Para Saan ang Lahat ng Pagdurusang Iyon?

Oktubre 13, 2022

Ni Angela, Italya

Matapos maging mananampalataya, nakita ko na marami sa mga lider at manggagawa ang talagang kayang magtiis ng maraming hirap. Patuloy silang nagtrabaho, gumawa ng kanilang tungkulin mahangin man o maulan, at sinang-ayunan at hinangaan sila ng lahat ng mga kapatid. Kinainggitan ko talaga sila at inasam kong maging katulad nila ako: isang taong kayang magdusa at magpakahirap, at matamo ang paghanga ng iba. Kaya, talagang naging lubha akong masigla sa aking hangarin at kalaunan ay nahalal ako bilang isang lider ng iglesia. Naging abala talaga ako sa aking tungkulin araw-araw, at pinuri ako ng iba dahil nagawa kong kayanin ang hirap, at sinabi nila na isa akong taong naghangad na matamo ang katotohanan. Tuwang-tuwa ako tuwing may naririnig akong katulad niyon, at pakiramdam ko ay sulit ang lahat ng pagdurusa. Kalaunan, lumaki nang lumaki ang saklaw ng mga responsibilidad ko, at patuloy na dumami ang trabaho ko. Nakita ko na talagang kayang magdusa at magpakahirap ng ilan sa mga sister na nakapartner ko. Palaging gabing-gabi na talaga sila kung matulog at sa araw kung minsan ay dumadalo sila sa mga pagtitipon nang walang laman ang tiyan, walang panahong kumain. Narinig kong sinabi ng mga kapatid na mabigat ang pasan nila sa kanilang tungkulin at na nagawa nilang kayanin ang hirap. Pakiramdam ko kung gusto ng mga kapatid ang mga taong katulad niyon, malamang na maging ng Diyos. Kaya sinimulan kong gawin ang aking tungkulin hanggang hatinggabi. Pero hindi nagtagal ay hindi na iyon makayanan ng katawan ko at nagsisimula na akong antukin paglagpas ng hatinggabi. Pero tuwing makikita ko na nagtatrabaho pa rin ang ibang mga sister na naroon, nahiya akong matulog, sa takot na baka sabihin nila na sinusunod ko ang laman at hindi ako nagdadala ng pasanin sa aking tungkulin. Kaya pinipilit kong magpatuloy, pero hindi ko mapigilan ang antok, at wala ako masyadong natatapos. Sa kabila niyon, hindi pa rin ako natulog. Tahimik kong pinilit ang sarili ko na magpatuloy, na iniisip na hindi ko puwedeng sundin ang aking laman at na hindi ako puwedeng hamakin ng iba. Kung minsan, dahil nagpuyat ako, kapag kailangan kong gumising nang maaga para sa isang pagtitipon, inaantok ako habang nagbibisikleta papunta roon, at inaantok din ako sa pagtitipon. Gusto kong umidlip sa hapon, pero takot ako na baka sabihin ng iba na nasasabik ako sa mga pisikal na kaginhawahan. Sa bawat araw, pinilit ko ang sarili ko na magpuyat, at itinulak ko ang sarili ko na gawin iyon. Isang araw, habang nagbibisikleta ako papunta sa isang pagtitipon, dahil antok na antok ako, wala ako sa sarili ko sa buong biyahe at nahulog ako sa isang kanal, at agad akong nagising sa takot. Habang naglalakad sa daan na nakahawak sa aking e-bike, patuloy kong inisip kung paanong hindi ganito ang tamang paraan ng paggawa. Mula sa pagsusuri ko sa aking sarili, natanto ko na mula nang mahalal ako bilang isang lider, ang tanging inisip ko araw-araw ay ang malinaw na pagdurusa at pagpapagal, na laging natatakot na baka sabihin ng mga tao na nakatuon ako sa laman at nananabik sa kaginhawahan. Nangangahulugan iyan na wala akong regular na ginagawa sa buhay ko, at ni hindi ako nagpapahinga sa normal na paraan.

Isang araw nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga Pariseo, at inangkop ko ang mga salitang ito sa aking sarili. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Alam ba ninyo kung ano talaga ang isang Pariseo? Mayroon bang mga Pariseo sa paligid ninyo? Bakit tinatawag na ‘mga Pariseo’ ang mga taong ito? Paano inilalarawan ang mga Pariseo? Sila ay mga taong ipokrito, ganap na huwad, at nagpapanggap sa lahat ng kanilang ginagawa. Anong pagpapanggap ang ginagawa nila? Nagkukunwari silang mabuti, mabait, at positibo. Ganito ba sila talaga? Hinding-hindi. Dahil mga ipokrito sila, lahat ng nakikita at nalalantad sa kanila ay huwad; lahat ito’y pagkukunwari—hindi ito ang kanilang tunay na mukha. Saan nakatago ang tunay nilang mukha? Nakatago ito sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi makikita ng iba kahit kailan. Ang lahat ng nakikita ay isang palabas, lahat ng ito ay hindi totoo, ngunit maaari lamang nilang maloko ang mga tao; hindi nila maloloko ang Diyos. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, kung hindi nila isinasagawa at dinaranas ang mga salita ng Diyos, hindi nila tunay na mauunawaan ang katotohanan, at kaya gaano man kabulaklak ang kanilang mga salita, ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanang realidad, kundi mga salita at doktrina. Ang ilang tao ay nakatuon lamang sa pag-uulit ng mga salita at doktrina, ginagaya nila ang sinumang nangangaral ng pinakamatataas na mga sermon, na ang resulta ay sa loob lamang ng ilang taon, ang kanilang pagbigkas ng mga salita at doktrina ay lalo pang humuhusay, at hinahangaan at iginagalang sila ng maraming tao, pagkatapos nito ay nagsisimula silang ikubli ang kanilang sarili, at labis na binibigyang-pansin ang sinasabi at ginagawa nila, ipinapakita ang kanilang sarili bilang mga katangi-tanging banal at espirituwal. Ginagamit nila ang mga tinaguriang espirituwal na teoryang ito para ikubli ang kanilang sarili. Ang mga ito lamang ang tinatalakay nila saanman sila magtungo, paimbabaw na mga bagay na akma sa mga kuru-kuro ng mga tao, ngunit walang alinman sa katotohanang realidad. At sa pamamagitan ng pangangaral ng mga bagay na ito—mga bagay na nakaayon sa mga kuru-kuro at panlasa ng mga tao—marami silang taong nalilinlang. Para sa iba, ang mga ganoong tao ay tila napakataimtim at mapagpakumbaba, pero hindi talaga ito totoo; tila mapagparaya, matiisin, at mapagmahal sila, pero pagkukunwari talaga ito; sinasabi nilang mahal nila ang Diyos, ngunit ang totoo ay palabas lamang ito. Iniisip ng iba na ang mga ganoong tao ay banal, pero huwad talaga ito. Saan matatagpuan ang isang taong tunay na banal? Ang kabanalan ng tao ay pawang huwad. Palabas lang ang lahat, isang pagpapanggap. Sa tingin, mukha siyang matapat sa Diyos, ngunit ang totoo ay gumagawa lamang siya para makita ng iba. Kapag walang nakatingin, hindi siya matapat ni katiting, at lahat ng ginagawa niya ay hindi pinag-isipan. Sa panlabas, ginugugol niya ang kanyang sarili para sa Diyos at tinalikuran na niya ang kanyang pamilya at propesyon. Pero ano ang ginagawa niya nang palihim? Nagsasagawa siya ng sarili niyang gawain at nagpapatakbo ng sarili niyang operasyon sa iglesia, kumikita mula sa iglesia at palihim na nagnanakaw ng mga handog sa pagkukunwaring gumagawa para sa Diyos…. Ang mga taong ito ang makabagong-panahong mga mapagpaimbabaw na Pariseo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). Ang inihayag ng mga salita ng Diyos ay talagang makabagbag-damdamin at mahirap para sa akin. Kumikilos ako na katulad na katulad ng mga Pariseo. Mahilig silang gumamit ng paimbabaw nilang pag-uugali para magkunwari, na sinasadyang magdasal sa mga kantu-kanto at madalas mangaral ng mga salita ng Diyos para isipin ng mga tao na talagang deboto sila at mahal nila talaga ang Diyos. Pero kapag walang nakakakita ay hindi talaga nila isinasagawa ang mga salita ng Diyos. Lahat ng bagay na iyon na kanilang ginawa ay pakitang-tao lang, para magtamo ng pagsang-ayon at paghanga. Ganoon din ako. Partikular akong nakatuon sa paimbabaw na mabuting pag-uugali para gumanda ang tingin sa akin ng mga kapatid. Nakikita na nakakaya ng ilang iba pa na magdusa at magpakahirap sa kanilang tungkulin, at matamo ang pagsang-ayon at paghanga ng lahat, nagsikap akong maging gayong uri ng tao. Nang mapili akong maging isang lider, nakita ko ang mga sister na nakapartner ko na nagpupuyat hanggang gabi, at pinilit ko ang sarili ko na magpuyat para hindi nila ako mapag-iwanan. Nagpapatuloy ako kahit antok na antok na ako. Ni hindi na ako umiidlip sa hapon na gaya ng dati sa pagsisikap kong ipakita na isa akong tao na kayang magtiis ng hirap. Nagpanggap ako sa bawat pagkakataon, na sinusubukang matamo ang paghanga ng mga kapatid sa pamamagitan ng pagpapakita na gumagawa ako ng mabubuting bagay. Ang pagdurusa at paggugol sa aking sarili sa gayong paraan ay ganap na huwad at mapanlinlang. Tinatahak ko ang landas ng mga Pariseo—at paanong hindi masusuklam ang Diyos dito? Pagkatapos niyon, tuwing gusto kong magpanggap, sadya kong talikdan ang sarili ko, hindi ako nagkunwari sa harap ng iba, at binago ko rin ang oras ng trabaho at pahinga ko, at natutulog ako kapag tapos ko na ang gawain sa araw na iyon. Higit akong napanatag nang magsagawa ako sa ganitong paraan.

Nangibang-bansa ako makalipas ang isang taon. Ang mga kapatid na nakatrabaho ko ay talagang kayang magtiis ng hirap sa kanilang mga tungkulin at gabi-gabi silang nagpuyat sa trabaho. Kung minsan, gusto kong matulog nang maaga kapag tapos ko na ang gawain ko, pero natakot ako na baka isipin nila na sinusunod ko ang aking laman. Isa pa, isa akong lider, kaya ano ang iisipin ng lahat sa akin kung natulog ako nang mas maaga kaysa sa ibang mga kapatid? Sasabihin ba nila na hindi ko kayang magdusa at wala akong pasanin sa aking tungkulin? Nang mag-isip ako nang ganoon, hindi ko napigilang magsimula na namang magkunwari at magpuyat na kasama nila. Pero nagsisimula akong antukin at makatulog makalipas ang ala-1 ng umaga. Hinikayat nila akong matulog nang mas maaga, pero pinilit ko ang sarili ko na gumising at sabihing, “Ayos lang ako, kaya ko ito. Matutulog ako maya-maya.” Pero hindi ko mapigilang antukin ulit. Kung minsan ay hindi ko talaga makayanan ang antok ko, kaya dumudukmo ako sa mesa at umiidlip sandali, pero hindi ako napanatag sa paggawa nito. Nag-alala ako kung ano ang sasabihin ng iba tungkol sa akin, kaya nagmamadali akong bumalik na muli sa trabaho. Para magmukhang may pasanin ako, kung minsan ay sadya akong nagpapadala ng mensahe sa grupo kapag talagang dis-oras na ng gabi para malaman ng iba kung gaano ako nagpuyat, na ginagawa ko ang tungkulin ko hanggang hatinggabi. Gusto ko sanang bumili ng ilang bitamina dahil sa ilang problema sa kalusugan, pero nag-alala ako sa sasabihin ng iba. Iisipin ba nila na masyado kong pinahalagahan ang aking laman? Kaya, hindi ko binili ang mga iyon. Minsan sa isang pagtitipon, natuklasan ko hindi maganda ang lagay ng isang sister, at na kailangan niya ng kaunting pagbabahagi at suporta. Pero yamang nasa ibang bansa siya sa ibang time zone at hatinggabi na para sa akin, naisip ko noong una na magbahagi sa kanya kinabukasan. Pero naisip ko na sa pagbabahagi sa kanya sa gabi ay baka magmukhang may pasanin akong dala para sa pagpasok sa buhay ng mga kapatid. Kaya kinontak ko siya at hindi ko natapos ang pagbabahagi hanggang halos mag-alas-2 na ng umaga. Sabi niya sa akin, “Dis-oras na ng gabi diyan sa inyo, dapat ka nang matulog. Masama sa kalusugan mo ang palaging hinahatinggabi ng tulog nang ganito.” Talagang nasiyahan akong marinig iyon. Bagama’t hindi komportable ang katawan ko, hindi iyon nawalan ng saysay dahil inisip niya na may pasanin ako at diwa ng responsibilidad dahil doon. Nagsimula akong magkaroon ng lahat ng klase ng maliliit na problema sa kalusugan pagkatapos niyon, at sinabi sa akin ng doktor na may kaugnayan iyon sa matagalang kakulangan sa tulog. Binalewala ko iyon at patuloy kong ginawa ang dati kong ginagawa. Sa oras na ito, palagi akong pinaaalalahanan ng isang nakatataas na lider na hindi ako dapat magpuyat masyado, na hindi maaantala ang gawain kung maaga akong matutulog at maagang gigising. Naisip ko sa sarili ko na kung maaga akong matutulog, baka isipin ng iba na bilang isang lider, hindi ko kayang magtiis ng maraming hirap na tulad ng iba, kaya, titingalain pa ba nila ako? Hindi ko isinapuso ang mga salita ng lider. Nakita ng isang sister na hindi maayos ang kalusugan ko at sinabing, “Marami ka sigurong iniisip. Ang pagkakaroon ng napakaraming problemang lulutasin sa lahat ng oras at lahat ng kabalisahang iyon ay nakakaapekto sa kalusugan mo. Bilang mga lider, napakarami mong alalahanin.” Nasiyahan ako talaga sa sarili ko nang sabihin niya iyon. Pakiramdam ko ang pinaghirapan ko, ang pagdurusang tiniis ko ay sulit para sang-ayunan ng iba. Tumagal ito hanggang sa mabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng kaunting pagkaunawa sa maling landas na tinatahak ko. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Ang mga anticristo ay sawa na sa katotohanan, hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan—na malinaw na nagpapakita ng isang katunayan: Hindi kailanman kumikilos ang mga anticristo ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi nila kailanman isinasagawa ang katotohanan—na siyang pinakalantarang pagpapamalas ng isang anticristo. Bukod sa katayuan at katanyagan, at mapagpala at magantimpalaan, ang tanging bagay na hinahangad nila ay ang magtamasa ng mga kaginhawahan ng katawan at ng mga pakinabang ng katayuan; at dahil dito, natural na nagsasanhi sila ng mga pagkagambala at kaguluhan. Ipinapakita ng mga katunayang ito na ang kanilang hinahangad, kanilang pag-uugali, at ang namamalas sa kanila ay hindi minamahal ng Diyos. At ang mga ito ay talagang hindi ang mga paraan ng pagkilos at pag-uugali ng mga taong naghahangad ng katotohanan. Halimbawa, ang ilang anticristo na katulad ni Pablo ay may determinasyong magdusa kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, kaya nilang magpuyat buong gabi at hindi kumain kapag ginagawa ang kanilang gawain, kaya nilang supilin ang sarili nilang katawan, kaya nilang madaig ang sakit at paghihirap. At ano ang layon nila sa paggawa ng lahat ng ito? Ang ipakita sa lahat na kaya nilang isantabi ang kanilang sarili—na magpakasakit—pagdating sa atas ng Diyos; na para sa kanila, ang mayroon lamang ay tungkulin. Ipinapakita nila ang lahat ng ito sa harap ng ibang mga tao, ipinapakita nila ito nang todo, na hindi nagpapahinga kapag nararapat, sadya pa ngang pinahahaba ang oras nila sa trabaho, gumigising nang maaga at natutulog nang gabing-gabi na. Ngunit kumusta naman ang kahusayan sa trabaho at pagiging epektibo ng kanilang tungkulin kapag nagpapagod nang ganito ang mga anticristo mula umaga hanggang gabi? Ang mga bagay na ito ay hindi saklaw ng kanilang mga pagsasaalang-alang. Sinisikap lamang nilang gawin ang lahat ng ito sa harap ng iba, para makita ng ibang mga tao na nagdurusa sila, at makita kung paano sila gumugugol para sa Diyos nang hindi iniisip ang kanilang sarili. Tungkol naman sa kung ang tungkuling ginagampanan nila at ang gawaing ginagawa nila ay isinasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi nila talaga pinag-iisipan ito. Ang tanging iniisip nila ay kung nakita ba ng lahat ang mabuting ugaling ipinapakita nila, kung batid ba ito ng lahat, kung nag-iwan ba sila ng impresyon sa lahat, at kung maghihikayat ba ang impresyong ito na hangaan at sang-ayunan sila, kung aaprubahan ba sila ng mga taong ito kapag wala na sila at pupurihin sila sa pagsasabing, ‘Kaya talaga nilang tiisin ang hirap, hindi mapapantayan ng sinuman sa atin ang kanilang pagtitiis at pambihirang pagtitiyaga. Ito ay isang taong naghahangad ng katotohanan, na nagagawang magdusa at magtiis ng mabigat na pasanin, isa siyang haligi sa iglesia.’ Kapag naririnig ito, nasisiyahan ang mga anticristo. Iniisip nila sa kanilang puso, ‘Napakamautak ko na nagkunwari ako nang gayon, napakatalino ko na ginawa ko ito! Alam ko na panlabas lamang ang titingnan ng lahat, at gusto nila ang mabubuting pag-uugaling ito. Alam ko na kung kikilos ako nang ganito, matatamo nito ang pagsang-ayon ng mga tao, magiging dahilan ito para aprubahan nila ako, hahangaan nila ako sa kaibuturan ng kanilang puso dahil dito, magugustuhan nila ako, at hindi na ako hahamakin ng sinuman kailanman. At kung dumating ang araw na matuklasan ng Itaas na hindi ako gumagawa ng tunay na gawain at palitan ako, siguradong maraming taong magtatanggol sa akin, iiyak para sa akin, at hihimukin akong manatili, at magsasalita alang-alang sa akin.’ Lihim nilang ipinagmamalaki ang kanilang huwad na pag-uugali—at hindi ba inihahayag din ng pagmamalaking ito ang kalikasang diwa ng isang anticristo? At ano ang diwang ito? (Kasamaan.) Tama iyan—ito ang diwa ng kasamaan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikasampung Bahagi)). Inilalantad ng Diyos na napakasama ng likas na pagkatao ng isang anticristo. Gagamit sila ng anumang taktika para magkunwari para makamit nila ang layunin nilang kontrolin ang iba at mahangaan. Halimbawa, sadya nilang pinahahaba ang oras ng pagtatrabaho nila, nagpupuyat at gumigising sila nang maaga para magmukha silang deboto sa Diyos. Nagpapakahirap sila sa kanilang mga tungkulin mula madaling araw hanggang dapit-hapon, hindi sila kumakain at natutulog, at pinababayaan nila ang mga pisikal na pangangailangan para hangaan at mahalin sila ng mga tao. Kalaunan ay humahantong sila sa pagdadala ng mga tao sa kanilang harapan. Kinapopootan at kinokondena ng Diyos ang ganitong pag-uugali. Bumigat ang loob ko, hindi talaga ako naging komportable nang ikumpara ko ang sarili ko sa mga salita ng Diyos. Kumikilos ako na katulad na katulad ng isang anticristo. Para makita ng iba na kaya kong magtiis ng hirap, hindi ko sinunod ang aking laman at nagkaroon ako ng pasanin para sa aking gawain, at para mapahanga ko sila sa pagiging mabuting lider ko, nagsumikap akong magpakitang-gilas sa mga oras ng trabaho, pahinga, gayon din sa mga bagay na kinain ko. Hindi ako nagpahinga kung kailan dapat akong magpahinga, at sadya akong nagpuyat kahit hindi iyon kinailangan sa tungkulin ko. Patuloy kong ginawa ito kahit noong magkaroon ako ng ilang problema sa kalusugan. Takot na takot ako na baka sabihin ng iba na masyado kong pinahalagahan ang laman at magkaroon sila ng hindi magandang impresyon sa akin kaya hindi ko binili ang mga bitaminang kailangan ko. Itinatatag ko nang may katusuhan ang sarili ko sa pamamagitan ng pagkukunwari na mabait ako, nagdurusa at nagpapakahirap, para isipin ng iba na hangad kong matamo ang katotohanan, na masipag at deboto ako sa aking tungkulin, at na isa akong mabuting lider, kaya iginagalang nila ako. Ang mga pagsisikap at ginugugol ko ay lubos na may bahid ng pagiging huwad at panlilinlang. Lahat ng iyon ay para magmukha akong mabuti at iligaw ang iba sa isang maling imahe. Nasa landas ako ng isang anticristo. Ayaw kong patuloy na gawin ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan, kaya nagdasal ako, na handang magsisi sa Diyos at baguhin ang aking maling kalagayan.

Kalaunan, pinagnilayan ko kung bakit masyado akong nakatuon sa pagkukunwaring nagtitiis ako ng hirap. Natanto ko na nagkikimkim ako ng maling pananaw. Inakala ko noon pa man na ang magawang magdusa at magpakahirap, at magmukhang gumagawa ng mabubuting bagay, ay pagsasagawa ng katotohanan at pagbibigay-lugod sa Diyos, na sasang-ayunan ito ng Diyos. Pero nakita ko sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos na ang ganitong klaseng pananaw ay hindi talaga makatwiran. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Ano ang kinakatawan ng panlabas na mabubuting gawa ng mga tao? Kinakatawan ng mga ito ang laman, at kahit na ang pinakamagagandang panlabas na gawi ay hindi kumakatawan sa buhay; tanging ang iyong sariling indibidwal na pag-uugali ang maipapakita ng mga ito. Hindi kayang tuparin ng mga panlabas na gawi ng tao ang nais ng Diyos. … Kung laging panlabas lamang ang iyong mga kilos, nangangahulugan ito na ikaw ay sukdulan sa pagkahambog. Anong uri ng mga tao silang pakitang-tao lamang ang paggawa ng mabuti at salat sa realidad? Ang mga naturang tao ay mga mapagpaimbabaw na Pariseo at mga relihiyosong tao! Kung hindi ninyo iwawaksi ang inyong mga panlabas na gawi at hindi ninyo kayang gumawa ng mga pagbabago, lalong lalago sa inyo ang mga elemento ng pagpapaimbabaw. Habang mas higit ang mga elemento ng pagpapaimbabaw sa inyo, mas higit ang pagsalungat sa Diyos. Sa katapusan, ang mga naturang tao ay siguradong aalisin!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pananampalataya, Kailangang Magtuon ang Isang Tao sa Realidad—Ang Pagsali sa mga Pangrelihiyong Ritwal ay Hindi Pananampalataya). “Ngayon, may ilang tao na buong magdamag na nagtatrabaho at nakalilimutan nang kumain o matulog kapag isinasagawa nila ang kanilang tungkulin, nagagawa nilang supilin ang laman, na huwag indahin ang pisikal na paghihirap, kahit pa nga magtrabaho nang may sakit sila. Bagama’t may mga ganito silang katangiang pangtubos, at mabubuti at matutuwid silang tao, may mga bagay pa rin sa kanilang mga puso na hindi nila nagagawang maisantabi: katanyagan, pakinabang, katayuan, at banidad. Kung hindi nila kailanman maisasantabi ang mga bagay na ito, mga tao ba silang naghahangad ng katotohanan? Kitang-kita naman ang sagot. Ang pinakamahirap na bahagi ng paniniwala sa Diyos ay ang pagkamit ng isang pagbabago sa disposisyon. Maaaring kaya mong habambuhay na manatiling walang-asawa, o kaya ay hindi kailanman kumain ng masusustansyang pagkain o magsuot ng magagandang damit; sinasabi pa nga ng ilang tao, ‘Hindi mahalaga kung magdusa ako buong buhay ko, o kung malungkot ako buong buhay ko, kaya kong tiisin ito—nang nasa tabi ko ang Diyos, walang-wala ang mga bagay na ito.’ Madali para sa kanila na mapagtagumpayan at lutasin ang ganitong pisikal na sakit at paghihirap. Ano ang hindi madali para sa kanila na mapagtagumpayan? Ang mga tiwaling disposisyon ng tao. Hindi malulutas ang mga tiwaling disposisyon sa pamamagitan lamang ng pagpigil sa sarili. Kayang magtiis ng tao ng pisikal na paghihirap para magampanan nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin, para matupad ang kalooban ng Diyos, at makapasok sa kaharian sa hinaharap—pero ang kakayahan bang magdusa at magbayad ng halaga ay nangangahulugang nagbago na ang kanilang mga disposisyon? Hindi. Para sukatin kung may pagbabago ba sa disposisyon ng isang tao, huwag tingnan kung gaano karaming pagdurusa ang kaya niyang tiisin o kung gaano kaganda ang kanilang pag-uugali sa panlabas. Ang tanging paraan para masukat nang tama kung ang disposisyon ng isang tao ay nagbago ay ang tingnan ang mga mithiin, mga motibo, at mga layunin sa likod ng kanyang mga ikinikilos, ang mga prinsipyong sinusunod niya sa pagkilos at pangangasiwa sa gawain, at ang kanyang saloobin sa katotohanan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Mabuting Pag-uugali ay Hindi Nangangahulugan na Nagbago na ang Disposisyon ng Isang Tao). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na ang magawang magdusa at magpakahirap ay hindi katumbas ng pagsang-ayon ng Diyos. Sa Kapanahunan ng Biyaya, pakunwaring nagawa ni Pablo na magtiis ng hirap. Ipinalaganap niya ang ebanghelyo at hindi pinagtaksilan ang Panginoon nang makulong siya. Parang kahanga-hanga ang pag-uugali niya. Pero lahat ng pagdurusa niya at paggugol ay para makipagtransaksyon sa Diyos. Gusto niyang ipagpalit ang kanyang pagdurusa para sa isang korona at sa pagpapala ng kaharian ng Diyos. Ang mabubuti niyang gawa ay hindi nangahulugan na nagkamit na siya ng pagbabago sa disposisyon. Sa halip, dahil sa pakunwaring mabubuting gawang ito, lagi siyang nagpapakitang-gilas at nagpapatotoo sa kanyang sarili at mas lalo siyang naging mayabang. Nagpatotoo pa nga siya na para sa kanya ang mabuhay ay Cristo, at sa huli ay kinondena at pinarusahan siya ng Diyos. Habang nagninilay ako tungkol sa aking sarili, ang inisip ko lang ay magmukhang maayos ang pag-uugali para makapagpanggap ako at tingalain ako ng mga tao, pero hindi ako nagtuon sa pagsasagawa ng katotohanan o paglutas ng aking mga tiwaling disposisyon. Dahil dito, lalo akong naging mapagpaimbabaw at hindi ko binago talaga ang disposisyon ko sa buhay. Kung nagpatuloy ako sa gayong hangarin, tiyak na hindi ko talaga matatamo ang anumang katotohanan. Sa huli ay palalayasin akong tulad ni Pablo. Habang pinag-iisipan ito, ginusto kong baguhin kaagad ang maling pananaw ko tungkol sa hangarin.

Kalaunan, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Ang katawan ng tao ay ibinigay sa kanya ng Diyos, at sa saklaw ng ilang limitasyon, mananatiling malusog ang mga kakayahan nito; pero kapag lumampas sa mga limitasyong ito o lumabag sa ilang kautusan, at may mga bagay na mangyayari—magkakasakit ang mga tao. Huwag mong labagin ang mga kautusang itinakda ng Diyos para sa tao. Kung gagawin mo ito, nangangahulugan itong hindi mo nirerespeto ang Diyos, at na ikaw ay hangal at mangmang. Kung lalabagin mo ang mga kautusang ito—kung ‘lilihis’ ka—hindi ka poprotektahan ng Diyos, hindi ka pananagutan ng Diyos; kinamumuhian ng Diyos ang gayong pag-uugali. … Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, pinakamabuting hanapin ang normal na balanse sa pagitan ng trabaho at pahinga. Kapag naging abala ka sa iyong tungkulin, dapat kayanin ng iyong katawan ang kaunting pagdurusa, dapat mong isantabi ang pisikal mong pangangailangan, pero hindi ito dapat masyadong tumagal; kung tumagal ito, madali kang mapapagod, at maaaring makaapekto ito sa iyong pagiging epektibo sa pagganap mo sa iyong tungkulin. Sa mga pagkakataong kagaya nito dapat kang magpahinga. Ano ang layon ng pagpapahinga? Ito ay para alagaan ang iyong katawan nang sa gayon ay mas magampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin. Pero kung hindi ka naman pisikal na pagod pero laging naghahanap ng pagkakataong magpakatamad abala man o hindi sa iyong tungkulin, wala kang katapatan. Bukod sa pagiging tapat, at maayos na pagganap sa tungkuling ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, hindi mo rin dapat pagurin nang husto ang iyong katawan. Dapat mong maintindihan ang prinsipyong ito. Kapag hindi abala sa iyong tungkulin, magtakda ka ng mga araw para magpahinga. Pagkagising mo sa umaga, magsagawa ka ng mga espirituwal na debosyon, manalangin, magbasa ng mga salita ng Diyos, at makipagbahaginan ng mga katotohanan ng mga salita ng Diyos o matuto ng mga himno, gaya ng normal; kapag naging abala ka na, pagtuunan mong gampanan ang iyong tungkulin, isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos, at gamitin ang mga salita ng Diyos sa aktwal mong buhay; padadaliin nito ang pagganap mo sa iyong tungkulin ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa gayon mo lamang tunay na mararanasan ang gawain ng Diyos. Ganito ang mga uri ng pag-aakmang dapat mong gawin(Pagbabahagi ng Diyos). Ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay lubhang tumanglaw sa akin. Pinapamuhay tayo ng Diyos na alinsunod sa mga tuntuning Kanyang paunang itinalaga, na mamuhay at magpahinga nang maayos, at gawin ang ating tungkulin ayon sa pundasyong ito. Kapag kailangan ng kaunting pagdurusa sa ating gawain at kailangan nating magpakahirap, kailangan nating talikdan ang laman, gawin ang ating makakaya para tapusin ito. Kapag hindi natin kailangang magpuyat sa ating gawain, dapat tayong magtrabaho at matulog nang maayos at panatilihin ang magandang kalagayan ng isipan. Sa ganitong paraan, maaari tayong maging epektibo sa ating tungkulin. Naisip ko ito mula sa Bibliya: “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo. Ito ang dakila at pang-unang utos(Mateo 22:37–38). Umaasa ang Diyos na susundin natin ang Kanyang kalooban sa ating tungkulin, tunay na magkakaroon ng pasanin, at gagawin natin nang buong puso ang ating tungkulin. Ito ang nagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos. Sa pagsasaalang-alang sa landas na naituro sa atin ng Diyos, nakita ko kung gaano ako kahangal. Napakalinaw ng mga salita ng Diyos, pero hindi ko kailanman isinagawa ang mga iyon. Noon pa man ay kumikilos na ako batay sa aking mga haka-haka at imahinasyon, at nagdaraan sa napakaraming walang-kabuluhang pagdurusa. Natanto ko na hindi ako puwedeng patuloy na magtuon sa pakunwaring paggawa ng mabubuting gawa, at na dapat kong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, gawin ang lahat sa harap ng Diyos nang hindi isinasaalang-alang ang iniisip ng mga tao, at masigasig kong gampanan ang aking tungkulin. Ito ang kailangan kong gawin.

Pagkatapos niyon, sa mga pagtitipon ay sinuri ko kung paano ako naligaw ng landas at ang aking maling pananaw para magtamo ng pagkakilala ang mga kapatid. Karaniwan ay tumutuon ako sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, at isinasapuso ko kung paano ko madadala ang isang pasanin sa aking gawain at kung paano ko maisasagawa ang aking tungkulin alinsunod sa mga prinsipyo, at hindi na ako laging nakatuon sa pakunwaring pagdurusa para hangaan ako ng iba. Sa paglipas ng panahon, tumigil na ako sa pag-aalala kung ano ang tingin sa akin ng mga tao, at hindi ko na inisip na magpakitang-gilas sa harap ng iba. Nakadama ako ng matinding paglaya. Sa pamamagitan ng karanasan ay natutuhan ko na tanging ang mga salita ng Diyos ang direksyon at pamantayan para sa pag-uugali at pagkilos, at na ang pagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos ay isang malaking ginhawa at talagang nagpapalaya. Hindi na kailangang palaging magkunwari. Ang pamumuhay sa ganitong paraan ay hindi gaanong nakakapagod o masakit. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Sa Likod ng Katahimikan

Ni Li Zhi, TsinaHindi ako masyadong palasalita, at hindi ako madalas nagsasabi at nagsasalita mula sa puso. Akala ko iyon ay dahil sa...

Ibang Uri ng Pagpapala

Ni Tao Liang, Tsina Mayroon akong hepatitis B magmula pa noong bata ako. Naghanap ako ng lahat ng klase ng doktor at gamot at gumastos ako...