Ang Landas … 5

Sa nakaraan, walang sinuman ang nakakilala sa Banal na Espiritu, mas lalong wala silang kamalayan sa landas na tinatahak ng Banal na Espiritu. Ito ang dahilan kung bakit palaging nagmumukhang tanga ang mga tao sa harapan ng Diyos. Patas na sabihin na halos lahat ng naniniwala sa Diyos ay hindi nakakakilala sa Banal na Espiritu, at ang kanilang pananampalataya ay magulo at lito. Maliwanag na hindi nauunawaan ng mga tao ang Diyos; at kahit na maaaring sabihin ng kanilang mga bibig na naniniwala sila sa Kanya, sa diwa, batay sa kanilang mga pag-uugali, naniniwala sila sa kanilang mga sarili, hindi sa Diyos. Sa Aking sariling aktwal na mga karanasan, nakita Kong nagpapatotoo ang Diyos sa nagkatawang-taong Diyos, at sa panlabas lumilitaw na ang mga tao ay napipilitang kilalanin ang patotoo ng Diyos, bahagya lamang na masasabi na naniniwala sila na ang Espiritu ng Diyos ay ganap na walang kamalian. Gayunpaman, sinasabi Ko na ang pinaniniwalaan ng mga tao ay hindi ang personang ito, mas lalong hindi ang Espiritu ng Diyos, kundi ang kanilang sariling nararamdaman. Hindi ba sila naniniwala lamang sa kanilang mga sarili sa paggawa niyan? Ang sinasabi Ko ay totoo. Hindi ko binabansagan ang mga tao, nguni’t may isang bagay na kailangan Kong linawin: Na ang mga tao ay nadala hanggang ngayon, nalilinawan man sila o nalilito, ito ay dahil lahat sa Banal na Espiritu. Ito ay hindi isang bagay na may anumang kontrol ang mga tao. Ito ay isang halimbawa ng nabanggit Ko na noon tungkol sa pamimilit ng Banal na Espiritu sa paniniwala ng mga tao; ito ang paraan ng paggawa ng Banal na Espiritu, at ito ang landas na tinatahak ng Banal na Espiritu. Kaninuman, sa diwa, naniniwala ang mga tao, pilit na binibigyan ng Banal na Espiritu ng isang uri ng pakiramdam ang mga tao, pinapaniwala sila sa Diyos na nasa kanilang mga puso. Hindi ba ganyan ka maniwala? Hindi mo ba nararamdaman na ang iyong paniniwala sa Diyos ay isang kakaibang bagay? Hindi mo ba naiisip na kakatwa na hindi ka makatakas sa daloy na ito? Hindi mo pa ba pinagsikapang isipin ang tungkol dito? Hindi ba ito ang pinakadakila sa lahat ng tanda at kababalaghan? Kahit na maraming beses ka nang nagkaroon ng pag-uudyok na tumakas, palaging mayroong isang malakas na pwersa ng buhay na umaakit sa iyo at nagsasanhi sa iyo na mag-atubiling umalis. At sa tuwing nakikita mo ang iyong sarili sa ganitong kalagayan, palagi kang nagsisimulang umiyak at humagulgol, naguguluhan kung ano ang susunod na gagawin. Ang ilan sa inyo ay sumusubok na umalis, nguni’t nang paalis na kayo, para itong isang kutsilyo na nakatusok sa puso, para bang ang iyong kaluluwa ay nakuha sa iyo ng isang makalupang multo, na iniiwang balisa at walang kapayapaan ang iyong puso. Pagkatapos, hindi mo mapigilang tibayan ang iyong loob at bumalik sa Diyos. … Hindi mo pa ba naranasan ito? Wala Akong alinlangan na ang mga nakababatang kapatid, na kayang buksan ang kanilang mga puso, ay magsasabing: “Oo! Naranasan ko na ito nang maraming beses, nahihiya akong isipin pa ito!” Sa Aking sariling buhay sa araw-araw, palagi Akong masaya na ituring ang Aking mga nakababatang kapatid bilang Aking mga kaniig, dahil napakainosente nila—napakadalisay nila at kaibig-ibig. Para silang mga sarili Kong kasamahan. Ito ang dahilan kung bakit lagi Akong naghahanap ng pagkakataon na pagsama-samahin ang Aking mga kaniig upang pag-usapan ang aming mga mithiin at mga plano. Nawa’y maisakatuparan sa atin ang kalooban ng Diyos upang tayong lahat ay maging tulad ng laman at dugo, walang kahit anong hadlang o distansya sa pagitan natin. Nawa’y ipanalangin nating lahat: “O Diyos! Kung ito ay kalooban Mo, nagmamakaawa kami na ibigay Mo sa amin ang tamang kapaligiran, upang matupad namin ang mga inaasam ng aming mga puso. Nawa’y kaawaan Mo kaming mga bata at kulang pa sa katwiran, at hayaan kaming gamitin ang lakas na nasa aming mga puso!” Nagtitiwala Ako na ito ay kalooban ng Diyos, dahil matagal na Akong nanalangin sa Diyos at sinabi: “Ama! Sa lupa, tumatawag kami sa Iyo nang walang tigil, nag-aasam na ang Iyong kalooban ay maganap na sa lalong madaling panahon sa lupa. Hahanapin Ko ang Iyong kalooban. Gawin Mo nawa ang Iyong nais gawin at tapusin Mo agad-agad ang Iyong ibinigay na gawain sa Akin. Nakahanda pa Ako na magbukas Ka ng bagong landas sa amin, kung ang kahulugan nito ay tinutupad na ang Iyong kalooban sa lalong madaling panahon! Hinihingi Ko lamang na ang Iyong gawain ay matapos na sa lalong madaling panahon, at nagtitiwala Ako na walang anumang tuntunin ang makakapigil dito!” Ganito ang gawain ng Diyos ngayon; hindi mo ba nakikita ang landas na tinatahak ng Banal na Espiritu? Sa tuwing nakikipagkita Ako sa mga nakakatandang kapatid, mayroon Ako nitong hindi mailarawang pagkaramdam ng kaapihan. Kapag nakikipagkita Ako sa kanila, nakikita Kong amoy-lipunan sila; ang mga relihiyosong kuru-kuro nila, ang karanasan nila sa paghawak ng mga bagay-bagay, ang kanilang paraan ng pananalita, ang mga salitang ginagamit nila, at iba pa—lahat sila ay nakakainis. Sila diumano ay puno ng “karunungan.” Palagi Akong lumalayo sa kanila hangga’t kaya Ko, dahil para sa Aking sarili, wala Akong mga pilosopiya para sa pamumuhay sa mundo. Sa tuwing nakakatagpo Ko ang mga taong ito, para Akong pagod na pagod, basang-basa ng pawis ang Aking ulo; minsan ang pakiramdam Ko’y aping-api Ako kaya halos hindi na Ako makahinga. Kaya sa mapanganib na sandaling ito, binibigyan Ako ng Diyos ng napakagandang paraan para makaalis. Marahil ay maling akala Ko lamang ito. Pinahahalagahan Ko lamang ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa Diyos; ang paggawa sa kalooban ng Diyos ang pinakamahalaga. Lumalayo Ako sa mga taong ito, nguni’t kung hinihingi ng Diyos na makipagkita Ako sa kanila, sumusunod pa rin Ako. Hindi naman sa sila ay kasuklam-suklam, nguni’t ang kanilang “karunungan,” mga kuru-kuro, at mga pilosopiya sa pamumuhay sa mundo ay masyadong kasuklam-suklam. Naroon Ako para tapusin ang ibinigay na gawain ng Diyos, hindi upang matutunan kung paano nila ginagawa ang mga bagay-bagay. Natatandaan Ko kung paanong minsang sinabi ng Diyos sa Akin, “Sa lupa, hangarin lamang gawin ang kalooban ng Iyong Ama at tapusin ang Kanyang tagubilin. Wala Ka nang iba pang dapat alalahanin.” Ang pag-iisip dito ay nagbibigay sa Akin ng kaunting kapayapaan. Iyan ay dahil ang mga gawain ng tao ay palaging parang napakakumplikado para sa Akin; hindi Ko maintindihan ang mga ito, at hindi Ko alam kung ano ang gagawin Ko. Hindi na mabilang kung ilang beses na Akong nabagabag nang dahil dito at kinapootan ang sangkatauhan; bakit kailangang maging napakakumplikado ng mga tao? Bakit hindi sila maging simple? Bakit nag-aabala sa pagsisikap na maging napakatalino? Kapag nakakatagpo Ko ang mga tao, karamihan ay batay sa ibinigay na gawain ng Diyos sa Akin. Maaaring may ilang beses na hindi ganoon, nguni’t sino ang nakaaalam kung ano ang nakatago sa kaibuturan ng Aking puso?

Maraming beses Ko nang pinayuhan ang mga kapatid na kasama Ko na dapat silang maniwala nang kanilang buong puso sa Diyos, na hindi nila dapat pangalagaan ang kanilang sariling mga interes, kundi isaisip ang kalooban ng Diyos. Maraming beses na Akong nanangis nang may pighati sa harapan ng Diyos: Bakit hindi isinasaisip ng mga tao ang kalooban ng Diyos? Tiyak namang hindi basta na lamang naglalaho nang walang bakas ang gawain ng Diyos nang walang dahilan? At hindi Ko rin alam kung bakit—halos naging isa na itong palaisipan sa Akin—kung bakit hindi kailanman nakikilala ng mga tao ang landas na tinatahak ng Banal na Espiritu, bagkus kumakapit pa rin sila sa mga di-normal na ugnayang mayroon sila sa iba? Nasusuka Ako tuwing nakakakita ng mga taong tulad nito. Sa halip na tumingin sa landas ng Banal na Espiritu, pinagtutuunan nila ang mga gawa ng tao. Malulugod kaya rito ang Diyos? Madalas Kong ikinalulungkot ito. Halos naging pasanin Ko na ito—at binabagabag din nito ang Banal na Espiritu. Hindi ba kayo nakakaramdam ng anumang pagsisisi sa inyong puso? Nawa’y buksan ng Diyos ang mga mata ng ating espiritu. Ako, na gumagabay sa mga tao na pumasok sa gawain ng Diyos, ay maraming beses nang nanalangin sa harapan ng Diyos: “O, Ama! Nais Kong ang Iyong kalooban ang maging sentro, hahanapin Ko ang Iyong kalooban, nais Kong maging tapat sa Iyong ibinigay na gawain, upang makamit Mo ang grupong ito ng mga tao. Nawa’y dalhin Mo kami sa lupain ng kalayaan, upang mahipo Ka namin ng aming mga espiritu, at nawa’y gisingin Mo ang mga espirituwal na damdamin sa loob ng aming mga puso!” Nais Ko na ang kalooban ng Diyos ay magawa, at kaya nananalangin Ako nang walang-tigil upang patuloy tayong bigyang-liwanag ng Kanyang Espiritu, nang matahak natin ang landas na pinangungunahan ng Banal na Espiritu—sapagka’t ang landas na tinatahak Ko ay ang landas ng Banal na Espiritu. At sino pa bang maaaring tumahak sa landas na ito sa Aking lugar? Ito ang lalo pang nagpapabigat sa Aking pasanin. Nararamdaman Kong para bang babagsak Ako, nguni’t may pananampalataya Akong hindi kailanman aantalain ng Diyos ang Kanyang gawain. Marahil ay magkakahiwalay lamang tayo sa sandaling naganap na ang Kanyang ibinigay na gawain. Kaya marahil, ang epekto ng Espiritu ng Diyos ang dahilan na lagi nang iba ang pakiramdam Ko. Para bang mayroong gawaing nais gawin ng Diyos, nguni’t hindi Ko pa rin matarok kung ano ito. Nguni’t nagtitiwala Akong walang sinuman sa lupa ang higit na mabuti kaysa sa Aking mga kaniig, at nagtitiwala Akong mananalangin sila para sa Akin sa harapan ng Diyos, at dahil dito’y labis-labis Akong nagpapasalamat. Inaasam Ko sa mga kapatid na sabihin kasabay Ko: “O, Diyos! Nawa’y ganap na maipamalas ang Iyong kalooban sa aming mga tao ng pangwakas na kapanahunan, upang maaari kaming pagpalain ng buhay ng espiritu, at mamasdan ang mga gawa ng Espiritu ng Diyos, at matingnan namin ang Kanyang totoong mukha!” Sa sandaling marating na natin ang hakbang na ito, tunay na tayong nabubuhay sa ilalim ng gabay ng Espiritu, at saka lamang tayo makakatingin sa totoong mukha ng Diyos. Na ang ibig sabihin, mauunawaan ng mga tao ang tunay na kahulugan ng lahat ng katotohanan, hindi makauunawa o makaiintindi ayon sa mga kuru-kuro ng tao, kundi ayon sa pagbibigay-kaliwanagan ng kalooban ng Espiritu ng Diyos. Ang lahat ng ito ay gawain ng Diyos Mismo, walang mga ideya ng tao rito; ito ang Kanyang plano ng gawain para sa mga gawang nais Niyang maging malinaw sa lupa, at ito ang huling bahagi ng Kanyang gawain sa lupa. Nais mo bang sumali sa gawaing ito? Nais mo bang maging bahagi nito? Naghahangad ka ba na magawang perpekto ng Banal na Espiritu at makibahagi sa buhay ng espiritu?

Ang susi ngayon ay ang mas lumalim mula sa ating orihinal na pundasyon. Dapat tayong mas magpakalalim sa katotohanan, sa mga pangitain, at sa buhay—nguni’t dapat Ko munang paalalahanan ang mga kapatid na upang makapasok sa hakbang na ito ng gawain, dapat mong iwaksi ang iyong dating mga kuru-kuro. Ibig sabihin, dapat mong baguhin ang paraan kung paano ka namumuhay, gumawa ng mga bagong plano, magpanibagong simula. Kung kumakapit ka pa rin sa kung anong mahalaga sa iyo noon, hindi makakagawa ang Banal na Espiritu sa iyo, at bahagya lamang Niyang maaalalayan ang iyong buhay. Ang mga hindi naghahangad, o pumapasok, o nagpaplano ay lubusang tatalikuran ng Banal na Espiritu—at kaya sinasabing napabayaan na sila ng kapanahunan. Umaasa Akong kayang unawain ng lahat ng kapatid ang Aking puso, at umaasa Akong mas maraming “mga bagong kasapi” ang tatayo upang makipagtulungan sa Diyos at kumpletuhin ang gawaing ito nang magkakasama. Nagtitiwala Akong pagpapalain tayo ng Diyos. Gayundin, nagtitiwala Akong bibigyan Ako ng Diyos ng mas marami pang kaniig, upang maaari Akong maglakad sa bawa’t sulok ng lupa, at maaaring magkaroon ng mas dakilang pag-ibig sa pagitan natin. Higit pa roon, nagtitiwala Akong palalawakin ng Diyos ang Kanyang kaharian dahil sa ating mga pagsisikap; nais Kong umabot itong mga pagsisikap natin sa mga hindi pa naaabot na antas, na magtutulot sa Diyos na magkamit ng mas marami pang kabataan. Nais Kong gumugol tayo ng mas maraming oras sa pananalangin para dito, nais Kong manalangin tayo nang walang-tigil, upang magugol natin ang ating buong buhay sa harapan ng Diyos, at maging malapit sa Diyos hangga’t maaari. Nawa’y wala na kailanmang muling maging hadlang sa pagitan natin, at nawa’y sumpaan nating lahat ang pangakong ito sa harapan ng Diyos: Na magtrabahong maigi nang sama-sama! Na maging tapat hanggang sa pinakadulo! Na hindi maghihiwalay, at laging magkakasama! Umaasa Akong mangangako ang lahat ng kapatid sa harapan ng Diyos, upang hindi kailanman magbago ang ating mga puso, at hindi kailanman matinag ang ating paninindigan! Alang-alang sa kalooban ng Diyos, sinasabi Kong muli: Tayo’y magtrabaho nang maigi! Magsikap tayo nang ating buong lakas! Tiyak na pagpapalain tayo ng Diyos!

Sinundan: Ang Landas … 4

Sumunod: Ang Landas … 6

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito