Ang Kabayaran ng Pagkukunwari at Pagtatago
Noong Oktubre ng 2018, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw. Pagkalipas ng anim na buwan, nahalal ako bilang isang diyakono ng pagdidilig sa aking iglesia. Marami akong paghihirap noong una kong gampanan ang tungkuling ito, pero pagkatapos ng panalangin at pakikipagbahaginan sa mga kapatid, unti-unti kong nakabisado ang ilang prinsipyo at nagkamit ako ng ilang resulta sa tungkulin ko. Sa mga bakante kong oras, nagsasanay rin akong magsulat ng mga patotoong batay sa karanasan, madalas akong nagninilay sa sarili ko, at kontentong-kontento ako sa araw-araw.
Isang araw noong Enero 2022, sinabi sa akin ng lider ko, “Nakagawa ka ng kaunting pag-usad sa pagpasok sa buhay, kaya gusto naming piliin ka na maging mangangaral. Papayag ka bang gawin ito?” Medyo kinakabahan ako, at sinabi ko, “Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko.” Sabi ng lider pagkatapos, “Napakaganda ng mga isinulat mong artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Ang mga kapatid lamang na nagbibigay-atensyon sa kanilang pagpasok sa buhay ang pwedeng maglingkod bilang mga mangangaral dahil malulutas talaga nila ang mga problema at paghihirap ng mga kapatid.” Natuwa ako nang marinig ito mula sa lider. Pakiramdam ko ay talagang pinahahalagahan at hinahangaan niya ako, kaya hindi ko pwedeng biguin ang lahat, at gusto kong ipakita sa kanila na kaya kong gawin nang maayos ang trabahong ito. Pagkatapos niyon, itinalaga sa akin ng lider ang gawain ng ilang iglesia at tinuruan ako ng maraming prinsipyo. Mas malaki ang saklaw ng trabaho ko, at marami ring gawain na responsibilidad ko, kaya na-stress ako at medyo nag-alala na hindi ko ito magagawa. Nakita ko na ang ilang kapatid na kapareho ko ng tungkulin ay mga pamilyar sa gawain, pero bago ako sa tungkuling ito at hindi ko alam kung paano ito gagawin. Gusto kong ipahayag ang mga paghihirap ko, pero naisip ko ang mga papuri mula sa lider ko. Nag-alala ako at naisip na, “Kapag nalaman niyang hindi ko naiintindihan kung paano gawin ang gawaing ito, ano ang iisipin niya sa akin? Iisipin ba niya na hindi ko ito kaya, at ang pagpili sa akin ay isang pagkakamali? At saka, ngayon, mangangaral na ako. Kung hindi man lang ako pamilyar sa gawain, paano ko matutulungan at masusuportahan ang mga lider ng iglesia?” Talagang nakai-stress sa akin ang pag-iisip nito, pero masyado akong nahihiya na ibahagi sa lider ang paghihirap ko.
Minsan, nang tinatalakay sa amin ng aming nakatataas na lider ang gawain namin, nakita ko na si Sister Silvia at Brother Ricardo ay napakaaktibo sa pagsagot sa mga tanong ng lider, at alam din kung paano gawin ang bawat aspeto ng gawain. Nang tanungin ako ng lider, “May anumang suliranin ka ba?” Naisip ko, “Pareho ang tungkuling ginagawa naming lahat. Kung sasabihin kong mayroon, ano ang iisipin ng lider sa akin? Iisipin ba niya na wala akong kasanayan?” Kaya nagsinungaling ako at sinabing wala akong anumang problema. Kalaunan, sa tuwing nakikipagkita ang lider sa amin, bihira akong magsalita. Magsalita man ako, lagi ko munang iniisip kung paano sumagot para hindi makita ng iba na maraming bagay ang hindi ko nauunawaan, at para hindi nila ako maliitin. Sa ganitong paraan, patuloy akong nagtatago at nagkukunwari, nakaramdam ako ng matinding pagpipigil, at lalo akong naging pasibo sa tungkulin ko. Ginusto ko pa ngang hindi na dumalo sa mga pagtitipon. Pero kahit na gayon, ayaw kong magtapat sa mga kapatid tungkol sa kalagayan ko. Gusto ko lang ipakita sa iba ang maganda sa akin. Isang araw, nakipagkita ako sa dalawang lider ng iglesia para alamin ang kalagayan ng gawain sa iglesia. Nang makita ko sila, isa sa kanila ay sabik na sinabing, “Nakatutuwa na ikaw ang namamahala sa gawain natin! Nalulugod ako sa pakikipagtipon sa iyo, at hinahangaan kita sa tuwing naririnig ko ang pagbabahagi mo. Sana maging katulad kita sa hinaharap.” Sabi ng isa pang lider, “Masaya kaming ginagawa ang aming tungkulin kasama ka. Laging nagbibigay-liwanag sa amin ang pagbabahagi mo.” Noong oras na iyon, gusto kong sabihin sa kanila na huwag akong masyadong tingalain, na may mga paghihirap din ako sa tungkulin ko, at na nagiging negatibo ako kapag nagigipit. Pero naisip ko, “Kung sasabihin ko sa kanila ang totoo, titingalain pa rin ba nila ako sa hinaharap? Lalapitan pa ba nila ako kung may mga tanong sila?” Nahirapan ang kalooban ko, at sa huli, hindi ko sinabi ang totoo. Sa ibang pagkakataon, nakipagpulong ako sa ilang lider ng iglesia at mga diyakono. Sinabi nila na hindi sila nakagagawa ng ilang trabaho at nahihirapan sila. Inalo ko sila, “Huwag kayong mag-alala, kasisimula pa lang nating lahat sa mga tungkulin natin. Dahan-dahan, matututunan natin ang mga bagay-bagay at magagawang makaunawa.” Sa panlabas, walang mali sa sinabi ko. Pero sa totoo lang, hindi ko rin magawa ang gawain. Nag-alala ako na makikita nila ang tunay kong tayog, kaya hindi ako naglakas-loob na magsalita nang tapat, at binigyan ko lang sila ng kaunting pampatibay-loob na hindi naman nakalutas sa mga problema nila. Dahil patuloy kong itinago ang sarili ko at nagkunwari, talagang masama ang kalagayan ko, hindi ko naramdaman ang patnubay ng Banal na Espiritu at nakaramdam ako ng emosyonal na pagkapagod. Madalas kong iniisip, “Bakit hindi ko magawa ang gawain ng iglesia tulad ng iba?” Alam ko na dapat akong lumapit sa lider ko para malutas ang mga paghihirap ko, pero nag-aalala ako na baka isipin niyang hindi ako angkop kung talakayin ko ang mga ito. Bumalik sa isipan ko noong simula, pinili ako sa tungkuling ito dahil sinabi ng lahat na masidhi akong nagbigay-atensyon sa pagpasok sa buhay. Tiyak na iniisip nila na isa akong taong may mahusay na kakayahan na naghahangad sa katotohanan. Kapag nalaman nilang maraming bagay ang hindi ko nauunawaan at hindi ako makagawa ng gawain ng iglesia, tiyak na iisipin nilang isang pagkakamali ang piliin ako bilang mangangaral. Habang naiisip ito, mas lalo akong natakot magsalita. Lumala nang lumala ang kalagayan ko, at nabuhay ako sa kadiliman at pagdurusa. Nanalangin ako sa Diyos, “Makapangyarihang Diyos, hindi ko po alam kung paano danasin ang kapaligirang ito. Hinihiling ko po sa Iyo na akayin at gabayan ako.”
Minsan sa isang pagtitipon, tinanong kami ng aming nakatataas na lider tungkol sa aming karanasan sa panahong ito. Ang iba ay nagtapat tungkol sa kanilang katiwalian at mga pagkukulang sa kanilang mga tungkulin, at nagkaroon ako ng lakas ng loob na magsalita tungkol sa sarili kong kalagayan. Ginamit ng lider ang kanyang karanasan para tulungan ako, at sinabing, “Bilang mga lider at manggagawa, hindi ninyo kailangang maunawaan ang lahat para magawa nang mabuti ang inyong tungkulin. Mali ang ideyang ito. Tayo ay mga ordinaryong tao lamang, kaya normal na hindi natin nauunawaan at hindi nalalaman ang ilang bagay. Pero kung gusto nating maging marunong sa lahat at hindi natin kayang harapin nang tama ang sarili nating mga pagkukulang, at kung, para mapanatili ang ating katayuan at reputasyon, nagsusuot tayo ng maskara para magkunwari, manlinlang ng iba, at hinding-hindi hahayaang makita ng iba ang ating tunay na tayog, kung gayon ay magiging masakit ang buhay.” Pagkatapos, pinadalhan ako ng lider ng ilang salita ng Diyos: “Paano kayo magiging ordinaryo at normal na mga tao? Gaya ng sinasabi ng Diyos, paano kayo tatayo sa tamang lugar ng isang nilikha—paano ninyo magagawang hindi subukang maging isang pambihirang tao, o maging kung sinong dakilang tao? … Una, huwag mong bigyan ng titulo ang sarili mo at huwag kang magpagapos dito, na sinasabing, ‘Ako ang lider, ako ang pinuno ng grupo, ako ang tagapangasiwa, walang nakaaalam sa gawaing ito nang higit sa akin, walang nakauunawa sa mga kasanayan nang higit sa akin.’ Huwag kang mahumaling sa titulong ibinigay mo sa sarili. Sa sandaling gawin mo ito, itatali nito ang iyong mga kamay at paa, at maaapektuhan ang iyong sinasabi at ginagawa. Maaapektuhan din ang normal mong pag-iisip at paghusga. Dapat mong palayain ang iyong sarili sa mga limitasyon ng katayuang ito. Ibaba mo muna ang iyong sarili mula sa opisyal na titulo at posisyon na ito at tumayo ka sa lugar ng isang pangkaraniwang tao. Kung gagawin mo ito, magiging medyo normal ang mentalidad mo. Dapat mo ring aminin at sabihin na, ‘Hindi ko alam kung paano ito gawin, at hindi ko rin iyon nauunawaan—kakailanganin kong magsaliksik at mag-aral nang kaunti,’ o ‘Hindi ko pa ito nararanasan, kaya hindi ko alam ang gagawin.’ Kapag kaya mong magsabi ng tunay mong iniisip at magsalita nang tapat, magtataglay ka ng normal na katwiran. Makikilala ng iba ang tunay na ikaw, at sa gayon ay magkakaroon ng normal na pagtingin sa iyo, at hindi mo kakailanganing magpanggap, ni hindi ka magkakaroon ng anumang matinding kagipitan, kung kaya’t magagawa mong makipag-usap nang normal sa mga tao. Ang pamumuhay nang ganito ay malaya at magaan; ang sinumang napapagod mabuhay ay idinulot ito sa kanilang mga sarili. Huwag kang magkunwari o magpanggap. Magtapat ka muna tungkol sa iniisip mo sa iyong puso, tungkol sa tunay mong mga saloobin, upang malaman ng lahat ang mga iyon at maunawaan ang mga iyon. Bilang resulta, ang iyong mga alalahanin at ang mga hadlang at mga hinala sa pagitan mo at ng iba ay mawawala lahat. May iba pang nakahahadlang sa iyo. Palagi mong itinuturing ang sarili mo na pinuno ng grupo, isang lider, isang manggagawa, o isang taong may titulo, katayuan, at posisyon: Kung sasabihin mong mayroon kang hindi nauunawaan, o hindi kayang gawain, hindi ba’t nilalait mo ang iyong sarili? Kapag isinantabi mo ang mga gapos na ito sa iyong puso, kapag tumigil ka na sa pag-iisip na isa kang lider o isang manggagawa, at kapag tumigil ka na sa pag-iisip na mas magaling ka sa ibang tao at naramdaman mo na isa kang pangkaraniwang tao, na katulad ng lahat, at na mayroong ilang aspeto kung saan mas mababa ka sa iba—kapag nagbahagi ka ng katotohanan at mga bagay na may kinalaman sa gawain nang may ganitong saloobin, iba ang epekto, gayundin ang atmospera. Kung sa iyong puso, palagi kang may mga pag-aalinlangan, kung palagi kang namomroblema at nahahadlangan, at kung gusto mong alisin sa iyo ang mga bagay na ito pero hindi mo magawa, dapat ay seryoso kang magdasal sa Diyos, pagnilay-nilayan ang iyong sarili, tingnan ang iyong mga pagkukulang, at pagsumikapan ang katotohanan. Kung maisasagawa mo ang katotohanan, magkakamit ka ng mga resulta. Anuman ang gawin mo, huwag kang magsalita at kumilos mula sa isang partikular na posisyon o gamit ang isang partikular na titulo. Isantabi mo muna ang lahat ng ito, at ilagay mo ang sarili mo sa lugar ng isang pangkaraniwang tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananalig sa Diyos). “Kung, sa iyong puso, malinaw sa iyo kung anong klaseng tao ka, kung ano ang diwa mo, kung ano ang iyong mga kapintasan at kung anong katiwalian ang inilalantad mo, dapat mo itong hayagang ibahagi sa ibang tao, upang makita nila kung ano ang tunay mong kalagayan, kung ano ang mga saloobin at opinyon mo, upang malaman nila kung ano ang kaalaman mo sa gayong mga bagay. Anuman ang gawin mo, huwag kang magkunwari o magpanggap, huwag mong itago ang sarili mong katiwalian at mga kapintasan sa iba, nang sa gayon walang sinumang makaalam sa mga iyon. Ang ganitong uri ng huwad na pag-uugali ay isang hadlang sa iyong puso, at isa rin itong tiwaling disposisyon at mapipigilan nito ang mga tao na magsisi at magbago. Dapat kang magdasal sa Diyos, at itaas para sa pagninilay at paghihimay ang mga huwad na bagay, tulad ng papuri na ibinibigay sa iyo ng ibang tao, ang karangalang ibinubuhos nila sa iyo, at ang mga koronang ipinagkakaloob nila sa iyo. Dapat mong makita ang pinsalang idinudulot ng mga bagay na ito sa iyo. Sa paggawa niyon ay masusukat mo ang iyong sarili, magkakamit ka ng pagkakilala sa sarili, at hindi mo na makikita ang iyong sarili bilang isang superman, o kung sinong dakilang tao. Sa sandaling magkaroon ka ng gayong kamalayan sa sarili, magiging madali na sa iyong tanggapin ang katotohanan, tanggapin sa iyong puso ang mga salita ng Diyos at kung ano ang hinihingi ng Diyos sa tao, tanggapin ang pagliligtas sa iyo ng Lumikha, matatag na maging isang pangkaraniwang tao, isang tao na matapat at maaasahan, at para magkaroon ng normal na ugnayan sa pagitan mo—na isang nilikha, at ng Diyos—na ang Lumikha. Ito mismo ang hinihingi ng Diyos sa mga tao, at ito rin ay isang bagay na talagang kaya nilang makamit” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananalig sa Diyos). Matapos basahin ang salita ng Diyos, sinimulan kong pagnilayan ang kalagayan ko sa panahong ito. Nang marinig kong sabihin ng lider na napili ako bilang isang mangangaral dahil nagbigay-atensyon ako sa pagpasok sa buhay, nagmalaki ako at naging kampante. Pakiramdam ko, kaya ako napili para sa gayon kahalagang trabaho ay dahil hinangad ko ang katotohanan at may kakayahan akong gumawa. Pero nang aktwal ko nang simulang gawin ang tungkuling ito, nakita ko na hindi ko naiintindihan ang marami sa gawain. Hindi ko nauunawaan ang ilang prinsipyo at nakaramdam ako ng matinding kagipitan, kaya madalas akong negatibo. Pero hindi ako nagtapat tungkol sa tunay kong kalagayan, at nilinlang ko ang lider ko, sinasabing wala akong mga problema, dahil natakot akong iisipin niyang hindi ako kwalipikado. Nang marinig ko ang pagpuri sa akin ng mga lider ng iglesia, at inisip pa ngang isa akong huwaran, bagama’t alam kong dapat akong magtapat tungkol sa katiwalian at mga pagkukulang ko, at ipaalam sa kanila ang tunay kong tayog, nag-alala ako na hindi na nila ako hahangaan pagkatapos malaman ang totoo. Dahil dito kaya nanahimik ako. Kahit na tinanong ako ng mga lider at diyakono ng ilang tanong na malinaw na hindi ko alam kung paano lutasin, hindi ako nagtapat at nakipagtalakayan sa kanila ng mga bagay-bagay. Nagkunwari akong nakauunawa kahit hindi at sumagot ng mga basta-bastang salita. Paulit-ulit akong nagkukunwari at nagbibigay ng maling mga impresyon, lahat ay dahil napako ako sa titulong “mangangaral.” Akala ko bilang isang mangangaral, ang pagkaunawa at kaalaman ko ay dapat nakahihigit kaysa sa iba, na hindi ako dapat magkaroon ng mga pagkukulang, at hindi ako dapat maging negatibo o mahina. Akala ko ito lang ang paraan para tingalain ako at sang-ayunan ng iba. Para mapanatili ang katayuan ko at reputasyon, nagsuot ako ng maskara para takpan ang sarili ko, at nagkunwari akong isang taong walang katiwalian. Kahit na naghihirap ako, negatibo, at nanghihina, para mapanatili ang titulong “mangangaral,” mas gugustuhin ko pang umiyak nang palihim at mag-isa kaysa buksan ang puso ko at humingi ng tulong. Masyadong mahirap at nakapapagod pasanin ang titulong ito para sa akin. Nang piliin ako ng iglesia bilang isang mangangaral, binibigyan ako nito ng pagkakataong magsagawa at pinahihintulutan akong hanapin at unawain ang mas maraming katotohanan sa tungkulin ko. Pero hindi ko sinunod ang tamang landas. Ginamit ko ang pagkakataong ito para maghangad ng katanyagan at katayuan. Hindi ba ito pagsalungat sa layunin ng Diyos? Hindi gusto ng Diyos na hangarin nating maging mga superman o dakilang tao. Nais ng Diyos na tumayo tayo sa lugar ng mga nilikha at maging mga karaniwan, ordinaryong tao, hangarin ang katotohanan sa praktikal na paraan, matapat na harapin ang sarili nating mga pagkukulang, at para sa mga problemang hindi natin nauunawaan, magtapat sa mga kapatid at humingi ng tulong. Ito ang katuturan na dapat nating taglayin. Nakadama ako ng higit na kalayaan pagkatapos maunawaan ang layunin ng Diyos.
Kalaunan, nabasa ko ang ilang patotoong batay sa karanasan na isinulat ng ilang kapatid na sinangguni ang mga salita ng Diyos na partikular sa kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kahit ano pa ang konteksto, anuman ang tungkuling ginagawa niya, susubukan ng isang anticristo na magbigay ng impresyon na hindi siya mahina, na lagi siyang malakas, puno ng pananalig, at hindi kailanman negatibo, nang sa gayon ay hindi kailanman makikita ng mga tao ang kanyang tunay na tayog o totoong saloobin sa Diyos. Sa katunayan, sa kaibuturan ng kanyang puso, naniniwala ba talaga siya na wala siyang hindi kayang gawin? Tunay bang naniniwala siya na wala siyang kahinaan, pagkanegatibo, o mga pagpapakita ng katiwalian? Tiyak na hindi. Magaling siyang magkunwari, mahusay sa pagtatago ng mga bagay-bagay. Gusto niyang ipinapakita sa mga tao ang bahagi ng kanyang pagkatao na malakas at kahanga-hanga; ayaw niyang makita nila ang parte niya na mahina at totoo. Halata naman ang kanyang layon: Simple lang naman, ito ay upang hindi mapahiya, upang maprotektahan ang puwang na mayroon siya sa puso ng mga tao. Iniisip niya na kung sasabihin niya sa iba ang tungkol sa sarili niyang pagkanegatibo at kahinaan, kung ibubunyag niya ang bahagi ng kanyang pagkatao na mapaghimagsik at tiwali, magiging matinding pinsala ito sa kanyang katayuan at reputasyon—mas malaking problema pa ito kaysa sa pakinabang na dulot nito. Kaya mas nanaisin pa niyang mamatay kaysa aminin na may mga oras na siya ay mahina, mapaghimagsik, at negatibo. At kung dumating man ang araw na makita ng lahat ang bahagi ng pagkatao niya na mahina at mapaghimagsik, kapag nakita nila na siya ay tiwali, at hindi talaga nagbago, magpapatuloy siya sa pagkukunwari. Iniisip niya na kung aaminin niyang mayroon siyang tiwaling disposisyon, na isa siyang ordinaryong tao, isang hamak na tao, mawawalan siya ng puwang sa puso ng mga tao, mawawala sa kanya ang pagsamba at pagtangi ng lahat, at kung kaya lubos na mabibigo. Kaya’t anuman ang mangyari, hindi siya magtatapat sa mga tao; anuman ang mangyari, hindi niya ibibigay ang kanyang kapangyarihan at katayuan sa kaninuman; sa halip, pilit siyang makikipagkompitensya sa abot ng kanyang makakaya, at hinding-hindi susuko” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikasampung Bahagi)). Sa isa pang sipi, inihayag ng Diyos ang kalikasan at mga kahihinatnan ng paghahangad ng mga tao sa katayuan. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Palagi kang naghahangad ng kadakilaan, karangalan, at katayuan; palagi kang naghahangad ng pagpaparangal. Anong nararamdaman ng Diyos kapag nakikita Niya ito? Kinamumuhian Niya ito, at lalayo Siya sa iyo. Habang lalo kang naghahangad ng mga bagay gaya ng kadakilaan, karangalan, at pagiging mas mataas kaysa iba, kilala, katangi-tangi, at kapansin-pansin, lalo kang kasuklam-suklam para sa Diyos. Kung hindi mo pagninilayan ang iyong sarili at magsisisi, itataboy ka at tatalikdan ka ng Diyos. Iwasan mong maging isang taong kasuklam-suklam para sa Diyos; maging isang taong minamahal ng Diyos. Kaya, paano makakamit ng isang tao ang pagmamahal ng Diyos? Sa pamamagitan ng masunuring pagtanggap sa katotohanan, pagtayo sa posisyon ng isang nilalang, pagkilos ayon sa mga salita ng Diyos nang nakatapak ang mga paa sa lupa, pagganap sa mga tungkulin nang maayos, pagiging isang matapat na tao, at pagsasabuhay ng isang wangis ng tao. Sapat na ito, masisiyahan na ang Diyos. Dapat siguruhin ng mga tao na huwag mag-ambisyon o mag-isip ng mga walang-saysay na pangarap, huwag maghangad ng katanyagan, pakinabang, at katayuan o mamukod-tangi sa karamihan. Bukod pa roon, hindi nila dapat subukang maging isang dakilang tao o superman, na nakalalamang sa mga tao at nagpapasamba sa mga tao. Iyan ang hangarin ng tiwaling sangkatauhan, at ito ang landas ni Satanas; hindi nililigtas ng Diyos ang ganoong mga tao. Kung ang mga tao ay patuloy na naghahangad ng katanyagan, mga pakinabang, at katayuan nang hindi nagsisisi, wala nang lunas para sa kanila, at iisa lang ang kalalabasan nila: ang itiwalag” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Maayos na Pagtutulungan). Pinagnilayan ko ang salita ng Diyos at nakita ko na ang mga anticristo ay mga mapagpaimbabaw, na laging itinatago at pinagtatakpan ang sarili. Hindi sila nagsasabi ng totoo o hinahayaan ang iba na makita ang kanilang kahinaan, at nagkukunwari sila bilang mga taong nakauunawa sa katotohanan at walang mga kapintasan. Ito ay para makuha ang papuri at paghanga ng iba, upang lahat ay sumunod at sumamba sa kanila. Ang kanilang kalikasan ay talagang mapagmataas at mapanlinlang. Pinagnilayan ko ang pag-uugali ko at nakita kong katulad ako ng isang anticristo. Palagi akong nagpapanggap na alam ko ang lahat. Gusto kong tingalain ako ng iba, isipin na may mahusay akong kakayahan, at kayang lumutas ng anumang problema, para magkaroon ako ng puwang sa kanilang mga puso, palibutan nila ako, at sambahin ako. Napakamapagmataas ko at hindi makatwiran. Lahat ng iniisip at ginagawa ko ay lubusang laban sa Diyos. Lalo na nang makita ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Kung ang mga tao ay patuloy na naghahangad ng katanyagan, mga pakinabang, at katayuan nang hindi nagsisisi, wala nang lunas para sa kanila, at iisa lang ang kalalabasan nila: ang itiwalag,” alam kong babala ito ng Diyos sa akin. Kung magpapatuloy ako sa landas ng paghahangad ng katanyagan at katayuan, tiyak na itataboy ako ng Diyos, at sa huli ay matitiwalag ako. Nanalangin ako sa Diyos para sabihing gusto kong magsisi, na ayaw kong mawalan ng pagkakataong maligtas, at handa akong hangarin ang pagiging dalisay at matapat na tao.
Kinabukasan, sinabi sa akin ng lider ang nilalaman na ibabahagi sa kasunod na pagtitipon, at hiniling na maghanda akong pangunahan ito. Pagkatapos ay tinanong niya ako kung naiintindihan ko. Sa katunayan, hindi ko talaga naunawaan sa oras na iyon, pero natakot akong maramdaman niyang mahina ang kakayahan ko, kaya nagsinungaling ako at sinabing naiintindihan ko. Pero noong sinimulan ko na talagang gawin ito, hindi ko alam kung aling mga salita ng Diyos ang dapat kong hanapin. Labis akong kinakabahan, pinagpapawisan ang mga kamay ko, hindi ko alam ang gagawin, kaya nanalangin ako sa Diyos, “Makapangyarihang Diyos, masyado akong nagawang tiwali ni Satanas. Pinipigilan pa rin ako ng reputasyon at katayuan. Hindi ko kayang maghimagsik laban sa aking laman at maging matapat. Pakiusap akayin Mo po ako sa paghahanap ng paraan ng pagsasagawa.” Sa salita ng Diyos, nabasa ko: “May ilang tao na itinataas ng ranggo at nililinang ng iglesia, tumatanggap ng magandang pagkakataon na magsanay. Mabuting bagay ito. Masasabi na itinaas at biniyayaan sila ng Diyos. Kaya, paano nila dapat gawin ang kanilang tungkulin? Ang unang prinsipyo na dapat nilang sundin ay ang maunawaan ang katotohanan—kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan, dapat nilang hanapin ang katotohanan, at kung hindi pa rin nila nauunawaan matapos ang paghahanap nang mag-isa, maaari silang humanap ng isang taong nakauunawa sa katotohanan para makipagbahaginan at maghanap kasama niya, na magiging dahilan para mas mapabilis at tama sa oras ang paglutas sa problema. Kung tututok ka lang sa paggugol ng mas maraming oras sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos nang mag-isa, at sa paggugol ng mas maraming oras sa pagninilay sa mga salitang ito, para makamit ang pagkaunawa sa katotohanan at malutas ang problema, napakabagal nito; ayon nga sa kasabihan, ‘Ang mga mabagal na lunas ay hindi kayang tumugon sa mga agarang pangangailangan.’ Pagdating sa katotohanan, kung nais mong umunlad kaagad, dapat mong matutuhan kung paano magtrabaho nang matiwasay kasama ng iba, at magtanong ng mas maraming katanungan at mas maghanap pa. Saka lamang mabilis na lalago ang iyong buhay, at magagawa mong malutas ang mga problema sa oras, nang walang anumang pagkaantala sa alinman. Dahil katataas pa lang ng ranggo mo at nasa probasyon ka pa rin, at hindi mo tunay na nauunawaan ang katotohanan o taglay ang katotohanang realidad—dahil wala ka pa rin ng tayog na ito—huwag mong isipin na ang pagkakataas ng iyong ranggo ay nangangahulugang taglay mo na ang katotohanang realidad; hindi iyon ganoon. Ito ay dahil lang may nadarama kang pasanin sa gawain at nagtataglay ka ng kakayahan ng isang lider kaya ka napiling itaas ng ranggo at linangin. Kailangan may ganito kang katwiran. Kung, matapos kang itaas ng ranggo at maging lider o manggagawa, nagsimula kang igiit ang iyong katayuan, at maniwala na isa kang taong naghahangad sa katotohanan at na taglay mo ang katotohanang realidad—at kung, kahit ano pa ang mga problemang mayroon ang mga kapatid, nagkukunwari kang nauunawaan mo, at na espirituwal ka—kung gayon ay isa itong kahangalan, at katulad ito ng kapaimbabawan ng mga Pariseo. Dapat magsalita at kumilos ka nang totoo. Kapag hindi mo nauunawaan, maaari ka namang magtanong sa iba o maghanap ng pagbabahagi mula sa Itaas—walang nakakahiya tungkol sa alinman dito. Kahit hindi ka magtanong, malalaman pa rin ng Itaas ang totoo mong tayog, at malalaman na wala sa iyo ang katotohanang realidad. Ang marapat mong gawin ay ang maghanap at makipagbahaginan; ito ang katwiran na dapat makita sa normal na pagkatao, at ang prinsipyo na dapat sundin ng mga lider at manggagawa. Hindi ito isang bagay na dapat ikahiya” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 5). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na pinili ako ng iglesia bilang isang mangangaral para bigyan ako ng pagkakataong magsagawa, at para matutunan ko kung paano gawin ang gawain sa aking tungkulin. Hindi ito nangangahulugan na mas mahusay ako kaysa sa iba o na alam ko ang lahat. Kasisimula ko pa lang sa tungkuling ito, kaya normal lang talaga na maraming gawain ang hindi ko pa magawa at hindi ko nauunawaan ang mga prinsipyo. Isa pa, ang kakayahan kong magsulat ng mga patotoong batay sa karanasan ay nangangahulugan lamang na mayroon akong mababaw na karanasan at pagkaunawa sa salita ng Diyos, hindi dahil nauunawaan ko ang katotohanan at nagtataglay ng mga realidad nito. Dapat kong tratuhin nang tama ang sarili kong mga pagkukulang at kapintasan, at kapag hindi ko nauunawaan ang mga bagay-bagay, kailangan kong magtapat at maghangad na makipagbahaginan sa mga kapatid. Walang nakahihiya rito. Nakahihiya na nagkunwari akong nakaiintindi kahit hindi, at humantong ito sa maraming problema na hindi nalutas sa oras, na nakaantala sa gawain ng iglesia. Paulit-ulit din akong nawalan ng pagkakataong hanapin ang katotohanan at namuhay sa pagkanegatibo. Napakahangal ko! Hindi ako pwedeng magpatuloy nang ganito. Kailangan kong itama ang mga layunin ko, magtapat, maghanap at makipagbahaginan sa mga kapatid, at gampanan nang mabuti ang aking tungkulin. Pagkatapos, sumangguni ako sa lider sa mga bagay-bagay na hindi ko nauunawaan, o hindi malinaw sa akin, at matiyaga siyang nagbahagi sa akin. Mas nakapag-isip ako nang malinaw. Naging napakaepektibo ng pagtitipon, at nakadama ako ng ginhawa at kapanatagan.
Ngayon, sa paggawa ng tungkulin ko, marami pa rin akong nakahaharap na problema at suliranin, pero nagagawa kong manalangin at umasa sa Diyos, at madalas akong humihingi ng tulong sa mga kapatid. Sa mga pagpupulong, nagtatapat din ako ng tungkol sa sarili ko sa mga kapatid at hinahayaan silang makita ang katiwalian at mga pagkukulang ko. Sa pagsasagawa nito, napakagaan at napakatiwasay ng pakiramdam ko. Salamat sa Diyos!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.