Pagsisisi ng Isang Mapagpaimbabaw

Pebrero 2, 2021

Ni Xinrui, South Korea

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi simpleng gawain. Ang mga hindi nagbabago ang tiwaling disposisyon ay hindi kailanman maaaring maglingkod sa Diyos. Kung ang disposisyon mo ay hindi pa nahatulan at nakastigo ng mga salita ng Diyos, ang disposisyon mo ay kumakatawan pa rin kay Satanas, na nagpapatunay na pinaglilingkuran mo ang Diyos ayon sa iyong mabubuting layunin, na ang paglilingkod mo ay batay sa iyong satanikong kalikasan. Naglilingkod ka sa Diyos gamit ang likas mong pagkatao, at ayon sa mga personal mong kagustuhan. Dagdag pa rito, lagi mong naiisip na ang mga bagay na handa kang gawin ay ang mga bagay na nakalulugod sa Diyos, at ang mga bagay na hindi mo nais gawin ay ang mga bagay na kinapopootan Niya; gumagawa ka nang ganap na naaayon sa sarili mong mga kagustuhan. Maaari ba itong matawag na paglilingkod sa Diyos? Sa huli, ang disposisyon mo sa buhay ay hindi magbabago ni katiting; sa halip, mas lalong magiging matigas ang ulo mo dahil sa iyong paglilingkod sa Diyos, na magpapalalim ng iyong tiwaling disposisyon. Dahil dito, mabubuo sa iyong kalooban ang mga alituntunin ukol sa paglilingkod sa Diyos na ang pangunahing batayan ay ang sarili mong pagkatao, at ang mga karanasang nakuha mo mula sa iyong paglilingkod ayon sa sarili mong disposisyon. Ito ang mga karanasan at mga aral ng tao. Ito ang pilosopiya ng tao sa pamumuhay sa mundo. Ang mga taong ganito ay maaaring mapabilang sa mga Fariseo at mga relihiyosong namumuno. Kung hindi sila kailanman magigising at magsisisi, tiyak na magiging mga huwad na Cristo at anticristo ang mga ito na manlilinlang sa mga tao sa mga huling araw. Magmumula sa ganitong mga tao ang binanggit noon na mga huwad na Cristo at anticristo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangang Maalis ang Paglilingkod na Pangrelihiyon). Dati ang naaalala ko sa siping ito ng mga salita ng Diyos ay ang mga mapagpaimbabaw na Fariseo at pastor at lahat ng yaong masasamang anticristo na nahuhumaling sa katayuan. Akala ko sila ang sinasabi ng Diyos. Alam ko sa prinsipyo na inilalantad ng Diyos ang isang bagay na nasa loob nating lahat, at na taglay ko rin ang tiwaling disposisyon na iyon. Pero wala akong tunay na pag-unawa sa sarili ko, kaya minsan ang mga Fariseo, mga anticristo, at mga manlilinlang ay tila mga bagay na malayo sa akin. Hindi ako ganoon, at hindi ako aabot sa puntong iyon. Matagal na akong mananampalataya, nakagawa na ako ng mabubuting bagay, at nagdusa sa aking tungkulin. Anumang tungkulin ang itinatakda ng iglesia sa akin, sinusunod at isinasagawa ko iyon. Isa pa, hindi ako nagsisikap na maging isang lider, at ginagawa ko ang tungkulin ko may katayuan man ako o wala. Paano ako magiging isang anticristo, isang manlilinlang? Pero sa totoo, ganap akong nabubuhay sa aking mga kuru-kuro at guni-guni, at paglaon, sa harap ng mga katotohanan, napagtanto ko na ang aking mga pananaw ay ganap na mali.

Umalis ako para tumanggap ng responsibilidad para sa isang gawain ng ebanghelyo sa isang iglesia sa labas ng siyudad. Hindi nagtagal ay nagsimulang bumuti ang bahagi na iyon ng gawain nila at talagang pinahalagahan ako ng mga lider. Minsan ay nilalapitan nila ako para talakayin ang ibang aspeto ng gawain nila, para kumonsulta sa akin. Dagdag pa roon, matagal na akong mananampalataya at kaya kong magdusa para sa tungkulin ko, kaya medyo tinitingala ako ng mga kapatid. Ang tingin ko rin sa sarili ko ay nasa isang pedestal. Maraming taon na akong may pananampalataya at ako ang namamahala, kaya naisip kong hindi ako puwedeng maging tulad ng iba, na kailangan kong magmukhang mas magaling sa kanila. Naisip kong hindi ako puwedeng maghayag ng mas matinding katiwalian sa inihahayag nila, na hindi ako puwedeng magpakita ng kahinaan o pagiging negatibo tulad nila. Kung hindi, ano na lang ang iisipin nila sa akin? Hindi ba’t sasabihin nila kung gaano pa rin kaliit ang tayog ko pagkalipas ng maraming taon ng pananampalataya, at bababa ang tingin nila sa akin? Paglaon ay iwinasto ako ng isang lider sa paglabag sa mga prinsipyo ng aking tungkulin. Sabi niya kulang pa rin ako sa pag-unawa sa mga bagay pagkatapos ng maraming taon bilang mananampalataya at kulang ako sa realidad ng katotohanan. Labis akong nahiya at napahiya, pero hindi ko pinagnilayan ang sarili kong katiwalian at mga pagkukulang o hinanap ang katotohanan para bumawi sa mga pagkukulang ko. Sa halip ay nagbitaw ako ng mga hungkag na salita at doktrina, nagpapanggap na kilala ko ang aking sarili, umaakto na parang isang espirituwal na tao para pagtakpan ang kakulangan ko sa realidad ng katotohanan.

Naalala ko minsan, sinabi ng isang katrabaho na sumasampalataya sa panginoon na gusto niyang suriin ang tunay na daan. Inutusan ako ng lider na puntahan siya agad para magpatotoo sa gawain ng Diyos ng mga huling araw. Sinabi kong gagawin ko, pero natuklasan kong marami siyang kuru-kuro na mahirap lutasin. Nagkataong abalang-abala ako noong oras na iyon, kaya ipinagpaliban ko ang gawaing iyon para sa susunod. Makalipas ang ilang linggo ay tinanong ako ng lider, “Bakit hindi ka pa nakapagbahagi ng patotoo sa kanya hanggang ngayon? Gusto niyang suriin ang tunay na daan at pinangungunahan niya ang napakaraming mananampalataya, na naghahangad lahat sa pagbabalik ng Panginoon. Bakit hindi ka pa nakakapagpatotoo sa gawain ng Diyos ng mga huling araw?” Medyo nakokonsiyensiya, agad akong nagpaliwanag. Sabi ko, “Hindi ako nakapunta dahil may mga ibang nangyari.” Galit na galit ang lider nang marinig niya iyon. Sabi niya ay iresponsable at pabaya ako sa tungkulin ko, na ipinagpapaliban ko ang mga bagay, at labis kong nahadlangan ang aming gawain ng ebanghelyo. Mabagsik niya akong pinagsabihan. Maraming kapatid ang nandoon nang oras na iyon at nararamdaman kong nag-iinit ang mukha ko. Naisip ko, “Hindi mo ba ako puwedeng bigyan ng kaunting dignidad at huwag ka masyadong malupit sa akin? Alam kong mali ako, hindi ba puwedeng magbahagi na lang ako ng ebanghelyo sa kanya ngayon? Hindi mo naman ako kailangang iwasto nang masyadong malupit.” Pinangatwiranan ko rin iyon sa aking sarili, iniisip kong hindi ako tamad, na abala ang mga araw ko sa pangangaral ng ebanghelyo mula umaga hanggang gabi. Pero sinabi pa rin niyang wala sa loob ko ang ginagawa ko at iresponsable ako. Ano pa bang gusto nila sa akin? Pakiramdam ko napakahirap ng tungkulin ko. Pagkatapos ng pagtitipon na iyon ay nagtago ako sa kuwarto ko at umiyak nang umiyak. Inapi at negatibo ang pakiramdam ko, at puno ako ng mga maling paniniwala tungkol sa Diyos. Isang mapaghimagsik na damdamin ang nadama ko. Naisip ko na yamang napakalupit ng lider sa akin, malamang ay nasusuklam sa akin ang Diyos, kaya paano ko pa maipagpapatuloy ang tungkuling iyon? Siguro dapat ko na lang akuin ang pananagutan, tiisin iyon, at magbitiw para hindi maantala ang gawain ng bahay ng Diyos at hindi ko na gagawin ang gawaing hindi nila pinahahalagahan. Habang umiiyak, pakiramdam ko ay wala ako sa tamang kalagayan. Napakaraming taon ko nang mananampalataya, at sa sandaling naiwasto ako nang may kaunting kalupitan, hindi ko na kinaya iyon. Nagdahilan at nakipagkompetensiya ako sa Diyos, at gusto ko pa ngang sumuko. Wala akong tunay na tayog. Naalala ko ang mga salita ng Diyos, na manatiling tapat sa aming mga tungkulin kahit na gumuho pa ang himpapawid. Talagang lumakas ang loob ko nang maisip ko iyon. Anuman ang isipin ng Diyos o ng lider sa akin, hindi ako puwedeng mabuwal, at kailangan kong harapin ang pagsubok, gaano man kahirap ang aking tungkulin. Hindi na ganoon ka-miserable ang pakiramdam ko nang tingnan ko iyon nang ganoon. Agad kong pinunasan ang mga luha ko at nakipag-usap sa mga kapatid. Sa loob lang ng ilang araw, naisama ko na ang katrabahong iyon sa kawan. Pero pagkatapos noon, hindi ko masigasig na hinanap ang katotohanan at hindi pinagnilayan ang mga problema ko. Sa halip, pinagpipilitan kong ipagpatuloy ang aking tungkulin batay sa sarili kong konsiyensiya at kalooban. Akala ko ay may kaunti akong tayog at praktikalidad.

Ang totoo, iwinasto ako ng lider dahil sa pagiging iresponsable, sa pagpili sa pinakamadaling paraan, at hindi paggawa ng praktikal na gawain. Seryosong problema ang mga ito. Pinangungunahan ko ang aming gawain ng ebanghelyo, at kapag nakakita ako ng taong maraming kuru-kuro, hindi ako nakahandang ilaan ang aking sarili sa aking pagbabahagi at pagpapatotoo. Basta ko lang iyong isinasantabi at hinahayaang lumipas ang kalahating buwan. Pag-aantala iyon sa napakaraming tao na nagsusuri sa tunay na daan at pagsalubong sa pagbabalik ng Panginoon! Ang pagiging masyadong pabaya sa aking tungkulin ay paglaban sa Diyos at pagkakasala sa Kanyang disposisyon. Parang hindi ako nababakante at kaya kong magdusa sa aking tungkulin, pero sa tuwing mahaharap ako sa pagsubok, hindi ako tumutuon sa paghahanap ng katotohanan para lutasin ang problema at gawin nang maayos ang tungkulin ko. Sa halip ay aatras ako at gagawin kung ano ang gusto ko, basta na lang isinasantabi ang tagubilin ng Diyos. Paano iyon magiging anumang uri ng debosyon? Nagsalita ang lider tungkol sa malamig at iresponsable kong asal sa aking tungkulin, sa mapanlinlang kong satanikong disposisyon, at hindi iyon ang unang pagkakataong nakagawa ako ng ganoong bagay. Hinimay iyon ng lider para sa akin para makilala ko ang aking sarili, magsisi, at magbago. Pero hindi ko tunay na pinagnilayan ang aking sarili o nakita kung nasaan ang ugat ng aking problema. Umakto ako na parang tinanggap ko ang pagtatabas at pagwawasto sa akin, pero wala akong tunay na pag-unawa sa sarili ko. Kaya’t nagsabi ako ng ilang mga hungkag na bagay at doktrina sa pagtitipon at pagkatapos ay nagkunwaring nagkaroon na ako ng kamalayan sa sarili. Sinabi kong iresponsable ako sa aking tungkulin at inaantala ang gawain ng bahay ng Diyos at labis iyong napipinsala, na may katwiran ang lider sa pangangaral sa akin at na binabanggit niya ang mga bagay sa aking kalikasan at aking satanikong disposisyon para masuri ko ang tama at mali sa nagawa ko. Pero hindi ko ibinahagi kung saan ako nagkamali, ang kalikasan at kalalabasan ng aking mga kilos, pati na ang uri ng tiwaling disposisyon na inihayag ko sa malamig na pagtingin ko sa aking tungkulin, at kung anong uri ng di-makatwirang pag-iisip at kuru-kuro ang tinaglay ko. Hindi ko inintindi ang mas detalyadong aspeto niyon. Sa halip ay anong tinalakay ko? Kung paano ako sumandal sa Diyos at nakapasok mula sa positibo. Nagsalita ako nang nagsalita tungkol sa ganitong mga uri ng positibong pag-unawa. Sinabi kong negatibo ang naging pakiramdam ko at nagreklamo ako nang maiwasto ako at gusto ko nang sumuko. Pero labis akong nabigyang-inspirasyon ng pag-iisip sa mga salita ng Diyos at pakiramdam ko ay hindi ako mabubuwal. Napakarami nang ginawa ng Diyos sa akin at napakarami na Niyang ipinagkaloob sa akin, kaya kailangan kong magkaroon ng konsiyensiya at hindi ko puwedeng biguin ang Diyos. Kaya inisip ko na paano man ako natabasan at naiwasto, gaano man kahirap ang tungkulin ko, kailangan ko itong gawin nang mabuti, at ang pagwawasto ng lider sa akin ay para pagnilayan at kilalanin ko ang aking sarili, para magsisi ako at magbago. Nang marinig ito ng iba, wala silang pagkaintindi sa mga problema at katiwalian ko at tingin nila ay hindi ako nakagawa ng malaking pinsala sa gawain ng bahay ng Diyos. Sa halip, tingin nila ay masyadong malupit ang lider sa akin, na tinabasan at iwinasto ako para lang sa maliit na pagkakamali sa aking gawain. Talagang nakikisimpatiya sila at umuunawa. At nang makita nilang hindi ako naging negatibo matapos malupit na maiwasto, bagkus ay kayang ipagpatuloy ang pagpasan sa aking tungkulin, pakiramdam nila ay nauunawaan ko talaga ang katotohanan at mayroon akong tayog. Talagang tiningala nila ako at labis na hinangaan. May ilang nagsabi noon na talagang kahanga-hanga ang pananatili kong malakas at pagpapatuloy ko sa paggawa ng aking tungkulin gayong mabagsik akong naiwasto. At sabi ng ilan hindi talaga madali ang tungkulin ko, na hindi ko lang ibinuhos ang lahat ng lakas ko doon, kundi napagsabihan pa ako nang may makaligtaan ako. Nakita nilang pinunasan ko ang mga luha ko para bumalik agad sa aking tungkulin, at sinabing kung sila ay matagal na silang nabuwal at hindi nila taglay ang ganoong tayog. Pinakinggan nila ang pagbabahagi ko at hindi nila naunawaan ang landas ng pagsasagawa para sa pagtanggap sa pagwawasto at pagtatabas, o na ang matabas at maiwasto ay ang pag-ibig at pagliligtas ng Diyos. Sa halip, nagkamali sila ng unawa sa Diyos, nag-ingat, at dumistansiya sa Diyos, lumalapit sa akin. Ilang beses akong naiwasto pagkatapos noon, at ganoon ang nangyayari sa bawat pagkakataon. Literal na mga doktrina ang tinatalakay ko, nagkukunwaring taglay ko ang espirituwalidad at pagkilala sa sarili, nagkukunwaring may tayog at praktikalidad, at nalinlang ko ang lahat ng kapatid. Wala akong kamalay-malay, manhid na manhid, at ipinagmamalaki ko ang aking sarili sa pananatiling nakatayo sa gitna niyon. Labis kong binabati ang aking sarili at pakiramdam ko ay may tayog ako at may realidad ng katotohanan. Lalo pa akong naging mapagmataas at mataas ang kumpiyansa sa sarili.

Minsan, binanggit ng isang brother ang ilang problema sa tungkulin ko. Hindi ko iyon tinanggap. Nagreklamo ako na naghahanap siya ng mga problema, na namumuna siya. Talagang nainis ako sa kanya. Pero natakot ako na may makakita kung gaano ako ka-arogante kahit ilang taon na akong mananampalataya at bumaba ang tingin nila sa akin. Natakot din ako na malaman ng lider at sabihin na hindi ko kayang tanggapin ang katotohanan, kaya nagpanggap ako at pinilit ang sarili kong huwag dumaing. Umaaktong kalmado, sabi ko sa kanya, “Brother, sabihin mo sa akin ang mga problemang nakikita mo rito at pag-usapan natin iyon nang isa-isa. Kung hindi natin malulutas ang mga iyon, puwede nating kausapin ang lider.” Kaya’t isa-isa niyang sinabi ang mga problema, at ipinaliwanag ko ang sagot ko sa bawat isa. Sa huli, ipinaliwanag ko ang karamihan sa mga problemang binanggit niya. Ang tingin ko ay nalutas na ang problema at labis akong natuwa. Pero hindi siya napalagay doon, kaya’t kinausap niya ang isang lider tungkol doon. Ilan sa mga problemang binanggit niya ay mga problema talaga, at sa sandaling malaman ng lider, iwinasto at tinabas niya ako sa harap mismo ng lahat. Sinabi niyang mapagmataas ako at ayaw kong tanggapin ang mungkahi ng kahit sino, na wala akong prinsipyo sa aking tungkulin, at kulang talaga ako sa realidad ng katotohanan sa kabila ng maraming taon ng pananampalataya. Sabi niya hindi ko kayang lumutas ng kahit anong praktikal na problema, na bulag na mapagmataas ako at talagang wala sa katwiran. Mahirap sa aking marinig ito, pero hindi ako lubusang nakumbinsi. Naisip ko, “Mapagmataas ako at minsan ay medyo mataas ang tingin sa aking sarili, pero kaya kong tumanggap ng mga mungkahi. Hindi ako ganoon ka-arogante.”

Muli, ako ay inilantad sa isang pulong ng gawain pagkatapos noon. Nalaman ng lider na ipinagpapaliban ko ang gawain na pinamamahalaan ko at tinanong ako, “Bakit napakapabaya mo rito? Anong problema? Kaya mo bang ayusin ang paggawa?” Ang sagot ko ay, “Hindi, hindi ko kaya.” Pakiramdam ko hindi naintindihan ng lider ang aktwal naming sitwasyon, na masyado siyang maraming hinahanap. Pagkatapos noon ay nagbasa siya ng ilang salita ng Diyos para sa amin at nagbahagi tungkol sa kahalagahan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Sinabi niya ring gahol kami sa oras at kailangan naming pagbutihin ang paggawa. Hindi ko pinakinggan ang anumang sinabi niya. Kumapit lang ako sa sarili kong mga kuru-kuro at sariling karanasan, iniisip na, “Hindi ko talaga kayang pagbutihin ang paggawa namin.” Tahimik kong tinanong ang mga katabi kong kapatid, “Palagay niyo ba ay kaya natin?” Ang motibo ko sa pagtatanong nito sa kanila ay ang makakuha ng kakampi, para sabihin nila ang pareho sa sinasabi ko, para kontrahin ang lider at panatilihing mabagal ang proseso. Malinaw iyon, pero wala akong kamalay-malay. Wala silang pagkaintindi sa akin. Masasabi mong hindi sila gumamit ng anumang pagpapasiya. Kumampi silang lahat sa akin at sumang-ayon sa akin.

Paglaon, dahil mapagmataas ako at hindi epektibo sa aking tungkulin, at hindi ko lang hindi pinamamahalaan nang mabuti ang gawain ng grupo, kundi hinahadlangan pa ito, natanggal ako sa tungkulin. Pero nagulat ako na noong oras na ulit para pumili ng mga lider ng grupo, hindi lang ako basta binoto ng mga kapatid, kundi pinagkasunduan nila iyong lahat. Narinig kong sinasabi ng ilan sa kanila na sa pagtatanggal sa akin, magkakagulo lang ang buong grupo, at sino pa bang ibang makakapagpatakbo ng grupong iyon? Noon ko naramdaman na may seryoso akong problema, na pinakikinggan at sinusuportahan ako ng lahat sa kabila ng paraan ko ng paggawa. Ibinoto ako ng lahat kahit na tinanggal ako ng lider, at ipinaglaban pa na tratuhin ako nang patas. Talagang nailigaw ko ang mga kapatid.

Naalala ko ang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa ganang inyo, kung ang mga iglesia sa isang dako ay ipinasa sa inyo at walang namamatnubay sa inyo sa loob ng anim na buwan, mag-uumpisa kayong maligaw. Kung walang namatnubay sa iyo sa loob ng isang taon, ilalayo at ililigaw mo sila ng landas. Kung dalawang taon ang lumipas at wala pa ring namamatnubay sa iyo, dadalhin mo sila sa harapan mo. Bakit ganito? Naisaalang-alang mo na ba ang tanong na ito dati? Maaari kayang ganito kayo? Ang kaalaman ninyo ay makakapagtustos lamang sa mga tao sa loob ng isang partikular na panahon. Habang lumalakad ang panahon, kung paulit-ulit mong sinasabi ang parehong bagay, matatalos ng ilang tao iyan; sasabihin nilang napakababaw mo, kulang na kulang sa lalim. Wala kang pagpipilian kundi sikaping linlangin ang mga tao sa pangangaral ng mga doktrina. Kung lagi kang nagpapatuloy nang ganito, yaong mga nasa ilalim mo ay susunod sa iyong mga pamamaraan, mga hakbang, at halimbawa ng pananampalataya at pagdaranas at pagsasagawa ng mga salita at doktrinang iyon. Sa kasukdulan, habang patuloy kang nangangaral nang nangangaral, lahat sila’y gagamitin ka bilang isang halimbawa. Sa iyong pamumuno sa iba ay nagsasalita ka tungkol sa mga doktrina, kaya ang mga nasa ilalim mo ay matututo ng mga doktrina mula sa iyo, at habang nagpapatuloy ang mga bagay-bagay ay nalakaran mo na ang maling landas. Ang mga nasa ilalim mo ay lalakaran ang anumang landas na nilalakaran mo; lahat sila’y matututo mula sa iyo at susunod sa iyo, kaya mararamdaman mo: ‘Makapangyarihan na ako ngayon; napakaraming tao ang nakikinig sa akin, at ang iglesia ay sunud-sunuran sa akin.’ Ang kalikasan ng pagkakanulong sa loob ng tao ay di-namamalayang nagsasanhi sa iyo na gawing tau-tauhan lang ang Diyos, at ikaw naman mismo ay nagtatayo ng isang uri ng denominasyon. Paano naglilitawan ang iba-ibang denominasyon? Naglilitawan sila sa ganitong paraan. Masdan mo ang mga pinuno ng bawat denominasyon—lahat sila’y mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, at binibigyang-kahulugan nila ang Biblia nang wala sa konteksto at ginagabayan ng kanilang sariling imahinasyon. Lahat sila’y umaasa sa mga kaloob at pag-aaral sa paggawa ng kanilang gawain. Kung sila’y wala talagang kakayahang mangaral, susunod ba sa kanila ang mga tao? Sila, kung sa bagay, ay nagtataglay ng kaunting kaalaman at makakapangaral ng ilang doktrina, o alam nila kung paano makaakit ng iba at kung paano gumamit ng ilang pakana. Ginagamit nila ang mga ito para dalhin ang mga tao sa harapan nila at linlangin sila. Sa pangalan, ang mga taong iyon ay naniniwala sa Diyos, ngunit sa realidad, sinusunod nila ang kanilang mga pinuno. Kung nakakatagpo sila ng isang taong nangangaral ng tunay na daan, ang ilan sa kanila’y nagsasabing, ‘Kailangang konsultahin namin ang aming pinuno tungkol sa aming pananampalataya.’ Isang tao ang daanan ng kanilang pananampalataya sa Diyos; hindi ba problema iyan? Nagiging ano na kung gayon ang mga pinunong iyan? Hindi ba sila nagiging mga Fariseo, huwad na mga pastol, mga anticristo, at mga katitisuran sa pagtanggap ng mga tao sa tunay na daan? Ang mga ganyang tao ay kaparehong uri ni Pablo(“Tanging ang Paghahabol sa Katotohanan ang Tunay na Paniniwala sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Nalaman ko mula sa mga salita ng Diyos na ako mismo ang uri ng Fariseo na inilalantad Niya, at hindi ko lang taglay itong mapanlinlang at masamang satanikong disposisyon, kundi umabot ang pag-uugali ko sa punto na inililigaw at kinokontrol ko na ang iba, at isinasantabi ang Diyos. Naisip ko yaong mga mapagpaimbabaw na Fariseo at pastor na nangungusap lang tungkol sa mga doktrina at umaakto na parang naghihirap sila para magligaw ng mga tao. Sinasabi nilang may utang sila sa Diyos at mukha talaga silang mapagpakumbaba at may kamalayan sa sarili, pero palagi nilang ipinapakita kung gaano kalaki ang isinusuko nila para sa Panginoon, kung gaano sila nagdurusa at gaano karaming gawain ang nagawa nila. Bilang resulta, sinasamba sila ng mga mananampalataya at iniisip na lahat ng sinasabi nila ay nakaayon sa kalooban ng Panginoon. Wala silang anumang pagkaintindi sa kanila. Iniisip pa nga nila na ang pagsunod sa kanila ay pagsunod sa Panginoon. Iyon ang paniniwala sa Panginoon sa pangalan, pero sa totoo ay pagsunod iyon sa mga pastor. Anong kaibahan ng landas na tinatahak ko sa landas ng mga Fariseo at pastor? Sa doktrina at mabababaw na sakripisyo rin ako nagtuon para isipin ng mga kapatid na masigasig ako sa aking tungkulin. Nang maiwasto ako, hindi ko hinanap ang katotohanan o tunay na pinagnilayan ang aking sarili. Sinasabi ko lang kung ano ang mukhang tama para mailigaw ang lahat, para isipin nilang nagpapasakop ako roon, na may tayog ako, tapos ay hahangaan at pakikinggan nila ako. Naitulak ko pa nga silang labanan ang hinihiling ng Diyos sa akin. Sa totoo ay ako ang nasa kapangyarihan. Ano ang kaibahan ko sa isang anticristo? Hindi ako lider at wala akong anumang uri ng mataas na katungkulan. Kahati lang ako ng dalawa pang sister sa responsibilidad sa ilang gawain sa ilalim ng pangangasiwa ng lider, pero gayon man, lumala nang ganoon ang problema ko. Kung makapasok nga ako sa mas mataas na posisyon kung saan ako lang ang may pananagutan sa isang bagay, ayokong isipin kung anong uri ng matinding kasamaan ang magagawa ko. Naisip ko na yamang matagal na akong mananampalataya at ipinagpapatuloy ko ang paggawa sa aking tungkulin anumang klase ng paghihirap o pagsubok ang aking kinakaharap, ay may maganda akong pagkatao, at hindi ako kailanman naghangad na maging lider, kaya hinding-hindi ako magiging isang Fariseo o anticristo. Pero sa harap ng katotohanan, nagulantang ako at walang nasabi. Sa wakas ay nakita ko na kung gaano kahangal at kasama ang aking mga kuru-kuro, at kung gaano kasama at katakot-takot ang aking disposisyon. Nakita ko na bilang isang mananampalataya, hindi ko hinanap ang katotohanan, at ayaw kong tanggapin o magpasakop sa paghatol, pagkastigo, pagwasto, o pagtabas ng Diyos. Ayaw kong pagnilayan at kilalanin ang aking satanikong kalikasan ayon sa mga salita ng Diyos. Kuntento na akong mababaw na sumunod at kumilala sa salita. Pero gaano man ako magmukhang mabuti o masunurin sa tuntunin, sa sandaling dumating ang pagkakataon, ganap na lumilitaw ang aking satanikong kalikasan ng pagtataksil sa Diyos, at hindi sinasadyang nakakagawa ako ng kasamaan nang wala akong kamalay-malay. Tunay na tama ang sinabi ng Diyos: “Ang posibilidad na ipagkakanulo ninyo Ako ay nananatiling isandaang porsiyento.

Alam ng Diyos kung gaano kalalim ang paggawang tiwali sa akin ni Satanas, kung gaano ako kamanhid at kasutil. Hindi ko makakamit ang pagbabago sa pagkakaroon lang ng kaunting kaalaman sa aking sarili. Kaya paglaon ay inilantad at iwinasto ako ng mga kapatid. Naalala kong minsan ay sinabi ng isang sister sa akin, nang walang paliguy-ligoy, “Kilala na kita ngayon. Halos hindi ka nagbabahagi tungkol sa pinakatatago mong mga saloobin o naglalantad ng sarili mong katiwalian. Sinasabi mo lang ang ilan sa mga positibo mong pagpasok at pag-unawa, na parang ganap nang nalutas ang katiwalian mo, na parang malaya ka na roon.” Sinabi niya rin na hinahangaan niya ako dati, na akala niya isa akong matagal nang mananampalataya na nauunawaan ang katotohanan, na marunong akong magdanas ng maraming bagay at kaya kong magdusa at magsakripisyo sa aking tungkulin, at lalong kaya kong tanggapin ang matinding pagwawasto at pagtatabas. Kaya nga tiningala niya ako. Akala niya ay tama lahat ng sinasabi ko at lagi niya akong pinakikinggan, halos ibinibigay na niya sa akin ang lugar ng Diyos sa kanyang puso. Nang marinig kong sabihin niya na halos tulad na sa Diyos ang tingin niya sa akin, para akong tinamaan ng kidlat. Labis akong natakot at kontra roon. Naisip ko, “Kung totoo iyon, hindi ba’t naging isa na akong anticristo? Bakit napakahangal mo, wala kang pag-intindi? Ginawa rin akong tiwali ni Satanas. Bakit ganoon ang tingin mo sa akin?” Ilang araw akong nanlumo. Nalulungkot ako sa tuwing naaalala ko ang sinabi niya, at may nararamdaman akong kakatwang takot, na may masamang bagay na paparating sa akin. Alam kong ito ang poot ng Diyos sa akin, na paparating sa akin ang Kanyang matuwid na disposisyon at kailangan kong tanggapin ang kinalabasan ng paggawa ng ganoong klase ng kasamaan. Alam kong walang pinalalagpas na pagkakasala ang disposisyon ng Diyos at pakiramdam ko ay nahatulan na ako ng Diyos, kaya akala ko ay nasa dulo na ako ng landas ko ng pananampalataya. Hindi ko mapigilan ang pag-iyak sa saloobing ito. Hindi ko naisip na ako, na isang taong tila hindi gumagawa ng malaking kasamaan o labis na masasamang bagay, ay makakarating sa punto na napakalala. Hindi ko lang nailigaw ang mga tao gamit ang mga doktrina, naitulak ko pa silang sambahin ako na parang ako ang Diyos. Iyon ay paggawang tau-tauhan sa Diyos, at iyon ay labis na pagkakasala sa disposisyon ng Diyos. Negatibong-negatibo ang pakiramdam ko, at tila nakintal ang aking mga paglabag at masasamang gawa sa aking puso. Pakiramdam ko tulad ako ng isang Fariseo, isang anticristo, na kay Satanas ako, isang tagasilbi na maaalis. Hindi ko lang maunawaan kung paano ko hinayaan ang sarili kong umabot sa puntong iyon. Sa aking pagsisisi, lumapit ako sa Diyos at nagsisi, sinasabing, “Diyos ko, nakagawa ako ng malaking kasamaan. Nagkasala ako sa Iyong disposisyon at dapat akong masumpa at maparusahan! Hindi ko hinihiling ang kapatawaran Mo, hinihiling ko lang na liwanagan Mo ako nang maunawaan ko ang aking satanikong kalikasan at makita ko ang katotohanan ng paggawa sa aking tiwali ni Satanas. Diyos ko, nais kong magsisi, maging matapat at matuwid.”

Sa mga sumunod na araw, nagsimula akong magnilay kung bakit ako umabot sa isang napakasamang lugar, at kung nasaan ang ugat ng problema. Isang beses ay nabasa ko ito sa aking mga debosyonal: “Kaya’t sa anong persona namumuhunan ang mga anticristo? Sino ang ipinagpapanggap nila? Ang kanilang pagpapanggap, siyempre, ay para sa kapakanan ng katayuan at reputasyon. Hindi ito maihihiwalay sa mga bagay na iyon, o kung hindi ay hindi nila magagawa ang gayong pagpapanggap—walang paraan para magawa nila ang ganoong kahangal na bagay. Sabihin na nga nating ang gayong asal ay itinuturing na kasisi-sisi, kamuhi-muhi at kasuklam-suklam, bakit ginagawa pa rin nila ito? Walang pagdududang may sarili silang mga pakay at motibasyon—may mga sangkot na layunin at motibasyon. Upang makakuha ng katayuan ang mga anticristo sa isipan ng mga tao, dapat maging mataas ang pagtingin ng mga taong ito sa kanila. At paano mapapaisip ng ganoon ang mga tao? Bukod pa sa panggagaya ng ilang pag-uugali at pagpapahayag na, sa mga kuru-kuro ng mga tao, ay pinaniniwalaang mabuti, ang isa pang aspeto ay ang paggaya rin ng mga anticristo sa mga partikular na pag-uugali at imahe na pinaniniwalaan ng mga tao na dakila at engrande, upang maging mataas ang pagtingin sa kanila ng iba(“Para sa mga Lider at Manggagawa, ang Pagpili ng Isang Landas ang Pinakamahalaga (18)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Anuman ang kinalalagyan, o saanman nila tinutupad ang kanilang tungkulin, nagpapakita ang mga anticristo ng kaanyuan na hindi mahina, na may marubdob na pagmamahal sa Diyos, puno ng pananampalataya sa Diyos, na hindi kailanman naging negatibo, ikinukubli sa iba ang totoong saloobin at ang totoong pananaw na pinanghahawakan nila sa kaibuturan ng kanilang puso patungkol sa katotohanan at sa Diyos. Sa katunayan, sa kaibuturan ng kanilang puso, talaga nga bang pinaniniwalaan nilang makapangyarihan sila sa lahat? Pinaniniwalaan ba talaga nilang wala silang anumang kahinaan? Hindi. Kaya, yamang alam nilang nagtataglay sila ng kahinaan, paghihimagsik, at mga tiwaling disposisyon, bakit sila nagsasalita at umaasal sa harapan ng iba sa ganoong paraan? Malinaw ang kanilang pakay: Ito ay upang protektahan lamang ang kanilang katayuan sa kalipunan at sa harapan ng iba. Naniniwala sila na kung, sa harapan ng iba, sila ay hayagang negatibo, hayagang nagsasalita ng mga bagay na mahihina, nagbubunyag ng paghihimagsik, at nagsasalita tungkol sa pagkakilala nila sa kanilang sarili, kung gayon, isa itong bagay na nakakasira sa kanilang katayuan at reputasyon, isa itong pagkatalo. Mas gugustuhin pa nilang mamatay kaysa sabihin na sila’y mahihina at mga negatibo, at na sila’y hindi perpekto, kundi isang ordinaryong tao lamang. Iniisip nila na kung aaminin nilang mayroon silang tiwaling disposisyon, na sila’y ordinaryong tao, isang maliit at walang-kabuluhang nilalang, kung gayon mawawala ang kanilang katayuan sa isip ng mga tao. Kaya’t anuman ang mangyari, hindi nila kayang bitiwan ang kanilang katayuan, kundi gagawin ang kanilang buong makakaya upang ilagay ito sa kasiguraduhan. Sa tuwing may nakakaharap silang suliranin, humahakbang sila nang pasulong—subalit kapag nakikita nilang maaari silang malantad, na mapaghahalata sila ng mga tao, daglian silang nagtatago. Kung may anumang oportunidad na magbago ng plano, kung may pagkakataon pa silang iparada ang kanilang sarili, nagpapanggap na sila’y eksperto, na alam nila ang tungkol sa bagay na ito, at nauunawaan ito, at kayang lutasin ang suliraning ito, nagmamadali silang sunggaban ang oportunidad na makuha ang pagpapahalaga ng iba, upang ipaalam sa kanila na bihasa sila sa larangang ito(“Para sa mga Lider at Manggagawa, ang Pagpili ng Isang Landas ang Pinakamahalaga (18)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Nais ng mga anticristong ito na gampanan ang papel ng mga espirituwal na tao, nais nilang maging mga matataas na tao sa kanilang mga kapatid, maging mga taong nagtataglay ng katotohanan, at nakauunawa sa katotohanan, at makatutulong sa mga mahihina at wala pa sa kahustuhan ang tayog. At ano ang kanilang pakay sa pagganap ng papel na ito? Una, pinaniniwalaan nila sa kanilang sarili na napagtagumpayan na nila ang laman, na nahigitan na nila ang mga makamundong alalahanin, na naalis na nila ang mga kahinaan ng normal na pagkatao, at nadaig ang mga pangangailangang panglaman ng normal na pagkatao; pinaniniwalaan nila na sila ang makagagawa ng mga mahahalagang gawain sa bahay ng Diyos, na maaaring maging maalalahanin sa kalooban ng Diyos, na ang pag-iisip ay puno ng mga salita ng Diyos. Iniistiluhan nila ang kanilang mga sarili bilang mga taong nakaabot na sa mga hinihinging pamantayan ng Diyos at nakapagbigay-lugod na sa Diyos, at maaaring maging maalalahanin sa kalooban ng Diyos, at maaaring magtamo ng magandang patutunguhan na ipinangako mismo ng bibig ng Diyos. Kaya’t madalas silang hambog, at iniisip nilang naiiba sila sa ibang tao. Gamit ang mga salita at pariralang kaya nilang tandaan at may kakayahan silang unawain sa kanilang isip, pinagsasabihan, kinokondena, at gumagawa ng mga konklusyon tungkol sa iba; gayundin, madalas nilang ginagamit ang mga pagsasagawa at kasabihang bunga ng imahinasyon ng kanilang sariling kuru-kuro upang makabuo ng konklusyon tungkol sa iba at turuan sila, upang mapasunod ang iba sa mga pagsasagawa at kasabihang ito, sa gayon ay nakakamit ang katayuang hinahangad nila sa mga kapatid. Iniisip nila na hangga’t kaya nilang sabihin ang mga tamang salita at parirala, at ang mga tamang doktrina, makasisigaw ng kaunting salawikain, makaaako ng bahagyang responsibilidad sa bahay ng Diyos, makagagawa ng ilang mahahalagang gawain, handang manguna, at magagawang panatilihin ang normal na kaayusan sa isang grupo ng mga tao, kung gayon, nangangahulugan iyon na sila’y espirituwal, at may kasiguraduhan na ang kanilang posisyon. Kaya’t habang nagpapanggap na espirituwal, at ipinagyayabang ang kanilang espirituwalidad, nagpapanggap din sila na makapangyarihan sa lahat at may kakayahan sa anumang bagay, isang perpektong tao, at iniisip nilang magagawa nila ang lahat ng bagay, at mahusay sila sa lahat ng bagay(“Para sa mga Lider at Manggagawa, ang Pagpili ng Isang Landas ang Pinakamahalaga (18)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw).

Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos kung bakit masyado akong mapagpaimbabaw at ipinapakita lang ang maganda kong ugali sa pagbabahagi, habang ginagawa ang lahat para itago ang aking pangit at masamang ugali nang walang makakita roon. Iyon ay para mapangalagaan ang puwang na hawak ko sa mga puso ng tao, para panatilihin ang imahe ko sa mga tao bilang isang matagal nang mananampalataya. Pagkatapos maiisip nila na espesyal ako sa tagal ng pananampalataya ko, kaiba sa ibang mga kapatid, na nauunawaan ko ang katotohanan at may taglay akong tayog, upang tingalain at hangaan nila ako. Napagtanto kong masyado akong mapagmataas, masama, at mapanlinlang! Akala ko matagal na akong mananampalataya at nauunawaan ko ang ilang mga doktrina, kaya inilagay ko sa pedestal ang aking sarili at nagpanggap na isa akong espirituwal na tao. Kulang ako ng realidad ng katotohanan at hindi ako tumuon sa paghahangad at paghahanap ng katotohanan. Ginamit ko lang ang doktrina, magandang asal, at ilang mababaw na sakripisyo para pagtakpan ang pangit na realidad na kulang ako sa realidad ng katotohanan. Hindi ko pinagnilayan at kinilala ang aking sarili nang matabas at maiwasto ako, at hindi ko hinimay ang aking mga problema at katiwalian. Itinago ko ang mga pangit kong motibo at tiwaling disposisyon nang walang makaalam ng tungkol sa mga ito, para protektahan ang aking posisyon at imahe. Anong kaibahan ng mga mapagpaimbabaw na pagpapahayag na ito sa pagpapahayag ng mga Fariseo na lumaban sa Panginoong Jesus? Pinagsabihan ng Panginoong Jesus ang mga Fariseo: “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka’t tulad kayo sa mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwa’t sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay na tao, at ng lahat na karumal-dumal. Gayon din naman kayo, sa labas ay nangag-aanyong matuwid sa mga tao, datapuwa’t sa loob ay puno kayo ng pagpapaimbabaw at ng katampalasanan(Mateo 23:27–28). “Kayong mga tagaakay na bulag na inyong sinasala ang lamok, at nilulunok ninyo ang kamelyo!(Mateo 23:24). Hindi ba’t parehong-pareho ako niyon? Mukha akong nagbabahagi ng aking karanasan, pero sinasabi ko lang ang mga bagay na nakikita ng lahat, pawang mga hungkag na doktrina, habang ikinukubli at ni minsan ay hindi binabanggit ang tunay kong mga saloobin, at yaong mga tiwali at masasamang bagay na nasa loob ko. Sa gayong paraan ay iisipin ng mga tao na kahit may katiwalian at pagkasuwail ako, mas mabuti pa rin ako sa ibang tao. Pinagtutuunan ko ang maliliit na bagay habang binabalewala ang malalaking bagay. Mukha akong mapagpakumbaba sa panlabas, pero sa loob, pinag-iingatan ko lang ang sarili kong pangalan at katayuan, pinag-iingatan ang imahe ko sa ibang tao. Masyado akong mapagpaimbabaw, mapandaya at mapanlinlang. Naloko ko ang lahat ng kapatid. Hindi ako isang mabuti at matuwid na tao o nananatili sa aking lugar bilang isang nilikha, at hindi ko nararanasan ang gawain ng Diyos mula sa perspektibo ng isang taong lubhang ginawang tiwali ni Satanas, tinatanggap ang paghatol, pagkastigo, pagtabas, at pagwasto ng Diyos para maalis ang aking katiwalian. Sa halip, ginagamit ko ang aking tungkulin para magpasikat, para itatag ang aking sarili at linlangin ang iba, nakikipagkompetensiya sa Diyos para sa Kanyang mga hinirang. Hindi ba’t iyon ang landas ng paglaban sa Diyos, ng pagiging anticristo? Isa iyong landas na hinatulan ng Diyos. Ako naman, maliban sa tagal kong mananampalataya, wala akong laban sa iba sa kakayahan at paghahangad ng katotohanan. Hindi ko taglay ang realidad ng katotohanan pagkatapos ng mahabang panahon, at hindi nagbago ang aking disposisyon sa buhay. Ako pa rin ang mapagmataas at paimportanteng imahe ni Satanas at wala akong prinsipyo sa aking tungkulin. Hindi lang ako nabigo sa pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos at pagdadakila sa Diyos, kundi hinadlangan ko ang aming gawain ng ebanghelyo. Sa haba ng panahon ng pagiging mananampalataya ko, talagang kahiya-hiya iyon. Pero inakala kong iyon ang puhunang magagamit ko para dakilain ang aking sarili at tingalain ako ng ibang tao. Wala ako sa katwiran, walang kahihiyan!

Nabasa ko itong sipi ng mga salita ng Diyos sa isa sa mga debosyonal ko: “Kung hindi hinahanap ng isang tao ang katotohanan, hindi niya iyon mauunawaan kailanman. Masasambit mo ang mga titik at doktrina nang sampung libong beses, ngunit mananatili pa ring mga titik at doktrina ang mga iyon. Sinasabi lamang ng ilang tao, ‘Si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.’ Ulit-ulitin mo man ang mga salitang ito nang sampung libong beses, wala pa ring silbi ang mga ito; hindi mo nauunawaan ang kahulugan nito. Bakit sinasabi na si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay? Maaari mo bang ipahayag ang kaalamang natamo mo tungkol dito mula sa karanasan? Nakapasok ka na ba sa realidad ng katotohanan, ng daan, at ng buhay? Binigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita upang maranasan mo ang mga ito at magtamo ka ng kaalaman; walang silbi ang isatinig lamang ang mga titik at doktrina. Makikilala mo lamang ang iyong sarili kapag naunawaan at napasok mo na ang mga salita ng Diyos. Kung hindi mo nauunawaan ang mga salita ng Diyos, hindi mo makikilala ang iyong sarili. Makakaunawa ka lamang kapag nasa iyo ang katotohanan; kung wala ang katotohanan, hindi ka makakaunawa. Lubos mo lamang mauunawaan ang isang bagay kapag nasa iyo ang katotohanan; kung wala ang katotohanan, hindi mo mauunawaan ang isang bagay. Makikilala mo lamang ang iyong sarili kapag nasa iyo ang katotohanan; kung wala ang katotohanan, hindi mo makikilala ang iyong sarili. Magbabago lamang ang iyong disposisyon kapag nasa iyo ang katotohanan; kung wala ang katotohanan, hindi maaaring magbago ang iyong disposisyon. Pagkatapos mapasaiyo ang katotohanan, saka ka lamang makapaglilingkod alinsunod sa kalooban ng Diyos; kung wala ang katotohanan, hindi ka makapaglilingkod alinsunod sa kalooban ng Diyos. Pagkatapos mapasaiyo ang katotohanan, saka mo lamang masasamba ang Diyos; kung wala ang katotohanan, magiging isang pagganap lamang ng mga ritwal ng relihiyon ang iyong pagsamba at wala nang iba. Lahat ng bagay na ito ay nakasalalay sa pagtatamo ng katotohanan mula sa mga salita ng Diyos(“Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Natulungan ako ng pagbabasa nito na mas malinaw pang maunawaan kung bakit tinahak ko ang maling landas ng paglaban sa Diyos tulad ng isang Fariseo. Iyon ay dahil kahit minsan ay hindi ko hinanap o isinagawa ang katotohanan sa nagdaang mga taon, at kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos, tumutuon lang ako sa literal na kahulugan nito. Hindi ako pumapasok o isinasagawa ang Kanyang mga salita, at wala akong anumang tunay na pagkaunawa sa katotohanan. Kaya siyempre, literal na doktrina lang ang kaya kong ipaliwanag. Sa aking pananampalataya, hindi ako umibig sa katotohanan o nauhaw sa mga salita ng Diyos, at halos hindi ko napayapa ang aking sarili sa harap ng Diyos para pagnilayan ang Kanyang mga salita, gaya ng kung anong aspeto ng katotohanan ang inihayag ng isang sipi, kung gaano karami ang naunawaan, isinagawa, at pinasukan ko, kung ano ang kalooban ng Diyos, o kung gaano kalaki ang nagawa ng mga salita Niya sa akin. Kapag may nangyayari, hindi ko sinusubukang isipin ang sarili kong kalagayan ayon sa mga salita ng Diyos upang pagnilayan ang personal kong mga problema at suriin kung anong klase ng katiwalian ang inilalantad ko, at kung anong uri ng maling mga kuru-kuro ang meron ako. Lagi ko lang ginagawang abala ang aking sarili, katulad ni Pablo, iniisip na magdusa para sa aking gawain at matugunan ang sarili kong mga ambisyon. Nagpahayag ang Diyos na nagkatawang-tao ng napakaraming katotohanan sa mga huling araw at detalyadong-detalyado Siyang nagbahagi ng lahat ng uri ng aspeto ng katotohanan. Nang sa gayon ay maintindihan natin ang katotohanan, maintindihan natin ang katotohanan ng paggawang tiwali sa atin ni Satanas, at magsisi at magbago tayo. Pero hindi ko sineryoso ang mga salita ng Diyos. Hindi ko binulay o hinanap ang mga iyon, at hindi ko pinag-isipang isagawa o pumasok sa mga iyon. Hindi ba’t taliwas na taliwas ito sa kalooban ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan? Hindi ba’t parehong-pareho ito sa landas na tinahak ng mga Fariseo at pastor ng relihiyon? Ang mahalaga lang sa mga Fariseo ay mangaral, magdusa sa kanilang gawain, at pag-ingatan ang kanilang mga posisyon. Hindi nila kailanman isinagawa ang mga salita ng Diyos at hindi nila nagawang ibahagi ang sarili nilang karanasan at pag-unawa sa mga salita ng Diyos. Hindi nila kayang akayin ang mga tao sa realidad ng katotohanan, kundi kaya lang nilang iligaw ang mga tao gamit ang literal na Kasulatan, kaalaman, at mga doktrina. Dahil doon, sila ay naging mga taong lumalaban sa Diyos. Hindi ko rin sinubukang isagawa ang katotohanan sa aking pananampalataya, bagkus ay sinunod lang ang ilang tuntunin. Hindi ako gumagawa ng matinding kasamaan o malalaking kamalian, mukha akong may magandang asal, at ibinabahagi ko kung ano ang mukhang tama sa mga pagtitipon, kaya akala ko ayos lang ang ginagawa ko sa aking pananampalataya. Pero napagtanto ko, hindi ba’t nagiging mapagpaimbabaw ako? Paano iyon naging tunay na pananampalataya sa Diyos? Kapag ipinagpatuloy ko ang ganoong klase ng pananampalataya, nang walang anumang realidad ng katotohanan, nang walang anumang pagbabago sa aking tiwaling disposisyon, hindi ba’t maaalis ako sa huli? Napuno ako ng pagsisisi at nagdasal ako sa Diyos, “Ayaw ko nang maging mapagpaimbabaw. Gusto kong hanapin ang katotohanan, tanggapin at magpasakop sa Iyong paghatol at pagkastigo, at baguhin ang aking sarili.”

Pagkatapos noon, nabasa ko itong sipi ng mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal: “Halimbawa, iniisip mo na sa sandaling magkaroon ka ng katayuan, kailangan mong magmukhang may awtoridad at magsalita sa isang partikular na paraan. Matapos mong mapag-isip-isip na ito’y isang maling paraan ng pag-iisip, dapat mo itong talikdan; huwag mong tahakin ang landas na iyon. Kapag may saloobin kang kagaya ng mga ito, dapat kang kumawala sa kalagayang iyon, at huwag pahintulutan ang iyong sarili na maipit dito. Sa sandaling maipit ka rito, at magkaanyo ang mga saloobin at pananaw na iyon sa loob mo, magbabalatkayo ka, babalutin mo ang iyong sarili, gagawin pa ito nang napakahigpit, upang walang sinuman ang makakakita pa sa iyo, o magkakaroon ng pandama sa iyong puso at isip. Makikipag-usap ka sa iba na para bang nasa likod ng isang maskara. Hindi nila magagawang makita ang iyong puso. Dapat mong matutuhang hayaan ang iba na makita ang iyong puso; matutuhang buksan ito sa kanila, at lumapit sa kanila—gawin mo lamang ang kabaligtaran. Hindi ba ito ang prinsipyo? Hindi ba ito ang landas sa pagsasagawa? Mag-umpisa mula sa iyong mga saloobin at kamalayan: Sa sandaling maramdaman mo na parang binabalot mo ang iyong sarili, dapat kang manalangin nang ganito: ‘O Diyos! Nais kong muling magbalatkayo, at muli na naman akong makagagawa ng mga pakana at panlilinlang. Tunay akong isang diyablo! Ginagawa Kitang mamuhi sa akin nang labis! Nasusuklam ako sa aking sarili sa kasalukuyan. Mangyaring disiplinahin ako, sisihin ako, at parusahan ako.’ Dapat kang manalangin at ilabas sa liwanag ang iyong saloobin. Sangkot dito kung paano ka nagsasagawa. Anong aspeto ng mga tao ang pinupuntirya ng pagsasagawang ito? Pinupuntirya nito ang mga kaisipan at ideya, at ang mga layunin na ibinunyag ng mga tao hinggil sa isang usapin, pati na ang landas na kanilang nilalakaran at ang direksiyon na kanilang tinatahak. Ibig sabihin, sa sandaling may naisip kang ideya at nais mong kumilos batay rito, dapat mong pigilan ang mga ito at pagkatapos ay suriing mabuti. Sa oras na pigilan at suriin mong mabuti ang iyong mga iniisip, hindi ba’t mababawasan nang husto ang pagpapahayag at pagkilos mo ng mga iniisip na iyon? Dagdag pa rito, hindi ba makararanas ng kabiguan ang mga tiwaling disposisyon na nasa iyong mas niloloob?(“Para Malutas ang Tiwaling Disposisyon ng Isang Tao, Dapat na Mayroon Siyang Tiyak na Landas ng Pagsasagawa” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Itinuro ng mga salita ng Diyos sa akin ang isang landas ng pagsasagawa. Para malutas ang aking pagiging mapagpaimbabaw at ang aking mapanlinlang at masamang satanikong disposisyon, kinailangan kong isagawa ang katotohanan at maging isang matapat na tao, matutong magsabi sa Diyos at magbigay ng taos-pusong pagbabahagi sa iba, at sa harap ng mga problema, ibahagi ang tunay kong pananaw at mga saloobin. Kapag gusto ko ulit maging mapagkunwari, kailangan kong manalangin sa Diyos, talikdan ang aking sarili, at gawin ang kabaligtaran niyon. Kailangan kong maging bukas, ihayag at himayin ang aking katiwalian, at hindi hayaang maghari ang aking satanikong disposisyon. Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Kung marami kang mga nakatagong kaalamang atubili kang ibahagi, kung lubos kang tutol na ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isang kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaahon mula sa kadiliman(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). Tapos ay naramdaman ko kung gaano kahalaga ang maging isang tapat na tao. Sa mahabang panahon ng aking pananampalataya, hindi ako nagsagawa o pumasok doon, gaano man kahalaga ang katotohanang iyon. Kaawa-awa iyon! Kaya nagdasal ako sa Diyos, handang magsisi, magsagawa ng katotohanan, at maging matapat na tao.

Mula noon, sa tuwing maririnig kong may magsasabing nauunawaan ko ang katotohanan at may tayog ako, naaasiwa at nahihiya ako. Hindi ko na iyon ikinasisiya tulad noon. Minsan may nakilala akong sister na nabalitaan na matagal na akong mananampalataya at kaya kong magdusa para sa aking tungkulin, at talagang hinangaan niya ako. Diretsahan niyang sinabi sa akin, “Sister, alam kong matagal ka nang mananampalataya, marami ka nang napakinggang sermon at naunawaang katotohanan. Talagang hinahangaan kita.” Natakot ako nang marinig kong sabihin niya iyon at kinilabutan ako. Agad kong ipinaliwanag ang totoo sa kanya, sabi ko, “Sister, hindi talaga iyon ganoon. Huwag mo lang tingnan ang panlabas. Matagal na akong sumasampalataya sa Diyos, pero kulang ako sa kakayahan, at hindi ko iniibig o hinahanap ang katotohanan. Gumawa lang ako ng ilang mabababaw na sakripisyo sa loob ng mga taon ko sa pananampalataya. Gumagawa ako ng ilang mabubuting bagay at kaya kong magsakripisyo, pero hindi ako naging maprinsipyo sa aking tungkulin at hindi ko masyadong nabago ang aking disposisyon sa buhay. Hindi ko nagampanan ang mga tungkulin na itinagubilin ng Diyos sa akin. Hindi ko isinaalang-alang ang kalooban ng Diyos o dinakila Siya, sa halip ay nilabanan ko ang Diyos at binigyan Siya ng kahihiyan.” Ibinahagi ko ito sa kanya pagkatapos: “Ang pananaw mo ay hindi nakaayon sa katotohanan. Huwag kang basta humanga sa mga tao, kundi tingnan mo ang mga tao at mga bagay batay sa mga katotohanan sa mga salita ng Diyos. Paano tinitingnan ng Diyos ang mga tao? Hindi mahalaga sa Kanya kung ilang taon na silang sumasampalataya, kung gaano sila katinding nagdusa at nagpalakad-lakad, o kung gaano karami ang kaya nilang ipangaral. Ang mahalaga sa Kanya ay kung hinahanap nila ang katotohanan, kung nagbago ang disposisyon nila, kung kaya nilang magpatotoo sa kanilang tungkulin. May mga bago sa pananampalataya na kayang hanapin ang katotohanan at pinagtutuunan nila ang kanilang pagsasagawa at pagpasok. Mabilis silang umuunlad. Mas magaling pa sila sa akin. Sila ang dapat mong hangaan sa pagiging masigasig at masikap sa paghahanap ng katotohanan, hindi ako sa pagiging matagal na mananampalataya o sa aking pagdurusa. Ang panahon ng isang tao sa pananampalataya ay ipinapasiya ng Diyos. Walang dapat hangaan doon. Kung hindi hinahanap ng isang matagal nang mananampalataya ang katotohanan at hindi nagbago ang kanilang disposisyon sa buhay, bagkus ay gumagawa lang sila ng mabababaw na mabuting gawa, Fariseo pa rin sila na nagliligaw ng tao. Kaya ang paghahanap ng katotohanan at pagkakaroon ng pagbabago sa disposisyon ang pinakamahahalagang bagay.” Mas naging panatag ako pagkatapos ng pagbabahaging iyon. Itinigil ko na ang pangungusap ng mga doktrina at pagyayabang sa mga pagtitipon pagkatapos noon, bagkus ay ibinabahagi ko lang ang pag-unawa ko sa aking sarili ayon sa mga salita ng Diyos. Ibinalita ko rin: “Bahagya pa lang akong nagtamo ng kaalaman sa aking sarili. Hindi pa ako nagbabago, at hindi pa ako nakakapagsagawa o nakakapasok dito.” Mababaw ang pagbabahagi ko, pero mas napanatag ako.

Sa pamamagitan ng karanasan ko, isang bagay ang natiyak ko at naranasan ko iyon nang matindi. Gaano man katagal na mananampalataya ang isang tao, gaano man sila kabuting tingnan, gaano man kaganda ang asal nila, gaano man sila katinding nagdurusa at gumagawa, kung hindi nila hinahanap ang katotohanan, hindi tinatanggap iyon at hindi nagpapasakop kapag hinahatulan, kinakastigo, tinatabas, at iwinawasto sila ng Diyos, kung hindi nila sinusubukang kilalanin ang kanilang mga sarili at pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos kapag dumarating ang mga problema, kung hindi nagbabago ang kanilang satanikong disposisyon, sila ay nasa landas ng mga Fariseo at anticristo. Sa sandaling dumating ang tamang pagkakataon, magiging anticristo at manlilinlang sila. Walang duda ito. Iyon ang hindi maiiwasang kalalabasan. Nakita ko kung gaano kahalaga na hanapin ng mga tao ang katotohanan, tanggapin at magpasakop sa paghatol, pagkastigo, at pagwasto ng Diyos upang mailigtas at mabago ang kanilang mga disposisyon! Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Walang Hanggang Pagdurusa

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Lahat ng kaluluwang ginawang tiwali ni Satanas ay nasa ilalim ng kontrol ng nasasakupan ni Satanas....