Bakit Hindi Ako Naglakas-loob na Magtapat

Nobyembre 28, 2022

Ni Christina, USA

Noong kalagitnaan ng Mayo ng 2021, pinasulat ako ng lider naming si Jen ng pagsusuri kay Laura. Sinabi niya na si Laura ay mapagmataas, mapagmagaling, at palaging nanghuhusga ng mga lider at manggagawa. Hindi siya tamang tao. Iba sa pagsusuri ko ang pagsusuri ni Jen kay Laura. Noong nakasalamuha ko si Laura dati, hindi siya katulad ng sinabi ni Jen. Pero nag-alala ako na kung sasabihin ko ang totoo, sasabihin ni Jen na wala akong pagkakilala at sasama ang tingin niya sa akin. Tapos ay baka hindi niya ako atasan ng mga importanteng proyekto sa hinaharap. Kaya sumunod ako sa kagustuhan ni Jen, umayon sa kanyang pagsusuri, at sinabi kong basta-bastang nanghuhusga ng iba si Laura. Hindi nagtagal, napalitan si Laura. Kalaunan, natuklasan ko na iniulat ni Laura si Jen dahil sa pagkabigong gumawa ng aktuwal na gawain at pagiging isang huwad na lider, na humantong sa paniniil at pagpaparusa ni Jen sa kanya sa pamamagitan ng pagsasabing nanghuhusga siya ng mga lider at manggagawa. Sa huli ay nalantad si Jen bilang isang huwad na lider at napalitan. Nang mabalitaan ko ito, nagbalik-tanaw ako sa naging pag-uugali ko sa pagsusulat ng pagsusuri at nagsisi ako. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng salita ng Diyos at pagninilay sa aking sarili, napagtanto kong naging handa akong magsinungaling at makiayon sa pagkondena kay Laura para gumanda ang tingin sa akin ng lider. Talagang wala akong pagkatao. Habang mas nagninilay ako, mas matinding pagkasuklam at pagkapoot ang nadarama ko sa sarili ko. Naisip kong magsulat ng sanaysay tungkol sa pagkabigong ito para ibahagi sa mga kapatid bilang isang babala. Pero may mga alalahanin ako. Naisip ko, “Kung isusulat ko ang tungkol sa lahat ng katiwalian ko at mga maling motibo ko noong panahon ng pagsusuri, ano ang iisipin sa akin ng mga kapatid? Kung bababa ang tingin nila sa akin at tatanggihan nila ako, masisira ang reputasyon ko, at masyado na akong mahihiyang humarap ulit sa kanila.” Naisip ko rin kung paanong malapit na malapit sa akin si Laura dati, madalas siyang magtapat sa akin kung nagkakaroon siya ng mga problema. Ano ang iisipin niya kung malalaman niyang nagawa ang pagsusuri kong iyon nang may tiwaling disposisyon? Madidismaya ba siya sa akin at puputulin niya ang aming ugnayan? Kung matutuklasan ito ng nakatataas na pamunuan, sasabihin ba nilang masama ang pagkatao ko at itatalaga ako sa ibang tungkulin? Sa pag-iisip sa lahat ng ito, talagang bumigat ang loob ko. Nakagawa ako ng isang bagay na talagang kahiya-hiya at mahirap iyong pag-usapan. Ayaw kong harapin ang nagawa ko; gusto ko na lang magpatuloy sa buhay. Ayaw kong isulat ang tungkol doon.

Kalaunan, sinimulan kong pag-isipan ang bagay na iyon. Bakit hindi ako handang banggitin ang kabiguang ito? Bakit hindi ako handang magtapat at maglantad ng aking sarili? Anong tiwaling disposisyon ang pumipigil sa akin? Isang araw, habang pinanonood ang isang video ng patotoong batay sa karanasan, nakakita ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kahit ano pa ang konteksto, anuman ang tungkuling ginagawa niya, susubukan ng isang anticristo na magbigay ng impresyon na hindi siya mahina, na lagi siyang malakas, puno ng pananalig, at hindi kailanman negatibo, nang sa gayon ay hindi kailanman makikita ng mga tao ang kanyang tunay na tayog o totoong saloobin sa Diyos. Sa katunayan, sa kaibuturan ng kanyang puso, naniniwala ba talaga siya na wala siyang hindi kayang gawin? Tunay bang naniniwala siya na wala siyang kahinaan, pagkanegatibo, o mga pagpapakita ng katiwalian? Tiyak na hindi. Magaling siyang magkunwari, mahusay sa pagtatago ng mga bagay-bagay. Gusto niyang ipinapakita sa mga tao ang bahagi ng kanyang pagkatao na malakas at kahanga-hanga; ayaw niyang makita nila ang parte niya na mahina at totoo. Halata naman ang kanyang layon: Simple lang naman, ito ay upang hindi mapahiya, upang maprotektahan ang puwang na mayroon siya sa puso ng mga tao. Iniisip niya na kung sasabihin niya sa iba ang tungkol sa sarili niyang pagkanegatibo at kahinaan, kung ibubunyag niya ang bahagi ng kanyang pagkatao na mapaghimagsik at tiwali, magiging matinding pinsala ito sa kanyang katayuan at reputasyon—mas malaking problema pa ito kaysa sa pakinabang na dulot nito. Kaya mas nanaisin pa niyang mamatay kaysa aminin na may mga oras na siya ay mahina, mapaghimagsik, at negatibo. At kung dumating man ang araw na makita ng lahat ang bahagi ng pagkatao niya na mahina at mapaghimagsik, kapag nakita nila na siya ay tiwali, at hindi talaga nagbago, magpapatuloy siya sa pagkukunwari. Iniisip niya na kung aaminin niyang mayroon siyang tiwaling disposisyon, na isa siyang ordinaryong tao, isang hamak na tao, mawawalan siya ng puwang sa puso ng mga tao, mawawala sa kanya ang pagsamba at pagtangi ng lahat, at kung kaya lubos na mabibigo. Kaya’t anuman ang mangyari, hindi siya magtatapat sa mga tao; anuman ang mangyari, hindi niya ibibigay ang kanyang kapangyarihan at katayuan sa kaninuman; sa halip, pilit siyang makikipagkompitensya sa abot ng kanyang makakaya, at hinding-hindi susuko(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikasampung Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, nalaman ko na magaling magkunwari ang mga anticristo. Ayaw nilang makita ng sinuman ang masasama nilang katangian, at hindi sila nagtatapat tungkol sa kanilang katiwalian at pagrerebelde. Palagi rin nilang iniiwasang pag-usapan ang kanilang mga pagkabigo at pagkakamali, sa halip ay nagkukunwaring positibo, masugid at kahanga-hanga para makuha ang respeto at puwang sa puso ng mga tao. Napagtanto ko na walang ipinagkaiba sa isang anticristo ang nagawa at naipakita ko. Nagawa kong makilala ang aking tiwaling disposisyon sa pag-ayon ko sa huwad na lider sa pagkondena kay Laura, pero hindi ako handang magtapat sa lahat, dahil isa itong kabiguan. Kung isasapubliko ko ang mga motibo at katiwalian ko noong panahong iyon, makikita ng lahat kung paanong wala akong pagkakilala at mabilis na bumigay. Natatakot ako na bababa ang tingin sa akin at tatanggihan ako ng lahat, at baka mawala pa nga sa akin ang tungkulin ko. Nakita ko kung paanong mas pinahahalagahan ko ang reputasyon at katayuan kaysa sa pagsasagawa ng katotohanan at pagiging matapat. Hindi ko lang talaga minamahal ang katotohanan o ang mga positibong bagay. Sa halip, minahal ko ang reputasyon at katayuan, at magaling ako sa pagkukunwari, katulad lang ng isang anticristo. Isa akong mapanlinlang na tao.

Kalaunan, nakakita ako ng dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang lahat ng tao ay nagkakamali. Ang lahat ng tao ay may mga pagkukulang at kapintasan. At ang totoo, lahat ng tao ay may magkakaparehong tiwaling disposisyon. Huwag mong isipin na mas marangal, perpekto, at mabait ka kaysa sa iba; lubos na pagiging hindi makatwiran iyan. Sa sandaling malinaw na sa iyo ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at ang diwa at totoong hitsura ng kanilang katiwalian, hindi mo na susubukang pagtakpan ang sarili mong mga pagkakamali, ni hindi mo isusumbat ang pagkakamali ng ibang tao sa kanila—mahaharap mo nang tama ang dalawang ito. Saka ka lamang magkakaroon ng kabatiran at hindi gagawa ng mga kahangalan, na siyang ikatatalino mo. Ang mga hindi matatalino ay mga taong hangal, at palagi silang nakatuon sa maliliit na pagkakamaling nagawa nila habang palihim na kumikilos. Kasuklam-suklam itong makita(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). “Anong klaseng disposisyon ito kapag ang mga tao ay palaging nagpapanggap, palaging pinagtatakpan ang kanilang sarili, palaging nagmamagaling upang maging mataas ang tingin sa kanila ng iba, at hindi makita ang kanilang mga pagkakamali o pagkukulang, kapag palagi nilang sinisikap na ipakita sa mga tao ang pinakamagandang aspekto nila? Ito ay kayabangan, pagkukunwari, pagpapaimbabaw, ito ang disposisyon ni Satanas, ito ay isang buktot na bagay. Tingnan natin ang mga miyembro ng satanikong rehimen: Gaano man sila maglaban-laban, mag-away-away, o pumatay nang lihim, walang sinumang maaaring mag-ulat o magsiwalat sa kanila. Natatakot sila na makikita ng mga tao ang kanilang mala-demonyong mukha, at ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para pagtakpan ito. Sa harap ng iba, ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para pagtakpan ang kanilang sarili, sinasabi nila kung gaano nila kamahal ang mga tao, kung gaano sila kadakila, kamaluwalhati at kung paano sila hindi nagkakamali. Ito ang kalikasan ni Satanas. Ang pinakaprominenteng katangian ng kalikasan ni Satanas ay ang panloloko at panlilinlang. At ano ang layon ng panloloko at panlilinlang na ito? Para dayain ang mga tao, para pigilan silang makita ang diwa at tunay na kulay nito, at nang sa gayon ay makamtan ang layon na mapatagal ang pamumuno nito. Maaaring walang gayong kapangyarihan at katayuan ang mga ordinaryong tao, ngunit nais din nilang magkaroon ng magandang pagtingin ang ibang tao tungkol sa kanila, at magkaroon ng mataas na tingin ang mga tao sa kanila, at iangat sila sa mataas na katayuan ng mga ito, sa puso ng mga ito. Ito ay isang tiwaling disposisyon, at kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, wala silang kakayahang makilala ito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na walang sinuman ang perpekto; lahat tayo ay may mga kapintasan, nagkakamali, at naipapakita ang ating mga tiwaling disposisyon. Ang mga taong tunay na may pagkatao at pagkamakatwiran ay kayang harapin nang tama ang kanilang mga kapintasan at problema. Pagkatapos makagawa ng mali, nagagawa nilang harapin ang kanilang mga pagkakamali at hanapin ang katotohanan para lutasin ang kanilang katiwalian. Ang mga hindi matapat at mapanlinlang ay iyong mga hindi kayang harapin ang kanilang mga problema o aminin ang kanilang mga kamalian pagkatapos makagawa ng mga pagkakamali o maipakita ang kanilang katiwalian, palagi silang nagkukunwari upang pagtakpan ang tunay nilang pagkatao, pinagmumukhang walang dungis ang kanilang karakter. Malalim akong ginawang tiwali ni Satanas at puno ako ng lahat ng uri ng tiwaling disposisyon. Normal lang na makaranas ng mga paglihis at magpakita ng katiwalian. Kahit na hindi ako magtapat, ang mga tiwaling disposisyon na iyon ay nakakubli pa rin sa kaibuturan ko, kaya hindi ba’t isa pa rin akong tiwaling tao? Nang gawin ko ang aking pagsusuri kay Laura, nakiayon ako sa huwad na lider sa panghuhusga at pagkokondena kay Laura para mapanatili ang aking imahe sa paningin ng lider; hindi ito maitatanggi. Kung isa akong tao na may pagkatao at katwiran, hinarap ko sana ang problemang ito, ibinunyag sa iba kung paano ako nagpakita ng katiwalian, kung paano ako nalantad at nahatulan ng mga salita ng Diyos, at kung ano ang natutuhan ko tungkol sa aking tiwaling disposisyon, para makita ng lahat ang tunay na ako. Pero palagi akong nagpapanggap pagkatapos magpakita ng katiwalian, umaasang maprotektahan ang aking reputasyon at imahe sa isipan ng iba. Sobrang kahiya-hiya at kasuklam-suklam ko! Palagi kong iniisip na kung maliit na problema lang ang katiwaliang naipakita ko—isang malinaw na tiwaling disposisyon na karaniwan sa maraming tao—kahit pa magtapat ako, malamang na hindi niyon masyadong masisira ang reputasyon ko, kaya pwede kong ilantad ang sarili ko sa harap ng mga tao. Pero sa pagkakataong ito, umayon ako sa isang huwad na lider sa pagkokondena sa isang tao. Isa itong malaking paglabag—hindi ito isang bagay na madaling banggitin. Ipakikita nito sa mga tao na masama ang pagkatao ko at wala akong dignidad, at malubhang masisira ang aking reputasyon. Kaya hindi ako handang magtapat. Sa halip, nilinlang ko ang iba, nanatiling tahimik tungkol dito—talagang mapanlinlang ako! Noon ko lang napagtanto na ang pagtanggi kong magtapat tungkol sa katiwalian ko ay hindi lang isang tanda ng aking banidad at pagmamalaki, bagkus ay inihayag din nito ang mga natatago kong mapanlinlang at masasamang satanikong disposisyon.

Pagkatapos niyon, patuloy kong pinagnilayan ang problemang ito at nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Kapag may nangyayari, maaaring hindi sila nagsasalita o nagpapahayag ng anumang pananaw nang basta-basta, kundi laging nananahimik. Hindi ito nangangahulugan na sila ay makatwiran; bagkus, nagpapakita ito na magaling siyang magpanggap, na may itinatago siya, na malalim ang kanyang katusuhan. Kung hindi ka nagtatapat sa kahit sino man, makakapagtapat ka ba sa Diyos? At kung hindi ka sinsero, kahit sa Diyos, at hindi ka nakakapagtapat sa Kanya, maiaalay mo ba ang puso mo sa Kanya? Tiyak na hindi. Hindi ka maaaring maging kaisa sa puso ng Diyos, kundi iwinawalay mo ang iyong puso sa Kanya! Nagagawa mo bang magtapat at sabihin kung ano talaga ang nasa puso mo kapag nakikipagbahaginan ka sa iba? Kung laging sinasabi ng isang tao kung ano ang tunay na nilalaman ng puso niya, kung magsasalita siya nang tapat, kung magsasalita siya nang diretsahan, kung siya ay taos, at hindi talaga pabaya habang gumaganap sa kanyang tungkulin, at kung kaya niyang isagawa ang katotohanang nauunawaan niya, may pag-asa ang taong ito na matamo ang katotohanan. Kung laging pinagtatakpan ng isang tao ang kanyang sarili at itinatago ang nilalaman ng kanyang puso para hindi iyon makita nang malinaw ninuman, kung nagbibigay siya ng maling impresyon para linlangin ang iba, siya ay nasa matinding panganib, siya ay nasa malaking gulo, magiging napakahirap para sa kanya na makamit ang katotohanan. Makikita ninyo sa pang-araw-araw na buhay ng isang tao at sa kanyang mga salita at gawa kung ano ang kanyang mga inaasam. Kung ang taong ito ay laging nagkukunwari, laging mahangin, hindi siya isang taong tumatanggap ng katotohanan, at ibubunyag siya at ititiwalag sa malao’t madali(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan). Inihayag ng Diyos kung paanong hindi kayang harapin ng mga taong nagpapanggap ang sarili nilang mga problema, hindi sila nagtatapat kapag nagkakamali sila, at palagi nilang pinagtatakpan ang mga iyon sa pamamagitan ng panlilinlang sa iba. Sarado ang mga puso nila. Ang gayong mga tao ay masyadong masama—mapanlinlang talaga sila. Gusto ng Diyos ang matatapat na tao at nasusuklam Siya sa mga mapanlinlang. Ang mga mapanlinlang na tao ay malalantad at matitiwalag sa huli. Iniisip ko dati na ang pagpapanggap ay tanda lang ng pagnanasa sa reputasyon at katayuan, at hindi nangangahulugan na ang isang tao ay tulad ng isang masamang tao o isang anticristo na gumagawa ng masasama, nanggagambala sa gawain ng iglesia at namiminsala ng iba. Hindi ko naisip na hahantong ito sa pagkakatiwalag. Pero napagtanto ko mula sa mga salita ng Diyos na mga kuru-kuro at imahinasyon ko lang ang lahat ng ito at na baluktot ang pananaw ko sa mga bagay-bagay. Binalewala ko ang konsensya ko sa pagkokondena kay Laura kasama ng huwad na lider, kaya natulungan ko ang isang masamang tao. Alam na alam na ng Diyos ang paglabag ko, pero hindi ako handang banggitin iyon pagkatapos ng pangyayari, at sinubukan kong patuloy na magpanggap para makuha ang paghanga ng iba. Inilantad nito na hindi ko mahal ang katotohanan at hindi ako tunay na nagsisi. Hindi ko isinagawa ang katotohanan at nanlinlang at nanlansi pa: Ano ang makapipigil sa Diyos na kasuklaman ako? Kung ipagpapatuloy ko ito, tiyak na malalantad at matitiwalag ako. Sa pamamagitan ng pagninilay, nakita ko kung paanong malubha ang mga kahihinatnan ng pagkabigong magsagawa ng katapatan at hindi pagtatapat. Medyo natakot ako kaya gusto kong mabilis na baguhin ang mga bagay-bagay.

Kalaunan, nakakita ako ng mas maraming salita ng Diyos: “Dapat magawa mong magnilay at makilala ang iyong sarili. Dapat kang magkaroon ng tapang na magtapat at maglantad ng iyong sarili sa presensya ng mga kapatid, at magbahagi ng iyong tunay na kalagayan. Kung hindi ka maglalakas-loob na ilantad o suriin ang iyong tiwaling disposisyon; kung hindi ka maglalakas loob na aminin ang iyong mga pagkakamali, hindi mo hinahangad ang katotohanan, lalo nang hindi ka isang tao na kilala ang kanyang sarili(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat). “Anuman ang tungkulin na ginagampanan ng mga tao, o anuman ang ginagawa nila, alin ang mas mahalaga—ang kanilang banidad at pagpapahalaga sa sarili, o ang kaluwalhatian ng Diyos? Alin ang dapat piliin ng mga tao? (Kaluwalhatian ng Diyos.) Alin ang mas mahalaga—ang iyong mga responsabilidad, o ang sarili mong mga interes? Ang iyong mga responsabilidad ang pinakamahalaga, at nakatali ka sa mga iyon. … Kapag nagsasagawa ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo, magkakaroon ng positibong epekto, at magpapatotoo ka sa Diyos, na isang paraan para magdala ng kahihiyan kay Satanas at magpatotoo sa Diyos. Paggamit ng iba’t ibang pamamaraan para patotohanan ang Diyos at ipakita kay Satanas ang determinasyon mong maghimagsik laban kay Satanas at tanggihan ito: Ito ang panghihiya kay Satanas at pagpapatotoo sa Diyos—ito ay isang bagay na positibo at naaayon sa mga layunin ng Diyos(Pagbabahagi ng Diyos). Mula sa kaibuturan ng mga salita ng Diyos, nakahanap ako ng isang landas ng pagsasagawa. Anumang katiwalian ang ipinapakita natin o mga pagkakamaling ginagawa natin, dapat ay maging sapat na malakas ang loob natin para aminin ang mga iyon, magtapat, at himayin ang ating mga tiwaling disposisyon sa pakikipagbahaginan sa iba. Ito ang paraan para putulin ang ugnayan kay Satanas, gumamit ng mga totoong pagkilos para ipahiya si Satanas, at magpatotoo sa Diyos. Nagpapakita ito ng tunay na pagsisisi. Kung pagkatapos magtapat ay mapinsala man ang ating banidad, pagmamalaki, reputasyon at katayuan, dapat tayong maghimagsik laban sa ating mga sarili para isagawa ang katotohanan at unahin ang pagpapatotoo sa Diyos. Sa aking pagsusuri kay Laura, sinalungat ko ang mga katunayan at umayon ako sa isang huwad na lider sa pagkokondena sa kanya. Sa pamamagitan ng karanasang ito, nagtamo ako ng kaunting pag-unawa sa aking tiwaling disposisyon. Alam kong dapat akong magtapat at maglantad ng aking sarili sa harap ng mga kapatid. Iyon ang dapat kong gawin. Kung mabibigo akong magtapat sa harap ng lahat para maprotektahan ang aking banidad at reputasyon, at hindi magagawang magpatotoo sa mga aral na natutuhan ko sa pagbabasa ng salita ng Diyos, mahuhulog ako sa pakana ni Satanas at mawawalan ng patotoo. Isa pa, dati ay mayroon akong mapanlinlang na kuru-kuro na ang pagtatalakay sa mga pagkabigo ko ay kahiya-hiya at hindi isang uri ng patotoo. Pagkatapos niyon, naunawaan ko na basta’t kaya kong bitiwan ang aking banidad at pagmamalaki, hindi mapigilan ng aking tiwaling disposisyon, magtapat sa pagbabahagi tungkol sa aking pagkabigo at tunay na magsisi, ito nga ay isang uri ng patotoo. Nang mapagtanto ko ito, nawala ang lahat ng alalahanin ko.

Pagkatapos niyon, nagtapat ako sa pagbabahagi sa lahat tungkol sa aking karanasan at nagulat ako nang sabihin ng mga kapatid: “Malaking tulong ang marinig ang karanasan mo. Madalas din kaming nagpapakita ng parehong uri ng tiwaling disposisyon, kaya lang ay hindi namin agad napapansin at nababalewala iyon. Ang pagbabahagi mo sa kung paanong nakilala mo ang katiwalian mo at nagtamo ka ng pag-unawa sa diwa nito sa pamamagitan ng paghatol at paghahayag ng mga salita ng Diyos ay talagang nakapagpapasigla sa amin.” Kalaunan, nagbahagi sa akin ang mga kapatid tungkol sa dalawang sipi ng mga salita ng Diyos. Tinulungan ako ng mga ito na magtamo ng mas malalim na pag-unawa sa diwa at mga kahihinatnan ng hindi obhektibo kong pagsusuri sa mga tao. Ang pagkabigong obhektibong magsuri ng mga tao ay kapareho ng maling pagpaparatang o pagdidiin sa kanila; isa itong uri ng pagbubukod at panunupil. Kung basta-basta akong nagkokondena ng isang tao at nagiging sanhi iyon para maging negatibo siya, o ginagamit ng isang huwad na lider ang pagkondenang iyon bilang batayan sa pagpaparusa sa isang tao, na pumipigil sa kanya na makapagpatuloy sa kanyang tungkulin, at nahahadlangan ang kanyang pagpasok sa buhay, kung gayon ay nakagawa ako ng kasamaan. Nagtamo rin ako ng mas malinaw na pag-unawa kung aling mga prinsipyo ang dapat isagawa ng isang tao kapag nagsusuri ng mga tao. Kalaunan, nang matuklasan ni Laura ang tungkol sa lahat ng ito, hindi sumama ang tingin niya sa akin; kapag lumalapit ako sa kanya nang may mga katanungan, sinasagot niya ako nang kasing sinsero ng dati. Hindi rin ako inilipat o tinanggal ng iglesia. Lubos na binaliktad ng mga resultang ito ang mga nauna kong kuru-kuro at imahinasyon. Labis akong napahiya. Dahil sa lahat ng ito ay lalo pa akong nagkaroon ng kamalayan sa pagiging matapat at pagiging matuwid ng Diyos. Basta’t nagsasagawa tayo alinsunod sa mga salita ng Diyos, magkakaroon tayo ng landas. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Muling Pagsilang

Yang Zheng Lalawigan ng Heilongjiang Ipinanganak ako sa isang mahirap na pamilya sa kanayunan na makaluma sa kanilang pag-iisip. Ako ay...