahulugan ng Diyos, malaman ang Kanyang mga layunin, at malaman na matapos nilang makamit ang mga salitang ito magagawa ng mga tao na magsakatuparan ng pagbabago sa kanilang disposisyon, tumanggap ng kaligtasan, at magkamit ng buhay. Pagkatapos, matatanggap ng mga tao ang mga salitang ito. Ang layunin ng Diyos sa pagbigkas ng maraming salita ay walang iba kundi ito. At, sa pagtanggap nila sa mga salitang ito at pagtanggap sa iba’t-ibang paraan ng gawain ng Diyos, ano ang bunga na makakamit ng mga tao sa huli? Magagawa nilang sumunod sa Diyos hanggang sa huli at iwasan ang matiwalag at maabandona sa kalagitnaan, at dahil dito ay may pag-asa ng pananatili hanggang sa huli. Disiplinahin ka man ng Diyos, pungusan ka, o ibunyag ka, o may mga pagkakataon mang tinatalikuran ka Niya o sinusubukan ka Niya—anuman ang gawin ng Diyos, hindi maitatanggi ng mga tao ang katunayan ng mga layunin ng Diyos at ng taimtim Niyang pagsusumikap na sabihin ang mga salitang ito, hindi ba? (Tama.) Dahil dito, hindi dapat makipagtalo ang mga tao sa Diyos sa hindi mahahalagang bagay, palaging hinuhusgahan ang magagandang layunin ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang maliit na panukat at maling pang-unawa sa Diyos. Anuman ang mga maling pananaw na niyakap mo dati, anuman ang kalagayan na nasa kalooban mo, hangga’t kaya mong tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang iyong buhay, at gawin ang mga ito na mga prinsipyong isinasagawa mo at bilang direksyon at layunin ng daang tinatahak mo, unti-unti mong matutugunan ang mga hinihingi ng Diyos sa bawat hakbang. Ano ang nakakabahala? Ang nakababahala ay kapag ang mga tao ay nakikinig at itinuturing ang mga salita ng Diyos na para bang ang mga ito ay doktrina, regulasyon, kasabihan lamang, at mga sawikain, o itinuturing pa ang salita ng Diyos bilang isang bagay na kailangang suriin, at ituring ang Diyos bilang isang pakay ng kanilang pagsisiyasat at paglaban—ito ay nagdudulot ng problema. Ang gayong mga tao ay hindi ang mga tatanggap ng kaligtasan ng Diyos, walang paraan ang Diyos para iligtas sila. Hindi ito dahil hindi sila inililigtas ng Diyos, kundi hindi nila tinatanggap ang Kanyang kaligtasan—ito lamang ang maaaring sabihin, at ito ay isang katunayan.

Ano ang pinakamahalagang bagay na magbibigay sa isang tao ng kakayahang sumunod sa Diyos hanggang sa huli at magkamit ng pagbabago ng disposisyon? Ang pagtanggap at pagsasagawa sa katotohanan—ito ang pinakakailangan, at ito ang pinakamahalagang aspekto ng pagsasagawa sa paghahanap sa katotohanan. Ang isagawa at maranasan ang mga salita ng Diyos ang pinakamahalagang aspekto ng pagsasagawa; ito ay direktang may kaugnayan sa buhay pagpasok ng isang tao. Ang isang taong tapat na nananalig sa Diyos, anuman ang mga isyung kinakaharap niya, ay dapat na matutong hanapin at isagawa ang katotohanan sa anumang sitwasyon. Sa ganitong paraan lang mararanasan ang gawain ng Diyos, at ang ilang taon ng ganitong uri ng karanasan ay magbibigay sa isang tao ng kakayahang maunawaan ang katotohanan at makapasok sa realidad. Samakatuwid, kahit kailan, hindi malilimutan ninuman ang usaping ito ng pagsasagawa at pagdanas ng mga salita ng Diyos. Kapag nahaharap sa isang isyu, dapat ay palagi mong pagnilayan: “Ano ang dapat kong gawin para isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos sa usaping ito? Aling mga aspekto ng katotohanan ang napapaloob sa usaping ito? Ano ang dapat kong gawin para isagawa ang katotohanan?” Ito ay pagsisikap sa paghahanap ng katotohanan, at pagkatapos ng ilang taon ng pagsasagawa at pagdanas sa ganitong paraan, unti-unti kang papasok sa tamang daan ng pananalig sa Diyos, lalakad ka sa tamang daan ng buhay, at magkakaroon ka ng direksyon. Ang palaging paggamit ng iyong talino upang suriin at siyasatin ang anumang isyung kinakaharap mo at ang palaging pagsandig sa mga sarili mong pamamaraan upang lutasin ang mga bagay-bagay ay hindi praktikal na pamamaraan. Kung magsasagawa ka ayon sa ganitong pamamaraan, magiging imposibleng makamit ang pagiging katugma ng Diyos at ang pagbabago sa disposisyon—hindi mo kailanman makakamit ang mga ito, ito ang maling daan. Walang saysay para sa iyo ang hanapin ang kaligtasan sa pamamagitan ng paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Hindi mabilang na dami ng tao ang nabigo na at natisod sa ganitong paraan. Ang iba ay kinilala bilang mga huwad na lider at ang iba ay bilang mga anticristo—ang lahat ay itiniwalag. Walang silbi ang maghangad na makilala sa iglesia. Mas mabuting sumunod sa landas ni Pedro—ang paghahangad sa katotohanan ang pinakaligtas at pinakamatatag na daan. Nakikita mo na ba ngayon kung ano ang pinakamahalaga? Ang pinakamahalagang bagay ay tanggapin at isagawa ang katotohanan. Ang pagbabasa ng salita ng Diyos ay para pag-isipan ito at makamtan ang katotohanan. Huwag mo itong siyasatin, talagang huwag mo itong siyasatin, at huwag kang magkaroon ng mga mapanlaban o palasalungat na damdamin. Sa oras na magkaroon ka ng ganitong uri ng kalagayan, agad mong suriin ang iyong sarili at lutasin ito. Ang mga isyung ito sa katiwalian na umiiral sa iyo ay patuloy na nilulutas, ang kalagayan mo ay patuloy na bumubuti, at pakaunti nang pakaunti ang mga pagbubunyag mo ng katiwalian, na sa huli ay nagbubunga: Ang relasyon mo sa Diyos ay mas lalong magiging normal, ang puso mo ay mas lalong magkakaroon ng takot sa Diyos at mas lalong mapapalapit sa Diyos, gagawin mo ang iyong tungkulin na may epektong patuloy sa paglaki, at ang pagmamahal at pananampalataya mo sa Diyos ay lalago nang lalago. Pinapatunayan nito na naisapuso mo ang mga salita ng Diyos, kung saan ang mga ito ay nagkaugat. Sa huli, makakakita ka ng resulta at sasabihin mo: “Sa palaging pag-iisip tungkol sa sarili ko at pagtugon sa mga pagbubunyag ko ng katiwalian, napigilan ko ang anumang hindi maisasaayos na bunga. May pagsisisi sa puso ko at kinamumuhian ko ang sarili ko dahil sa pagsisilbi bilang lingkod ni Satanas. Mabuti na lamang at iniligtas ako ng Diyos, pinahintulutan akong mahanap ang daan ko pabalik, matanggap ang katotohanan, at magpasakop sa Kanya. Hindi na ako nag-aalala kung maliligtas ba ako o hindi, o kinakabahan tungkol sa posibilidad na paaalisin at ititiwalag ako balang araw. Nakakatiyak ako ngayon na tatanggap ako ng kaligtasan ng Diyos, na nasa tamang landas ako, at na nananalig ako sa tunay na Diyos, ang Lumikha. Wala akong anumang pagdududa tungkol dito.” Tanging sa puntong ito mo lamang isasapuso ang pananampalataya sa Diyos, at masasandalan mo Siya sa lahat ng sitwasyon. Pagkatapos, talagang nakapasok ka na sa santuwaryo, at hindi ka na mangangamba kung ikaw ba ay isang tagapagserbisyo lamang o kung ikaw ay mamamatay sa isang sakuna. Tanging sa puntong ito lamang mapupuno ang puso mo ng kapayapaan at kagalakan. Ano ang dahilan ng pagkakaroon ng mga tao ng ganitong mga alalahanin? Ito ay dahil napakakaunti ng kaalaman nila sa gawain ng Diyos, napakaliit ng pang-unawa nila sa katotohanan, at mayroon pa nga silang mga kuru-kuro at maling pag-unawa tungkol sa Diyos. Dahil hindi mo naunawaan ang mga layunin ng Diyos sa Kanyang mga salita, at hindi naunawaan ang mga layunin ng Diyos, palagi mong hindi nauunawaan ang Diyos. Dahil palaging hindi mo Siya nauunawaan, lagi kang nangangamba at wala kang katiyakan. Minsan, pakiramdam mo ay gusto mong lumaban; unti-unti, bagama’t maaaring hindi ka gumagawa ng malalaking pagkakamali, patuloy kang gumagawa ng maraming maliit na pagkakamali, hanggang sa isang araw ay bigla ka na lang gagawa ng isang malaking pagkakamali at talagang ititiwalag ka na. Ang paggawa ng isang malaking pagkakamali ay hindi maliit na bagay. Ang ilang tao ay itiniwalag, pinaalis o pinatalsik, o hindi nakatanggap ng anumang gawain ng Banal na Espiritu—wala bang ugat na dahilan sa likod ng lahat ng ito? Tiyak na mayroong ugat na dahilan; ang isyu dito ay kung aling landas ang kanilang nilalakaran. Ang ilan ay piniling sundan ang landas ni Pedro, na landas ng paghahangad sa katotohanan. Ang iba ay piniling sundan ang landas ni Pablo, na landas ng paghahangad ng korona at mga gantimpala. Ang diwa ng dalawang landas na ito ay magkaiba, gaya ng mga naidudulot nilang resulta at bunga. Hindi kailanman nilalakaran ng mga itiniwalag ang landas ng paghahangad at pagsasagawa sa katotohanan. Palagi silang lumilihis mula sa landas na ito at ginagawa lang kung ano ang gusto nila, kumikilos ayon sa kanilang mga pagnanasa at ambisyon, pinangangalagaan ang kanilang sariling katayuan, reputasyon, at dangal, at binibigyan ng kasiyahan ang kanilang mga sariling pagnanasa—ang lahat ng ginagawa nila ay umiikot sa mga bagay na ito. Bagama’t nagbayad din sila ng halaga, gumugol ng oras at lakas, at nagtrabaho mula takip-silim hanggang bukang-liwayway, ano ang naging resulta ng mga ito sa huli? Dahil ang mga ginawa nila ay hinatulan bilang buktot sa paningin ng Diyos, ang resulta ay itiniwalag sila. May pag-asa pa ba silang maligtas? (Wala.) Ito ay isang hindi kapani-paniwalang seryosong bunga! Tulad lang ito ng pagkakaroon ng sakit ng mga tao: Ang isang munting karamdaman na hindi agad ginamot ay maaaring maging isang malalang karamdaman, o maging nakamamatay pa nga. Halimbawa, kung ang isang tao ay may sipon at ubo, mabilis siyang gagaling kung makakatanggap siya ng normal na medikal na paggamot. Ngunit may ilang tao na nag-iisip na sila ay may malusog na kondisyon kaya hindi nila siniseryoso ang kanilang sipon o hindi sila nagpapagamot. Dahil dito, tumatagal ito at nagkakaroon sila ng pulmonya. Matapos magkaroon ng pulmonya, iniisip pa rin nilang bata pa sila at may malakas na resistensiya, kaya hindi nila ito ginagamot sa loob ng ilang buwan. Araw-araw nilang hindi pinapansin ang kanilang pag-ubo hanggang sa puntong ang pag-ubo nila ay hindi na mapigilan at hindi na matiis, at may kasama na itong dugo. Kaya pupunta na sila sa ospital para magpatingin, kung saan malalaman nilang mayroon na silang tuberkulosis. Papayuhan sila ng iba na magpagamot agad, pero iniisip pa rin nilang bata at malakas pa sila, na hindi kailangang mag-alala, kaya hindi sila magpapagamot nang tama. Hanggang isang araw, sa huli, masyado nang mahina ang katawan nila para makalakad, at kapag nagpunta sila sa ospital para magpatingin, mayroon na silang kanser na nasa huling yugto na. Kapag ang mga tao ay mayroong mga tiwaling disposisyon na hindi nila ginagamot, maaari rin itong magdulot ng mga epektong walang lunas. Ang pagkakaroon ng tiwaling disposyon ay hindi isang bagay na dapat katakutan, pero dapat hanapin ng isang taong may tiwaling disposisyon ang katotohanan para lutasin ito agad; sa ganitong paraan lamang unti-unting malilinis ang tiwaling disposisyon. Kung hindi niya pagtutuunan ang paglutas nito, lalo pa itong magiging mas malala, at maaari siyang magkasala at lumaban sa Diyos, at itaboy at itiwalag siya ng Diyos.

Ang ilang tao ay may kalikasang diwa ng isang anticristo, katulad ng mga taong gaya ni Pablo. Palagi silang nakatuon sa pagkakamit ng mga biyaya, pagtatamo ng korona, at pagtanggap ng mga gantimpala, at sinusubukan nilang gumawa ng mga kasunduan sa Diyos. Palagi nilang gustong maging mga lider at apostol na kayang kontrolin ang mga taong hinirang ng Diyos, pero nauuwi lang sila na itinataboy ng Diyos. Tinatahak nila ang landas ng paglaban sa Diyos, na siyang maling daan. Ang ilang tao ay hindi nagmamahal sa katotohanan; alam nilang mali ang maghangad ng kasikatan, pakinabang, katayuan at mga benepisyo, pero pinipili pa rin nila ang maling landas. Taimtim at buong pasensiyang hinihimok ng Diyos ang Kanyang mga taong hinirang, inaalok sila ng lahat ng uri ng kaginhawahan, pangaral, babala, paglalantad, pagpupungos, at pagsaway. Nagbigkas ang Diyos ng napakaraming salita, pero hindi pa rin ito siniseryoso ng mga tao, itinuturing ito na parang hangin lang na dumadaan sa kanilang mga tainga. Hindi nila ito isinasagawa, pero gayunpaman, ayon sa kanilang mga sariling motibo at pagnanasa, iniingatan nila ang kanilang sariling katayuan, dangal, at banidad. Nakikipagsabwatan sila sa lahat ng lugar para sa kanilang sariling kapakanan, at nagpaplano at kumikilos sa lahat ng lugar para sa sarili nilang kasikatan at mga inaasam, malalim na pinag-iisipan at hindi pinapansin ang anumang gastos. Sa kanilang puso, iniisip pa nila, “Ginugol ko ang sarili ko para sa Diyos, may maringal na koronang nakalaan para sa akin,” at sinasabi pa ang mga salitang binanggit ni Pablo. Sa katunayan, hindi nila alam ang landas na tinatahak nila, at hindi rin nila alam na hinatulan na sila ng Diyos. Kapag isang araw ay humantong ito sa isang malaking kapahamakan, malalaman ba nila kung paano magsisi? Kapag dumating ang panahong iyon sila ay lalaban, magsasabing, “Labis akong nagtrabaho at nagbigay ng mahahalagang kontribusyon; kung hindi man mga kontribusyon, kahit paano ay nagdusa ako; kung hindi man pagdurusa, kahit paano ay pinagod ko ang sarili ko!” Ang mga ginawa nila ay hindi katumbas ng isang sentimo—maaari bang ituring na mabubuting gawa ang mga ito? Pagsasakatuparan ba ito ng kanilang tungkulin? Pagsasagawa ba ito sa katotohanan? Sila ay nagsasagawa ng pamamahala sa sarili. Sa panahong ito, inalam nila ang maraming malalalim na salita at doktrina para ihanda ang kanilang sarili; kaya nilang magsalita at maglektura, at kayang maglaan ng maraming oras sa paggugol ng kanilang mga sarili, pero hindi sila gumawa ng anumang aktuwal na gawain. Mahusay nilang nahihikayat ang mga taong nakapaligid sa kanila, nagagawang mapakinig at mapasunod ang mga ito sa kanila. Naging hari sila ng kabundukan, na walang lugar para sa Diyos sa kanilang puso. Hindi ba’t ito ay paggawa ng kasamaan? Dahil hindi talaga nila isinagawa ang katotohanan, ang huling resulta para sa kanila ay dapat na maging malinaw. Ngunit kahit sa ganitong sitwasyon ay gusto pa rin nila ng korona; gaano sila magiging kamapangahas? Ito ang tinatawag na walang kahihiyang kapangahasan! Bakit kayang makipagtalo ng gayong mga tao kahit sa huli pa kapag itiniwalag sila? Ginagambala at ginugulo nila ang gawain ng iglesia, ginagawa ang lahat ng uri ng kasamaan; paano pa rin nila nagagawang makipagtalo sa Diyos at ipagtanggol ang kanilang sarili nang may paninindigan? Ano ang problema na kaya nilang labanan ang Diyos gaya nito? Sa tingin ba ninyo ay mayroong anumang pagkamakatwiran sa likod ng ginagawa nila? Mayroon ba silang konsensiya at katwiran? Ang mga normal na tao, dahil napakarami na nilang narinig na mga salita ng Diyos—paano man sila itinuturing ng Diyos, o kung ang pagturing na ito ay umaayon sa kanilang mga kuru-kuro—kahit paano ay dapat kumilala na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan at tamang lahat. Kahit pa may ilang pangungusap na hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro, hindi nila dapat husgahan ang Diyos; dapat ay magkaroon sila ng pusong mapagpasakop. Kung kayang kilalanin ng isang tao na ang salita ng Diyos ay ang katotohanan at magpasakop sa Diyos, hindi ba’t ito ay pagturing sa Diyos bilang Diyos? (Oo.) Sa gayong kaso, kung may mga pagkakataong lumilitaw ang ilang kuru-kuro at maling pag-unawa tungkol sa Diyos, hindi ba madaling hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito? Ang susi ay kailangang kilalanin ng mga tao ang mga salita at gawain ng Diyos—ito ang unang kailangan. Bakit nagagawa pa ring lumaban sa Diyos ng mga hindi mananampalataya at mga anticristo, ang mga katulad ni Pablo? (Hindi nila itinuturing ang Diyos bilang Diyos.) Dito nakasalalay ang ugat. Gaano man sila kagaling magsalita, gaano man sila kasipag magtrabaho at kumilos, gaano man sila magdusa at gaano man kalaki ang halagang ibinayad nila, hindi nila itinuturing kailanman ang salita ng Diyos bilang ang katotohanan—mauunawaan ba nila ang katotohanan? (Hindi.) Kaya, gaano man sila pamahalaan ng Diyos, tumututol sila o tumatangging sumuko. Ganap na wala sila ng pinakamaliit na katwiran na dapat mayroon ang isang nilikha, na nagpapatunay na hindi nila kailanman tinanggap ang katotohanan. Kung, sa paglipas ng mga taon, nagawa nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, at isinagawa at pinakinggan ang mga salita ng Diyos, hindi sila magiging napakamapangahas at mapangsalungat. Hindi nila sasalungatin ang mga pagsasaayos ng Diyos at ang pagtrato ng Diyos sa kanila. Hindi sila magkakaroon ng ganitong mga damdamin; sa sukdulan, makakaramdam lang sila ng kaunting sama ng loob o hindi sila masyadong masaya. Ang mga tiwaling tao ay mayroong lahat na mga normal na kahinaan, ngunit may ilang hangganan na kahit paano ay kailangan nilang sundin. Una, hindi nila maaaring isuko ang pagganap sa kanilang tungkulin. “Kahit kailan, anumang tungkulin ang ipinagkakatiwala sa akin ng Diyos, ginagawa ko man ito nang mabuti o hindi, kailangan kong ibigay ang lahat ng makakaya ko, ibigay ang lahat ng pagsisikap na maaari kong ibigay. Kahit pa hindi na ako gusto ng Diyos o maliit ang tingin Niya akin, dapat ay magawa ko man lang ang tungkuling ipinagkatiwala sa akin at gawin ito nang maayos.” Ito ay makatwiran; ang tungkulin ng isang tao ay hindi dapat abandonahin. Dagdag pa rito, hindi maaaring itanggi ng isang tao ang Diyos. “Paano man ako itinuturing o pinangangasiwaan ng Diyos, o paano ako ibinubukod o inilalantad ng aking mga kapatid, o kahit pa abandonahin ako ng lahat, ang posisyon ng Diyos sa puso ko ay mananatiling pareho, at ang posisyon na dapat kong hawak bilang isang tao ay mananatiling hindi nagbabago. Ang Diyos ay palaging Diyos ko, ang diwa at pagkakakilanlan Niya ay hindi nagbabago, at habambuhay ko Siyang kikilalanin bilang aking Diyos.” Kailangan din ang ganitong katwiran. Ano pa ang nariyan? (Paano man tayo itinuturing at pinarurusahan ng Diyos, dapat tayong magpasakop sa Kanya.) Ito ang pinakamaliit, ang pinakapangunahing batayan na dapat mayroon ang isang tao. Sinasabi mo, “Hindi ko nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, at hindi ko nauunawaan kung bakit kumikilos nang ganito ang Diyos. Pakiramdam ko ay nagawan ako ng kaunting pagkakamali, at may kaunting pangangatwiran ako para rito, pero wala akong anumang sinasabi dahil isa akong nilikha at dapat akong magpasakop sa Diyos. Ito ang tungkulin ng isang nilikha. Bagama’t hindi ko ngayon nauunawaan o ganap na alam kung paano isagawa o hanapin ang katotohanan, dapat pa rin akong magpasakop.” Makatwiran ba ito? (Oo.) Kapag ang mga hindi tumatanggap sa katotohanan at walang katwiran ay sumasailalim sa pagpupungos, ano ang mga pagpapamalas na ipinapakita nila? Sinasabi nila, “Ibubunyag ba ako o ititiwalag? Kung wala akong anumang inaasam o kapalaran, at hindi ko magagawang magkamit ng mga pagpapala, hindi ako mananalig!” Ang ganitong uri ba ng tao ay may tunay na pananampalataya sa Diyos? Ang relasyon nila sa Diyos ay hindi normal, ito ay palaban at palasalungat. Ang ganitong uri ng disposisyon ay disposisyon ni Satanas na lumalaban sa Diyos. Kaya ba nilang kilalanin ang Diyos bilang kanilang Diyos? Sa kanilang puso, maaaring sinasabi nila, “Kung Diyos talaga Siya, bakit hindi Niya ako mahal? Kung Diyos talaga Siya, bakit hindi Niya ako ginagamit para sa isang bagay na mahalaga? Ang nakikita ko lamang ay isang tao—paanong magkakaroon ng isang Diyos kahit saan sa mundong ito? Lahat kayo ay mga mangmang. Nasaan ang Diyos? Sa puso ko, umiiral lamang Siya kung nananalig ako sa Kanya; kung hindi ako nananalig sa Kanya, hindi Siya umiiral, at hindi Siya Diyos.” Ang pananaw nila ay nabubunyag sa gayon. Nakapakinig na sila ng napakaraming sermon sa nakalipas na mga taon; kung tinanggap nila ang mga salitang ito, magkakaroon ba sila ng ganitong pananaw? (Hindi.) Sa mas seryoso, ano na ang gagawin nila ngayon? Uudyukan nila ang iba at gagawa ng hakbang: “Nananalig ka pa rin? Paanong ikaw ay napakamangmang? Hindi ba’t sinabi nila noon pa na may paparating na kapahamakan? Kailan ito darating? Hindi ba’t sinabi ng Diyos na mawawasak ang mundo? Nasaan ang pagkawasak? Ikaw na mangmang, napakalaki ng nawala sa iyo! Huwag ka nang manalig! Para saan ang pinananaligan mo? Tingnan mo kung gaano ako katalino, ilang libong yuan ang kinikita ko sa isang buwan, magkano ang kinikita mo sa isang buwan? Tingnan mo kung ano ang sikat sa mundo ngayon. Ano ang nakikita mong isinusuot ko? Ang lahat ng ito ay sikat na tatak!” Aakitin at ililigaw nila ang mga tao, iniiwan ang ilan sa isang kalagayan ng lubos na kalituhan. Hindi ba’t ito ay isang masamang tao na pumapasok sa sambahayan ng Diyos para guluhin ang iglesia? Anong saloobin ang mayroon ang gayong mga tao sa pagganap sa kanilang mga tungkulin? “Ginagawa ko ang tungkulin ko kapag nasa kondisyon ako. Kung gusto ko itong gawin, gagawin ko ito. Kung hindi, hindi ko ito gagawin. Hindi ko kailangang ilaan ang puso at lakas ko. Ang pagganap sa tungkulin ay hindi paggawa ng mga bagay para sa sarili ko, ito ay paggawa ng mga bagay para sa iglesia. At hindi ko man lang nakikita ang Diyos kahit saan. Hindi ko nga alam kung naaalala ako ng Diyos, at gusto pa rin nilang iukol ko ang aking puso, ang aking lakas, ang aking isipan—ano ang punto? Sapat na kung dadaanan ko lamang ang mga ito sa pamamagitan ng pagbulong ng ilang salita.” Ito ang pananaw na pinanghahawakan nila. Iniisip nila na kamangmangan at walang saysay ang pag-uukol ng lakas, puso, at isipan ng isang tao sa pagganap sa tungkulin. Kung kayo ay makakatagpo ng gayong tao ngayon, maililigaw at maiimpluwensiyahan ba niya kayo? Kung wala kayong pundasyon at hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan, tiyak na maililigaw kayo at maiimpluwensiyahan, at sa paglipas ng panahon, mauuwi kayong hindi alam ang gagawin.

Sa pananalig sa Diyos, dapat na malinaw ang layunin ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pati na rin kung aling mga pangunahing problema ang dapat malutas sa paggawa nito. Kung ang isang tao ay nananalig na sa Diyos sa loob ng ilang taon nang hindi kailanman tumututok sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, hindi lamang mananatiling hindi nalulutas ang suliranin ng katiwalian ng isang tao, kundi hindi rin nila mauunawaan man lang ang pinakamababang bilang ng katotohanan na dapat na maunawaan. Kaya, ano ang mga bunga nito? Napakadaling mailigaw at makagawa ng pagkakamali. Kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, malamang na siya ay madarapa. Kapag nahaharap sa isang isyu, kapag nahaharap kahit sa pinakamaliit na tanda ng kaguluhan, magiging mahirap para sa kanya na maging matatag. Samakatuwid, pinaka-kapaki-pakinabang para sa mga tao ang dagdagan ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos at mas madalas na magbahaginan sa katotohanan. May sinabi ang Diyos sa Bibliya na napakahalaga: “Ang langit at ang lupa ay lilipas, datapuwat ang Aking mga salita ay hindi lilipas” (Mateo 24:35). Ano ang sinasabi ng mga salitang ito sa mga tao? Ano ang ibig sabihin ng hindi lilipas ang mga salita ng Diyos? Kahit kailan, ang katotohanan at ang salita ng Diyos ay palaging magiging ang katotohanan—hindi ito magbabago. Maging ito man ay ang kabuluhan o ang kahalagahan ng mga salitang ito sa mga tao, o ang panloob na kahulugan at aktuwalidad ng mga salitang ito, hindi kailanman magbabago ang mga ito. Mananatili silang ang mga orihinal na salita at hindi magiging kung ano pa man—hindi maaaring magbago ang diwa ng mga salita ng Diyos. Halimbawa, sinasabi ng Diyos sa mga tao na maging tapat; ang mga salitang ito ay ang katotohanan at hindi kailanman lilipas. Bakit hindi kailanman lilipas ang mga ito? Mula sa hinihingi ng Diyos na maging tapat ang mga tao, makikita ng isang tao ang aspekto ng diwa ng Diyos na tapat, na umiiral na mula pa noong una at patuloy na iiral magpakailanman. Hindi ito magbabago dahil sa mga pagbabago sa panahon, heograpiya, o lugar; ang diwa ng Diyos ay iiral magpakailanman. Ano ang dahilan para sa walang hanggang pag-iral na ito ng diwa ng Diyos? Dahil ito ay isang positibong bagay at ang diwang taglay ng Lumikha; hindi ito kailanman lilipas at magpakailanman itong magiging ang katotohanan. Kung mararanasan mo ang lahat ng katotohanang ito na ipinahayag ng Lumikha at gagawin ang mga itong bahagi ng iyong pagkatao, isasagawa ang lahat ng ito, at ipapamuhay ang mga ito, hindi ba’t magagawa mong mabuhay na katulad ng isang tao? Hindi ba’t magkakaroon ng halaga ang pamumuhay? Ikaw ba ay aabandonahin? Nararanasan at ipinapamuhay ang lahat ng katotohanan na ibinigay sa iyo ng Diyos—hindi ba’t ito ang daan mo palabas? Tanging ang landas na ito lamang ang magpapahintulot na mabuhay ang sangkatauhan. Kung hindi matatanggap ng mga tao ang katotohanan at hindi susundan ang landas ng paghahangad sa katotohanan, sa huli sila ay lilipas at mawawasak. Maaari mong sabihin, “Hindi ba’t maayos ang pamumuhay ko ngayon?” Ngunit kung hindi mo pa nakakamit ang katotohanan, hindi magtatagal at ititiwalag ka. “Ang langit at ang lupa ay lilipas, datapuwat ang Aking mga salita ay hindi lilipas”; ang pangungusap na ito ay may malalim na kahalagahan; ito rin ang pinakamalaking babala para sa mga tao. Tanging ang mga salita ng Diyos lamang ang katotohanan, at tanging kung tatanggapin mo ang katotohanan na ikaw ay magiging matatag. Ibig sabihin, kung kakainin at iinumin mo ang salita ng Diyos, isasagawa ito, at isasapamuhay ang kaunting wangis ng pagkatao, hindi ka ititiwalag. Dito nakasalalay ang halaga ng mga salita ng Diyos! Kaya, ang mga salita ba ng Diyos ay maaaring maging buhay ng isang tao? Ano ang tinutukoy ng buhay dito? Ibig sabihin ay maaari kang mabuhay, ikaw ay ligtas. Kung tatanggapin mo ang mga salitang ito, at uunawain at isasagawa ang mga ito, ikaw ay nagiging nabubuhay na tao sa mga mata ng Diyos. Kung hindi ka isang tapat na tao, kundi isang mapanlinlang, ikaw ay isang naglalakad na bangkay lamang sa mga mata ng Diyos, isang patay na tao, at gaya ng lahat ng bagay ikaw ay lilipas. Anumang bagay na walang kinalaman sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan, maging materyal man ito o hindi materyal, ay dapat na lumipas kapag binago ng Diyos ang kapanahunan at pinanumbalik ang mundo. Tanging ang mga salita ng Diyos lamang ang hindi lilipas, at tanging ang lahat ng bagay na may kaugnayan lamang sa mga salita ng Diyos ang hindi lilipas. Ang pagsasagawa ng mga salita ng Diyos ay ganoon kahalaga!

Alam ng mga tao na ang pagsasagawa at pagdanas ng mga salita ng Diyos ay mahalaga, ngunit dapat ay may landas din sila ng pagsasagawa. Ito ang landas ng buhay pagpasok, at dapat nila itong pahalagahan sa kanilang puso at danasin ito araw-araw. Kung ikaw ay palaging nag-aalala na wala kang patotoong batay sa karanasan at natatakot ka na isang araw ay ititiwalag ka, iyan ay isang problema. Ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi kailanman nagsasagawa o nakararanas ng mga salita ng Diyos. Hindi lamang ito dahil wala silang pananampalataya; higit sa lahat ito ay dahil inudyukan sila ng kalikasan ni Satanas. Gusto mo lamang makatanggap ng mga pagpapala pero hindi mo minamahal ang katotohanan; kung nangingibabaw ang motibong ito sa iyo, walang maaaring maging magandang bunga para sa iyo. Kaya, ano ang dapat mong gawin? Tiyak na hindi mo ito maaaring pabayaang lumaganap sa mga layunin mo nang hindi nasusuri; dapat mong hanapin ang katotohanan at pagnilayan ang iyong sarili: “Bakit hindi ko isinasagawa ang katotohanan? Bakit palagi akong nag-aalala na ititiwalag ako? Ang kalagayang ito ay hindi tama, kailangan ko itong lutasin.” Hindi ba’t paglago ang malaman na hanapin ang katotohanan at lutasin ang iyong mga problema? Ito ay isang mabuting bagay. Ang mga taong hindi alam kung paano lulutasin ang kanilang mga problema ay manhid, mangmang, mapanghimagsik, at mapagmatigas. Alam ng ilang tao na ito ay isang problema pero hindi nila sinusubukang ayusin ito. Iniisip nila, “Hindi ba’t normal para sa akin ang mag-isip nang ganito? Bakit kailangan kong lutasin ang intensyon ko para makatanggap ng mga pagpapala? Kung lulutasin ko ito, mabibigo ako.” Hindi ba’t ito ay mapagmatigas? Ang ibang tao ay manhid; hindi nila napapagtanto na ang pagnanais na tumanggap ng mga pagpapala ay isang problema ng mga intensyon at disposisyon. Iniisip nila, “Hindi ba’t normal para sa mga taong nananalig sa Diyos ang gustuhin na mapagpala? Ang pagkakaroon ng ganitong intensyon ay hindi maituturing na problema.” Tama ba ang gayong mga kaisipan at pananaw? Kung ang intensyon ng isang tao na tumanggap ng mga pagpapala ay hindi malulutas at ang kanilang tiwaling disposisyon ay hindi malilinis, magagawa ba nilang tunay na magpasakop sa Diyos? Ano ang mga bunga ng pamumuhay ayon sa isang tiwaling disposisyon? Tulad ito ng isang taong may masamang pakiramdam; alam niyang magkakasipon siya, kaya agad siyang naghahanap ng ilang gamot na iinumin. Subalit ang iba ay manhid; ni hindi nila alam na may namamaga na sa kanila. Sinasabi lang nila sa mga tao na hindi maganda ang pakiramdam nila nitong mga nagdaang araw, hindi nila alam na nararanasan nila ang mga unang palatandaan ng sipon, at hindi nila ito sineseryoso. Iniisip pa nga ng ilang tao, “Sipon lang ito; ano ang pinakamalalang magagawa nito?” Dapat silang uminom ng tubig, pero hindi nila ginagawa, dapat silang uminom ng gamot pero hindi rin nila ito ginagawa; kinakaya lang nila ito. Dahil dito, nagkakaroon sila ng sipon at nagkakasakit ng ilang araw, na humahadlang sa kanila sa ilang bagay. Itinuturing ng mga tao ang iba’t ibang kalagayan nila nang may saloobing katulad ng pagturing nila sa kanilang mga karamdaman. May ilang tao na kayang mabilis na lutasin ang maliliit nilang problema pero hindi talaga nila nilulutas ang malalaking problema. Sa pagpapaliban-liban sa ganitong paraan, nananatiling hindi nalulutas ang tiwali nilang disposisyon, na humahantong sa kawalan ng buhay pagpasok at ng kawalan sa kanilang buhay. Hindi ba’t ito ay kamangmangan at pagka-ignorante? Hindi makakamit ng mga taong lubhang mangmang ang katotohanan at humahantong sa pagkawala ng kanilang buhay. Sa pananalig sa Diyos sa ganitong paraan, hindi nila kailanman magagawang tanggapin ang kaligtasan ng Diyos.

Ang paghahangad sa katotohanan ay dapat na magsimula sa pagninilay sa sarili at kaalaman sa sarili. Anuman ang hinaharap na sitwasyon ng isang tao, dapat ay palagi niyang pinagninilayan ang kalagayan ng kanyang kalooban, inaalam at nilulutas ang anumang maling kaisipan at pananaw o mapaghimagsik na kalagayan na mayroon siya. Pagkatapos ng ilang panahon, kapag siya ay nahaharap sa ibang sitwasyon o kaganapan, magkakaroon siya ng ilang maling pananaw at kalagayan, at dapat niyang hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito. Sa patuloy na pagninilay at pagkilala sa sarili ng isang tao, at patuloy na paglutas sa mga sarili niyang maling pananaw at mapaghimagsik na kalagayan, ang tiwaling disposisyon ng isang tao ay mabubunyag nang paunti nang paunti, at magiging madali para sa kanya ang isagawa ang katotohanan. Ito ang proseso ng buhay paglago. Anuman ang sitwasyong kinakaharap ng isang tao, dapat niyang hanapin ang katotohanan, at anuman ang kanyang intensyon o plano, dapat sundin kung ano ang naaayon sa katotohanan, at ang hindi naaayon sa katotohanan ay dapat na sugpuin. Bilang karagdagan, dapat siyang maghangad sa katarungan, at dapat magsikap para sa katotohanan, para sa kaalaman tungkol sa Diyos, at para maabot ang mga hinihingi ng Diyos. Sa ganitong paraan, mas madalas nilang matutuklasan ang kanilang mga sariling kakulangan at mga pagbubunyag ng katiwalian, at magkakaroon sila ng pusong nasasabik sa katotohanan. Matapos makaranas sa ganitong paraan sa loob ng ilang panahon, magagawa niyang maunawaan ang ilang katotohanan, at ang pananampalataya niya sa Diyos ay lalaki nang lalaki. Kung wala ang gayong landas ng pagsasagawa, hindi masasabing ang isang tao ay nagsasagawa ng katotohanan. Kung ang isang taong nabubuhay sa isang tiwaling disposisyon ay hindi nagsusuri kung ang mga salita at kilos niya ay nakaayon sa katotohanan o sumasalungat sa mga prinsipyo, sa halip ay inaalam lamang kung may nilabag siyang batas o gumawa siya ng mga krimen at wala nang iba, na hindi pinapansin ang kanyang tiwaling disposisyon at walang anumang pakialam sa kanyang mapaghimagsik na kalagayan—at kahit na sa panlabas ay maaaring wala siyang nilabag na batas o ginawang mga krimen, ang katunayan ay nabubuhay pa rin siya sa isang tiwaling disposisyon sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas—ang gayong tao ay hindi isinabuhay ang katotohanang realidad, at hindi niya matatanggap ang kaligtasan. Kapag ang mga tao ay ilang dekada nang nabubuhay sa mundo at nakakaunawa sa mga bagay na makamundo, iniisip nila na sila ay matalino, hindi nagkakamali, at kamangha-mangha, pero sa presensiya ng katotohanan, ang mga tiwaling tao ay mangmang lahat at may kakulangan sa pag-iisip, kung paanong ang mga walang halagang tao ay magiging mga sanggol magpakailanman sa harap ng Diyos. Ang paghahangad ng pagtanggap ng kaligtasan ay hindi isang simpleng usapin; kinakailangan dito ang nauunawaan ang maraming katotohanan, lumalago sa isang tiyak na tayog, nagkakaroon ng lakas ng loob, nagkakaroon ng isang angkop na kapaligiran, na nagsasagawa ng katotohanan nang paunti-unti. Sa ganitong paraan, unti-unting malilinang ang pananampalataya ng isang tao, at magiging pakaunti nang pakaunti ang kanyang mga pagdududa at maling pag-unawa tungkol sa Diyos. Habang lumiliit ang kanyang mga pagdududa at maling pag-unawa sa Diyos, lumalaki ang kanyang pananampalataya, at kapag nahaharap sa mga sitwasyon ay magagawa niyang hanapin ang katotohanan. Kapag nauunawaan niya ang katotohanan, maisasagawa niya ang katotohanan, pakaunti nang pakaunti ang mga negatibo at pasibong bagay sa kanya, magkakaroon siya ng mas maraming positibo at magandang bagay, at ang mga panahong nakapagsasagawa siya ng katotohanan at nakapagpapasakop sa Diyos ay dadami. Ito ay pagkakaroon ng katotohanang realidad. Hindi ba’t ipinapahiwatig nito na lumaki na siya? Na ang kanyang puso ay naging mas matatag? Ano ang tinutukoy na katatagan? Ito ay kapag ang isang tao ay may tunay na pananampalataya, nauunawaan ang katotohanan, at may kakayahang kumilatis, kayang sumandig sa Diyos para mapagtagumpayan ang laman, may kapasidad na mapagtagumpayan ang kasalanan, kayang maging matatag sa kanyang patotoo, may tunay na pagpapasakop sa Diyos, kayang magdusa at magbayad ng halaga para sa pagsasagawa ng katotohanan, kayang tapat na gawin ang kanyang tungkulin, at may kagustuhang hangarin ang katotohanan at hanapin ang magawang perpekto. Hindi ba’t ipinapahiwatig nito ang tuloy-tuloy na pagbuti? Sa ganitong paraan, makakapagsimula ang isang tao sa landas ng paghahangad sa katotohanan at magagawang perpekto. Walang sitwasyon o paghihirap ang makakapanaig sa gayong tao o makapipigil sa kanya na sumunod sa Diyos. Isa itong tao na lubos na pinagpala ng Diyos, isang taong nais makamit ng Diyos.

Ano ang kalagayan ninyo sa kasalukuyan? (Minsan kapag nakakaranas tayo ng mga paghihirap, tayo ay nagiging medyo negatibo, pero nagagawa nating magsikap na umangat at sumubok na mapagtagumpayan ang mga ito.) Ang pagkakaroon ng tayog ay pagkakaroon ng kakayahang magkusa para mapagtagumpayan ang iyong mga paghihirap kapag nalaman mo ang mga ito. Ang malaman na mayroon kang mga paghihirap at sa kabila nito ay hindi ka kumikilos para mapagtagumpayan ang mga ito o tugunan ang mga ito, dinadala ang isang negatibong kalagayan, ginagampanan ang iyong tungkulin sa isang pasibo at pabasta-bastang paraan—ito ang karaniwan at madalas makitang kalagayan. May isang mas malala pa, at ito ay ang hindi mo alam kung anong uri ka ng tao at hindi alam kung anong uri ng kalagayan ang kinatatayuan mo—hindi alam kung ang kalagayan mo ay mabuti o masama, tama o mali, o negatibo o positibo. Ito ang pinakamagulo. Hindi alam ng ganitong tao ang mga detalyadong problema ng kanyang buhay pagpasok, lalo na kung saan magsisimulang isagawa ang katotohanan. Mayroon lamang siyang sigasig pero hindi niya nauunawaan ang anumang katotohanan o mayroong anumang pagkilatis, at hindi niya kayang magsalita tungkol sa anumang patotoong batay sa karanasan. Kailan magagawa ng gayong tao na magbigay ng umaalingawngaw na patotoo para sa Diyos? Kaya ng ilang tao na bumigkas ng maraming salita at doktrina, pero kung tatanungin mo sila, “Nagpapatotoo ka ba para sa Diyos?” sila mismo ay hindi rin nakakaalam. Iniisip nila na tapat nilang ginagampanan ang kanilang tungkulin, nang walang anumang pagiging pabasta-basta. Iniisip nila na ang lahat ng tungkol sa kanila ay mabuti, at na mas mabuti sila sa ibang tao sa lahat ng bagay. Kapag ang iba ay mahina, pinagsasabihan pa nga nila ang mga ito: “Bakit ka mahina? Mahalin mo ang Diyos, sige na! Ito na ang oras ngayon at mahina ka pa rin?” Malinaw na ang gayong uri ng tao ay walang realidad; hindi niya nauunawaan ang mga normal na kalagayan at proseso ng pagbabago sa disposisyon ng isang tao. Inuulit lang niya ang mga kasabihang karaniwang naririnig gaya ng “Hindi ito ang oras para maging mahina!” at “Nag-aalala ka pa rin sa pamilya mo hanggang ngayon?” ginagamit ang gayong mga doktrina para hikayatin ang iba at pangaralan sila, hindi talaga nilulutas ang anumang praktikal na problema. Ang hindi magawang makilala ang sariling kalagayan ng isang tao at ang hindi magawang tunay makilala ang sarili niya ang pinakahalatang pagpapamalas ng isang wala sa hustong gulang na tayog. Ang hindi maisagawa ang katotohanan at sa halip ay sumusunod lamang sa ilang regulasyon ay nagpapahiwatig ng wala sa hustong gulang na tayog. Ang pagnanais na gampanan ang tungkulin ng isang tao at gawin ang mga bagay-bagay nang maayos, pero hindi alam kung ano ang mga prinsipyong dapat sundin at ginagawa lamang ang mga bagay-bagay ayon sa kanyang sariling kagustuhan ay nagpapahiwatig ng wala sa hustong gulang na tayog. Ang pakikinig sa patotoong batay sa karanasan ng iba at hindi ito nagagawang makilatis, at ang hindi magawang masabi nang malinaw kung ano ang mga pakinabang na dapat makamit ng isang tao mula rito o anong mga aral ang dapat niyang makuha, ay nagpapahiwatig ng isang wala sa hustong gulang na tayog. Ang hindi magawang maranasan at maisagawa ang salita ng Diyos, at hindi alam kung ano ang ibig sabihin ng magalak at magpatotoo sa Diyos—ang lahat ng ito ay mga tanda ng isang wala sa hustong gulang na tayog. Nasa anong kalagayan kayo ngayon? (Mas madalas ay nagiging negatibo kami.) Ang sitwasyong ito ay mas lalo pang nagpapahiwatig ng isang wala sa hustong gulang na tayog. Ang mga taong masyadong mangmang at ignorante ay walang anumang tayog. Tanging kapag kaya na nilang maunawaan ang maraming katotohanan, makilatis ang mga usapin, malutas ang sarili nilang mga problema, magkaroon ng mas kaunting negatibong kalagayan at mas maraming normal na kalagayan, umako ng mabibigat na pasanin, at mamuno at magbigay sa iba na tunay na magkakaroon sila ng tayog. Dapat kang magsikap para sa katotohanan; habang mas nagsisikap ka, mas lalago ka. Kung hindi ka nagsisikap, hindi ka lalago, at maaari ka pang umurong. Para manalig sa Diyos, dapat kang mamuhay sa katotohanan; sa higit mong pag-unawa sa katotohanan, nagkakamit ka ng tayog. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi ka magkakaroon ng tayog. Kapag sinimulan mong hanapin ang katotohanan at nagagawa mong lutasin ang sarili mong mga problema, lumago na ang iyong tayog.

Oktubre 15, 2017

Sinundan: Ano ba Talaga ang Inaasahan ng mga Tao Para Mabuhay?

Sumunod: Sa Pag-unawa Lamang sa Katotohanan Malalaman ng Isang Tao ang mga Gawa ng Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito