Ang Landas … 6

Dahil sa gawain ng Diyos kaya tayo ay nadala tungo sa kasalukuyan, at sa gayon tayo ang mga nakaligtas sa plano ng pamamahala ng Diyos. Na tayo ay nananatili hanggang sa ngayon ay isang dakilang pagtataas mula sa Diyos, sapagkat ayon sa plano ng Diyos, dapat na mawasak ang bansa ng malaking pulang dragon. Subalit iniisip Ko na marahil ay nagtatag na Siya ng isa pang plano, o ninanais Niyang isakatuparan ang isa pang bahagi ng Kanyang gawain, kaya kahit ngayon, hindi Ko maipaliwanag ito nang malinaw—para bang ito ay isang di-malutas na palaisipan. Subalit sa pangkalahatan, ang pangkat nating ito ay naitalaga na ng Diyos, at patuloy Akong naniniwala na may iba pang gawain sa atin ang Diyos. Nawa magsumamo tayong lahat sa Langit sa gayon: “Nawa matupad ang Iyong kalooban, at nawa ay minsan Ka pang magpakita sa amin at huwag itago ang Iyong sarili upang makita nawa namin ang Iyong kaluwalhatian at ang Iyong mukha nang mas malinaw.” Lagi Kong nadarama na ang landas kung saan ginagabayan tayo ng Diyos ay hindi diretso, bagkus ay isang paliku-likong daan na puno ng mga lubak; sinasabi ng Diyos, bukod dito, na habang mas mabato ang landas, mas maibubunyag nito ang ating mga pusong mapagmahal. Gayunman ay wala ni isa man sa atin ang makapagbubukas ng gayong landas. Sa Aking karanasan, lumakad na Ako sa maraming mabato, mapanganib na mga landas at dumanas na Ako ng matinding pagdurusa; may mga sandali na lubos Akong namimighati hanggang sa punto na gusto Kong maghumiyaw, ngunit nilakaran Ko na ang landas na ito hanggang sa ngayon. Naniniwala Ako na ito ang landas na pinangungunahan ng Diyos, kaya tinitiis Ko ang pagpapahirap ng lahat ng pagdurusa at nagpapatuloy na sumulong. Sapagkat ito ang naitalaga na ng Diyos, kaya sinong makatatakas dito? Hindi Ko hinihingi na makatanggap ng anumang mga pagpapala; ang hinihingi Ko lang ay makaya Kong lumakad sa landas na dapat Kong lakaran ayon sa kalooban ng Diyos. Hindi Ko hinahangad na gayahin ang iba, na lumakad sa landas na kanilang nilalakaran; ang hinahangad Ko lang ay nawa matupad Ko ang Aking debosyon na lumakad sa itinalaga sa Aking landas hanggang sa katapusan. Hindi Ko hinihingi ang tulong ng iba; sa totoo lang, hindi Ko rin matutulungan ang sinuman. Tila labis na napakasensitibo Ko sa bagay na ito. Hindi Ko alam kung ano ang iniisip ng ibang tao. Ito ay dahil lagi Akong naniniwala na kung gaano man ang dapat ipagdusa ng isang indibidwal at kung gaano man kalayo ang dapat nilang lakarin sa kanilang landas ay itinakda ng Diyos, at na walang sinuman ang tunay na makatutulong sa kaninuman. Marahil ang ilan sa ating masigasig na mga kapatirang lalaki at babae ay magsasabi na wala Akong pag-ibig, subalit ito lang ang Aking paniniwala. Lumalakad ang mga tao sa kanilang mga landas na umaasa sa paggabay ng Diyos, at nagtitiwala Ako na karamihan sa Aking mga kapatirang lalaki at babae ay mauunawaan ang Aking puso. Umaasa rin Ako na pinagkakalooban tayo ng Diyos ng mas nakahihigit na kaliwanagan sa aspetong ito, upang ang ating pag-ibig ay maaaring maging mas dalisay at ang ating pagkakaibigan ay maging mas mahalaga. Nawa ay hindi tayo malito sa paksang ito, bagkus ay magkamit lang ng higit pang kalinawan, upang ang ating mga pakikipag-ugnayan sa kapwa-tao ay maaaring maitatag batay sa pangunguna ng Diyos.

Gumawa na ang Diyos sa kalakhang-lupain ng Tsina sa loob ng maraming taon, at nagbayad na Siya ng napakalaking halaga sa lahat ng tao upang sa wakas ay madala tayo sa kung nasaan tayo ngayon. Iniisip Ko na upang magabayan ang bawat isa tungo sa tamang landas, dapat na magsimula ang gawaing ito kung saan pinakamahina ang lahat; sa paraang ito lang nila mapagtatagumpayan ang unang balakid at magpatuloy na sumulong. Hindi ba mas mabuti iyon? Ang bansang Tsino, na naging tiwali sa loob ng libu-libong taon, ay nakapanatili hanggang ngayon, ang lahat ng uri ng “virus” ay sumusulong nang walang tigil, kumakalat sa bawat dako gaya ng salot; ang pagtingin lang sa mga ugnayan ng mga tao ay sapat na upang makita kung ilang “mikrobyo” ang nagkukubli sa loob ng mga tao. Sukdulang napakahirap para sa Diyos na paunlarin ang Kanyang gawain sa lugar na gayon kahigpit ang pagkakasara at nahawaan ng virus. Ang mga personalidad ng mga tao, ang mga gawi, ang paraan ng paggawa nila sa mga bagay-bagay, lahat ng ipinahahayag nila sa kanilang mga buhay at ang kanilang mga pakikipag-ugnayan sa kapwa-tao—sirang-sira ang lahat ng mga ito, hanggang sa punto na ang pantaong kaalaman at mga kultura ay lahat hinatulan na ng Diyos ng kamatayan. Bukod pa sa sari-saring mga karanasan na kanilang natutuhan mula sa kanilang mga pamilya at lipunan—ang mga ito ay nahatulan nang lahat sa paningin ng Diyos. Sapagkat yaong namumuhay sa lupaing ito ay nakakain na ng napakaraming virus. Tila pangkaraniwan lang ito para sa kanila, hindi nila ito iniisip. Samakatuwid, habang mas tiwali ang mga tao sa isang lugar, mas nagiging abnormal ang kanilang mga pakikipag-ugnayan sa kapwa-tao. Puno ng intriga ang mga ugnayan ng mga tao, nagbabalak sila laban sa isa’t isa at nagpapatayan na parang nasa isang makakanibal na kuta ng mga demonyo. Sa gayong lugar na puno ng takot, kung saan laganap ang mga multo, masyadong napakahirap na isakatuparan ang gawain ng Diyos. Nananalangin Ako nang walang patid sa Diyos kapag kailangan Kong makipagkita sa mga tao, sapagkat natatakot Akong makipagkita sa kanila, at takot na takot na masasaktan Ko ang kanilang “dignidad” sa Aking disposisyon. Sa Aking puso, lagi Akong natatakot na kikilos nang walang taros ang masasamang espiritung ito, kaya lagi Akong nananalangin sa Diyos na ingatan Ako. Lahat ng uri ng abnormal na ugnayan ay makikita sa gitna natin, at yamang nakikita ang lahat ng ito, may pagkamuhi sa Aking puso, sapagkat sa kanilang mga sarili, ang mga tao ay laging nakikisali sa “gawain” ng tao, at hindi nila kailanman iniisip ang Diyos. Kinamumuhian Ko ang kanilang mga pag-uugali nang tagos sa Aking mga buto. Ang makikita sa mga tao sa kalakhang-lupain ng Tsina ay walang iba kundi tiwaling satanikong mga disposisyon, kaya sa gawain ng Diyos sa mga taong ito, halos imposible na makakita ng anumang kapaki-pakinabang sa loob nila; ang lahat ng gawain ay ginagawa ng Banal na Espiritu, at dahil nga mas inaantig ng Banal na Espiritu ang mga tao, at gumagawa sa kanila. Halos imposibleng magamit ang mga taong iyon; ibig sabihin, ang gawain ng Banal na Espiritu na umantig ng mga tao kasama ang pakikipagtulungan ng mga tao ay hindi magagawa. Ang Banal na Espiritu ay patuloy lang na umuusad upang antigin ang mga tao, ngunit magkagayunman, nananatiling manhid at walang pakiramdam ang mga tao, at walang ideya kung ano itong ginagawa ng Diyos. Kaya, ang gawain ng Diyos sa kalakhang-lupain ng Tsina ay maihahambing sa Kanyang gawain ng paglikha sa mga langit at lupa. Sinasanhi Niyang muling maisilang ang lahat ng tao, at binabago ang lahat sa kanila, dahil walang kapaki-pakinabang sa loob ng mga ito. Masyado itong nakadudurog ng puso. Malimit Akong malungkot na nananalangin para sa mga taong ito: “Diyos, nawa ang Iyong dakilang kapangyarihan ay mahayag sa mga taong ito, upang lubos na maantig sila ng Iyong Espiritu, at upang ang mga manhid at mapupurol na mga nagdurusang ito ay maaaring magising, hindi na muling makatulog, at makita ang araw ng Iyong kaluwalhatian.” Nawa tayong lahat ay manalangin sa harap ng Diyos at sabihin: O Diyos! Nawa ay muli Kang mahabag sa amin at pangalagaan kami upang ang aming mga puso ay lubos na makababaling sa Iyo, at nang kami ay magawang makatakas sa maruming lupaing ito, makatayo, at matapos kung ano ang ipinagkatiwala Mo sa amin. Umaasa Ako na muli nawa tayong antigin ng Diyos upang maaari nating makamit ang Kanyang kaliwanagan, at umaasa Ako na mahabag nawa Siya sa atin nang makaya ng ating mga puso na unti-unting bumaling sa Kanya at maaaring makamit Niya tayo. Ito ang pagnanais nating lahat.

Ang landas na ating nilalakaran ay lubos na itinalaga ng Diyos. Sa madaling sabi, naniniwala Ako na nakatitiyak Akong lalakad sa landas na ito hanggang sa katapusan, sapagkat ang Diyos ay laging ngumingiti sa Akin, at para bang ang Kanyang kamay ay laging gumagabay sa Akin. Sa gayon ay walang bahid ng anupaman ang Aking puso, at sa gayon ay lagi Kong iniisip ang gawain ng Diyos. Isinasakatuparan Ko ang lahat ng iniaatas sa Akin ng Diyos nang Aking buong lakas at may debosyon, at hindi Ako nakikialam kailanman sa mga gawaing hindi inilaan sa Akin, ni nakikisangkot Ako sa iba pang gumagawa nito—sapagkat naniniwala Ako na ang bawat tao ay dapat na lumakad sa kanilang sariling landas, at huwag manghihimasok sa iba. Ganito ang pagtingin Ko rito. Marahil ito ay dahil sa Aking sariling personalidad, ngunit umaasa Ako na ang Aking mga kapatirang lalaki at babae ay uunawain at patatawarin Ako dahil hindi Ako kailanman nangahas na sumalungat sa mga atas ng Aking Ama. Hindi Ako nangangahas na sumalansang sa kalooban ng Langit. Nakalimutan mo na bang “ang kalooban ng Langit ay hindi masasalansang”? Maaaring may mga taong nag-iisip na Ako ay makasarili, ngunit naniniwala Ako na partikular Akong naparito upang isakatuparan ang isang bahagi ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Hindi Ako naparito para makisangkot sa mga pakikipag-ugnayan sa kapwa-tao; Hindi Ko matututuhan kailanman kung paano makisama nang maayos sa iba. Sa atas ng Diyos, gayunpaman, nasa Akin ang paggabay ng Diyos, at taglay Ko ang pananampalataya at katatagan na matapos ang gawaing ito. Marahil ay masyado Akong nagiging “makasarili,” ngunit umaasa Ako na ang bawat isa ay magkukusa na subukang damhin ang makatarungan at di-makasariling pag-ibig ng Diyos, at na subukang makipagtulungan sa Diyos. Huwag maghintay sa ikalawang pagdating ng pagiging maharlika ng Diyos; hindi iyan mabuti para kaninuman. Lagi Kong iniisip na ang dapat nating isaalang-alang ay ito: “Dapat nating gawin ang lahat ng posible upang magawa ang nararapat nating magawa para mabigyang-kasiyahan ang Diyos. Magkakaiba ang atas ng Diyos sa bawat isa sa atin; paano natin ito tutuparin?” Dapat mong mabatid kung ano talaga ang landas na nilalakaran mo—kinakailangan na malinaw ka tungkol dito. Yamang hiling ninyong lahat na bigyang-kasiyahan ang Diyos, bakit hindi ibigay ang sarili sa Kanya? Sa unang pagkakataon na nanalangin Ako sa Diyos, ibinigay Ko ang Aking buong puso sa Kanya. Ang mga tao sa paligid Ko—mga magulang, mga kapatid na babae, mga kapatid na lalaki, at mga kasamahan—nawaksi silang lahat sa dulong likuran ng Aking isipan dahil sa Aking pagpapasya, para bang sila ay hindi kailanman umiral para sa Akin. Sapagkat ang Aking isipan ay laging nasa Diyos, o sa mga salita ng Diyos, o sa Kanyang karunungan; ang mga bagay na ito ay laging nasa Aking puso, at tumangan ang mga ito sa pinakamahalagang puwang sa Aking puso. Sa gayon, para sa mga taong puno ng mga pilosopiya sa buhay, Ako ay isang walang habag at walang emosyon. Nasasaktan ang kanilang mga puso sa kung paano Ko dinadala ang Aking sarili, sa kung paano Ko ginagawa ang mga bagay-bagay, sa Aking bawat galaw. Sinusulyapan nila Ako nang kakaiba, na para bang ang tao na Ako ay isang di-malulutas na palaisipan. Sa kanilang mga isipan, palihim nilang sinusukat ang tao na Ako, hindi alam kung ano ang susunod Kong gagawin. Paano Ako mahahadlangan ng anumang ginagawa nila? Marahil sila ay naiinggit, o nasusuklam, o nanunuya; gayunman, nananalangin Ako sa harap ng Diyos sa buong panahon na parang may matinding uhaw at gutom, na parang Siya lang at Ako ang nasa iisang mundo, at wala ng iba pa. Lagi Akong sinisikil ng mga puwersa ng panlabas na mundo—ngunit, gayundin, ang damdamin ng pagiging naaantig ng Diyos ay sumisilakbo rin sa loob Ko. Yamang naiipit sa mahirap na kalagayang ito, yumukod Ako sa harap ng Diyos: “O Diyos! Paanong Ako ay may pag-aatubili ukol sa Iyong kalooban? Sa Iyong mga mata Ako ay marangal, itinuturing na pinong ginto, gayunman ay hindi Ko magawang makatakas mula sa mga puwersa ng kadiliman. Magdurusa Ako para sa Iyo sa buong buhay Ko, gagawin Ko ang Iyong gawain bilang gawain ng Aking buhay, at nagsusumamo Ako sa Iyo na bigyan Ako ng isang maayos na dako ng kapahingahan upang italaga ang Aking sarili sa Iyo. O Diyos! Hinihiling Kong ihandog ang Aking sarili sa Iyo. Nalalaman Mo nang husto ang kahinaan ng tao, kaya bakit Mo itinatago ang Iyong sarili mula sa Akin?” Sa sandaling iyon, pakiramdam Ko ay para Akong liryo sa bundok, humahalo ang halimuyak nito sa simoy ng hangin, hindi nalalaman ng lahat. Ang Langit gayunman, ay tumatangis, at ang Aking puso ay umiiyak nang umiiyak; na para bang may mas matindi pang kirot sa Aking puso. Ang lahat ng puwersa at pagsalakay ng tao—ay gaya ng dagundong ng kulog sa maaliwalas na araw. Sinong makauunawa sa Aking puso? Kaya Ako ay minsan pang lumapit sa harap ng Diyos, at sinabi, “O Diyos! Wala bang paraan upang isakatuparan ang Iyong gawain sa lupaing ito ng karumihan? Bakit hindi maisaalang-alang ng iba ang Iyong puso sa isang komportable, matulunging kapaligiran na malaya sa pang-uusig? Nais Kong ibuka ang Aking mga pakpak, gayunman ay bakit napakahirap na lumipad palayo? Hindi Ka ba sumasang-ayon?” Maraming araw Ko itong tinangisan, gayunman ay lagi Akong nagtiwala na magdadala ang Diyos ng kaaliwan sa puso Kong puno ng kalungkutan. Walang nakaunawa kailanman sa Aking pagkabalisa. Marahil ito ay isang tuwirang pang-unawa mula sa Diyos—Ako ay laging nagniningas para sa Kanyang gawain, at halos wala na Akong panahon para huminga. Hanggang sa araw na ito, nananalangin pa rin Ako at nagsasabi, “O Diyos! Kung ito ay Iyong kalooban, nawa Ako ay patnubayan Mo na maisakatuparan ang higit pang malaking gawain Mo upang ito nawa ay lumaganap sa buong sansinukob, at na nawa ay magbukas ito sa bawat bansa at denominasyon, upang ang Aking puso ay maaaring makatamo ng katiting na kapayapaan, at upang Ako ay maaaring mabuhay sa dako ng kapahingahan para sa Iyo, at na maaari Akong gumawa para sa Iyo nang walang panggugulo, at mapaglingkuran Ka, nang payapa ang Aking puso, sa buong buhay Ko.” Ito ang pagnanais ng Aking puso. Marahil ay sasabihin ng Aking mga kapatirang lalaki at babae na Ako ay mapagmataas at palalo; Ako, gayundin, ay inaamin ito, sapagkat ito ay katunayan—ang tinataglay ng mga kabataan ay kayabangan lang. Kaya sinasabi Ko kung ano talaga ito, nang hindi sinasalungat ang mga katunayan. Sa Akin ay maaari mong makita ang lahat ng katangian ng personalidad ng isang kabataan, ngunit makikita mo rin kung saan Ako naiiba sa ibang kabataan: sa Aking pagkamahinahon at katahimikan. Hindi Ako gumagawa ng isang paksa mula rito; naniniwala Ako na mas kilala Ako ng Diyos kaysa sa pagkakilala Ko sa Aking sarili. Ang mga ito ay mga salita mula sa Aking puso, at umaasa Ako na ang Aking mga kapatirang lalaki at babae ay hindi maghihinanakit. Nawa ay masabi natin ang mga salita sa ating mga puso, tingnan kung ano ang hinahangad ng bawat isa sa atin, paghambingin ang ating mga pusong mapagmahal sa Diyos, makinig sa mga salitang ibinubulong natin sa Diyos, umawit ng pinakamagagandang awitin sa ating mga puso, at ipahayag ang karangalan sa ating mga puso, upang maging mas maganda ang ating mga buhay. Kalimutan ang nakaraan at tumingin sa kinabukasan. Magbubukas ang Diyos ng isang landas para sa atin!

Sinundan: Ang Landas … 5

Sumunod: Ang Landas … 7

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito